Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao Mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Kanyang Paligid
Ngayon, nakatuon yaong mga buong pusong nananampalataya sa Diyos sa masigasig na paggawa ng kanilang mga tungkulin, at nais nilang gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Gayumpaman, dahil lahat ay mayroong tiwaling disposisyon, at bawat isa ay may sariling mga paghihirap at pagkukulang, mahirap para sa kanila na gawin ang kanilang tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan—kinakailangan nilang hangarin at pagsikapan ang katotohanan. Kapag dumarating ang mga paghihirap, dapat sama-samang manalangin ang lahat at hanapin ang katotohanan para magkakasamang lutasin ang kanilang mga problema. Ito ang responsabilidad at tungkulin ng bawat tao. Lahat ay may responsabilidad at obligasyon na gawin nang maayos ang kanilang tungkulin. Hindi ito responsabilidad ng isang partikular na tao; sa halip, ito ay sama-samang responsabilidad ng lahat. Kaya, dapat sama-samang magsikap ang lahat at matutong magtulungan nang nagkakasundo. Maliban sa pagsasangkap sa kanilang sarili ng katotohanan, dapat ding sangkapan ng lahat ang kanilang sarili ng propesyonal na kaalaman, gamitin ang sarili nilang mga kalakasan, matuto ng ilang praktikal na bagay, matuto mula sa isa’t isa, at pagbutihin ang kanilang mga kahinaan sa pamamagitan ng pagtutulungan. Sa paggawa nito, bubuti nang bubuti ang mga resultang makukuha nila sa kanilang mga tungkulin.
Bakit sa palagay ninyo napakahirap para sa mga walang pananampalataya na gumawa ng anumang bagay, at bakit napakalaki ng kanilang mga hadlang? Ito ay dahil mayroong mga satanikong kalikasan ang mga tao; lahat sila ay namumuhay ayon sa mga tiwaling disposisyon, gustong magpakitang-gilas, gustong sila ang may huling kapasyahan, at wala silang paraan para makipagtulungan nang may pagkakasundo. Kaya, napakahirap para sa kanila na gawin ang anumang bagay nang matagumpay. Sa kalagitnaan ng paggawa ng isang bagay, nagkakandawatak-watak sila dahil sa kawalan ng pagkakaisa, at naghihiwalay. Ang mga mayroong mabuting pagkatao ay nakapagpapatuloy nang kaunti. Sa malao’t madali, ang mga walang katotohanan ay madadapa. Kung malinaw ninyong nakikita ang puntong ito, dapat kayong matutong tumanggap at magpasakop sa katotohanan, at makipagtulungan nang may pagkakasundo sa iba. Bakit hindi nagtutulungan nang may pagkakasundo ang mga tao? (Dahil mayabang at mapagmagaling ang mga tao. Palagi nilang iniisip na sila ang tama, at ayaw nilang tanggapin ang mga mungkahi ng iba.) Ang pagiging mayabang at mapagmagaling ay kapwa bahagi ng isang tiwaling disposisyon. Madali bang lutasin ang problemang ito? Malulutas ba ito ng sinuman? Talagang hindi kayang lutasin ng mga walang pananampalataya ang ganitong uri ng problema. Bakit? Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Namumuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, sa kanilang sariling kagustuhan, sa mga taktika, sa mga pakana, sa mga plano, at sa kanilang mga satanikong disposisyon. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, lalong hindi nila ito isinasagawa, ni hindi nila hinahangad na kilalanin ang kanilang sarili, maghimagsik laban sa kanilang sarili, o magpasakop sa katotohanan. Ganap na wala silang sinasabi tungkol sa mga positibong bagay at tamang landas na ito. Hindi nila kailanman kinikilala na ang Diyos ang katotohanan at hinding-hindi sila mananampalataya sa Kanya, kaya kahit anong propesyon ang pasukin nila at anumang gawin nila, palagi silang nabibigo at nagdadala ng kapahamakan sa kanilang sarili sa bandang huli. Iba ang kalagayan sa sambahayan ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, ang Diyos ang naghahari; ang Kanyang mga salita at katotohanan ang naghahari. Sa bawat araw, kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita ang mga hinirang ng Diyos, at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Lalong napupuno ng liwanag ang mga puso nila, at handa silang magsikap tungo sa katotohanan, at makamit ito. Bakit mas epektibo ang mga kapatid kapag nagtutulungan kaysa sa mga walang pananampalataya? Kahit papaano, may pundasyon sila: Lahat sila ay mga taong buong pusong nananampalataya sa Diyos, at sa sambahayan ng Diyos, nagkakaisa sila sa kanilang pag-iisip at mga pagsisikap kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Bukod pa rito, mayroon silang iisang pananalig, parehong mga layon, at konektado ang kanilang mga espiritu. Mula man sila sa hilaga, sa timog, o sa Gitnang Kapatagan, bagama’t magkakaiba ang kanilang mga diyalekto, mabilis pa rin silang nagiging pamilyar sa isa’t isa habang nagbabahaginan sila tungkol sa pananalig at nagtatalakay ng kanilang mga karanasan, na para bang matagal na silang magkakakilala. Pakiramdam nila ay miyembro sila ng iisang pamilya. Higit pa roon, yaong mga hindi nag-aasikaso ng mga praktikal na usapin, na palaging nagpapakana at nanlilinlang, na nanlalansi, palaging mayabang at mapagmagaling, na sumusunod sa sarili nilang kagustuhan, at hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan, ay hindi makakapanindigan sa sambahayan ng Diyos. Likas silang ititiwalag at paaalisin, dahil ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Malinaw ang lahat ng ito, at napatunayan nang totoo. Anuman ang iyong edad, kasarian, o maging ang iyong antas ng kasanayan, kung sasabihin mong, “Naiintindihan ko ang aking larangan ng kadalubhasaan, kaya tama ang sinasabi ko. Hindi ako makikinig sa inyo!” kung gayon, ano ang magiging pananaw ng lahat sa iyo? Sasang-ayunan ba nila ang ganitong uri ng tao? (Hindi nila sasang-ayunan ito.) Magagawa ba ng ganitong tao ang kanyang tungkulin nang maayos at makakapanindigan ba siya? (Hindi.) Madali siyang matitiwalag. Ang ilang tao ay mahusay sa pagsasalita at talagang kaaya-ayang pakinggan ang kanilang pananalita, pero wala silang ginagawang anumang praktikal. Sa una, magugustuhan sila ng mga tao, ngunit paano kaya sa kalaunan? Makikita ng lahat ang totoong sila, at sasabihing, “Nagsasalita nang kaaya-aya ang taong ito sa panlabas, pero wala siyang ginagawang anumang praktikal. Isang tingin lang sa kanya, at malalaman mo nang hindi niya mahal ang katotohanan. Nakatuon siya sa pagpapanggap, at kung paano niya ipinipresenta ang kanyang sarili. Hindi siya kailanman nagbahagi tungkol sa katotohanan o nagnilay sa kanyang sarili. Katulad siya ng mga walang pananampalataya, siya ay hindi mananampalataya.” Pagkatapos itong makita, maiinis sa kanya ang mga tao, iisipin na hindi makabubuti o makatutulong ang pakikipag-usap o pakikipagtulungan sa kanya. Ipinaparamdam ng ganitong uri ng tao sa iba na hindi sila masaya at hindi malaya ang kanilang espiritu, at unti-unti nilang lalayuan ang taong ito. Kapag nakita ng taong ito na tinatalikuran na siya ng iba, at tuluyan na siyang nakabukod, magsisimula na siyang pagnilay-nilayan ang kanyang sarili. Saka lang niya mapagtatantong, “Hindi katanggap-tanggap para sa isang tao na hindi hangarin ang katotohanan. Ang umasa sa maliliit na panlalansi, mga kakayahan, at mga kaloob, o sa sarili kong mga karanasan, aral, pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at mga taktika ay talagang hindi uubra sa sambahayan ng Diyos. Dapat kong tanggapin at hangarin ang katotohanan para maiwasan ko ang matiwalag!” Kung tunay na magsisisi at magbabago ang gayong tao, mayroon pa ring kaunting pag-asa na maliligtas siya.
Sa sambahayan ng Diyos, anong uri ng tao ang gusto ng karamihan? (Gusto nila ang mga taong naghahangad sa katotohanan, kayang tanggapin ito, at taglay ang katotohanang realidad.) Paano ipinapakita ng mga taong may katotohanang realidad ang katotohanang realidad? (Mas matapat sila.) Nagtataglay sila ng matapat na pagkatao. Ano pa? (Mas deboto sila.) Sa panlabas, namumuhay sila ng mas deboto at maayos na pamumuhay, at nakikinabang ang iba na makita sila. Ano pa? (Nagagawa nilang isagawa ang katotohanan, at kumikilos sila nang may prinsipyo.) Ito ang ilang praktikal na paraan ng pagpapakita nila nito. Anong mga bagay ang saklaw ng pagkilos nang may prinsipyo? Anong mga detalye ang naroroon? Halimbawa, pagdating sa kung paano tratuhin ang mga tao, mayroon man silang katayuan o wala, o mga kapatid, lider, o manggagawa man sila, anong mga prinsipyo ang dapat sundin? Walang duda na makatarungan at makatwiran lamang na dapat silang tratuhin ayon sa salita ng Diyos at sa katotohanan. Talagang hindi ka maaaring umasa sa mga damdamin o sa mga personal na kagustuhan, nakikipaglapit sa isa subalit lumalayo sa iba, inaapi ang mga taong totoo ngunit sumisipsip sa yaong mga maimpluwensiya, o nagpapangkat-pangkat para lumikha ng tunggalian sa pagitan ng mga ito. Bukod doon, hindi mo maaaring atakihin o ibukod ang mga taong naghahangad sa katotohanan at gumagawa ng kanilang mga tungkulin. Dapat mong tratuhin ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang prinsipyo kung paano tratuhin ang mga tao, at ito rin ang prinsipyo kung paano makisama sa iba. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat tratuhin nang patas ang lahat ng tao. Ang kunin ang loob ng mga tao kapag sila ay kapaki-pakinabang, at pagbubukod laban sa mga taong hindi kapaki-pakinabang—ito ba ang prinsipyo kung paano mo dapat tratuhin ang mga tao? Ito ang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng mga walang pananampalataya, isang satanikong disposisyon, at satanikong lohika. Sa sambahayan ng Diyos, ano ang mga prinsipyo kung paano tinatrato ang mga tao? Dapat mong tratuhin ang lahat ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at dapat mong tratuhin nang patas ang bawat isa sa iyong mga kapatid. Paano sila tatratuhin nang patas? Ito ay dapat ibatay sa mga salita ng Diyos, sa kung sinong mga tao ang inililigtas ng Diyos, at kung sino ang itinitiwalag Niya, sa kung sino ang kinalulugdan Niya, at kung sino ang kinamumuhian Niya; ito ang mga katotohanang prinsipyo. Dapat tratuhin ang mga kapatid nang may mapagmahal na pagtulong, at pagtanggap at pagpapasensya sa isa’t isa. Ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya ay dapat tukuyin, ihiwalay, at layuan. Sa paggawa nito, saka mo lamang tinatrato ang mga tao nang may mga prinsipyo. Bawat kapatid ay may mga kalakasan at pagkukulang, at lahat sila ay may mga tiwaling disposisyon, kaya kapag magkakasama sila, dapat nilang mapagmahal na tulungan ang isa’t isa, dapat silang maging mapagparaya at mapagpasensya at hindi sila dapat maghanap ng mga butas o maging masyadong malupit. Sa partikular, ang mga kapatid na hindi pa matagal nananampalataya sa Diyos, o mga bata pa, ay dapat alagaan nang husto at matiyagang suportahan. Kung nagpapakita sila ng katiwalian, makipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan at matiyagang manghikayat sa kanila. Huwag na huwag sila basta-bastang kondenahin o palakihin ang kanilang mga isyu, dahil malupit iyon. Kung natatakot at nagtatago ka kapag nalalaman mo ang tungkol sa isang huwad na lider o anticristo na gumagawa ng masasamang gawa, at hindi ka naglalakas-loob na ilantad ito; pero kapag napagtatanto mo na may ilang pagbubunyag ng katiwalian ang mga kapatid mo, sinusunggaban mo ang mga ito at pinalalaki ang maliliit na bagay, anong uri ng pag-uugali ito? Ang mga taong gumagawa nito ay kasuklam-suklam at nang-aapi ng iba. Hindi ito isang makatarungang paraan ng pagtrato sa iba; sa halip, kumikilos ka ayon sa personal na kagustuhan. Ito ay isang tiwali at satanikong disposisyon, na isang pagsalangsang! Nakikita ng Diyos ang lahat ng ginagawa ng mga tao. Paano ka man kumilos at mag-isip sa puso mo, nagsisiyasat ang Diyos! Anuman ang ginagawa mo, kailangan mong maarok ang mga prinsipyo. Una sa lahat, dapat mong maunawaan ang katotohanan. Sa sandaling naunawaan mo na ang katotohanan, magiging madali para sa iyo na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at matututunan mo ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao sa pagtrato sa iba. Matututo ka kung paano tratuhin ang mga tao, at magagawa mo silang tratuhin alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, tiyak na hindi mo mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at hindi mo mapakikitunguhan ang iba sa paraang may prinsipyo. Malinaw na ipinapakita at ipinahihiwatig sa mga salita ng Diyos kung paano mo dapat tratuhin ang iba; ang saloobin ng Diyos sa pagtrato sa sangkatauhan ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa pagtrato nila sa isa’t isa. Paano tinatrato ng Diyos ang bawat isang tao? Ang ilang tao ay mababa ang tayog; o bata pa; o maikling panahon pa lamang nananampalataya sa Diyos; o hindi masama ang kalikasang diwa, hindi mapaminsala, kundi ay medyo mangmang lang sila o kulang sa kakayahan. O nasa ilalim sila ng napakaraming pagpipigil, at hindi pa nauunawaan ang katotohanan, hindi pa nagkakaroon ng buhay pagpasok, kaya hindi nila maiwasang gumawa ng mga kahangalan o mangmang na mga pagkilos. Ngunit hindi tumutuon ang Diyos sa lumilipas na kahangalan ng mga tao; tumitingin lamang Siya sa puso nila. Kung may determinasyon silang hangarin ang katotohanan—na siyang tama—at ito ang kanilang layon, nagmamasid sa kanila ang Diyos, naghihintay, at nagbibigay ng panahon at mga pagkakataon para makapasok sila. Hindi ibig sabihin na susukuan sila ng Diyos dahil lamang sa iisang pagsalangsang. Iyan ay isang bagay na madalas ginagawa ng mga tao; hindi kailanman tinatrato ng Diyos ang mga tao nang ganoon. Kung ang Diyos ay hindi tinatrato ang mga tao sa ganoong paraan, bakit tinatrato ng mga tao ang iba nang ganoon? Hindi ba ipinapakita nito ang kanilang tiwaling disposisyon? Iyan mismo ang kanilang tiwaling disposisyon. Kailangan mong tingnan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga taong mangmang at hangal, kung paano Niya tinatrato ang mga mababa ang tayog, kung paano Niya tinatrato ang normal na mga pagpapakita ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, at kung paano Niya tinatrato yaong mga mapaminsala. Pinakikitunguhan ng Diyos ang iba’t ibang tao ayon sa iba-ibang paraan, at mayroon din Siyang sari-saring pamamaraan ng pamamahala sa iba’t ibang kalagayan ng iba’t ibang tao. Dapat mong maunawaan ang mga katotohanang ito. Kapag naunawaan mo na ang mga katotohanang ito, malalaman mo na sa gayon kung paano danasin ang mga bagay-bagay at tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo.
Pinagpapasyahan ba ng Diyos kung maliligtas o hindi ang isang tao batay sa antas ng kanyang katiwalian? Pinagpapasyahan ba ng Diyos kung hahatulan at kakastiguhin ang tao batay sa laki ng kanyang mga pagsalangsang o sa dami ng kanyang katiwalian? Pinagpapasyahan ba ng Diyos ang hantungan at kalalabasan ng tao batay sa hitsura nito, pinagmulan ng pamilya nito, antas ng kakayahan nito, o kung gaano na ito nagdusa? Hindi ginagamit ng Diyos ang mga bagay na ito bilang batayan ng Kanyang mga desisyon; ni hindi Niya tinitingnan ang mga bagay na ito. Kaya dapat mong maunawaan na yamang hindi sinusukat ng Diyos ang mga tao batay sa mga bagay na ito, hindi mo rin dapat sukatin ang mga tao batay sa mga bagay na ito. Sabihin nang may nakita kang isang tao na kaakit-akit at mukhang mabait, kaya mas nakikipag-usap ka sa kanya, nakikipag-ugnayan sa kanya, nakikipaglapit sa kanya, at nagiging mabuting magkaibigan kayo. Tapos, sabihin nang nakakita ka ng isang taong hindi kaakit-akit, hindi kaaya-aya pakinggan, hindi marunong makihalubilo sa iba, at hindi palakaibigan, kaya hindi mo siya pinapansin, at kung minsan ay gusto mo pa siyang apihin, o pagsalitaan ng masasakit na salita para supilin siya—anong klase ng pagtrato iyon sa mga tao? Ang lahat ng ito ay nagmumula sa isang tiwali at satanikong disposisyon. Payag ba kayong mamuhay nang may gayong tiwali at satanikong disposisyon? Payag ba kayong mapigilan at magapos ng inyong tiwali at satanikong disposisyon, at na pangunahan ng mga ito ang mga kilos ninyo? (Hindi.) Ayon sa mga pansariling pagnanais ng mga tao, walang sinuman ang handang gumawa ng anumang bagay o gumampan ng kanyang tungkulin nang namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Sa mga pansariling kalooban ng mga tao, nilalayon nila ang kabutihan, at handa silang isagawa ang katotohanan, pero kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan o hindi hinahangad ang katotohanan, hindi seryoso sa katotohanan o hindi ito pinagsusumikapan, hindi sila makapapasok sa katotohanang realidad. Kung hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad, ang isinasabuhay mo, ang mga prinsipyong sinusunod mo sa lahat ng iyong ginagawa, at ang mga salitang sinasabi mo ay hindi aayon sa katotohanan, at ang mga bagay na ito ay magiging ganap na walang katotohanan. Kung mayroong anumang aspekto ng katotohanan na hindi mo nauunawaan, ganap kang hindi makapapasok sa katotohanang realidad, at kung hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad, hindi ka magkakaroon ng katotohanan. Mayroon bang anumang pagkatao sa mga walang katotohanan? (Wala.) Lahat ng isinasabuhay ng mga ganitong tao ay ang tiwaling disposisyon ni Satanas. Hindi totoo na ang mga tao ay nagiging taong nagtataglay ng katotohanang realidad sa sandaling simulan nilang gawin ang kanilang tungkulin. Ang pagsasagawa ng tungkulin ay isang pamamaraan at isang daanan lamang. Sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin, ginagamit ng mga tao ang paghahangad sa katotohanan para maranasan ang gawain ng Diyos, unti-unting maunawaan at matanggap ang katotohanan, at maisagawa ang katotohanan. Pagkatapos ay nararating nila ang isang kalagayan kung saan iwinawaksi nila ang kanilang tiwaling disposisyon, tinatanggal ang mga gapos at pagkontrol ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at sa gayon, sila ay nagiging mga tao na may katotohanang realidad at mga taong may normal na pagkatao. Kapag mayroon kang normal na pagkatao, saka lamang makapagpapatibay sa mga tao at magpapalugod sa Diyos ang paggampan mo sa iyong tungkulin at ang iyong mga kilos. At kapag lang sinasang-ayunan ng Diyos ang mga tao sa paggampan ng kanilang tungkulin ay saka sila magiging pasok sa pamantayan bilang mga nilikha. Kaya tungkol sa paggampan sa inyong tungkulin, bagaman ang iginugugol at iniaalay ninyo sa debosyon ngayon ay ang iba’t ibang kasanayan at aral at kaalaman na inyong natamo, mismong sa pamamagitan ng pamamaraang ito na paggampan ng inyong tungkulin na mauunawaan ninyo ang katotohanan, at malalaman kung ano ang ibig sabihin ng paggampan sa tungkulin, kung ano ang ibig sabihin ng paglapit sa Diyos, ano ang ibig sabihin ng buong-pusong paggugol para sa Diyos. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito, malalaman ninyo kung paano iwaksi ang inyong tiwaling disposisyon, at kung paano maghimagsik laban sa inyong mga sarili, na huwag maging mapagmataas at mapagmagaling, at na magpasakop sa katotohanan at sa Diyos. Sa gayong paraan lamang ninyo makakamit ang kaligtasan.
Ngayon, ang pinakamahalagang bahagi ng paggawa ng inyong tungkulin ay ang matutong magpasakop—matutong magpasakop sa katotohanan at sa mga bagay na nagmumula sa Diyos. Sa ganitong paraan, habang sumusunod kayo sa Diyos ay matututuhan ninyo ang inyong mga aral, at unti-unti kayong makapapasok sa katotohanang realidad. Sabihin ninyo sa Akin, magagawa ba nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin kung wala siyang anumang pagkaunawa sa kung ano ang ibig sabihin ng maisagawa ang katotohanan, ng magpasakop sa katotohanan, o kapag hindi niya nauunawaan kung aling mga prinsipyo ang dapat niyang itaguyod para magawa ang kanyang tungkulin? Tiyak na magiging mahirap ito. Maaaring naranasan din ninyong lahat na kapag ginagawa ninyo ang inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kung hindi kayo nagtataglay o nakapapasok sa kahit katiting na katotohanang realidad, kung gayon ay napakahirap para sa inyo na magawa nang maayos ang inyong tungkulin. Napakahirap magawa ang inyong tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan, o na makapanindigan. Ngayon, naranasan na ba ninyong lahat kung gaano kahirap gumawa ng kahit isang hakbang pasulong kung walang katotohanan? (Oo.) Ano ang nagparanas sa inyo nito nang lubos? (Madalas na mapungusan, mabigo, at madapa dahil hindi namin naunawaan ang katotohanan, at umasa kami sa isang tiwaling disposisyon para magawa ang aming mga tungkulin.) Ilang kabiguan na ba ang napagdaanan ninyo? (May ilan na rin.) Habang nararanasan ang gawain ng Diyos, kahit ilang beses ka pang nabigo, nabuwal, napungusan, o naibunyag, hindi masasamang bagay ang mga ito. Paano ka man napungusan, o mga lider, manggagawa, o kapatid mo man ang gumawa niyon, mabubuting bagay ang lahat ng iyon. Dapat mong tandaan ito: Gaano ka man nagdurusa, ang totoo ay nakikinabang ka. Sinumang may karanasan ay mapatutunayan ito. Ano’t anupaman, ang mapungusan o maibunyag ay laging isang mabuting bagay. Hindi ito pagkokondena. Ito ay pagliligtas ng Diyos at ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang takbo ng iyong karanasan sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kondisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at nagagawa mong ungkatin ang mga tiwaling bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso mo, kung malinaw mong matutukoy ang mga ito, mabuti ito, nalutas nito ang isang malaking problema sa buhay pagpasok, at malaking pakinabang sa mga pagbabago sa disposisyon. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan, isasagawa mo ang katotohanan, at papasok sa realidad. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong ito at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nalagpasan mo na ang hangganang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa katotohanang realidad.
Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos at pinamatnugutan ng Diyos. Bakit pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ilantad kung sino ka o upang ibunyag at itiwalag ka; ang pagbubunyag sa iyo ay hindi ang panghuling layon. Ang layon ay gawin kang perpekto at iligtas ka. Paano ka ginagawang perpekto ng Diyos? At paano ka Niya inililigtas? Nagsisimula Siya sa pamamagitan ng pagpapabatid sa iyo ng iyong sariling tiwaling disposisyon, at sa pamamagitan ng pagpapaalam sa iyo ng iyong kalikasang diwa, ng iyong mga pagkukulang, at kung ano ang wala sa iyo. Tanging sa pag-alam sa mga bagay na ito, at pagkakaroon ng pagkaunawa sa mga ito, mo lamang makakayang hangarin ang katotohanan at unti-unting maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ito ang Diyos na nagkakaloob sa iyo ng pagkakataon. Ito ang awa ng Diyos. Dapat alam mong samantalahin ang pagkakataong ito. Hindi ka dapat makaramdam ng paglaban sa Diyos, makipagtalo sa Diyos, o magkamali ng pagkaunawa sa Kanya. Lalo na kapag naharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinasaayos ng Diyos sa paligid mo, huwag mong palaging isipin na hindi ayon sa nais mo ang mga bagay-bagay, huwag palaging naisin na matakasan ang mga ito o palaging magreklamo tungkol sa Diyos at magkaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos. Kung lagi mong ginagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon ay hindi mo dinaranas ang gawain ng Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad. Anuman ang makaharap mo na hindi mo ganap na maunawaan, o na nagsasanhi sa iyong makaranas ng mga paghihirap, dapat mong matutuhang magpasakop. Dapat kang magsimula sa paglapit sa Diyos at higit na pananalangin. Sa ganyang paraan, bago mo pa mamalayan, magkakaroon ng pagbabago sa iyong panloob na kalagayan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang iyong suliranin. Sa gayon, magagawa mong maranasan ang gawain ng Diyos. Habang nagaganap ito, ang katotohanang realidad ay mahuhubog sa loob mo, at sa ganito ka susulong at sasailalim sa isang pagbabago ng kalagayan ng iyong buhay. Sa sandaling napagdaanan mo na ang pagbabagong ito at nagtataglay ka ng katotohanang realidad na ito, magtataglay ka rin ng tayog, at sa tayog ay may buhay. Kung ang sinuman ay laging nabubuhay batay sa isang tiwaling satanikong disposisyon, kung gayon, gaano man kalaking kasiglahan o kalakasan ang mayroon siya, hindi pa rin siya maituturing na may angking tayog, o buhay. Gumagawa ang Diyos sa bawat isang tao, at anuman ang Kanyang pamamaraan, anong uri ng mga tao, pangyayari at bagay ang ginagamit Niya para magserbisyo sa Kanya, o anumang uri ng tono mayroon ang mga salita Niya, isa lamang ang Kanyang panghuling layon: iligtas ka. At paano ka Niya inililigtas? Binabago ka Niya. Kaya paanong hindi ka magdurusa nang bahagya? Kakailanganing magdusa ka. Ang pagdurusang ito ay maaaring kapalooban ng maraming bagay. Una, kailangang magdusa ang mga tao kapag tinatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Kapag masyadong matindi at tahasan ang mga salita ng Diyos at nagkakamali ng pagkaunawa ang mga tao sa Diyos—at nagkakaroon pa ng mga kuru-kuro—maaaring masakit din iyon. Kung minsan ay nagpapalitaw ng sitwasyon ang Diyos sa paligid ng mga tao para ibunyag ang kanilang katiwalian, para pagnilayan at makilala nila ang kanilang sarili, at magdurusa rin sila nang kaunti pagkatapos. Kung minsan, kapag tuwiran silang pinungusan at inilantad, dapat magdusa ang mga tao. Parang inooperahan sila—kung walang pagdurusa, walang epekto. Kung sa tuwing ikaw ay pinupungusan, at tuwing ibinubunyag ka ng isang sitwasyon ay pinupukaw nito ang iyong puso at pinalalakas ka, sa pamamagitan ng ganitong mga uri ng karanasan ay makakapasok ka sa katotohanang realidad, at magkakaroon ng tayog. Kung, tuwing ikaw ay sumasailalim sa pagpupungos, at sa pagbubunyag ng isang sitwasyon, wala kang nararamdamang anumang sakit o hirap, at wala kang nararamdamang anuman, at hindi ka lumalapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang mga layunin, hindi nagdarasal o naghahanap ng katotohanan, napakamanhid mo! Hindi gumagawa ang Diyos sa iyo kapag walang nadarama ang espiritu mo, kapag hindi ito tumutugon. Sasabihin Niya: “Napakamanhid ng taong ito at napakalalim na ng kanyang pagkatiwali. Paano Ko man siya disiplinahin, pungusan, o subukang pigilan, hindi Ko pa rin mapukaw ang kanyang puso o magising ang kanyang espiritu. Malalagay sa gulo ang taong ito; hindi siya madaling iligtas.” Ipagpalagay nang naghahanda ang Diyos ng ilang kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay para sa iyo, o na pinupungusan ka Niya, at may natututuhan kang mga aral mula rito; natututuhan mong lumapit sa Diyos, hanapin ang katotohanan, at nang hindi mo namamalayan ay binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka at nakakamit mo ang katotohanan; nakararanas ka ng mga pagbabago sa mga kapaligirang ito, may nakakamit ka, at umuunlad ka, at nagsisimula kang magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa layunin ng Diyos at hindi ka na nagrereklamo. Nangangahulugan ito na nanindigan ka sa gitna ng mga pagsubok ng mga kapaligirang ito, at natiis mo ang pagsubok. Sa ganoong kaso, nalampasan mo na ang balakid na ito. Paano ituturing ng Diyos yaong mga nakakayanan ang pagsubok? Sasabihin ng Diyos na mayroon silang tapat na puso, at kaya nilang tiisin ang ganitong uri ng pagdurusa, at na sa kaibuturan, minamahal nila at ninanais na makamit ang katotohanan. Kung mayroong ganitong uri ng pagtatasa sa iyo ang Diyos, hindi ka ba isang taong may tayog? Hindi ka ba may buhay kung gayon? At paano nakakamit ang buhay na ito? Ito ba ay ipinagkakaloob ng Diyos? Tinutustusan ka ng Diyos sa iba’t ibang paraan at gumagamit Siya ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay upang sanayin ka. Ito ay para bang ang Diyos ay personal na nagbibigay sa iyo ng pagkain at inumin, personal na naghahatid ng iba’t ibang pagkain sa harap mo para kainin mo hanggang mabusog at masiyahan ka; saka ka lamang lalago at tatatag. Ganito mo dapat danasin at arukin ang mga bagay na ito; ganito ang magpasakop sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Ito ang uri ng pag-iisip at saloobing dapat mong taglayin, at dapat kang matutong hanapin ang katotohanan. Hindi ka dapat laging naghahanap ng mga panlabas na sanhi o sinisisi ang iba para sa iyong mga suliranin o naghahanap ng mga pagkakamali sa mga tao; dapat kang magkaroon ng isang malinaw na pag-unawa sa mga layunin ng Diyos. Sa panlabas, maaaring tila mayroong mga opinyon tungkol sa iyo o pagkiling laban sa iyo ang ilang tao, ngunit hindi mo dapat tingnan ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Kung titingnan mo ang mga bagay-bagay mula sa ganitong uri ng pananaw, ang tanging gagawin mo ay makipagtalo, at hindi ka makapagkakamit ng anuman. Dapat mong tingnan ang mga bagay-bagay nang walang pagkiling at tanggapin ang lahat mula sa Diyos. Kapag tiningnan mo ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, magiging madali para sa iyo na magpasakop sa gawain ng Diyos, at magagawa mong hanapin ang katotohanan, at maaarok mo ang mga layunin ng Diyos. Sa sandaling naitama na ang iyong pananaw at kalagayan ng pag-iisip, magagawa mong makamtan ang katotohanan. Kaya’t bakit hindi mo na lamang ito gawin? Bakit ka lumalaban? Kung ikaw ay tumigil sa paglaban, makakamit mo ang katotohanan. Kung lalaban ka, wala kang makakamit na anuman, at masasaktan mo rin ang damdamin ng Diyos at madidismaya mo Siya. Bakit madidismaya ang Diyos? Dahil hindi mo tinatanggap ang katotohanan, wala kang pag-asang maligtas, at hindi ka nakakamit ng Diyos, kaya paanong hindi Siya madidismaya? Kapag hindi mo tinatanggap ang katotohanan, katumbas ito ng pagwawaksi sa pagkaing personal nang inihandog sa iyo ng Diyos. Sinasabi mong hindi ka nagugutom at na hindi mo ito kailangan; paulit-ulit na sinusubukan ng Diyos na hikayatin kang kumain, ngunit ayaw mo pa rin. Mas gugustuhin mo pang magutom. Iniisip mong busog ka, kahit na ang totoo, wala kang kahit ano. Ang mga taong katulad nito ay kulang na kulang sa katwiran, at lubhang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba; tunay ngang hindi nila alam ang isang mabuting bagay kapag nakita nila ito, sila ang pinakamahirap at kaawa-awang mga tao.
Upang makapasok sa katotohanang realidad, kailangan mo munang magsimula sa pagninilay-nilay sa iyong sarili sa pamamagitan ng bawat detalye ng iyong buhay, at magsimulang matuto ng mga aral mula sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa malapit. Kung matututo ka ng mga aral mula sa paraan ng pakikitungo sa iyo ng mga tao sa paligid mo, o mula sa mga bagay at sitwasyong nangyayari sa iyo sa bawat araw, ibig sabihin, maaari mong hanapin ang katotohanan at matutunan kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, pagkatapos ay mauunawaan mo ang katotohanan, lalago ang buhay mo, at magagawa mo nang normal ang iyong tungkulin. Madalas na nakikipagtalo ang ilan at sinusubukang ipagtanggol ang kanilang sarili kapag pinupungusan sila. Palagi nilang binibigyang-diin ang sanhi ng isyu at nagdadahilan sila para sa kanilang mga kabiguan, na masyadong mapanggulo. Wala silang mapagpasakop na saloobin, o isang saloobin ng paghahanap sa katotohanan. Ang mga ganitong uri ng tao ay mababa ang kakayahan, at masyado rin silang matigas ang ulo. Hindi nila nauunawaan ang wika ng tao, hindi nila maabot ang katotohanan, at napakabagal ng kanilang pag-usad. Bakit mabagal ang kanilang pag-usad? Ito ay dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, at anumang mga pagkakamali ang lumitaw, palagi nilang idinadahilan ang ibang tao, tuluyang ipinapasa ang pananagutan sa iba. Namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at hangga’t namumuhay sila nang ligtas at maayos, lalo silang nasisiyahan sa kanilang sarili. Hindi man lang nila hinahangad ang katotohanan, at iniisip nilang isa itong magandang paraan ng pananampalataya sa Diyos. May ilan pa ngang nag-iisip na, “Lagi namang napakaraming usapan tungkol sa paghahangad sa katotohanan at pagkatuto ng mga aral, pero talaga bang ganoon karaming aral ang dapat matutuhan? Napakalaking abala naman na manampalataya sa Diyos nang ganito!” Kapag nakikita nila ang ibang tao na hinahanap ang katotohanan at natututo ng mga aral kapag nahaharap sa mga bagay-bagay, sinasabi nila na, “Paano kayong lahat natututo ng mga aral sa lahat ng bagay? Bakit walang gaanong mga aral na matututunan ko? Ganoon lang ba talaga kayong lahat kamangmang? Hindi ba’t bulag lang ninyong sinusunod ang mga regulasyon?” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Ito ang perspektiba ng mga hindi mananampalataya. Makakamit ba ng isang hindi mananampalataya ang katotohanan? Napakahirap para sa ganitong uri ng tao na makamit ang katotohanan. May ilang tao na nagsasabing, “Nagsusumamo ako sa Diyos hinggil sa malalaking usapin, pero hindi ko Siya iniistorbo sa maliliit na usapin. Masyadong abala ang Diyos sa pang-araw-araw na pangangasiwa sa sansinukob at sa lahat ng bagay, sa pangangasiwa sa bawat tao. Sobrang nakapapagod! Hindi ko aabalahin ang Diyos, lulutasin ko na lang ang bagay na ito nang mag-isa. Hangga’t nalulugod ang Diyos, sapat na iyon. Ayaw kong mag-alala Siya.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Ito rin ang perspektiba ng mga hindi mananampalataya, ang imahinasyon ng mga tao. Ang mga tao ay mga nilikha, mas mababa pa nga kaysa sa mga langgam. Paano nila maaarok ang Lumikha? Pinangangasiwaan ng Diyos ang sansinukob at ang lahat ng bagay nang kung ilang bilyon o sampung bilyong taon na. Sinabi ba Niyang napapagod Siya? Sinabi ba Niyang masyado Siyang abala? Hindi, hindi Niya sinabi. Hindi kailanman maaarok ng mga tao ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at para magsalita sila mula sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon ay napakahangal. Para sa Lumikha, nasa saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ang bawat taong hinirang ng Diyos at ang lahat ng nangyayari sa taong ito. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat kang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hanapin ang katotohanan, at matuto ng mga aral sa lahat ng bagay. Ang makamit ang katotohanan ang pinakamahalagang bagay. Kung isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, dapat kang sumandig sa Kanya at magsikap tungo sa katotohanan; iyon ay nakalulugod sa Diyos. Kapag nakamit mo na ang katotohanan at nakakakilos ka ayon sa mga prinsipyo, mas masisiyahan ang Diyos, ngunit kapag mas lumalayo ka sa Diyos, lalo Siyang malulungkot. Ano ang nagpapalungkot sa Diyos? (Naghanda ang Diyos ng mga sitwasyon upang tulutan ang mga tao na maranasan ang Kanyang mga salita at makamit ang katotohanan, pero hindi nauunawaan ng mga tao ang pag-iisip ng Diyos; mali sila ng pagkaunawa sa Kanya, at nagpapalungkot ito sa Diyos.) Tama. Ginugol ng Diyos para sa bawat tao ang dugo ng Kanyang puso, at may mga layunin Siya para sa bawat tao. Mayroon Siyang mga inaasahan sa kanila, at inilagay ang Kanyang pag-asa sa kanila. Masaya at handa Siyang igawad sa kanila ang dugo ng Kanyang puso nang walang gantimpala, pati na ang pagtustos ng buhay at katotohanan na ibinibigay Niya sa kanila. Kung nauunawaan ng mga tao ang layon ng paggawa Niya nito, Siya ay masisiyahan. Anumang mga sitwasyon ang inihahanda ng Diyos para sa iyo, kung nagagawa mong tanggapin ito mula sa Diyos, magpasakop sa Kanya, hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral sa gitna ng lahat ng ito, hindi iisipin ng Diyos na nasayang lang ang paggugol ng dugo ng Kanyang puso. Ibig sabihin, hindi ka nabigong maabot ang masisidhing layunin ng Diyos, o ang Kanyang mga inaasahan sa iyo. Sa bawat sitwasyong kakaharapin mo, matututo ka ng mga aral at aani ng mga gantimpala. Sa ganitong paraan, makakamtan ng gawaing ginawa ng Diyos sa iyo ang inaasahang epekto, at masisiyahan ang puso ng Diyos. Kung hindi ka makakapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kung palagi kang lumalaban, tumatanggi, at nakikipagtunggali sa Diyos, hindi mo ba naiisip na mababalisa ang Diyos? Mag-aalala at mababalisa ang puso ng Diyos, sasabihing, “Naghanda Ako ng napakaraming sitwasyon para matuto ka ng mga aral. Bakit wala sa mga ito ang umepekto sa iyo?” Ang Diyos ay mabibigatan ng dalamhati. Ito ay dahil manhid, mangmang, mabagal, at sutil ka; hindi mo nauunawaan ang mga layunin Niya at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at hindi mo nakikita ang maraming bagay na ginagawa Niya para maging responsable para sa buhay mo; at hindi mo naiintindihan na nag-aalala at nababalisa Siya tungkol sa buhay mo, at naghihimagsik at nagrereklamo ka pa laban sa Kanya. Dahil dito kung kaya’t nasasaktan ang Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, kanino nagmumula ang lahat ng bagay na may kinalaman sa mga tao? Sino ang nagpapasan ng pinakamabigat na pasanin para sa buhay ng tao? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang pinakanagmamahal sa mga tao. Talaga nga bang ang mga tao ay mahal ng kanilang mga magulang at kamag-anak? Tunay bang pagmamahal ang pagmamahal na ibinibigay ng mga ito? Maililigtas ba nito ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas? Hindi. Manhid at mapupurol ang utak ng mga tao, hindi nila makita kung ano ang totoo sa likod ng mga bagay na ito, at lagi nilang sinasabi, “Paano ako minamahal ng Diyos? Hindi ko ito nararamdaman. Gayunman, pinakamamahal ako ng aking ina at ama. Nagbabayad sila para sa aking pag-aaral at pinapag-aral nila ako ng mga teknikal na kasanayan, nang sa gayon ay may marating ako sa buhay paglaki ko, maging matagumpay ako, maging sikat, maging bantog. Gumagastos ang mga magulang ko ng napakaraming pera para linangin ako at para mabigyan ako ng edukasyon, nagtitipid sila nang husto sa pagkain. Napakadakila ng pagmamahal na iyon! Hindi ko sila kailanman masusuklian!” Sa tingin ba ninyo ay pagmamahal iyon? Ano ang mga kahihinatnan ng ginagawang pagtulong sa iyo ng iyong mga magulang para magtagumpay, maging isang sikat na tao sa mundo, magkaroon ng magandang trabaho, at makaayon sa mundo? Walang tigil sila sa pagtulak sa iyo na hangarin ang tagumpay, magbigay ng karangalan sa iyong pamilya, at makibahagi sa masasamang kalakaran ng mundo, nang sa huli ay mahulog ka sa alimpuyo ng kasalanan, magdusa ng perdisyon at mamatay, nilalamon ni Satanas. Pagmamahal ba iyon? Hindi iyon pagmamahal sa iyo, pamiminsala iyon sa iyo, pagwasak sa iyo. Balang araw, napakababa ng iyong kalulugmukan na hindi mo magagawang magsisi, napakababa na hindi mo magagawang palayain ang iyong sarili, at babagsak ka sa impiyerno. Doon mo lang mapagtatanto na, “O, ang pagmamahal ng magulang ay pagmamahal sa laman, hindi ito kapaki-pakinabang sa pananampalataya sa Diyos o sa pagkamit ng katotohanan—hindi ito tunay na pagmamahal!” Maaaring hindi pa ninyo ito napagtatanto. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko maramdaman kung gaano ako kamahal ng Diyos. Ramdam ko pa rin na ang nanay ko ang pinakanagmamahal sa akin. Si Nanay ang pinakamalapit na tao sa akin sa mundo. May isang kanta na pinamagatang ‘Si Nanay ang Pinakamabuti sa buong Mundo.’ Ang pamagat na iyon ay tumutugma sa realidad; talagang totoo ito!” Balang araw, kapag talagang mayroon kang buhay pagpasok, at kapag nakamit mo na ang katotohanan, sasabihin mong, “Hindi ang nanay ko ang pinakanagmamahal sa akin, hindi rin ang aking tatay. Pinakamamahal ako ng Diyos. Ang Diyos ang pinakamamahal ko, dahil binigyan Niya ako ng buhay, at palagi Niya akong inaakay, tinutustusan ako, at inililigtas ako mula sa impluwensiya ni Satanas. Ang Diyos ang Nag-iisang nakapagbibigay ng buhay sa mga tao, ang kayang umakay sa mga tao, at Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay.” Kapag naunawaan mo ang katotohanan at ganap mong nakamit ang katotohanan, saka mo lang malalim na mapahahalagahan ang mga salitang ito.
Kung gusto mong makamit ang katotohanan, saan ka magsisimula? Magsimula sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo, at matuto kung paano matutuhan ang mga aral at hanapin ang katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng paghahanap sa katotohanan at mga layunin ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo makakamit ang katotohanan. Ang ilang tao ay hindi binibigyang-pansin, o kinikilala ang maliliit na bagay. Lagi nilang iniisip, “Bakit hindi ako nahaharap sa anumang malaking bagay? Bakit kahit kailan ay walang bagay na nangyayari sa akin na nakayayanig? Kung may mangyayaring malaki at nakayayanig na bagay, matututo ako ng malaking aral at magkakamit ng dakilang katotohanan. Magiging kahanga-hanga iyon!” Isa ba iyong makatotohanang paraan ng pag-iisip? Masyadong engrande ang mga salitang ito. Nagpapasakop ka ba sa Diyos kapag nangyayari sa iyo ang maliliit na bagay? Natutunan mo na ba ang mga aral mo? Kung darating sa iyo ang isang malaking pagsubok, makakapanindigan ka ba sa iyong patotoo? Kung mahuli ka ng malaking pulang dragon, makapagbibigay ka ba ng matunog na patotoo? Hindi ba’t medyo mayabang ang mga taong nagsasabi ng mga salitang ito? Makakamit mo ba ang katotohanan gamit ang pamamaraang ito ng paghahangad? (Hindi.) Kung hindi ka mag-iingat habang naglalakad, maaari kang matisod—pero sa palagay mo ay handa ka nang lumipad! Dapat kang matutong hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral sa maliliit na bagay na nakahaharap mo. Kung hindi mo kayang matuto ng mga aral mula sa maliliit na bagay, hindi mo rin matututunan ang mga ito sa malalaking bagay. Kung hindi mo matututunan ang mga aral mo, hindi ka uusad sa buhay. Ang paglago sa buhay ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga aral sa lahat ng bagay.
Agosto 5, 2015