86. Ang Pagyabong Sa Kabila ng Pagsubok

Ni Zhen’ai, Tsina

Noong Agosto 23, 2022, inanyayahan ng lider ng distrito sa isang pagtitipon ang ilan sa aming mga mangangaral. Naghintay kami hanggang hapon, subalit hindi nagpakita ang lider. Kalaunan, nalaman namin na ang mga lider ng iglesia, at marami sa mga kapatid ay naaresto. Si Sister Lu Yang, na nanirahan kasama ko, ay inaresto rin. Dagdag pa rito, buong araw at gabi kaming nawalan ng komunikasyon sa lider na nag-anyaya sa amin, at halos tiyak nang may masamang nangyari sa kanya. Nabigla ako nang marinig ko ang balitang ito. Nakaapekto sa dose-dosenang iglesia ang pag-aresto at lahat ng ito ay naganap noong kinaumagahan ng ika-23, na nagpapahiwatig ng planadong pagkilos ng CCP. Naalala ko na dalawang beses bumisita sa tahanan ko ang lider ilang araw lang ang nakalilipas, at napaisip ako kung isa rin ba ako sa magiging puntirya. Kung ganoon nga, maaaresto rin ba ako isang araw? Hindi itinuturing ng CCP ang mga mananampalataya bilang mga tao at ginagamit nito ang lahat ng uri ng pagpapahirap upang pwersahin silang ipagkanulo ang Diyos. Pinangangasiwaan ko ang gawain ng ilang iglesia at kung maaaresto ako, tiyak na hindi ako basta-basta pakakawalan ng CCP. Sumikip ang dibdib ko nang maisip ko ito, at naging balisa ako sa bawat kaunting paggalaw sa labas, natatakot na maaari akong maaresto anumang oras. Nang mapagtanto ko na hindi maayos ang kalagayan ko, agad akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, dahil sa malawakang pagsupil na kinakaharap ng iglesia, napanghihinaan ako ng loob. Protektahan Mo ako at bigyan Mo ako ng pananalig upang hindi ako mapigilan ng sitwasyong ito.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang pelikulang, Kwento Ko, Kwento Natin, at agad ko itong hinanap upang mapanood. Nagbigay sa akin ng pananalig ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa pelikula.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit na tinitingnan ni Satanas si Job nang may inggit sa mga mata, hindi ito nangahas na hipuin ni isang buhok sa katawan ni Job nang walang pahintulot ng Diyos. Kahit pa likas na masama at malupit si Satanas, matapos ibaba ng Diyos ang Kanyang utos dito, wala nang nagawa si Satanas kundi sumunod sa kautusan ng Diyos. Samakatuwid, kahit na si Satanas ay kasingbangis ng isang lobo sa gitna ng mga tupa nang pumaroon kay Job, hindi nito tinangkang kalimutan ang mga hangganan na itinakda ng Diyos para dito, hindi ito nangahas na labagin ang mga atas ng Diyos, at sa lahat ng ginawa nito, hindi nangahas na lumihis si Satanas mula sa mga prinsipyo at hangganan ng mga salita ng Diyos—hindi ba ito isang katunayan? Mula rito ay makikita na hindi nangangahas si Satanas na salungatin ang anumang mga salita ng Diyos na si Jehova. Para kay Satanas, ang bawat salita mula sa bibig ng Diyos ay isang utos at isang batas ng kalangitan, isang pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos—dahil sa likod ng bawat salita ng Diyos ay ipinahihiwatig ang kaparusahan ng Diyos para sa mga lumalabag sa mga utos ng Diyos, at sa mga sumusuway at sumasalungat sa mga batas ng kalangitan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Malinaw na sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na gaano man kabagsik si Satanas, hindi nito mahihigitan ang mga utos ng Diyos o malalampasan ang mga hangganan o limitasyon na itinakda ng Diyos. Gaano man kalupit si Satanas, isa pa rin itong gamit-panserbisyo sa mga kamay ng Diyos, at isang kasangkapan upang gawing perpekto ang hinirang na mga tao ng Diyos. Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na noong araw ng malawakang pagsupil, pinlano ng lider na magtipon kasama ang ilan sa amin, at kung bahagyang nahuli sa pagsasagawa ng operasyon ang pulisya, maaaring naaresto rin kaming mga mangangaral kasama ng lider. Nakita ko na ang pag-aresto sa mga kapatid ay pinahintulutan ng Diyos. Hindi makakakilos si Satanas nang walang pahintulot ng Diyos; awtoridad ito ng Diyos. Mas naging malinaw ito nang makita kong nasa kulungan ang mga kapatid sa pelikula, umaasa sa Diyos na iparating ang Kanyang mga salita sa ilalim ng mahigpit na pagmamatyag at tumutulong at sumusuporta sa isa’t isa, at mas lumakas pa nga ang pananalig nila sa Diyos. Anumang pagbabanta o pang-aakit ang gamitin ng CCP, nanindigan sila sa kanilang patotoo. Ipinamalas nito ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos. Nang makita ko ang karanasan ng mga kapatid na ito, hindi na ako gaanong natakot. Naisip ko kung paano ko madalas na ipinapahayag ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan Niya sa lahat ng bagay, at kung paano ko madalas na sinasabing poprotektahan ko ang gawain ng iglesia. Subalit nang marinig ko na parami nang parami ang mga taong inaaresto, napuno ako ng kahinaan ng loob at takot. Tila matagal nang nakalimutan ang dati kong matatag na kapasyahan at mga pangako, at sa partikular, ang pag-iisip ko ng daranasin kong pagpapahirap kapag ako ay naaresto ay nagpalitaw sa mga alalahanin ko. Nang maharap ako sa realidad, nakita ko sa wakas kung gaano kaliit ang pananalig ko. Sa sandaling maharap ako sa panganib, nagiging mahinang loob at matatakutin ako, at nagsisimula akong mag-alala sa pisikal na kaligtasan ko. Sa paanong paraan ako nagkaroon ng anumang tayog? Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling na bigyan Niya ako ng pananalig upang matupad ko ang aking mga tungkulin at mapanindigan ko ang aking patotoo sa oras ng pagsubok.

Matapos ang insidenteng ito, maraming natirang mahahalagang gawain na kailangang asikasuhin. Upang maiwasang mapasakamay ng CCP ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, napagdesisyunang kami ni Sister Gao Qing ang magiging responsable sa paglilipat ng mga ito. Nang makita ko na inaatasan akong gumawa ng isang mahalagang gawain, at dahil batid ko ang kahalagahan ng responsabilidad na ito, handa akong gawin ito. Gayunpaman, nang maisip ko ang mga panganib na kaakibat ng paglilipat, hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting takot, “Kapag naaresto kami at nalaman ng CCP na nagdadala kami ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, tiyak na pupuwersahin nila kaming magbunyag ng mas marami pang impormasyon tungkol sa iglesia at isasailalim kami sa pagpapahirap. Kahit pa hindi kami mamatay, tiyak na dadaan kami sa matinding paghihirap! Ano ang gagawin ko kapag naging baldado ako? Bukod sa hindi ako makagagawa ng tungkulin, magkakaroon din ako ng mga problema sa pag-aalaga sa sarili ko. Hindi ba’t iyon ang magiging katapusan ko? Maaari pa ba akong maligtas pagkatapos? Wala akong tapang at karunungan. Kaya ko ba talagang isagawa ang tungkuling ito? Hindi ba’t dapat humanap tayo ng mas matapang at mas matalinong tao para sa responsabilidad na ito?” Sasabihin ko na sana ito sa mga kapatid, ngunit nag-alangan ako at nilunok ko ang aking mga salita. Naisip ko kung paanong, dahil sa limitadong bilang ng mga taong pwedeng makausap sa kontekstong ito, ay napagpasyahan lamang ng lahat na ako ang magsagawa ng gampaning ito pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat mong panindigan at panagutan ang anumang may kaugnayan sa mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, o ang may kinalaman sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa pangalan ng Diyos. Bawat isa sa inyo ay may ganitong pananagutan at obligasyon, at ito ang kailangan ninyong gawin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa mga Atas Administratibo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Anumang oras, ang pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pagtiyak sa kaligtasan ng mga aklat ng mga salita ng Diyos ay responsabilidad at obligasyon ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Maraming taon na akong mananampalataya at tinamasa ko ang pagdidilig at probisyon ng mga salita ng Diyos, ngunit, noong manganib ang kaligtasan ng mga aklat ng mga salita ng Diyos at kinailangang ilipat ang mga ito, hindi ako naging maagap sa pagganap ng gampaning ito. Sa halip, inisip ko lamang ang sarili kong kinabukasan at mga landas sa hinaharap. Sa takot na maaresto at makaranas ng pagpapahirap, ninais kong ipasa ang tungkuling ito sa iba. Napakamakasarili ko at wala akong konsensiya at katwiran! Dahil sumang-ayon ang lahat na ako ang pinakanararapat na tao para maglipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, tiyak ay narito ang layunin ng Diyos. Lalo na nang maisip ko na hindi ako naaresto sa gitna ng malawakang pagsupil na ito, malinaw na may papel akong kailangang gampanan, at hindi ko ito dapat tanggihan. Ako ay isang nilalang; alam ng Diyos kung ano ang kaya kong gawin. Nasa kamay ng Diyos kung maaaresto ba ako o hindi. Kung itatakda ng Diyos na maaresto ako, magpapasakop ako, ngunit kung hindi ito ipapahintulot ng Diyos, walang magagawa ang CCP sa akin. Katulad ni Daniel na may pananalig sa Diyos, at kahit itinapon siya sa lungga ng leon, hindi siya sinaktan ng mga leon. Kahit gaano pa kalaganap ang CCP, nasa mga kamay pa rin ito ng Diyos, at isa lamang itong gamit-panserbisyo sa gawain ng Diyos. Sa pagkaunawang ito, nagkamit ako ng pananalig at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, ang mga aklat ng Iyong mga salita ay kailangang agad na mailipat ngayon, at ako ay napanghihinaan ng loob at natatakot, ngunit alam ko na nasa kamay Mo si Satanas. Handa akong isantabi ang aking sariling kaligtasan at makipagtulungan kay Sister Gao Qing upang madala ang mga aklat sa isang ligtas na lugar. Gabayan Mo po kami.” Kinabukasan, naglakbay kami sa makapal na hamog at matagumpay naming nadala ang mga aklat sa isang ligtas na lokasyon.

Dahil ilang lider ng iglesia ang naaresto, kami ni Sister Gao Qing ay pansamantalang itinaas ang ranggo upang mamahala sa gawain ng mga iglesiang ito. Alam kong hindi ko dapat takasan ang aking tungkulin, ngunit naramdaman ko ang bigat nito. Tunay ngang mapanganib ang pagtanggap ng tungkuling ito sa isang kritikal na panahon. Gayunpaman, dahil sa pagkaaresto ng mga lider at halos pagtigil ng gawain ng iglesia, hindi makapamuhay ng buhay-iglesia ang mga kapatid at kailangang-kailangan nila ng isang tao na aako sa gawain. Sa oras na ito, para akong walang pagkatao kapag tinakasan ko ang tungkuling ito. Pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang, tinanggap ko ang tungkulin. Subalit, hindi nagtagal, nalaman ko na habang isinasagawa ang interogasyon, nagpapakita ang mga pulis ng mga larawan sa mga naarestong kapatid, inuutusan silang tukuyin ang mga lider. Palagian ang pag-aresto ng CCP sa mga lider, at kapag nalaman nila na isa na akong lider ng iglesia ngayon, hindi ba’t mahaharap din ako sa mabigat na sentensya kapag naaresto ako? Naisip ko ang mga kapatid na naaresto at nasentensyahan. Ang ilan ay inabuso ng mga bilanggo sa kulungan, ang iba ay marahas na binugbog at pinahirapan ng mga guardya sa kulungan, at kinailangan nilang gumawa ng mabibigat na trabahong pisikal araw-araw. Sa mahina kong kalusugan, kapag naaresto at nasentensyahan ako, ang bawat araw ay magiging parang isang taon sa bilangguan, at mahirap sabihin kung makakalabas pa ako. Tunay ngang puno ng panganib ang paggawa ng mga tungkulin sa China, para itong pagtayo nang may nakaambang matalim na kutsilyo at palaging may mga peligro sa buhay. Palagi kong naiisip na mas mabuti sanang hindi ko na lamang tinanggap ang tungkuling ito … Labis akong nag-aalala at hindi ko matutukan ang aking gawain. Nang mapagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, agad akong nagdasal sa Diyos, humihiling na protektahan Niya ang aking puso.

Nang gabing iyon, hindi ako makatulog kahit saglit. Pinagnilayan ko kung paanong sa harap ng malawakang pagsupil sa iglesia, ang tanging ipinakita ko ay kaduwagan at takot, at ninais ko pa ngang takasan ang tungkulin ko upang maprotektahan ang sarili ko. Bakit ba palagi kong iniisip ang sarili ko kapag humaharap sa pagsubok? Sa aking mga debosyonal, nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ginagawa ng mga anticristo ang kanilang makakaya para protektahan ang kanilang seguridad. Ang iniisip nila ay: ‘Dapat ko talagang tiyakin ang seguridad ko. Sinuman ang mahuli, hindi dapat ako iyon.’ Sa usaping ito, madalas silang lumalapit sa Diyos sa panalangin, nagsusumamo na ilayo sila ng Diyos sa gulo. Nararamdaman nila na anuman ang mangyari, talagang isinasakatuparan nila ang gawain ng isang lider ng iglesia at na dapat silang protektahan ng Diyos. Alang-alang sa sarili nilang seguridad at para makaiwas na maaresto, makatakas sa lahat ng pag-uusig at maging ligtas ang kanilang sitwasyon, madalas magsumamo at magdasal ang mga anticristo para sa sarili nilang seguridad. Pagdating sa sarili nilang seguridad, saka lamang sila tunay na umaasa at nag-aalay ng sarili nila sa Diyos. Mayroon silang tunay na pananalig pagdating sa ganitong bagay at tunay ang pag-asa nila sa Diyos. Nag-aabala lamang silang magdasal sa Diyos para hilingin na protektahan Niya ang kanilang seguridad, kahit katiting ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia o ang kanilang tungkulin. Sa kanilang gawain, ang personal na seguridad ang prinsipyong gumagabay sa kanila. Kung ligtas ang isang lugar, pipiliin ng mga anticristo ang lugar na iyon upang doon sila gumawa, at, tunay nga, magmumukha silang napakasipag at positibo, ibinibida nila ang kanilang matinding ‘pagiging responsable’ at ‘katapatan.’ Kung may gawain na talagang delikado at malamang na mahaharap sa isang insidente, na matutuklasan ng malaking pulang dragon ang gumagawa ng gawaing ito, nagdadahilan sila at tinatanggihan ito, at naghahanap ng pagkakataong matakasan iyon. Sa sandaling magkaroon ng panganib, o sa sandaling may tanda ng panganib, nag-iisip sila ng mga paraan para makaalis at inaabandona nila ang kanilang tungkulin, nang walang malasakit sa mga kapatid. Ang tanging iniisip nila ay makalayo sila sa panganib. Maaaring sa puso nila ay handa sila: Sa sandaling lumitaw ang panganib, iniiwanan nila kaagad ang kanilang gawain, nang walang pakialam kung ano ang mangyayari sa gawain ng iglesia, o kung ano ang mawawala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o sa seguridad ng mga kapatid. Ang mahalaga sa kanila ay makatakas(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Isinisiwalat ng Diyos na labis na makasarili at kasuklam-suklam ang kalikasan ng isang anticristo. Inuuna nito ang sarili nitong mga interes higit sa lahat, at sa anumang sitwasyon, kapag may bagay na makakaapekto sa interes nito, hindi ito magdadalawang-isip na protektahan ang sarili nito. Ang iniintindi lang ng mga anticristo ay ang sarili nilang mga interes, at wala silang anumang konsensiya o katwiran. Sinusunod nila ang satanikong pilosopiya na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at isinasabuhay nila ang ganap na imahe ni Satanas. Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos at sa sarili kong pag-uugali, hindi ba’t ipinakita ko ang makasarili at kasuklam-suklam na disposisyon ng isang anticristo? Karaniwan, kapag walang banta ng pag-aresto, napakaagap kong nagagawa ang aking mga tungkulin, kahit gaano pa kahirap o nakakapagod ang mga ito, nagpapakita ako ng imahe ng katapatan sa aking mga tungkulin at pagsunod sa Diyos. Ngunit nang maharap ang iglesia sa isang malawakang pagsupil at nasangkot ang aking personal na mga interes sa mga tungkuling isinaayos para sa akin, nabunyag ang pagiging makasarili at kasuklam-suklam ko. Nang irekomenda ako ng mga kapatid upang maglipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, gusto kong ipasa ang tungkulin sa iba upang protektahan ang sarili ko. Nang pansamantalang italaga ako ng iglesia bilang isang lider, sa halip na pagtuunan ko kung paano isasagawa nang maayos ang gawain ng iglesia at aakuin ang responsabilidad na ito, nag-alala ako tungkol sa posibilidad na maaresto at masentensyahan ako, at naisip ko pa ngang takasan ang tungkulin upang protektahan ang aking sarili. Takot na takot ako sa kamatayan! Sinasabing nakikita ang katapatan sa gitna ng pagsubok, ngunit nagpakita ba ako ng katapatan habang hinaharap ko ang pagsubok? Hindi! Wala akong ibang ipinakita kundi pagkamakasarili at kawalan ng katapatan! Naisip ko ang lahat ng mga taong ito ng pagtamasa sa pagdidilig at probisyon ng mga salita ng Diyos, ngunit nang maharap sa isang malawakang pagsupil ang iglesia at kinailangan nito na gawin ko ang parte ko, naghanap ako ng mga dahilan upang takasan ito at protektahan ang aking sarili. Sa anong paraan ako nagkaroon ng anumang pagkatao? Nagdasal ako sa Diyos, sinabing handa kong igugol ang aking sarili para sa Kanya at suklian ang pagmamahal Niya, ngunit ang aking isinasabuhay ay pagiging makasarili at kasuklam-suklam, at pagtatangkang protektahan ang aking sarili. Hindi ba’t panlilinlang ito sa Diyos? Kung hindi dahil sa nabunyag na mga katotohanang ito at sa paghatol at pagsiwalat ng mga salita ng Diyos, hindi ko pa rin tunay na mauunawaan ang aking satanikong disposisyon na makasarili at walang pakialam sa iba. Iisipin ko pa rin na may katapatan ako sa Diyos at siguradong aayunan niya ako, at na kapag natapos na ang gawain ng Diyos, ay papasok ako sa kaharian at tatamasahin ko ang mga pagpapala ng Diyos. Talagang hindi ko kilala ang sarili ko! Napakapraktikal ng gawain ng Diyos. Sa pag-uusig at mga pag-arestong isinagawa ng malaking pulang dragon, ibinunyag Niya ang aking katiwalian at tinulungan Niya akong maunawaan ang aking sarili. Ito ang pagliligtas ng Diyos sa akin! Habang iniisip ko ito, nakaramdam ako ng pagsisisi at hindi ko na nais pang mabuhay nang ayon sa mga pilosopiya ni Satanas.

Kalaunan, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay-liwanag talaga sa akin. Sabi ng Diyos: “Kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipalaganap ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Maaaring ang kabayaran ay ang pagdanas ng ilang pisikal na karamdaman o paghihirap, o pagdusahan ang mga pag-uusig ng malaking pulang dragon o ang mga maling pagkaunawa ng mga taong makamundo, gayundin ang mga paghihirap na pinagdaraanan ng isang tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo: ang maipagkanulo, mabugbog at mabulyawan, makondena—ang dumugin pa nga at malagay sa panganib ang buhay. Posible, habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, na mamamatay ka bago matapos ang gawain ng Diyos, at na hindi ka na mabubuhay upang masilayan ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Dapat kang maging handa rito. Hindi ito para takutin kayo; ito ay katotohanan. … Bukod pa rito, paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, binulyawan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. … Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kalalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung tunay nating makikita nang malinaw ang kahulugan ng buhay at ang halaga ng buhay at kamatayan, at mamumuhay tayo ayon sa mga salita ng Diyos, makakamtan natin ang tunay na pagpapasakop sa Diyos at maninidigan tayo sa ating mga patotoo sa Kanya sa mga oras ng pagsubok. Ang buhay ang pinakamahalagang bagay para sa bawat isa sa atin. Kung maipagkakatiwala natin sa Diyos ang buhay natin, wala nang makakatalo sa atin. Sa pag-iisip kung paano ko sinunod ang Diyos hanggang sa puntong ito, unti-unti kong nabitawan ang mga bagay tulad ng trabaho, pamilya, kasal, at yaman, ngunit nang maharap ako sa panganib at posibilidad na mamatay ako, nasiwalat ang aking paghihimagsik. Nais kong takasan ang mga tungkulin ko upang protektahan ang sarili ko. Takot na takot ako sa kamatayan! Ang walang habas na pag-usig at mga pag-aresto ng CCP ay isinagawa upang panghinaan tayo ng loob at matakot, upang talikuran natin ang ating pananalig sa Diyos, isuko ang ating mga tungkulin at ipagkanulo Siya, upang mawalan tayo ng pagkakataon na mailigtas. Pakana ito ni Satanas. Tanging sa pamamagitan ng pagkakatiwala sa Diyos ng ating mga buhay, pagtupad sa ating mga tungkulin nang may masunuring puso paano man pamatnugutan at isaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay, na matatalo at maipapahiya natin si Satanas. Palagi kong inakala na kapag namatay ako dahil sa pag-uusig ay hindi ako maliligtas, ngunit ito ay sarili kong kuru-kuro at imahinasyon. Sa Kapanahunan ng Biyaya, naranasan ng mga apostol ang pag-uusig at pag-aresto ng pamahalaang Romano. Ang ilan ay pinatay sa pamamagitan ng espada, at ang iba naman ay ipinako nang patiwarik sa krus. Buhay nila ang naging kabayaran upang maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at ginamit nila ang kanilang mga buhay upang patotohanan ang pagliligtas ng Panginoong Jesus, at sa gayon ay natanggap nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Ngayon naman, marami ring kapatid ang inaaresto at inuusig dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Nakararanas sila ng pagpapahirap at pambubugbog, na humahantong sa pagkabaldado o kaya ay kamatayan pa nga, ngunit pinipili nilang manindigan sa patotoo sa Diyos, tumatangging sumuko kay Satanas kahit na sa kamatayan. Makahulugan ang ganitong klase ng kamatayan. Bagamat sa perspektiba ng tao ay namamatay ang pisikal na mga katawan, ang kanilang mga kaluluwa ay hindi namamatay. Nasa pagsasaayos ng Diyos ang lahat ng ito. Ang pag-aalay sa sariling buhay upang patotohanan ang Diyos ang pinakamataas na uri ng patotoo. Sa pagninilay rito, ako ay nabigyang-liwanag. Ang kasalukuyang sitwasyon na ito ay paraan ng Diyos upang subukin ako, upang makita kung, sa pagharap sa mahirap na sitwasyong ito, ay pipiliin ko bang tuparin ang mga tungkulin ko at maninindigan ba ako sa aking patotoo o kung tatalikuran ko ba ang mga tungkulin ko at mamumuhay ako nang walang kabuluhan. Pinagmamasdan ng Diyos ang saloobin ko at mga pagsasagawa. Sinabi ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). “Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon(Mateo 10:39). Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko. Bagamat kayang ikulong at saktan ni Satanas ang aking katawan, hindi nito kayang kontrolin ang aking kapalaran o destinasyon. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ng bawat tao, at ang lahat ng nararanasan natin ay isinasaayos Niya sa nararapat na paraan. Kung aabandonahin ko ang mga tungkulin ko upang protektahan ang aking sarili, ito ay pagkakanulo sa Diyos at mawawalan ako ng tsansa na maligtas. Binigyan ako ng Diyos ng buhay at dinala Niya ako sa mundong ito, kaya mayroon akong isang misyon na dapat tapusin. Ang magawang sundan ang Lumikha at tuparin ang aking mga tungkulin bilang isang nilikha ay nangangahulugang hindi ako namumuhay nang walang kabuluhan! Nagbigay-inspirasyon sa aking puso ang mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari sa hinaharap, ganap na likas at may katwiran para sa isang nilikha na magpasakop sa Lumikha. Handa akong ipagkatiwala sa Diyos ang buhay ko, gawin ang aking makakaya, at tuparin ang aking mga tungkulin. Kalaunan, upang mabilis na maibalik ang buhay-iglesia, nagpatawag kami ng pagtitipon kasama ang mga diyakono ng iglesia. Nagbahaginan kami sa kung paano maipagpapatuloy ang aming mga tungkulin sa panahon ng pagsubok, at sa layunin ng Diyos sa gitna ng pag-uusig at mga pag-aresto, at nagpatupad din kami ng iba’t ibang gampanin. Makalipas ang dalawang buwan, unti-unting bumalik sa normal ang buhay-iglesia ng mga kapatid.

Isang araw noong Nobyembre, bigla kaming nakatanggap ng balita na ang lider ng iglesia na si Li Zhong at ang labinlimang iba pang mga kapatid ay sapilitang inaresto at dinala ng mga pulis. Muling sumikip ang dibdib ko, at mas lalo akong nakaramdam ng pagkasuklam sa CCP, ang demonyo. Kinabukasan, agad naming pinag-usapan kasama ng mga katrabaho ang isyu ng paglilipat sa mga aklat ng mga salita ng Diyos sa ligtas na lugar. Dahil ako lamang ang nakakaalam ng bagong lokasyon, napagpasyahan na ako ang magdadala sa mga aklat sa bagong lugar. Gayunpaman, naisip ko na, “Palaging may mga sasakyan at kamera sa bawat sulok ng paglalakbay na ito, imposibleng maiwasan sila. Kapag natuklasan ako sa gitna ng paglilipat, magiging matibay na ebidensya ito, at siguradong masesentensyahan ako. Paano kung usigin ako hanggang sa kamatayan? Napakadelikado nito! Baka ibang tao na lang ang dapat pumunta.” Ngunit bago ko masabi ito, nilunok ko ang aking mga salita. Sa ganitong kritikal na sandali, iniisip ko pa rin ang personal kong kaligtasan. Sa anong paraan ako nagpapakita ng anumang katapatan? Takot na takot ako sa kamatayan! Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko, wala sa aking kontrol. Kailangan kong maging tapat sa Diyos. Habang iniisip ito, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, napakamakasarili at kasuklam-suklam ko. Sinusubukan ko na namang itulak palayo ang aking mga tungkulin. Ngayon ay handa na akong ipagkatiwala sa Iyo ang buhay ko. Gabayan Mo ako upang magampanan ko ang aking mga tungkulin sa kritikal na sandaling ito at upang ligtas kong mailipat ang mga aklat.” Sa sandaling ito, naalala ko ang ilang salita ng Diyos: “Sa iyong tungkulin at sa dapat mong gawin, at sa mas higit pa roon, sa iniatas ng Diyos at sa iyong obligasyon, gayundin sa mahalagang gawain na labas sa iyong tungkulin ngunit kailangan mong gawin, sa gawain na isinaayos para sa iyo at na pangalan mo ang tinawag para gawin ito—dapat mong bayaran ang halaga, gaano man ito kahirap. Kahit na kailangan mong magsumikap nang husto, kahit na may posibilidad na ikaw ay usigin, at kahit na malagay nito sa panganib ang buhay mo, hindi mo dapat panghinayangan ang ibinayad mo, at sa halip ay ialay mo ang iyong katapatan at magpasakop ka hanggang kamatayan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas. May layunin ang Diyos sa tungkuling dumating sa akin noong araw na iyon, at itinakda rin ng Diyos kung maaaresto ba ako o hindi. Dahil ako ang pinakaangkop na maglipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos sa oras na iyon, kailangan kong magpasakop nang walang kondisyon. Kalaunan, sa pagtutulungan ng lahat, matagumpay kong nadala ang mga aklat sa ligtas na lugar.

Sa karanasang ito, nakakuha ako ng ilang kabatiran: Noong nasa mapanganib na sitwasyon ako, nagbigay sa akin ng pananalig at tapang ang mga salita ng Diyos, na nagpahintulot sa akin na magpatuloy sa mga tungkulin ko. Kasabay nito, nakita ko kung gaano ako katakot at kung gaano ko pinahalagahan ang sarili kong buhay. Nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking satanikong disposisyon na makasarili at nauudyukan ng pakinabang, at mas malinaw kong nakita ang kamatayan, kaya nabawasan ang takot ko. Naging mas matatag ako sa aking pananalig na sumunod sa Diyos at maghangad ng makabuluhang buhay. Ang mga kabatirang ito ay mga bagay na hindi ko makakamtan sa isang komportableng kapaligiran.

Sinundan: 85. Paano Haharapin ang mga Hindi Kanais-nais na Katotohanan

Sumunod: 90. Pagyakap Sa Aking Tungkulin Nang Walang Takot

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito