Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo

Marami na Akong nagawang gawain sa tao, at sa panahong ito nagpahayag din Ako ng maraming salita. Ang lahat ng salitang ito ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao at ipinahayag upang maging kaayon Ko ang tao. Gayunman, iilang tao lamang sa lupa na kaayon Ko ang nakamit Ko na, kaya sinasabi Kong hindi pinahahalagahan ng tao ang Aking mga salita—ito ay sapagkat hindi Ko kaayon ang tao. Sa ganitong pamamaraan, ang gawaing ginagawa Ko ay hindi lamang upang maaari Akong sambahin ng tao; ang mas mahalaga, ito ay upang maging kaayon Ko ang tao. Nagawa nang tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Mayroong mga nagsasabing kaayon Ko sila, ngunit ang ganitong mga tao ay lahat sumasamba sa malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, silang lahat ay laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Bibliya, nililimitahan nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakita, at wala silang kakayahang makita, at inilalabas nila ito upang tingnan kung paano nila gusto. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Banal na Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga literal na salita, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagiging kaayon ng mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay, walang pagtatanging, hindi Ko gawain. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi masigasig na sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang sa puntong—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at hindi pagiging ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t na hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang pansin ang kalooban Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong nanalig sa Bibliya. Sa diwa, mga tagapagbantay sila ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, upang mapanatili ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong sila sa pagpako sa krus sa mahabaging si Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog dahil sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Kasulatan. Hindi ba’t silang lahat ay mga sunud-sunuran sa bawat salita ng Kasulatan?

At paano naman ang mga tao ngayon? Pumarito si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaghangad ng masama ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag itinatapat Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang walang halaga. Yaong mga naghahangad lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at naghahangad lamang na maging kaayon ng isang malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na ilalagay ang sarili Niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik sa Akin—paano Ko sila magiging kaayon?

Yaong mga laban sa Akin ay yaong mga hindi Ko kaayon. Ganito rin ang kaso ng yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Yaong mga naghihimagsik laban sa Akin ay lalo pang laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Iniaabot Ko sa mga kamay ng masama lahat yaong mga hindi Ko kaayon, at ipinauubaya Ko sila sa katiwalian ng masama, hinahayaan Ko silang ibunyag ang kasamaan nila, at sa huli ay ibinibigay Ko sila sa masama upang lamunin. Hindi Ko iniintindi kung gaano karami ang sumasamba sa Akin, na ang ibig sabihin, hindi Ko iniintindi kung gaano karaming tao ang nananalig sa Akin. Ang iniintindi Ko lamang ay kung gaano karami ang kaayon Ko. Iyon ay dahil ang lahat ng hindi Ko kaayon ay masasama na ipinagkakanulo Ako; mga kaaway Ko sila, at hindi ko “isasadambana” sa tahanan Ko ang mga kaaway Ko. Yaong mga kaayon Ko ay magpakailanmang maglilingkod sa Akin sa tahanan Ko, at yaong mga lumalaban sa Akin ay magpakailanmang magdurusa ng kaparusahan Ko. Yaong mga may pakialam lamang sa mga salita ng Bibliya at walang pakialam sa katotohanan o sa paghahanap sa mga yapak Ko—laban sila sa Akin, dahil nililimitahan nila Ako ayon sa Bibliya, at ikinukulong nila Ako sa loob ng Bibliya, at sukdulang napakalapastangan sa Akin. Paano makapupunta sa harap Ko ang ganitong mga tao? Hindi nila binibigyang pansin ang mga gawa Ko, o ang kalooban Ko, o ang katotohanan, kundi sa halip ay nahuhumaling sila sa mga salita—mga salitang pumapatay. Paano Ko magiging kaayon ang ganitong mga tao?

Nakapagpahayag na Ako ng napakaraming salita, at naipahayag Ko na rin ang kalooban at disposisyon Ko, ngunit kahit ganoon, walang kakayahan pa rin ang mga tao na makilala Ako at manalig sa Akin. O, maaaring sabihin, walang kakayahan pa rin ang mga tao na sumunod sa Akin. Yaong mga nabubuhay sa loob ng Bibliya, yaong mga nabubuhay sa saklaw ng batas, yaong mga nabubuhay sa krus, yaong mga nabubuhay ayon sa doktrina, yaong mga nabubuhay sa gitna ng mga gawaing ginagawa Ko ngayon—sino sa kanila ang kaayon Ko? Iniisip lamang ninyo na tumanggap ng mga pagpapala at mga gantimpala, ngunit hindi pa ninyo kailanman inisip kung paano talaga magiging kaayon Ko, o kung paano mapipigilan ang mga sarili ninyo na maging laban sa Akin. Sobra Akong dismayado sa inyo, dahil napakarami Ko nang naibigay sa inyo, ngunit napakakaunti ng nakamit Ko mula sa inyo. Ang inyong panlilinlang, kayabangan, kasakiman, labis-labis na mga paghahangad, pagkakanulo, at pagsuway—alin sa mga ito ang hindi Ko mapapansin? Pabaya kayo sa Akin, niloloko ninyo Ako, nilalait ninyo Ako, nililinlang ninyo Ako, sinisingil ninyo Ako at kinikikilan ninyo Ako para sa mga sakripisyo—paano makaiiwas sa kaparusahan Ko ang gayong kasamaan? Ang lahat ng paggawa ng masama na ito ay isang patunay ng pagkapoot ninyo sa Akin at patunay ng inyong hindi pagkakatugma sa Akin. Ang bawat isa sa inyo ay naniniwalang ang sarili ninyo ay sobrang kaayon Ko, ngunit kung ganoon nga, kanino mailalapat ang gayong hindi mapabubulaanang patunay? Naniniwala kayong tinataglay ng mga sarili ninyo ang sukdulang kataimtiman at katapatan sa Akin. Iniisip ninyong kayo ay napakabait, napakamahabagin, at naglaan na nang sobra para sa Akin. Iniisip ninyong higit sa sapat na ang nagawa ninyo para sa Akin. Ngunit sinuri na ba ninyo ito kailanman kumpara sa sarili ninyong mga kilos? Sinasabi Kong kayo ay napakamapagmataas, napakasakim, napakawalang interes; ang mga panlalansing ginagamit ninyo upang lokohin Ako ay napakatuso, at marami kayong kasuklam-suklam na layunin at kasuklam-suklam na pamamaraan. Masyadong katiting ang katapatan ninyo, masyadong kaunti ang sigasig ninyo, at ang budhi ninyo ay higit pang mas salat. Mayroong labis na paghahangad ng masama sa puso ninyo, at may masama kayong hangarin sa lahat, maging sa Akin. Pinagsasarhan ninyo Ako para sa kapakanan ng inyong mga anak, o ng inyong asawa, o para mapangalagaan ninyo ang inyong sarili. Sa halip na magmalasakit sa Akin, nagmamalasakit kayo sa pamilya ninyo, sa mga anak ninyo, sa katayuan ninyo, sa kinabukasan ninyo, at sa sarili ninyong kasiyahan. Kailan pa ninyo Ako naisip habang nagsasalita o kumikilos kayo? Sa napakalalamig na araw, bumabaling ang isip ninyo sa inyong mga anak, sa inyong asawa, o sa inyong mga magulang. Sa napakaiinit na araw, wala rin Akong lugar sa isip ninyo. Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo, iniisip mo ang sarili mong kapakanan, ang sarili mong kaligtasan, ang mga kasapi ng pamilya mo. Ano ba ang nagawa mo na kailanman para sa Akin? Kailan mo ba Ako naisip? Kailan mo ba nailaan ang sarili mo, anuman ang kapalit, para sa Akin at sa gawain Ko? Nasaan ang katibayan na kaayon Kita? Nasaan ang realidad ng katapatan mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng pagsunod mo sa Akin? Kailan ba na ang mga layunin mo ay hindi naging alang-alang sa pagkamit mo ng mga pagpapala Ko? Niloloko at nililinlang ninyo Ako, pinaglalaruan ninyo ang katotohanan, itinatago ninyo ang pag-iral ng katotohanan, at ipinagkakanulo ang diwa ng katotohanan. Ano ang naghihintay sa inyo sa hinaharap sa paglaban sa Akin sa ganitong paraan? Naghahangad lamang kayong maging kaayon ng isang malabong Diyos, at naghahangad lamang ng isang malabong paniniwala, ngunit hindi kayo kaayon ni Cristo. Hindi ba magdudulot ang kasamaan ninyo ng kaparehong ganti na kagaya ng nararapat sa masasama? Sa oras na iyon, mapagtatanto ninyo na walang sinumang di-kaayon ni Cristo ang makatatakas sa araw ng poot, at matutuklasan ninyo kung anong uri ng ganti ang ibibigay sa yaong mga laban kay Cristo. Pagdating ng araw na iyon, ang mga pangarap ninyong mapagpala dahil sa pananalig ninyo sa Diyos at na makapasok sa langit ay mawawasak lahat. Gayunman, hindi magiging ganoon para sa yaong mga kaayon ni Cristo. Bagaman nawalan sila ng napakarami, bagaman nagdusa sila ng matinding paghihirap, tatanggapin nila ang lahat ng pamanang iiwan Ko sa sangkatauhan. Sa huli, maiintindihan ninyong Ako lamang ang matuwid na Diyos, at na Ako lamang ang may kakayahang dalhin ang sangkatauhan sa kanilang magandang hantungan.

Sinundan: Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Sumunod: Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito