Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos

Mayroong karaniwang problema sa tiwaling disposisyon ng mga tao, isang karaniwang problema na umiiral sa pagkatao ng bawat tao, isang napakatinding problema. Ang karaniwang problemang ito ay ang pinakamahina, pinakanakamamatay na bahagi ng kanilang pagkatao, at sa kanilang kalikasang diwa, ito ang pinakamahirap na hukayin o baguhin. Ano ang problemang ito? Ito ay na ang mga tao ay palaging nagnanais na maging katangi-tangi, superhuman, perpektong tao. Ang mga tao mismo ay mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, mayroong mga tiwaling disposisyon, at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kakayahan sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man sila kapangkaraniwan, nais nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang sikat o katangi-tanging indibidwal, na gawing medyo tanyag na tao ang kanilang sarili, at ipaisip sa mga tao na perpekto sila at walang kapintasan, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang maging sikat, makapangyarihan, o dakilang tao, at gusto nilang maging napakalakas, kaya ang anumang bagay, nang walang hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila, kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kakayahan, mahina, at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. Ang ilang tao, kapag pinagawa ng isang bagay, ay nagsasabing alam nila kung paano ito gawin, kahit na sa katunayan ay hindi. Pagkatapos, palihim, sasaliksikin nila ito at susubukang matutuhan kung paano ito gawin, ngunit pagkatapos itong pag-aralan nang ilang araw, hindi pa rin nila nauunawaan kung paano ito gawin. Kapag tinanong kung kumusta sila rito, sinasabi nila, “Malapit na, malapit na!” Pero sa kanilang puso, naiisip nila, “Hindi ko pa nauunawaan, wala akong ideya, hindi ko alam kung ano ang gagawin! Hindi ako pwedeng magpahuli, dapat ituloy ko ang pagkukunwari, hindi ko maaaring hayaang makita ng mga tao ang aking mga pagkukulang at kamangmangan, hindi ko maaaring hayaang hamakin nila ako!” Anong problema ito? Isa itong impiyernong buhay na sinusubukang huwag mapahiya sa anupamang paraan. Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katinuan. Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o kahanga-hanga. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pang-unawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap. May ilang bulag sa lahat ng bagay, ngunit sinasabing sa puso nila ay nakakaunawa sila. Kapag hiniling mong ipaliwanag nila ito, hindi nila magawa. Matapos itong maipaliwanag ng iba, sinasabi nila na iyon nga rin sana ang sasabihin nila ngunit hindi nila iyon nasabi kaagad. Ginagawa nila ang lahat ng kaya nila para magpanggap at subukang magpakitang-gilas. Anong masasabi mo, hindi ba’t namumuhay ang gayong mga tao nang lumilipad ang isip? Hindi ba nangangarap sila nang gising? Hindi nila kilala kung sino sila mismo, ni hindi nila alam kung paano isabuhay ang normal na pagkatao. Ni minsan ay hindi sila kumilos na tulad ng praktikal na mga tao. Kung araw-araw ka na lang lutang mag-isip, iniraraos lang ang gawain, walang ginagawang anumang praktikal, at laging namumuhay nang ayon sa sarili mong imahinasyon, problema ito. Ang landas sa buhay na iyong pinili ay mali. Kung gagawin mo ito, paano ka man manalig sa Diyos, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo matatamo ang katotohanan. Sa totoo lang, hindi mo matatamo ang katotohanan, dahil mali ang simula mo. Kailangan mong matutuhan kung paano lumakad sa lupa, at paano lumakad nang matatag, sa paisa-isang hakbang. Kung kaya mong lumakad, lumakad ka; huwag mong subukang matutong tumakbo. Kung kaya mong lumakad sa paisa-isang hakbang, huwag mong subukang magdala-dalawang hakbang. Kailangan mong magpakatatag. Huwag mong subukang maging pambihirang tao, matapang, o matayog. Ang mga tao, na pinangungunahan ng kanilang satanikong disposisyon, ay nagkikimkim ng ilang ambisyon at pagnanasa sa loob nila, na nakatago sa loob ng kanilang puso. Ayaw nilang mamuhay nang praktikal, sa halip, lagi nilang gustong makipagsapalaran, upang makaalpas sa masyadong ordinaryong buhay. Hindi ba’t nananaginip sila? Nakatira ba ang mga tao sa panaginip? Iyan ang nasasakupan ni Satanas, hindi iyan lugar para sa mga tao. Nilalang ng Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa; Siya ang nagsanhi na mamuhay sila sa lupa, upang mamuhay nang normal at may mga panuntunan, upang matutunan ang karaniwang kaalaman sa kung paano umasal, upang matuto kung paano kumilos, kung paano mamuhay, at kung paano Siya sambahin. Hindi binigyan ng Diyos ng mga pakpak ang mga tao, at hindi Niya sila pinahihintulutang mamuhay sa himpapawid. Ang mga gumagala sa himpapawid ay si Satanas at lahat ng uri ng masasamang espiritu, hindi mga tao. Kung palaging may ganitong ambisyon ang mga tao, palaging nagnanais na maging superhuman, na maging ibang bagay, kung gayon ay naghahanap sila ng problema. Napakadaling mahumaling nang husto! Una, mali itong kaisipan at ideya mo. Nagmumula ito kay Satanas, ganap na lagpas sa realidad, hindi talaga umaayon sa mga hinihingi ng Diyos, at ganap na lagpas sa mga salita ng Diyos. Kaya ano ang kaisipang ito? Ito ay palaging pagnanais na maging malaya sa bulgaridad, na mamukod-tangi, na maging walang kapantay, na maging katangi-tangi at walang katulad, na maging matagumpay, maging tanyag at dakila, isang idolo sa puso ng mga tao—ito ba ang mga layon na dapat hangarin ng isang tao? Talagang hindi. Sa lahat ng salita ng Diyos, walang isa na nagsasabi sa mga tao na hangarin ang pagiging superhuman, malakas na tao, tanyag na tao, o dakilang tao. Walang totoo sa mga bagay na ito na nasa imahinasyon ng mga tao, walang umiiral sa mga ito. Ang hangarin ang mga bagay na ito ay ang paghukay ng sarili mong libingan—habang mas hinahangad mo ang mga ito, mas mabilis kang mamamatay. Ito ang daan tungo sa pagkawasak.

Yamang nakapagsabi na ang Diyos ng napakaraming salita, alam ba ninyo kung ano ang mga hinihingi Niya sa pag-uugali ng mga tao? (Nais Niyang umasal sila nang may konsiyensiya.) (Nais Niyang kumilos sila nang praktikal, masigasig, at hindi agaw-pansin.) Bagamat simple ang ilang salitang ito, hindi nakakamit ng karamihan sa mga tao ang mga ito; ang matatapat na tao lamang ang may kakayahan. Sa katunayan, paano man ninyo ipahayag ito, sa madaling salita, hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao. Tanging ang matatapat ang may kakayahang umasal nang may konsiyensiya, na maging praktikal habang kumikilos sila, na hindi maging agaw-pansin, at maging masigasig, kaya ang pagiging isang matapat na tao ay tama, at gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Kinamumuhian ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Ang mga hindi umaasal nang may konsiyensiya, mga hindi praktikal habang sila ay kumikilos, mga mapanlinlang. Naiintindihan ba ninyo kapag isinasalaysay ito sa ganitong paraan? Kaya sabihin muli sa Akin, bukod sa hinihinging maging matatapat na tao sila, ano pa ang ibang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Kailangan nilang magpakumbaba.) Sinasabi ninyo na “mapagpakumbaba,” ngunit makatwiran bang gamitin ang salitang ito upang ilarawan ang mga tao? (Hindi ito makatwiran.) Bakit hindi ito makatwiran? Ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ay walang katayuan sa simula; sa simula, sila ay likas na mas mababa kaysa sa mga uod, kung gayon, kakayanin pa ba nilang maging higit na mapagpakumbaba? Kung mas ibababa pa nila ang kanilang sarili, ano ang mangyayari sa kanila? Hindi ba’t magiging diyablo, o halimaw sila? Ang tao ay nilikha ng Diyos, at lahat ng nilikha ng Diyos ay may likas na gawi ng tao. Lahat ng tao ay may kakayahang makamit ang mga bagay na dapat nilang taglayin, na pawang bahagi ng kanilang normal na pag-uugali at pagpapamalas. Pag-usapan muna natin ang kaligayahan, galit, kalungkutan, at kagalakan, ilan sa mga damdaming taglay ng mga tao. Kapag namimighati o nalulungkot ang isang tao, ang pinakakaraniwang pagpapamalas ay ang pag-iyak. Ito ay isang likas na pagpapamalas ng normal na pagkatao. Kapag nalulungkot ka o nasasaktan, maaari kang umiyak, ibuhos ang iyong mga luha. Huwag magpanggap. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako umiiyak, isa akong malakas na lalaki, at ang mga tunay na lalaki ay hindi madaling umiyak!” Sinasabi ng ibang tao: “Bagamat babae ako, determinado ako. Dapat akong maging malakas tulad ng isang lalaki. Ako ay magiging isang bayani, hindi isang mahinang babae.” Tama ba ang ganitong uri ng pag-iisip? Anong uri ng pagkatao ito? Ito ay pagpapanggap; hindi ito totoo. Ang pagpapanggap ay hindi pagpapamalas ng normal na pagkatao. Sa halip, isa itong huwad na hitsura na ipinapakita sa iba, ganap na binabaluktot ang normal na pagkatao. Kaya’t kapag may isang bagay na dapat ikalungkot o ikabahala ang mga tao, kapag bumuntong-hininga sila, o kapag medyo seryoso ang kanilang ekspresyon, o kapag ayaw nilang kumain, ang lahat ng bagay na ito ay pagpapamalas ng normal na pagkatao, na hindi mapagtatakpan ng sinuman. Kapag nakatatagpo ang isang tao ng magandang bagay, ngumingiti siya, na isa ring normal na pagpapamalas. Mayroong ilang tao na hindi nangangahas tumawa nang malakas kapag nasisiyahan sila. Palagi nilang tinatakpan ang kanilang bibig para itago ang kanilang ngiti, palaging natatakot sa mga biro ng mga tao. Normal ba iyon? (Hindi ito normal.) Ito rin ay pagpapanggap. Iniisip nila na hindi maaaring tumawa ang mga babae kapag nasa publiko at nasa harap ng maraming tao, at lalong hindi nila pwedeng ipakita ang kanilang mga ngipin, kung hindi, hahamakin o mamaliitin sila ng mga tao, kaya dapat nilang pigilan ang kanilang sarili, at hindi sila maaaring maging hangal. Ito ang resulta ng tradisyonal na edukasyong pangkultura ng Tsina. Sa isang tao na ang kaligayahan, galit, kalungkutan, at kagalakan ay hindi normal, hindi makikita ng iba ang mga pagpapamalas o pangangailangan ng kanyang normal na pagkatao. Normal ba ang ganitong uri ng tao? (Hindi siya normal.) Hindi ba’t may isang bagay sa kanyang mga iniisip na nangingibabaw sa kanya? Masyado nang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Ganoon talaga iyon. Parang hindi sila mga tao, mas parang demonyo sila. Ito ang hitsura ng mga taong pinangingibabawan ng isang maladiyablong kalikasan. Napakahuwad nila, at masyado silang nagpapanggap. Bakit halos hindi nagbago ang mga taong nananalig sa Diyos sa loob ng ilang taon? Ang isang dahilan ay walang tamang kaalaman o malinaw na pag-unawa sa landas, mga prinsipyo, direksyon, at mga layon ng pagiging isang normal na tao ang mga tao, ni wala silang malinaw na pag-unawa sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang isa pang dahilan ay mangmang ang ganitong uri ng tao. Kahit na umabot siya ng apatnapu o limampung taong gulang, wala siyang alam tungkol sa kung paano maging isang matapat na tao, o kung aling mga kinakailangan ang dapat niyang matugunan upang maisabuhay ang normal na pagkatao. Ito ay dahil sobrang lalim nang nakaugat ang tradisyonal na kultura sa puso ng mga tao, at palagi nilang gustong magpanggap na sila ang mga banal, dakilang tao na inaakala nila, na nagiging sanhi na maunawaan nila ang mga bagay-bagay nang may kinikilingan, nang katawa-tawa, at kakaiba. Mayroon bang ganitong mga tao sa inyo? Ang ilang tao ay hindi kailanman nagbukas ng kanilang puso sa iba, ni hindi nila alam kung paano sabihin ang iniisip nila sa kanilang kaloob-looban. Para silang walang mga suliranin, na parang hindi sila naging negatibo o mahina kailanman, na parang hindi sila nagkaroon ng anumang paghihirap sa pagpasok sa buhay. Hindi nila kailangang maghanap ng anumang bagay, ni magbahagi sa iba, hindi rin nila kailangan ang pagbabahagi, panustos, pagsaklolo, o tulong ng sinuman. Tila ba nauunawaan nila ang lahat nang mag-isa, at kayang lutasin ang anumang bagay. Kapag may nagtatanong sa kanila kung naging negatibo na ba sila noon o hindi, sinasabi nila na: “Paminsan-minsan, negatibo ako, pero nananalangin lang ako sa Diyos, binubuo ang aking pasya, at nanunumpa, at pagkatapos ay ayos na ako.” Anong klaseng tao ito? Sa panlabas, maaaring tila hindi maraming ganoong tao, pero ang totoo, maraming tao ang nagtataglay ng ganitong mga kalagayan. Hanggang ngayon, hindi alam ng ganitong tao kung ano ang kabuluhan ng manalig sa Diyos. Iniisip nila na ang manalig sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagkilala sa Kanya at pagiging isang mabuting tao, at balang araw sila ay “magiging walang kamatayan at makakamit ang Daan” at papasok sa kaharian ng langit, gaya lang ng sinasabi ng mga Budista tungkol sa pagiging malaya sa mga hangarin at pagnanasa ng tao, o pagiging dalisay ng puso at pagkakaroon ng kakaunting hangarin. Masigasig silang gumagawa at gumugugol ng kanilang sarili sa ganitong direksyon, ngunit ito ba ay pananalig sa Diyos? Kahit ngayon, hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng manalig sa Diyos, ni hindi nila alam kung ano ang dapat nilang hangarin, o kung maging anong uri sila ng tao dapat. Gaano man karaming sermon sa katotohanan ang pinakikinggan nila, hindi nagbabago ang layon na hinahangad nila, ni nagbabago ang kanilang pananaw sa pananalig sa Diyos. Medyo mahirap ito! Kung hindi mo man lang naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng manalig sa Diyos, malalaman mo ba kung sino ang Diyos mo? Kung hindi mo man lang naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng manalig sa Diyos, magagawa mo bang hangarin ang katotohanan? Makapagmamahal ba ng katotohanan ang isang tao na talagang walang kaalaman sa pangitain ng pananalig sa Diyos? Ang mga hindi nakakaunawa sa pangitain ng pananalig sa Diyos ay yaong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan. Walang silbi na tanungin ang ganitong uri ng tao kung mahal nila ang katotohanan o hindi; hindi nila nauunawaan kung ano ang manalig sa Diyos o ang hangarin ang katotohanan. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Nananalig man sila sa Diyos sa loob ng tatlo o limang taon, sampu o walong taon, wala sa kanila ang nakakaunawa sa katotohanan. Ang alam lang nila ay na ang manalig sa Diyos ay ang maging mabuting tao, ang gumawa ng mabubuting bagay, ang maging mabait at mapagkawanggawa, at iniisip nila na isa itong marangal na paraan ng pamumuhay. Hindi ba’t masyadong mababaw at luma na ang pananaw na ito? Hindi ito tugma at ganap na walang kaugnayan sa mga katotohanan ng pananalig sa Diyos. Ang isang taong nananalig sa Diyos nang napakaraming taon, ngunit tinatrato pa rin ang usapin ng pananalig sa Diyos nang may mga pananaw, kaisipan, at pamamaraan ng mga hindi mananampalataya, ng mga Budista, at Taoista, na umaasa sa tradisyonal na mga kuru-kuro at imahinasyon upang tahakin ang landas ng pananalig sa Diyos, na nagkakamali sa kanyang paniniwala na dalisay ang kanyang pagkaunawa, na nag-iisip na ang pananalig sa Diyos nang ganito ay ang tanging paraan para hangarin ang katotohanan—hindi ba’t nagsisinungaling siya sa sarili niya?

Ang mga Tsino ay may tradisyonal na kultura ng Taoismo at Budismo sa kanilang kasaysayan. Sa ilalim nitong malaking tradisyonal na panlipunanang kasaysayan, napakahirap para sa mga Tsino na palayain ang kanilang mga kaisipan mula sa mga bagay na ito, kaya kapag binabanggit ng mga Tsino ang pananalig sa Diyos, ang una nilang naiisip ay ang mga pananaw ng Budista at Taoista sa pagiging vegetarian at pagdarasal kay Buddha, hindi pagpatay, pagbibigay ng limos at paggawa ng mabuti, pagtulong sa kapwa, hindi pag-atake o pagsigaw sa iba, hindi pagpatay o panununog, pagiging mabuting tao, atbp. Kung gayon, gaano katagal bago maalis ng isang tao ang mga bagay na ito at maunawaan ang tunay na kahulugan ng pananalig sa Diyos? Aling mga katotohanan ang kailangang hangarin ng isang tao na maunawaan upang lubusang mabago ang mga maling kaisipan at kuru-kurong ito, upang tuluyang maalis ang mga ito? Sa pamamagitan lamang ng tunay na pagkaunawa sa mga hinihingi ng Diyos at sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan makakatahak ang isang tao sa tamang landas ng pananalig sa Diyos; saka lang pormal na magsisimula ang kanyang buhay ng pananalig sa Diyos. Kung mayroon pa ring mga pyudal na pamahiin sa kanyang puso ang isang tao, o mga kuru-kuro, imahinasyon, at panuntunan ng tradisyonal na relihiyon, kung gayon, ang mga bagay na ito na itinatago niya sa kanyang puso ay ang mismong mga bagay na kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos nang higit sa lahat. Dapat niyang hanapin ang katotohanan, tukuyin ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay ganap na isuko ang mga ito. Ang gayong mga tao lamang ang nagmamahal sa katotohanan, sila lamang ang makakatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Tiyak ito. Kung hindi mo ibinabatay ang iyong pananalig sa Diyos sa katotohanan ng Kanyang mga salita, hindi mo kailanman matatamo ang Kanyang mga pagpapala. Sa sandaling nakatuntong na sa tamang landas ng pananalig sa Diyos ang isang tao, kapag nalampasan na niya ang pasimulang iyon, may pagbabago sa kanyang panloob na kalagayan. Una, hindi ilusyon, kundi totoo, ang kanyang mga kaisipan at pananaw. Ang kanyang kalagayan, mga kaisipan, at ideya ay hindi walang kabuluhan, bagkus ay naaayon sa katotohanan, ganap na umaayon ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Ang layon at direksyon na hinahangad niya ay hindi pangdoktrina, ni hindi ito di-naaabot o di-nakikita, sa halip, isa itong positibong bagay, alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at pinupuri ng Diyos. Ang kanyang buong kalagayan, mga kaisipan, at kanyang mga ideya ay lahat praktikal at totoo. Nananalig ka sa Diyos ngayon, kaya nasaan ang isip mo? Kung ang mga ito ay lumulutang pa rin sa himpapawid, nang walang tumpak na direksyon, kung marami pa ring kaisipan na hindi tumutugma sa realidad, at maraming walang kabuluhan, pangdoktrinang kaisipan, nang may kung anu-anong ideya, kuru-kuro, at imahinasyon ng tao, kung gayon ay namumuhay ka pa rin sa isang pantasya, at hindi ka pa nakababa sa lupa. Lubha itong mapanganib, dahil ang iniisip, ang ginagawa, at mga layon na hinahangad mo sa iyong puso ay walang kinalaman sa katotohanan ng pananalig sa Diyos o sa mga hinihingi ng Diyos—ni katiting ay wala itong kinalaman. Kaya ano ang batayan mo sa pagkilos? Kumikilos ka batay sa mga buod na karanasan ng tao, sa mga makamundong pilosopiya, pati na sa mga bagay na natutuhan mo mula sa lipunan, sa iyong pamilya, at sa lahat ng uri ng mga sitwasyon, at sa mga bagay na inaakala mo at ibinubuod sa iyong isipan. Halimbawa, kapag may nangyayari sa iyo, kumilos ka sa paraang sa tingin mo ay dapat mong gawin, at iniisip mo na ang paggawa nang gayon ay naaayon sa katotohanan, at na ang iniisip mong tama at positibo ay ang katotohanan. Isang araw, kapag naharap ka sa isang balakid o naiwasto, mapagtatanto mo na ang iyong mga kilos, kaisipan, at ideya ay pawang mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, na sa diwa ay hindi tugma sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, bago nakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos ang isang tao, ang maraming bagay na kanilang ginagawa ay walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Nagmumula ang mga ito sa isipan at imahinasyon ng mga tao, o sa kanilang mga kagustuhan, kasigasigan, at lakas ng loob, o sa kanilang mabubuting hangarin at inaasam, o maging sa kanilang mga mithiin. Ang lahat ng bagay na ito ay ang pinagmumulan at pinanggagalingan ng mga kilos ng mga tao.

Pagdating naman sa mga kalagayan na dapat taglayin ng isang tao para makapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, mayroong pamantayan, na kung saan dapat silang magkaroon ng normal na kalagayan habang dinaranas ang mga salita ng Diyos. Ang ilang tao ay namumuhay na sa ganitong kalagayan, habang ang iba ay hindi pa nakapasok dito, o paminsan-minsan ay mayroon nito, ngunit pagkaraan ng ilang panahon, bumabalik sila sa dati nilang kalagayan. Ano ang kalagayang ito? Ito ay kapag, pagkatapos dumaan ang isang tao sa isang panahon kung saan umaasa siya sa kanyang kasigasigan, mga kagustuhan, kuru-kuro, at imahinasyon, bigla niyang napagtatanto na hindi tama ang manalig sa ganitong paraan, na hindi niya makakamit ang katotohanan, at na ang manalig nang ganito ay walang kabuluhan at hindi makatotohanan. Napagtatanto niya na noon pa man ay isa na siyang nilikha, na dapat siyang maging isang tunay na nilikha, at taos-pusong gawin ang tungkulin ng isang nilikha nang buong puso at lakas. Pagkatapos ay sinisimulan niyang gawin ang mga bagay nang praktikal, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin nang may buong katapatan. Habang ginagawa niya ang mga bagay-bagay, nagsisimula siyang magnilay-nilay at maghangad kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, kung paano palugurin ang kalooban ng Diyos, at kung paano matatanggap ng Diyos. Hindi siya kumikilos batay sa kanyang mga kuru-kuro, imahinasyon, o kagustuhan. Sa puntong ito lamang nagkakaroon ang mga tao ng pagnanais na palugurin ang Diyos at suklian ang pagmamahal Niya. Sa puntong ito, nagsisimula siyang hanapin ang katotohanan, hanapin ang kalooban ng Diyos, at simulang tugunan ang Kanyang mga hinihingi. Kapag mayroon ka ng pagnanais na ito, kapag mayroon kang normal na kalagayan sa puso mo, sa isang banda, nakatayo ka sa nararapat mong lugar at nagiging isang tunay na nilikha. Sa kabilang banda, na siyang pangunahin, tunay mong natanggap mula sa kaibuturan ng puso mo na ang Diyos ay ang Panginoon at ang Diyos mo, at tinanggap mo na ang lahat ng salita ng Diyos, at nakita mo na ang mga iyon ang katotohanan. Nagagawa mo rin na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at nagawa mong maging buhay realidad mo ang mga salita ng Diyos, na nagbibigay-daan sa iyo na makamit ang katotohanan at buhay. Kapag mayroon kang ganitong kalooban at hangarin, gayundin ang pangangailangang tanggapin ang salita ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa iyo, at kapag nais mong magpasakop sa Diyos at palugurin ang Kanyang kalooban, magsisimulang magbago ang kalagayan ng buhay mo. Simula sa puntong ito, lalakad ka patungo sa tamang landas ng pananalig sa Diyos.

Ang mga salitang ito na kababahagi Ko lang, sa kabuuan, ay napakasimple; iyon ay, kapag nagsimula ang isang taong makilala na siya ay isang nilikha, bubuo ang taong iyon ng mga pag-asang maging isang tunay na nilalang na nilikha upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Kasabay nito, tatanggapin din ng gayong mga tao ang Diyos bilang kanilang Panginoon at Diyos at hahangarin nilang masunod ang lahat ng mga hinihingi ng Diyos, pati na rin ang Kanyang panuntunan. Samakatuwid ay titigil sila sa pagkilos nang walang pakundangan, at hahanapin ang mga layunin ng Diyos at hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng kanilang ginagawa. Hindi na nila basta gagawin ang anumang nais nila o gawin ang mga bagay ayon sa kanilang sariling mga plano. Sa halip na umasa sa kanilang sariling mga ideya para kumilos, magsisimula sila na palaging nasa kanilang mga saloobin ang Diyos, at ang kanilang pansariling nais ay bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng aspeto, sumunod sa katotohanan at tugunan ang mga hinihingi ng Diyos sa kanilang mga kilos. Ang mga taong nasa gayong kalagayan ay walang alinlangang nagsimula nang matutong maghanap ng katotohanan, isagawa ang katotohanan, at pumasok sa katotohanang realidad. Kung ikaw ay nasa gayong kalagayan at may gayong kalooban, natural na sisimulan mong matutuhan kung paano hanapin ang kalooban ng Diyos, at magsisimulang hanapin kung paano hindi ilagay sa kahihiyan ang ngalan ng Diyos, kung paano dakilain ang Diyos, kung paano matakot sa Diyos, at kung paano bigyang-kasiyahan ang Diyos; sa halip na bigyang-kasiyahan ang pansarili mong mga pagnanais o bigyang-kasiyahan ang iba, sinusubukan mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Kapag pumasok ang isang tao sa ganitong kalagayan, siya ay namumuhay sa presensiya ng Diyos, at hindi na siya pinangungunahan ng kanyang tiwaling disposisyon. Kapag pumasok ka sa kalagayang ito, ang mga bagay na iniisip mo sa iyong mga pansariling hangarin ay positibo. Kahit na paminsan-minsan kang nagpapakita ng tiwaling disposisyon, malalaman mo ito, at magagawa mong pagnilayan ang sarili at hanapin ang katotohanan upang malutas ito. Kaya, bagamat mayroon ka pa ring tiwaling disposisyon, hindi na magagawang pangunahan ng iyong tiwaling disposisyon ang lahat sa iyo, para kontrolin ka. Sa panahong ito, hindi ba’t sumasaiyo ang kataas-taasang kapangyarihan ng katotohanan ng salita ng Diyos? Hindi ba’t namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos? Nagagawa ba ninyong lahat na tulutan ang katotohanan na gumamit ng awtoridad sa puso ninyo? Nakadepende ito sa kung mayroon kayong kagustuhan na hangarin ang katotohanan o wala. Kung malinaw na nauunawaan ng isang tao ang maraming katotohanan, likas na gagamit ng awtoridad ang katotohanan sa puso niya. Kung hindi niya gaanong nauunawaan ang katotohanan, o mayroon siyang napakaraming lason ni Satanas, hindi magkakaroon ng awtoridad ang katotohanan sa puso niya. Maraming tao ang handang isagawa ang katotohanan, pero kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi sinasadyang nagpapakitang-gilas sila, naghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, walang pagpipigil o kontrol, at hinahayaan nilang bumuhos ang kanilang tiwaling disposisyon. Anong kalagayan ito? Ito ay kapag masyadong kaunti ang nauunawaan ng isang tao sa katotohanan, napakaliit ng kanyang tayog, at hindi niya kayang daigin ang laman o ang impluwensya ni Satanas. Napakahirap para sa ganitong uri ng tao na bigyang-daan ang katotohanan na gumamit ng awtoridad sa puso niya. Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang simpleng bagay, at kung walang kahit ilang taon na karanasan, napakahirap na lutasin ang problema ng tiwaling disposisyon. Halimbawa, ang ilang tao ay labis na mapanlinlang, kailanman ay hindi nila sinasabi kung ano ang nasa kaloob-looban nila, at hindi sila makapagsabi ng kahit isang totoong salita. Ano man ang kanilang tinatalakay o gaano man karaming salita ang sinasabi nila, hindi sila nagsasalita nang malinaw, palaging pasikot-sikot, at hindi nila kontrolado ang kanilang sarili. Sa harap ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at sa harap ng kanilang kasuklam-suklam, satanikong kalikasang diwa, ibinubunyag ng mga tao ang sarili nila na sobrang hamak, mahina, walang kapangyarihan, at lubos na walang magawa, kaya madalas silang nagkakasala, nagkakamali, at mga pasibo. Ano ang nangyayari dito? (Hindi sila nakatahak tungo sa tamang landas ng pananalig sa Diyos.) Hindi sila nakatahak tungo sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at ano ang ipinahihiwatig niyon? (Hindi pa nila nauunawaan na sila ay mga nilikha, at na ayaw nilang magpasakop o magbigay-kasiyahan sa Diyos.) Ito ay bunga ng hindi paghahangad sa katotohanan. Kayo ay nasa ganitong sitwasyon, kaya masasabi ba ninyong hindi pa kayo nakapagsimulang pumasok sa katotohanang realidad? (Hindi pa kami nakapapasok.) Ang isang tao ba na hindi nakapasok sa katotohanang realidad ay maituturing na nakapagkamit ng katotohanan? (Hindi.) Ang isang tao ba na hindi nakapagkamit ng katotohanan ay nagtataglay ng katotohanan sa kanyang puso? (Hindi.) Kung wala ang katotohanan, hindi ba’t kumikilos ang mga tao batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon? Upang makagawa ng ilang positibong bagay habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, ano ang dapat taglayin ng isang tao? Hindi ba’t dapat niyang maunawaan ang katotohanan? Kung hindi naisasagawa ng isang tao ang katotohanan habang ginagawa ang kanyang tungkulin, sa halip ay alam lamang kung paano kumilos sa sarili niyang kagustuhan, anong katangian iyon? Hindi ba’t paggawa ng serbisyo ito? Katumbas ito ng pagkuha ng Diyos ng isang hindi mananampalataya para magserbisyo sa Kanya. Kung hindi ka naghahangad sa katotohanan o pumapasok sa katotohanang realidad, ikaw ay nagseserbisyo. Sa palagay ba ninyo ay gustong makita ng Diyos ang mga taong nais Niyang iligtas na nagseserbisyo lamang sa Kanya, nang hindi nagsasagawa ayon sa Kanyang mga salita para makamit ang kaligtasan? (Hindi Niya ito gusto.) Bakit hindi Niya ito gusto? (Nilikha ng Diyos ang tao upang makamit Niya sila.) Tama iyan, nilikha ng Diyos ang tao upang ipamalas ang Kanyang sarili, at lalong higit para makamit sila. Bakit hindi nasisiyahan ang Diyos kung nagseserbisyo lamang ang mga tao sa Kanya? (Dahil ang mga kilos ng mga tao ay hindi ang gusto ng Diyos.) Ano pala ang gusto ng Diyos? (Gusto ng Diyos ang sinseridad ng mga tao.) Ang pagseserbisyo ba sa Diyos ay hindi sinseridad mismo? Tunay man at taos-puso ang pagseserbisyo mo, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, kahit na magserbisyo ka sa buong buhay mo, hindi mo makakamit ang katotohanan. Kung hindi mo nakakamit ang katotohanan, nangangahulugan iyon na hindi mo nakakamit ang Diyos, at hindi ka nakakamit ng Diyos, kaya walang halaga o kabuluhan ang pagseserbisyo mo. Ilang taon ka mang magserbisyo, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi ka makakamit ng Diyos, ibig sabihin, lumalaban ka pa rin sa Diyos. Sino ang nagsasanhi nito? Ito ay sanhi ng hindi pagsusumikap na makipagtulungan ng mga tao mismo, ng hindi paghahangad sa katotohanan ng mga tao mismo; iyon lang ang ugat. Mula sa praktikal na aspeto ng mga bagay-bagay, paano maipaliliwanag ang hindi pagkamit ng Diyos ng isang tao? Ito ay dahil palagi silang may sariling mga intensiyon habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at hindi nila iniaalay ang kanilang puso sa Diyos, kaya hindi nakabaling sa Kanya ang puso nila, ni para sa Kanya ang puso nila. Hindi nila isinasaalang-alang ang Kanyang kalooban, lalong hindi sinisikap na palugurin Siya sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang tungkulin. Ang pinakasimpleng paliwanag ay na hindi sinsero sa Diyos ang taong ito, kaya talagang wala nang pag-asa sa kanya. Sinusuri ng Diyos ang mga tao upang makita kung taos-puso silang nananalig sa Kanya o hindi; ninanais Niya ang kanilang sinseridad. Ano ang ibig sabihin ng pagiging sinsero? (Ang magkaroon ng isang pusong bumabaling sa Diyos, isang pusong nagpapasakop sa Diyos.) Tama iyan. Kung ang isang tao ay walang pusong bumabaling sa Diyos, na nagpapasakop sa Kanya, matatawag ba siyang isang mabuting tao? Magugustuhan kaya ng Diyos ang gayong tao? Maisasagawa ba ng isang tao na hindi kaisa sa isip ng Diyos ang katotohanan? Mayroon ba kayong pusong nagpapasakop sa Diyos? Kaya ba ninyong maging tapat sa Diyos sa lahat ng bagay? Bumabaling ba sa Diyos ang puso ninyo? Ang sabihing wala man lang kayong sinseridad ay magiging hindi makatarungan sa inyo, ngunit ang sabihing tunay kayong napopoot kay Satanas, na kaya ninyong talikdan si Satanas at tuluyang bumaling sa Diyos, ay magiging mali rin. Hinihingi nitong magkaroon kayo ng pusong nagpapasakop sa Diyos, na hangarin ninyo ang katotohanan, at kamtin ang pagkaunawa sa higit pang katotohanan. Anong uri ng puso ang nais ng Diyos na taglayin ng mga tao? Una, dapat matapat ang pusong ito, at dapat nilang magawa nang may konsiyensiya ang kanilang tungkulin sa praktikal na paraan, magawang itaguyod ang gawain ng iglesia, na wala nang diumano’y “matataas na ambisyon” o “matatayog na mithiin.” Ang bawat hakbang ay nag-iiwan ng bakas habang sinusundan at sinasamba nila ang Diyos, umaasal sila bilang mga nilikha; hindi na nila hinahangad na maging isang pambihira o dakilang tao, lalo na ang maging isang partikular na kapaki-pakinabang na tao, at hindi nila sinasamba ang mga nilikha sa mga banyagang planeta. Bukod dito, dapat mahal ng pusong ito ang katotohanan. Ano ang pangunahing kahulugan ng pagmamahal sa katotohanan? Nangangahulugan ito ng pagmamahal sa mga positibong bagay, pagpapahalaga sa katarungan, at kakayahan na taos-pusong igugol ang iyong sarili para sa Diyos, tunay na mahalin Siya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya. Siyempre, matutupad mo lamang ang mga bagay na ito pagkatapos mong maunawaan ang katotohanan. Ang taong may ganitong uri ng puso ay isang taong may normal na pagkatao. Ang isang taong may normal na pagkatao ay dapat magkaroon ng konsiyensiya at katwiran kahit papaano. Paano mo malalaman kung nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran ang isang tao? Kung ang kanyang pananalita at kilos ay karaniwang naaayon sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran, kung gayon, mula sa pananaw ng tao, siya ay isang mabuting tao, at isa siyang taong natutugunan ang tamang pamantayan. Kung nauunawaan din niya ang katotohanan at kumikilos siya ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay natutupad niya ang mga hinihingi ng Diyos, na mas mataas kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya at katwiran. Sinasabi ng ilang tao: “Ang tao ay nilikha ng Diyos. Binigyan tayo ng Diyos ng hininga ng buhay, at ang Diyos ang nagtutustos sa atin, nagpapalakas sa atin, at umaakay sa atin na lumaki tayo sa hustong gulang. Ang mga taong may konsiyensiya at katwiran ay hindi maaaring mamuhay para sa kanilang sarili o para kay Satanas; dapat silang mamuhay para sa Diyos, at gawin ang kanilang tungkulin.” Totoo ito, ngunit isa lamang itong malawak na balangkas, isang inisyal na gawa. Tungkol naman sa mga detalye ng kung paano mamuhay para sa Diyos sa realidad, may kinalaman dito ang konsiyensiya at katwiran. Kaya paano namumuhay ang isang tao para sa Diyos? (Gawin nang maayos ang tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha.) Tama. Ngayon, ang ginagawa lang ninyo ay tuparin ang tungkulin ng tao, pero ang totoo, para kanino ninyo ito ginagawa? (Para sa Diyos.) Ito ay para sa Diyos, ito ay pakikipagtulungan sa Kanya! Ang atas na ibinigay ng Diyos sa inyo ay tungkulin ninyo. Ito ay nakatadhana, paunang itinakda, at pinamumunuan Niya, o sa madaling salita, ang Diyos ang nagbibigay ng gampaning ito sa iyo, at nais Niyang tapusin mo ito. Kaya paano mo maaasahan ang iyong konsiyensiya para matapos at magawa ito nang maayos? (Kailangan naming ibuhos ang lahat ng aming pagsisikap.) Kailangan ninyong ibuhos ang lahat ng inyong pagsisikap, na isang pagpapamalas ng pagtitiwala sa inyong konsiyensiya. Bukod pa rito, dapat ninyong gamitin ang buong puso ninyo at tuparin ang inyong mga responsabilidad—huwag maging pabasta-basta rito. May inaasahan sa atin ang Diyos at nasa atin ang halaga ng Kanyang puspusang pagsisikap. Dahil sa paunang itinakda ng Diyos na dapat nating tuparin ang responsabilidad na ito at gawin ang tungkuling ito, hindi Siya dapat madismaya, mabigo, o malungkot dahil sa atin. Dapat nating gawin nang maayos ang ating tungkulin, at bigyan ang Diyos ng perpekto, kasiya-siyang tugon. Umaasa tayo sa Diyos para sa bagay na hindi natin nagagawa, mas natututo tayo tungkol sa ating mga propesyon, at higit tayong naghahangad sa mga katotohanang prinsipyo. Binibigyan tayo ng Diyos ng buhay, kaya dapat nating gawin nang maayos ang ating tungkulin; sa bawat araw na nabubuhay tayo, dapat nating gawin ang tungkulin sa araw na iyon. Dapat nating gawing pangunahing misyon ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, gawing numero unong bagay sa buhay natin ang paggawa ng ating tungkulin upang matapos ito nang maayos. Bagamat hindi natin hinahangad ang pagiging perpekto, maaari tayong magsikap tungo sa katotohanan, at kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, upang mapalugod natin ang Diyos, mapahiya si Satanas, at wala tayong pagsisisihan. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga mananampalataya sa Diyos sa kanilang tungkulin. Kapag nabuhay ka nang apatnapu o limampu—o kahit pitumpu o otsenta—kapag nagbalik-tanaw ka sa mga bagay na ginawa mo noong bata ka pa at mangmang, makikita mo na kahit na nagkaroon ka ng napakakaunting taon, ginawa mo ang lahat nang may buong puso at lakas; palagi kang kumilos batay sa iyong konsiyensiya, hindi mo binigo ang Diyos, hindi Siya nadismaya o nalungkot dahil sa iyo, at sa puso mo ay tinanggap mo ang pagsisiyasat at pagsusuri ng Diyos. Kapag naisakatuparan na ang lahat ng ito at ibinigay mo sa Diyos ang iyong natapos na pagsusulit, sasabihin ng Diyos: “Bagamat hindi mahusay ang ginawa mo, at pangkaraniwan ang iyong mga resulta, ginamit mo naman ang lahat ng iyong lakas, at hindi mo pinabayaan ang iyong tungkulin.” Hindi ba’t pagkilos ito batay sa iyong konsiyensiya? Kaya kapag madalas na nagbubunyag ng katiwalian ang mga tao, mayroong mga pansariling pagpili, pagnanais, at kagustuhan, kahit hanggang sa puntong lubusan na nilang nilalabag ang pamantayan ng kanilang konsiyensiya, at nawawala ang kanilang normal na pagkatao, ano ang dapat gawin? Dapat kang manalangin sa Diyos at talikdan ang iyong sarili, hindi mo maaaring pahintulutan ang mga bagay na iyon na hadlangan ka o kontrolin ang iyong konsiyensiya at katwiran. Kapag nagagawang pangunahan ng iyong konsiyensiya ang iyong mga kilos, ang iyong kabuhayan, at ang iyong buhay, magiging madali para sa iyo na madaig ang makasariling pagnanais ng laman, at makakamit mo ang aspetong ito ng katotohanan. Ito ang pinakamaliit na dapat na mayroon ka. Tungkol naman sa kung anong uri ng puso ng tao ang nais ng Diyos, ilang aspeto ang kasasabi Ko lang? (Tatlong aspeto: isang matapat na puso, isang pusong nagmamahal sa katotohanan, at pagkakaroon ng konsiyensiya at katwiran.) Sa loob ng isang matapat na puso at isang pusong nagmamahal sa katotohanan ay may ilan pang detalye, dapat ninyong pagnilayan ito at ibuod ito kalaunan. Sa pinakamababa, ang dapat taglayin ay ang konsiyensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao. Kung ang isang tao ay walang konsiyensiya o katwiran, mawawala ang kanyang normal na pagkatao, wala siyang magagawa nang maayos, wala siyang anumang maisasakatuparan, at sa huli, tuluyan siyang mabibigo. Subalit kung mayroon lang siyang konsiyensiya at katwiran, kung namumuhay siya batay sa kanyang konsiyensiya at hindi gumagawa ng anumang masama, katumbas ba ito ng pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Matatamo ba niya ang papuri ng Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay batay sa kanyang konsiyensiya at katwiran lamang? Talagang hindi.

Ang pagpasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos ay nangangailangan din na magtaglay ka ng may takot sa Diyos na puso. Una, kung katayuan ang pag-uusapan, ang mga tao ay mga nilikha, at napakababa; ang Diyos ang Lumikha, ang Kataas-taasan. Kung katwiran ng tao ang pag-uusapan, ano ang kailangang gawin ng mga tao para magkaroon ng takot sa Diyos? Halimbawa, may nangyari sa iyo, at iniisip mo na ang pagkilos sa isang paraan ay salungat sa katotohanan, pero hindi mo alam kung ano ang dapat mong gawin upang makaayon sa kalooban ng Diyos. Kung mayroon kang may takot sa Diyos na puso, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang manalangin sa Diyos, hanapin ang katotohanan, hanapin ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at pagkatapos ay kumilos. Kung ang isang tao ay walang may takot sa Diyos na puso, paano siya kikilos? Gagawin niya ang anumang gusto niya, iniisip na: “Sabagay, mabuti naman ang intensiyon ko, kaya ayos lang kung gagawin ko ito.” Hindi niya ginagawa ang ipinapayo ng iba, hindi rin siya nakikinig sa sinuman; nagpapasya siyang gawin ang anumang plano niya para sa kanyang sarili, at walang sinumang makakapigil sa kanya. Isa ba itong taong may takot sa Diyos na puso? (Hindi.) May ilang tao na, bagamat alam nila na gusto ng Diyos ang matatapat na tao at na hindi sila makakapagsinungaling, iniisip pa rin nila na sa ilang bagay, kung sasabihin nila ang totoo, mapapahiya sila, mawawalan sila ng pakinabang, at baka hindi mapanatili ang kanilang katayuan. Paulit-ulit silang nag-iisip at nagsisinungaling pa rin, iniisip na: “Wala namang mangyayari kung magsisinungaling nang isang beses, at hindi naman ako palaging nagsisinungaling. Kahit na magsinungaling ako, wala akong nakikitang kahihinatnan, kaya kung magsisinungaling akong muli, ayos lang iyon.” Pagkatapos itong kalkulahin, nagpapasya silang kumilos, at wala silang nararamdamang paninisi sa puso nila, ni ayaw nilang manalangin at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Isa ba itong taong may takot sa Diyos na puso? (Hindi.) Kaya kung mayroong isang taong may takot sa Diyos na puso, paano siya kikilos? (Hindi siya kikilos nang walang ingat o sutil.) Ang dalawang salitang ito ay medyo angkop. Kaya paano mo isasagawa ang hindi pagkilos nang walang ingat at sutil? (Dapat tayong magkaroon ng pusong naghahanap.) Kapag nahaharap sa isang problema, totoong naghahanap ng sagot ang ilang tao mula sa iba, pero kapag nagsasalita ang ibang tao ayon sa katotohanan, hindi nila iyon tinatanggap, hindi sila makasunod, at sa puso nila, iniisip nilang, “Di hamak na mas magaling ako kaysa sa kanya. Kung makikinig ako sa mungkahi niya sa pagkakataong ito, hindi ba magmumukhang mas magaling siya sa akin? Hindi, hindi ako maaaring makinig sa kanya tungkol sa bagay na ito. Gagawin ko na lang ito sa aking paraan.” Pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan at palusot para kontrahin ang pananaw ng ibang tao. Anong uri ng disposisyon ito kapag may nakita ang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanya at sinusubukan niya siyang pabagsakin, nagkakalat ng mga tsismis tungkol sa kanya, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan siya at isabotahe ang kanyang reputasyon—inaapakan pa ang kanyang pagkatao—para maprotektahan ng taong ito ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao? Hindi lang ito kayabangan o pagiging palalo, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang malisyosong disposisyon. Mapaminsala at masama na nagagawa ng taong ito na batikusin at ihiwalay ang mga taong mas mahusay at mas malakas kaysa sa kanya. At ipinapakita ng hindi niya pagtigil hanggang sa mapabagsak ang mga tao kung gaano siya kademonyo! Dahil namumuhay siya ayon sa disposisyon ni Satanas, malamang na maliitin niya ang mga tao, subukang isangkalan sila, at pahirapan sila. Hindi ba ito paggawa ng masama? At habang namumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos ang lagay niya, na mabuti siyang tao—subalit kapag may nakita siya na taong mas magaling kaysa sa kanya, malamang na pahirapan niya ito, na tapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong kayang gumawa ng ganoong masasamang gawa ay mga imoral at matitigas ang ulo? Ang mga gayong tao ay iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang damdamin, at ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanasa, ambisyon, at mithiin. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi nila iniintindi ang kalooban ng Diyos. May takot sa Diyos na puso ba ang gayong mga tao? Wala man lang silang takot sa Diyos na puso. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang kalikasan ng ganoong pag-uugali? Sa mas magaang na salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na paghahangad para sa pansariling kasikatan at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at taksil. Sa mas masakit na pananalita, ang diwa ng problema ay ang gayong mga tao ay wala man lang takot sa Diyos na puso. Hindi sila takot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila na bawat aspeto ng kanilang sarili ay mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ay hindi karapat-dapat banggitin at hindi mahalaga, at wala man lang anumang mataas na katayuan ang Diyos sa kanilang puso. Maisasagawa ba ang katotohanan ng mga walang puwang ang Diyos sa puso nila, at ng mga walang takot sa Diyos na puso? Hinding-hindi. Kaya, kapag karaniwan ay masaya silang kumikilos at pinananatiling abala ang kanilang sarili at gumugugol ng matinding lakas, ano ang ginagawa nila? Sinasabi pa ng mga taong ito na tinalikuran na nila ang lahat upang gumugol para sa Diyos at nagdusa na sila nang malaki, ngunit ang totoo, ang motibo, prinsipyo, at layon ng lahat ng kilos nila ay para sa sarili nilang katayuan at reputasyon, para maprotektahan ang lahat ng interes nila. Masasabi ba ninyo o hindi ninyo masasabing masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng mga tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit wala namang takot sa Diyos na puso? Hindi ba’t mapagmataas sila? Hindi ba’t si Satanas sila? At anong mga bagay ang pinakawala sa walang takot sa Diyos na puso ? Bukod sa mga halimaw, ito ay ang masasama at ang mga anticristo, ang kauri ni Satanas at ng mga diyablo. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan; wala silang anumang takot sa Diyos na puso. Kaya nilang gumawa ng anumang kasamaan; sila ang mga kaaway ng Diyos, at ang mga kaaway ng Kanyang mga hinirang na tao.

Sa aling mga bagay ng inyong pang-araw-araw na buhay kayo mayroong takot sa Diyos na puso? At sa aling mga bagay kayo walang takot sa Diyos na puso? Nagagawa mo bang kamuhian ang isang tao kapag napapasama niya ang loob mo o naaapektuhan ang iyong mga interes? At kapag kinamumuhian mo ang isang tao, kaya mo bang parusahan siya at maghiganti? (Oo.) Kung gayon, lubha kang nakakatakot! Kung wala kang takot sa Diyos na puso, at nakagagawa ng masasamang bagay, kung gayon, napakalubha nitong masamang disposisyon mo! Ang pagmamahal at pagkamuhi ay mga bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao, ngunit kailangan mong makita nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong minamahal at ng iyong kinamumuhian. Sa puso mo, dapat mong mahalin ang Diyos, mahalin ang katotohanan, mahalin ang mga positibong bagay, at mahalin ang iyong mga kapatid, samantalang dapat mong kamuhian ang diyablong si Satanas, kamuhian ang mga negatibong bagay, kamuhian ang mga anticristo, at kamuhian ang masasamang tao. Kung nagagawa mong pigilan at gantihan ang iyong mga kapatid dahil sa galit, lubhang nakakatakot iyan, at iyan ang disposisyon ng isang masamang tao. Ang ilang tao ay mayroon lamang kapoot-poot na mga saloobin at ideya—masasamang ideya, pero hinding-hindi sila gagawa ng anumang masama. Hindi masasamang tao ang mga ito dahil kapag may nangyayari, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan, at binibigyang-pansin nila ang mga prinsipyo sa kung paano sila umasal at humarap sa mga bagay-bagay. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, hindi sila humihingi sa mga ito ng labis sa nararapat; kung nakakasundo nila nang maayos ang tao, patuloy silang makikipag-ugnayan dito; kung hindi nila nakakasundo, hindi sila makikipag-ugnayan. Halos hindi ito nakakaapekto sa pagganap ng kanilang tungkulin o sa kanilang pagpasok sa buhay. Ang Diyos ay nasa puso nila at mayroon silang takot sa Diyos na puso. Ayaw nilang magkasala sa Diyos, at natatakot silang gawin iyon. Bagama’t maaaring magkimkim ang mga taong ito ng ilang maling saloobin at ideya, nagagawa nilang ayawan at talikuran ang mga iyon. Nakakapagpigil sila sa kanilang mga kilos, at hindi bumibigkas ng isang salita na hindi naaangkop, o nagkakasala sa Diyos. Ang isang taong nagsasalita at kumikilos sa ganitong paraan ay isang taong mayroong mga prinsipyo at nagsasagawa ng katotohanan. Ang iyong personalidad ay maaaring hindi tugma sa personalidad ng ibang tao, at maaaring ayaw mo sa kanya, ngunit kapag kasama mo siyang gumagawa, nananatili kang walang pinapanigan at hindi mo ibubunton ang mga pagkadismaya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, o ilalabas ang mga pagkadismaya mo sa mga interes ng pamilya ng Diyos; mapapangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Ano ang ipinamamalas nito? Ito ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos na puso. Kung mayroon kang higit pa riyan, kapag nakita mo na may ilang kakulangan o kahinaan ang ibang tao, kahit na napasama niya ang loob mo o nagkaroon siya ng pagkiling laban sa iyo, may kakayahan ka pa ring tratuhin siya nang tama at mapagmahal siyang tulungan. Ang ibig sabihin nito ay may pagmamahal ka, na ikaw ay isang taong nagtataglay ng pagkatao, na ikaw ay isang taong mabait at kayang magsagawa ng katotohanan, na ikaw ay isang matapat na taong nagtataglay ng mga katotohanang realidad, at na ikaw ay isang taong may takot sa Diyos na puso. Kung maliit pa rin ang iyong tayog ngunit mayroon kang kahandaan, at handa kang magpunyagi para sa katotohanan, at magsikap gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, at nagagawa mong harapin ang mga bagay-bagay at pakitunguhan ang iba nang may prinsipyo, maituturing din ito na pagkakaroon ng takot sa Diyos na puso kahit papaano; pinakabatayan ito. Kung hindi mo man lang magawang makamit ito, at hindi magawang mapigilan ang sarili, nasa malaking panganib ka at talagang nakatatakot. Kung ikaw ay mabigyan ng posisyon, maparurusahan mo ang mga tao at mapahihirapan sila; malamang na magiging anticristo ka sa anumang sandali. Mabuti o masama man ang isang tao, paano man siya nananalig sa Diyos o ano man ang landas na tinatahak niya, mabubunyag siya paglipas ng ilang taon. Dapat mo siyang pakitunguhan nang may prinsipyo, kahit ano pa ang kalalabasan niya, kung dapat ba siyang parusahan o gantimpalaan—nasa Diyos na iyon. Hangga’t nagagawa mong tukuyin at pakitunguhan siya ayon sa mga prinsipyo, ayos na iyon. Kahit sino pa ang kaharap mo, hangga’t hindi pa nagpapasya ang Diyos kung ano ang kahihinatnan ng gayong mga tao, hindi pa siya pinapaalis, at hindi pa siya pinarurusahan ng Diyos, at inililigtas siya, dapat matiyaga mo siyang tulungan, dahil sa pagmamahal; hindi mo dapat alamin ang kahihinatnan ng gayong mga tao, ni hindi ka dapat gumamit ng mga pamamaraan ng tao upang parusahan sila. Kung nagpapakita sila ng mga katiwalian, maaari mong iwasto o pungusan ang gayong mga tao, o maaaring buksan mo nang matapat ang puso mo at makipagbahaginan ka sa kanila. Gayunman, kung binabalak mong parusahan, layuan, at pagbintangan ang mga taong ito, sinusubukang itama ang mga mali sa ngalan ng Kalangitan, magkakaproblema ka. Magiging kaayon ba ng katotohanan ang paggawa niyon? Ang pagkakaroon ng gayong mga ideya ay manggagaling sa pagiging mainitin ang dugo; ang mga ideyang iyon ay nagmumula kay Satanas at nanggagaling sa hinanakit ng tao, pati na rin sa inggit at pagkamuhi ng tao. Ang gayong pag-uugali ay hindi umaayon sa katotohanan. Ito ay isang bagay na magbababa ng paghihiganti sa iyo, at hindi mo ito dapat gawin. Kaya ba ninyong mag-isip ng iba-ibang paraan para parusahan ang mga tao dahil ayaw ninyo sa kanila o dahil hindi ninyo sila makasundo? Nagawa na ba ninyo ang gayong uri ng bagay dati? Gaano karami nito ang nagawa ninyo? Hindi ba ninyo hinahamak palagi ang mga tao nang di-tuwiran, nagbibitaw ng masasakit na salita, at nagiging mapanuya sa kanila? Ano ang mga kalagayan ninyo habang ginagawa ninyo ang gayong mga bagay? Noon, bumubulalas kayo, at masaya kayo; nakaisa kayo. Gayunman, pagkatapos, naisip ninyo sa inyong sarili, “Kasuklam-suklam ang ginawa ko. Wala akong takot sa Diyos na puso, at hindi naging patas ang pagtrato ko sa taong iyon.” Sa kaibuturan mo, nakonsiyensiya ka ba? (Oo.) Bagama’t wala kang takot sa Diyos na puso, kahit paano ay may konsiyensiya kayo. Sa gayon, kaya mo pa rin bang gawing muli ang ganitong klaseng bagay sa hinaharap? Magagawa mo pa bang atakihin at paghigantihan ang mga tao sa tuwing namumuhi ka sa kanila at hindi mo sila makasundo, o tuwing hindi sila sumusunod o nakikinig sa iyo? Anong klaseng pagkatao ang taglay ng isang taong gumagawa ng gayong bagay? Kung ang kanyang pagkatao ang pag-uusapan, siya ay mapaminsala. Kung isusukat batay sa katotohanan, wala siyang takot sa Diyos na puso. Sa kanyang pananalita at kilos, wala siyang mga prinsipyo; walang pakundangan siyang kumikilos, sinasabi at ginagawa ang anumang gustuhin niya. Nagtataglay ba ng mga katotohanang realidad ang gayong mga tao? Siyempre hindi; ang sagot ay “hindi,” isang daang porsyento. Tunay bang makakapagpasakop sa Diyos at makakasamba sa Kanya ang isang taong walang takot sa Diyos na puso? Talagang hindi.

Sinasabi ng ilang tao: “Kapag nakikita kong dumarating ang mga sakuna, madalas akong nananalangin sa Diyos, hindi ako nangangahas na iwanan ang Diyos sa anumang sandali, at hinihiling ko ang patnubay at proteksyon ng Diyos. Habang naglalakad ako sa kalsada nang mag-isa sa gabi, kapag nanganganib ako, lagi akong umaasa sa Diyos, hindi ako nangangahas na iwanan Siya, at hinihiling ko sa Kanya na tulungan ako. Kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, walang tigil na nananalangin ang puso ko sa Diyos at humihiling sa Kanya ng mga bagay-bagay, upang hindi Niya ako hayaan na maging pabasta-basta, at upang Siya ang mamuno. Sinubukan ko na noon, at kung hindi gumagawa ang Diyos, wala akong kayang gawin, at ako mismo ay walang-wala.” Isa ba itong taong may takot sa Diyos na puso? (Hindi.) Isa bang pagkakamali na umasa sa Diyos? Mali bang humingi ng proteksyon sa Diyos? Ang mga salitang binigkas dito ay hindi mali, ngunit hindi normal ang ganitong uri ng kalagayan. Nangangahulugan ito na natatagpuan mo lamang ang Diyos dahil walang sumusuporta sa iyo at wala kang mapupuntahan, napipilitan ka at wala kang magagawa sa bagay na ito, at gusto mong gamitin ang Diyos para gumawa ng mga bagay-bagay para sa iyo, upang maisakatuparan ang mga layon mo. Iyon ba ay pagkatakot sa Diyos? Sa sandaling wala ka nang mga problema, tuluyan mo nang makakalimutan ang Diyos. Kapag masayang-masaya ka, kapag puno ka ng tagumpay, kapag mas mataas kaysa sa iba ang katayuan mo kaya pinupuri at sinasamba ka ng lahat, bakit hindi ka rin umaasa sa Diyos sa gayong mga pagkakataon? Bakit hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos o hinahanap ang Kanyang patnubay? Bakit hindi mo tinatanong ang Diyos kung ang lahat ng ginagawa mo ay umaayon sa Kanyang kalooban? Kapag gumagawa ka ng masama, kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili, bakit hindi mo tinatanong ang Diyos kung umaayon ba ito o hindi sa kalooban Niya? Bakit hindi ka nagninilay-nilay sa sarili, o umaasa sa Diyos para mapigilan ang sarili mo? Anong klaseng problema ito? Ano ang tawag sa lahat ng kalagayang ito? Ang kawalan ng takot sa Diyos na puso. Magagawa ba nang maayos ng isang taong walang takot sa Diyos na puso ang kanyang tungkulin? Maaari ba siyang maging isang tunay na mabuting tao? Makakapasok ba siya sa katotohanang realidad? (Hindi.) Talagang hindi siya makakapasok. Kung walang takot sa Diyos na puso, talagang hindi niya magagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, ni maisasagawa ang katotohanan o makapagpapasakop sa Diyos, kahit na gusto niya. Kung walang takot sa Diyos na puso, hindi madaling isagawa ang katotohanan. Kung nais niyang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin, tiyak na magkakaroon ng napakaraming paghihirap at kaguluhan, at hindi niya matagumpay na maisasagawa ang katotohanan. Ngayon, kailangan ninyong patahimikin ang puso ninyo at mag-isip sandali. Batay sa inyong kasalukuyang tayog, napakahirap pa rin para sa inyo na magawa ang inyong tungkulin nang pasok sa pamantayan, dahil ang karamihan sa inyo ay may pagkaunawa lamang sa mga salita at doktrina at sa mga panuntunan, at nagtataglay ng ilang personal na hangarin, mithiin, at pagkasabik. Ngunit ang inyong pinagmumulan at ang inyong mga pamantayan ng pagsasagawa ay hindi nakatatag sa pundasyon ng salita ng Diyos. Hindi pa rin kayo tunay na nakapasok sa katotohanang realidad; sinusunod lamang ninyo ang mga panuntunan. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, magiging lubhang mapanganib para sa inyo sa hinaharap. Kung nananalig kayo sa Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan o nagpapasakop sa Diyos, sa malao’t madali, kayo ay mapapalayas. Kung tunay o hindi tapat na nananalig ang isang tao ay hindi nakakalkula batay sa dami ng taon; dahil lang sa nananalig ka sa Diyos nang maraming taon, sa mahabang panahon, ay hindi nangangahulugan na tunay kang nananalig, at na sasang-ayunan ka ng Diyos. Sa huli, hindi kikilalanin ng Diyos ang mga taong hindi nagsasagawa ng katotohanan. Ibubunyag Niya ang mga ito at palalayasin. Dapat ninyong maunawaan ito.

Kakatapos lang natin magbahaginan sa apat na kondisyon na dapat matugunan upang makatuntong sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Ngunit may isa pang pangwakas na kondisyon, na siyang pinakamahalaga sa lahat, at ito rin ang madalas ninyong sinasabi. Pag-isipan sandali kung ano ito. (Ang mahalin ang Diyos.) Sa ngayon, hindi natin tatalakayin ang pagmamahal sa Diyos, na karamihan sa mga tao ay nagkukulang. Pag-usapan natin ang isang bagay na mas praktikal at totoo, na kinasasangkutan ng katotohanan na talagang kayang ipamuhay ng mga tao. (Ang magpasakop sa Diyos.) Tama. Ito ay ang pagkakaroon ng sumusunod sa Diyos na puso. Kadalasan, kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa mga tao, talagang hindi nila alam ang mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa, ni hindi nila alam kung aling direksyon ang haharapin o kung aling layon ang gagawin. Ngunit mayroong isyu rito sa kanilang saloobin at kalagayan: Dapat silang magkaroon ng sumusunod sa Diyos na puso. Ito ang pinakakinakailangang taglayin ng mga tao. Halimbawa: May nangyayari sa iyo, at hindi mo alam ang gagawin mo, ni hindi mo pa narinig na may nagsabi kung ano ang dapat gawin. Ang bagay na ito ay maaaring hindi naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, at maaaring hindi talaga ito ang nais mo; kaya may kaunting pagtutol sa puso mo, at medyo masama ang loob mo. Kaya, ano ang dapat mong gawin? May isang pinakasimpleng paraan para magsagawa—ang magpasakop muna. Ang pagpapasakop ay hindi isang panlabas na pagkilos o pagsasabi, ni hindi ito isang pagpapahayag sa salita—may isang kalagayan na nakapaloob dito. Dapat ay pamilyar kayo rito. Batay sa inyong sariling tunay na mga karanasan, sa tingin ninyo, paano nagsasalita, kumikilos, at nag-iisip ang mga tao, at anong kalagayan at saloobin ang mayroon sila, kapag tunay silang nagpapasakop? (Sa mga bagay na hindi pa nila nauunawaan, isinasantabi muna nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hinahanap nila ang katotohanan at ang kalooban ng Diyos. Kung hindi pa rin sila nakakaunawa pagkatapos maghanap, natututo silang maghintay sa tiyempo ng Diyos.) Ito ay isang aspeto nito. Ano pa? (Kapag tinatabasan at iwinawasto sila, hindi sila nangangatwiran o sumusubok na ipagtanggol ang kanilang sarili.) Ito ay isa pang aspeto ng kalagayang ito. Bagamat hindi harap-harapang nangangatwiran o nagtatanggol ng kanilang sarili ang ilang tao, puro sila reklamo at wala silang kasiyahan. Hindi nila ito sinasabi sa iyo nang harapan, pero walang ingat silang nagsasalita kapag nakatalikod ka na, kung saan-saan nagkakalat ng kwento. Ito ba ay mapagpasakop na saloobin? (Hindi.) Kaya ano ba mismo ang isang mapagpasakop na saloobin? Una, kailangan mong magkaroon ng positibong saloobin: Kapag tinatabasan at iwinawasto ka, hindi mo muna sinusuri ang tama at mali—tinatanggap mo lang ito, nang may pusong nagpapasakop. Halimbawa, maaaring may magsabi na may ginawa kang mali. Bagamat hindi mo nauunawaan sa puso mo, at hindi mo alam kung ano ang ginawa mong mali, tinatanggap mo pa rin ito. Ang pagtanggap ay pangunahin na isang positibong saloobin. Bukod pa rito, mayroong isang saloobin na bahagyang mas pasibo—ang manatiling tahimik at huwag gumawa ng anumang pagtutol. Anong uri ng mga pag-uugali ang may kinalaman dito? Hindi ka nangangatwiran, nagtatanggol sa iyong sarili, o gumagawa ng mga obhektibong dahilan para sa sarili mo. Kung palagi kang nagdadahilan at nangangatwiran para sa sarili mo, at ipinapasa ang responsabilidad sa ibang tao, pagtutol ba iyon? Iyon ay isang disposisyon ng paghihimagsik. Hindi ka dapat tumanggi, lumaban, o mangatwiran. Kahit na tama ang pangangatwiran mo, iyon ba ang katotohanan? Isa iyong obhektibong dahilan ng tao, hindi ang katotohanan. Ngayon, hindi Ako nagtatanong sa iyo tungkol sa mga obhektibong dahilan—kung bakit nangyari ang mga bagay-bagay, o kung paano nagkaganito. Sa halip, sinasabi Ko na ang kalikasan ng mga kilos mo ay hindi naaayon sa katotohanan. Kung mayroon kang kaalaman sa ganitong antas, talagang magagawa mong tumanggap at hindi lumaban. Ang pagkakaroon muna ng mapagpasakop na saloobin kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay ang pinakamahalaga. May ilang tao na palaging nangangatwiran at nagtatanggol ng sarili pagkatapos nilang maharap sa pagtatabas at pagwawasto: “Hindi lang ako ang dapat sisihin dito, kaya paanong ako ang pinananagot dito? Bakit walang nagsasalita para sa akin? Bakit ako lang ang umaako ng responsabilidad para dito? Talagang isa itong uri ng sitwasyon na ‘lahat ay umaani ng mga pakinabang, ngunit isang tao lamang ang nasisisi.’ Napakamalas ko!” Anong klaseng emosyon ito? Ito ay paglaban. Bagamat sa panlabas ay tumatango-tango sila at umaamin sa kanilang pagkakamali, at sinasabi nilang tinatanggap nila ito, nagrereklamo sila sa puso nila, “Kung iwawasto mo ako, sige gawin mo, pero bakit kailangan mong magsalita nang napakalupit? Pinupuna mo ako sa harap ng napakaraming tao, ano na lang ang mukhang ihaharap ko? Hindi mo ako iwinawasto nang may pagmamahal! Maliit lang ang pagkakamali ko, kaya bakit ang dami-dami mong sinasabi?” Kaya, nilalabanan at tinatanggihan nila ang pagtratong ito sa puso nila, matigas na kinokontra ito, at sila ay hindi makatwiran at mahilig makipagtalo. Ang isang taong may ganitong mga kaisipan at damdamin ay malinaw na mapanlaban at antagonistiko, kaya paano siya magkakaroon ng tunay na mapagpasakop na saloobin? Kapag nahaharap sa pagtatabas at pagwawasto, anong mga kilos ang bumubuo sa isang bukas at mapagpasakop na saloobin? Kahit paano, dapat rasonable ka at nagtataglay ng katwiran. Dapat ka munang magpasakop, at hindi mo dapat labanan o tanggihan ito, at dapat tratuhin mo ito nang may katwiran. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng pinakabatayan na antas ng katwiran. Kung nais mong matamo ang pagtanggap at pagpapasakop, dapat mong maunawaan ang katotohanan. Hindi simpleng bagay na maunawaan ang katotohanan. Una, dapat mong tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos: Kahit papaano, dapat mong malaman na ang maiwasto at matabasan ay isang bagay na pinahihintulutan ng Diyos na mangyari sa iyo, o na nagmumula ito sa Diyos. Ganap man na makatwiran o hindi ang pagwawasto at pagtatabas, dapat kang magtaglay ng bukas at mapagpasakop na saloobin. Isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at kasabay nito, ito ay pagtanggap din sa pagsisiyasat ng Diyos. Kung mangangatwiran ka lang at ipagtatanggol ang sarili mo, iniisip na ang pagtatabas at pagwawasto ay nagmumula sa tao at hindi sa Diyos, kung gayon ay mali ang pagkaunawa mo. Una, hindi mo tinanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, at pangalawa, wala kang mapagpasakop na saloobin o mapagpasakop na pag-uugali sa sitwasyong itinakda ng Diyos para sa iyo. Ito ay isang taong hindi nagpapasakop sa Diyos. Ang ilang tao ay hindi tumatanggap sa katotohanan o nagninilay-nilay sa sarili kapag nahaharap sila sa pagtatabas at pagwawasto; bulag lang silang sumusunod sa mga panuntunan. Malinaw na lumalabag sa mga prinsipyo ang kanilang mga kilos, at isinisisi nila ang lahat kay Satanas. Sinasabi nilang: “Nararapat lang ito! Sino ang nagpahintulot sa matandang Satanas na ito na bulag na ipakita ang sarili nito, bulag na kumilos, bulag na gambalain ang mga bagay-bagay, at bulag na lumikha ng mga kaguluhan? Si Satanas ay dapat iwasto, tabasan, at lubusang ipahiya nang sa gayon ay hindi na ito makapagpapakita pa ng mukha! Dapat managot si Satanas dito; wala itong kinalaman sa akin! Dapat isisi ang lahat kay Satanas!” Pagkatapos, matutuwa ang puso nila, at iisipin nilang nagtagumpay sila laban kay Satanas. Hindi ba’t kalokohan ang ganitong pag-iisip? Malinaw na sila mismo ang may ginawang mali, at sinasabi nilang si Satanas ang gumawa niyon. Kaya, sila ba talaga ang may mali, o si Satanas? (Sila mismo ang may ginawang mali.) Nauunawaan ba talaga nila na sila si Satanas? (Hindi.) Kaya, kay Satanas ba talaga sila napopoot, o sa kanilang sarili? Hindi nila sinasabi nang malinaw. Sa madaling salita, ang isang taong hindi tumatanggap ng pagtatabas o pagwawasto ay isang taong hindi talaga nagpapasakop sa Diyos. Ang pagpapasakop ang pinakamahirap na aral na matututuhan. Para sa karamihan ng mga tao, kapag may nangyayari sa kanila na naaayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at naaayon sa kanilang sariling kagustuhan, napakaganda ng pakiramdam nila, kaya’t nasisiyahan silang magpasakop, at maayos ang takbo ng lahat. Panatag at payapa ang kanilang puso, at sila ay masaya at nagagalak. Pero kapag nahaharap sila sa isang bagay na hindi naaayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro, o isang bagay na hindi nakabubuti sa kanila, hindi sila makapagpasakop kahit alam nilang dapat. Nakararamdam sila ng sakit, wala silang magawa kundi magdusa nang tahimik, at nahihirapan silang pag-usapan ang kanilang mga paghihirap. Nalulumbay sila, at napupuno ng mga hinaing na hindi nila mailabas, kaya’t nagngingitngit ang puso nila: “Tama ang iba. Mas mataas ang katayuan nila kaysa sa akin; paanong hindi ko magawang makinig sa kanila? Mabuti pang tanggapin ko na lang ang kapalaran ko. Kailangan kong maging mas maingat sa susunod at hindi mangahas—ang mga taong nangangahas ay iwinawasto. Hindi madali ang pagpapasakop. Napakahirap nito! Nabuhusan ng isang balde ng malamig na tubig ang apoy ng aking kasigasigan. Nais kong maging simple at bukas, ngunit ang naging resulta ay paulit-ulit kong nasasabi ang maling bagay, at palagi akong naiwawasto. Sa hinaharap, tatahimik na lang ako, at magiging mapagpalugod ng tao.” Anong klaseng saloobin ito? Ito ay napakalaking pagbabago. Ano ang pinakalayon ng Diyos sa pagtulot sa mga tao na matutunan ang aral ng pagpapasakop? Gaano man karaming pagkakamali at pasakit ang dinaranas mo sa panahong iyon, gaano ka man ipinahihiya, o gaano man kalaki ang pinsalang dinanas ng iyong imahe, banidad, o reputasyon, hindi pangunahin ang lahat ng ito. Ang pinakamahalagang bagay ay ang baguhin ang kalagayan mo. Anong kalagayan? Sa normal na mga sitwasyon, umiiral ang isang uri ng mapagmatigas at mapaghimagsik na kalagayan sa kaibuturan ng puso ng mga tao—na ang pangunahing dahilan nito ay, sa kanilang mga puso, mayroon silang isang partikular na uri ng lohika ng tao at kalipunan ng mga kuru-kuro ng tao, na: “Hangga’t tama ang aking mga layunin, hindi mahalaga kung ano ang kalabasan: hindi mo ako dapat iwasto, at kapag ginawa mo iyon, hindi ko kailangang sumunod.” Hindi sila nagninilay-nilay kung naaayon ba ang kanilang mga kilos sa mga katotohanang prinsipyo, o kung ano ang mga kahihinatnan ng mga ito. Ang lagi nilang pinaninindigan ay, “Hangga’t mabuti at tama ang aking mga layunin, dapat akong tanggapin ng Diyos. Kahit pa hindi maganda ang kalabasan, hindi mo ako dapat tabasan o iwasto, lalong hindi mo ako dapat kondenahin.” Ganito ang katwiran ng tao, hindi ba? Mga kuru-kuro ito ng tao, hindi ba? Laging nakapako ang isip ng tao sa sarili niyang pangangatwiran—may pagpapasakop ba rito? Ginawa mong katotohanan ang sarili mong pangangatwiran at isinantabi ang katotohanan. Naniniwala ka na iyong umaayon sa iyong pangangatwiran ang siyang katotohanan, at iyong hindi umaayon ay hindi. Mayroon pa bang sinumang higit na katawa-tawa? Mayroon pa bang mas mayabang at mapagmatuwid? Aling tiwaling disposisyon ang dapat malutas upang matutuhan ang aral ng pagpapasakop? Ang disposisyon ng kayabangan at pagmamagaling, na siyang pinakamatinding hadlang sa mga taong nagsasagawa ng katotohanan at nagpapasakop sa Diyos. Ang mga taong may mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang pinakamalamang na mangatwiran at sumuway, lagi nilang iniisip na tama sila, kaya naman wala nang mas apurahan pa kaysa sa paglutas at pagharap sa mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ng isang tao. Sa sandaling maging maayos ang asal ng mga tao at tumigil na sa pangangatwiran para sa kanilang sarili, malulutas ang problema ng paghihimagsik, at magagawa na nilang magpasakop. Kung magagawa ng mga taong makamit ang pagpapasakop, hindi ba’t kailangan na taglay nila ang isang partikular na antas ng pagkamakatwiran? Dapat taglay nila ang katinuan ng isang normal na tao. Halimbawa, sa ilang bagay, kung ginawa man natin ang tamang bagay o hindi, kung hindi nasisiyahan ang Diyos, dapat nating gawin kung ano ang sinasabi Niya, at ituring ang Kanyang mga salita bilang pamantayan para sa lahat ng bagay. Makatwiran ba ito? Gayon ang katinuan na dapat masumpungan sa mga tao bago ang anupaman. Kahit gaano pa tayo magdusa, at kahit ano pa ang ating mga layunin, pakay, at dahilan, kung hindi nasisiyahan ang Diyos—kung hindi natugunan ang Kanyang mga hinihingi—kung gayon walang pag-aalinlangang hindi nakaayon ang ating mga kilos sa katotohanan, kaya dapat tayong makinig at magpasakop sa Diyos, at hindi natin dapat subukang magpalusot o mangatwiran sa Kanya. Kapag nagtataglay ka ng gayong pagkamakatwiran, kapag nagtataglay ka ng katinuan ng isang normal na tao, madaling lutasin ang iyong mga problema, at magiging tunay kang mapagpasakop. Kahit ano pa ang sitwasyong kinalalagyan mo, hindi ka magiging rebelde, at hindi mo sasalungatin ang mga hinihingi ng Diyos; hindi mo susuriin kung tama ba o mali, mabuti ba o masama ang mga hinihingi ng Diyos, at magagawa mong sumunod—at dahil dito ay malulutas ang iyong kalagayan ng pangangatwiran, pagmamatigas, at pagrerebelde. May ganito bang mga mapaghimagsik na kalagayan ang lahat ng tao sa loob nila? Madalas lumilitaw ang mga kalagayang ito sa mga tao, at iniisip nila sa kanilang sarili, “Hangga’t makatwiran ang aking diskarte, mga panukala, at mga mungkahi, kahit labagin ko pa ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ako dapat tabasan o iwasto, dahil hindi naman ako gumawa ng masama.” Isang pangkaraniwang kalagayan ito sa mga tao. Ang pananaw nila ay na kung hindi sila nakagawa ng masama, hindi sila dapat tabasan at iwasto; ang mga taong nakagawa lamang ng masama ang dapat tabasan at iwasto. Tama ba ang pananaw na ito? Siyempre hindi. Pangunahing pinupuntirya ng pagtatabas at pagwawasto ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung may tiwaling disposisyon ang isang tao, dapat siyang tabasan at iwasto. Kung natabasan at naiwasto lang siya matapos makagawa ng masama, huli na ito masyado, dahil nakagawa na siya ng pinsala. Kung nalabag ang disposisyon ng Diyos, manganganib ka, at maaaring hindi na gumawa sa iyo ang Diyos—kung magkagayon, ano pa ang silbi na iwasto ka? Wala nang ibang magagawa pa kundi ilantad ka at palayasin ka. Ang pangunahing problema na pumipigil sa mga tao na makasunod sa Diyos ay ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Kung tunay na nagagawa ng mga taong tanggapin ang paghatol at pagkastigo, magagawa nilang epektibong lutasin ang sarili nilang mapagmataas na disposisyon. Kahit sa ano pang antas nila ito nagagawang lutasin, kapaki-pakinabang ito sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa Diyos. Ang pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ay pinakapangunahin sa lahat. upang malutas ang sariling tiwaling disposisyon, para mailigtas ng Diyos. At kung tunay ngang nagagawa ng mga taong makamit ang lubos na pagpapasakop sa Diyos, kailangan pa rin ba nilang maranasan ang paghatol at pagkastigo? Kailangan pa rin ba nilang maranasan ang pagtatabas at pagwawasto? Hindi na nila kailangan, dahil nalutas na ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kapag nahaharap sa paghatol, pagkastigo, pagtatabas at pagwawasto ng Diyos, laging gusto ng mga tao na magdahilan para sa kanilang sarili. Gaano man karaming pangangatwiran ang gawin mo, wala sa mga ito ang katotohanan; hindi ibig sabihin nito na nalutas na ang tiwali mong disposisyon, lalong hindi ibig sabihin nito na tunay kang mapagpasakop sa Diyos. Kaya walang silbi na mangatwiran pa; ang pinakamahalaga ay ang lutasin ang problema.

Kung ang isang tao ay walang sumusunod sa Diyos na puso, magkakaproblema siya. Minsan, nagsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo na hindi katulad ng inakala mong mangyayari, kaya tumututol ka. Halimbawa, isa kang taong mahilig sa kalinisan, at ayaw mo ng mga taong pabaya at burara; sa tingin mo ay nakakadiri ang mga taong ito kapag nakikita mo sila. Nagagawa mo bang kontrolin ang sarili mo? Ano ang dapat mong gawin? Una, kailangan mong magkaroon ng tamang saloobin. Anong saloobin? (Isang mapagpasakop na saloobin.) Paano ka magpapasakop? Anong mga kaisipan sa kaloob-looban ng mga tao ang bumubuo ng isang mapagpasakop na saloobin? Ano ang bumubuo sa realidad ng pagpapasakop? Kapag nahaharap ka sa ganitong bagay, dapat may magkakabit na pagsasaayos. Walang problema rito. Sa buhay ng isang tao, siyam sa sampung bagay ay hindi naaayon sa kanyang mga kagustuhan. Maaaring hindi mo gusto ang bagay na ito o ang bagay na iyon, at ano man ang nangyayari sa iyo, palagi kang nangangatwiran para sa sarili mo at nagrereklamo na hindi patas ang Diyos sa iyo. Ang totoo, sariling problema mo ito, kaya huwag mong palakihin ang mga bagay-bagay. Kapag mahabang panahon ka nang nananalig sa Diyos at mayroon kang maraming karanasan sa pagkabigo, malalaman mo na hindi ka talaga kagalang-galang, hindi mas magaling kaysa sa sinuman. Kapag naisip mo kung paanong pinaniniwalaan mo noon na mas magaling ka, mas matayog, at mas marangal kaysa sa iba, sobrang mahihiya ka! Kapag nakauunawa ang isang tao ng kaunting katotohanan, mas mayroon siyang katinuan kaysa dati, kaya madali para sa kanya na tanggapin ang katotohanan, at madali para sa kanya na hanapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos kapag may nangyayari sa kanya. Dapat kang matutong makiangkop sa kapaligiran mo. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat munang magkaroon ng ganitong kaalaman: May mga tao sa iglesia mula sa bawat lupain, at bawat lupain ay may iba’t ibang kaugalian at kagawian. Ang mga bagay na ito ay hindi sumasalamin sa kalidad ng pagkatao ng isang tao; kahit na mabuti, normal, at kontrolado ang mga gawi sa buhay ng isang tao, at mayroon siyang marangal na karakter, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan niya ang katotohanan. Dapat mong maunawaan ito at magkaroon ka ng positibong pagkaunawa rito. Bukod pa rito, marami kang sariling kapintasan, masyado kang maselan. Binibigyan ka ng Diyos ng kapaligirang mabuti para sa iyo, kaya dapat kang matutong makiangkop dito, hindi pinupuna ang mga kapintasan ng ibang tao, at higit pa rito, makisama ka sa iba nang may pagmamahal, maging malapit sa kanila, tignan at aralin ang kanilang mga kalakasan, at pagkatapos ay manalangin sa Diyos na tulungan kang malampasan ang sarili mong mga kapintasan. Ito ay isang mapagpasakop na saloobin at pagsasagawa. Kung masyado kang nayayamot sa ibang tao, at naaapektuhan ka nito sa paggawa ng iyong tungkulin, dapat kang lumayo sa kanila, at huwag makialam sa kanila. Ano ang pakikialam? Ito ay kapag sinabi mong: “Kailangan kong baguhin itong kapintasan nila—kung hindi ito magbabago, hindi ko ito hahayaan!” Anong uri ng pag-uugali ito? Ito ay walang pakundangan, mayabang, at ignorante. Huwag maging ganitong uri ng tao. Lahat tayo ay ordinaryong tao; hindi tayo mukhang espesyal. Bawat isa sa atin ay may ulo, dalawang mata, isang ilong, at isang bibig. Kumakain man tayo, naglalakad, o nagtatrabaho, pare-pareho tayong lahat, walang pagkakaiba; hindi rin tayo mas mahusay kaysa sa iba, kaya hindi natin dapat tingnan ang ating sarili bilang kagalang-galang o dakila. Kahit may kaunti kang kasanayan o talento, walang dapat ipagmalaki. Una, dapat mong ituwid ang iyong pananaw, at kapag naharap ka sa mga bagay-bagay, dapat mong tingnan ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hindi mo palalakihin ang mga maliliit na bagay. Kung may mangyaring espesyal sa iyo, at talagang hindi ka makapagpasakop, at naaapektuhan nito ang paggawa ng iyong tungkulin, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Hindi natin dapat panghimasukan ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng bagay ay may mabuting layunin ng Diyos. Sinasanay Niya ang mga tao sa lahat ng uri ng mga sitwasyon, na nagdulot sa kanila na mahubog at matutong magpasakop, at sa huli, nagbubunga ang paghubog na ito: Nagkakaroon sila ng takot sa Diyos at nagagawa nilang umiwas sa kasamaan, palugurin ang Diyos, at pagkatapos ay nagkakaroon sila ng tunay na pagbabago. Upang hangarin ang katotohanan, kailangan mo munang magkaroon ng kahandaang magdusa, at dapat kang matutong magpasakop sa iyong mga sitwasyon. Kadalasan, hindi gaanong simple ang mga sitwasyon mo; maaari mong makasalamuha ang lahat ng uri ng tao at maharap ang lahat ng uri ng kakaibang bagay. Ano man ang mangyari sa iyo, huwag umasa sa sarili mong kagustuhan o kapusukan, bagkus ay lumapit sa Diyos sa panalangin. Upang magawa ito, kailangan mo munang magkaroon ng mapagpasakop na saloobin, na isang panloob na katangian na dapat taglayin ng lahat ng normal na tao. Bukod pa rito, kung nagdarasal at humihiling ka sa Diyos na kumilos, at hindi Siya kumikilos o nagbubukas ng daan palabas para sa iyo, dapat ka ring magpasakop. Dapat kang patuloy na mamuhay sa ganitong uri ng sitwasyon, na pinahihintulutan ang Diyos na mangasiwa ng mga bagay-bagay para sa iyo, at hindi pinipilit ang mga bagay-bagay, at pinapangunahan ang Diyos. Ito ang tanging paraan para mamuhay ng isang buhay na may halaga. Ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos ay hindi napakadaling pasukin, dahil walang sinuman ang namumuhay nang mag-isa. Kung titingnan ang buhay nila, ang bawat tao ay may mga kanya-kanyang gawi at personal na kaisipan, hangarin, at kahilingan. Kung titingnan ang mga obhektibong kondisyon, walang sinuman ang ganap na makakasunod sa kagustuhan mo sa kanilang mga kilos at salita. Kaya, ang pinakamahalagang aral ay ang tulutan ang lahat na matuto kung paano magpasakop sa kanilang mga sitwasyon, at hanapin ang kalooban ng Diyos sa mga sitwasyon sa buhay na nangyayari sa kanila. Mabuti man o masama, komportable man o mahirap ang mga sitwasyon mo sa buhay, may mga aral na dapat mong matutunan. Ang mga nagnanasa ng kaginhawahan at kaluwagan ay dapat matuto ng mga aral ng pagpapasakop at pagdurusa; kailangan nilang makamit ang kakayahang mabuhay sa anumang sitwasyon, gawin nang maayos ang kanilang tungkulin at manindigan sa kanilang patotoo. Saka lamang nila mapapalugod ang kalooban ng Diyos. Hindi ba’t pinangangasiwaan at isinasaayos ng Diyos ang ganitong uri ng sitwasyon sa buhay? Lahat ay naghahangad ng magandang buhay, ngunit kung mamumuhay sila sa mga sitwasyong masyadong komportable at perpekto, nang walang anumang pagdurusa, magagawa ba nilang magpasakop sa Diyos at magpatotoo sa Kanya? Kapag nagsasaayos ang Diyos ng ilang suliranin at mahihirap na sitwasyon para sa iyo, ang pangunahing tanong ay kung kaya mo bang magpasakop o hindi. Kung kayang isaalang-alang ng lahat ang kalooban ng Diyos sa ilalim ng mga sitwasyong ito at nakapagsasagawa sila ayon sa Kanyang mga hinihingi, kailangan mong tiisin ang lahat ng bagay na ayaw mong makita, ang mga bagay na hindi mo gusto; bukod pa rito, kailangang hindi ka magpapigil sa mga bagay na ito at magawa mo nang normal ang iyong tungkulin. Ang pagdanas sa ganitong paraan ay magpapalago sa buhay mo. Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi isinasagawa ng iba ang katotohanan, hindi ko rin isasagawa ang katotohanan. Kung hindi sila nagpapasakop, bakit ako magpapasakop? Kung wala silang pagtitimpi, bakit kailangan kong magtimpi? Bakit palaging kailangan kong gawin ang mga bagay na hindi nila ginagawa? Bakit palaging ako ang kailangang magsikap nang husto? Hindi ko rin gagawin iyon.” Anong klaseng saloobin ito? Ang pagsasagawa mo sa katotohanan ay sarili mong isyu; isa itong bagay sa pagitan mo at ng Diyos, at walang kinalaman sa iba pang tao. Walang sinuman ang may anumang obligasyon na makipagtulungan sa iyo. Ikaw ay ikaw, sila ay sila. Kung hindi nila isinasagawa ang katotohanan at hindi pinapasok ang katotohanang realidad, sa huli, sila ang aabandonahin, hindi ikaw, at hindi ka madedehado. Madedehado ba ang mga taong nagpapasakop sa Diyos? Hindi sila madedehado. Kung hindi ninyo maarok ito, talagang sobra kayong hangal!

Sa usapin ng pagpasok sa buhay, kahit na ito ay ilang salita lamang ng pagbabahaginan, kung taimtim ninyong tinatanggap ang mga ito, nagagawa ninyong isagawa ang mga ito sa inyong totoong buhay, at nagagawang inyong realidad ang mga ito, kung gayon, hindi naging walang kabuluhan ang pagsasabi Ko. Kaya, anumang aspeto ng realidad ito, at kahit na ilang salita lamang ito, kung nakakarating sa puso mo ang katotohanan, at kung isinasagawa mo ito bilang ang katotohanan, mag-uugat ito, mamumulaklak, at mamumunga sa loob mo. Ito ay magiging buhay mo, at magagawa mo itong isabuhay, at matutupad ito. Ito ay magandang resulta. Kung magbabahagi Ako sa inyo araw-araw, ngunit gaano man karami ang sabihin Ko, wala kayong mauunawaan—kung walang sinuman ang magsasapuso nito, gagawin pa rin ang anumang gusto nila, kikilos nang walang pakundangan at walang ingat, hindi makikinig sa sinasabi Ko, at mamumuhay pa rin ayon sa sarili nilang kagustuhan, mga imahinasyon, at kuru-kuro—kung gayon, hindi ba’t magiging walang saysay ang pagsasalita Ko? Hindi mahalaga kung gaano karaming salita ang sabihin Ko sa inyo tungkol dito—ang mahalaga ay kung masigasig ninyong pinakikinggan, tinatanggap, at isinasagawa ang mga ito. Ang katotohanan ay totoo at tunay ngang buhay ng tao. Hindi ito isang sangay ng larangan, ni isang kaalaman, ni isang katutubong tradisyon, ni isang argumento—ito ay ang buhay ng tao. Tutulutan ka nitong makatakas mula sa mga gapos ni Satanas, na maging malaya sa iyong tiwaling disposisyon, mamuhay nang may lakas at higit na kapangyarihan, mamuhay nang mas komportable, at mamuhay nang may direksyon at layon. Ang katotohanan ay maaari talagang maging buhay ng tao. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, danasin mo ito at isagawa nang ilang panahon, tingnan mo kung mayroong mga resulta o wala, at pagkatapos ay malalaman mo. Kung madalas kang nanghihina at pasibo, ang masasabi Ko lang ay hindi mo pa nakamit ang katotohanan. Kung nakamit mo na ang katotohanan, wala ka sana sa ganitong kalagayan ngayon, labis na walang magawa, napakahina, at napakarupok; hindi ka sana madalas na pasibo, o madalas na naiipit sa sangang-daan, hindi alam kung saan pupunta. Iyon ay isandaang porsyentong sigurado! Naiintindihan mo ba? (Oo.)

Ngayon, natapos na natin ang pagbabahaginan sa limang kondisyon na dapat matugunan para makapagsimula sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Ano ang limang kondisyong iyon? (Una, ang isang tao ay dapat magtaglay ng isang matapat na puso; pangalawa, ang isang tao ay dapat may pusong nagmamahal sa katotohanan; pangatlo, ang isang tao ay dapat mayroong konsiyensiya at katwiran; pang-apat, ang isang tao ay dapat magtaglay ng may takot sa Diyos na puso; panglima, ang isang tao ay dapat may sumusunod sa Diyos na puso.) Tandaan ang limang kondisyong ito, magbahagi tungkol sa mga ito at basahin ang mga ito bilang panalangin kapag walang ibang nangyayari. Tingnan kung aling mga katotohanang prinsipyo ang naisasagawa ninyo sa panahong ito, kung matapat man o hindi ang inyong mga salita at kilos, kung mayroon man kayong takot sa Diyos na puso o wala, kung may matapat na puso man kayo o wala habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, kung may pabasta-bastang kalagayan man kayo o wala, kung naiisipan man ninyong magpakatamad, umiwas sa responsabilidad, o maging mapanlinlang, at kung naghahanap man kayo at nagpapasakop sa lahat ng hinihingi ng Diyos. Dapat ninyo itong pagnilayan paminsan-minsan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakamit ng mga resulta uusad ang buhay ninyo.

Setyembre 15, 2015

Sinundan: Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon

Sumunod: Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger