17. Mga Aral na Natutuhan mula sa Pagsusuplong ng Isang Huwad na Lider
Noong Setyembre ng 2019, nagsimula akong maglingkod bilang isang lider at namahala sa gawain ng ilang lokal na iglesia kasama ang aking katuwang na si Wang Ran. Dahil medyo bago lang ako sa tungkulin, hindi pa ako pamilyar sa ilang aspekto ng gawain at madalas kong hinahanap si Wang Ran upang makipagtalakayan. Subalit kalaunan, natuklasan kong nabigo si Wang Ran na magdala ng pasanin sa kanyang tungkulin. Noong nagmungkahi akong sumama sa kanya sa isang iglesia para makipagbahaginan sa dalawang lider doon na nagkokompetensiya para sa kasikatan at pakinabang at nabibigong makapagtulungan nang maayos, hindi niya sineryoso ang bagay na iyon at palagi itong ipinagpapaliban. Bilang resulta, dahil masyado kaming mabagal sa pagresolba ng isyu, negatibong naimpluwensiyahan ang gawain ng iglesia. Higit pa rito, pinatagal din niya noong ginusto kong talakayin kung paano kami makatutulong lumutas ng ilan sa mga isyu at mga problemang kinakaharap ng mga kapatid habang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Dahil dito, hindi nalutas ang mga isyung iyon sa tamang oras at ang gawain ng ebanghelyo ay negatibong naapektuhan. Napansin kong walang pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanyang tungkulin si Wang Ran at isinaalang-alang kong sabihin ito sa kanya, ngunit bago lang ako sa tungkuling ito ng pagiging lider at hindi pa pamilyar sa ilang aspekto ng gawain, kaya nag-alala ako na kapag napasama ko ang loob niya at naapektuhan ang aming relasyon sa paggawa, hindi na niya ako tutulungan kapag naharap ako sa mga problema sa aking tungkulin. Sa kadahilanang ito, hindi ko na sinabi sa kanya ang obserbasyon ko. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, napansin kong madalas manghusga ng mga tao si Wang Ran batay sa kanyang mapagmataas na disposisyon kapag nag-aayos ng mga tauhan. Sasabihin niya na “Hindi puwede itong taong ito” at “Walang kuwenta iyang isang iyan” at magbibigay ng lahat ng uri ng dahilan para hindi sila linangin. Bilang resulta, naging mabagal ang pag-usad ng ilang proyekto ng iglesia dahil sa kabiguang makapagtalaga ng angkop na mga taong mamamahala sa mga ito. Noong nalaman ito ng aming lider, nagpahanap siya sa amin ng angkop na mga kandidato sa lalong madaling panahon, ngunit nang makita ni Wang Ran ang mga kandidatong iminungkahi ko, agad niyang hinusgahan ang mga ito, sinasabing hindi sila pasok sa hinahanap namin. Napaisip ako, “Mas maraming mga kapatid ang kailangang makilahok sa gawain ng iglesia, pero hindi lamang siya nabigo sa paglinang ng mga tao, palagi pa niyang hinahadlangan ang paglilinang sa kanila. Ginugulo at ginagambala niya ang gawain ng iglesia.” Ginusto kong talakayin sa kanya ang kabigatan ng isyung ito, pero natakot ako na kung magsasalita ako nang deretsahan, mamasamain niya ito, kaya kaswal ko na lang binanggit na, “Hindi tayo dapat nanghuhusga ng mga tao.” Gayumpaman, hindi tinanggap ni Wang Ran ang aking mungkahi. Sa isa pang pagkakataon, noong pumunta ako sa iglesia kasama siya para mag-host ng eleksyon ng isang lider, isang brother ang hindi nalinawan tungkol sa ilang prinsipyo hinggil sa eleksyon at nagtanong ng ilang katanungan, ngunit hindi lang sa hindi ibinahagi ni Wang Ran ang katotohanan at tinulungang malutas ang mga tanong nito, nagalit pa siya sa nakita niyang kakulitan nito at pinuna ito dahil doon. Nauwi ito sa isang napakanakaiilang na paligid habang nasa pagtitipon at nakaimpluwensiya sa eleksyon. Nakita ko na bilang isang lider, hindi tinrato ni Wang Ran ang mga kapatid nang may pag-ibig, nilimitahan ang mga ito mula sa posisyon ng kanyang katayuan at ginambala ang eleksyon. Ginusto ko sanang sabihan siya, subalit noong gagawin ko na iyon, naisip ko kung paano na noong inungkat ko sa kanya dati ang mga pagkukulang niya, bukod sa hindi niya tinanggap ang aking opinyon, naging mapanlaban at nagalit pa siya. Kung hindi niya uli tatanggapin ang mungkahi ko at pupunahin ako sa harap ng napakaraming kapatid, siguradong mapapahiya ako. “Huwag na lang,” naisip ko, “mas kaunti ang gulo, mas mabuti; hindi ko na dapat bigyan ng problema ang sarili ko.” Pagkaraan ng ilang araw, binanggit sa akin ng diyakono ng ebanghelyo na hindi nireresolba ni Wang Ran ang mga tunay na isyu at problema ng mga kapatid sa oras ng mga pagtitipon, mahina ang pagganap nila sa gawain at kapag lumalapit sila kay Wang Ran para sa mga landas ng paglutas, hindi nito pinapansin ang mga kapatid, hindi sineseryoso ang kanilang mga hiling at nagagalit pa nga at sinisermonan sila. Sa kabila ng pagpapaalam ng mga isyung ito kay Wang Ran sa ilang mga pagkakataon, hindi pa rin niya tinatanggap ang mga mungkahi ng diyakono kaya naman iminungkahi nito na magkasama kaming magsulat ng ulat tungkol sa mga isyu kay Wang Ran. Naisip ko na ang lahat ng sinabi ng diyakono ng ebanghelyo ay totoo at ayon sa prinsipyo kaya dapat nga naming isuplong si Wang Ran, pero naisip ko, “Kung magsusulat kami ng ulat at pupunta ang aming lider para mag-imbestiga, hindi kaya hindi aamin si Wang Ran sa kanyang pagkakamali at iisipin na napaniwala ako ng isang opinyong may pagkiling at sinusubukan kong ibukod siya? Kung masisira ko ang aming relasyon, paano namin gagawin nang magkasama sa hinaharap ang aming mga tungkulin? Mas mabuti pang wala na lamang akong sabihin.” Nang makapagpasya ako, sinabi ko sa diyakono na maghihintay ako hanggang sa ang lahat ay mabigyang-linaw na sa pamamagitan ng imbestigasyon bago magdesisyon. Pagkatapos noon, nagsimula kong mapansin na parami pa nang parami ang mga isyu kay Wang Ran. Isang beses, habang tinitingnan ko ang aming account, napansin kong hindi niya ginagamit ang pera ng iglesia ayon sa prinsipyo. Bumili siya ng mga bagay-bagay para sa iglesia nang hindi ito isinasangguni kaninuman at nang hindi isinasaalang-alang kung praktikal ang mga pagbili na ito. Sa huli, ang mga pinamili niya ay hindi naaangkop sa mga kailangan ng iglesia at hindi magagamit, na ibig sabihin ay nagsayang siya ng pera ng iglesia. Medyo nakonsensiya ako matapos masaksihan ang sitwasyong iyon at naisip ko, “Kailangan kong protektahan ang mga interes ng iglesia sa pagkakataong ito. Kailangan kong tukuyin kay Wang Ran ang kanyang mga isyu at magkaroon ng maayos at mahabang talakayan sa kanya.” Ngunit nang tukuyin ko nga sa kanya ang kanyang mga isyu, bukod sa hindi niya tinanggap ang mga mungkahi ko, sinubukan pa niyang makipagtalo sa akin at ipagtanggol ang kanyang sarili. Ginusto kong ilantad sa kanya ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanyang mga ikinikilos, pero naisip ko, “Kung magiging masyado akong malupit sa aking paglalantad, hindi lamang niya ito mamasamain, susungitan niya pa ako araw-araw. Mas hihirap ang buhay niyan para sa akin.” Kaya, maingat ko na lang siyang pinaalalahanan na kapag nakakaharap sa mga isyu bilang isang lider, dapat mas lalo kaming maghanap at magkaroon ng may-takot-sa Diyos na puso. Pagkatapos noon, nagkaroon na ng pagkiling sa akin si Wang Ran at hindi ako pinapansin kapag tinatalakay ang gawain at sinasabi sa aking lutasin kong mag-isa ang problemang ito. Naramdaman kong patuloy siyang nabibigo sa pagiging responsable sa kanyang tungkulin, kumikilos nang padalos-dalos at pabasta-basta, hindi tumatanggap ng pagpupungos, at hindi tinatanggap ang katotohanan, at na hindi siya angkop na magpatuloy sa kanyang tungkulin. Ginusto kong sumulat ng liham sa lider tungkol sa kanyang sitwasyon, ngunit nag-alala ako na kung matatanggal siya, baka isipin niyang isinumbong ko siya nang patalikod at masamain niya iyon. Pagkatapos, magiging nakaiilang iyon para sa akin kung sakaling magkita kaming muli sa susunod. Matagal ko itong pinag-isipan, pero sa huli ay nagpasya akong kalimutan na ang ideya ng pagsulat ng liham sa lider. Labis-labis akong nakonsensiya na sa kabila ng pagkakaunawa sa katotohanan, hindi ko pa rin kayang isagawa ang katotohanan dahil sa pagpigil ng aking tiwaling disposisyon. Sa mga sumunod na araw, wala akong ganang gumawa ng kahit ano at lagi akong bigo sa lahat ng aking sinubukang gawin, at nabalot ako ng matinding kadiliman sa loob ko. Nanalangin ako nang madalas, sinasabi sa Diyos ang tungkol sa aking sitwasyon at hinihiling sa Kanyang gabayan ako upang maunawaan ko ang aking sarili.
Isang araw sa oras ng mga debosyonal, nakita ko itong sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag may nakikita kayong problema pero wala kayong ginagawa para pigilan ito, hindi kayo nagbabahagi tungkol dito, at hindi ninyo sinusubukang limitahan ito, at dagdag pa roon, hindi ninyo ito iniuulat sa mga nakatataas sa inyo, kundi nagiging mapagpalugod kayo sa ibang tao, tanda ba ito ng kawalang-katapatan? Tapat ba sa Diyos ang mga mapagpalugod sa mga tao? Hindi ni katiting. Ang gayong tao ay hindi lamang walang katapatan sa Diyos—kumikilos pa siya bilang isang kasabwat ni Satanas, katulong at alagad nito. Hindi siya tapat sa kanyang tungkulin at responsabilidad, ngunit kay Satanas, lubos siyang tapat. Narito ang diwa ng problema. Pagdating sa propesyonal na kakulangan, posible na patuloy na matuto at pagsamahin ang inyong mga karanasan habang ginagampanan ang inyong tungkulin. Ang ganitong problema ay madaling lutasin. Ang pinakamahirap na lutasin ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan o nilulutas ang inyong tiwaling disposisyon, kundi palagi kayong nagiging mapagpalugod sa mga tao, at hindi ninyo pinupungos o tinutulungan ang mga taong nakita ninyong lumalabag sa mga prinsipyo, ni hindi ninyo sila inilalantad o ibinubunyag, kundi palagi kayong umaatras, hindi ninyo inaako ang responsabilidad, ang gayong pagganap sa tungkulin na tulad ng sa inyo ay ikokompromiso lamang at aantalahin ang gawain ng iglesia. Ang pagturing sa pagganap sa iyong tungkulin bilang isang maliit na bagay nang hindi umaako ng kahit kaunting responsabilidad ay hindi lamang nakaaapekto sa pagiging epektibo ng gawain, kundi humahantong din sa paulit-ulit na pagkaantala sa gawain ng iglesia. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba’t nagiging pabasta-basta ka lang at nagiging mapanlinlang ka sa Diyos? Nagpapakita ba ito ng anumang katapatan sa Diyos? Kung palagi kang nagiging pabasta-basta habang gumaganap sa iyong tungkulin, at patuloy kang walang pagsisisi, hindi maiiwasang itiwalag ka” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Natulungan ako ng mga salita ng Diyos upang maunawaan kung paanong ang mga mapagpalugod ng tao ay natatakot sumalungat sa iba, nabibigong isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos dahil sa laging pag-aalala sa pagpapanatili ng kanilang mga relasyon at hindi nag-aalinlangang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang maprotektahan ang kanilang pansariling mga interes. Sa diwa, kumikilos lang sila bilang mga kampon ni Satanas na ginagambala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Wala sila ni katiting na katapatan sa kanilang tungkulin at sila ay napakamakasarili at napakakasuklam-suklam. Sa pagninilay ko sa panahon ng aking pakikituwang kay Wang Ran, malinaw kong nakilatis na nabunyag siya bilang isang huwad na lider at dapat siyang ilantad at isuplong ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ngunit nag-alala ako na mamasamain niya ito at na mahihirapan akong makitungo sa kanya sa susunod. Bilang resulta, para mapanatili ang aming relasyon, kumilos ako gaya ng isang mapagpalugod ng tao, nagbubulag-bulagan habang nagdudulot siya ng mga paggambala at panggugulo sa iglesia at nagdadala ng pinsala sa gawain ng iglesia. Sa akin naman, itinaboy ako ng Diyos at nahulog ako sa kadiliman at nagdusa nang matindi. Inilarawan nang mabuti ng mga salita ng Diyos ang pag-uugali ko: “Kumikilos pa siya bilang isang kasabwat ni Satanas, katulong at alagad nito. Hindi siya tapat sa kanyang tungkulin at responsabilidad, ngunit kay Satanas, lubos siyang tapat.” Biniyayaan ako ng Diyos ng pagkakataong magampanan ang tungkulin ko bilang isang lider na inaasahang isasaalang-alang ko ang Kanyang mga layunin at poprotektahan ang gawain ng iglesia, ngunit sa pinakamahalagang sandali, hindi ko napunan ang inaasahang ito. Sa katunayan, tinulungan ko pa ang kaaway habang nakikinabang sa iglesia, pinoprotektahan ang isang huwad na lider at kumikilos bilang kasabwat ni Satanas. Tiyak na kinasuklaman at kinapootan ng Diyos ang mga ikinilos ko! Napaisip ako, “Alam kong dapat kong isuplong ang huwad na lider dahil sa paggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia at nakonsensiya ako dahil sa hindi paggawa nito. Ginusto kong isagawa ang katotohanan, ngunit bakit hindi ko ito magawa? Ano ang kumukontrol sa akin?”
Kalaunan, natagpuan ko itong sipi ng mga salita ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. … Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming satanikong pilosopiya at lason. Kung minsan ikaw mismo ay hindi namamalayan ang mga ito, at hindi nauunawaan ang mga ito; gayunpaman, bawat sandali ng iyong buhay ay batay sa mga bagay na ito. Bukod pa riyan, iniisip mo na ang mga bagay na ito ay lubhang tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na ito para ipakita na naging kalikasan na ng mga tao ang mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sila nang lubos na nakaayon sa mga ito, na iniisip na ang ganitong paraan ng pamumuhay ay mabuti, at wala talaga silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Samakatuwid, palagi silang nagbubunyag ng kanilang satanikong kalikasan, at patuloy silang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Ang kalikasan ni Satanas ay ang buhay ng sangkatauhan, at ito ang kalikasang diwa ng sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutuhan ko na ang ugat ng ugali kong mapagpalugod ng tao ay iyong namuhay ako ayon sa mga lason ni Satanas gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” atbp. Ang mga lasong ito ay nakapag-ugat na sa aking puso at namuhay ako ayon sa mga ito, laging naghahangad na mapanatili ko ang aking mga relasyon. Naging mas makasarili ako, mapanlinlang at walang pagkakatulad sa tao upang hindi mapahiya. Ang mga lasong ito ay naging pinakakalikasan ko at lahat ng aking kilos ay kinontrol ng mga ito. Malinaw kong alam ang katotohanan, ngunit hindi ko lang talaga ito maisagawa. Bago ako nagsimulang manampalataya sa Diyos, sinuman ang nakasasalamuha ko, lagi nang mas pipiliin ko ang mawalan sa aking mga pananalita at kilos basta mapanatili ko lang ang aking relasyon sa isang tao at iwanan sila ng magandang impresyon. Matapos manampalataya sa Diyos, patuloy akong nabuhay sa ganitong mga satanikong lason. Upang mapanatili ko ang aking relasyon kay Wang Ran, hindi ko binanggit sa kanya ang kanyang mga isyu noong napansin ko ang mga ito at hindi siya inilantad at isinuplong kahit na pagkatapos kong malinaw na makitang nabunyag siya bilang isang huwad na lider, na nauwi sa mga pinsala sa gawain ng iglesia. Napagtanto kong isa akong mapanlinlang na tao, sipsip at mapagkunwari. Nakatutok sa mga pagsisikap kong mapanatili ang mga relasyon sa iba, hindi ko binigyan ni katiting na pagsasaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang buhay pagpasok ng aking mga kapatid. Hindi ko man lang ginagawa ang aking tungkulin; gumagawa ako ng kasamaan! Mas pinili kong salungatin ang Diyos kaysa ang aking kapwa tao. Sa pagsisikap ko na maprotektahan ang aking mga pansariling interes, nabigo akong isagawa ang katotohanan, hindi ako kumilos ayon sa prinsipyo at nagsilbing kampon ni Satanas, hinahayaan ang isang huwad na lider na mapinsala ang gawain ng iglesia ayon sa kagustuhan niya. Sobrang kasuklam-suklam! Noon ko lamang napagtanto na ang mga mapagpalugod ng tao ay may masamang puso at kinasusuklaman sila ng Diyos! Kung hindi ako magsisisi, tiyak na itataboy at ititiwalag ako ng Diyos.
Kalaunan, nakakita ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa kaligtasan, at hilingin na bigyan ka Niya ng higit pang pananalig at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, dangal, at kinatatayuan ng isang mapagpalugod ng mga tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Magagawa mo bang maging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapahihintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matugunan sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba’y taong sumusunod sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagsusuplong at paglalantad sa mga huwad na lider ay tungkulin at responsabilidad ng bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos at isa itong positibong bagay. Ang paggawa nito ay pumoprotekta sa gawain ng iglesia mula sa sagabal, binibigyang-daan ang mga kapatid na magkaroon ng magandang buhay iglesia, at tinutulungan ang mga huwad na lider na tunay na maunawaan ang kanilang mga kilos at magsisi sa Diyos sa tamang oras. Para sa akin naman, maling-mali akong naniwala na ang pagsusuplong sa isang huwad na lider ay makasasakit sa taong iyon kaya naman, kahit malinaw kong nakita na hindi gumagawa ng tunay na gawain si Wang Ran, nabigo akong isuplong at ilantad siya, na nauwi sa pagkasagabal sa bawat proyekto ng iglesia. Napakatinding pagpapabaya nito. Kailangan kong itigil ang pamumuhay sa satanikong pilosopiya sa pagpapanatili ko ng relasyon sa iba. Kailangan kong manindigan sa Diyos, asikasuhin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, protektahan ang gawain ng iglesia at kumilos nang may pagpapahalaga sa katarungan. Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng mga ito, ako naaayon sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos ay nanalangin ako sa Diyos, sinasabi na, “Diyos ko! Muli at muli, binibigyan Mo ako ng mga pagkakataong isagawa ang katotohanan, ngunit patuloy akong namuhay sa isang tiwaling disposisyon, pinoprotektahan ang aking sarili at nabibigong mapalugod Ka. Sa pagkakataong ito, hindi na ako handang mamuhay sa pilosopiya ng mga mapagpalugod ng tao para sa mga makamundong pakikitungo at susulat na ako ng liham upang ilantad si Wang Ran.” Kung kailan naghahanda na akong isulat ang aking ulat, inanyayahan ako ng aking lider para sa isang pagtitipon at tumuloy ako para ipagbigay-alam sa kanila ang lahat ng isyu na mayroon si Wang Ran. Inamin ko rin kung paano ako naging mapagpalugod ng tao noong mga panahong iyon, nabigong isagawa ang katotohanan at nagdulot ng mga pinsala sa mga interes ng iglesia.
Pagkatapos suriin ang sitwasyon at imbestigahan, natuklasang isang huwad na lider si Wang Ran na nabigong gumawa ng tunay na gawain at nararapat tanggalin. Noong araw ng pagtatanggal kay Wang Ran, pagkatapos ng paglalantad ng lider sa pag-uugali niya, pinagbigay nila ako ng aking mga komento. Medyo nakaramdam ako ng pag-aalala, “Kung ilalantad ko siya, tiyak na mamasamain niya iyon at iisiping kaya lamang siya natanggal ay dahil isinuplong ko ang kanyang mga problema. Hindi ba’t mas mahihirapan akong makisalamuha sa kanya sa hinaharap?” Napagtanto kong muli ko na namang sinusubukang mapanatili ang isang personal na relasyon at kumikilos tulad ng isang mapagpalugod ng tao, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos. Naalala ko noon ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng napakaraming katotohanan, inakay ka Niya sa loob ng napakahabang panahon, at napakarami Niyang itinustos para sa iyo, para patotohanan at pangalagaan mo ang gawain ng iglesia. Pero lumalabas na kapag gumagawa ng masasamang gawa ang masasamang tao at ang mga anticristo at kapag ginugulo nila ang gawain ng iglesia, nagiging duwag ka at umaatras ka, tumatakbo nang nakatakip ang mga kamay sa ulo—wala kang kuwenta. Hindi mo madaig si Satanas, hindi ka nakapagpatotoo, at kinasusuklaman ka ng Diyos. Sa kritikal na sandaling ito, kailangan mong manindigan at makipagdigma sa mga Satanas, ilantad ang masasamang gawa ng mga anticristo, kondenahin at isumpa sila, huwag silang bigyan ng lugar na mapagtataguan, at alisin sila palayo sa iglesia. Ito lang ang maituturing na pagkamit ng tagumpay laban sa mga Satanas at pagwawakas sa kapalaran nila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng lakas na isagawa ang katotohanan. Inisip ko kung paanong dati, maraming nawalang pagkakataon sa akin upang isagawa ang katotohanan dahil ginusto kong protektahan ang aking sarili at sinubukan kong basahin ang mga pagpapahayag at inklinasyon ng mga tao at kumilos nang naaayon sa mga iyon. Sa pagkakataong ito, kinailangan kong umasa sa Diyos upang maisagawa ang katotohanan, ilantad ang lahat ng isyu ni Wang Ran at tulungan siyang magnilay at makilala ang kanyang sarili. Sa pagkakatanto nito, itinuloy ko ang pagtukoy sa lahat ng isyu ni Wang Ran, isa-isa, at nakaramdam ako ng partikular na kaginhawahan sa proseso.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko na ang pagiging mapagpalugod ng tao ay nakasasama sa aking sarili at sa iba at partikular na itinataboy ng Diyos ang gayong mga tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang mga mapagpalugod ng tao—gusto ng Diyos ang mga matatapat na tao na may malinaw na mga paninindigan ukol sa kung ano ang gusto at ayaw nila at may pagpapahalaga sa katarungan at kayang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tanging ang mga tao lamang na gayon ang gumagawa ng kanilang tungkulin sa paraang naaayon sa mga layunin ng Diyos at kayang magtamo ng kaligtasan.