34. Lalo Pang Dapat Hangarin ng Matatanda ang Katotohanan
Noong singkwenta anyos ako, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ni sa panaginip, hindi ko inakala na sa tanang buhay ko ay maririnig ko ang mismong mga pagbigkas ng Diyos at masasalubong ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Ang makita ang pag-asa na makapasok sa kaharian ng langit ay nagbigay sa akin ng tunay na layon. Araw-araw, maaga akong bumabangon at gabing-gabi nang natutulog para magbasa ng mga salita ng Diyos, at tinanggap ko ang anumang tungkuling isinaayos ng iglesia at nagpasakop ako sa mga ito. Sa isip-isip ko, “Basta’t magpursige lang ako sa tungkulin ko, maliligtas ako at makapapasok sa kaharian ng langit.” Pagsapit ng 2023, umabot na ako sa edad na 75. Matanda na ako, mahina na ang memorya ko, mahina ang pandinig at malabo ang paningin, at hindi na rin ako gaanong matatag tumayo. Isinaayos ng iglesia na gawin ko ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ayon sa kondisyon ko. Naisip ko kung paanong tumatanda na ako at kung paanong lumalala ang kalusugan ko. Palagi kong nakalilimutan ang mga bagay-bagay dahil sa mahina kong memorya, at kung minsan ay magulo ang isip ko. Ilang taon pa, kung magiging ulyanin na ako at hindi ko na magagawa ang tungkulin ko, hindi ba’t mawawalan na ako ng silbi? Maliligtas pa kaya ako? Isang beses, kalilipat ko lang ng bahay at naligaw ako sa paghahanap ng daan pabalik. Nang malaman ito ng isang sister, kaswal niyang sinabi, “Nalilito ka na ba?” Mabilis kong sinabi, “Hindi ako nalilito.” Sa isip-isip ko, “Sana naman huwag nilang isipin na nalilito na ako at patigilin ako sa paggawa ng tungkulin ko. Kung wala na akong tungkuling gagawin, hindi ba’t katapusan ko na? Paano pa ako maliligtas kung ganoon?” Pero nang pag-isipan ko ulit kalaunan, napagtanto ko na madalas kong makalimutang maglagay ng asin o dahon ng sibuyas kapag nagluluto, at kung minsan naliligaw ako sa kalye at hindi na makauwi. Nagsimula na akong matakot. Naisip ko, “Talaga bang nalilito na ako? Magagamit pa kaya ako ng iglesia para gumawa ng tungkulin? Kung hindi ako makagagawa ng tungkulin, maliligtas pa kaya ako?” Nagsimula akong maglunoy sa pag-aalala at pagkabahala.
Noong Hunyo 2023, nag-host ako ng isang pagtitipon para sa mga kapatid. Noong panahong iyon, ipinapaayos ang apartment sa itaas, at may palagiang kalampagan araw-araw. Pagkatapos niyon, matagal-tagal kong hindi nakita ang mga kapatid na pumunta sa mga pagtitipon, at nagtaka ako, “Bakit hindi na sila pumupunta nitong mga nakaraan? Hindi na ba nila ako ginagamit bilang host? Sa edad kong ito, ang kaya ko na lang gawin ay ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Kung kahit ang mga tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay hindi ko na magagawa, hindi ba’t mawawala na ang pagkakataon kong maligtas?” Labis akong nabalisa at sabik na umasang pupunta silang muli. Isang gabi, may kumatok na sister, at ang manugang kong babae ang nagbukas ng pinto. Sabi ng sister, tatlo o apat na beses na silang nagpunta sa bahay pero walang sumasagot. Nakonsensiya ako. Naisip ko, “Hindi ba’t dahil matanda na ako at mahina na ang pandinig kaya hindi ko sila narinig? Hindi ko natupad nang maayos ang tungkulin ko. Ngayon, mahina na ang pandinig ko, malabo ang paningin, mabagal tumugon, at hindi na matatag tumayo. Talagang wala na akong magawang maayos! Kahit ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay hindi ko magawa nang maayos! Talagang nagiging wala kang silbi kapag tumatanda ka na!” Sobra akong nainggit sa mga kabataan kung gaano sila kabilis matuto at kung paano nila nagagawa ang anumang tungkulin. Pakiramdam ko ay gusto ng Diyos ang mga kabataan, at na tiyak na maliligtas sila sa huli. Naisip ko na kung sana ay maibabalik ko lang ang kahit sampung taon, makagagawa pa rin ako ng ilang tungkulin sa sesenta anyos ko. Unti-unti, lumala ang kalagayan ko, at araw-araw akong naglulunoy sa pagkabalisa at pagkabahala. Hindi na normal ang mga panalangin ko, at walang liwanag o kaliwanagang dala ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Palayo nang palayo ang puso ko sa Diyos. Isang araw habang naglalakad, nadapa ako at nabanat ang litid sa binti ko. Bagama’t hindi nito naantala ang mga pagtitipon, lalo pa akong nag-alala. Bagama’t sa pagkakataong ito, hindi naantala ng pagkadapa ko ang mga pagtitipon, kung isang araw ay magkakasakit ako, baka hindi na ako makadalo sa mga pagtitipon o makagawa ng tungkulin. Kalaunan, talagang nagkasakit ako at kinailangang maospital. Sobrang negatibo ako noong mga oras na iyon. Naisip ko, “Sa pagkakataong ito, talagang katapusan ko na—ni hindi na ako makadadalo man lang sa mga pagtitipon, lalo na ang gumawa ng anumang uri ng tungkulin. Hindi ba’t talagang wala na akong silbi niyan?” Pagkalabas sa ospital, nanatiling masama ang kalagayan ko. Nag-alala ako kung maliligtas pa ba ako kung kahit ang mga tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay hindi ko na magawa. Hindi ba’t mangangahulugan iyon na nasayang lang ang lahat ng taon ko ng pananalig? Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong namimighati at nababalisa. Kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan at tanglawan ako para makaahon ako sa negatibong kalagayan ko.
Isang araw, nabasa ko ang isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isinulat ng isang matandang sister, at isinasalamin nito ang mismong kalagayan ko. Isang sipi ng mga salita ng Diyos na sinipi roon ang labis na nakaantig sa akin. Sabi ng Diyos: “Mayroon ding mga kapatid na matatanda na ang edad ay 60 hanggang bandang 80 o 90, at dahil sa kanilang katandaan, nakakaranas din sila ng ilang paghihirap. Sa kabila ng kanilang edad, hindi palaging tama o makatwiran ang kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay hindi palaging naaayon sa katotohanan. May mga problema rin ang mga matatandang ito, at palagi silang nag-aalala, ‘Hindi na masyadong maayos ang kalusugan ko at may mga limitasyon na sa kung anong tungkulin ang aking kayang gawin. Kung gagawin ko lamang itong maliit na tungkulin na ito, tatandaan kaya ako ng Diyos? Minsan ay nagkakasakit ako, at kailangan ko ng mag-aalaga sa akin. Kapag walang nag-aalaga sa akin, hindi ko magawa ang aking tungkulin, kaya ano ang magagawa ko? Matanda na ako at hindi ko na matandaan ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ang mga ito, at nahihirapan akong maunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magulo at hindi lohikal ang pagsasalita ko, at wala akong anumang magagandang karanasan na maibabahagi. Matanda na ako at hindi na sapat ang enerhiya ko, hindi masyadong malinaw ang aking paningin at wala na akong lakas. Ang lahat ay mahirap na para sa akin. Hindi lang sa hindi ko magawa ang aking tungkulin, kundi madali rin akong makalimot ng mga bagay-bagay at magkamali. Minsan ay nalilito ako at nagdudulot ako ng problema sa iglesia at sa aking mga kapatid. Napakahirap para sa akin na hangarin ang katotohanan at magkamit ng kaligtasan. Ano ang puwede kong gawin?’ Kapag naiisip nila ang mga bagay na ito, nababalisa sila: ‘Nagsimulang manampalataya sa Diyos ang ibang tao noong mga 20 o 30 anyos sila—paano nangyaring nagsimula akong manampalataya sa Diyos sa ganito katandang edad? Malapit nang dumating ang malalaking sakuna. Huli na akong nagsimulang manampalataya sa Diyos—makakamit ko pa rin ba ang kaligtasan? Bagama’t biyaya ng Diyos na natagpuan ko ang pagkakataon ng Kanyang gawain, masyado na akong matanda. Hindi matalas ang memorya ko, at hindi na sumusunod ang katawan ko sa akin. Inaantok ako at nakatutulog pagkatapos makinig nang sandali sa mga pagtitipon. Makakamit ko ba ang katotohanan nang ganito? Ano ang magagawa ko? Labis akong nag-aalala! Sa edad kong ito, malalaki na ang mga anak ko, at hindi na nila ako kailangan para alagaan o palakihin sila. Makakapanampalataya na ako ngayon sa Diyos nang walang anumang alalahanin o pagkabalisa. Wala nang ibang mahalaga. Ang pinakadakila kong hiling ay ang hangarin ang katotohanan at tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha sa natitira kong panahon, at sa huli ay makamit ang kaligtasan. Naku, hindi na tulad ng dati ang katawan ko. Lumalabo na ang paningin ko, magulo ang isip ko, at hindi sumusunod ang katawan ko sa akin. Kahit na ginagawa ko ang kaunting gawaing kaya ko, madalas akong magkamali at magdulot ng problema sa iba. Mukhang magiging mahirap para sa akin ang magkamit ng katotohanan at magtamo ng kaligtasan! Para bang ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa matatanda, at ang mga kabataan ang pinagpala. Matanda na ako at bagama’t natagpuan ko ang dakilang panahong ito, hindi ako sapat na pinagpala para tamasahin ito!’ Lalong nababagabag at nababalisa ang kanilang puso. Minsan ay gusto nilang umiyak, at palaging may bahid ng kalungkutan sa kanilang puso. Kaya ano ang dapat nilang gawin? … Posible nga talaga kayang wala silang daan pasulong? May solusyon ba? (Dapat pa ring gawin ng matatanda ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.) Maaaring magawa ng matatanda ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, tama ba? Hindi na ba mahahangad ng matatanda ang katotohanan dahil sa kanilang edad? Wala na ba silang kakayahan na maunawaan ang katotohanan? (Kaya nila.) Kaya bang unawain ng matatanda ang katotohanan? Maaari nilang maunawaan ang ilan sa mga ito. Hindi rin naman ito kayang maunawaang lahat ng mga kabataan. Ang matatanda ay palaging may maling akala, iniisip nilang malilituhin na sila, na mahina na ang kanilang memorya, kaya hindi nila maunawaan ang katotohanan. Isa ba itong katunayan? (Hindi.) Bagaman higit na mas marami ang enerhiya ng mga kabataan kaysa sa matatanda, at mas malakas ang kanilang katawan, ang totoo, ang kanilang kakayahan na makaunawa, makaarok, at makaalam ay katulad lamang ng sa matatanda. Hindi ba’t minsan ding naging kabataan ang matatanda? Hindi sila ipinanganak na matanda, at darating din ang araw na ang mga kabataan ay tatanda rin. Hindi dapat palaging isipin ng matatanda na dahil sila ay matanda na, mahina ang katawan, hindi maayos ang kalusugan, at mahina ang memorya, ay naiiba na sila sa mga kabataan. Ang totoo, wala namang pagkakaiba. Ano ang ibig Kong sabihin na walang pagkakaiba? Bata man o matanda ang isang tao, pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho ang kanilang mga saloobin at opinyon sa lahat ng bagay, at pare-pareho ang kanilang mga perspektiba at paninindigan sa lahat ng bagay. … hindi sa walang gagawin ang mga matatanda, ni na hindi nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, o lalo naman na hindi nila kayang hangarin ang katotohanan—maraming bagay silang dapat gawin. Sa iyong buhay, nakaipon ka ng lahat ng uri ng mga maling paniniwala at maling kaisipan, pati na rin ng iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, mga bagay na hangal at sutil, mga bagay na konserbatibo, mga bagay na hindi makatwiran, at mga bagay na baluktot. Masyado nang natambak ang mga ito sa iyong puso. Dapat kang gumugol ng mas maraming panahon kaysa sa mga kabataan para hukayin, himayin, at kilalanin mo ang mga bagay na ito. Hindi totoong wala kang gagawin. Kapag wala kang ginagawa, nababagabag, nababalisa, at nag-aalala ka, na hindi mo gampanin at hindi mo responsabilidad. Una sa lahat, dapat magkaroon ng tamang pag-iisip ang matatanda. Bagama’t tumatanda ka na at medyo matanda na rin ang iyong katawan, dapat ay bata pa rin ang iyong pag-iisip. Bagama’t tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumagal na, at ang iyong memorya ay mahina na, kung nagagawa mo pa ring kilalanin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at hindi mahina ang iyong kakayahan. Kung ang isang tao ay mga 70 o 80 anyos na ngunit hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan, ipinapakita nito na napakababa at kulang ang kanyang tayog. Samakatwid, walang kinalaman ang edad pagdating sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (3)). Ilang beses kong binasa ang siping ito ng mga salita ng Diyos, at habang lalo ko itong binabasa, mas lalong nagliliwanag ang puso ko. Talagang pinagmamasdan ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Hindi ba’t direktang tungkol sa akin ang mga salitang ito? Nag-alala ako dahil matanda na ako, mahina ang kalusugan, mahina na ang pandinig, malabo ang paningin, at mahina na ang memorya ko. Natakot ako na sa pagtanda ko, hindi ko na magagawa ang tungkulin ko, at na mawawala na ang pagkakataon kong maligtas. Ginugol ko ang mga araw ko na naglulunoy sa pagkabalisa at pagkabahala. Pagkatapos basahin ang siping iyon ng mga salita ng Diyos, biglang lumaya ang puso ko. Alam ng Diyos ang mga paghihirap ng matatanda, at ipinahayag Niya ang mga salitang ito para maunawaan ng matatanda ang Kanyang layunin. Bata man o matanda, binibigyan ng Diyos ang lahat ng pagkakataong hangarin ang katotohanan at maligtas, at nakita ko na ang Diyos ay matuwid. Mula sa mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Kahit matanda na ako, kaya ko pa ring arukin ang mga salita ng Diyos, at dapat kong hanapin ang katotohanan sa mga bagay na sumasapit sa akin, at kilalanin ang sarili kong katiwalian at mga pagkukulang. Dapat ko ring hangarin ang katotohanan at magkamit ng pagsisisi at pagbabago dahil ang tiwaling disposisyon ng matatanda ay hindi mas kakaunti kaysa sa mga kabataan. Halimbawa, mayroon akong seryosong mapagmataas na disposisyon, at kung minsan kapag tinutukoy ng mga kapatid ang mga problema ko, ayaw kong tanggapin ito. Sa pang-araw-araw na buhay pampamilya, minsan kapag hindi nakikinig sa akin ang manugang kong babae, nagagalit ako at minamaliit ko siya nang may dating ng pagiging mas mataas. Lahat ng ito ay mga pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, at kinailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito, kaya hindi naman sa wala akong magagawa. Ngayon, marami na akong oras araw-araw para magbasa pa ng mga salita ng Diyos sa bahay, para hanapin ang katotohanan sa mga tao, bagay, at pangyayaring nakahaharap ko, at para lutasin ang tiwaling disposisyon ko. Maaari din akong manood ng mga video ng patotoong batay sa karanasan at matuto ng mga aral mula sa mga karanasan ng mga kapatid. Maaari din akong magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, isinusulat ang mga tunay kong karanasan para magpatotoo sa Diyos. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat kong gawin. Ngayong naunawaan ko na ang layunin ng Diyos, hindi na ako nagkamali pa ng pagkaunawa sa Kanya o naglunoy pa sa isang negatibong kalagayan, at hindi na ako nag-alala pa kung makagagawa ba ako ng tungkulin o hindi. Nagpasya ako na magsaayos man ang iglesia ng tungkulin para sa akin o hindi, magpapasakop ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Mula noon, nagawa kong mahinahong maupo araw-araw at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at kapag sumasapit sa akin ang mga bagay, kaya kong magdasal at hanapin ang mga layunin ng Diyos.
Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nalaman ko ang pamantayan ng Diyos sa pagtatakda ng mga kalalabasan ng mga tao. Sabi ng Diyos: “Tinutukoy Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, o dami ng pagdurusa, lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). “Ang nais ng Diyos ay magawang perpekto ang bawat tao, sa kahuli-hulihan ay makamit Niya, ganap na malinis Niya, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Sinasabi Ko man na kayo ay paurong o may mahinang kakayahan, pawang totoo ang mga ito. Gayumpaman, ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong abandonahin kayo, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang naghahangad, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang maaabandona. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod dito; kung mahusay ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahusay na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod dito; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa katunayan na ikaw ay may pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod dito; kung sinasabi mong hindi mo magagawa ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, ito man ay pangangaral ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pag-aasikaso sa iba’t ibang mga pangkalahatang usapin, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan. Ang pagiging tapat, ang pagpapasakop hanggang sa pinakahuli, at ang paghahangad na magkaroon ng pinakadakilang pagmamahal para sa Diyos—ang mga ito ang kailangan mong isakatuparan, ang tatlong bagay lang na ito, at ang mga ito ang mga pinakamainam na pagsasagawa. Sa kahuli-hulihan, hinihingi sa mga tao na makamit ang tatlong bagay na ito, at ang mga nakakapagkamit ng mga ito ay gagawing perpekto. Ngunit, sa ibabaw ng lahat, dapat kang talagang maghangad, dapat kang aktibong magpatuloy nang pasulong at pataas, at huwag maging negatibo sa bagay na iyan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa kanyang edad, tagal sa pananampalataya, o kung gaano siya nagdusa, kundi sa kung taglay ba niya ang katotohanan. Inakala kong matanda na ako at wala nang silbi, kaya natakot akong itiwalag ng Diyos—ipinakita nito na hindi ko nauunawaan ang layunin ng Diyos sa pagliligtas ng mga tao o ang Kanyang hinihinging pamantayan para sa pagpasya ng mga kalalabasan ng mga tao. Ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos sa mga tao ay hindi batay sa kanilang edad o kakayahan, kundi sa kung hinahangad ba nila ang katotohanan. Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at tapat siya sa Diyos, at nagpapasakop siya sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi siya aabandonahin ng Diyos. Itinuring ko ang sambahayan ng Diyos na kapareho ng mundong walang pananampalataya. Sa lipunan, ang matatanda ay hindi pinapansin at binabalewala, at inakala kong gayundin sa sambahayan ng Diyos—na kapag matanda ka na, ayaw na sa iyo ng Diyos. Ito ay maling pagkaunawa sa Diyos at isang kalapastanganan sa Diyos. Ang mundo ay pinamumunuan ni Satanas, at ginagamit ng diyablong si Satanas ang mga tao para magtrabaho para dito. Kapag tumanda na ang mga tao at hindi na makapagtrabaho, itinatapon na sila. Pero sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may kapangyarihan. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong gawin ang kanilang tungkulin at hangarin ang katotohanan; sa paggawa ng kanilang tungkulin, nakikilala at nababago ng mga tao ang kanilang mga sarili, at naiwawaksi ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon. Naisip ko kung gaano na ako katanda, pero hindi inalis ng Diyos ang pagkakataon kong kumain at uminom ng Kanyang mga salita o hangarin ang katotohanan. Patuloy na nagpapahayag ang Diyos ng mga salita para diligan at tustusan tayo. Ginamit din Niya ang Kanyang mga salita para bigyang-liwanag at gabayan ako nang sumapit sa akin ang mga bagay, at ako ang hindi nakaunawa sa layunin ng Diyos. Inakala ko na dahil matanda na ako at malilimutin, hindi ako ililigtas ng Diyos. Pero ang totoo, hangga’t taos-pusong nananampalataya sa Diyos ang isang tao at handang hangarin ang katotohanan, kahit dumating ang araw na hindi na niya magawa ang tungkulin, hindi siya paaalisin o ititiwalag ng sambahayan ng Diyos. Maraming matatandang kapatid sa paligid ko na halos kasing-edad ko. Bagama’t hindi na sila makagawa ng maraming tungkulin ngayon, nagpapatuloy sila sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pamumuhay sa buhay iglesia, at hindi sila pinaalis ng iglesia. Samantalang may ilang kabataan na patuloy na gumagawa ng mga tungkulin, pero dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan at nananatiling malubha at hindi nagbabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon, sa huli ay gumagawa sila ng maraming kasamaan at pinaaalis sa iglesia. Mula rito, nakita ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga tao batay sa kung sila ay bata o matanda, kundi sa pagtingin sa kanilang mga puso at sa kung hinahangad ba nila ang katotohanan. Mula noon, may tungkulin man ako o wala, nagpasya akong taimtim na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, maranasan ang gawain ng Diyos, kilalanin ang aking mga pagkukulang at kakulangan, unawain ang aking tiwaling disposisyon, at hindi na muling magkamali ng pagkaunawa o magreklamo laban sa Diyos.
Sa isang pagtitipon, matapos malaman ng isang sister ang kalagayan ko, pinabasa niya sa akin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o napupunta sa aba. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o dahilan. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang mapunta sa aba ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o napupunta sa aba, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin alang-alang sa pagtanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gampanan ang tungkulin mo dahil sa takot na mapunta sa aba” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ang Lumikha, at ang tao ay isang nilikha; ganap na likas at may katwiran para sa tao na gawin ang kanyang tungkulin. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng tao, at wala itong kinalaman sa pagtanggap ng mga pagpapala o pagdanas ng kasawian. Sa pagdanas lamang ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos habang ginagawa ang tungkulin at pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon, matatanggap ng isang tao ang mga pagpapala ng Diyos. Pero naniwala ako na hangga’t ginagawa ko ang aking tungkulin, pagpapalain ako ng Diyos, at palagi kong iniisip na ang paggawa ng tungkulin ay nangangahulugang pagpapalain ako. Ito ay pawang mga kuru-kuro at imahinasyon ko lamang. Sa pagbabalik-tanaw, marami-rami na rin akong nagawang tungkulin, pero hindi ko hinangad ang katotohanan sa aking tungkulin at palaging kumikilos ayon sa gusto ko, at bihirang-bihira akong magdasal para hanapin ang mga layunin ng Diyos o ang katotohanan, kaya bilang resulta, hanggang sa puntong ito, halos hindi nagbago ang disposisyon ko. Gaano man karaming tungkulin ang gawin ko sa ganitong paraan, hindi ko pa rin makukuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Nasayang ko ang maraming taon sa hindi paghahangad sa katotohanan. Mula ngayon, kailangan kong hanapin ang mga layunin ng Diyos kapag may sumasapit sa akin, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at hangarin ang katotohanan para magtamo ng pagbabago sa disposisyon. Kahit na sa huli ay hindi ako maligtas, ito ay magiging dahil sa hindi nagbago ang disposisyon ko, at hindi dahil matanda na ako at ayaw na sa akin ng Diyos. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, nauunawaan ko na ang Iyong layunin. Handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos at hindi na muling magkakamali ng pagkaunawa o magrereklamo laban sa Iyo. Anuman ang tungkuling gawin ko, gusto ko itong gawin nang buong puso’t isipan para palugurin Ka.”
Kalaunan, nakahanap ang sister ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Nananampalataya ang lahat ng tao sa Diyos para makakuha ng mga pagpapala, gantimpala, at korona. Hindi ba’t bawat tao ay may ganitong intensiyon sa puso? Sa realidad, mayroon ang bawat tao. Isa itong katunayan. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang intensiyon at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala, ang pagnanais na ito, ang intensiyon at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay hindi kailanman natinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gawin, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitiwan ang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at palagi silang tahimik na nagpapakapagod at nagpapakaabala para magserbisyo rito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang intensiyong ito na magkamit ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagawin ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung ganap na aalisin ang intensiyong ito na magkamit ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, at ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin, at mawawalan ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Para bang naglaho ang kanilang kaluluwa, at magmumukhang kinuha ang kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang naunawaan nila ang ilang katotohanan at nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon sa kanilang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala, at natalikuran na nila ang intensiyong ito, at hindi na sila napamumunuan o nalilimitahan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi nila itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol ng kanilang sarili para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagawa ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayumpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kinalabasan nila, ano ang mga pagpapamalas nila? Nabubunyag ang totoong sitwasyon nila sa kabuuan nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Inilantad ng Diyos ang nakatagong intensyon sa loob ng mga tao na magkamit ng mga pagpapala. Nananampalataya ang mga tao sa Diyos hindi para palugurin Siya, kundi para magkamit ng mga pagpapala at pakinabang. Kahit na kaya nilang talikuran ang kanilang mga pamilya at karera para gawin ang isang tungkulin, ang lahat ng ito ay para lang subukang makipagtawaran sa Diyos. Sa pagbabalik-tanaw noong una kong natagpuan ang Diyos, naramdaman kong may pag-asa akong makapasok sa kaharian ng langit kaya masigasig kong ginugol ang aking sarili. Nagpasakop ako sa anumang tungkuling isinaayos ng iglesia para sa akin, at hindi ako nauubusan ng lakas araw-araw. Pero habang tumatanda ako at paunti na nang paunti ang mga tungkuling kaya kong gawin, nagsimula akong mag-alala na hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala, kaya naging negatibo ako. Huminto na rin ako sa pagtutok sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Hindi ko na hinanap ang mga layunin ng Diyos kapag may sumasapit sa akin, at ginugol ko ang mga araw ko sa paglulunoy sa pagkabalisa at pagkabahala. Nakita ko na sa lahat ng taon na ito, ginagawa ko ang aking tungkulin sa paghahangad ng mga pagpapala at pagpasok sa kaharian ng langit—hindi para palugurin ang Diyos. Ang pananampalataya ko sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan ay pagtatangka kong makipagtawaran at linlangin ang Diyos. Talagang kulang ako sa pagkatao! Sa pagninilay-nilay sa mga taon na ito, naunawaan ko ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking satanikong kalikasan. Naunawaan ko rin nang kaunti ang masisidhing layunin ng Diyos sa pagliligtas sa tao. Napakarami ko nang natanggap mula sa Diyos, pero sinusubukan ko pa ring makipagtawaran sa Kanya. Sa sandaling maramdaman kong hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala, nagiging negatibo ako at ayaw ko nang magsumikap. Talagang wala akong konsensiya o katwiran! Talagang makasarili at kasuklam-suklam ako! Tiningnan ko iyong mga kaedad ko na hindi nananampalataya sa Diyos—ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan, at kung hindi sila nagtsitsismisan, naglalaro sila ng baraha o mahjong. Wala silang ideya kung ano ang kahulugan ng buhay, at ang ginagawa lang nila araw-araw ay umupo lang at hintayin ang kamatayan. Sa mga taon ko ng pananampalataya sa Diyos, naunawaan ko kung ano ang isang makabuluhang buhay, at hindi ko na hinangad ang mga makamundong kalayawan kundi sa halip ay ginusto kong hangarin ang katotohanan, gawin nang maayos ang tungkulin ko, at palugurin ang Diyos. Natagpuan ko ang layon ng buhay. Naging kontento at panatag ako, at kahit mamatay ako sa puntong ito, naging sulit na ang buhay ko. Hindi ko na dapat subukang makipagtawaran pa sa Diyos, o maghangad para lang mapagpala.
Hindi nagtagal, lumapit ang sister para hilingin sa akin na pasimulan uli ang aking tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Masayang-masaya ako. Binigyan ako ng Diyos ng isa pang pagkakataong gumawa ng tungkulin, at gusto ko itong pahalagahan nang maayos. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na umantig sa akin. Sabi ng Diyos: “Bukod sa kakayahan nilang gawin nang maayos ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, marami pang magagawa ang matatanda. Maliban na lamang kung ikaw ay naging mapurol ang isip at ulyanin, at hindi nakauunawa sa katotohanan, at maliban na lamang kung hindi mo na kayang alagaan ang iyong sarili, marami kang dapat gawin. Katulad mismo ng mga kabataan, maaari mong hangarin ang katotohanan, maaari mong hanapin ang katotohanan, at dapat kang madalas na lumapit sa Diyos upang manalangin, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, sikaping tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang landas na dapat mong tahakin, at hindi ka dapat palaging mabagabag, mabalisa, o mag-alala dahil matanda ka na, dahil marami kang karamdaman, o dahil tumatanda na ang iyong katawan. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi ang tamang gawin—ito ay isang hindi makatwirang pagpapamalas. … Yamang ang matatanda ay may mga tiwaling disposisyon gaya lang din ng mga kabataan, at madalas silang nagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon sa buhay at sa paggawa ng kanilang mga tungkulin gaya lang din ng mga kabataan, bakit hindi ginagawa ng matatanda kung ano ang tama, at sa halip ay palagi silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang katandaan at sa mangyayari sa kanila pagkatapos mamatay? Bakit hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin gaya ng ginagawa ng mga kabataan? Bakit hindi nila hinahangad ang katotohanan gaya ng ginagawa ng mga kabataan? Ibinigay sa iyo ang pagkakataong ito, pero kung hindi mo ito susunggaban, kapag talagang matanda ka na nang husto na hindi ka na makarinig o makakita o hindi mo na maalagaan ang iyong sarili, pagsisisihan mo ito, at ang iyong buhay ay talagang lilipas nang ganito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (3)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi ako dapat maglunoy sa pagkabalisa o pagkabahala tungkol sa kung maliligtas ba ako, ni hindi ko dapat ipagpatuloy ang maling pagkaunawa at pagrereklamo laban sa Diyos gaya ng dati. Ang kailangan kong gawin ay hangarin ang katotohanan para malutas ang aking tiwaling disposisyon, at hindi ko dapat hintayin hanggang sa ako ay maging tunay na magulo ang isipan at hindi na makagalaw, dahil huli na para magsisi sa hindi paghahangad ng katotohanan sa panahong iyon. Gusto kong samantalahin ang huling yugtong ito ng panahon para hangarin ang katotohanan at magtamo ng pagbabago sa disposisyon. Sa pagbabalik-tanaw, palagi kong binabasa nang pahapyaw ang mga salita ng Diyos nang hindi lubusang nauunawaan ang mga ito, at hindi ko naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ngayong matanda na ako, wala na akong memorya ng isang kabataan, pero kaya kong basahin nang paulit-ulit ang mga salita ng Diyos at pagnilayan ang mga ito nang higit pa, at kapag may nangyayari, kaya kong hanapin ang mga layunin ng Diyos at humanap ng landas ng pagsasagawa sa Kanyang mga salita. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “… sikaping tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.” Dapat akong magsikap na maabot ang mga hinihingi ng Diyos at tumutok sa aking buhay pagpasok, at hindi ko maaaring patuloy na pabayaan ang aking wastong gawain. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa paggabay sa akin palabas sa pagkabalisa!
Pagkatapos, sa aking mga tungkulin man o pakikisalamuha sa pamilya, kapag may sumasapit sa akin, natutunan kong tanggapin ang mga ito mula sa Diyos, at hinanap ko ang mga layunin ng Diyos at nagsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Ang aking mapagmataas na disposisyon ay nagsimulang magbago nang paunti-unti, at sinabi ng anak kong lalaki na hindi na ako kasingdominante gaya ng dati. Tunay akong nagpapasalamat sa Diyos sa aking puso. Ang Diyos ang gumabay sa akin sa pagbabagong ito, at mula sa puntong ito, sa aking pang-araw-araw na buhay, naging handa akong isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos at magpatotoo sa Diyos upang luwalhatiin Siya.