77. Ang Aking mga Hinihingi at Inaasahan sa Aking Anak ay Makasarili Pala

Ni Zhang Huixin, Tsina

Noong bata pa ako, mahilig talagang makinig ng opera ang lolo ko at madalas niya akong isinasama para manood ng mga pagtatanghal. Nakita ko kung gaano kaganda ang kilos ng mga aktor sa entablado, kung gaano nakaantig ng puso ang kanilang mga awit, at kung paano sila pinaulanan ng palakpakan at sigaw ng paghanga ng mga manonood. Talagang hinangaan ko sila, at hindi ko maiwasang isipin, “Balang araw, kung makakatayo rin ako sa entablado at makakatanggap ng palakpak at papuri, mamumuhay ako ng isang buhay na puno ng kasikatan at kinang!” Gustung-gusto ko sanang sumali sa isang grupo sa teatro at maging isang mang-aawit ng opera. Pero mahirap lang ang pamilya ko, at hindi ito pinahintulutan ng kalagayang pinansiyal namin, kaya ang mga pangarap ko sa entablado ay unti-unting naging ilusyon.

Pagkatapos kong ikasal, nagkaroon ako ng anak na babae. Pagpasok ng anak ko sa kindergarten, nakita ko ang mga batang ka-edad ng anak ko, ang ilan ay kumukuha ng mga klase sa sayaw at ang iba naman ay sa musika. Lalo na sa mga pagtatanghal tuwing Children’s Day, nakukuha nila ang atensiyon ng maraming guro at magulang, at pinapalakpakan sila nang husto. Nagpasya akong pag-aralin ng sayaw ang anak ko, dahil hindi lang ito makakatulong sa kanya na magkaroon ng magandang pangangatawan at ganda ng kilos, kundi magbibigay rin sa kanya ng pagkakataong magtanghal sa entablado. Pero takot siyang mag-split at mag-backbend at ayaw niyang matuto kahit anong sabihin ko. Naisip ko, “Hindi puwedeng sundin lang ang gusto mo. Kailangan mong matuto ng isang kasanayan para sa hinaharap ay makuha mo ang atensiyon ng mga tao sa entablado.” Noong 2012, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at napagtanto ko na ang tadhana ng bawat isa ay nasa mga kamay ng Diyos, at na ang lahat ng ginagawa ng mga tao sa buong buhay nila ay pauna nang itinadhana at isinaayos na ng Diyos. Gayumpaman, hindi ko binitiwan ang inaasahan ko na makitang magtanghal ang anak ko sa entablado. Kalaunan, naisip kong ang pag-aaral ng instrumento ay magbibigay-daan din sa kanya na makapagtanghal sa entablado, kaya dinala ko siya sa isang tindahan ng mga instrumento para pumili. Pero hindi siya interesado. Galit kong sinabi sa anak ko, “Kailangan mong pumili ng isa. Sa pagkatuto lang ng isang kasanayan ka magkakaroon ng pagkakataong magtanghal sa entablado, at saka ka lang mabubuhay nang glamoroso. Isipin mo na lang kung gaano karaming tao ang hahanga sa iyo sa oras na iyon!” Nang makitang galit na galit ako, labag sa loob na pinili ng anak ko ang guzheng. Noong una, ayaw ng anak kong matuto ng guzheng, kaya humanap ako ng isang bihasang guro sa guzheng at pinilit ko siyang matuto. Para magkainteres siya sa guzheng, madalas kong pinalalakas ang loob niya, at pinuri rin siya ng guro sa pagkakaroon ng likas na talento. Dahan-dahan, nagkainteres ang anak ko sa guzheng at mabilis siyang natuto ng ilang piyesa. Isang araw, masayang sinabi sa akin ng anak ko, “Nay, sa hinaharap, puwede na akong tumugtog ng guzheng para purihin ang Diyos!” Nang makita ko kung gaano kamapang-unawa mag-isip ang anak ko, talagang nasiyahan ako.

Kalaunan, para matulungan ang anak kong magkaroon ng mas maraming karanasan sa entablado, sa tuwing may naririnig akong pagtatanghal, agad ko siyang inililista. Kahit na may herniated disc ako at hindi makatayo nang matagal, nagpumilit pa rin akong samahan siya sa mga ensayo. Mabilis siyang umunlad at namukod-tangi siya sa mga pagtatanghal, at palagi siyang nasa gitna ng entablado. Nakatanggap din siya ng papuri mula sa mga guro at hurado, at tuwang-tuwa ako. Para samahan siya sa kanyang mga pagtatanghal, kailangan kong gumising nang bandang alas-tres ng madaling araw para maghanda. Sa sobrang abala ko sa pag-aasikaso sa kanya, hindi na ako nakakakain. At pagkatapos ng isang buong araw ng pag-aasikaso, nahihilo ako at pagod na pagod ang isip at katawan ko. Pero kapag nakikita kong nagniningning ang anak ko sa entablado, naiisip ko, “Bagama’t hindi ko natupad ang sarili kong pangarap sa entablado, ang katunayang nakapagtanghal ang anak ko sa sentro ng entablado ang nagpasulit sa lahat ng hirap at pagod!” Dahil sa pagod na dulot ng mga pagtatanghal, at sa presyur ng pag-aaral, hindi na kinaya ng katawan ng anak ko, at ayaw na niyang magsanay pa ng guzheng. Sinuyo ko siya’t kinumbinsi na magpatuloy, at sa huli, pumayag siya nang labag sa loob. Araw-araw kapag umuuwi siya galing sa eskuwela, pinipilit ko ang anak ko na magsanay agad ng guzheng. Kapag gusto ng anak kong lumabas tuwing Sabado at Linggo, hinihiling ko sa kanya na tapusin muna ang pagsasanay ng guzheng bago lumabas. Kapag hindi siya nakikinig, pinapagalitan ko siya, “Sa tingin