Tungkol sa Bibliya 4
Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magbigay-kahulugan sa Bibliya ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Bibliya: na ito’y wala nang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at na hindi ito nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Bibliya na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at ang gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na lumipas na ang dahilan kaya kasaysayan ang mga ito, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan, sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! Kaya kung iyo lamang nauunawaan ang Bibliya, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Bibliya upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa buong kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo ang buhay, dahil hinahangad mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na salita at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat mong hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Bibliya—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon. Sa pagbabasa ng Bibliya, ang pinakamauunawaan mo ay kaunti ng kasaysayan ng Israel, matututuhan mo ang tungkol sa mga buhay nina Abraham, David, at Moises, iyong malalaman kung paano nila kinatakutan si Jehova, kung paano sinunog ni Jehova ang mga kumalaban sa Kanya, at kung paano Siya nangusap sa mga tao ng kapanahunang iyon. Malalaman mo lamang ang tungkol sa gawain ng Diyos sa nakaraan. Ang mga talaan ng Bibliya ay may kaugnayan sa kung paano kinatakutan ng unang mga tao ng Israel ang Diyos at nabuhay sa ilalim ng gabay ni Jehova. Dahil ang mga Israelita ay hinirang na mga tao ng Diyos, makikita mo sa Lumang Tipan ang katapatan ng lahat ng tao ng Israel kay Jehova, kung paanong ang lahat ng sumunod kay Jehova ay inalagaan at pinagpala Niya, matututuhan mo na noong gumawa ang Diyos sa Israel, Siya ay puno ng awa at pagmamahal, gayundin ay nagtataglay ng tumutupok na apoy, at na ang lahat ng Israelita, mula sa aba hanggang sa makapangyarihan, ay natakot kay Jehova, kaya ang buong bansa ay pinagpala ng Diyos. Sa ganoong paraan naitala ang kasaysayan ng Israel na naitala sa Lumang Tipan.
Ang Bibliya ay isang tala ng kasaysayan ng gawain ng Diyos sa Israel, at nakasulat dito ang marami sa mga propesiya ng mga sinaunang propeta gayundin ang ilan sa mga pagbigkas ni Jehova sa Kanyang gawain sa panahong iyon. Kaya tinitingnan ng lahat ng tao ang aklat na ito na banal (sapagkat ang Diyos ay banal at dakila). Siyempre, ang lahat ng ito ay resulta ng kanilang pusong may takot kay Jehova at ng kanilang pusong may pagsamba sa Diyos. Ang mga tao ay sumasangguni sa aklat na ito sa ganitong paraan dahil lamang sa ang mga nilalang ng Diyos ay labis na may takot at mapagmahal sa kanilang Lumikha, at mayroon pa ngang mga tumatawag sa aklat na ito na isang makalangit na aklat. Sa katunayan, ito ay isa lamang tala ng tao. Ito ay hindi personal na pinangalanan ni Jehova, ni hindi rin personal na ginabayan ni Jehova ang paglikha nito. Sa madaling salita, ang may-akda ng aklat na ito ay hindi ang Diyos, kundi mga tao. Ang Banal na Bibliya ay ang kagalang-galang na pamagat na ibinigay lamang dito ng tao. Ang pamagat na ito ay hindi pinagpasyahan ni Jehova at ni Jesus matapos Silang magtalakayan; ito ay isa lamang ideya ng tao. Sapagkat ang aklat na ito ay hindi isinulat ni Jehova, lalong hindi ni Jesus. Sa halip, ito ay mga salaysay ng maraming sinaunang propeta, mga apostol, at mga nakakakita ng pangitain, na tinipon ng mga sumunod na henerasyon bilang isang aklat ng sinaunang mga kasulatan na para sa mga tao ay tila lubhang banal, isang aklat na sa tingin nila ay naglalaman ng maraming hindi maarok at malalalim na misteryo na naghihintay matuklasan ng susunod na mga henerasyon. Dahil dito, ang mga tao ay naging mas lalong nagkaroon ng tendensiyang maniwala na ang aklat na ito ay isang makalangit na aklat. Dahil sa karagdagan ng Apat na Ebanghelyo at ng Aklat ng Pahayag, ang saloobin ng mga tao hinggil dito ay partikular na naiiba mula sa anumang iba pang libro, at kaya walang sinumang naglalakas-loob na himay-himayin itong “makalangit na aklat” na ito dahil ito ay masyadong “sagrado.”
Bakit, sa sandaling nababasa nila ang Bibliya, kayang makasumpong ng mga tao ng isang tamang landas ng pagsasagawa rito? Bakit kaya nilang matamo nang masagana ang hindi nila nauunawaan? Ngayon, hinihimay-himay Ko ang Bibliya sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi Ko ang halaga nito bilang sanggunian. Ipinaliliwanag Ko at nililinaw ang likas na halaga at mga pinagmulan ng Bibliya sa iyo upang pigilan ka sa pananatiling walang alam. Dahil ang mga tao ay napakaraming pananaw tungkol sa Bibliya, at karamihan sa mga iyon ay mali; ang pagbabasa ng Bibliya sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakaroon ng kung ano ang nararapat ngunit ang mas mahalaga ay pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong isakatuparan. Napakalaki ng paggagambala nito sa gawain ng hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga balakid, hindi kapakinabangan. Kaya ang itinuturo Ko lamang sa iyo ay ang diwa at ang kuwentong napapaloob sa Bibliya. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Bibliya, o ipangalandakan mo na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka lamang ng wastong kaalaman at pananaw sa Bibliya. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahanap sa tunay na daan. Kaya, sa pagbabasa ng Bibliya ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming daan ng buhay na hindi matatagpuan sa iba pang mga aklat. Ang mga daang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya nga ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Bibliya. Dahil sa napakarami ng nakatago sa Bibliya, ang mga pananaw ng mga tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga isinulat ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Bibliya ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, kaya nagtatamo ang mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagtanglaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay mas mataas kaysa sa mga isinulat ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga isinulat ay hinango mula sa Bibliya, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Bibliya, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Bibliya. At bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga aklat ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Bibliya, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Bibliya ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. Kaya ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay makapagtutustos lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at gaano man kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Gaano man kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay hindi na napapanahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay katulad din nito: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan ay matatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa gayon ding pundasyon, at hindi rin hindi nagbabago kailanman ang mga panahon, dahil mayroong paglikha at dapat maykaroon ng mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan! Kaya ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga aklat ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paano madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba’t ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka madadala ng mga ito tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa mga lumang simbahan ng mga relihiyon—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?
Ang nakasulat sa Bibliya ay ang gawain ng Diyos sa Israel kasama ang ilan sa mga nagawa ng hinirang na mga tao ng Israel. Sa kabila ng katotohanan na nagkaroon ng pagpili ng mga bahaging isasama o aalisin, kahit na hindi sinang-ayunan ng Banal na Espiritu, wala pa rin Siyang sinisisi. Ang Bibliya ay kasaysayan ng Israel lamang, na kasaysayan din ng gawain ng Diyos. Ang mga tao, mga usapin, at mga bagay-bagay na nakatala rito ay tunay lahat, at wala sa mga ito ang nagtataglay ng pansagisag na kahulugan—siyempre, maliban sa mga hula nina Isaias, Daniel, at ibang mga propeta, o aklat ng mga pangitain ni Juan. Ang sinaunang bayan ng Israel ay may kaalaman at may kalinangan, at ang kanilang mga sinaunang kaalaman at kultura ay maituturing na nauuna, kaya ang kanilang isinulat ay mas mataas kaysa sa isinusulat ng mga tao sa ngayon. Bunga nito, hindi nakapagtataka na maisusulat nila ang mga librong ito, sapagkat si Jehova ay nakagawa ng napakaraming gawain sa kanila, at napakarami na ang nakita nila. Namasdan ni David ang mga gawa ni Jehova ng kanyang sariling mga mata, personal niyang dinanas ang mga ito, at nakita niya ang maraming tanda at mga kababalaghan, at kaya isinulat niya ang lahat ng mga awit na iyon bilang papuri sa mga gawa ni Jehova. Nagawa nilang isulat ang mga aklat na ito sa ilang kalagayan, hindi dahil sila ay may kakaibang talento. Pinuri nila si Jehova dahil Siya ay nakita nila. Kung wala kayong nakikitang anuman kay Jehova, at wala kayong kamalay-malay na totoo Siya, paano ninyo Siya mapupuri? Kung hindi pa ninyo namasdan si Jehova, kung gayon ay hindi ninyo malalaman kung paano Siya purihin, ni sambahin Siya, lalong hindi ninyo magagawang sumulat ng mga kanta na nagbibigay-papuri sa Kanya, at kahit hinilingan kayong mag-imbento ng ilang gawa ni Jehova, hindi ninyo iyon magagawa. Kaya ninyong purihin at ibigin ngayon ang Diyos dahil na rin sa nakita na ninyo Siya, at naranasan na rin ang Kanyang gawain—at kung ang inyong kakayahan ay humuhusay, hindi ba’t magagawa rin ninyong magsulat ng mga tula bilang papuri sa Diyos gaya ni David?
Ang maunawaan ang Bibliya, ang maunawaan ang kasaysayan, ngunit hindi maunawaan kung ano ang ginagawa ng Banal na Espiritu ngayon—iyon ay mali! Napakahusay ng pag-aaral mo ng kasaysayan, nakagawa ka ng isang napakagaling na trabaho, ngunit wala kang nauunawaan sa gawain na ginagampanan ng Banal na Espiritu ngayon. Hindi ba’t ito ay kahangalan? Nagtatanong ang ibang tao sa iyo: “Ano ang ginagawa ng Diyos ngayon? Ano ang dapat mong pasukin sa ngayon? Kumusta na ang iyong paghahangad sa buhay? Naiintindihan mo ba ang kalooban ng Diyos?” Wala kang magiging tugon sa kanilang mga katanungan—kaya ano ang alam mo? Sasabihin mo: “Batid ko lamang na dapat akong tumalikod sa laman at kilalanin ang aking sarili.” At kapag sila ay magtatanong pagkatapos ng “Ano pa ang nababatid mo?” sasabihin mo na alam mo rin kung paano sumunod sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, at na nauunawaan mo nang kaunti ang kasaysayan ng Bibliya, at iyon lamang. Iyon lamang ba ang lahat na iyong nakamit mula sa paniniwala sa Diyos sa buong panahong ito? Kung iyon lamang ang lahat na nauunawaan mo, kung gayon ay napakalaki ng iyong kakulangan. Kaya ang inyong kasalukuyang tayog ay walang anumang kakayahan na makamit ang Aking mga hinihingi sa inyo, at ang mga katotohanang nauunawaan ninyo ay napakakaunti, pati na rin ang inyong kakayahang makita ang pagkakaiba-iba—ibig sabihin, ang inyong paniniwala ay napakababaw! Dapat kayong masangkapan ng higit pang mga katotohanan, kailangan ninyo ng karagdagang kaalaman, dapat kayong makakita ng higit pa, at sa ganitong paraan lamang ninyo magagawang mapalaganap ang ebanghelyo, sapagkat ito ang dapat ninyong makamit!