47. Nagdudulot Lamang ng Pasakit ang Pagsisinungaling

Ni Kenneth, Timog Korea

Isang araw ng Mayo 2021, naghahanda kaming kunan noon ang isang video ni Brother Luka na kumakanta ng solo, at inaasikaso ko ang ilaw sa entablado. Noong una ay ingat na ingat ako, at walang anumang problema sa unang ilang kuha, kaya unti-unti akong napanatag nang kaunti. Halos patapos na kaming mag-shoot nang sabihin ng direktor na gusto niyang subukang mag-shoot ulit nang dalawa pang magkaibang kuha. Hindi ako nakikinig noon, kaya nang magsimula kaming mag-shoot binabantayan ko pa rin ang isa pang monitor, at hindi ko napansin hanggang sa umalis si Luka mula sa naiilawang lugar. Nagmadali akong i-adjust ang ilaw, pero hindi naging sapat ang bilis ko, kaya nawawala sa ilaw ang ulo ni Luka tapos ay bumalik ulit. Hindi magamit ang kuha. Karaniwan kapag may prblema kami sa entablado, kailangan naming hilingin sa direktor kaagad na mag-shoot pang minsan, pero hinawakan ko lang ang walkie-talkie, at natakot akong magsalita. Hindi ako makapagsalita sa takot at talagang nagtalo ang kalooban ko. Inisip ko kung paanong hindi lang ang direktor ang naroon, kundi marami pang ibang kapatid. Kung sasabihin ko sa kanila na nakagawa ako ng malaking pagkakamali, ano ang iisipin ng lahat sa akin? Sasabihin ba nila na naging pabaya ako sa aking tungkulin? Masyadong nakakahiya iyon! Pero hindi ko ginagawa ang tungkulin ko kung wala akong sasabihin. Magkakaroon iyon ng direktang epekto sa kalidad ng video kung ginamit ang footage sa editing. Habang nahihirapan ako kung magsasalita ako o hindi, narinig kong sinabi ng direktor, “Ayos na tayo sa isang ito, gawin na natin ang susunod.” Nakita ko na pinatay na ng kapatid na kumukuha ng video ang kagamitan niya at naghihintay, kaya nagsimula akong pangatwiranan iyon sa sarili ko, na iniisip na, “Tapos nang makunan ang lahat, kung magsasalita pa ako, kailangang buksan ulit ng lahat ang kagamitan nila at malaking abala iyon. Hindi na ako dapat magsabi ng anuman, unang kuha pa lang naman iyon sa dalawang shot, at baka nga hindi pa iyon gamitin. Bukod pa riyan, kung hindi iyon titingnang mabuti ng mga tao malamang naman na hindi pa nila makita ang problema.” Patuloy kong pinag-isipan iyon, pero kalaunan ay ipinasya kong manahimik. Pagkatapos ng shooting lalo akong nakonsensya, na iniisip: “Hindi ba ako sadyang nanlilinlang? Kaya kong linlangin ang mga tao, pero kaya ko bang linlangin ang Diyos?” Kaya hinanap ko ang direktor at sinabi sa kanya ang pagkakamali ko. Sabi niya, “Tapos na tayong mag-shoot at nakaligpit na ang lahat. Ano pa ang silbi ng pagsasabi nito sa akin ngayon? Bakit hindi mo sinabi sa akin kanina? Kung sinabi mo, hindi sana tayo natagalang i-shoot ulit iyon.” Nang makita ko ang pagkadismaya sa mukha ng direktor, lalong sumama ang pakiramdam ko at gusto kong sampalin ang sarili ko. Bakit ba hirap na hirap akong aminin sa harap ng lahat na nagkamali ako? Bakit hirap na hirap akong maging matapat? Nasasaktan, lumapit ako sa Diyos at nagdasal: “Diyos ko, nagkamali ako sa pagganap sa aking tungkulin, at hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na aminin iyon sa harap ng lahat dahil natakot ako na baka punahin at hamakin nila ako. Ngayon, labis akong nakokonsensya. Gabayan Mo sana akong makilala ang sarili ko.”

