80. Bakit Lagi Akong Takot na Ipahayag ang Opinyon Ko
Noong Marso 2024, pumunta ang superbisor para magbuod ng mga problema at makipag-usap sa amin tungkol sa gawain. Nang sama-sama naming tinalakay ang isang sermon, ako ang unang nagpahayag ng opinyon ko, pero mali ang opinyong ipinahayag ko, at pagkatapos ay nagpahayag ako ng dalawa pang opinyon na sunod-sunod na mali pa rin. Pahiyang-pahiya ako dahil dito. “Nakagawa ako ng napakaraming pagkakamali sa una kong pakikisalamuha sa superbisor. Masyadong kahiya-hiya! Ang sister na katuwang ko ay nagawang matukoy ang ilang problema kahit na kasisimula pa lang niyang gawin ang tungkuling ito, samantalang matagal na akong nagsasanay at mali ko pa ring nakita ang mga bagay-bagay. Iisipin kaya ng superbisor na hindi ako kasinghusay ng bagong-dating na sister? Hindi na ako gaanong magmamadaling magpahayag ng opinyon ko sa susunod. Maghihintay ako hanggang sa makapagsalita na ang lahat at saka ako magbabahagi, na magiging mas ligtas.” Kinabukasan, habang sabay naming binabasa ang isang sermon, pinag-isipan ko itong mabuti at may nakita akong ilang problema. Gayumpaman, hindi ako sigurado kung nakikita ko nga ba ito nang tama o hindi, at naisip ko, “Sa pagkakataong ito, kailangan kong maging matalino. Pakikinggan ko muna kung paano ito susuriin ng iba. Pagkatapos, kapag ako na ang magbabahagi, pagsasama-samahin ko ang mga pananaw ng lahat. Mas maaasahan ang paggawa nito, at iisipin din ng lahat na kaya kong makita ang mga problema at na hindi naman ganoon kababa ang kakayahan ko.” Pero lumipas ang mahabang oras at walang nagsalita. Nakita ko sa gilid ng aking mga mata na malalim pa rin silang nag-iisip, kaya napaisip ako, “Kahit na medyo matagal na, hindi ako puwedeng maunang magsalita. Sobrang nakahihiya kung magkakamali na naman ako ng sasabihin.” Kaya, nagpanggap din akong seryosong pinag-iisipan ang problema. Pagkalipas ng mahabang oras, saka lang nagsimulang magsalita ang ilang sister. Nang matapos nang magbahagi ang lahat ng kanilang mga opinyon, pinagsama-sama ko ang mga ito at ang sarili kong opinyon, at saka tinalakay lahat. Kabadong-kabado ako noong nagsalita ako, takot na baka mali ang opinyon ko at mapapahiya na naman ako. Kalaunan, ang pagsusuri ng superbisor ay karamihang umaayon sa opinyon ko. Lihim akong natuwa sa puso ko, at naramdaman kong nakabawi ako sa kahihiyan. Pero pagkalipas ng dalawang araw, napansin ng superbisor na hindi kami aktibong nagpapahayag ng aming mga opinyon kapag tinatalakay ang mga sermon; nagpapaliban at nagsasayang kami ng oras. Inilantad niya ang aming mga problema. Naisip ko kung paanong matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito at ako ang lider ng pangkat. Dapat sana ay aktibo akong nakipagbahaginan at pinangunahan ang lahat sa talakayan, pero hindi ako nakipagbahaginan kahit na may mga opinyon ako. Hindi ba’t nag-aaksaya lang ako ng oras? Kalaunan, nang tinalakay naming muli ang mga sermon, nagkusa akong ipahayag ang aking mga opinyon, tinatalakay ang lahat ng problemang nakita ko. Gayumpaman, nang hindi ko maarok ang ilang problema at may pinapanigan at hindi tumpak ang mga komento ko, talagang napahiya ako. Matapos ipahayag ang opinyon ko nang ilang beses, naging pasibo na naman ako, palaging naghihintay hanggang sa ako na ang pinakahuling magsasalita. Mas lalo rin akong natakot na talakayin ang mga sermon, laging takot na baka malantad ang mga kakulangan ko. Sa tuwing nagpapahayag ako ng opinyon ko, pakiramdam ko ay nasa ilalim ako ng matinding presyur, at may mga saloobin pa nga ako na ayaw kong gawin ang tungkuling ito.
Isang araw, habang tinatalakay namin ang mga problema na umiiral sa mga sermon, tinawag ng superbisor ang pangalan ko para maunang magsalita. Hindi ako umimik. Sinabi ng superbisor, “Ikaw ang lider ng pangkat. Bakit hindi ka kailanman nagkukusang makipagbahaginan? Wala ka bang opinyon o nalilimitahan ka ng iyong tiwaling disposisyon?” Pagkatapos, nakahanap ang superbisor ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo ay isang prinsipyo ng pagsasagawa sa paggampan ng tungkulin ng isang tao. Basta’t ibinibigay mo rito ang iyong buong puso, ang iyong buong pagsusumikap, at ang iyong debosyon, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Kung mayroon kang saloobin o ideya, sabihin mo ito sa iba; huwag mo itong sarilinin o itago. Kung mayroon kang mga mungkahi, ibigay mo ang mga ito; kung kaninong ideya ang alinsunod sa katotohanan ay dapat tanggapin at sundin. Gawin mo ito, at makakamit mo ang magkakasundong pakikipagtulungan. Ito ang ibig sabihin ng paggampan sa tungkulin ng isang tao nang may debosyon. Sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi hinihingi sa iyo na akuin ang lahat nang mag-isa, ni hindi hinihingi sa iyo na magpakamatay sa katatrabaho, o maging ‘ang tanging bulaklak na namumukadkad’ o iba sa karaniwan; bagkus, hinihingi sa iyong matutuhan kung paano makipagtulungan nang kasundo ang iba, at gawin ang lahat ng makakaya mo, tuparin ang mga responsabilidad mo, ibigay mo rito ang lahat ng iyong pagsisikap. Iyon ang ibig sabihin ng paggampan sa iyong tungkulin. … Maaaring hindi ka gaanong malakas, pero kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos kang magbahagi sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas pasulong, at nagagawang makipagtulungan nang may pagkakasundo, at nagagawang magsikap ng lahat nang sama-sama, nagkakaisa sa puso, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, sa mga mata ng Diyos, ikaw ay magiging isang taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Tatandaan ng Diyos ang iyong ginawa. Tinatawag itong paggampan sa iyong tungkulin nang may debosyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). Nakipagbahaginan ang superbisor, sinasabing, “Hinihingi sa atin ng Diyos na magtulungan nang magkakasundo, magkaroon ng tamang intensyon, at pangalagaan ang gawain ng iglesia kapag ginagawa natin ang ating mga tungkulin. Halimbawa, kapag sama-sama nating tinatalakay ang mga sermon, dapat tayong magkusa na sabihin kung gaano karaming problema ang nakikita natin, taos-pusong magbukas, at matuto sa kalakasan ng isa’t isa para mapunan ang ating mga kahinaan. Kahit na hindi natin ibinabahagi ang mga ito nang kasingkomprehensibo tulad ng iba, kahit papaano ay tama ang mga intensiyon natin, at isinasagawa natin ang katotohanan sa prosesong ito. Kung palagi nating pagtatakpan at ibabalatkayo ang ating sarili, pinoprotektahan ang ating mga personal na interes, hindi gusto ng Diyos ang mga taong gumagawa nito. Isa pa, matagal-tagal nang nagtatrabaho ang lahat nang magkakasama, at nauunawaan na nating lahat ang isa’t isa. Kung patuloy lang nating pinagtatakpan ang ating sarili at nagkukunwari tayo, sa pag-aakalang kung mananahimik tayo ay hindi makikita ng iba ang ating mga kakulangan, napakahangal niyan. Hindi lang tayo mabibigong umusad sa mga katotohanang prinsipyo, mahahadlangan din natin ang paggampan ng ating tungkulin. Kung magpapatuloy ito nang matagal, mawawala sa atin ang gawain ng Banal na Espiritu.” Nang marinig ko ang pagbabahagi ng superbisor, namula ang mukha ko sa hiya, at parang tinusok ang puso ko. Matagal na akong gumagawa ng tungkulin ko sa pangkat na ito, at gaano man karaming problema ang kaya kong makita, dapat ay taos-puso akong magbukas at magsalita tungkol sa mga ito, pinangungunahan ang lahat sa isang aktibong talakayan. Ito ay pagiging mapagsaalang-alang sa gawain at isang pagpapamalas ng pagsasagawa ng katotohanan. Gayumpaman, tanging ang sarili kong dangal ang isinaalang-alang ko, at hindi ko kayang ituring nang tama ang aking sariling mga depekto. Inakala kong ang pagpapahayag muna ng sarili kong mga opinyon at ideya ay maglalantad sa aking mga kakulangan, na magmumukhang mahina ang aking kakayahan. Kaya, naghintay ako hanggang matapos magpahayag ng opinyon ang lahat bago ko isinama ang mga iyon sa sarili kong pagkaunawa. Sa ganitong paraan, mas magiging komprehensibo at partikular ako, para hangaan ako ng mga tao at magmukha akong magaling. Bilang lider ng pangkat, hindi ko isinaalang-alang ang gawain, at napahiya ako noong nagkamali ako, kaya sinubukan ko ang lahat ng posibleng paraan para pagtakpan ang mga iyon at magkunwari para walang makakilatis sa akin. Bilang resulta, pasibo lang akong naghintay roon habang tinatalakay ang mga problema, nagpapabagal sa pag-usad ng gawain. Hindi ko talaga ginagawa ang aking tungkulin. Sa halip, ginagamit ko ang pagkakataon ng pagtalakay sa mga sermon para magpasikat at mapahanga ko ang iba. Ako palagi ang huling nagpapahayag ng aking opinyon. Bagama’t mas komprehensibo ang mga opinyong ipinahayag ko at hindi ako napahiya, hindi ko matuklasan ang sarili kong mga pagkukulang, at inakala ko pa ngang magaling akong sumuri ng mga problema. Sa totoo lang, alam ng lahat kung ano ang kakayahan ko, pero nagpapanggap pa rin ako at hinahangaan ko ang sarili kong pagtatanghal na parang isang payaso. Napakahangal ko talaga!
Isang gabi, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, sa panahong ito, palagi na lang akong nabubuhay para sa pride at katayuan, at palagi akong natatakot na ipahayag ang mga opinyon ko. Gayumpaman, wala pa rin po akong pagkaunawa sa aking katiwalian. Isinasamo ko sa Iyo na akayin ako para malaman ang aking mga problema.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon, at hinanap ko ito para pag-isipan nang mabuti. Sabi ng Diyos: “Ang ilang tao ay madalang magsalita dahil sa mahinang kakayahan o simpleng pag-iisip, dahil sa kakulangan sa mga komplikadong kaisipan, pero kapag madalang magsalita ang mga anticristo, hindi ito para sa parehong dahilan; ito ay problema ng disposisyon. Madalang silang magsalita kapag nakikipagtagpo sa iba at hindi sila bastang nagpapahayag ng mga pananaw nila tungkol sa kung ano ang pinag-uusapan ng iba. Bakit hindi nila ipinapahayag ang mga pananaw nila? Una, tiyak na wala silang katotohanan at hindi nila makilatis ang mga bagay-bagay. Kung magsasalita sila, puwede silang magkamali at makilatis; natatakot sila na maging mababa ang pagtingin sa kanila, kaya nagpapanggap sila na tahimik at may malalim na kaunawaan, kaya nagiging mahirap para sa iba na timbangin sila, at idinudulot pa nga na isipin ng iba na sila ay marunong at namumukod-tangi. Sa ganitong paraan, hindi nangangahas ang mga tao na maliitin ang mga anticristo, at dahil nakikita nilang mukhang kalmado at mahinahon ang panlabas ng mga anticristo, mataas pa nga ang tingin nila sa mga ito, hinding-hindi sila nangangahas na balewalain ang mga ito. Ito ang tuso at buktot na aspekto ng mga anticristo. Hindi nila basta-bastang ipinapahayag ang mga pananaw nila dahil ang karamihan sa mga pananaw nila ay hindi naaayon sa katotohanan, kundi mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, ganap na hindi nababagay na ilantad sa labas. Kaya, nananatili silang tahimik. Sa loob nila, nag-aasam din silang makapagkamit ng kaunting liwanag na mailalabas nila para tingalain sila ng iba, pero dahil wala sila nito, tumatahimik sila at nagtatago tuwing napagbabahaginan ang katotohanan, nag-aabang sa dilim gaya ng mga multong naghihintay ng pagkakataon. Kapag nakita nila ang iba na nagsasalita ng liwanag, humahanap sila ng mga paraan para gawin itong kanila, ipinapahayag ito sa ibang paraan para magmayabang. Ganito katuso ang mga anticristo. Anuman ang gawin nila, nagsisikap silang maging katangi-tangi at maging nakatataas, dahil doon lamang sila malulugod. Kung wala silang pagkakataon, hindi muna sila magpapapansin, at sasarilihin muna nila ang kanilang mga pananaw. Ito ang pagiging tuso ng mga anticristo. Halimbawa, kapag inilabas ng sambahayan ng Diyos ang isang sermon, ang ilang tao ay magsasabi na ito ay parang mga salita ng Diyos, at iisipin naman ng iba na ito ay mas tulad ng pagbabahagi mula sa ang Itaas. Sasabihin ng mga medyo simple ang puso kung ano ang nasa isip nila, pero ang mga anticristo, kahit na may opinyon sila tungkol dito, ay itatago iyon. Magmamasid sila at maghahandang sumunod sa pananaw ng nakararami, pero sa katunayan sila mismo ay hindi ito lubos na nauunawaan. Mauunawaan ba ng ganitong mga tuso at mandarayang tao ang katotohanan o magkakaroon ba sila ng tunay na pagkakilatis? Ano ang makikilatis ng isang taong hindi nakakaunawa sa katotohanan? Wala siyang anumang makikilatis. Ang ilang tao ay hindi tunay na makakilatis sa mga bagay-bagay pero nagpapanggap na malalim; sa totoo lang, wala silang pagkilatis at natatakot silang makikilatis sila ng iba. Ang tamang saloobin sa ganitong sitwasyon ay: ‘Hindi namin makilatis ang bagay na ito. Dahil hindi namin alam, dapat hindi kami magsalita nang hindi nag-iingat. Ang maling pagsasalita ay puwedeng magkaroon ng negatibong epekto. Maghihintay muna ako at titingnan ko kung ano ang sasabihin ng ang Itaas.’ Hindi ba’t iyan ay pagsasalita nang matapat? Ito ay simpleng wika lang, pero bakit hindi ito sinasabi ng mga anticristo? Ayaw nilang makilatis; alam nila ang sarili nilang sukat, ngunit lihim pa rin silang may kasuklam-suklam na intensyon—ang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba. Hindi ba’t ito ang pinakanakasusuklam?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Inilantad ng Diyos na ang mga anticristo ay tuso at mapanlinlang. Kapag madalas silang hindi nagsasalita, hindi ito dahil sa simple ang kanilang pag-iisip at wala silang mga ideya. Sa halip, ito ay dahil wala talaga sa kanila ang katotohanan at hindi nila kayang makilatis ang mga bagay-bagay. Gayumpaman, nagpapanggap silang malalim para hindi nila maibunyag ang sarili nilang mga kakulangan. Naghihintay sila ng pagkakataon para nakawin ang mga ideya at pananaw ng iba para ipagpasikat at ipagyabang ang kanilang sarili. Masyadong buktot ang kanilang kalikasan! Ang kalagayan ko ang mismong inilantad ng Diyos. Nang makita kong napakarami kong ibinubunyag na kakulangan sa kabila ng matagal nang paggawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, nag-alala ako na mamaliitin ako ng mga kapatid at natakot akong makagawa ng mas maraming pagkakamali at mapahiya na naman. Kaya, kapag tinatalakay ang mga problema, hindi ako nakikipagbahaginan tungkol sa sarili kong mga opinyon kahit malinaw na mayroon ako nito, at nagpanggap pa akong seryosong nag-iisip, sadyang nag-aantala hanggang sa ako na ang huli para mapagsama-sama ko ang opinyon ng lahat. Sa ganoong paraan, kahit na mali ang opinyong ipinahayag ko, magiging mali rin ang lahat at hindi ako mapapahiya. Kung tama naman ako, magiging mas mahusay at mas kumpleto ang sinabi ko kaysa sa sinabi ng mga sister. Maipapakita nito sa lahat na bagama’t bata pa ako, mayroon akong mahusay na kakayahan at kaya kong sumuri ng mga problema, na magpapamukhang mahusay ako. Sa katunayan, hindi komprehensibo ang pagtingin ko sa mga problema, at mahina ang kakayahan ko, pero hindi ko pa ito kayang harapin nang tama. Palagi kong gustong magpanggap bilang isang taong may mahusay na kakayahan para lansihin at iligaw ang mga tao. Talagang napakabuktot at napakamapanlinlang ko. Ang ibinunyag ko ay ang disposisyon ng isang anticristo, na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos.
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa ugat na sanhi sa likod ng kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag madalas sinasabi sa iyo ng mga nakatatanda sa pamilya na ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,’ ito ay para bigyan mo ng halaga ang pagpapaganda ng iyong imahe, mamuhay nang kagalang-galang, at umiwas sa paggawa ng mga bagay na nagdudulot ng pagkasira ng puri. Kaya, ginagabayan ba ng kasabihang ito ang mga tao sa positibo o negatibong paraan? Magagawa ba nitong akayin ka tungo sa katotohanan? Magagawa ba nitong akayin ka na maunawaan ang katotohanan? (Hindi, hindi nito magagawa.) Tiyak na hindi! Ang hinihingi ng Diyos mula sa mga tao ay na maging matapat sila. Kapag ikaw ay sumalangsang, o nakagawa ng mali, o nakagawa ng isang bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at lumalabag sa katotohanan, kailangan mong pagnilayan ang sarili mo, alamin ang pagkakamali mo, at himayin ang iyong mga tiwaling disposisyon; tanging sa ganitong paraan mo makakamit ang tunay na pagsisisi, at pagkatapos nito ay kikilos ka nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng pag-iisip ang dapat taglayin ng mga tao para maisagawa ang pagiging matapat? Mayroon bang anumang salungatan sa pagitan ng hinihinging pag-iisip at ng pananaw na inihahalimbawa ng kasabihang, ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito’? (Mayroon.) Ano ang salungatan? Ang kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito’ ay nagsasabi sa mga tao na pahalagahan ang pagpapakita ng pinakamaganda ninyong asal at na gumawa ng mas maraming bagay na nagpapaganda ng imahe nila—sa halip na gumawa ng mga bagay na masama o walang dangal, maglantad ng kanilang pangit na pagkatao—at umiwas na mamuhay ng isang buhay na hindi kagalang-galang o na mamuhay nang walang dignidad. Alang-alang sa pride ng isang tao, alang-alang sa pagmumukhang mabuti, hindi maaaring sabihin ng isang tao na siya ay lubos na walang halaga, lalong hindi niya masasabi sa iba ang tungkol sa madilim niyang pagkatao at mga kahiya-hiyang aspekto, dahil dapat mamuhay ang isang tao ng isang kagalang-galang at marangal na buhay, at upang magkaroon ng dignidad, kailangan niya ng pride, at upang magkaroon ng pride, kailangan niyang magkunwari at magpanggap. Hindi ba’t sumasalungat ito sa pagiging isang matapat na tao? (Oo.) Kapag ikaw ay nagiging isang matapat na tao, nabitiwan mo na ang kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.’ Kung nais mong maging isang matapat na tao, huwag mong bigyang-importansiya ang iyong imahe; ang imahe ng isang tao ay walang anumang halaga. Sa presensya ng katotohanan, dapat ilantad ng isang tao ang sarili, hindi magkunwari o magpakitang-tao. Dapat ihayag ng isang tao sa Diyos ang tunay niyang mga kaisipan, ang mga pagkakamaling nagawa niya, ang mga aspektong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at iba pa, at ilantad din ang mga bagay na ito sa kanyang mga kapatid. Hindi ito pamumuhay alang-alang sa pride, sa halip ay pamumuhay para sa pagiging isang matapat na tao, pamumuhay para sa paghahangad sa katotohanan, pamumuhay para maging isang tunay na nilikha, at pamumuhay para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at para maligtas. Ngunit kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanang ito, at hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may tendensiyang mangibabaw sa puso mo. Kaya, kapag may nagagawa kang mali, pinagtatakpan mo ito at nagpapanggap ka, iniisip na, ‘Hindi ko puwedeng sabihin sa kahit sino ang tungkol dito, at hindi ko rin papayagan ang sinumang nakakaalam ng tungkol dito na magsabi sa mga tao tungkol dito. Kung sinuman sa inyo ang may pagsasabihan, hindi ko kayo basta-bastang palalampasin. Ang pride ko ang pangunahing priyoridad. Ang tanging dahilan ng pamumuhay ay pride, na mas mahalaga kaysa anupaman. Kung walang pride ang isang tao, mawawalan siya ng dignidad. Kaya hindi ka maaaring magsalita nang makatotohanan, kailangan mong magpanggap, kailangan mong pagtakpan ang mga bagay-bagay, kung hindi, hindi ka na magkakaroon ng pride o dignidad, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Kung walang rumerespeto sa iyo, wala kang kuwenta, isa ka lang basura kung gayon.’ Posible bang maabot ang pagiging isang matapat na tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Posible bang ilantad ang iyong sarili at himayin ang iyong sarili? (Hindi.) Malinaw na sa paggawa nito, sumusunod ka sa kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito’ na ikinondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Gayumpaman, kung bibitiwan mo ang kasabihang ito para mahangad ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, hindi ka na maaapektuhan nito, at hindi mo na ito magiging panuntunan o prinsipyo sa mga kilos mo, at sa halip, ang gagawin mo ay ang mismong kabaligtaran ng kasabihang ito na ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.’ Hindi ka na mamumuhay alang-alang sa iyong pride, o para sa iyong dignidad, kundi sa halip, mamumuhay ka para sa paghahangad sa katotohanan at pagiging isang matapat na tao, at paghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos at mamuhay bilang isang tunay na nilikha. Kung susundin mo ang prinsipyong ito, mabibitiwan mo na ang mga bagay na ikinokondisyon ng iyong pamilya sa iyo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (12)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naalala ko na tinuruan ako ng nanay ko mula pagkabata na kailangang huwag mapapahiya sa buhay, at na hindi mo dapat ipakita ang iyong mga kapintasan sa sinumang mga tagalabas, kung gagawin mo iyon, mamaliitin ka nila. Mula noon, ang satanikong lason ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” ay malalim na nakaugat sa aking puso. Naniwala akong kailangan ng mga taong hindi mapahiya sa buhay na ito, at hinding-hindi dapat basta-basta ilantad ang sariling mga kakulangan at depekto; kung gagawin nila iyon, magpapakababa sila at mawawalan sila ng integridad o dignidad. Dahil kontrolado ng mga kaisipan at opinyong ito, binigyan ko ng partikular na atensyon ang pag-iwas na mapahiya, at hindi ko kailanman basta-basta inilalantad ang sarili kong mga pagkukulang at kakulangan, at sinusubukan ko pa ngang humanap ng mga paraan para pagtakpan at itago ang mga iyon. Halimbawa, noong nag-aaral pa ako, kahit na malinaw na hindi ko masyadong naiintindihan ang ilang katanungan, natatakot akong mapahiya at bumaba ang tingin sa akin kapag nagtanong ako sa iba, kaya hindi ako nagtanong. Ngayon, ganoon din kapag ginagawa ko ang aking tungkulin. Kapag sama-samang tinatalakay ng lahat ang mga problema, ito ay para magpalitan ng sarili nating pagkaarok at mga pananaw. Dapat tayong magsalita sa abot ng ating nauunawaan. Habang mas nakikipagbahaginan tayo, mas lalo tayong nalilinawan, at nakikita natin ang mga problema nang mas komprehensibo. Kapaki-pakinabang ito sa gawain at mapupunan din nito ang mga kakulangan ng isa’t isa. Gayumpaman, natakot ako na kung masyado akong maraming magawang pagkakamali, magmumukha akong may mahinang kakayahan. Kaya, kapag nagpapahayag ng aking mga opinyon, napakaingat ko. Kailangan kong pag-isipan ang isang pangungusap nang ilang beses bago ito sabihin, sa takot na mapapahiya ako kung hindi ako mag-iingat. Malinaw na hindi ko kayang tingnan ang mga problema nang komprehensibo, pero hindi ako naglakas-loob na sabihin nang totoo ang mga opinyon ko. Gusto ko pa ngang nakawin ang pagkaunawa at mga opinyon ng ibang tao para sa sarili ko upang makamit ang pakay ko na mahangaan ako. Nang hilingin sa akin ng superbisor na pangunahan ang pagbabahaginan, mas pinili kong mag-aksaya ng oras at antalahin ang pag-usad kaysa aktibong makipagbahaginan. Naging napakasakit sa pakiramdam ang pagpapahayag ng opinyon ko, at naisip ko pa ngang talikuran ang tungkulin ko. Mas pinahalagahan ko ang pag-iwas na mapahiya kaysa sa paggawa ng aking tungkulin at pagsasagawa ng katotohanan. Nakita ko na ang pamumuhay ayon sa mga satanikong lason na ito ay nagdulot sa akin na maging partikular na makasarili at mapanlinlang, na palaging nararamdaman na ang pagbubukas-loob nang simple ay maglalagay sa akin sa panganib na mapahiya, at na kung magpapahayag ako ng maling opinyon, magiging kahiya-hiya iyon. Gayumpaman, hindi ganoon ang tingin ng Diyos. Gusto ng Diyos na maging matatapat tayong tao, ilantad ang ating mga tunay na kaisipan, at makipagbahaginan sa abot ng ating nauunawaan, umasal nang may prangkang-loob, at saka lamang tayo makapamumuhay nang may dignidad at integridad. Marami akong kakulangan at pagkukulang, at sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng lahat, mapupunan ang aking mga kakulangan. Isa talaga itong magandang pagkakataon para maunawaan ko ang katotohanan. Gayumpaman, palagi kong sinusubukang iwasang mapahiya at naging negatibo at pasibo ako, nawawalan ng maraming oportunidad na magkamit ng katotohanan. Pinipinsala ko ang sarili ko!
Kalaunan, patuloy akong naghanap tungkol sa sarili kong mga problema, at mas luminaw ang isang landas ng pagsasagawa. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Upang maging isang matapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagkukunwari, palaging nagpapanggap na banal, marangal, dakila, at may mataas na karakter, itinatago ang iyong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nagpepresenta ng isang huwad na imahe sa kanila, at ipinapaniwala sa kanila na ikaw ay matuwid, dakila, mapagsakripisyo ng sarili, makatarungan, at hindi makasarili—hindi ba’t may panlilinlang at pandaraya rito? Hindi ka ba nila mahahalata sa paglipas ng panahon? Kaya, huwag maging mapagpaimbabaw o magsuot ng maskara. Sa halip, maging simple at bukas, at matutong ilantad ang iyong sarili—ilantad ang iyong puso para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang lahat ng iyong iniisip at lahat ng bagay na nais mong gawin—positibo o negatibo man ang mga ito—para makita ng iba, hindi ba’t nagiging matapat ka kung gayon? … Madali ba itong gawin? Nangangailangan ito ng isang panahon ng pagsasanay, pati na rin ng madalas na pananalangin at pagsalig sa Diyos. Dapat mong sanayin ang iyong sarili na sabihin ang mga salita sa iyong puso nang simple at hayagan sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magkakaroon ka ng pag-usad. Kung makaranas ka ng isang malaking paghihirap, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin mo ang katotohanan; kailangan mong makipagtunggali sa iyong kalooban at magtagumpay laban sa laman, hanggang sa maisagawa mo ang katotohanan. Sa pamamagitan ng unti-unting pagsasanay sa iyong sarili sa ganitong paraan, unti-unting magbubukas ang iyong puso. Ikaw ay magiging lalong dalisay at simple, at magkakaroon ng ibang epekto ang iyong mga salita at kilos kaysa dati. Mababawasan nang mababawasan ang iyong pagsisinungaling at panlilinlang, at magagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos. Kung gayon, sa diwa, ikaw ay magiging isang matapat na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). “Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mabubuti at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag nagbabahagi ka sa mga pagtitipon o nagtatalakay ng gawain sa iglesia, dapat kang maging taos-puso at bukas, at maging isang matapat na tao, hindi isinasaalang-alang ang sarili mong pride o mga interes, o nagtatakip ng sarili at nagkukunwari. Kapag may nakita kang anumang problema sa iyong tungkulin, dapat kang magbukas at magsalita tungkol sa mga ito, at huwag matakot na ipahayag ang iyong mga opinyon. Kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia, at mapupunuan ng mga kapatid ang isa’t isa. Dati, palagi akong nililimitahan ng pride ko at hindi ako nangangahas na ipahayag ang aking mga opinyon. Sa tuwing tinatalakay namin ang mga sermon, nakakaramdam ako ng matinding presyur. Natatakot akong mailantad ang aking mga kakulangan, kaya ipinagpapaliban ko ang pagpapahayag ng aking opinyon, na paulit-ulit na nakakaantala sa pag-usad. Hindi lang ako nabigong umusad, kundi kinasuklaman din ako ng Diyos. Ito ang mapait na bunga ng hindi pagsasagawa ng katotohanan! Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’” (Mateo 18:3). Mahal ng Diyos ang matatapat na tao. Kung hindi ko magagawang maging kasingtaos-puso at kasingtapat ng isang maliit na bata, hindi ako maliligtas. Noong panahong iyon, madalas akong manalangin sa Diyos, isinasamo sa Kanya na siyasatin ang aking puso at bigyan ako ng pananalig at lakas. Handa akong bitiwan ang aking pride at mga interes, isagawa ang katotohanan, at maging isang matapat na tao, sinasabi kung gaano karami ang aking nauunawaan, taos-puso na nagtatapat, at hindi na pinoprotektahan ang sarili kong pride at katayuan.
Hindi nagtagal, pumunta ako sa ibang lugar para gumawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Isang beses, habang tinatalakay ang isang sermon, hindi ko malinaw na matarok ang isang problema roon. Matapos itong basahin nang ilang beses, medyo nalilito pa rin ako, kaya nag-atubili akong ipahayag ang aking opinyon. Habang tumatakbo ang oras, mas lalo akong nababalisa. Naisip ko, “Hindi pa rin malinaw na malinaw sa akin ang tanong na ito. Dapat ko bang sabihin ang tungkol dito? Madalas nagkakaroon ng ilang paglihis sa mga opinyong ipinahayag ko kapag tinatalakay ang mga sermon kamakailan. Ano ang gagawin ko kung may masabi na naman akong mali? Ano ang iisipin sa akin ng superbisor at ng sister na kapareha ko? Iisipin ba nila na napakahina ng kakayahan ko at hindi ako karapat-dapat sa tungkuling ito? Siguro dapat hintayin ko munang magsalita ang sister na kapareha ko. Pakikinggan ko ang kanyang opinyon at saka ako magpapasya kung dapat ba akong magsalita.” Gayumpaman, naisip ko na kung magpapaliban pa ako, masasayang lang ang oras. Tahimik akong nanalangin sa aking puso, isinasamo sa Diyos na pakalmahin ang aking puso para hindi ako mapigilan ng pride at makapagbahagi kung gaano man karami ang nauunawaan ko. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag maging mapagpaimbabaw o magsuot ng maskara. Sa halip, maging simple at bukas, at matutong ilantad ang iyong sarili—ilantad ang iyong puso para makita ng iba” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). “Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mabubuti at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Binigyan ako ng lakas sa aking puso ng mga salita ng Diyos. Bagama’t hindi ko maarok ang problemang ito, mayroon naman akong sariling opinyon. Kailangan kong maging matapang at sabihin kung ano ang nasa isip ko, tumigil sa pagtatakip at pagkukunwari. Kaya, ibinahagi ko ang aking mga opinyon at nagsalita ako tungkol sa aking pagkalito. Tinalakay ng superbisor ang ilang detalye ng aking mga opinyon at sa pamamagitan nito, ang isyung nakalilito sa akin ay nalutas, at nakita ko rin ang sarili kong mga kakulangan at depekto. Tuwang-tuwa ako na naipahayag ko ang aking mga opinyon at kaisipan, kung hindi, malilito pa rin ako sa problemang ito. Bagama’t ibinunyag ng hakbang na ito ang aking mga kakulangan, nakatulong din ito para mapunan ang mga iyon. Pagkatapos, kapag nakikipag-ugnayan tungkol sa gawain o nakikipagtalakayan ng mga sermon, sinasadya kong bitiwan ang aking pride at nagsasalita ako kung gaano karami ang aking nauunawaan. Bagama’t ibinunyag nito ang marami sa aking mga kakulangan at depekto, at napahiya ako nang kaunti, mas luminaw sa akin ang mga kaugnay na katotohanang prinsipyo, at bumuti nang husto ang kahusayan ko sa paggawa ng aking tungkulin. Naranasan ko na ngayon na ang pagsasagawa ng katotohanan at ang pagiging isang matapat na tao ay nagdulot sa akin ng maraming benepisyo. Hindi na ako nakatali sa napakaraming pasanin kapag ginagawa ang aking tungkulin, at naging mas simple na ang aking isipan. Ang kaunting pagsasagawa at pagpasok na nakamit ko ay bunga ng kaliwanagan at patnubay ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!