Kabanata 116
Sa Aking mga salita, marami ang nagpapadama ng takot sa mga tao. Marami sa Aking mga salita ang nagpapanginig sa sindak sa mga tao, at marami sa Aking mga salita ang nagdudulot ng pagdurusa at pagkawala ng pag-asa sa mga tao, at lalong maraming nagsasanhing mamatay ang mga tao. Walang makaaarok o malinaw na makauunawa sa kasaganahan ng Aking mga salita. Sa pagsasabi Ko sa inyo ng Aking mga salita, at pagbubunyag ng mga ito sa inyo nang paisa-isang pangungusap lamang ninyo malalaman ang pangkalahatang kalagayan, habang hindi pa rin nalilinawan tungkol sa tunay na mukha ng mga partikular na katunayan. Kaya nga, gagamit Ako ng mga katunayan para ibunyag ang lahat ng Aking mga salita, nang sa gayon ay mas makaunawa kayo. Kung isasaalang-alang ang pamamaraan ng Aking pananalita, hindi lamang Ako nagsasalita sa pamamagitan ng Aking mga salita, kundi higit pa nga rito ay kumikilos Ako gamit ang Aking mga salita; ito ang totoong kahulugan ng “mga salita at mga katunayang nagaganap nang sabay-sabay.” Sapagkat sa Akin ay malaya ang lahat, at pinakakawalan ang lahat, at sa saligang ito, ang lahat ng ginagawa Ko ay puspos ng karunungan. Hindi Ako nagsasalita nang walang-ingat, ni hindi rin Ako kumikilos nang walang-ingat. (Kahit na sa pagkatao o pagka-Diyos man, nagsasalita at kumikilos Ako nang may karunungan, dahil ang Aking pagkatao ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng Aking Sarili.) Ngunit kapag nagsasalita Ako, walang nagbibigay-pansin sa tono ng Aking pananalita; kapag kumikilos Ako, walang nagbibigay-pansin sa paraan ng Aking paggawa. Ito ang pagkukulang ng tao. Ibubunyag Ko ang Aking kapangyarihan sa lahat ng tao, hindi lamang sa Aking mga panganay na anak, kundi lalong higit pa ngang ibubunyag Ko ang Aking kapangyarihan sa loob ng di-mabilang na mga bansa at sa gitna ng di-mabilang na mga tao; tanging ang paggawa nito ang makapangyarihang patotoo na nakapagpapahiya kay Satanas. Hindi Ako kumikilos nang may kahangalan; iniisip ng karamihan sa mga tao na isang pagkakamali ang Aking pagpapatotoo sa mga panganay na anak; sinasabi nila na mayroong ibang mga Diyos bukod sa Akin, na kumikilos Ako nang walang katuturan, na ibinababa Ko ang Aking Sarili; at dito ay lalo pang nabubunyag ang katiwalian ng tao. Maaari kayang nagkamali Ako sa pagpapatotoo sa mga panganay na anak? Sinasabi ninyong mali Ako, kung gayon ay makakapagpatotoo ba kayo? Kung hindi dahil sa Aking pagtataas, sa Aking patotoo, itutulak pa rin ninyo ang Aking Anak sa ilalim ninyo, babalewalain pa rin ninyo Siya, at ituturing pa rin Siya bilang inyong utusan. Kayong kawan ng mga hayop! Isa-isa Ko kayong tatapusin! Walang palalampasin! Sabihin ninyo sa Akin, anong klaseng mga bagay iyon ang di-kaayon ng isang taong nagtataglay ng normal na pagkatao? Walang dudang mga hayop ang mga ito! Talagang hindi Ko sila maatim na tingnan. Kung hinintay Ko ang inyong patotoo, naantala na sana ang Aking gawain! Kayong kawan ng mga hayop! Talagang wala man lamang kayong pagkatao! Hindi Ko kailangan na magserbisyo ka para sa Akin! Lumayas ka rito ngayon din! Matagal mo nang inaapi at sinisiil ang Aking Anak; ikaw ay yuyurakan Ko hanggang sa madurog ka! Tingnan mo kung ano ang mangyayari kung mangangahas kang muli na maging mabangis; tingnan mo kung ano ang mangyayari kung mangangahas kang muling subukan na ipahiya Ako! Naisakatuparan Ko na ang Aking dakilang gawain; dapat na Akong bumalik para lipulin itong kawan ng mga hayop!
Lahat ay natupad na sa Aking mga kamay (kung tungkol sa mga minamahal Ko), at lahat ay nawasak din sa Aking mga kamay (kung tungkol sa mga hayop na iyon na kinamumuhian Ko, at mga tao, pangyayari, at bagay na kinasusuklaman Ko). Hinahayaan Kong makita ng Aking mga panganay na anak ang lahat ng gagawin Ko, hinahayaang lubusan nilang maunawaan, at mula roon ay makita nila ang lahat ng nagawa Ko mula nang lumabas Ako sa Sion. Pagkatapos, papasok kaming magkasama sa Bundok ng Sion, papasok sa lugar kung nasaan kami bago ang mga kapanahunan, at mamumuhay kami nang panibago. Mula noon, hindi na magkakaroon ng ugnayan sa mundo at sa kawan ng mga hayop na ito, kundi ganap na kalayaan; ang lahat ay hindi mapipigilan at walang hadlang. Sino ang nangangahas na lumaban sa sinuman sa Aking mga panganay na anak? Sinong nangangahas na magpatuloy sa pagsalungat sa Aking mga panganay na anak? Tiyak na hindi Ko sila pakakawalan nang ganoon kadali! Kung paano man ninyo Ako kinatakutan noon, gayon din ninyo dapat katakutan ang Aking mga panganay na anak ngayon. Huwag kayong makitungo sa isang paraan sa harap Ko at sa ibang paraan sa likod Ko; nakikita Ko kung paano ang bawat isa nang kasinlinaw ng kristal. Ang maging hindi tapat sa Aking Anak ay hindi pagiging mabuting anak sa Akin, na isang kitang-kitang katunayan, sapagkat Kami ay iisang katawan. Kung mabuti sa Akin ang isang tao ngunit mayroong ibang saloobin tungo sa Aking mga panganay na anak, kung gayon ay walang dudang siya ay tipikal na inapo ng malaking pulang dragon, dahil pinagwawatak-watak niya ang katawan ni Cristo; hindi kailanman mapapatawad ang kasalanang ito! Dapat makita ito ng bawat isa sa inyo: Tungkulin ninyo na magpatotoo sa Akin, at higit pa riyan, obligasyon ninyo na magpatotoo sa mga panganay na anak. Wala sa inyo ang iiwas sa inyong responsibilidad; sinumang nanggagambala ay tatapusin Ko kaagad! Huwag mong isiping natatangi ka. Sinasabi Ko sa iyo ngayon: Habang lalo kang nagiging ganito, lalo kang magiging target ng Aking mahigpit na kaparusahan! Habang lalo kang nagiging ganito, lalo kang walang pag-asa, at isa ka ring anak ng perdisyon. Ikaw ay kakastiguhin Ko magpakailanman!
Personal na ginagawa ng Aking Espiritu ang lahat ng Aking gawain, at hindi Ko pinapayagan ang anuman sa uri ni Satanas na makialam. Ito ay upang maiwasan ang pagkagambala ng Aking mga plano. Sa katapusan, hahayaan Ko kapwa ang matatanda at mga bata na bumangon at purihin Ako at ang Aking mga panganay na anak, purihin ang Aking mga kamangha-manghang gawa, at purihin ang pagpapakita ng Aking persona. Hahayaan Ko ang tunog ng mga papuri na umalingawngaw sa buong sansinukob at hanggang sa dulo ng mundo, niyayanig ang kabundukan, mga ilog, at lahat ng bagay, at lubusan Kong hihiyain si Satanas. Gagamitin Ko ang Aking patotoo upang wasakin ang buong marumi at ubod ng samang lumang mundo, at magtayo ng isang banal at walang-dungis na bagong mundo. (Sa pagsasabing ang araw, ang buwan, at mga bituin ay hindi magbabago sa hinaharap, hindi Ko ibig sabihin na umiiral pa rin ang lumang mundo, bagkus ay mawawasak ang buong mundo at mapapalitan ang lumang mundo. Hindi Ko ibig sabihin na papalitan ang sansinukob.) Sa gayon lamang ito magiging isang mundong nakaayon sa Aking mga layunin; sa loob nito, hindi magkakaroon ng uri ng panunupil na tulad ng sa ngayon, ni hindi magkakaroon ng kasalukuyang penomenon ng pananamantala ng mga tao sa isa’t isa. Sa halip, magkakaroon ng ganap na pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran sa loob ng laman. (Bagaman sinasabi Ko na magkakaroon ng pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran, ito ay magiging nasa loob ng laman; magiging ibang-iba ito sa Aking kaharian—kasingmagkaiba ng langit at lupa; talagang walang paraan para paghambingin ang dalawa—kung sabagay, ang mundo ng mga tao ay ang mundo ng mga tao, at ang espirituwal na mundo ay ang espirituwal na mundo.) Sa panahong iyan, pamamahalaan Ko at ng Aking mga panganay na anak ang gayong mundo (sa mundong ito, hindi magkakaroon ng panggugulo mula kay Satanas, dahil ganap Kong maliligpit si Satanas), ngunit mga buhay pa rin sa kaharian ang ating mga buhay, na hindi maipagkakaila ninuman. Sa paglipas ng mga kapanahunan at henerasyon, walang sinumang tao (gaano man katapat) na nakaranas ng ganitong uri ng buhay, dahil sa paglipas ng mga henerasyon, wala kahit isa man ang kumilos bilang Aking panganay na anak, at magseserbisyo pa rin sila para sa Akin kalaunan. Bagama’t tapat ang mga tagapagserbisyong ito, kung tutuusin, sila ay mga inapo pa rin ni Satanas na nilupig Ko, kaya pagkatapos ng kamatayan ng laman, isinisilang pa rin sila sa mundo ng mga tao para magserbisyo para sa Akin; ito ang totoong kahulugan ng “ang mga anak nga naman ay ang mga anak, at ang mga tagapagserbisyo nga naman ay ang mga inapo ni Satanas.” Sa paglipas ng mga henerasyon, hindi batid kung gaano karaming tao ang nariyan para magserbisyo sa mga panganay na anak ng kasalukuyan; sa lahat ng mga tagapagserbisyo, walang makatatakas, at gagawin Kong magserbisyo sila sa Akin magpakailanman. Kung ang kanilang kalikasan ang pag-uusapan, silang lahat ay mga anak ni Satanas, at silang lahat ay lumalaban sa Akin, at bagama’t nagseserbisyo sila para sa Akin, napipilitan sila, at wala sa kanila ang may pagpipilian. Ito ay dahil ang lahat ay kontrolado ng Aking kamay, at dapat magserbisyo sa Akin ang mga tagapagserbisyong ginagamit Ko hanggang katapusan. Kaya, marami pa ring mga tao ngayon ang may parehong kalikasan ng mga propeta at mga apostol sa paglipas ng mga henerasyon, dahil iisang espiritu sila. Kaya, marami pa ring tapat na tagapagserbisyo na nagpaparoo’t parito para sa Akin, ngunit sa katapusan (sa loob ng anim na libong taon, patuloy silang nagseserbisyo para sa Akin, kaya kabilang ang mga taong ito sa mga tagapagserbisyo), walang makakapagkamit doon sa inaasam ng mga tao sa paglipas ng mga henerasyon, dahil hindi para sa kanila ang Aking mga inihanda.
Ang lahat ng Akin ay naisakatuparan na sa harap ng mga mata; pababalikin Ko ang Aking mga panganay na anak sa Aking sambahayan at sa Aking tabi upang muling magkasama-sama. Dahil nakabalik Akong wagi at matagumpay at lubusan Akong nagkamit ng kaluwalhatian, pumaparito Ako para ibalik kayo. Sa nakalipas, nakagawa ang ilang tao ng mga hula tungkol sa “limang matatalinong dalaga at limang mangmang na dalaga.” Bagaman hindi tumpak ang hulang ito, hindi naman ito maling-mali—kaya maaari Akong magbigay sa inyo ng ilang paliwanag. Ang “limang matatalinong dalaga at limang mangmang na dalaga”—hindi lahat sa kanila ay kumakatawan sa isang bilang ng mga tao, ni kumakatawan sa isang uri ng tao. Ang “limang matatalinong dalaga” ay tumutukoy sa bilang ng mga tao, at ang “limang mangmang na dalaga” ay kumakatawan sa isang uri ng mga tao, ngunit alinman sa dalawang ito ay hindi tumutukoy sa mga panganay na anak. Sa halip, kinakatawan nila ang mga nilikha. Kaya naman sila ay pinapahanda ng langis sa mga huling araw. (Hindi nagtataglay ng Aking kakayahan ang mga nilikha; kung gusto nilang maging matatalino, kailangan nilang maghanda ng langis, at kaya kailangang masangkapan sila ng Aking mga salita.) Kinakatawan ng “limang matatalinong dalaga” ang Aking mga anak at Aking mga tao sa gitna ng mga tao na Aking nilikha. Tinatawag silang “mga dalaga” dahil bagama’t isinilang sila sa mundo, nakamit Ko pa rin sila, at maaaring tawagin silang banal. Kaya ginagamit sa kanila ang terminong “mga dalaga.” Ang naunang nabanggit na “lima” ay kumakatawan sa bilang ng Aking mga anak at Aking mga tao na pauna Kong itinadhana. Ang “limang mangmang na dalaga” ay tumutukoy sa mga tagapagserbisyo, sapagkat nagseserbisyo sila para sa Akin nang hindi nagpapahalaga ni katiting sa buhay, at hinahangad lamang ang mga panlabas na bagay (dahil hindi sila nagtataglay ng Aking kakayahan, anuman ang gawin nila, ito ay isang panlabas na bagay), at hindi nila kayang maging Aking mga may-kakayahang katulong, kaya tinatawag silang “mga mangmang na dalaga.” Ang nabanggit sa itaas na “lima” ay kumakatawan kay Satanas, at ang katunayan na tinatawag silang “mga dalaga” ay nangangahulugan na nalupig Ko na sila at kaya nilang magserbisyo para sa Akin—ngunit hindi banal ang gayong mga tao, kaya tinatawag silang tagapagserbisyo.