Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Ang hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao ay ang pinakamahalagang bagay. Nakalulungkot na marami ang hindi nakakaunawa nito at bumabalewala sa usaping ito ng pagiging matapat na tao. Kung tunay na nauunawaan ng mga tao ang gawain ng Diyos, malalaman nila na pagkatapos Niyang makompleto ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, ang matatapat na tao lamang na napadalisay mula sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at nagwaksi ng kanilang mga panlilinlang at kasinungalingan, ang magtatamo ng Kanyang kaligtasan at magiging kwalipikadong pumasok sa Kanyang kaharian. Kung, pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, puno pa rin ng mga kasinungalingan at panlilinlang ang mga tao; kung hindi nila kayang taos-pusong igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at palagi nilang pabasta-bastang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, tiyak na itataboy sila ng Diyos. Ano ang magiging kalalabasan nila? Tiyak na paaalisin at ititiwalag sila sa iglesia. Ngayon, sa pagkakita sa gawain ng Diyos na umabot sa hakbang na ito, maaalala ng isang tao kung paano palaging hinihikayat ng Diyos ang tao na maging matapat. Malaki ang kahalagahan nito. Hindi ito kaswal lang na sinabi at tapos na—ito ay may direktang kaugnayan sa kung makakamit ba o hindi ng isang tao ang kaligtasan at mabubuhay, at sa kalalabasan at hantungan ng bawat tao. Samakatuwid, masasabi nang may katiyakan na sa pamamagitan lamang ng pagwawaksi sa mapanlinlang na disposisyon ng tao at sa pagiging matapat na tao na maisasabuhay ng isang tao ang normal na pagkatao at makakamit ang kaligtasan. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon pero mapanlinlang pa rin ay nakatadhanang matiwalag.

Lahat ng taong hinirang ng Diyos ay nagsasanay na ngayon na gumanap sa kanilang mga tungkulin, at ginagamit ng Diyos ang pagganap ng mga tao sa kanilang tungkulin para gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao at itiwalag ang isa pa. Kaya, ang pagganap ng tungkulin ang naglalantad sa bawat uri ng tao, at ang bawat uri ng mapanlinlang na tao, hindi mananampalataya, at masamang tao ay nabubunyag at natitiwalag sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ang mga gumaganap nang tapat sa kanilang mga tungkulin ay matatapat na tao; ang mga palaging pabasta-basta ay mapanlinlang, tusong mga tao, at sila ay mga hindi mananampalataya; at yaong mga nagiging dahilan ng mga paggambala at kaguluhan sa paggawa ng kanilang mga tungkulin ay masasamang tao at mga anticristo. Ngayon, umiiral pa rin ang napakaraming problema sa marami sa mga gumaganap ng mga tungkulin. Ang ilang tao ay laging napakapasibo sa kanilang mga tungkulin, laging nakaupo at naghihintay at umaasa sa iba. Anong uri ng pag-uugali iyan? Pagiging iresponsable. Isinaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng isang tungkulin, ngunit ilang araw mo itong pinag-iisipan nang walang natatapos na anumang kongkretong gawain. Hindi ka nakikita sa trabaho, at hindi ka nahahanap ng mga tao kapag mayroon silang mga problemang kinakailangang lutasin. Hindi ka nagdadala ng pasanin para sa gawaing ito. Kung magtatanong ang isang lider tungkol sa gawain, ano ang sasabihin mo sa kanya? Hindi ka gumagawa ng anumang uri ng gawain ngayon. Alam na alam mo na responsabilidad mo ang gawaing ito, pero hindi mo ito ginagawa. Ano ba ang iniisip mo? Hindi ka ba gumagawa ng anumang gawain dahil wala kang kakayahan dito? O sakim ka lang sa kaginhawahan? Ano ang saloobing mayroon ka sa iyong tungkulin? Nagsasalita ka lang tungkol sa mga salita at doktrina at sinasabi mo lang ang mga bagay na masarap pakinggan, ngunit wala kang ginagawang aktuwal na gawain. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magbitiw. Huwag kang manatili sa iyong posisyon at walang anumang gawin doon. Hindi ba’t sa paggawa nito ay pinipinsala mo ang mga taong hinirang ng Diyos at ikinokompromiso ang gawain ng iglesia? Sa paraan ng iyong pagsasalita, tila nauunawaan mo ang lahat ng klase ng doktrina, pero kapag hiniling sa iyo na gampanan ang isang tungkulin, pabaya ka, at hindi matapat kahit kaunti. Iyan ba ay taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? Hindi ka sinsero pagdating sa Diyos, pero nagkukunwari kang may sinseridad. Kaya mo ba Siyang linlangin? Sa paraan ng iyong karaniwang pagsasalita, tila mayroong malaking pananampalataya; gusto mong maging haligi ng iglesia at maging sandigan nito. Ngunit kapag ginagampanan mo ang isang tungkulin, mas wala kang silbi kaysa sa isang patpat ng posporo. Hindi ba’t ito ay lantarang panlilinlang sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa iyo sa pagtatangkang linlangin ang Diyos? Itataboy at ititiwalag ka Niya! Lahat ng tao ay nabubunyag sa pagganap sa kanilang mga tungkulin—italaga lang ang isang tao sa isang tungkulin, at hindi magtatagal ay mabubunyag kung siya ba ay isang matapat na tao o isang mapanlinlang na tao at kung siya ba ay nagmamahal sa katotohanan o hindi. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay kayang taos-pusong gampanan ang kanilang mga tungkulin at itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos; iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos ni bahagya, at iresponsable sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Ito ay agad na malinaw sa mga taong may matalas na pang-unawa. Walang sinumang hindi maayos ang pagganap sa tungkulin ang nagmamahal sa katotohanan o isang matapat na tao; ang mga gayong tao ay lahat mabubunyag at matitiwalag. Para magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, dapat magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at pasanin ang mga tao. Sa paraang ito, tiyak na magagawa nang maayos ang gawain. Nakakabahala lang kapag may isang taong walang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad, kapag kailangan siyang himukin na gawin ang lahat ng bagay, kapag palagi siyang pabasta-basta, at sinusubukan niyang ipasa ang sisi sa iba kapag lumilitaw ang mga problema, na humahantong sa pagkaantala ng kanyang pagpapasya. Kung gayon, magagawa pa rin kaya nang maayos ang gawain? Maaari kayang magbunga ng anumang resulta ang paggampan nila sa kanilang tungkulin? Ayaw nilang gawin ang alinmang gampanin na isinaayos para sa kanila, at kapag nakikita nila ang ibang tao na nangangailangan ng tulong sa gawain, hindi nila pinapansin ang mga ito. Gumagawa lang sila ng kaunting gawain kapag inutusan sila, kapag kinakailangan na talaga nilang kumilos, at wala silang magawa. Hindi ito paggampan sa tungkulin—ito ay may bayad na pagtatrabaho! Ang isang bayarang trabahador ay nagtatrabaho para sa isang amo, gumagawa ng isang araw na trabaho para sa isang araw na sahod, isang oras ng trabaho para sa isang oras na sahod; naghihintay siyang mabayaran. Natatakot siyang gumawa ng anumang trabahong hindi nakikita ng kanyang amo, natatakot siyang hindi mabayaran sa anumang ginagawa niya, nagtatrabaho lamang siya bilang pakitang-tao—na ang ibig sabihin ay wala siyang katapatan. Madalas, hindi kayo makasagot kapag tinanong kayo tungkol sa mga isyu sa gawain. Ang ilan sa inyo ay nasangkot sa gawain, subalit hindi ninyo kailanman tinanong kung kumusta ang gawain o pinag-isipan nang mabuti ang tungkol dito. Dahil sa inyong kakayahan at kaalaman, dapat may nalalaman ka kahit papaano, sapagkat kayong lahat ay naging kabahagi sa gawaing ito. Kaya bakit walang sinasabi ang karamihan sa mga tao? Posibleng hindi talaga ninyo alam ang sasabihin—na hindi ninyo alam kung maayos ba ang takbo ng mga bagay-bagay o hindi. May dalawang dahilan para dito: Una ay lubos kayong walang pakialam, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng malasakit sa mga bagay na ito, at itinuring lamang ang mga ito bilang gawaing dapat tapusin. At ang isa pa ay iresponsable kayo at ayaw ninyong magmalasakit sa ganitong mga bagay. Kung tunay kang nagmalasakit, at talagang nakisangkot, magkakaroon ka ng pananaw at perspektiba sa lahat ng bagay. Ang kawalan ng perspektiba o pananaw ay kadalasang bunga ng kawalan ng pakialam at kawalang-bahala, at ng hindi pag-ako ng anumang responsabilidad. Hindi ka masigasig sa tungkuling ginagampanan mo, hindi ka humahawak ng anumang responsabilidad, hindi ka handang magbayad ng halaga o makisangkot. Hindi ka naglalaan ng kahit anong pagsusumikap, ni hindi ka handang gumugol ng mas maraming lakas; nais mo lamang maging tauhan, na walang ipinagkaiba sa kung paano nagtatrabaho ang isang walang pananampalataya para sa kanyang amo. Ang ganitong paggampan sa tungkulin ay hindi gusto ng Diyos at hindi ito nakalulugod sa Kanya. Hindi nito makakamit ang Kanyang pagsang-ayon.

Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya” (Mateo 13:12). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay kung ni hindi ka nagsasagawa o inilalaan ang sarili mo sa iyong sariling tungkulin o trabaho, babawiin ng Diyos ang mga dating sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng “bawiin”? Ano ang mararamdaman ng mga tao roon? Maaaring nabibigo kang matamo kung ano sana ang itinutulot ng iyong kakayahan at mga kaloob na iyong matamo, at wala kang nararamdaman, at para ka lang isang walang pananampalataya. Ganoon ang pakiramdam na bawiin ng Diyos ang lahat. Kung pabaya ka, at hindi nagbabayad ng halaga, at hindi ka sinsero, babawiin ng Diyos kung anong mayroon ka dati, babawiin Niya ang karapatan mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi Niya ipagkakaloob sa iyo ang karapatang ito. Dahil binigyan ka ng Diyos ng mga kaloob at kakayahan, subalit hindi mo ginampanan nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ginugol ang iyong sarili para sa Diyos, o nagbayad ng halaga, at hindi mo inilagay ang iyong puso rito, bukod sa hindi ka pagpapalain ng Diyos, babawiin din Niya kung ano ang dating mayroon ka. Nagbibigay ang Diyos ng mga kaloob sa mga tao, na nagbibigay sa kanila ng espesyal na mga kasanayan pati na ng talino at karunungan. Paano dapat gamitin ng mga tao ang mga bagay na ito? Kailangan mong ialay ang iyong espesyal na mga kasanayan, iyong mga kaloob, iyong talino at karunungan sa iyong tungkulin. Kailangan mong gamitin ang iyong puso at gamitin ang lahat ng nalalaman mo, lahat ng nauunawaan mo, at lahat ng makakamtan mo sa iyong tungkulin. Sa paggawa nito, pagpapalain ka. Ano ba ang ibig sabihin ng pagpalain ng Diyos? Ano ang ipinaparamdam nito sa mga tao? Na sila ay binigyang-liwanag at pinatnubayan ng Diyos, at na mayroon silang landas kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Para sa ibang tao, maaaring magmistulang hindi mo magagawa ang mga bagay-bagay gamit ang iyong kakayahan at ang iyong mga natutunan—subalit kapag gumagawa ang Diyos at binibigyan ka ng kaliwanagan, hindi mo lamang mauunawaan at magagawa ang mga bagay na iyon, kundi magagawa mo pa ang mga iyon nang mabuti. Sa huli, mapapaisip ka pa sa sarili mo, “Hindi ako ganoon kahusay dati, pero ngayon ay mas higit na maraming magandang bagay sa loob ko—lahat ng ito ay positibo. Hindi ko kailanman inaral ang mga bagay na iyon, ngunit biglang naiintindihan ko na ang lahat ng ito ngayon. Paanong bigla na lang akong tumalino nang husto? Paanong napakarami ko nang kayang gawin ngayon?” Hindi mo ito maipapaliwanag. Ito ang kaliwanagan at pagpapala ng Diyos; ganito pinagpapala ng Diyos ang mga tao. Kung hindi ninyo ito nararamdaman kapag ginagampanan ang inyong tungkulin o ginagawa ang inyong trabaho, hindi kayo pinagpala ng Diyos. Kung pakiramdam mo lagi ay walang kabuluhan ang paggawa mo ng iyong tungkulin, kung pakiramdam mo parang wala namang kailangang gawin, at hindi mo magawang mag-ambag, kung hindi ka kailanman nakatatanggap ng kaliwanagan, at pakiramdam mo ay wala kang anumang katalinuhan o karunungan na magagamit, kung gayon ay problema nga ito. Nagpapakita ito na wala kang tamang motibo o tamang landas sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi sang-ayon ang Diyos, at hindi normal ang iyong kalagayan. Dapat mong suriin ang iyong sarili: “Bakit wala akong landas sa aking tungkulin? Napag-aralan ko ang larangang ito, at nasa loob ito ng saklaw ng aking espesyalisasyon—mahusay pa nga ako rito. Bakit kapag sinusubukan kong gamitin ang aking kaalaman, hindi ko magawa? Bakit hindi ko ito magamit? Ano ang nangyayari?” Nagkataon lang ba ito? May problema rito. Kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, nagiging matalino siya at marunong, malinaw niyang nauunawaan ang lahat ng bagay, matalas din siya, alisto at masyadong magaling; magkakaroon siya ng kakayahan at magiging inspirado sa lahat ng ginagawa niya, at iisipin niya na lahat ng ginagawa niya ay napakadali at walang paghihirap na makakasagabal sa kanya—pinagpapala siya ng Diyos. Kung napakahirap ng lahat ng bagay para sa isang tao, at siya ay malamya, madaling mabaluktot, at walang kaalam-alam anuman ang kanyang ginagawa, kung hindi niya nauunawaan ang anumang sinasabi sa kanya, ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay wala siyang patnubay ng Diyos at wala siyang pagpapala ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nagsumikap na ako, kaya bakit hindi ko nakikita ang mga pagpapala ng Diyos?” Kung magsusumikap at magpapakapagod ka lamang ngunit hindi mo hinahangad na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay iniraraos mo lamang ang iyong tungkulin. Paano mo posibleng makikita ang mga pagpapala ng Diyos? Kung palagi kang walang ingat sa pagganap sa iyong tungkulin at hindi ka matapat kahit kailan, hindi ka mabibigyang-liwanag o matatanglawan ng Banal na Espiritu, at hindi mapapasaiyo ang patnubay ng Diyos o ang Kanyang gawain, at hindi magkakaroon ng bunga ang iyong mga ginagawa. Napakahirap gampanan nang maayos ang isang tungkulin o asikasuhin nang mabuti ang isang usapin sa pamamagitan ng pag-asa sa lakas at kaalaman ng tao. Iniisip ng lahat na may kaunti silang nalalaman, na may ilan silang alam na gawin, ngunit hindi maayos ang paggawa nila ng mga bagay-bagay, at palaging nagugulo ang mga bagay-bagay, na umaani ng mga komento at tawanan. Problema ito. Maaaring malinaw na walang gaanong silbi ang isang tao subalit iniisip niya na may alam siyang gawin, at hindi sumusuko kahit kanino. May kinalaman ito sa problema sa kalikasan ng tao. Ganito ang lahat ng taong hindi nakakikilala sa mga sarili nila. Kaya ba ng mga ganitong tao na tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Bukod sa wala silang kakayahang tuparin nang maayos ang mga tungkulin nila, malamang din na mabibigo sila nang husto. May mga taong hindi kayang gumawa nang maayos sa anumang tungkulin, pero palagi pa rin nilang sinusubukang umako ng mas mataas na posisyon at utus-utusan ang mga tao. Walang naisasakatuparan ang mga ganitong tao—ni hindi nila kayang ipalaganap ang ebanghelyo o magpatotoo sa iba at wala silang ni isang salita na maibabahagi tungkol sa katotohanan. Ang mga ganitong tao ay hubo’t hubad, naghihikahos at kalunos-lunos! Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang taglay ang pag-iisip ng pagiging iresponsable. “Kung may mamumuno, susunod ako; saan man sila pumunta, pupunta ako. Gagawin ko ang anumang ipagagawa nila sa akin. Para naman sa pag-ako ng responsabilidad at alalahanin, o mas pag-aabala na gawin ang isang bagay, paggawa ng isang bagay nang buong puso at lakas ko—hindi ako interesado roon.” Ang mga taong ito ay ayaw magbayad ng halaga. Handa lamang silang pagurin ang sarili nila, hindi para umako ng responsabilidad. Hindi ito ang saloobin ng tunay na pagganap sa tungkulin ng isang tao. Ang isang tao ay dapat na matutong isapuso ang pagganap sa kanyang tungkulin, at ang taong may konsensiya ay kayang isakatuparan ito. Kung ang isang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang paggampan sa kanyang tungkulin, nangangahulugan iyon na wala siyang konsensiya, at ang mga walang konsensiya ay hindi makakamit ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing hindi nila makakamit ang katotohanan? Hindi nila alam kung paano manalangin sa Diyos at hanapin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ni kung paano magpakita ng konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos, ni isapuso ang pagninilay sa mga salita ng Diyos, ni hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan, at paano hangaring maunawaan ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga pagnanais. Ito ang kahulugan ng hindi magawang hanapin ang katotohanan. Naranasan na ba ninyo ang mga kalagayan kung saan, ano man ang mangyari, o ano mang uri ng tungkulin ang inyong ginagampanan, madalas ninyong napatatahimik ang inyong sarili sa harap ng Diyos, at naisasapuso ang pagninilay sa Kanyang mga salita, at paghahanap sa katotohanan, at pagsasaalang-alang kung paano ninyo dapat gampanan ang inyong tungkulin upang umayon sa mga layunin ng Diyos, at kung aling mga katotohanan ang dapat ninyong taglayin para maayos na magampanan ang tungkuling iyon? Marami bang pagkakataon kung saan hinahanap ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan? (Wala.) Ang pagsasapuso ng inyong tungkulin at pagkakaroon ng kakayahang umako ng responsabilidad ay nangangailangan ng inyong pagdurusa at pagbabayad ng halaga—hindi sapat ang pag-usapan lamang ang mga bagay na ito. Kung hindi mo isasapuso ang iyong tungkulin, sa halip ay palaging gusto mong kumayod, siguradong hindi magagawa nang maayos ang iyong tungkulin. Tatapusin mo lamang ito nang hindi nag-iisip at wala nang iba pa, at hindi mo malalaman kung nagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin o hindi. Kung isasapuso mo ito, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan; kung hindi, hindi mo ito mauunawaan. Kapag isasapuso mo ang pagganap sa iyong tungkulin at hahangarin ang katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, matutuklasan ang sarili mong katiwalian at mga kakulangan, at maiintindihan ang iyong iba’t ibang kalagayan. Kapag ang pinagtutuunan mo lang ay ang pagsusumikap, at hindi mo isinasapuso ang pagninilay-nilay sa iyong sarili, hindi mo matutuklasan ang tunay na mga kalagayan sa iyong puso at ang napakaraming reaksyon at mga pagpapakita ng katiwalian na mayroon ka sa iba’t ibang kapaligiran. Kung hindi mo alam kung ano ang mga kahihinatnan kapag hindi nalutas ang mga problema, kung gayon, ikaw ay nasa malaking alanganin. Ito ang dahilan kung bakit hindi magandang manampalataya sa Diyos nang nalilito. Dapat kang mamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar; anuman ang mangyari sa iyo, dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, at habang ginagawa mo ito, dapat mo ring pagnilayan ang iyong sarili at alamin kung ano ang mga problema na mayroon sa iyong kalagayan, agad na hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Sa gayon mo lamang magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin at maiiwasan ang pag-antala sa gawain. Bukod sa magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, ang pinakamahalaga ay na magkakaroon ka rin ng buhay pagpasok at malulutas mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Sa gayon ka lamang makapapasok sa katotohanang realidad. Kung ang madalas mong pagnilayan sa iyong puso ay hindi mga bagay na nauugnay sa iyong tungkulin, o mga bagay na may kinalaman sa katotohanan, at sa halip ay nasasangkot ka sa mga panlabas na bagay, iniisip ang iyong mga gawain ng laman, mauunawaan mo ba ang katotohanan? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin at makapamumuhay sa harap ng Diyos? Tiyak na hindi. Hindi maliligtas ang taong tulad nito.

Ang manampalataya sa Diyos ay ang tumahak sa tamang landas sa buhay, at kailangang hangarin ng isang tao ang katotohanan. Tungkol ito sa espiritu at buhay, at iba ito sa paghahangad ng mga walang pananampalataya sa kayamanan at kaluwalhatian, sa pagiging sikat magpakailanman. Magkahiwalay ang mga landas na ito. Sa kanilang mga trabaho, iniisip ng mga walang pananampalataya kung paano sila maaaring gumawa ng mas kaunting gawain at kumita ng mas maraming pera, nag-iisip sila ng kung anu-anong panlalansi para kumita nang mas malaki. Buong araw nilang iniisip kung paano yumaman at palaguin ang kayamanan ng kanilang pamilya, at nakaiisip pa nga sila ng mga hindi matinong paraan para makamit ang kanilang mga layon. Ito ang landas ng kasamaan, ang landas ni Satanas, at ito ang landas na tinatahak ng mga walang pananampalataya. Ang landas na tinatahak ng mga mananampalataya sa Diyos ay yaong paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng buhay; ito ang landas ng pagsunod sa Diyos at pagtamo ng katotohanan. Paano ka dapat magsagawa para makamit ang katotohanan? Dapat masipag kang magbasa, magsagawa, at dumanas ng mga salita ng Diyos—mauunawaan mo lang ang katotohanan pagkatapos mong gawin ang mga ito. At kapag naunawaan mo na ang katotohanan, dapat mong isaalang-alang kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin para magawa mo ang mga bagay-bagay nang naaayon sa mga prinsipyo, at kung paano ka makakapagpasakop sa Diyos. Hinihingi nito ang pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay hindi madaling bagay: Bukod sa dapat mong hanapin ang katotohanan, dapat mo ring pagnilayan at kilalanin kung mayroon kang mga maling ideya at kuru-kuro, at kung umiiral ang mga problema, dapat kang magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga ito. Kapag nauunawaan mo ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan, maisasagawa mo na ang katotohanan. At sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa katotohanan ka makakapasok sa katotohanang realidad at magiging isang taong nagpapasakop sa Diyos. Sa pagsasagawa at pagdanas sa ganitong paraan, mababago mo ang mga disposisyon mo at makakamit mo ang katotohanan nang hindi mo namamalayan. Ang mga walang pananampalataya ay palaging nagsusumikap para sa katanyagan, pakinabang, at katayuan. Bilang resulta, tumatahak sila sa landas ng kasamaan, lalong nagiging napakabuktot, at lalong nagiging tuso at mapanlinlang, at lalong nagiging mapagkalkula at mapagpakana; ang mga puso nila ay lalong nagiging masama, at sila ay lalong nagiging di-maarok at misteryoso—ito ang landas ng mga walang pananampalataya. Ang landas ng mga taong nananampalataya sa Diyos ay talagang kabaligtaran nito. Nais ng mga mananampalataya sa Diyos na ihiwalay ang kanilang sarili sa masamang mundong ito at sa masamang sangkatauhan; nais nilang hangarin ang katotohanan at dalisayin ang kanilang katiwalian. Ang puso nila ay matatag at panatag lamang kapag isinasabuhay nila ang wangis ng tao; gusto nilang kilalanin ang Diyos, katakutan ang Diyos, iwasan ang kasamaan, at kamtin ang Kanyang pagsang-ayon at pagpapala. Ito ang hinahangad ng mga nananampalataya sa Diyos. Kung maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, tunay na nauunawaan ang katotohanan, at nagbago na, mas lalong mararamdaman ng iba na ikaw ay matapat habang mas nakikisalamuha sila sa iyo—matapat sa iyong pananalita at matapat sa paggampan ng iyong tungkulin—isang taong ganap na bukas, na walang itinatago, at nagsasalita at kumikilos nang hayagan. Sa pamamagitan ng mga bagay na sinasabi mo, sa mga pananaw na ipinapahayag mo, sa mga bagay na ginagawa mo, sa tungkuling ginagampanan mo, at sa pamamagitan ng iyong matapat na saloobin sa pakikipag-usap sa iba, nakikita ng mga tao ang iyong puso, at nakikita nila kung paano ka umaasal, kung ano ang mga kagustuhan mo, at kung ano ang mga layong hinahangad mo. Malinaw nilang nakikita na ikaw ay isang mabuti at matapat na tao, at na tumatahak ka sa tamang landas. Ipinapakita nito na nagbago ka na. Kung matagal ka nang nananampalataya sa Diyos at gumagampan ng tungkulin, pero palaging nararamdaman ng mga taong nakakasalamuha mo na hindi ka matapat sa mga sinasabi mo, na hindi malinaw ang mga pananaw mo, at hindi nila malinaw na nakikita ang puso mo sa iyong mga kilos. Kung palagi nilang nararamdaman na may mga bagay kang itinatagao sa kaibuturan ng puso mo, ipinapakita nito na ikaw ay malihim na tao na marunong magtago, magpanggap at magbalatkayo. Kung, kahit pagkatapos ng ilang taong pakikipag-ugnayan sa iyo, hindi pa rin ganap na maarok ng iba ang puso mo, at ang nakikita lamang nila ay ang pag-uugali at karakter mo sa halip na ang disposisyon o diwa mo, ipinapakita nito na namumuhay ka pa rin ayon sa sataniko mong disposisyon. Kung mas tuso ka, mas ipinapakita nito na hindi ka mabuting tao, na wala kang pagkatao, at na nabibilang ka sa mga diyablo at kay Satanas. Kung wala kang nakakamit na anumang katotohanan at hindi nadadalisay ang iyong mga tiwaling disposisyon kahit ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung gayon, magiging napakahirap para sa taong katulad mo na makamit ang kaligtasan. At kung, sa kabila ng abilidad mong magpaligoy-ligoy, ng kahusayan mo sa pananalita, ng katalinuhan mo, ng iyong mabilis na pagtugon, at kung gaano ka kahusay sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, palaging hindi mapalagayang mga nakikisalamuha sa iyo, at nararamdaman nila na hindi ka maaasahan, hindi ka mapagkakatiwalaan, at hindi maarok, kung gayon ay nasa alanganin ka. Ipinapahiwatig nito na hindi ka talaga nagbago habang nananampalataya ka sa Diyos, at na hindi ka tunay na nananampalataya sa Kanya. Nakaranas na ba kayo ng anumang tunay na pagbabago sa inyong pananalig sa Diyos hanggang ngayon? Nakikisalamuha ba kayo sa iba nang may saloobin ng pagiging matapat? Nararamdaman ba ng iba na sinsero ka? (Pagdating sa mga bagay na direkta akong nakikinabang, kaya kong magsinungaling at manlinlang; pero kapag hindi ako direktang nakikinabang sa mga ito, nakakapagsabi ako ng totoo at kaya kong buksan nang kaunti ang puso ko.) (Mapili ako sa mga bagay na sinasabi ko—may mga bagay na bukas kong sinasabi, pero ang mga bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ko ay nananatiling nakatago. Kapag nakikisalamuha ako sa iba, may tendensiya pa rin akong magbalatkayo at magpanggap.) Ito ay isang sitwasyon ng pamumuhay sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan at hindi nilulutas ang kanyang tiwaling disposisyon, paano siya magbabago? Lahat kayo ay mga taong gumagampan ng mga tungkulin. Kahit papaano, dapat mayroon kang matapat na puso at dapat pahintulutan mo ang Diyos na makita na sinsero ka—saka mo lang makakamit ang pagbibigay-liwanag, pagtanglaw, at paggabay ng Diyos. Ang napakahalagang bagay ay na tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang mga hadlang na nariyan sa pagitan mo at ng ibang tao, kung gaano mo pinapahalagahan ang sarili mong banidad at reputasyon, at kung ano ang mga intensiyong kinikimkim mo na hindi mo maipagtapat sa isang simpleng paraan, ang lahat ng ito ay dapat unti-unting magbago. Hakbang-hakbang, dapat palayain ng bawat indibidwal ang kanilang sarili mula sa mga tiwaling disposisyon at mga paghihirap na ito, at dapat nilang malampasan ang mga hadlang na dulot ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bago mo malampasan ang mga hadlang na ito, talaga bang matapat ang puso mo sa Diyos? Nagtatago at nagkukubli ka ba ng mga bagay-bagay sa Kanya o nagkukunwari ka ba at nililinlang mo Siya? Dapat maging malinaw ito sa iyo sa puso mo. Kung may mga ganitong bagay sa puso mo, dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Huwag ninyong ipagbakasakali ang mga bagay-bagay at sabihing, “Ayaw kong igugol ang buong buhay ko para sa Diyos. Gusto kong magsimula ng pamilya at mamuhay nang sarili kong buhay. Sana hindi ako siyasatin at kondenahin ng Diyos.” Kung itatago mo ang lahat ng bagay na ito mula sa Diyos—ibig sabihin, ang mga intensiyon, layunin, plano, at mga layon sa buhay na kinikimkim mo sa loob ng puso mo—at kung itatago mo ang mga pananaw mo sa maraming bagay at mga paniniwala tungkol sa pananalig sa Diyos, kung gayon ay malalagay ka sa alanganin. Kung itinatago mo ang mga walang kwentang bagay na ito at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ipinapakita nito na hindi mo mahal ang katotohanan, at na mahirap para sa iyo na tanggapin at kamtin ang katotohanan. Maaari mong itago ang mga bagay-bagay sa ibang tao, pero hindi mo maaaring itago ang mga ito sa Diyos. Kung hindi ka nagtitiwala sa Diyos, bakit ka nananampalataya sa Kanya? Kung mayroon kang mga sikreto, at nag-aalala kang bababa ang tingin ng mga tao sa iyo kung magtatapat ka tungkol sa mga ito, at wala kang tapang na magsalita, kung gayon, maaari kang magtapat lang sa Diyos. Dapat kang manalangin sa Diyos, magtapat ng masasamang intensiyon na kinikimkim mo sa iyong pananampalataya sa Kanya, ng mga bagay na nagawa mo alang-alang sa iyong kinabukasan at kapalaran, at kung paano ka nagsumikap para sa kasikatan at pakinabang. Ilatag mo ang lahat ng ito sa harap ng Diyos at ibunyag mo ang mga ito sa Kanya; huwag mong itago ang mga ito sa Kanya. Gaano man karaming tao ang pinagsarhan mo ng iyong puso, huwag mong isara ang puso mo sa Diyos—dapat mong buksan ang puso mo sa Kanya. Iyan ang pinakamababang antas ng sinseridad na dapat taglay ng mga taong nananampalataya sa Kanya. Kung may puso kang bukas sa Diyos at hindi sarado sa Kanya, at kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat Niya, paano ka Niya titingnan? Kahit na hindi ka magtapat sa iba, kung kaya mong magtapat sa Diyos, ituturing ka Niya bilang isang matapat na tao na may matapat na puso. Kung kayang tanggapin ng matapat mong puso ang pagsisiyasat Niya, kung gayon, napakahalaga nito sa paningin Niya, at tiyak na may gagawin Siya sa iyo. Halimbawa, kung may nagawa kang mapanlinlang na bagay sa Diyos, didisiplinahin ka Niya. Pagkatapos, dapat mong tanggapin ang Kanyang pagdidisiplina, agad na magsisi at magtapat sa harap Niya, at aminin ang iyong mga kamalian; dapat mong aminin ang iyong paghihimagsik at katiwalian, tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, alamin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at dapat kang magsagawa ayon sa mga salita Niya, at tunay na magsisi. Ito ang patunay ng iyong taos-pusong pananampalataya sa Diyos at tunay na pananalig sa Kanya.

Para isagawa ang pagiging matapat na tao, kailangan mo munang matutunang buksan ang puso mo sa Diyos at magsabi ng mga taos-pusong salita sa Kanya sa panalangin araw-araw. Halimbawa, kung nagsinungaling ka ngayon na hindi napansin ng ibang tao, pero wala kang lakas ng loob na ipagtapat ito sa lahat, kahit papaano, dapat mong dalhin sa harap ng Diyos ang mga kamaliang nasuri at natuklasan mo at ang mga kasinungalingang nasabi mo para mapagnilayan, at sabihin na: “O Diyos, muli akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong mga interes, at nagkamali ako. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung muli akong magsinungaling.” Nalulugod ang Diyos sa ganitong saloobin at tatandaan Niya ito. Maaaring mangangailangan ng matinding pagsisikap para malutas mo ang tiwaling disposisyong ito ng pagsasabi ng mga kasinungalingan, pero huwag kang mag-alala, nasa tabi mo ang Diyos. Gagabayan ka Niya at tutulungan kang malampasan ang paulit-ulit na paghihirap na ito, binibigyan ka ng tapang na magbago mula sa hindi pag-amin ng iyong mga kasinungalingan tungo sa pag-amin ng iyong mga kasinungalingan at pagkakaroon ng kakayahan na lantarang ihayag ang iyong sarili. Bukod sa aaminin mo ang iyong mga kasinungalingan, magagawa mo ring ihayag kung bakit ka nagsisinungaling, at ang intensiyon at mga motibo sa likod ng iyong mga kasinungalingan. Kapag nagkaroon ka ng tapang na lampasan ang hadlang na ito, na kumawala sa kulungan at kontrol ni Satanas, at patuloy na umabot sa punto kung saan hindi ka na magsisinungaling, unti-unti ka nang mamumuhay sa liwanag, sa ilalim ng paggabay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo ang hadlang ng mga pagpigil ng laman, at kaya mong magpasakop sa katotohanan, lantarang ibunyag ang iyong sarili, at hayagang ideklara ang iyong paninindigan, at wala kang mga pag-aalinlangan, ikaw ay may liberasyon at magiging malaya. Kapag namumuhay ka nang ganito, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, malulugod din ang Diyos. Bagamat nakakagawa ka pa rin ng mga kamalian at nakakapagsabi ng mga kasinungalingan, at paminsan-minsan ay may mga personal ka pa ring mga intensiyon, mga lihim na motibo, o mga makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali at kaisipan, matatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maibubunyag ang iyong mga intensiyon, aktuwal na kalagayan, at mga tiwaling disposisyon sa harap Niya at maghahanap sa katotohanan mula sa Kanya. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag tama ang landas mo ng pagsasagawa, at kumikilos ka sa tamang direksiyon, magiging maganda at maliwanag ang kinabukasan mo. Sa paraang ito, mamumuhay ka nang panatag ang puso mo, matutustusan ang espiritu mo, at makakaramdam ka ng kasiyahan at katuparan. Kung hindi ka makalaya sa mga pagpigil ng laman, kung palagi kang napipigilan ng mga damdamin, mga pansariling interes, at mga satanikong pilosopiya, nagsasalita at kumikilos sa malihim na paraan, at palagi kang nagtatago sa mga anino, kung gayon namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayunpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, nakakalaya ka sa mga pagpigil ng laman, at nagsasagawa ka sa katotohanan, unti-unti kang magtataglay ng wangis ng tao. Magiging prangka at diretso ka sa mga salita at gawa mo, at magagawa mong ihayag ang iyong mga opinyon, ideya, at ang mga kamaliang nagawa mo, tinutulutan ang lahat ng tao na makita nang malinaw ang mga ito. Sa huli, makikilala ka ng mga tao bilang isang bukas na tao. Ano ang isang bukas na tao? Ito ay isang taong nagsasalita nang may lubos na katapatan, pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ang mga salita niya ay tototo. Kahit na di-sinasadyang nagsisinungaling o nagsasabi sila ng maling bagay, kaya silang patawarin ng mga tao, dahil alam nilang hindi ito sinasadya. Kung napagtatanto nila na nagsinungaling sila o nakapagsabi ng mali, humihingi sila ng tawad at itinatama nila ang kanilang sarili. Ito ay isang bukas na tao. Ang ganitong tao ay nagugustuhan at pinagkakatiwalaan ng lahat. Kailangan mong umabot sa antas na ito para makamit ang tiwala ng Diyos at tiwala ng iba. Hindi ito simpleng gampanin—ito ang pinakamataas na antas ng dignidad na maaaring taglayin ng isang tao. Ang ganitong tao ay may respeto sa sarili. Kung hindi mo makamit ang tiwala ng ibang tao, paano ka aasang makukuha mo ang tiwala ng Diyos? May mga indibidwal na namumuhay nang hindi marangal, palagi silang nag-iimbento ng mga kasinungalingan at inaasikaso nila ang mga gampanin sa pabasta-bastang paraan. Wala silang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, tinatanggihan nila ang pagpupungos, lagi silang gumagamit ng mga nakalilinlang na katwiran at hindi sila gusto ng lahat ng taong nakakasalamuha nila. Namumuhay sila nang walang anumang pakiramdam ng hiya. Maituturing ba talaga silang mga tao? Ganap nang nawala ang pagkatao ng mga taong itinuturing ng iba na nakakainis at hindi maaasahan. Kung hindi maibigay ng ibang tao ang tiwala nila sa mga ganitong tao, mapagkakatiwalaan ba sila ng Diyos? Kung nagkikimkim ng pagkainis sa kanila ang ibang tao, magugustuhan ba sila ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos ang mga ganitong tao, kinasusuklaman Niya sila, at hindi maiiwasang matitiwalag sila. Bilang tao, ang isang tao ay dapat maging matapat at tumupad sa mga pangako niya. Paggampan man ng mga gawa para sa iba o para sa Diyos, dapat tuparin ng tao ang sinabi niya. Kapag nakuha na niya ang tiwala ng mga tao at kaya na niyang mapalugod at maipanatag ang Diyos, sila ay maituturing nang matapat na tao. Kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga kilos mo, hindi ka lang magugustuhan ng iba, kundi tiyak na magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa pagiging matapat na indibidwal, mapapalugod mo ang Diyos at makapamumuhay ka nang may dignidad. Samakatuwid, ang katapatan ang dapat na pinagmumulan ng asal ng isang tao.

Ano ang pinakamahalagang pagsasagawa para sa isang matapat na indibidwal? Ito ay ang akto ng pagbubukas ng puso ng isang tao sa Diyos. Pero ano ang ibig sabihin ng pagbubukas? Ang ibig sabihin nito ay pagbabahagi ng iyong mga iniisip, intensiyon, at ng mga bagay na pinamumunuan Niya sa iyo, at pagkatapos ay paghahanap sa katotohanan mula sa Kanya. Nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay nang may lubos na kalinawan, anuman ang ibinubunyag mo. Kung kaya mong ipahayag ang mga damdamin mo sa Diyos, magtapat sa Kanya tungkol sa mga bagay-bagay na itinatago mo sa iba, malinaw na ipinapahayag ang mga ito nang walang tinatagong anumang bagay, at ipinapahayag ang mga kaisipan mo kung ano ang mga ito, nang walang anumang intensiyon, kung gayon ito ay pagiging bukas. Minsan, ang pagsasalita nang matapat ay maaaring makasakit o makasama ng loob ng iba. Sa mga ganitong pagkakataon, masasabi ba ng sinuman na, “Masyado kang matapat magsalita, masyadong nakakasakit, at hindi ko ito matanggap”? Hindi, hindi nila iyon sasabihin. Kahit na paminsan-minsan kang makakapagsabi ng isang bagay na nakakasakit sa iba, kung magtatapat ka at hihingi ng tawad, inaamin na walang karunungan ang mga salita mo at na hindi mo isinaalang-alang ang mga kahinaan nila, mapapansin nila na wala kang masamang intensiyon. Mauunawaan nila na isa kang matapat na tao na nakikipag-usap lang sa isang direkta at walang taktikang paraan. Hindi sila makikipagtalo sa iyo, at sa mga puso nila, magugustuhan ka nila. Sa ganitong paraan, magkakaroon ba ng hadlang sa pagitan ninyo? Kung walang mga hadlang, maiiwasan ang alitan, at mabilis na malulutas ang mga problema, tinutulutan kang mamuhay sa isang kalagayan na malaya at maalwan. Ito ang kahulugan ng “ang matatapat na tao lamang ang makapamumuhay nang masaya.” Ang pinakamahalagang parte ng pagiging matapat na tao ay ang pagtatapat muna sa Diyos at pagkatapos ay matutong magtapat sa iba. Magsalita ka nang matapat, sinsero, at mula sa puso. Magsumikap ka na maging isang taong may dignidad, karakter, at integridad, iwasan mong magsalita ng mga walang kabuluhang pakitang-tao o sa paraang mapanlinlang, at iwasan mong magsalita sa nakapandaraya o nakalilihis na paraan. Ang isa pang aspekto ng pagiging matapat na tao ay ang paggampan sa tungkulin mo nang may matapat na saloobin at matapat na puso. Kahit papaano, umasa ka sa iyong konsensiya para gabayan ang mga kilos mo, pagsikapan mong sundin ang mga katotohanang prinsipyo, at pagsikapan mong tugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi sapat na kilalanin lamang ang mga bagay na ito sa salita, at ang simpleng pagkakaroon ng isang partikular na saloobin ay hindi nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan. Nasaan ang realidad ng pagiging matapat na tao sa ganyan? Hindi sapat ang pagbibigkas lang ng mga sawikain nang hindi nagtataglay ng realidad. Kapag sinisiyasat ng Diyos ang mga indibidwal, inoobserbahan Niya hindi lamang ang puso nila, kundi pati na ang mga kilos, asal, at pagsasagawa nila. Kung sinasabi mo na nais mong maging isang matapat na tao pero kapag may anumang nangyari sa iyo, nagagawa mo pa ring magsinungaling at manlinlang, ito ba ang pag-uugali ng isang matapat na tao? Hindi, hindi ganito; ito ay pagsasabi ng isang bagay pero iba ang kahulugan. Nagsasabi ka ng isang bagay pero iba ang ginagawa mo, pabasta-basta kang nanlilinlang ng iba at nagbabanal-banalan. Tulad ka lang ng mga Pariseo na kayang bumigkas ng lahat ng kasulatan mula sa simula hanggang sa dulo habang ipinapaliwanag ang mga ito sa mga tao, pero nabibigong magsagawa ayon sa mga kasulatan kapag may anumang nangyayari sa kanila. Palagi silang inuudyukan ng pagnanais para sa mga pakinabang ng katayuan, hindi sila handang talikuran ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mga Pariseo ay mga mapagpaimbabaw sa paraang ito. Hindi nila tinahak ang tamang landas, ang landas nila ay hindi ang tamang landas, at kinasusuklaman ng Diyos ang kanilang uri. Mapagkakatiwalaan ba ng ibang tao ang mga ganitong indibidwal? (Hindi.) Alam ba ninyo kung gaano kataas ang antas ng tiwala ng Diyos sa inyo ngayon? Nakamit na ba ninyo ang tiwala ng Diyos? (Hindi.) Nakamit na ba ninyo ang tiwala ng ibang tao? (Hindi.) Namumuhay ba kayo nang may dignidad kung hindi pa ninyo nakakamit ang tiwala ng Diyos at ng ibang tao? (Hindi.) Napakakahabag-habag na pamumuhay! Ang pinakamalalim na pighati ng isang tao ay ang mamuhay nang walang dignidad at walang kakayahang makamit ang tiwala ng iba at ng Diyos. Kung may taong magtatanong sa iyo na, “Ano ang tingin ng iba tungkol sa iyo? Mapagkakatiwalaan ka ba nila? Kung pagkakatiwalaan ka nila ng isang gampanin, naniniwala ba sila na mahusay mong magagawa ito?” maaaring maramdaman mo na walang sinumang may ganoong tibay ng tiwala sa iyo. Kung naniniwala ka na may taglay kang taimtim na puso, pero hindi ka pa rin pinagkakatiwalaan ng mga tao, ipinapakita nito na kulang at hindi pa rin dalisay ang iyong sinseridad. Mabubuo ba ang tiwala kung hindi nakikita ng iba ang iyong sinseridad? Hindi sapat ang paniniwala lang sa sarili mong sinseridad; dapat mong isagawa at ipakita ang sinseridad mo para masaksihan ng ibang tao. Kung walang sinumang nagtitiwala sa iyo, kung gayon, tiyak na hindi ka isang matapat na tao. Kung isasaalang-alang na nakikita ng iba na hindi ka matapat, at sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao nang isang daan o isang libong beses na mas malinaw kaysa sa sinumang tao—talaga bang naniniwala ka na pagkakatiwalaan ka ng Diyos? Kung sa tingin mo ay naaagrabyado ka ng Diyos dahil wala Siyang tiwala sa iyo, dapat mong pagnilayan ang sarili mo at suriin kung gaano katibay at kalalim ang iyong sinseridad. Pagnilayan mo ito: “Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao at alam Niya kung ano ang iniisip ko. Kung bibigyan ko ng grado ang sarili ko base sa mga pag-uugali ko, hindi ko bibigyan ang sarili ko ng mataas na grado. Normal lang na hindi magtiwala sa akin ang Diyos.” Kung hindi mo nakamit ang tiwala ng Diyos o ng iba, ano ang dapat na paraan ng iyong pagkilos? Dapat kang pumasok sa katotohanan ng pagiging matapat na tao, anuman ang mga hamong idudulot nito. Kung hindi mo ito magagawa, hindi mo makakamit ang kaligtasan.

Lubhang mahalaga ang hinihingi ng Diyos na katapatan. Ano ang dapat mong gawin kung makakaranas ka ng maraming kabiguan habang isinasagawa mo ang katapatan at nahihirapan ka nang husto rito? Dapat ka bang maging negatibo at umatras, at talikuran ang iyong pagsasagawa sa katotohanan? Ito ang pinakamalinaw na indikasyon kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Pagkatapos magsagawa ng katapatan sa loob ng ilang panahon, iniisip ng ilang indibidwal na, “Ang pagiging matapat ay masyadong mahirap—hindi ko matiis ang pinsalang ginagawa nito sa aking banidad, pride, at reputasyon!” Bilang resulta, hindi na nila gustong maging matapat. Sa realidad, dito nakasalalay ang hamon ng pagiging matapat na tao, at karamihan sa mga indibidwal ay naiipit sa puntong ito at hindi makaranas nito. Kaya, ano ang kailangan para maisagawa ang pagiging matapat na tao? Anong uri ng tao ang kayang magsagawa ng katotohanan? Una sa lahat, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan. Siya ay dapat na maging isang taong nagmamahal sa katotohanan—iyan ay tiyak. May mga taong tunay na nagtatamo ng mga resulta pagkatapos ng ilang taon ng pagdanas ng pagsasagawa ng katapatan. Unti-unti nilang nababawasan ang kanilang kasinungalingan at panlilinlang, at talagang sila ay nagiging likas na matatapat ng tao. Maaari kaya na habang dumaranas sila ng pagsasagawa ng katapatan, hindi sila naharap sa mga paghihirap o nagdurusa sa isang punto? Tiyak na tiniis nila ang labis na pagdurusa. Ito ay dahil mahal nila ang katotohanan kaya nagawa nilang magdusa para isagawa ito, magpatuloy sa pagsasalita nang makatotohanan at paggawa ng mga praktikal na bagay, na maging matatapat na tao, at sa wakas ay makamit ang pagpapala ng Diyos. Para maging isang matapat na tao, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan at magtaglay siya ng puso na nagpapasakop sa Diyos. Ang dalawang salik na ito ang pinakamahalaga. Ang lahat ng taong nagmamahal sa katotohanan ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At madali para sa mga taong nagmamahal sa Diyos na isagawa ang katotohanan, at kaya nilang tiisin ang anumang uri ng pagdurusa para mapalugod ang Diyos. Kung may mapagmahal-sa-Diyos na puso ang isang tao, kapag ang kanilang pagsasagawa sa katotohanan ay naharap sa kahihiyan o mga dagok at pagkabigo, makakaya nilang tiisin ang kahihiyan at pagdurusa para mapalugod ang Diyos, hangga’t nasisiyahan ang Diyos. Samakatuwid, may kakayahan silang isagawa ang katotohanan. Siyempre, ang pagsasagawa ng anumang aspekto ng katotohanan ay may kasamang partikular na antas ng hirap, at mas lalong mahirap ang pagiging matapat na tao. Ang pinakamalaking paghihirap ay ang hadlang ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Halimbawa, ang mga kasabihang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” o “Walang mapapala ang tao nang walang sinasabing kasinungalingan.” Ang mga ito ay mga halimbawa ng isang satanikong pilosopiya at tiwaling disposisyon. Pinipili ng mga taong magsinungaling para tapusin ang mga bagay-bagay, makamit ang mga pansariling pakinabang, at maisakatuparan ang mga layon nila. Hindi madaling maging matapat na tao kapag taglay ng isang tao ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Dapat manalangin ang isang tao sa Diyos at umasa sa Kanya, at laging pagnilayan ang sarili, at kilalanin ang sarili, para unti-unting maghimagsik laban sa laman, talikuran ang mga pansariling interes, at iwaksi ang banidad at pride. Higit pa rito, dapat tiisin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng paninirang-puri at panghuhusga bago sila magiging isang matapat na tao na kayang magsalita ng katotohanan at umiwas sa pagsisinungaling. Sa loob ng panahon kung saan isinasagawa ng isang tao ang pagiging matapat na tao, hindi maiiwasan na maharap sa maraming kabiguan at mga sandali kung saan nabubunyag ang katiwalian ng isang tao. Maaaring may mga pagkakataon kung kailan hindi tumutugma ang mga salita at kaisipan ng isang tao, o ang mga sandali ng pagkukunwari at panlilinlang. Gayunman, ano pa man ang mangyari sa iyo, kung nais mong sabihin ang katotohanan at maging isang tapat na tao, dapat ay kaya mong bitiwan ang iyong pride at banidad. Kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, sabihin mong hindi mo nauunawaan; kapag hindi maliwanag sa iyo ang isang bagay, sabihin mong hindi ito maliwanag. Huwag kang matakot na hamakin ka ng iba o na maliitin ka ng iba. Sa pamamagitan ng palagiang pagsasalita mula sa puso at pagsasabi ng katotohanan sa ganitong paraan, matatagpuan mo ang kagalakan, kapayapaan, at ang pakiramdam ng paglaya sa puso mo, at hindi na maghahari sa iyo ang banidad at pride. Kanino ka man nakikipag-ugnayan, kung maipapahayag mo kung ano talaga ang iniisip mo, masasabi sa iba ang nilalaman ng puso mo, at hindi ka magpapanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo naman alam, iyan ay isang tapat na saloobin. Minsan, maaaring hamakin ka ng mga tao at tawagin kang hangal dahil palagi mong sinasabi ang katotohanan. Ano ang gagawin mo sa gayong sitwasyon? Dapat mong sabihin, “Kahit na tawagin akong hangal ng lahat, maninindigan ako na maging isang tapat na tao, at hindi isang mapanlinlang na tao. Magsasalita ako nang tapat at alinsunod sa mga katunayan. Bagamat ako ay marumi, tiwali, at walang halaga sa harapan ng Diyos, sasabihin ko pa rin ang katotohanan nang walang pagkukunwari o pagbabalat-kayo.” Kung magsasalita ka sa ganitong paraan, magiging matatag at payapa ang puso mo. Upang maging isang tapat na tao, dapat mong bitiwan ang iyong banidad at pride, at upang masabi mo ang katotohanan at maipahayag ang mga tunay mong damdamin, hindi mo dapat katakutan ang pangungutya at pang-aalipusta ng iba. Kahit na tratuhin ka ng iba na parang isang hangal, hindi ka dapat makipagtalo o hindi mo dapat ipagtanggol ang sarili mo. Kung maisasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay magiging isang tapat na tao. Kung hindi mo bibitiwan ang mga kagustuhan ng laman, at banidad at pride, kung lagi mong hinahanap ang pagsang-ayon ng iba, nagkukunwaring alam mo ang hindi mo alam, at namumuhay alang-alang sa banidad at pride, kung gayon, hindi ka magiging matapat na tao—ito ay praktikal na paghihirap. Kung ang puso mo ay palaging napipigilan ng banidad at pride, malamang magsisinungaling ka at magpapanggap. Dagdag pa rito, kapag minaliit ka ng iba o inilantad nila ang totoo mong sarili, mahihirapan kang tanggapin ito, at mararamdaman mo na nagdusa ka ng malaking kahihiyan—mamumula ang mukha mo, bibilis ang tibok ng puso mo, at mababalisa ka at hindi mapapakali. Para malutas ang problemang ito, kakailanganin mong magtiis ng kaunti pang pasakit at dumaan sa ilan pang pagdadalisay. Kakailanganin mong maunawaan kung saan nakasalalay ang ugat ng problema, at sa sandaling maunawaan mo nang malinaw ang mga usaping ito, magagawa mong bawasan nang kaunti ang pasakit mo. Kapag lubos mong naunawaan ang mga tiwaling disposisyong ito at kaya mong talikuran ang banidad at pride mo, magiging mas madali para sa iyo na maging isang matapat na tao. Hindi mo na iindahin kung kukutyain ka ng ibang tao kapag nagsasabi ka ng katotohanan at nagpapahayag ng iyong saloobin, at paano ka man husgahan o tratuhin ng iba, makakaya mong pasanin ito at tumugon nang tama. Pagkatapos, magiging malaya ka sa pagdurusa, at palaging magiging panatag at masaya ang puso mo, at makakamit mo ang kalayaan at liberasyon. Sa paraang ito, maiwawaksi mo ang katiwalian at maisasabuhay mo ang wangis ng tao.

Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, madalas na ang mga sinasabi ng mga tao ay walang kabuluhan, mga kasinungalingan, at mga bagay na kamangmangan, kahangalan, at depensibo. Sinasabi nila ang karamihan sa mga bagay na ito dahil sa banidad at pride, upang bigyan ng kasiyahan ang mga sarili nilang ego. Inihahayag ng pagsasalita nila ng gayong mga kasinungalingan ang mga tiwaling disposisyon nila. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling elementong ito, madadalisay ang puso mo, at unti-unti kang magiging mas malinis at tapat. Sa katotohanan, alam ng mga tao kung bakit sila nagsisinungaling. Dahil sa pansariling pakinabang at pride, o para sa banidad at katayuan, sinusubukan nilang makipagkumpetensya sa iba at magpanggap. Gayunman, sa huli, ang kasinungalingan nila ay ibinubunyag at inilalantad ng iba, at napapahiya sila, at nasisira ang dignidad at karakter nila. Ang lahat ng ito ay dulot ng sobra-sobrang kasinungalingan. Masyado nang dumami ang mga kasinungalingan mo. Ang bawat salitang sinasabi mo ay may halo na at hindi sinsero, at ni isa ay hindi maituturing na totoo o tapat. Kahit na hindi mo nararamdamang napahiya ka kapag nagsisinungaling ka, sa kaibuturan, nakakaramdam ka ng kahihiyan. Inuusig ka ng konsensiya mo, at mababa ang pagtingin mo sa sarili mo, iniisip na, “Bakit nabubuhay ako nang kahabag-habag? Ganoon ba kahirap ang magsalita ng katotohanan? Kailangan bang magsinungaling ako para sa pride ko? Bakit sobrang nakakapagod ang buhay ko?” Hindi mo kailangang mamuhay nang nakakapagod. Kung makakapagsagawa ka bilang isang tapat na tao, magagawa mong mamuhay nang maluwag, malaya, at libre. Gayunman, pinili mong itaguyod ang pride at banidad mo sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Bunga nito, nakakapagod at miserable ang pag-iral mo, na ikaw mismo ang may gawa. Maaaring magkaroon ng pakiramdam ng pagmamalaki ang isang tao sa pamamagitan ng pagsisinungaling, ngunit ano ba ang pakiramdam ng pagmamalaki? Ito ay isang bagay na walang kabuluhan at ganap na walang halaga. Ang pagsisinungaling ay nangangahulugan ng pagkakanulo ng iyong karakter at dignidad. Tinatanggalan nito ng dignidad at karakter ang isang tao; hindi ito nakalulugod sa Diyos, at kinasusuklaman Niya ito. Ito ba ay kapaki-pakinabang? Hindi. Ito ba ang tamang landas? Hindi. Ang mga taong madalas na nagsisinungaling ay namumuhay alinsunod sa mga satanikong disposisyon nila; namumuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi sila namumuhay sa liwanag, ni hindi rin sila namumuhay sa presensya ng Diyos. Palagi mong iniisip kung paano magsisinungaling at pagkatapos mong magsinungaling, kailangan mong mag-isip kung paano pagtatakpan ang kasinungalingang iyon. At kapag hindi mo napagtakpan nang maayos ang kasinungalingang iyon at ito ay nabunyag, kailangan mong pigain ang iyong utak upang subukang ituwid ang mga kontradiksyon at gawin itong kapani-paniwala. Hindi ba’t nakakapagod ang mabuhay nang ganito? Nakakapagod. Sulit ba ito? Hindi, hindi ito sulit. Ang pagpiga sa iyong utak upang magsabi ng mga kasinungalingan at pagkatapos ay pagtatakpan ang mga ito, lahat para sa kapakanan ng pride, banidad, at katayuan, anong kabuluhan nito? Sa panghuli, nagninilay-nilay ka at iniisip mo, “Ano ang punto ng pagsisinungaling? Masyadong nakakapagod ang pagsisinungaling at ang pangangailangang pagtakpan ang mga ito. Hindi uubra na kumikilos ako sa ganitong paraan; mas magiging madali kung magiging matapat na lang ako na tao.” Ninanais mong maging isang tapat na tao, ngunit hindi mo mabitiwan ang pride, banidad, at mga personal na interes. Kaya, ang nagagawa mo lang ay magsinungaling para panindigan ang mga bagay na ito. Kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, titiisin mo ang iba’t ibang paghihirap upang maisagawa ang katotohanan. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay pagsasakripisyo ng iyong reputasyon, katayuan, at pagtitiis ng pangungutya at pamamahiya ng iba, hindi mo ito iindahin—basta’t nagagawa mong isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sapat na ito. Pinipili ng mga nagmamahal sa katotohanan na isagawa ang katotohanan at maging tapat. Ito ang tamang landas at ito ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, ano ang pinipili niya? Pinipili niyang gumamit ng mga kasinungalingan upang panindigan ang kanyang reputasyon, katayuan, dignidad, at karakter. Mas pipiliin niyang maging mapanlinlang, at kasuklaman at itakwil ng Diyos. Itinatakwil ng gayong tao ang katotohanan at ang Diyos. Pinipili niya ang sarili niyang reputasyon at katayuan; nais niyang maging mapanlinlang. Wala siyang pakialam kung nalulugod ang Diyos o hindi o kung ililigtas siya ng Diyos. Maliligtas pa rin ba ng Diyos ang gayong tao? Tiyak na hindi, dahil pinili niya ang maling landas. Makapamumuhay lang siya sa pamamagitan ng pagsisinungaling at pandaraya; makapamumuhay lamang siya ng buhay na puno ng pasakit dahil sa pagsisinungaling at pagtatakip sa mga ito at pagpipiga sa kanyang utak upang ipagtanggol ang sarili niya araw-araw. Kung iniisip mong maitataguyod ng kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na hinahangad mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang dignidad at karakter mo, kundi mas matindi pa, napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao. Kahit na nagawa mong protektahan sa sandaling iyon ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride, isinakripisyo mo ang katotohanan at ipinagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at panghabang-buhay mong pagsisisihan. Hindi ito mauunawaan kailanman ng mga mapanlinlang.

Ngayon, mayroon ba kayong landas sa pagiging matapat? Dapat ninyong suriin ang inyong bawat pagbigkas at pagkilos sa buhay para mas marami kayong matuklasang kasinungalingan at panlilinlang, at makilala ang sarili ninyong mapanlinlang na disposisyon. Pagkatapos dapat ninyong tingnan kung paano nagsasagawa at dumaranas ang matatapat na tao, at matuto kayo ng ilang aral. Dapat din ninyong isagawa ang pagtanggap ng pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay, at lumapit kayo sa Diyos nang madalas para manalangin at makipagbahaginan sa Diyos. Sabihin nating kakasabi mo lang ng isang kasinungalingan: Agad mong napagtanto na, “May ilang bagay akong sinabi na hindi tumpak—dapat aminin ko ito kaagad at itama ito, ipaalam sa lahat ng tao na nagsinungaling ako.” Agad-agad mong itinatama ang sarili mo. Kung palagi mong itinatama ang sarili mo nang ganito, at kung ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nakakagawian na, kapag nagsisinungaling ka at hindi mo ito itinatama, hindi ka mapapakali, at tutulong ang Diyos sa pagbabantay sa iyo. Sa pagsasagawa at pagdanas nang ganito nang ilang panahon, magsisimulang mabawasan ang pagsisinungaling mo, mas lalong mababawasan ang mga karumihan sa mga salita mo, at mas lalong mababawasan ang dungis ng mga kilos mo, at mas magiging dalisay—at sa ganitong paraan ikaw ay malilinis. Ganyan ang landas ng pagiging matapat. Dapat dahan-dahan kang magbago, unti-unti. Habang lalo kang nagbabago, lalo kang magiging mabuti; habang lalo kang nagbabago, lalong magiging matapat ang mga salita mo, at titigil ka sa pagsisinungaling—na siyang tamang kalagayan. Lahat ng tiwaling tao ay may parehong problema: Lahat sila ay ipinanganak na may kakayahang magsinungaling, at napakahirap para sa kanilang ibahagi ang kanilang mga kaloob-loobang kaisipan o ang magsalita nang makatotohanan. Kahit na gusto nilang sabihin ang katotohanan, hindi lang talaga nila ito magawa. Ang mga tao ay naniniwalang lahat na ang pagiging matapat ay kahangalan at kalokohan—iniisip nila na ang mga hangal lamang ang prangkang magsalita, at na malamang na magdurusa ng mga kawalan ang isang tao kung ganap siyang bukas sa ibang tao at palaging sinasabi ang nasa isip niya, at na hindi gugustuhin ng iba na makisalamuha sa kanya, at sa halip ay hahamakin siya. Hahamakin ba ninyo ang ganitong uri ng tao? Kinikimkim ba ninyo ang pananaw na ito? (Bago ako manampalataya sa Diyos, hinahamak ko sila, pero ngayon hinahangaan ko ang mga ganitong tao at iniisip na mas mabuting mamuhay nang simple at matapat. Sa pamumuhay nang ganito, mas kaunti ang pasanin sa puso ng isang tao. Kung hindi, pagkatapos kong magsinungaling sa isang tao, kailangan ko itong pagtakpan, at humahantong ako sa mas mahirap na sitwasyon, at sa huli ay malalantad ang kasinungalingan.) Ang pagsisinungaling at panlilinlang ay parehong mga hangal na pag-uugali at higit na mas matalino ang sabihin na lang ang katotohanan at ang magsalita mula sa puso. Ang mga tao ay lahat may pagkaunawa sa isyung ito ngayon—kung iniisip pa rin ng sinuman na ang pagsisinungaling at panlilinlang ay isang tanda ng pagkakaroon ng kakayahan at pagiging wais, kung gayon siya ay lubos na hangal, sobrang mangmang, at wala siya kahit katiting na katotohanan. Ang sinumang taong tumatanda na, na naniniwala pa ring ang mga mapanlinlang na tao ang pinakamatalino, at na ang matatapat na tao ay mangmang lahat, ay isang kakatwang uri na hindi nakakaunawa ng anumang bagay. Ang lahat ay namumuhay ng sarili nilang buhay—ang ilang taong nagsasagawa ng pagiging matapat araw-araw ay masaya at walang stress, at maalwan at malaya ang pakiramdam nila sa puso nila. Walang kulang sa kanila at mas komportable ang pamumuhay nila. Ang lahat ay natutuwang makisalamuha sa mga ganitong tao, at talagang sila dapat ang kinaiinggitan ng lahat—nauunawaan ng mga ganitong tao ang kahulugan ng buhay. May mga hangal na taong nag-iisip: “Ang taong iyan ay palaging nagsasabi ng katotohanan at siya ay napungusan, hindi ba? Puwes, iyan ang dapat sa kanya! Tingnan ninyo ako—itinatago ko sa sarili ko ang mga intensiyon ko, at hindi ako nagsasalita tungkol sa mga ito o nagbubunyag ng mga ito, kaya hindi ako napungusan, o nagdusa ng anumang kawalan, o napahiya sa harap ng lahat. Kahanga-hanga ito! Ang mga taong nagtatago ng mga intensiyon nila, hindi nagsasalita nang matapat sa sinuman, at pumipigil sa iba na malaman kung ano ang iniisip nila ay ang mga taong nakakahigit at lubos na matatalino.” Pero nakikita ng lahat ng tao na ang mga taong ito ang pinakamapanlinlang at pinakatuso; palaging nakabantay ang mga tao kapag kasama sila at dumidistansiya ang mga ito sa kanila. Walang sinuman ang gustong makipagkaibigan sa mga mapanlinlang na tao. Hindi ba’t ang mga ito ang katunayan? Kung inosente ang isang tao, at madalas nagsasabi ng katotohanan, kung nagagawa niyang ihayag ang puso niya sa ibang tao, at wala siyang kinikimkim na mga mapaminsalang intensiyon sa ibang tao, bagamat paminsan-minsan ay mukha siyang mangmang at kumikilos nang hangal, siya ay karaniwang kikilalanin bilang isang mabuting tao at gugustuhin ng lahat ng tao na makasalamuha siya. Karaniwang kinikilala ang katunayan na nagtatamasa ang mga tao ng mga benepisyo at ng pakiramdam ng seguridad kapag nakikisalamuha sila sa mga matapat at mabuting tao. Ang mga mananampalataya sa Diyos na matapat at naghahangad ng katotohanan ay hindi lamang minamahal ng iba sa iglesia, kundi ng Diyos rin Mismo. Sa sandaling makamit nila ang katotohanan, nagtataglay sila ng tunay na patotoo at natatanggap nila ang pagsang-ayon ng Diyos—hindi ba’t dahil dito ay sila ang pinakapinagpala sa lahat ng tao? Malinaw na makikita ng mga taong nakakaunawa ng kaunting katotohanan ang usaping ito. Sa iyong pag-asal, dapat mong subukang maging isang mabuti at matapat na taong nagtataglay ng katotohanan; sa paraang ito, hindi ka lamang mamahalin ng ibang tao, makakamit mo rin ang mga pagpapala ng Diyos. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang taong sumusunod sa mga makamundong uso, hindi pa rin siya mabuting tao. Ang mga hindi nakakaunawa nito ay mga hangal na hindi pa rin nakakaarok sa katotohanan. Pinipili ng mga taong tunay na nakakaarok sa katotohanan na tumahak sa tamang landas sa buhay, na maging matatapat na tao, at sumunod sa Diyos. Sa paggawa lamang ng mga bagay na ito makakamit ng isang tao ang kaligtasan. Ang ganitong tao ang pinakamatalino sa lahat.

Para manalig sa Diyos at tumahak sa tamang landas sa buhay, kahit papaano ay dapat kang mamuhay nang may dignidad at wangis ng tao, dapat kang maging karapat-dapat sa tiwala ng mga tao at maituring na mahalaga, dapat maramdaman ng mga tao na mayroong laman ang iyong karakter at integridad, na tinutupad mo ang lahat ng sinasabi mo, at mayroon kang isang salita. Dapat ganito ka suriin ng mga tao: Dapat sabihin nila na tiyak na paninindigan mo ang mga sinasabi mo, na tiyak na gagawin mo ang mga ipinapangako mo, na tiyak na isasakatuparan mo ang mga ipinagkakatiwala sa iyo nang matapat at nang buo mong puso, at para ganap na mapalugod ang taong nagkatiwala sa iyo ng gampanin. Hindi ba’t ito ang taong may isang salita? Hindi ba’t namumuhay nang may dignidad ang mga ganitong tao? (Oo.) May ilang tao na walang sinumang nagtatangkang magkatiwala sa kanila ng kahit ano. Kahit na may ibang nagkakatiwala sa kanila ng mga bagay-bagay, ito ay dahil hindi makahanap ang iba ng sinumang mas naaangkop, at wala nang ibang mapagpipilian, at kinakailangan pa rin na magtalaga ng isang tao para magbantay sa kanila. Anong klase ng tao ito? Ito ba ay isang taong may dignidad? (Hindi.) Kailangan mong analisahin at suriin ang lahat ng sinasabi niya, kailangan mong magdalawang-isip dito, at kailangan mong pagtuunan ng pansin ang tono niya, at humanap ng kumpirmasyon at beripikasyon mula sa mga taong nakapaligid sa iyo. Kapag gumawa siya ng pahayag at nagsalita tungkol sa isang bagay, halos hindi siya mapagkakatiwalaan. Maaaring umiiral ang bagay na sinasabi niya, pero maaaring pinalalaki o pinaliliit niya ito, o maaaring hindi talaga ito umiiral at gawa-gawa lang niya ito. At bakit siya nag-iimbento lang? Dahil gusto niyang manlinlang ng mga tao, para ituring siya ng mga tao na matalino at mahusay; iyon ang layon niya. Gusto ba ng ibang tao ang mga indibidwal na gaya nito? (Hindi.) Gaano katindi nilang inaayawan ang mga taong ito? Kinasusuklaman at hinahamak ng mga tao ang mga ganitong indibidwal—at maaaring mas mabuti pa nga kung hindi nila nakilala ang mga ganitong indibidwal. Kapag kasama ng mga tao ang mga ganitong indibidwal, hindi sila nagtitiwala sa anumang sinasabi ng mga ito o hindi nila ito sineseryoso; nakikipag-usap lang sila nang kaunti at sumasabay lang sa agos sa pamamagitan ng kaswal na pakikipag-usap tungkol sa ilang panlabas na usapin. Kahit na sabihin ng mga indibidwal na ito ang katotohanan, hindi nagtitiwala sa kanila ang ibang tao. Ganap na walang kwenta at napakababa ang ganitong uri ng tao; walang sinuman ang nagpapahalaga sa kanila. Kapag umabot na sa puntong ito ang ugali ng isang tao, mayroon ba siyang dignidad? (Wala.) Walang sinumang magkakatiwala sa kanya ng anumang bagay, walang magtitiwala sa kanya, walang maglalahad ng puso nila sa kanya, walang maniniwala sa mga sasabihin niya; makikinig lang ang ibang tao, at wala nang iba pa. Kapag sinasabi ng mga ganitong indibidwal na, “Nagsasabi ako ng totoo sa pagkakataong ito,” walang naniniwala sa kanila o nagbibigay-pansin sa kanila, kahit na totoo ang sinasabi nila. Kapag sinasabi nila na, “Hindi lahat ng sinasabi ko ay di-totoo, hindi ba?” sasagot ang mga tao, “Wala akong pakialam na suriin kung totoo ba o hindi ang sinabi mo. Nakakapagod makinig sa iyo; kailangan kong analisahin at suriin ang mga motibo at intensiyon mo, at talagang malaking abala ito. Ang oras na igugugol ko para diyan ay maaaring magamit ko sa pagninilay-nilay tungkol sa isang sipi ng mga salita ng Diyos o sa pagkatutong umawit ng isang himno at talagang magkakamit ako ng ilang pakinabang sa paggawa ng mga bagay na iyon. Wala akong mapapala sa pakikipag-usap sa iyo. Walang ni isang salita sa sinasabi mo ang makatotohanan at ayaw ko nang magkaroon ng ugnayan sa iyo.” Tinatalikuran nila ang mga ganitong tao sa paraang ito. Sa panahon ngayon, madalas mong maririnig ang mga walang pananampalataya na nagsasabing, “Gusto mo bang marinig ang katotohanan o mas gusto mong makarinig ng kasinungalingan?” Walang sinumang may gustong makarinig ng mga kasinungalingan. Kaya, ang mga taong palaging nagsisinungaling at nagpapaligoy-ligoy ang pinakamababang sa lahat ng tao; wala silang halaga. Walang sinumang may gustong magbigay-pansin sa kanila, walang may gustong makipag-ugnayan sa kanila, lalong walang may gustong maglahad ng puso sa kanila o makipagkaibigan sa kanila. May karakter ba o dignidad ang mga ganitong tao? (Wala.) Lahat ng taong nakakatagpo ng mga ganitong tao ay masusuklam sa kanila; lubos silang hindi mapagkakatiwalaan sa kanilang mga salita, kilos, karakter, at integridad—ang mga ganitong indibidwal ay wala talagang kabuluhan. Magugustuhan o rerespetuhin ba sila ng mga tao kung may kaloob at talento sila? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kailangan ng mga tao para makasundo ang isa’t isa? Kailangan nila ng karakter, integridad, dignidad, at kailangan nilang maging isang tao na mapaglalaharan ng iba ng puso nila. Ang mga taong may dignidad ay lahat may kaunting personalidad, minsan hindi nila nakakasundo ang iba, pero sila ay matapat, at walang pagsisinungaling o panlalansi sa kanila. Sa huli, mataas ang tingin ng iba sa kanila, dahil kaya nilang isagawa ang katotohanan, matapat sila, sila ay may dignidad, integridad, at karakter, hindi nila kailanman sinasamantala ang ibang tao, tinutulungan nila ang mga tao kapag nasa alanganin ang mga ito, tinatrato nila ang mga tao nang may konsensiya at katwiran, at hindi nila agad na hinuhusgahan ang mga taong ito. Kapag sinusuri o tinatalakay ang ibang tao, tumpak ang lahat ng sinasabi ng mga indibidwal na ito, sinasabi nila kung ano ang nalalaman nila at hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay na hindi nila alam, hindi sila nagdadagdag ng kuwento, at maaaring magsilbing ebidensiya o sanggunian ang mga salita nila. Kapag nagsasalita at kumikilos sila, ang mga taong nagtataglay ng integridad ay praktikal at mapagkakatiwalaan. Walang sinumang tumuturing na may halaga ang mga taong walang integridad, walang nagbibigay-pansin sa mga sinasabi at ginagawa nila, o nagpapahalaga sa kanilang mga salita at kilos, at walang nagtitiwala sa kanila. Ito ay dahil masyadong marami ang kasinungalingang sinasabi nila at masyadong kakaunti ang matatapat nilang salita, ito ay dahil wala silang sinseridad kapag nakikisalamuha sila sa mga tao o gumagawa ng anumang bagay para sa mga ito, sinusubukan nilang lansihin at lokohin ang lahat ng tao, at walang sinumang may gusto sa kanila. Nakatagpo na ba kayo ng sinuman na, sa mga mata ninyo, ay mapagkakatiwalaan? Iniisip ba ninyong karapat-dapat kayo sa tiwala ng ibang tao? Mapagkakatiwalaan ba kayo ng ibang tao? Kung may isang taong magtatanong sa iyo tungkol sa sitwasyon ng isang tao, hindi mo dapat suriin at husgahan ang taong iyon ayon sa sarili mong kagustuhan, ang mga salita mo ay dapat obhetibo, tumpak, at naaayon sa mga katunayan. Dapat kang magsalita tungkol sa anumang nauunawaan mo, at hindi ka dapat magsalita tungkol sa mga bagay na wala kang kabatiran. Dapat maging makatarungan at patas ka sa taong iyon. Iyan ang responsableng paraan ng pagkilos. Kung ang naobserbahan mo lang ay ang panlabas na penomena, at ang gusto mong sabihin ay ang sarili mong panghuhusga tungkol sa taong iyon, kung gayon, dapat hindi mo pikit-matang hatulan ang taong iyon, at lalong hindi mo siya dapat husgahan. Dapat mong simulan ang sasabihin mo sa, “Sariling paghuhusga ko lamang ito,” o “Ganito lang talaga ang nararamdaman ko.” Sa ganoong paraan, magiging obhetibo ang mga salita mo, at pagkatapos pakinggan ang mga sinabi mo, mararamdaman ng ibang tao ang katapatan ng mga salita mo at ang iyong patas na saloobin, at magagawa ka na niyang pagkatiwalaan. Sigurado ba kayong maisasakatuparan ninyo ito? (Hindi.) Pinatutunayan nito na hindi sapat ang katapatan ninyo sa iba, at wala kayong sinseridad at matapat na saloobin sa inyong pag-asal at pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Sabihin nating may nagtatanong sa iyo, “Pinagkakatiwalaan kita: Ano ang tingin mo sa taong iyon?” At sasagot ka, “Ayos naman siya.” Magtatanong muli ang taong ito, “Puwede ka bang magbigay ng mas marami pang detalye?” At sasabihin mo, “May magandang asal siya, handa siyang magbayad ng halaga kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at maayos ang pakikisama niya sa mga tao.” Mayroon bang praktikal na ebidensiya para sa alinman sa tatlong pahayag na ito? Sapat na ba ang mga ito na maging katunayan ng karakter ng taong iyon? Hindi. Mapagkakatiwalaan ka ba? (Hindi.) Wala sa tatlong pahayag na ito ang may kalakip na anumang detalye, sadyang malalawak ang saklaw ng mga ito, walang kabuluhan, at pabasta-bastang mga salita lamang. Kung kakikilala mo lang sa taong iyon at sinasabi mo na ayos lang naman siya batay sa kanyang histura, normal lang iyon. Pero matagal mo na siyang nakakaugnayan, at dapat ay natuklasan mo na ang ilang malalaking problema tungkol sa kanya. Gustong marinig ng mga tao kung ano ang kalkulasyon at pananaw mo sa taong iyon sa kaibuturan ng puso mo, pero wala kang sinasabing makatotohanan, o kritikal, o mahalaga, kaya hindi nagtitiwala sa iyo ang mga tao, at ayaw na nilang makipag-ugnayan sa iyo.

Kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga kapatid, dapat mong ilahad ang puso mo sa kanila at magtapat sa kanila para maging kapaki-pakinabang ito sa iyo. Kapag gumagampan ka sa iyong tungkulin, mas lalong mahalaga na ilahad mo ang iyong puso at magtapat sa mga tao; saka lamang kayo magkakatrabaho nang maayos. Pero kung may isang taong hindi naglalahad ng puso niya sa iyo, kung hindi niya tinatanggap ang katotohanan, kung sa halip ay lubos siyang mapanlinlang na tao, kung gayon, isang kahangalan kung ilalahad mo ang puso mo sa kanya, at madali kang malalagay sa alanganin kung gagawin mo ito. Dapat mayroong mga prinsipyo sa kung paano ka nakikipag-ugnayan sa mga kapatid; at dapat ilahad mo lang ang puso mo at magtapat lamang sa mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos at kayang tumanggap sa katotohanan. Kung ilalahad mo ang puso mo sa masasamang tao at mga hindi mananampalataya, kung gayon ikaw ay hangal at mangmang, at wala kang karunungan. Dapat ilahad mo lang ang puso mo sa mga kapatid na tunay na nananampalataya sa Diyos at kayang tumanggap sa katotohanan. Ang mga mapanlinlang na tao, mga may magulong isip, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya—mga taong walang anumang pagtanggap sa katotohanan—ay hindi mga kapatid; anuman ang ginagawa mo, huwag mong ilahad ang puso mo sa kanila, ang paglalahad mo ng puso mo sa kanila ay parang paglalahad ng puso mo sa mga diyablo, at sa huli, maaaring humantong ito sa pagkakahulog mo sa kanilang mga pakana at patibong. Mayroong mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa sa gitna ng mga lider at manggagawa, at mga huwad na mananampalataya at mga hindi mananampalataya sa gitna ng mga mananampalataya. Wala sa mga taong ito ang matatawag na kapatid, kaya anuman ang ginagawa mo, huwag mo silang tratuhin na parang kapatid. Tanging ang mga taong may mabuting puso at nagmamahal sa katotohanan, na kayang tumanggap sa katotohanan at isagawa ito, ang matatawag na kapatid, at kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga totoong kapatid na ito, dapat mong ilahad ang puso mo sa kanila, dapat sadya kang magtapat sa kanila, at saka lamang magiging posible para sa inyo na mahalin ang isa’t isa, at makapagtulungan nang maayos habang ginagampanan nang mabuti ang inyong mga tungkulin. Kung minsan, kapag nag-uugnayan ang dalawang tao, hindi nagtutugma ang kanilang mga personalidad, o hindi nagtutugma ang mga kapaligiran, karanasan o kalagayang pang-ekonomiya ng mga pamilya nila. Gayunman, kung kayang ilahad ng dalawang taong iyon ang kanilang puso sa isa’t isa at magiging lubos na bukas tungkol sa kanilang mga suliranin, at makikipag-usap nang walang kasinungalingan o panlilinlang, at magagawang ipakita ang kanilang puso sa isa’t isa, sa ganitong paraan, sila ay magiging tunay na magkaibigan, na ang ibig sabihin ay magiging matalik na magkaibigan sila. Marahil, kapag iyong isang tao ay nahihirapan, ikaw ang hahanapin niya at wala nang iba, at tanging ikaw ang pagkakatiwalaan niya na makakatulong sa kanya. Kahit na pagsabihan mo siya, hindi siya makikipagtalo, dahil alam niyang isa kang matapat na tao na may pusong taos. Pinagkakatiwalaan ka niya, kaya anuman ang sabihin mo o paano mo man siya tratuhin, makakaunawa siya. Kaya ba ninyong maging ganitong mga tao? Kayo ba ay ganitong mga tao? Kung hindi, hindi ka matapat na tao. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang ipakita sa kanila ang iyong tunay na nararamdaman at ang iyong katapatan. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay walang ingat, mabulaklak, kaaya-aya ngunit mababaw, pambobola, hindi responsable, at kathang-isip, o kung nagsasalita lamang siya upang makakuha ng pabor sa iba, ang kanyang mga salita ay walang anumang kredibilidad, at hindi siya tapat ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Ang taong ito ay hindi matapat. Sabihin nating nasa isang negatibong kalagayan ang isang tao, at taos-puso niyang sinasabi sa iyo: “Sabihin mo sa akin kung bakit ako napakanegatibo. Hindi ko talaga ito maunawaan!” At ipagpalagay nang sa katunayan, nauunawaan mo sa iyong puso ang kanyang problema, pero hindi mo sinabi sa kanya, sa halip ay sinabi mong: “Wala iyan. Hindi ka naman negatibo; ganyan din ako.” Ang mga salitang ito ay malaking pampalubag-loob sa taong iyon, ngunit hindi sinsero ang iyong saloobin. Nagiging pabasta-basta ka sa kanya; kaya, para mas maging komportable at magaan ang loob niya, umiwas ka sa pagsasalita nang matapat sa kanya. Hindi ka masigasig na tumutulong sa kanya at diretsahang inihahayag ang kanyang problema, para maalis niya ang pagiging negatibo. Hindi mo nagawa ang nararapat gawin ng isang matapat na tao. Para lamang maalo siya at para matiyak na walang pagkakalayo o hindi pagkakasundo sa pagitan ninyo, naging pabasta-basta ka na lang sa kanya—at hindi ito ang pagiging isang matapat na tao. Kaya, upang maging isang matapat na tao, ano ang dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon? Kailangan mong sabihin sa kanya kung ano ang nakita at natukoy mo: “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang nakita ko at kung ano ang naranasan ko. Ikaw ang magpapasya kung ang sinasabi ko ay tama o mali. Kung ito ay mali, hindi mo ito kailangang tanggapin. Kung ito ay tama, sana ay tanggapin mo ito. Kung may sabihin ako na mahirap para sa iyo na marinig o nakakasakit sa iyo, sana ay kaya mo itong tanggapin mula sa Diyos. Ang layunin at hangarin ko ay ang tulungan ka. Malinaw kong nakikita ang suliranin: Dahil pakiramdam mo ay napahiya ka, walang nagpapadama sa iyo na importante ka, at sa tingin mo ay mababa ang tingin ng lahat sa iyo, na inaatake ka, at hindi ka pa kailanman nagawan ng ganito kalaking pagkakamali, hindi mo ito matanggap at nagiging negatibo ka. Ano sa tingin mo—ito ba talaga ang nangyayari?” At pagkarinig nito, madarama nila na ito nga talaga ang nangyayari. Ito talaga ang nasa puso mo, pero kung hindi ka matapat na tao, hindi mo ito sasabihin. Ang sasabihin mo, “Madalas din akong maging negatibo,” at kapag narinig ng taong ito na ang lahat ay nagiging negatibo, iisipin niya na normal lang para sa kanya na maging negatibo, at sa huli, hindi niya aalisin ang pagiging negatibo. Kung ikaw ay isang matapat na tao at tinutulungan mo siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo.

Maraming aspekto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspekto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspekto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspekto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng mga walang kabuluhang salita, pabibo, o mga salitang masarap pakinggan, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nabubulok na lang ang mga salita sa puso mo, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao. Halimbawa, ipagpalagay na hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, at kapag nagtatanong ang mga tao kung ano ang nangyayari, sinasabi mong, “Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ko nagagawa iyon.” Sa totoo lang, alam mo sa puso mo na hindi ka naging masigasig, subalit hindi mo sinasabi ang totoo. Sa halip ay nakakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan at iwasan ang responsabilidad. Iyan ba ang ginagawa ng isang matapat na tao? (Hindi.) Niloloko mo ang mga tao at iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng mga bagay na ito. Ngunit ang diwa ng nasa loob mo, ng mga intensiyong nasa iyong kalooban, ay isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo mabubunyag at masusuri ang mga ito, hindi madadalisay ang mga ito—at hindi iyan maliit na bagay! Dapat kang magsalita nang tapat, “Medyo nagpapaliban ako sa paggawa ng aking tungkulin. Naging pabasta-basta ako at hindi nag-asikaso. Kapag maganda ang timpla ko, nakakaya kong magsikap nang kaunti. Kapag masama ang timpla ko, tinatamad ako at ayaw kong magsikap, at ninanasa ko ang mga kaginhawahan ng laman. Kaya, hindi epektibo ang mga pagtatangka kong gawin ang aking tungkulin. Nagbabago na ang sitwasyon nitong nakaraang ilang araw, at sinisikap kong ibigay ang lahat ko, pagbutihin ang aking kasanayan, at isagawa nang maayos ang aking tungkulin.” Pagsasalita ito nang taos-puso. Iyong isang paraan ng pagsasalita ay hindi taos-puso. Dahil sa takot mong mapungusan, na matuklasan ng mga tao ang mga problema mo, at na panagutin ka ng mga tao, nakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan, na pinatitigil muna ang ibang mga tao sa pag-uusap tungkol sa sitwasyon, pagkatapos ay ipinapasa mo sa iba ang responsabilidad, upang maiwasan mong mapungusan ka. Ito ang pinagmumulan ng iyong mga kasinungalingan. Gaano man magsalita ang mga sinungaling, ang ilan sa sinasabi nila ay siguradong totoo at tunay na nangyari. Ngunit ang ilang mahalagang bagay na sinasabi nila ay maglalaman ng kaunting kasinungalingan at kaunting motibo nila. Kaya, napakahalagang matukoy at maipagkaiba ang totoo at ang hindi totoo. Gayunman, hindi ito madaling gawin. Ang ilan sa sinasabi nila ay magkakaroon ng dungis at magiging mabulaklak, ang ilan sa sinasabi nila ay aayon sa mga katunayan, at ang ilan sa sinasabi nila ay magiging taliwas sa mga katunayan; sa gayon na nagkagulo-gulo ang tunay at hindi tunay, mahirap matukoy ang totoo sa hindi totoo. Ito ang pinakamapanlinlang na klase ng tao, at ang pinakamahirap na matukoy. Kung hindi nila matanggap ang katotohanan o hindi nila magawang maging tapat, talagang ititiwalag sila. Alin kung gayon ang landas na dapat piliin ng mga tao? Alin ang daan tungo sa pagiging matapat? Dapat kayong matutong magsalita ng katotohanan at magawang magbahagi nang hayagan tungkol sa tunay ninyong mga kalagayan at mga problema. Ganyan magsagawa ang matatapat na tao, at tama ang gayong pagsasagawa. Ang mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay handang lahat na magsikap na maging matapat. Ang matatapat na tao lamang ang tunay na nagagalak at panatag, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan para makamit ang pagpapasakop sa Diyos matatamasa ng isang tao ang tunay na kaligayahan.

Maraming praktikal na problema ang lumilitaw habang nararanasan ng mga tao ang pagiging matapat. Kung minsan ay nagsasalita lang sila nang hindi nag-iisip, nagkakamali sila saglit at nagsasabi ng kasinungalingan dahil sila ay pinatatakbo ng isang maling motibo o pakay, o banidad at pride, at dahil dito, kailangan nilang magsabi ng mas higit na maraming kasinungalingan para pagtakpan iyon. Sa huli, hindi sila panatag sa puso nila, pero hindi na nila mababawi ang mga kasinungalingan na iyon, wala silang lakas ng loob na itama ang kanilang mga pagkakamali, na aminin na nagsinungaling sila, at sa ganitong paraan, patuloy silang nagkakamali. Pagkatapos nito, parang palaging may batong nakadagan sa puso nila; gusto nila palaging humanap ng pagkakataong magsabi ng totoo, na aminin ang kanilang pagkakamali at magsisi, pero hindi nila ito kailanman isinasagawa. Sa huli, pinag-iisipan nila ito at sinasabi sa kanilang sarili, “Babawi ako kapag ginampanan ko ang tungkulin ko sa hinaharap.” Lagi nilang sinasabing babawi sila, pero hindi nila ginagawa. Hindi iyon kasingsimple ng paghingi lang ng tawad pagkatapos magsinungaling—mababawi mo ba ang pinsala at mga kahihinatnan ng pagsisinungaling at panlilinlang? Kung, sa gitna ng matinding pagkamuhi sa sarili, nagagawa mong magsisi, at hindi mo na muling gagawin ang bagay na iyon, kung gayon ay maaaring matanggap mo ang pagpaparaya at awa ng Diyos. Kung nagsasabi ka ng matatamis na salita at nagsasabing babawi ka para sa mga kasinungalingan mo sa hinaharap, pero hindi ka talaga nagsisisi, at kalaunan ay patuloy kang nagsisinungaling at nanlilinlang—kung gayon ay masyado kang mapagmatigas sa iyong pagtangging magsisi, at siguradong matitiwalag ka. Dapat itong kilalanin ng mga taong may konsensiya at katwiran. Matapos magsinungaling at manlinlang, hindi sapat ang isipin lang na humingi ng tawad; ang pinakamahalaga ay na kailangan mong tunay na magsisi. Kung nais mong maging matapat, dapat mong lutasin ang problema ng pagsisinungaling at panlilinlang. Dapat kang magsabi ng katotohanan at gumawa ng mga praktikal na bagay. Kung minsan, mapapahiya ka sa pagsasabi ng katotohanan at magiging dahilan para pungusan ka, ngunit maisasagawa mo ang katotohanan, at ang pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos sa isang pagkakataong iyon ay magiging sulit, at magdadala ito sa iyo ng kaginhawahan. Ano’t anuman, maisasagawa mo na sa wakas ang pagiging matapat, masasabi mo na sa wakas kung ano ang nasa puso mo, nang hindi sinusubukang ipagtanggol o ipawalang-sala ang sarili mo, at ganito ang tunay na paglago. Pungusan ka man o palitan, magiging matatag pa rin ang puso mo, dahil hindi ka nagsinungaling; mararamdaman mo na dahil hindi mo ginawa nang maayos ang tungkulin mo, tama lang na pungusan ka, at na akuin mo ang responsabilidad para dito. Ito ay isang positibong pag-iisip. Gayunpaman, ano ang magiging kahihinatnan kapag ikaw ay nanlinlang? Pagkatapos mong manlinlang, ano ang mararamdaman mo sa puso mo? Balisa; palagi mong mararamdaman na may pagkakonsensiya at katiwalian sa puso mo, mararamdaman mo na palagi kang inaakusahan: “Paano ko nagawang magsinungaling? Paano ko naatim na muling manlinlang? Bakit ako ganito?” Mararamdaman mo na parang hindi mo maiaangat ang iyong ulo, na parang hiyang-hiya kang humarap sa Diyos. Lalo na kapag pinagpapala ng Diyos ang mga tao, kapag tumatanggap sila ng biyaya, habag at pagpaparaya ng Diyos, mas lalo nilang nararamdaman na nakakahiyang linlangin ang Diyos, at sa puso nila, mas matindi ang nararamdaman nilang paninisi, at wala silang kapayapaan at kagalakan. Ano ang ipinapakita nitong problema? Na ang manlinlang ng mga tao ay isang pagpapakita ng tiwaling disposisyon, ito ay para maghimagsik at lumaban sa Diyos, kaya magdudulot ito sa iyo ng pasakit. Kapag nagsisinungaling at nanlilinlang ka, maaaring nararamdaman mo na nakapagsalita ka nang napakatalino at napakaingat, at na wala kang naibigay na anumang maliliit na pahiwatig tungkol sa iyong panlilinlang—pero kalaunan, nakakaramdam ka ng paninisi at pang-aakusa, na maaaring bumagabag sa iyo sa buong buhay mo. Kung kusa at sinasadya mong magsinungaling at manlinlang, at dumating ang araw kung kailan napagtanto mo ang bigat nito, tatagos ito sa puso mo na parang isang kutsilyo, at palagi kang maghahanap ng pagkakataong makabawi sa mga mali mong nagawa. At iyon ang kailangan mong gawin, maliban na lang kung wala kang konsensiya, at hindi ka pa namuhay nang naaayon sa iyong konsensiya, at wala kang pagkatao, at walang karakter o dignidad. Kung mayroon kang kaunting karakter at dignidad, at kaunting kamalayan ng konsensiya, kapag napagtanto mo na nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mararamdaman mo na kahiya-hiya ang pag-uugali mong ito, kakutya-kutya at mababa; kamumuhian at kasusuklaman mo ang sarili mo, at tatalikuran mo ang landas ng kasinungalingan at panlilinlang. Ang kauri ni Satanas ay walang konsensiya at katwiran ng normal na tao; nananatili silang walang malay at walang pakialam sa lahat ng kasinungalingang sinasabi nila, at mayroon pa nga silang teoretikal na batayan sa kanilang pagsisinungaling, na walang mapapala ang tao nang walang sinasabing kasinungalingan, at kaya, matigas silang tumatangging magsisi. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay naiiba. Ang mga taong ito ay dumaan lang sa paggawang tiwali ni Satanas, at bagamat nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, hindi sila masasamang tao, mayroon silang kamalayan ng konsensiya, mayroon silang pangangailangan ng normal na pagkatao, at ng mga likas na gawi at pangangailangan ng pagmamahal para sa mabubuti, mga makatarungan, at positibong bagay. Samakatuwid, kapag nararamdaman nilang inuusig sila ng kanilang konsensiya, kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili at tunay na magsisi. Si Satanas ay isang bagay na may sukdulang kasamaan. Ayaw nito ng mga positibong bagay, ayaw nito ng mabubuting bagay, at sa loob ng kalikasan nito ay mayroon lamang madidilim at masasamang bagay, walang iba kundi mga tiwali at mapaminsalang bagay; wala itong pagkatao, wala itong mga pangangailangan ng normal na pagkatao, at wala itong kamalayan ng konsensiya. Pero iba ang mga tao. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, may taglay silang konsensiya at katwiran; ang mga taong may konsensiya ay may kamalayan sa kanilang puso, nararamdaman nila ang pang-aakusa at paninisi ng kanilang konsensiya kapag sinusubukan nilang linlangin ang Diyos o ang ibang tao, at nasasaktan sila sa paninisi at mga akusasyong ito. Kapag nararamdaman ng isang tao ang pasakit na ito, kapag nararamdaman niya ang pang-aakusa at paninising ito, nagsisimulang magkaroon ng kamalayan ang kanyang konsensiya: Napagtatanto niya na dapat maging matapat ang mga tao, at na dapat silang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kapag may ganito silang pangangailangan, mabuting bagay iyon. Ngayon, nakakaramdam ba kayo ng paninisi kapag nagsisinungaling at nanlilinlang kayo? (Oo.) Ang nararamdaman ninyong paninisi ay nagpapatunay na mayroon kayong kaunting kamalayan ng konsensiya at na mayroon pang pag-asa para sa inyo; ito ang pinakamababang antas ng kamalayan at uri ng pag-uugali na dapat ninyong taglayin para makamit ninyo ang kaligtasan. Kung walang anumang nararamdamang paninisi ang inyong konsensiya, problema ito, at ibig sabihin nito ay wala kayong pagkatao. Ngayon, marunong na ba kayong magsisi pagkatapos magsinungaling at manlinlang ng iba? Kung matigas kayong tatangging magsisi, ano ang magiging kahihinatnan? Hindi kayo matutubos. Nakikita na ninyong lahat ngayon na ililigtas ng Diyos ang mga taong nagtataglay ng konsensiya, katwiran, ng mga pangangailangan ng normal na pagkatao, ng abilidad na makakilala ng mabuti sa masama, ng pagmamahal sa mga positibong bagay at mabubuting bagay, ng pagkapoot sa kasamaan, at ng abilidad na tumanggap ng katotohanan. Ang mga ganitong tao ay maliligtas.

Nobyembre 30, 2017

Sinundan: Sa Pagganap Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilalang Mayroong Halaga ang Buhay

Sumunod: Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito