Sa Pagganap Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilalang Mayroong Halaga ang Buhay

Kayong lahat ay abala ngayon sa pagganap ng inyong mga tungkulin, nagsasanay na mangaral at magpatotoo sa salita ng Diyos, at sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Maging paggawa man ito ng mga pelikula o pag-awit ng mga himno upang magpatotoo para sa Diyos, ang mga tungkulin bang ginagampanan ninyo ay may halaga sa tiwaling sangkatauhan? (Oo.) Nasaan ang halaga ng mga ito? Ang halaga ng mga ito ay nasa pagtulong sa mga taong makapagsimula sa tamang landas pagkatapos nilang makita ang mga salita at katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos, at sa pagtulong sa mga tao na maunawaan na sila ay mga miyembro ng mga nilikha, at na dapat silang lumapit sa harapan ng Lumikha. Maraming tao ang hindi nakaiintindi o nakauunawa sa maraming bagay na kanilang hinaharap. Pakiramdam nila ay wala silang magawa at na ang buhay ay walang kabuluhan at hungkag, at na wala silang suportang espirituwal. Ano ang pinagmumulan ng lahat ng ito? Ang sagot sa lahat ng ito ay nasa salita ng Diyos. Sa paglipas ng mga taon ng pananampalataya ninyo sa Diyos, nabasa na ninyong lahat ang marami sa Kanyang salita at naunawaan na ninyo ang ilang katotohanan, kaya nga ang tungkuling dapat ninyong gampanan ay ang gamitin ang salita ng Diyos upang mabigyan sila ng kaliwanagan at maitama ang mga mali nilang kaisipan at pananaw, na magbibigay-kakayahan sa kanila na maunawaan ang katotohanang nasa salita ng Diyos at mahalata ang kadiliman at kasamaan ng mundo, at tutulong sa kanilang hanapin ang tunay na daan, mahanap ang Lumikha, marinig ang tinig ng Diyos, at mabasa ang Kanyang mga salita. Hahayaan sila nitong maunawaan ang ilang katotohanan at makita ang gawain ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos, upang maaari silang bumaling sa Kanya at tanggapin ang Kanyang gawain. Iyon ang mismong tungkulin na dapat ninyong gampanan. Alam ninyong lahat sa inyong puso kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan na ninyo at kung gaano karaming problema ang nalutas na ninyo mula ng manampalataya kayo sa Diyos. Sa kasalukuyan, maraming tao, kapwa mga relihiyosong tao at walang pananampalataya, ang naghahanap sa tunay na daan at naghahanap sa Tagapagligtas. Hindi nila alam ang mga sagot sa mga partikular na katanungan katulad ng kung bakit nabubuhay at namamatay ang mga tao, kung ano ang halaga ng buhay ng isang tao, o kung saan nanggaling ang mga tao at saan sila patungo. Hinihintay nila kayong mangaral ng ebanghelyo at magpatotoo para sa Diyos, at na dalhin sila sa harapan ng Lumikha—kaya nga ang mga tungkuling ginagampanan ninyo ngayon ay napakamakabuluhan! Sa isang banda, nararanasan ninyo mismo ang gawain ng Diyos, at sa kabilang banda naman, nagpapatotoo rin kayo sa iba tungkol sa gawain ng Diyos. Habang mas nararanasan ninyo ito, mas maraming katotohanan ang kailangan ninyong maunawaan at mataglay, at mas maraming gawain ang kailangan ninyong gawin. Ito ay isang napakagandang pagkakataon para maperpekto ng Diyos ang mga tao. Dapat kayong manalangin sa Diyos at bumaling sa Diyos anumang mga paghihirap ang makatagpo ninyo kapag ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin; kapag lalo pang magkakasamang binabasa ng lahat ang salita ng Diyos at hinahanap ang katotohanan, walang suliraning hindi kayang malutas. Maraming katotohanan sa salita ng Diyos na kailangan ninyong maunawaan, kaya dapat ninyong mas madalas na pagnilayan at pagbahaginan ang mga ito, sa gayon, magkakaroon kayo ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Walang suliranin ang hindi kayang lutasin sa pamamagitan ng pagsandig sa Diyos, dapat kayong magkaroon ng pananampalataya rito.

Pagkatapos likhain ng Diyos itong sangkatauhan, bumuo Siya ng isang plano ng pamamahala. Sa nakalipas na ilang libong taon, ang sangkatauhang ito ay hindi nagpasan ng anumang malaking responsabilidad o atas na magpatotoo para sa Lumikha, at ang gawaing ginawa ng Diyos kasama ang sangkatauhan ay medyo tago at simple. Gayunpaman, sa mga huling araw, ang mga bagay-bagay ay hindi na katulad ng dati. Nagsimula nang bumigkas ng mga salita ang Lumikha. Nagpahayag na Siya ng napakaraming katotohanan, at isiniwalat na Niya ang mga misteryo ng Kanyang plano ng pamamahala, ngunit ang tiwaling sangkatauhan ay mapurol ang utak at manhid: Nakakakita ang mga tao ngunit hindi nakakaalam, at nakakarinig ngunit hindi nakakaunawa, na para bang ang puso nila ay tumigas na. Kaya nga, kayong lahat ay may napakalaking responsabilidad! Ano ang napakalaki tungkol dito? Bukod sa pagpapalaganap ng mga salita at katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos, mas mahalaga pa rin na magpatotoo kayo para sa Lumikha sa bawat nilikhang tao, at na dalhin din ninyo ang lahat ng nilikhang taong iyon na nakarinig na sa ebanghelyo ng Diyos sa harapan ng Lumikha, upang maunawaan nila ang kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, at maintindihan na bilang mga nilikhang tao, dapat silang bumalik sa harapan ng Diyos, makinig sa Kanyang mga pahayag, at tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag Niya. Ganito magagawa ang lahat ng tao na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Posible bang makamit ang mga resultang ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi lamang mula sa salita ng Diyos? O sa pag-aaral na umawit ng iilang himno lamang? O sa paggawa ng isang aspekto lang ng gawain? Hindi. Kaya nga, kung gusto ninyong maayos na magampanan ang mga tungkulin ninyo, kailangan ninyong patotohanan ang mga pagkilos ng Lumikha at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos gamit ang iba’t ibang pamamaraan at magkakaibang kaanyuan. Sa ganitong paraan, makakapagdala kayo ng mas maraming tao sa harapan ng Lumikha at matutulungan ninyo silang tumanggap at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Hindi ba’t isa itong napakalaking responsabilidad? (Oo.) Kung ganoon, ano dapat ang inyong maging saloobin sa inyong mga tungkulin? Ayos lang bang maging magulo ang isip? Ayos lang ba na ipagsawalang-bahala ang mga bagay-bagay? Ayos lang ba na gawin ang mga bagay-bagay nang walang kasigasigan at walang interes? Ang magpaliban at pabasta-basta lang gawin ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Ano ang dapat ninyong gawin kung gayon? (Buong-pusong ilaan ang sarili.) Dapat ninyong buong-pusong ilaan ang inyong sarili gamit ang anumang kaliit-liitang enerhiya, karanasan, at kabatirang mayroon kayo. Hindi nauunawaan ng mga walang pananampalataya kung ano ang pinakamakabuluhang bagay na magagawa ng isang tao sa kanyang buhay, ngunit may naiintindihan kayo tungkol dito, hindi ba? (Oo.) Ang pagtanggap sa kung ano ang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos at ang pagtupad sa inyong sariling misyon—ito ang mga pinakaimportanteng bagay. Ang mga tungkuling ginagampanan ninyo ngayon ay mahalaga! Maaaring hindi mo nakikita ang mga epekto sa ngayon, at maaaring hindi ka nakakakuha ng magagandang resulta mula sa mga ito sa ngayon, ngunit hindi magtatagal ay magbubunga ang mga ito. Sa katagalan, kapag maayos na ginawa ang gawaing ito, hindi matutumbasan ng pera ang kontribusyon na magagawa nito sa sangkatauhan. Ang mga ganoong tunay na patotoo ay mas mamahalin at mahalaga pa kaysa anumang bagay, at ang mga ito ay mananatili magpasawalang-hanggan. Ito ang mabubuting gawa ng bawat taong sumusunod sa Diyos, at ang mga ito ay karapat-dapat na gunitain. Ang lahat ng bagay sa buhay ng tao ay walang saysay at hindi karapat-dapat gunitain, maliban na lang sa pananampalataya sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, at pagtupad sa kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Kahit pa nagawa mo na ang pinakakamangha-manghang tagumpay; kahit pa nakapunta at nakabalik ka na mula sa Buwan; kahit pa nakagawa ka na ng mga pagsulong sa siyensya na nakapagbigay ng ilang kapakinabangan o tulong sa sangkatauhan, ito ay walang saysay at ang lahat ng ito ay lilipas. Ano ang tanging bagay na hindi lilipas? (Ang salita ng Diyos.) Tanging ang salita ng Diyos, ang mga patotoo sa Diyos, ang lahat ng patotoo at gawaing nagpapatotoo para sa Lumikha, at ang mabubuting gawa ng mga tao ang hindi lilipas. Ang mga ito ay mananatili magpakailanman, at ang mga ito ay napakahalaga. Kaya nga, iwaksi ninyo ang lahat ng inyong limitasyon, isagawa ninyo ang matinding pagsusumikap na ito, at huwag ninyong hayaan ang inyong sarili na mahadlangan ng kung sinumang mga tao, at anumang mga pangyayari, at mga bagay; buong-puso ninyong igugol ang inyong sarili para sa Diyos, at ibuhos ang lahat ng inyong enerhiya at pagsisikap sa pagganap ng inyong mga tungkulin. Ito ang bagay na pinakapinagpapala ng Diyos sa lahat, at sulit ito gaano man karami ang paghihirap!

Sinusunod mo na ngayon ang Diyos, nakikinig ka sa salita ng Diyos, at tinatanggap mo ang atas ng Lumikha. Medyo mahirap at nakakapagod ito kung minsan, at kung minsan ay nakakatanggap ka ng kaunting kahihiyan at pagpipino; ngunit ang mga ito ay mabubuting bagay, hindi masasamang bagay. Ano ba ang makukuha mo sa huli? Ang makukuha mo ay ang katotohanan at ang buhay, at higit sa lahat, ang masang-ayunan ka at mapagtibay ng Lumikha. Ang sabi ng Diyos, “Sundan mo Ako, at Ako ay papabor sa iyo, at Ako ay malulugod sa iyo.” Kung walang ibang sinasabi ang Diyos maliban sa ikaw ay isang nilalang sa Kanyang mga mata, hindi ka namumuhay nang walang kabuluhan, at ikaw ay kapaki-pakinabang. Nakamamangha ang kilalanin ng Diyos sa ganitong paraan, at ito ay hindi isang maliit na tagumpay. Kung susunod ang mga tao kay Satanas, ano ang makukuha nila? (Pagkawasak.) Bago sila wasakin, ano ang mangyayari sa mga taong iyon? (Magiging mga demonyo sila.) Ang mga taong iyon ay magiging mga demonyo. Gaano man karaming kakayahan ang matutuhan ng mga tao, gaano man karaming pera ang kitain nila, gaano man kalaking kasikatan at kayamanan ang makamit nila, gaano man karaming materyal na benepisyo ang matamasa nila, o gaano man kataas ang estado nila sa sekular na mundo, sa kaloob-looban, lalo at lalo silang magiging tiwali, lalo at lalong buktot at marumi, lalo at lalong mapagrebelde at mapagpaimbabaw, at sa huli, sila ay magiging mga buhay na multo—sila ay magiging hindi tao. Ano nga ba ang tingin ng Lumikha sa mga ganoong tao? Basta na lang “hindi tao,” at iyon na iyon? Ano ang pananaw at saloobin ng Lumikha sa ganoong tao? Ito ay pag-ayaw, pagkasuklam, pagtaboy, pagtanggi, at sa huli ay mga pagsumpa, pagpaparusa, at pagwasak. Ang mga tao ay naglalakad sa magkakaibang landas at humahantong sa magkakaibang kahihinatnan. Aling landas ang inyong pipiliin? (Ang manampalataya sa Diyos at sumunod sa Kanya.) Ang pagpiling sumunod sa Diyos ay ang pagpili sa tamang landas: Ito ay pagtahak sa landas ng liwanag. Kung nais ng mga tao na magkaroon ng kapaki-pakinabang at makabuluhang buhay, na magkaroon ng malinis na konsiyensiya, at tunay na makabalik sa harapan ng Lumikha at manatili sa Kanyang tabi, kailangan nilang buong-pusong ilaan ang kanilang sarili, palugurin at paluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha—hindi sila maaaring maging walang kasigasigan. Dapat mong sabihin, “Sa buong buhay ko at sa mundong ito, hindi ako umaasang magkaroon ng kayamanan, na maging kapansin-pansin, o na magbigay ng karangalan sa aking mga ninuno, na maging higit sa aking kapwa, o na tingalain—hindi ako makikipaglaban para sa mga bagay na ito. Hindi ko tatahakin ang landas na iyon. Susunod lang ako sa Diyos at ilalaan ko ang buhay ko, ang enerhiya ko, at ang anumang mga kakayahan, kaloob, at talentong mayroon ako, sa pagganap ng aking tungkulin, ilalaan ko ang lahat ng iyon sa Diyos. Sa panahong ito, kahit pa tanggihan ako ng iba at kung minsan ako ay pungusan, o hindi maunawaan ng aking mga kapatid; o kung pinuhin at subukin ako ng Diyos, at labis na pagdusahin; o kung wala akong mga kasiyahan ng laman sa buhay na ito at mauwi akong nag-iisa at pinabayaan—tinatanggap ko ang lahat ng ito at inaalay ko ang buong buhay ko sa Diyos.” Ito ang kaloobang kailangan mayroon kayo! Kung may kaloobang katulad nito, matitiis ng isang tao ang maraming paghihirap, ngunit kung wala ito, kung ang isang tao ay mayroon lamang pagnanais o isang biglaang bugso ng kasigasigan, hindi ito uubra: Walang motibasyon. Kapag abala sa kanilang mga tungkulin, nalalaktawan ng ilang tao ang pagkain at nababawasan ang kanilang tulog, at kapag nakita nila na hindi sila maayos tingnan, iniisip nila, “Hindi ito tama. Gaano man ako kaabala, kailangan kong magpahinga; hindi ako dapat tumanda nang maaga, at hindi ako dapat magtiis ng napakaraming paghihirap. Mahalaga na ingatan ko ang aking kalusugan.” Ano ang palagay ninyo sa mga ganitong kaisipan? Ang mga ito ay walang pakialam sa layunin ng Diyos. Mas pinahahalagahan nila ang laman kaysa sa sarili nilang tungkulin at sa atas ng Diyos; makatikim lang ng kaunting paghihirap, nawawalan na sila ng gana, at sumusuko sila na parang isang pagong na iniuurong ang ulo nito at nagsisimula silang magreklamo; hindi nila kayang alalahanin ang mga bagay na ipinag-aalala ng Diyos, at hindi nila kayang isipin ang mga bagay na iniisip ng Diyos, wala silang pakialam sa layunin ng Diyos. Kung sasabihin ng isang lider na inaapura ang isang gampanin, ang mga taong katulad nito ay sasagot ng, “Wala akong pakialam diyan, at ayoko ng abala. Hindi ako interesado.” May nabubuhay bang ganoong mga tao? (Oo, mayroon.) Ang mga ganoong tao ay makasarili, kasuklam-suklam, at taksil. Nandaraya sila, at hindi sila mapagkakatiwalaan, at hindi sila mga taong taos-pusong nag-aasam sa Diyos. Sasabihin din nila na inalay na nila ang kanilang sarili sa Diyos, ngunit ang mga ito ay pawang mga salita lamang—hindi sila nagsasagawa ng anumang mga praktikal na bagay, hindi sila nagdurusa ni katiting na paghihirap, o nagbabayad ng pinakamaliit na halaga. Hindi nagagalak ang Diyos sa mga ganitong tao, at wala sa kanila ang Kaniyang pagpapala. Ang ilang tao ay umaayaw na gampanan ang kanilang mga tungkulin sa oras na magdusa nang kaunti ang kanilang laman. Ang mga kabataan, sa partikular, ay lubhang nag-aalala tungkol sa kanilang hitsura at nalulungkot kapag nakikita nila na ang mukha nila ay hapis, na hindi na makinis ang kanilang balat, o kapag nakahanap sila ng uban. Palagi silang nag-aalala na tumanda at pumangit, na hindi magkaroon ng kapareha, o na hindi makapagsimula ng pamilya. Makakamit ba ng mga ganoong tao ang katotohanan? Ano ang prinsipyo ng Diyos sa paghatol kung ang mga tao ay kaya bang magbayad ng halaga sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at kung ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin nang abot sa katanggap-tanggap na pamantayan? Gusto lamang makita ng Diyos ang katapatan ng mga tao. Kung minsan ay iniisip ng tao, “Ihahandog ko na lang ang puso ko, at magiging sapat na iyon,” subalit nagpapatuloy sila sa paggawa ng anumang karaniwan nilang ginagawa, nang hindi nagbabago ni katiting man lang. Paano ba isinasaalang-alang ng Diyos ang bagay na ito? Sa isang banda, titingnan ng Diyos ang iyong mga mithiin, at sa kabilang banda naman, titingnan Niya ang iyong tunay na mga kilos. Sisiyasatin ng Diyos ang mga ito. Kung taglay mo ang paghahangad at ang kagustuhan at kasabay nito ay talagang nakakapagbayad ka rin ng halaga, kahit na may mga panahong mahina ka, makikita ng Diyos na ang puso mo ay tunay ngang hindi pa sumusuko, at na ito ay patuloy pa ring nagsusumikap, at na mahal mo ang katotohanan, pagkakapantay-pantay, pagiging matuwid, at mga positibong bagay, at hindi ka Niya pababayaan. Ang ilang tao ay napakaayos magsalita, ngunit ang puso nila ay hindi naaantig; hindi nila isinasagawa ni katiting na katotohanan, at ang tanging ginagawa nila ay ang subukang linlangin ang iba. Wala silang ibang pagpipilian kundi ang magsalita nang ganito, ganito nila pinakikitunguhan ang mga tao sa paligid nila. Maaaring magmukha silang medyo kagalang-galang, ngunit ang totoo, hindi sila handang kumilos. Kumilos man sila, hindi nila isinasagawa ang sinasabi nila. Sa halip, ginagawa nila ang anumang gusto nila, anuman ang mabuti para sa kanila, anumang mangangalaga sa kanila. Hindi ba’t magkaiba ang kanilang mga sinasabi at mga ginagawa? Nakikita ba ng Diyos ang pagkakaibang ito? Nagsisiyasat ang Diyos, at tunay ngang nakikita Niya ito. Ang ilang tao ay mapanlinlang at gumagawa ng maliliit na pandaraya. Iniisip nila na hindi alam ng Diyos, na wala Siyang pakialam o nakikita. Iyon nga ba talaga ang kaso? Paano ba pinakikitunguhan ng Diyos ang matatapat na tao at ang mga gumagawa ng maliliit na pandaraya? Nakikita ba ninyo ang pagkakaiba ng pagtrato ng Diyos sa dalawang uring ito ng mga tao? (Pinagpapala ng Diyos ang matatapat at itinataboy ang mga mapanlinlang.) Paano pinagpapala ng Diyos ang matatapat na tao? Ano ang palagay ninyo sa pagkakaroon ng matatapat na tao ng pagpapala ng Diyos? (Ang matatapat na tao ay nakakakuha ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin.) (Binibigyang-liwanag ng Diyos ang matatapat na tao, at madali para sa matatapat na tao na maintindihan ang katotohanan at makapasok sa realidad.) (Minamahal at pinagmamalasakitan ng Diyos ang matatapat na tao, at tanging ang matatapat lamang ang makakapasok sa kaharian ng Diyos.) Ang lahat ng pahayag na ito ay tama, at ang mga ito ay pagpapala ng Diyos sa matatapat na tao. Hindi pa ba ninyo nakikita ang pagkakaiba at ang saloobin ng Diyos sa Kanyang pagtrato sa magkakaibang tao at sa mga taong tumatahak sa magkakaibang landas? Ang matatapat na tao ay gumagawa rin ng mga kahangalan at nakararanas din ng kahinaan; ngunit mayroon silang kaliwanagan at gabay ng Diyos, tinatamasa nila ang Kanyang proteksyon, at nakikita nila ang Kanyang mga pagpapala saanman. Dinidisiplina, at pinupungos sila ng Diyos, o sinusubok at pinipino sila, upang mapabago sila at mapalago. Ang mga taong palaging nandaraya sa kanilang mga salita at mga kilos, at na palaging umiilag at umiiwas sa responsabilidad sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ay ang mga hindi tinatanggap ang katotohanan ni kaunti man. Hindi nila taglay ang gawain ng Banal na Espiritu, na katulad ng pamumuhay sa isang kumunoy, sa kadiliman. Gaano man sila mangapa, gaano man sila magsumikap, hindi sila makakikita ng liwanag ni makahahanap ng direksiyon. Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang walang inspirasyon at nang walang patnubay ng Diyos, hindi sila makasulong sa maraming bagay, at hindi sinasadyang nabubunyag sila habang gumagawa ng ilang bagay. Ano ang layunin ng pagbubunyag sa kanila? Ito ay ang makilatis sila ng lahat at makita ng mga ito kung anong uri ng tao sila. Sa katunayan, ang mga uring ito ng tao ay lahat mga trabahador. Pagkatapos nilang magtrabaho, nang hindi dumaraan sa anumang tunay na pagbabago, magsisimula silang mabunyag at matiwalag. Ang mga gumawa ng lahat ng klase ng masasamang gawa ay parurusahan at, katulad ng mga walang pananampalataya, mamamatay sila sa lahat ng klase ng kakila-kilabot na kamatayan. Ang ilang tao ay nagsalita ng lapastangan at mapangahas na mga salita, at dahil dito ay ayaw na sa kanila ng Diyos, at inihahatid Niya sila kay Satanas. Ang paghahatid ba sa kanila kay Satanas ay maaari pa ring magbigay ng magagandang resulta? Kapag wala ang pag-iingat ng Diyos, pahihirapan sila ni Satanas at gagawan sila ng masama; sasaniban sila ng mga demonyo, magmumukha silang multo, hanggang sa mamatay sila sa pagpapahirap ng masasamang espiritu. Hindi ba’t tinatrato ng Diyos sa magkakaibang paraan ang iba’t ibang tao? Kapag gumagawa ang Diyos sa mga tao, inaantig Niya sila, binibigyan sila ng kaliwanagan at patnubay, at binabago ang lagay ng kanilang kalooban. Gusto ng mabubuting tao na lalo at lalo pang maging tapat, sapagkat tanging sa pagiging tapat lamang nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagiging tapat lamang nila makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu at patuloy na mapagninilayan ang kanilang sarili, hindi magrerebelde sa Diyos, magpapasakop sa Diyos sa anumang mga nangyayari sa kanila, at hahanapin at pagsisikapan ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang mismong hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kapag natupad na nila ang Kanyang mga hinihingi, gumagawa Siya sa kanila, binibigyan Niya sila ng liwanag, tinatanglawan sila, pinapatnubayan sila, at pinagpapala sila. Isinasantabi ng Diyos ang mga taong nayayamot at tutol sa katotohanan. Paano tinatrato ng Diyos ang malulupit at masasamang tao na gumagawa ng lahat ng klase ng masasamang gawa at na palaging nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia? Ibubunyag sila ng Diyos at ihahatid kay Satanas. Magsisimula silang magdulot ng mga problema at ihayag ang kanilang tunay na mukha, di-sinasadyang makapagsasabi sila ng masasama at negatibong mga bagay, at maghahasik ng hidwaan, kumikilos na parang mga payaso. Gagawa sila ng maraming masasamang bagay, na magdudulot ng mga pagkakagulo at pagkagambala sa iglesia, at kapag naiintindihan ng mga hinirang na tao ng Diyos ang katotohanan, at nakikilala at nailalantad sila ng mga ito, paaalisin sila at ititiwalag. Ito ba ay sarili nilang desisyon? (Hindi.) Ito ang nangyayari sa mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan at hindi gumaganap sa kanilang mga nauukol na tungkulin. Kapag hindi tumatahak sa tamang landas ang mga tao, kung ihahatid sila ng Diyos kay Satanas at sa mga kampon nitong demonyo, sila ay ganap nang wasak at tuluyan nang iniwanan. Kapag nabunyag na sila, mag-iisip sila, “Ano ang nangyayari? Nagdulot ba ako ng gulo? Nanggambala ba ako, gumawa ba ako ng kaguluhan? Bakit hindi ko ito namalayan?” Sinisiyasat ng Diyos ang lahat, at kung nagsasaayos Siya ng mga kapaligiran upang ibunyag at itiwalag sila, napakabilis iyong mangyayari. Posible na pagkatapos ng isa o dalawang pangyayari, mapapatunayan silang masasamang tao, at itatrato sila nang nararapat. May ilang bagay na personal na inaasikaso ng Diyos, at may ibang mga bagay na ginagawa Niya gamit ang mabababang demonyo, si Satanas, o ang masasamang espiritu upang magserbisyo sa Kanya. Sa isang banda, pineperpekto at pinapatibay Niya ang mga hinirang na tao ng Diyos; sa isa namang banda, ibinubunyag at itinitiwalag Niya ang masasamang tao. Kung sinusukat mo ito gamit ang iyong mga kuru-kuro at iniisip mo na hindi ito isang bagay na ginagawa ng Diyos, na hindi Siya gumagawa ng mga ganoong bagay, na hindi Siya ang nangangasiwa sa mga ito, hindi ba’t mali iyon? Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at malalaman ninyo ito kapag naranasan na ninyo ito.

Bagama’t nananalig ang ilang tao sa Diyos, ang kanilang puso ay nasa sekular na mundo pa rin; maaaring ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, ngunit nangangarap pa rin silang yumaman. Nananatiling hindi mapalagay at walang kasiyahan ang kanilang puso, at kung minsan ay nais nilang iwanan ang sambahayan ng Diyos, ngunit natatakot silang hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala at na sila ay makararanas ng mga sakuna, kaya’t ang tanging magagawa nila ay ang walang ganang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Maaari silang magkalat ng mga negatibong bagay at magreklamo nang kaunti kung minsan, at bagama’t hindi sila nakagawa ng maraming kasamaan, hindi sila gumaganap ng isang positibong papel. Alam ba ng Diyos ang ganitong pag-uugali nila? (Alam Niya.) Alam ba ng mga tao? Kadalasan, hindi ito nakikita ng mga tao. Pakiramdam nila ay mabubuti ang mga ganoong tao, na sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, maaga silang gumigising at gabi na natutulog, at kaya nilang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, ngunit nakararanas lang sila ng kahinaan paminsan-minsan at hindi nila gustong makipag-ugnayan sa iba. Ngunit alam ng Diyos kung ano ang iniisip ng mga taong ito sa kanilang puso at kung paano sila kumilos, at mayroon Siyang naaangkop na mga pagsasaayos. Pagdating ng oras, hahayaan Niyang dapuan sila ng karamdaman, at sa sandaling magkasakit sila, hindi na nila magagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay tinanggal sila sa mga hanay ng mga taong gumaganap ng mga tungkulin. Mabuti ba ito o masamang bagay? (Masamang bagay.) Lahat kayo ay handang gampanan nang tapat ang inyong mga tungkulin, hindi ninyo gustong maharap sa mga kapighatian, karamdaman, o pasakit, at pakiramdam ninyo ay inaantala ng mga ito ang inyong pagganap sa inyong mga tungkulin. Ngunit ang mga ayaw gawin ang kanilang mga tungkulin ay makakaramdam na isang mabuting bagay ang maharap sila sa mga kapighatian o karamdaman, at iniisip nila, “Sa pagkakataong ito ay nakahanap ako ng dahilan, ng palusot; hindi ko na kailangang gampanan pa ang aking tungkulin.” Ang totoo, ito ay isang masamang bagay: Ibig sabihin nito ay ayaw na sila ng Diyos, na hindi na sila nabibilang, at ito ang paraan ng Diyos nang pag-alis sa kanila. Pagkatapos na alisin, maaaring mawala nang di-inaasahan ang kanilang mga karamdaman, at kapag magaling na sila, magtatrabaho sila at kikita ng pera, magpapakasaya sa buhay at magpapakayaman. Hindi gusto ng Diyos ang ganitong uri ng tao—ano ang ibig sabihin kapag ayaw na ng Diyos sa isang tao? Ang ibig sabihin nito ay walang kahihinatnan ang taong ito; naglaho na siya sa paningin ng Diyos, at wala na siyang anumang pagkakataon na makatanggap ng kaligtasan. Pauna siyang itinalaga at pinili ng Diyos ngunit mula sa oras na iyon ay itinataboy siya ng Diyos; nagpapasya ang Diyos na hindi iligtas ang ganitong uri ng tao, at nililipol Niya ito mula sa Kanyang sambahayan. Ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman ililigtas ng Diyos. Mula sa sandaling ito, nawalan na siya ng anumang pagkakataon na maligtas. Anuman ang gawin niya o paano man siya kumilos, hindi na siya gusto ng Diyos. Kung ayaw na ng Diyos sa isang tao, iyon na ba ang katapusan? Hindi pa tapos ang kuwento ng taong ito. Bago piliin ng Diyos ang isang tao, namumuhay ang taong ito sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Pagkatapos siyang piliin ng Diyos, dumarating siya sa sambahayan ng Diyos at namumuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Kapag nilabanan at pinagtaksilan niya ang Diyos, at tinanggihan siya ng Diyos, saan siya bumabalik? (Sa kapangyarihan ni Satanas.) Bumabalik siyang muli sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay nagpapahiwatig na ibinalik na siya ng Diyos kay Satanas, na ang ibig sabihin, “Hindi Ko na gusto ang taong ito. Hindi niya tinatanggap ang katotohanan; ibinibigay Ko na siya sa iyo,” at kinukuha siya ni Satanas. Ang taong iyon ay bumabalik kay Satanas at wala nang anumang pagkakataon na maligtas. Ano ang nawawala sa isang tao kapag ibinabalik siya ng Diyos kay Satanas? Ano ang mga kalalabasan at wakas na darating sa kanya? Dapat itong maging malinaw sa inyo. Ang matiwalag ng Diyos ay hindi simpleng bagay, at tiyak na hindi ito dahil sa panandaliang paglabag ng isang tao, sapagkat inililigtas ng Diyos ang mga tao hangga’t posible at hindi sila basta-basta tinitiwalag. Kapag pinili ng Diyos ang isang tao, ano ang nakukuha ng taong iyon mula sa Kanya? (Ang pagkakataong maligtas.) Ano pa? (Natatamo nito ang katotohanan.) Oo, natural na kailangan nitong matamo ang katotohanan upang matanggap ang pagliligtas ng Diyos. Kapag pinipili ng Diyos ang isang tao at inaakay ito mula sa kapangyarihan ni Satanas patungo sa sambahayan ng Diyos, naglalakas-loob ba si Satanas na maglatag ng anumang kondisyon para sa Diyos? Hindi ito naglalakas-loob na maglatag ng anumang kondisyon, ni naglalakas-loob na magsalita ng kung ano man. Kung sasabihin ng Diyos, “Akin ang taong ito, hindi ka na pinahihintulutang galawin siya,” masunuring isusuko ni Satanas ang taong iyon. Ang pagkain, damit, tirahan, transportasyon, at bawat galaw ng taong ito ay nasa ilalim ng pangangalaga at pagmamasid ng Diyos, at kung walang pahintulot ang Diyos, hindi maglalakas-loob si Satanas na galawing muli ang taong iyon. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang ibig sabihin nito ay ganap nang namumuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang taong iyon, nang walang paghadlang ni panghihimasok mula sa mga panlabas na puwersa, at na ang pang-araw-araw na kagalakan, kalungkutan, at pasakit nito ay lahat nasa ilalim ng pagsisiyasat ng mata ng Diyos, at nasa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Kung may sakuna o kalamidad na mangyari, hahayaan ng Diyos na maiwasan ito ng taong iyon, at ito ay magiging maayos; samantalang ang mga walang pananampalataya at ang mga hindi pinili ng Diyos ay magkakaroon ng anumang kapalarang nararapat sa kanila. Kung dapat silang mamatay, mamamatay sila; kung dapat silang dumanas ng sakuna, daranas sila ng sakuna. Walang taong makapagbabago nito, at walang taong makapagliligtas ng sino man. Kapag nangyayari ang mga kalamidad, nangyayari ang mga ito sa maraming tao; ngunit paanong ang mga sakunang ito ay hindi nangyayari sa iyo? Ito ang proteksyon ng Diyos. Hindi maglalakas-loob si Satanas, ni ang maliliit na diyablo, ni ang masasamang espiritu, na galawin ka. Kapag lumalapit ang mga ito sa iyo, para bang may humaharang sa harapan nila, na animo’y nakikita nila ang mga salitang, “Huwag mong galawin ang taong ito,” o na para bang nasisilayan nila ang isang atas ng langit, at hindi naglalakas-loob ang mga ito na galawin ka, at ikaw ay protektado. Nagkaroon ka ng napakagandang buhay sa mga panahong ito, naging maayos ang lahat, at normal mong nagampanan ang iyong tungkulin—ito ang isang taong pinoprotektahan ng mga kamay ng Diyos. Gayunpaman, pagkatapos tanggapin ng kasasabi Ko lang na tao ang proteksyon ng Diyos, hindi niya ito nararamdaman ni namamalayan. Sinasabi niya, “Malamang dahil sa suwerte o magandang kapalaran kung kaya’t namuhay ako nang payapa sa lahat ng taong ito, at na nanatiling malayo mula sa akin si Satanas at ang maliliit na diyablong iyon.” Hindi sinasabi ng taong ito na iyon ay proteksyon ng Diyos, ni alam niya kung paano suklian ang pag-ibig at biyaya ng Diyos. Hindi niya ginagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, at sa halip ay pinagmumulan siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, at gumagawa siya ng masasamang bagay lamang. Nakikita ng Diyos ang hindi nagbabagong pag-uugali nito, sinisiyasat Niya ang kaloob-looban nito, at binibigyan Niya ito ng oras at pagkakataon sa loob ng maraming taon, ngunit hindi pa rin ito nagsisisi. Kaya, sinasabi ng Diyos na ang taong ito ay hindi maililigtas, at sa huli ay nagpapasya Siyang ibalik ito kay Satanas. Ang taong ito ay isang walang kuwentang bagay, at hindi na ito gusto ng Diyos. Sino ang pinakamasaya kapag tinitiwalag ng Diyos ang taong ito? Si Satanas ang pinakamasaya, at sinasabi nitong, “Napakasayang magkaroon ng isa pang maliit na demonyo sa aking kampo, isa pang kasabwat!” Ang taong iyon, na mahina ang utak at hindi marunong matakot, ay bumabalik sa yakap ni Satanas sa ganitong paraan. Anu-ano ang gagawin ni Satanas sa kanya? (Yuyurakan at sasaktan siya nito.) Napakagaling ni Satanas na manakit ng mga tao na ang ilan ay sinasapian ng mga demonyo, ang ilan ay nagkakaroon ng mga kakaibang sakit, at ang ilan ay bigla na lang abnormal na kumikilos, inihahayag ang kanilang mala-demonyong anyo na para bang nababaliw sila. Madalas na sinasaktan at nilalapa ni Satanas ang mga tao sa ganitong paraan. Ito ang kalikasan ng mga kilos ni Satanas: Umaasa ito sa panlilinlang at kasamaan, at gumagamit ng iba’t ibang paraan upang maakit ang mga tao para magpasakop, upang saktan at lapain sila. Limitado ba sa ganito ang mga paraan ng pananakit ni Satanas sa mga tao? Tiyak na hindi. Hindi lang ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pananakit, pagsira, at pananalasa sa kanila, tulad ng sinasabi ng mga tao. Marami itong mas tuso at mararahas na paraan, at lahat ng ito ay naranasan na mismo ng tiwaling sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay kay Satanas ang mga tao, ang ilan sa kanila ay biglang nagiging napakatuso at sanay sa paggamit ng mga panlilinlang; sa isang iglap, ang mga landas ng kanilang propesyon ay nagiging napakapatag, at nagkakaroon sila ng promosyon at nagiging mayaman. Mabuti ba ito o masama? (Masama.) Mabuting bagay ito sa mata ng tao, kaya’t paano ito maituturing na masamang bagay? (Ang mga taong ito ay nahulog na sa mga panlilinlang ni Satanas at mapapalayo sila nang mapapalayo sa Diyos.) Nakakakuha sila ng promosyon at nagiging mayaman, at nagiging maayos ang lahat para sa kanila; hindi magtatagal, sila ay nagiging mga makapangyarihang mangangalakal, na may pera, katayuan, at kabantugan. Namumuhay sila nang napakaayos at ganap na bumabalik sa sekular na mundo. Maiisip pa kaya nila ang Diyos sa panahong ito? Gusto pa ba nilang manampalataya sa Diyos? Nasa puso pa rin ba nila ang Diyos? (Hindi na.) Lubos na nilang nilayuan ang Diyos at tinalikuran ang tamang daan, at ganap na silang nabihag ni Satanas. Hindi na sila mga miyembro ng sambahayan ng Diyos; sila ay naging mga walang pananampalataya na, at sa paraang iyon ay tuluyan na silang nawasak. Matatamasa pa kaya ng ganoong mga tao ang proteksyon ng Diyos? (Hindi na.) Anong kalagayan ang kinaroroonan nila, sa pamumuhay sa sekular na mundo at sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Araw-araw, hindi nila alam kung mabubuhay ba sila o mamamatay; tuwing lumalabas sila, hindi nila alam kung makakatagpo ba sila ng kasawian; hindi nila alam ang kapayapaan ni ang kagalakan; at ang kanilang puso ay puno ng pagkasindak, pagkabalisa, at takot. Alam nila kung ano ang mga kalalabasan ng pagtataksil sa Diyos, kung kaya’t nababalisa sila buong araw, at hindi nila alam kung kailan sasapit sa kanila ang sakuna, at kung kailan sila parurusahan. Ganito ang pakiramdam sa puso ng mga tao kapag itinataboy sila ng Diyos: Nakukulong sila sa kadiliman nang walang daang palabas, ang bawat hakbang nila ay napakahirap at nakakatakot, at ang buhay nila ay napakahirap. Sa palagay mo ba ay napakahihirap ng buhay ng mga taong ito dahil hinahabol nila ang kasikatan at pakinabang, hinahangad nila ang sekular na mundo, namumuhay sila nang maginhawa, at tinatahak nila ang landas ng mga walang pananampalataya? Hindi. Ito ay dahil sa sandaling tinalikuran na sila ng Diyos, wala na Siyang pakialam sa kanila. Sa kawalan ng proteksyon at pangangalaga ng Diyos, sila ay nagiging mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at agad silang nahuhulog sa kadiliman. Ang unang nararamdaman ng mga tao kapag nahuhulog sila sa kadiliman ay na wala nang kapayapaan ang kanilang puso, at hindi na nila nararamdaman ang presensya ng Diyos. Pakiramdam nila ay puno ang mundo ng pagkasindak, mga patibong, panlilinlang, at panganib, at na ang buhay ay mas mahirap pa. Mahalaga ba kung ano ang katayuan nila sa mundo? Mahalaga ba kung gaano ang kakayanan o kapangyarihan nila? Hindi. Ang lahat ng hindi nananampalataya sa Diyos o na itiniwalag Niya ay magtatapos sa ganitong kahihinatnan, mahuhulog sa impiyernong pamumuhay, na napakahirap. Araw-araw kang sasaktan doon ng lahat ng klase ng buhay na multo. Hindi ito mapamumuhayan; mas masahol pa ang buhay na ito kaysa sa kamatayan.

Kapag ang mga tao ay nasa ilalim ng proteksyon ng Diyos, sila ay nakadarama ng kaligtasan, kapayapaan, at kagalakan. Nakapamumuhay sila bilang mga tao at nakakasali sa lahat ng gawain ng normal na pagkatao; ang lahat ng tungkol sa kanila ay regular at ayon sa nararapat, at ang kanilang puso ay malaya at panatag. Kapag nawalan ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang mga tao, naglalaho ang mga pakiramdam na iyon, kung kaya’t tumutugon sila sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila gamit ang kanilang mga sariling kasanayan, abilidad, kaisipan, at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at gamit din ang kanilang sariling init ng ulo. Ano itong lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila? Ito ang lahat ng masasamang tao, baluktot na tao, malalaki at maliliit na demonyo, at masasamang espiritu. Ang buhay ba ng mga tao ay magiging mabuti kung nasa isang lugar sila ng maruruming espiritu nang walang proteksyon ng Diyos? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit hindi nakakatamasa ng isang mabuting araw ang mga tao pagkatapos nilang iwanan ang Diyos; nagiging ganoon kahirap para sa kanila ang mamuhay. Kapag namumuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang mga tao, hindi nila ito alam pahalagahan at hindi nila ito sineseryoso; sa sandaling pabayaan sila ng Diyos, huli na ang lahat para magsisi, at iyon ay talaga namang isang napakalaking kasawian! Tanging kapag ang mga tao ay namumuhay sa ilalim ng pangangasiwa, pangangalaga, at proteksyon ng Diyos ay saka nila makakamtan ang tunay na kasiyahan, kapayapaan, at kaligayahan, na siyang kapayapaan at kagalakang nadarama sa kaibuturan ng puso ng tao na nagmumula sa Diyos. Sa sandaling mawala sa tao ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ang pasakit, pag-aalala, pagkabalisa, pagkabagabag, at pangambang nasa kaibuturan ng kanilang puso ay unti-unting lalaki. Lumalaki ang pagdurusa sa kanilang puso, at mahirap para sa kanila na mapalaya ang kanilang sarili mula rito; hindi sila makawala. Gaano ba kagaling ang mga kakayahan at kalakasan ng isang tao? Ano itong hinaharap mo nang mag-isa? Hinaharap mo ang lahat ng klase ng marurumi at masasamang espiritu! Sa panlabas, mukha silang mga tao: Mayroon silang mga hugis, anyo, laman, at dugo. Ngunit ang lahat ng taong ito ay kay Satanas, at si Satanas at ang lahat ng klase ng masama at maruming espiritu ang nagmamanipula sa kanila. Gaano kaya ang kakayahan ng isang tao, sa harap ng mga bagay na ito? Hindi kaya sila matatakot? Matatamasa ba nila ang kapayapaan at kagalakan? Gaano man sila kalaking tao, gaano man ang kakayahan o kabagsikan nila, ano ang kanilang mararamdaman kapag namumuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at sa mundong ito? Kapag nag-iisa na sila at kumalma na, iisipin nila ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa paligid nila at kung gaano kahirap para sa kanila ang harapin ang bawat bagay na dumarating sa kanila; kailangan nilang mag-isip nang todo upang maharap ang lahat ng ito. Napakalaking pagsubok para sa kanila na gamitin ang lakas at pamamaraan ng tao para ayusin ang lahat ng ito! Ganoon kahirap para sa kanila ang mabuhay; ganoon ito kahirap. Sinasabi ng ilan na hindi nagdurusa ng ganoong mga hirap ang malalaking tao, ngunit ang totoo, higit silang nagdurusa. Humaharap sa maliit na sirkulo ng buhay ang mga ordinaryong tao, habang ang malalaking tao ay humaharap sa mas malaking sirkulo ng buhay at higit na paghihirap at pagdurusa. Nararanasan ba nila ang kaligayahan? (Hindi.) Kung kaya, sa sandaling mawala sa tao ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at pabayaan Niya sila, anong klase ng buhay ang haharapin nila? Haharapin nila ang lahat ng marurumi at masasamang espiritu na iyon nang walang katulong at nang mag-isa—iyon ay isang hindi katiis-tiis na buhay! Maaari silang mamatay anumang oras sa pag-atake ng mga kalaban o bilang resulta ng kanilang mga pakana, at ang kanilang buhay ay nakakapagod, masakit, at mahirap. Hangal ang ilang tao at iniisip na nakakapagod na manampalataya sa Diyos, na tuluy-tuloy na hangarin ang katotohanan, at palaging magtuon sa pagpapasakop sa Diyos at sa pakikinig sa mga salita ng Diyos; iniisip nila na ang mga makamundong tao ang malalaya, at pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang manampalataya sa Diyos, kung kaya’t ayaw na nilang manampalataya. Palagi silang ganito mag-isip, ngunit isang araw ay matututunan nila kung ano ang mga kalalabasan ng mga ito.

Sa mga kamay ng Lumikha, nagtatamasa ang mga tao ng walang hanggang kapayapaan, kagalakan, mga pagpapala, proteksyon, at pangangalaga, samantalang ang mga walang pagkatao at walang konsiyensiya ay hindi makararanas ng mga ito. Gayunpaman, kapag ang isang tao ay pinabayaan na ng Diyos, agad niyang mararamdaman ang pagsapit sa kanya ng pasakit ng kadiliman, at sa oras na iyon ay lubos niyang maiintindihan kung gaano kasaya at kagalak noon na manampalataya sa Diyos, gumanap sa kanyang mga tungkulin, at mamuhay sa sambahayan ng Diyos at sa Kanyang presensya, ngunit magiging huli na ang lahat. Maaari mong sabihin, “Pinagsisisihan ko na iniwan ko ang Diyos. Maaari ba akong magsimulang muli sa pananampalataya sa Kanya?” Nagbibigay ba ng ganoong mga pagkakataon ang Diyos? (Hindi.) Kung ayaw mo na sa Diyos, gugustuhin ka pa ba ng Diyos? Hindi mo ba minamahal si Satanas? Mahal mo sa iyong puso si Satanas, ngunit gusto mo pa ring sumunod sa Diyos upang magtamo ng ilang pagpapala. Papayag kaya ang Diyos dito? (Hindi Siya papayag.) Ganoon talaga ito. Kaya nga, kailangang madalas na lumapit sa presensya ng Diyos ang mga tao upang pagnilayan at pag-isipan ang mga bagay na ito: kung ano ang tunay na kaligayahan; kung paano mamuhay upang magkaroon ng tunay na kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan; at kung anong mga bagay ang pinakamahalaga at karapat-dapat na pahalagahan sa buhay ng mga tao. Kailangang pag-isipan ang mga bagay na ito. Habang mas pinagninilayan mo ang mga tamang bagay at ang katotohanan, mas bibigyang-liwanag at gagabayan ka ng Diyos, at hahayaan kang makaunawa, makakilala, at makakita, at higit kang mabibigyang-liwanag at matatanglawan pagdating sa pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan—hindi ba’t lalaki nang lalaki ang pananampalataya mo? Kung palagi kang tamad at suwail, palaging tinatanggihan at hindi ginugusto ang katotohanan; kung ayaw mong pumasok sa presensya ng Diyos kailanman at palagi mong iniisip ang pagiging talipandas at ang paglayo sa Diyos; at kung hindi mo tinatanggap ang Kanyang paggabay, ang Kanyang pangangalaga, ni ang Kanyang proteksyon, mapipilit ka ba ng Diyos? Kung ito ang iyong saloobin, tiyak na hindi ka bibigyang-liwanag ng Diyos, kaya hindi ka gaanong magkakaroon ng pananampalataya. Habang tumatagal kang nananampalataya, nababawasan ang iyong lakas, at ikaw ay magrereklamo, magkakalat ng iyong mga kuru-kuro at pagiging negatibo, at hindi magtatagal, magdudulot ka ng gulo. Sa oras na magdulot ka ng problema at manggulo sa gawain ng iglesia, hindi ka na mabait na tatratuhin ng sambahayan ng Diyos, at paaalisin ka o ititiwalag ka nito, at hahantong ka sa katapusan ng landas ng pananampalataya sa Diyos. Sino ang sisisihin para dito? (Ang taong iyon mismo.) Ito ang katapusan na dumarating sa mga taong nananalig sa Diyos, ngunit hindi hinahangad ang katotohanan. Gaya nga ng kasabihan, “Hindi mabubuo ang tatlong talampakang yelo sa loob lamang ng isang araw.” Kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos ngunit hindi mo pa hinangad ang katotohanan, at pinili mo ang landas ng mundo, at ang sundin si Satanas sa halip na ang Diyos, pababayaan at iiwan ka ng Diyos. Hindi pinupuwersa ng Diyos ang mga tao. Ang pagliligtas ng Diyos, ang Kanyang salita, at ang Kanyang katotohanan at buhay ay malayang ibinibigay sa tao; hindi Siya nanghihingi ng pera o nakikipagkasunduan sa iyo. Kung hindi mo lang tinatanggihang tanggapin ang katotohanan, ngunit nagrereklamo ka pa sa Diyos at ginugulo ang gawain ng iglesia, hindi ba’t naghahanap ka ng gulo? Ano ang gagawin ng Diyos kung gayon? Tiyak na iiwan ka ng Diyos, at ito ang iyong magiging karampatang parusa. Kung tinatanggihan mo ang dakilang pagliligtas ng Diyos habang nasa kamay mo na ito, at pakiramdam mo pa rin ay ginawan ka ng mali at nais mong makipagkasunduan sa Diyos, ito ay talagang walang katwiran! Kung iyon ang kaso, bumalik ka na lang dapat sa maputik na hukay ng mundo at makaraos kung paano mo man gusto! Wala nang pakialam ang Diyos, at sa ganito pagpapasyahan ang iyong kinalabasan. Sinasabi ng ilan, “Kung hindi na gusto ng mga tao ang Diyos, bakit hindi Niya sila hayaang mamatay?” Wala bang mga taong ganitong mag-isip? (Mayroon.) Malupit ang ilang tao at sinasabi nilang, “Kung hindi sinusunod ng isang tao ang Diyos, dapat siyang isumpa, parusahan, at pagkatapos ay wasakin ng Diyos!” Sa palagay ba ninyo ay ito ang disposisyon ng Diyos? (Hindi.) Hindi iyon ginagawa ng Diyos; hindi Niya pinupuwersa ang mga tao. Itinakda na ng Diyos kung ano ang magiging buhay ng isang tao, at hindi basta-basta na lang nagsasagawa ang Diyos. Ang kapalaran, hantungan, at kinahinatnan ng taong iyon ay itinakda na ng Diyos, at kung hindi niya susundin ang Diyos, hahayaan pa rin siya ng Diyos na mamuhay nang natural sa ganoong paraan ayon sa kanyang orihinal na tadhana. Iaabot siya ng Diyos kay Satanas, at iyon na ang magiging katapusan; sa huli ay pagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan nito sa oras na nararapat, sa katapusan ng buhay nito. Hindi sisirain ng Diyos ang lahat ng batas na ito. Sa mga salita ng tao, kumikilos ang Diyos sa partikular na makatwirang paraan, hindi katulad ng panlilinlang at kasamaan ng mga anticristo, na nagsasabing: “Kung hindi mo ako susundin, papatayin kita!” Anong klaseng disposisyon iyon? Ito ay sa isang bandido, disposisyon ng isang tulisan, ng isang tampalasang tao. Hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Sinasabi ng Diyos, “Kung hindi mo Ako sinusunod, bumalik ka na kay Satanas, at simula ngayon ay puputulin na ang lahat ng ugnayan sa pagitan natin. Hindi mo matatamasa ang Aking proteksyon ni ang Aking pangangalaga; wala kang magiging bahagi sa pagpapalang ito. Mamuhay ka ayon sa gusto mo; ikaw ang bahalang pumili!” Ang Diyos ay mapagpaubaya sa mga tao at hindi Niya sila pinupuwersa, hindi katulad ni Satanas, na palaging gustong kontrolin at hawakan ka, magpakailanman, kahit pa hindi iyon ang nais mo. Hindi iyon ginagawa ng Diyos. May mga sariling prinsipyo ang Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay; hinihiling Niyang sundin Siya ng mga tao, ngunit hindi Niya sila pinupuwersa kailanman. Bilang isang nilalang, kung hindi mo matanggap ang katotohanan, kung hindi mo matutupad ang mga tungkulin ng isang nilalang, hindi mo kailanman makakamit ang pagpapala ng Diyos.

Nobyembre 7, 2017

Sinundan: Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos

Sumunod: Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito