33. Ibinunyag Ako ng Pagkakalipat sa Tungkulin

Ni Briana, USA

Gumagawa ako ng mga video sa iglesia, pero dahil may kaunting panahon na walang masyadong gagawin, itinalaga ako ng lider sa ibang tungkulin para magdilig ng mga baguhan. Kalaunan, dahil sa mga pangangailangan ng gawaing pang-video, ipinadala ako para muling gumawa ng mga video, at nang hindi na abala ang gawain, pinabalik ako para magdilig ng mga baguhan. Dalawang beses akong itinalaga nang pabalik-balik nang ganito. Pagkatapos sinabi sa akin ng isang sister, “Pumunta ka na lang kahit saan ka nila kailangan!” Hindi ko ito gaanong pinag-isipan noong panahong iyon. Pero wala pang isang buwan ang nakalilipas, nabawasang muli ang gawain ng video at hindi ko maiwasang mag-alala na hindi magtatagal ay hindi na kami mangangailangan ng ganoon karaming tao, at ibabalik ako sa pagdidilig ng mga baguhan. Nanuyo ang lalamunan ko nang maisip iyon. Bakit napakainutil ko? Sa sandaling mabawasan nang kaunti ang gawain at mas kaunting tao na lang ang kailangan, ako ang nababago ng pagkakatalaga. Hindi ako kinakailangan sa grupo. Kung talagang itatalaga ako ulit sa ibang tungkulin, ano na lang ang iisipin sa akin ng iba? Magtataka ba sila kung bakit palagi akong itinatalaga sa ibang tungkulin, at ang ibang tao ay hindi? Iisipin nila na dahil ito sa hindi ako magaling at wala akong mahalagang papel sa pangkat. Talagang sumama ang loob ko sa mga isiping ito, at ayaw kong harapin ang sitwasyong iyon.

Minsan, tinatalakay namin ang ilang isyu sa isang video, at nagpapalitan ng mga pananaw ang lahat—isa iyong masiglang talakayan. Pero kahit ang tagal-tagal ko nang nag-iisip, wala pa rin akong magagandang ideya, o anumang masasabi. Dahil hindi alam ang gagawin, nanahimik na lang ako. Nakikilahok ang lahat, pero wala man lang akong iniaambag. Parang wala ako roon. Inisip ko, “Hindi ito uubra. Kailangang may sabihin ako. Kailangan kong magbahagi ng malalim na pagkaunawa para hindi nila ako ipagwalang-bahala.” Piniga ko talaga ang utak ko at sa wakas ay nakapagpahayag ako ng ideya, pero walang sumang-ayon sa akin. Napahiya ako. Inisip ko, “Sobrang nakakahiya iyon—ano na lang ang iisipin nila sa akin?” Walong buwan na ang nakalipas mula noong huli akong gumawa ng gawaing pang-video, kaya ang mga propesyonal na kasanayan at pag-unawa ko sa mga prinsipyo ay mas malala pa kaysa noong umalis ako sa grupo. Masyado na akong napag-iwanan ng iba. Mapagbubuti lamang ang kasanayan sa paggawa ng video sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral. Ang iba ay gumagawa na ng gawaing video sa buong panahon, at napapabuti ang kanilang pagkaunawa sa mga kasanayan at mga prinsipyo, samantalang gumugugol ako ng kaunting oras dito, kaunting oras naman doon. Hindi talaga ako nakapagsagawa nang matagal sa isang lugar, kaya hindi ako lubusang bihasa sa anumang larangan. Sa sandaling nababawasan ang gawain, ako ang unang nababago ng pagkakatalaga. Ayos lang sa kanila kung kasama man ako o hindi. Batay sa dami ng trabaho, naisip ko na baka pabalikin ako ng superbisor sa pagdidilig ng mga baguhan anumang oras. Talagang sumama ang loob ko sa ideyang iyon, at hindi ko napigilang umiyak. Napaisip ako, “Bakit ba palagi itong nangyayari sa akin?” May mga propesyonal na kasanayan ang ilang tao sa grupo, ang ilan ay may mga kapabilidad sa gawain, ang iba ay may karanasan at matagal-tagal nang nagawa ang tungkuling ito, ang ilan ay talagang mahusay…. Talagang lahat sila ay pambihira, samantalang hindi kasinghusay ng sa kanila ang kakayahan ko, hindi ako kasingbihasa nila, at lagi nila akong nahihigitan. Kaya kapag gumagaan ang trabaho at mas kaunting tao ang kinakailangan, natural, ako ang unang itinalaga sa ibang tungkulin. Kung mayroon akong mahusay na kakayahan at mga propesyonal na kasanayan tulad nila, hindi ako palaging itatalaga sa ibang tungkulin, pero sa kasamaang palad, wala ako niyon. Bakit hindi ako kasinggaling ng iba? Habang mas naiisip ko ito, mas lalo akong nalulungkot, at naging mali na ang pagkaunawa ko sa Diyos.

Pagkatapos niyon, kahit na ginagawa ko ang tungkulin ko, wala akong gana. Sinusunod ko lang ang karaniwang gawain sa lahat ng bagay at kontento na sa kung ano man ang natapos ko. Hindi ko na inisip kung paano maging mas mahusay magtrabaho para mas maraming magawa. Hindi ko ginawa ang makakaya ko para malutas ang mga problemang nakakaharap ko. Hindi ko alam kung gaano ako katagal mananatili sa grupo, kaya hahayaan ko na lang ang mga bagay-bagay. Noong panahong iyon, talagang nababalisa ako sa tuwing lumalapit ang lider ng grupo para kausapin ako, iniisip na baka magsasabi siya tungkol sa pagtatalaga sa akin sa ibang tungkulin. Kumakabog ang dibdib ko hanggang sa nalalaman kong isa lang itong normal na usapan sa gawain. Paulit-ulit itong nangyari, kaya naging sobrang nakakapagod ang bawat araw. Nakakatulog ako nang sapat, pero palagi akong naiidlip sa mga debosyonal ko, at hindi ako nakakakuha ng kaliwanagan mula sa mga salita ng Diyos. Alam kong mali ang kalagayan ko, kaya nagmadali akong humarap sa Diyos para magdasal at maghanap, at magnilay sa problema ko. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-asal? Dapat kayong umasal ayon sa inyong posisyon, hanapin ang inyong tamang lugar, at gawin nang mabuti ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan; saka lang kayo isang taong may katwiran. Bilang halimbawa, kung mahusay ka sa mga partikular na propesyonal na kasanayan at may pagkaarok sa mga prinsipyo, dapat mong akuin ang iyong responsabilidad at magsakatuparan ng maayos na pagsusuri sa larangang iyon; kung makapagbibigay ka ng mga ideya at kabatiran, nagbibigay-inspirasyon sa iba para mapabuti ng mga ito ang kanilang paggampan sa kanilang mga tungkulin, dapat kang magbigay ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang lugar para sa iyo at magagawa mong makipagtulungan nang may pagkakasundo sa iyong mga kapatid, magiging pagtupad mo iyon sa iyong tungkulin—ito ang ibig sabihin ng pag-asal nang ayon sa posisyon mo. Sa simula, maaaring makapagbigay ka lang ng ilang ideya, ngunit gusto mo pa ring magbigay ng iba at natutuklasan mong hindi mo magawa sa kabila ng labis na pagsisikap. Kapag nagbibigay ang iba ng mga bagay na iyon, maaari kang makaramdam ng pagkayamot at ayaw mo itong marinig, maaaring mabagabag at makaramdam ka ng pagkalimita sa loob, at magreklamo tungkol sa Diyos at sabihing hindi matuwid ang Diyos. Ito ay ambisyon. Anong disposisyon ang nagiging sanhi ng ambisyon sa isang tao? Ang mapagmataas na disposisyon ang nagiging sanhi ng ambisyon. Ang mga kalagayang ito ay tiyak na maaaring lumitaw sa inyo sa anumang sandali, at kung hindi ninyo hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, at walang buhay pagpasok, at hindi kayang magbago ukol dito, ang pamantayang maaabot ninyo sa inyong tungkulin at ang kadalisayan ninyo sa paggawa nito ay magiging mababa, at ang mga resulta ay hindi rin magiging masyadong maganda. Hindi ito paggawa sa inyong tungkulin nang pasok sa pamantayan at nangangahulugan ito na hindi nagkamit ang Diyos ng kaluwalhatian mula sa inyo. Binigyan ng Diyos ang bawat tao ng iba’t ibang kalakasan at kaloob. Ang ilang tao ay may kalakasan sa dalawa o tatlong larangan, ang ilan ay may kalakasan sa isang larangan, at ang ilan ay walang anumang kalakasan—kung matatrato ninyo nang tama ang mga bagay na ito, mayroon na kayong katwiran. Ang isang taong may katwiran ay magagawang hanapin ang kanyang lugar, makakaasal ayon sa kanyang puwesto at makakagawa nang maayos sa kanyang mga tungkulin. Ang isang taong hindi kailanman matatagpuan ang kanyang lugar ay isang taong palaging may ambisyon. Palagi siyang naghahangad ng katayuan at mga pakinabang sa puso niya. Hindi siya kailanman nasisiyahan sa kung ano ang mayroon siya. Para makakuha ng mas maraming pakinabang, sakim siyang nanlalamang; palagi niyang gustong tugunan ang kanyang maluluhong pagnanais. Iniisip niya na kung mayroong mga kaloob at mahusay ang kakayahan ng mga tao, dapat silang higit na magtamasa ng biyaya ng Diyos, at na ang pagkakaroon ng ilang maluluhong pagnanais ay hindi isang pagkakamali. May katwiran ba ang ganitong klase ng tao? Hindi ba’t kawalanghiyaan ang palaging magkaroon ng maluluhong pagnanais? Nadarama ng mga taong may konsensiya at katwiran na kawalanghiyaan ito, at kaya nilang hanapin ang katotohanan para bitiwan ang kanilang maluluhong pagnanais. Kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya gagawin ang mga kahangalang ito. Kung inaasam mong matupad ang iyong tungkulin nang may debosyon upang masuklian mo ang pagmamahal ng Diyos, hindi ito isang maluhong pagnanais. Ito ay naaayon sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Pinalulugod nito ang Diyos. Kung talagang nais mong gawin nang maayos ang iyong tungkulin, kailangan mo munang tumayo sa iyong tamang lugar, at pagkatapos ay gawin ang iyong makakaya nang buong puso, nang buong isip, nang buong lakas, at gawin ang pinakamakakaya mo—ito ay pasok sa pamantayan, at may debosyon sa paggawa ng tungkulin sa ganitong paraan. Ito ang dapat gawin ng isang tunay na nilikha(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na nasisiraan ako ng loob dahil hindi pa natutugunan ang mga ambisyon at hangarin ko. Hindi ako hinahangaan o pinahahalagahan ng iba, at hindi ko nagagawang baguhin ang sitwasyon ko, kaya nagkamali ako ng pagkaunawa sa Diyos at nagreklamo ako tungkol sa Kanya, pakiramdam ko ay hindi sapat ang ibinigay Niya sa akin. Dalawang beses na naitalaga ako sa ibang tungkulin dahil bumagal ang trabaho, at posibleng nahaharap ako sa ikatlong pagtatalaga sa ibang tungkulin nang wala pang isang buwan pagkatapos bumalik. Sa sitwasyong ito, pakiramdam ko ako ang pinakamahina sa grupo, ang hindi kinakailangan, at na walang halaga ang presensya ko. Hindi ko talaga matanggap ang katunayang ito, at naging miserable ako. Sa mga talakayan ng gawain, ayaw kong magmukhang masyadong mahina, kaya piniga ko ang utak ko, at sinubukang magpahayag ng ilang mahahalaga at matatalinong opinyon, pero binalewala ang mga mungkahi ko at lubos akong napahiya. At nang makita ko kung gaano napag-iiwanan ang mga kasanayan ko kaysa sa iba, nayayamot ako at sumasama ang loob. Inisip ko na hindi ako gaanong mahusay sa anumang bagay dahil palagi akong nalilipat sa ibang tungkulin, at na palagi akong nasa pinakaibaba saanman ako magpunta, at maaari akong italaga sa ibang tungkulin anumang oras. Palihim kong ikinumpara ang sarili ko sa iba. Pakiramdam ko, lahat sila ay may mga kalakasan at napakahusay sa isang aspekto, at na mahina ako sa lahat ng bagay at mayroon ding malubhang kapintasan—ang pagiging mabagal sa lahat ng bagay. Dahil ayaw kong harapin ang katunayang iyon, nagreklamo ako na hindi ako binigyan ng Diyos ng mahusay na kakayahan. Nadama kong nasiraan ako ng loob at naagrabyado, at walang motibasyon sa tungkulin ko. Pero sa totoo lang, binibigyan ng Diyos ang lahat ng iba’t ibang kaloob, kalakasan, at mga kakayahan. Tayo ay inorden na gumawa ng iba’t ibang tungkulin—nasa ilalim ito ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang taong may katwiran ay may pusong nagpapasakop. Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at ginagawang kapaki-pakinabang ang mga sarili nila. Pero hindi man lang ako nagpasakop—hindi man lang ako handang maging pinakamababa. Naghangad ako ng puwang sa puso ng iba, at ng kanilang respeto at paghanga, at naging negatibo at nagpakatamad ako nang hindi ko ito makuha. Talagang wala akong katwiran! Hindi ako binigyan ng Diyos ng mahusay na kakayahan, pero hindi rin Siya humingi ng labis sa akin. Gusto lang Niya na mahanap ko ang tamang posisyon, at ibigay ang lahat ko sa tungkulin ko. Sapat na ang gawin ko lang ang makakaya ko. Pero napakayabang ko at walang katwiran. Hindi ako magaling sa anumang bagay, at ayaw kong harapin ang katunayan. Nagkimkim ako ng masisidhing ambisyon na magtagumpay nang mabilis at makuha ang paghanga ng iba. Bilang resulta, marami akong naubos na lakas pero hindi ko nakamit iyon, at naging negatibo ako. Pinahihirapan ko ang sarili ko.

Kalaunan, napaisip ako, “Bakit ako palaging naiinggit sa mga kaloob at kalakasan ng iba? Bakit palagi kong sinisikap na magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao, at ayaw mapag-iwanan? Ano ang ugat nito?” Sa aking paghahanap, natagpuan ko ito sa mga salita ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang layong hinahangad nila sa buong buhay nila. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo—at dahil dito kaya nila isinasaalang-alang ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Ang mga anticristo ay hindi walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa. … Kung nararamdaman nila na hindi sila nagkamit ng kasikatan, pakinabang, o katayuan, na walang tumitingala sa kanila, nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, nasisiraan sila ng loob, naniniwala silang wala nang saysay pang manampalataya sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at napapaisip sila sa loob-loob nila, ‘Nabigo ba ako sa pananampalataya sa Diyos nang ganito? Wala na ba akong pag-asa?’ Madalas na kinakalkula nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso. Kinakalkula nila kung paano sila makalilikha ng sariling puwang sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, kung paano nila mapapakinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at mapasuporta ang mga ito sa kanila kapag kumikilos sila, kung paano nila mapapasunod sa kanila ang mga tao nasaan man sila, at kung paano sila magkakaroon ng maimpluwensiyang tinig sa iglesia, at ng kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inihahayag ng Diyos na talagang pinahahalagahan ng mga anticristo ang katanyagan at katayuan. Sa lahat ng kanilang ginagawa, iniisip nila ang kanilang puwang sa gitna ng ibang tao. Ginagawa nilang buhay nila at layon ng kanilang paghahangad ang katanyagan at katayuan. Kung wala silang katanyagan o paghanga ng mga tao, nasisiraan sila ng loob, hanggang sa mawalan sila ng gana sa mga bagay-bagay. Hindi ba’t ganoong-ganoon din ang kinikilos ko? Nang itinatalaga ako sa iba’t ibang tungkulin, pakiramdam ko ay hindi na ako kinakailangan, hindi na mahalaga walang anumang katayuan, tila hindi importante, kaya sumama talaga ang loob ko. Kapag tinatalakay ang mga isyu, wala akong anumang mahalagang ideya na naiaambag, at walang tumatanggap sa mga pananaw na ipinapahayag ko. Pakiramdam ko ay ako ang pinakamababa sa grupo, na walang nagpapahalaga o tumitingala sa akin, at parang walang halaga ang presensiya ko. Naging mahina at negatibo ako, mali ang pagkaunawa sa Diyos at nagrereklamo tungkol sa Kanya. Ginawa kong buhay ko ang katanyagan at katayuan, at nakakadama ng pagkanegatibo at nagpapakatamad at nawawalan ng motibasyon kapag hindi ko nakukuha ang mga ito. Masyado kong inaalala ang mga bagay na ito. Palagi akong naghahabol sa mga ito dahil nabiktima ako ng impluwensiya ng mga satanikong lason tulad ng “Gawing pakay na mamukod-tangi at magpakahusay,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Mamuhay bilang bayani sa gitna ng mga tao, at mamatay bilang magiting na espiritu sa gitna ng mga multo.” Inakala ko na ang mga ito ang pinakalehitimong mga mithiin sa buhay, at na ang paghahangad dito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng hangarin. Nagsikap talaga ako nang husto sa paaralan. Madalas akong manguna sa klase ko sa mga pagsusulit sa middle school at high school. Talagang kilala ako noon at madalas na pinupuri ng mga kaklase at mga guro ko. Labis akong nasiyahan. Pagkatapos sumapi sa iglesia at tumanggap ng tungkulin, patuloy akong namumuhay ayon sa mga satanikong lasong iyon, at talagang inaalala ang puwang ko sa puso ng iba, palaging sinusubukang pahangain ang mga tao. Kahit hindi ako lider ng grupo o superbisor, kailangan kong maging mahalagang tao, na sasang-ayunan ng iba. Nang hindi ko makuha ang kasikatan, pakinabang at katayuan at hindi natugunan ang mga ambisyon ko, nagreklamo ako at hindi nasiyahan sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Hindi ako nangahas na magsalita ng anuman, pero sa puso ko, sumasalungat ako sa Diyos, at naging negatibo ako at nagpapakatamad sa tungkulin ko. Binigyan ko lang ng paghihirap at pagdurusa ang sarili ko dahil sa pamumuhay ayon sa mga satanikong lasong iyon, at ako ay nasa maling panig laban sa Diyos, sinusubukang makipagtalo at makipagtawaran sa Kanya, pinagdududahan pa ang Kanyang pagiging matuwid at sinasalungat Siya nang hindi namamalayan. Dahil doon, malalabag ko ang disposisyon ng Diyos at maititiwalag Niya. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga tao ay talagang hindi dapat magkimkim ng mga ambisyon o ng mga hindi makatotohanang pantasya, hindi nila dapat hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, o hangarin na mangibabaw sa karamihan. Higit pa rito, hindi sila dapat maghangad na maging higit sa tao o isang dakilang tao, na maging nakatataas sa iba, at na idolohin sila ng iba. Ito ang inaasam ng mga tiwaling tao, at ito ang landas ni Satanas; hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Kung walang tigil na hinahangad ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan at matigas na tumatangging magsisi, kung gayon ay hindi na sila matutubos, at mayroon lang iisang kalalabasan para sa kanila: pagtitiwalag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). Dati, hindi ko napagtanto kung gaano kalubha ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa reputasyon at katayuan. Inakala ko na hindi ako gagawa ng malaking kasamaan tulad ng isang anticristo o makakagambala sa gawain ng iglesia, na ang pinakamalala, nakadama lang ako ng pagkanegatibo, nanghina at masama ang loob ko kapag hindi ko makuha ang paghanga ng iba. Pero nakita ko na hindi talaga iyon ang nangyari. Kung titingnan, parang wala akong nagawang anumang malaking kasamaan, pero hindi ako nasiyahan sa sitwasyong isinaayos ng Diyos, at palagi akong nagrereklamo. Sinasalungat ko ang Diyos sa puso ko. Nilalabanan ko ang Diyos! Naisip ko ang isang sister na nakatrabaho ko noon. Masigasig siya sa kanyang tungkulin noong una, at nahalal bilang lider, pero kalaunan ay natanggal siya at naitalaga sa ibang tungkulin at nawala ang kanyang katayuan. Palagi siyang negatibo dahil hindi niya makuha ang paghanga ng iba, at sa huli ay ipinagkanulo niya ang Diyos at umalis. Malinaw na, napakamapanganib para sa mga tao na palaging maghabol sa katanyagan at katayuan, at kapag hindi natutugunan ang kanilang mga ambisyon, nagiging negatibo sila, nagiging mali ang pagkaunawa sa Diyos at nagrereklamo sila tungkol sa Kanya. Nilalabanan nila ang Diyos, at pinagkakanulo pa nga Siya. Sa puntong ito, napagtanto ko na nasa mapanganib na kalagayan ako. Ayaw kong patuloy na maghimagsik at labanan ang Diyos, gusto kong alisin ang mga hadlang ng katanyagan at katayuan.

Isang araw sa aking debosyonal, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag hinihingi ng Diyos na maayos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang tiyak na bilang ng mga gampanin, o magsakatuparan ng anumang malaking proyekto, ni magkamit ng anumang malalaking tagumpay. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na gumawa ka ng anumang himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang kailangan lang ng Diyos ay na isagawa mo ang mga salita Niya sa isang praktikal na paraan. Pagkatapos mong maunawaan ang mga salita ng Diyos, gawin mo ang mga ito at isakatuparan ang mga ito, o pagkatapos mong marinig ang mga salita ng Diyos, tandaan mo nang mabuti ang mga ito, at pagdating ng panahon para magsagawa, gawin mo ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). “Kung ginawa kang hangal ng Diyos, kung gayon ay may kabuluhan sa iyong kahangalan; kung ginawa ka Niyang matalino, kung gayon ay may kabuluhan sa iyong katalinuhan. Anumang mga kalakasan ang ibinigay ng Diyos sa iyo, saan ka man magaling, gaano man kataas ang iyong IQ, may layon ang Diyos sa paggawa nito. Ang lahat ng bagay na ito ay paunang inorden ng Diyos. Ang papel na ginagampanan mo sa iyong buhay at ang tungkuling maaari mong gawin ay matagal na ring paunang inorden ng Diyos. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay may malalakas na punto na wala sa kanila at nagngingitngit sila. Gusto nilang baguhin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral, ibayong pagtuklas, at pagiging mas masikap. Ngunit may limitasyon sa kaya nilang makamit, gaano man sila kasipag, at hindi nila kayang higitan ang mga may kaloob at kalakasan. Gaano ka man magsikap, walang silbi ito. Anuman ang paunang inorden ng Diyos kung magiging ano ka, ganoon ka. Binibigyan Niya ang bawat isa ng iba’t ibang kaloob at kalakasan, at walang magagawa ang sinuman para baguhin ito. Saan ka man magaling, doon ka dapat higit na magsumikap. Anuman ang tungkuling nababagay sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gawin. Huwag mong subukang ipilit ang iyong sarili sa mga bagay na hindi ka mahusay at huwag kang mainggit sa iba. May kanya-kanyang papel ang bawat tao. Huwag mong isiping magagawa mo ang lahat nang mabuti, o na perpekto ka o mas mahusay kaysa sa iba. Huwag palaging naisin na palitan ang iba at ibida ang sarili. Isa itong tiwaling disposisyon. May mga nag-iisip na hindi sila mahusay sa anumang bagay, at na wala talaga silang mga kalakasan. Kung ganoon ang kaso, kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at nagpapasakop sa isang praktikal na paraan. Gawin mo nang maayos ang mga bagay na kaya mong gawin, at ibigay mo ang lahat ng mayroon ka. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi Niya layunin na maging mga dakilang tao tayo. Umaasa Siya na aasal tayo at gagawin ang ating mga tungkulin ayon sa ating mga posisyon at sa praktikal na paraan, tutuon sa pagsasagawa ng Kanyang mga salita, at magiging mga masunuring nilikha. Ang ating mga kakayahan at mga kapabilidad sa gawain ay nasa ilalim lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kailangan kong matutong tumanggap at magpasakop, at gamitin ang lahat ng ibinigay sa akin ng Diyos batay sa aking mga kalakasan, at gawin ang aking makakaya. Hindi kasinghusay ng iba ang mga kasanayan ko, pero kaya kong gawin ang gawain. Sapagkat isinaayos ng iglesia na gawin ko ang tungkuling iyon, kailangan kong matatag na ibigay ang lahat ko, at gawin ang lahat ng aking makakaya. Kapag tinatalakay ang gawain, kailangan ko lang magsalita tungkol sa mga bagay na naiintindihan ko. Kung wala akong kabatiran o hindi alam ang mga prinsipyo, kailangan kong maghanap at makipagbahaginan sa iba, makinig sa kanilang mga ideya, at matuto mula sa kanilang mga kalakasan para mapunan ang mga kahinaan ko. Sa isiping ito, sumigla ang puso ko, at nagkaroon ako ng landas at direksyon para magsagawa. Akala ko dati na nakakahiya ang maitalaga sa ibang tungkulin. Nang mangyari ito, pakiramdam ko ay pinatunayan nito na ako ang pinakamahina, kaya hindi ko ito hinarap nang tama. Kung iisipin ito ngayon, isa iyong problema sa perspektiba ko. Binibigyan ng Diyos ang lahat ng iba’t ibang kaloob, kalakasan, at mga kakayahan, at may iba’t ibang hinihingi sa bawat isa. Totoong hindi gaanong mahusay ang mga kasanayan ko, kaya noong walang gaanong trabaho ang grupo, itinalaga ako ng iglesia sa ibang tungkulin batay sa mga kalakasan ko. Iyon ay naaayon sa mga prinsipyo at nakakabuti sa gawain ng iglesia. Dapat kong harapin ito nang tama. Bukod dito, kapag sinusukat ng Diyos ang isang tao, hindi lang ito nakabatay sa kung kaya ba niyang gawin nang maayos ang trabaho, bagkus ay kung hinahangad niya ang katotohanan, tunay na nagpapasakop sa Diyos, at tapat sa kanyang tungkulin. Sumigla ang puso ko sa pag-iisip nito, at hindi na ako napipigilan. Alam ko na rin kung ano mismo ang dapat kong hangarin. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, salamat sa pagbibigay-liwanag sa akin at pagtulong sa akin na maunawaan ang layunin Mo. Hindi ko alam kung kailan ako maitatalaga sa ibang tungkulin, pero handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos Mo. Kahit saan ko man gawin ang tungkulin ko, gusto ko lang ibigay ang lahat ko at palugurin Ka!”

Matapos kong baguhin ang pag-iisip ko, nagbago rin ang estado ko kapag ginagawa ko ang tungkulin ko. Palagi kong iniisip dati na hindi ako katulad ng iba, na isa lang akong pansamantalang miyembro ng grupo na maaaring umalis anumang oras. Pakiramdam ko ay nasa pinakaibaba ako at hindi nabibilang. Naging mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at nalayo ako sa Kanya, at hindi ko ibinigay ang lahat ko sa tungkulin ko. Pero sa ngayon, hindi na ganoon ang nararamdaman ko. Kahit saanman ako gumawa ng tungkulin o gaano man katagal ito, nasa likod nito ang mabuting layunin ng Diyos, kaya dapat akong matutong magpasakop. Kahit na kailangan kong umalis kalaunan, gumagawa ako ng mga video ngayon, at kailangan kong gawin ang makakaya ko araw-araw, at isapuso ang tungkulin ko at bawat sitwasyong nararanasan ko. Nang ginawa ko muli ang tungkulin ko, madalas akong nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para maging mas mahusay. Pag-iisipan ko rin kung ano ang mga isyu sa gawain ko, para mabilis kong maibuod at maituwid ang mga paglihis. Kapag hindi ko naunawaan ang mga prinsipyo ay maghahanap at makikipagbahaginan ako sa iba. Magaan ang pakiramdam ko sa paggampan ng tungkulin ko sa ganitong paraan, at nadama kong mas malapit ako sa Diyos.

Kalaunan, sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nakaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang dapat gawin ng mga tao pagdating sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos sa kanilang mga kapalaran? (Magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.) Una, dapat mong hanapin kung bakit isinaayos ng Lumikha ang ganitong uri ng kapalaran at kapaligiran ng pamumuhay para sa iyo, kung bakit ka Niya pinahaharap sa ilang bagay at pinararanas sa iyo ang mga ito, at kung bakit gayon ang kapalaran mo. Mula rito, dapat mong maunawaan kung ano ang inaasam ng puso mo at kung ano ang kailangan nito, at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Matapos mong maunawaan at malaman ang mga bagay na ito, ang dapat mong gawin ay hindi ang gawin ang sarili mong mga pagpili, maging tutol, tumanggi, lumaban, o subukang tumakas—siyempre, ito rin ay hindi ang subukang makipagtawaran sa Diyos. Sa halip, dapat kang magpasakop. Bakit ka dapat magpasakop? Dahil ikaw ay isang nilikha, hindi mo mapapamatnugutan ang iyong kapalaran at hindi ka magkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan dito. Ang Diyos ang may huling salita sa kapalaran mo. Sa harap ng kapalaran mo, pasibo ka at hindi ka maaaring pumili. Ang dapat mo lamang gawin ay ang magpasakop. Hindi ka dapat gumawa ng sarili mong mga pagpapasya sa iyong kapalaran o umiwas dito, hindi ka dapat makipagtawaran sa Diyos, at hindi ka dapat makaramdam ng paglaban o magreklamo. Siyempre pa, lalong hindi ka dapat magsabi ng mga bagay na gaya ng, ‘Ang sama ng kapalarang isinaayos ng Diyos para sa akin. Miserable ito at mas masahol kaysa sa kapalaran ng iba,’ o ‘Ang sama ng kapalaran ko at hindi ako makapagtamasa ng anumang kaligayahan o kasaganahan. Ang sama ng pagsasaayos ng Diyos sa mga bagay-bagay para sa akin.’ Ang mga salitang ito ay panghuhusga at sa pagsambit ng mga ito, lumalagpas ka sa iyong posisyon. Ang mga ito ay hindi mga salita na dapat sambitin ng isang nilikha at hindi mga pananaw o saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha. Sa halip, dapat mong kalimutan ang iba’t ibang walang-katotohanang pagkaunawa, pakahulugan, pananaw, at pagkaintinding ito sa kapalaran. Kasabay nito, dapat magawa mong taglayin ang isang tamang saloobin at paninindigan upang makapagpasakop sa lahat ng bagay na mangyayari bilang bahagi ng kapalarang isinaayos ng Diyos para sa iyo. Hindi mo ito dapat tutulan, at lalong hindi ka dapat masiraan ng loob at magreklamo na hindi patas ang Langit, na hindi maganda ang pagsasaayos ng Diyos sa mga bagay-bagay para sa iyo, at hindi ibinigay sa iyo ang pinakamainam. Pagdating sa usapin ng kapalaran, ang mga nilikha ay walang karapatang pumili; hindi ka binigyan ng Diyos ng ganitong uri ng obligasyon at hindi Niya ipinagkaloob ang ganitong uri ng karapatan sa iyo. Kaya, hindi mo dapat subukang gumawa ng mga pagpili, makipagtalo sa Diyos, o magdagdag ng mga hinihingi mo sa Kanya. Anuman ang mga pagsasaayos ng Diyos, dapat kang makibagay at harapin ang mga iyon nang naaayon. Dapat mong harapin at subukang maranasan at maunawaan ang anumang isinaayos ng Diyos. Dapat kang ganap na magpasakop sa lahat ng dapat mong maranasan na isinaayos ng Diyos para sa iyo. Dapat kang sumunod sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa iyo. Kahit ayaw mo sa isang bagay, o nagdurusa ka dahil dito, o kung hinahamon at sinusugpo nito ang iyong dignidad at pride, basta’t ito ay isang bagay na dapat mong maranasan, isang bagay na pinamatnugutan at isinaayos ng Diyos para sa iyo, dapat kang magpasakop dito, at hindi ka maaaring gumawa ng anumang pagpili. Dahil isinasaayos ng Diyos ang mga kapalaran ng mga tao at may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa mga ito, hindi maaaring makipagnegosasyon sa Kanya tungkol sa mga ito. Kaya, kung matitino ang mga tao at may katwiran ng normal na pagkatao, hindi sila dapat palaging magreklamo na masama ang kanilang kapalaran; higit pa rito, hindi nila dapat harapin ang kanilang tungkulin, ang kanilang buhay, ang landas na tinatahak nila sa pananampalataya nila sa Diyos, ang lahat ng sitwasyong isinaayos ng Diyos, o ang Kanyang mga hinihingi sa tao nang may pagkasira ng loob dahil lamang sa nadarama nila na masama ang kanilang kapalaran(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, mas malinaw nitong ipinakita sa akin kung paano harapin ang mga kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang lahat ng kapalaran natin ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung sa anong uri ng pamilya ipinanganak ang isang tao, kung anong uri ng edukasyon ang nakukuha niya, ang kanyang mga kaloob at kalakasan, kung kailan siya papasok sa iglesia at aako ng tungkulin, at kung anong tungkulin ang gagawin niya, ay pinaghaharian at isinasaayos lahat ng Diyos, at nasa likod ng mga ito ang mabuting layunin ng Diyos. Noon, hindi ko kailanman naintindihan kung bakit palagi akong inililipat, pero pagkatapos itong pag-isipang mabuti, nakita ko na ito talaga ang kailangan ko. Kung wala ang mga karanasang ito, hindi ko sana nakita kung gaano kalala ang pagnanais ko sa katanyagan at katayuan. Iisipin ko pa rin na medyo nagbago na ako, at hindi ko malalaman kung gaano kalalim na nakaugat sa akin ang mga pilosopiya ni Satanas, at na dahil dito, mawawalan ako ng katwiran ng normal na pagkatao at makikipagtalo sa Diyos at sasalungatin Siya, at hindi ko makikita na matitiwalag ako kung patuloy kong hahangarin ang mga ito. Sa pagdaan dito, nagkaroon ako ng kaunting kalinawan sa mga nakalilinlang kong pananaw tungkol sa paghahangad ng katanyagan at katayuan, at napagtanto ko na hindi ito ang tamang landas, isa itong paraan para gawing tiwali at pinsalain ni Satanas ang mga tao. Natutunan ko rin na dapat kong gamitin nang tama ang sarili kong kakayahan, tanggapin at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, magawang tumayo sa posisyon ko, at maging isang nilikhang may katwiran. Kahit italaga ako sa ibang tungkulin sa hinaharap, anuman ang tungkuling gawin ko, kailangan kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, hanapin ang layunin Niya, makibagay, dumanas, at ituon ang sarili sa bawat sitwasyong isinasaayos Niya para sa akin, at magsikap na magkamit at kilalanin ang sarili ko sa pamamagitan ng mga ito.

Sinundan: 32. Ang Matuto Mula sa mga Kabiguan ng Iba

Sumunod: 34. Sa Likod ng Pagbagsak ng Isang Pamilya

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito