Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos App

Pakinggan ang tinig ng Diyos at salubungin ang pagbabalik ng Panginoong Jesus!

Hinihikayat namin ang mga naghahanap ng katotohanan na kontakin kami.

Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Laki ng Font

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

0 (Mga) Resulta ng Paghahanap

Walang nakitang mga resulta.

Marami ang mga Tinatawag, Datapuwa’t Kakaunti ang mga Nahihirang

Bilis

Marami ang mga Tinatawag, Datapuwa’t Kakaunti ang mga Nahihirang

Marami Akong nahahanap sa lupa upang maging Aking mga tagasunod. Kabilang sa lahat nitong mga tagasunod, mayroon yaong mga nagsisilbing mga pari, yaong mga namumuno, yaong mga bumubuo sa mga lalaking-anak, yaong bumubuo sa mga tao, at yaong mga gumagawa ng serbisyo. Pinaghihiwa-hiwalay Ko sila tungo rito sa iba’t ibang kategorya batay sa katapatan na ipinakikita nila sa Akin. Kapag napagbukud-bukod na ang lahat ng mga tao ayon sa kanilang uri, iyon ay, kapag ang kalikasan ng bawa’t uri ng tao ay nabubunyag, Akin namang ibibilang ang bawa’t tao sa kanilang nararapat na uri at ilalagay ang bawa’t uri sa kanilang naaangkop na lugar nang sa gayon ay maaari Kong matupad ang Aking layunin ng pagliligtas para sa sangkatauhan. Kasunod nito, tinatawag Ko ang mga grupo niyaong mga nais Kong iligtas upang bumalik sa Aking tahanan, at pagkatapos ay hinahayaan Ko ang lahat ng mga taong ito na tanggapin ang Aking gawain sa mga huling araw. Kasabay nito, Aking pinagbubukud-bukod ang tao ayon sa uri, pagkatapos ay ginagantimpalaan o pinarurusahan ang bawa’t isa batay sa kanyang mga gawa. Ganyan ang mga hakbang na bumubuo sa Aking gawain.

Ngayon ay nakatira Ako sa lupa at namumuhay kasama ang mga tao. Ang lahat ng mga tao ay nakakaranas ng Aking gawain at binabantayan ang Aking mga pagbigkas, at kasabay nito Aking ipinagkakaloob ang lahat ng mga katotohanan sa bawa’t isa sa Aking mga tagasunod upang sila ay maaaring tumanggap ng buhay mula sa Akin at sa gayon ay magkaroon ng landas na kanilang nalalakaran. Sapagka’t Ako ang Diyos, Tagapagbigay ng buhay. Sa loob ng maraming taon ng Aking gawain, ang tao ay nakakatanggap ng marami at nagsusuko rin ng marami, datapwa’t sinasabi Ko pa rin na ang tao ay hindi totoong naniniwala sa Akin. Ito ay sapagka’t ang tao ay kumikilala lamang na Ako ay Diyos gamit ang kanilang mga labi habang sumasalungat sa katotohanan na Aking sinasabi at, lalong hindi isinasagawa ang katotohanan na Aking kinakailangan sa kanila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng tao ang pag-iral ng Diyos, nguni’t hindi yaong sa katotohanan; kinikilala lamang ng tao ang pag-iral ng Diyos, nguni’t hindi yaong sa buhay; kinikilala lamang ng tao ang pangalan ng Diyos, nguni’t hindi ang Kanyang diwa. Dahil sa kanyang sigasig, ang tao ay nagiging kasuklam-suklam sa Akin. Sapagka’t gumagamit lamang ang tao ng mga salitang masarap pakinggan upang linlangin Ako, at walang sumasamba sa Akin nang may tapat na puso. Ang inyong pananalita ay nagtataglay ng tukso ng ahas; higit pa, ito ay sukdulang mapagmataas, isang mistulang proklamasyon ng arkanghel. Bukod diyan, ang inyong mga gawa ay gula-gulanit at punit sa isang kahiya-hiyang antas; ang inyong walang-habas na mga nasà at mapag-imbot na intensyon ay masakit sa pandinig. Kayong lahat ay naging mga gamu-gamo sa Aking bahay, mga bagay na dapat itapon nang may pagkamuhi. Dahil walang sinuman sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan, bagkus ay mga tao na naghahangad ng biyaya, ng pag-akyat sa langit, at makita ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na gumagamit ng Kanyang kapangyarihan sa lupa. Nguni’t naiisip ba ninyo kahit kailan kung paano ang isang tulad ninyo na napakalalim ang kasamaan, at hindi nakakaalam man lamang kung ano ang Diyos, ay magiging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Papaano kayo makakaakyat sa langit? Paano kayo magiging karapat-dapat na makita ang karingalan, na walang katulad sa kaningningan? Ang inyong mga bibig ay puno ng mga salita ng panlilinlang at karumihan, ng pagkakanulo at kapalaluan. Kailanman ay hindi kayo nagsalita ng mga salita ng katapatan sa Akin, walang mga banal na salita, walang mga salita ng pagpapasakop sa Akin kapag naranasan ang Aking salita. Ano, sa katapusan, ang inyong pananampalataya? Ang inyong mga puso ay puno ng mga pagnanasà at kayamanan; ang inyong mga isipan ay puno ng mga bagay na materyal. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha sa Akin, kung gaano karaming kayamanan at kung gaano karaming mga materyal na bagay ang inyong natamo mula sa Akin. Araw-araw, naghihintay kayo ng lalo pang mas maraming biyayang bababâ sa inyo nang sa gayon ay masiyahan kayo sa mas higit at kaaya-aya pang mga bagay. Iyong nasa inyong mga isipan sa bawa’t sandali ay hindi Ako ni ang katotohanan na nagmumula sa Akin, bagkus ay ang inyong asawang lalaki (asawang babae), mga anak na lalaki, mga anak na babae, o kung ano ang kinakain ninyo at isinusuot, at kung paano kayo masisiyahan nang mas higit at mas kaaya-aya. Kahit kapag pinupuno ninyo ang inyong sikmura hanggang sa umapaw ito, hindi ba’t nakahihigit lamang kayo ng kaunti sa isang bangkay? Kahit pa palamutian ninyo nang marangya ang inyong anyo, hindi ba’t kayo pa rin ay isang naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura hanggang sa tubuan na kayo ng puting buhok, subali’t wala man lamang handang magsakripisyo ng kahit isang hibla man lamang ng kanyang buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong nagmamadali, pinapagod ang katawan, at pinahihirapan ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong laman, at ng inyong mga anak na lalake at babae, gayon ma’y wala ni isa man sa inyo ang nagpapakita ng anumang malasakit para sa Aking kalooban. Ano pa ang nais ninyong matamo mula sa Akin?

Hindi Ako kailanman nagmamadali sa paggawa ng Aking gawain. Sa paano mang paraan Ako sinusunod ng tao, ginagawa Ko ang Aking gawain alinsunod sa bawa’t hakbang, alinsunod sa Aking plano. Samakatuwid, bagaman ikaw ay maaaring maghimagsik nang napakatindi laban sa Akin, hindi Ko pa rin inihihinto ang Aking gawain at patuloy pa ring binibigkas ang mga salitang nais Kong sabihin. Aking tinatawag sa Aking bahay ang lahat ng Aking itinadhana upang maging tagapakinig ng Aking salita, at pagkatapos ay inilalagay ang lahat ng mga sumusunod at nananabik sa Aking salita sa harapan ng Aking trono. Yaong mga tumatalikod sa Aking salita, yaong mga hindi nakasunod at nagpasakop sa Akin, at yaong mga hayagang sumasalungat sa Akin, ay itatakwil lahat sa isang tabi upang hintayin ang kanilang huling kaparusahan. Ang lahat ng mga tao ay namumuhay sa kasamaan at sa ilalim ng kamay ng masama, kaya hindi marami sa mga taong sumusunod sa Akin ang talagang nagnanais ng katotohanan. Ibig sabihin, hindi sumasamba ang karamihan sa Akin nang may tapat na puso o nang may katotohanan, bagkus ay sinusubukang kunin ang Aking tiwala sa pamamagitan ng kasamaan, paghihimagsik, at mga hakbanging mapanlinlang. Sa kadahilanang ito kaya Ko sinasabi na, “Marami ang mga tinatawag, datapuwa’t kakaunti ang mga nahihirang.” Ang lahat ng mga tinawag ay naging labis ang kasamaan at namumuhay silang lahat sa parehong kapanahunan, nguni’t yaong mga nahirang ay iyon lamang pangkat na naniniwala at kinikilala ang katotohanan, at siyang nagsasagawa ng katotohanan. Ang mga taong ito ay isa lamang napakaliit na bahagi ng kabuuan, at mula sa mga taong ito Ako ay tatanggap ng higit pang kaluwalhatian. Sinukat batay sa mga salitang ito, alam ba ninyo kung kayo ay kabilang sa mga nahirang? Ano ba ang inyong magiging katapusan?

Nabanggit Ko na noon na maraming sumusunod sa Akin nguni’t ang mga nagmamahal sa Akin nang taos-puso ay kakaunti. Marahil sasabihin ng ilan na, “Magsasakripisyo ba ako nang sobra kung hindi Kita minahal? Susunod ba ako sa Iyo hanggang dito kung hindi Kita minahal?” Tiyak, marami kang mga dahilan, at ang iyong pagmamahal, tiyak, ay napakadakila, nguni’t ano ang pinaka-diwa ng iyong pagmamahal para sa Akin? Ang “pag-ibig”, gaya ng tawag dito, ay tumutukoy sa isang dalisay na damdamin na walang kapintasan, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pag-ibig walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang agwat. Sa pag-ibig walang paghihinala, walang pandaraya, at walang katusuhan. Sa pag-ibig walang agwat at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magkakanulo, magrerebelde, mangunguha, o hihiling na tumanggap ng anumang bagay o magtamo ng anumang halaga. Kung nagmamahal ka, malugod kang magsasakripisyo at magtitiis ng kahirapan, at magiging kaayon sa Akin kung gayon. Isusuko mo ang lahat ng iyo para sa Akin: ang iyong pamilya, ang iyong hinaharap, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pag-ibig ay hindi tunay na pag-ibig kahit kailan, bagkus ay panlilinlang at pagkakanulo! Anong uri ng pag-ibig ang sa iyo? Ito ba ay tunay na pag-ibig? O huwad? Gaano ba ang iyong naisuko? Gaano ba ang iyong naisakripisyo? Gaano ba ang pag-ibig na natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagkakanulo, at panlilinlang, at yamang ganoon, gaano karaming dumi ang nasa inyong pag-ibig? Iniisip ninyo na sapat na ang naisuko ninyo para sa Akin; iniisip ninyo na ang inyong pagmamahal para sa Akin ay sapat na. Nguni’t bakit ang inyong mga salita at kilos ay lagi pa ring nagtataglay ng paghihimagsik at panlilinlang? Sumusunod kayo sa Akin, datapuwa’t hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Itinuturing ba ito na pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, nguni’t isinasantabi naman Ako. Itinuturing ba ito na pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, nguni’t hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Itinuturing ba ito na pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, nguni’t hindi ninyo matanggap ang Aking pag-iral. Itinuturing ba ito na pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, nguni’t hindi ninyo Ako itinuturing na kung ano ang naaangkop sa talagang Ako, at pinahihirapan Ako sa bawa’t pagbaling. Itinuturing ba ito na pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit sinusubukan ninyo Akong lokohin at nililinlang Ako sa bawa’t pagkakataon. Maituturing ba ito na pag-ibig? Naglilingkod kayo sa Akin, nguni’t hindi kayo takót sa Akin. Maituturing ba ito na pag-ibig? Tinututulan ninyo Ako sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay. Maituturing ba ang lahat ng ito na pag-ibig? Kayo ay nagsakripisyo nang malaki, ito ay totoo, gayon pa man hindi ninyo kailanman isinasagawa kung ano ang kinakailangan Ko sa inyo. Naituturing ba ito na pag-ibig? Ipinapakita ng maingat na pagdidili-dili na wala kahit katiting na pahiwatig ng pag-ibig para sa Akin sa loob ninyo. Pagkatapos ng napakaraming taon ng gawain at sa dami ng mga salitang naitutustos Ko, gaano ba karami ang aktwal ninyong natatamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw? Kayo ay Aking pinaaalalahanan: Yaong Aking mga tinatawag ay hindi silang mga kailanma'y hindi nagiging masama, sa halip, yaong mga hinihirang Ko ay silang mga tunay na nagmamahal sa Akin. Samakatuwid, dapat kayong maging mapagbantay sa inyong mga salita at gawa, at suriin ang inyong mga intensyon at saloobin nang sa gayon ay hindi ang mga iyon lumampas sa hangganan. Sa panahong ito ng mga huling araw, gawin ang inyong buong makakaya na ialay ang inyong pag-ibig sa Aking harapan, kung hindi ang Aking poot ay hindi na hihiwalay kailanman sa inyo!

Sinundan:Yaong Mga Hindi Katugma ni Cristo ay Tiyak na Mga Kalaban ng Diyos

Sumunod:Dapat Mong Hanapin ang Paraan ng Pagiging Kaayon kay Cristo

Baka Gusto Mo Rin