49. Bakit Napakahirap Umamin sa mga Pagkakamali?
Responsable ako sa paggawa ng video sa iglesia ko. Isang araw, nagmamadali akong tinawagan ng isang sister. Hindi niya nasuri nang maayos ang isang video at kailangan itong gawing muli, na nagdulot ng mga pagkaantala at nakapag-aksaya ng mga tauhan at mga kagamitan. Nang marinig ko ang pamagat ng video, napagtanto ko na tumulong din ako sa pagsuri sa video pero wala rin akong nakitang mga problema. Pagkatapos ng tawag, nagmadali akong alamin ang lahat tungkol dito, at nakita kong mali ang pagkabaybay ng pamagat ng video. Siyempre, dapat iulat sa lider ang mga pagkakamali sa gawain, o dapat suriing muli ang anumang mga paglihis para maiwasan ng lahat ang parehong mga problema sa hinaharap. Pero nag-atubili ako: “Nagkamali ako sa gayong kasimpleng bagay. Ano na lang ang magiging tingin sa akin ng lider pagkatapos nito? Iisipin ba niya na hindi ako seryoso o maaasahan sa tungkulin ko? Kung gayon, mawawala ang posisyon ko bilang tagapangasiwa.” Pagkatapos, naisip ko kung paano ko palaging binibigyang-diin sa mga kapatid ko ang kahalagahan ng pagiging maingat sa paggawa ng mga video. Kung malalaman ng lahat na nagawa ko itong pagkakamali, iisipin ba nila na hindi ako karapat-dapat na mangasiwa? Kung gayon, paano na ang reputasyon ko? Kaya ayaw kong sabihin sa iba ang tungkol sa pagkakamali ko. Nakahanap ako ng mga palusot para sa sarili ko: “Hindi namin sinasadyang maging pabaya. Sinuri namin kung ano ang dapat naming suriin. Hindi ko mahuhulaan ang mga di-pangkaraniwang pangyayaring ito. Hindi na mababawi ang nagawang pinsala, pero hangga’t mas magiging maingat ako sa hinaharap, magiging maayos lang ito. At saka, hindi lang ako ang sumuri sa video na ito. Kahit malaman ng lahat ang nangyari, hindi lang ako ang masisisi. Maaari nang tapusin ang isyung ito. Alam na ng lahat ng dapat makaalam, at sapat na iyon.” Kaya, hindi ko ito sinabi sa lider o sa iba pang mga kapatid sa grupo. Kahit na hindi ako mapalagay at alam kong iniiwasan kong managot, kapag naiisip ko kung ano ang maaaring idulot ng pag-amin ko sa pagkakamaling ito sa reputasyon ko, at maging sa posisyon ko, matigas ang ulo na nagpatuloy lang ako na parang walang nangyari.
Isang araw, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang mga tiwaling tao ay mahusay magpanggap. Anuman ang ginagawa nila o anumang katiwalian ang ibinubunyag nila, palagi nilang sinusubukan na magbalatkayo. Kung may mangyaring mali o may ginawa silang mali, gusto nilang isisi iyon sa iba. Gusto nilang mapunta sa kanila ang kredito sa mabubuting bagay, at masisi ang iba sa masasamang bagay. Hindi ba maraming ganitong pagpapanggap sa tunay na buhay? Napakarami. Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng mga tiwaling disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang; ito ay higit na kinamumuhian ng Diyos. Sa katunayan, kapag nagpapanggap ka, nauunawaan ng lahat ang nangyayari, pero akala mo hindi iyon nakikita ng iba, at ginagawa mo ang lahat para makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo sa pagsisikap na hindi ka mapahiya at isipin ng lahat na wala kang ginawang mali. Hindi ba kahangalan ito? Paano ito hinuhusgahan ng iba? Ano ang nadarama nila? Pagkasuklam at pagkamuhi. Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, magkomento rito, at kilatisin ito, at kaya mo itong himayin at isiwalat para makita ng iba, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Tiyak na sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos, at kaya nilang makita ang iyong puso sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin nila sa iyo, at sasabihin nila na ikaw ay hangal at hindi matalinong tao. Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong pagkakamali, sasabihin ng lahat na matapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Lahat ay may mga pagkukulang at kapintasan. At lahat ay may pare-parehong mga tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; ang pag-iisip nang ganyan ay labis na wala sa katwiran! Sa sandaling malinaw mo nang makita ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang tunay na mukha ng kanilang tiwaling diwa, at hindi mo sinusubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, at hindi mo ginagamit ang mga pagkakamali ng ibang tao laban sa kanila, at kaya mong harapin nang tama ang dalawa, saka mo lang makikita ang mga bagay-bagay nang malaliman at hindi ka gagawa ng mga kahangalan, at magiging isa kang matalinong tao. Lahat ng wala sa katwiran ay hindi matatalinong tao, sila ay mga hangal. Sa tuwing nagkakamali sila o gumagawa ng isang bagay na katawa-tawa at pinupungusan sila, dinidibdib nila ito, at palagi nilang sinusubukang bigyang-katwiran at ipagtanggol ang kanilang sarili, habang kumikilos nang patalikod. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa nila, subalit lantaran pa rin silang nagpapanggap. Nagmumukha silang katatawanan sa iba. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagpapanggap, pagkukubli at pagkabigong aminin ang pagkakamali ng isang tao ay mas malala pa kaysa sa simpleng pagkakamali. Mapanlinlang ang mga ito, at taksil! Sa kabaligtaran, kapag inilalantad ng isang tao ang sarili niya at nananagot sa isang pagkakamali, bukod sa hindi siya mamaliitin ng iba, rerespetuhin pa siya ng iba sa simple at hayagang pagsasabi ng totoo. Lahat tayo ay may mga pagkakataon na nagkakamali. Hindi basta-bastang kinokondena ng Diyos ang mga tao dahil sa kanilang mga kamalian—tinitingnan Niya kung kaya nilang tunay na magsisi pagkatapos. Pero hindi ko naunawaan ito. Inakala ko na nakakahiya ang magkamali, lalo na bilang isang superbisor—naisip ko na kapag nagkamali ako sa mga simpleng bagay, mamaliitin ako ng mga tao. Iisipin nila na hindi ako mas magaling kaysa sa mga kapatid ko, at maaaring mapalitan ako. Kaya nang may nakitang mali sa isang video na sinuri ko, hindi ako naglakas-loob na aminin ito at nagpumilit akong pagtakpan ito. Umakto ako na parang walang nangyari para maiwasang managot, at itago ang isyu. Nakonsensiya ako rito, pero hindi pa rin ako handang sabihin sa lahat ang totoo. Napakamapanlinlang ko! Malinaw na nagdulot ako ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, pero wala akong sinabi, at sinubukan kong pagtakpan ang kamalian ko. Hinayaan ko na makita lang ng lider at mga kapatid ko ang mabuti kong katangian, hindi ang pagkakamali ko. Nang sa ganoon, iisipin ng lahat na seryoso at praktikal ako sa gawain ko. Mapapanatili ko ang imahe ko, at ang posisyon ko bilang superbisor. Kasuklam-suklam ang gayong paraan ko ng pagkilos! Natakot ako na malaman ng mga tao ang pagkakamali ko, kaya ginawa ko ang lahat para makapagbalatkayo. Ikinubli ko ang pangit kong katangian, nilinlang ang mga tao, at itinago sa kanila ang totoo. Namuhay ako nang walang karakter o dignidad. Hindi ko puwedeng patuloy na pagtakpan ang pagkakamali ko at linlangin ang iba. Kaya, sumulat ako sa lider ko, ipinaalam sa kanya ang sitwasyon, at nagtapat ako sa lahat tungkol sa katiwalian ko. Sinabi ko sa kanila ang totoo, para matuto sila sa halimbawa ko. Matapos gawin ito, medyo gumaan ang pakiramdam ko.
Kalaunan, nang buksan ko ang aming listahan ng gawain, natuklasan kong may isa pang video na maaaring nadoble ang paggawa. Hindi ako makapaniwalang totoo ito. Itinala ko kung sino ang itinalaga ko sa bawat gawain, kaya paanong nagkaroon ng isa pang pagkakamali? Pero nang suriin ko ito, talagang nadoble nga ang paggawa ng video. Sa oras na iyon, hindi ako makagalaw: Masama ito. Kaaamin ko lang ng pagkakamali ko sa lider, at bago pa niya detalyadong maunawaan ang sitwasyon, nagkamali na naman ako. Ano na lang ang iisipin niya sa akin? Iisipin ba niya na palagi na lang akong nagkakamali, at hindi angkop na mamuno? At kapag nalaman ng iba pang mga kapatid, iisipin ba nila na masyado akong hindi maaasahan at patuloy na ginagawa ang mga simpleng pagkakamaling ito? Kung gayon, kung sa susunod na magbahagi ako tungkol sa pagiging seryoso at responsable sa aming mga tungkulin, seseryosohin pa rin ba nila ito? Hindi, kailangan kong malaman kung ano mismo ang dahilan ng pagkakamaling ito, at umasa na hindi ako ang pangunahing taong responsable rito. Kahit na may bahagi ako sa kasalanan, dapat ay maliit na bahagi lang ito. Nang sa ganoon, hindi ako mapapahiya, at magiging ligtas ang katayuan ko. Sa huli, pagkatapos ng maingat na pagsisiyasat, natuklasan ko na pagkatapos kong italaga ang gampanin, naitala ko lang ito sa isang lumang listahan ng gawain, na naging dahilan para hindi iyon malaman ng lider ng grupo at naitalaga niya ang gampanin sa iba. Walang duda—ako ang pangunahing responsable. Nang mapagtanto ko ito, hindi ako makagalaw sa takot. Bakit napakamalas ko? Kinaharap ko ang lahat ng problemang ito na hindi naman sana dapat nangyari. Napakamalas! Hindi ko na talaga alam ang gagawin. Dapat ko bang sabihin sa lider ang pagkakamaling ito, o hindi? Kapag nalaman ng lahat na nakagawa ako ng dalawang magkasunod na pagkakamali sa mga simpleng bagay, ano na lang ang iisipin nila sa akin kung gayon? Hindi ko talaga gustong sabihin sa lider ang totoo. Gayumpaman, naisip ko ang mga salita ng Diyos tungkol sa kung paanong ang mga pagbabalatkayo at panlilinlang ay mas malubha pa kaysa sa mga pagkakamali, at mas kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Sa puso ko, natakot ako. Kailangan kong lakasan ang loob ko at harapin ito at sabihin sa lider ang pagkakamaling ito, pero hindi ko maalis ang mga takot ko. Napuno ako ng pangamba. Bumigat ang puso ko, para bang dinaganan ng bato. Magulo ang isip ko kapag ginagawa ang tungkulin ko, at hindi ako nakakatulog sa gabi. Alam kong hindi tama ang kalagayang ito, kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako para makilala ang sarili ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at naunawaan ko ang kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Gaano man karaming maling bagay ang ginagawa ng isang anticristo, anumang uri ng mga maling bagay ang ginagawa niya, ito man ay pagdispalko, pagwawaldas, o maling paggamit ng mga handog sa Diyos, o kung ginugulo at ginagambala niya ang gawain ng iglesia, sinisira ito at pinupukaw ang poot ng Diyos, palagi siyang kalmado, mahinahon, at lubos na walang pakialam. Anumang uri ng kasamaan ang ginagawa ng isang anticristo o kung ano ang mga kinahihinatnan nito, hinding-hindi siya kaagad lumalapit sa Diyos para ipagtapat ang kanyang mga kasalanan at magsisi, o hinding-hindi siya lumalapit sa mga kapatid nang may saloobin ng paglalantad sa sarili at pagtatapat upang aminin ang kanyang mga kamalian, kilalanin ang kanyang mga pagsalangsang at ang kanyang katiwalian, at pagsisihan ang kanyang masasamang gawa. Sa halip, nag-iisip siya nang husto upang makahanap ng iba’t ibang dahilan para iwasan ang pananagutan at ibunton ang sisi sa iba upang mapanumbalik ang sarili niyang karangalan at katayuan. Ang mahalaga sa kanya ay hindi ang gawain ng iglesia, kundi kung napipinsala o naaapektuhan ba sa anumang paraan ang kanyang reputasyon at katayuan. Hindi talaga siya nagsasaalang-alang o nag-iisip ng mga paraan para makabawi sa mga kawalang idinulot sa sambahayan ng Diyos ng kanyang mga pagsalangsang, ni hindi niya sinisikap na makabawi sa kanyang pagkakautang sa Diyos. Ibig sabihin, hinding-hindi niya inaamin na kaya niyang gumawa ng mali o na nakagawa siya ng pagkakamali. Sa puso ng mga anticristo, ang maagap na pag-amin sa mga pagkakamali at pagbibigay ng matapat na paglalahad ng mga tunay na pangyayari ay kawalan ng kakayahan at isang kahangalan. Kung matuklasan at malantad ang kanilang masasamang gawa, aamin lang ang mga anticristo sa panandaliang walang-ingat na pagkakamali, hinding-hindi sa kanilang sariling pagpapabaya sa tungkulin at pagiging iresponsable, at tatangkain nilang isisi ang pananagutan sa iba para maalis ang mantsa sa talaan nila. Sa ganitong mga pagkakataon, hindi inaalala ng mga anticristo kung paano makakabawi sa mga kawalang naidulot sa sambahayan ng Diyos, kung paano magtapat, aminin ang kanilang mga pagkakamali, o ilahad ang nangyari sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang inaalala nila ay paghahanap ng mga paraan para pagmukhaing maliliit na bagay ang malalaking problema at pagmukhaing hindi problema ang maliliit na suliranin. Nagbibigay sila ng mga obhetibong dahilan para unawain at damayan sila ng iba. Ginagawa nila ang makakaya nila para mapanumbalik ang kanilang reputasyon sa isipan ng ibang tao, pinaliliit ang lubhang negatibong impluwensiya sa kanilang sarili ng kanilang mga pagsalangsang, hindi hinahayaang magkaroon ng masamang impresyon sa kanila ang ang Itaas, at tinitiyak na hindi sila kailanman pananagutin, tatanggalin, iimbestigahan ang sitwasyon, o pangangasiwaan ng ang Itaas. Para mapanumbalik ang kanilang reputasyon at katayuan, upang hindi mapinsala ang sarili nilang mga interes, handang magtiis ang mga anticristo ng anumang tindi ng pagdurusa, at mag-iisip sila ng lahat ng posibleng paraan para malutas ang anumang problema. Mula sa pinakasimula ng kanilang pagsalangsang o pagkakamali, kahit kailan ay walang anumang intensyon ang mga anticristo na panagutan ang mga maling bagay na ginagawa nila, kahit kailan ay wala silang anumang intensyong aminin, pagbahaginan, ilantad, o himayin ang mga motibo, intensyon, at tiwaling disposisyon sa likod ng mga maling bagay na ginagawa nila, at walang dudang wala silang anumang intensyon kailanman na makabawi sa pinsalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa kawalang idinudulot nila sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Samakatwid, anumang perspektiba ninyo tingnan ang usapin, ang mga anticristo ay mga taong matigas na tumatangging umamin sa kanilang mga kamalian at mas gugustuhin pang mamatay kaysa magsisi. Ang mga anticristo ay mga walang kahihiyan at makakapal ang mukha na wala nang pag-asang matubos, at mga buhay na Satanas lang sila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabing-isang Aytem). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na talagang pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling katayuan at reputasyon. Gaano man karaming paglihis o pagkalingat ang lumitaw sa kanilang tungkulin, o gaano man kalalaking kawalan ang naidulot nila sa gawain ng iglesia, hinding-hindi sila umaamin sa kanilang kasalanan. Natatakot sila na makikita ng iba ang kanilang mga pagkukulang at mamaliitin sila. Kaya, kapag napagtanto nila na nakagawa sila ng isang pagkakamali na magpapahiya sa kanila, hindi sila mapapalagay, hindi makakakain o makakatulog nang maayos. Pipigain nila ang kanilang mga utak, mag-iisip ng mga paraan para pagtakpan ang kanilang mga kagagawan at ipanumbalik ang sarili nilang reputasyon. Ganoon din ang pag-uugali ko. Itinuring kong napakahalaga ang sarili kong katayuan at reputasyon na noong nakakita ako ng problema sa gawain, hindi ako nagsisi sa aking pagkalingat. Hindi ako nagnilay-nilay sa nangyari para maiwasan ang mga pagkakamali sa hinaharap. Ang inisip ko lang ay kung ano ang magiging tingin sa akin ng lahat kapag nalaman nilang nagkamali ako sa mga simpleng bagay, at kung mamaliitin ba nila ako, o iisipin na hindi ko kayang gawin ang trabaho ko. Para mapanatili ang sarili kong katayuan at reputasyon, buong araw akong hindi mapakali na hindi na ako makatulog. Ang inisip ko lang ay kung paano mapagtakpan ang pagkakamali ko, at maiwasang mabisto. Gusto kong iwasan ang responsabilidad ko, itago ang mga pagkakamali ko, at pigilan ang iba na malaman ito. Ayaw kong tumayo at aminin ang kasalanan ko. Talagang mapanlinlang ako, walang karakter o dignidad! Sa katunayan, bilang taong namamahala, alam na alam ko ang mga prosesong iyon. Walang duda na ako ang pangunahing taong responsable. Gayumpaman, umasa akong matatakasan ko ito, at maipasa-pasa ko ang sisi. Sa huli, nang mapagtanto kong hindi ko maiiwasan ang responsabilidad, nagpumilit akong umaktong biktima, isinisisi ang lahat sa kamalasan. Hindi ako nagnilay-nilay. Nagreklamo lang ako sa kamalasan ko. Pinagtakpan ko ang mga pagkakamali ko at nanlinlang para protektahan ang katayuan ko. Ito ang pag-uugali ng isang anticristo. Nang mapagtanto ko ito, natakot ako. Alam ko kung gaano kamapanganib para sa akin na magpatuloy nang ganito, hindi nagsisisi, katulad mismo ng isang anticristo!
Napagtanto ko rin na isa sa dahilan kung bakit matigas ang ulo ko at ayaw umamin ng kasalanan ay dahil naigapos at nalimitahan ako ng posisyon ko bilang tagapamahala, kaya hindi ko tamang naharap ang mga pagkakamali ko. Nakita ko ang ilang salita ng Diyos tungkol dito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano ka dapat magsagawa para maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito makakamit? … Una, huwag mong bigyan ang iyong sarili ng isang titulo at pagkatapos ay hayaan itong limitahan ka, sinasabi, ‘Ako ang lider, ako ang lider ng pangkat, ako ang superbisor, o ako ang pinakamaalam at pinakabihasa sa teknikal sa larangan.’ Huwag kang magpalimita sa titulong itinalaga mo sa iyong sarili. Sa sandaling mangyari ito, igagapos ka nito nang mahigpit; maaapektuhan nito ang iyong mga salita at kilos, pati na rin ang iyong normal na pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili mula sa mga limitasyon ng katayuang ito. Una, bumaba ka mula sa posisyon ng opisyal na titulong ito, at tumayo sa posisyon ng isang ordinaryong tao. Ang iyong pag-iisip ay magiging medyo normal. Kailangan mo ring aminin: ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko iyon nauunawaan—kailangan kong magsaliksik at mag-aral,’ o ‘Hindi ko pa ito naranasan kailanman, kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin.’ Kapag nasasabi mo kung ano talaga ang iniisip mo at nagsasalita ka nang matapat nang ganito, magtataglay ka ng normal na katwiran. Kung hahayaan mong makilala ng iba ang tunay na ikaw, magkakaroon sila ng normal na pananaw sa iyo, at hindi mo na kakailanganing magpanggap. Hindi ka na makakaramdam ng matinding presyur, at magagawa mo nang makipag-usap sa iba nang normal. Ang mamuhay nang ganito ay malaya at maginhawa. Sinumang nakakaramdam na masyadong nakakapagod ang buhay ay sarili lang niya ang dapat sisihin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). “Kapag inangat at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, iniaangat at nililinang lamang siya sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na pasok na siya sa pamantayan at mahusay bilang isang lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng pamumuno, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikilatis ng karamihan sa mga tao ang mga bagay na ito, at batay sa sarili nilang mga imahinasyon ay hinahangaan nila ang mga iniangat. Isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, taglay nga ba talaga ng mga iniangat ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagagawa ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Mayroon ba silang pagpapahalaga sa responsabilidad? Tapat ba sila? Kaya ba nilang magpasakop? Kapag may nakakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong ito? At gaano kalaki ang may-takot-sa-Diyos na puso nila? Nagagawa ba nilang iwasang sundin ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng pamumuno, nagagawa ba nilang madalas na humarap sa Diyos para hanapin ang mga layunin ng Diyos? Naaakay ba nila ang mga tao sa katotohanang realidad? Tiyak na wala silang kakayanan sa gayong mga bagay. Hindi pa sila nakakatanggap ng pagsasanay at wala pa silang sapat na mga karanasan, kaya wala silang kakayanan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pag-aangat at paglilinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gawin ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagiging lider o tagapamahala ay hindi awtomatikong nangangahulugan na kalipikado ka, mas nakatataas, o mas mahusay kaysa sa ibang tao. Isa itong pagkakataon na malinang at makapagsanay para makagawa ng kung anong gawain. Sa panahon ng pagsasanay, maaari mong mabunyag ang iyong mga tiwaling disposisyon, at maharap ka sa mga hadlang at kabiguan. Ganap na normal lang iyon. Pero nang ilagay ko ang sarili ko sa posisyon ng isang tagapamahala, inakala ko na kailangan kong maging mas mahusay kaysa sa iba, hindi gumagawa ng mga pagkakamali na katulad ng sa kanila, o nagbubunyag ng katiwalian na kagaya ng sa kanila. Kaya, nang magkamali ako, ayaw kong aminin ito. Patuloy akong nagpanggap at pinagtakpan ito. Ginugol ko ang lahat ng oras ko sa pag-aalala, namuhay ng isang mahirap at nakakapagod na buhay, dahil lang sa pinahalagahan ko ang sarili kong katayuan at reputasyon. Gayundin, napagtanto ko na ang pagkakamali at pagkapahiya ay hindi naman talaga masasamang bagay. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Bagama’t napahiya ka, mula rito ay matututunan mo kung ano ang iyong mga problema at kakulangan, matututunan mo na mahilig ka sa banidad, at mauunawaan mo na hindi ka isang perpektong tao. Ito ay kapaki-pakinabang sa iyong pagkakilala sa sarili, kaya ang mapahiya ay hindi isang masamang bagay. Walang mga perpektong tao; lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, pati na rin mga kakulangan at hindi kasapatan, at lahat ng tao ay nagbubunyag ng katiwalian, nagsasabi at gumagawa ng mga bagay na mali, at nakakaranas ng mga hadlang at kabiguan. Kaya lahat sila ay nakakaranas ng mga pagkakataong nagmumukha silang hangal at napapahiya sila. Normal na normal lang ito. Natatakot ang mga taong mapahiya pangunahin dahil masyado silang mahilig sa banidad. Kapag kaya mo nang bitiwan ang iyong banidad at harapin nang tama ang usaping ito, sa susunod na magmukha kang hangal, hindi ka na mapapahiya, hindi mo na iintindihin kung naaapektuhan ba nito ang iyong reputasyon, at hindi ka na masisiraan ng loob dahil dito. Sa puntong ito, magiging hinog na ang iyong pagkatao. Hindi ba’t isa itong mabuting bagay? (Oo.) Kaya, kapag napahiya ka, huwag mong isipin na malas ka, at huwag kang maghanap ng mga dahilan para protektahan ang iyong banidad at pride. Kapag napapahiya ang iba, huwag mo rin silang pagtawanan. Normal na normal lang ang mga bagay na ito, at lahat ay makakaranas nito. Kapag nakaranas ka ng maraming hadlang at kabiguan, unti-unting nagiging hinog at matatag ang iyong pagkatao, at pagkatapos kapag nakatagpo mong muli ang mga bagay na ito, hindi ka na malilimitahan, at magagawa mo nang normal ang iyong tungkulin. Sa puntong ito, magiging normal na ang iyong pagkatao, at magiging normal din ang iyong katwiran” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). Pagkatapos ng sunod-sunod na mga pagkakamaling ito at ng kahiya-hiya kong pagsisikap na itago ang mga ito, sa wakas ay nagkaroon ako ng kaalaman sa sarili ko. Nakita ko na hindi ako mas mahusay kaysa sa mga kapatid ko. Walang ingat kong ginawa ang tungkulin ko, nagpakita ng labis na pag-aalala sa sarili kong reputasyon at katayuan. Hindi man lang ako nagkaroon ng lakas ng loob para aminin ang pagkakamali ko. Ginusto ko itong pagtakpan at linlangin ang lahat. Isa akong mapanlinlang na mapagpaimbabaw. Sa katunayan, hindi nakakatakot na harapin ang mga problema kapag ginagawa ang tungkulin. Hangga’t ikaw ay bukas, matapat na tao at mahinahon mong hinaharap ang mga pagkakamali mo, pinagninilayan ang mga ito para maiwasan mo ang mga parehong isyu sa hinaharap, mayroon ka pa ring makakamit. Ito ang saloobin at katwiran na dapat taglayin ng mga tao. Ngayong naunawaan ko na ang layunin ng Diyos, hindi na ako nag-alala kung ano ang iniisip ng ibang tao sa akin. Naapektuhan ko na ang gawain namin. Kailangan kong malaman ang ugat ng mga pagkakamaling ito, para maiwasang maulit ito sa hinaharap.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung kaya ng isang tao na maging metikuloso, umako ng responsabilidad, at ibigay ang lahat ng kanyang puso at lakas, magagawa nang maayos ang gawain. Minsan, mayroon kang maling pag-iisip, at palagi kang nag-aakalang mas matuwid ka kaysa sa iba, at kahit na mayroong isang malinaw na pagkakamali, hindi mo pa rin ito matuklasan o mahanap. Kung mayroon kang tamang pag-iisip, at hinahanap mo ang katotohanan, sa pamamagitan ng kaliwanagan at gabay ng Banal na Espiritu, matutuklasan mo ang problema. Kung gagabayan ka ng Banal na Espiritu at bibigyan ka Niya ng isang pagkatanto, na sa gayon ay magiging maliwanag ang iyong puso at malalaman mo kung nasaan ang pagkakamali, magagawa mong itama ang paglihis at magsumikap tungo sa mga katotohanang prinsipyo. Kung wala kang tamang pag-iisip, at lumilipad ang isip mo at pabaya ka, matutuklasan mo ba ang pagkakamali? Hindi. Ano ang makikita mula rito? Para magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, napakahalagang gawin ng mga tao ang kanilang bahagi; napakahalaga ng kanilang pag-iisip; at napakahalaga kung saan nakatuon ang kanilang mga iniisip at ideya. Sinisiyasat at nakikita ng Diyos kung anong pag-iisip ang taglay ng mga tao at kung gaano nila isinasapuso ang paggampan sa kanilang mga tungkulin. Kritikal ang pag-uukol ng buong puso at lakas dito, at napakahalaga na gawin ang bahagi ng isang tao. Dapat magsikap ang mga tao na maging walang pagsisisi sa mga tungkuling natapos nila at sa mga bagay na nagawa nila, at na hindi magkaroon ng pagkakautang sa Diyos. Ito talaga ang kahulugan ng pagbibigay ng buong puso at lakas ng isang tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinapahayag ng mga salita ng Diyos na kapag mali ang pag-iisip ng isang tao, at lumilipad ang kanyang isipan at pabaya siya sa kanyang tungkulin, hindi niya makikita ang mga pagkakamali na nasa harapan niya mismo. Katulad ng sinasabi ng Diyos ang sitwasyon ko. Napakalinaw ng dalawang pagkakamaling ito—kung binigyan ko ito ng kaunti pang pansin, madali ko sana itong natuklasan. Pero hindi ko napansin ang mga ito. Kailangang gawing muli ang isang video, at ang isa pa ay nadoble ang pagkagawa, na nag-aksaya ng mga tauhan at mga kagamitan. At, sa katunayan, may malaking kinalaman ito sa pag-iisip ko noong panahong iyon. Inakala kong beterano na ako sa trabahong ito, na kabisadong-kabisado ko na ang daloy ng trabaho, kaya hindi na ako naging maingat gaya noong una akong nagsimula. Naging mayabang at pabaya ako. Lalo na sa mga paunang pagsusuri, inakala kong simple lang ito, na puwede kong iraos lang ang gawain batay sa karanasan ko noon. Hindi ako nagbigay-pansin, hindi ko sinuring mabuti ang gawain, at sa huli, nagkamali ako sa gayong kasimpleng mga bagay. At ito ay dahil lang sa namumuhay ako sa isang mapagmataas na disposisyon, at iniraraos lang ang tungkulin ko. Kalaunan, nagtapat ako sa mga kapatid ko tungkol sa mga pagkakamaling nagawa ko sa aking tungkulin. Binuod ko ang mga problema sa aming gawain, at nagmungkahi ng ilang pamantayan na makakatulong na maiwasan ang mga parehong problema sa hinaharap. Sa pamamagitan nito, napayapa ang isip ko.
Hindi nagtagal, namahala ako sa isang bagong proyekto. Pero dahil hindi ko pa nagawa ang ganitong uri ng video dati, hindi ko lubos na naunawaan ang lahat ng pasikot-sikot nito, kaya lumitaw ang ilang problema sa panahon ng paggawa. Kahit na minsan ay nag-aalala ako sa iisipin ng ibang tao, tinatrato ko ang mga problema nang may tamang pag-iisip, nang hindi nalilimitahan ng pride at katayuan ko. Sa bawat pagkakamali, itinatala ko ito at ibinubuod ang mga problema at paglihis, para makahanap ng paraan na hindi na ito mauulit. Matapos gawin ito, nakita ko ang patnubay ng Diyos, hinahanap at itinatama ang maraming problema bago pa ito magdulot ng mga kawalan sa iglesia. Sa pamamagitan ng karanasang ito, natutunan ko na ang pagkakaroon ng isang tao ng tamang pag-iisip at masikap na paggawa ng tungkulin niya ay nagdadala ng patnubay at proteksyon ng Diyos. Kasabay niyon, natutunan ko na ang pagkapahiya ng isang tao dahil sa mga pagkakamali o kabiguan ay hindi isang masamang bagay. Tinulungan ako nitong makita ang sarili kong mga pagkukulang at katiwalian, para isantabi ang banidad ko, at tratuhin nang tama ang sarili ko. Salamat sa Diyos!