Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon
Bilang isang lider ng iglesia, hindi mo lamang kailangang matutuhan na gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, kailangan mo ring matutunang tumuklas at luminang ng mga taong may talento, na talagang hindi mo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang naghahangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo at gawin nang maayos ang lahat ng gawain, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, isa kang lider o manggagawa na pasok sa pamantayan. Kung nagagawa mong pangasiwaan ang lahat nang ayon sa mga prinsipyo, kung gayon ay iniaalay mo ang iyong katapatan. Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay binabatikos at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging mapaminsala. Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga makasariling pagnanais, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong magpakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang magsanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng isang taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider. Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagbubulay-bulay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyonal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi ka makakuha ng magagandang resulta—ngunit nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya. Hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanais o kagustuhan. Sa halip, palagi mong isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka makapagkamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasok ka sa pamantayan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo.
Ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan. Lagi silang namumuhay ayon sa laman, nag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, laging pinagpapakasasa ang kanilang mga makasariling pagnanais. Ilang taon man silang manampalataya sa Diyos, hindi sila kailanman makapapasok sa katotohanang realidad. Ito ang tanda ng pagbibigay-kahihiyan sa Diyos. Sinasabi mo, “Wala naman akong anumang ginagawa para labanan ang Diyos. Paano ako nakapagbigay ng kahihiyan sa Kanya?” Lahat ng ideya at iniisip mo ay buktot. Ang mga intensyon, layon at motibong nasa likod ng iyong mga ginagawa, at ang mga kahihinatnan ng iyong mga pagkilos ay palaging binibigyang-kasiyahan si Satanas, ginagawa kang katatawanan nito, at hinahayaan itong may panghawakan sa iyo. Wala kang naibigay na patotoo na dapat mayroon ang isang Kristiyano. Ikaw ay kay Satanas. Nagbibigay-kahihiyan ka sa pangalan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi ka nagtataglay ng tunay na patotoo. Tatandaan ba ng Diyos ang mga nagawa mo? Sa huli, anong kongklusyon ang mabubuo ng Diyos tungkol sa lahat ng iyong ikinilos, inasal at mga tungkulin na iyong ginampanan? Hindi ba’t kailangang may kalalabasan iyon, isang uri ng pahayag? Sa Bibliya, sinasabi ng Panginoong Jesus, “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Bakit ito sinabi ng Panginoong Jesus? Bakit naging mga taong gumagawa ng masama ang napakarami sa mga nangaral, nagpalayas ng mga demonyo, at nagsagawa ng maraming himala sa pangalan ng Panginoon? Ito ay dahil hindi nila tinanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, hindi nila sinunod ang Kanyang mga utos, at hindi minahal ang katotohanan sa kanilang puso. Ginusto lang nilang ipagpalit ang gawaing ginawa nila, ang mga paghihirap na tiniis nila, at ang mga sakripisyong ginawa nila para sa Panginoon para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Sa ganito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos, at sinusubukan nilang gamitin at linlangin ang Diyos, kaya kinasawaan, kinamuhian, at kinondena sila ng Panginoong Jesus bilang mga taong gumagawa ng masasama. Ngayon, tinatanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pero naghahangad pa rin ng reputasyon at katayuan ang ilan, at lagi nilang ninanais na mamukod-tangi, laging gustong maging mga lider at manggagawa at magtamo ng reputasyon at katayuan. Bagama’t sinasabi nilang lahat na nananampalataya at sumusunod sila sa Diyos, at tumatalikod sila sa mga bagay at gumugugol sila para sa Diyos, ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin para magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lagi silang may mga sarili nilang pakana. Hindi sila mapagpasakop o tapat sa Diyos, kaya nilang walang pakundangang gumawa ng masasamang bagay nang hindi pinagninilayan ang kanilang sarili ni kaunti, kaya nga sila ay naging mga taong gumagawa ng masama. Kinasusuklaman ng Diyos ang masasamang taong ito, at hindi sila inililigtas ng Diyos. Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ibinubunyag, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang taong gumagawa ng masama. Ano ang tingin ng Diyos sa mga taong gumagawa ng masama? Para sa Diyos, ang mga iniisip at panlabas mong mga kilos ay hindi nagpapatotoo sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng kasiraan ng dangal na idinulot mo sa Kanya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni isinasakatuparan ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng “para sa iyong sariling kapakanan”? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t mawawalan ng saysay sa huli ang gayong pananampalataya?
Para sa lahat ng gumagampan ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling pagnanais, mga personal na intensyon, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamababang dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumagampan ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon paggampan ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito nang ilang panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensyon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos itong maranasan sa loob ng ilang panahon, madarama mo na isa itong mabuting paraan para umasal. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang mababang-uri at ubod ng sama na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging walang gulugod, kasuklam-suklam, at mababang-uri. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes. Sa ngayon, gaano katagal man kayong nananampalataya sa Diyos, mababaw ang inyong pagpasok at karanasan sa mga aral na may kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, pagsasagawa ng katotohanan, at pagpasok sa katotohanang realidad, at wala kayong tunay na karanasan sa mga ito, kaya hindi kayo makapagbigay ng tunay na patotoo. Sinabi Ko na sa inyo ngayon ang simpleng pamamaraang ito: Magsimula kayo sa pagsasagawa sa ganitong paraan, at kapag nagawa na ninyo iyon sa loob ng ilang panahon, magsisimulang magbago ang kalagayan ng inyong kalooban nang hindi ninyo nalalaman. Mula sa nag-aalangang kalagayan, kung saan hindi kayo masyadong interesado sa pananampalataya sa Diyos, ni lubhang tutol dito, magiging kalagayan iyon kung saan nadarama ninyo na mabubuting bagay ang pananampalataya sa Diyos at pagiging matapat na tao, at kung saan interesado kayo sa pagiging matapat na tao at nadarama ninyo na may kabuluhan at pagtustos ang pamumuhay nang ganito. Madarama ninyo ang katatagan, kapanatagan, at kasiyahan sa inyong puso. Ganoon ang inyong magiging kalagayan. Iyon ang resultang nagmumula sa pagbitiw sa inyong mga pansariling intensyon, interes, at makasariling pagnanais. Iyon ang kinalabasan. Sa isang banda ay resulta ito ng pakikipagtulungan ng tao at sa kabilang banda, ay gawain ito ng Banal na Espiritu. Hindi gagawa ang Banal na Espiritu kung walang pakikipagtulungan ng mga tao. Lahat ng tao ay may ilang maling kalagayan sa loob nila, gaya ng pagkanegatibo, kahinaan, pagkasira ng loob, at karupukan; o mayroon silang napakababang intensyon; o palagi silang nababagabag ng kanilang pride, mga makasariling pagnanais, at pansariling interes; o iniisip nila na may mahina silang kakayahan, at dumaranas sila ng ilang negatibong kalagayan. Magiging napakahirap para sa iyo na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu kung palagi kang namumuhay sa ganitong mga kalagayan. Kung mahirap para sa iyo na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, magiging kaunti lang ang mga positibong elemento sa loob mo, at lilitaw ang mga negatibong elemento at guguluhin ka. Palaging umaasa ang mga tao sa kanilang sariling kalooban para supilin ang mga negatibong kalagayang iyon, ngunit gaano man nila ito supilin, hindi nila ito maiwawaksi. Ang pangunahing dahilan nito ay dahil hindi lubusang makilatis ng mga tao ang mga negatibong bagay na ito; hindi nila makita nang malinaw ang diwa ng mga iyon. Kaya nagiging napakahirap para sa kanila na maghimagsik laban sa laman at kay Satanas. Dagdag pa roon, palaging naiipit ang mga tao sa mga negatibo, mapanglaw, at bulok na kalagayang ito, at hindi sila nananalangin o tumitingala sa Diyos, sa halip ay iniraraos lang nila ang mga ito. Bilang resulta, hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at dahil dito ay hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang landas sa lahat ng kanilang ginagawa, at hindi nila nakikita nang malinaw ang anumang bagay. Napakaraming negatibong bagay sa loob mo, at pinuno na nito ang puso mo, kaya madalas kang negatibo, malungkot ang espiritu, at palayo ka nang palayo sa Diyos, at nanghihina nang nanghihina. Kung hindi mo makakamit ang kaliwanagan at gawain ng Banal na Espiritu, hindi mo matatakasan ang mga kalagayang ito, at hindi magbabago ang negatibo mong kalagayan, dahil kung hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, hindi ka makakahanap ng landas. Dahil sa dalawang kadahilanang ito, napakahirap para sa iyo na iwaksi ang iyong negatibong kalagayan at pumasok sa isang normal na kalagayan. Bagama’t kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin ngayon, tinitiis ninyo ang hirap, nagtatrabaho kayo nang husto, nagsusumikap kayo, at nagagawa ninyong talikuran ang inyong pamilya at propesyon, at bitiwan ang lahat, hindi pa rin talagang nagbago ang mga negatibong kalagayan sa loob ninyo. Napakaraming pagkakagapos ang pumipigil sa inyo na hangarin at isagawa ang katotohanan, tulad ng inyong mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, makasariling pagnanais, at tiwaling disposisyon. Pinuno na ng mga masamang bagay na ito ang puso ninyo. Bagama’t bata pa kayo, napakakomplikado ng inyong pag-iisip. Minamasdan at inaaral ninyo ang Aking bawat salita at pagpapahayag, at pagkatapos ay labis-labis na pinag-iisipan ang mga ito nang walang katapusan. Bakit ganito? Ilang taon na kayong sumusunod sa Diyos, pero wala pa Akong nakikitang anumang pag-usad o pagbabago sa inyo. Ganap na okupado ng mga satanikong bagay ang puso ng mga tao. Malinaw itong nakikita ng lahat. Kung hindi mo aalisin ang mga bagay na ito, kung hindi mo magagawang iwaksi ang mga negatibong kalagayang ito, hindi mo mababago ang iyong sarili sa wangis ng isang bata at hindi ka makalalapit sa Diyos sa isang masigla, kaibig-ibig, inosente, simple, tunay, at dalisay na paraan. Kaya, magiging mahirap para sa iyo na makamit ang gawain ng Banal na Espiritu o ang katotohanan.
Ngayon, lahat kayo ay may ilang kapuri-puring katangian, iyon ay ang determinasyong magdusa at ang pananalig. Iniligtas kayong lahat ng mabubuting katangiang ito. Kung wala kayo ng mga katangiang ito—ang inyong determinasyong magdusa ng mga paghihirap, at ang tunay na pananalig na igugol ang inyong sarili para sa Diyos—hindi kayo magkakaroon ng motibasyon na gampanan ang inyong tungkulin, at hindi sana kayo nakapanindigan hanggang sa araw na ito. Ginagawa ng ilang tao ang kanilang tungkulin sa loob ng ilang panahon, pero dahil hindi sila interesado sa katotohanan at dahil wala silang nakukuhang pakinabang mula sa paggawa sa kanilang tungkulin, bumabalik sila sa sekular na mundo para magtrabaho, kumita ng pera, at magpakasal. Iniisip nila na ang gumugol ng oras dito nang walang nakikitang anumang resulta ay pag-aaksaya ng kanilang kabataan, ng kanilang pinakamagagandang taon, at ng kanilang buhay. Ang mga taong ito ay mga nabunyag na hindi mananampalataya. Tanging ang mga taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos ang makakapanghawak sa kanilang tungkulin at makakapanindigan. Ngayon, ginagampanan ninyong lahat ang inyong mga tungkulin nang full-time. Hindi kayo napipigilan o natatalian ng pamilya, pag-aasawa, o kayamanan. Nakaahon na kayo mula sa mga bagay na iyon. Subalit, ang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, at mga pansariling intensyon at pagnanais na pumupuno sa isipan ninyo ay ganap na hindi nagbago. Kaya, pagdating sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o pagkakataong mamukod-tangi—halimbawa, kapag naririnig ninyo na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento—lumulukso sa pag-asam ang puso ng bawat isa sa inyo, gusto palagi ng bawat isa sa inyo na maging tanyag at sikat. Lahat kayo ay nais na makipagkompetensiya para sa katayuan at reputasyon. Ikinahihiya ninyo ito, pero hindi magiging maganda ang pakiramdam ninyo kung hindi ninyo ito gagawin. Nakararamdam kayo ng inggit, pagkamuhi, at pagrereklamo sa tuwing may nakikita kayong taong namumukod-tangi, at iniisip ninyo na hindi ito patas: “Bakit hindi ako makapamukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang napapansin? Bakit hindi ako kahit kailan?” At pagkatapos ninyong makaramdam ng sama ng loob, sinusubukan ninyo itong pigilin, ngunit hindi ninyo magawa. Nagdarasal kayo sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam ninyo nang sandaling panahon, ngunit kapag naharap kayong muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin ninyo ito madaig. Hindi ba ito isang pagpapamalas ng isang tayog na kulang pa sa gulang? Kapag naiipit sa gayong mga kalagayan ang mga tao, hindi ba’t nahulog na sila sa patibong ni Satanas? Ito ang mga kadena ng tiwaling kalikasan ni Satanas na gumagapos sa mga tao. Kung iwawaksi ng mga tao ang mga tiwaling disposisyong ito, kung gayon, hindi ba nila mararamdaman na malaya at napalaya na sila? Pag-isipan ninyo: Kung nais ninyong maiwasang malagay sa mga kalagayang ito ng pakikipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang—na mapalaya ninyo ang inyong sarili mula sa mga tiwaling kalagayang ito, at na makawala kayo mula sa pagkabagabag at pagkagapos sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—aling mga katotohanan ang kailangan ninyong maunawaan? Aling mga katotohanang realidad ang kailangan ninyong taglayin para matamo ninyo ang kalayaan at pagpapalaya? Una, kailangan ninyong makita na ginagamit ni Satanas ang kasikatan, pakinabang, at katayuan para gawing tiwali ang mga tao, bitagin sila, abusuhin sila, hamakin sila at ilugmok sila sa kasalanan. Bukod pa riyan, sa pagtanggap lamang sa katotohanan magagawang talikdan at isantabi ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Napakahirap para sa kaninuman na isantabi ang mga bagay na ito, siya man ay bata o matanda, o bago o matagal nang mananampalataya. Bagama’t hindi palakibo ang ilang tao, at mukhang hindi sila gaanong nagsasalita, ang totoo ay nagkikimkim sila ng mas maraming paghihirap sa puso nila kaysa sa iba. Mahirap para sa lahat na isuko ang kasikatan, pakinabang, at katayuan; hindi kayang madaig ninuman ang panunukso ng mga bagay na iyon—pare-pareho lahat ang panloob na kalagayan ng mga tao. Ginawang tiwali ni Satanas ang tao nang walang ibang ginagamit maliban sa kasikatan at pakinabang; sadyang naikintal na sa mga tao ang mga bagay na ito ng ilang libong taon ng tradisyonal na kultura. Samakatwid, mahal at hangad ng tiwaling kalikasan ng tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, magkakaiba nga lang ang mga paraan ng paghahangad at pagpapahayag dito ng iba’t ibang tao. May ilan na hindi kailanman nagsasalita tungkol dito, at itinatago ito sa puso nila, samantalang may iba na ibinubunyag ito sa kanilang mga salita. May ilan na nakikipag-agawan para sa mga bagay na ito, nang walang anumang moralidad, samantalang may iba naman na hindi nakikipaglaban para sa mga ito, pero lihim silang nagrereklamo, nagmamaktol, at naninira ng mga bagay-bagay. Bagamat iba-iba ang pagpapamalas nito sa iba’t ibang tao, parehong-pareho ang mga kalikasan nila. Lahat sila ay mga tiwaling taong lumalaban sa Diyos. Kung palagi kang nakatuon sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung masyado mong pinahahalagahan ang mga bagay na ito, kung pinupuno ng mga ito ang puso mo, at kung ayaw mong bitiwan ang mga ito, kokontrolin at gagapusin ka ng mga ito. Magiging alipin ka ng mga ito, at sa huli, lubos kang sisirain ng mga ito. Kailangan mong matutunang bitiwan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling samantalahin ang mga pagkakataong mamukod-tangi at mapansin. Kailangan mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit kailangan mo ring hindi maantala ang paggampan sa iyong tungkulin. Maging isa kang taong gumagawa nang hindi napapansin, at hindi nagpapasikat sa iba habang ginagampanan mo nang may debosyon ang iyong tungkulin. Habang lalo mong binibitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at katayuan, at habang lalo mong binibitiwan ang sarili mong mga interes, lalo kang makadarama ng kapayapaan, lalong magkakaroon ng liwanag sa puso mo, at lalong bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkompetensiya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo nang makita mo! Kung gusto mong mabago ang ganitong klase ng tiwaling kalagayan, at hindi makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, at pagkatapos ay isantabi ang mga ito at isuko ang mga ito. Kung hindi, habang mas nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang puso mo, at lalo kang makadarama ng inggit at pagkamuhi, at lalo lang titindi ang pagnanais mong makamit ang mga bagay na ito. Habang lalong tumitindi ang pagnanais mong makamit ang mga ito, lalong hindi mo ito magagawang matamo, at habang nangyayari ito, mas nadaragdagan ang pagkamuhi mo. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Habang lalong nagdidilim ang iyong kalooban, lalong pumapangit ang paggampan mo sa iyong tungkulin, at habang lalong pumapangit ang paggampan mo sa iyong tungkulin, lalo kang hindi magagamit ng sambahayan ng Diyos. Ito ay magkakaugnay na masamang siklo. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, unti-unti kang ititiwalag.
Upang makagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng isang tao at mabago ang kanyang iba’t ibang negatibong kalagayan, kailangang aktibong makipagtulungan at maghanap ang taong iyon, paminsan-minsang magdusa, magbayad ng halaga, tumalikod sa mga bagay-bagay, at maghimagsik laban sa laman, paisa-isang hakbang na binabago ang kanyang landas. Matagal bago ito makakuha ng mga resulta, at para siya makatahak sa tamang landas—pero ilang segundo lang ang kinakailangan para ibunyag ng Diyos ang isang tao. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, bagkus ay lagi kang nagsisikap na maging tanyag ang sarili mo, at palaging sinusubukang makipagkompetensiya para sa katayuan, para mamukod-tangi at sumikat, nakikipaglaban para sa iyong reputasyon at mga interes, habang namumuhay sa kalagayang ito, hindi ka ba isang trabahador lamang? Maaari kang magtrabaho kung gusto mo, subalit posibleng mabunyag ka bago pa matapos ang pagtatrabaho mo. Kapag nabubunyag ang mga tao, dumarating ang araw ng pagkondena at pagtitiwalag sa kanila. Posible bang baligtarin pa ang kalalabasang iyon? Hindi iyon madali; maaaring naitakda na ng Diyos ang kanilang kahihinatnan, at kung nagkaganito, mamomroblema sila. Kadalasang gumagawa ng mga pagsalangsang ang mga tao, nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at gumagawa ng ilang maliliit na pagkakamali, o tumutugon sa kanilang mga makasariling pagnanais, nagsasalita nang may nakatagong motibo at nanlilinlang, ngunit hangga’t hindi sila nakagagambala o nakagugulo sa gawain ng iglesia, o gumagawa ng malalaking gulo, o sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, o nakapagdudulot ng anumang malinaw na masasamang resulta, magkakaroon pa rin sila ng pagkakataong magsisi. Pero kung gumagawa sila ng kung anong malaking kasamaan o nagdudulot ng malaking sakuna, matutubos pa ba nila ang kanilang sarili? Napakadelikado para sa isang taong nananampalataya sa Diyos at gumaganap ng isang tungkulin na umabot sa puntong ito. Katulad ito ng isang mag-asawa na namumuhay nang magkasama. Kung may kaunting alitan sa pagitan nilang dalawa, at paminsan-minsan ay may nasasabi silang nakasasakit sa asawa nila, maaari silang patuloy na mamuhay nang magkasama basta’t mapagparaya sila sa isa’t isa. Pero kung ang isa sa kanila ay may ibang karelasyon, at walang mga pagsisikap sa panig ng kanilang kabiyak ang makakapagpabalik sa kanila, at ayaw nilang bumalik, kung gayon, maaari pa ba silang magsama? Walang ibubunga ang pagtatangkang maging mas mapagparaya sa taong iyon; ito ay magiging walang saysay. Ang ganitong buhay may asawa ay sira na, ang magagawa na lang nila ay maghiwalay. Kapag umabot na sa ganitong punto ang dalawang tao, kahit na nakatira pa rin sila sa iisang bubong, sa pangalan na lamang umiiral ang kanilang kasal. Walang ipinagkaiba kung maghihiwalay sila o hindi. Kung nananampalataya ka sa Diyos, gumagawa ng iyong tungkulin, at umabot ka rin sa puntong iyon—kapag napalampas mo ang mga pagkakataong hangarin ang katotohanan at magawang perpekto, kapag palaging matigas ang puso mo, at hindi ka kailanman nagsisi o bumalik, at nagpatuloy kang mapagmatigas na naghahangad ng katayuan, nang hindi tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, bagama’t binigyan ka ng Diyos ng maraming pagkakataon—sa malao’t madali, darating ang araw kung kailan mabubunyag at maititiwalag ka. Posible na ang isang bagay, o isang sitwasyon, o isang salita o saloobin ang ganap na magbubunyag sa iyo. Kaya, kung ang isang tao ay hindi natatamo ang gawain ng Banal na Espiritu o nakakamit ang katotohanan, kung palagi siyang nakagapos at kontrolado ng kanyang tiwali at satanikong disposisyon, kung namumuhay siya nang may lahat ng uri ng makasariling pagnanais at intensyon at hindi niya nagagawang makawala mula sa mga ito, siya ay nasa malaking panganib. Sa malao’t madali, madadapa at mabubunyag siya. Marahil ay hindi ka pa natitisod, pero hindi iyon nangangahulugang hindi ka na matitisod kalaunan. Marahil ay nagagawa mo pa rin ang tungkulin mo ngayon, marahil ay mayroon ka pa ring kaunting determinasyon na igugol ang sarili mo para sa Diyos at magdusa ng mga paghihirap, marahil ay mayroon kang kaunting determinasyon na hangarin na magawang perpekto, pero hindi niyon mapapalitan ang pagkaunawa sa katotohanan, o ang pagpasok sa katotohanang realidad, at hindi rin ito nangangahulugan na hindi ka madadapa kalaunan, o na makapaninindigan ka. Ilang taon nang nanampalataya sa Diyos ang ilang tao subalit hindi nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay ay nananatiling kapareho ng sa mga walang pananampalataya. Kapag nakikita nila ang isang huwad na lider o anticristo na nabubunyag at naititiwalag, iniisip nila, “Ang pananampalataya sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pamumuhay sa harap ng Diyos ay parang pagtawid sa alambre! Para itong paglalakad sa gilid ng bangin!” At sinasabi ng iba, “Ang pagiging lider at manggagawa at ang paglilingkod sa Diyos ay delikado. Gaya lang ito ng sinasabi ng mga tao: ‘Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng pagsama sa tigre.’ Kung may magawa o masabi kang mali, masasalungat mo ang disposisyon ng Diyos, at ititiwalag ka at parurusahan!” Tama ba ang mga komentong ito? “Pagtawid sa alambre” at “paglakad sa gilid ng bangin”—ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga salitang ito ay na may malaking panganib, na may malaking panganib sa bawat sandali, at na sa kaunting kapabayaan ay matitisod ka. Ang “Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng pagsama sa tigre” ay isang karaniwang kasabihan ng mga walang pananampalataya. Nangangahulugan itong mapanganib na maging malapit sa isang diyablong hari. Kung iaangkop ng isang tao ang kasabihang ito sa paglilingkod sa Diyos, saan siya nagkakamali? Ang ikumpara ang isang diyablong hari sa Diyos, sa Lumikha—hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Isa iyong malubhang problema. Ang Diyos ay isang matuwid at banal na Diyos; ganap na likas at may katwiran na dapat parusahan ang tao sa paglaban sa Diyos o pagiging mapanlaban sa Kanya. Si Satanas at ang mga diyablo ay wala ni isang bahid ng katotohanan; sila ay marumi at buktot, pinapatay nila ang mga inosente, at nilalamon ang mabubuting tao. Paano sila maihahalintulad sa Diyos? Bakit binabaluktot ng mga tao ang mga katunayan at sinisiraan ng puri ang Diyos? Malaking kalapastanganan ito sa Diyos! Kapag ang ilang tao na madalas negatibo at hindi gumagampan nang taos-puso sa kanilang mga tungkulin ay pinupungusan, nag-aalala sila na ititiwalag sila, at kadalasan ay iniisip nila, “Ang pananampalataya sa Diyos ay talagang parang pagtawid sa alambre! Sa sandaling may ginawa kang mali, pupungusan ka; sa sandaling mailarawan ka bilang isang huwad na lider o anticristo, matatanggal ka at maititiwalag. Sa sambahayan ng Diyos, karaniwan ay nagagalit ang Diyos, at kapag nakagawa ng ilang masamang bagay ang mga tao, sa isang salita ay itinitiwalag sila. Ni hindi sila binibigyan ng pagkakataong magsisi.” Ganoon nga ba talaga ang mga bagay-bagay? Talaga bang hindi binibigyan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magsisi? (Mali iyan.) Ang masasamang tao at mga anticristong iyon ay itinitiwalag lamang dahil gumawa sila ng samo’t saring kasamaan, at pinungusan, subalit sa kabila ng paulit-ulit na babala, hindi nila binabago ang kanilang gawi. Ano ang problema sa pag-iisip ng mga tao nang ganito? Gumagawa sila ng mapanlinlang na mga pangangatwiran para sa kanilang sarili. Hindi nila hinahangad ang katotohanan, ni hindi sila nagtatrabaho nang maayos, at dahil takot silang mapaalis at maitiwalag, buong pait silang nagrereklamo at nagpapakalat ng kanilang mga kuru-kuro. Malinaw na mababa ang kanilang pagkatao, at madalas ay pabaya sila, at negatibo at nagpapakatamad sa gawain nila. Takot silang mabunyag at maitiwalag, kaya ipinapasa nila ang lahat ng sisi sa iglesia at sa Diyos. Ano ang kalikasan nito? Ito ay ang paghusga sa Diyos, pagrereklamo tungkol sa Kanya, at paglaban sa Kanya. Ang mga komentong ito ang pinakamalinaw na mga maling paniniwala at pinakakatawa-tawang mga pahayag. Ang katunayang nasasabi ng mga taong ito ang gayong mga bagay ay patunay na sa kabila ng ilang taon nang pananampalataya sa Diyos, hindi man lang nila hinangad kailanman ang katotohanan. Ito lamang ang magsasanhi sa kanila na bumaba sa antas ng panghuhusga sa Diyos, ng paglaban sa Kanya, at ng paglapastangan sa Kanya. Maliwanag na ang mga madalas negatibo at hindi naghahangad sa katotohanan ay totoong namumuhay sa panganib. Kaya, paano dapat magsagawa ang mga mananampalataya sa Diyos upang maging ligtas sila at mapalaya nila ang kanilang sarili sa mga mapanganib na sitwasyong ito? Ang susi ay ang pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung nauunawaan ng isang tao ang ilang katotohanan, kung nakakapagpasakop siya sa Diyos sa pangunahing antas, magiging medyo ligtas at tiwasay siya. Yaong mga hindi naghahangad sa katotohanan, na walang anumang katotohanang realidad, at madalas na negatibo, palagi silang nanganganib na itiwalag. Ang mga taong tutol sa katotohanan sa kanilang mga puso, na laging nararamdamang masyadong mahirap o hangal ang isagawa ang katotohanan, iyon ang mga taong pinakananganganib. Sa malao’t madali, maibubunyag at maititiwalag sila.
Mapanlinlang man ang isang tao o medyo taong totoo at matapat, halos pare-pareho lang ang mga intensyon, pagnanais, at karumihan ng mga tao. Kung mababago ninyong lahat ang inyong landas, maiwawaksi ang mga tiwaling kalagayang ito, at, sa pinakamababa ay magagawa nang tama ang inyong tungkulin, magkakaroon kayo ng wangis ng tao. Kung dala-dala ninyo ang inyong mga personal na intensyon, motibasyon, at pagnanais habang ginagawa ang inyong tungkulin, talagang malamang na magdudulot kayo ng mga paglihis at pagkakamali, at magiging napakahirap para sa inyo na pangasiwaan ang mga bagay nang ayon sa mga prinsipyo, o na gawin nang maayos ang inyong tungkulin at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil masyadong pabaya ang mga tao, at puno ng napakaraming karumihan. Kung gusto ninyong gawin nang maayos ang inyong tungkulin, kailangan muna ninyong lutasin ang inyong mga pansariling intensyon at pagnanais. Pagkatapos, unti-unting magbabago ang panloob mong kalagayan, bubuti ang pag-iisip mo, darami ang mga positibong elemento sa loob mo, mababawasan ang mga karumihan mo, magiging mas dalisay at mas simple ang puso mo, at gugustuhin mo lamang na gawin ang iyong tungkulin nang maayos para mapalugod ang Diyos. Sa gayong paraan, hindi ka madaling makokontrol ng mga satanikong kaisipan at pananaw, o mga pilosopiya para sa makamundong pakikitungo. Natural mong matatamo ang kalayaan at pagpapalaya, at magiging madali at kaaya-aya ang lahat ng gagawin mo. Katulad lang ito ng kapag naglalakad ang mga tao—kung marami silang dinadalang pasanin, magiging lubhang nakakapagod ang paglalakad, at pabagal nang pabagal silang maglalakad, hanggang sa babagsak at malulugmok sila sa pagkahapo. Kung aalisin nila ang mga pasaning iyon, magiging mas madali ang paglalakad, at makakaramdam din sila ng pagpapalaya at pagiging malaya. Dapat magsulat kayong lahat ng isang talaarawan o sanaysay ng patotoo tungkol sa alinmang aspekto ng pagpapalaya at kalayaang natatamo ninyo. Dapat ninyong isulat kung paano ninyo hinanap ang katotohanan at isinantabi ang inyong mga pasanin noong may nangyari sa inyo, at kung alin sa inyong sariling mga intensyon at motibasyon ang pinaghimagsikan ninyo, at kung anong uri ng kaliwanagan ang natanggap ninyo, at kung anong magagandang damdamin ang inyong naranasan—magsulat kayo tungkol sa mga kalagayan at pagkaunawang ito. Ito ay patotoong batay sa karanasan, at malaking pakinabang ito kapwa sa inyo at sa ibang tao. Sa ganitong paraan, madaragdagan ang karanasan mo, bubuti ang pagkaunawa mo sa katotohanan, at dadami ang iyong mga araw ng kalayaan at pagpapalaya. Magiging isa kang malayang tao, isang taong katulad ni Job. Bakit napakadaling nasabi ni Job ang mga sikat na salitang: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21)? Nagawa ba niyang sabihin ang mga ito nang napakadali sa magdamagan lang? Hinding-hindi. Ang mga salitang iyon ay ang kabuuan ng mga araw, taon, at dekada ng karanasan. Ang mga ito ang mga bunga ng ilang dekadang naipon na karanasan sa buhay. Hindi simpleng bagay ang makamit ang katotohanan at magsabi ng mga salita ng patotoo. Ang tanging paraan para magtamo ng mga resulta sa pananampalataya sa Diyos ang isang tao ay ang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Pagkatapos bitiwan ang paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, magiging higit na mas madali para sa iyo ang mga bagay-bagay. Magiging madali para sa iyo na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kapag ang karanasan mo ay umabot na sa punto kung saan nauunawaan mo na ang katotohanan at nakakapasok ka na sa realidad, nakamit mo na ang katotohanan, at nagkaroon ka na ng kalayaan at pagpapalaya. Sa puntong iyon, iisipin mo na malaki ang nakamit mo sa pagsunod kay Cristo at sa paghahangad sa katotohanan. Upang makamit ang katotohanan, binitiwan mo na ang iyong paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at ang mga pagkakagapos sa mga usapin na may kinalaman sa pamilya mo. Sumunod ka na sa Diyos at tinupad ang tungkulin ng isang nilikha, unti-unti mo nang naunawaan ang katotohanan, at nakilatis ang maraming bagay. Hindi ka na muling maliligaw o magagapos ni Satanas. Ang pagkamit sa katotohanan at buhay ang pinakamahalagang bagay; ang katotohanan ang pinakakarapat-dapat sa pagmamahal mo. Kapag nakita mo na ang katotohanan ang pinakamahalagang bagay, mapagtatanto mo na walang halaga ang kasikatan, pakinabang, katayuan, pera, banidad, at pride, at na pinipinsala ka ng mga bagay na ito. Samakatwid, itataboy mo ang mga bagay na ito, at magagawa mong isuko ang mga ito. Lubos itong makabuluhan. Gayumpaman, mayroon pa ring ilang tao na hindi kayang iwaksi ang mga paglilimita sa kanila ng reputasyon at katayuan. Buong araw nilang pinipiga ang kanilang utak at kinakalaban ang iba para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Pinalalaki at pinag-aawayan pa nga nila ang ilang bagay na may kinalaman sa banidad at dangal. Hindi nila hinahanap ang katotohanan, ni binibigyang-pansin ang mga layunin ng Diyos. Itinuturing nilang mas mataas kaysa sa anupaman ang kasikatan, pakinabang at katayuan, at dahil dito, maraming taon silang nagpapakaabala alang-alang sa mga bagay na ito, nang hindi nagtataglay ng kahit katiting na katotohanang realidad. Anuman ang tungkuling ginagampanan nila, hindi nila ito ginagawa nang maayos, at sinasayang nila ang pinakamagagandang taon ng kanilang buhay. Ito ang kahabag-habag na kalagayan ng mga hindi naghahangad sa katotohanan. Ang mga taong ito ay walang ingat na iniraraos lang ang kanilang pananampalataya sa Diyos nang ganito. Sampu o dalawampung taon na ang lumipas, pero hindi pa rin nila nakakamit ang katotohanan at buhay, at hindi pa rin nila magawang magpatotoo para sa Diyos. Pagsapit ng mga kalamidad, matutulala sila, hindi alam kung anong araw sila mamamatay sa mga kalamidad, at magiging masyadong huli na ang pagsisi kung gayon. Kaya naman, sa malao’t madali, ang mga nananampalataya sa Diyos ngunit hindi naghahangad sa katotohanan ay magkakaroon ng araw ng pagsisisi. Ngayon, maraming tao ang bulag pa ring naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kapag pinupungusan sila, pakiramdam nila ay dumanas sila ng matinding kahihiyan. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para lumikha ng mapanlinlang na pangangatwiran at paliwanag para sa kanilang sarili upang maprotektahan ang kanilang banidad at pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan para malutas ang kanilang mga sariling tiwaling disposisyon, at itinuturing pa rin nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan na mas mataas kaysa sa anupaman. Ang ganitong uri ng tao ay namumuhay ng isang kahabag-habag na buhay! Sila ang pinakahangal at pinakamangmang na mga tao.
Ngayon ang pinakamagandang pagkakataon para gawin ninyo ang inyong tungkulin, para maranasan kung paano iwaksi ang inyong mga tiwaling disposisyon, kung paano matamo ang gabay ng Diyos, kung paano gampanan ang inyong tungkulin nang may debosyon, kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano tuparin ang inyong mga responsabilidad at iwasan ang pagiging pabaya sa inyong tungkulin, at kung paano ibigay ang inyong puso sa Diyos, para maranasan at malaman ang mga salita ng Diyos habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, at makita ang mga gawa ng Diyos. Napakagandang pagkakataon! Balang araw, kapag nagbago na kayo, hindi na kayo maglalaban-laban para sa pagpapahalaga sa sarili at sa katayuan. Anuman ang hinihingi sa inyo, hindi ninyo iisipin na napakahirap nito, at magiging madali para sa inyo na gawin ito. Magiging madali para sa inyo na isagawa ang katotohanan, kumilos ayon sa mga prinsipyo, at makilatis ang maraming bagay. Ganap kayong magkakaroon ng kakayahang gawin ang inyong tungkulin nang normal, at hindi na kayo muling mapipigilan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Ito ang ganap na pagpasok sa katotohanang realidad.
Hulyo 16, 2015