Pagsasagawa 1
Noong araw, napakaraming paglihis at kahangalan sa mga paraan na naranasan ng mga tao. Hindi nila talaga naunawaan ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, kaya maraming aspeto kung saan naging magulo ang mga karanasan ng mga tao. Ang hinihingi ng Diyos sa tao ay na maisabuhay nila ang normal na pagkatao. Halimbawa, hindi baleng sumunod ang mga tao sa mga makabagong kaugalian tungkol sa pagkain at pananamit, magsuot ng amerikana at kurbata, matuto nang kaunti tungkol sa makabagong sining, at sa kanilang libreng oras ay maaari silang masiyahan sa sining, kultura at libangan. Maaari silang kumuha ng ilang di-malilimutang larawan, magbasa at magkamit ng ilang kapaki-pakinabang na kaalaman, at magkaroon ng isang tirahang medyo maganda ang kapaligiran. Lahat ng bagay na ito ay naaangkop sa buhay ng normal na pagkatao, gayunpama’y itinuturing ng mga tao ang mga ito bilang mga bagay na kinamumuhian ng Diyos at nagpipigil silang gawin mismo ang mga ito. Ang kanilang pagsasagawa ay binubuo lamang ng pagsunod sa ilang panuntunan, na humahantong sa isang buhay na matamlay na tulad ng tubig-kanal at ganap na walang kahulugan. Sa katunayan, hindi kailanman hiniling ng Diyos na gawin ng mga tao ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan. Nais ng lahat ng tao na bawasan ang kanilang sariling disposisyon, na walang tigil na nagdarasal sa kanilang kalooban na mas mapalapit sa Diyos, palaging pinagninilayan sa kanilang isipan kung ano ang binabalak ng Diyos, palaging nagmamasid ang kanilang mga mata sa ganito at ganyan, sa malaking takot na kahit paano ay maputol ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Lahat ng ito ay sariling konklusyon ng mga tao mismo; mga panuntunan ang mga ito na itinakda ng mga tao para sa kanilang sarili. Kung hindi mo kilala ang sarili mong kalikasang diwa at hindi mo nauunawaan kung anong antas ang maaabot ng iyong sariling pagsasagawa, mawawalan ka ng paraan para matiyak kung ano talaga ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao, at ni hindi ka magkakaroon ng tumpak na landas ng pagsasagawa. Dahil hindi mo maunawaan kung ano talaga ang hinihingi ng Diyos sa tao, laging naguguluhan ang iyong isipan, at pinipiga mo ang utak mo sa pagsusuri sa mga layunin ng Diyos at nangangapa ka sa paghahanap ng paraan para maantig at maliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil dito, natututo ka ng ilang paraan ng pagsasagawa na pinaniniwalaan mong angkop. Wala ka talagang ideya kung ano talaga ang hinihingi ng Diyos sa tao; basta masigla mo lamang na isinasagawa ang sarili mong kalipunan ng mga pagsasagawa, na walang masyadong pakialam sa kalalabasan at lalo na kung mayroon mang mga paglihis o pagkakamali sa iyong pagsasagawa. Sa ganitong paraan, natural na hindi tumpak at walang prinsipyo ang iyong pagsasagawa. Ang partikular na kulang dito ay ang normal na katwiran at konsiyensya ng tao, gayundin ang papuri ng Diyos at pagpapatibay ng Banal na Espiritu. Nagiging lubos na napakadaling tahakin na lamang ang iyong sariling landasin. Ang ganitong uri ng pagsasagawa ay pagsunod lamang sa mga panuntunan o sadyang pagtanggap ng mas maraming pasanin upang higpitan at kontrolin ang iyong sarili. Subalit iniisip mo na talagang tama ang iyong pagsasagawa, nang hindi nalalaman na karamihan ng iyong pagsasagawa ay binubuo ng di-kailangang mga proseso o pagtalima. Maraming nagsasagawa na kagaya nito sa loob ng maraming taon na wala man lang pagbabago sa kanilang mga disposisyon, walang bagong pagkaunawa, at walang bagong pagpasok. Hindi nila alam na muli nilang nagagawa ang dati nilang mga pagkakamali at ganap nilang pinapayagang manaig ang kanilang likas na kalupitan, maging hanggang sa punto kung saan maraming beses na di-makatwiran at di-makatao ang kanilang mga ginagawa, at kumikilos sila sa mga paraan na naiiwang naguguluhan at litung-lito ang mga tao. Masasabi ba na nagbago na ang disposisyon ng gayong mga tao?
Ngayon, ang paniniwala sa Diyos ay nakapasok na sa Kapanahunan ng Salita ng Diyos. Kung ikukumpara, hindi na madalas manalangin ang mga tao ngayon na tulad ng dati; tahasang naiparating ng mga salita ng Diyos ang lahat ng aspeto ng katotohanan at mga paraan ng pagsasagawa, kaya hindi na kailangang maghanap at mangapa ang mga tao. Sa buhay sa Kapanahunan ng Kaharian, mga salita ng Diyos ang umaakay sa mga tao pasulong, at ito ay isang buhay kung saan lahat ay ginawang malinaw para makita nila—sapagkat tahasan nang nailatag ng Diyos ang lahat, at hindi na naiiwang nangangapa ang tao sa buhay. Tungkol sa pag-aasawa, mga makamundong usapin, buhay, pagkain, pananamit at kanlungan, mga pakikipag-ugnayan sa iba, kung paano makapaglilingkod ang isang tao sa paraang tumutugon sa kalooban ng Diyos, kung paano dapat talikdan ng isang tao ang tawag ng laman, at iba pa, alin sa mga bagay na ito ang hindi naipaliwanag ng Diyos sa inyo? Kailangan pa ba ninyong manalangin at maghanap? Hindi na talaga kailangan! Kung ginagawa mo pa rin ang mga bagay na ito, kalabisan na lamang ang ginagawa mo. Ito ay kamangmangan at kahangalan, at lubos na hindi kailangan! Mga tao lamang na walang-walang kakayahan at hindi maunawaan ang mga salita ng Diyos ang walang-tigil na sumasambit ng mga hangal na panalangin. Ang susi sa pagsasagawa ng katotohanan ay kung determinado ka ba o hindi. Iginigiit ng ilang tao na sundin ang tawag ng kanilang laman sa kanilang mga kilos kahit alam nila na hindi ito naaayon sa katotohanan. Ito kung gayon ay nakahahadlang sa kanilang sariling pag-unlad sa buhay, at kahit pagkatapos manalangin at maghanap ay nais pa rin nilang sundin ang tawag ng laman. Sa paggawa nito, hindi ba sadya silang nagkakasala? Tulad ng mga nagnanasa sa mga kasiyahan ng laman at sabik sa pera, at pagkatapos ay nagdarasal sa Diyos, na nagsasabing: “Diyos ko! Papayagan Mo ba akong magnasa sa mga kasiyahan ng laman at sa kayamanan? Kalooban Mo ba na kumita ako ng pera sa ganitong paraan?” Angkop ba ang paraang ito ng pagdarasal? Alam na alam ng mga taong gumagawa nito na hindi natutuwa ang Diyos sa mga bagay na ito, at na dapat nilang bitawan ang mga ito, ngunit ang mga bagay na nasa puso nila ay natukoy na, at kapag nagdarasal at naghahanap sila ay sinusubukan nilang pilitin ang Diyos na payagan silang kumilos sa ganitong paraan. Sa puso nila, maaari pa nilang hilingin na may sabihin ang Diyos para patunayan ito—ito ang tinatawag na pagiging mapaghimagsik. Mayroon ding mga nagdadala sa mga kapatid sa iglesia tungo sa kanilang panig at nagtatayo ng kanilang sariling malalayang kaharian. Lubos mong nalalaman na ang ganitong mga pagkilos ay sumasalungat sa Diyos, ngunit kapag determinado kang gumawa ng isang bagay na gaya nito, patuloy ka pa ring naghahanap at nagdarasal sa Diyos, nang kalmado at walang takot. Napaka-walanghiya at napakakapal naman ng mukha mo! Tungkol sa pagtalikod sa mga makamundong bagay, matagal na itong napag-usapan. May ilan na malinaw na nakakaalam na kinamumuhian ng Diyos ang mga makamundong bagay, subalit nagdarasal pa rin, na nagsasabing: “Diyos ko! Nauunawaan ko na ayaw Mo akong makiayon sa mga makamundong bagay, ngunit ginagawa ko ito hindi upang magdala ng kahihiyan sa Iyong pangalan; ginagawa ko ito upang makita ng mga makamundong tao ang Iyong kaluwalhatian sa akin.” Anong klaseng panalangin ito? Masasabi ba ninyo? Isang panalangin ito na nilayong pilitin at gipitin ang Diyos. Hindi ka ba nahihiyang manalangin sa ganitong paraan? Ang mga taong nagdarasal sa ganitong paraan ay sadyang sumasalungat sa Diyos, at ang uring ito ng panalangin ay ganap na isang bagay na kaduda-duda ang mga motibo; talagang ito ay isang pagpapahayag ng satanikong disposisyon. Napakalinaw ng mga salita ng Diyos, lalo na ang mga ipinahayag tungkol sa Kanyang kalooban, Kanyang disposisyon, at kung paano Niya tinatrato ang iba’t ibang uri ng mga tao. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mong higit na basahin ang mga salita ng Diyos—mas mabuti ang mga resulta ng paggawa nito kaysa sa bulag na pagdarasal at paghahanap. Maraming pagkakataon kung saan ang paghahanap at pagdarasal ay dapat palitan ng higit pang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Sa iyong regular na mga dalangin, dapat kang magnilay-nilay at subukan mong mas kilalanin ang iyong sarili mula sa nakasaad sa mga salita ng Diyos. Mas kapaki-pakinabang ito para sa iyong pag-unlad sa buhay. Kung naghahanap ka pa rin ngayon sa pamamagitan ng pagtingin sa langit, hindi ba iyon nagpapakita na naniniwala ka pa rin sa isang malabong Diyos? Dati-rati, nakita mo ang mga resulta mula sa iyong paghahanap at pagdarasal, at kahit paano ay naantig ng Banal na Espiritu ang iyong espiritu dahil panahon iyon ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi mo makita ang Diyos, kaya wala kang nagawa kundi mangapa at maghanap sa gayong paraan. Ngayo’y naparito na ang Diyos sa mga tao, nagpakita na ang Salita sa katawang-tao, at nakita mo na ang Diyos; sa gayon ay hindi na gumagawa ang Banal na Espiritu na tulad ng dati. Nagbago na ang kapanahunan at gayundin ang paraan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Bagama’t maaaring hindi na nagdarasal ang mga tao nang kasindalas ng dati, dahil ang Diyos ay nasa lupa, may pagkakataon na ngayon ang tao na mahalin ang Diyos. Nakapasok na ang sangkatauhan sa kapanahunan ng pagmamahal sa Diyos at maaari nang normal na mas mapalapit sa Diyos sa kanilang kalooban: “Diyos ko! Talagang napakabuti Mo, at nais kong mahalin Ka!” Ilang malinaw at simpleng salita lamang ang nagpapahayag ng pagmamahal sa Diyos sa puso ng mga tao; ang panalanging ito ay sinasambit lamang para mapalalim ang pagmamahal sa pagitan ng tao at ng Diyos. Kung minsa’y maaari mong makita ang iyong sarili na nagpapamalas ng kaunting pagkasuwail, at nagsasabi: “Diyos ko! Bakit masyado akong tiwali?” Nakadarama ka ng matinding pagnanais na sampalin nang ilang beses ang iyong sarili, at bumabalong ang luha sa iyong mga mata. Sa gayong mga pagkakataon, nakadarama ka ng pagsisisi at pagkabalisa sa puso mo, ngunit wala kang paraan para ipahayag ang mga damdaming ito. Ito ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit ang mga naghahangad lamang ng buhay ang makatatamo nito. Nadarama mo na malaki ang pagmamahal sa iyo ng Diyos at may nadarama kang espesyal. Bagama’t wala kang mga salita para makapagdasal nang malinaw, lagi mong nadarama na ang pagmamahal ng Diyos ay kasinglalim ng karagatan. Walang angkop na mga salita para ipahayag ang kalagayang ito, at ito ay isang kalagayang madalas manggaling sa loob ng espiritu. Ang ganitong klaseng panalangin at pagbabahaginan, na naglalayon na mas mapalapit ang isang tao sa Diyos sa kanyang puso, ay normal.
Bagama’t lipas na ang panahon na kinailangan ng mga tao na mangapa at maghanap, hindi ito nangangahulugan na hindi na nila kailangang manalangin at maghanap, ni hindi ito nangangahulugan na hindi kailangang hintayin ng mga tao na ihayag ng kalooban ng Diyos ang sarili nito mismo bago magpatuloy sa gawain; mga maling palagay lamang ng tao ang mga ito. Naparito ang Diyos sa mga tao upang mamuhay sa piling nila, maging kanilang liwanag, kanilang buhay, at kanilang daan: Ito ay totoo. Mangyari pa, sa pagparito ng Diyos sa mundo, tiyak na dinadalhan Niya ang sangkatauhan ng isang praktikal na daan at buhay na nababagay sa kanilang tayog para kanilang tamasahin—hindi Siya naparito upang sirain ang lahat ng paraan ng pagsasagawa ng tao. Hindi na nabubuhay ang tao sa pangangapa at paghahanap dahil napalitan na ang mga ito ng pagparito ng Diyos sa lupa upang gumawa at sambitin ang Kanyang salita. Naparito Siya upang palayain ang tao mula sa buhay ng kadiliman at kalabuan na kanilang tinatahak at tulungan silang magkaroon ng isang buhay na puno ng liwanag. Ang kasalukuyang gawain ay upang ituro nang malinaw ang mga bagay, magsalita nang malinaw, magpabatid nang tuwiran, at ipaliwanag ang mga bagay-bagay nang tahasan, upang maisagawa ng mga tao ang mga bagay na ito, kagaya ng pag-akay ng Diyos na si Jehova sa mga tao ng Israel, na sinasabi sa kanila kung paano mag-alay ng mga sakripisyo at kung paano itayo ang templo. Samakatuwid, hindi na kayo kailangang mamuhay nang may marubdob na paghahanap gaya ng inyong ginawa matapos lumisan ang Panginoong Jesus. Dapat ba kayong mangapa sa gawaing ipalaganap ang ebanghelyo sa hinaharap? Dapat ba kayong mangapa sa paghahanap ng wastong paraan para mabuhay? Kailangan ba kayong mangapa para mawari kung paano ninyo dapat gampanan ang inyong sariling mga tungkulin? Kailangan ba kayong magpatirapa sa lupa, na naghahanap, upang malaman kung paano kayo dapat magpatotoo? Kailangan ba kayong mag-ayuno at manalangin para malaman kung paano kayo dapat manamit o mamuhay? Kailangan ba kayong manalangin sa Diyos sa langit nang walang patid para malaman kung paano ninyo dapat tanggapin ang malupig ng Diyos? Kailangan ba kayong manalangin palagi, araw at gabi, para malaman kung paano ninyo dapat sundin ang Diyos? Marami sa inyo ang nagsasabi na hindi kayo makapagsagawa dahil hindi ninyo nauunawaan. Hindi lang talaga nagbibigay-pansin ang mga tao sa gawain ng Diyos sa panahong ito! Maraming salita na Akong nasabi noong unang panahon, ngunit kailanma’y hindi ninyo binigyang-pansin na basahin ang mga ito, kaya hindi nakapagtataka na hindi ninyo alam kung paano magsagawa. Mangyari pa, sa kapanahunan ngayon inaantig pa rin ng Banal na Espiritu ang mga tao para tulutan silang makadama ng kasiyahan, at namumuhay Siya na kasama ng tao. Ito ang pinagmumulan ng espesyal at nakasisiyang mga damdaming iyon[a] na madalas mangyari sa iyong buhay. Paminsan-minsan, dumarating ang araw na nadarama mo na lubhang kaibig-ibig ang Diyos at hindi mo mapigilang manalangin sa Kanya: “Diyos ko! Napakaganda ng Iyong pagmamahal at napakadakila ng Iyong imahe. Nais kong mahalin Ka nang mas mataimtim. Nais kong ilaan ang aking buong sarili para gugulin ang aking buong buhay. Ihahandog ko ang lahat sa Iyo, basta’t para sa Iyo, basta’t sa paggawa nito ay magagawa kong mahalin Ka….” Ito ay damdamin ng kasiyahan na ibinigay sa iyo ng Banal na Espiritu. Hindi ito kaliwanagan, ni hindi ito pagtanglaw; karanasan ito na maantig. Ang mga karanasang kapareho nito ay mangyayari paminsan-minsan: Kung minsan habang papunta ka sa trabaho mo, magdarasal ka at mapapalapit sa Diyos, at maaantig ka hanggang sa mabasa ng luha ang iyong mukha at hindi mo mapipigil ang iyong sarili, at masasabik kang makahanap ng isang angkop na lugar kung saan maipapahayag mo ang lahat ng init sa loob ng puso mo…. Magkakaroon ng mga pagkakataon na nasa isa kang pampublikong lugar, at madarama mo na masyado kang nasisiyahan sa pagmamahal ng Diyos, na ang iyong kapalaran ay hindi karaniwan, at na bukod pa riyan ay nabubuhay ka nang mas makabuluhan kaysa kaninuman. Lubos mong malalaman na itinaas ka na ng Diyos at na ito ang dakilang pagmamahal ng Diyos para sa iyo. Sa kaibuturan ng iyong puso madarama mo na may isang uri ng pagmamahal sa Diyos na di-maipahayag at di-maarok ng tao, na para bang alam mo ito ngunit walang paraan para ilarawan ito, na lagi kang pinatitigil sandali para mag-isip ngunit iniiwan kang hindi ito maipahayag nang lubusan. Sa mga panahong kagaya nito, malilimutan mo pa nga kung nasaan ka, at mananawagan ka: “Diyos ko! Napakahirap Mong arukin at mahal na mahal Kita!” Magugulumihanan ang mga tao dahil dito, ngunit lahat ng gayong bagay ay medyo madalas mangyari. Napakaraming beses na ninyong naranasan ang ganitong klaseng bagay. Ito ang buhay na naibigay sa iyo ngayon ng Banal na Espiritu at ang buhay na dapat mong ipinamumuhay ngayon. Hindi ito para pigilan ka sa pamumuhay, kundi sa halip ay para baguhin ang paraan ng iyong pamumuhay. Isang damdamin ito na hindi maaaring ilarawan o ipahayag. Ito rin ang tunay na damdamin ng tao at, higit pa rito, ito ang gawain ng Banal na Espiritu. Maaaring nauunawaan mo ito sa puso mo, ngunit wala ka man lamang paraan para ipahayag ito nang malinaw kaninuman. Hindi ito dahil sa mabagal kang magsalita o na nauutal ka, kundi dahil isang uri ito ng damdamin na hindi mailalarawan sa mga salita. Pinapayagan kang tamasahin ang mga bagay na ito ngayon, at ito ang buhay na dapat mong ipamuhay. Mangyari pa, ang ibang aspeto ng iyong buhay ay hindi hungkag; kaya lamang ay nagiging isang klase ng kagalakan sa buhay mo ang karanasang ito na maantig na nagiging dahilan para lagi kang maging handang tamasahin ang gayong mga karanasan mula sa Banal na Espiritu. Ngunit dapat mong malaman na ang maantig sa ganitong paraan ay hindi nangyayari upang mahigitan mo ang laman at makapunta ka sa ikatlong langit o makapaglakbay sa buong mundo. Sa halip, ito ay upang madama at matikman mo ang pagmamahal ng Diyos na tinatamasa mo ngayon, maranasan ang kahalagahan ng gawain ng Diyos ngayon, at muling makilala ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Lahat ng bagay na ito ay upang magkaroon ka ng higit na kaalaman tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos ngayon—ito ang layunin ng Diyos sa paggawa ng gawaing ito.
Paghahanap at pangangapa ang paraan ng pamumuhay bago nagkatawang-tao ang Diyos. Sa panahong iyon ay hindi nakikita ng mga tao ang Diyos kaya wala silang nagawa kundi maghanap at mangapa. Sa ngayo’y nakita mo na ang Diyos at sinasabi Niya sa iyo nang tuwiran kung paano ka dapat magsagawa; ito ang dahilan kaya hindi mo na kailangang mangapa o maghanap. Ang landas na pinatatahak Niya sa tao ay ang daan ng katotohanan, at ang mga bagay na sinasabi Niya sa tao at tinatanggap ng taong iyon ay ang buhay at ang katotohanan. Nasa iyo ang daan, ang buhay at ang katotohanan, kaya bakit pa kailangang maghanap kahit saan? Hindi gagawin ng Banal na Espiritu ang dalawang yugto ng gawain nang sabay. Kung, kapag natapos Ko nang sambitin ang Aking salita, hindi kinakain at iniinom na mabuti ng mga tao ang mga salita ng Diyos at hinahanap ang katotohanan nang wasto, na kumikilos pa rin na tulad ng kanilang ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, nangangapa na parang bulag, palaging nagdarasal at naghahanap, hindi ba iyon mangangahulugan na ang yugtong ito ng Aking gawain—ang gawain ng mga salita—ay ginagawa nang walang kabuluhan? Bagama’t maaaring natapos Ko nang sambitin ang Aking salita, hindi pa rin lubos na nakakaunawa ang mga tao, at ito ay dahil wala silang kakayahan. Ang problemang ito ay maaaring malutas sa pamamagitan ng pamumuhay ng buhay-iglesia at sa pagbabahaginan sa isa’t isa. Dati-rati, sa Kapanahunan ng Biyaya, bagama’t nagkatawang-tao ang Diyos, hindi Niya ginawa ang gawain ng mga salita, kaya nga gumawa ang Banal na Espiritu sa gayong paraan sa panahong iyon upang mapanatili ang gawain. Noo’y ang Banal na Espiritu ang pangunahing gumawa ng gawain, ngunit ngayon ay ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao ang gumagawa nito, na pumalit sa lugar ng gawain ng Banal na Espiritu. Dati-rati, hangga’t madalas na nanalangin ang mga tao, nakaranas sila ng kapayapaan at kagalakan; mayroong pagsisisi gayundin ng disiplina. Ito ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu. Kakaunti at bibihira ngayon ang mga kalagayang ito. Ang Banal na Espiritu ay kaya lamang gumawa ng isang uri ng gawain sa anumang kapanahunan. Kung sabay Niyang ginawa ang dalawang uri ng gawain, na ginagawa ng katawang-tao ang isang uri at ginagawa ng Banal na Espiritu ang isa pang uri sa kalooban ng mga tao, at kung ang sinabi ng katawang-tao ay hindi pinahalagahan at ang ginawa lamang ng Espiritu ang pinahalagahan, walang masasabing anumang katotohanan, daan, o buhay si Cristo. Magiging pagsalungat ito sa sarili. Maaari bang gumawa nang ganito ang Banal na Espiritu? Ang Diyos ay makapangyarihan at marunong sa lahat, banal at matuwid, at talagang hindi Siya gumagawa ng anumang mga pagkakamali.
Napakaraming paglihis at pagkakamali sa nakaraang mga karanasan ng mga tao. May ilang bagay na nilayong taglayin o gawin ng mga taong may normal na pagkatao, o may mga pagkakamaling mahirap iwasan sa buhay ng tao, at kapag hindi mahusay ang pagharap sa mga bagay na ito, ipinapasa ng mga tao ang responsibilidad sa Diyos para dito. Mayroong isang sister na nagkaroon ng mga panauhin sa kanyang tahanan. Hindi niya napasingawan nang tama ang kanyang mga siopao, kaya naisip niya: “Baka pagdidisiplina ito ng Diyos. Iwinawastong muli ng Diyos ang puso kong hambog; talatang napakatindi ng kahambugan ko.” Sa totoo lang, pagdating sa normal na paraan ng pag-iisip ng tao, kapag dumarating ang mga panauhin, natutuwa ka at nagmamadali, magulo ang lahat ng ginagawa mo, kaya nga malamang na kung hindi man masunog ang sinaing, masyado namang maalat ang mga ulam. Nangyayari ito kapag masyado kang sabik, ngunit sa huli ay itinuturing ito ng mga tao na “pagdidisiplina ng Diyos.” Sa katunayan, lahat ng ito ay mga pagkakamali lamang na nagawa sa buhay ng tao. Hindi ba madalas ka ring makararanas ng ganitong uri ng bagay kung hindi ka naniwala sa Diyos? Ang mga problemang dumarating ay kadalasang resulta ng mga pagkakamaling nagawa ng mga tao—hindi talaga kagagawan ng Banal na Espiritu ang mga pagkakamaling ito. Ang gayong mga pagkakamali ay walang kinalaman sa Diyos. Tulad ng kapag nakagat mo ang dila mo habang kumakain—pagdidisiplina kaya iyon ng Diyos? Ang pagdidisiplina ng Diyos ay may mga prinsipyo at karaniwang nakikita kapag sadya kang nagkakasala. Didisiplinahin ka lamang Niya kapag gumagawa ka ng mga bagay na nasasangkot ang pangalan ng Diyos o may kinalaman sa Kanyang patotoo o gawain. Nauunawaan ng mga tao nang sapat ang katotohanan ngayon para magkaroon ng kamalayan sa kanilang kalooban tungkol sa mga bagay na kanilang ginagawa. Halimbawa: Posible bang wala kang maramdaman kung nilustay mo ang pera ng iglesia o ginugol ito nang walang ingat? May madarama ka habang ginagawa mo iyon. Imposibleng may maramdaman ka lamang kapag nagawa mo na ang isang bagay. Malinaw sa puso mo ang mga bagay na ginagawa mo na laban sa iyong konsiyensya. Dahil may sariling mga kagustuhan at pagkiling ang mga tao, nagpapakasasa lamang sila kahit alam na alam nila kung paano isagawa ang katotohanan. Sa gayon, pagkatapos nilang gawin ang isang bagay, wala silang nadaramang pagsisisi o nararanasang anumang malinaw na pagdidisiplina. Ito ay dahil sadya silang gumawa ng pagkakasala, kaya hindi sila dinidisiplina ng Diyos; kapag dumating ang panahon ng matuwid na paghatol, mapapasa bawat tao ang pagpaparusa ng Diyos ayon sa kanilang mga kilos. Sa kasalukuyan ay may ilang tao sa iglesia na naglulustay ng pera, ilan na hindi nagpapanatili ng malinaw na hangganan sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, at ilan na nanghuhusga, sumusuway at nagtatangkang buwagin nang lihim ang gawain ng Diyos. Bakit maayos pa rin ang lahat sa kanila? Kapag gumagawa ng gayong mga bagay, mayroon silang kamalayan at nakadarama ng pagsisisi sa kanilang puso at dahil dito ay dumaranas sila kung minsan ng pagkastigo at pagpipino, ngunit talagang napakawalanghiya nila! Kagaya ng kapag gumagawa ng kahalayan ang mga tao—alam nila ang kanilang ginagawa sa oras na iyon, ngunit napakalala ng kanilang pagnanasa at hindi nila makontrol ang kanilang sarili. Kahit disiplinahin sila ng Banal na Espiritu, mawawalan iyon ng saysay, kaya hindi magdidisiplina ang Banal na Espiritu. Kung hindi sila dinidisiplina ng Banal na Espiritu noon, kung wala silang nadaramang pagsisisi at walang nangyayari sa kanilang laman, ano pang pagsisisi ang mangyayari pagkatapos? Ang nagawa ay nagawa na—ano pang pagdidisiplina ang mangyayari? Pinatutunayan lamang nito na napakawalanghiya nila at hindi sila makatao, at na nararapat silang sumpain at parusahan! Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang hindi kailangan. Kung alam na alam mo ang katotohanan ngunit hindi mo ito isinasagawa, kung may kakayahan kang gumawa ng anumang kasamaan, ang maaari mo lamang hintayin ay ang pagdating ng araw na parurusahan ka na kasama ng masama. Ito ang pinakamainam na katapusan para sa iyo! Paulit-ulit Ko na ngayong naipangaral ang tungkol sa konsiyensya, na siyang pinakamababang pamantayan. Kung walang konsiyensya ang mga tao, nawala na sa kanila ang pagdidisiplina ng Banal na Espiritu; nagagawa nila ang anumang gusto nila at hindi sila pinapansin ng Diyos. Malalaman ito ng mga taong talagang may konsiyensya at katinuan kapag gumagawa sila ng isang bagay na mali. Hindi sila mapapakali kapag nakaramdam sila ng kaunting pagsisisi sa kanilang konsiyensya; magtatalo ang kanilang kalooban at sa huli ay tatalikdan nila ang laman. Hindi sila aabot sa punto na gumagawa sila ng isang bagay na lubhang salungat sa Diyos. Dinidisiplina at kinakastigo man sila ng Banal na Espiritu, lahat ng tao ay may madarama kapag gumagawa sila ng isang bagay na mali. Samakatuwid, nauunawaan na ngayon ng mga tao ang lahat ng uri ng katotohanan at kung hindi nila isinasagawa ang mga iyon ay problema ng tao iyon. Hindi Ako tumutugon sa mga taong kagaya nito sa anumang paraan, ni wala Akong anumang inaasam para sa kanila. Magagawa mo kung ano ang gusto mo!
Kapag nagtitipun-tipon ang ilang tao, isinasantabi nila ang salita ng Diyos at pinag-uusapan palagi kung ano ang mga katangian ng taong ito o iyon. Mangyari pa, mainam na medyo makahiwatig, para saan ka man magpunta ay hindi ka madaling malilinlang, ni hindi ka madaling madadaya o maloloko—isang aspeto rin ito na dapat taglayin ng mga tao. Ngunit huwag kang magtuon sa aspetong ito lamang. Tumutukoy ito sa negatibong panig ng mga bagay-bagay, at hindi maaari na palaging nakatuon ang mga mata mo sa ibang mga tao. Kakaunti ang kaalaman mo ngayon kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu, napakababaw ng paniniwala mo sa Diyos, at kakaunti ang mga positibong bagay na taglay mo. Ang pinaniniwalaan mo ay ang Diyos, at ang kailangan mong unawain ay ang Diyos, hindi si Satanas. Kung ang nakikilala mo lamang ay kung paano gumagawa si Satanas at ang lahat ng paraan kung paano gumagawa ang masasamang espiritu, ngunit wala kang anumang alam tungkol sa Diyos, ano ang kabuluhan noon? Hindi ba ang Diyos ang pinaniniwalaan mo ngayon? Bakit hindi kasama sa kaalaman mo ang mga positibong bagay na ito? Hindi mo talaga pinapansin ang positibong aspeto ng pagpasok, ni wala kang pagkaunawa tungkol dito, kaya ano ba talaga ang gusto mong matamo sa iyong pananampalataya? Hindi mo ba alam kung paano ka dapat naghahangad? Marami kang alam tungkol sa mga negatibong aspeto, ngunit wala kang alam tungkol sa positibong aspeto ng pagpasok, kaya paano pa lalago ang iyong tayog? Ano ang mga maaasam sa pag-unlad sa hinaharap ng isang taong katulad mo na walang ibang bukambibig kundi ang pakikidigma kay Satanas? Hindi ba lipas na sa panahon ang iyong pagpasok? Ano ang mapapala mo mula sa kasalukuyang gawain sa paggawa nito? Ang mahalaga ngayon ay ang maunawaan mo kung ano ang nais gawin ng Diyos ngayon, paano dapat makitulong ang tao, paano nila dapat mahalin ang Diyos, paano nila dapat unawain ang gawain ng Banal na Espiritu, paano sila dapat pumasok sa lahat ng salitang sinasabi ng Diyos ngayon, paano nila dapat kainin at inumin, danasin, at unawain ang mga ito, paano sila dapat tumugon sa kalooban ng Diyos, lubos na malupig ng Diyos at magpasakop sa harap ng Diyos…. Ito ang mga bagay na dapat mong pagtuunan at dapat pasukin ngayon. Nauunawaan mo ba? Ano ang saysay ng magtuon lamang sa paghiwatig sa ibang mga tao? Maaari mong mahiwatigan si Satanas dito, mahiwatigan ang masasamang espiritu roon—maaari kang magkaroon ng ganap na pagkaunawa sa masasamang espiritu, ngunit kung wala kang masabing anuman tungkol sa gawain ng Diyos, maaari bang humalili ang gayong paghiwatig sa pag-unawa sa Diyos? Nagbahagi na Ako dati tungkol sa mga pagpapahayag ng gawain ng masasamang espiritu, ngunit hindi pa ito ang kabuuan nito. Mangyari pa ay dapat magkaroon ang mga tao ng kaunting pagkahiwatig at ito ay isang aspeto na dapat taglayin ng mga naglilingkod sa Diyos upang maiwasang gumawa ng mga kahangalan at magambala ang gawain ng Diyos. Gayunman, nananatili pa ring pinakamahalagang bagay ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos at pag-unawa sa kalooban ng Diyos. Anong kaalaman sa yugtong ito ng gawain ng Diyos ang nasa iyong kalooban? Kaya mo bang magsalita kung ano ang ginagawa ng Diyos, ano ang kalooban ng Diyos, ano ang sarili mong mga pagkukulang at anong mga bagay ang dapat mong isangkap sa iyong sarili? Masasabi mo ba kung ano ang iyong pinakabagong pagpasok? Dapat kang makapag-ani ng bunga at magkamit ng pagkaunawa sa bagong pagpasok. Huwag magkunwaring nalilito; kailangang higit kang magsikap sa bagong pagpasok para mapalalim ang iyong sariling karanasan at kaalaman, at higit pa rito ay kailangan kang magkamit ng pagkaunawa sa kasalukuyang pinakabagong mga pagpasok at sa pinakatamang paraan ng pagdanas. Bukod diyan, sa pamamagitan ng bagong gawain at bagong mga pagpasok, dapat ay mayroon kang pagkahiwatig tungkol sa dati mong mga pagsasagawa na lipas na sa panahon at lihis, at maghangad na itakwil ang mga iyon upang makapasok sa mga bagong karanasan. Ito ay mga bagay na kailangang-kailangan mo ngayong maunawaan at mapasok. Kailangan mong maunawaan ang mga pagkakaiba at kaugnayan sa pagitan ng luma at bagong mga pagpasok. Kung wala kang pagkaunawa sa mga bagay na ito, wala kang paraan para umunlad, dahil hindi ka makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu. Kailangan mong magawa ang normal na pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos at ang normal na pagbabahagi at gamitin ang mga ito para baguhin ang dati mong mga paraan ng pagsasagawa na lipas na sa panahon at luma mong tradisyonal na mga haka-haka para makapasok ka sa isang bagong pagsasagawa, at makapasok sa bagong gawain ng Diyos. Ito ang mga bagay na nararapat mong makamit. Hindi Ko lamang hinihiling sa iyo ngayon na alaming mabuti kung paano ka makakapantay; hindi ito ang layunin. Sa halip ay hinihiling Ko sa iyo na seryosohin ang iyong pagsasagawa sa katotohanan at ang iyong pagkaunawa sa pbuhay pagpasok. Ang kakayahan mong kilalanin ang iyong sarili ay hindi kumakatawan sa iyong tunay na tayog. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos, magkakaroon ng karanasan at pagkaunawa tungkol sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, at nahihiwatigan mo ang dati mong personal na mga haka-haka at pagkakamali, ito ang iyong tunay na tayog at isang bagay na dapat makamit ng bawat isa sa inyo.
Maraming sitwasyon kung saan hindi ninyo talaga alam kung paano magsagawa, at lalong hindi ninyo alam kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Kung minsa’y gumagawa ka ng isang bagay na malinaw na sumusuway sa Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, mayroon ka nang pagkaunawa sa kasalukuyang prinsipyo ukol sa bagay na iyon, kaya mayroon kang nadaramang pagsisisi at pagkabalisa sa iyong kalooban; mangyari pa isa itong damdaming madarama lamang ng isang taong naniniwala na may alam siyang kaunting katotohanan. Kung hindi nakikipagtulungan o nagsasagawa ang mga tao alinsunod sa salita ng Diyos ngayon, hinahadlangan nila ang gawain ng Banal na Espiritu at siguradong mababalisa ang kanilang kalooban. Sabihin nang nauunawaan mo ang prinsipyo ng isang partikular na aspeto ngunit hindi ka nagsasagawa ayon dito, kung gayo’y makadarama ka ng pagsisisi sa iyong kalooban. Kung hindi mo nauunawaan ang prinsipyo at hindi man lamang nalalaman ang aspetong ito ng katotohanan, malamang na hindi ka makadama ng pagsisisi sa bagay na ito. Ang panunumbat ng Banal na Espiritu ay palaging ayon sa konteksto. Iniisip mo na dahil hindi ka pa nagdarasal at hindi pa nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu kaya naantala mo na ang gawain. Sa totoo lang, hindi ito maaaring maantala. Aantigin ng Banal na Espiritu ang ibang tao; hindi napipigilan ng sinuman ang gawain ng Banal na Espiritu. Nadarama mo na nabigo mo ang Diyos, at ito ay isang damdaming dapat mong taglayin sa iyong konsiyensya. Makakamit mo man ang katotohanan o hindi, ikaw ang bahala roon at walang kaugnayan iyon sa Diyos. Kung minsa’y ang sarili mong konsiyensya ang nakadarama ng pag-akusa, ngunit hindi iyon kaliwanagan o pagtanglaw ng Banal na Espiritu, ni hindi iyon panunumbat ng Banal na Espiritu. Sa halip ay isa itong damdamin sa loob ng konsiyensya ng tao. Kung kikilos ka nang walang pakundangan sa mga bagay na kinasasangkutan ng pangalan ng Diyos, ng patotoo ng Diyos o ng gawain ng Diyos, hindi ka palalampasin ng Diyos. Ngunit may limitasyon—hindi mag-aabala ang Diyos sa iyo sa karaniwan at maliliit na bagay. Hindi ka Niya papansinin. Kung lumabag ka sa mga prinsipyo, at ginulo at ginambala mo ang gawain ng Diyos, pawawalan Niya ang Kanyang poot sa iyo at talagang hindi ka palalampasin. Ang ilan sa mga pagkakamaling ginagawa mo ay di-maiiwasan sa takbo ng buhay ng tao. Halimbawa, hindi mo pinapasingawan nang tama ang mga siopao mo at sinasabi mo na dinidisiplina ka ng Diyos—lubos na hindi ito makatwirang sabihin. Bago ka naniwala sa Diyos, hindi ba madalas mangyari noon ang ganitong uri ng bagay? Pakiramdam mo parang pagdidisiplina iyon ng Banal na Espiritu, ngunit ang totoo ay hindi ito ganoon (maliban sa ilang natatanging mga sitwasyon), dahil ang gawaing ito ay hindi ganap na nagmumula sa Banal na Espiritu, kundi sa halip ay nagmumula sa mga damdamin ng tao. Gayunman, normal sa mga taong sumasampalataya ang mag-isip nang ganito. Maaaring hindi ka nakapag-isip nang ganito noong hindi ka naniniwala sa Diyos. Nang maniwala ka na sa Diyos, nagsimula kang mag-ukol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga bagay na ito kaya nga likas kang natutong mag-isip nang ganito. Nanggagaling ito sa pag-iisip ng normal na mga tao at may kinalaman sa kanilang mentalidad. Ngunit hayaan mong sabihin Ko sa iyo, ang gayong pag-iisip ay hindi saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu. Ito ay isang halimbawa ng pagbibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao ng isang normal na reaksyon sa pamamagitan ng kanilang mga kaisipan; ngunit kailangan mong maunawaan na ang reaksyong ito ay hindi gawain ng Banal na Espiritu. Ang pagkakaroon ng ganitong uri ng “kaalaman” ay hindi nagpapatunay na taglay mo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang iyong kaalaman ay hindi nanggagaling sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, lalong hindi ito gawain ng Banal na Espiritu. Produkto lamang ito ng normal na pag-iisip ng tao at talagang walang koneksyon sa kaliwanagan o pagtanglaw ng Banal na Espiritu—ang mga ito ay nasa kategorya ng mga natatanging kababalaghan. Ang gayong normal na pag-iisip ng tao ay hindi ganap na nagmumula sa Banal na Espiritu. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu para liwanagan ang mga tao, karaniwa’y binibigyan Niya sila ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, at sa kanilang tunay na pagpasok at tunay na kalagayan. Tinutulutan din Niya silang maunawaan ang apurahang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa tao ngayon, para magpasiya silang isakripisyo ang lahat para mapalugod ang Diyos, mahalin ang Diyos kahit makatagpo sila ng pag-uusig at kahirapan, at tumayong saksi para sa Diyos kahit mangahulugan ito ng pagpapadanak ng kanilang dugo o pagbubuwis ng kanilang buhay, at gawin iyon nang walang pagsisisi. Kung mayroon kang ganitong uri ng pagpapasiya, ibig sabihi’y mayroon kang mga pagpukaw at gawain ng Banal na Espiritu—ngunit dapat mong malaman na wala ka ng gayong mga pagpukaw sa bawat sandali. Kung minsan sa mga pulong kapag nagdarasal at kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, madarama mo na lubha kang naantig at nagkainspirasyon. Bagung-bago at sariwa ang pakiramdam kapag ang iba ay nagbabahagi nang kaunti ng kanilang karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at ang puso mo ay lubos na malinaw at maliwanag. Lahat ng ito ay gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang lider at binibigyan ka ng Banal na Espiritu ng pambihirang kaliwanagan at pagtanglaw kapag nagpupunta ka sa iglesia para gumawa, binibigyan ka ng kabatiran sa mga problemang umiiral sa loob ng iglesia, tinutulutan kang malaman kung paano magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga ito, ginagawa kang lubhang masigasig, responsable at seryoso sa iyong gawain, lahat ng ito ay gawain ng Banal na Espiritu.
Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ito ang ilan.”