Pagsasagawa 7
Kulang na kulang ang inyong pagkatao, napakababa at napakaaba ng inyong pamumuhay, wala kayong pagkatao, at wala kayong kabatiran. Kaya nga kailangan ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga bagay ng normal na pagkatao. Ang pagkakaroon ng konsensya, katwiran, at kabatiran; ang pagkaalam kung paano magsalita at tingnan ang mga bagay-bagay; ang pagbibigay-pansin sa kalinisan; ang pagkilos na gaya ng isang normal na tao—ang mga ito ay pawang mga katangian ng pagkakilala sa normal na pagkatao. Kapag umaasal kayo nang angkop sa mga bagay na ito, itinuturing kayo na may katanggap-tanggap na antas ng pagkatao. Kailangan din ninyong sangkapan ang inyong mga sarili para sa espirituwal na buhay. Kailangan ninyong malaman ang kabuuan ng gawain ng Diyos sa lupa at magkaroon ng karanasan sa Kanyang mga salita. Dapat ninyong malaman kung paano sundin ang Kanyang mga pagsasaayos at kung paano gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Ang mga ito ang dalawang aspeto ng kung ano ang dapat mong pasukin ngayon—pagsasangkap sa iyong sarili para sa isang buhay ng pagkatao, at pagsasagawa para sa isang buhay ng pagiging espirituwal. Hindi maaaring mawala ang dalawang ito.
Kakatwa ang ilang tao: Alam lang nilang lagyan ang kanilang sarili ng mga katangian ng pagkatao. Walang maling nakikita sa kanilang hitsura; angkop ang mga bagay na sinasabi nila at ang paraan ng pagsasalita nila, at lubhang kapita-pitagan at wasto ang kanilang pananamit. Nguni’t hungkag ang kanilang kalooban; mukha lang silang nagtataglay ng normal na pagkatao. May ilan na nakatuon lang sa kung ano ang kakainin, ano ang isusuot, at ano ang sasabihin. Mayroon pa ngang mga nakatuon lang sa mga bagay na gaya ng pagwawalis ng sahig, pag-aayos ng kama, at pangkalahatang kalinisan. Maaaring sanay na sanay sila sa lahat ng bagay na ito, nguni’t kung hihilingin mong magsalita sila tungkol sa kanilang kaalaman sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, o tungkol sa pagkastigo at paghatol, o mga pagsubok at pagpipino, malamang ay hindi sila magpapamalas ni katiting na karanasan. Maaari mong itanong sa kanila: “May pagkaunawa ka ba tungkol sa pangunahing gawain ng Diyos sa lupa? Paano naiiba ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon sa gawain ni Jesus? Sa gawain ni Jehova? Iisang Diyos lang ba Sila? Dumating ba Siya para wakasan ang kapanahunang ito, o para iligtas ang sangkatauhan?” Nguni’t walang masabi ang gayong mga tao tungkol sa mga bagay na ito. Pinapalamutihan ng ilan ang kanilang mga sarili nang maganda, nguni’t paimbabaw lang: pinapalamutihan ng kababaihan ang kanilang mga sarili na kasingganda ng mga bulaklak, at nagdadamit ang kalalakihan na parang mga prinsipe o makikisig at mayayamang binata. Inaasikaso lang nila ang mga panlabas na bagay, gaya ng mga bagay na kinakain at isinusuot nila; sa loob, sila’y mga dukha at wala ni katiting na kaalaman tungkol sa Diyos. Ano kaya ang ibig sabihin nito? At mayroon namang ilan na nakadamit na parang kaawa-awang mga pulubi—mukha talaga silang mga alipin na taga-Silangang Asya! Talaga bang hindi ninyo nauunawaan ang itinatanong ko sa inyo? Mag-usap-usap kayo: Ano ba ang totoong natamo ninyo? Ilang taon na kayong naniniwala sa Diyos, subali’t ito lang lahat ang napala ninyo—hindi ba kayo napapahiya? Hindi ba kayo nahihiya? Ilang taon na kayong naghahanap ng tunay na daan, subali’t ngayon ay mas mababa pa rin sa isang maya ang inyong tayog! Tingnan ninyo ang mga dalaga sa gitna ninyo, kasingganda ng mga larawan sa inyong damit at kolorete, ikinukumpara ang inyong mga sarili sa isa’t isa—at ano ang ikinukumpara ninyo? Ang inyong kasiyahan? Ang inyong mga hinihingi? Palagay ba ninyo naparito ako para mangalap ng mga modelo? Wala kayong hiya! Nasaan ang inyong buhay? Hindi ba ang hinahangad ninyo ay ang sarili lamang ninyong maluhong pagnanasa? Akala mo napakaganda mo, nguni’t kahit maaaring napakagara ng damit mo, hindi ba sa katotohanan ay isa ka lamang malikot na uod, na isinilang sa isang tumpok ng dumi? Ngayon, mapalad mong natatamasa ang makalangit na mga pagpapalang ito hindi dahil sa maganda mong mukha, kundi dahil nagtatangi ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabangon sa iyo. Hindi pa rin ba malinaw sa iyo kung saan ka nagmula? Sa pagbanggit ng buhay, tikom ang iyong bibig at wala kang imik, pipi na parang rebulto, subali’t ang lakas pa rin ng loob mong manamit nang magara! Mahilig ka pa ring magpapula ng pisngi at magpulbos sa mukha! At tingnan ninyo ang makikisig na binata sa gitna ninyo, suwail na mga lalaki na ginugugol ang buong maghapon na palakad-lakad lang, walang disiplina, makikita sa mukha na wala silang pakialam sa mundo. Ganito ba dapat umasal ang isang tao? Ano ang pinagkakaabalahan ng bawa’t isa sa inyo, lalaki o babae, sa buong araw? Alam ba ninyo kung kanino kayo umaasa para pakainin ang sarili ninyo? Tingnan mo ang pananamit mo, tingnan mo kung ano ang napala mo sa mga kamay mo, haplusin mo ang tiyan mo—ano ang napala mo mula sa halaga ng dugo at pawis na naibayad mo sa lahat ng mga taon na ito ng pagsampalataya? Iniisip mo pa ring magliwaliw, iniisip mo pa ring gayakan ang iyong umaalingasaw na laman—mga walang-kuwentang paghahabol! Inuutusan kang maging isang taong normal, subali’t ngayon ay hindi ka lang basta abnormal, kakaiba ka pa. Paano nagkaroon ng tapang ang gayong tao na humarap sa Akin? Sa ganitong pagkatao, ipinaparada mo ang iyong kariktan at ipinapasikat ang iyong laman, palaging namumuhay sa loob ng mga pagnanasa ng laman—hindi ka ba isang inapo ng maruruming demonyo at masasamang espiritu? Hindi Ko papayagan ang gayong maruming demonyo na manatiling umiiral nang matagal! At huwag mong ipalagay na hindi Ko alam kung ano ang iniisip mo sa iyong puso. Maaari mong mahigpit na pigilan ang iyong pagnanasa at iyong laman, nguni’t paanong hindi Ko malalaman ang mga kaisipan na kinakandili mo sa iyong puso? Paanong hindi Ko malalaman ang lahat ng hinahangad ng iyong mga mata? Kayong mga dalaga, hindi ba nagpapaganda kayo nang husto para iparada ang inyong laman? Ano ang pakinabang ninyo sa mga lalaki? Talaga bang maililigtas nila kayo mula sa dagat-dagatan ng pagdurusa? Para naman sa inyong makikisig na binata, nagbibihis kayong lahat para magmukha kayong maginoo at marangal, nguni’t hindi ba iyon isang pakana para mapansin ang inyong kakisigan? Para kanino ninyo ginagawa ito? Ano ang pakinabang ninyo sa mga babae? Hindi ba sila ang pinagmumulan ng inyong kasalanan? Kayong kalalakihan at kababaihan, marami na Akong nasabi sa inyo, subali’t iilan lang ang nasunod ninyo sa mga iyon. Mahina ang mga pandinig ninyo, lumabo na ang inyong mga mata, at matigas ang inyong puso hanggang sa puntong wala nang natira kundi pagnanasa sa inyong katawan, kaya nasisilo kayo nito, at hindi kayo makatakas. Sino ang gustong lumapit sa inyo na mga uod, kayo na namimilipit sa karumihan at putikan? Huwag ninyong kalimutan na wala kayong pinagkaiba sa mga pinalaki ko mula sa tumpok ng dumi, na dati ay wala kayong normal na pagkatao. Ang hinihiling ko sa inyo ay ang normal na pagkatao na dati ay wala kayo, hindi ang iparada ninyo ang inyong pagnanasa o bigyan ng kalayaan ang inyong nabubulok na laman, na nasanay na ng diyablo sa loob ng napakaraming taon. Kapag ganoon kayo manamit, hindi ba kayo natatakot na baka mas lalo kayong masilo? Hindi ba ninyo alam na dati kayong makasalanan? Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay punung-puno ng pagnanasa kaya tumatagos pa iyon sa inyong damit, na naghahayag ng inyong mga kalagayan bilang napakapapangit at napakaruruming demonyo? Hindi ba alam na alam ninyo ito nang mas malinaw kaysa sinuman? Ang inyong mga puso, ang inyong mga mata, ang inyong mga labi—hindi ba narungisang lahat ang mga ito ng maruruming demonyo? Hindi ba marumi ang mga bahagi mong ito? Palagay mo ba basta’t hindi ka kumikilos, ikaw na ang pinakabanal? Palagay mo ba maitatago ng magagandang bihis ang inyong nakakadiring mga kaluluwa? Hindi uubra iyan! Ipinapayo Ko sa inyo na maging higit na makatotohanan: Huwag kayong maging madaya at huwad, at huwag ninyong iparada ang inyong mga sarili. Ipinapasikat ninyo ang inyong pagnanasa sa isa’t isa, nguni’t kapalit nito ang tatanggapin lamang ninyo ay walang-hanggang pagdurusa at walang-habas na pagpaparusa! Bakit ninyo kailangang magpapungay ng mga mata sa isa’t isa at mag-ibigan? Ito ba ang sukat ng inyong integridad, ang hangganan ng inyong pagiging matuwid? Kinamumuhian Ko yaong mga nakikisangkot sa inyo sa masasamang panggagamot at pangkukulam; kinamumuhian Ko ang mga binata’t dalaga sa inyo na nagmamahal sa sarili nilang laman. Makabubuting pigilan ninyo ang inyong mga sarili, dahil kinakailangan na ninyo ngayong magtaglay ng normal na pagkatao, at hindi kayo pinapayagang ipasikat ang inyong pagnanasa—subali’t ginagawa ninyo ito sa bawa’t oportunidad na kaya ninyo, sapagka’t ang inyong laman ay napakasagana, at ang inyong pagnanasa ay napakalaki!
Sa tingin, mukhang napakaayos ng iyong buhay ng pagkatao, nguni’t wala kang masabi kapag pinagsasalita tungkol sa iyong kaalaman sa buhay; at dito ay naghihirap ka. Kailangan mong sangkapan ng katotohanan ang iyong sarili! Bumuti na ang iyong buhay ng pagkatao, at kaya kailangan ding magbago ang buhay sa loob mo; baguhin ang iyong mga iniisip, baguhin ang iyong mga pananaw tungkol sa pananalig sa Diyos, baguhin ang kaalaman at pag-iisip mo sa loob mo, at baguhin ang kaalaman tungkol sa Diyos na umiiral sa iyong mga kuru-kuro. Sa pamamagitan ng pakikitungo, sa pamamagitan ng mga paghahayag at pagtustos, unti-unting baguhin ang kaalaman mo tungkol sa iyong sarili, sa buhay ng tao, at sa pananalig sa Diyos; gawing puwedeng madalisay ang iyong pang-unawa. Sa ganitong paraan, nagbabago ang mga iniisip ng tao, nagbabago ang kanyang pagtingin sa mga bagay-bagay, at nagbabago ang kanyang pag-iisip. Ito lamang ang matatawag na pagbabago sa disposisyon sa buhay. Hindi ka inuutusang gugulin ang lahat ng oras sa maghapon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, o paglalaba ng mga damit at paglilinis. Ang isang buhay ng normal na pagkatao ay kailangang likas na kayang matiis man lang. Bukod pa roon, pagdating sa mga panlabas na bagay, kailangan ka pa ring gumamit ng kaunting kabatiran at katwiran; nguni’t ang pinakamahalaga ay ang masangkapan ka ng katotohanan ng buhay. Kapag sinasangkapan mo ang iyong sarili para sa buhay, kailangan mong magtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, kailangan mong makayang magsalita tungkol sa pagkakilala sa Diyos, sa iyong mga pananaw tungkol sa buhay ng tao, at, lalo na, sa iyong kaalaman tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos sa mga huling araw. Yamang hinahabol mo ang buhay, kailangan mong sangkapan ang iyong sarili ng mga bagay na ito. Kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, kailangan mong sukatin ang realidad ng sarili mong kalagayan kumpara sa mga ito. Ibig sabihin, kapag natuklasan mo ang iyong mga pagkukulang habang dumaranas ng totoo mong realidad, kailangang makaya mong makakita ng isang landas ng pagsasagawa, na talikuran ang iyong mga maling motibo at kuru-kuroa. Kung lagi kang nagsisikap para sa mga bagay na ito at buong pusong nagsisikap tungo sa pagkakamit ng mga ito, magkakaroon ka ng landas na susundan, hindi ka makararamdam ng kahungkagan, at sa gayo’y magagawa mong manatili sa isang normal na kalagayan. Saka ka lamang magiging isang tao na nagdadala ng pasanin sa sarili mong buhay, na may pananampalataya. Bakit kaya hindi magawa ng ilang tao, matapos basahin ang mga salita ng Diyos, na isagawa ang mga ito? Hindi ba dahil hindi nila natatarok ang pinakamahahalagang bagay? Hindi ba dahil hindi sila seryoso sa buhay? Kaya hindi nila natatarok ang mahahalagang bagay at wala silang landas sa pagsasagawa ay dahil kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila maiugnay ang sarili nilang mga kalagayan sa mga ito, ni nasusupil ang sarili nilang mga kalagayan. Sinasabi ng ilang tao: “Binabasa ko ang mga salita ng Diyos at iniuugnay ang aking kalagayan sa mga ito, at alam ko na ako ay tiwali at kulang sa kakayahan, nguni’t hindi ko kayang bigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos.” Panlabas pa lang ang nakita mo; maraming totoong bagay na hindi mo alam: paano isantabi ang mga kasiyahan ng laman, paano isantabi ang pagmamagaling, paano baguhin ang iyong sarili, paano pumasok sa mga bagay na ito, paano dagdagan ang iyong kakayahan, at saang aspeto magsisimula. Natatarok mo lang ang ilang bagay sa panlabas, at ang alam mo lang ay na talagang napakatiwali mo. Kapag nakikipagkita ka sa iyong mga kapatid, nagsasalita ka tungkol sa kung gaano ka katiwali, at mukhang kilala mo ang sarili mo at mabigat ang pasaning dinadala mo sa buhay. Sa katunayan, hindi nagbago ang iyong tiwaling disposisyon, na nagpapatunay na hindi mo pa natatagpuan ang landas sa pagsasagawa. Kung namumuno ka sa isang iglesia, kailangan mong makayang unawain ang mga kalagayan ng mga kapatid at tukuyin ang mga ito. Maaari bang sabihin mo lang na: “Suwail at paurong kayong mga tao!”? Hindi, kailangan mong tukuyin kung paano namamalas ang kanilang pagsuway at pagiging paurong. Kailangan mong magsalita tungkol sa kanilang mga suwail na kalagayan, sa kanilang suwail na mga pag-uugali, at sa kanilang makasatanas na mga disposisyon, at kailangan mong magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa isang paraan na lubos silang nakukumbinsi ng katotohanan sa iyong mga salita. Gumamit ng mga katunayan at halimbawa para ipaliwanag ang pinupunto mo, at sabihin nang tumpak kung paano sila makakahulagpos sa mapanghimagsik na pag-uugali, at tukuyin ang landas sa pagsasagawa—ganito ang pagkumbinsi sa mga tao. Yaon lamang mga gumagawa nito ang may kakayahang mamuno sa iba; sila lamang ang may taglay ng katotohanang realidad.
Napagkalooban na kayo ngayon ng maraming katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at kailangan mong suriin ang mga ito. Dapat mong masabi kung ilang katotohanan ang lahat ng iyan. Kapag alam mo na at nasasabi mo mismo ang pagkakaiba sa pagitan ng ilang aspeto ng normal na pagkatao na dapat taglayin ng isang tao, ang mga pangunahing aspeto ng mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ng isang tao, ang pagpapalalim ng mga pangitain, at ang mga maling pamamaraan ng pagkilala at pagdanas na nagamit ng mga tao sa lahat ng mga kapanahunan—doon ka pa lamang makatatahak sa tamang landas. Sinasamba ng mga tao ng relihiyon ang Bibliya na para bang ito ang Diyos; lalo na, itinuturing nila ang Apat na Ebanghelyo ng Bagong Tipan na parang ang mga ito ang apat na iba’t ibang mukha ni Jesus, at binabanggit nila ang Trinidad ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Lubhang katawa-tawa ang lahat ng ito, at dapat maaninag ninyong lahat ito; higit pa riyan, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman tungkol sa diwa ng Diyos na naging tao at sa gawain sa mga huling araw. Mayroon din yaong mga dating pamamaraan ng pagsasagawa, mga kamalian at paglihis na nauugnay sa pagsasagawa—pamumuhay sa espiritu, pagiging puspos ng Banal na Espiritu, pagsuko sa anumang mangyayari, pagpapasakop sa awtoridad—na kailangan ninyong malaman; dapat ninyong malaman kung paano nagsagawa ang mga tao noon, at kung paano dapat magsagawa ang mga tao ngayon. Patungkol sa kung paano dapat magtulungan ang mga lider at manggagawa sa mga iglesia; paano isantabi ang pagmamagaling at pagmamataas; paano dapat mamuhay ang mga kapatid na kaagapay ang isa’t isa; paano magtatag ng mga normal na kaugnayan sa ibang mga tao at sa Diyos; paano magkamit ng normalidad sa buhay ng tao; ano ang dapat taglayin ng mga tao sa kanilang espirituwal na buhay; paano nila dapat kainin at inumin ang mga salita ng Diyos; alin sa mga salita ng Diyos ang nauugnay sa kaalaman, alin ang may kinalaman sa mga pangitain, at alin sa mga ito ang nauugnay sa landas sa pagsasagawa—hindi ba nabanggit na ang lahat ng ito? Ang mga salitang ito ay bukas sa mga naghahabol sa katotohanan, at walang sinumang pinakikitunguhan nang may pagtatangi. Ngayon, dapat ninyong linangin ang kakayahang mabuhay nang mag-isa, hindi nakasandig sa kaisipang palaasa sa iba. Sa hinaharap, kapag walang sinumang gagabay sa inyo, maiisip mo ang mga salita Kong ito. Sa mga panahon ng kapighatian, kapag imposibleng ipamuhay ang buhay ng iglesia, kapag hindi makausap ng mga kapatid ang isa’t isa, karamihan sa kanila ay namumuhay nang mag-isa, ang pinakakaya lang gawin ay ang makipag-ugnayan sa mga tao sa kanilang lugar, sa gayong mga pagkakataon na, dahil sa inyong kasalukuyang tayog, sadyang hindi kayo magiging matatag. Sa gitna ng mga kapighatian, marami ang nahihirapan na tumayong matatag. Yaon lamang mga nakakaalam sa daan ng buhay at nasasangkapan ng sapat na katotohanan ang nagagawang magpatuloy na umunlad at unti-unting mapadalisay at mabago. Hindi madaling sumailalim sa mga kapighatian; kung inaakala mo na mapagdaraanan mo ang mga ito sa loob ng ilang araw lamang, pinatutunayan nito kung gaano kapayak ang iyong pag-iisip! Akala mo sa pag-unawa ng maraming doktrina, magagawa mong tumayong matatag, nguni’t hindi ganyan ang nangyayari! Kung hindi mo nakikilala ang mga bagay na mahalaga sa mga salita ng Diyos, hindi mo nakakayang tarukin ang mahahalagang katangian ng katotohanan, at wala kang landas sa pagsasagawa, pagdating ng panahon na may nangyari sa iyo, masasadlak ka sa kalituhan. Hindi mo matatagalan ang tukso ni Satanas, ni ang pagsapit ng pagpipino. Kung wala sa iyo ang katotohanan at wala kang mga pangitain, pagdating ng panahon, hindi mo mapipigilan ang iyong sarili na bumagsak. Mawawalan ka ng pag-asa at sasabihin mong, “Aba, kung mamamatay lang din ako, mabuti pang makastigo ako hanggang wakas! Kung makastigo man o ipadala sa lawa ng apoy, sige lang—tatanggapin ko kung anong darating!” Ganito noong panahon ng mga tagapagsilbi: Naniwala ang ilang tao na sila ay mga tagapagsilbi anuman ang mangyari, kaya hindi na nila hinabol ang buhay. Nanigarilyo sila at uminom ng alak, nagpasasa sa laman, at ginawa ang gusto nila. Ang ilan ay basta nagbalik sa mundo para magtrabaho. Gayon din ang isang kapaligiran kung saan mahirap mabuhay; kung hindi mo ito madadaig, habang niluluwagan mo ang iyong sarili kahit katiting, mawawalan ka na ng pag-asa. Kung hindi mo madadaig ang impluwensya ni Satanas, mabibihag ka ni Satanas bago mo pa malaman iyon at muli kang masasadlak sa pagkawasak. Kaya, ngayon ay kailangan mong sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan; kailangan mong matutong mamuhay nang mag-isa; at, kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, kailangan mong magawang maghanap ng landas sa pagsasagawa. Kung walang mga lider o manggagawa na magdidilig at aakay sa iyo, dapat mo pa ring magawang makakita ng isang landas na susundan, makita ang sarili mong mga pagkukulang, makita ang mga katotohanang dapat mong isangkap sa iyong sarili at isagawa. Palagi bang masasamahan ng Diyos ang tao matapos pumarito sa lupa? Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala ang ilang tao: “Diyos ko, kung hindi Mo kami gagawaan kahit paano, hindi maituturing na tapos na ang Iyong gawain, dahil pinaparatangan Ka ni Satanas.” Sinasabi Ko sa iyo, kapag natapos Ko nang sambitin ang Aking mga salita, tagumpay nang natapos ang Aking gawain. Kapag wala na Akong sasabihin, kumpleto na ang Aking gawain. Ang katapusan ng Aking gawain ay patunay ng pagkatalo ni Satanas, at dahil doon, masasabi na tagumpay itong naisakatuparan, nang walang anumang paratang mula kay Satanas. Nguni’t kung wala pa ring pagbabago sa inyo kapag natapos na ang Aking gawain, wala nang pag-asang maligtas ang mga taong katulad ninyo at aalisin kayo. Hindi na Ako gagawa ng gawaing bukod pa sa kinakailangan. Hindi Ko itutuloy ang Aking gawain sa lupa hangga’t hindi ka nalulupig kahit paano, at taglay ninyong lahat ang malinaw na kaalaman tungkol sa bawa’t aspeto ng katotohanan, at naragdagan na ang inyong kakayahan at nagpapatotoo kayo sa panloob at sa panlabas. Magiging imposible iyon! Ngayon, ang gawaing Aking ginagawa sa inyo ay para akayin kayo sa isang buhay ng normal na pagkatao; ito ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan at pag-aakay sa sangkatauhan tungo sa buhay ng bagong kapanahunan. Sa paisa-isang hakbang, ang gawaing ito ay isinasakatuparan at nabubuo sa inyo, nang direkta: Tinuturuan Ko kayo nang harapan; hinahawakan Ko kayo sa kamay; sinasabi Ko sa inyo ang anumang hindi ninyo nauunawaan, ipinagkakaloob sa inyo ang anumang wala kayo. Masasabi na, para sa inyo, lahat ng gawaing ito ay ang inyong panustos sa buhay, ginagabayan din kayo tungo sa isang buhay ng normal na pagkatao; ang layon nito sa partikular ay magkaloob ng pantustos para sa buhay ng grupong ito ng mga tao sa panahon ng mga huling araw. Para sa Akin, lahat ng gawaing ito ay para wakasan ang lumang kapanahunan at simulan ang isang bagong kapanahunan; patungkol kay Satanas, naging tao Ako para daigin ito mismo. Ang gawaing ginagawa Ko sa gitna ninyo ngayon ay panustos ninyo para ngayon at para sa inyong napapanahong kaligtasan, nguni’t sa panahon nitong ilang maiikling taon, sasabihin Ko sa inyo ang lahat ng katotohanan, ang buong daan ng buhay, at maging ang gawain sa hinaharap; magiging sapat ito para bigyang-kakayahan kayo na maranasan nang normal ang mga bagay sa hinaharap. Lahat lamang ng Aking salita ang naipagkatiwala Ko sa inyo. Wala na Akong iba pang ipinapangaral; ngayon, lahat ng salitang sinasambit Ko sa inyo ay siyang pangaral Ko sa inyo, dahil ngayon ay wala kayong karanasan sa marami sa mga salitang Aking sinasambit, at hindi nauunawaan ang mas napapaloob na kahulugan ng mga ito. Balang araw, magbubunga ang inyong mga karanasan tulad ng nasabi ko ngayon. Ang mga salitang ito ay mga pangitain ninyo sa ngayon, at ang mga ito ay siya ninyong aasahan sa hinaharap; ang mga ito ay panustos sa buhay ngayon at isang pangaral para sa hinaharap, at wala nang ibang pangaral na mas gagaling pa. Iyan ay dahil ang panahon na mayroon Ako para gumawa sa lupa ay hindi kasinghaba ng panahon na mayroon kayo para maranasan ang Aking mga salita; kinukumpleto Ko lamang ang Aking gawain, samantalang kayo ay naghahabol sa buhay, isang proseso na kinapapalooban ng mahabang paglalakbay sa buhay. Matapos ninyong maranasan ang maraming bagay, saka lamang ninyo lubos na matatamo ang daan ng buhay; saka lamang ninyo maaaninag ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang sinasambit Ko ngayon. Kapag taglay ninyo ang Aking mga salita sa inyong mga kamay, kapag natanggap na ng bawa’t isa sa inyo ang lahat ng Aking tagubilin, kapag naiatas Ko na sa inyo ang lahat ng kailangan Kong iatas, at kapag nagwakas na ang gawain ng mga salita, gaano man kalaki ang naging epekto nito, maipapatupad na rin ang kalooban ng Diyos. Hindi iyon katulad ng iniisip mo, na dapat kang mabago hanggang sa isang punto; hindi kumikilos ang Diyos ayon sa iyong mga kuru-kuro.
Hindi lumalago ang mga tao sa buhay nila sa loob lamang ng ilang araw. Kahit kumain at uminom sila ng mga salita ng Diyos araw-araw, hindi ito sapat. Kailangan nilang maranasan ang isang panahon ng paglago sa mga buhay nila. Ito ay isang kinakailangang proseso. Sa kakayahan ng mga tao ngayon, ano ang makakamtan nila? Ang Diyos ay gumagawa ayon sa mga pangangailangan ng mga tao, humihingi nang naaangkop batay sa kanilang likas na kakayahan. Ipagpalagay nang ang gawaing ito ay isinakatuparan sa isang grupo ng mga tao na may malaking kakayahan: Ang mga salitang binigkas ay magiging mas mataas kaysa sa mga binigkas sa inyo, ang mga pangitain ay magiging mas mataas, at ang mga katotohanan ay magiging lalong mas mataas. Ang ilang salita ay kailangang maging mas matindi, mas kayang tustusan ang buhay ng mga tao, mas kayang maghayag ng mga hiwaga. Kapag nagsasalita sa gayong mga tao, maglalaan ang Diyos ayon sa kanilang mga pangangailangan. Ang mga hinihingi sa inyo ngayon ay matatawag na pinakamahihirap; kung ang gawaing ito ay isinakatuparan sa mga taong may mas malaking kakayahan, magiging mas malaki rin ang mga hihingin. Lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa ayon sa likas na kakayahan ng mga tao. Ang lawak ng nabago at nalupig sa mga tao ngayon ay ang pinakamalaking posibleng lawak; huwag gamitin ang sariling mga kuru-kuro para sukatin kung gaano naging epektibo ang yugtong ito ng gawain. Dapat maging malinaw sa inyo kung ano ang likas ninyong taglay, at huwag masyadong mataas ang tingin ninyo sa inyong mga sarili. Dati-rati, walang isa man sa inyo ang naghabol sa buhay, kundi mga pulubing pagala-gala sa mga lansangan. Para gumawa sa inyo ang Diyos hanggang sa lawak na iniisip mo, na pinagpapatirapa kayong lahat sa lupa, lubos na kumbinsido, na para bang nakakita ka ng isang dakilang pangitain—imposible iyon! Imposible iyon dahil sinumang hindi pa nakakita ng mga himala ng Diyos ay hindi lubos na nakakapaniwala sa lahat ng sinasabi Ko. Kahit suriin mo pang mabuti ang Aking mga salita, hindi mo pa rin paniniwalaan ang mga ito nang lubusan; likas iyan sa tao. Yaong mga naghahabol sa katotohanan ay sasailalim sa ilang pagbabago, samantalang ang pananampalataya na dating tinaglay ng mga hindi naghahabol sa katotohanan ay mababawasan at maaari pang maglaho. Ang hirap sa inyo talaga ay hindi kayo lubos na nakakapaniwala hangga’t hindi ninyo nakikita ang katuparan ng mga salita ng Diyos, at hindi kayo umaayon hangga’t hindi ninyo nakikita ang Kanyang mga himala. Kung hindi nakikita ang gayong mga bagay, sino ang lubos na magiging tapat sa Diyos? Kaya nga sinasabi Ko na ang pinaniniwalaan ninyo ay hindi ang Diyos, kundi ang mga himala. Nagsalita na Ako ngayon nang malinaw tungkol sa iba’t ibang aspeto ng katotohanan; bawa’t isa sa mga ito ay kumpleto, at napakahigpit na magkakaugnay ang mga ito. Nakita na ninyo ang mga ito, at ngayon ay kailangan mong isagawa ang mga ito. Ngayon ay ipinapakita Ko sa iyo ang landas, at sa hinaharap, dapat ay ikaw mismo ang magsagawa nito. Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay humihingi sa mga tao batay sa kanilang tunay na sitwasyon, at gumagawa Ako alinsunod sa kanilang mga pangangailangan at sa mga bagay na nasa loob nila. Ang praktikal na Diyos ay naparito sa lupa upang gumawa ng praktikal na gawain, upang gumawa ayon sa mga tunay na sitwasyon at pangangailangan ng mga tao. Hindi Siya di-makatwiran. Kapag kumikilos ang Diyos, hindi Niya pinipilit ang mga tao. Halimbawa, mag-asawa ka man o hindi, dapat ay batay iyan sa realidad ng iyong sitwasyon; malinaw nang nasabi sa iyo ang katotohanan, at hindi kita pinipigilan. May mga tao na inaapi ng kanilang mga pamilya kaya hindi nila magawang maniwala sa Diyos maliban kung mag-aasawa sila. Sa ganitong paraan, ang pag-aasawa, sa kabaligtaran, ay nakakatulong sa kanila. Para sa iba, walang pakinabang ang pag-aasawa, kundi ang kapalit nito ay kung anong mayroon sila dati. Ang sarili mong kaso ay dapat maalaman sa pamamagitan ng iyong aktuwal na sitwasyon at ng iyong sariling pasya. Hindi Ako narito upang mag-imbento ng mga tuntunin at regulasyon na magagamit Ko para humingi sa inyo. Maraming tao ang patuloy na nananawagan, “Ang Diyos ay praktikal; ang Kanyang gawain ay batay sa realidad, at sa realidad ng ating mga sitwasyon”—nguni’t sa katunayan, alam mo ba kung paano ito nagkakatotoo? Tumigil ka sa mga hungkag mong salita! Ang gawain ng Diyos ay totoo at batay sa realidad; wala itong doktrina, kundi libreng-libre ito, lahat ng ito ay hayag at hindi nakatago. Ano ang mga partikular na detalye ng ilang prinsipyong ito? Masasabi mo ba kung aling mga bahagi ng gawain ng Diyos ang ganito? Kailangan mong magsalita nang detalyado, kailangan mong magkaroon ng ilang uri ng patotoo tungkol sa iyong mga karanasan, at kailangan mong maging napakalinaw tungkol sa katangiang ito ng gawain ng Diyos—dapat ay alam mo ito, at saka ka lamang magiging karapat-dapat na sambitin ang mga salitang ito. Kaya mo bang sumagot kung tatanungin ka ng isang tao ng: “Anong gawain ang nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa sa mga huling araw? Bakit ninyo Siya tinatawag na praktikal na Diyos? Ano ang ibig sabihin ng ‘praktikal’ dito? Makakapagsalita ka ba tungkol sa Kanyang praktikal na gawain, kung ano ang partikular na kabilang dito? Si Jesus ay Diyos na naging tao, at ang Diyos ngayon ay Diyos din na naging tao, kaya ano ang mga pagkakaiba sa pagitan Nila? At ano ang mga pagkakatulad? Anong gawain ang nagawa ng bawa’t isa sa Kanila?” Lahat ng ito ay patungkol sa pagpapatotoo! Huwag malito tungkol sa mga bagay na ito. Mayroong iba na nagsasabi: “Ang gawain ng Diyos ngayon ay tunay. Kailanma’y hindi ito isang pagpapamalas ng mga himala at kababalaghan.” Talaga bang hindi Siya gumagawa ng mga himala at kababalaghan? Sigurado ka ba? Alam mo ba kung ano talaga ang Aking gawain? Maaaring sabihin ng isa na hindi Siya gumagawa ng mga himala at kababalaghan, nguni’t hindi ba ang gawaing ginagawa Niya at salitang sinasambit Niya ay mga himalang lahat? Maaaring sabihin ng isa na hindi siya gumagawa ng mga himala at kababalaghan, nguni’t depende iyan kung paano ito ipinaliliwanag at para kanino iyon. Kahit hindi Siya nagpupunta sa iglesia, nailantad Niya ang mga kalagayan ng mga tao, at kahit hindi ginagampanan ang anumang gawain maliban sa pagsasalita, napasulong Niya ang mga tao—hindi ba himala ang mga ito? Sa mga salita lamang, nalupig Niya ang mga tao, at masayang sumusunod ang mga tao kahit walang mga pagkakataon o pag-asa—hindi ba isa rin itong himala? Kapag nagsasalita Siya, ang Kanyang mga salita ay nagbubunsod ng isang damdamin sa mga tao. Kung hindi sila nakadarama ng kasayahan, nakadarama sila na malamlam; kung hindi sila sumasailalim sa pagpipino, sumasailalim sila sa pagkastigo. Sa ilang matatalim na salita lamang, naghahatid Siya ng pagkastigo sa mga tao—hindi ba ito higit sa karaniwan? Kaya bang gawin ng mga tao ang gayong bagay? Nabasa mo na ang Bibliya sa loob ng maraming taon, nguni’t wala kang naunawaan, wala kang natamong kabatiran; hindi mo kinayang ihiwalay ang iyong sarili roon sa mga makaluma at tradisyonal na mga paraan ng pananalig. Wala kang paraan para maunawaan ang Bibliya. Subali’t lubos Niyang nauunawaan ang Bibliya—hindi ba ito isang bagay na higit sa karaniwan? Kung walang anumang bagay na higit sa karaniwan tungkol sa Diyos nang pumarito Siya sa lupa, magagawa ba Niyang lupigin kayo? Kung wala ang Kanyang pambihira at banal na gawain, sino sa inyo ang makukumbinsi? Sa iyong mga mata, lumilitaw na para bang may isang normal na tao ang gumagawa at namumuhay sa piling ninyo—sa tingin, mukha Siyang isang normal at karaniwang tao; ang nakikita ninyo ay balatkayo ng normal na pagkatao, nguni’t ang totoo, ito ang pagka-Diyos na gumagawa. Hindi ito normal na pagkatao, kundi pagka-Diyos; ito ang Diyos Mismo na nasa gawain, gawain na ginagampanan Niya gamit ang normal na pagkatao. Sa gayon, ang Kanyang gawain ay kapwa normal at higit sa karaniwan. Ang gawaing ginagawa Niya ay hindi magagawa ng tao; at dahil hindi ito magagawa ng normal na mga tao, ginagawa ito ng isang pambihirang nilalang. Subali’t ang pagka-Diyos ang pambihira, hindi ang pagkatao; ang pagka-Diyos ay kaiba sa pagkatao. Ang isang taong ginagamit ng Banal na Espiritu ay karaniwan at normal din ang pagkatao, nguni’t hindi nila kayang gawin ang gawaing ito. Narito ang kaibhan. Maaari mong sabihing: “Ang Diyos ay hindi isang higit sa karaniwan na Diyos; wala Siyang ginagawang higit sa karaniwan. Ang ating Diyos ay sumasambit ng mga salitang praktikal at tunay. Nagpupunta Siya sa iglesia upang gumawa ng tunay at praktikal na gawain. Bawa’t araw, nagsasalita Siya sa atin nang harapan, at, harapan, tinutukoy Niya ang ating mga kalagayan—ang ating Diyos ay tunay! Nabubuhay Siya sa ating piling, at lahat ng tungkol sa Kanya ay lubos na normal. Walang anuman sa Kanyang anyo na nagpapaiba sa Kanya bilang Diyos. May mga pagkakataon pa nga na nagagalit Siya at namamasdan natin ang karingalan ng Kanyang poot, at kung minsa’y ngumingiti Siya, at namamasdan natin ang Kanyang pagngiti. Siya ang Diyos Mismo na may hugis at anyo, may laman at dugo, na tunay at totoo.” Kapag ikaw ay nagpapatotoo sa ganitong paraan, hindi kumpleto ang patotoong ito. Ano ang maitutulong nito sa iba? Kung hindi mo napapatotohanan ang kuwentong nakapaloob at diwa ng gawain ng Diyos Mismo, ang iyong “patotoo” ay hindi nararapat tawaging patotoo!
Ang pagpapatotoo sa Diyos una sa lahat ay patungkol sa pagsasalita tungkol sa iyong kaalaman sa gawain ng Diyos, kung paano nilulupig ng Diyos ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya binabago ang mga tao; patungkol ito sa pagsasalita kung paano Niya ginagabayan ang mga tao sa pagpasok sa katotohanang realidad, na nagtutulot sa kanila na malupig, maperpekto, at mailigtas Niya. Ang pagpapatotoo ay nangangahulugan ng pagsasalita tungkol sa Kanyang gawain at lahat ng naranasan mo. Tanging ang Kanyang gawain ang kayang kumatawan sa Kanya, at tanging ang Kanyang gawain ang kayang maghayag sa Kanya sa publiko, sa Kanyang kabuuan; ang Kanyang gawain ay nagpapatotoo sa Kanya. Ang Kanyang gawain at mga pagbigkas ay direktang kumakatawan sa Espiritu; ang gawaing ginagawa Niya ay isinasakatuparan ng Espiritu, at ang mga salitang sinasambit Niya ay sinasalita ng Espiritu. Ang mga bagay na ito ay ipinapahayag lamang sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos, subali’t, ang katunayan, mga pahayag ito ng Espiritu. Lahat ng gawaing ginagawa Niya at lahat ng salitang sinasambit Niya ay kumakatawan sa Kanyang diwa. Kung, matapos bihisan ang Kanyang sarili ng laman at pumarito sa gitna ng tao, hindi nagsalita o gumawa ang Diyos, at pagkatapos ay inutusan kayong alamin ang Kanyang pagkatotoo, Kanyang normalidad, at Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, magagawa mo ba? Magagawa mo bang alamin kung ano ang diwa ng Espiritu? Magagawa mo bang alamin ang mga katangian ng Kanyang katawang-tao? Dahil lamang sa naranasan ninyo ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain kaya Niya kayo hinihingan na magpatotoo tungkol sa Kanya. Kung wala kayong gayong karanasan, hindi Niya kayo pipiliting magpatotoo. Sa gayon, kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, hindi mo lamang pinatototohanan ang Kanyang panlabas na normal na pagkatao, kundi pati na ang gawaing Kanyang ginagawa at ang landas na Kanyang tinatahak; patototohanan mo kung paano ka Niya nalupig at sa anong mga aspeto ka nagawang perpekto. Ito ang klase ng patotoo na dapat mong ibigay. Kung, saan ka man magtungo, humihiyaw ka ng: “Naparito ang ating Diyos upang gumawa, at ang Kanyang gawain ay talagang praktikal! Natamo na Niya tayo nang walang mga kilos na higit sa karaniwan, nang wala man lang anumang mga himala at kababalaghan!” Itatanong ng iba: “Ano ang ibig mong sabihin kapag sinasabi mo na hindi Siya gumagawa ng mga himala at kababalaghan? Paano ka Niya nalupig nang hindi gumagawa ng mga himala at kababalaghan?” At sasabihin mo: “Siya ay nagsasalita, at, kahit hindi nagpapakita ng anumang mga kababalaghan o himala, nalupig Niya tayo. Nalupig tayo ng Kanyang gawain.” Sa kahuli-hulihan, kung wala kang masabing anuman na may katuturan, kung hindi mo nasasabi ang mga detalye, ito ba ay tunay na patotoo? Kapag nilulupig ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga tao, ang Kanyang banal na mga salita ang gumagawa niyon. Hindi ito naisasakatuparan ng sangkatauhan; hindi ito isang bagay na nakakamit ng sinumang mortal, at kahit yaong mga may pinakamalalaking kakayahan sa normal na mga tao ay hindi ito kaya, sapagka’t ang Kanyang pagka-Diyos ay mas mataas kaysa sinumang nilikha. Hindi ito pangkaraniwan sa mga tao; ang Lumikha, matapos ang lahat, ay mas dakila kaysa sinumang nilikha. Ang mga nilikha ay hindi kayang maging mas mataas kaysa sa Lumikha; kung mas mataas ka kaysa sa Kanya, hindi Niya magagawang lupigin ka, at nalulupig ka lang Niya dahil mas mataas Siya kaysa sa iyo. Siya na nakakayang lupigin ang buong sangkatauhan ay ang Lumikha, at walang sinuman kundi Siya ang nakakagawa ng gawaing ito. Ang mga salitang ito ay “patotoo”—ang klase ng patotoo na dapat mong taglayin. Sa paisa-isang hakbang, naranasan mo ang pagkastigo, paghatol, pagpipino, mga pagsubok, mga pagkabigo, at mga pagdurusa, at nalupig ka na; naisantabi mo na ang mga kagustuhan ng laman, ang iyong mga personal na motibo, at ang matatalik na interes ng laman. Sa madaling salita, lubos nang nalupig ng mga salita ng Diyos ang iyong puso. Bagama’t hindi ka nakalago sa iyong buhay na katulad ng hinihingi Niya, alam mo ang lahat ng bagay na ito at lubos kang kumbinsido sa ginagawa Niya. Kaya, maaari itong tawaging patotoo, patotoo na tunay at totoo. Ang gawaing ipinarito ng Diyos na gawin, ang gawain ng paghatol at pagkastigo, ay para lupigin ang tao, nguni’t tinatapos din Niya ang Kanyang gawain, winawakasan ang kapanahunan, at isinasakatuparan ang gawain ng pagtatapos. Winawakasan Niya ang buong kapanahunan, inililigtas ang buong sangkatauhan, pinalalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa huling pagkakataon; lubos Niyang natatamo ang sangkatauhan, na Kanyang nilikha. Dapat mong patotohanan ang lahat ng ito. Napakarami mo nang naranasan sa gawain ng Diyos, nakita na ito ng sarili mong mga mata at personal mo itong naranasan; kapag nakaabot ka na sa pinakadulo, kailangan ay magawa mong gampanan ang tungkuling nakaatas sa iyo. Sayang iyon! Sa hinaharap, kapag pinalalaganap ang ebanghelyo, dapat mong makayang magsalita tungkol sa sarili mong kaalaman, magpatotoo sa lahat ng iyong natamo sa puso mo, at gawin ang lahat. Ito ang dapat maabot ng isang nilikha. Ano ang aktuwal na kabuluhan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos? Ano ang epekto nito? At gaano rito ang isinasakatuparan sa tao? Ano ang dapat gawin ng mga tao? Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa lahat ng gawaing nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao mula nang pumarito sa lupa, magiging husto ang iyong patotoo. Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa limang bagay na ito: ang kabuluhan ng Kanyang gawain; ang mga nilalaman nito; ang diwa nito; ang disposisyon na kinakatawan nito; at ang mga prinsipyo nito, patutunayan nito na kaya mong magpatotoo sa Diyos, na tunay kang nagtataglay ng kaalaman. Ang Aking mga kinakailangan sa inyo ay hindi napakataas, at magagawa ng lahat ng nasa tunay na paghahabol. Kung nagpasya kang maging isa sa mga saksi ng Diyos, kailangan mong maunawaan kung ano ang kinapopootan ng Diyos at kung ano ang minamahal ng Diyos. Naranasan mo na ang marami sa Kanyang gawain; sa pamamagitan ng gawaing ito, kailangan mong malaman ang Kanyang disposisyon, maunawaan ang Kanyang kalooban at Kanyang mga kinakailangan sa sangkatauhan, at gamitin ang kaalamang ito upang magpatotoo tungkol sa Kanya at gampanan ang iyong tungkulin. Maaaring sabihin mo lang na: “Kilala namin ang Diyos. Napakatindi ng Kanyang paghatol at pagkastigo. Ang Kanyang mga salita ay napakahigpit; ang mga ito ay matuwid at maringal, at hindi maaaring suwayin ng sinumang tao,” nguni’t ang mga salitang ito ba sa kahuli-hulihan ay nagkakaloob sa tao? Ano ang epekto ng mga ito sa mga tao? Talaga bang alam mo na ang gawain ng paghatol at pagkastigo na ito ay napakabuti para sa iyo? Inilalantad ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ang iyong pagiging mapanghimagsik at katiwalian, hindi ba? Malilinis at mapapatalsik ng mga ito ang marurumi at tiwaling bagay na iyon na nasa loob mo, hindi ba? Kung walang paghatol at pagkastigo, ano ang mangyayari sa iyo? Kinikilala mo ba talaga ang katotohanang nagawa ka nang tiwali ni Satanas sa pinakamatinding antas? Ngayon, dapat ninyong sangkapan ang inyong sarili ng mga bagay na ito at alamin nang husto ang mga ito.
Ang paniniwala sa Diyos sa panahon ngayon ay hindi ang pananampalatayang maaaring inaakala ninyo—na sapat nang basahin ang mga salita ng Diyos, manalangin, kumanta, sumayaw, gampanan ang tungkulin, at mamuhay ng normal na pagkatao. Talaga bang maaaring maging napakapayak ng paniniwala? Ang mahalaga ay ang mga resulta. Hindi iyon kung ilan ang paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay; sa halip, iyon ay kung paano mo talaga makakamtan ang pinakamagagandang resulta. Maaaring magawa mong panghawakan ang mga salita ng Diyos at ipaliwanag ang ilan sa iyong kaalaman, nguni’t kapag isinantabi mo ang mga ito, wala kang masabi. Ipinapakita nito na kaya mo lamang bumigkas ng mga salita at doktrina nguni’t wala kang kaalaman ng karanasan. Ngayon, hindi magiging sapat kung bigo kang tarukin kung ano ang mahalaga—napakahalaga nito para sa pagpasok sa realidad! Magsimulang sanayin ang iyong sarili nang ganito: Una, basahin ang mga salita ng Diyos; alaming maigi ang mga espirituwal na katagang nasa loob ng mga ito; hanapin ang mga susing pangitaing nasa loob ng mga ito; tukuyin ang mga bahaging patungkol sa pagsasagawa; hugutin ang lahat ng elementong ito, nang paisa-isa; pumasok sa mga ito sa loob ng iyong karanasan. Ito ang mahahalagang bagay na kailangan mong matarok. Ang pinakamahalagang pagsasagawa kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ay ito: Kapag nabasa mo na ang isang kabanata ng mga salita ng Diyos, kailangan mong matukoy ang mga susing bahagi hinggil sa mga pangitain, at kailangan mo ring matukoy ang mga susing bahaging nauugnay sa pagsasagawa; gamitin ang mga pangitain bilang pundasyon, at gamitin ang pagsasagawa bilang gabay mo sa buhay. Ang mga ito ang kulang sa inyo higit sa lahat, at ang pinakamatindi ninyong paghihirap; sa inyong mga puso, bihira ninyong pansinin ang mga ito. Karaniwan, kayong lahat ay namumuhay sa katamaran, kawalan ng sigla, hindi handang gumawa ng anumang personal na sakripisyo; o nakatunganga lang kayo, at nagrereklamo pa ang ilan; hindi nila nauunawaan ang mga mithiin at kabuluhan ng gawain ng Diyos, at mahirap para sa kanila na habulin ang katotohanan. Ang gayong mga tao ay namumuhi sa katotohanan at sa kahuli-hulihan ay aalisin. Walang isa man sa kanila ang nagagawang perpekto, at walang isa man ang maaaring makaligtas. Kung wala ni katiting na determinasyon ang mga tao na labanan ang mga puwersa ni Satanas, wala silang pag-asa!
Ngayon, kung naging epektibo man o hindi ang inyong paghahabol ay nasusukat sa pamamagitan ng kung ano ang kasalukuyan ninyong taglay. Ito ang ginagamit para maalaman ang inyong kalalabasan; ibig sabihin, ang inyong kalalabasan ay nahahayag sa mga sakripisyo at mga bagay na nagawa ninyo. Ang inyong kalalabasan ay malalaman sa pamamagitan ng inyong paghahabol, inyong pananampalataya, at inyong nagawa. Sa inyong lahat, marami ang wala nang pag-asang mailigtas, sapagka’t ngayon ang araw ng paghahayag ng mga kalalabasan ng mga tao, at hindi Ako magiging lito sa Aking gawain; hindi Ko aakayin yaong mga lubos na walang pag-asang mailigtas tungo sa susunod na kapanahunan. Magkakaroon ng panahon na tapos na ang Aking gawain. Hindi Ko gagawaan yaong mababaho at walang espiritung mga bangkay na hindi man lang maililigtas; ngayon ang mga huling araw ng pagliligtas sa tao, at hindi Ako gagawa ng gawaing walang silbi. Huwag magalit sa Langit at lupa—darating na ang katapusan ng mundo. Hindi ito maiiwasan. Umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, at wala ka nang magagawa bilang tao para pigilin ang mga ito; hindi mo mababago ang mga bagay-bagay ayon sa gusto mo. Kahapon, hindi ka nagsikap na habulin ang katotohanan at hindi ka naging tapat; ngayon, dumating na ang panahon, wala ka nang pag-asang mailigtas; at bukas, aalisin ka na, at wala nang magiging palugit para sa iyong kaligtasan. Kahit malambot ang Aking puso at ginagawa Ko ang lahat ng makakaya Ko para iligtas ka, kung hindi ka nagpupunyagi o nag-iisip para sa sarili mo, ano ang kinalaman nito sa Akin? Yaong mga nag-iisip lamang tungkol sa kanilang laman at nagtatamasa ng kaginhawahan; yaong mga mukhang naniniwala nguni’t hindi talaga naniniwala; yaong mga nakikilahok sa masasamang panggagamot at pangkukulam; yaong mga walang delikadesa, gula-gulanit at nanlilimahid; yaong mga nagnanakaw ng mga alay kay Jehova at ng Kanyang mga pag-aari; yaong mga nagmamahal sa mga suhol; yaong mga nangangarap nang walang ginagawa na makaakyat sa langit; yaong mga mapagmataas at palalo, na nagpupunyagi lamang para sa personal na katanyagan at yaman; yaong mga nagkakalat ng mga salitang walang katuturan; yaong mga lumalapastangan sa Diyos Mismo; yaong mga walang ginagawa kundi husgahan at siraang-puri ang Diyos Mismo; yaong mga naggugrupu-grupo at naghahangad na maging malaya; yaong mga dinadakila ang kanilang sarili nang higit sa Diyos; yaong walang-kuwentang mga kabataan, mga may-edad at matatandang kalalakihan at kababaihan na nasilo sa kahalayan; yaong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na katanyagan at yaman at naghahabol ng personal na katayuan sa gitna ng iba; yaong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas? Ang kahalayan, pagiging makasalanan, masamang panggagamot, pangkukulam, pagmumura, at walang-katuturang mga salita ay lahat talamak sa inyo; at ang katotohanan at mga salita ng buhay ay tinatapakan sa gitna ninyo, at ang banal na pananalita ay dinudungisan sa gitna ninyo. Kayong mga Hentil, na sobra sa karumihan at pagkasuwail! Ano ang kalalabasan ninyo sa huli? Paano naaatim ng mga nagmamahal sa laman, gumagawa ng pangkukulam ng laman, at nabibitag sa mahalay na kasalanan na patuloy na mabuhay! Hindi mo ba alam na ang mga taong katulad ninyo ay mga uod na walang pag-asang maligtas? Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatang humingi ng kung anu-ano? Sa ngayon, wala ni katiting na pagbabago sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa laman—paano maliligtas ang gayong mga tao? Yaong mga hindi minamahal ang daan ng buhay, mga hindi dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, mga nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan, na nagtataas sa kanilang mga sarili—hindi ba’t ganoon pa rin sila, kahit ngayon? Ano ang kabuluhan ng pagliligtas sa kanila? Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano ka na katanda o ilang taon ka nang nagtatrabaho, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahabol. Kailangan mong malaman na yaong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subali’t hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa paggala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Napakaliit ng iyong pusong may takot sa Diyos kumpara sa iyong pusong nagmamahal sa iyong sarili at sa iyong mahahalay na pagnanasa—hindi ba napakasama ng ganitong klaseng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakasuwail mo, wala ka nang pag-asang maligtas! Hindi ba ang gayong mga tao ang aalisin? Hindi ba ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Gaano karami nito ang nasunod ninyo kahit kailan? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako’y gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo’y walang iba kundi mga soro at mga aso, ginagawa ang lahat para kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin yaong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pusong may takot? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagsunod o pagkatakot, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga taong sekswal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Kinamumuhian Ko kayong maruruming demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging haliparot ay magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Nakakadiri kayong maruruming demonyo at masasamang espiritu! Nakasusuklam kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang katotohanang ito, ang daang ito, at ang buhay na ito ay hindi umaakit sa inyo; bagkus, naaakit kayo sa pagkakasala; sa pera; sa reputasyon, katanyagan at pakinabang; sa mga kasiyahan ng laman; sa kaguwapuhan ng mga lalaki at kariktan ng mga babae. Ano ang nagbibigay ng karapatan sa inyo na pumasok sa Aking kaharian? Ang inyong larawan ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, maliban pa sa inyong kabantugan sa mga tao—naging idolo na kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba kayo naging ang arkanghel? Kapag inihahayag na ang mga kalalabasan ng mga tao, na kung kailan rin malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang alisin. Sa oras ng gawain ng pagliligtas, Ako ay mabait at mabuti sa lahat ng tao. Kapag natapos na ang gawain, ang mga kalalabasan ng iba’t ibang uri ng mga tao ay mahahayag, at sa oras na iyon, hindi na Ako magiging mabait at mabuti, sapagka’t ang mga kalalabasan ng mga tao ay mahahayag na, at bawa’t isa ay pagsasama-samahin ayon sa kanilang uri, at mawawalan na ng saysay ang paggawa ng anumang iba pang gawain ng pagliligtas, dahil ang kapanahunan ng pagliligtas ay nakalipas na, at, dahil nakalipas na, hindi na ito babalik.