93. Bakit ba Masyadong Mataas ang Tingin Ko sa Sarili Ko?

Ni Frank, Timog Korea

Ako ang kasalukuyang responsable sa gawaing video ng iglesia. Nang nagsisimula, pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasanay, naunawaan ko ang ilan sa mga prinsipyo at nagawa ang ilang pag-unlad sa aking mga kasanayan. Di-nagtagal, madalas akong makatuklas ng mga isyu sa aming gawain, at malimit na tinatanggap ng iba ang aking mga mungkahi sa mga talakayan sa gawain. Pagkaraan ng ilang panahon, medyo yumabang ako. Palaki nang palaki ang tiwala ko sa sarili ko, pakiramdam ko’y mayroon akong ilang kakayahan, medyo tunay na pagkaunawa sa mga prinsipyo, at komprehensibong pananaw sa mga isyu. Bagama’t hindi ako lider ng iglesia at hindi ako nangangasiwa sa anumang malalaking gawain, naisip ko na hindi masama na magawang mamahala sa mga proyekto ng aming grupo.

Napansin ko na ang partner kong si Brother Justin ay matagal nang naging pasibo sa kanyang tungkulin. Palaging ako ang nangunguna sa aming mga talakayan ng gawain at pag-aaral ng grupo, at mababa ang tingin ko sa kanya dahil sa hindi niya pagdadala ng pasanin. Habang tinatalakay ang gawain, madalas kong binabalewala ang mga mungkahi ni Justin at tinatanggihan ang kanyang mga pananaw. Naisip ko, “Kasama kitang nagtatrabaho, ngunit nauuwi pa rin tayo kadalasan sa aking mga ideya, kaya minabuti kong ako na lang ang gumawa ng mga bagay-bagay.” Pagkaraan ng ilang panahon, ganap kong kinuha ang mga responsabilidad ni Justin. Sa aming mga talakayan ng gawain, kapag hindi tinatanggap ng iba ang mga mungkahi ko, paulit-ulit kong binibigyang-diin na tama ang pananaw ko, at minsan ay magpapakita ako ng mga panuntunan o doktrina bilang patunay para makinig sila sa akin. Pagkatapos nun, medyo hindi ako mapapalagay, pakiramdam ko’y lagi kong pinipilit ang iba na makinig sa akin. Hindi ba’t pagpapakita yan ng kayabangan? Minsan ay sinusubukan kong tanggapin ang mga mungkahi ng iba, pero sa huli ay napatutunayan pa rin na tama ang iniisip ko, kaya lalo akong naging mapagtiwala sa sarili. Kahit na kung minsan ay napagtanto kong nagpapakita ako ng kayabangan, hindi ko ito dinidibdib, iniisip na, “Maaaring medyo may kayabangan ako, ngunit tama rin ako! Ang intensyon ko lamang ay magawa nang maayos ang ating mga gawain, kaya ang kaunting kayabangan ay hindi naman malaking bagay, hindi ba?” Nung panahong iyon, hindi ako kumportable sa anumang ginagawa ng iba. Pakiramdam ko’y hindi sila gaanong bihasa at hindi nila isinasaalang-alang ang buong sitwasyon. Kung ang mga ideya nila ay hindi tulad sa akin, hindi ako nagdadalawang-isip na tanggihan sila at tahimik ko silang minamaliit. Minsan, nagdaan na sa ilang beses na pag-e-edit ang isang video na ginawa ng isang sister at hindi pa rin ito naging maganda. Sa halip na tanungin ko siya tungkol sa anumang kahirapan na maaaring niyang maranasan, pagagalitan ko na lamang siya, “Binibigyan mo ba talaga ito ng pansin? Hindi mo ba kayang tingnan man lamang kung ano ang nagawa na ng iba at matuto mula sa kanila?” Minsan, kapag nagbabahagi ng ideya ang mga kapatid para sa paggawa ng video, agaran ko itong tatanggihan bago ko pa man maintindihan ang kanilang pinag-uusapan. Dahil dito, takot ang lahat ng kapatid na makipagtrabaho sa akin at hindi man lang maglakas-loob na ipadala ang mga natapos nilang video para mapanood ko. Isang beses naman, ang isang sister ay nangalap ng mga materyales at nag-organisa ng sesyon para sa pag-aaral ng grupo. Pinasadahan ko ito ng tingin, at hindi ko tinalakay ang mga ito kaninuman, lubos kong siniraan ang mga materyales na nahanap niya, sinasabing walang halaga ang mga ito para pag-aralan. Sa katotohanan, bagama’t ang mga materyales sa pag-aaral na kanyang nakita ay hindi perpekto, may mga maitutulong pa rin naman ang mga ito sa pagbuo ng kasanayan. Sa kalaunan, sinabi ng isang sister na ang pagsasagawa ko ng mga bagay nang hindi nakikipagtalakayan sa iba ay pagpapakita ng kayabangan. Nung panahong iyon, hindi ko talaga kilala ang sarili ko, iniisip ko na nabigo lang akong humingi ng opinyon, at sapat na ang pagbibigay ng higit na pansin sa hinaharap. Naisip ko pa nga, “Ako ang nag-aasikaso at lumulutas sa karamihan ng mga problema sa gawain namin. Nasa akin ang huling pasya sa karamihan ng mga bagay-bagay, malaki man o maliit, kaya kung wala ang pangangasiwa ko, magiging magulo ang gawain ng grupo namin. Kahit teknikal na ipinares ako sa iba, mas katulad ko talaga ang superbisor ng grupo.” Dahil sa ganitong pag-iisip, pakiramdam ko’y naiiba ako sa kanila, na ako ang may kontrol. Mas lalo akong naging mayabang. Isang beses, ako at dalawa pang mga kapatid ay nagtakdang makipagkita sa isa pang grupo para talakayin ang gawain, ngunit sa huling sandali ay may nangyaring di-inaasahan at hindi na ako makadadalo, kaya hinayaan ko silang umalis nang wala ako. Nakakagulat nga, nataranta sila pagkarinig na hindi ako makakapunta, sinasabing hindi nila kayang gampanan ang responsabilidad na iyon nang sila lamang, kaya maghihintay na lang sila kapag may oras na ako.

Pagkatapos, sinabi sa akin ng isang sister, “Ikaw ang may huling pasya sa lahat ng bagay para sa grupo ngayon, malaki man o maliit. Kapag nagkakaproblema ang sinuman, hindi nila hinahanap ang katotohanan, umaasa lang sila sayo. Pakiramdam nila’y hindi nila kaya kung wala ka. Hindi mo ba naiisip na dapat kang magnilay-nilay sa iyong sarili? Hindi maaaring magpatuloy ang mga bagay nang ganito!” Matagal-tagal din akong hindi mapakali matapos marinig ang sinabi niya na, iniisip ko, “Nararamdaman ng aking mga kapatid na hindi nila magagawa kung wala ako; lahat ay kailangang dumaan sa akin. Hindi ba’t pagkokontrol yan sa grupo? Iyan ay anticristong pag-uugali! Ngunit, ang aking intensyon para sa lahat ng nagawa ko ay para lang magawa nang maayos ang gawain. Paano naging ganito? Paano ko ito lubos na mauunawaan?” Dahil nalilito at may pagkanegatibo, ibinahagi ko ang aking kalagayan sa Diyos, humihingi ng Kanyang kaliwanagan at patnubay. Pagkatapos, may mga nagpadala sa akin ng sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga disposisyon ng mga anticristo na talagang tumutugma sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Ang pinakakaraniwang palatandaan ng kontrol ng anticristo ay na sa saklaw ng awtoridad niya, siya lang ang may huling pasya. Kung wala siya, walang sinumang nangangahas na magdesisyon o lumutas ng isang usapin. Kung wala siya, ang iba ay nagiging parang mga batang naliligaw, mangmang kung paano magdasal, maghanap, o kumonsulta sa isa’t isa, umaasal na parang mga papet o mga patay na tao. … Ang estratehiya ng anticristo ay ang palaging lumitaw na bago at kakaiba at magsabi ng mga grandiyosong pahayag. Kahit gaano pa katama ang mga pahayag ng ibang tao, tatanggihan niya ang mga iyon. Kahit na tumutugma ang mga suhestiyon ng ibang tao sa sarili niyang mga ideya, kung hindi siya ang unang nagmungkahi sa mga iyon, hindi niya kailanman kikilalanin o gagamitin ang mga iyon. Sa halip, gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para maliitin ang mga iyon, pagkatapos ay kokontrahin at kokondenahin ang mga iyon, tuloy-tuloy na pupunahin ang mga iyon hanggang sa maramdaman ng taong nagbibigay ng mga suhestiyon na mali ang mga ideya niya at aminin ang sarili niyang pagkakamali. Saka lang ito titigilan ng anticristo sa wakas. Nasisiyahan ang mga anticristo na itinataguyod ang kanilang sarili habang minamaliit ang iba, naglalayong idulot na sambahin sila ng iba at ilagay sila sa sentro. Ang sarili lang nila ang hinahayaan nilang mangibabaw, habang ang iba ay puwede lang manatili sa likuran. Ang anumang sabihin o gawin nila ay tama, at ang anumang sabihin o gawin ng iba ay mali. Madalas silang nagsusulong ng mga bagong pananaw para kontrahin ang mga pananaw at kilos ng iba, hinahanapan ng mali ang mga suhestiyon ng iba at ginagambala at tinatanggihan ang mga mungkahi ng iba. Sa ganitong paraan, dapat na makinig sa kanila ang ibang tao at kumilos ayon sa mga plano nila. Ginagamit nila ang mga paraan at estratehiyang ito para tuloy-tuloy kang tanggihan, atakihin, at iparamdam sa iyo na parang wala kang kakayahan, sa gayon ay ginagawa kang lalong mas mapagpasakop sa kanila, mas humahanga sa kanila at mas mataas ang tingin sa kanila. Sa ganoong paraan, lubusan ka nilang nakokontrol. Ito ang proseso kung paano sinusupil at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao). Matapos basahin ito, inihambing ko ang sarili ko sa sinabi ng Diyos. Responsable ako sa gawain ng grupo sa buong panahong iyon, pero hindi pa rin magawa ng iba ang kanilang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, sa halip ay tinatanong ako tungkol sa lahat ng kanilang ginawa. Kung wala ako, hindi sila nangangahas na gumawa ng anumang pinal na desisyon o makipag-usap sa ibang mga grupo. Lahat sila ay napipigilan dahil sa akin. Hindi ko ba sila ipinapahamak? Ano ang nagawa at nasabi ko na humantong sa ganitong kinalabasan? Tinatalakay man namin ang gawain o pinag-uusapan ang mga ideya, kung merong sinumang may ibang pananaw sa akin, naghahanap ako ng maraming dahilan para tanggihan sila, hindi kailanman nakikibahagi sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ko dinakila o pinatotohanan ang Diyos, ginawa kong makinig lang ang lahat sa akin. Kapag sa palagay ko ay tama ang isang bagay, nagiging agresibo at dominante ako. Mapanghamak ako tuwing makakakita ako ng mga kakulangan sa mga kasanayan ng iba, at parehong lantaran at patago akong nanlalait. Gusto kong pilitin ang lahat na makinig sa akin, at kung hindi nila gagawin iyon, bibigyang-diin ko na bihasa ako at nauunawaan ko ang mga prinsipyo. Pagkaraan ng ilang panahon ng palaging pagtanggi at panghahamak sa iba at pagtataas sa aking sarili, pakiramdam ng lahat ng kapatid ay wala silang pakinabang, at wala silang perspektiba na kasingkompleto nang sa akin, kaya pinupuntahan nila ako para tanungin tungkol sa lahat ng bagay. Kung talagang iisipin ito, kadalasan ang mga plano na kanilang iminungkahi ay maayos naman. Kahit na ang mga ito ay hindi ganap na perpekto, magagawa ko pa rin sanang tumulong para mapabuti ang mga ito. Pero sa halip, ipinilit kong bigyang-diin na tama ako at tanggihan ang mga ideya ng iba, iniisip na ginagawa ko ito para sa kapakanan ng gawain namin. Napakayabang ko at kulang ako ng kamalayan sa sarili!

Kalaunan, binasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita pinungusan, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at pasusunurin sa iyo, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, palalo, at mapagmagaling, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto nila. Inaakay rin nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at kapalaluan sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at ititiwalag ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos). Natutunan ko mula sa salita ng Diyos na ang aking mayabang na kalikasan ay pumipigil sa akin na makipag-ugnayan sa mga kapatid. Napagtanto ko na itong mayabang, labis na mapagpahalaga sa sarili na kalikasan ay natural na dumating, kaya hindi ko kailangang gumawa o matuto ng anumang partikular na bagay, at maaari pa ring makuhang makinig ang lahat sa akin. Kapag iniisip ko ang tungkol sa panahong ginagampanan ko ang aking tungkulin kasama ang iba pang mga kapatid, nagmumungkahi man kami para sa mga video o nag-oorganisa ng gawain, palagi kong iniisip na ako ang may pinakamahusay na mga ideya. Nang mapansin ko na si Justin ay pasibo sa kanyang tungkulin, hindi ko siya tinulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan. Sa halip, minaliit ko siya sa puso ko dahil sa kanyang mahinang kakayahan at kawalan ng pasanin, at inako na lang ng buo ang pamamahala sa lahat, ginagawa ang lahat nang mag-isa, na para bang ako lang ang makagagawa ng mga bagay-bagay, hindi ang sinuman. Nang makita ko ang mga aspekto kung saan kulang ang kasanayan ng iba, hinamak ko sila dahil sa kawalan nila ng kakayahan at pagkaunawa, na para bang ang pagkaunawa ko ang pinakatumpak, at ako ang pinaka-maalam sa mga prinsipyo. Lagi kong minamaliit ang iba at inilalagay ang aking sarili sa pedestal, inilalahad ang aking mga saloobin at opinyon sa kanila na para bang ang mga ito lamang ang katotohanan. Pagkaraan ng ilang panahon, naramdaman ng iba na wala silang magagawa nang sila-sila lang, hanggang sa punto na lumalapit sila sa akin para sa lahat, umaasa nang buung-buo sa akin. Kung wala ako roon, hindi sila naglalakas-loob na sumulong. Nabasa ko sa mga salita ng Diyos: “Kapag umabot ang kanilang kayabangan at kapalaluan sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos). Nang naharap sa paghahayag ng mga salita ng Diyos, naramdaman ko ang hiya at pagkakonsiyensiya. Napagtanto ko na may malubhang-malubha akong problema. Inilagay ko ang sarili ko sa isang pedestal, laging iniisip na meron akong mga kaloob at kakayahan, na hindi ako regular na tao. Naisip ko na mayroon akong likas na katangiang mamahala, na maging lider, at ang iba ay kulang ng kakayahan, at dapat silang makinig sa iba. Natakot at nasuklam din ako sa mga saloobin at ideya kong ito. Wala talaga akong kahihiyan! Magkakasama kaming nagtatrabaho para gawin ang aming mga tungkulin, lahat ay tumatanggap sa pamumuno ng Diyos at nagpapasakop sa mga katotohanang prinsipyo, pero hinihimok ko ang lahat na tanggapin ang pamumuno ko at magpasakop sa akin. Hindi ba ako ang nasa mali dito? Sa sobrang kayabangan ko ay nawalan ako ng lahat ng katwiran. Sa “Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian,” Sabi ng Diyos: “Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Sa puso ko, palagi kong nararamdaman na mas mahusay ako kaysa sa mga kagrupo ko, palagi kong inilalagay ang sarili sa itaas ng ibang mga kapatid. Nakatayo ako sa maling puwesto—inilalagay ko ang sarili ko sa isang pedestal. Totoong naalarma at natakot ako sa ganitong pag-iisip. Nagdasal ako kaagad: “Diyos ko, masyado akong mayabang at mapagtiwala sa sarili. Nilabag ko ang disposisyon Mo nang hindi ko namamalayan. Gusto ko pong magsisi, kunin ang puwestong nararapat sa akin, at gawin nang maayos ang tungkulin ko.” Dumating ang superbisor ko kalaunan para magbahagi sa akin. Sinabi niyang nabanggit ng ilang kapatid na talagang napipigilan sila sa pakikipagtrabaho sa akin. Sinabi nila na mapanghamak ako at nangmamaliit ng iba, at palaging tinatanggihan ang mga ideya ng iba, ang ilan pa nga sa kanila ay nagsasabing, “Nakakita na ako ng mayayabang na mga tao noon, pero hindi ganito kayabang.” Tumagos sa puso ko ang mga salitang ito. Hinding-hindi ko inakala na ganoong klase ng tao ang tingin sa akin ng mga kapatid, na masyado ko silang napigilan at nasaktan. Mga ilang araw pagkatapos nun, pakiramdam ko’y may nakatarak na patalim sa puso ko. Lalo na sa panahon ng talakayan ng aming gawain, kung kailan wala ni isa man ang nangahas na magsalita, at talagang nanahimik ang paligid, pakiramdam ko ay lalo pa akong nasaway. Alam kong lahat ito ay dahil sa mga pagpipigil ko sa kanila. Nasasaktan at nahihirapan, lumapit ako sa Diyos sa panalangin, humihiling sa Kanya na gabayan at akayin ako sa tunay na pagpasok at pagninilay-nilay sa sarili.

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal na nagbigay sa akin ng higit na pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang ilang lider ay hindi gumagawa kailanman nang ayon sa mga prinsipyo, mga batas sila sa kanilang sarili, pabasta-basta sila at pabigla-bigla. Maaaring tukuyin ito ng mga kapatid, at sasabihin nilang, ‘Bihira kang kumonsulta bago ka kumilos. Hindi namin nalalaman ang iyong mga husga at desisyon hanggang sa magawa mo na ang mga iyon. Bakit hindi mo kinokonsulta ang mga ito sa iba? Bakit hindi mo sinasabi sa amin nang maaga kapag gumagawa ka ng desisyon? Kahit pa tama ang ginagawa mo at mas may kakayahan ka kaysa sa amin, dapat mo pa ring ipaalam muna iyon sa amin. Kahit papaano man lang, may karapatan kaming malaman kung ano ang nangyayari. Sa palagiang pagkilos na tila ikaw ang batas—tumatahak ka sa landas ng isang anticristo!’ At ano ang maririnig mong isasagot ng lider doon? ‘Sa bahay ko, ako ang amo. Sa lahat ng bagay, malaki man o maliit, ako ang nagdedesisyon. Ganoon ang nakasanayan ko. Kapag may isyu ang sinuman sa mga kamag-anak ko, nilalapitan nila ako at ako ang pinagdedesisyon nila kung ano ang gagawin. Alam nilang lahat na magaling ako sa paglutas ng mga problema. Kaya nga ako ang namamahala sa mga usapin sa pamilya ko. Nang sumapi ako sa iglesia, inakala kong hindi ko na kailangang alalahanin pa ang mga bagay-bagay, ngunit nahirang akong lider. Hindi ko ito mapipigilan—ipinanganak ako na ganito ang kapalaran. Ibinigay sa akin ng Diyos ang kasanayang ito. Ipinanganak ako para magdesisyon at manguna sa mga pagpapasya para sa ibang tao.’ Ang ipinahihiwatig dito ay na itinadhana siyang maging opisyal, at na ang ibang tao ay ipinanganak bilang mga alipin at munting kawal. Iniisip niya na siya dapat ang magpasya, at na dapat makinig sa kanya ang ibang tao. Kahit kapag nakikita ng mga kapatid ang problema sa lider na ito at tinutukoy ito sa kanya, hindi niya tatanggapin iyon, hindi rin niya tatanggapin ang mapungusan. Lalaban at tututol siya hanggang sa ipagsigawan ng mga kapatid na tanggalin na siya. Sa buong panahong ito, iisipin ng lider, ‘Sa kakayahang katulad ng sa akin, itinadhana akong mamahala saanman ako magpunta. Sa mga kakayahang katulad ng sa inyo, palagi kayong magiging mga alipin at utusan. Itinadhana kayong utus-utusan ng ibang tao.’ Anong klaseng disposisyon ang inilalantad niya sa madalas na pagsasabi ng gayong mga bagay? Malinaw na ito ay isang tiwaling disposisyon, ito ay kayabangan, labis na pagtingin sa sarili, at sukdulang egotismo, subalit walang kahihiyan niyang ipinagyayabang at ipinangangalandakan ito na animo ay isa itong kalakasan at kapaki-pakinabang na katangian. Kapag naglalantad ng tiwaling disposisyon ang isang tao, dapat niyang pagnilayan ang kanyang sarili, alamin ang kanyang tiwaling disposisyon, dapat siyang magsisi, at maghimagsik laban dito, dapat niyang hangarin ang katotohanan hanggang sa makakilos siya ayon sa mga prinsipyo. Subalit, hindi gayon nagsasagawa ang lider na ito. Sa halip, hindi siya nagpapawasto, iginigiit niya ang sarili niyang mga pananaw at pamamaraan. Mula sa mga pag-uugaling ito, makikita mo na hindi niya talaga tinatanggap ang katotohanan at na hinding-hindi siya isang tao na naghahangad nito. Hindi siya nakikinig sa sinumang naglalantad at nagpupungos sa kanya, at sa halip ay punong-puno siya ng mga pangangatwiran para sa sarili: ‘Hmph—ganito lang talaga ako! Ang tawag dito ay galing at talento—mayroon ba nito ang sinuman sa inyo? Itinadhana akong mamahala. Saanman ako magpunta, isa akong lider. Sanay ako na ako ang nagpapasya at nagdedesisyon sa lahat ng bagay nang hindi kinokonsulta ang ibang tao. Ganoon lang talaga ako, ito ang personal na karisma ko.’ Hindi ba’t sadyang kawalanghiyaan ito? Hindi niya inaamin na mayroon siyang tiwaling disposisyon, at malinaw na hindi niya kinikilala ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao. Bagkus, itinuturing niyang katotohanan ang kanyang mga maling pananampalataya at maling paniniwala, at sinisikap niyang hikayatin ang iba na tanggapin at hangaan ang mga ito. Sa kaibuturan niya, naniniwala siya na dapat siya ang mamuno sa sambahayan ng Diyos, hindi ang katotohanan, na siya ang dapat masunod doon. Hindi ba’t lubos na kawalanghiyaan ito?(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1). Napahiya ako sa harap ng paghahayag na ito mula sa salita ng Diyos. Hindi ba’t ganito ang eksaktong ikinilos ko? May ilan akong kasanayan at mukhang may kaunting katalinuhan at kakayahan, kaya inakala kong ako dapat ang may huling pasya. Sa paningin ko, walang magagawang maayos ang ibang mga kapatid, at hindi ko man lang sineseryoso kapag may nagturo ng aking mga problema. Akala ko’y mayabang lang ako dahil may kakayahan ako at tama ang mga mungkahi ko. Hindi ko talaga kilala ang sarili ko. Sa katunayan, maraming beses na hindi ko nakikita nang tumpak ang isyu o isinaalang-alang ang buong sitwasyon, kagaya nang pagbalewala ko sa mga materyales sa pagtuturo na kinalap ng isa kong kapatid bilang walang silbi, habang natagpuan ng iba na merong kabuluhan ang sanggunian, at nagbibigay ng ilang magandang mungkahi. At bagama’t tama ang ideya ko sa ilang bagay, hindi ko pa rin dapat pinilit ang iba na tanggapin ito dahil lang sa kayabangan ko. Dapat ay nagbahagi ako tungkol sa mga prinsipyo at sa personal kong pagkaunawa at mga pananaw. Pagkatapos, kung maramdaman ng lahat na angkop ang sinabi ko, natural nilang tatanggapin ito. Sa halip, mayabang ako at mapagtiwala sa sarili, hindi nakikita ang mga kalakasan ng iba, at hindi nagninilay-nilay sa sarili. Madalas kong kinakalkula sa isip ko kung aling mga bagay ang napagdesisyunan ko nang tama, at kung aling mga isyu ang natuklasan at nalutas ko sa gawain namin. Habang mas lalo kong kinakalkula itong mga tagumpay, lalo kong nararamdaman na mas mahusay ako kaysa sa iba. Lalong tumindi ang kayabangan ko at lalo ko pang minaliit ang ibang tao. Naisip ko pa nga na nababagay ako sa papel ng isang superbisor, kaya masyadong mataas ang tingin ko sa sarili, at gusto kong ako ang may huling pasya sa lahat. Masyado akong mayabang at di-makatwiran at hindi ko binago ang aking satanikong disposisyon kahit kaunti. Sa pangkaraniwa’y hindi ko man lang magawang makisama sa iba. Ano ba ang dapat kong ipagmalaki? Ang ganyang pakiramdam ng pagkalugod sa aking sarili ay talagang kalunus-lunos! Sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng ito, nakita ko kung gaano ako naging agresibo at dominante at napuno ako ng pagsisisi.

May isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko kalaunan: “Masasabi ba ninyo na mahirap tuparin nang sapat ang tungkulin ng isang tao? Sa totoo lang, hindi; kailangan lamang magawa ng mga tao na magpakumbaba, magtaglay ng kaunting katinuan, at tumanggap ng angkop na posisyon. Gaano ka man kaedukado, anumang mga gantimpala ang natamo mo, o anuman ang nakamtan mo, at gaano man kataas ang iyong katayuan at ranggo, dapat mong talikdan ang lahat ng bagay na ito, dapat kang bumaba sa mataas na kinalalagyan mo—lahat ng ito ay walang halaga. Sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang mga karangalang ito, hindi maaaring maging mas mataas ang mga ito kaysa sa katotohanan, sapagkat ang mga paimbabaw na bagay na ito ay hindi ang katotohanan, at hindi makakapalit sa lugar nito. Dapat maging malinaw sa iyo ang isyung ito. Kung sinasabi mong, ‘Napakatalino ko, napakatalas ng isip ko, mabilis akong kumilos, mabilis akong matuto, at napakagaling ng memorya ko, kaya karapat-dapat akong gumawa ng huling desisyon,’ kung palagi mong gagamiting kapital ang mga bagay na ito, at ituturing na mahalaga ang mga ito, at positibo, problema ito. Kung puno ng mga bagay na ito ang puso mo, kung nag-ugat na ang mga ito sa puso mo, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan—at nakakatakot isipin ang mga kahihinatnan niyan. Sa gayon, dapat mo munang iwanan at tanggihan ang mga bagay na iyon na minamahal mo, na tila maganda, na mahalaga sa iyo. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan; bagkus, maaaring makahadlang ang mga ito sa pagpasok mo sa katotohanan. Ang pinakamahalaga ngayon ay na kailangan mong hanapin ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin, at magsagawa ayon sa katotohanan, upang ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin ay maging katanggap-tanggap, sapagkat ang katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay ang unang hakbang lamang patungo sa landas ng buhay pagpasok. Ano ang ibig sabihin dito ng ‘unang hakbang’? Ang ibig sabihin nito ay magsimula ng isang paglalakbay. Sa lahat ng bagay, may isang bagay na magagamit para masimulan ang paglalakbay, isang bagay na pinakapangunahin, pinakamahalaga, at ang pagkakamit ng katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay isang landas ng buhay pagpasok. Kung ang iyong pagsasagawa ng tungkulin ay tila naaangkop lamang sa kung paano iyon ginagawa, ngunit hindi nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon hindi mo maayos na ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung gayon, paano ito dapat gawin ng isang tao? Kailangang sikaping matamo at hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo; ang masangkapan ng mga katotohanang prinsipyo ang mahalaga. Kung pagagandahin mo lamang ang iyong pag-uugali at pipigilan mo ang init ng iyong ulo, ngunit hindi ka nasasangkapan ng mga katotohanang prinsipyo, walang silbi iyan. Maaaring mayroon kang isang kaloob o espesyalidad. Magandang bagay iyan—ngunit magagamit mo lang ito nang wasto kung gagamitin mo ito sa pagsasagawa ng iyong tungkulin. Ang maayos na pagsasagawa ng iyong tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagpapabuti ng iyong pagkatao o personalidad, ni nangangailangan na isantabi mo ang iyong kaloob o talento. Hindi iyan ang kailangan. Ang mahalaga ay na nauunawaan mo ang katotohanan at natututo kang magpasakop sa Diyos. Hindi maiiwasan na magbubunyag ka ng tiwaling disposisyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Kailangan mong hanapin ang katotohanan para malutas ang problema at makakilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ito, at hindi magiging problema para sa iyo ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Saanmang mundo ang iyong kaloob o kadalubhasaan, o saan ka man puwedeng mayroong anumang bokasyonal na karunungan, ang paggamit sa mga bagay na ito sa pagganap ng iyong tungkulin ay ang pinakanararapat—ito ang tanging paraan para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Ang isang estratehiya ay umasa sa konsensiya at katwiran para gampanan ang iyong tungkulin, ang isa pa ay na dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong tiwaling disposisyon. Nagkakamit ang isang tao ng buhay pagpasok sa pamamagitan ng pagganap ng kanyang tungkulin sa ganitong paraan, at nakakaya niyang tuparin ang kanyang tungkulin nang sapat(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, natutunan ko na hindi sinusukat ng Diyos kung ang isang tao ba ay ginagawa ang kanyang tungkulin nang pasok sa pamantayan sa pamamagitan ng kung ano ang nakikitang nagawa na, o kung nagawa ba ito nang tama, kundi sa halip ay sinusukat ito nang naaayon sa kung anong landas ang kanyang tinatahak sa kanyang tungkulin, at kung hinahanap at isinasagawa ba niya ang katotohanan. Natutuhan ko rin na para malutas ang isang mayabang na disposisyon at gawin nang pasok sa pamantayan ang aking tungkulin, kailangan ko munang isantabi ang mga kaloob at kalakasan na ipinagmamalaki ko, at lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan. Kung patuloy lang akong aasa sa aking kakayahan at mga kaloob sa paggawa ng mga bagay, nang hindi hinahanap ang katotohanan o sinusunod ang mga prinsipyo, hindi sasang-ayon ang Diyos gaano man karami ang aking nagawa. Noon, minaliit ko ang iba dahil sa kawalan ng mga kasanayan at kakayahan. Kapag nakikita kong gumagawa sila ng kaunting pagkakamali o gumagawa ng isang bagay nang hindi perpekto, napupuno ako ng pangmamata at panghahamak sa kanila, kapwa sa hayagan at sa isipan. Pero kapag isinasauli ang mga video na ginawa ko para sa maraming rebisyon at nagbibigay sa akin ang iba ng mga mungkahi, walang nangmamaliit sa akin, ngunit sa halip ay matiyaga nilang sinabi sa akin kung ano ang kailangang pagbutihin. At saka, halos hindi ko tinatanggap ang mga mungkahi ng mga ipinares sa akin, at bagamat walang mahuhusay na kaloob o kakayahan ang ilang kapatid, hinahanap nila ang mga prinsipyo sa kanilang tungkulin, mapagpakumbaba silang nakikinig sa mga mungkahi ng iba, at kaya nilang makipagtulungan nang maayos. Sa paghahambing ng aking pag-uugali sa kanila, nakaramdam ako ng sobrang kahihiyan. Nakita ko kung paanong wala akong pagpasok sa katotohanan. Sa tungkulin ko pagkatapos nun, kapag may alitan sa pagitan ko at ng iba, isinasagawa ko ang pagsasantabi sa sarili ko, sinusubukan, sa halip, na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, itinuturing na isa itong pagkakataon para isagawa ang katotohanan.

Sa ibang pagkakataon, tinatalakay ko ang isang isyu kasama ang dalawang sister, at magkaiba ang mga ideya namin. Sa isip ko ay ako ang may pinakamagandang ideya at iniisip ko ang tungkol sa sasabihin ko para patunayan na tama ako, kung paano ko sila makukumbinsi. Bigla kong napagtanto na nagpapakita na naman ako ng mayabang na disposisyon, ninanais na gamitin ang sarili kong opinyon para kontrahin ang mga ideya ng iba. Agad akong nagdasal, humihiling sa Diyos na gabayan ako sa pagsasantabi ng aking sarili at pakikinig sa mga mungkahi ng iba. Naisip ko ang salita ng Diyos: “Sa iglesia, posibleng dumapo ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu sa sinumang nakauunawa sa katotohanan at ang may kakayahang makaarok. Dapat mong sunggaban ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, mahigpit itong sundin at malapit na makipagtulungan dito. Sa paggawa nito, tatahak ka sa pinakatamang landas; ito ang landas na ginagabayan ng Banal na Espiritu. Bigyan mo ng espesyal na pansin kung paano gumagawa at gumagabay ang Banal na Espiritu sa mga ginagawaan Niya. Dapat kang makipagbahaginan nang madalas sa iba, nang nagmumungkahi at nagpapahayag ng sarili mong mga pananaw—ito ay iyong tungkulin at iyong kalayaan. Ngunit sa huli, kapag kailangang magdesisyon, kung ikaw lamang ang gumagawa ng huling pasya, at pinasusunod mo ang lahat sa iyong sinasabi at pinaaayon sila sa iyong kagustuhan, nilalabag mo ang mga prinsipyo. Dapat kang gumawa ng tamang pagpapasya batay sa iniisip ng karamihan, at saka ka magpasya. Kung ang mga mungkahi ng karamihan ay hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat mong panghawakan ang katotohanan. Ito lamang ang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pagbibigay ng mga ideya at paggawa ng mga video ay tungkulin ko, pero ang pagpapasya kung aling plano ang pinakamainam ay hindi nakasalalay sa sinumang tao. Kailangang pag-usapan at pagpasyahan iyan ng mga kapatid nang magkakasama, at pagkatapos ay sundin ang pinakamainam na mungkahi. Talagang nakaramdam ako ng kapayapaan sa sandaling isagawa ko ang mga pagkatantong iyon. Nang magawa ang video na iyon, kahit na sa bandang huli ay sinang-ayunan at ginamit ng iba ang bersyon ko, hindi ko minaliit ang dalawang kapatid dahil doon. Naramdaman kong sa pamamagitan ng prosesong ito, sa wakas ay naisagawa ko ang katotohanan nang hindi nabubuhay sa aking mayabang na disposisyon. Naranasan ko ang katunayan na ang Diyos ay hindi lamang tumitingin sa tama o mali; ang mas mahalaga ay kung anong disposisyon namumuhay ang tao. Kung ang isang tao ay tama ngunit nagpapakita ng mayabang na disposisyon, kinamumuhian iyan ng Diyos.

Pagkatapos, nang subukan kong seryosong isaalang-alang ang mga ideya ng ibang tao, napagtanto ko na ang mga mungkahi ng aking mga kapatid sa katunayan ay maraming aspeto na maaaring magamit; tiningnan lang nila ang mga bagay-bagay mula sa ibang perspektibo kaysa akin. Dati, lagi kong iniisip na hindi tinitingnan ng ibang tao ang buong sitwasyon, dahil tinitingnan ko lang ang mga bagay-bagay mula sa sarili kong pananaw at halos hindi talaga nakikinig sa mga ideya ng iba. Tapos, napagtanto ko na ang lahat ay may mga kalakasan, at may mga matututunan ako sa kanila. Hindi ko gustong manatiling naniniwala sa aking sarili nang may kayabangan. Sa halip, handa akong gumawa nang maayos kasama ng aking mga kapatid, hanapin ang katotohanan, mas madalas pang makinig sa kanilang mga mungkahi, at makipagtulungang magampanan nang maayos ang aming tungkulin.

Sinundan: 92. Paglago sa Gitna ng mga Kabiguan at Dagok

Sumunod: 94. Ang Pagsandig sa Diyos ang Pinakadakilang Karunungan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

70. Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito