Yaong mga Hindi Kaayon kay Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos

Inaasam ng lahat ng tao na makita ang totoong mukha ni Jesus, at hangad ng lahat na makapiling Siya. Palagay Ko ay hindi sasabihin ng sinumang kapatid na ayaw nilang makita o makapiling si Jesus. Bago ninyo makita si Jesus—bago ninyo makita ang Diyos na nagkatawang-tao—pumapasok sa inyong isipan ang lahat ng uri ng mga ideya, halimbawa, tungkol sa hitsura ni Jesus, sa Kanyang paraan ng pagsasalita, sa Kanyang paraan ng pamumuhay, at iba pa. Ngunit kapag nakita ninyo Siya talaga, mabilis na magbabago ang inyong mga ideya. Bakit ganito? Nais ba ninyong malaman? Hindi maaaring kaligtaan ang pag-iisip ng tao, na siya namang totoo—ngunit higit pa riyan, ang diwa ni Cristo ay hindi maaaring baguhin ng tao. Iniisip ninyo na si Cristo ay isang imortal o isang pantas, ngunit hindi Siya itinuturing ninuman na isang normal na taong may taglay na diwang pagka-Diyos. Sa gayon, marami sa mga nananabik araw at gabi na makita ang Diyos ay talagang mga kaaway ng Diyos, at hindi Niya kaayon. Hindi ba isang pagkakamali ito sa panig ng tao? Kahit ngayon ay iniisip pa rin ninyo na ang inyong pananalig at katapatan ay sapat na upang maging karapat-dapat kayong mamasdan ang mukha ni Cristo, ngunit hinihikayat Ko kayo na sangkapan ang inyong sarili ng mas maraming bagay na praktikal! Sapagkat noong araw, ngayon, at sa hinaharap, marami sa mga nakakaugnay ni Cristo ay nabigo o mabibigo; lahat sila ay gumaganap sa papel ng mga Pariseo. Ano ang dahilan ng inyong kabiguan? Ito ay dahil mismo sa ang bawat isa sa inyo ay mayroon sa mga kuru-kuro ninyo na isang diyos na matayog at nararapat hangaan. Ngunit ang totoo ay hindi naaayon sa nais ng tao. Hindi lamang sa hindi matayog si Cristo, kundi talagang maliit Siya; hindi lamang Siya isang tao, kundi isa Siyang ordinaryong tao; hindi lamang Siya hindi maaaring umakyat sa langit, kundi ni hindi Siya makagala nang malaya sa lupa. At dahil dito, itinuturing Siya ng mga tao na tulad sa isang ordinaryong tao; kaswal ang pakikitungo nila sa Kanya kapag Siya ay kapiling nila, at kinakausap nila Siya nang walang ingat, samantalang naghihintay pa rin sa pagdating ng “totoong Cristo.” Itinuturing ninyo na ang Cristong dumating na ay isang ordinaryong tao, at ang Kanyang mga salita ay mga salita ng isang ordinaryong tao. Dahil dito, wala kayong natatanggap na anuman mula kay Cristo, at sa halip ay ganap na nalantad sa liwanag ang inyong sariling kapangitan.

Bago nakaugnayan si Cristo, maaaring naniniwala ka na ang iyong disposisyon ay lubos nang nabago, na isa kang tapat na tagasunod ni Cristo, at na wala nang ibang mas karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ni Cristo kaysa sa iyo, dahil maraming landas ka nang nalakbay, maraming gawain ka nang nagawa, at naghatid ka na ng maraming bunga, at kaya, iniisip mo na sa huli ay siguradong magiging isa ka sa mga tatanggap ng korona. Subalit alam mo ba ang sumusunod na katunayan, na ang tiwaling disposisyon ng tao at ang kanyang paghihimagsik at paglaban ay nalalantad kapag nakikita niya si Cristo, at na sa sandaling ito, ang kanyang paghihimagsik at paglaban ay nalalantad nang mas lubos at ganap kaysa sa anumang ibang pagkakataon? Ito ay dahil si Cristo ang Anak ng tao—isang Anak ng tao na nagtataglay ng normal na pagkatao—kaya hindi Siya pinararangalan ni iginagalang ng tao. Ito ay dahil ang Diyos ay nananahan sa katawang-tao kaya ang paghihimagsik ng tao ay nadadala sa liwanag nang lubusan at sa napakalinaw na detalye. Kaya sinasabi Ko na nahukay ng pagparito ni Cristo ang lahat ng paghihimagsik ng sangkatauhan at naging kapansin-pansin ang kalikasan ng sangkatauhan. Ito ay tinatawag na “pag-akit sa tigre na bumaba ng bundok” at “pag-akit sa lobo na lumabas ng yungib nito.” Nangangahas ka bang sabihin na tapat ka sa Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na nagpapakita ka ng lubos na pagpapasakop sa Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na hindi ka mapaghimagsik? Sasabihin ng ilan: “Sa tuwing namamatnugot ang Diyos ng isang kapaligiran para sa akin, hindi ako kailanman nagrereklamo at palagi akong nagpapasakop, at bukod pa rito ay wala akong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos.” Sasabihin ng ilan: “Anuman ang ipinagagawa sa akin ng Diyos ay kinokompleto ko sa abot ng aking makakaya at hindi ako kailanman nagpapabaya.” Kung gayon, ito ang tanong Ko sa inyo: Makakaayon ba kayo kay Cristo kapag namumuhay kayong kasama Niya? At gaano katagal kayong magiging kaayon Niya? Isang araw? Dalawang araw? Isang oras? Dalawang oras? Maaaring kapuri-puri nga ang inyong pananalig, ngunit hindi kayo gaanong matatag. Kapag talagang namumuhay ka na kasama ni Cristo, ang iyong pagmamagaling at labis na pagpapahalaga sa sarili ay mabubunyag sa pamamagitan ng iyong mga salita at kilos, nang paunti-unti, at gayundin ang iyong mga maluhong pagnanasa, iyong masuwaying isipan at kawalan ng kasiyahan ay likas ding mabubunyag. Sa huli, ang iyong kayabangan ay lalo pang titindi, hanggang sa labis mong kakalabanin si Cristo na tulad ng paglaban ng tubig sa apoy, at sa gayon ay ganap na malalantad ang iyong kalikasan. Sa pagkakataong iyon, ang iyong mga kuru-kuro ay hindi na mapagtatakpan, ang iyong mga reklamo ay likas ding lalabas, at ang iyong kasuklam-suklam na pagkatao ay ganap na malalantad. Magkagayunman, patuloy ka pa ring tumatangging aminin ang sarili mong paghihimagsik, sa halip ay naniniwala ka na ang isang Cristong tulad nito ay hindi madaling tanggapin ng tao, na napakahigpit Niya sa tao, at na lubos kang magpapasakop kung Siya ay mas mainam na Cristo. Naniniwala kayo na may katwiran ang inyong paghihimagsik, na naghihimagsik lamang kayo laban sa Kanya kapag sobra-sobra na ang pamimilit Niya sa inyo. Ni minsan ay hindi ninyo naisip na hindi ninyo itinuturing na Diyos si Cristo, at wala kayong hangaring magpasakop sa Kanya. Sa halip, ipinagpipilitan mong kumilos si Cristo alinsunod sa sarili mong mga inaasam, at sa sandaling gumawa Siya ng isang bagay na laban sa sarili mong iniisip, naniniwala ka na hindi Siya Diyos kundi isang tao. Hindi ba marami sa inyo ang nakipagtunggali sa Kanya sa ganitong paraan? Sino ba ito, kung tutuusin, na pinaniniwalaan ninyo? At sa anong paraan kayo naghahangad?

Lagi ninyong inaasam na makita si Cristo, ngunit hinihimok Ko kayo na huwag kayong maging masyadong mataas ang tingin sa sarili; maaaring makita ng sinuman si Cristo, ngunit sinasabi Ko na walang sinuman ang karapat-dapat na makita si Cristo. Dahil ang kalikasan ng tao ay punong-puno ng kasamaan, kayabangan, at paghihimagsik, sa sandaling makita mo si Cristo, wawasakin ka ng iyong kalikasan at kokondenahin hanggang kamatayan. Ang iyong pakikisama sa isang kapatid na lalaki (o babae) ay maaaring walang gaanong maipakita tungkol sa iyo, ngunit hindi gayon kasimple kapag nakikipag-ugnayan ka kay Cristo. Anumang oras, maaaring mag-ugat ang iyong mga kuru-kuro, magsimulang umusbong ang iyong kayabangan, at magbunga ng mga igos ang iyong paghihimagsik. Paano ka magiging marapat na makisama kay Cristo kung ganoon ang pagkatao mo? Talaga bang nagagawa mo Siyang tratuhin bilang Diyos sa bawat sandali ng bawat araw? Talaga bang mayroon ka ng realidad ng pagpapasakop sa Diyos? Sinasamba ninyong lahat ang matayog na diyos sa kaibuturan ng inyong puso bilang si Jehova samantalang itinuturing ninyong tao ang Cristong nakikita. Sukdulang mahina ang inyong katwiran at napakababa ng inyong pagkatao! Hindi ninyo kayang ituring palagi si Cristo bilang Diyos; paminsan-minsan lamang kayo nangungunyapit sa Kanya, kapag maganda ang loob ninyo, at sumasamba sa Kanya bilang Diyos. Ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na hindi kayo mga mananampalataya ng Diyos, kundi isang barkadahan ng magkakasabwat na sumasalungat kay Cristo. Kahit ang mga taong nagpapakita ng kabaitan sa iba ay sinusuklian, subalit si Cristo, na nakagawa ng gayong gawain sa inyo, ay hindi natanggap ang pagmamahal ng tao ni ang kanyang kabayaran at pagpapasakop. Hindi ba ito nakakadurog ng puso?

Maaaring sa lahat ng taon ng pananalig mo sa Diyos, hindi ka pa nakasumpa ng sinuman o nakagawa ng masama kailanman, subalit sa pakikisama mo kay Cristo, hindi mo kayang magsabi ng totoo, kumilos nang matapat, o magpasakop sa salita ni Cristo; kung gayon, sinasabi Ko na ikaw ang pinakalihim na mapanira at mapaminsalang tao sa mundo. Maaaring napakabait mo at tapat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, asawa, anak, at magulang, at hindi ka nagsasamantala sa iba kailanman, ngunit kung hindi mo kayang maging kaayon ni Cristo, kung hindi mo magawang makihalubilo sa Kanya nang may pagkakasundo, kahit gugulin mo pa ang iyong lahat-lahat sa pagtulong sa iyong mga kapitbahay o sa masusing pag-aalaga sa iyong ama, ina, at mga miyembro ng inyong sambahayan, sasabihin Ko na masama ka pa ring tao, at bukod dito ay puno ka ng mga tusong panlilinlang. Huwag mong isiping kaayon ka ni Cristo dahil lamang sa kasundo mo ang iba o gumagawa ka ng ilang mabuting bagay. Akala mo ba makukuha mo nang may pandaraya ang mga pagpapala ng Langit dahil sa iyong mapagkawanggawang hangarin? Akala mo ba ang paggawa ng ilang mabuting bagay ay kapalit ng iyong pagpapasakop? Walang isa man sa inyo ang nagagawang tumanggap ng pagpupungos, nahihirapan kayong lahat na tanggapin ang normal na pagkatao ni Cristo, at higit pa rito, patuloy ninyong ibinabandera ang inyong pagpapasakop sa Diyos. Ang pananalig na tulad ng sa inyo ay magdudulot ng isang angkop na ganti. Tigilan ninyo ang pagpapasasa sa mga ilusyon na pawang imahinasyon lamang at pag-asam na makita si Cristo, sapagkat napakaliit ng inyong tayog, kaya nga ni hindi kayo karapat-dapat na makita Siya. Kapag ganap mo nang naiwaksi ang iyong paghihimagsik, at kaya mo nang makisalamuha nang may pagkakasundo kay Cristo, sa sandaling iyon ay natural na magpapakita ang Diyos sa iyo. Kung magpapakita ka sa Diyos nang hindi pa sumasailalim sa pagpupungos o paghatol, siguradong magiging kalaban ka ng Diyos at siguradong magiging pakay ka ng pagwasak. Ang kalikasan ng tao ay likas na mapanlaban sa Diyos, sapagkat lahat ng tao ay sumailalim na sa pinakamatinding pagtitiwali ni Satanas. Kung susubukan ng tao na makisalamuha sa Diyos sa gitna ng sarili niyang katiwalian, tiyak na walang buti itong maibubunga; ang kanyang mga kilos at salita ay siguradong ibubunyag ang kanyang katiwalian sa bawat pagkakataon, at sa pakikisama sa Diyos ang kanyang paghihimagsik ay mabubunyag sa bawat pagkakataon. Hindi namamalayan, nangyayaring ang tao ay kinakalaban si Cristo, nililinlang si Cristo, at tinatanggihan si Cristo; kapag nangyari ito, malalagay sa mas mapanganib na sitwasyon ang tao at, kung magpapatuloy ito, magiging pakay siya ng kaparusahan.

Maaaring naniniwala ang ilan na, kung masyadong mapanganib ang makisama sa Diyos, mas mabuti pa sigurong manatiling malayo sa Diyos. Ano ang posibleng mapala ng mga taong kagaya nito? Maaari ba silang maging tapat sa Diyos? Panigurado, napakahirap makisama sa Diyos—ngunit iyan ay dahil tiwali ang tao, hindi dahil hindi nagagawang makisama ng Diyos sa kanya. Ang pinakamabuti ay maglaan kayo ng ilang pagsisikap sa katotohanan ng pagkilala sa inyong sarili. Bakit hindi kayo pinahahalagahan ng Diyos? Bakit kasuklam-suklam para sa Kanya ang inyong disposisyon? Bakit pinupukaw ng inyong pananalita ang Kanyang pagkamuhi? Kapag nagpamalas kayo ng katiting na katapatan, pinupuri ninyo ang inyong sarili; kapag nag-aambag kayo ng maliit, gumigiit kayo ng gantimpala; minamaliit ninyo ang iba kapag nakapagpakita kayo ng kaunting pagpapasakop, at hinahamak ninyo ang Diyos kapag may naisasakatuparan kayong maliit na gampanin. Sa pagpapatuloy sa Diyos, humihingi kayo ng pera, mga materyal na bagay, at mga papuri. Masakit sa puso ninyo ang magbigay ng dalawang barya; kapag nagbigay kayo ng sampu, humihingi kayo ng mga pagpapala at na mamukod-tangi kayo sa iba. Ang uri ng pagkataong mayroon kayo ay talagang nakakasuklam na sabihin o pakinggan. Mayroon bang anumang kapuri-puri sa inyong mga salita at kilos? Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin at yaong mga hindi; yaong mga namumuno at yaong mga sumusunod; yaong mga nagpapatuloy sa Diyos at yaong mga hindi; yaong mga nagbibigay ng mga handog at yaong mga hindi; yaong mga nangangaral at yaong mga tumatanggap sa Salita, at iba pa: lahat ng taong iyon ay pinupuri ang kanilang sarili. Hindi ba ito nakakatawa sa inyo? Lubos na nababatid na nananampalataya kayo sa Diyos, magkagayunman ay hindi kayo magiging kaayon ng Diyos. Lubos na nababatid na wala kayong merito, patuloy pa rin kayong nagyayabang. Hindi ba ninyo nadarama na ang inyong katwiran ay umabot na sa puntong wala na ito sa kontrol? Sa ganitong katwiran, paanong angkop kayo na makiugnayan sa Diyos? Hindi ba kayo nag-aalala para sa inyong sarili sa oras na ito? Lumala na ang inyong disposisyon hanggang sa hindi na ninyo makayang maging kaayon ng Diyos. Dahil dito, hindi ba nakakatawa ang inyong pananalig? Hindi ba kahibangan ang inyong pananalig? Paano mo haharapin ang iyong kinabukasan? Paano mo pipiliin ang landas na tinatahak mo?

Sinundan: Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa

Sumunod: Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito