41. Naging Hudas ang Pamunuan Pagkatapos Maaresto
Noong Hulyo 4, 2018, si Ding Jie, ang lider na nakapareha ko, ay nasundan at naaresto. Noong marinig ko ang balita, balisang-balisa ako. Napakalupit ng mga pamamaraan ng pulisya sa pagpapahirap sa mga tao: kakayanin niya kaya ito? At nakaugnayan ko siya nang madalas, hindi kaya minamanmanan na rin ako? Sa pag-iisip ko nito, medyo natakot ako. Makalipas ang ilang araw, nakatanggap ako ng liham mula sa aming bayan. Sinabi nito na pumunta sa bahay namin ang mga pulis para arestuhin ako at sinabihan din ang mga taga-nayon na maging alerto sa akin. Si Sister Li Qing na mula sa aming nayon ay naaresto, at tinutugis pa rin ng mga pulis ang dalawa niyang anak na babae. Isang sampal sa akin ang balitang ito. Inaaresto ng mga pulis ang mga kapatid sa lahat ng lugar, at naging isang tao ako na walang tirahan. Dahil nakikita ko kung gaano kalawak ang pagkilos ng mga pulis para arestuhin ang mga mananampalataya sa Diyos, galit na galit ako. Kasabay nito, nag-aalala ako na kung nasa ilalim na ako ng pagmamanman ng mga pulis, hindi na magiging ligtas pa rito para sa akin. Kung maaresto ako ng mga pulis, hindi ba’t pahihirapan ako? Kakayanin ko ba ito? Habang lalo akong nag-iisip, lalo akong natatakot. Ginugol ko ang ilang sumunod na araw na nasa kalagayan ng pagkatakot.
Hindi nagtagal, nabalitaan kong hindi nakayanan ni Ding Jie ang pagpapahirap at ipinagkanulo ang mga kapatid, pati na ang dalawang tahanan na nag-iingat sa mga aklat ng mga salita ng Diyos. Noon, nauna nang nailipat ang mga aklat, pero naaresto ang sister mula sa nag-iingat na pamilya, at kinuha ng mga pulis ang nakaimpok na 300,000 yuan mula sa bahay ng isa pang sister. Sinamahan pa ni Ding Jie ang mga pulis sa pag-aresto sa mga kapatid. Mahigit sa 10 lider at diyakono ang sunud-sunod na inaresto. Ni-raid ang bahay ng ilang kapatid, at maraming kapatid ang umalis ng bahay at nagtago. Hindi pa nagtagal ay isa pang lider na si Xia Yu, ang inaresto. Dahil hindi niya makayanang tiisin ang mga pananakot at pagbabanta ng mga pulis at pagpapahirap nila, at natakot siyang mahatulang makulong, sa huli, ipinagkanulo niya ang mga kapatid at ang pera ng iglesia. Nang marinig ko ang balitang ito, nagulat ako at hindi ako nangahas maniwalang totoo ito. Talagang hinahangad ng mga lider na ito ang katotohanan bago pa ito; paano sila naging mga traydor? Nanampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon sina Ding Jie at Xia Yu. Tinalikuran nila ang kanilang mga pamilya, inabandona ang kanilang mga propesyon, at ibinuhos ang lahat ng oras nila sa paggawa sa kanilang mga tungkulin. Paano man sila usigin at hadlangan ng kanilang mga pamilya, patuloy silang nanampalataya sa Diyos, at nagawa nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga kapag ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Paanong bigla na lang silang naging Hudas lahat? Hindi ko talaga maintindihan ito. Mga lider sila, at kadalasang medyo mahusay ang pakikipagbahaginan nila sa mga kapatid. Nauunawaan dapat nila ang mas maraming katotohanan at mas may tayog kaysa sa mga kapatid, pero kahit ang ilang ordinaryong kapatid ay kayang manindigan sa kanilang patotoo. Bilang mga lider, paano silang nagkaroon ng mas mababang tayog kaysa sa mga ordinaryong kapatid? Paanong basta na lang nila ipinagkanulo ang Diyos? Itinuon ko sa aking sarili ang mga iniisip ko. Pagdating sa pagtalikod at paggugol, wala akong nagawang mas higit sa kanila. Binitiwan nila ang kanilang trabaho, ang kanilang mga magulang, at ang kanilang mga anak, at piniling gawin ang kanilang mga tungkulin, samantalang kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, madalas pa rin akong napipigilan ng mga pagmamahal. Ni hindi sila makapanindigan. Kung maaresto ako at ikulong ng mga pulis, magagawa ko bang makapanindigan sa aking patotoo? Kung ipinagkanulo ko ang Diyos gaya nila dahil hindi kayang matiis ng aking laman ang pasakit at takot akong makulong, kung gayon, hindi ba’t magkakaroon ako ng masamang kalalabasan at kahahantungan? Hindi ba’t magiging walang saysay ang mga taon ng pananampalataya ko sa Diyos? Hindi ko maiwasang mag-alala para sa sarili ko. Hindi ko naunawaan kung bakit nagdusa ng gayong katinding pang-uusig ang iglesia, at kung bakit napakaraming kapatid ang inaresto. Bumagsak nang lahat ang matatayog na mandirigma na nasa isip ko. Nang panahong iyon, sirang-sira ang loob ko. Bawat araw, bakas sa mukha ko ang pag-aalala, at nagbubuntong-hininga ako dahil sa kawalan ng pag-asa. Kapag binabasa ko ang mga salita ng Diyos, hindi ko isinasapuso ang mga iyon, at wala akong lakas kapag nagtitipon o gumagawa ng aking tungkulin.
Nakita ng isang sister na medyo sira ang loob ko, at pinaalalahanan ako, “Hindi ka puwedeng magpatuloy na may pagkanegatibo nang gaya nito. Kailangan mong matuto mula sa mga kapatid na naninindigan sa kanilang patotoo, magbasa pa ng mga salita ng Diyos, at matuto ng mas maraming aral.” Kinailangan ng paalala ng sister na ito para malaman ko kung gaano ako kahina. Naranasan ng mga kapatid ang pang-uusig ng mga pulis at nagtiis ng napakatinding pagdurusa, at alam pa rin nilang magtiwala sa Diyos at matuto ng mga aral. Bakit hindi ko alam hanapin ang layunin ng Diyos? Habang naghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kaya paano matatahak ang huling bahagi ng landas? Sa mga panahon ng iyong pagdanas ng matinding paghihirap, kailangan mong tiisin ang lahat ng hirap, at kailangan mong gustuhing magdusa; sa paraang ito mo lamang matatahak na mabuti ang bahaging ito ng landas. Akala mo ba napakadaling tahakin ng bahaging ito ng landas? Dapat mong malaman kung anong tungkulin ang dapat mong tuparin; kailangan ninyong dagdagan ang inyong kakayahan at sangkapan ang inyong sarili ng sapat na katotohanan. Hindi natatapos ang gawaing ito sa loob ng isa o dalawang araw, at hindi ito kasindali ng inaakala mo! Ang pagtahak sa huling bahagi ng landas ay nakasalalay sa uri ng pananampalataya at kagustuhang taglay mo talaga. Marahil ay hindi mo makita ang Banal na Espiritu na gumagawa sa iyo, o marahil ay hindi mo nagagawang matuklasan ang gawain ng Banal na Espiritu sa iglesia, kaya negatibo ka at puno ng kawalang-pag-asa sa landas na iyong tatahakin. Partikular na, ang dakilang mga mandirigma noong araw ay bumagsak na lahat—hindi ba lahat ng ito ay isang dagok sa iyo? Paano mo dapat tingnan ang mga bagay na ito? Mayroon ka bang pananampalataya, o wala? Lubos mo bang nauunawaan ang gawain ngayon, o hindi? Ang mga bagay na ito ay maaaring matukoy kung kaya mong tahakin nang husto ang huling bahagi ng landas” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pang-uusig at pagsubok na pinagdusahan natin ngayon ay isang aral na isinaayos ng Diyos para sa bawat isa sa atin. Hindi madaling sundan ang huling bahagi ng landas na ito, kaya kailangan nating magkaroon ng matinding pananalig at masangkapan ng mas marami pang katotohanan. Nakita ko na maraming kapatid ang inaresto, bumagsak ang matatayog na mandirigma na nasa tabi ko, at maraming kapatid ang tumakas sa iba’t ibang dako, kaya naging pesimista ako at nadismaya, at nawalan ako ng pananalig. Hindi ba’t nasa gitna ako mismo ng tusong pakana ni Satanas? Anuman ang ginagawa ng Diyos, naglalaman ang lahat ng ito ng Kanyang masusing pagsasaalang-alang, pero hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos at namuhay ako sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, itinuturing nang may pagkanegatibo ang nangyari. Hindi ito naaayon sa layunin ng Diyos! Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, hindi ko nauunawaan kung bakit nahaharap ang iglesia sa gayong malulubhang sitwasyon, at kung bakit Mo kami pinahintulutang magdusa ng mga walang habas na pang-aaresto at pang-uusig ng Partido Komunista. O Diyos ko, pakigabayan Mo akong maunawaan ang layunin Mo at gabayan Mo ako palabas sa kalagayan ng maling pagkaunawa at pagkasira ng loob.”
Habang naghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na lubhang pumukaw sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang pakay ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang pakay ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, pati na rin ang mga kinakailangan at ang mga layunin ng Diyos para sa tao; sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng pakay ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang mapaghahambinganan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, panggugulo, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Diyos, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga gayong tao ay matuwid, may pananampalataya, may pagpapasakop, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang kumakawala kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagpapasakop at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na obhektibo ng Diyos sa pagliligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang gawain ng Diyos ay ang iligtas ang mga tao sa kasalanan at impluwensiya ni Satanas, na sa huli ay dinadala sila sa Kanyang kaharian. Hindi kontento rito si Satanas at ang mga diyablong hari, at walang habas nilang inaaresto at inuusig ang hinirang na mga tao ng Diyos, sinasalungat sa bawat paraan ang Diyos at inuubos ang lahat ng paraan ng paghadlang sa gawain ng Diyos. Inaakusahan at inaatake nila ang bawat taong sumusunod sa Diyos, sinusubukang ipatatwa ang Diyos sa mga tao, ipagkanulo Siya, at maparusahan sa impiyerno kasama nila. Sa gitna ng iba’t ibang panunukso at pag-atake ni Satanas, ang hinirang na mga tao ng Diyos na nagagawang magtiwala sa Diyos, manindigan sa kanilang patotoo, at ipahiya si Satanas ay ang mga puwedeng maligtas. Samantala, ang mga ipinagkakanulo ang Diyos at nakikipagkompromiso at sumusuko kay Satanas ay naiwawala ang pagliligtas ng Diyos at nabubunyag at itinitiwalag. Nang nauunawaan ko na ang aspektong ito ng katotohanan, biglang sumigla at umaliwalas ang puso ko. Ang pagdurusa sa pang-aaresto at pang-uusig mula sa rehimen ni Satanas ay isang kinakailangang proseso ng pagkakamit ng kaligtasan. Ang pagiging duwag at takot ko at pag-iisip na takasan ang gayong kapaligiran ay walang silbi; ang dapat kong gawin ay ang masangkapan ng mas maraming katotohanan at manindigan sa aking patotoo tungkol sa Diyos.
Pagkatapos niyon, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Sa bansa ng malaking pulang dragon, nagawa Ko na ang isang yugto ng gawain na hindi maarok ng mga tao, na dahilan upang umindayog sila sa hangin, pagkatapos ay marami ang tahimik na natatangay ng ihip ng hangin. Tunay na ito ang ‘giikan’ na malapit Ko nang linisin; ito ang kinasasabikan Ko at ito rin ang plano Ko. Sapagkat maraming masasamang nakapasok habang gumagawa Ako, ngunit hindi Ako nagmamadaling itaboy sila. Bagkus, ikakalat Ko sila pagdating ng tamang panahon. Pagkatapos lamang noon Ako magiging bukal ng buhay, na nagtutulot sa mga tunay na nagmamahal sa Akin na matanggap mula sa Akin ang bunga ng puno ng igos at ang halimuyak ng liryo. Sa lupain kung saan pansamantalang naninirahan si Satanas, ang lupain ng alikabok, walang nananatiling purong ginto, buhangin lamang, kaya nga, sa pagtugon sa mga sitwasyong ito, ginagawa Ko ang yugtong ito ng gawain. Dapat mong malaman na ang natatamo Ko ay puro at dalisay na ginto, hindi buhangin. Paano makakapanatili ang masasama sa Aking sambahayan? Paano Ko matutulutan ang mga soro na maging mga parasito sa Aking paraiso? Ginagamit Ko ang lahat ng maiisip na pamamaraan para itaboy ang mga ito. Bago mabunyag ang Aking mga layunin, walang nakakaalam sa gagawin Ko. Para masamantala ang pagkakataong ito, itinataboy Ko ang masasama, at napipilitan silang umalis sa Aking harapan. Ito ang ginagawa Ko sa masasama, ngunit darating pa rin ang araw na maglilingkod sila sa Akin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ito: Isang gamit-panserbisyo sa gawain ng Diyos ang malaking pulang dragon. Ginagamit ng Diyos ang mga pang-aaresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon bilang serbisyo upang gawing perpekto ang Kanyang hinirang na mga tao, habang ibinubunyag din ang masasamang tao at hindi mananampalataya, pinaghihiwa-hiwalay ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Napakamakapangyarihan-sa-lahat at napakatalino ng gawain ng Diyos! Ginagamit Niya ang walang habas na pang-uusig at mga pang-aaresto ng malaking pulang dragon para maperpekto ang mga tao, ibunyag sila, at itiwalag sila. Ang mga trigo, mga damo, ang mga tunay na mananampalataya at ang mga huwad na mananampalataya—lahat sila ay isa-isa Niyang ibinubunyag sa gitna ng masalimuot na kapaligirang ito. Para sa mga tunay na nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan, kahit na magtiis sila ng pagdurusa at kahit na mamatay sila, susundan pa rin nila ang Diyos hanggang sa dulo at maninindigan sa kanilang patotoo tungkol sa Kanya. Ang mga taong hindi tunay na nananampalataya sa Diyos at walang pagkatao ay makikipagkompromiso at susuko kay Satanas sa lahat ng klase ng sitwasyon. Ang gayong mga tao ay ang mga mismong damo na ibinubunyag ng Diyos sa Kanyang gawain ng mga huling araw; sila ang maititiwalag. Naisip ko ang isang batang brother na kasama ng mga inaresto. Pinaso ng mga pulis ang katawan niya gamit ang dulo ng sigarilyo, at sunud-sunod siyang binuhusan ng tasa ng kumukulong tubig. Napakakahindik-hindik nito, pero sa lahat ng pagpapahirap na iyon, hindi niya ipinagkanulo ang Diyos. Hinarap niya ang pagmamanipula sa isip ng pulisya at ginamit ang katotohanan para pabulaanan sila. Mas gugustuhin niyang makulong kaysa sa magsalita ng kahit isang parirala ng pagtatatwa o pagkakanulo sa Diyos. May isa ring sister na hinubaran, at kinoryente ng mga pulis sa isang madilim na kuwarto gamit ang mga pangkoryenteng baton hanggang sa puntong tila mas mabuti pang mamatay kaysa mabuhay pero mas gugustuhin niyang mamatay kaysa ipagkanulo ang Diyos. Pagkatapos maaresto, maraming kapatid ang mas gugustuhing mamatay kaysa ipagkanulo ang Diyos. Mayroon silang matunog na patotoo tungkol sa Diyos at ipinahiya nila si Satanas. Bagama’t inaresto sila at nagdusa ng pang-uusig, at nagtiis ng ilang pagdurusa ang kanilang laman, pagkatapos nilang makita ang mga gawa ng Diyos, naperpekto ang kanilang pananalig. Nakita kong nagamit ang karunungan ng Diyos batay sa tusong pakana ni Satanas. Ginamit ng malaking pulang dragon ang lahat ng uri pamamaraan para usigin ang mga mananampalataya sa Diyos sa isang walang saysay na pagtatangkang pilitin ang mga taong ipagkanulo at itatwa Siya, pero ginamit ng Diyos ang gayong kapaligiran para maperpekto ang isang grupo ng tao upang gawing mga mananagumpay, upang gawing mahuhusay na sundalo ng kaharian, habang ibinubunyag at itinitiwalag din iyong mga hindi mananampalataya at masasamang tao na naghahanap ng tinapay para mabusog. Akala ko, bago naaresto sina Ding Jie at Xia Yu ay kaya nilang talikuran at gugulin ang kanilang sarili, paulit-ulit na sinasabing dapat manindigan ang isang tao sa kanyang patotoo tungkol sa Diyos. Sa labas, mukha silang mga taong taos-pusong nanampalataya sa Diyos, pero sa sandaling naharap na sila sa pagkaaresto at pagpapahirap, pinrotektahan nila ang kanilang sariling buhay at ipinagkanulo ang Diyos, pinagtaksilan ang mga kapatid, at naging mga kampon pa nga ng Partido Komunista. Sila mismo ang klase ng masasamang taong ibinunyag ng Diyos. Noon, kung may nagsabing masasamang tao sila at ipagkakanulo ang Diyos, hinding-hindi ako maniniwala rito. Pero nang mabunyag na ang mga katunayan, nakita ko nang malinaw ang kalikasang diwa nila. Pawang mga salita at doktrina ang karaniwan nilang sinasabi, pawang mga hungkag na teorya. Naisip ko muli ang tungkol sa sarili ko. Noon, nagpasya ako sa harap ng Diyos na gaano man kasalimuot ang mga sitwasyon, palagi akong magpupursige sa pagtupad sa aking tungkulin at pagpapalugod sa Kanya, at akala ko ay mataas ang tayog ko. Pero nang maharap ako sa panganib at mga kapighatian, namuhay ako sa kalagayan ng pagkatakot at pangamba at nawala ang aking pananalig kung saan sa wakas ay napagtanto ko na nakaaawa sa liit ang tayog ko.
Kalaunan, inisip ko kung paano nabigo sina Ding Jie at Xia Yu. Napagtanto ko na kinailangan kong matuto ng isang aral mula sa kanilang kabiguan. Bakit ko inisip na sobrang nakakagulat at mahirap tanggapin ang kanilang pagiging Hudas at pagkakanulo sa Diyos? Sa metikuloso kong pag-iisip nito, nakita ko na may isang maling pananaw sa loob ko. Inakala ko na dahil mga lider sila, tinalikuran nila ang kanilang mga pamilya at inabandona ang kanilang mga propesyon para gawin ang kanilang mga tungkulin, at ang mga pagbabahagi nila ay karaniwang napakahuhusay, na siguradong nauunawaan nila ang katotohanan at may realidad, na mas mataas ang kanilang tayog kaysa sa mga kapatid, at na hindi nila ganoon kadaling ipagkakanulo ang Diyos. Nakita kong mali ang pamantayan ko sa panghuhusga sa kanila. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang gawain o gampanan ang isang tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay nagpapasakop sa Diyos, at hindi Siya pagtataksilan. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at may takot siya sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito; ang pagtaas ng ranggo at paglilinang ay pagtataasng ranggo at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pagtaas ng kanyang ranggo at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na itinaas na siya ng ranggo, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag itinaas ng ranggo at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, itinataas lamang siya ng ranggo at nililinang sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na isa na siyang lider na pasok sa pamantayan, o isang mahusay na lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko ito: Kapag hinirang ang isang tao upang maging isang lider, pagkakataon lamang ito para sa pagsasanay. Hindi talaga ito nangangahulugan na nauunawaan niya ang katotohanan at na may realidad siya. Dagdag pa, kung kaya ba niyang makapanindigan sa dulo o hindi, ay matutukoy ng kanyang kalikasang diwa at ng landas na tinatahak niya. Wala itong kinalaman sa kung lider ba siya o hindi. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, gaano man siya mukhang tumatalikod at gumugugol, at gaano man siya kasigasig at nagagawang magtiis ng pagdurusa, kapag may mga nangyari sa kanya, at pinoprotektahan lang niya ang personal niyang mga interes, walang lugar sa puso niya para sa Diyos, at kaya niyang ipagkanulo ang Diyos anumang oras o lugar, kung gayon, wala siyang katotohanang realidad. Noon, naniwala akong ang mga lider at manggagawa na alam kung paano makipagbahaginan sa iba ay nagpapakita na naunawaan nila ang mga layunin ng Diyos at ang mga hinihingi Niya, na mas mataas ang kanilang mga tayog kaysa sa mga kapatid, at na kaya nilang manindigan kapag naharap sa mga pagsubok. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ko. Ngayon, naunawaan ko na kung may katotohanang realidad man ang isang tao ay pangunahing nakadepende sa kung ang kaalaman bang ibinabahagi niya ay ang mismong isinasabuhay niya. Gaano man kaganda ang mga salitang lumalabas sa bibig niya, kung hindi naman niya kayang isabuhay ang mga ito, kung gayon ay mga doktrina lamang ang ibinabahagi niya; hindi ito praktikal, at hindi niya tunay na nauunawaan ang katotohanan. Hindi katumbas ng pagkakaroon ng katotohanang realidad ang pagkakaroon ng katayuan, at ang pagiging isang lider at pagkakaroon ng katayuan ay hindi nangangahulugang kaya ng isang taong makilala at magpasakop sa Diyos, lalo pa ang mahalin ang Diyos at magkaroon ng pagkatao. Kapag hinuhusgahan ang isang tao, hindi dapat tumingin sa kung gaano kataas o kababa ang katayuan nito, kundi dapat tingnan kung ano talaga ang isinasabuhay nito. Kung kaya ng isang tao na magpasakop sa Diyos, maging tapat sa Diyos, at tunay na kilala niya ang Diyos kapag may nangyari sa kanya, at kaya niyang ibigay ang kanyang buhay at paluguran ang Diyos sa kritikal na sandali, ibig sabihin nito ay may katotohanang realidad siya. Sa labas, mukhang magagawang talikuran at gugulin nina Ding Jie at Xia Yu ang kanilang sarili, pero noong naharap sa panganib, inisip lang nila ang kanilang mga interes at isinaalang-alang lamang ang sarili nilang kaligtasan, at hindi kayang maging tapat sa Diyos at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi talaga sila mga taong tunay na naghangad ng katotohanan. Kung kaya nilang talikuran at gugulin ang kanilang sarili, tiisin ang paghihirap, at bayaran ang halaga, ito ay dahil sa nakontrol sila ng kanilang mga layunin na makatanggap ng mga pagpapala; gusto nilang magkamit ng mga pakinabang mula sa Diyos. Nang maharap na sila sa mga sitwasyon na kinasasangkutan ng kanilang mga personal na interes, nagawa nilang talikuran ang Diyos nang wala ni katiting na pag-aalinlangan. Hindi talaga sila mga taong tunay na nanampalataya sa Diyos. Hindi ginawa nang taos-puso ang kanilang pagtalikod at paggugugol; sa halip, nakikipagtransaksyon sila sa Diyos. Dagdag pa, may isa pang dahilan kaya ipinagkanulo nila ang Diyos, at iyon ay masyado nilang pinahalagahan ang kanilang laman, ayaw magtiis ng pagdurusa ng pagkakakulong, at natakot sa kamatayan. Kaya naman, naging Hudas sila. Nang mapagtanto ko ang dahilan kung bakit sila nabigo, naisip ko kung paanong duwag din ako at natakot din na isang araw ay maaresto at hindi makayang tiisin ang pagpapahirap at ipagkanulo ang Diyos. Kaya, tahimik akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos ko, pakigabayan Mo ako sa mga katotohanang dapat kong isangkap sa sarili ko para hindi Kita ipagkanulo.”
Habang naghahanap, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “May nangyari na kinakailangan kang magtiis ng hirap, kung kailan dapat mong maunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Hindi mo dapat bigyang-kasiyahan ang iyong sarili: Isantabi mo muna ang iyong sarili. Wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa laman. Kailangan mong sikapin na mabigyan-kasiyahan ang Diyos, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Dahil sa gayong mga kaisipan, dadalhan ka ng Diyos ng natatanging kaliwanagan sa bagay na ito, at makakahanap din ng kaginhawahan ang puso mo. Maliit man o malaki, kapag may nangyayari sa iyo, dapat mo munang isantabi ang iyong sarili at ituring ang laman bilang ang pinakamababa sa lahat ng bagay. Habang mas binibigyang-kasiyahan mo ang laman, mas kumikilos ito nang walang permiso; kung bibigyang-kasiyahan mo ito ngayon, higit pa ang hihingin nito sa susunod. Habang nagpapatuloy ito, lalo pang napapamahal sa mga tao ang laman. Ang laman ay laging mayroong maluluhong pagnanasa, palagi nitong hinihingi sa iyo na bigyan ito ng kasiyahan at palugurin ito sa kalooban mo, maging ito man ay sa mga bagay na iyong kinakain, iyong sinusuot, o sa pag-init ng ulo mo, o pagpapabuyo sa mga sarili mong kahinaan at katamaran…. Habang lalo mong binibigyang-kasiyahan ang laman, mas tumitindi ang mga pagnanasa nito, at mas nagiging mapagpasasa ang laman, hanggang umabot sa puntong ang laman ng mga tao ay nagkikimkim na ng mas malalalim pang mga kuru-kuro, at naghihimagsik laban sa Diyos, at dinadakila ang sarili nito, at nagiging mapagduda sa gawain ng Diyos. Habang lalo mong binibigyang-kasiyahan ang laman, mas tumitindi ang mga kahinaan ng laman; palagi mong mararamdaman na walang sinumang nakikisimpatiya sa iyong mga kahinaan, lagi kang maniniwalang sumusobra na ang Diyos, at sasabihin mong: ‘Paano ba naging sobrang malupit ang Diyos? Bakit hindi Niya lubayan ang mga tao?’ Kapag binibigyang-kasiyahan ng mga tao ang laman at labis itong minamahal, sinisira nila ang kanilang sarili” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nabibilang kay Satanas ang laman. Masyado na tayong nagawang tiwali ni Satanas, at namumuhay tayong lahat ayon sa satanikong lason na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Sa pamumuhay nang ganito, isinasaalang-alang lamang ng isang tao ang kanyang sarili, at iniisip muna ang kanyang sariling mga interes sa anumang ginagawa niya. Para hindi magtiis ng pagdurusa ang kanyang laman, kaya niyang gawin ang mga bagay na lumalabag sa sarili niyang konsensiya at sumasalungat sa pagkatao. Katulad ng kapag ang mga tao ay naaresto ng Partido Komunista at naharap sa lahat ng uri ng pagpapahirap at pagkakakulong, kung palagi nilang iniisip ang kanilang laman na hindi masyadong nagdurusa, o hindi nabubugbog at hindi nakukulong, magagawa nilang pagtaksilan ang kanilang mga kapatid at ipagkanulo ang Diyos. Sa huli, natugunan ang kanilang makalaman na mga interes, pero wasak na ang kanilang buhay, at nawala na nila magpakailanman ang pagliligtas ng Diyos at mahuhulog sa impiyerno kasama ni Satanas para maparusahan. Sa pagninilay ko sa aking sarili, napagtanto ko na masyado kong pinahalagahan ang laman ko, palaging gustong maginhawang manampalataya sa Diyos at ayaw magtiis ng anumang pagdurusa ang aking laman. Kapag maginhawa ang kapaligiran, kaya ko pa ring gawin ang tungkulin ko, pero kapag naharap na sa mga pang-aaresto at pang-uusig, nagiging duwag at takot ako, nangangambang maaresto at pahirapan ako, at na makulong ako. Namuhay ako sa sindak araw-araw. Ginagamit ni Satanas ang pagkamaibigin ko sa aking laman at ang pagtanggi kong magtiis ng pagdurusa upang pilitin akong ipagkanulo ang Diyos. Naisip ko ang Panginoong Jesus na nagpakita at gumawa noong nagkatawang-tao Siya. Nang malaman Niyang ipapako Siya sa krus, bagama’t nasa pasakit Siya at mahina nang panahong iyon, nagawa pa rin Niyang magpasakop sa kalooban ng Diyos, magtiis ng lahat ng uri ng kahihiyan, pasakit, pangungutya, at paninirang-puri, mahagupit, magsuot ng isang koronang tinik, lumakad nang paunti-unti papunta sa lugar kung saan Siya ipapako sa krus at sa huli ay maipako sa krus. Sa ikalawang pagkakataon na naging tao ang Diyos, naharap Siya sa bawat posibleng uri ng pagtugis at pang-uusig mula sa Partido Komunista, at sa gayong kapaligiran, ipinahayag pa rin Niya ang katotohanan at ginampanan ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Upang mailigtas ang sangkatauhan, tiniis ng Diyos ang lahat ng pagdurusang ito nang wala ni isang salita ng pagrereklamo. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan! Samantala, nananampalataya ako sa Diyos para maligtas ako, at kapag magtitiis ako ng kaunting pagdurusa, sisisihin ko at hindi ko mauunawaan ang Diyos. Talagang labis akong makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao!
Kalaunan, nakita ko sa mga salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangang hayaan mo Siyang mamatnugot ayon sa gusto Niya at maging handa kang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong maging handang magtiis ng sakit ng pagsuko sa minamahal mo, at maging handang tumangis para palugurin ang Diyos. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang maghimagsik laban sa laman. Dapat ay handa kang personal na magtiis ng mga paghihirap at na magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat ay may kakayahan ka ring makaramdam ng pagsisi sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga kinakailangang ito, hindi ka magagawang perpekto” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Sa pagbubulay-bulay ko sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ito: Ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng paghahatol at pagdadalisay sa tao. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng miserableng kapaligiran upang subukin at pinuhin tayo, para magkamit tayo ng kaalaman sa ating mga tiwaling disposisyon at sa ating mga maling layunin, para sa huli, makapaghimagsik tayo sa laban sa ating laman, mabitiwan ang ating magagarbong pagnanais sa loob natin, makapagpasakop sa Diyos anuman ang ginagawa Niya, at maging handang tiisin ang paghihirap ng laman at piliing paluguran ang Diyos; ang gayong mga tao lamang ang mapeperpekto Niya. Ginagamit ng Diyos ang lahat ng uri ng miserableng kapaligiran upang pinuhin ang kalooban ng tao upang magtiis ng pagdurusa at gawing perpekto ang pananalig, pagmamahal, at tunay na pagpapasakop sa Diyos ng tao. Hindi kayang makamit ng mga tao ang gayong mga katotohanang realidad sa magiginhawang kapaligiran. Katulad lang ito ng kung paanong sa pagdanas sa kapaligiran ng mga pang-aaresto at pang-uusig ng Partido Komunista sa pagkakataong ito ay malinaw na naipakita sa akin ang aking tunay na tayog. Nakita ko na wala akong pananalig sa Diyos, at nagkamit din ako ng kaunting kaalaman sa aking makasarili at kasuklam-suklam na tiwaling disposisyon. Naunawaan ko na ginamit ng Diyos ang mga walang habas na pang-aaresto at pang-uusig ng Partido Komunista upang maperpekto ang isang grupo ng tao upang maging mga mananagumpay, at ginamit din ito upang ibunyag at itiwalag ang mga hindi mananampalataya at masasamang tao. Nakita ko na ginamit ang karunungan ng Diyos batay sa tusong pakana ni Satanas. Ito ang mga katotohanang hindi ko makakamit sa isang maginhawang kapaligiran.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko nang mas malinaw ang buktot na kalikasan ng paglaban sa Diyos ng Partido Komunista. Lumitaw sa puso ko ang pagkamuhi para dito, at mas naging determinado akong sundan ang Diyos. Handa rin akong gawin nang maayos ang tungkulin ko para ipahiya si Satanas. Naisip ko ang mga liriko ng awit na “Patotoo ng Buhay”: “Balang araw maaari akong mahuli dahil sa pagpapatotoo sa Diyos, alam ko sa puso ko na ang pagdurusang ito’y alang-alang sa katuwiran. Kung mamatay ako sa isang kisapmata, ipagmamalaki ko pa rin na kaya kong sundan si Cristo at patotohanan Siya sa buhay na ito. Kung hindi ako mabubuhay para makita ang paglawak ng ebanghelyo ng kaharian, mag-aalay pa rin ako ng magagandang hangarin. Kung hindi ko makikita ang araw na magkakatotoo ang kaharian ngunit kaya kong pahiyain si Satanas ngayon, sa gayon puso ko’y mapupuspos, mapupuspos ng galak at kapayapaan” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang tahimik kong kinakanta ang awit na ito, tumangis ako ng mga luha ng emosyon, at determinado akong sundan ang Diyos hanggang sa huli.