4. Ang Pagsubok sa mga Inapo ni Moab

Ni Zhuanyi, Tsina

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4). “Ang paggawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay pagliligtas sa mga nahulog sa pinakamatinding kadiliman. Bagama’t sila ay isinumpa, ang Diyos ay handang magkamit ng kaluwalhatian mula sa kanila, sapagkat lahat sila noong una ay mga taong wala ang Diyos sa kanilang puso; ang mahikayat lamang yaong mga wala ang Diyos sa kanilang puso na sundin at mahalin Siya ang tunay na paglupig, at ang bunga ng gayong gawain ang lubhang mahalaga at lubhang kapani-paniwala. Ito lamang ang pagkakamit ng kaluwalhatian—ito ang kaluwalhatiang nais makamit ng Diyos sa mga huling araw. Bagama’t mababa ang posisyon ng mga taong ito, tunay na itinaas sila ng Diyos dahil nagagawa na nila ngayong makamit ang gayon kadakilang pagliligtas. Ang gawaing ito ay napakamakahulugan, at sa pamamagitan ng paghatol Niya nakakamit ang mga taong ito. Hindi Niya layon na parusahan ang mga taong ito, kundi iligtas sila. Kung, sa mga huling araw, isinasagawa pa rin Niya ang gawain ng paglupig sa Israel, mawawalan ito ng kabuluhan; magkaroon man ito ng bunga, mawawalan ito ng halaga o anumang malaking kabuluhan, at hindi Siya magkakamit ng buong kaluwalhatian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Sa pagbabasa ng mga salitang ito mula sa Diyos, naiisip ko ang pagsubok sa akin bilang isang inapo ni Moab.

Naalala ko noong 1993, ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (2)” at ang “Ang Pinakadiwa at Pagkakakilanlan ng Tao.” Inihayag Niyang sa China, inapo ni Moab ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Nabasa ko nang panahong iyon ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga inapo ni Moab ang pinakaaba sa lahat ng tao sa buong mundo. Nagtatanong ang ilang tao, ‘Hindi ba ang mga inapo ni Ham ang pinakaaba sa lahat?’ Ang mga supling ng malaking pulang dragon at ang mga inapo ni Ham ay magkaiba ang laki ng kahalagahan, at ang mga inapo ni Ham ay ibang bagay: Paano man sila isinumpa, mga inapo pa rin sila ni Noe; ang mga pinagmulan ni Moab, samantala, ay hindi puro: Si Moab ay nagmula sa pakikiapid, at nariyan ang pagkakaiba(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 2). “Yaong mga taong inililigtas Ko ay mga matagal Ko nang itinalaga at na tinubos Ko, samantalang kayo ay mga kaawa-awang kaluluwa na inilagay sa gitna ng sangkatauhan bilang mga nabubukod sa panuntunan. Dapat ninyong malaman na hindi kayo kabilang sa tahanan ni David o ni Jacob, kundi iyong kay Moab, na kung saan mula sa isang tribong Gentil ang mga kasapi. Sapagkat hindi Ko itinatag ang isang tipan sa inyo, kundi gumawa lamang ng gawain, nagsalita sa gitna ninyo, at inakay kayo. Hindi dumanak ang dugo Ko para sa inyo; isinasakatuparan Ko lamang ang gawain Ko sa gitna ninyo alang-alang sa patotoo Ko. Hindi ba ninyo nabatid ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pinakadiwa at Pagkakakilanlan ng Tao). Nagulat ako nang husto. Napaisip ako, “Mga inapo ba kami ni Moab? Totoo kaya iyon? Anak si Moab ni Lot at ng anak nitong babae. Bunga siya ng kahalayan, hindi malinis ang pinagmulan niya, kaya paano kami naging mga inapo niya? Sa pananalig ko sa Panginoon, sinasabi nila dati na mga inapo kami ng mga Israelita, na kabilang kami sa bahay ni Jacob. Bakit sinabi ng Diyos na inapo kami ni Moab?” Hindi ko talaga ito matanggap, pero naisip ko, “Katotohanan ang lahat ng salita ng Diyos at mga katunayan lang ang inihahayag Niya. Hindi ito maaaring mali! Bakit ako naging inapo ni Moab, at bakit ako isinilang sa China?” Naisip ko na bilang isa sa mga unang dumanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, ng gawain ng paghatol at paglilinis ng Diyos sa mga huling araw, bilang isang magiging mananagumpay at isang modelong mananampalataya sa harap ng mga sakuna, dapat mas mataas ang katayuan ko sa hinirang ng Diyos sa ibang bansa. Pero nagulat akong isa pala akong inapo ni Moab, at bukod sa isinumpa ako ng Diyos, produkto ako ng masamang pamumuhay. Ako ang pinakamababa, pinakahamak na uri sa buong sangkatauhan. Ano ang iisipin sa akin ng mga hindi mananampalataya kung malaman nila ang tungkol doon? Anong sasabihin ng pamilya kong hindi mananampalataya? Iniwan ko ang tahanan at karera ko para sa aking pananampalataya, nagdurusa ako at ginugugol ang aking sarili, pero sa huli, inapo lang ako ni Moab. Talaga namang isa iyong nakakahiyang bagay. Pakiramdam ko, kailangan kong tahimik na magdusa. Noong panahong iyon, nang maisip kong inapo ako ni Moab at produkto ng masamang pamumuhay, hiyang-hiya ako at hindi makaharap sa iba. Ilang araw akong hindi lumabas ng bahay, hindi makakain at hindi makatulog, at wala rin akong ganang gumawa ng anuman sa loob ng bahay. Reklamo lang ako nang reklamo sa puso ko, “Paano ako naging isang inapo ni Moab? Bakit napakababa ng pamana at katayuan ko?” Para akong isang taong lumaki sa isang mayamang pamilya, mapagmataas, inaakalang mula ako sa mayamang lahi, pero isang araw, nalaman kong pinulot lang pala ako sa kalye, at hindi talaga nabibilang sa angkan na iyon. Nakaramdam ako sa loob ko ng kalungkutan, kahinaan, at hinagpis at hindi ko talaga matanggap ang katotohanan. Napuno ako ng kawalang-kasiyahan, pagiging negatibo at mga maling pagkakaintindi. Naisip kong bilang inapo ni Moab, sinumpa ako, at hindi ako ililigtas ng Diyos kailanman. Lalo akong nasasaktan habang iniisip iyon. Parang may malaking bagay na nakadagan sa dibdib ko, at hindi ako makahinga. Tumatakas ako noon papunta sa banyo at mag-isang umiiyak doon. Nagdurusa ang lahat noong panahong iyon. May ilang taong umiiyak sa tuwing nababanggit iyon.

Habang nagdurusa kaming lahat sa paghihirap na ito, inilabas ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang mga salita, “Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab,” nilalantad ang kalagayan namin at sinasabi sa amin kung ano ang Kanyang kalooban. Nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos, “Sa simula, nang ibigay Ko sa inyo ang posisyong mga tao ng Diyos, nagtatalon kayo, na mas malaki ang katuwaan kaysa iba. Subalit noong sandaling sabihin Ko na kayo ang mga inapo ni Moab, ano ang nangyari sa inyo? Nanghina kayong lahat! Nasaan ang inyong tayog? Ang inyong konsepto ng posisyon ay napakatindi! … Anong klaseng pagdurusa ang natiis ninyo para lubha kayong masaktan? Iniisip ninyo na kapag napahirapan na kayo ng Diyos nang kaunti, magiging masaya na Siya, na para bang pumarito Siya na layon kayong parusahan, at matapos kayong parusahan at puksain, matatapos na ang Kanyang gawain. Iyan ba ang sinabi Ko? Hindi ba ninyo iniisip na dahil ito sa inyong kabulagan? Dahil ba kayo mismo ay hindi nagsisikap na gumawa ng mabuti, o plano Kong parusahan kayo? Hindi Ko nagawa iyon kailanman—isang bagay lamang iyan na naisip ninyo. Kailanman ay hindi naging ganyan ang Aking paggawa, ni wala Akong ganyang layon. Kung talagang nais Kong puksain kayo, kakailanganin Ko bang magdusa nang gayon katindi? Kung talagang nais Kong puksain kayo, kakailanganin Ko ba kayong kausapin nang napakasigasig? Ito ang Aking kalooban: Kapag nailigtas Ko na kayo, saka lamang Ako makakapahinga. Kapag mas hamak ang tao, mas nagiging pakay sila ng Aking pagliligtas. Kapag mas aktibo ninyong nagagawang makapasok, mas sasaya Ako. Kapag mas nanghihina kayo, mas nababalisa Ako. Gusto ninyo palaging lumakad nang buong yabang at maghari—sinasabi Ko sa inyo, hindi iyan ang landas ng pagliligtas sa inyo mula sa karumihan. Ang pantasyang maghari ay hindi kayo magagawang perpekto; hindi makatotohanan iyan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Nang mabasa ko ito, masyado akong nakonsiyensiya. Naisip ko kung paanong dati, nang sinabi ng Diyos na magiging bayan tayo ng kaharian at tayo ay magiging mga mananagumpay at mga modelo, naging mapagmataas ako at hindi ko alam kung sino ba ako. Naniwala akong dahil isa ako sa mga unang tumanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at isa sa mga unang nagawang perpekto, dapat mas mataas ang katayuan ko kaysa sa hinirang na mga tao ng Diyos sa ibang bansa. Ang taas ng tingin at paghanga ko sa sarili ko. Nang inihayag ng Diyos na mga inapo tayo ni Moab, nakita ko na mababa na ang katayuan ko pagsilang pa lang, at sinumpa ako ng Diyos. Ang akala ko ay hindi ako ililigtas ng Diyos, kaya nalugmok ako sa pagkanegatibo. Napagtanto kong malakas ang pagnanasa ko para sa katayuan, at talagang kulang ang tayog ko. Sa totoo, kahit nilantad tayo ng Diyos bilang mga inapo ni Moab, hindi Niya kailanman sinabing hindi Niya tayo ililigtas. Sabagay, naging tao siya sa bansa ng malaking pulang dragon, at nagpahayag ng katotohanan para humatol, kumastigo, magdilig at tumustos para sa atin nang sa gayon, tayo na pinakamarumi at tiwaling mga tao’y magkaroon ng pagkakataong mailigtas ng Diyos. Nasa likod niyon ang mabuting mga intensiyon ng Diyos! Pero hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos. Akala ko bilang inapo ni Moab, ang isang gaya kong marumi at mababa ay pinakakinamumuhian ng Diyos, na hindi Niya ako ililigtas. Naging negatibo ako at nilabanan ko Siya. Talagang hindi ako makatwiran! Ilang sandali lamang matapos nito, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kahit balewalain pa na kayo ay mga inapo ni Moab, napakataas ba ng inyong kalikasan o lugar ng kapanganakan? Kahit balewalain pa na kayo ay kanyang mga inapo, hindi ba mga inapo kayong lahat ni Moab, nang buong-buo? Mababago ba ang katotohanan ng mga bagay-bagay? Salungat ba sa katotohanan ang paglalantad ng inyong kalikasan? Tingnan ninyo ang inyong pagkabusabos, ang inyong buhay, at ang inyong pag-uugali—hindi ba ninyo alam na kayo ang pinakahamak sa lahat ng hamak sa sangkatauhan? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Tingnan ninyo ang inyong katayuan sa lipunan. Hindi ba nasa pinakamababang antas kayo? Palagay ba ninyo mali ang sinasabi Ko? Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan? Kung ikukumpara, ni hindi man lang kayo nararapat na magtamasa ng gayon kalaking biyaya. Nasasaktan ba kayo kapag sinasabihan kayo ngayon na kayo ay mga inapo ni Moab? Huwag ninyong gaanong taasan ang tingin ninyo sa inyong sarili. Wala kang dapat ipagmayabang. Ang gayon kadakilang kaligtasan, ang gayon kadakilang biyaya ay buong layang ibinibigay sa inyo. Wala kayong naisakripisyo, subalit buong laya kayong nagtatamasa ng biyaya. Hindi ba kayo nahihiya?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Bawat tanong ng Diyos ay talagang kumatok sa puso ko. Nakaramdam ako ng matinding hiya. Naisip ko iyong mga santo—lahat sila, naging masunurin sa Diyos, hindi nila Siya sinisi noong sinusubok sila. Tumayo silang saksi para sa Diyos at nagkamit ng Kanyang pagsang-ayon at biyaya. Sinunod ni Abraham ang mga kautusan ng Diyos, inalay niya ang pinakamamahal niyang anak na si Isaac sa Diyos. Hindi siya nagbigay ng anumang kondisyon o nakipagtalo sa Diyos, sa halip lubos siyang sumunod. At nang dumanas ng malaking pagsubok si Job, nawala ang mga ari-arian niya, ang mga anak niya, natadtad ng pigsa ang katawan niya, pinuri niya pa rin ang Diyos, sinasabing, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Pero isinilang ako sa bansa ng malaking pulang dragon, pinag-aral ng ateismo, ebolusyon, at materyalismo mula pagkabata. Hindi ko alam na mayroong Diyos, at lalong hindi ko alam kung paano Siya purihin. Ang pananalig ko ay para lang makatanggap ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, para kalaunan, makapasok ako sa kaharian ng langit at magkaroon ng magandang destinasyon. Nang naharap ako sa pagsubok, dahil walang katayuan at biyaya, nagreklamo ako at lumaban sa Diyos. Hindi ako naging tunay na masunurin, hindi ko Siya trinato bilang Diyos. Sa mga taong iyon ng pananalig, malaya kong tinamasa ang sustento ng mga salita ng Diyos, at ang sunod-sunod na patnubay ng gawain Niya. Bukod sa hindi ko masuklian ang pagmamahal Niya, ang naibigay ko lang sa Kanya’y maling pagkakaintindi at mga reklamo, paghihimagsik at pagrerebelde. Anong klaseng mananampalataya ako? Gayon pa man, inakala ko na paborito ako ng Diyos at importante ako sa Kanya, at akala ko mas mataas ang katayuan ko kaysa sa mga hinirang ng Diyos mula sa ibang bansa, na pinakakarapat-dapat ako sa mga pagpapala ng Diyos. Naging napakamapagmataas ko na hindi ko alam ang mga bagay. Wala akong kamalayan sa sarili! Kung nagkataong hindi ibinunyag ng Diyos ang marumi’t mababa kong pinagmulan, baka iniisip ko pa ring nagmula ako sa isa sa labindalawang tribo ni Jacob, na anak ako ng Israel, inapo ni David. Wala talaga akong kahihiyan. Ngayon alam ko na ang pagkakakilanlan at katayuan ko, kaya mas mapagkumbaba na ako. Hindi na ako walang pakundangan na gaya ng dati. Nagkamit na rin ako ng ilang katwiran sa harap ng Diyos. Ito ang kaligtasan ng Diyos sa akin! Hindi ako dapat na magkimkim ng matinding kahilingan sa Diyos, at kahit hindi maganda ang maging hantungan ko sa huli, magpapasakop pa rin ako sa pagsasaayos ng Diyos at pupurihin ang Kanyang pagiging matuwid.

Kalaunan, nagbasa pa ako ng salita ng Makapangyarihang Diyos at mas naunawaan ko ang kahalagahan ng paggawa ng Diyos sa mga inapo ni Moab. Nakita ko na ito ang sinasabi ng salita ng Diyos: “Ang paggawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay pagliligtas sa mga nahulog sa pinakamatinding kadiliman. Bagama’t sila ay isinumpa, ang Diyos ay handang magkamit ng kaluwalhatian mula sa kanila, sapagkat lahat sila noong una ay mga taong wala ang Diyos sa kanilang puso; ang mahikayat lamang yaong mga wala ang Diyos sa kanilang puso na sundin at mahalin Siya ang tunay na paglupig, at ang bunga ng gayong gawain ang lubhang mahalaga at lubhang kapani-paniwala. Ito lamang ang pagkakamit ng kaluwalhatian—ito ang kaluwalhatiang nais makamit ng Diyos sa mga huling araw. Bagama’t mababa ang posisyon ng mga taong ito, tunay na itinaas sila ng Diyos dahil nagagawa na nila ngayong makamit ang gayon kadakilang pagliligtas. Ang gawaing ito ay napakamakahulugan, at sa pamamagitan ng paghatol Niya nakakamit ang mga taong ito. Hindi Niya layon na parusahan ang mga taong ito, kundi iligtas sila. Kung, sa mga huling araw, isinasagawa pa rin Niya ang gawain ng paglupig sa Israel, mawawalan ito ng kabuluhan; magkaroon man ito ng bunga, mawawalan ito ng halaga o anumang malaking kabuluhan, at hindi Siya magkakamit ng buong kaluwalhatian. … Ang paggawa sa inyo ngayon, mga inapo ni Moab, ay hindi para hiyain kayo, kundi para ihayag ang kabuluhan ng gawain. Para sa inyo, ito ay isang dakilang pagtataas. Kung ang isang tao ay may katwiran at kabatiran, sasabihin niya: ‘Ako ay isang inapo ni Moab, na tunay na hindi karapat-dapat na tumanggap ngayon ng ganito kadakilang pagtataas ng Diyos, o ng gayon kadakilang mga pagpapala. Sa lahat ng aking ginagawa at sinasabi, at ayon sa aking katayuan at kahalagahan, ni hindi man lang ako karapat-dapat sa gayon kadakilang mga pagpapala mula sa Diyos. Ang mga Israelita ay may dakilang pagmamahal sa Diyos, at ang biyaya na kanilang tinatamasa ay ipinagkakaloob Niya sa kanila, ngunit ang kanilang katayuan ay mas mataas kaysa sa atin. Si Abraham ay lubhang matapat kay Jehova, at si Pedro ay lubhang matapat kay Jesus—ang kanilang katapatan ay isandaang ulit na nakahihigit kaysa sa atin. Batay sa ating mga kilos, talagang hindi tayo karapat-dapat na magtamasa ng biyaya ng Diyos’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). “Ang mga inapo ni Moab ay isinumpa, at isinilang sila sa paurong na bansang ito; walang duda, sa lahat ng taong nasa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, ang mga inapo ni Moab ang may pinakamababang katayuan. Dahil ang mga taong ito ay may pinakamababang katayuan noon pa man, ang gawaing ginagawa sa kanila ang pinakamagaling na sumira sa mga kuru-kuro ng tao, at pinakakapaki-pakinabang din sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ang paggawa ng gayong gawain sa mga taong ito ang pinakamainam na paraan ng pagsira sa mga kuru-kuro ng tao, at sa pamamagitan nito ay inilunsad ng Diyos ang isang kapanahunan; sa pamamagitan nito ay sinisira Niya ang lahat ng kuru-kuro ng tao; sa pamamagitan nito ay tinatapos Niya ang gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang unang gawain ay isinakatuparan sa Judea, sa loob ng mga hangganan ng Israel; sa mga bansang Gentil, wala Siyang ginawang anumang gawain para maglunsad ng bagong kapanahunan. Ang huling yugto ng gawain ay hindi lamang isinasakatuparan sa mga Gentil, kundi lalo na sa mga taong isinumpa. Ang isang puntong ito ang katibayan na may pinakamalaking kakayahang pahiyain si Satanas, at sa gayon, ang Diyos ay ‘nagiging’ Diyos ng lahat ng nilikha sa sansinukob, ang Panginoon ng lahat ng bagay, ang pakay ng pagsamba para sa lahat ng bagay na may buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha). Dati akong may kuru-kuro na tiniyak na ng Diyos kung sino ang ililigtas Niya, na ang mga iyon ay ang hinirang na mga tao Niya, kaya dahil inapo ni Moab ang mga Tsino, dahil pinakamababa tayo sa lahat, mga lumaban at pinakahindi kumilala sa Diyos, at dahil sinumpa at itinakwil Niya tayo, tiyak na hindi niya tayo ililigtas. Pero hindi iyon ang ginawa ng Diyos. Hindi Niya tayo tinalikuran dahil lang sa mababa tayo, at hindi Niya sinukuan ang pagliligtas sa atin dahil sa marumi at tiwali tayo. Sa halip, personal siyang naging tao, nagtiis ng matinding kahihiyan at hirap para gumawa kasama natin, ang mga inapo ni Moab, upang gumawa, humatol, kumastigo, sumubok at pumino sa atin gamit ang mga salita Niya. Ginawa iyon para dalisayin at iligtas tayo. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos! Gaya iyon ng pagkain ng Panginoong Jesus kasama ang mga makasalanan. Kapag mas marumi’t mas mababa tayo, mas nakikita natin kung gaano kadakila ang pagmamahal at pagliligtas Niya. Sa huli, ganap tayong ililigtas ng Diyos, tayong pinakatiwali, pinakamarumi’t pinakamababa. Gusto Niya tayong iligtas laban sa madidilim na puwersa ni Satanas nang sa gayon ay maluwalhati tayong makapagpatotoo sa Kanya. Ito ang maghihiya kay Satanas. Ito ang kahulugan ng gawain ng Diyos sa mga inapo ni Moab! At saka, ang gawain ng Diyos sa mga inapo ni Moab ang sumira sa lahat ng kuru-kuro natin, nakita natin na hindi lang Siya Diyos ng mga Israelita, Diyos din Siya ng lahat ng mga nilalang. Hindi Niya tinitingnan kung saan tayo isinilang, kung ano ang bansa o lahi natin, kung mga Israelita ba o inapo tayo ni Moab, at kung pinagpala ba tayo o sinumpa ng Diyos. Basta’t mga nilikha tayo, at basta’t hinahanap natin ang katotohanan at nagpapasakop tayo sa gawain ng Diyos, tiyak na maililigtas tayo ng Diyos. Patas at matuwid ang Diyos sa bawat isang nilikha Niya, at bawat isa ay may pagkakataong mailigtas Niya. Nang mas pinagbulayan ko ang salita ng Diyos, mas naramdaman ko ang malaking kahalagahan ng gawain ng Diyos sa mga inapo ni Moab, at kung gaano katotoo ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Sa kasamaang-palad, kulang ang aking kakayahan, at limitado ang pag-unawa ko sa gawain ng Diyos. Makakapagbahagi lang ako ng kaunting pagkaunawa, pero hindi ako makakapagbigay ng magandang patotoo. Malaki talaga ang utang ko sa Diyos.

Kapag iniisip ko ngayon ang dinanas kong pagsubok sa pagiging inapo ni Moab, kahit na nagdusa ako nang kaunti noon, nalaman ko naman ang sarili kong pagkakakilanlan at halaga. Nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan at sa Kanyang matuwid na disposisyon. Mula noon, hindi na ako naging mayabang at mapagmataas. Naramdaman ko kung gaano ako kababa at katiwali, na hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal at kaligtasan Niya, at hindi na ako nagtatangkang humingi ng anuman sa Kanya. Paano man ako tinatrato ng Diyos o ano ang Kanyang isinasaayos, handa ko iyong tanggapin at handa akong magpasakop. Gusto ko lang na tapat na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at hangaring baguhin ang disposisyon ko sa buhay. Kahit bilang inapo ni Moab, kailangan ko pa ring hanapin ang katotohanan at tumayong saksi para sa Diyos. Ito ay tulad lamang ng isang himno, “Hindi kami mga Israelita, kundi pinabayaang mga inapo ni Moab, hindi kami si Pedro, na ang kakayahan ay hindi namin kaya, ni hindi kami si Job, at ni hindi kami maikukumpara sa matibay na pagpapasiya ni Pablo na magdusa para sa Diyos at ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, at masyado kaming paurong, at sa gayon, hindi kami karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala ng Diyos. Itinaas pa rin kami ng Diyos ngayon; kaya kailangan naming palugurin ang Diyos, at bagama’t hindi sapat ang aming kakayahan o mga katangian, handa kaming palugurin ang Diyos—ito ang aming matibay na pasiya. Kami ay mga inapo ni Moab, at kami ay isinumpa. Iniutos ito ng Diyos, at hindi namin kayang baguhin ito, ngunit maaaring magbago ang aming pagsasabuhay at aming kaalaman, at matibay ang aming pasiya na palugurin ang Diyos(“Ang Pasiya na Dapat Taglayin ng mga Inapo ni Moab” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin).

Sinundan: 3. Ang Pagsubok ng Isang Hambingan

Sumunod: 5. Pagtatamo ng Pagpapala sa Pamamagitan ng Kasawian

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito