17. Pagsisisi Matapos Mawalan ng Tungkulin
Ilang taon ko nang ginagampanan ang tungkulin ko bilang isang aktor. Noong Mayo 2022, hiniling sa akin ng mga lider na magsanay bilang isang direktor, at magtrabaho nang part-time sa pagsusuri ng mga video. Noong panahong iyon, kahit na may kaunting presyur sa akin, handa akong magsikap na bumuti at gawin ang lahat ng makakaya ko para magawa ito nang maayos. Araw-araw akong abala, at talagang naging makabuluhan iyon para sa akin.
Noong Agosto 2022, nagsimula kaming mag-film ng isang bagong pelikula, at hiniling ng mga direktor na mag-audition kami ni Sister Judith para sa pangunahing papel, pero hindi iyon gaanong bukal sa aking kalooban. Pakiramdam ko, sa dalawang tungkulin pa lang ay abala na ako, at kung makapasa ako sa audition at maging bida, siguradong matatabunan na ako sa tatlong tungkulin. Kalaunan, si Judith ang napili bilang bida, at ako ang napili para sa ikatlong papel. Hindi naman ako nadismaya na hindi ako ang naging bida; sa katunayan, lihim pa nga akong natuwa, dahil ang pangatlong karakter na ito ay kakaunti lang ang linya at hindi gaanong mahalaga ang papel, kaya magiging medyo mas madali ito, at masaya kong tinanggap ang papel na ito. Kalaunan, nakita ng mga direktor na mukhang malumbay si Judith, at hindi ito masyadong akma sa positibo at matatag na personalidad ng bida, kaya iminungkahi nilang mag-audition ulit ako para sa pangunahing papel. Nang marinig ko ang balitang ito, ang unang pumasok sa isip ko ay: “Sa tatlong tungkulin ko pa lang ngayon, sobrang abala na ako; kung gagawin pa nila akong bida, hindi ba’t mas magiging abala pa ako? Isa pa, may ilang eksenang iiyak ang bida, kaya magiging napakahirap ng pag-arte. Para magampanan ito nang maayos, mangangailangan ito ng maraming lakas.” Matapos pag-isipan nang husto, sinabi ko sa mga direktor, “Talagang panatag ang bida, pero medyo bata pa ako, hindi gaanong mahinahon, at hindi angkop para sa papel na ito. Malaki na ang naibuhos na pagsisikap ni Judith para sa papel na ito, at mas angkop din ang kanyang edad at temperamento. Ang mga ekspresyon niya lang ang hindi masyadong tumpak, at sa kaunting tulong pa ay gagaling din iyon, kaya pakiramdam ko ay hindi ko na kailangang mag-audition uli.” Kalaunan, pagkatapos ng ilang usapan, naramdaman ng lahat na talagang mas bagay nga ang temperamento ni Judith sa temperamento ng bida, at na kailangan pa niya ng dagdag na tulong. Bagama’t natapos na ang usaping iyon, alam ko sa puso ko na ayaw kong maging bida dahil natatakot akong magdusa. Medyo nakonsensiya ako, pero hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ito.
Pagkatapos niyon, laging puno ang iskedyul ko araw-araw, at medyo mabigat ito sa kalooban ko. Minsan, nagpupulong ang mga direktor sa gabi para pag-usapan ang mga isyu sa pelikula, at napipilitan lang ako at mabigat ang loob ko, iniisip ko, “Sana matapos na agad ang usapan! Kapag tapos na kayo, puwede na kayong magpahinga, pero kailangan ko pang suriin ang mga video. Kailan kaya mababawasan ang mga video na kailangang suriin?” Minsan, para mas mabilis na matapos ang mga gampaning ito, kapag nagsusuri ng mga video, pinapabilis ko ang panonood para mas maaga akong matapos at makatulog. Ang tungkulin ng isang direktor ay nangangailangan ng pag-iisip tungkol sa mga bagay tulad ng mga kuha at paraan ng paglalahad, at pakiramdam ko ay nangangailangan ng sobrang lakas ang mga bagay na ito, kaya ayaw kong magsikap. Kapag nahihirapan ang bida sa kanyang pag-arte, ang ibang mga direktor ay tutulungan siyang gampanan nang maayos ang papel, pero ako naman ay gusto lang magpakatamad at hindi pinag-iisipan ang papel. Nagsasabi lang ako sa sister ng kaunting karanasang naipon ko, na hindi talaga tumupad sa papel ng isang direktor. Tungkol naman sa ikatlong papel na ginagampanan ko, ginamit kong dahilan ang pagiging abala at hindi ako nagsikap na pag-isipan ang papel, na nagresulta sa isang napakahinang pagganap.
Isang araw, nakipagbahaginan sa akin ang isang sister, sinasabing sa mga tungkulin ko, ayaw kong magbayad ng halaga, nagpapasasa ako sa pisikal na kaginhawahan, at gumagamit ako ng munting katusuhan at sinusubukan kong magpakatamad. Alam kong talagang mga problema ko ang tinutukoy niya, pero hindi ko napagtanto kung gaano kalubha ang problema. Naisip ko, “Ano’t anuman, hindi ko naman kaya ang ganito karaming tungkulin, at dahil wala naman akong naitutulong bilang direktor, sa malao’t madali ay tatanggalin din ako, at kung tanggalin man ako, hahayaan ko na iyon. Ang mabawasan ng isang tungkulin ay mangangahulugan ng mas kaunting pagdurusa ng katawan, at na magkakaroon ako ng mas maraming oras para maglibang. Ayos din naman gumawa ng tungkuling iisa lang ang gampanin.” Dahil hindi nagbago ang aking kaisipan, lalo pa akong naging pasibo sa mga tungkulin ko. Sa panahon ng filming, maraming naging problema, kaya napakabagal ng pag-usad, pero nakatuon lang ako sa pagbabawas ng mga tungkulin ko kaya wala akong pakialam sa mga isyung ito. Kalaunan, dahil hindi ako nakaramdam ng pasanin sa mga tungkulin ko, pinahinto na ako ng mga lider sa pagiging direktor, at sa halip ay pinagtuon na lang ako nang buo sa papel na ginagampanan ko. Bagama’t nabawasan ang mga tungkulin ko, wala pa rin akong anumang motibasyon, at marami pa ring problema sa pag-arte ko. Sa huli, dahil sa mga problema sa filming, at dahil hindi pasok sa pamantayan ang pag-arte naming mga pangunahing aktor, nabigo ang filming. Dahil sa ilang espesyal na dahilan, hindi na ako puwedeng magpatuloy bilang aktor, at hindi na rin ako puwedeng magsuri ng mga video. Ang sunud-sunod na pagkawala ng aking mga tungkulin ay hindi pa rin gumising sa manhid kong puso, at hindi ko pa rin napagnilayan nang maayos ang aking sarili. Sa halip, pakiramdam ko ay may mga obhetibong dahilan kung bakit nawala ang mga tungkulin ko. Kalaunan, itinalaga ako ng iglesia na maging responsable para sa gawain ng ebanghelyo, at gusto kong pahalagahan ang tungkuling ito, pero makalipas ang ilang panahon, bumalik na naman ako sa dati kong mga gawi. Sa pagharap sa mga paghihirap na nararanasan ng mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo, sa mga isyu sa pagtutulungan ng mga manggagawa ng ebanghelyo, sa mga problema tungkol sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, at iba pa, pakiramdam ko ay palaging may walang katapusan na gawain, at nagsimula na naman akong magpakatamad. Sa tuwing magpapatupad ako ng gawain, ipinapasa ko lang ang mga tagubilin. Araw-araw, iniisip ko lang na matapos agad ang mga gampaning ibinigay ng mga lider para mas maaga akong makapagpahinga, at kapag pagod ako, napapaisip ako, “Mayroon kayang mas magaan na tungkulin na puwede kong gawin? Palaging napakaabala ng trabahong ito. Kailan kaya ako makakapagpahinga? Kailan kaya matatapos ang pagod na ito?” Hindi ko inaasahan na ang mga “hiling” na ito ay agad na matutupad.
Noong Hunyo 9, 2023, dahil sa ilang partikular na pangyayari sa lugar ko, ibinukod ako at hindi ko na makontak ang iglesia o ang mga kapatid, at napilitan akong itigil ang aking mga tungkulin. Napakabiglaan ng sitwasyong ito, at matagal bago ako nakabawi sa pagkabigla. Bigla, mula sa pagiging abala ay wala na akong ginagawa, at natuliro ako, hindi ko alam kung ano ang gagawin. Kahit anong isip ang gawin ko, hindi ko talaga maintindihan: Ngayon, napakaabala ng gawain ng ebanghelyo, at lahat ng gumagawa ng kanilang mga tungkulin ay may napakaraming gampanin. Bakit bigla na lang huminto ang mga tungkulin ko? Bigla kong naalala ang mga salita ng Diyos: “Kung ikaw ay tuso at tamad, kung hindi mo inaasikaso nang wasto ang iyong tungkulin, at palagi kang tumatahak sa maling landas, hindi gagawa ang Diyos sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, ‘Hindi ka magagamit. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at batugan, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at pagpapakasasa sa kaginhawahan, hindi ba? Kung gayon, magpakasasa ka sa kaginhawahan magpakailanman!’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang masasabi ninyo: Ito ba ay kawalan o pakinabang? (Isang kawalan.) Ito ay isang napakalaking kawalan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Agad akong ginising ng paghatol ng mga salita ng Diyos. Hindi ba’t palagi kong gustong magpahinga? Hindi ba’t palagi akong umaayaw sa hirap, natatakot mapagod, at nagpapakatamad, at inaalala ko lang ang aking laman? Heto na, ngayon ay ganap na akong nakapagpapahinga, ni isang tungkulin ay wala na akong magawa! Naging blanko ang isip ko, at paulit-ulit sa isip ko ang mga salita ng Diyos: “Kung gayon, magpakasasa ka sa kaginhawahan magpakailanman!” Mayroong di-maipaliwanag na pakiramdam sa puso ko. Pakiramdam ko lang ay hungkag ako. Sa pagbabalik-tanaw sa kung paano ko ginawa ang mga tungkulin ko noon, napuno ako ng matinding pagsisisi, at ginugol ko ang mga araw ko na lubog sa pagkakonsensiya at paninisi sa sarili: Bakit hindi ko pinahalagahan nang maayos ang mga tungkulin ko? Bakit ko ginawa nang pabasta-basta lang ang mga ito?
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting kaalaman sa kalikasan at mga kahihinatnan ng pagiging pabasta-basta. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Mahigpit na ipinagbabawal ang pagiging pabasta-basta kapag ginagampanan ang tungkulin mo. Kung palagi kang pabasta-basta habang ginagawa ang iyong tungkulin, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gusto mong gampanan ang tungkulin mo nang may debosyon, dapat mo munang ayusin ang problema mo ng pagiging pabasta-basta. Dapat kang gumawa ng mga hakbang para itama ang sitwasyon sa sandaling mapansin mo ang mga pagpapamalas nito. Kung magulo ang isip mo, hindi kailanman nakakapansin sa mga problema, palaging iniraraos lang ang gawain, at pabasta-basta lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, imposibleng magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kaya, dapat isapuso mo ang tungkulin mo. Ang pagkakataon para sa mga tao na gampanan ang kanilang tungkulin ay mahirap dumating! Kapag binibigyan sila ng Diyos ng ganitong pagkakataon, ngunit hindi nila ito sinusunggaban, nawawala ang pagkakataong iyon—at kahit na sa kalaunan, naisin nilang makahanap ng ganoong pagkakataon, maaaring hindi na iyon muling dumating. Ang gawain ng Diyos ay hindi naghihintay sa sinuman, at hindi rin naghihintay sa sinuman ang mga pagkakataon para gampanan ang tungkulin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, ‘Hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko dati, ngunit ngayon ay nais ko pa rin itong gampanan. Babangon lang akong muli.’ Kahanga-hangang magkaroon ng ganitong kapasyahan, pero dapat maging malinaw sa iyo kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin: Dapat kang magsikap tungo sa katotohanan. Tanging ang mga nakakaunawa sa katotohanan ang makagagampan nang maayos sa kanilang tungkulin. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, ni hindi magiging pasok sa pamantayan ang kanyang pagtatrabaho. Kapag mas malinaw sa iyo ang katotohanan, mas nagiging epektibo ka sa iyong tungkulin. Kung nakikita mo ang totoong sitwasyon sa usaping ito, kung gayon, pagsusumikapan mo ang katotohanan, at magkakaroon ka ng pag-asang magampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumampan sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon mo dapat ibigay ang tunay na pagsisikap; doon mo kailangang ialay ang iyong sarili at igugol ang sarili mo para sa Diyos at kung kailan kailangan mong magbayad ng halaga. Huwag kang mag-iwan ng anumang bagay, magkimkim ng anumang mga pakana, magbigay ng anumang palugit, o maghanda ng malulusutan. Kung ikaw ay nagiging maluwag, nanlalansi, o tuso at nagpapakatamad, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, ‘Walang nakakita na nagiging tuso ako at nagpapakatamad. Ang galing!’ Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa ilang panahon ang iyong katiwalian at kapangitan; sadyang maaaring hindi nila iyon sasabihin nang tahasan: Magkakaroon sila ng pagtatasa sa iyo sa kanilang puso. Marami nang taong nabunyag at naitiwalag dahil nakilatis ng karamihan sa mga tao ang diwa ng mga ito, at inilantad nila ang tunay na pagkatao ng mga taong ito at pinaalis ang mga ito sa iglesia. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat silang magabayan ng kanilang konsensiya at gumawa ng ilang tunay na bagay. Maaaring mayroon kang mga pagkukulang, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka ititiwalag. Kung palagi mong iniisip na ayos ka lang, na tiyak na hindi ka matitiwalag, kung hindi ka kailanman nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo pa rin ang iyong mga wastong gampanin at palagi kang pabasta-basta, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at ititiwalag ka. Pagkatapos, magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi, dahil nakilatis ka na ng lahat, at nawalan ka na ng lahat ng iyong dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, magtitiwala ba sa iyo ang Diyos? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao: Tiyak na hindi Siya magtitiwala sa gayong tao. … dapat palaging suriin ng mga tao ang kanilang sarili kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin: ‘Nagampanan ko ba ang tungkuling ito nang pasok sa pamantayan? Isinapuso ko ba ito? Nasa pabasta-bastang kalagayan ba ako?’ Kung palagi kang pabasta-basta, nasa panganib ka. Sa pinakamababa, nangangahulugan ito na wala kang kredibilidad, at hindi ka mapagkakatiwalaan ng mga tao. Ang mas malala pa, kung palagi kang pabasta-basta kapag ginagawa ang iyong tungkulin, at kung palagi mong nililinlang ang Diyos, nasa malaking panganib ka! Ano ang mga kahihinatnan ng lantarang pakikibahagi sa panlilinlang? Nakikita ng lahat na sadya kang gumagawa ng mali. Namumuhay ka nang ganap na ayon sa sarili mong mga tiwaling disposisyon, at ikaw ay walang iba kundi pabasta-basta sa iyong tungkulin, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti— ang ibig sabihin nito ay wala kang pagkatao! Kung namamalas ito sa iyo sa lahat ng oras—hindi ka gumagawa ng anumang malalaking pagkakamali pero walang tigil sa maliliit, at hindi nagsisisi mula sa simula hanggang sa huli, kung gayon ay isa kang masamang tao, isang hindi mananampalataya, at dapat na paalisin—ito ay isang malubhang kahihinatnan. Ganap kang mabubunyag at maititiwalag bilang isang hindi mananampalataya at masamang tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin). Maraming beses ko nang nabasa noon ang siping ito ng mga salita ng Diyos, pero hindi ko pa kailanman naramdaman na ganito katindi ang pagtagos nito sa puso ko gaya ngayon. Sa pagiging pabasta-basta sa aking mga tungkulin, sa paggamit ng mga panlilinlang, naiisahan ko ang mga tao, pero hindi ko kayang linlangin ang Diyos, at kung magpapatuloy ako nang hindi nagsisisi, matitiwalag ako. Binalikan ko ang mga sandaling paggawa ko ng aking mga tungkulin: Nang dumami ang mga tungkulin ko, na nangangailangan ng mas maraming oras at lakas, nagsimula akong magreklamo, pakiramdam ko ay wala akong oras para mag-relax at hindi ako makapagpahinga sa tamang oras, at napipilitan lang ako at mabigat ang loob ko, palaging umaasa na makapagpahinga. Kapag nagsusuri ng mga video, pabasta-basta ang panonood ko para mas maaga akong makapagpahinga. Bagama’t hindi ito nagdulot ng anumang kawalan, nagpakatamad ako at naging pabasta-basta sa aking mga tungkulin, at nakita ng Diyos ang lahat ng ito. Talagang hindi ako taong totoo at hindi ako mapagkakatiwalaan! Binigyan ako ng iglesia ng pagkakataong magsanay bilang direktor, pero hindi ko ito pinahalagahan. Hindi ako nagsikap na pag-isipan ang script o ang mga kuha, at nagreklamo lang na nakakapagod ito sa isip. Kapag tinutulungan ang mga aktor sa kanilang mga papel, tuso ako at nagpapakatamad, umaasa sa kaunti kong karanasan sa pag-arte noon para gabayan sila, pero wala naman itong talagang naitulong. Isa lang talaga akong palamuti, may posisyon pero walang ginagawang mahalaga. Sa tungkulin ko bilang aktor, alam kong nangangailangan ng lakas ang pangunahing papel, kaya tinanggihan ko ang pagkakataong mag-audition. Hindi na natin pag-uusapan kung mapipili ba ako o hindi, pero noong kailangan ako para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ako aktibong lumapit para makipagtulungan. Sa halip, ang una kong inisip ay kung magiging maginhawa ba ang aking laman, at sa sandaling makita kong hindi ito makabubuti sa aking laman, ayaw ko nang mag-audition, at gumamit ako ng panlilinlang para magdahilan at umiwas sa mga responsabilidad. Napakamakasarili ko! Kahit noong ginampanan ko na ang ikatlong papel, naging pabaya pa rin ako rito. Hindi ako naghanda nang sapat, at napakalayo sa maganda ang naging resulta ng mga kuha. Ang totoo, noong panahong iyon, bagama’t tatlong uri ng tungkulin ang ginagawa ko, kung pinamahalaan ko lang nang maayos ang oras ko at ginawa ang mga tungkulin ko sa matatag na paraan, hindi sana ako nabigo na gawin nang maayos ang alinman sa mga ito. Gaano man kaabala ang mga tungkulin ko, mangangailangan lang naman iyon na gumawa ako nang kalahating oras o isang oras na higit pa kaysa sa iba. Pero ayaw kong magbayad ng kahit maliit na halagang iyon, at palagi kong inaayawan ang hirap at kinatatakutan ang pagod, at kahit na sunud-sunod na nawala ang mga tungkulin ko, hindi pa rin ako nagsisi. Sa huli, noong naging responsable ako para sa gawain ng ebanghelyo, lagi akong bumabalik sa dati kong masasamang gawi. Alang-alang sa kaginhawahan ng aking laman, palagi akong nagpapakatamad, at naging pabasta-basta ako hangga’t maaari. Matagal ko nang sinayang ang aking integridad at dignidad. Hindi ako mapagkakatiwalaan at lubos akong hindi karapat-dapat gumawa ng aking mga tungkulin. Matagal na akong itinaboy ng Diyos.
Sa pagninilay sa kung paano ko ginawa ang aking mga tungkulin, labis akong nakonsensiya sa aking puso, at umiyak ako habang nagdarasal sa Diyos, “O Diyos, nakikita ko na hindi ko nagawa ang aking mga tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Lahat ng ito ay dahil sa aking mga pabayang gawi at sa aking pagpapasasa sa pisikal na kaginhawahan. Ngayon, ang biglaang paghinto ng aking mga tungkulin ay ang Iyong pagkastigo at pagdidisiplina sa akin. O Diyos, gusto kong magsisi. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako na magnilay at maunawaan ang aking sarili.” Kalaunan, sinadya kong hanapin ang katotohanan hinggil sa mga problema ko, at nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Para ibuod ito sa dalawang salita, sila ay walang silbi; para silang may kapansanan. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; kahit na may mahusay silang kakayahan, wala itong silbi. Masyado silang tamad—alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila ito ginagawa, at kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, at bagama’t alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ayaw nilang tiisin ang mga makabuluhang paghihirap na ito—kaya, hindi sila makapagkamit ng anumang katotohanan, at hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila nais na magtiis ng mga paghihirap na dapat tiisin ng mga tao; ang alam lamang nila ay magpakasasa sa kaginhawahan, magtamasa ng mga panahon ng kagalakan at paglilibang, at magtamasa ng malaya at maluwag na buhay. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Iyong mga palaging nagnanais na mamuhay ng buhay ng isang parasito ay mga taong walang konsensiya o katwiran; sila ay mga hayop, at ang gayong mga tao ay hindi angkop kahit na gumampan ng trabaho. Dahil hindi nila kayang tiisin ang paghihirap, kahit na kapag gumagampan nga sila ng trabaho, hindi nila ito magawa nang maayos, at kung nais nilang makamit ang katotohanan, mas lalong wala silang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang walang silbing tao; ni hindi siya kalipikadong gumampan ng trabaho. Isa siyang hayop, na wala ni katiting na pagkatao. Dapat itiwalag ang gayong mga tao; ito lang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). “Mula sa simula, sinabi ng Diyos, ‘Ang ninanais Ko ay ang kahusayan ng mga tao, sa halip na malaking bilang nila.’ Ito ang hinihinging pamantayan ng Diyos sa Kanyang hinirang na mga tao, pati na ang hinihingi at prinsipyo tungkol sa bilang ng mga tao sa iglesia. ‘Ang ninanais Ko ay ang kahusayan ng mga tao’—dito, ang ‘kahusayan’ ba ay tumutukoy sa mabubuting sundalo ng kaharian o sa mga mananagumpay? Hindi tumpak ang alinman sa mga ito. Sa tumpak na pananalita, ang ‘kahusayan’ ay tumutukoy sa mga nagtataglay ng normal na pagkatao, sa mga tunay na tao. Sa sambahayan ng Diyos, kung kaya mong gumawa ng mga tungkulin na dapat gawin ng isang tao, kung maaari kang gamitin bilang isang tao, at kung kaya mong tuparin ang mga responsabilidad, tungkulin, at obligasyon ng isang tao nang hindi ka hinihila, kinakaladkad, o itinutulak ng iba, at hindi ka walang silbing basura, hindi isang palamunin, hindi isang batugan—kaya mong pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon ng isang tao at pasanin ang misyon ng isang tao—ito lang ang pagiging pasok sa pamantayan bilang isang tao! Ang mga batugan ba at ang mga hindi nag-aasikaso sa mga wastong gampanin ay kayang pasanin ang misyon ng isang tao? (Hindi.) Ang ilang tao ay ayaw magpasan ng responsabilidad; ang ilan ay hindi ito kayang pasanin—sila ay mga walang kuwentang basura. Ang mga hindi kayang magpasan ng mga responsabilidad ng isang tao ay hindi matatawag na tao. … Ang mga hindi kayang pasanin ang sarili nilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay mga hindi normal na tao, at ayaw sa kanila ng Diyos. Ikaw man ay isang lider o manggagawa, o gumagawa ng partikular na gawain na kinasasangkutan ng mga propesyonal na kasanayan, dapat magawa mong pasanin ang gawaing responsabilidad mo. Bukod sa kakayahang pamahalaan ang sarili mong buhay at pananatiling buhay, ang iyong pag-iral ay hindi lang tungkol sa paghinga, tungkol sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, kundi tungkol sa kakayahang magpasan ng misyon na ibinigay ng Diyos sa iyo. Ang gayong mga tao lang ang karapat-dapat na tawaging mga nilikha at karapat-dapat na tawaging tao. Ang mga nasa sambahayan ng Diyos na palaging gustong maging palamunin at palaging sinusubukang manlinlang, umaasang magagawa nilang patusong maabot ang wakas at magkamit ng mga pagpapala, ay hindi kayang magpasan ng anumang gawain o ng anumang responsabilidad, lalo na ng anumang misyon. Ang gayong mga tao ay dapat na matiwalag, at hindi ito sayang. Ito ay dahil ang natitiwalag ay hindi isang tao—hindi sila kalipikado na matawag na tao. Maaari mo silang tawaging mga taong walang silbi, mga batugan, o mga tambay; ano’t anuman, hindi sila karapat-dapat na matawag na tao. Kapag itinatalaga mo sila sa isang gawain, hindi nila ito kayang tapusin nang sila lang; at kapag itinatalaga mo sila sa isang gampanin, hindi nila kayang pasanin ang responsabilidad nila o tuparin ang obligasyon na dapat nilang tuparin—katapusan na ng gayong mga tao. Hindi sila karapat-dapat na mabuhay; nararapat silang mamatay. Ang hindi pagbawi ng Diyos sa buhay nila ay biyaya na Niya, ito ay isang katangi-tanging pabor” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (5)). Isinisiwalat ng Diyos na ang pinakamalaking katangian ng mga tamad at walang ginagawa ay hindi nila inaasikaso ang kanilang wastong gawain. Para ibuod sa isang parirala, “iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay.” Ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pag-iisip lamang tungkol sa pagkain, pag-inom, pagsasaya, at pagtatamasa ng pisikal na kaginhawahan, at hindi sa mga wastong bagay. Hangga’t maaari, ang mga taong ito ay pabasta-bastang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, nagpapahinga, at umiiwas sa mga responsabilidad. Nabibigo silang gawin nang maayos ang anumang tungkulin, at ayaw nila o hindi nila kayang pasanin ang anumang gawain. Gusto lang nila ng paglilibang at kaginhawahan, at sa huli, umaasa pa rin sila ng mga pagpapala. Ang ganitong mga tao ay hindi karapat-dapat na tawaging tao, sila ay walang silbi, at kinasusuklaman ng Diyos ang ganitong mga tao. Nang pagnilayan ko ang aking pag-uugali, nakita kong katulad lang ako ng mga taong ito. Hindi ko ginagawa ang gawaing kaya kong gawin, at iniiwasan ko ang mga responsabilidad at pasanin na dapat ay inako ko. Hinahangad ko lang palagi ang pisikal na kaginhawahan, at takot ako sa hirap at pagod. Ang hiling ko araw-araw ay ang matapos agad ang aking gawain at makapagpahinga nang maaga. Gusto ko lang maging parang isang baboy, kumakain, umiinom, at natutulog lang nang mahimbing. Ipinagkatiwala sa akin ng iglesia ang mahalagang tungkulin ng pagsusuri ng mga video, pero para makatulog nang mas maaga, pinapabilis ko ang mga video kapag sinusuri ang mga ito. Kung dahil sa aking pagiging iresponsable ay mahayaan kong ma-upload ang isang video na hindi pasok sa pamantayan, hindi lang ito mabibigong magpatotoo para sa Diyos, kundi sisirain pa nito ang dangal ng Diyos, at ito ay isang kahihinatnan na hindi ko kayang pasanin. Higit pa rito, ang direktor ang lider ng gawaing pampelikula, at ang makapagsanay sa paggawa ng gayon kahalagang tungkulin ay pagtataas ng Diyos, pero naging iresponsable ako, tuso, at nagpakatamad. Bilang parehong direktor at aktor, mayroon akong hindi maikakailang responsabilidad sa pagkaantala ng pelikula nang napakatagal na panahon at sa palpak na pagkaka-film nito. Dito, malubha akong sumasalangsang sa aking tungkulin! Nilinang ako ng iglesia bilang isang aktor sa loob ng maraming taon, pero nang makita kong hindi makahanap ng isang angkop na bidang aktor para sa bagong pelikula, nanatili akong walang pakialam, hindi nababalisa o nag-aalala, at tumanggi pa nga akong mag-audition para sa pangunahing papel alang-alang sa aking pisikal na kaginhawahan. Wala akong ipinakitang anumang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at nabigo akong protektahan ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Wala talaga akong pagkatao! Sa pag-isa-isa sa aking iba’t ibang mga kilos, at sa pinsalang idinulot ko sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pakiramdam ko ay katulad lang ako ng inilarawan ng Diyos nang sabihin Niyang: “Hindi sila karapat-dapat na mabuhay; nararapat silang mamatay. Ang hindi pagbawi ng Diyos sa buhay nila ay biyaya na Niya, ito ay isang katangi-tanging pabor.” Paulit-ulit akong binigyan ng sambahayan ng Diyos ng mga pagkakataong gawin ang aking mga tungkulin, na nagbigay-daan sa akin na makamit ang katotohanan at mas umusad sa pamamagitan ng paggawa ng mga tungkulin kong ito. Pero palagi akong pabasta-basta at basta makaraos lang. Ako ay ganap na walang silbi. Wala akong konsensiya at katwiran! Wala akong natupad sa alinman sa mga tungkuling ipinagkatiwala sa akin. Isa lang akong walang kuwentang tao. Walang halaga ang buhay ko, at hindi magiging kawalan kahit pa mamatay ako. Ngayon, ang pagbibigay sa akin ng Diyos ng pagkakataong magnilay ay biyaya na Niya para sa akin.
Kalaunan, pinagnilayan ko kung ano ang nagsanhi sa akin na palaging kumilos nang pabasta-basta. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bago danasin ng mga tao ang gawain ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit gusto mo ang mga di-matuwid na bagay na iyon at ang masasamang bagay na iyon? Ano ang batayan ng pagkagusto mo sa ganoong mga bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit mo gusto at tinatanggap ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na: Ang pangunahing dahilan ay dahil nasa kalooban ng tao ang mga lason ni Satanas. Kaya, ano ang mga lason ni Satanas? Paano maipapahayag ang mga ito? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang lahat ng tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang parirala lang na ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ang totoo ay ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay silang lahat para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito ang ganap na naging pundasyon para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa lason na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa tuwing dumarating sa akin ang mga tungkulin ko, palagi kong inaayawan ang hirap at kinatatakutan ang pagod, at hindi ko kayang tunay na gugulin ang aking sarili para sa Diyos—hindi lang ito dahil sa matindi kong katamaran, kundi dahil din sa mga lason ni Satanas na naghahari sa loob ko, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,” “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala,” “Mamuhay sa kasalukuyan at matutong maging mabait sa iyong sarili,” at “Ang pisikal na kasiyahan ay kaligayahan.” Namuhay ako ayon sa mga ideya at pananaw na ito, na lalong nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ayaw kong magdusa o magbayad ng halaga para sa anumang bagay, at inuna ko ang pisikal na kaginhawahan higit sa lahat. Katulad lang noong bata pa ako at nakikita ko ang ilang kaklase ko na pumapasok sa middle school—gumigising sila bago pa man sumikat ang araw para pumasok sa eskuwela, at pagkatapos ng klase, mayroon silang lahat ng uri ng takdang-aralin na kailangang gawin—naramdaman kong masyadong nakakapagod ang ganoong pamumuhay, at saka, kahit magdusa pa sila nang husto, baka hindi pa rin sila makapasok sa kolehiyo. Gusto ko lang magpakasaya sa kasalukuyan at mamuhay nang komportable, at naramdaman kong sapat na iyon. Kaya huminto ako sa pag-aaral pagkatapos ng elementarya. Pagkatapos mag-asawa, ayaw ko ring mag-alala sa lahat ng bagay sa bahay, malaki man o maliit, at ang asawa ko ang nag-aasikaso sa mga ito. Sinabi ng pamilya ko na mapalad ako, na namumuhay nang walang inaalala, at naisip ko na ganito dapat mamuhay ang isang tao, at ang mamuhay nang walang mga alalahanin o pagod, na nagpapalipas ng mga araw nang malaya at maginhawa, ay ang pinakamasayang buhay na maaaring maranasan. Nakita ko na ang mga lason na ito ni Satanas ay matagal nang naging kalikasan ko at pamantayan kung paano ako kumikilos at umaasal. Ang pamumuhay ayon sa mga bagay na ito ay lalo lang akong ginawang magpasasa sa laman, mamuhay sa isang napakababang paraan. Pagdating sa sambahayan ng Diyos para gawin ang aking mga tungkulin, inuna ko pa rin ang aking mga pisikal na interes, handa lang akong magbayad ng kaunting halaga sa aking mga tungkulin hangga’t hindi naaapektuhan ang aking pisikal na kaginhawahan, pero sa sandaling maapektuhan ang aking mga pisikal na interes, pinipiga ko ang aking utak para makaisip ng paraan para makatakas, at nagiging pabasta-basta ako sa aking mga tungkulin. Tulad ng sinasabi sa isang himno: “Ginugugol ang mga buhay para sa mga bagay ng laman, Walang ibinigay sa katotohanan” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Isang Panaghoy para sa Isang Malungkot at Kalunos-lunos na Mundo). Kahit na nakonsensiya ako pagkatapos kong gawin ang mga bagay nang pabasta-basta, at malinaw kong nalalaman kung paano magkamit ng magagandang resulta, ayaw ko pa ring magtiis ng pagdurusa o magbayad ng halaga. Palagi kong nararamdaman na malulugi ako sa pagsisikap na iyon, kaya palagi akong naghangad ng kaginhawahan, na humantong sa kawalan ng mga resulta sa aking mga tungkulin. Sa panahon ko bilang direktor at aktor, nagdulot ako ng napakalalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pero wala akong naramdaman tungkol dito, hindi ako nakaramdam ng anumang pagkabagabag, at inisip ko pa nga na may mga obhetibong dahilan para dito. Sa pag-iisip tungkol dito, medyo natakot ako. Ginawa akong makasarili at ubod ng sama ng mga satanikong lasong ito. Bagama’t nagtatamasa ng kaginhawahan ang aking laman, ganap nang nawala ang aking dignidad at integridad bilang isang tao, at ngayon, ni wala na akong pagkakataon na gawin ang aking mga tungkulin. Ang mga pagsisising ito mula sa aking mga dating tungkulin ay naging isang mantsa na ngayon sa aking pananalig sa Diyos. Naisip ko kung paanong ang Diyos, upang iligtas ang sangkatauhan, ay nagkatawang-tao at bumaba sa lupa, personal na dinaranas ang pagdurusa ng tao, at kung paanong nagpahayag Siya ng lahat ng uri ng katotohanan upang tustusan, gabayan, hatulan, at dalisayin ang mga tao. Labis na ginugol ng Diyos ang dugo ng Kanyang puso para sa sangkatauhan, pero ayaw kong gawin kahit ang tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha. Sa anong paraan ako nagkaroon ng anumang konsensiya o katwiran? Talagang hindi ako karapat-dapat na maging isang tagasunod ng Diyos!
Sa panahon ng aking pag-iisa, hindi ko makontak ang iglesia. Nakakapanood lang ako sa YouTube ng mga video na ginawa ng mga kapatid. Nakita ko na dumarami ang bilang ng mga pelikula, mga patotoong batay sa karanasan sa buhay, mga himno, at mga video ng sayaw mula sa sambahayan ng Diyos, at may mga bagong video na ina-upload araw-araw. Naramdaman ko na ang mga kapatid na ito ay may gawain ng Banal na Espiritu, at mga pagpapala at gabay ng Diyos, at labis akong nainggit. Na-miss ko ang mga araw na ginagawa ko ang aking mga tungkulin kasama ang aking mga kapatid. Naisip ko kung paanong isa ako sa kanila noon, pero dahil hindi ko pinahalagahan ang aking mga tungkulin, at paulit-ulit kong ginawa nang pabasta-basta ang mga ito, nawala sa akin ang pagkakataong gawin ang aking mga tungkulin. Napakabigat ng pakiramdam ko. Ang mga pagsisisi at pagsalangsang ko ay parang mga tinik na tumutusok sa puso ko, at labis akong pinahihirapan ng mga ito. Sa oras na ito, tunay kong napagtanto na ang tunay na kaligayahan ay hindi tungkol sa kung gaano karaming pisikal na kaginhawahan ang ating tinatamasa, kundi tungkol sa kung gaano karaming mabubuting gawa ang ating inihahanda, at kung gaano karaming bagay ang ating ginagawa para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, wala akong nagawang kahit isang bagay para palugurin ang Diyos, at sa tuwing naiisip ko ito, napupuno ako ng pagsisisi at pagkaramdam ng pagkakautang. Noong panahong iyon, nakinig ako sa isang himno ng mga salita ng Diyos, na pinamagatang “Maisasabuhay Mo Lang ang Halaga ng Buhay ng Tao Sa Pamamagitan ng Pagsasakatuparan ng Iyong Tungkulin,” at nagliwanag ang puso ko.
1 Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Sa isang aspekto, ito ay tungkol sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa isa pang aspekto, habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pag-uusapan natin, pero kahit papaano, dapat may maisakatuparan ka. Sa buong buhay ng isang tao, matapos mahanap ang kanyang lugar, matatag siyang naninindigan sa kanyang posisyon, pinanghahawakan ang kanyang posisyon, ginugugol ang lahat ng dugo ng puso niya at ang lahat ng enerhiya niya, at isinasakatuparan at tinatapos ang dapat niyang gawin at tapusin. Kapag sa wakas ay tumayo na siya sa harap ng Diyos upang magbigay-ulat, medyo nasisiyahan siya, walang paratang o pinagsisisihan sa kanyang puso. Naaalo siya at nararamdaman niyang may nakamit siya, na nakapamuhay siya ng buhay na may halaga.
2 Kaya, upang makapamuhay siya nang may halaga at sa huli ay makamit ang ganitong uri ng ani, sulit para sa pisikal na katawan ng isang tao ang magdusa nang kaunti at magbayad ng kaunting halaga, kahit pa magkasakit siya dahil sa labis na pagkapagod o magkaroon ng ilang problema sa kalusugan. Kapag ang isang tao ay pumarito sa mundong ito, hindi ito para sa kasiyahan ng laman, ni sa pagkain, pag-inom, at paglilibang. Hindi dapat mamuhay ang isang tao para sa mga bagay na iyon; hindi iyon ang halaga ng buhay ng tao, at hindi rin ang tamang landas. Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o maraming trabahong may halaga. Hindi ito tinatawag na propesyon; ito ay tinatawag na tamang landas, at tinatawag din itong wastong gampanin. Sulit para sa isang tao ang magbayad ng anumang halaga upang matapos ang mga gawaing may halaga, mamuhay nang makabuluhan at mahalaga, at hangarin at kamtin ang katotohanan.
…………
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (6)
Iminulat ako ng himnong ito sa halaga at kahulugan ng buhay. Ang pisikal na kaginhawahan ay pansamantala lamang, at ang isang tunay na makabuluhang buhay ay matatagpuan lamang kapag tinutupad natin ang ating mga tungkulin at nakakahanap tayo ng kapanatagan sa ating mga puso. Napagtanto ko na kung mananatiling hindi nalulutas ang aking tiwaling disposisyon, ang aking katamaran at pagpapakasasa sa pisikal na kaginhawahan ay palaging pipigil sa akin sa pagtupad sa aking mga tungkulin. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, naghahanap ng landas ng pagsasagawa.
Kalaunan, nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa mula sa isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag gusto mong gumawa ng mga bagay sa pabasta-bastang paraan, nagiging tuso at nagpapabaya, at sinusubukang iwasan ang pagsisiyasat ng Diyos habang ginagampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magmadaling lumapit sa harapan ng Diyos para manalangin at pagnilayan kung tama bang gawin iyon. Pagkatapos, mag-isip-isip ka: ‘Ano ang layunin ko sa pananampalataya sa Diyos? Maaaring malinlang ng pagiging pabasta-basta ko ang mga tao, pero malilinlang ba nito ang Diyos? Higit pa rito, ang pananampalataya ko sa Diyos at paggawa ng tungkulin ko ay hindi para maging tuso at magpakatamad, kundi para makamit ko ang kaligtasan. Ipinapakita ng pagkilos sa ganitong paraan na wala akong normal na pagkatao, at hindi ito isang bagay na kinalulugdan ng Diyos. Hindi iyan puwede. Iba sana kung naging tuso ako, nagpabaya, at sinunod ko ang sarili kong kalooban sa mundo, pero ngayon ay nasa sambahayan ako ng Diyos, nasa ilalim ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa ilalim ng pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos, at isa akong tao, kaya dapat akong kumilos ayon sa aking konsensiya at sa mga salita ng Diyos, at hindi ako maaaring sumunod sa sarili kong kalooban, maging pabasta-basta, o maging tuso at magpabaya. Kaya, paano ako dapat kumilos para hindi maging tuso at magpabaya, para hindi maging pabasta-basta? Dapat akong magsumikap. Ngayon lang ay naramdaman kong masyadong malaking abala ang kumilos sa ganoong paraan, kaya gusto kong iwasan ang paghihirap, pero ngayon ay nauunawaan ko na: Maaaring mas malaking abala ang gawin ito nang ganoon, ngunit nagbubunga ito ng mga resulta, kaya ganoon ko ito dapat gawin.’ Kapag ginagawa mo ito at ayaw mo pa ring magtiis ng paghihirap, sa gayong mga pagkakataon ay dapat kang manalangin sa Diyos: ‘O Diyos! Ako ay isang tamad at tusong tao. Pakiusap, disiplinahin at sawayin Mo ako, upang magkaroon ako ng kamalayan ng konsensiya at makaramdam ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabasta-basta. Pakiusap, gabayan at bigyang-liwanag Mo ako, upang makita ko ang aking paghihimagsik at ang aking kapangitan.’ Kapag nananalangin ka nang ganito, at pinagninilayan at sinusubukan mong kilalanin ang iyong sarili nang ganito, magdudulot ito ng isang pakiramdam ng pagsisisi; magagawa mong kamuhian ang iyong kapangitan, at magsisimulang magbago ang iyong maling kalagayan. Magagawa mong magbulay-bulay: ‘Bakit nagagawa kong maging pabasta-basta? Bakit palagi kong sinusubukang maging tuso at magpabaya? Ang pagkilos nang ganito ay labis na walang konsensiya at katwiran—isa pa ba akong taong nananampalataya sa Diyos? Bakit hindi ko magawa ang mga bagay-bagay nang masinop? Hindi ba’t kailangan ko lang maglaan ng kaunti pang oras at pagsisikap? Ano ba ang napakahirap doon? Ito ang dapat kong ginagawa; kung hindi ko man lang ito magawa, karapat-dapat pa ba akong tawaging isang tao?’ Bilang resulta, magpapasya ka at manunumpa sa Diyos, ‘O Diyos! Binigo Kita. Tunay na masyado na akong naging tiwali, wala akong konsensiya at katwiran, at wala akong pagkatao. Handa akong magsisi. Pakiusap, patawarin Mo ako. Magbabago na talaga ako. Kung hindi ako magsisisi, nawa’y parusahan Mo ako.’ Pagkatapos, matutuwid ang iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Sa susunod na gagawin mo ang iyong tungkulin, magagawa mo nang kumilos nang masinop, nang may mas kaunting pagiging pabasta-basta, at magagawa mong magdusa at magbayad ng halaga. Mararamdaman mo na ang paggampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan ay napakaganda, at magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan sa iyong puso. Kapag kayang tanggapin ng mga tao ang pagsisiyasat ng Diyos, kapag kaya nilang manalangin sa Kanya at umasa sa Kanya, mabilis na magbabago ang kanilang mga kalagayan. Kapag nagbago na ang iyong negatibong kalagayan, at naghimagsik ka na laban sa sarili mong mga intensyon at sa mga makasariling pagnanais ng laman, kapag kaya mo nang bitiwan ang kaginhawahan at mga kasiyahan ng laman at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi na kumilos nang arbitraryo at walang pakundangan, magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso at magiging malaya mula sa panunumbat ng iyong konsensiya. Madali bang maghimagsik laban sa laman at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa ganitong paraan? Hangga’t mayroon kang napakalaking adhikain para sa Diyos, kaya mong maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan. At hangga’t nagsasagawa ka sa ganitong paraan, nang hindi mo namamalayan ay makakapasok ka sa katotohanang realidad. Hindi talaga ito mahirap” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng aking tungkulin, kailangan kong magkaroon ng napakatinding pagnanais para sa Diyos at unahin ang aking tungkulin. Kapag gusto kong maging pabasta-basta sa aking tungkulin, dapat akong manalangin agad sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng determinasyon na magtiis ng pagdurusa, at dapat ko ring tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Sa pagpupursige sa pagsasagawang ito, unti-unting malulutas ang problema ko ng pagiging pabasta-basta. Napagtanto ko na ang layunin ng Diyos sa pagkawala ng aking mga tungkulin ay upang pagnilayan ko ang aking mga isyu, at ito ang naging isang mahalagang pagbabago sa landas ng aking pananalig. Kailangan kong hangarin ang katotohanan, maghimagsik laban sa aking laman, tuparin ang aking tungkulin, at isabuhay ang wangis ng tao. Lumuhod ako at nanalangin, “O Diyos, ngayon ay malinaw ko nang nakikita ang ugat ng aking kabiguan. Ayaw ko nang mamuhay ayon sa isang satanikong disposisyon. Gusto kong magsikap na bumuti, at kung magkakaroon ako ng pagkakataong gawin uli ang aking tungkulin, uunahin ko na ang aking tungkulin, at gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para hangaring bigyang-kasiyahan Ka.”
Noong Agosto 2024, sa wakas ay nakontak ko na ang iglesia, at nagawa kong muli ang aking mga tungkulin. Sa sobrang tuwa ko ay hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Sa isang sandali, nakaramdam ako ng pinaghalong kaligayahan, pasasalamat, at pagkakonsensiya. Alam kong ito ay pagbibigay sa akin ng Diyos ng pagkakataong magsisi, at lihim akong nanumpa sa aking puso na hinding-hindi na ako muling magpapasasa sa pisikal na kaginhawahan sa aking mga tungkulin tulad ng dati, at na kailangan kong tandaan na unahin ang aking tungkulin at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos.
Kalaunan, isinaayos ng iglesia na maging aktor ako, at nagsanay ako sa pag-arte sa mga video ng patotoong batay sa karanasan, at tumanggap din ako ng iba pang mga tungkulin nang part-time. Sa pagkakataong ito, hindi ko na naramdaman na hindi kinakailangan ang aking mga part-time na tungkulin, at ginagawa ko ang mga ito sa tuwing may oras ako. Nakita ko na ang mga kapatid na dati kong kilala ay pawang nakagawa na ng malaking pag-usad sa kanilang mga tungkulin sa nakalipas na taon o higit pa. Ang pag-usad ng pag-film ng mga video ng patotoong batay sa karanasan ay partikular na mabilis, at walang gaanong oras para sa rehearsal. Napagtanto ko na napakarami kong kakulangan, at medyo nagkulang ako. Naaalala ko na napakaikli ng oras ng paghahanda para sa unang video ng patotoong batay sa karanasan kung saan ako umarte, at naisip ko, “Nagsisimula pa lang akong magsanay, kaya hindi ba puwedeng maging mas maunawain sila? Hayaan ninyo akong magkaroon ng mas maraming oras para maghanda. Kailangan ba talagang magmadali tayo nang ganito?” Sinabi ko sa direktor ang aking mga iniisip, at sinabi ng direktor, “Ayos lang, aasa tayo sa Diyos at kailangan lang nating gawin ang lahat ng ating makakaya.” Noong sandaling iyon, napagtanto ko na sinusubukan ko na namang bigyang-kasiyahan ang aking laman sa pagnanais na gawin ang aking mga tungkulin sa isang madali at komportableng paraan. Nang maisip ko ang aking mga dating kabiguan, binalaan ko ang aking sarili na hindi ko na puwedeng isaalang-alang ang aking laman, at na kahit maikli lang ang oras, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para makipagtulungan. Pagkatapos nito, mabilis akong naghanda. Hindi nagtagal, ang aking unang video ng patotoong batay sa karanasan ay matagumpay na naisapelikula. Pagkatapos niyon, kapag umaarte sa mas mahahabang video ng patotoong batay sa karanasan, kung minsan ay nakakaramdam pa rin ako ng matinding presyur, at kapag kapos na sa oras, naiisip kong ayawan ang hirap at katakutan ang pagod, pero pagkatapos lumitaw ng mga kaisipang iyon, nagagawa kong mapansin ang mga ito sa tamang oras, at agad akong nananalangin, hinihiling sa Diyos na protektahan ang aking puso at ilayo ako sa pag-iisip muli tungkol sa aking laman. Paulit-ulit akong nagsasanay nang husto, at ibinubuhos ko ang lahat ng pagsisikap ko sa pakikipagtulungan. Bagama’t ang aking pag-arte sa mga videong ginagampanan ko ngayon ay hindi kasing-natural at kasing-relaxed ng sa iba, hindi na nakakaramdam ng anumang paninisi sa sarili ang puso ko, at sa halip, panatag at payapa ang pakiramdam ko.
Mula sa pagkakaroon ng ilang tungkulin ngunit hindi pagpapahalaga sa mga ito, hanggang sa pagkawala ng mga ito, at pagkatapos ay sa pagkakaroon muli ng mga ito, tunay kong naramdaman ang masisidhing layunin ng Diyos, at napagtanto ko na anuman ang gawin ng Diyos, ito ay para bigyang-daan akong iwaksi ang aking tiwaling disposisyon at maging isang taong may konsensiya at pagkatao. Salamat sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng ganitong pagkakataon na maunawaan ang aking sarili at makamit ang katotohanan. Handa akong pahalagahan ang darating na panahon, gawin nang taimtim ang aking mga tungkulin, at hindi magkulang sa mga ekspektasyon ng Diyos.