25. Mga Pagninilay sa “Ang Ayaw Mong Gawin sa Iyo, Huwag Mong Gawin sa Kapwa Mo”
Sa loob ng ilang panahon, napakaraming problema ang biglang lumilitaw sa tungkulin ko, kapwa malalaki at maliliit. Ang ilan ay mula sa pagiging masyadong pabaya, at ang ilan ay mula sa hindi pagkaalam sa mga prinsipyo. Medyo nag-aalala ako, natatakot na pungusan ako ng lider o ng sister na katrabaho ko, sasabihing pabasta-basta ako sa tungkulin ko, pero ang sister na naging kapareha ko ay halos hindi binabanggit ang mga problema ko, sinasabi lang sa akin na maging mas maingat sa hinaharap. Palagi akong napapanatag dahil dito. Kalaunan, nang makita kong may ilang kapansin-pansin na mga problema ang iba sa kanilang mga tungkulin, naramdaman kong nagiging masyado silang pabasta-basta sa kanilang gawain, at gusto kong magbahagi sa kanila at himayin ang kanilang mga problema para maunawaan nila ang kalikasan ng pagiging pabasta-basta at ang malulubhang kahihinatnan ng pagpapatuloy nang ganoon. Pero naisip ko na makakasakit sa pride ng ibang tao ang tahasang pagpuna ng mga isyu nila. Mas mabuting magsabi lang nang sapat para ipaalam sa kanila ang mga isyu nila at tapusin na doon. Bukod pa roon, nagkakaproblema rin ako ng ganoon, kaya anong karapatan kong magsalita? Paano kung pinungusan ko ang iba para sa isang bagay, at kalaunan ay ginawa ko rin ito? Hindi ba ako magiging mapagpaimbabaw? Naisip ko na mas mabuting huwag silang ilantad o pungusan at magsasabi na lang ako ng magagandang bagay. Sa ganoong paraan, kung may magawa man akong mali sa hinaharap, hindi magrereklamo ang iba. Ang pagpapatawad sa iba ay pagpapatawad sa sarili mo. Nang isipin ko ito sa ganoong paraan, nawala ang katiting na katarungan sa puso ko. Sinabi ko sa sister na naging kapareha ko, “Hindi na kailangang punahin ang mga partikular na taong may mga problema. Puwedeng banggitin na lang natin ang mga problema.” Wala siyang anumang itinugon. Medyo hindi ako mapalagay pagkatapos niyon. Malalaman kaya ng iba na may problema sila kung hindi sila partikular na pupunahin? Magbabago kaya sila sa hinaharap? Kung hindi, maaapektuhan niyon ang gawain. Nagtalo ang kalooban ko. Gusto kong magsalita pero hindi ako naglakas-loob, at sa hindi pagsasalita, naramdaman kong hindi ko tinutupad ang responsabilidad ko. Pagkatapos, nagtaka ako kung bakit napakahirap nito para sa akin. Ano ang pumipigil sa akin na ilantad ang mga problema ng ibang mga kapatid? Tahimik akong nagdasal, hinihiling sa Diyos na gabayan ako sa pag-unawa sa aking isyu.
Kalaunan, sinabi ko sa isa pang sister ang tungkol sa kasalukuyan kong kalagayan, at pinadalhan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Talagang namulat ako sa pagbabasa nito, at nagkaroon ako ng ilang pagkaunawa sa problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Tagapagtaguyod ba kayo ng kasabihan tungkol sa wastong asal na, ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’? Kung tagapagtaguyod ng kasabihang ito ang isang tao, palagay ba ninyo ay dakila siya at marangal? May ilan na magsasabing, ‘Tingnan mo, sa kanyang mga pananalita at kilos, hindi siya namimilit sa iba, o hindi niya pinahihirapan ang iba, o inilalagay sila sa alanganin. Hindi ba’t kahanga-hanga siya? Lagi siyang mahigpit sa kanyang sarili subalit mapagparaya sa iba; hindi niya kailanman ipagagawa sa sinuman ang isang bagay kung siya mismo ay hindi ito gagawin. Binibigyan niya ng malaking kalayaan ang iba, at ipinararamdam sa mga ito ang matinding pagmamahal at pagtanggap. Kahanga-hanga siyang tao!’ Gayon ba talaga ang sitwasyon? Ang implikasyon ng kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ ay na dapat mo lamang ibigay o itustos sa iba ang mga bagay na gusto at ikinasisiya mo mismo. Ngunit anong mga bagay ang gusto at ikinasisiya ng mga tiwaling tao? Mga tiwaling bagay, mga di-makatwirang bagay, at maluluhong pagnanasa. Kung ibibigay at itutustos mo sa mga tao ang mga negatibong bagay na ito, hindi ba’t magiging mas lalong tiwali ang buong sangkatauhan? Mababawasan nang mababawasan ang mga positibong bagay. Hindi ba’t totoo ito? Totoo na lubhang tiwali ang sangkatauhan. Mahilig ang mga tiwaling tao na maghangad ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga kasiyahan ng laman; naghahangad silang maging mga sikat na tao, mga dakilang tao, at mga superman. Mahal nila ang kaginhawahan at ayaw sa pagpapakahirap; gusto nilang ginagawa ang lahat para sa kanila nang sila mismo ay walang ginagawa. Napakakakaunti sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan o mga positibong bagay. Kung ibibigay at itutustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian at mga pagkiling, ano ang mangyayari? Katulad lamang ito ng mawawari ninyo: Magiging mas lalong tiwali ang sangkatauhan. Hinihiling ng mga tagapagtaguyod ng ideyang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ na ibigay at itustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian, mga pagkiling, at maluluhong pagnanasa, na ginagawa ang ibang mga tao na maghangad ng kasamaan, ginhawa, pera, at pag-unlad. Ito ba ang tamang landas sa buhay? Malinaw na makikita na may malaking problema sa kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.’ Ang mga kamalian at kapintasan doon ay napakalinaw; ni hindi iyon nararapat na himayin at kilatisin. Sa pinakamaliliit na pagsusuri, malinaw na makikita ang mga mali at katawa-tawang bagay roon. Gayunman, marami sa inyo ang madaling mahikayat at maimpluwensiyahan ng kasabihang ito at tinatanggap ito nang walang pagkilatis. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, madalas ninyong gamitin ang kasabihang ito para paalalahanan ang sarili ninyo at payuhan ang iba. Sa paggawa nito, inaakala ninyo na ang inyong integridad ay partikular na marangal, at na napakamakatwiran ng pag-asal ninyo. Ngunit sa realidad, ibinunyag ng mga salitang ito ang iyong prinsipyo sa pag-asal at sa iyong paninindigan, nang hindi mo namamalayan. Kasabay nito, naging dahilan ang mga salitang ito para malihis at mailigaw mo ang iba sa pagharap sa mga tao at bagay gamit ang iyong pananaw at paninindigan. Ganap mong ginampanan ang papel ng isang nagpapakalma sa tao. Hindi mo sineseryoso ang anumang ginagawa mo, at hindi mo pinahihirapan ang iyong sarili o ang iba. Naniniwala ka na kung gagawin mong mahirap ang mga bagay sa ibang tao, gagawin mong mahirap ang mga bagay para sa iyong sarili, at na ang pagiging mabait sa iba ay pagiging mabait sa iyong sarili, at na kung mahigpit ka sa ibang tao, mahigpit ka sa iyong sarili. Ang pinanghahawakan mo ay tiyak na ang kaisipan at pananaw ng ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ na siya ring pinakamalaking gantimpala na maibibigay mo sa iyong sarili, at ang pinakamalaking kaluwagan na maipapakita mo sa iyong sarili. Malinaw na isa itong saloobin ng pagiging hindi metikuloso sa anumang bagay; wala kang tamang paninindigan o perspektiba sa anuman, tinitingnan mo ang lahat sa paraang magulo at hindi metikuloso, at nagbubulag-bulagan ka lang sa mga bagay-bagay. Kung panghahawakan mo ang kaisipan at pananaw ng ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ sa buong buhay mo ng pananalig sa Diyos, ano ang mga kahihinatnan? Hindi ka magsasagawa ng katotohanan, hindi mo itataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi ka magtataglay ng kahit katiting na katotohanang realidad. Bakit ganoon? Dahil naiimpluwensiyahan ka ng kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ at nagdulot na ito ng malaking pagkayamot at mga problema sa iyo, kaya naman, pagdating sa maraming bagay, hindi mo magawang magkaroon ng malinaw na pananaw o paninindigan, at imposible para sa iyong malaman o matukoy kung ano ba talaga ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos o kung anong mga resulta ang dapat mong makamit. Ang mga kahihinatnang ito ay sanhi ng hindi mo paghahanap sa katotohanan at sa halip ay pagkapit sa mga pananaw ng mga satanikong pilosopiya sa lahat ng bagay. Ang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ ba ang tamang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananalita at mga pagkilos? Hindi. Teorya lamang iyon na mukhang tama, marangal, at mabait kung titingnan, ngunit ang totoo ay hindi talaga ito isang positibong bagay. Malinaw na lalong hindi ito katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (10)). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang saloobin ko sa pakikisalamuha sa iba. Kapag nakakakita ako ng isyu sa pagharap ng isang tao sa kanyang tungkulin, ayaw kong malinaw na punahin ito. Sa panlabas, mukhang nagiging mabait ako, hinahayaan ang iba na maiwasan ang kahihiyan, at hindi sila ipinapahiya, pero may lihim akong motibo. Dahil madalas na pabasta-basta din ako sa tungkulin ko at may mga parehong isyu, natatakot akong punahin ang mga problema ng iba at kalaunan ay magpakita ng ganoong mismong problema. Hindi ba ako magiging mapagpaimbabaw dahil doon? Naniwala akong makasasama sa akin ang pagiging mahigpit sa iba sa hindi pag-iiwan ng lusot para sa sarili ko, kaya ayokong seryosohin ang mga problema ng iba, mas pinipili kong balewalain ang mga ito. Alam na alam ko na kung palagi silang pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin, hindi lamang sila hindi makakakuha ng magagandang resulta o magkakaroon ng anumang mabubuting gawa, bagkus ay makakaapekto rin ito sa gawain ng iglesia, makakapagsanhi pa ng malalaking kagambalaan at kaguluhan. Bilang superbisor, dapat ay umaako ako ng responsabilidad, nagbabahagi at pinupuna ang mga isyu ng iba, at kapag kinakailangan, inilalantad, hinihimay, at pinupungusan ko sila. Subalit para maiwasang mapahiya at maprotektahan ang aking katayuan, nawalan ako ng kahit katiting na pagnanais na isagawa ang katotohanan. Sa panlabas, mukha talaga akong maunawain, pero ang totoo, gusto kong protektahan ang sarili ko at maiwasang banggitin ng iba ang mga problema ko. Kung hindi dahil sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, hinding-hindi ko mapagtatanto na ang hindi pagpuna sa mga problema ng iba, sa katunayan, ay nagmumula sa pagiging apektado at kontrolado ng mga satanikong pilosopiya. Hinding-hindi ko sana makikita kung gaano ako naging mapanlinlang.
Kalaunan, may nabasa ako sa mga salita ng Diyos: “Ang kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ ay nangangahulugan na hindi mo dapat hingin sa iba na gustuhin o gawin ang isang bagay na hindi mo gusto o ayaw mong gawin. Kung titingnan ang mga salita mismo, tila labis na makatwiran at matino ito, at walang sinumang tututol sa gayong kasabihan. Ngunit ang kasabihan bang ito ay tunay na naaayon sa katotohanan? Talaga bang pumapasa ito bilang isang katotohanang prinsipyo? Dapat itong kilatisin. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkilos ayon sa satanikong pilosopiyang ito? Hindi ba’t hahantong ito sa paggawa ng mga pagkakamali? Hindi ba’t hahantong ito sa pananakit sa mga tao, panlilihis sa mga tao, o maging sa pamiminsala sa mga tao? Una, pag-usapan natin kung mayroon bang anumang mga prinsipyo sa kasabihang ito. Walang anumang prinsipyo rito; ito ay lubos na pagtutukoy batay sa sariling kagustuhan, hindi pagtingin sa mga bagay batay sa katotohanan. Halimbawa, may ilang magulang na hindi mahilig mag-aral, ngunit gusto nilang pag-aralin nang husto ang kanilang mga anak, at palaging sinusubukang mangatwiran sa mga ito, hinihimok ang mga ito na mag-aral nang mabuti. Ang sitwasyong ito ay salungat sa kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.’ Ayon sa kasabihang ito, hindi dapat himukin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na mag-aral, dahil sila mismo ay hindi nasisiyahang mag-aral. May ibang tao na nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi hinahangad ang katotohanan; subalit sa puso nila ay alam nila na ang pananalig sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Kung nakikita nilang hindi sumasampalataya sa Diyos at wala sa tamang landas ang kanilang mga anak, hinihimok nila ang mga ito na manalig sa Diyos. Kahit na hindi nila mismo hinahangad ang katotohanan, gusto pa rin nilang hangarin ito ng mga anak nila at pagpalain ang mga ito. Sa ganitong sitwasyon, kung susunod sila sa kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na manampalataya sa Diyos. Magiging alinsunod iyon sa satanikong pilosopiyang ito, ngunit masisira rin nito ang pagkakataon ng kanilang mga anak na maligtas. Sino ang responsable sa resultang ito? Hindi ba’t nakapipinsala sa mga tao ang tradisyonal na kasabihan tungkol sa wastong asal na ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo? … Hindi ba’t lubos nang napabulaanan ng mga halimbawang ito ang kasabihang ito? Walang anumang tama rito. Halimbawa, hindi minamahal ng ilang tao ang katotohanan; nag-iimbot sila ng mga kaginhawahan ng laman, at naghahanap ng mga paraan para magpakatamad sa paggampan ng kanilang tungkulin. Ayaw nilang magdusa o magbayad ng halaga. Iniisip nila na maganda ang sinasabi ng kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ at sinasabi nila sa mga tao, ‘Dapat kayong matuto kung paano magsaya. Hindi ninyo kailangang isagawa nang maayos ang inyong tungkulin o maghirap o magbayad ng halaga. Kung maaari kayong magpakatamad, magpakatamad kayo; kung maaari kayong maging pabasta-basta sa isang bagay, gawin ninyo iyon. Huwag ninyo masyadong pahirapan ang sarili ninyo. Tingnan ninyo, hindi ba’t namumuhay ako nang napakaganda sa ganitong paraan? Perpekto talaga ang buhay ko! Pinapagod ninyo ang sarili ninyo sa pamumuhay nang ganyan! Dapat kayong matuto sa akin!’ Tumutugon ba ito sa hinihingi na ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’? Kung kikilos ka sa ganitong paraan, isang tao ka ba na may konsensiya at katwiran? (Hindi.) Kung mawalan ng konsensiya at katwiran ang isang tao, hindi ba’t wala siyang kabutihan? Ang tawag dito ay kawalan ng kabutihan. Bakit ganito ang tawag natin dito? Dahil nagpapakasasa sila sa kaginhawahan, iniraraos lang nila ang kanilang tungkulin, at sinusulsulan at iniimpluwensiyahan nila ang iba na sumama sa kanila sa pagiging pabasta-basta at sa pagpapakasasa sa ginhawa. Ano ang problema rito? Ang pagiging pabasta-basta at pagiging iresponsable sa iyong tungkulin ay isang panlalansi at paglaban sa Diyos. Kung patuloy kang magiging pabasta-basta at hindi ka magsisisi, mabubunyag ka at matitiwalag” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (10)). “Kung mayroong pusong nagmamahal sa katotohanan ang mga tao, magkakaroon sila ng motibasyon na hangarin ang katotohanan, at magagawa nilang magsumikap sa pagsasagawa ng katotohanan. Magagawa nilang talikuran ang dapat na talikuran, at bitiwan ang dapat na bitiwan. Lalo na pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, kaya rin nilang bitiwan ang mga bagay na iyon. Kung hindi mo kayang bitiwan ang pansariling interes, kasikatan, pakinabang, at katayuan, nangangahulugan ito na hindi mo minamahal ang katotohanan at wala kang motibasyong hangarin ang katotohanan. Kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Kung, sa mga oras na kailangan mong isagawa ang katotohanan, lagi kang may mga makasariling motibo at hindi mo mabitiwan ang iyong pansariling interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Kung, anuman ang sumapit sa iyo, hindi mo hinahanap ang katotohanan ni isinasagawa ito, hindi ka isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Kahit gaano karaming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan. Ang ilang tao ay palaging hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at pansariling interes. Anumang gawain ang isinasaayos ng iglesia para gawin nila, palagi nilang isinasaalang-alang: ‘Ang paggawa ba nito ay nakabubuti o kapaki-pakinabang sa akin? Kung oo, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin.’ Ang ganitong tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan—kaya magagawa ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Hinding-hindi. Kahit na sa panlabas ay hindi ka mukhang gumagawa ng masama, hindi ka pa rin isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo minamahal ang mga positibong bagay, at anuman ang sumapit sa iyo, inaalala mo lang ang sarili mong reputasyon at katayuan, ang iyong pansariling interes, at kung anong mga pakinabang ang maaari mong makamit—nangangahulugan ito na ikaw ay isang taong naghahanap ng pakinabang nang higit sa lahat, at na makasarili rin at mababang-uri. … Kung hindi kailanman isinasagawa ng mga tao ang katotohanan matapos ang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya; sila ay masasamang tao. Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, at kung lalo pang dumarami ang mga pagsalangsang mo, nakatakda na ang kalalabasan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong pagsalangsang, ang maling landas na tinatahak mo, at ang matigas mong pagtanggi na magsisi ay bumubuo sa maraming masamang gawa, at na ang kalalabasan mo ay na nararapat kang mapunta sa impiyerno at maparusahan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Hindi ko maiwasang makadama ng pagkagulat sa puso ko sa inilalantad ng mga salita ng Diyos. Ang pagbatay ko sa pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” sa mga pakikipag-ugnayan ko ay pinagmukha akong maunawain at mapagsaalang-alang sa iba, pero sa katunayan, pinipinsala ko lang sila. Hindi ako nagsasagawa o pumapasok sa mga salita ng Diyos o sa Kanyang mga hinihingi. Kinukunsinti ko ang iba sa kanilang mga problema, hindi hinihiling sa kanila na isagawa ang salita ng Diyos at magkaroon ng pagpasok dito, na para bang dapat lang silang maging katulad ko, hindi naghahanap ng pag-usad, may pagkanegatibo, at napakasama. Iresponsable ang paggawa ng mga bagay sa ganoong paraan. Ito ay pagiging mapagpalugod ng tao. Ito ay hindi tama at walang kabutihan. Ganoon ang inaasal ko. Hindi ko mahal ang katotohanan, at labis akong nagpapakasasa sa kaginhawahan. Ayaw kong seryosohin ang tungkulin ko o maging detalyado, na humantong sa pagkakaroon ng iba’t ibang isyu at paglihis sa tungkulin ko. Natatakot akong ilantad ang aking mga pagkakamali at pagkukulang at umasa akong hindi masyadong magiging mahigpit sa akin ang lider at ang kapareha ko. Ayaw ko rin ilantad ang mga taong nakita kong may katulad kong problema, at takot din ako na kung masyado akong prangka sa iba, kakailanganin kong magpakita ng halimbawa at tanggapin ang kanilang pangangasiwa, at magkakaroon ng mas kakaunting pagkakataon para alagaan ang aking laman. Kaya gusto kong protektahan ang iba at tulutan silang maging katulad ko, hindi binabanggit ang mga problemang napansin namin, at hindi binabantayan ang isa’t isa. Bago makamit ang katotohanan, may gawi na ang mga tao na sundin ang kanilang mga tiwaling disposisyon sa buhay, nagpapakatamad at nagiging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin. Sa ganitong pagkakataon pinakahigit na kinakailangan ng pangangasiwa at paggabay sa isa’t isa. Positibong bagay ito, at pinoprotektahan nito ang gawain ng iglesia. Bilang superbisor, dapat pinangunahan ko talaga ang pagsasagawa ng katotohanan, pero bukod sa hindi pagiging isang mabuting halimbawa, tinulutan ko ang lahat na maging pabasta-basta at hindi magsikap na umusad, tulad ko. Sa diwa, tutol ako sa katotohanan, at ayaw kong tanggapin ito. Nangunguna ako sa pagiging pabasta-basta at pandaraya sa Diyos. Hindi ko lang hindi ginagawa nang maayos ang tungkulin ko, pinipinsala ko rin ang mga kapatid ko. Habang mas pinagninilayan ko ito, mas nakikita kong mas malubha itong isyu kaysa sa inaakala ko. Para protektahan ang reputasyon at katayuan ko, binalewala ko ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Napakamakasarili ko at ubod ng sama! Naunawaan ko rin kung bakit sinasabi ng Diyos na ang mga taong ganoon ay hindi mananampalataya, na sila ay masasamang tao na nanlilinlang para makapasok sa sambahayan ng Diyos. Ito ay dahil ang tanging nasa puso nila ay ang kanilang mga sarili—hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia. Umaasa ang Diyos na maisasagawa nating lahat ang katotohanan, magsasalita at kikilos nang may prinsipyo. Pero hindi ko mahal ang katotohanan. Umasa ako na poprotektahan ng lahat ang bawat isa, at walang sinuman ang magsasagawa sa katotohanan. Ginagawa ko ang kabaligtaran ng ninanais ng Diyos—ito ay paggawa ng masama! Akala ko dati na ang sadyang paggambala at panggugulo lang sa gawain ng iglesia ang paggawa ng masama na kasusuklaman ng Diyos, pero nakita ko noon na ang pagprotekta sa sarili kong mga interes sa bawat pagkakataon, pagsasalita at pagkilos batay sa aking mga tiwaling disposisyon, at hindi pagsasagawa sa katotohanan ay paggawa rin ng masama. Nang mapagtanto ito, agad akong nagdasal sa Diyos sa pagsisisi, “O Diyos, isa akong superbisor, pero hindi ko isinasagawa ang katotohanan. Para protektahan ang reputasyon at katayuan ko, ginusto ko pang protektahan ng lahat ang isa’t isa at maging pabasta-basta. Wala akong konsensiya o katwiran, at hindi ako karapat-dapat sa tungkuling ito. O Diyos, gusto ko pong magsisi at magbago.” Pagkatapos magdasal, inilista ko ang lahat ng kamakailang problema ng iba sa mga tungkulin nila. Natigilan ako nang makita ko ang mga detalye ng lahat ng isyung ito. Ilang tao ang naging iresponsable at pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin, na nangangahulugan na kailangang gawing muli ang ilang gawain. Talagang nainis ako nang makita ko ang sunod-sunod na problema. Hindi ko akalain na napakaraming problema sa mga tungkulin ng bawat isa. Pero naisip ko pa na puwede kong palampasin ang mga bagay-bagay, pinagbibigyan ang iba at ang sarili ko. Wala akong pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos. Kung nagpatuloy ang mga bagay nang ganoon, talagang maaantala ang lahat ng gawain dahil sa akin.
Isang gabi, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang aking asal. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tutugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkamit ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Sa anumang sitwasyon, itinuturing ng mga anticristo na pinakamahalaga ang kanilang katayuan at reputasyon. Walang sinumang maaaring makipagkompetensiya sa kanila. Anumang pamamaraan ang kailangan, basta’t nakukuha nito ang loob ng mga tao at napapasamba nito ang iba sa kanila, gagawin ito ng mga anticristo. … Sa kabuuan, ang layon at motibo nila sa paggawa ng lahat ng ito ay umiikot lamang sa katayuan at reputasyon. Ito man ang kanilang panlabas na wika, mga pamamaraan, pag-uugali, o isang uri ng kaisipan, pananaw, o pamamaraan ng paghahangad, umiikot ang lahat ng ito sa reputasyon at katayuan. Ganito gumagawa ang mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para protektahan ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang kung paano protektahan ang gawain ng iglesia o kung ano ang makakabuti sa kanilang mga kapatid. Mas gugustuhin nilang makitang naaapektuhan ang gawain ng iglesia kaysa ilagay sa panganib ang kanilang mga pansariling interes. Masyado nilang binibigyang-halaga ang reputasyon at katayuan. Sa pagninilay ko, nakita ko na kumilos ako tulad mismo ng isang anticristo. Kapag nahaharap sa isang bagay, lagi kong inuuna ang aking mga interes, imahe, at katayuan. Nang makita ko na may mga taong nagiging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin, alam kong dapat ko itong punahin, pungusan sila, at makipagbahaginan sa kanila para makita nila ang kanilang mga problema at makilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Pero ayaw kong makasakit ng damdamin ng sinuman, at gusto kong protektahan ang sarili ko, kaya hindi ko isinagawa ang katotohanan. Ni wala akong masabi na isang salita na naaayon sa katotohanan. Sa halip, nag-isip ako nang husto para matiyak na may lusot ako. Talagang tuso ako at mapanlilang, isang mapagpalugod ng tao na nagnanais na gumitna sa mga usapin. Patuloy ko lang hinahangad ang kasikatan at katayuan, pinoprotektahan ang sarili kong mga interes, tinutulutan ang iba na gawin ang kanilang mga tungkulin batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Nasa landas ako ng isang anticristo. Kung nagpatuloy ako sa ganoong landas, tiyak na mabubunyag at ititiwalag ako ng Diyos. Ipinakita sa akin ng pagkakatantong ito kung gaano kabigat ang problemang ito. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para mabitiwan ko ang kasikatan at katayuan, maitaguyod ang gawain ng iglesia, at matupad ang aking mga responsabilidad.
Pagkatapos noon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi hinihingi ng Diyos na huwag gawin ng mga tao sa kapwa nila ang ayaw nilang gawin sa kanila, sa halip ay hinihingi Niya sa mga tao na maging malinaw sa mga prinsipyong dapat nilang sundin kapag nahaharap sila sa iba’t ibang sitwasyon. Kung tama at naaayon ito sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, kailangan mong kumapit dito. At bukod sa kailangan mong kumapit dito, kailangan mo ring pagsabihan, hikayatin, at bahaginan ang iba, upang maunawaan nila kung ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ay iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi hinihiling sa iyo ng Diyos na kumapit sa mga satanikong pilosopiya at tahakin ang panggitnang landas, at lalong hindi Niya hinihiling sa iyo na ipakita kung gaano kalaki ang iyong puso. Dapat kang sumunod sa mga hinihinging pamantayan at mga katotohanang prinsipyo na itinatagubilin ng mga salita ng Diyos sa mga tao. Hindi mo lang dapat panghawakan nang mahigpit ang mga ito magpakailanman, at mangunang maging halimbawa sa pagsasagawa ng mga katotohanang prinsipyong ito, kundi dapat mo ring hikayatin, pangasiwaan, tulungan, at gabayan ang iba na manindigan, sumunod, at isagawa ang mga ito tulad mo. Ito ay isang bagay na hinihingi ng Diyos na gawin mo, at ito ang Kanyang atas sa iyo. Hinihingi ng Diyos na manindigan ka nang matatag sa tamang paninindigan, at panghawakan nang mahigpit ang mga pamantayan ng mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit na hindi mo ito magawa ngayon, kahit na ayaw mo, hindi mo gusto, may mga kuru-kuro ka, o laban ang damdamin mo rito, dapat mo itong ituring bilang iyong responsabilidad, bilang iyong obligasyon. Dapat kang makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, upang tulungan at gabayan sila, para sila ay makinabang at mapatibay sa mga bagay na ito, at tumahak sa tamang landas sa buhay. Ito ang iyong responsabilidad. Hindi ka dapat matigas na kumapit sa kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ na ikinintal sa iyo ni Satanas. Sa mga mata ng Diyos, ang kasabihang iyon ay isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, isa itong kaisipan at pananaw na nagtataglay ng panlalansi ni Satanas, at hinding-hindi ito ang tamang landas, ni hindi ito isang positibong bagay. Hinihingi sa iyo ng Diyos na umasal ka sa paraang matuwid at may dignidad, kaya dapat maging malinaw sa iyo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin. Hindi Niya hinihiling sa iyo na maging mapagpalugod ng mga tao o tagapagpakalma ng mga tao; hindi Niya hinihiling sa iyo na tahakin ang panggitnang landas. Dapat mong panghawakan nang mahigpit ang mga katotohanang prinsipyo at manindigan nang matatag sa tamang paninindigan. Talagang dapat mong sabihin kung ano ang nararapat mong sabihin, at unawain kung ano ang nararapat mong unawain. Dapat mo ring tulungan ang mga hindi nakauunawa; dapat mo silang bigyan ng maraming gabay at tulong. Talagang dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi ka dapat tumayo-tayo lang sa tabi at manood, at lalong hindi ka dapat kumapit sa mga pilosopiyang itinanim ni Satanas sa iyong isipan tulad ng ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. … Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ ay talagang tunay na tusong pakana ni Satanas upang kontrolin ang isipan ng mga tao. Kung lagi mo itong susundin, isa kang taong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; isang taong ganap na nabubuhay sa isang satanikong disposisyon. Kung hindi mo susundan ang daan ng Diyos, hindi mo mahal o hinahangad ang katotohanan. Anuman ang mangyari, ang prinsipyong dapat mong sundin at ang pinakamahalagang bagay na kailangan mong gawin ay ang tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo. Hindi mo dapat isagawa ang sinasabi ni Satanas na ‘ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ at maging isang ‘matalino’ na taong mapagpalugod ng mga tao. Ano ang ibig sabihin ng tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo? Ang ibig sabihin nito ay pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Basta’t nakikita mo na ang isang bagay ay bahagi ng mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin, dapat kang magbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan para maunawaan ng mga tao ang mga layunin at hinihingi ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (10)). Mula sa mga salita ng Diyos ay nakita ko na ang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay isang taktika, isang pakana na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao at kontrolin ang pag-iisip nila. Kapag namuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, wala nang isang kapaligiran na nagsasagawa ng katotohanan sa kanilang mga pakikipag-ugnayan, at kinukunsinti at pinoprotektahan nila ang isa’t isa. Kung mamumuhay ang lahat ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, makukuha ni Satanas ang kontrol at magiging mas makapangyarihan ang kasamaan. Sa huli, tatalikdan sila ng Banal na Espiritu. Bagama’t hindi ko pa kayang isakatuparan o isagawa ang mga salita ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi, kailangan kong tuparin ang aking mga responsabilidad at ibahagi sa iba ang kaliwanagan at pagkaunawa ko sa mga salita ng Diyos. Kung makakakita ako ng mga taong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga tungkulin, sa halip na maging mapagparaya sa iba at maging maluwag sa aking sarili, kailangan kong maging maprinsipyo, tumulong sa iba sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagpuna sa kanilang mga isyu. Saka lang ako makapagtataguyod sa gawain ng iglesia at makatutupad sa aking responsabilidad. Kailangan ko ring manguna bilang halimbawa sa pagsasagawa sa katotohanan. Totoong may mga problema sa tungkulin ko, pero hindi ko puwedeng pagbigyan lang ang sarili ko, magpanggap, o takasan ang realidad. Kung gagawin ko iyon, hinding-hindi ako uusad. Dapat maagap kong aminin ang mga isyu ko, tanggapin ang pangangasiwa ng iba, at seryosohin ang tungkulin ko. Napagtanto ko rin na ang ideyang kailangan wala kang mga pagkakamali at mga isyu para pumuna ng iba ay hinding-hindi naaayon sa katotohanan. Isa rin akong tiwaling tao na may malubhang satanikong disposisyon. Madalas akong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo sa aking tungkulin, at kailangang sumailalim sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng Diyos. Kailangan ko rin ng pangangasiwa ng mga kapatid. Dapat kong ituring nang tama ang sarili ko upang kung mas maraming problema ang lumitaw, kailangan kong harapin ang mga ito, hindi patuloy na takbuhan ang mga ito o magbalat-kayo. Nakapagbibigay-liwanag sa akin na mapagtanto ito, at nakahanap ako ng landas para sa pagsasagawa.
Sa isang pagtitipon, una kong tinalakay ang mga kamakailang isyu na mayroon sa aking tungkulin, inilalantad at hinihimay ang kalikasan ng aking pagiging pabasta-basta, at hiniling ko sa lahat na pangasiwaan ako. Sinabi ko rin sa kanila na hayaan itong magsilbing babala. Sa wakas, pinuna ko rin ang dalawa sa mga kapatid na talagang naging pabasta-basta at nagbahagi sa mga kahihinatnan ng pagkabigong magbago. Talagang gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos kong gawin iyon. Nakaaantig talaga para sa akin nang ang isang brother na pinungusan ko ay kinilala ang kanyang problema dahil pinuna ko siya nang ganoon, at pinadalhan niya ako ng mensahe na nagsasabing, “Kung hindi ako inilantad at pinungusan nang ganoon, magiging ganap akong walang kamalayan sa isyu ko. Salamat sa pagtulong sa akin nang ganito. Ngayon gusto ko talagang magnilay-nilay at pumasok sa katotohanan.” Labis akong naantig ng mensaheng ito. Dati, ayaw kong pinupungusan at nilalantad, kaya mas ayaw kong gawin iyon sa iba, pero sa katunayan, hindi iyon nakabubuti para sa kanila. Lubos kong pinagsisihan iyon, para protektahan ang aking sariling reputasyon at katayuan, palagi kong pinagbigyan at kinunsinti ang mga problema ng bawat isa sa kanilang mga tungkulin, at hindi tinupad ang tungkulin at mga responsabilidad ko. Talagang pinagkakautangan ko ang Diyos, at ang mga kapatid. Napagtanto ko na ang mga salita lamang ng Diyos ang prinsipyo kung paano tayo dapat kumilos at umasal. Ang magawang tukuyin nang deretsahan ang mga problema sa iba ay nakatutulong sa kanila—nakabubuti rin ito sa ating mga sarili. Pero ang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay talagang isang satanikong kabulaanan na nakapipinsala sa mga tao at sa ating sarili. Nakita ko rin na ang laging pagkatakot na mapungusan kapag lumilitaw ang mga problema sa tungkulin, at ayaw ilantad at pungusan ang iba dahil sa kanilang mga problema, ay nangangahulugang hindi ko nauunawaan ang kahalagahan ng pagpupungos. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Ang pangangasiwa sa mga tao, pag-oobserba sa kanila, pagsisikap na maunawaan sila—lahat ng ito ay para tulungan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, para bigyan sila ng kakayanang gawin ang kanilang tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos at ayon sa prinsipyo, upang hindi sila makapagdulot ng mga kaguluhan o pagkagambala, at upang pigilan silang gumawa ng walang saysay na gawain. Ang layon ng paggawa nito ay ganap na tungkol sa pagpapakita ng responsabilidad sa kanila at sa gawain ng sambahayan ng Diyos; walang masamang hangarin dito” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7)). Totoo iyon. Lahat tayo ay may mga tiwaling disposisyon at lahat tayo ay malamang na maging pabasta-basta at tuso sa ating tungkulin. Kung walang mangangasiwa at magsisiyasat sa gawain natin, o magbibigay ng pagbabahagi at payo at pagpupungos sa atin para sa ating mga problema, hindi tayo makakapagtrabaho nang maayos. Isasaalang-alang lang natin ang ating laman at magpapakasasa tayo sa kaginhawahan, o walang pakundangan pa ngang gagawa ng isang bagay na makagagambala sa gawain ng iglesia. Kaya, kapag pinangangasiwaan ng mga lider ang gawain o pinupungusan tayo, sila ay nagiging responsable sa kanilang tungkulin, at ito ay para itaguyod ang gawain ng iglesia. Mabuti rin ito para sa ating buhay pagpasok, hindi para pahirapan tayo. Pero isa akong superbisor na sumusunod sa satanikong pilosopiya ng “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.” Nakita ko ang mga isyu sa mga tungkulin ng iba pero nanatili akong mabait sa lahat. Hindi ako nagbahagi, tumulong, o nagpungos kaninuman, bagkus ay pinagbigyan at pinrotektahan sila. Ito ay iresponsable, bukod pa sa nakapipinsala sa iba at sa iglesia. Binago ng karanasang ito ang nakalilinlang na ideya ko at ipinakita sa akin ang kahalagahan ng pangangasiwa, pagpuna, pagpupungos at pagkalantad.
Talagang nakaaantig sa akin ang karanasang ito. Nakita ko na kapag namumuhay tayo ayon sa mga satanikong pilosopiya, lahat ng ideya natin ay baluktot. Hindi natin matukoy ang pagkakaiba sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, at hindi natin alam kung ano ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga hinihingi ng Diyos. Madaling sundin ang mga satanikong pilosopiya at gumawa ng mga bagay na nakagagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia. Ang pagtanaw lang sa mga tao at bagay at pag-asal at pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos ang naaayon sa Kanyang layunin. Natikman ko rin ang tamis ng pagsasagawa ng katotohanan at nagkaroon ng lakas ng loob na tumuon sa paggawa ng kung ano ang hinihingi ng Diyos sa hinaharap. Salamat sa Diyos!