81. Ang Aral na Natutunan Ko Nang Paalisin ang mga Kapamilya Ko
Nagsimula akong manampalataya sa Panginoon kasama ng mga magulang ko noong 17 anyos ako. Noong 2001, tinanggap ng buong pamilya namin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at pagkatapos niyon, sinimulan na ng bawat isa sa amin na gawin ang aming mga tungkulin. Sa pagtatapos ng 2012, inaresto ako ng CCP habang nangangaral ng ebanghelyo. Pagkatapos kong mapalaya, umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko sa ibang lugar para maiwasang maaresto ulit. Noong 2014, nakita ko ang tatay ko sa lugar kung saan ako gumagawa ng tungkulin. Nang makita ko siyang aktibong ginagawa ang tungkulin niya, at nang malaman kong ginagawa rin ng kapatid kong babae ang tungkulin niya sa iglesia, napakasaya ko. Naisip ko, “Sa nakalipas na mga isang dosenang taon, lahat sa pamilya namin ay gumagawa ng tungkulin. Hangga’t patuloy kaming gumugugol at nagsisikap sa ganitong paraan at sumusunod sa Makapangyarihang Diyos hanggang sa wakas, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, maliligtas ang buong pamilya namin at makakapasok sa kaharian ng Diyos.” Pero ang talagang ikinagulat ko ay nang dumating ang mga lider ng distrito para makipag-usap sa amin tungkol sa gawain isang araw noong 2015, nabanggit nila ang isang sulat mula sa iglesia sa bayan namin, na nagsasabing sa mga pagtitipon ay palaging hinahanapan ng butas ng tatay ko ang lider, at gaano man karaming pagbabahaginan ang gawin sa kanya, hindi siya bumubuti. Sinabi pa raw ng tatay ko na walang anumang nauunawaan ang lider at nagmungkahi na humanap ng isang eksperto para makipagbahaginan sa kanya. Ginulo nito nang husto ang mga kapatid na hindi na sila nakapagtipon nang payapa. Sinabi ng mga lider ng distrito na plano nilang alamin ang mga detalye ng sitwasyon at pagkatapos ay maayos na makipagbahaginan sa tatay ko. Nagpanggap akong kalmado at sinabi ko, “Paano naging napakasama ang sitwasyon ng tatay ko?” Pero sa loob-loob ko, galit ako at nababagabag, iniisip na, “Ano ba ang problema niya? Mahigit sampung taon na siyang nananampalataya sa Diyos, pero hindi niya ginagawa nang maayos ang tungkulin niya at nanggugulo pa nga sa buhay ng iglesia?” Noong oras na iyon, gustung-gusto ko nang makita ang tatay ko sa lalong madaling panahon, para makausap ko siya, at subukang hikayatin siya na huwag nang gumawa pa ng gulo. Pero alam ko na may mapagmataas talaga na disposisyon ang tatay ko, na hindi siya sumusuko kapag iniisip niyang tama siya, at walang maitutulong ang mga pagtatangka kong hikayatin siya. Hindi ko maiwasang mag-alala, “Kung patuloy na magsasanhi ng mga kaguluhan ang tatay ko nang hindi nagsisisi, magiging napakaseryoso ng kalikasan nito, at mapaaalis siya. Mula nang matagpuan niya ang Panginoon hanggang sa tanggapin niya ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, halos dalawampung taon nang nananampalataya ang tatay ko, at sa panahong ito, marami siyang pinagdusahan, at nagpatuloy pa nga sa paggawa ng kanyang mga tungkulin sa mga mapanganib na sitwasyon. Kung mapapaalis siya, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng taon ng pagdurusa niya? Tuluyan nang matatapos ang buhay-pananalig niya!” Sa pag-iisip nito, sinabi ko sa mga lider, “Kung makikita ko lang ang tatay ko at susubukan kong kausapin siya nang maayos, baka sakaling magbago ang kalagayan niya.” Sinabi ng isa sa kanila, “Masyado kang emosyonal ngayon. Kung pupuntahan mo para makita ang tatay mo, kikilos ka lang dahil sa init ng ulo o kaya dahil sa pagmamahal. May sarili kang tungkulin na dapat gawin. Kami na ang pupunta para makipagbahaginan sa tatay mo. Magtuon ka na lang muna sa tungkulin mo.” Naisip kong tama ang sinabi ng lider, at mas mabuting hayaan na lang sila na makipagbahaginan sa kanya. Sa mga sumunod na ilang araw, sobra akong nabagabag sa sitwasyon ng tatay ko kaya hindi ako makatulog, walang ganang kumain, at gulung-gulo ang isip ko, at hindi ako makapagtuon sa mga tungkulin ko. Umaasa ako na sa pamamagitan ng mga pagbabahaginan ng mga lider, magbabago ang tatay ko, at kahit papaano, hindi siya paaalisin. Naramdaman ko na basta’t kaya niyang magtrabaho sa sambahayan ng Diyos, may pag-asa pa rin siyang maligtas. Kaya araw-araw, sabik akong naghihintay sa mga lider na magdala ng magandang balita tungkol sa pagbabago ng tatay ko sa kanyang sarili.
Hindi nagtagal, pinadalhan ako ng liham ng mga kapatid na responsable sa gawain ng pag-aalis, na humihiling sa akin na magbigay ng ulat tungkol sa palagiang pag-uugali ng tatay ko. Nang mabasa ko ang sulat, nakaramdam ako ng di-maipaliwanag na kirot sa puso ko, at napaluha ako. Talagang mahirap para sa akin na tanggapin ang katunayang ito. Naisip ko, “Mukhang malubha na ang problema ng tatay ko. Kung ubod ng sama ang kanyang pag-uugali, paaalisin siya, at kapag pinaalis na siya, tuluyan nang magwawakas ang kanyang buhay-pananalig, at wala na siyang pag-asang maligtas. Nasa mga sesenta anyos na ang tatay ko, at napakaraming taon na siyang nananampalataya sa Diyos. Paano niya kakayanin kung mapapaalis siya?” Napagtanto kong hindi tama ang kalagayan ko at agad akong lumuhod para manalangin sa Diyos, “O Diyos, napakasakit na makitang nahaharap sa pagpapaalis ang tatay ko. Pakiusap, protektahan Mo ang puso ko para hindi ako magreklamo tungkol sa Iyo, at para makapagpasakop ako.” Paulit-ulit akong nanalangin. Habang isinusulat ko ang ebalwasyon ko, naisip ko kung paanong hindi maganda ang pagkatao ng tatay ko, at kung paanong muntik siyang nakagawa ng ilang matitinding bagay habang nasa mundo. Kung isusulat ko ang tungkol sa mga aspektong ito ng pag-uugali ng tatay ko at susuriin ng iglesia ang palagian niyang asal, hindi kaya magpasya silang paalisin siya? Mula pagkabata, napakabait na sa akin ng tatay ko. Noong bata ako, mahina ang katawan ko at palagi akong nagkakasipon, at pagkatapos ng mga iniksyon, ayaw kong maglakad, kaya kinakarga niya ako pauwi. Sa mga taon na malayo ako sa bahay para gawin ang tungkulin ko, nagtipid ang mga magulang ko para makapag-ipon ng pera para sa akin, at malaki ang naitulong nila sa akin. Ilang beses na pumunta sa bahay namin ang mga biyenan ko para gumawa ng gulo, at ang tatay ko ang humarap dito. Malaki ang ipinag-alala ng tatay ko tungkol sa akin. Naisip ko, “Siguro hindi ko dapat isulat ang tungkol sa masamang pagkatao ng tatay ko, at sa halip, dapat kong isulat kung paano niya buong sigasig na ginugol ang kanyang sarili. Sa ganoong paraan, kapag nakita ng mga kapatid na naging mabuti ang pag-uugali ng tatay ko noon, baka hahayaan nila siyang manatiling magtrabaho, at magkakaroon pa rin ng pag-asang maligtas ang tatay ko.” Pero naramdaman ko rin na hindi tama na gawin ito. Sa sumunod na ilang araw, sobrang nabagabag ako sa usaping ito na hindi ako makapagtuon sa paggawa ng tungkulin ko. Sa aking pagdurusa, naalala ko ang isang linya mula sa salita ng Diyos: “Kung may sinumang gumagawa ng isang bagay na hindi nakakabuti sa iglesia, kahit na ang mga magulang mo ito, hindi iyon katanggap-tanggap!” Kaya, pagkatapos, hinanap ko ang sipi na may linyang ito. Sabi ng Diyos: “Dapat kang magpakita ng lakas at katatagan ng loob, at manindigan sa iyong patotoo sa Akin; bumangon ka at magsalita para sa Akin, at huwag kang matakot sa sasabihin ng ibang tao. Tugunan mo lamang ang Aking mga layunin, at huwag mong hayaan ang sinuman na limitahan ka. … Ako ang iyong suporta at ang iyong kalasag, at lahat ay nasa Aking mga kamay. Ano, kung gayon, ang iyong ikinatatakot? Hindi ba’t masyado kang nagiging sentimental? Dapat mong iwaksi ang iyong mga damdamin sa lalong madaling panahon; hindi Ako kumikilos ayon sa mga damdamin, sa halip ay isinasakatuparan Ko ang katuwiran. Kung may sinumang gumagawa ng isang bagay na hindi nakakabuti sa iglesia, kahit na ang mga magulang mo ito, hindi iyon katanggap-tanggap!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 9). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagkabagabag at sama ng loob. Ang layunin ng Diyos ay ang manindigan ako sa panig ng katotohanan kapag nahaharap sa mga bagay-bagay, hindi kumilos batay sa pagmamahal, panindigan ang mga katotohanang prinsipyo, at itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero nang malaman kong kailangan kong magbigay ng mga detalye ng palagiang pag-uugali ng tatay ko, hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, ginunita ko kung gaano kabait ang tatay ko sa akin mula pagkabata, at nawala ang paninindigan ko at mga prinsipyo ko. Naisip ko pa ngang puntahan ang tatay ko para subukang kausapin siya, para pigilan siyang gumawa pa ng gulo. Sa ganoong paraan, hindi siya paaalisin, at makakapanatili siya para magpatuloy sa pagtatrabaho, at magkakaroon siya ng pagkakataong maligtas. Kung mayroon lang sana akong kaunting konsensiya at katwiran habang sinusulat ang aking ebalwasyon, dapat ay nanindigan ako sa panig ng Diyos at itinaguyod ang gawain ng iglesia at matapat na isinulat ang tungkol sa pag-uugali na alam kong mayroon ang tatay ko, pero nagpakita ako ng paboritismo sa tatay ko batay sa pagmamahal ko, at gusto ko lang magsulat tungkol sa magandang pag-uugali niya habang pinaliliit o hindi isinasama ang masamang pag-uugali niya. Paano ko masasabing mayroon akong may-takot-sa-Diyos na puso? Nang mapagtanto ito, isinulat ko ang lahat ng pag-uugali ng tatay ko na alam ko, at pagkatapos ay ipinadala ko ang ulat sa mga kapatid.
Pagkaraan ng ilang panahon, nakita ko ang abiso ng pagpapaalis sa tatay ko. Hindi lang pala hinahanapan ng butas ng tatay ko ang lider, kundi hindi rin niya talaga tinatanggap ang katotohanan. Ginagamit din niya ang mga salita ng Diyos sa labas ng konteksto, kinokondena at inaakusahan ang sinumang nakikipagbahaginan sa kanya. Patuloy niyang ginugulo ang buhay iglesia, at talagang ayaw niyang magsisi, kaya sa huli ay pinaalis siya. Batay sa palagiang pag-uugali ng tatay ko, talagang kakatwa siya, walang espirituwal na pang-unawa, at ang kalikasan niya ay lubhang tutol at namumuhi sa katotohanan. Ang pagpapaalis sa kanya ay ganap na nagbunyag sa pagiging matuwid ng Diyos. Nang makita ko ito, binitiwan ko na ang pagmamahal ko para sa tatay ko mula sa kaibuturan ng aking puso.
Isang araw noong Marso 2022, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga lider ng iglesia ng kapatid kong babae, na sinasabing hindi na siya dumadalo sa anumang pagtitipon mula noong Agosto 2021. Ayon sa mga prinsipyo, iyong mga matagal nang hindi nakikipagtipon, hindi naghahangad sa katotohanan, o hindi gumagawa ng kanilang mga tungkulin ay dapat paalisin, at hiniling nila sa akin na isulat agad ang tungkol sa palagiang pag-uugali ng kapatid kong babae. Pagkabasa nito, nakaramdam ako ng makadurog-pusong sakit, at hindi ko matanggap ang katotohanang ito. Gulong-gulo ang isip ko at hindi ako makapagtuon sa pakikipag-usap sa mga sister tungkol sa gawain, kaya napabaluktot na lang ako at humagulgol habang hawak ang ulo ko. Nakita ako ng mga sister na ganito at tinulungan ako sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan, pero hindi tumalab sa akin ang mga sinabi nila. Naisip ko, “Paano nangyari ito? Kailan lang, nagpadala pa ng sulat ang kapatid ko na may kasamang panggastos. Paanong sa loob lang ng ilang buwan ay nawalan siya ng ugnayan sa iglesia? May nangyari kaya sa bahay? Naaalala ko na laging masigasig ang kapatid kong babae sa paggugol ng kanyang sarili matapos siyang manampalataya sa Diyos, at aktibo siya sa kanyang mga tungkulin. Siguradong may malaking nangyari sa bahay para hindi siya makadalo sa mga pagtitipon. Dapat bang bigyan siya ng iglesia ng isa pang pagkakataong magsisi?” Nalaman ko rin na nangangalap lang pala ng impormasyon ang iglesia tungkol sa palagiang pag-uugali ng kapatid kong babae, at na kung taos-puso siyang magsisisi at handang manampalataya nang maayos sa Diyos, bibigyan pa rin siya ng pagkakataong magsisi. Pero nag-alala pa rin ako, “Paano kung hindi bumalik sa mga pagtitipon ang kapatid ko sa lalong madaling panahon?” Nang gabing iyon, pabiling-biling ako sa kama, hindi makatulog. Ang magagandang alaala ng aming pamilya na lahat ay nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng aming mga tungkulin ay parang pelikulang umikot sa isip ko. Mula pagkabata, palagi akong inaalagaan ng kapatid ko. Kapag masama ang kalagayan ko, sinusuportahan at tinutulungan niya ako, at kapag gumagawa ako ng tungkulin ko sa iglesia, madalas niya akong padalhan ng panggastos. Kung papaalisin ang sister ko, tiyak na hindi siya magkakaroon ng pag-asa na maligtas. Sa pag-iisip nito, nakaramdam ako ng biglaang lungkot. Sa mga sumunod na araw, talagang masama ang kalagayan ko dahil sa aking kapatid, at hindi ko mapakalma ang puso ko sa aking mga tungkulin. Naisip ko, “Kailangan kong umuwi at kausapin ang aking kapatid para matauhan. Basta’t bumalik siya sa iglesia at gawin niya ang mga tungkulin niya sa abot ng kanyang makakaya, hindi siya paaalisin.” Pero naisip ko, “Naaresto ako dahil sa pananampalataya sa Diyos, may rekord ako sa pulisya, at kung padalos-dalos akong umuwi at mahuli, hindi ko magagawa ang mga tungkulin ko, at madadamay ko ang aking mga kapatid. Hindi ko kayang isipin ang mga kahihinatnan.” Magulo ang isipan ko at hindi ko alam ang gagawin. Pagkalipas ng tatlong araw, nahilo ako, bumilis ang tibok ng puso ko, at nanikip ang dibdib ko at kinapos ako sa hininga. Pakiramdam ko ay babagsak ako anumang sandali kahit sa paglalakad lang. Saka ko lang pinagnilayan ang aking sarili at iwinaksi ang ideya na umuwi. Pero ang isipin na baka mapaalis ang kapatid ko ay medyo nagpalungkot pa rin sa akin. Ibinahagi ko ang kalagayan ko sa isa sa mga sister sa paligid ko, at binasahan niya ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa sister, naunawaan ko na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan at katuwiran, at na hindi kailanman gagawan ng masama ng sambahayan ng Diyos ang isang mabuting tao, ni hahayaang hindi maparusahan ang isang taong gumagawa ng masama. Dahil nagkokolekta ang iglesia ng isang talaan ng palagiang pag-uugali ng aking kapatid, ito ay nasa ilalim ng pahintulot ng Diyos, at bagama’t hindi ko ito lubos na nauunawaan, dapat muna akong magpasakop at ibigay ko kung ano ang alam ko tungkol sa kanyang pag-uugali, at tiyak na pakikitunguhan at tatratuhin siya ng iglesia ayon sa mga prinsipyo.
Kalaunan, pinaalis ang kapatid ko. Nakita ko ang talaan ng pag-uugali ng sister ko na ibinigay ng mga kapatid, at nabanggit dito na nitong mga nakaraang taon, nagtuon lang ang kapatid ko sa pagkita ng pera para suportahan ang paghahanda ng anak niya sa unibersidad, at wala siyang anumang pasanin para sa kanyang mga tungkulin. Sa kanyang mga tungkulin, palagi siyang pabasta-basta, ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa gusto niya, nagpapaliban sa kanyang mga tungkulin, iresponsable, at lubhang nakaantala sa gawain ng iglesia. Kahit na paulit-ulit na itinuro ng mga kapatid ang kanyang mga problema at tinulungan siya, nanatili siyang ganoon, walang pagkakonsensiya o pagsisisi. Sa bahay, bihirang-bihira siyang kumain o uminom ng mga salita ng Diyos o manood ng mga video na gawa ng sambahayan ng Diyos, at nagtrabaho siya para kumita ng pera araw-araw. Kalaunan, ni hindi siya dumadalo sa mga pagtitipon. Isang sister ang pumunta para suportahan siya, pero sinabi niya, “Noong may sakit si mama, gumaling siya pagkatapos manampalataya sa Diyos, kaya sumunod ako sa kanya at naniwala. Pero ngayong bumalik na ang sakit niya, bakit hindi ko maramdaman ang pag-iral ng Diyos?” Pagkasabi nito, umalis siya. Pagkakita sa mga pag-uugaling ito, galit na galit ako, at naisip ko, “Paano niya nasabi ang mga bagay na ito? Isa siyang hindi mananampalataya!” Noon, nakita ko na masigasig siya sa paggugol ng kanyang sarili, kaya inakala kong tunay siyang nananampalataya sa Diyos, pero ngayon nakita ko na mali ang kanyang mga orihinal na intensiyon at motibo sa kanyang pananalig. Pagkakita lamang niya sa mahabang karamdaman ni mama na himalang gumaling sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos at kung paano unti-unting bumuti ang buhay ng aming pamilya, saka lang siya nagsimulang manampalataya sa Diyos. Sinunod lang niya ang ina namin na manampalataya sa Diyos nang magtamo siya ng biyaya ng Diyos. Kalaunan, nang magkasakit muli si mama, nakita ng kapatid ko na hindi niya nakukuha ang mga pakinabang na gusto niya mula sa pananampalataya sa Diyos, at nawasak ang kanyang pagnanais para sa mga pagpapala, kaya huminto siya sa pagdalo sa mga pagtitipon at paggawa ng kanyang tungkulin, at itinatwa pa nga ang Diyos. Mula sa pag-uugali ng aking kapatid, malinaw na hindi talaga siya tunay na mananampalataya sa Diyos, at na ang kanyang diwa ay diwa ng isang hindi mananampalataya.
Kalaunan, nagnilay-nilay ako: Palagi kong iniisip na hangga’t tinatalikuran ko ang mga bagay-bagay, ginugugol ang sarili ko para sa Diyos, at sinusundan ko Siya hanggang sa huli, sa katapusan ay maliligtas ako. Pero tama ba talaga ang pananaw na ito? Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sinasabi ng mga tao, ‘Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos. Hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao?’ Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan Ko ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayumpaman, ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay pawang naglalaman ng mga angkop na kondisyon, at na ang Aking hinihingi ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Hindi mahalaga sa akin kung gaano ka kakalipikado o kung gaano na karami ang karanasan mo; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay hahampasin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Kung sumunod ka sa lahat ng salita na Aking sinabi ngayon, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip ang tungkol sa pagsasabuhay ng isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, ‘Ano’t anuman, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid. Nagdurusa ako para sa Kanya, nagparoo’t parito para sa Kanya, at inilalaan ko ang aking sarili sa Kanya, at kahit na wala akong anumang mga nakamit, nagtiis ako ng paghihirap; tiyak na tatandaan Niya ako.’ Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagiging matuwid na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong transaksyon. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi sumusunod sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, ‘Ngayon ay nagpaparoo’t parito ako para sa Iyo; sa huli, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?’ Kaya tinatanong kita, ‘Sumunod ka ba sa Aking mga salita?’ Ang pagiging matuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang transaksyon. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid, na Ako ay patas sa lahat ng tao, at ang lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na ‘lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas’: Lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan; sila iyong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Ilang hinihingi ang natugunan mo? Natugunan mo lang ang hinihingi na sumunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay sumunod sa Aking mga salita? Natugunan mo ang isa sa Aking limang hinihingi, gayunman ay wala kang intensyon na tugunan ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at hinangad ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo, ang Aking matuwid na disposisyon ay nangangahulugan lang ng pagkastigo at paghatol, at matuwid na pagganti; nangangahulugan ito ng matuwid na kaparusahan sa lahat ng taong gumagawa ng masama. Ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng kahihiyan. Hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa panlabas na anyo, pero tinitingnan ng Diyos ang diwa ng isang tao. Hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano karami ang isinakripisyo ng isang tao o kung gaano niya iginugol ang kanyang sarili, kung gaano siya nagdusa, o ang kanyang senyoridad. Ang susi ay kung sinusunod ba ng isang tao ang daan ng Diyos, kung isinasagawa ba nila ang katotohanan at kung nagbago ba ang kanilang disposisyon. Sa mga bagay na ito natutukoy ang kalalabasan ng isang tao. Pero naniwala ako na tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng isang tao sa pamamagitan ng kung kaya ba niyang sumunod hanggang sa wakas, kung gaano na siya katagal nananampalataya, at kung gaano karami ang kanyang tiniis o ginawang paggugol ng sarili. Inakala ko na hangga’t nagsikap kami at iginugol namin ang aming sarili, at sinundan ang Diyos hanggang sa huli, kung gayon, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, magkakaroon kami ng pag-asang maligtas ng Diyos at makapasok sa kaharian ng Diyos para matamasa ang Kanyang mga pagpapala. Pero mga kuru-kuro at imahinasyon ko lang pala ang mga ito. Naunawaan ko rin na ang maligtas matapos sumunod hanggang sa wakas ay nangangahulugan na ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan at pagbabago sa disposisyon, at nakapagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, sa huli ay nalilinis ang kanyang tiwaling disposisyon, at na sa gitna ng iba’t ibang pagsubok at pagpipino, hindi niya itinatatwa o ipinagkakanulo ang Diyos at kaya pa rin niyang sumunod at magpasakop sa Diyos. Ang gayong mga tao lamang ang maliligtas ng Diyos sa huli at makakapasok sa Kanyang kaharian. Pero iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan, iyong ang tiwaling disposisyon ay hindi nagpapakita ng pagbabago, at naghihimagsik pa rin at lumalaban sa Diyos, ay ang mga kinasusuklaman ng Diyos. Sa pagninilay sa dalawang beses na hinarap ko ang isyu ng pagpapaalis sa mga kapamilya ko, hindi ko nakilatis ang kanilang mga diwa. Hindi ko alam kung anong uri ng mga tao ang inililigtas o itinitiwalag ng Diyos, at pumanig ako sa pagmamahal sa laman, gustong umuwi para kausapin sila nang matauhan, gusto silang papanatilihin sa sambahayan ng Diyos para magtrabaho. Inisip ko na sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng pag-asang maligtas. Pero ang pag-iisip ko ay ganap na hindi naaayon sa mga salita ng Diyos. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagpropesiya kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga diyablo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21–23). Nagnilay ako, “Bakit hindi natanggap ng mga tumalikod sa lahat at gumugol ng kanilang sarili para sa Panginoon ang pagsang-ayon ng Panginoong Jesus, at sa halip, pinarusahan at isinumpa pa sila ng Panginoon?” Ayon sa pananaw ko, ang sinumang tumatalikod at gumugugol nang marami, at sumusunod sa Diyos sa loob ng maraming taon ay tiyak na maliligtas. Kung gayon, bakit ang mga Pariseo na naglingkod kay Jehova buong taon sa templo, ay hindi lang nabigong maligtas ng Diyos, kundi nauwi ring isinumpa at kinondena ng Diyos bilang isang pangkat ng mga ulupong, at sinabihang sa aba sila? Ito ay dahil, bagama’t sa panlabas ay nananampalataya ang mga Pariseo sa Diyos, sa diwa ay wala silang mga pusong may-takot-sa-Diyos, hindi nila kailanman sinunod ang daan ng Diyos, at itinatwa at kinondena pa nga nila ang Panginoong Jesus, at ipinako Siya sa krus. Lubha nilang sinalungat ang disposisyon ng Diyos, na nagresulta sa pagpaparusa at pagsumpa sa kanila ng Diyos. Habang tinitingnan ito ngayon, inakala ko na kung nananampalataya ka sa Diyos, tumalikod at gumugol para sa Diyos, at sumunod sa Diyos hanggang sa wakas, maliligtas at makakapasok ka sa kaharian ng langit. Pero lahat ng ito ay pawang mga pangarap, kuru-kuro, at imahinasyon ko lamang. Ito ay kakatwa at walang katuturan, at walang anumang basehan sa realidad! Gumagawa ako ng mga ebalwasyon batay sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon, gusto pa ngang panatilihin ang pamilya ko sa iglesia para magtrabaho, iniisip na sa huli, bibigyan sila ng Diyos ng magandang kalalabasan at hantungan. Talagang napakahangal ko at bulag! Batay sa kanilang diwa at sa landas na kanilang tinahak, sila mismo ang mga pangsirang-damo na ibinunyag ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sila ay mga hindi mananampalataya na walang pagmamahal sa katotohanan at hindi nila ito tinanggap, at kahit na atubili silang manatili sa sambahayan ng Diyos, hindi sila maliligtas.
Nagpatuloy ako sa pagninilay, “Kapag nahaharap sa pagpapaalis sa mga kapamilya ko, hindi ako kailanman makapanig sa Diyos. Ano ba ang kumokontrol sa akin?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ano ang diwa ng mga damdamin? Ito ay ang pag-una sa mga damdamin ng laman, at pagkikibit-balikat sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita at parirala: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga ugnayan ng laman, at kawalan ng pagiging patas. Ang mga ito ang mga damdamin. Ano ang mga posibleng kahihinatnan ng pagkakaroon ng mga tao ng mga damdamin at pamumuhay ayon sa mga ito? Bakit pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao? Ang ilang tao ay palaging nalilimitahan ng kanilang mga damdamin, hindi nila maisagawa ang katotohanan, at bagama’t nais nilang magpasakop sa Diyos, hindi nila magawa, kaya pakiramdam nila ay pinahihirapan sila ng kanilang mga damdamin. Maraming tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito maisagawa; ito rin ay dahil nalilimitahan sila ng mga damdamin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). “Lubhang sentimental ang ilang tao. Araw-araw, sa lahat ng kanilang sinasabi, at sa kung paano sila umasal at mangasiwa ng mga bagay, namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin. Nakararamdam sila ng mga bagay-bagay para sa taong ito at sa taong iyon, at ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pag-aasikaso ng mga usapin ng mga ugnayan at damdamin. Sa lahat ng kanilang kinakaharap, nabubuhay sila sa mundo ng mga damdamin. Kapag namatay ang di-nananampalatayang kamag-anak ng gayong tao, iiyak siya nang tatlong araw at hindi papayag na ilibing ang bangkay, nagtataglay pa rin ng mga damdamin para sa namatay. Masyado siyang sentimental. Masasabi na ang mga damdamin ang nakamamatay na kapintasan ng taong ito. Nililimitahan siya ng kanyang mga damdamin sa lahat ng bagay, wala siyang kakayahang magsagawa ng katotohanan o kumilos ayon sa prinsipyo, at madalas siyang naghihimagsik laban sa Diyos. Ang mga damdamin ang pinakamatindi nilang kahinaan, ang kanilang nakamamatay na kapintasan, at ganap na kaya silang sirain at ipahamak ng kanilang mga damdamin. Ang mga taong sobrang sentimental ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan o magpasakop sa Diyos. Nang may ganoong kalakas na mga damdamin, ang tanging magagawa nila ay pagbigyan ang laman; sila ay hangal at magulo ang isip. Ang kalikasan ng gayong mga tao ay ang maging labis na sentimental. Namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Nakita ko sa wakas mula sa mga salita ng Diyos na ang ugat na dahilan ng kawalan ko ng abilidad na tratuhin nang tama ang pagpapaalis sa pamilya ko ay na nalilimitahan ako ng pagmamahal. Pinahalagahan ko ang pagmamahal ko sa pamilya nang higit sa lahat, higit pa nga sa mga katotohanang prinsipyo. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong prinsipyo ng “Mas matimbang ang dugo kaysa tubig,” “Ang pagkagiliw ay nagdudulot ng pagkiling,” at “Ang tao ay hindi patay; paano siya magiging malaya mula sa mga damdamin?” Nabigo akong kilalanin ang tama sa mali, at nawalan ako ng paninindigan at mga prinsipyo. Sa katunayan, kung hindi ko nauunawaan ang kanilang pag-uugali, puwede sanang linawin ito sa pamamagitan ng pagsusulat para magtanong sa iglesia. Puwede ko rin sanang kilatisin ang kanilang diwa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, para makita kung sila ba ay karapat-dapat sa tulong na may pagmamahal. Pero kung hindi sila dapat tulungan, kahit na kapamilya pa sila, hindi ako dapat bulag na magpakita ng kabaitan batay sa pagmamahal. Pero hindi ako nag-isip nang ganoon, at una akong pumanig sa pagmamahal, nalungkot at umiyak para sa kanila, at hindi ako nakapagtuon sa aking tungkulin. Naisip ko pa ngang bumalik para suportahan sila, hindi isinaalang-alang ang panganib ng pag-aresto. Nang hilingin sa akin ng iglesia na magbigay ng talaan ng kanilang pag-uugali, ang tanging naiisip ko ay ang kabaitan nila sa akin. Ganap akong nabulag ng pagmamahal at hindi ko pinrotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at gusto ko pa ngang gumamit ng mga panloloko at panlilinlang para protektahan ang pamilya ko, hindi ko man lang isinaalang-alang kung gaano kalaking pinsala ang idudulot ng pananatili nila sa sambahayan ng Diyos sa gawain ng iglesia. Nakita ko na ang pagmamahal ang matinding kahinaan ko, at na naging balakid at hadlang ito sa pagsasagawa ko ng katotohanan. Namuhay ako sa aking pagmamahal at tinrato ang tatay at kapatid ko nang may konsensiya at pagmamahal, nang hindi ko man lang hinahanap ang layunin ng Diyos. Hindi ko alam ang tungkol sa kanilang mga pag-uugali pero bulag kong ginustong puntahan at suportahan sila. Hindi ba’t ito ay isang hangal na pagmamahal? Kung bumalik ako sa bahay, hindi lang ako mahuhulog sa tukso ng pagmamahal, kundi magugulo rin ang kalagayan ko, maaantala ang tungkulin ko, at higit sa lahat, dahil sa rekord ko sa pulisya, kung mahuhuli ako, makakaapekto ito sa gawain. Hindi ba’t lilikha ito ng mga pagkagambala at kaguluhan? Nang mapagtanto ito, nakaramdam ako ng takot na hindi mawala-wala, at nagpasalamat ako sa Diyos sa pagbubunyag sa akin; kung hindi, hindi ko sana nakita nang malinaw ang pinsala at mga kahihinatnan ng pamumuhay ayon sa pagmamahal, at mapapahamak na pala ako nang hindi ko namamalayan. Kailangan kong bitiwan ang pagmamahal at tratuhin ang pamilya ko ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi na ako puwedeng malungkot pa dahil sa pagpapaalis sa tatay at kapatid ko sa iglesia, dahil ito ay ganap na pagiging matuwid ng Diyos. Ang mga paltos sa kanilang mga paa ay dahil sa sarili nilang landas, at wala silang ibang masisisi kundi ang kanilang sarili.
Sa mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng isang landas tungo sa pagbitiw sa pagmamahal at pagtrato sa mga kamag-anak nang tama. Sabi ng Diyos: “Balang araw, kapag naunawaan mo na ang ilan sa katotohanan, hindi mo na iisipin na ang nanay mo ang pinakamabuting tao, o na ang mga magulang mo ang pinakamabubuting tao. Matatanto mo na mga miyembro din sila ng tiwaling sangkatauhan, na pare-pareho lahat ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na ang tanging nagbubukod sa kanila ay ang ugnayan ng dugo sa pagitan ninyo, at na kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, kapareho sila ng mga walang pananampalataya. Hindi mo na sila titingnan mula sa pananaw ng isang kapamilya, o mula sa pananaw ng inyong ugnayan sa laman, kundi mula sa panig ng katotohanan. Ano ang mga pangunahing aspektong dapat mong tingnan? Dapat mong tingnan ang kanilang mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos, ang kanilang mga pananaw tungkol sa mundo, ang kanilang mga pananaw kapag pinangangasiwaan ang mga usapin, at ang pinakamahalaga, ang kanilang saloobin ukol sa Diyos. Kung tumpak mong titingnan ang mga aspektong ito, malinaw mong makikita kung sila ay mabubuti o masasamang tao. … Ipagpalagay na malinaw mong nakikita ang iyong mga kamag-anak, at sasabihin mong: ‘Hindi talaga tinatanggap ng nanay ko ang katotohanan; sa totoo lang, tutol siya sa katotohanan at kinasusuklaman niya ito. Sa diwa niya, isa siyang masamang tao, isang diyablo. Palaging sinusubukang palugurin ng ama ko ang mga tao, at palagi siyang pumapanig sa nanay ko. Hindi niya tinatanggap ni isinasagawa ang katotohanan; hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Isa siyang hindi mananampalataya. Ganap akong maghihimagsik laban sa kanila, at kailangan kong magtakda ng malilinaw na hangganan sa kanila.’ Sa ganitong paraan, titindig ka sa panig ng katotohanan, at magagawa mo silang tanggihan. Kapag nagawa mong kilatisin kung sino sila, kung anong uri ng tao sila, magkakaroon ka pa rin ba ng pagmamahal para sa kanila? Makakaramdam ka pa rin ba ng pagmamahal sa pamilya para sa kanila? Magkakaroon ka pa ba ng relasyon sa laman sa kanila? Hindi na. Kakailanganin mo pa rin bang pigilan ang ganitong uri ng pagmamahal? (Hindi na.) Kung gayon, paano mo ba talaga lulutasin ang mga suliraning ito? Sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan, sa pamamagitan ng pagsandal sa Diyos, at sa pamamagitan ng pagbaling sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa mga Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa pagtrato sa mga kapamilya, una, dapat nating makilatis at makita kung sino talaga sila ayon sa mga salita ng Diyos, at kapag nakita na natin ang kanilang mga kalikasang diwa, malalaman natin kung paano sila tratuhin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Para sa mga kapamilya na naghahangad at nagmamahal sa katotohanan, kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan at nagbubunyag sila ng katiwalian, o kung hindi nila makita nang malinaw ang masasamang kalakaran ng mundo at panandaliang tinatahak ang maling landas, maaari nating sundin ang mga katotohanang prinsipyo at tulungan sila nang may pagmamahal, o ilantad at pungusan sila. Pero kung tutol sila sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at sa diwa, sila ay mga hindi mananampalataya, mga kakatwa, at masasamang tao, kung gayon, hindi natin sila matutulungan at masusuportahan nang may pagmamahal. Dapat nating kilalanin ang pagkakaiba ng pag-ibig sa pagkamuhi, mamuhi at itakwil sila sa mga puso natin, at magtakda ng malinaw na linya sa pagitan natin at nila. Kasabay nito, naunawaan ko rin na bagama’t sa panlabas, mayroon akong kaugnayan sa dugo sa aking ama at kapatid, at sila ay aking pamilya, ang kanilang mga diwa ay sa diyablo at mga hindi mananampalataya, at hindi sila lumalakad sa parehong landas na tinatahak ko. Nang maunawaan ko ito, hindi na ako nalilimitahan ng pagmamahal, at napapatahimik ko na ang puso ko sa tungkulin ko. Ang pagkakaroon ko ng ganitong pagkaunawa at pagpasok ay bunga lahat ng paggawa ng mga salita ng Diyos sa akin. Salamat sa Diyos!