Pagsasagawa 2
Sa mga panahong nakalipas, sinanay ng mga tao ang kanilang sarili na makapiling ang Diyos at mabuhay ayon sa espiritu sa bawat sandali. Kumpara sa pagsasagawa sa ngayon, iyon ay isang simpleng anyo ng espirituwal na pagsasanay; ito ang pinakamababaw at pinakasimpleng paraan ng pagsasagawa bago pumasok ang mga tao sa tamang landas ng buhay, at ito ang bumubuo sa pinakaunang yugto ng pagsasagawa sa pananampalataya ng mga tao. Kung palaging umaasa ang mga tao sa ganitong klase ng pagsasagawa sa kanilang buhay, marami silang madarama at malamang na makagawa ng mga pagkakamali, at hindi nila makakayang pumasok sa tunay na mga karanasan sa buhay; magagawa lamang nilang sanayin ang kanilang mga espiritu, normal na mapalapit sa Diyos sa kanilang mga puso, at palaging makasumpong ng matinding kagalakan na makapiling nila ang Diyos. Lilimitahan nila ang kanilang sarili sa maliit na saklaw ng pagsasama nila ng Diyos, at hindi nila makakamtan ang anumang mas malalim dito. Ang mga taong nabubuhay sa loob ng mga hangganang ito ay walang kakayahang gumawa ng anumang malaking paglago. Anumang oras, malamang na sumigaw sila ng, “Ah! Panginoong Jesus. Amen!” Halos araw-araw silang ganito—ito ang pagsasagawa noong nakalipas na mga panahon, ang pagsasagawang mamuhay sa espiritu sa bawat sandali. Hindi ba ito kabastusan? Ngayon, kapag oras na para pagnilayan ang mga salita ng Diyos, magtuon lamang sa pagninilay ng mga salita ng Diyos; kapag oras na para isagawa ang katotohanan, magtuon lamang sa pagsasagawa ng katotohanan; kapag oras na para gampanan ang iyong tungkulin, gampanan mo lamang ang iyong tungkulin. Ang ganitong klase ng pagsasagawa ay totoong medyo nagpapalaya; pinalalaya ka nito. Hindi ito kagaya ng pagdarasal at pagbabasbas sa pagkain ng matatandang taong relihiyoso. Mangyari pa, dati-rati, ito ang isinasagawa ng mga taong nananampalataya, ngunit ngayon ay masyado nang makaluma ang pagsasagawa sa ganitong paraan. Ang gawain ng Diyos ay nasa mas mataas na antas na ngayon; ang binabanggit ngayon na, “pagdadala sa Diyos sa tunay na buhay,” ang pinakamahalagang aspeto ng pagsasagawa. Ito ang normal na pagkatao na inaasahan na tataglayin ng mga tao sa kanilang tunay na buhay, at ang dapat taglayin ng mga tao sa kanilang normal na pagkatao ay lahat ng salitang sinasambit ng Diyos ngayon. Ang pagdadala ng mga salitang ito ng Diyos sa tunay na buhay ang praktikal na kahulugan ng “pagdadala sa Diyos sa tunay na buhay.” Ngayon, dapat unahing sangkapan ng mga tao ang kanilang sarili ng mga sumusunod: Sa isang banda, kailangan nilang mapaunlad ang kanilang kakayahan, mag-aral, at magpahusay ng kanilang mga kasanayan sa pagbabasa at pag-unawa; sa kabilang banda, kailangan nilang mamuhay nang normal bilang tao. Kahaharap mo pa lamang sa Diyos mula sa mundo; kailangang sanayin mo muna ang puso mo na maging tahimik sa harap ng Diyos. Ito ang pinakasimula ng pagsasagawa, at ito rin ang unang hakbang sa pagtatamo ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay. Ang ilang tao ay medyo marunong makibagay sa kanilang pagsasagawa; pinagninilayan nila ang katotohanan habang gumagawa, na inaalam ang mga katotohanan at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na dapat nilang maunawaan sa realidad. Ang isang aspeto ay na kailangan mong magkaroon ng isang normal na buhay ng tao, at ang isa pa ay na kailangang magkaroon ng pagpasok sa katotohanan. Lahat ng bagay na ito ay bumubuo sa pinakamahusay na pagsasagawa para sa tunay na buhay.
Sa pagdadala sa Diyos sa tunay na buhay ng mga tao, una sa lahat ay kailangan nilang sambahin ang Diyos, hangaring makilala ang Diyos, at gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos ayon sa normal na pagkatao. Hindi naman nila talaga kailangang manalangin sa Diyos tuwing may ginagawa sila, na hindi ito katanggap-tanggap at dapat nilang madama na may pagkakautang sila sa Kanya kung hindi sila magdarasal. Hindi ganyan ang pagsasagawa ngayon; ito ay talagang kalmado at simple! Hindi nito pinasusunod ang mga tao sa mga doktrina. Sa halip, bawat tao ay dapat kumilos ayon sa kanilang indibiduwal na tayog: Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga kapamilya, ituring silang mga walang pananampalataya, at kung naniniwala sila, ituring silang mga mananampalataya. Huwag magmahal at magpasensya, sa halip, maging matalino. Lumalabas ang ilang tao upang bumili ng mga gulay, at habang naglalakad ay bumubulung-bulong sila: “Diyos ko! Anong mga gulay ang nais Mong bilhin ko ngayon? Tulungan Mo ako. Hinihiling ng Diyos na luwalhatiin namin ang Kanyang pangalan sa lahat ng bagay at na magpatotoo kaming lahat, kaya kahit bulok ang ibinibigay sa akin ng tindera, magpapasalamat pa rin ako sa Diyos—magtitiis ako. Kaming mga naniniwala sa Diyos ay hindi maaaring kumuha at pumili ng gusto naming mga gulay.” Iniisip nila na ang paggawa nito ay pagpapatotoo, at ang resulta ay na gumagasta sila ng pera upang bumili ng santambak na bulok na mga gulay, ngunit nagdarasal pa rin sila at sinasabing: “Diyos ko! Kakainin ko pa rin ang bulok na mga gulay na ito basta’t katanggap-tanggap ito sa Iyo.” Hindi ba kakatwa ang gayong pagsasagawa? Hindi ba ito pagsunod sa isang doktrina? Dati-rati, nasanay ang mga tao na mabuhay sa espiritu sa bawat sandali—may kaugnayan ito sa gawaing dating ginagawa sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kabanalan, kababaang-loob, pagmamahal, pagtitiyaga, pasasalamat para sa lahat ng bagay—ito ang mga hinihingi sa bawat mananampalataya sa Kapanahunan ng Biyaya. Sa panahong iyon, nanalangin ang mga tao sa Diyos sa lahat ng bagay; magdarasal sila sa tuwing bibili ng mga damit, at kapag nasabihan tungkol sa isang pagtitipon, magdarasal din sila: “Diyos ko! Nais Mo ba akong magpunta o hindi? Kung nais Mo akong magpunta, ayusin Mo ang landas para sa akin. Kung ayaw Mo akong magpunta, hayaan Mo akong madapa at matumba.” Magsusumamo sila sa Diyos habang nagdarasal, at pagkatapos manalangin ay hindi sila mapapakali, at hindi pupunta. Ang ilang kapatid na babae, sa takot na baka pag-uwi nila mula sa mga pagtitipon ay bugbugin sila ng kanilang asawang walang pananampalataya, ay makakaramdam ng pagkabagabag kapag sila’y mananalangin kaya hindi na lamang pupunta sa mga pagtitipon. Naniwala sila na ito ang kalooban ng Diyos, gayong ang totoo, kung nagpunta sila, wala namang mangyayari. Ang resulta ay hindi sila nakapunta sa isang pagtitipon. Lahat ng ito ay resulta ng kamangmangan ng mga tao. Ang mga taong nagsasagawa sa ganitong paraan ay nabubuhay na lahat sa sarili nilang mga damdamin. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay maling-mali at kakatwa at may kalabuan. Napakarami nilang personal na damdamin at saloobin. Kung sinabihan ka tungkol sa isang pagtitipon, magpunta ka; hindi mo na kailangang manalangin pa sa Diyos. Hindi ba ito simple? Kung kailangan mong bumili ng isang piraso ng damit ngayon, lumabas ka at gawin mo iyon. Huwag kang manalangin sa Diyos at magsabing: “Diyos ko! Nais Mo ba akong umalis o hindi? Paano kung dumating ang isa sa mga kapatid habang wala ako?” Natatakot kang baka dumating ang isang kapatid na lalaki o kapatid na babae kaya hindi ka umaalis, subalit ang resulta ay sumasapit ang gabi at walang sinumang dumating. Maging sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay lihis at mali. Sa gayon, kung magsasagawa ang mga tao na tulad noong mga panahong nakalipas, walang magiging pagbabago sa buhay nila. Tatanggapin na lamang nila nang walang malay ang anumang dumating, hindi papansinin ang pahiwatig, at walang gagawin kundi pikit-matang sumunod at magtiis. Sa panahong iyon, nagtuon ang mga tao sa pagluwalhati sa Diyos—ngunit hindi nagtamo ng kaluwalhatian ang Diyos mula sa kanila, sapagkat wala silang naisabuhay na anumang praktikal. Sinupil at nilimitahan lamang nila ang kanilang sarili ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro, at kahit maraming taon pa ng pagsasagawa ay hindi naghatid ng pagbabago sa kanilang buhay. Ang alam lamang nila ay magtiis, magpakumbaba, magmahal, at magpatawad, ngunit wala ni katiting na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Paano makikilala ng mga tao ang Diyos sa gayong paraan? At paano nila posibleng maluluwalhati ang Diyos?
Makakapasok lamang ang mga tao sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos kung dala nila ang Diyos sa kanilang tunay na buhay, at sa kanilang normal na buhay bilang tao. Inaakay kayo ng mga salita ng Diyos ngayon; hindi kailangang maghanap at mangapa tulad noong mga panahong nakalipas. Kapag kaya mong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at suriin at sukatin ang iyong sarili ayon sa mga kalagayan ng tao na Aking ibinunyag, magagawa mong magbago. Hindi ito doktrina, kundi ang hinihingi ng Diyos sa tao. Ngayon, hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang lagay ng mga bagay-bagay: Ituon mo lamang ang iyong sarili sa pagkilos ayon sa Aking mga salita. Ang mga kinakailangan Ko sa iyo ay batay sa mga pangangailangan ng isang normal na tao. Nasabi Ko na sa iyo ang Aking mga salita; basta’t nagtutuon ka sa pagsasagawa ng mga ito, magiging kaayon ka ng mga layunin ng Diyos. Ngayon ang panahon ng pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Naipaliwanag na ng mga salita ng Diyos ang lahat, nalinaw na ang lahat, at basta’t namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos, mamumuhay ka nang ganap na malaya at napalaya. Noong araw, nang dalhin ng mga tao ang Diyos sa kanilang tunay na buhay, isinagawa at pinagdaanan nila ang napakaraming doktrina at ritwal; kahit sa maliliit na bagay, nagdarasal sila at naghahanap, na isinasantabi ang malilinaw na salita ng Diyos at kinaliligtaang basahin ang mga ito. Sa halip, inilalaan nila ang lahat ng pagsisikap nila sa paghahanap—na hindi nagkaroon ng epekto. Ipaghalimbawa na ang pagkain at pananamit: Nagdarasal ka at ipinababahala mo ang bagay na ito sa mga kamay ng Diyos, na hinihiling na ayusin ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kapag narinig ng Diyos ang mga salitang ito, sasabihin Niyang: “Kailangan Ko pa bang alalahanin ang gayon kaliliit na detalye? Saan na napunta ang normal na pagkatao at pangangatwirang nilikha Ko para sa iyo?” Kung minsan, nagkakamali ang tao sa kanilang mga kilos; pagkatapos ay naniniwala sila na nagkasala sila sa Diyos at napipigilan sila. Napakaganda ng kalagayan ng ilang tao, ngunit kapag nagkamali sila sa paggawa ng maliit na bagay, naniniwala sila na kinakastigo sila ng Diyos. Sa katunayan, hindi ito kagagawan ng Diyos, kundi impluwensya ng sariling isipan ng mga tao. Kung minsan, walang mali sa nararanasan mo, ngunit sinasabi ng iba na mali ang nararanasan mo, kaya nabibitag ka—nagiging negatibo ka, at nagdidilim ang iyong kalooban. Madalas, kapag negatibo ang mga tao sa ganitong paraan, naniniwala sila na kinakastigo sila ng Diyos, ngunit sinasabi ng Diyos: “Wala Akong ginawang anumang gawain ng pagkastigo sa iyo; paano mo Ako nasisisi nang ganyan?” Napakadaling maging negatibo ng mga tao. Napakamaramdamin din nila kadalasan at madalas silang magreklamo tungkol sa Diyos. Hindi ka pinagdurusa ng Diyos sa gayong paraan, subalit hinahayaan mo ang iyong sarili na mahulog sa gayong kalagayan. Walang halaga ang ganyang klaseng pagdurusa. Hindi alam ng mga tao ang gawaing ginagawa ng Diyos, at sa maraming bagay ay mangmang sila at hindi makakita nang malinaw, kaya nabibitag sila sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, na lalong nagkakabuhul-buhol. Sinasabi ng ilang tao na lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos—kaya maaari bang hindi alam ng Diyos kapag negatibo ang mga tao? Siyempre alam ng Diyos. Kapag ikaw ay nabitag sa mga kuru-kuro ng tao, walang paraan para gumawa ang Banal na Espiritu sa iyo. Kadalasan, nabibitag ang ilang tao sa isang negatibong kalagayan, ngunit patuloy pa rin Ako sa Aking gawain. Negatibo ka man o positibo, hindi mo Ako mapipigilan—ngunit dapat mong malaman na ang maraming salitang Aking sinasambit, at ang napakaraming gawaing Aking ginagawa ay may malapit na kaugnayan sa isa’t isa, ayon sa kalagayan ng mga tao. Kung ikaw ay negatibo, hindi ito nakakahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu. Sa panahon ng pagkastigo at pagsubok ng kamatayan, lahat ng tao ay nabitag sa isang negatibong kalagayan, ngunit hindi ito nakahadlang sa Aking gawain. Noong ikaw ay negatibo, patuloy na ginawa ng Banal na Espiritu ang kinailangang gawin sa iba. Maaari kang tumigil sa paghahangad sa loob ng isang buwan, ngunit patuloy Akong gumagawa—anuman ang iyong gawin sa kasalukuyan o sa hinaharap, hindi nito mapipigilan ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang ilang negatibong kalagayan ay nagmumula sa kahinaan ng tao; kapag naniniwala ang mga tao na talagang wala silang kakayahang tumugon sa mga kinakailangan ng Diyos o unawain ang mga ito, nagiging negatibo sila. Halimbawa, sa panahon ng pagkastigo, binanggit sa mga salita ng Diyos ang pagmamahal sa Diyos kahit papaano sa gitna ng pagkastigo, ngunit naniwala ang mga tao na hindi nila kaya iyon. Lalo silang nalungkot at dumaing na labis na nagawang tiwali ni Satanas ang kanilang laman, at na napakahina ng kanilang kakayahan. Nadama nila na kahabag-habag na isinilang sila sa ganitong sitwasyon. At nadama ng ilang tao na huli na ang lahat para maniwala pa sila sa Diyos at kilalanin ang Diyos, at na hindi sila karapat-dapat na gawing perpekto. Lahat ng ito ay normal na mga kalagayan ng tao.
Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang karumihan nito, at ito ay isang bagay na hindi malinis. Masyadong nag-iimbot ang mga tao sa kasiyahan ng laman at napakaraming pagpapamalas ng laman; ito ang dahilan kaya kinasusuklaman ng Diyos ang laman ng tao sa isang partikular na antas. Kapag itinakwil ng mga tao ang marumi, at tiwaling mga bagay ni Satanas, nakakamit nila ang pagliligtas ng Diyos. Ngunit kung hindi pa rin nila inaalis sa kanilang sarili ang karumihan at katiwalian, nabubuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang pakikipagsabwatan, panlilinlang, at kabuktutan ng mga tao ay pawang mga bagay ni Satanas. Ang pagliligtas sa iyo ng Diyos ay upang palayain ka mula sa mga bagay na ito ni Satanas. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkamali; lahat ng ito ay ginagawa upang iligtas ang mga tao mula sa kadiliman. Kung naniwala ka na hanggang sa isang partikular na antas at magagawa mong alisin sa iyong sarili ang katiwalian ng laman, at hindi na nababalot ng katiwaliang ito, hindi ba naligtas ka na? Kung nabubuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas wala kang kakayahang maipamalas ang Diyos, ikaw ay marumi, at hindi mo matatanggap ang pamana ng Diyos. Kapag nalinis at nagawa ka nang perpekto, ikaw ay magiging banal, magiging isa kang normal na tao, at pagpapalain ka ng Diyos at magiging kalugud-lugod ka sa Kanya. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon ay pagliligtas, at, bukod pa rito, ito ay paghatol, pagkastigo, at pagsumpa. Mayroon itong ilang aspeto. Nakikita ninyong lahat na ang mga pahayag ng Diyos ay naglalaman ng paghatol at pagkastigo, gayundin ng mga sumpa. Nagsasalita Ako upang magtamo ng isang epekto, para makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at hindi para patayin ang mga tao. Ang Aking puso ay para sa inyong kapakanan. Ang pagsasalita ay isa sa mga pamamaraan kung paano Ako gumagawa; sa pamamagitan ng mga salita ay ipinapahayag Ko ang disposisyon ng Diyos at tinutulutan kang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Maaaring mamatay ang iyong katawan, ngunit mayroon kang isang espiritu at isang kaluluwa. Kung katawan lamang ang taglay ng mga tao, mawawalan ng kahulugan ang kanilang pananampalataya, ni hindi magkakaroon ng anumang kahulugan ang lahat ng gawaing ito na Aking ginawa. Ngayon, nagsasalita Ako sa paraang ito at sa ibang paraan; sumandali Akong lubhang nasusuklam sa mga tao, at pagkatapos ay sumandali Akong masyadong mapagmahal; ginagawa Ko ang lahat ng ito upang makagawa ng pagbabago sa iyong mga disposisyon, gayundin upang mabago ang iyong mga kuru-kuro sa gawain ng Diyos.
Sumapit na ang mga huling araw at nagkakagulo ang mga bansa sa buong mundo. May kaguluhan sa pulitika, may mga taggutom, salot, baha, at tagtuyot na naglilitawan sa lahat ng dako. May malaking sakuna sa mundo ng tao; nagpadala na rin ng kalamidad ang Langit. Ito ay mga palatandaan ng mga huling araw. Ngunit para sa mga tao, tila isang mundo ito ng saya at karingalan; lalo’t lalo itong nagiging gayon, naaakit dito ang puso ng lahat ng tao, at maraming taong nabitag at hindi mapalaya ang kanilang sarili mula rito; napakaraming malilinlang ng mga nakikibahagi sa pandaraya at salamangka. Kung hindi ka magpupunyaging umunlad, wala kang mga mithiin, at hindi ka nakaugat sa tunay na daan, matatangay ka ng lumalaking mga alon ng pagkakasala. Ang Tsina ang pinakapaurong sa lahat ng bansa; ito ang lupain kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, narito ang pinakamaraming taong sumasamba sa mga diyus-diyusan at nakikibahagi sa salamangka, may pinakamaraming templo, at ito ang lugar kung saan naninirahan ang maruruming demonyo. Isinilang ka nito, tinuruan nito at nakalubog sa impluwensya nito; nagawa ka nitong tiwali at pinahirapan nito, ngunit nang magising ka ay tinalikuran mo ito at lubos kang naangkin ng Diyos. Ito ang kaluwalhatian ng Diyos, at ito ang dahilan kaya ang yugtong ito ng gawain ay may malaking kabuluhan. Nakagawa ang Diyos ng napakalawak na gawain, nakasambit ng napakaraming salita, at sa huli ay lubos Niya kayong makakamit—ito ay isang bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at kayo ang “mga samsam ng tagumpay” ng pakikibaka ng Diyos kay Satanas. Habang lalo ninyong nauunawaan ang katotohanan at napapabuti ang inyong buhay sa iglesia, lalong napapanikluhod ang malaking pulang dragon. Lahat ng ito ay mga bagay ng espirituwal na mundo—ito ang mga pakikibaka ng espirituwal na mundo, at kapag nagtagumpay ang Diyos, mapapahiya at babagsak si Satanas. Ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay may napakalaking kabuluhan. Gumagawa ang Diyos nang gayon kalawak at lubos na inililigtas ang grupong ito ng mga tao upang makatakas ka mula sa impluwensya ni Satanas, manirahan sa bayang banal, mabuhay sa liwanag ng Diyos, at mapamunuan at mapatnubayan ng liwanag. Kung gayon ay may kahulugan ang iyong buhay. Ang inyong kinakain at isinusuot ay kaiba sa mga hindi mananampalataya; tinatamasa ninyo ang mga salita ng Diyos at nabubuhay nang makahulugan—at ano ang kanilang tinatamasa? Tinatamasa lamang nila ang “pamana ng kanilang mga ninuno” at ang kanilang “diwa ng bansa.” Wala sila ni katiting na bakas ng pagkatao! Lahat ng inyong damit, salita, at kilos ay naiiba sa kanila. Sa bandang huli, lubos ninyong matatakasan ang karumihan, hindi na kayo mabibitag sa tukso ni Satanas, at magtatamo kayo ng araw-araw na panustos ng Diyos. Dapat kayong maging maingat palagi. Bagama’t nabubuhay kayo sa isang maruming lugar, wala kayong bahid ng karumihan at maaaring mabuhay sa tabi ng Diyos, na tumatanggap ng Kanyang dakilang proteksyon. Hinirang kayo ng Diyos mula sa lahat lahat ng tao sa dilaw na lupaing ito. Hindi ba kayo ang pinakamapalad na mga tao? Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng impluwensya ng diyablo, ganap na natatapakan sa karumihan nito. Kung hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng buhay o natatamo ang tunay na daan, ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?