Tapos niyon, nakita ko na ang sabi sa salita ng Diyos ay: “Sabihin nang pipili ka sa pagitan ng dalawang daan. Ang isa ay ang daan ng pagiging isang matapat na tao, na sabihin ang katotohanan at sabihin kung ano ang nasa puso mo, na ibahagi ang iyong puso sa iba, o na aminin ang iyong mga pagkakamali at pagsasabi ng mga bagay na totoo, ipakita sa iba ang iyong pangit na katiwalian at magdulot ng kahihiyan sa iyong sarili. Iyong isa naman ay ang daan ng pagiging martir para sa Diyos at pagpasok sa kaharian ng langit kapag namatay ka. Alin ang pipiliin mo? Maaaring sabihin ng ilan, ‘Pinipili kong ialay ang aking buhay para sa Diyos. Nakahanda akong mamatay para sa Kanya; pagkatapos mamatay, makukuha ko ang aking gantimpala, at makakapasok ako sa kaharian ng langit.’ Ang ihandog ang buhay para sa Diyos ay magagawa sa iisang malakas na buhos ng lakas, ng mga may kahandaang gawin ito. Pero maisasakatuparan ba ang pagsasagawa ng katotohanan at pagiging matapat na tao sa gayong buhos ng lakas? Hindi, maging sa dalawang buhos ng lakas. Kung mayroon kang kahandaan kapag ginagawa ang isang bagay, magagawa mo itong mabuti sa isang buhos ng lakas; pero hindi ka ganap na nagiging matapat sa isang pagkakataon lang ng pagsasabi ng katotohanan nang walang kasinungalingan. Ang pagiging isang matapat na tao ay may kasamang pagbabago ng disposisyon, nangangailangan ito ng sampu o dalawampung taong karanasan. Dapat mong iwaksi ang mapanlinlang mong disposisyon ng pagsisinungaling at panlilinlang bago mo maabot ang batayang pamantayan sa pagiging isang matapat na tao. Hindi ba’t mahirap ito para sa lahat? Isa itong napakalaking hamon. Gusto ng Diyos ngayon na magawang perpekto at makamit ang isang grupo ng mga tao, at lahat ng naghahangad ng katotohanan ay dapat tumanggap ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, ang layon nito ay para lutasin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon at gawin silang matatapat na tao, mga taong nagpapasakop sa Diyos. Hindi ito isang bagay na makakamit sa iisang buhos ng lakas; kailangan nito ng tunay na pananampalataya, at dapat dumanas ang isang tao ng maraming pagsubok at matinding pagpipino bago niya makamit ito. Kung hiningi sa iyo ng Diyos ngayon na maging matapat na tao at na magsabi ka ng totoo, isang bagay na may kinalaman sa mga katunayan, at sa iyong hinaharap at kapalaran, na ang mga kahihinatnan marahil ay hindi makabubuti sa iyo, na hindi ka na titingalain ng iba, at pakiramdam mo ay masisira ang iyong reputasyon—sa gayong mga sitwasyon, magagawa mo bang maging prangka, at magsabi ng totoo? Magagawa mo pa rin bang maging matapat? Iyon ang pinakamahirap gawin, mas mahirap kaysa isuko ang buhay mo. Maaari mong sabihing, ‘Hindi Mo ako mauutusang sabihin ang katotohanan. Mas gugustuhin ko pang mamatay para sa Diyos kaysa sabihin ang katotohanan. Ayaw ko talagang maging isang matapat na tao. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa hamakin ako ng lahat at isipin na isa akong ordinaryong tao.’ Anong ipinapakita nito na pinakapinahahalagahan ng mga tao? Ang pinakapinahahalagahan ng mga tao ay ang kanilang katayuan at reputasyon—mga bagay na kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon. Pumapangalawa lamang ang buhay. Kung pipilitin sila ng sitwasyon, magsisikap silang magkalakas ng loob na ihandog ang kanilang buhay, pero hindi madaling isuko ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong nananalig sa Diyos, ang paghahandog ng kanilang buhay ay hindi ang pinakamahalaga; hinihingi ng Diyos na tanggapin ng mga tao ang katotohanan, at tunay na maging matatapat na tao na sinasabi kung ano man ang nasa puso nila, nagbubukas at nagtatapat sa lahat. Madali bang gawin ito? (Hindi.) Sa katunayan, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo. Hindi ba’t bigay sa iyo ng Diyos ang buhay mo? Ano ang pakinabang ng buhay mo sa Diyos? Hindi ito gusto ng Diyos. Ang gusto Niya ay magsalita ka nang tapat, sabihin mo kung sino ka at ano ang nilalaman ng puso mo. Masasabi mo ba ang mga bagay na ito? Dito, nagiging mahirap ang gawain, at maaari mong sabihing, ‘Pagtrabahuhin Mo ako, at magkakaroon ako ng lakas na gawin iyon. Sabihan Mo akong isakripisyo ang lahat ng pag-aari ko, at magagawa ko ito. Madali kong matatalikdan ang aking mga magulang, anak, asawa, at propesyon. Ngunit ang pagsasabi ng nasa puso ko, pagsasalita nang tapat—iyan ang isang bagay na hindi ko magagawa.’ Bakit hindi mo magagawa iyon? Dahil kapag ginawa mo iyon, sinumang nakakakilala sa iyo o pamilyar sa iyo ay mag-iiba ang tingin sa iyo. Hindi ka na nila titingalain. Mapapahiya ka na at ganap na mahahamak, at maglalaho ang iyong integridad at dignidad. Mawawala ang matayog na katayuan at reputasyon mo sa puso ng iba. Kaya nga, sa gayong sitwasyon, anuman ang mangyari, hindi mo sasabihin ang totoo. Kapag nakakaharap ito ng mga tao, may pagtatalo sa puso nila, at kapag lumipas na ang pagtatalong iyon, sa huli ay nakakaraos ang ilan sa kanilang mga paghihirap samantalang ang iba ay hindi, at mananatili silang kontrolado pa rin ng kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon at ng kanilang sariling katayuan, reputasyon, at tinatawag na dangal. Mahirap ito, hindi ba? Hindi isang dakilang tagumpay ang magsalita lamang nang tapat at magsabi ng katotohanan, subalit napakaraming matatapang na bayani, napakaraming tao na ang sumumpa na ilalaan at gugugulin ang kanilang buhay para sa Diyos, at napakaraming nagsabi ng magagandang bagay sa Diyos ang nahihirapang gawin iyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Inilarawan ng mga salita ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Labis kong pinahalagahan ang karangalan at katayuan. Wala akong masabi ni isang salita para aminin ang aking pagkakamali, sa takot na magmukha akong masama sa harap ng lahat. Natakot ako na baka sabihin ng lahat na hindi ko ginagawa ang trabaho ko kung kaya kong gumawa ng gayon kasimpleng pagkakamali. Kahiya-hiya. Para maprotektahan ang aking imahe at katayuan, pinagtakpan ko ang aking pagkakamali, iniisip na kung wala akong sasabihing anuman, walang makakaalam at hindi nila ako pupunahin dahil dito. Sa gayon ay mananatiling malinis ang aking dignidad at imahe. Kahit nakonsensya ako at hindi napanatag, nakakita pa rin ako ng dahilan para panatagin ang sarili ko: “Isang kuha lang naman, baka nga hindi pa nila gamitin ito.” Hindi ba ako nagsisinungaling sa sarili ko at sa iba? Sa ideyang ito labis akong nagsisi at nalungkot sa panlilinlang ko sa aking mga kapatid para lang hindi ako mapahiya at maprotektahan ko ang aking katayuan. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ko inamin ang pagkakamali ko dahil ayaw kong mapahiya at gusto kong manatili sa aking katayuan. Alam ko na hindi iyon naaayon sa kalooban Mo, pero parang inakay ako ng diyablo at hindi ko natakasan ang aking tiwaling disposisyon. Diyos ko, gabayan Mo sana ako para makalaya ako sa mga hadlang at gapos ng aking tiwaling disposisyon.”

Tapos ay nabasa ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng ilang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Diyos: “Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo o anumang tungkulin ang ginagampanan mo, dapat mayroon kang matapat na saloobin. Kung wala kang matapat na saloobin, hindi mo magagampanan nang mabuti ang tungkulin mo. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin sa paraang pabaya at wala sa loob, at nabibigo kang gawin nang mahusay ang isang bagay, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili, maunawaan ang iyong sarili, at magtapat upang masuri ang iyong sarili. Pagkatapos ay dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at sikaping mas paghusayan sa susunod, sa halip na maging pabaya at wala sa loob. Kung hindi mo sisikaping mapalugod ang Diyos nang may pusong matapat, at lagi mong inaasam na mapalugod ang sarili mong laman, o ang sarili mong pride, makagagawa ka ba nang mahusay? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? Siguradong hindi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). “Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, na pinahihintulutan ang kanilang komentaryo at pagkilatis dito, at kaya mong magtapat tungkol dito at suriin ito, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos. Sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali, makikita nila ang nasa puso mo. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin sa iyo ng mga tao, at sasabihin nila na hangal ka at hindi matalino. Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali, sasabihin ng lahat na tapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng kanilang katiwalian, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila—mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magkakaroon ng kabatiran at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Natutunan ko mula sa salita ng Diyos na lahat ay nagkakamali habang gumaganap sa kanilang tungkulin. Normal iyan. Hindi natin dapat pagtakpan ang mga bagay na ito, ang mali ay mali, magkusang aminin ang ating mga pagkakamali, at magtapat sa iba tungkol sa ating katiwalian at mga pagkukulang. Hindi tayo dapat mag-alala tungkol sa pagkapahiya at pagpapanatili ng katayuan, kundi sa halip ay maging matatapat na tao tayo ayon sa utos ng Diyos. Ito lang ang paraan para mamuhay nang marangal at may dignidad, at matamo ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Pero masyado kong pinahalagahan ang iniisip ng ibang tao sa akin habang ginagawa ko ang aking tungkulin, gusto ko palaging mapanatili ang aking katayuan at reputasyon. Dahil dito, gusto ko palaging pagtakpan ang anumang mga pagkakamaling nagawa ko at takot akong malaman iyon ng iba. Wala akong lakas ng loob na sabihin ang buong katotohanan kahit na nakonsensya ako. Ni hindi ko inisip ang pinsalang magagawa nito sa gawain ng iglesia. Hindi ko pinangalagaan ang gawain ng iglesia habang isinasagawa ko ang aking mga tungkulin, at hindi ako naging matapat ni bahagya. Paano ko magagawa nang tama ang tungkulin ko kung nagpatuloy ako nang ganito? Labis akong nakonsensya nang matanto ko ito at gusto kong itama ang kalagayan kung saan ako gumaganap ng aking mga tungkulin.

Tapos niyon, kapag nagkamali ako paminsan-minsan sa pag-shoot at nagtalo ang kalooban ko kung sasabihin ko iyon o hindi, alam ko na sinusubukan ko lang ulit na protektahan ang aking katayuan at imahe sa paningin ng iba. Nagdarasal ako sa Diyos at hinihiling ko sa Kanya na gabayan akong isagawa ang katotohanan at maging matapat na tao, upang makaya kong aminin ang aking pagkakamali sa harap ng lahat. Nang gawin ko iyon, hindi ako sinisi ng mga kapatid at natatanggap nang angkop ang aking pagkakamali. Naging mas makatotohanan ako, at nadama ko ang kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagsasagawa ng katotohanan.

Isang araw, gumawa kami ng isa pang solo video. Bago kami nagsimulang mag-shoot, itinanong ng direktor kung handa na ang mga ilaw. Akala ko nasuri ko na ang mga iyon, kaya tiwala kong sinabing, “Ayos na ang lahat, puwede na tayong magsimula!” Pero pagkatapos ng isang kuha, bigla kong natanto na nalimutan kong buksan ang dalawang ilaw. Nataranta ako. Gusto kong magsalita pero nag-alangan ako, na iniisip na, “Tiwala ko nang tiniyak sa lahat na handa na ang lahat bago nag-shoot, kaya kung aaminin ko ngayon na nagkamali ako, ano ang iisipin nila sa akin? Mawawalan ba sila ng tiwala sa akin? Ang makalimot na buksan ang mga ilaw ay pagkakamali ng isang baguhan. Paano ko maipapakita ulit ang mukha ko kung aminin ko iyon? Iisipin ba ng mga kapatid na wala akong silbi, na nagkamali ako sa gayon kasimpleng gawain?” Nagtalo ang kalooban ko, at pakiramdam ko napakahirap ng sitwasyon ko. Gusto kong aminin ang pagkakamali ko, pero nakagawa na kami ng ilang kuha. Kung sasabihin kong may problema sa ilaw ngayon, pupunahin ba ako ng lahat kung bakit ngayon ko lang sinabi iyon sa halip na sabihin ko iyon kaagad? Matapos mag-isip nang husto, may naisip akong solusyon: Puwede kong hintaying makatapos kami sa shooting at pagkatapos ay kausapin nang sarilinan ang brother na nag-eedit ng video at hilingin sa kanya na i-adjust ang lighting. Sa gayon, hindi ko na kailangang aminin ang pagkakamali ko sa harap ng lahat. Hindi makakaapekto sa kalidad ng video ang solusyong ito at hindi ako mapapahiya at mapapanatili ko rin ang katayuan ko. Kaya pagkatapos naming mag-shooting, pinuntahan ko ang brother na nag-eedit at pinagmukha ko itong hindi mahalaga, na sinasabing: “Nagkaproblema ako sa ilaw sa unang kuha, pero ikinumpara kong mabuti iyon sa iba pa at hindi gaanong halata ang pagkakaiba. Maliit na pagkakaiba lang sa tingkad. Maganda sana kung makakatulong kang i-adjust iyon.” Naniwala siya sa sinabi ko at sinabing tutulong siyang i-adjust iyon. Nakonsensya ako kaagad nang lumabas ang mga salitang iyon sa bibig ko dahil totoong malaki ang pagkakaibang nagawa kung bukas ang mga ilaw, pero sinabi ko na bahagya lang ang pagkakaiba. Hindi ba nakatingin ako nang diretso sa mata ng brother ko at nagsisinungaling? Sa huli ay inabot siya ng mahigit tatlong oras para maitama ang ilaw sa kuha. Maaga pa kinabukasan, nag-text sa akin ang direktor at nagtanong, “Hindi mo ba napansin na may gayon kalaking problema sa ilaw kahapon?” Hindi ko inasahan na malalaman iyon ng direktor nang napakabilis, at sandaling hindi ko alam kung ano ang sasabihin, kaya nakahanap ako ng ilang dahilan para ipaliwanag ang sarili ko. Sabi niya, “Nangyari na ito dati, nakakita ka ng mali sa mismong oras pero wala kang sinabing anuman. Nakakaantala ito sa ating gawain. Kailangan mo talagang pagnilayan ang nagawa mo.” Labis akong nakonsensya nang sabihin niya iyon. Kinasuklaman ko na kontrolado ako at gapos ng aking tiwaling disposisyon at nabigo na naman akong isagawa ang katotohanan. Lumuhod ako at nagdasal: “Diyos ko, masyado kong pinahahalagahan ang karangalan at katayuan ko. Sa pagkakataong ito, hindi lang ako hindi nagsalita tungkol sa pagkakamali ko, kundi pinagsikapan ko pang pagtakpan iyon. Napakatuso ko talaga! Diyos ko, gusto kong magsisi. Gabayan Mo sana ako at iligtas.”

Tapos ay nabasa ko ang siping ito mula sa salita ng Diyos: “Ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi matapat, ibig sabihin ay hindi sila nagpapakatotoo kahit kaunti. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay may karumihan at nagtataglay ng sarili nilang mga layunin at mithiin, at nakatago sa lahat ng ito ang kanilang mga hindi masabi at napakasamang panlalansi at pagsasabwatan. Kaya naman ang mga salita at kilos ng mga anticristo ay lubos na kontaminado at punong-puno ng kawalang-katotohanan. Gaano man sila magsalita, imposibleng malaman kung alin sa kanilang mga sinasabi ang totoo, alin ang hindi totoo, kung alin ang tama, at alin ang mali. Dahil hindi sila matapat, ang kanilang isipan ay lubhang kumplikado, puno ng mga mapanlinlang na pakana at sagana sa mga panlalansi. Wala silang sinasabi nang prangkahan. Hindi nila sinasabi na ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa, ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Sa halip, sa lahat ng bagay, paliguy-ligoy sila at pinag-iisipang mabuti nang ilang beses ang mga bagay-bagay sa kanilang isipan, pinag-aaralan ang mga kahihinatnan, tinitimbang ang mga pakinabang at desbentaha mula sa bawat anggulo. Pagkatapos, minamanipula nila ang mga bagay-bagay sa kanilang pananalita kaya lahat ng sinasabi nila ay medyo masalimuot sa pandinig. Ang matatapat na tao ay hindi nauunawaan kailanman ang kanilang sinasabi at madali nilang malinlang at maloko ang mga ito, at sinumang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao ay napapagod at nahihirapan. Hindi nila sinasabi kailanman na ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa, hindi nila sinasabi kailanman ang kanilang iniisip, at hindi nila inilalarawan kailanman ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Lahat ng sinasabi nila ay hindi maarok, at ang mga layunin at intensyon ng kanilang mga kilos ay napakakumplikado. Kung malantad ang kanilang pagkukunwari—kung mahalata sila ng ibang mga tao, at mabisto sila—agad silang nagtatahi ng isa pang kasinungalingan para makalusot. Ang ganitong uri ng tao ay madalas magsinungaling, at matapos magsinungaling, kailangan nilang magsinungaling ulit para suportahan ang kasinungalingan. Nililinlang nila ang iba para itago ang kanilang mga layunin, at nag-iimbento sila ng lahat ng uri ng pagdadahilan at pangangatwiran para suportahan ang kanilang mga kasinungalingan, kaya hirap na hirap ang mga tao na masabi kung ano ang totoo at ano ang hindi, at hindi alam ng mga tao kung kailan sila nagsasabi ng totoo, lalo nang hindi alam ng mga ito kung kailan sila nagsisinungaling. Kapag nagsisinungaling sila, hindi sila namumula o kumukurap, na para bang nagsasabi sila ng totoo. Hindi ba ibig sabihin nito ay naging likas na sa kanila ang pagsisinungaling? Halimbawa, minsan tila sa tingin ay mabuti ang mga anticristo sa iba, isinasaalang-alang nila ang iba, at mabait silang magsalita, na nakalulugod at nakaaantig na marinig. Subalit kahit na ganito sila magsalita, walang sinumang makapagsasabi kung sila ba ay taos, at palaging kailangang maghintay hanggang sa mangyari ang mga bagay-bagay pagkaraan ng ilang araw upang malantad kung taos ba sila. Palaging nagsasalita nang may partikular na mga layunin ang mga anticristo, at walang sinumang makaisip kung ano ba talaga ang hinahangad nila. Nakagawian nang magsinungaling ng gayong mga tao, hindi nila iniisip ang mga kahihinatnan ng anuman sa kanilang mga kasinungalingan. Basta’t nakikinabang sila sa kanilang kasinungalingan at nagagawa nitong linlangin ang iba, basta’t nakakamtan nito ang kanilang mga mithiin, wala silang pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. Sa sandaling mailantad sila, patuloy silang magtatago, magsisinungaling, manlalansi. Ang prinsipyo at pamamaraan ng mga taong ito sa pakikipag-ugnayan sa iba ay nilalansi nila ang mga tao gamit ang mga kasinungalingan. Doble-kara sila at nagsasalita para masiyahan ang kanilang tagapakinig; ginagampanan nila ang anumang papel na hinihingi ng sitwasyon. Madulas sila at madaya, puno ng mga kasinungalingan ang kanilang bibig, at hindi sila mapagkakatiwalaan. Sinuman ang nakikipag-ugnayan sandali sa kanila ay nalilinlang o naguguluhan at hindi makatanggap ng panustos, tulong, o magandang halimbawa. Pangit man o maganda ang mga salitang namumutawi sa bibig ng gayong mga tao, o makatwiran o kakatwa, o naaayon o di-naaayon sa pagkamakatao, o magaspang o sibilisado, ang mga iyon ay talagang pawang walang-katotohanan, hindi totoo, at kasinungalingan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Inilalantad ng salita ng Diyos ang mapanloko at tusong kalikasan ng mga anticristo. Hindi sila matapat sa kanilang mga salita at kilos. Wala kang maririnig ni isang salita ng katotohanan mula sa kanila. Para hindi sila malantad, patuloy sila sa walang-kahihiyang pagsisinungaling para itago ang kanilang kasuklam-suklam na mga motibo. Sukdulan ang kasamaan ng mga anticristo. Pakiramdam ko ay ako ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos. Ako ang naging dahilan ng pagkakamali dahil naging pabaya ako sa pagsusuri habang nagsu-shooting, at hindi ko inamin iyon, dahil natakot ako na baka hamakin ako ng aking mga kapatid. Nag-isip ako nang husto para makahanap ng paraan na mapagtakpan iyon. Kinausap ko nang sarilinan ang brother na nag-eedit para ipaayos sa kanya ang problema at nilansi ko siya, sadyang nagsinungaling ako sa kanya na hindi halata ang isyung iyon, para isipin niya na hindi iyon malaking bagay. Napakamapanloko ko. Hindi ba kasingsama lang ng sa isang anticristo ang disposisyon ko? Gusto ng Diyos ang matatapat na tao, pero napakamapanloko ko. Paanong hindi masusuklam at maiinis dito ang Diyos? Naalala kong sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama(Mateo 5:37). “Kayo’y sa inyong amang diyablo, at ang mga nasa ng inyong ama ay inyong gagawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa no’ng una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa sarili niya: sapagkat siya’y isang sinungaling, at ama nito(Juan 8:44). Sinasabi ng Diyos na ang mga kasinungalingan ay nagmumula roon sa masama, mula sa diyablo, at na ang mga laging nagsisinungaling ay mga diyablo. Sa palagian kong pagsisinungaling, at dagdagan ng iba pang mga kasinungalingan para pagtakpan ang mga nauna, hindi ba tulad lang ako ni Satanas? Ang sinabi ko ay may elemento ng kademonyohan, mapanlinlang ito, at nakagambala sa gawain ng iglesia. Nalutas sana ang pagkakamaling iyon na nagawa ko sa shooting sa isang matapat na pag-amin, at naiwasan ang maraming di-kailangang problema. Pero para hindi mapahiya at manatili sa katayuan, matapos itong pag-isipan nang husto hindi ako makapagsabi ng isang matapat na salita. Paulit-ulit akong nagsinungaling para pagtakpan iyon, na nililinlang ang aking mga kapatid at kinailangang gumugol ng mahigit tatlong oras ang brother na nag-eedit para ayusin ang mga pagkakamali ko. Hindi ko isinasaalang-alang ang trabaho ng ibang mga tao o kung ano ang mga kahihinatnan kung ginamit ang may mga maling kuha sa final video. Masyado akong naging makasarili at kasuklam-suklam. Nakita ko na nagpakontrol ako sa aking tiwaling disposisyon at na lahat ng ginawa ko ay nakakasakit sa akin at sa iba. Talagang nakakasuka iyon sa mga tao, at kinasuklaman iyon ng Diyos. Napuno ako ng pagsisisi at galit sa sarili. Nagdasal ako sa Diyos na gusto kong tumigil sa pagpapahalaga sa hindi pagkapahiya at pananatili sa katayuan, at maging isang simple, bukas at matapat na tao.

Nakita ko na sinasabi sa salita ng Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi nakagapos o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa mga salita ng Diyos, nahanap ko ang mga landas ng pagsasagawa ng katotohanan: kailangan kong matutong magtapat, buksan ang puso ko sa Diyos, at hindi maging hindi matapat, mapanloko o mapanlinlang para protektahan ang aking imahe. Kailangan kong maging tapat sa aking mga kapatid tungkol sa aking katiwalian, mga pagkukulang at pagkakamali, at mga lihim kong motibo. Iyan ang pinakamahalagang hakbang sa pagpasok sa katotohanan. Ang makamit iyan ang tanging paraan para unti-unting makalaya sa gapos at pagkontrol ng tiwaling disposisyon ng isang tao at mamuhay na may tunay na wangis ng tao. Hindi maaaring patuloy akong kumilos dahil sa pagsisikap na hindi mapahiya at manatili sa katayuan. Kailangan kong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos at ang pangangasiwa ng aking mga kapatid. Kaya, sinabi ko sa lahat ang buong katotohanan tungkol sa aking mga pagkakamali at sa katiwaliang nahayag habang nangyayari iyon. Gumawa rin ako ng ilang bagay para parusahan ang sarili ko, para matiyak na hindi ako makalimot. Ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng kamalayan tungkol sa aking mapanlokong disposisyon at isinumpa ko na magbabago ako.

Isang araw pagkatapos ng shooting, saglit na nagawi ako ng tingin sa isang detalye sa screen ng isa pang kamera, at lumakad palayo ang isang mang-aawit sa naiilawang lugar. Nang matanto ko iyon, nakakanta na siya ng ilang linya. Nagkaroon kami ng mahigit sampung segundong footage na hindi magagamit dahil sa problema sa ilaw. Naisip ko, “Paano ko nagawang muli ang pagkakamaling iyon? Madalas akong magkamali nang husto nitong huli. Ano ang iisipin ng mga tao kung aminin ko iyon? Sasabihin ba nila na hindi ko sineseryoso ang tungkulin ko?” Habang nag-aalinlangan akong magsalita, bigla kong natanto na sinisikap ko na namang hindi mapahiya at manatili sa katayuan ko. Naalala ko ang kasiraang nagawa ko sa gawain ng iglesia noong nakaraan dahil ginusto kong protektahan ang sarili ko at hindi sabihin ang totoo. Naisip ko rin kung gaano kahiya-hiya ang mga pagsisikap kong itago ang aking mga pagkakamali, at ang lahat ng sakit at pagdurusang nadama ko dahil sa pagsisinungaling. Natanto ko na hindi ko kayang linlangin at dayain ang iba, na kailangan kong talikdan ang sarili ko at isagawa ang katotohanan. Kaya tumigil ako sa pag-aalinlangan, at sinabi ko sa direktor ang nangyari.

Pagkatapos niyon, nagsimula akong sadyang magsanay na maging matapat na tao habang gumaganap sa aking mga tungkulin, maagap na aminin ang aking mga pagkakamali at hindi mahumaling sa katayuan at dangal. Nagawa kong sadyang protektahan ang gawain ng iglesia. Kahit kung minsan ay kinailangan kong harapin ang mapagsabihan at mapayuhan ng aking mga kapatid matapos umamin sa mga pagkakamali, at mapahiya rin na kaakibat niyon, ang pagsasagawa ng katotohanan ay humadlang na makasira ang aking mga pagkakamali sa gawain ng iglesia. Naging partikular na matino ako at panatag dahil dito. Tunay kong naranasan kung gaano kasakit ang magsinungaling at manlinlang para protektahan ang sarili kong katayuan at reputasyon. Ang pagsasagawa ng katotohanan at pagiging matapat na tao ang tanging paraan para maging isang taong marangal at may dignidad at namumuhay nang hayagan sa liwanag. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 46. Ang Pagpapatotoo sa Diyos ay Tunay na Paggawa ng Tungkulin

Sumunod: 48. Labinsiyam na Taon ng Dugo at Luha

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

60. Ang Diyos ay Napakamatuwid

Ni Zhang Lin, JapanNoong Setyembre 2012, ako ang namamahala sa gawain sa iglesia nang makilala ko ang pinuno kong si Yan Zhuo. Nalaman kong...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito