62. Kaya Ko Nang Tratuhin Nang Wasto ang mga Dagok at Pagkabigo
Noong Mayo 2024, nagsanay ako sa pagsusulat ng mga sermon sa iglesia. Noong una, nahirapan ako, pakiramdam ko ay dahil mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, hindi ko ito maisulat nang maayos. Ang sister na katuwang ko ay nakipagbahaginan sa akin at pinalakas ang loob ko, at nagbahagi rin siya sa akin ng ilang magagandang paraan. Kalaunan, nang nagsusulat ako ng sermon, hinanap ko ang mga kaugnay na katotohanan; sa sandaling natukoy ko na ang mga katotohanan, pinagbulayan ko kung paano isusulat ang sermon, at mabilis ko itong natapos. Tuwang-tuwa ako at nagpapasalamat sa gabay ng Diyos. Makalipas ang dalawang araw, sumulat sa akin ang superbisor, sinasabing napili ang sermon ko, at mayroon daw akong mahusay na kakayahan at ilang ideya. Nagulat ako at natuwa. Kasisimula ko pa lamang magsanay, at napili ang unang sermon na isinulat ko. Ilan sa mga sister na kasama ko ay nakapagsulat na ng ilang sermon, pero wala sa mga isinulat nila ang napili, kaya pakiramdam ko ay talagang espesyal ako. Makalipas ang ilang araw, hindi ko sinasadyang nabasa ang isang sulat na isinulat ng superbisor para sa mga lider. Sabi sa sulat, “Si Qiao Xin ay medyo masigasig sa pagsusulat ng mga sermon at isa siyang taong may mga ideya at kakayahan, at naghahanda kaming linangin siya.” Kahit na maliit na bagay lang iyon, pakiramdam ko ay naging sentro ako ng atensiyon ng lahat, at na iba ako sa ibang mga kapatid. Naisip ko rin kung paanong noong nakaraang taon, nakapagsulat ako ng ilang artikulo sa loob lang ng isang linggo, at agad akong napansin ng superbisor. Sinabi ng superbisor na may talento ako sa pagsusulat at itinalaga niya ako sa tungkuling nakabatay sa teksto. Ngayon, kasisimula ko pa lang magsanay sa pagsusulat ng mga sermon, napansin na naman ako ng isa pang superbisor. Sa isip-isip ko, “Kahit saan ako magpunta, napapansin ako. Tila talagang may kakayahan at talento ako sa pagsusulat!” Pagkatapos nito, pakiramdam ko ay iba ako sa iba. Naisip ko, “Kailangan kong magsanay nang masigasig, at gawing mas mahusay ang bawat sermon kaysa sa huli, para makapagsulat ako ng mga sermon na pasok sa pamantayan sa pinakamaikling panahon. Sa ganoong paraan, siguradong mas magiging mataas ang tingin sa akin ng lahat at mas lalo pa nila akong pupurihin.” Kalaunan, naging napaka-aktibo ko sa pagsusulat ng mga sermon, at sunod-sunod akong nakapagsulat ng dalawang sermon, na isinumite ko sa superbisor. Madalas ding sumulat ng mga liham ang superbisor para palakasin ang loob ko, at sa ipinapahiwatig ng mga salita niya, ramdam kong nagmamalasakit at pinapahalagahan ako ng superbisor. Napakasaya ng pakiramdam ko, at namuhay ako nang may pakiramdam ng paghanga sa sarili.
Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng nakasulat na komento sa isinulat kong sermon. Binuksan ko ang file, at nakita ko na napakaraming problema ang minarkahan ng mga lider—may ilang bahagi ng pagbabahaginan na hindi malinaw, at ang iba naman ay lumihis sa paksa…. Talagang pinanghinaan at nasiraan ako ng loob. Naisip ko, “Kung susundin ang lohika, dahil may talento ako sa pagsusulat, dapat na gumagaling ang mga sermon ko sa bawat pagkakataon, at dapat mayroon akong malinaw na pag-unlad, kung gayon, bakit tila paurong pa yata ako? Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga lider? Iisipin kaya nilang nagkamali sila ng paghusga sa akin, at na wala naman pala akong ganitong uri ng kakayahan?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong naging negatibo, at wala na akong ganang pag-isipang mabuti ang mga problemang binanggit ng mga lider. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya naghanap ako ng mga salita ng Diyos para basahin, at nakita ko ang siping ito: “Hindi dapat isipin ng mga tao na napakaperpekto ng sarili nila, napakabantog, napakarangal, o napakanatatangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging superyor sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at panlulumo, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba dahil sa pagiging mapagprotekta mo sa iyong pride, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na nalilimitahan ka, at hindi mo pa nga nanaising gawin ang iyong tungkulin at magiging pabasta-basta ka sa paggawa nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang paghahangad ko ng pagiging perpekto at pamumukod-tangi sa iba, pati na ang pagtanggi kong tanggapin ang gabay ng mga lider sa mga isyu ko ay dahil kontrolado ako ng isang mapagmataas na disposisyon. Nang marinig ko na napili ang mga sermon na isinulat ko at na sinabi ng superbisor na may kakayahan ako, naging palalo ako, at inisip ko na hindi ako ordinaryong tao, kundi isang taong may kakayahan at talento sa pagsusulat. Sinimulan kong hingin sa sarili ko na siguraduhing mas maganda ang mga sermon ko kaysa sa iba, at pakiramdam ko na hindi dapat ganoon karami ang problema ng mga ito, dahil doon lang ako magiging karapat-dapat sa titulong “may talento sa pagsusulat.” Kaya sa tuwing nahaharap ako sa mga dagok, nagiging negatibo ako at hindi ko matingnan nang wasto ang sarili ko. Sa realidad, napakanormal lang na magkaroon ng mga problema sa isinusulat na sermon ng isang tao, at imposibleng malaman at magawa ang lahat ng bagay kapag sinisimulan ang tungkuling ito, at hindi magkamali nang kahit kaunti. Hindi makatotohanan ang ganoong mga hinihingi ko sa sarili ko. Higit pa rito, itinuro ng mga lider ang mga problema ko para tulungan akong matuklasan ang mga kakulangan ko, matutuhang punan ang mga ito at umunlad, pero nang maharap ako sa mga dagok, naging negatibo ako at hindi ko kayang harapin nang tama ang mga kakulangan ko. Masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko, at talagang napakayabang ko! Pagkatapos kong pag-isipan ito, naging handa na akong tanggapin ang gabay at tulong ng mga lider, at magtuon sa paghahanap at pagbubulay sa mga kaugnay na katotohanang prinsipyo habang isinusulat ang mga sermon ko para maiwasan na mangyaring muli ang mga paglihis at pagkakamaling ito.
Pagkatapos niyon, pinatahimik ko ang puso ko at pinag-aralan ang mga kaugnay na prinsipyo, at may mga naunawaan naman ako habang nag-aaral. Pero pagdating sa pagsusulat, medyo nahihirapan pa rin ako, at pakiramdam ko, hindi madaling sumulat ng sermon na pasok sa pamantayan. Habang lumilipas ang oras, wala pa rin akong maisip, at nagsimula akong panghinaan ng loob, sa isip-isip ko, “Paano kung hindi ako makasulat ng magandang sermon? Ano na lang ang magiging tingin sa akin ng mga lider? Sasabihin kaya nila, ‘Lumalabas na talagang mahina pala ang kakayahan ni Qiao Xin, at hindi rin niya nauunawaan ang katotohanan’?” Nang maisip ko ito, nabahala ako, at nang mag-aral akong muli, lumipad ang isip ko, at palagi akong inaantok. Sa gabi, kapag sinusubukan kong matulog, hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga, at papalit-palit ako ng puwesto sa kama, hindi makatulog. Gusto ko talagang makasulat agad ng magandang sermon para maipakita sa lahat, at sa ganoong paraan ay maibabalik ko ang imahe ko. Pero habang lalo kong iniisip na pagandahin ang sulat ko, lalo akong nakararamdam ng presyur. Kinabukasan ng umaga, nagising ako na ang pakiramdam ay pagod na pagod, at nagsimulang sumakit ang ulo ko. Maghapon akong nag-isip nang husto pero wala pa rin akong maisip na anumang ideya, at para bang may mabigat na batong nakadagan sa dibdib ko, at hirap akong huminga. Gusto ng sister na katuwang ko na pag-aralan ang mga prinsipyo kasama ako, pero wala akong gana na gawin iyon.
Kalaunan, ikinuwento ko sa kanya ang kalagayan na pinagdadaanan ko nitong mga nakaraang araw, at binasahan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanila kundi ang dalawang bagay na ito, at idinudulot sa kanila na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, sa mga kadenang ito, wala silang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala nila ang mga kadenang ito habang mabigat silang humahakbang nang paunti-unti, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba’t lubos na kamuhi-muhi ang mga lihim na mapanirang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na kung walang kasikatan at pakinabang, mawawalan ng kabuluhan ang buhay, at hindi na makikita ng mga tao ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Kapag ninais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas, at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Pagkatapos kong pakinggan ang mga salita ng Diyos, biglang nagliwanag ang puso ko. Napagtanto ko na ang nararamdaman kong pagkasupil sa puso ko nitong mga nakaraang ilang araw ay dahil pala sa paglilimita at pagkakagapos sa akin ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Noong una, sinabi ng superbisor na mayroon akong mahusay na kakayahan at katanggap-tanggap ang mga sermon na isinulat ko. Pagkatapos ay nagsimula akong hangaan ang sarili ko, pakiramdam ko ay mayroon akong natatanging talento sa pagsusulat, kaya lalo pa akong nagsikap na magsulat ng mga sermon, umaasang makukuha ko ang papuri at paghanga ng iba. Gayumpaman, nang maraming problema ang itinuro sa dalawang sermon na isinulat ko, nag-alala ako na baka maliitin ako ng iba, at hindi na nila isiping ako ay isang taong may kakayahan at talento, kaya hindi ako makalma para pagnilayan ang mga problemang itinuro ng mga lider, hindi ko rin pinag-aralan ang mga prinsipyo o hinanap ang katotohanan para punan ang mga pagkukulang ko. Gusto ko lang makasulat agad ng magandang sermon para maibalik ang imahe ko. Gayumpaman, habang lalo akong nababalisa, mas kakaunti naman ang ideyang naiisip ko, at lalong lumalabo ang isip ko, at pagkatapos ng isang buong araw na pagtatrabaho, wala pa rin akong progreso. Naalala ko noong una akong nagsimulang magsulat ng mga sermon, kahit na maraming hirap, mayroon akong dalisay na pusong umaasa sa Diyos. Tunay akong nag-aral at naghanap ng mga kaugnay na salita ng Diyos para pagnilayan, at binigyang-liwanag ako ng Diyos at ginabayan Niya ako, kaya noong nagsulat ako, mayroon akong ilang mga ideya. Pero ngayon, ang iniisip ko lang ay ang pagpapahalaga ko sa sarili at katayuan ko, at dahil sa pag-iisip ko kung paano mapapanatili ang magandang imahe sa mata ng iba, hindi na ako makakain o makatulog, nagdulot ito ng pagkahilo at pagkaliyo ko, at hindi ako makapag-focus sa pagsusulat ng sermon. Ang puso ko ay ganap nang kontrolado ng kasikatan at pakinabang. Kung hindi ko babaguhin ang kalagayang ito, magpapatuloy lang akong mamuhay sa kadiliman at hindi matiis na pasakit, at sa paglipas ng panahon, mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu o maging ang tungkuling ito. Pagkatapos ay nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, ayaw ko nang mamuhay sa kalagayan ng paghahangad sa reputasyon at katayuan, pero hindi ko alam kung paano ito lulutasin. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako, para makaalis ako sa maling kalagayang ito at magawa ko nang maayos ang aking tungkulin.”
Kinabukasan ng umaga, binasahan ako ng sister ko ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos, at malaki ang naitulong sa akin ng isa sa mga sipi. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Alam ng lahat na masama ang pagiging mapagmataas, pero sa sandaling magkamit ang mga tao ng ilang resulta sa tungkulin nila, natural silang nagiging mapagmataas, lumalaki ang ulo nila, at iniisip na nagtagumpay na sila sa pananampalataya nila sa Diyos. Kaya bakit lumalaki ang ulo ng mga tao kapag nagkakamit sila ng ilang resulta sa tungkulin nila? Isang bahagi nito ay dahil sa pagiging masyadong mapagmataas at pagkakaroon ng labis na banidad ng mga tao. May iba pa bang mga dahilan? (Ito ay dahil hindi napagtatanto ng mga tao na ang Diyos ang umaakay sa kanila para makamit ang mga resultang ito. Iniisip nilang sila ang dapat bigyan ng lahat ng papuri, at na nagtataglay sila ng puhunan, kaya lumalaki ang ulo nila. Ang totoo, kung wala ang katotohanan at kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi kayang gumawa ng anuman ang mga tao, pero hindi nila ito nakikita nang malinaw.) Tama ang pahayag na ito, at ito rin ang pinakabuod ng usapin. Kung hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at hindi nila makamit ang katotohanan, palagi nilang inaakala na kaya nilang gawin ang kahit ano. Kaya kung nagtataglay sila ng kaunting puhunan, nagiging mapagmataas sila at lumalaki ang ulo nila. Sa paggawa ninyo ng inyong tungkulin, nadarama ba ninyo ang patnubay ng Diyos at ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? (Oo.) Kung nagagawa ninyong maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, pero lumalaki pa rin ang ulo ninyo, at iniisip ninyong nagtataglay kayo ng realidad, ano ang nangyayari rito? (Kapag nagbunga na ang paggampan natin ng ating tungkulin, iniisip natin na kalahati ng kredito ay para sa Diyos, at kalahati ay para sa atin. Pinalalaki natin nang walang hangganan ang ating pakikipagtulungan, iniisip natin na wala nang mas mahalaga pa kaysa sa ating pakikipagtulungan, at na hindi magiging posible ang pagbibigay-kaliwanagan ng Diyos kung wala ito.) Kaya bakit ka binibigyang-kaliwanagan ng Diyos? Mabibigyan din ba ng Diyos ng kaliwanagan ang ibang tao? (Oo.) Kapag binibigyang-liwanag ng Diyos ang isang tao, ito ay dahil sa biyaya ng Diyos. At ano naman ang kaunting pakikipagtulungan mo? Dapat ka bang bigyan ng kredito para sa bagay na ito, o tungkulin at responsabilidad mo ba ito? (Tungkulin at responsabilidad namin ito.) Kapag kinikilala mong tungkulin at responsabilidad mo ito, wasto ang pag-iisip mo, at hindi mo maiisip na subukang umani ng kredito para dito. Kung palagi mong iniisip na ‘Kontribusyon ko ito. Magiging posible ba ang pagbibigay ng Diyos ng kaliwanagan kung wala ang pakikipagtulungan ko? Ang gawaing ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao; malaki ang bahagi ng ating pakikipagtulungan sa mga naisasakatuparan,’ kung gayon ay mali ka. Paano ka makikipagtulungan kung hindi ka naman binigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kung wala namang nagbahagi ng mga katotohanang prinsipyo sa iyo? Kung hindi mo alam kung ano ang hinihingi ng Diyos, at hindi mo alam ang landas ng pagsasagawa, kahit gusto mong magpasakop sa Diyos at makipagtulungan, hindi mo malalaman kung paano. Hindi ba’t magiging mga salitang walang kabuluhan lamang ang ‘pakikipagtulungan’ mong ito kung gayon? Kung hindi ka tunay na makikipagtulungan, at kumikilos ka lang nang ayon sa sarili mong mga ideya, maaari bang maging pasok sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo? Talagang hindi. Ipinapahiwatig nito ang isang isyu. Ano ang isyu? Anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, nagkakamit man siya ng mga resulta, gumagawa ng tungkulin nang pasok sa pamantayan, at nagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos ay nakasalalay sa gawain ng Diyos. Kahit gampanan mo ang iyong mga responsabilidad at tungkulin, kung hindi gumagawa ang Diyos, o hindi ka binibigyang-liwanag at ginagabayan, at hindi mo alam ang iyong landas, ang iyong direksyon, o ang iyong mga layon, ano ang magiging resulta nito sa huli? Matapos magpakapagod sa loob ng buong panahong iyon, hindi mo nagawa nang maayos ang iyong tungkulin, ni hindi mo nakamit ang katotohanan at ang buhay—nauwi lang sa wala ang lahat. Samakatwid, ang paggawa ng iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan, na nakapagpapatibay sa iyong mga kapatid, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa Diyos! Maaari lamang gawin ng mga tao ang mga bagay na kaya nilang gawin, na dapat nilang gawin, at na likas silang may kakayahang gawin—wala nang iba. Kung gayon, sa huli, ang pagkakamit ng mga resulta sa iyong mga tungkulin ay nakasalalay sa gabay ng mga salita ng Diyos at sa kaliwanagan at pamumuno ng Banal na Espiritu; saka mo lamang mauunawaan ang katotohanan, at matatapos ang atas ng Diyos ayon sa landas na ibinigay sa iyo ng Diyos at sa mga prinsipyo na itinakda Niya. Ito ay biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at kung hindi ito nakikita ng mga tao, bulag sila. Anumang uri ng gawain ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos, ano ang nilalayong maging resulta? Ang isang bahagi nito ay na magpatotoo sa Diyos at magpakalat ng ebanghelyo ng Diyos, habang ang iba pang bahagi nito ay na magpatibay at magbigay ng pakinabang sa mga kapatid. Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay layong magkamit ng mga resulta sa parehong bahagi. Sa sambahayan ng Diyos, anumang tungkulin ang ginagawa mo, magkakamit ka ba ng mga resulta nang walang gabay ng Diyos? Hinding-hindi. Maaaring sabihin na kung walang patnubay ng Diyos, ang ginagawa mo ay halos walang silbi, at tiyak na hindi magkakamit ng anumang resulta” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ko matanggal ang tatak na “may natatanging talento sa pagsusulat” dahil inangkin ko ang lahat ng pagiging epektibo sa pagsusulat ng mga sermon, at inakala kong dahil lang sa mahusay kong kakayahan, talento ko sa pagsusulat, at sa pagsisikap na ginawa ko, pati na ang halagang ibinayad ko sa pagbubulay-bulay, kaya nagkaroon ng mga resultang ito. Sa realidad, madalas talaga akong nahihirapan sa pagsusulat, at sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos at pagninilay sa mga kaugnay na katotohanan at pagtanggap ng kaliwanagan at gabay ng Diyos kaya ako nagkamit ng kaunting inspirasyon. Gayumpaman, pagkatapos, nang magsalita ang iba ng ilang salita ng papuri at pampalakas ng loob, naging palalo ako, iniisip na lahat ng ito ay sarili kong gawa, at ikinabit ko pa sa sarili ko ang bansag na “may mahusay na kakayahan at talento sa pagsusulat,” at hindi ko nakita kung ano ba talaga ako. Sa realidad, kung magagawa ba nang maayos ang isang tungkulin o hindi ay nakadepende, sa bahagi, sa pag-unawa sa mga prinsipyo ng tungkulin at sa mga kaugnay na katotohanan, at ang pinakamahalaga, sa pagtanggap sa kaliwanagan at gabay ng Diyos. May mga pagkakataong wala tayong mga ideya, at sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos, paghahanap sa Kanyang gabay, at pagninilay sa Kanyang mga salita, hindi natin namamalayan na nauunawaan na natin ang ilang katotohanan at nagkakamit tayo ng kaunting liwanag at mga ideya, at saka lang magkakaroon ng magagandang resulta ang mga sermon na isinusulat natin. Hindi ito dahil sa sarili nating mga abilidad. Naisip ko kung paano nitong nakaraang ilang araw, namumuhay ako para sa kasikatan at katayuan, hindi natatanggap ang kaliwanagan at gabay ng Diyos. Kahit na nagsikap akong magsulat, parang lugaw ang utak ko, walang anumang ideya, at ako ay naging lubos na hangal. Tunay kong napagtanto na ang magagandang resulta sa mga tungkulin ko ay nagmula sa kaliwanagan at gabay ng Diyos, at wala akong dapat ipagmalaki. Pero walang-kahihiyan kong inangkin ang lahat ng papuri para sa sarili ko. Talagang kahiya-hiya ito! Bagama’t nakapagsulat ako ng ilang sermon, maliit na bahagi lang ng proseso ang naarok ko sa kung paano isulat ang mga ito. Ang totoo, wala pa akong pagkaarok sa maraming prinsipyo, at hindi malinaw sa akin ang mga katotohanan sa maraming aspekto; minsan ay nahihirapan pa nga akong maarok ang mga pangunahing punto kapag nagsusulat ng mga sermon. Kahit na pinag-aralan ko ang mga kaugnay na prinsipyo, sa praktikal na paggamit ng mga ito, kapos na kapos ako, at kailangan ko pa rin ng mga pagtutuwid at tulong mula sa iba. Pero inisip kong natatangi ako, na para bang lumulutang ako sa hangin, at talagang mangmang ako sa sarili kong mga limitasyon. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nakakaramdam ng hiya, at gusto kong itago ang mukha ko, at gusto ko na lang na lamunin ako ng lupa.
Pagkatapos, naisip ko kung paanong ang pangunahing dahilan kung bakit hindi ko naisulat nang maayos ang dalawang sermon na iyon ay na kasisimula ko pa lang magsanay at hindi ko pa rin naaarok ang ilang prinsipyo, kaya inaral ko ang mga prinsipyo kasama ng aking mga sister, at ginamit ko ang dalawang sermon bilang mga halimbawa para suriin at talakayin ng lahat. Nagbigay ang lahat ng mga mungkahi, at pagkatapos niyon, nang nirebisa kong muli ang mga sermon, nagkaroon ako ng direksyon. Sa tuwing may hindi ako nauunawaan, nagdarasal ako sa Diyos, at hinahanap ko ang katotohanan at nagbubulay ako, at ipinasa ko ang isa sa mga sermon pagkatapos kong makompleto ang pagrerebisa rito. Gayumpaman, nang nirebisa ko ang isa pa, nahirapan pa rin ako. Hindi naging malinaw sa akin ang katotohanan at medyo nabagabag ako. Natakot din ako na baka maging di-kanais-nais at tuyo ang aking pagsulat, at napaisip ako kung ano ang iisipin sa akin ng mga lider pagkatapos ko itong isumite. Sasabihin kaya nilang hindi sapat ang kakayahan ko? Hindi ako nangahas na humingi ng tulong sa mga kapatid, pero wala akong maisip na paraan para makausad, at nakaramdam ako ng matinding presyur sa puso ko. Sa sandaling iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sinasabi ng Diyos: “Kapag hinihingi ng Diyos na maayos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang tiyak na bilang ng mga gampanin, o magsakatuparan ng anumang malaking proyekto, ni magkamit ng anumang mga pambihirang tagumpay. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na gumawa ka ng anumang himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang kailangan lang ng Diyos ay na isagawa mo ang mga salita Niya sa isang praktikal na paraan. Pagkatapos mong maunawaan ang mga salita ng Diyos, gawin mo ang mga ito at isakatuparan ang mga ito, o pagkatapos mong marinig ang mga salita ng Diyos, tandaan mo nang mabuti ang mga ito, at pagdating ng panahon para magsagawa, gawin mo ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad na maging mas mataas kaysa sa iba. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang mas hinahangad mo ang kadakilaan at pagiging marangal, at naghahangad na maging nakatataas sa iba, na mangibabaw sa karamihan, na maging pambihira, at maging bukod-tangi, lalong nagkakaroon ng pagtutol ang Diyos sa iyo. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at hindi ka magsisisi, kamumuhian at itatakwil ka ng Diyos. Talagang hindi ka dapat maging isang taong tinututulan ng Diyos; dapat kang maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano ka magiging isang taong minamahal ng Diyos? Tanggapin ang katotohanan nang masunurin, akuin ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha, kumilos batay sa mga salita ng Diyos sa praktikal na paraan, gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, maging isang matapat na tao, at isabuhay ang wangis ng tao. Sapat na ito, at mapapalugod nito ang Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at hindi Niya hinihiling na magkamit ang mga ito ng malalaking resulta. Hangga’t ang mga tao ay kayang maging masunurin at magpasakop, at gawin ang kanilang tungkulin nang maayos at praktikal ayon sa mga hinihingi ng Diyos, masisiyahan ang Diyos. Pero palagi kong gustong mamukod-tangi at makasulat ng magagandang sermon para makamit ang papuri at pagsang-ayon ng iba. Kontrolado ito ng aking ambisyon at pagnanais. Isa itong tiwaling disposisyon. Naisip ko ang unang atas administratibo na dapat sundin ng mga hinirang ng Diyos, na nagsasabing: “Hindi dapat itanyag ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Palagi kong hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, gustong mapuri at pahalagahan ng iba at magkaroon ng puwang sa kanilang mga puso. Ito ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Ang pamumuhay sa kalagayang ito ay nagiging dahilan para hindi ko magawa nang maayos ang aking tungkulin, at maaari pa nga itong makahadlang sa gawain. Kailangan kong baguhin agad ang aking maling perspektiba sa likod ng paghahangad ko. Kahit na marami pa akong kakulangan sa pagsusulat ng mga sermon, handa akong patahimikin ang aking puso sa harap ng Diyos para hanapin ang katotohanan at gawin ang lahat para makipagtulungan. Isusulat ko kung gaano karami ang nauunawaan ko, at ituturing ko ang bawat problemang lumilitaw sa pagsusulat ng mga sermon bilang isang pagkakataon para punan ang aking mga pagkukulang. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng unti-unting pagsasanay sa ganitong paraan, tiyak na magkakaroon ako ng pag-unlad. Nang maisip ko ito, mas lalo akong napanatag.
Sa sumunod na pagkakataong sumulat ako ng mga sermon, isinusulat ko muna kung ano ang naunawaan ko, at para sa mga bagay na hindi ko nauunawaan, maghahanap at magninilay ako, o makikipag-usap sa aking mga kapatid, at kapag malinaw na sa akin ang katotohanan, saka ako magpapatuloy sa pagsusulat. Sa ganitong paraan, mas naging epektibo ang mga sermon na isinulat ko. Hindi nagtagal, nagpadala ang mga lider ng ilang magagandang sermon para pag-aralan namin at pagkunan ng ideya. Ang mga sermon na iyon ay hindi lang bago at may kislap, kundi talagang praktikal at malinaw rin ang pagbabahagi ng mga katotohanan. Sa paghahambing, napagtanto ko na ang mga sermon ko ay puno lang ng mga salita at doktrina, at hindi malinaw na naibahagi ang katotohanan. Sa sandaling iyon, nakita ko kung gaano karami ang aking kakulangan. Kung ikukumpara sa aking mga kapatid, lubha akong napag-iwanan! Nang isulat nila ang kanilang mga iniisip at nakamit, bukod sa hindi sila nagyabang, bagkus ay sinabi pa nilang marami silang kakulangan, at ang abilidad na makasulat ng sermon na pasok sa pamantayan ay hindi dahil sa sarili nilang kakayahan, ni hindi dahil nauunawaan nila ang katotohanan, kundi sa pamamagitan ng pagtanggap sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng panalangin, paghahanap, at pagninilay sa mga kaugnay na katotohanan. Nang makita ko ito, nakaramdam ako ng labis na hiya. Naisip ko kung paanong kasisimula ko pa lang magsulat ng mga sermon, at sa mababaw na pagkaunawa pa lang, inakala ko nang nakatataas ako sa karaniwan. Inilagay ko pa sa sarili ko ang tatak ng pagkakaroon ng natatanging talento sa pagsusulat na hindi ko na matanggal. Talagang masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko at wala akong anumang kamalayan sa sarili!
Ngayon, kapag nakikitang muli ang mga mungkahi mula sa mga lider, nagagawa kong tratuhin nang tama ang mga ito, at kung mayroon akong hindi nauunawaan o hindi kayang gawin, nagagawa kong magkusa na maghanap, at bumuti na rin ang kalidad ng mga sermon ko kumpara sa dati. Alam ko sa puso ko na ang pag-unlad na nagawa ko ay dahil sa kaliwanagan at gabay ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon, at nagkaroon ako ng ilang nakamit sa aking buhay pagpasok. Nakita ko rin na talagang mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at dapat akong magtuon sa mga katotohanang prinsipyo at gawin ang aking tungkulin sa isang matatag na paraan. Kung hindi dahil sa pagbubunyag na ito, magpapatuloy sana akong mamuhay sa kalagayan ng paghanga sa sarili, at hindi sana ako uunlad sa aking tungkulin. Ang kabiguan at dagok na ito ay nagdulot sa akin ng malaking pakinabang, at nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!