mo, bakit kami nagpakahirap at nagtipid ng tatay mo para lang mabayaran ang mga klase mo at pagsanayin ka? Hindi ba’t para tulungan kang makapagtanghal sa entablado at maging matagumpay sa hinaharap? Hindi mo ba kami kayang bigyan ng karangalan?” Nang makita kung gaano ako kabalisa at kagalit, walang nagawa ang anak ko kundi umiyak at magsanay ng guzheng. Pagdating ng middle school, mabigat na ang presyur sa kanya sa pag-aaral, at kailangan din niyang madalas na mag-ensayo para sa iba’t ibang pagtatanghal, kaya ayaw na naman niyang magsanay ng guzheng. Pinagalitan ko ang anak ko, “Kahit gaano ka kaabala, kailangan mong magpatuloy sa pagsasanay ng guzheng. Kung magsasanay ka nang maayos, makakapagtanghal ka sa entablado at magkakaroon ka ng habambuhay na kasikatan!” Pero hindi pa rin siya nagsanay. Galit kong inihagis sa sahig ang mga libro at pick holder niya, at sinabing, “Sige. Huwag ka nang magsanay. Masiyahan ka sana sa pagpulot ng basura paglaki mo!” Nang makita kung gaano ako kagalit, nagmadali ang anak kong magsanay. Minsan, pakiramdam ng anak ko ay hindi makatwiran ang pagtrato ko sa kanya at umiiyak siya at sinasabi, “Bakit palagi mo na lang sinusubukang kontrolin ang kapalaran ko?” Galit ko siyang sinasagot, “Hindi ba’t lahat ng ginagawa ko ay para sa iyo? Bakit ba hindi mo maunawaan kung ano ang para sa ikabubuti mo?” Galit ding sasabihin ng anak ko, “Ayoko talagang tumugtog ng guzheng! Ikaw lang naman ang pumipilit sa aking matuto niyan!” Palaging sa samaan ng loob nauuwi ang aming mga pagtatalo. Kapag nagkakasabay ang mga pagtatanghal at pagtitipon, inuuna kong padaluhin ang anak ko sa pagtatanghal. Kung gustong dumalo ng anak ko sa pagtitipon, mabilis kong sasabihin, “Marami namang oras para sa mga pagtitipon, pero hindi dapat palampasin ang mga pagkakataong magtanghal. Kung palalampasin mo ang mga pagkakataong ito, mawawala sa iyo ang mga tsansang sumikat sa entablado.” Dahil dito, maraming pagtitipon ang pinalampas ng anak ko.

Kalaunan, matagumpay na nakapasok ang anak ko sa isang arts high school. Sa tuwing ikinukuwento ko ang anak ko, tinitingnan ako ng mga kasamahan at kaibigan ko nang may inggit at paghanga. Labis na nasiyahan ang aking banidad. Dahan-dahan, itinuon na rin ng anak ko ang buong atensiyon niya sa pag-aaral at pagtugtog ng guzheng. Para makapasok sa pinapangarap niyang music academy at malampasan ang kanyang mga kaklase, nagsimula siyang magdagdag ng oras sa pagsasanay ng guzheng. Gumastos din ako ng malaki para kumuha ng isang guro na magtuturo sa anak ko nang one-on-one. Nang makitang humusay ang kasanayan ng anak ko sa guzheng, labis akong natuwa. Nang bumalik ang anak ko mula sa kanyang bakasyon, gusto ko siyang dumalo sa isang pagtitipon, pero nagdadahilan siya tulad ng “Hindi ko pa tapos ang takdang-aralin ko” o “Hindi pa ako nakakapagsanay ng guzheng.” Nang makitang halos isang taon nang hindi dumadalo sa mga pagtitipon ang anak ko, medyo nabahala ako. Pero nang makita kong sobrang abala siya sa takdang-aralin at pagsasanay ng guzheng, naisip ko, “Dapat ko bang hayaang bitiwan ng anak ko ang klase niya sa guzheng tuwing Sabado at Linggo para pumunta at dumalo sa mga pagtitipon?” Pero naisip ko ulit, “Pinaghirapan niyang humusay sa pagtugtog ng guzheng; kung hindi siya magsasanay tuwing Sabado at Linggo, hindi ba siya mapag-iiwanan ng iba? Hindi niya puwedeng pabayaan ang pagsasanay niya. Pero kung matagal siyang hindi dadalo sa mga pagtitipon, magdurusa rin ang buhay niya.” Matapos mag-isip-isip, nagpasya akong humanap ng oras para makipagtipon sa kanya. Isang araw, sinabi sa akin ng anak ko na ayaw na niyang pumasok sa eskuwela. Sabi niya, masama raw ang kapaligiran sa eskuwelahan, at may mga naninigarilyo, nagde-date, at sangkot sa mga gang. Sabi niya, hirap siyang tumuon sa pag-aaral at sobrang nasusupil ang pakiramdam niya. Nang marinig kong sabihin ng anak ko na ayaw na niyang pumasok, naisip ko, “Pinaghirapan mong makapasok sa isang art school, at kung magsisikap ka pa ng dalawang taon, makakakuha ka na ng entrance exam para sa isang art academy. Kapag nakapasok ka na, matutupad na ang pangarap mong makapagtanghal sa mas malaking entablado, at hahangaan at kaiinggitan ka ng iyong mga kamag-anak, kaibigan, guro, at kaklase, at mabibigyan mo rin ako ng karangalan.” Kaya galit kong sinabi, “Sa wakas ay nakapasok ka na sa isang art high school. Kung hindi ka papasok, hindi ba’t mapapalampas mo ang isang maliwanag na kinabukasan?” Nang makita kung gaano ako kabalisa at kagalit, umiyak na lang ang anak ko at pumasok sa eskuwela. Nang makita ko na nararamdaman ng anak ko na hindi siya tinatrato nang makatwiran, nadurog din ang puso ko, pero para makatuntong sa entablado ang anak ko at mamukod-tangi, naramdaman kong wala akong mapagpilian kundi ang gawin iyon.

Sa isang pagtitipon, ikinuwento ko kay Sister Li Ling ang kalagayan ko, at may nahanap siyang sipi ng mga salita ng Diyos para basahin ko. Sabi ng Diyos: “Kung nalantad ang kanilang mga anak sa ilang penomeno ng masasamang kalakaran o nakakarinig ng ilang maling argumento o kaisipan at pananaw noong bata pa sila, kung saan wala silang pagkilatis, baka sundan o tularan nila ang mga ito. Dapat mapansin ng mga magulang ang mga isyung ito nang maaga at magbigay ng agarang pagtutuwid at wastong gabay. Ito rin ay kanilang responsabilidad. Sa madaling salita, ang layon ay tiyakin na ang mga bata ay mayroong positibo at tamang mga kaisipan at pananaw patungkol sa kanilang sariling asal, kung paano nila tinatrato ang mga tao, at kung paano nila tinitingnan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, upang sila ay umunlad sa isang mabuting direksiyon sa halip na sa isang masama. Halimbawa, dapat nilang ituro sa kanilang mga anak na ang tadhana ng isang tao sa buong buhay ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Madalas sabihin ng mga walang pananampalataya, ‘Ang buhay at kamatayan ay pauna nang itinakda; ang kayamanan at karangalan ay pinagpapasyahan ng Langit.’ Ang dami ng pagdurusa at kasiyahan na dapat maranasan ng isang tao sa buhay niya ay pauna nang inorden ng Diyos at hindi mababago ng mga tao. Sa isang aspekto, dapat ipaalam ng mga magulang ang mga obhetibong katunayang ito sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, dapat nilang turuan ang kanilang mga anak na ang buhay ay hindi tungkol sa mga pisikal na pangangailangan, lalong hindi tungkol sa kasiyahan. May mas mahahalagang bagay na dapat gawin ang mga tao sa buhay na ito kaysa sa kumain, uminom, at maghanap ng mapag-aaliwan; dapat silang manampalataya sa Diyos, maghangad sa katotohanan, at maghangad na maligtas ng Diyos. Kung ang mga tao ay namumuhay lamang para sa kasiyahan, para kumain, uminom, at maghanap ng mapag-aaliwan ng laman, para silang mga naglalakad na bangkay, at walang anumang halaga ang buhay nila. Hindi sila nagdudulot ng anumang positibo o makabuluhang halaga, at hindi sila karapat-dapat mabuhay o maging tao. Kahit pa hindi nananampalataya sa Diyos ang isang anak, kahit papaano man lang ay dapat siyang gabayan ng kanyang mga magulang na maging isang mabuting tao at isang taong tumutupad sa kanyang naaangkop na gampanin. Siyempre, kung siya ay hinirang ng Diyos at handang makilahok sa buhay iglesia at gawin ang kanyang sariling tungkulin pagkatapos niyang umabot sa hustong gulang, mas mainam iyon. Kung ganito ang kanilang mga anak, kung gayon ay lalo pang dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga anak batay sa mga prinsipyong itinagubilin ng Diyos na sundin ng mga tao. Kung hindi mo alam kung mananampalataya sila sa Diyos o kung kabilang sila sa mga hinirang ng Diyos, dapat mo pa ring tuparin ang mga obligasyon at responsabilidad na nararapat mong tuparin bilang mga magulang sa abot ng iyong makakaya, ibinabahagi sa iyong mga anak kung anong mga positibong kaisipan at bagay ang alam mo na. Sa pinakamababa, tiyakin na ang kanilang paglago sa pag-iisip ay umuunlad sa isang mabuting direksiyon, at na ang kanilang mga isipan ay malinis at malusog. Huwag silang hayaang maghabol ng mga makamundong kalakaran o maghangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan. May mga ekspektasyon ang ilang magulang na mamumukod-tangi ang kanilang mga anak sa iba, kaya pinipilit nila ang mga ito na mag-aral ng lahat ng uri ng mga kasanayan at kaalaman mula sa murang edad. Ang mas malubha pa, dinadala ng ilang magulang ang kanilang mga anak para lumahok sa iba’t ibang talent show, mga paligsahang pang-akademiko, o mga kompetisyon, o pinahahabol sa kanila ang iba’t ibang kalakarang panlipunan, dumadalo sa mga kaganapan tulad ng mga press conference, mga signing, at iba pa. Bilang mga magulang, kahit man lang ay hindi nila dapat akayin ang kanilang mga anak na habulin ang mga kalakarang panlipunan. Kung inaakay ng mga magulang ang kanilang mga anak na habulin ang mga makamundong kalakaran, kung gayon sa isang banda, malinaw na hindi nila natupad ang kanilang mga responsabilidad bilang mga magulang, at hindi nila ginabayan ang kanilang mga anak sa pagtatakda ng mga tamang layon sa buhay upang ang kanilang mga buhay ay umunlad sa isang mabuting direksiyon. Sa isa pang banda, malinaw na inaakay nila ang kanilang mga anak sa isang landas na walang balikan, hinihila sila sa masamang kalakaran ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Patungkol sa mga landas na tatahakin ng kanilang mga anak sa hinaharap o sa mga propesyong hahangarin nila, hindi dapat ikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga bagay tulad ng, ‘Tingnan mo ang piyanistang iyon, si ganito at ganyan. Nagsimula siyang tumugtog ng piyano sa edad na apat o lima. Hindi siya kailanman nagpasasa sa paglalaro, walang naging kaibigan, at nagsasanay lang ng piyano at pumapasok sa mga aralin sa piyano araw-araw. Kumonsulta rin siya sa iba’t ibang guro at pumasok sa iba’t ibang kompetisyon sa piyano. Tingnan mo kung gaano na siya kasikat na tao ngayon, maayos na nakakakain, maayos ang pananamit, napapalibutan ng awra ng pagiging katangi-tangi at iginagalang saanman siya magpunta.’ Ito ba ang uri ng edukasyon na nagsusulong ng malusog na pag-unlad ng isip ng isang bata? (Hindi.) Anong uri ito ng edukasyon, kung gayon? Isa itong maladiyablong edukasyon. Nakapipinsala ang ganitong uri ng edukasyon sa kahit anong murang isipan. Hinihikayat siya nito na maghangad ng kasikatan, na magnasa ng iba’t ibang awra ng pagiging katangi-tangi, at prestihiyo, katayuan, at kasiyahan. Dahil sa edukasyong ito, nananabik at naghahangad siya ng mga bagay na ito mula pa sa murang edad, itinutulak siya nito na mabalisa, mangamba nang matindi, at mag-alala, at inuudyukan pa nga siya nitong magbayad ng lahat ng klase ng halaga para lang makuha ang mga ito, gumigising siya nang maaga at nananatiling gising dis-oras ng gabi para gawin ang kanyang takdang-aralin at mag-aral ng iba’t ibang kasanayan, at nasasayang niya ang kanyang mga panahon sa pagkabata, ipinagpapalit niya ang mahahalagang taon na iyon para sa mga bagay na ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (19)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko sa wakas na ang tunay na responsabilidad ng mga magulang ay para tiyaking lumalaki ang kanilang mga anak na malusog at masaya kapwa sa katawan at isipan habang mga menor de edad ang mga ito, para magbigay ng positibong gabay sa kanilang mga kaisipan, at hayaan silang masiyahan sa kanilang pagkabata. Hindi ito tungkol sa pagpilit ng mga magulang ng kanilang mga inaasahan sa kanilang mga anak, o sa pag-akay sa kanila na maghangad ng kasikatan, reputasyon, mga parangal, katayuan, at mga kalayawan. Hindi ko maiwasang magnilay: Mula pagkabata, ayaw ng anak kong matuto ng mga instrumento, pero para sumikat siya at igalang saanman magpunta, pinilit ko siyang matuto ng guzheng, at nang makatanggap siya ng papuri mula sa mga hurado at guro, naramdaman kong ang mga pangarap na hindi ko natupad ay sa wakas natutupad na sa pamamagitan ng anak ko, kaya mas lalo pa akong ginanahang linangin siya. Sa tuwing may naririnig akong pagtatanghal, inililista ko siya nang walang pahintulot niya, sa takot na baka palampasin niya ang pagkakataong sumikat sa entablado. Sa tuwing gustong maglaro ng anak ko, pinapagalitan ko siya sa takot na maantala niya ang pagsasanay niya. Para humusay ang kasanayan ng anak ko sa musika, hindi ko tinipid ang paggastos nang malaki para kumuha ng isang propesyonal na guro para gabayan siya, lahat para lang malinang siya na sumikat at bigyan ako ng karangalan. Hindi ko kailanman isinaalang-alang kung gaano katinding presyur at pasakit ang dinadala ng murang puso ng anak ko, at ang tanging iniisip ko lang ay ang matupad ang aking mga kagustuhan. Sa ilalim ng aking pagtuturo, naging labis na ang pag-aalala ng anak ko sa kanyang reputasyon at katayuan, at gumugol siya ng dagdag na oras sa pagsasanay para malampasan ang kanyang mga kaklase, nawala ang dati niyang kasiglahan at kawalang-malay. Nagsimulang magkaroon ng agwat sa pagitan naming mag-ina, at nawalan na rin ng interes ang anak ko sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagdalo sa mga pagtitipon, at nagsimula siyang lalong mapalayo sa Diyos. Ang lahat ng kinahinatnan na ito ay kagagawan ko. Dati, handang dumalo sa mga pagtitipon at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos ang anak ko, pero hindi ko siya ginabayan na manampalataya sa Diyos at tahakin ang tamang landas, sa halip, inakay ko siya patungo sa masasamang kalakaran para walang tigil na hangarin ang reputasyon at katayuan. Paanong tinutupad ko ang tunay na responsabilidad ng isang ina? Sa pag-iisip nito, lubos kong pinagsisihan na ang puwersahang pamamaraan ko ng pagtuturo ay nagdulot ng ganoon kalaking pinsala at trauma sa anak ko.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at naunawaan ang dahilan kung bakit tinrato ko ang anak ko sa ganitong paraan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nakikita mo ang ilang tao na namumuhay para sa kanilang mga anak—alam mong hindi tama ang ganitong paraan ng pamumuhay, pero maiiwasan mo bang mamuhay para sa iyong mga anak? O nakikita mo ang ilang tao na nagkukumahog at nagpapakaabala sa paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang—alam mo sa iyong puso na mali ang landas na ito, pero maiiwasan mo bang magkumahog at magpakaabala para sa mga parehong bagay? Kung ang landas na tinatahak mo ay mismong ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at alam mong ito ang maling landas, subalit kahit na gusto mo, hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, nangangahulugan itong wala kang kontrol sa kung paano ka namumuhay sa mundong ito! Ano ang ugat nito? Ito ay na hindi tinanggap ng mga tao ang gawain ng Diyos o nakamit ang katotohanan. Ano ang espirituwal na suporta ng mga tao? Saan sila naghahanap ng espirituwal na suporta? Para sa espirituwal na suporta, umaasa ang mga tao sa pagsasama-sama ng pamilya; sa kaligayahan ng kasal; sa pagtatamasa ng mga materyal na bagay; sa kayamanan, kasikatan, pakinabang, katayuan, mga ugnayan, at propesyon; at sa kaligayahan ng susunod na henerasyon. Mayroon bang hindi umaasa sa mga bagay na ito para sa espirituwal na suporta? Natatagpuan ito ng mga may anak sa kanilang mga anak; natatagpuan ito ng mga walang anak sa kanilang mga karera, sa pag-aasawa, sa kanilang katayuang panlipunan, at kasikatan at pakinabang. Ang mga paraan ng buhay na nabubuo samakatwid ay pare-parehong lahat; napapasailalim sa kontrol at kapangyarihan ni Satanas, at labag man sa kanilang kalooban, nagmamadali at abala ang lahat ng tao alang-alang sa katayuan, kasikatan, pakinabang, kanilang mga propesyon at kinabukasan, alang-alang sa kanilang buhay may-asawa, mga pamilya, at kinabukasan ng kanilang mga anak, at alang-alang sa kasiyahan ng laman. Ito ba ang tamang landas? Gaano man kaabala ang mga tao sa mundong ito, gaano man sila kamatagumpay sa kanilang propesyon, gaano man kasaya ang kanilang mga pamilya, gaano man kalaki ang kanilang pamilya, gaano man kaprestihiyoso ang kanilang katayuan—may kapabilidad ba silang tahakin ang tamang landas sa buhay? Sa paghahabol sa kasikatan at pakinabang, sa mundo, o sa paghahangad sa kanilang mga karera, may kapabilidad ba silang makita ang katunayan na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan? Imposible ito. Anuman ang hinahangad ng mga tao o nasaang landas man sila, kung hindi nila kinikilala ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, kung gayon, ang landas na kanilang tinatahak ay mali. Hindi ito ang tamang landas, kundi ang baliko na landas, ang landas ng kasamaan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanila kundi ang dalawang bagay na ito, at idinudulot sa kanila na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, sa mga kadenang ito, wala silang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala nila ang mga kadenang ito habang mabigat silang humahakbang nang paunti-unti, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para gawing tiwali at saktan ang mga tao, na ikinikintal sa isipan ng mga tao ang mga ideya at pananaw tulad ng “Mamukod-tangi,” “Magkaroon ng posisyong nakatataas sa iba,” at “Magbigay karangalan sa iyong mga ninuno,” na nag-uudyok sa mga tao na walang tigil na hangarin ang kasikatan at pakinabang. Para makamit ang kasikatan at pakinabang, lalo silang nagiging buktot at lalong nagdurusa. Mula pa noong bata ako, palagi kong pinapangarap na maging isang aktor sa entablado, na makatuntong sa entablado para matanggap ang paghanga at inggit ng lahat, at makamit ang katayuan at katanyagan. Pero nang hindi matupad ang mga pangarap ko, nalubog ako sa kabiguan at pasakit. Kalaunan, ipinilit ko ang mga pangarap ko sa anak ko, pinipilit siyang matuto ng guzheng. Umasa akong balang araw ay makakatuntong siya sa entablado at magniningning. Nang makita ko na ayaw ng anak kong matuto ng guzheng, nabalisa ako at nagalit, at hindi ako nakapagtimpi sa kanya. Kapag gustong dumalo ng anak ko sa mga pagtitipon, pinipigilan ko siya, dahil natatakot akong maantala nito ang kanyang pagsasanay. Paanong tinutupad ko ang aking mga responsabilidad bilang isang ina? Ang ginagawa ko ay sadyang kasamaan! Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, pero hindi pa rin nagbabago kahit kaunti ang mga perspektiba ko sa likod ng aking paghahangad, at namumuhay pa rin ako ayon sa mga kaisipan at pananaw ni Satanas, hinahangad ang kasikatan at pakinabang tulad ng mga walang pananampalataya. Mas gugustuhin ko pang mapalayo sa Diyos at magkanulo sa Diyos ang anak ko kaysa hindi hangarin ng anak ko ang kasikatan at pakinabang para matugunan ang aking banidad. Talagang nabulag ako ng kasikatan at pakinabang, at pinalabo ng mga ito ang pag-iisip ko, at nagdulot ako ng pagdurusa sa aking sarili at pinsala sa aking anak. Napagtanto kong ang kasikatan at pakinabang ay mga di-nakikitang tanikala na inilagay sa akin ni Satanas, at nagdulot ang mga ito sa amin ng walang katapusang kalungkutan at pasakit! Naisip ko kung paanong ang ilang sikat na tao ay nakamit ang kasikatan at pakinabang sa entertainment industry, pero sa huli ay nauwi sa depresyon at tumalon para magpakamatay dahil sa espirituwal na kahungkagan at pasakit. Nakita kong kahit na makamit ng isang tao ang katayuan at kasikatan, pansamantala lang nitong matutugunan ang kanyang banidad, pero hindi nito malulutas ang panloob na kahungkagan at pasakit. Sa halip, unti-unti silang inilalayo ng mga bagay na ito sa Diyos, at nagdudulot sa kanilang itatwa Siya, at ang kalalabasan nito ay malalamon sila ni Satanas. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos, sinasabing hindi ko na hahangarin ang kasikatan at pakinabang, at handa akong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at nagkamit ng kaunti pang pagkakilala sa aking sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang lahat ng ginagawa ng mga magulang para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak bago umabot ang mga ito sa hustong gulang ay salungat sa konsensiya, katwiran, at likas na mga batas. Higit pa rito, ito ay salungat sa pag-orden at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Bagama’t iyong mga hindi pa umaabot sa hustong gulang ay walang abilidad na kumilatis sa pagitan ng tama at mali, o mag-isip nang nakapagsasarili, ang kanilang mga kapalaran ay nasa ilalim pa rin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; ang kanilang mga kapalaran ay hindi nakasalalay sa kanilang mga magulang. Hindi malinaw na nakikita ng mga hangal na magulang na iyon ang puntong ito. Bukod sa pagkakaroon ng mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak sa kanilang isipan, nagbabayad din sila ng mas malaking halaga sa kanilang pag-uugali, ginagawa ang lahat ng gusto nila at handa nilang gawin para sa kanilang mga anak, at hindi mahalaga kung ito man ay paggugol ng pera, oras, lakas, o iba pang mga bagay, ginagawa nila ito nang may kagalakan at kusang-loob. Bagama’t ginagawa ng mga magulang ang mga bagay na iyon nang kusa, anong mga kahihinatnan ang idinudulot ng mga ito? Kung sa huli ay napipinsala nila ang kanilang mga anak, iyon ay hindi makatao, at ang ganitong uri ng pag-uugali ay tiyak na hindi ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang; lumampas na sila sa saklaw ng mga tungkuling dapat nilang tuparin bilang mga magulang. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang mga magulang ay nagsisimulang magtangkang planuhin at kontrolin ang kinabukasan ng kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, at sinusubukan din nilang itakda ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating paunang inorden ng Diyos na maging isang ordinaryong manggagawa ang isang tao, at sa buhay na ito, magagawa lamang niyang kumita ng kaunting sahod para pakainin at bihisan ang kanyang sarili, ngunit iginigiit ng kanyang mga magulang na siya ay maging tanyag, mayaman, mataas na ranggong opisyal, pinaplano at isinasaayos ang mga bagay-bagay para sa kanyang kinabukasan bago pa siya umabot sa hustong gulang, binabayaran ang iba’t ibang uri ng tinatawag na halaga, sinusubukang kontrolin ang kanyang buhay at kinabukasan. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). Paulit-ulit kong binasa ang siping ito ng mga salita ng Diyos, at labis na tumagos ito sa puso ko at nabagabag ako. Napagtanto kong ang mga inaasahan, pagsisikap, at sakripisyo ko para sa aking anak ay salungat sa pagkatao at laban sa mga pag-orden at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang kapalaran ng isang anak ay hindi isang bagay kung saan may kataas-taasang kapangyarihan ang mga magulang, at kailangan kong igalang ang mga pagpili ng anak ko, magpasakop sa mga pag-orden ng Diyos, at hindi pilitin ang anak kong gawin ang mga bagay na ayaw niya. Kung ano ang ginagawa ng isang tao sa buhay at kung paano siya kumikita ng ikabubuhay niya ay inorden na ng Diyos. Katulad noong gustung-gusto kong maging isang aktor sa opera, pero hindi nangyari ayon sa gusto ko. Ni hindi ko nga mabago ang sarili kong kapalaran, pero gusto kong baguhin ang kapalaran ng anak ko. Sukdulan talaga ang aking kahangalan!

Pagkatapos, pinagnilayan ko: Ano nga ba ang kahulugan ng tunay na pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao bilang isang magulang? Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa pamamagitan ng paghimay sa diwa ng mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, makikita natin na ang mga ekspektasyong ito ay makasarili, na sumasalungat ang mga ito sa pagkatao, at na walang kinalaman ang mga ito sa mga responsabilidad ng mga magulang. Kapag ipinipilit ng mga magulang ang lahat ng uri ng ekspektasyon at hinihingi sa kanilang mga anak, naglalagay sila ng napakaraming karagdagang presyur sa mga ito—hindi ito pagtupad sa kanilang mga responsabilidad. Kung gayon, ano ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang? Kahit papaano, dapat nilang turuan ang kanilang mga anak na maging matatapat na tao na nagsasalita ng totoo at gumagawa ng mga bagay sa matapat na paraan, at turuan ang mga ito na maging mabait at hindi gumawa ng masasamang bagay, ginagabayan ang mga ito sa isang positibong direksyon. Ang mga ito ang kanilang mga pinakapangunahing responsabilidad. Dagdag pa rito, dapat nilang gabayan ang kanilang mga anak sa pag-aaral ng praktikal na kaalaman at mga kasanayan, at iba pa, batay sa kakayahan at mga kondisyon ng mga ito. Kung nananampalataya sa Diyos at nauunawaan ng mga magulang ang katotohanan, dapat nilang himukin ang kanilang mga anak na magbasa ng mga salita ng Diyos at tumanggap sa katotohanan, upang makilala ng mga ito ang Lumikha, at maunawaan na ang mga tao ay nilikha ng Diyos at na umiiral ang Diyos sa sansinukob na ito; dapat nilang akayin ang kanilang mga anak sa pananalangin sa Diyos at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos upang makaunawa ang mga ito ng ilang katotohanan, upang paglaki ng mga ito ay magawa ng mga ito na manampalataya sa Diyos, sumunod sa Diyos, at gawin ang tungkulin ng isang nilikha sa halip na hangarin ang mga makamundong kalakaran, masilo sa iba’t ibang komplikadong ugnayan ng mga tao, at maakit, gawing tiwali, at mawasak ng iba’t ibang masasamang kalakaran ng mundong ito. Ang mga ito talaga ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin ay, sa kanilang papel bilang mga magulang, ang magbigay sa kanilang mga anak ng positibong gabay at angkop na tulong bago umabot ang mga ito sa hustong gulang, pati na rin ang maagap na pangangalaga sa pisikal na buhay ng mga ito hinggil sa mga pang-araw-araw na pangangailangan. Kung magkasakit ang kanilang mga anak, dapat silang ipagamot ng mga magulang kung kinakailangan; hindi nila dapat, dahil sa takot na maantala ang pag-aaral ng kanilang mga anak, pilitin silang pumasok sa paaralan at ipagwalang-bahala ang pagpapagamot. Kapag kailangang magpagaling ng kanilang mga anak, dapat pahintulutang magpagaling ang mga ito, at kapag kailangang magpahinga ng mga ito, dapat pahintulutang magpahinga ang mga ito. Ang pagtiyak sa kalusugan ng kanilang mga anak ay kinakailangan; kung mahuli sa pag-aaral ang mga anak, makakahanap ang mga magulang ng paraan para makabawi pagkatapos. Ang mga ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Sa isang banda, dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak na magtamo ng matatag na kaalaman; sa kabilang banda, dapat nilang gabayan at turuan ang kanilang mga anak upang matahak ng mga ito ang tamang landas, at tiyakin ang kalusugang pangkaisipan ng mga ito upang hindi maimpluwensiyahan ang mga ito ng hindi mabubuting kalakaran at ng masasamang gawain ng lipunan. Kasabay nito, dapat din nilang idulot na ang kanilang mga anak ay mag-ehersisyo nang angkop upang matiyak ang pisikal na kalusugan ng mga ito. Ang mga ito ang mga bagay na dapat gawin ng mga magulang, sa halip na sapilitang ipataw ang anumang hindi makatotohanang inaasahan o hinihingi sa kanilang mga anak. Dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad pagdating sa mga bagay na kailangan ng kanilang mga anak para sa kanilang espiritu at sa mga bagay na kailangan sa pisikal na buhay ng mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng di-maipaliwanag na pagkabagabag. Dati, inakala kong sa pagdudulot sa anak ko na mag-aral ng iba’t ibang kasanayan, at tumuntong sa isang sikat na entablado para maging kilala, para hangaan at purihin siya ng lahat, tinutupad ko ang aking responsabilidad bilang isang ina. Pero ang tunay na responsabilidad ng mga magulang ay para tiyaking malusog at masaya ang isipan ng kanilang mga anak habang tinutulungan silang magkaroon ng mga positibong kaisipan at pananaw, para gabayan sila na magkaroon ng tamang mga layon sa buhay, para linangin sila batay sa kanilang mga interes at libangan, at para gabayan silang magpasakop sa mga pag-orden at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. At sa pang-araw-araw na buhay, dapat bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng pangangalaga sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, damit, tirahan, at transportasyon. Halimbawa: Dapat nilang sabihin kung aling mga pagkain ang masustansyang kainin at kung alin ang nakakasama sa katawan, alagaan sila kapag may sakit sila, bigyan sila ng gamot kung kinakailangan, paturukan sila kung kailangan, at maingat na asikasuhin ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan. Ito ang mga bagay na dapat gawin ng mga magulang. Bagama’t sa panlabas ay tila para sa ikabubuti ng aking anak ang pag-aasikaso ko, sa realidad, gusto ko lang na bigyan niya ako ng kaluwalhatian at pride, kahit na ang kapalit nito ay ang ipagkait sa kanya ang galak ng kanyang pagkabata at pigilan siya sa pagdalo sa mga pagtitipon at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Talagang napakamakasarili ko! Dapat sana ay ginabayan ko siya ayon sa kanyang kakayahan, interes, at mga libangan, sa halip na pilit siyang supilin at ipilit ang edukasyon sa kanya. Bukod pa rito, dapat kong gabayan ang anak ko na lumapit sa harap ng Diyos, hayaan siyang magdasal, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at sumamba sa Kanya, at lumayo sa masasamang kalakaran ng mundo. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, hindi ko na dinadala ang anak ko para lumahok sa mga pagtatanghal gaya ng dati, sa halip, ginabayan ko siyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at mas marami akong ginugol na oras kasama siya sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagdalo sa mga pagtitipon.

Kalaunan, nang magtipon kami ng anak ko, nanood kami ng isang dula sa entablado, na tinatawag na Paalam, Aking Inosenteng Kampus. Pagkatapos itong panoorin, labis na naantig ang anak ko at naunawaan niyang ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para saktan ang mga tao, at sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ng anak ko na sa paggawa lang ng kanyang mga tungkulin siya makakalakad sa tamang landas sa buhay. Isang araw, pag-uwi ng anak ko galing sa eskuwela, mariin niyang sinabi sa akin, “Nay, pakiramdam ko ay sobrang nasusupil ako sa eskuwela, at gusto kong mamuhay nang malaya at may kalayaan tulad ng mga kapatid. Gusto kong iwan ang pag-aaral ko at gawin ang mga tungkulin ko sa iglesia.” Sobra akong nagulat, iniisip ko, “Hindi naging madali para sa iyo na marating ang kinalalagyan mo ngayon. Kung isusuko mo ang pag-aaral mo, tuluyan nang mawawakasan ang mga pangarap mo sa entablado. Hindi ba’t nangangahulugan iyon na mawawalan ng saysay ang lahat ng dati mong pagsisikap?” Sa sandaling iyon, napagtanto ko na gusto ko pa ring maghangad ng kasikatan at pakinabang, at nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, “O Diyos, handang isuko ng anak ko ang kanyang pag-aaral, pero hindi ko pa rin ito kayang tanggapin. O Diyos, palakasin Mo sana ang aking determinasyon at tulungan akong makawala sa mga tanikala ng kasikatan at pakinabang.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sa pamamagitan ng paghimay sa diwa ng mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, makikita natin na ang mga ekspektasyong ito ay makasarili, na sumasalungat ang mga ito sa pagkatao(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). “Walang sinuman sa inyo ang gumagampan ng inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon nang nagkataon lang—anuman ang pinagmulan ng sinuman sa inyo para gampanan ang inyong tungkulin, hindi ito nagkataon. Walang sinuman sa mga taong gumagampan ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang basta na lang pinili ng kung sinong tao; anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, pauna itong inorden ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan. Ano ang ibig sabihin na ito ay paunang inorden? Ano sa partikular? Ang ibig sabihin nito ay sa Kanyang kabuuang plano ng pamamahala, matagal nang naiplano ng Diyos kung ilang ulit kang darating sa mundo, sa aling lipi at sa aling pamilya ka isisilang sa mga huling araw, ano ang mga magiging kalagayan ng pamilyang ito, ikaw ba ay magiging lalaki o babae, ano ang iyong magiging mga kalakasan, anong antas ng edukasyon ang maaabot mo, gaano ka magiging mahusay magsalita, ano ang iyong magiging kakayahan, ano ang magiging itsura mo, sa anong edad ka darating sa sambahayan ng Diyos at magsisimulang gumampan ng iyong tungkulin, at anong tungkulin ang iyong gagampanan sa anong panahon. Maagang paunang inorden ng Diyos ang bawat hakbang para sa iyo. Noong hindi ka pa isinilang, at noong dumating ka sa mundo sa iyong nakaraang ilang buhay, naisaayos na ng Diyos para sa iyo ang tungkuling iyong gagampanan sa huling yugtong ito ng gawain(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang oras para sa isang tao na dumating sa sambahayan ng Diyos at gawin ang kanyang tungkulin ay isang bagay na matagal nang isinaayos ng Diyos. Matagal nang inorden ng Diyos ang oras kung kailan darating ang anak ko at gagawin ang kanyang tungkulin, at hindi na ako puwedeng bumalik sa dati, na sinusubukang kontrolin ang lahat sa kanyang buhay para sa kapakanan ng sarili kong reputasyon at katayuan. Dahil pinili ng anak kong sumunod sa Diyos at gawin ang kanyang tungkulin, ito ay mga pag-orden at pagsasaayos ng Diyos, at kailangan ko siyang bigyan ng positibong gabay at hayaan siyang lumakad sa tamang landas. Ito ang responsabilidad na dapat kong gampanan. Nang maisip ko ito, masaya akong sumang-ayon sa hiling ng anak ko. Hindi nagtagal, isinuko ng anak ko ang kanyang pag-aaral at pumunta sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanyang tungkulin. Nang makitang bumalik ang dati niyang kasiglahan at pagiging masayahin, natuwa ako, at napagtanto kong sa pagpapasakop lang sa mga pag-orden at pagsasaayos ng Lumikha maaaring mamuhay ang isang tao nang may kapanatagan, kalayaan, at kagalakan. Ito ay isang bagay na hindi kayang tumbasan ng anumang halaga ng pera o kasikatan!

Pagkatapos, nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, at mas lalo kong naunawaan ang halaga at kahulugan ng buhay ng tao. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bukod sa pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, at pagtupad sa tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha, lahat ng iba pa na ginagawa ng isang tao sa buhay ay hungkag at hindi karapat-dapat tandaan. Kahit na nakagawa ka ng isang gawaing yayanig sa mundo, na nakapaglakbay sa kalawakan at sa Buwan, walang kabuluhan ito; kahit na nakagawa ka ng mga siyentipikong pagsulong na may kaunting pakinabang o tulong sa sangkatauhan, walang kabuluhan ito. Ang lahat ng ito ay lilipas. Ano ang tanging bagay na hindi lilipas? (Ang salita ng Diyos.) Tanging ang salita ng Diyos, tanging mga patotoo sa Diyos, lahat ng patotoo at gawaing nagpapatotoo sa Lumikha, at ang mabubuting gawa ng mga tao ang hindi lilipas. Ang mga ito ay mananatili magpakailanman, at ang mga ito ay napakahalaga. Kaya, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya rito, at sulitin ang inyong mga abilidad. Huwag magpalimita sa kung sinumang mga tao, anumang mga pangyayari, o bagay; buong-puso ninyong igugol ang inyong sarili para sa Diyos, at ibuhos ang lahat ng inyong enerhiya at dugo ng puso sa paggampan ng inyong mga tungkulin. Ito ang bagay na pinakapinagpapala ng Diyos sa lahat, at sulit ito gaano man karami ang paghihirap!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paggampan Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilikha Mayroong Halaga ang Pamumuhay). “Ngayon ay sumusunod ka na sa Diyos, nakikinig sa salita ng Diyos, at tinatanggap mo ang atas ng Lumikha. Medyo mahirap at nakakapagod ito sa iyo kung minsan, at kung minsan ay dumaranas ka ng kaunting kahihiyan at pagpipino, ngunit ang mga ito ay mabubuting bagay, hindi masasamang bagay. Ano ba ang makukuha mo sa huli? Ang makukuha mo ay ang katotohanan at ang buhay, at sa huli, ang pagkilala at pagpapatibay ng Lumikha. Sasabihin ng Diyos, ‘Sumusunod ka sa Akin, at Ako ay tumitingin sa iyo nang may pabor, at Ako ay nalulugod sa iyo.’ Kung walang ibang sinasabi ang Diyos maliban sa ikaw ay isang nilikha sa Kanyang mga mata, hindi ka namumuhay nang walang kabuluhan, at ikaw ay kapaki-pakinabang. Hindi kapani-paniwala na pasalitang kilalanin ng Diyos; hindi ito isang maliit na bagay lang. Kung susunod ang mga tao kay Satanas, ano ang makukuha nila? (Pagkawasak.) Bago sila lipulin, magiging ano sila? (Magiging mga demonyo sila.) Sila ay magiging mga demonyo. Gaano man karaming kakayahan ang matutunan ng mga tao, gaano man karaming pera ang kitain nila, gaano man kalaking kasikatan at pakinabang ang makamit nila, gaano man karaming materyal na benepisyo ang matamasa nila, o gaano man kataas ang katayuan nila sa sekular na mundo, sa kaloob-looban, lalo at lalo silang magiging tiwali, lalo at lalong buktot at marumi, lalo at lalong mapaghimagsik at mapagpaimbabaw, at sa huli, sila ay magiging mga buhay na demonyo—sila ay magiging hindi tao. Ano nga ba ang tingin ng Lumikha sa ganoong mga tao? Basta na lang ‘mga hindi tao,’ at iyon na iyon? Ano ang pananaw at saloobin ng Lumikha sa gayong mga tao? Nasusuya Siya sa kanila, kinasusuklaman Niya sila, kinamumuhian Niya sila, at sinusukuan Niya sila, at sa huli ay isinusumpa, pinaparusahan, at nililipol Niya sila. Tumatahak ang mga tao sa iba’t ibang landas at sa huli ay sasapitin nila ang iba’t ibang kinalabasan. Aling landas ang inyong pipiliin? (Ang manampalataya sa Diyos at sumunod sa Kanya.) Ang pagpiling sumunod sa Diyos ay ang pagpili sa tamang landas: Ito ay pagtahak sa landas ng liwanag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paggampan Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilikha Mayroong Halaga ang Pamumuhay). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, at pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha makakamit ng isang tao ang katotohanan at maisasabuhay ang wangis ng tao. Ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay pagsunod kay Satanas, at kahit na magkamit pa ng mataas na pagtingin mula sa iba ang isang tao, pansamantala lang ito, at nasa landas pa rin siya patungo sa pagkawasak. Ngayon, pareho kami ng anak ko na ginagawa ang aming mga tungkulin, at lumayo kami sa iba’t ibang tukso at sa panghihimasok ng masasamang kalakaran sa lipunan. Hindi na nakakaramdam ng pagkakasakal o pasakit ang anak ko, at naging panatag na rin at napalaya ang puso ko. Kapag nakakaranas ng mga paghihirap ang anak ko sa kanyang mga tungkulin, tinutulungan siya ng mga kapatid nang may pagmamahal, at tinatrato siya ng lahat nang may sinseridad. May masasamang gawi ang anak ko, at matiyagang itinuro ang mga ito ng mga sister at tinulungan siya, at sa wala pang kalahating taon, nagawa ng anak kong iwasto ang marami sa kanyang masasamang gawi. Minsan, napapansin ng anak ko ang mga isyu ko at nagkukusa siyang makipagbahaginan ng katotohanan sa akin. Nang makitang tinatahak ng anak ko ang tamang landas at gumagawa ng pag-usad at mga pagbabago, nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso! Kung hindi dahil sa gabay ng mga salita ng Diyos, namumuhay pa rin kami ng anak ko sa pagdurusang dulot ni Satanas, at patuloy lang kaming maghihimagsik laban sa Diyos at lalong mapapalayo sa Kanya, at sa huli, mamamatay na kasama ni Satanas. Salamat sa Diyos sa pagliligtas sa amin!

Sinundan: 76. Sa Wakas, Nakaalis na Ako sa Anino ng Pagiging Mas Mababa

Sumunod: 78. Walang Pagsisisi sa Aking Pinili

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito