32. Ang Matuto Mula sa mga Kabiguan ng Iba

Ni Daisy, Timog Korea

No’ng Oktubre ng nakaraang taon, natanggal ang dalawang superbisor sa gawaing video. Ito’y dahil paulit-ulit na binibigyang-diin ng lider namin ang kahalagahan ng gawaing ito pero hindi sila kailanman naging maagap. Tinutugunan lang nila ang mga pangkalahatang gawain at ‘di nilulutas ang anumang mga problema, o ‘di talaga lumalahok sa paggawa ng video, na nakaantala sa gawain. Galit na galit ang lider at sinabing mga tuso at iresponsable ang mga taong gano’n, umiiwas sa kanilang gawain, at ‘di nababagay maging superbisor, kaya pinaalis niya ang mga ito. Nabigla ako nang mabalitaan ‘to. Akala ko’y normal nilang ginagawa ang tungkulin nila. Kahit medyo ‘di sila epektibo, pasibo, at hindi nagdala ng pasanin, hindi ‘yon gaanong malaking isyu. Parang gano’n naman ang lahat. Nararapat ba talaga silang matanggal dahil do’n? Kalaunan, tinanong kami ng lider kung paano namin karaniwang ginagawa ang mga tungkulin namin: Ginugugol ba namin ang mga sarili namin, ibinibigay ang lahat, at talagang nagsusumikap? Sinusubukan ba naming maging mahusay at produktibo hangga’t maaari? Nang marinig ko ang mga tanong na ‘to, kinabahan ako nang husto, hindi ako nangahas na itaas ang ulo ko. Alam kong malayo ako sa mga pamantayang ‘yon, at lalo akong kinabahan nang marinig ang lider na tawaging “umiiwas,” “hindi maagap” at “hindi nagdadala ng pasanin” ang mga superbisor na ‘yon sa kanilang tungkulin. Natanto ko na gano’n din ang ginagawa ko sa tungkulin ko. Itinalaga ako ng lider na subaybayan ang gawaing video, at sa una, hinanap ko ang mga prinsipyo, pinag-aralan ang mga nauugnay na kasanayan, at nag-isip kung paano mabilis matapos ang gawain. Pero pagkaraan ng ilang araw, naisip ko: “Medyo kumplikado ang paggawa ng video. Kasisimula ko pa lang at marami pa akong hindi alam; di-maiiwasan ang mga problema. Gagawin ko lang ang makakaya ko. Susuriin din naman ito ng lider sa huli. Kahit may mga problema, maiintindihan niya.” Kaya ginawa ko lang ang mga nakagawian araw-araw. Sinabi kong pinahahalagahan ko ang pagiging apurahan ng gawaing ‘to, pero kapag hindi kami minamadali ng lider, ‘di ko namamalayang bumabagal ang pag-usad namin. Ang gawaing maaari sanang matapos ng isang linggo ay dumoble ang tagal, at inihinto ko rin ang pagsubaybay sa gawain ng pagdidilig na responsibilidad ko. Minsan nakokonsensya ako, pero dahil hindi naman gaanong naaantala ang gawain, ‘di na ako nag-alala. Kalaunan, ipinamahala sa’kin ng lider ang ibang gawain, at gano’n pa rin ang saloobin ko. Bagamat mukha akong abala, hindi ako naging maagap o lumutas ng maraming totoong problema. Minsan napapaisip ako: “Responsable ako sa maraming gawain, kaya dapat mas abala ang iskedyul ko, dapat marami pa akong alalahanin, at dapat mas namomroblema ako. Bakit ‘di ko nararamdaman ‘yon? Masyado akong kampante sa pagtatapos ng araw.” Naisip kong maging mas wais sa pagplano ng oras ko. Sa mas mahigpit na iskedyul, magiging mas mahusay ako at mas marami akong matatapos na gawain. Pero naisip ko, “Medyo abala naman na ako. Bakit gigipitin ko pa ang sarili ko?” Kaya’t isinantabi ko ang isiping ‘yon. Hindi ko naramdamang kailangan kong maging maagap sa tungkulin hanggang sa natanggal ang dalawang superbisor na ‘yon. Nagtakda ng dalawang pamantayan ang lider sa mga tungkulin namin: Kailangan naming gugulin ang aming sarili at ibigay ang lahat-lahat, at maging mahusay at produktibo sa abot ng makakaya. Hindi ko natatamo ang alinman sa mga ‘yon. Sa tungkulin ko, madalas akong tuso at pabasta-basta. Wala akong katapatan, lalong walang paggalang sa Diyos. Labis akong natakot. Kung matutuklasan ng lider ang saloobin ko, ako ba ang susunod na tatanggalin? Kung hindi ko aayusin ang mga gawi ko, maaari akong malantad anumang oras. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “Diyos ko, napakatuso ko sa tungkulin ko nitong kamakailan. Natatakot po ako na baka isang araw ay ilalantad at palalayasin ako. Pero ngayon, natatakot at nag-aalala po talaga ako, wala akong tunay na kamalayan o pagkamuhi sa aking tiwaling disposisyon. Pakiusap, gabayan Mo po ako na makilala ang aking sarili at baguhin ang aking maling kalagayan.”

Kalaunan, napaisip ako, “Bakit masyado akong natatakot at nagiging mapagbantay laban sa Diyos dahil sa pagkakatanggal ng mga superbisor na ‘yon?” Natanto ko na dahil ‘to sa hindi ko nakita ang diwa ng kanilang mga problema. Akala ko’y hindi gano’n kabigat ang mga isyu nila, kaya’t hindi ko nagawa na talagang tanggapin ang nangyari sa kanila. Nakita ko ang mga nauugnay na mga salita ng Diyos para sa isyung ito. Sabi ng salita ng Diyos: “Lahat ng taong hinirang ng Diyos ay nagsasanay na ngayon na gumanap sa kanilang mga tungkulin, at ginagamit ng Diyos ang pagganap ng mga tao sa kanilang tungkulin para gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao at palayasin ang isa pa. Kaya, ang pagganap ng tungkulin ang naglalantad sa bawat uri ng tao, at ang bawat uri ng manlilinlang, walang pananalig, at masamang tao ay nalalantad at napalalayas sa pagganap ng kanilang tungkulin. Yaong mga gumaganap ng kanilang tungkulin nang tapat ay mga sinserong tao; yaong mga palaging walang ingat at padalus-dalos ay mapanlinlang at tusong mga tao, at sila ay mga walang pananalig; at yaong mga nagiging dahilan ng mga paggambala at kaguluhan sa paggawa ng kanilang mga tungkulin ay masasamang tao, at sila ay mga anticristo. Ngayon, umiiral pa rin ang napakaraming problema sa marami sa mga gumaganap ng mga tungkulin. Ang ilang tao ay laging napakapasibo sa kanilang mga tungkulin, laging nakaupo at naghihintay at umaasa sa iba. Anong uri ng pag-uugali iyan? Pagiging iresponsable. Isinaayos ng sambahayan ng Diyos na gawin mo ang tungkuling ito, ngunit ilang araw mo itong pinag-iisipan nang walang natatapos na anumang konkretong gawain. Hindi ka nakikita sa trabaho, at hindi ka nahahanap ng mga tao kapag mayroon silang mga problemang kinakailangang lutasin. Hindi ka nagdadala ng pasanin para sa gawaing ito. Kung magtatanong ang isang lider tungkol sa gawain, ano ang sasabihin mo sa kanya? Hindi ka gumagawa ng anumang uri ng gawain ngayon. Alam na alam mo na responsabilidad mo ang gawaing ito, pero hindi mo ito ginagawa. Ano ba ang iniisip mo? Hindi ka ba gumagawa ng anumang gawain dahil wala kang kakayahan dito? O sakim ka lang sa kaginhawahan? Ano ang saloobing mayroon ka sa iyong tungkulin? Ipinapangaral mo lang ang mga titik at salita ng doktrina at sinasabi lang ang mga bagay na masarap pakinggan, ngunit wala kang ginagawang praktikal na gawain. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magbitiw. Huwag kang manatili sa iyong posisyon at walang anumang gawin doon. Hindi ba’t sa paggawa nito ay pinipinsala mo ang mga taong hinirang ng Diyos at ikinokompromiso ang gawain ng iglesia? Sa paraan ng iyong pagsasalita, tila nauunawaan mo ang lahat ng klase ng doktrina, pero kapag hinilingan kang gampanan ang isang tungkulin, pabaya ka at walang interes, hindi ka man lang maingat. Ganyan ba ang taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? Wala kang sinseridad sa Diyos, pero nagkukunwari kang mayroon. Kaya mo ba Siyang linlangin? Sa paraan ng iyong karaniwang pagsasalita, tila mayroong malaking pananampalataya; gusto mong maging haligi ng iglesia at maging sandigan nito. Ngunit kapag ginagampanan mo ang isang tungkulin, ni hindi ka kasingkapaki-pakinabang ng isang palito ng posporo. Hindi ba ito tahasang panlilinlang sa Diyos sa parte mo? Alam mo ba ang kahihinatnan ng pagtatangkang linlangin ang Diyos? Kasusuklaman ka Niya at palalayasin! Lahat ng tao ay nabubunyag sa pagganap sa kanilang mga tungkulin—italaga lang ang isang tao sa isang tungkulin, at hindi magtatagal ay mabubunyag kung siya ba ay isang matapat na tao o isang manlilinlang at kung siya ba ay nagmamahal sa katotohanan o hindi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagiging Matapat Lamang Makakapamuhay ang Isang Tao Bilang Isang Tunay na Tao). Nilinaw sa’kin ng salita ng Diyos na: ‘Yong mga laging pabasta-basta, tuso, at nasisiyahan na may makamit sa iglesia sa kaunting ginagawa lang nila, ay may masamang pagkatao, likas na tuso at mapanlinlang, at hindi totoong gumugugol para sa Diyos. Sa huli, palalayasin silang lahat ng Diyos. Ang Diyos ay matuwid. Siya ang nagpapasya sa katapusan ng bawat tao batay sa kanilang saloobin sa kanilang tungkulin. Naisip ko ang mga natanggal na superbisor. Namamahala sila sa gayon kahalagang gawain pero inako lang nila ang posisyon ng “superbisor,” hindi ang pasanin, at ginawa ang mga tungkulin nila araw-araw ayon sa nakagawian nang hindi sinusuri kung bakit ‘di talaga epektibo ang gawain nila, anong mga problema meron ang iba sa kanilang mga tungkulin, o kung paano nila dapat gabayan at subaybayan ang gawain. Palagi silang pinaaalalahanan ng iba na maging mas maagap, na planuhing maigi ang gawain, at gawing mas mahusay ito. Nangako silang gagawin ito, pero walang ginawang mga pagbabago. Pasibo sila at kailangan pang himukin para gumawa. May isa sa kanila na mahusay magsalita, matalino, at may kakayahan, pero pagkatapos ng mahigit isang buwan bilang superbisor, hindi pa rin niya alam ang mga panimula ng gawain o kung paano ito itatalaga sa mga tauhan. Masyasdo siyang pabaya at iresponsable. Naisip ko kung gaano kalinaw na ibinabahagi ng salita ng Diyos ang mga responsibilidad ng mga lider at kung paanong madalas na sinasabi ng lider namin ang kahalagahan ng mga tungkulin. Alam nila ang lahat ng ito, pero naging pabasta-basta pa rin sila. Hindi sila mga taong nagmamahal o naghahangad sa katotohanan at wala silang paggalang sa Diyos. Naalala ko na sinabi ng Diyos: “Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan; sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Judas, at dapat na sumpain(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Noon, akala ko na ang mga tumatanggi lang na gawin ang kanilang mga tungkulin ang mga nagtataksil sa Diyos, pero mula sa salita ng Diyos nakita ko na kapag binibigyan ka ng iglesia ng mahalagang gampanin at tamad ka, pabaya, laging pabasta-basta, at nagdudulot ng pinsala sa gawain, iyon ay kapabayaan at pagkakanulo. Hindi naging malupit ang lider sa pagtanggal sa mga superbisor na ‘yon. Naaayon ito sa salita ng Diyos at sa mga prinsipyo. Hindi ko ito matanggap dahil ‘di ko nakikita ang mga bagay-bagay ayon sa salita ng Diyos, kaya’t naging mapagbantay ako laban sa Diyos. Napakaignorante ko. Natanto ko na katulad na katulad ng sa kanila ang pag-uugali ko, kaya’t kailangan kong pagnilayan kaagad ang mga problema sa tungkulin ko.

Kalaunan, natagpuan ko ang mga salita ng Diyos para magsagawa at pumasok, na may kinalaman sa kalagayan at saloobin ko sa tungkulin ko. Sabi ng salita ng Diyos: “Kung hindi ka matiyagang magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka makakapagnilay sa iyong sarili; masisiyahan ka na lamang sa paggawa ng munting pagsisikap at hindi paglabag, at gagamitin ito bilang kapital. Palilipasin mo ang bawat araw na naguguluhan, namumuhay nang nalilito, ginagawa lamang ang mga bagay sa takdang oras, hindi nagsisikap, hindi kailanman nag-iisip, at laging pabigla-bigla at nagmamadali. Sa ganitong paraan, hindi mo kailanman magagampanan ang iyong tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan. Para maibuhos ang lahat ng pagsisikap mo sa isang bagay, dapat mo munang ilagay ang buong puso mo roon; kapag inilagay mo muna ang buong puso mo sa isang bagay, saka mo lamang maibubuhos ang lahat ng pagsisikap mo roon, at magagawa ang lahat ng kaya mo. Ngayon, may mga nagsimula nang magtiyaga sa pagganap sa kanilang tungkulin, nagsimula na silang mag-isip kung paano maisasagawa nang maayos ang tungkulin ng isang nilalang upang mapalugod ang puso ng Diyos. Hindi sila negatibo at tamad, hindi sila pasibong naghihintay na magbigay ng mga utos ang Itaas, kundi may pagkukusa. Sa pagtingin sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin, medyo mas epektibo kayo kaysa noon, at kahit wala pa rin sa pamantayan, nagkaroon na ng kaunting paglago—na mabuti. Pero hindi kayo dapat masiyahan sa kasalukuyang sitwasyon, dapat kayong patuloy na maghanap, patuloy na lumago—saka lamang ninyo magagampanan nang mas maayos ang inyong tungkulin, at maaabot ang katanggap-tanggap na pamantayan. Pero kapag ginagampanan ng ilang tao ang kanilang tungkulin, hindi sila nagsisikap nang husto at hindi nila ibinibigay ang lahat-lahat nila, 50-60% lamang ng kanilang pagsisikap ang ibinibigay nila, at nasisiyahan na lamang doon hanggang sa matapos ang ginagawa nila. Hinding-hindi nila napapanatili ang isang normal na kalagayan: Kapag walang sinumang nagbabantay sa kanila o nag-aalok ng suporta, kumukupad sila at pinanghihinaan ng loob; kapag mayroong nagbabahagi ng katotohanan, sumisigla sila, pero kung matagal-tagal silang hindi nabahaginan ng katotohanan, nawawalan sila ng interes. Ano ang problema kapag palagi silang pabalik-balik nang ganito? Ganito ang mga tao kapag hindi pa nila natatamo ang katotohanan, namumuhay silang lahat ayon sa silakbo ng damdamin—isang silakbo ng damdamin na napakahirap panatilihin: Kailangan ay may nangangaral at nagbabahagi sa kanila araw-araw; kapag walang sinumang nagdidilig at tumutustos sa kanila, at walang sinumang sumusuporta sa kanila, nanlalamig ulit ang mga puso nila, kumukupad silang muli. At kapag nanghina ang mga puso nila, sila ay nagiging hindi gaanong epektibo sa kanilang tungkulin; kung mas nagsisikap sila, nadaragdagan ang pagiging epektibo nila, mas nagkakaroon ng bunga ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, at mas marami silang nakakamit(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). “Hindi ginagawa nang maayos ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin. Palagi nilang sinusubukang manlinlang nang kaunti, tulad ng paglilibang sa kanilang sarili sa halip na nagtatrabaho sila, natutulog nang dis-oras, o nagbubulag-bulagan sa mga problemang nakikita nila at hindi binabanggit ang mga ito sa sinuman. Hindi ba’t ito ang mga bagay na gagawin ng isang taong walang konsiyensiya? Habang nagiging mas matrabaho ang kanilang mga tungkulin, nagiging mas abala rin sila sa kanilang mga personal na pamumuhay. Nakikipagligawan sila, naglalaro ng mga video game, nagbabasa ng mga walang kwentang magasin at balita. Palagi nilang inaasikaso ang mga personal na bagay kapag dapat ay ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Mayroon ba silang konsiyensiya? (Wala.) Kung kakausapin Ko kayo tungkol sa katapatan at tunay na pagpapasakop, magiging mabigat na paksa ito para sa inyo, mahihirapan kayo rito. Mararamdaman ninyong napipigilan kayo at medyo hindi komportable. Pero paano kung kakausapin Ko kayo tungkol sa konsiyensiya at pagkatao? Mayroon ba kayo ng dalawang bagay na iyon? Kung hindi ninyo man lang nauunawaan ang konsiyensiya, pagkatao, at ang katwiran na taglay ng mga normal na tao, kung hindi ninyo alam kung paano ihambing ang mga bagay na ito sa inyong sarili, kung hindi ninyo alam kung paano gamitin ang mga ito para ayusin ang inyong isipan at pigilan ang inyong asal, malabong mahalin at hangarin ninyo ang katotohanan, at lahat ng inyong kilos at asal ay walang kinalaman sa katotohanan. Naghahanap ang Diyos ng mga potensyal na tatanggap ng Kanyang kaligtasan sa yaong mga nagtataglay ng pagkatao, konsiyensiya, at katwiran. Ang mga taong wala nito ay malayong makaunawa o makapagsagawa sa katotohanan, at lalong malayo pa sila sa kaligtasan(Pagbabahagi ng Diyos). Mula sa salita ng Diyos, natutunan ko na dapat tayong magkusa para magampanan nang maayos ang mga tungkulin natin. Kailangan nating maging handang magsumikap, magdusa at magbayad ng halaga. ‘Tsaka, dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya, isapuso ito nang buong-buo, tuparin ang ating mga responsibilidad, at magkamit ng mga resulta, at hindi lang iraos ang tungkulin. Iyon ang paggawa nang maayos ng tungkulin. Nang ipinamahala sa’kin ng lider ang gawaing video, noong una, gusto kong maging mas mahusay sa pagsubaybay sa gawain, at talagang pinag-aralan ko ang mga kasanayan at prinsipyo, pero pagkaraan ng ilang panahon, nakita kong napakahirap ng gawaing video. Kasisimula ko pa lang, napakarami ko pang hindi alam, at kailangan kong magdusa at magbayad ng halaga, kaya nagsimula akong magpakatamad at hindi pinuno ang iskedyul ko. Bagamat mukha akong abala araw-araw, hindi ako mahusay na nagtatrabaho o nakakatapos ng maraming gawain. May oras pa nga ako para isipin kung ano ang kakainin o iinumin, at kapag libre, nagpapahinga ako, lumalabas para mamasyal, o nagsasaya. Nasa akin ang titulong superbisor, pero mas wala akong ginagawa sa tungkulin ko kaysa sa iba. Kapag nahihirapan ako sa gawain, hindi ako naghahanap ng mga prinsipyo o ng taong nakauunawa para makatulong, nilayon ko ang “sapat na” at “humigit-kumulang,” pagkatapos ay ipinaubaya na ito sa pagsusuri ng lider. Dahil pabasta-basta ako at hindi naghahangad ng mga tunay na resulta sa tungkulin ko, laging nakakakita ng mga problema ang lider sa gawain ko at kailangan itong ibalik para sa rebisyon, na nakaantala sa aming pag-usad. Hindi ko ibinibigay ang buong pagsisikap ko sa tungkulin ko, pati na ang buong puso ko. Minamadali ko ito, hindi inaayos, at hindi ako tunay na nagbabayad ng halaga. Kahit na nagsisikap ako nang kaunti, hindi ako nakakakuha ng mga tunay na resulta. Paanong paggawa ‘yon ng tungkulin? Malinaw na nililinlang at dinadaya ko ang Diyos! Labis akong nakonsensya nang mapagtanto ko ‘to. Sinasanay ako ng iglesia bilang superbisor, umaasa ito na magiging responsable ako at tatapusin nang maayos ang gawain ng iglesia, pero nagpapakatamad lang ako. Wala talaga akong puso. Tinatrato ko ang tungkulin ko na parang isang hindi mananampalataya na nagtatrabaho para sa isang boss, at nagseserbisyo ako nang mababa ang kalidad. Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang hinihinging pamantayan ng Diyos sa iyo sa iyong tungkulin ay ang ‘kasapatan’. Paano dapat unawain ang salitang ‘kasapatan?’ Ang ibig sabihin nito ay dapat mong matugunan ang mga hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya, at ang iyong gawain ay dapat matawag ng Diyos na sapat at mabigyan ng pagsang-ayon Niya; saka mo lang matutupad nang sapat ang iyong tungkulin. Kung sinasabi ng Diyos na hindi mo ginagawa nang sapat ang iyong tungkulin, gaano man katagal mo nang ginampanan ito at gaano man kalaki ang halagang ibinayad mo para dito, hindi pa rin ito sapat. Ano ang magiging kahihinatnan nito? Magseserbisyo ka lamang. Maliit na bilang lamang ng mga tapat na tagapagserbisyo ang makaliligtas sa mga sakuna. Kung hindi ka tapat sa pagseserbisyo mo, wala kang pag-asang mabuhay. Sa madaling salita, mawawasak ka sa mga sakuna(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Natanto ko sa salita ng Diyos na wala man lang akong katiting na konsensya sa tungkulin ko. Kinasusuklaman ng Diyos ang ganitong saloobin at dahil dito, ‘di ako karapat-dapat sa kaligtasan. Isang babala para sa’kin ang pagkakatanggal ng dalawang superbisor na ‘yon. Nakita ko na ‘yong mga pabasta-basta at pabaya sa kanilang mga tungkulin ay hindi nagtatagal sa iglesia. Sa huli, nalalantad at napapalayas sila. Bagamat gumagawa ako ng tungkulin sa iglesia, ‘di ibig sabihin na ginagawa ko ito nang maayos. Kung hindi ko babaguhin kaagad ang kalagayan ko, kahit hindi ako palayasin ng iglesia, palalayasin ako ng Diyos. Ito’y pinagpapasyahan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Nang matanto ko ‘to, nagdasal ako sa Diyos: “Diyos, hindi ako nagbabayad ng tunay na halaga sa tungkulin ko, masyado akong pabasta-basta, at napakarami kong pinagsisisihan. Natanto ko na ngayon kung gaano kadelikado ang kalagayan ko, at hindi ko pwedeng panatilihin ang ganitong saloobin sa tungkulin ko. Gusto ko po na wastong magsisi at gawin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya.”

Pagkatapos nito, nagtaka ako: “Minsan, alam ko naman kung gaano kahalaga ang mga responsibilidad ko, pero madalas ay ‘di ko maiwasang magpakatamad at ayokong magbayad ng halaga sa tungkulin ko. Ano’ng dahilan nito?” Nabasa ko ang salita ng Diyos. “Anong uri ng mga pag-uugali at katangian ang ipinapakita ng yaong mga sobrang tamad? Una, sa anumang bagay na ginagawa nila, pabasta-basta silang kumikilos, wala sa loob na gumagawa, nag-aaksaya ng oras, nagpapaalwan, at nagpapahinga, at nagpapaliban hangga’t maaari. Pangalawa, wala silang pakialam sa gawain ng iglesia. Para sa kanila, maaari naman itong gawin ng sinumang may gusto. Hindi nila gagawin ito. Kapag gumagawa man sila sa isang bagay, ito ay para sa kanilang sariling reputasyon at katayuan—ang mahalaga lang para sa kanila ay natatamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan. Pangatlo, hindi nila matanggap na nagiging mas nakapapagod nang kahit kaunti ang kanilang gawain; labis na sumasama ang loob nila at ayaw nilang magpasan ng hirap o magsakripisyo. Pang-apat, hindi nila kayang magtiyaga sa kanilang gawain, palagi silang sumusuko sa kalagitnaan at hindi nakatatapos ng mga bagay-bagay. Tinatanggap nila bilang katuwaan ang panandaliang paggawa ng isang panibagong bagay, pero kung nangangailangan ng pangmatagalang dedikasyon ang isang bagay, at palagi silang nagiging abala dito, kailangan itong pag-isipan nang husto at nakapapagod sa kanilang katawan, sa paglipas ng panahon ay magsisimula silang magreklamo. Halimbawa, sa simula, masigla at masigasig ang ilang lider sa pangangasiwa ng gawain ng iglesia. Malaki ang motibasyon nila sa kanilang pagbabahagi sa katotohanan at kapag may mga problema ang mga kapatid, nagagawa nilang tumulong at lutasin ang mga ito. Pero kapag patuloy na lumilitaw ang napakaraming problema at talagang hindi nila magawang lutasin ang lahat ng ito matapos magtiyaga sa gawain nang ilang panahon, hindi na nila kayang magpatuloy at ninanais nilang lumipat sa mas madaling trabaho. Hindi sila handang magtiis ng hirap, at kulang sila sa pagtitiyaga. Panglima, ang isa pang katangian na nakatutukoy sa mga tamad na tao ay ang kanilang pag-aatubiling gumawa ng praktikal na gawain. Sa sandaling magdusa ang kanilang laman, nagpapalusot sila at nagdadahilan para layuan at iwasan ang kanilang gawain, nagtatalaga sila ng ibang tao na gawin ito para sa kanila. Kapag natapos ng taong iyon ang gawain, sila ang umaani sa mga gantimpala. Ito ang limang pangunahing katangian ng mga taong tamad. Dapat kayong magsuri para makita ninyo kung may mga tamad na tao sa mga lider at manggagawa sa mga iglesia. Kapag may nakita kayong isa, tanggalin siya kaagad. Makagagawa ba ng mabuting gawain bilang lider ang mga tamad? Anumang uri ng kakayahan ang mayroon sila o anuman ang kalidad ng kanilang pagkatao, kung tamad sila, hindi nila magagawa nang maayos ang kanilang gawain. Maaantala nila ang gawain at ang mas malaking proyekto. May sari-saring aspeto ang gawain ng iglesia; ang bawat proyekto ay may kasamang maraming mas maliliit na bahagi at nangangailangan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema at upang magawa ang gawain ng iglesia nang maayos. Kung walang gagawing sapat na hakbang, talagang hindi makakamit ang ninanais na resulta. Kaya, dapat maging masigasig ang mga lider at manggagawa—kailangan nilang gumawa ng maraming pag-uusap at maraming trabaho araw-araw upang matiyak ang pagiging epektibo ng gawain. Kung masyadong kakaunti ang pag-uusapan nila, o hindi sila gagawa ng sapat na gawain, walang magiging resulta. Kaya, kung tamad ang isang lider o manggagawa, tiyak na isa siyang huwad na lider at walang kakayahang gumawa ng praktikal na gawain. Ang mga tamad na tao ay hindi gumagawa ng praktikal na gawain, lalong hindi sila pumupunta sa mga lugar ng trabaho, at hindi sila handang lutasin ang mga problema o makisangkot sa anumang partikular na gawain. Wala silang ni katiting na pagkaunawa o kabatiran sa mga problema ng anumang proyekto. Iniraraos lang nila ang gawain sa pamamagitan ng pakikinig sa sasabihin ng iba, mababaw ang kaalaman nila sa kung ano ang nangyayari, at nangangaral ng kaunting doktrina. Magagawa ninyo bang tukuyin ang ganitong uri ng lider? Makikilala ninyo ba na siya ay huwad na lider? (Medyo.) Ang mga tamad ay pabasta-basta at iniraraos lamang ang anumang tungkuling ginagawa nila. Ano man ang tungkulin, wala silang pagtitiyaga, paminsan-minsang gumagawa, at walang humpay na nagrereklamo kapag dumaranas sila ng ilang paghihirap. Binabatikos nila ang sinumang pumupuna o nagwawasto sa kanila, tulad ng isang taong mainitin ang ulo na pumapalahaw sa lansangan, na laging gustong ilabas ang kanyang galit at hindi gawin ang kanyang tungkulin. Ano ang inilalantad nitong pag-ayaw nilang gawin ang kanilang tungkulin? Inilalantad nito na hindi sila nagdadala ng pasanin, ayaw nilang umako ng responsabilidad, at mga tamad na tao sila. Ayaw nilang dumanas ng hirap o magsakripisyo. Sa partikular, kung hindi nagdadala ng pasanin ang mga lider at manggagawa, matutupad ba nila ang mga responsabilidad ng isang lider o manggagawa? Talagang hindi(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Natanto ko mula sa pagninilay-nilay sa salita ng Diyos kung bakit wala akong tiyaga sa tungkulin ko, at kung bakit, pagkatapos ng panandaliang kasipagan, ayoko nang magbayad para dito. Ang pangunahing dahilan nito’y masyado akong tamad at nagnanais ng kaginhawahan ng laman. Hindi ko hinahangad ang kahusayan sa gawain ko. Kung ‘di ako hinihimok o iwinawasto, ‘di ako nagiging maagap. Ayaw na ayaw kong ibuhos ang isip ko sa mga isyu sa gawain, palaging pinapalayaw ang sarili ko, idinadahilan na kasisimula ko pa lang, at ipinapasa ang mga problema sa lider. Iniisip ko, “Dapat tayong magsaya habang nabubuhay pa. Gaano man ka-apurahan ang gawain, hindi natin dapat abusuhin o masyadong pagurin ang mga sarili natin. Hangga’t hindi ako pinalalayas, ayos lang na ‘di ako gaanong magsikap at gumawa lang ng kaunting gawain.” Hindi ko kailanman hinangad na umusad, kaya’t napakabagal ng pagsulong ko. Naisip ko ang mga kapatid: Ang ilan sa kanila ay naglalaan ng napakaraming oras at lakas sa pagtatapos ng mga gawain, palaging tumutuon sa kanilang mga tungkulin. Kahit na natapos na nila ang gawain nila, patuloy silang nagninilay-nilay kung meron bang anumang mga paglihis dito, at kung paano nila ‘to mas paghuhusayan. Ang tanging iniisip nila ay kung paano gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Gumawa sila ng wastong gawain, meron silang pagkatao, at tapat sa kanilang mga tungkulin. Madali nilang nakamit ang patnubay ng Banal na Espiritu sa kanilang gawain, at sa paglipas ng panahon, umusad sila at maraming nakamit. Pero ako, ipinamahala sa akin ng iglesia ang gawaing video, pero wala akong konsensya, ang mga pananaw at paghahangad ko ay katulad ng sa hayop. Kapag may oras ako, iniisip ko ang pagnanasa ko sa laman at hindi man lang ang tungkulin ko. Meron akong posisyon, pero hindi ako gumagawa ng totoong gawain, na hindi lang nagpahinto sa amin na makakuha ng magagandang resulta, kundi naantala din nito ang gawain. Sobra akong makasarili at kasuklam-suklam! Kung magpapatuloy ako nang gano’n, hindi ako makakagawa ng anumang gawain, wala akong makakamit, at tiyak na palalayasin ako ng Diyos. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “Diyos ko, masyadong malubha ang marumi kong kalikasan. Nagiging iresponsable at tuso ako sa napakahalagang gawain at wala akong paggalang sa Iyo. Noon, alam kong malubha ang katiwalian ko pero ‘di ko talaga ito kinasuklaman. Alam ko na ito ngayon. Diyos ko, gusto ko pong magbago. Gusto kong baguhin ang saloobin ko sa’king tungkulin, at gawin ito nang maayos. Pakiusap gabayan Mo po ako na malutas ang aking tiwaling disposisyon at maisabuhay ang wangis ng tao.”

Kalaunan, naalala ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos na nabasa ko. “Dapat kahit papaano ay malinis ang konsiyensiya mo sa pagganap sa iyong tungkulin, at dapat kahit papaano ay madama mong karapat-dapat ka sa kinakain mo tatlong beses sa isang araw at hindi mo hinihingi ang mga iyon. Ang tawag dito ay pagpapahalaga sa responsabilidad. Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, dapat mong taglayin ang saloobing ito: ‘Dahil ipinagagawa sa akin ang gawaing ito, dapat ko itong seryosohin; dapat kong alalahanin ito at gawin ito nang maayos, nang buong puso at lakas ko. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para matiyak na magawa iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magpapabaya at magpapabasta-basta tungkol dito. Kung magkaroon ng problema, dapat kong tanggapin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.’ Ito ang tamang saloobin. Ganito ba ang inyong saloobin? Sinasabi ng ilang tao na, ‘Hindi ko kailangang gumawa ng mahusay na trabaho sa gawaing itinalaga sa akin. Gagawin ko lang ang aking makakaya at bahala na kung ano ang magiging resulta. Hindi ko kailangang sobrang pagurin ang sarili ko, o lubusang mabalisa kapag may nagawa akong mali, at hindi ko kailangang masyadong ma-stress. Ano ang silbi ng sobrang pagpapapagod sa aking sarili? Tutal, palagi akong nagtatrabaho at hindi ako nananamantala.’ Ang ganitong uri ng saloobin sa tungkulin ay iresponsable. ‘Kung gusto kong magtrabaho, magtatrabaho ako nang kaunti. Gagawin ko ang makakaya ko at bahala na kung ano ang magiging resulta. Hindi kailangang masyadong seryosohin ang mga bagay-bagay.’ Ang gayong mga tao ay walang responsableng saloobin sa kanilang tungkulin at wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad. Anong uri ng tao kayo? Kung kayo ang unang uri ng tao, kayo ay isang taong may katwiran at pagkatao. Kung kayo ang pangalawang uri ng tao, wala kayong ipinagkaiba sa uri ng mga huwad na lider na kasusuri Ko pa lang. Sumusunod lang kayo sa agos: ‘Iiwasan ko ang pagod at hirap at mas lilibangin ko na lang ang sarili ko. Kahit na, isang araw, matanggal ako, walang mawawala sa akin. Kahit papaano ay matatamasa ko ang mga pakinabang ng katayuan sa loob ng ilang araw, hindi ito magiging kawalan para sa akin. Kung mapili ako bilang lider, iyon ang gagawin ko.’ Anong uri ng saloobin mayroon ang gayong mga tao? Ang mga taong ito ay mga walang pananampalataya na hindi hinahangad ang katotohanan kahit kaunti. Kung tunay kang responsable, ipinapakita niyan na may konsiyensiya ka at katwiran. Gaano man kalaki o kaliit ang gampanin, kahit sino pa ang magtalaga sa iyo ng gampaning iyon, kung ang sambahayan man ng Diyos ang nagkatiwala nito sa iyo o kung isang lider ng iglesia o manggagawa ang nagtalaga nito sa iyo, dapat ang saloobin mo ay: ‘Ang tungkuling ito na itinalaga sa akin ay ang pagtataas ng Diyos at pagkakaloob Niya ng biyaya. Dapat kong tiyakin na magagawa ito nang maayos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa kabila ng pagkakaroon lamang ng katamtamang kakayahan, handa akong akuin ang responsabilidad na ito at ibigay ang lahat ko para magawa ko ito nang maayos. Kung hindi ako makagagawa ng mahusay na trabaho, pananagutan ko ito, at kung makagagawa ako ng mahusay na trabaho, hindi ako tatanggap ng papuri para dito. Ito ang dapat kong gawin.’ Bakit Ko sinasabi na ang pagtrato ng isang tao sa kanyang tungkulin ay isang usapin ng prinsipyo? Kung talagang mayroon kang pagpapahalaga sa responsabilidad at isa kang responsableng tao, magagawa mong akuin ang gawain ng iglesia at tuparin ang tungkuling nararapat mong gawin. Kung mayroon kang pabayang pag-uugali sa iyong tungkulin, kung gayon, hindi tama ang pananaw mo sa pananampalataya sa Diyos, at may problema sa iyong saloobin sa Diyos at sa iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga taong responsable ay masigasig na gumagawa. Gusto man nila ang gawain o magaling man sila rito, at anuman ang kanilang kakayahan, hinaharap nila ito nang may katapatan, at taimtim na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para magampanan ‘to nang maayos. Ang mga taong ito ay tumutupad sa kanilang salita, mapagkakatiwalaan, at nakukuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa kabaligtaran, kapag sumang-ayon ang isang tao na akuin ang isang tungkulin, pero pagkatapos ay gumagawa lang nang sapat para hindi mapahiya, at hindi praktikal, at ‘di naghahangad ng mga resulta o kahusayan, kung gayon sila’y parang mga tamad at tambay lang sa sekular na mundo. Hindi sila mapagkakatiwalaan at hindi maaasahan. Gano’n ko ginagawa ang tungkulin ko. Palagi kong pinakikinggan ang laman at bihirang isinasagawa ang katotohanan. Paunti nang paunti ang wangis ko sa tao. Kailangan kong ayusin ang saloobin ko sa aking tungkulin. Anuman ang mga kakayahan ko sa gawain, ipinagkatiwala sa akin ng iglesia ang gampaning ito, kaya’t kailangan kong magsikap na gawin ito nang maayos at ibuhos ang lahat ng lakas ko rito. Bukod dito, ngayon ay isang napakahalagang panahon para gumawa ng tungkulin ang isang tao. Kung patuloy kong ‘di gagawin ang lahat ng aking makakaya, at maghihintay lang na matapos ang gawain ng Diyos bago mas magsikap, magiging huli na para magsisi. Matapos itong maisip, inayos kong muli ang iskedyul ko para makagawa ng mas marami pang gawain sa abot ng aking makakaya. Kapag nararamdaman kong tinatamad ako, nagdarasal ako sa Diyos at iniisip ko ang mga salita Niya, dahil dito’y naging maingat ako at nagawa kong talikdan ang laman. Nagdarasal ako sa Kanya bago ang bawat gawain, hinihiling sa Kanya na bantayan ako, sinusubukang husayan ang trabaho, at hindi lang iraos ang tungkulin. Mas gumaan ang pakiramdam ko sa pagsasagawa nang ganito.

Kahit na gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, minsan ay nabibigo ako. Gaya no’ng isang araw, sinusuri ko ang gawain ng pagdidilig: May baguhang marami pa ring relihiyosong kuru-kuro, kaya hiniling sa’kin ng tagadilig na tulungan ko itong malutas. No’ng una, nang maisip ko ang mga paghihirap na kinakaharap ng tagadilig, gusto kong subukang gawin ang aking makakaya para tumulong, gaano man karami ang magawa ko. Pero no’ng kinausap ko na talaga ang baguhan, kulang ang kaalaman ko sa ilang problema at hindi ako malinaw na makapagbahagi. ‘Di ko maiwasang isipin na: “Mababaw lang ang pagkaunawa ko sa katotohanan; ito lang ang kaya kong magawa. Susubaybayan naman ‘to ng lider, hahayaan ko na lang siyang lutasin ang mga problemang ‘to.” Pero naging abala ang lider at hindi makapunta, kaya’t kami na ang bahalang lumutas sa mga ito. Alam kong nasa likod ng sitwasyong ‘to ang kalooban ng Diyos. Dati akong pumipili ng mga madali at simpleng gampanin sa tungkulin ko at hindi ginugugol ang sarili ko o ibinibigay ang lahat ko. Hindi ko pwedeng sundin ang laman o maghangad ng kaginhawahan sa pagkakataong ‘to. Kailangan kong gawin ang lahat ng aking makakaya, anuman ang makakamit ko. Pagkatapos maisip ‘yon, natagpuan namin ng kapareha ko ang tagadilig para makipagbahaginan, nakahanap kami ng mga salita ng Diyos at mga video ng ebanghelyo na nauugnay sa mga relihiyosong kuru-kuro, at pagkatapos ng kaunting talakayan, naging malinaw sa aming lahat ang aspetong ito ng katotohanan, at sa huli, nalutas ang mga problema ng baguhan. Dahil sa karanasang ito, nakita ko na may mga bagay na tila lampas sa tayog ko, pero kung aasa ako sa Diyos, at talagang magbabayad ng halaga, magkakamit ako ng mga resulta. Kung magsusumikap ako at mabibigo pa rin, magkakaro’n pa rin ako ng malinis na konsensya.

Sa pagsusuri sa mga kabiguan ng ilang sister na nakapaligid sa akin, natuto ako ng ilang aral, nagnilay sa saloobin ko sa tungkulin ko, at nakita ko kung gaano ako kalayo sa paggawa nito nang maayos. At nakita ko kung gaano kalalim ang pinag-ugatan ng marumi kong kalikasan. Bagama’t nagsisisi na ako ngayon, nagkukulang pa rin ako sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at subukang gawin ang tungkulin ko nang maayos!

Sinundan: 31. Labis na Nakakapagpalaya ang Hindi na Pagiging “Eksperto”

Sumunod: 33. Ang mga Pagbabago sa Tungkulin ay Naglantad sa Akin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito