Pagsasagawa 6

Ngayon, huwag nang isipin ang pagkakamit ng katinuang taglay ni Pedro—ni hindi makamtan ng maraming tao ang katinuang taglay ni Pablo. Ni wala nga silang kamalayan sa sarili na gaya ng kay Pablo. Bagama’t inilugmok ng Panginoon si Pablo dahil inusig niya ang Panginoong Jesus, kalaunan ay nanindigan siyang gumawa at magdusa para sa Panginoon. Binigyan siya ni Jesus ng isang karamdaman, at kalaunan, patuloy na tiniis ni Pablo ang karamdamang ito nang magsimula na siyang gumawa. Bakit niya sinabi na mayroon siyang tinik sa laman? Ang tinik, sa totoo lang, ay karamdaman—at para kay Pablo, ito ay isang nakamamatay na kahinaan. Gaano man karami ang gawaing ginawa niya o gaano man katindi ang kanyang paninindigang magtiis, hindi niya maalis ang tinik na iyon. Subalit mas mahusay ang kakayahan ni Pablo kaysa sa inyo na mga tao ngayon, at mayroon siyang kamalayan sa kanyang sarili at mas matino siya kaysa sa inyo. Matapos hinagupit ni Jesus si Pablo, tumigil siya sa pag-uusig sa mga disipulo ni Jesus, at nagsimulang mangaral at magdusa para kay Jesus. At ano ang naghikayat sa kanya na magtiis ng pagdurusa? Naniwala si Pablo na, dahil nakita na niya ang dakilang liwanag, kailangan niyang magpatotoo sa Panginoong Jesus, kailangan na siyang tumigil sa pag-uusig sa mga disipulo ni Jesus, at kailangan na siyang tumigil sa pagkontra sa gawain ng Diyos. Si Pablo ay isa sa mga taong mataas ang ranggo sa relihiyon. Napakarami niyang alam at napakatalino niya, hamak ang tingin niya sa mga karaniwang tao, at may mas malakas na personalidad kaysa sa karamihan. Ngunit matapos masinagan ng “dakilang liwanag,” nakagawa siya para sa Panginoong Jesus, nakapanindigang magtiis para sa Diyos at ialay ang kanyang sarili sa Diyos, na nagpatunay na mayroon siyang katinuan. Noong inuusig at dinarakip niya ang mga disipulo ni Jesus, nagpakita sa kanya si Jesus at sinabi sa kanya: “Pablo, bakit mo Ako pinag-uusig?” Nagpatirapa kaagad si Pablo at sinabing: “Sino Ka baga, Panginoon?” Isang tinig mula sa langit ang nagsabing: “Ako’y si Jesus na iyong pinag-uusig.” Biglang nagising si Pablo, at noon lamang niya nalaman na si Jesus ay si Cristo, na Siya ay Diyos. “Kailangan kong sumunod. Naibigay sa akin ng Diyos ang biyayang ito—inusig ko Siya nang gayon, subalit hindi Niya ako pinatay, ni hindi Niya ako isinumpa. Kailangan kong magdusa para sa Kanya.” Kinilala ni Pablo na nausig niya ang Panginoong Jesuscristo at na ngayon ay pinapatay niya ang mga disipulo ni Jesus, na hindi siya isinumpa ng Diyos, kundi niliwanagan siya. Nahikayat siya nito, at sinabi niya: “Bagama’t hindi ko tiningnan ang Kanyang mukha, narinig ko ang Kanyang tinig at nakita ko ang Kanyang dakilang liwanag. Ngayon ko lamang tunay na nakikita na totoong mahal ako ng Diyos, at na ang Panginoong Jesucristo ay talagang ang Diyos na may awa sa tao at nagpapatawad sa mga kasalanan ng tao nang walang hanggan. Talagang nakikita ko na isa akong makasalanan.” Bagama’t, pagkaraan nito, ginamit ng Diyos ang mga kaloob ni Pablo upang gumawa, kalimutan ito sandali. Ang kanyang paninindigan noon, ang kanyang normal na katinuan bilang tao, at ang kanyang kamalayan sa sarili—wala kayong kakayahang maabot ang mga bagay na ito. Ngayon, hindi ba kayo nakatanggap ng maraming liwanag? Hindi ba nakita ng maraming tao na ang disposisyon ng Diyos ay may kamahalan, poot, paghatol, at pagkastigo? Ang mga sumpa, pagsubok, at pagpipino ay maraming beses nang sumapit sa mga tao—at ano ang kanilang natutuhan? Ano ang nakamit mo mula sa pagdidisiplina at pakikitungo? Sumapit na sa iyo nang maraming beses ang masasakit na salita, paghampas, at paghatol, subalit hindi mo pinapansin ang mga ito. Ni wala ka ni katiting na katinuan na taglay ni Pablo—hindi ka ba masyadong paurong? Napakarami ring hindi nalinawan si Pablo. Ang alam lamang niya ay nasinagan siya ng liwanag, ngunit hindi niya namalayan na hinagupit siya; personal siyang naniwala na matapos siyang masinagan ng liwanag, kailangan niyang gugulin ang kanyang sarili para sa Diyos, magdusa para sa Diyos, gawin ang lahat upang ihanda ang daan para sa Panginoong Jesucristo, at matamo ang mas marami pang makasalanan upang matubos ng Panginoon. Ito ang kanyang paninindigan, at ang tanging layunin ng kanyang gawain—ngunit nang siya ay gumawa, hindi pa rin nawala ang kanyang karamdaman, hanggang sa kanyang kamatayan. Gumawa si Pablo nang mahigit dalawampung taon. Labis siyang nagdusa, at nagdanas ng matitinding pag-uusig at maraming kapighatian, bagama’t, mangyari pa, kakaunti ang mga ito kumpara sa mga pagsubok kay Pedro. Gaano kayo kahabag-habag kung ni hindi ninyo taglay ang katinuan ni Pablo? Dahil dito, paano maaaring magsimula ang Diyos ng mas dakila pang gawain sa inyo?

Nang ipalaganap niya ang ebanghelyo, dumanas ng matinding hirap si Pablo. Ang gawaing kanyang ginawa, kanyang paninindigan, kanyang pananampalataya, katapatan, pagmamahal, tiyaga, at pagpapakumbaba sa panahong iyon, at ang maraming iba pang panlabas na mga bagay na kanyang isinabuhay, ay mas mataas kaysa sa inyo na mga tao ngayon. Sa inyong kalooban, sa mas mahigpit na pananalita, walang normal na katinuan; ni wala kayong anumang konsiyensiya o hindi kayo makatao. Napakalaki ng pagkukulang ninyo! Sa gayon, kadalasan, sa pamumuhay ninyo ay walang matatagpuang normal na katinuan, at walang tanda ng kamalayan sa sarili. Bagama’t dumanas ng karamdaman sa katawan si Pablo sa panahong iyon, patuloy siyang nanalangin at naghanap: “Ano ba talaga ang karamdamang ito? Ginawa ko na ang lahat ng gawaing ito para sa Panginoon, bakit hindi ako nililisan ng pagdurusang ito? Sinusubukan kaya ako ng Panginoong Jesus? Inilugmok na ba Niya ako? Kung inilugmok na Niya ako, namatay na sana ako noon, at hindi na makakayang gawin ang lahat ng gawaing ito para sa Kanya, ni hindi ako makatatanggap ng napakalaking liwanag. Napagtanto rin Niya ang aking paninindigan.” Laging nadarama ni Pablo na ang karamdamang ito ay pagsubok sa kanya ng Diyos, na pinatitibay nito ang kanyang pananampalataya at determinasyon—ganito ang tingin dito ni Pablo. Ang totoo, ang kanyang karamdaman ay karugtong na naiwan nang inilugmok siya ng Panginoong Jesus. Pinahirapan nito nang husto ang kanyang kalooban, at pinigil nito ang kanyang pagkasuwail. Kung masusumpungan ninyo ang inyong sarili sa sitwasyon ni Pablo, ano ang gagawin ninyo? Makakapantay ba kay Pablo ang inyong paninindigan at kakayahang magdusa? Ngayon, kung pinadapuan kayo ng kaunting karamdaman o sumasailalim kayo sa isang matinding pagsubok, at pinagdusa kayo, sino ang nakakaalam kung ano ang kahihinatnan ninyo. Kung ikinulong kayo sa isang hawla at palagi kayong pinapakain, magiging ayos lang kayo. Kung hindi ay magiging katulad lamang kayo ng mga lobo, walang anumang pagkatao. Kaya kapag nagdurusa kayo ng kaunting paghihigpit o paghihirap, makakabuti iyon sa inyo; kung pinadali iyon para sa inyo, mapapahamak kayo, at kung gayon ay paano kayo mapoprotektahan? Ngayon, kinakastigo, hinahatulan, at isinusumpa kayo kaya nabibigyan kayo ng proteksyon. Nagdusa na kayo nang husto kaya pinoprotektahan kayo. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi ito sadyang pagpapahirap ng mga bagay para sa inyo—ang likas na pagkatao ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. Ngayon, ni wala kayong konsiyensiya o katinuang tinaglay ni Pablo, ni hindi ninyo taglay ang kanyang kamalayan sa sarili. Lagi kayong kailangang pilitin, at kailangan kayong palaging makastigo at mahatulan para pukawin ang inyong mga espiritu. Pagkastigo at paghatol ang pinakamabuti para sa inyong buhay. At kapag kinakailangan, dapat ay mayroon ding pagkastigo ng mga katotohanang dumarating sa inyo; saka lamang kayo lubos na magpapasakop. Kapag ang inyong kalikasan ay walang pagkastigo at pagsumpa, ayaw ninyong magyuko ng ulo, ayaw ninyong magpasakop. Kung hindi ninyo nakikita ang mga totoong pangyayari, walang magiging epekto. Masyadong aba at walang halaga ang inyong pagkatao! Kung wala ang pagkastigo at paghatol, magiging mahirap kayong malupig, at mahirap daigin ang inyong kawalan ng katuwiran at pagsuway. Ang inyong dating likas na pagkatao ay nakaugat nang napakalalim. Kung iniluklok kayo sa trono, hindi ninyo malalaman ang inyong posisyon sa sansinukob, lalong wala kayong ideya kung saan kayo patungo. Ni hindi ninyo alam kung saan kayo nagmula, kaya paano ninyo makikilala ang Panginoon ng paglikha? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga pagsumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at paghatol na ito, sino ang nakakaalam kung gaano katindi kayong yayabang, o gaano kayo magiging masama. Nadala na kayo ng pagkastigo at paghatol na ito sa kasalukuyan, at naingatan ng mga ito ang inyong buhay. Kung “tinuruan” pa rin kayo gamit ang kaparehong mga pamamaraan tulad ng sa inyong “ama,” sino ang nakakaalam kung anong mundo ang inyong papasukin! Wala talaga kayong kakayahang kontrolin at pagbulay-bulayan ang inyong sarili. Para sa mga taong kagaya ninyo, kung susunod at tatalima lamang kayo nang hindi nagsasanhi ng anumang paggambala o panggugulo, makakamtan ang Aking mga layon. Hindi ba lalo kayong dapat magsumikap sa pagtanggap ng pagkastigo at paghatol sa ngayon? Ano pang ibang pagpipilian ang mayroon kayo? Nang makita ni Pablo ang Panginoong Jesus na nagsasalita at gumagawa, hindi pa rin siya naniwala. Kalaunan, nang maipako na sa krus ang Panginoong Jesus at pagkatapos ay muling nabuhay, nabatid niya ang katunayang ito, subalit patuloy siyang nang-usig at kumontra. Ito ang kahulugan ng kusang pagkakasala, kaya inilugmok siya. Sa simula, batid niya na may isang Hari ng mga Hudyo na tinatawag na Jesus, nabalitaan na niya ito. Kalaunan, nang magbigay siya ng mga sermon sa templo at mangaral sa buong lupain, kinalaban niya si Jesus, na buong katayugang tumatangging sundin ang sinumang tao. Ang mga bagay na ito ay naging isang napakalaking hadlang sa gawain sa panahong iyon. Nang si Jesus ay gumagawa, hindi tuwirang inusig at dinakip ni Pablo ang mga tao, kundi ginamit niya ang pangangaral at mga salita upang pabagsakin ang gawain ni Jesus. Kalaunan, nang ipako na sa krus ang Panginoong Jesucristo, sinimulan niyang dakpin ang mga disipulo, na mabilis na pumaparoo’t parito at ginagawa ang lahat ng kaya niya upang usigin sila. Matapos siyang masinagan ng “liwanag,” saka lamang siya natauhan at nakaranas ng malaking pagsisisi. Matapos siyang ilugmok, hindi na napawi ang kanyang karamdaman kailanman. Kung minsan, nadarama niya na lumala pa ang kanyang paghihirap, at hindi na siya makabangon. Naiisip niya: “Ano ang nangyayari? Talaga bang inilugmok na ako?” Hindi kailanman napawi ang kanyang karamdaman, at dahil sa karamdamang ito kaya siya nakagawa ng maraming gawain. Masasabi na pinadapo ni Jesus ang karamdamang ito kay Pablo dahil sa kanyang kayabangan at katigasan ng ulo; isang parusa iyon kay Pablo, ngunit ginawa rin iyon para gamitin ang mga kaloob ni Pablo sa gawain ng Diyos, upang ang Kanyang gawain ay mapalawak. Sa katunayan, hindi layunin ng Diyos na iligtas si Pablo, kundi gamitin siya. Subalit ang disposisyon ni Pablo ay masyadong mapagmataas at matigas ang ulo, kaya nga isang “tinik” ang inilagay sa kanya. Sa huli, nang matapos na ni Pablo ang kanyang gawain, hindi na ganoon katindi ang kanyang karamdaman, at nang patapos na ang kanyang gawain, nagawa niyang sabihin ang mga salitang, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran”—na kanyang sinabi dahil hindi niya alam ang gawain ng Diyos. Marami sa inyo ang katulad ni Pablo, ngunit kung talagang may paninindigan kayong sumunod hanggang sa dulo ng landas, hindi kayo aabusuhin. Hindi natin tatalakayin dito ang mga paraan na naging suwail at kontra si Pablo; manatili tayo sa bahagi niya na positibo at kapuri-puri: Mayroon siyang konsiyensiya, at matapos tumanggap ng “liwanag” nang minsanan, nagawa niyang ilaan ang kanyang sarili sa Diyos at magdusa para sa Diyos. Ito ang isang maganda niyang katangian. Gayunman, kung mayroong mga naniniwala na dahil mayroon siyang magandang katangian ay isa na siyang taong pinagpala, kung iniisip nila na hindi naman siya talaga kinastigo, ito ang mga salita ng mga taong walang katinuan.

Kapag nagdarasal at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, maraming taong nagsasabi na handa silang magpasakop sa Diyos, ngunit pagkatapos ay nagiging lihim na masasama, at balewala iyon sa kanila. Ang mga salita ng Diyos ay sinasabi nang paulit-ulit, nahahayag nang paunti-unti, at kapag inilantad ang mga taong nasa pinakailalim, saka lamang sila “nakakasumpong ng kapayapaan” at hindi na gaanong nagiging hambog at matigas ang ulo, hindi na gaanong mayabang. Sa inyong mga kalagayan ngayon, malamang ay kailangan pa rin kayong ilugmok nang matindi at ilantad, at hatulan nang detalyadong-detalyado, upang hindi na kayo magkaroon ng pagkakataong maghabol ng hininga. Para sa inyo, mas mabuting hindi kayo lisanin ng mabagsik na pagkastigo at paghatol, at hindi kayo layuan ng pagkondena at mga pagsumpa, na nagtutulot sa inyo na makita na ang kamay ng mga atas administratibo ng Diyos ay hindi kailanman humihiwalay sa inyo. Kagaya lamang sa Kapanahunan ng Kautusan, nang makita ni Aaron na hindi siya iniwan ni Jehova kailanman (ang kanyang nakita ay ang palagiang patnubay at proteksyon ni Jehova; ang patnubay ng Diyos na inyong nakikita ngayon ay pagkastigo, mga sumpa, at paghatol), ngayon ay hindi rin kayo iniiwan ng kamay ng mga atas administratibo ni Jehova. Gayunman, may isang bagay na maaaring magpakalma sa inyo: Gaano man kayo kumontra, sumuway, at manghusga, walang kapinsalaang mangyayari sa inyong katawan. Ngunit kung may mga taong labis na kinokontra at hinahadlangan ang gawain, hindi ito katanggap-tanggap; may isang limitasyon. Huwag gambalain o guluhin ang buhay ng iglesia, at huwag gamabalain ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa iba pa, magagawa mo ang gusto mo. Kung sinasabi mong ayaw mong hangarin ang buhay at nais mong bumalik sa mundo, bilisan mo at humayo ka! Magagawa ninyo ang anumang gusto ninyo basta’t hindi nito nagagambala ang gawain ng Diyos. Subalit may isang bagay ka pang kailangang malaman: Sa huli, ang gayong mga sadyang makasalanan ay aalising lahat. Ngayon, maaaring hindi ka sumbatan, ngunit sa huli, isang bahagi lamang ng mga tao ang magagawang magpatotoo—at ang nalalabi ay manganganib na lahat. Kung ayaw mong mapasama sa daloy na ito, ayos lang. Ang mga tao ngayon ay tinatrato nang may pagpaparaya; hindi kita nililimitahan, basta’t hindi ka natatakot sa pagkastigo sa kinabukasan. Ngunit kung kasama ka sa daloy na ito, kailangan kang magpatotoo, at kailangan kang makastigo. Kung nais mong tanggihan ito, at bumalik sa mundo, ayos lang iyan—walang pumipigil sa iyo! Ngunit kung gumagawa ka ng gawaing sumisira at gumugulo sa gawain ng Diyos, talagang hindi ka mapapatawad dahil doon! Hinggil sa nakikita ng iyong mga mata at naririnig ng iyong mga tainga kung aling mga tao ang kinakastigo, at kaninong mga kapamilya ang isinusumpa—may mga limitasyon at hangganan sa lahat ng ito. Hindi basta-basta gumagawa ang Banal na Espiritu ng mga bagay-bagay. Batay sa mga kasalanang nagawa ninyo, kung tatratuhin at talagang haharapin kayo ayon sa inyong sariling pagiging di-matuwid, sino sa inyo ang maaaring makaligtas? Lahat kayo ay magdaranas ng kalamidad, at walang sinuman sa inyo ang magkakaroon ng magandang kahihinatnan. Subalit ngayon, maraming tao ang tinatrato nang may pagpaparaya. Kahit nanghuhusga, sumusuway, at kumokontra kayo, basta’t hindi kayo nakakagambala, haharapin Ko kayo nang may ngiti. Kung tunay kayong naghahangad ng buhay, kailangan kayong magdanas ng kaunting pagkastigo, at kailangan kayong magtiis ng sakit na mahiwalay sa minamahal ninyo upang humiga sa mesang pang-operasyon para maoperahan; kailangan mong tiisin ang sakit, kagaya ng pagtanggap ni Pedro ng mga pagsubok at pagdurusa. Ngayon, nasa harap kayo ng hukumang-luklukan. Sa hinaharap, kailangan ninyong magdaan sa “gilotina,” kung kailan “isasakripisyo” ninyo ang inyong sarili.

Sa huling yugtong ito ng gawain sa mga huling araw, marahil ay naniniwala ka na hindi sisirain ng Diyos ang iyong katawan, at masasabi na maaaring hindi ka magdusa ng anumang karamdaman kahit kinokontra at hinuhusgahan mo Siya—ngunit kapag sumapit sa iyo ang mababagsik na salita ng Diyos, kapag ang iyong pagkasuwail at paglaban at ang iyong pangit na mukha ay inilantad lahat, hindi ka makakapagtago. Matatagpuan mo ang iyong sarili na takot na takot, at nalilito. Ngayon, kailangan kayong magkaroon ng kaunting konsiyensiya. Huwag gumanap sa papel ng masasamang kumokontra at sumusuway sa Diyos. Dapat mong talikuran ang dati mong ninuno; ito ang tayog na dapat ay mayroon ka, at ito ang pagkataong nararapat mong taglayin. Lagi kang walang kakayahang isantabi ang sarili mong mga inaasam sa hinaharap o ang mga kasiyahan sa ngayon. Sabi ng Diyos: “Hangga’t ginagawa ninyo ang lahat ng kaya ninyo upang masundan Ako at mahanap ang katotohanan, tiyak na gagawin Ko kayong perpekto. Kapag nagawa na kayong perpekto, magkakaroon kayo ng magandang hantungan—dadalhin kayo sa Aking kaharian upang magtamasa ng mga pagpapala kasama Ko.” Napangakuan na kayo ng isang magandang hantungan, subalit ang mga kinakailangan sa inyo ay hindi kailanman mababawasan. Mayroon ding isang kundisyon: Malupig man kayo o magawang perpekto, kailangan kayong sumailalim ngayon sa kaunting pagkastigo at kaunting pagdurusa; kailangan kayong hampasin at disiplinahin; kailangan kayong makinig sa Aking mga salita, sumunod sa Aking daan, at gawin ninyo ang kalooban ng Diyos—ito dapat ang gawin ninyong mga tao. Paano ka man naghahanap, kailangan mong malinaw na maunawaan ang paraang ito. Kung totoong may tunay kang mga kabatiran, maaari kang patuloy na sumunod. Kung naniniwala ka na walang mga maaasam o pag-asa rito, maaari ka nang umalis. Malinaw nang nasabi sa iyo ang mga salitang ito, ngunit kung gusto mo talagang umalis, ipinakikita lamang nito na wala ka ni katiting na konsiyensiya; ang kilos mong ito ay sapat na upang patunayan na isa kang demonyo. Bagama’t sinasabi mo na ipinababahala mo ang lahat sa mga pagsasaayos ng Diyos, batay sa iyong laman at sa iyong isinasabuhay, namumuhay ka pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Bagama’t nasa mga kamay rin ng Diyos si Satanas, ikaw mismo ay nabibilang pa rin kay Satanas at kailangan pang tunay na mailigtas ng Diyos, sapagkat namumuhay ka pa rin sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Paano ka dapat maghangad upang maligtas? Nasa iyo ang pagpapasya—dapat mong piliin ang landas na dapat mong tahakin. Sa huli, kung masasabi mong: “Wala na akong magagawang mas maganda, sinusuklian ko ng aking konsiyensiya ang pagmamahal ng Diyos, at kailangan kong magkaroon ng kaunting pagkatao. Wala akong matatamong anumang mas dakila, ni hindi gaanong mataas ang aking kakayahan; hindi ko nauunawaan ang mga pangitain at kahulugan ng gawain ng Diyos. Sinusuklian ko lamang ang pagmamahal ng Diyos, ginagawa ko ang anumang hingin ng Diyos, at ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya. Ginagampanan ko nang wasto ang aking tungkulin bilang isang nilalang ng Diyos,” pagkatapos ay makadarama Ako ng kasiyahan. Ito ang pinakamataas na patotoong kaya mong gawin. Ito ang pinakamataas na pamantayang kinakailangan sa isang bahagi ng mga tao: pagganap sa tungkulin ng isang nilalang ng Diyos. Gawin mo lamang ang lahat ng makakaya mo; hindi ganoon kataas ang mga kinakailangan sa iyo. Hangga’t ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo, ito ang iyong patotoo.

Sinundan: Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Sumunod: Pagsasagawa 7

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito