Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan
Ganap na naiiba kung paano ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos mula sa kung paano ginagawa ng mga walang pananampalataya ang mga bagay-bagay. Ano ang pagkakaiba? Magkakasamang nagbabasa ng salita ng Diyos ang mga kapatid at konektado sila sa isa’t isa sa espiritu. Nagagawa nilang mamuhay nang matiwasay kasama ang isa’t isa at sabihin sa isa’t isa kung ano ang tunay na laman ng kanilang isip. Nagagawa nilang ibahagi nang simple at hayagan ang katotohanan sa isa’t isa, tamasahin ang salita ng Diyos, at tulungan ang isa’t isa. Kapag may sinumang nahihirapan, magkakasama nilang hinahanap ang katotohanan para lutasin ang isyu, kaya nilang makamit ang pagkakaisa sa espiritu, at kaya nilang magpasakop sa katotohanan at sa Diyos. Iba naman ang mga walang pananampalataya. Lahat sila ay may kanya-kanyang sikreto, hindi sila bukas na nakikipag-ugnayan, pinoprotektahan nila ang sarili nila laban sa isa’t isa, at nagbabalak pa nga sila ng masama at nakikipagkumpitensya sa isa’t isa. Sa huli, naghihiwalay sila ng landas nang may samaan ng loob at tinatahak nila ang kani-kanilang landas. Ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng pagiging nasa iglesia at ng pagiging nasa mundo ng mga walang pananampalataya ay kayang tanggapin ng mga tapat na nananalig sa Diyos ang katotohanan. Kahit sino pa ang may mga problema o paghihirap, kayang hayagang magbahaginan at magtulungan ang lahat, at kung may naghahayag ng katiwalian, puwede siyang punahin at pungusan, nang sa gayon ay makapagsisi ang taong ito. Ito ang ibig sabihin ng mahalin ang isa’t isa. Ang lahat ng tao ay nasa magkapantay na kaugnayan sa isa’t isa, at ang mga prinsipyo kung saan nagkakasundo ang mga tao ay naitayo sa pundasyon ng salita ng Diyos. Kung ang isang tao ay nagbubunyag ng katiwalian, nagsasalita nang hindi tama, o nakagagawa ng pagkakamali, puwede siyang hayagang makipagbahaginan. Kapag ang lahat ay hinahanap ang katotohanan, nagtutulungan, at nagagawang maunawaan ang katotohanan, nakakamit ang ganap na paglaya at kalayaan. Sa ganitong paraan, hindi na nasusumpungan pa ng mga tao ang kanilang sarili na malayo ang loob sa isa’t isa, nakikipagkumpitensya sa isa’t isa, o pinoprotektahan ang sarili laban sa isa’t isa. Nagagawa rin nilang palakasin ang loob ng isa’t isa at mahalin ang isa’t isa bilang iisa. Ang mga ito ang epekto ng salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng buhay-iglesia, ang lahat ng tunay na nananalig sa Diyos ay mauunawaan ang katotohanan, maiwawaksi ang kanilang katiwalian, maayos na makikipagtulungan sa mga kapatid, magagampanang mabuti ang sarili nilang mga tungkulin, makapamumuhay nang matiwasay kasama ang isa’t isa, at makapamumuhay sa harapan ng Diyos.
Kung nais mong tuparin nang maayos ang iyong mga tungkulin at palugurin ang mga layunin ng Diyos, kailangan mo munang matutong matiwasay na gumawa kasama ang iba. Kapag nakikipagtulungan ka sa iyong mga kapatid, dapat mong isipin ang mga sumusunod: “Ano ba ang pagkakasundo? May pagkakasundo ba sa kanila ang pananalita ko? May pagkakasundo ba sa kanila ang mga iniisip ko? May pagkakasundo ba sa kanila ang paraan ko ng paggawa ng mga bagay-bagay?” Isaalang-alang kung paano makipagtulungan nang may pagkakasundo. Paminsan-minsan, nangangahulugan ang pagkakasundo ng pagtitimpi at pagpaparaya, ngunit nangangahulugan din ito ng paninindigan at pagtataguyod ng mga prinsipyo. Hindi nangangahulugan ang pagkakasundo na ilagay sa kompromiso ang mga prinsipyo upang maging maayos ang mga bagay-bagay, o sikaping maging “mapagpalugod ng mga tao,” o manatiling mahinahon—at lalo nang hindi ito nangangahulugang manuyo ka sa isang tao. Ang mga ito ay mga prinsipyo. Kapag naunawaan mo na ang mga prinsipyong ito, kikilos at magsasalita ka alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at maisasabuhay mo rin ang realidad ng katotohanan, nang hindi mo namamalayan, at sa ganitong paraan ay madaling makamit ang pagkakaisa. Sa sambahayan ng Diyos, kung namumuhay ang mga tao ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at kung umaasa sila sa sarili nilang mga kuru-kuro, hilig, pagnanasa, makasariling motibo, sa sarili nilang mga kaloob, at katusuhan sa pakikisama sa isa’t isa, hindi ito ang paraan para mamuhay sa harap ng Diyos, at wala silang kakayahang magkaroon ng pagkakaisa. Bakit ganito? Ito ay dahil kapag namumuhay ang mga tao ayon sa isang satanikong disposisyon, hindi sila magkakaroon ng pagkakaisa. Ano, kung gayon, ang pinakahuling kahihinatnan nito? Hindi gagawa ang Diyos sa kanila. Kung wala ang gawain ng Diyos, kung aasa ang mga tao sa sarili nilang kakarampot na mga kakayahan at katusuhan, sa kanilang katiting na kadalubhasaan, at sa mga kakatiting na kaalaman at kasanayang iyon na kanilang nakamit, labis silang mahihirapan na magamit sa sambahayan ng Diyos at mahihirapan sila nang husto na kumilos alinsunod sa Kanyang mga layunin. Kung wala ang gawain ng Diyos, hindi mo maaarok kailanman ang mga layunin ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos, o ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Hindi mo malalaman ang landas o ang mga prinsipyong gagamitin sa pagganap sa iyong mga tungkulin, at hindi mo malalaman kailanman kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos o kung anong mga pagkilos ang labag sa mga katotohanang prinsipyo at lumalaban sa Diyos. Kung wala sa mga ito ang malinaw sa iyo, pikit-mata ka lamang magmamasid at susunod sa mga regulasyon. Kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin sa gayong kalituhan, tiyak na mabibigo ka. Hinding-hindi mo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, at tiyak na itataboy ka ng Diyos, at ititiwalag ka.
Kapag nagtutulungan ang dalawang tao upang gampanan ang isang tungkulin, kung minsan ay magtatalo sila tungkol sa isang usapin sa prinsipyo. Magkakaroon sila ng magkaibang pananaw at magkakaroon sila ng magkaibang opinyon. Ano ang maaaring gawin sa ganyang sitwasyon? Ito ba ay isang usaping madalas na nangyayari? Isa itong normal na pangyayari. Iba-iba ang pag-iisip, kakayahan, kabatiran, edad, at karanasan ng lahat ng tao, at imposible para sa dalawang tao na magkaroon ng mga kaisipan at pananaw na parehong-pareho, at kaya napakakaraniwang pangyayari ang magkaroon ng magkaibang mga opinyon at pananaw ang dalawang tao. Hindi na ito magiging mas regular pang pangyayari. Hindi ito dapat pagkaabalahan. Ang mahalagang tanong ay, kapag lumilitaw ang gayong usapin, paano dapat makipagtulungan at maghanap ng pagkakaisa sa harap ng Diyos at pagkakaisa ng mga pananaw at opinyon. Ano ang landas upang magkaisa ang mga pananaw at opinyon? Ito ay ang hanapin ang nauugnay na aspekto ng mga katotohanang prinsipyo, hindi ang kumilos ayon sa mga layunin mo o ng ibang tao, kundi ang hanapin ang mga layunin ng Diyos. Ito ang landas sa maayos na pagtutulungan. Tanging sa paghahanap mo lamang sa mga layunin ng Diyos at sa mga prinsipyong hinihingi Niya na makakamit ninyo ang pagkakaisa. Kung hindi, kung umayon sa gusto mo ang mga bagay-bagay, hindi masisiyahan ang taong iyon, at kung umayon naman ang mga bagay-bagay sa gusto niya, hindi ka masisiyahan at hindi ka magiging komportable. Hindi mo magagawang makita nang malinaw ang mga bagay-bagay, hindi mo magagawang bitiwan ang mga bagay-bagay, at lagi mong iisipin na, “Ito ba ang tamang paraan para gawin ang mga bagay-bagay?” Hindi mo magagawang makita kung sino talaga ang may tamang paraan ng pag-iisip, at kasabay nito, hindi mo gugustuhing talikuran ang sarili mong mga ideya. Sa ganoong sitwasyon, dapat mong hanapin ang katotohanan, at dapat mong alamin kung ano ang mga prinsipyo at kung ano ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Kapag nahanap mo na ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos, magbahagi ka sa taong iyon. Kung pagkatapos ay magbabahagi siya nang kaunti tungkol sa kanyang mga pananaw at kaalaman, magiging maaliwalas at maliwanag ang iyong puso. Maiisip mo, “Medyo lihis ang paraan ko ng pag-iisip, medyo mababaw—mas mainam ang paraan niyang mag-isip, mas malapit sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, kaya isasantabi ko na ang paraan kong mag-isip, tatanggapin ang sa kanya, at susunod ako rito. Gawin natin ito sa paraan niya.” At, matapos may matutunan mula sa kanya, hindi ka ba napagpakitaan ng pabor? Nagbigay siya nang kaunti, at nagtamasa ka ng isang bagay na gawa na kaagad. Ang tawag doon ay biyaya ng Diyos, at napakitaan ka ng pabor. Sa palagay mo ba, kapag binibigyan ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay saka ka lamang talaga pinakikitaan ng pabor? Kapag may opinyon o kaunting kaliwanagan ang isang tao at ibinahagi niya iyon sa iyo sa isang pagbabahaginan, o kapag isinagawa niya ang isang bagay ayon sa prinsipyo nito, at nakita mong hindi masama ang resulta, hindi ba’t pagtatamo iyon ng isang bagay? Ito ay pagpapakita sa iyo ng pabor. Ang pagtutulungan ng magkakapatid ay isang proseso ng pagbabalanse ng mga kahinaan ng isa sa pamamagitan ng lakas ng iba. Ginagamit mo ang iyong mga lakas upang punan ang mga pagkukulang ng iba, at ginagamit ng iba ang kanilang mga lakas upang punan ang iyong mga kakulangan. Ito ang ibig sabihin ng pagbalanse ng mga kahinaan ng isa sa pamamagitan ng lakas ng iba at ng maayos na pagtutulungan. Tanging sa pagtutulungan nang maayos maaaring pagpalain ang mga tao sa harap ng Diyos, at kapag mas nararanasan ang ganito ng isang tao, mas nagtatamo siya ng realidad, mas lumiliwanag ang kanyang landas habang tinatahak niya ito, at nagiging mas panatag siya. Kung hindi ka maayos na nakikipagtulungan; kung lagi kang nakikipagtalo sa iba at hindi ka kailanman kumbinsido sa sinasabi ng iba, at ayaw nilang makinig sa iyo; kung susubukan mong panatilihin ang karangalan ng iba, ngunit hindi nila ginagawa ang ganito sa iyo, at hindi ito komportable para sa iyo; kung gigipitin mo sila dahil sa kung anumang sinabi nila, at maalala nila ito, at, sa susunod na lumabas ang isang usapin, ganoon din ang gagawin nila sa iyo—anong problema ito? Hindi ba’t pamumuhay ito nang ayon sa iyong pagkamainitin ng ulo at pakikipagkumpitensya sa isa’t isa? Hindi ba’t pamumuhay ito nang ayon sa tiwaling disposisyon? Ang pagganap sa mga tungkulin mo sa ganitong paraan ay hinding-hindi matatamo ang pagsang-ayon o mga pagpapala ng Diyos. Itataboy ka lang ng Diyos dahil dito.
Dapat kang makipagtulungan nang maayos sa pagganap mo sa iyong mga tungkulin. Saka ka lamang makakukuha ng magagandang resulta at makatutugon sa mga hinihingi ng Diyos. Ano ba ang maayos na pakikipagtulungan? Anong mga pag-uugali ang hindi maituturing na maayos na pakikipagtulungan? Sabihin nang ginampanan mo ang iyong tungkulin, at ginampanan ko naman ang sa akin. Ginampanan ng bawat isa sa atin ang ating mga tungkulin, pero walang naipahiwatig na pagkakaunawaan sa pagitan natin, walang komunikasyon o pagbabahaginan. Wala tayong naabot na anumang klase ng pagkakaunawaan sa isa’t isa. Alam lamang natin sa ating kaibuturan na, “Ginagampanan ko ang tungkulin ko at ginagampanan mo ang sa iyo. Huwag nating panghimasukan ang isa’t isa.” Maayos na pagtutulungan ba ito? Sa panlabas, maaaring mukhang walang alitan o pagkakaiba ng pananaw sa pagitan ng dalawang taong gaya nito at mukhang hindi nila pinanghihimasukan ang isa’t isa o nililimitahan ang isa’t isa. Gayunman, sa aspektong espirituwal, walang maayos na pagtutulungan sa pagitan nila. Wala silang ipinahiwatig na pagkakaintindihan o malasakit para sa isa’t isa. Ang nangyayari lamang ay na ginagawa ng bawat isa sa kanila ang sarili nitong trabaho, at nagsusumikap sa sarili nito, nang walang anumang pagtutulungan. Mabuting paraan ba ito ng paggawa ng mga bagay-bagay? Maaaring tila walang nagbabantay, pumipigil, nag-uutos, o basta-basta na lang sumusunod sa iba, at maaari pa ngang tila makatwiran ito, pero may isang uri ng tiwaling disposisyon sa loob nila. Nakikipagkumpitensiya ang bawat isa sa kanila para maging bayani, para maging mas mataas o para mas mahusay na gumanap kaysa sa iba, kaya hindi nila minamahal, pinagmamalasakitan, o tinutulungan ang iba pang tao. May maayos bang pagtutulungan dito? (Wala.) Kung wala ang pagtutulungan, mag-isa kang nakikipaglaban sa digmaan, at marami kang magagawang hindi perpekto o pulido. Hindi ito ang uri ng kalagayan na gusto ng Diyos na makita sa mga tao. Hindi ito nakalulugod sa Kanya.
Ang ilang tao ay mahilig magtrabahong mag-isa, nang hindi tinatalakay ang mga bagay-bagay kaninuman o sinasabi kaninuman. Ginagawa lamang nila ang mga bagay-bagay ayon sa kagustuhan nila, anuman ang maging pananaw ng iba sa mga iyon. Iniisip nila, “Ako ang lider, at kayo ang mga hinirang ng Diyos, kaya kailangan ninyong sundan ang ginagawa ko. Gawin ninyo ang mismong sinasabi ko—ganyan dapat.” Hindi nila ipinapaalam sa iba kapag kumikilos sila at hindi hayagan ang kanilang mga kilos. Lagi silang palihim na nagsisikap at kumikilos nang patago. Katulad lamang ng malaking pulang dragon, na pinananatili ng iisang partido ang monopolyo sa kapangyarihan, nais nila palaging linlangin at kontrolin ang iba, na sa tingin nila ay walang kabuluhan at walang halaga. Gusto nila ay palaging sila ang may huling salita sa mga usapin, nang hindi iyon tinatalakay o binabanggit sa iba, at hindi nila hinihingi kailanman ang opinyon ng ibang mga tao. Ano ang palagay mo sa pamamaraang ito? Mayroon ba itong normal na pagkatao? (Wala.) Hindi ba’t ito ang kalikasan ng malaking pulang dragon? Ang malaking pulang dragon ay diktador at mahilig kumilos nang wala sa katwiran. Hindi ba’t supling ng malaking pulang dragon ang mga taong may ganitong uri ng tiwaling disposisyon? Ganito dapat makilala ng mga tao ang kanilang sarili. May kakayahan ba kayong kumilos nang ganito? (Oo.) Kapag kumikilos kayo nang ganito, namamalayan ba ninyo ito? Kung oo, may pag-asa pa kayo, pero kung hindi naman, siguradong nasa alanganin kayo, at sa lagay na ito, hindi ba’t mapapahamak kayo? Ano ang dapat gawin kapag hindi mo namamalayang kumikilos ka nang ganito? (Kailangan natin ang ating mga kapatid na tukuyin ito at pungusan tayo.) Kung sinasabi mo muna sa iba na, “Isa akong taong likas na gustong manguna sa iba, at sinasabi ko na ito sa inyo ngayon pa lang, para kung at kapag nangyari ito, huwag ninyo itong gawing isyu. Kailangan ninyo akong pagpasensyahan. Alam kong hindi ito maganda, at pinagsisikapan ko namang baguhin ito paunti-unti, kaya umaasa akong magiging mapagpaumanhin kayo sa akin. Kapag nangyayari ang mga bagay na ito, pagpasensyahan ninyo ako, makipagtulungan kayo sa akin, at sama-sama tayong magsumikap na magtulungan nang maayos.” Katanggap-tanggap bang gawin ang mga bagay sa ganitong paraan? (Hindi. Wala itong katwiran.) Bakit mo naman nasasabing wala itong katwiran? Hindi intensyon ng isang taong nagsasabi nang ganito na hanapin ang katotohanan. Alam naman niya na maling gawin ang mga bagay sa ganitong paraan, pero ipinagpipilitan pa rin niyang gawin ito, habang pinipigilan ang iba, at hinihingi ang kanilang pakikipagtulungan at suporta. Walang paghahangad sa kanyang intensyon na isagawa ang katotohanan. Sinasadya niyang salungatin ang katotohanan. Isang sinasadyang paglabag—iyan ang pinakakinamumuhian ng Diyos sa lahat. Tanging masasamang tao at mga anticristo ang may kakayahang gumawa ng ganoong bagay, at ang gawin iyon ay mismong kung paano kumikilos ang mga anticristo. Nasa panganib ang isang tao kapag sinasadya niyang salungatin ang katotohanan at labanan ang Diyos. Pagtahak ito sa landas ng mga anticristo. Hindi mismo isinasagawa ng mga indibiduwal na ito ang katotohanan, pero pinipigilan nila ang iba at nirerendahan ang mga ito, sinusubukang pasunurin ang iba sa kanila sa pagsalungat sa katotohanan at sa paglaban sa Diyos. Hindi ba’t sadyang kinakalaban nila ang Diyos? Lalo na kapag kumikilos sila nang ganito, maaga pa lang ay sinasabihan na nila ang grupo at pinapakiusapan ang mga tao na pagbigyan sila, at pagkatapos ay hinihimok nila ang lahat na suportahan sila. Sa paggawa nila nito ay lalo silang tuso. Ang sabihin ito ay pagpapakita lamang ng puwersa, ng isang ultimatum. Ang ibig nilang sabihin ay, “Makinig ka, hindi ako isang taong dapat banggain. Balewala lang sa akin ang mga ordinaryong tao. Ang gusto ko ay ang mamuno. Huwag nang subukan pa ninuman na makipagdiskusyunan sa akin—walang lugar para sa diskusyon! Isa itong isyu sa akin: Kung ipagagawa mo sa akin ang isang bagay, kailangang ako ang may huling salita, at huwag nang subukan pa ninuman na makipagtulungan sa akin—hindi mo ito kakayanin, kahit gustuhin mo pa!” Paglalantad ba ito ng sarili? Hindi. Isang paraan ito ng paggawa sa mga bagay-bagay sa ngalan ni Satanas, hindi isang simpleng problema ng paghahayag ng tiwaling disposisyon. Nais nilang ganap na maghari, masunod kung ano ang sabihin nila, nang sa gayon ay gawin ng lahat kung ano ang sinasabi nila, at pagkatapos ay sundan at sundin sila ng mga ito. Hindi ba’t pagpapamalas iyon ng isang diyablo? Hindi lang ito isang beses na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Ang mga kilos ng isang anticristo ay idinidikta ng kanyang satanikong kalikasan. Nananalig siya sa Diyos at pumupunta sa iglesia nang may intensyong humawak ng kapangyarihan. Layon niyang kalabanin ang Diyos, akayin ang mga taong hinirang ng Diyos tungo sa daan ng paglaban sa Diyos. Katulad siya ng mga pinuno ng lahat ng denominasyong panrelihiyon sa labas. Lahat sila ay may diwa ng isang anticristo, at gaya ni Satanas, nais nilang lahat na ilagay ang kanilang sarili na kapantay ng Diyos. Kung makikita ng isa sa mga hinirang ng Diyos ang isang naipamalas na anticristo, paano niya ito dapat harapin? Dapat ba niyang tulungan ito nang may pagmamahal? Dapat niya itong ilantad at kilatisin, at hayaang makita ng iba ang satanikong pagmumukha nito, at pagkaraan nito ay dapat niya itong talikuran. Isa itong prinsipyo na dapat maunawaan at maintindihan ng mga hinirang ng Diyos. Kung ituturing ng isang tao ang pagpapamalas ng isang anticristo bilang isang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon, isang panandaliang paglabag, at patuloy pa rin siyang malilihis ng diumano’y “pagkakilala sa sarili” at inaakalang mga kilos ng pagtatapat at paglalantad ng sarili ng isang anticristo, at magbabahagi pa rin siya rito tungkol sa katotohanan, lubusan siyang magiging hangal at malinaw na wala man lang siyang pagkilala. Sabihin mo sa Akin, habang ibinubunyag ng gayong tao na isang anticristo ang kanyang tiwaling disposisyon, magagawa ba niyang magtapat at maglantad ng kanyang sarili sa iba? Hindi siya kailanman nagninilay-nilay o kinikilala ang sarili kapag nakagagawa siya ng mali, at panlilihis sa mga tao ang paglalantad niya ng kanyang sarili, isa lamang pangangatwiran sa sarili. Kailangang makilatis ng isang tao kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng tunay na magtapat at maglantad ng sarili. Kung sabihin niyang, “Mainitin ang ulo ko, kaya huwag mo akong galitin!” paglalantad ba ito ng kanyang sarili? (Hindi.) Binabalaan ka niyang huwag siyang galitin, na paghahanap ng gulo ang galitin siya. Paano kung sabihin niyang, “Sa bahay ko, kung ano ang sabihin ko, iyon ang nasusunod. Kahit mga magulang ko ay kailangang sumunod sa kung ano ang sabihin ko. Ganito kamainitin ang ulo ko, kaya’t kailangan ninyo na lang akong pagpaumanhinan dito—wala na akong magagawa pa tungkol dito. Sinasabi ng mga magulang ko na kapag malaki ang talento, mainitin din ang ulo, at iyon ang dahilan kung bakit pinagpapaumanhinan nila ako ukol dito”? Paglalantad ba ito ng sarili? (Hindi.) Sinasabi niya sa iyo na ang mga may malaking talento ay mainitin ang ulo, kaya dapat mo siyang pagpasensyahan. Kung sinasabi niyang, “Mainitin na ang ulo ko buhat pa noong bata ako. Kung ano ang sabihin ko, iyon ang nasusunod. Hinahangad ko ang pagiging perpekto at kung ano ang gusto ko. Mas mabuti na ang lagay ko ngayong nananalig na ako sa Diyos, at sa karamihan ng bagay-bagay, kaya kong magpasensya at kontrolin ang aking sarili, pero hinahangad ko pa rin ang pagiging perpekto. Kung hindi perpekto ang isang bagay, hindi talaga ito pupuwede at hindi ko ito matatanggap.” Paglalantad ba ito ng sarili? (Hindi.) Ano ito kung gayon? Pagpuri ito sa sarili at pagpapakitang-gilas para tingalain ng iba, pagsasabi sa iba kung gaano siya katigasin, gaya ng marahas na pagyayabang at pagpapasiklab ng mga sanggano at butangero kapag nagkikita-kita sila, na para bang sinasabi na, “Sa tingin mo ba ay kaya mo ako? Kung oo, tingnan na lang natin kung ano ang masasabi ng ating mga kamao!” Hindi ba’t ganitong-ganito ang mukha ni Satanas? Ganitong-ganito mismo ang mukha ni Satanas. Hindi magkakapareho ang lahat ng paraan ng paglalantad ng sarili. Kapag naglalantad ng sarili ang mga anticristo, layunin nilang pagbantaan, sindakin, at takutin ang iba. Gusto nilang laging supilin ang iba. Ito ang mukha ni Satanas. Hindi ito isang normal at simpleng paraan ng pagtatapat. Para maisabuhay ang normal na pagkatao, paano dapat magtapat at maglantad ng sarili ang isang tao? Sa pamamagitan ng pagtatapat tungkol sa mga pagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon, pagpapahintulot sa iba na makita nang mabuti ang realidad ng kanyang puso, at pagkatapos nito, batay sa mga salita ng Diyos, paghihimay at pag-alam sa diwa ng problema, at pagkamuhi at pagkasuklam sa kanyang sarili mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Kapag inilalantad niya ang kanyang sarili, hindi niya dapat tangkaing pangatwiranan ang kanyang sarili o subukang ipaliwanag ang kanyang sarili, kundi sa halip, dapat niyang isagawa na lamang ang katotohanan at maging isang tapat na tao. Ang ilang tao ay malinaw na may masasamang disposisyon, pero lagi nilang sinasabi na mainitin ang ulo nila. Hindi ba isang uri lamang ito ng pangangatwiran? Ang isang masamang disposisyon ay ganoon lang: isang masamang disposisyon. Kapag may nagawa ang isang tao na hindi makatwiran o na nakapipinsala sa lahat, ang problema ay nasa kanyang disposisyon at pagkatao, ngunit lagi niyang sinasabi na pansamantala niyang hindi napigilan ang init ng ulo niya o medyo nagalit siya. Hindi niya kailanman inuunawa ang diwa ng problema. Tunay ba itong paghihimay at paglalantad ng sarili? Una, para maunawaan ng isang tao ang mga problema at mahimay at mailantad niya ang sarili niya sa isang kinakailangang antas, dapat siyang magkaroon ng isang tapat na puso at taimtim na saloobin, at kailangan niyang sabihin kung ano ang nauunawaan niya sa mga suliranin sa disposisyon niya. Ikalawa, kung sakaling nararamdaman ng isang tao na malubha ang disposisyon niya, dapat niyang sabihin sa lahat, “Kung muli akong maghayag ng ganitong tiwaling disposisyon, huwag kayong mag-alangan na abisuhan ako at na pungusan ako. Kung hindi ko ito matanggap, huwag ninyo akong sukuan. Napakalala ng bahaging ito ng aking tiwaling disposisyon, at kailangan ko ang katotohanan na maibahagi nang maraming beses para mailantad ako. Malugod kong tinatanggap na mapungusan ng lahat, at umaasa ako na babantayan ako, tutulungan ako, at pipigilan ako upang hindi maligaw ng landas.” Ano ang ganyang saloobin? Ito ang saloobing tumatanggap sa katotohanan. Medyo hindi komportable ang pakiramdam ng ilang tao kapag nasabi nila ang mga bagay na ito. Naiisip nila, “Kung titindig nga ang lahat at ilalantad ako, ano na ang gagawin ko? Makakayanan ko ba ito?” Matatakot ba kayo na ilantad kayo ng iba? (Hindi.) Dapat kayong maging matapang sa pagharap dito. Isang kahihiyan na matakot na mailantad. Kung talagang mahal mo ang katotohanan, matatakot ka bang mapahiya sa ganitong paraan? Matatakot ka bang pungusan ng lahat? Ang takot na ito ay dulot ng kahinaan, pagiging negatibo, at katiwalian. Naghahayag ng katiwalian ang lahat ng tao, pero iba-iba ang diwa ng kung paano nila ito inihahayag. Basta’t hindi sinasadya ng isang tao na lumabag o magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, normal ang uri ng kanyang paghahayag ng katiwalian, at magagawa ng lahat na harapin ito nang tama. Kung intensyon ng isang tao na magdulot ng pagkagambala o kaguluhan, o na sadyang pinsalain ang gawain ng iglesia, siya ang taong pinakatakot na mailantad ng iba, dahil ang diwa ng problemang ito ay masyadong seryoso, at sa sandaling mailantad siya, mabubunyag at matitiwalag siya. Matindi niyang iniisip ang takot niyang ito. Paano man gumawa ang Diyos sa kasalukuyan, ang lahat ng ito ay para sa layuning dalisayin ang mga tao mula sa kanilang katiwalian at iligtas sila. Kung tamang uri ka ng tao, at pinagsusumikapan mong gampanang mabuti ang iyong tungkulin at kumpletuhin ang atas ng Diyos, malinaw itong makikita ng karamihan ng mga tao. Makikilatis ka nila na ganito. Gayundin, ang paglalantad at pagpupungos sa mga tao ay hindi pagdudulot ng problema sa kanila. Sa halip, ginagawa ito para tulungan silang malutas ang kanilang mga problema nang sa gayon ay magampanan nilang mabuti ang kanilang mga tungkulin at maprotektahan ang gawain ng iglesia. Isa itong lehitimong bagay. Tinatanggap ng isang tao na mapungusan nang sa gayon ay madalisay ang kanyang tiwaling disposisyon. Isa rin itong saloobing dapat mayroon ang isang tao para magkamit ng pagbabago sa disposisyon. Kapag may ganitong saloobin na ang isang tao, kailangan din niyang humanap ng isang naaangkop na landas sa pagsasagawa, at kapag panahon nang gawin ito, kinakailangang magdusa. Kapag may digmaan, kailangan niyang maghimagsik laban sa laman at maiwaksi ang pagkakagapos sa kanyang banidad, kapalaluan, at mga damdamin. Sa sandaling makawala na siya sa mga paghihirap ng laman, lalong magiging mas madali ang mga bagay-bagay. Matatawag ito ng isang tao na kalayaan at paglaya. Ito ang proseso ng pagsasagawa ng katotohanan. Laging may kaunting pagdurusa. Imposibleng hindi man lang magdusa, dahil tiwali ang laman, at may banidad at kapalaluan ang mga tao, at lagi nilang isinasaalang-alang ang sarili nilang mga interes. Ang mga ito ang pinakamatinding hadlang ng mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan. Samakatuwid, imposibleng isagawa ang katotohanan nang hindi nagdurusa nang kaunti. Kapag natitikman ng mga tao ang tamis ng pagsasagawa ng katotohanan, at nararanasan ang tunay na kapayapaan at kaligayahan, nagiging handa silang magsagawa ng katotohanan, at nagiging mas madali para sa kanila na tanggihan ang kanilang sarili, maghimagsik laban sa laman, at pagtagumpayan si Satanas. Sa ganitong paraan, ganap silang nakalaya at malaya.
Anong uri ng kapaligiran ang dapat mabuo sa buhay-iglesia? Isang kapaligiran kung saan, kapag may nangyayari, ang bagay na iyon ang hinaharap, at hindi ang tao. Kung minsan, mauuwi sa mga alitan ang mga hindi pagkakasundo at magkakainitan ng mga ulo, pero walang pagkakalayo ng loob. Ang lahat ay alang-alang sa pagbabago ng disposisyon ng mga tao at sa maayos na pagganap ng kanilang tungkulin. Ang lahat ng ito ay para maisagawa ang katotohanan upang mapalugod ang mga layunin ng Diyos. Walang pagkamuhi sa pagitan ng mga tao. Ito ay dahil ang lahat ng tao ay nasa proseso ng pagsubok na makamtan ang kaligtasan. May magkakaparehong tiwaling disposisyon ang lahat, at kung minsan, baka masyadong mabagsik ang dating ng isang salita o sumusobra na ito, o may kagaspangan ang ugali ng isang tao. Hindi dapat magtanim ng sama ng loob ang mga tao tungkol sa mga bagay na ito. Kung hindi mo pa rin maunawaan o makitang mabuti ang isyu, may isang huling paraan: Manalangin sa harapan ng Diyos at bulay-bulayin sa iyong sarili, “Iisang Diyos ang pinaniniwalaan at sinusunod natin, kaya anumang pagtatalo o pagkakaiba ng mga opinyon ang mayroon tayo, anuman ang lumilikha ng pagkakawatak-watak natin, nagkakaisa tayo sa harapan ng Diyos. Iisang Diyos ang dinadalanginan natin, kaya anong bagay ang hindi natin kayang lampasan?” Kung pag-iisipan mo itong mabuti sa ganitong paraan, hindi mo ba mapagtatagumpayan ang mga hadlang na ito? Ano ang pinakalayunin nito, kapag nasabi na at nagawa na ang lahat? Ito ay ang makipagtulungan nang maayos, hangaring mapalugod ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, at makamit ang pagkakaisa—pagkakaisa ng prinsipyo, pagkakaisa ng layunin, at pagkakaisa ng intensyon at pagmumulan ng kilos. Madali itong sabihin pero mahirap gawin. Bakit ganito? (May mga tiwaling disposisyon ang mga tao.) Tama iyan. Hindi ito dahil sa mga pagkakaiba ng pagkamainitin ng ulo, personalidad, o edad ng tao, o dahil magkakaiba ang pinagmulang pamilya ng mga tao, kundi dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Iyon ang ugat na dahilan. Kung lahat kayo ay malinaw na nakikita na ang ugat na dahilan ay ang tiwaling disposisyon ng mga tao, magagawa ninyong harapin nang tama ang mga bagay-bagay, at magiging madaling lutasin ang problema. Kaya, kailangan pa ba nating talakayin dito nang detalyado kung paano lulutasin ang mga tiwaling disposisyon? Hindi na. Marami na kayong napakinggang sermon kaya’t may alam na kayong lahat tungkol sa landas na dapat tahakin, at may kaunting karanasan na kayong lahat sa bagay na ito. Hangga’t makapagpupunyagi ang mga tao na hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay para lutasin ang mga bagay-bagay, mapagninilayan ang mga problemang nasasaloob nila, at matatrato nang patas ang iba, magagawa na nilang makipagtulungan nang maayos sa iba. Hangga’t may kakayahan ang mga tao na tanggapin ang katotohanan, hindi sila mapagmataas o mapagmagaling, at kaya nilang harapin nang tama ang mga mungkahi ng iba, magagawa nilang makipagtulungan, at kung may mangyari mang mga problema, mas madaling makipagtulungan sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan para lutasin ang mga ito. Hangga’t kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, at magtapat sa pagbabahaginan, madaling maaantig ang kanyang kapareha at madali nitong matatanggap ang katotohanan. Kung magkagayon, hindi malaking isyu ang makamit ang maayos na pagtutulungan, at madaling abutin ang mithiing magkaisa sa puso at isip.
Setyembre 5, 2017