83. Mga Aral na Natutunan sa Isang Kabiguan

Ni Joanne, Timog Korea

Habang naglilingkod ako bilang lider ng iglesia, pinangasiwaan ni Wang Hua ang gawain ko. Madalas siyang magkuwento kung paano niya pinamamahalaan ang gawain ng iglesia, sinasabi sa akin na hindi lang siya basta namamahala sa gawain sa sarili niyang iglesia, kundi sinusubaybayan rin niya ang gawain ng ilang iba pang iglesia, at na pinupuri siya ng mga nakatataas na lider sa pagiging matalino, mahusay ang kakayahan, at magaling sa gawain. Sinabi niya na ang dahilan kung bakit siya naging matagumpay sa kanyang gawain ay dahil unang-una, nakatuon siya sa kanyang personal na buhay pagpasok. Sinabi rin niya sa akin na sa mga taon ng kanyang pag-aaral, nasiyahan siya sa pagsusulat ng mga sanaysay at isa siyang magaling na manunulat noon—ibig sabihin nito ay bihirang nangangailangan ng pag-edit ang kanyang nakasulat na liham sa mga lider at katrabaho, at kaya niyang sabihin ang mga komplikadong isyu sa malinaw na paraan. Sinabi niya na pinagkalooban siya ng Diyos ng mga kasanayang ito, at ngayon ay ginagamit niya ang mga ito. Medyo nainggit ako nang sabihin niya iyon sa akin, at hinangaan ko ang kanyang mahusay na kakayahan, kahanga-hangang pagganap sa gawain, at paghahanap sa katotohanan.

Pero pagkatapos siyang makatrabaho sa loob ng dalawang buwan, napansin ko na madalas siyang manatili sa bahay sa halip na dumalo sa mga pagtitipon. Tinanong ko siya: “Bakit hindi ka pumupunta sa mga pagtitipon?” Sumagot siya: “Kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos at sinasangkapan ko ang sarili ko ng katotohanan sa bahay, para mas mahusay akong makapagbahagi sa iba ng mga salita ng Diyos at malutas ang kanilang mga isyu.” Naisip ko sa sarili ko: “Ngayon na ang panahon para palawakin ang ebanghelyo, at ang gawaing pang-ebanghelyo ang pangunahin mong responsabilidad. Pero sa ganito kaabalang panahon, nakaupo ka lang sa bahay. Hindi ba’t bigo ka sa paggawa ng totoong gawain at sakim na nagsasaya sa benepisyo ng katayuan mo?” Pero pagkatapos ay naisip ko: “May napakahusay siyang kakayahan at matagal na siyang naging lider. Kahit nga ang mga nakatataas na lider ay binabanggit ang kanyang mahusay na kakayahan, karunungan, at abilidad sa gawain. Bagaman medyo nagsasaya siya sa mga benepisyo ng katayuan niya, ano naman ngayon? Lahat tayo ay may katiwalian; normal lang na mailantad ito paminsan-minsan. Dapat kong itigil ang mga walang basehang palagay na ito.” Kaya kinalimutan ko nang ganoon-ganoon lang ang usapin at hindi ko na iyon inisip pa. Sa panahong iyon, kami ng mga katrabaho ko ay nagdaraos ng mga pagtitipon sa bawat grupo para makipagbahaginan at lumutas ng mga problema at paghihirap sa gawain ng ebanghelyo. Habang mas lalo kaming nagbabahagi, mas lalo kaming naliliwanagan, at nakahanap kami ng ilang landas ng pagsasagawa. Sinabi namin kay Wang Hua ang tungkol sa mga resultang nakamit namin sa mga pagtitipon. Pero sa laking gulat namin, mukhang hindi siya napahanga—may pilit na ngiti niyang sinabi: “Hindi kayo talaga dapat magtuon sa pagbabahagi tungkol sa gawain ng ebanghelyo, at paglutas sa maliliit na mga detalyeng ito. Gawain iyan para sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo—napakadali lang niyan. Sa mga pagtitipon, dapat ninyong pagtuunan ang pagbabahagi sa kung paano hanapin ang katotohanan, at kung paano hangarin ang buhay pagpasok. Pagkatapos, likas na darating ang tagumpay sa gawain ng ebanghelyo.” Nang marinig ang sinabi niya, hindi ako nangahas na sundin ang sarili kong opinyon. Nagtatalo ang kalooban ko at hindi alam ang sasabihin—kung hindi ko gagawin ang sinabi niya at maapektuhan ng isang paglihis ang gawain ng ebanghelyo, sasabihin ng mga kapatid na ako ang may kasalanan. Ang paggambala at paghadlang sa gawain ng ebanghelyo ay isang masamang gawa. Ang mapalitan ay isang magaan na parusa; sa mas malubhang kaso, maaari akong maitiwalag. “Kalimutan mo na ito,” naisip ko, “Gagawin ko na lang kung ano ang sinasabi niya!”

Kinabukasan, sa isang pagtitipon, binanggit ng iba ang ilang tunay na problema at paghihirap na nakahaharap nila habang ipinapalaganap ang ebanghelyo. Gayunman, sa pagkakataong ito, hindi ako tumulong na suriin ang mga problema nila at humanap ng mga paraan para malutas ang mga ito ayon sa mga aktuwal na sitwasyon na kanilang kinakaharap. Sa halip, iniwasan ko lang ang mga paghihirap at problemang ito, at tinanong sila kung ano ang natutunan nila tungkol sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagharap sa mga usaping ito. Sinabi ko rin na sa pamamagitan lamang ng pagtuon sa sarili naming buhay pagpasok kami magkakamit ng mga resulta sa aming mga tungkulin. Nang marinig ito, nagkatinginan lang sa isa’t isa ang mga kapatid, walang magawa. Walang sinuman ang nagsalita. Nagpatuloy nang ganoon ang mga pagtitipon sa sumunod na ilang araw. Habang mas nakikipagbahaginan ako sa ganitong paraan, mas lalo akong napapagod. Nakaiinip at nakababagot ang pagbabahagi ko, wala akong gaanong masabi, at walang direksiyon sa pangunguna sa mga pagtitipon. Talagang sumama ang loob ko. Parang ang pagtitipon na tulad nito ay walang kabuluhan—hindi nito nilulutas ang kanilang mga problema. Ganoon din ang nararamdaman ng mga katrabaho ko. Hinanap namin si Wang Hua para makipagbahaginan sa kanya, at tinanong siya kung nagkamali ba kami sa paggawa sa ganoong paraan. Pero iginiit ni Wang Hua na hindi namin kailangang lutasin ang mga tunay na problema—hangga’t nagbabahagi kami sa buhay pagpasok, magiging epektibo ang gawain ng ebanghelyo. Sinabi rin niya na wala kaming karanasan at walang pagkaunawa, nakatuon lamang sa gawain namin, at nabigong hanapin ang katotohanan. Matapos niyang sabihin iyon, nalilito na naman ako kung paano magpatuloy. Naisip ko: “May mahusay siyang kakayahan, pinangangasiwaan ang maraming iba’t ibang proyekto, at tinitingala ng mga nakatataas na lider, kaya dapat na gawin ko lang ang sinasabi niya! Kung tutuusin, mahina ang kakayahan ko, kulang ako sa karanasan at kabatiran, at mas mababa ako sa kanya sa bawat aspekto.” Kaya sa huli, ipinagpatuloy ko ang pagsunod sa utos niya.

Noong panahong iyon, napagbubuti ng ibang mga iglesia ang mga resulta nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang bilang nila ng mga bagong mananampalataya ay nadaragdagan nang nadaragdagan. Gayunpaman, ang mga resulta ng aming iglesia ay talagang lumalala. Talagang balisa ang pakiramdam ko at hindi ko alam kung paano magpapatuloy. Noong mga oras na iyon, ginaganap ang isang pagtitipon ng mga katrabaho, at nang marinig ng mga lider mula sa ibang iglesia kung bakit hindi nagkaroon ng magagandang kinalalabasan ang iglesia namin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, pinuna nila si Wang Hua dahil sa pagpapasasa sa mga benepisyo ng kanyang posisyon at hindi paggawa ng tunay na gawain. Hindi ito tinatanggap, umiyak siya at tinangkang ipagtanggol ang sarili. Sinabi niya na hindi lang siya ang may kasalanan kung bakit humina ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo—na dapat ding sisihin ang iba pang mga katrabaho. Sinubukan naming makipagbahaginan sa kanya at hayaan siyang pagnilayan ang sarili niya, pero ayaw talaga niyang makinig. Nagpatuloy siya sa pag-iyak at paggawa ng kaguluhan, at tuluyang ginambala ang pagtitipon. Nang makita ko iyon, naisip ko sa sarili ko: “Nakipagbahaginan kami para lutasin ang mga problema ng gawain ng ebanghelyo, pero patuloy mo kaming hinahadlangan at sinasabing kailangan naming pagtuunan ang buhay pagpasok. Kinaligtaan mong lutasin ang mga tunay na paghihirap at problema sa gawain ng ebanghelyo, sinasabing dapat naming ‘pagtuunan ang buhay pagpasok.’ Hindi ba’t iyon ang ginawa mo? Malinaw na nakikita ang mga katunayan sa usapin—sa halip na aminin ang ginawa mo, sinubukan mong ipasa ang responsabilidad. Hindi ba’t nabibigo kang tanggapin ang katotohanan?” Binalak kong ipaalam sa mga nakatataas na lider ang tungkol sa sitwasyon niya at hayaan silang humusga kung siya ay isang tamang tao. Pero sumagi sa isip ko na baka nasa masamang kalagayan lang siya kamakailan. Idagdag pa roon ang mapungusan, tiyak na naging direktang paghamak iyon sa dignidad at katayuan niya. Ito ang dahilan kaya ganoon katindi ang naging reaksyon niya. Kung kakalagpak lang niya sa masamang kalagayan, at iniulat ko ang sitwasyon niya sa mga nakatataas na lider, iisipin ba nilang kulang ako sa katotohanan at pagkakilala, at hindi magawang tratuhin nang patas ang mga tao? At kung malalaman ni Wang Hua, iisipin ba niyang sinasadya kong pahirapan siya? Ibubukod ba niya ako at pahihirapan? Susubukan ba niyang palitan ako dahil dito? Sa tingin ko ay dapat na makipagbahaginan na lang ako sa kanya at tingnan kung ano ang mangyayari pagkatapos. Kapag nakapagbahaginan na kami at nagkaroon ako ng wastong pagkakilala sa kanya, puwede ko pa rin siyang iulat kung kinakailangan.

Sa ikalawang araw ng pagtitipon ng mga katrabaho, narinig kong hinusgahan ni Wang Hua ang isang kapatid sa harap ng isa pang kapatid, na nagdulot ng pagtatalo sa kanilang dalawa. Pinaalalahanan ko siya: “May ilang hindi pagkakaunawaan noon pa ang dalawang kapatid na ito, at ang pagsasalita mo nang ganyan ay magpapalala lang nito. Paano sila patuloy na makakapagtulungan pagkatapos niyan?” Ayaw niyang tanggapin iyon, at nakipagtalo siya sa akin: “Totoo ang lahat ng sinabi ko, direkta akong tao, prangka ako, at sinasabi kung ano ang nasa isip ko.” Sabi ko: “Hindi iyan pagiging prangka. Ang paglalarawan mo sa pag-uugali ng kapatid na iyon ay hindi makatotohanan o obhetibo—nanghuhusga ka. Hindi mo inisip kung paano maaaring makapinsala sa kapatid na iyon ang sinabi mo, o kung ano ang maaaring maging epekto nito sa gawain ng iglesia. Ang tanging kahihinatnan nito ay ang pagkasira ng kanilang ugnayan, at hindi sila makakapagtulungan nang maayos. Iyan ay paghahasik ng hidwaan.” Sa gulat ko, sumagot siya: “Hindi ako tulad ng ilang tao na hindi sinasabi ang iniisip nila, na laging nagsisinungaling, may itinatago sa mga kilos nila at mga mapanlinlang.” Nang marinig ko ang patutsada at pag-atake na kalakip ng kanyang mga salita, alam kong malubha ang kanyang problema, at gusto kong iulat siya sa pamunuan. Pero naisip ko, “Ang ginawa ko lang ngayon ay bigyan siya ng ilang mungkahi at binatikos niya ako kaagad. Kapag nalaman niyang iniulat ko ang mga isyu niya, magagalit ba siya, at maghihiganti? Sinabi na niyang sa tingin niya ay mapanlinlang ako—paano kung kondenahin niya ako sabihin niyang hindi ako nababagay na lider ng iglesia, at palitan ako? Hinahabol pa rin ako ng mga pulis ng CCP, kaya hindi ako makakauwi. Kung mapapalitan ako, pero hindi pa rin ako makababalik sa mga pagtitipon sa bahay, saan pa ako puwedeng pumunta?” Noong gabing iyon, talagang balisa ako. Ang dami kong iniisip, at hindi ako nakatulog magdamag. Sa huli, nagpasya akong huwag siyang isumbong. Pagkatapos, kinaumagahan, nauntog ang ulo ko sa poste ng kama nang napakalakas na nahilo at natuliro ako. Nagkaroon ako ng dalawang malaking bukol na hindi nawala ng ilang araw. Naisip ko sa sarili ko: “Dinidisiplina ba ako ng Diyos?” Pero noong oras na iyon, manhid ako, at hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Sa loob ng dalawang araw na iyon, naglibot ako na parang zombie, at pakiramdam ko ay nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu.

Laking gulat ko, pagkatapos mismo ng pagtitipon ng katrabaho, dumating ang ilang kapatid na pinadala ng mga nakatataas na lider upang siyasatin ang sitwasyon ni Wang Hua. Sinabi ko sa kanila lahat ng nalalaman ko. Matindi akong pinungusan ng mga kapatid: “Alam na alam mong may problema, kaya bakit hindi mo isinumbong ang nakita mo? Kahit na hindi mo maunawaan ang diwa ng isyu, iniulat mo man lang sana ang nakita mo, ang nalalaman mo, at ang mga partikular na detalye ng kanyang pag-uugali sa mga nakatataas na lider. Alam mo na dapat mong iulat ang mga problema niya, pero para protektahan ang sarili mo, hindi mo isinagawa ang katotohanan at hindi pinrotektahan ang gawain ng iglesia kahit katiting. Makasarili at kasuklam-suklam ka talaga!” Talagang nakaramdam ako ng pagsisisi at panghihinayang pagkatapos akong mapungusan nang ganoon. Nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos! Alam ko na hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia, pero hindi ko alam ang pinagmumulan ng problema ko. Pakiusap bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabayan Mo ako na makilala ang sarili ko. Handa akong magsisi.”

Pagkatapos noon, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa kanilang gawain, kailangang bigyang-pansin ng mga lider at manggagawa ng iglesia ang dalawang prinsipyo: Ang isa ay ang gawing ganap ang kanilang gawain ayon sa mga prinsipyong nakasaad sa mga pagsasaayos ng gawain, nang hindi kailanman nilalabag ang mga prinsipyong iyon at hindi ibinabatay ang kanilang gawain sa anumang maaari nilang mailarawan sa isip o sa alinman sa mga sarili nilang pag-iisip. Sa lahat ng ginagawa nila, dapat silang magpakita ng malasakit sa gawain ng iglesia, at laging unahin ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Isang bagay pa—at ito ang pinakamahalaga—iyon ay sa lahat ng bagay, dapat silang magtuon sa pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at gawin ang lahat nang mahigpit na sinusunod ang mga salita ng Diyos. Kung nakakaya pa rin nilang salungatin ang patnubay ng Banal na Espiritu, o kung sutil pa rin nilang sinusunod ang sarili nilang mga ideya at ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang imahinasyon, ang mga kilos nila ang bubuo sa pinakamatinding paglaban sa Diyos. Walang patutunguhan ang madalas nilang pagtalikod sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu. Kung maiwawala nila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na nila magagawang magtrabaho; at kahit pa magawa nilang makapagtrabaho kahit paano, wala silang matatapos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang hinihingi ng Diyos sa mga lider at manggagawa sa kanilang gawain ay na gumawa sila ayon mismo sa mga pagsasaayos ng gawain, at gampanan ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kung gagawin nila ang gusto nila, na nilalabag ang mga prinsipyo pati na ang patnubay ng Banal na Espiritu, at nagmamatigas na kumakapit sa kanilang sariling mga ideya sa trabaho nila, maituturing ito na matinding paglaban sa Diyos. Noon ko lang napagtanto kung bakit nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu at nalubog ako sa kadiliman. Nakita ko na hindi dumadalo sa mga pagtitipon o nagbabahagi tungkol sa gawain ng ebanghelyo si Wang Hua. Dagdag pa, alam ko na paglabag ito sa mga pagsasaayos ng gawain, at alam ko rin na malinaw na hindi gumagana ang pagsunod sa sinasabi niya. Pero dahil naniwala akong may mahusay siyang kakayahan at isang magaling na manggagawa, nakiayon ako sa kanya sa paglabag ng mga pagsasaayos ng gawain, at dahil dito, labis na naapektuhan ang gawain ng ebanghelyo. Nakita ko na ayaw pagnilayan ni Wang Hua ang kanyang sarili kahit ilang beses siyang nagkamali, binabaligtad pa nga niya ang sitwasyon at binabatikos ang iba at hindi talaga tinatanggap ang katotohanan. Pero dahil takot akong mapasama ang loob niya at mapalitan ako, hindi ko iniulat ang problema niya. Nilabag ko ang mga pagsasaayos ng gawain at ang patnubay at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at sutil kong nilabanan ang Diyos. Paanong hindi ako kasusuklaman ng Diyos? Hindi ako nagkamit ng kaliwanagan mula sa mga salita ng Diyos, wala akong masabi sa mga pagbabahagi ko, bigo akong makahanap ng landas sa aking mga tungkulin, at nalubog ako sa lubos na kadiliman. Ito ay pagtatago ng Diyos ng Kanyang mukha sa akin.

Sa pagninilay sa lahat ng ito, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang kalituhan ay kapag hindi mo makilatis ang isang usapin; hindi mo alam kung paano humusga o kumilatis nang naaayon sa mga prinsipyo o nang tumpak. Kahit na medyo nakikilatis mo ito, hindi ka sigurado kung tama ba ang iyong pananaw, hindi mo alam kung paano pangasiwaan o lutasin ang usapin, at mahirap para sa iyo na makabuo ng kongklusyon tungkol dito. Sa madaling salita, hindi ka nakakasiguro tungkol dito at hindi ka makapagdesisyon. Kung hindi mo nauunawaan kahit kaunti ang katotohanan at walang ibang makakalutas ng problema, ito ay nagiging isang problemang hindi kayang lutasin. Hindi ba’t ito ay pagharap sa isang mahirap na hamon? Kapag nahaharap sa mga gayong problema, dapat na iulat ito sa Itaas ng mga lider at manggagawa at dapat silang maghanap mula sa Itaas upang mas mabilis na malutas ang mga isyu. Madalas ba kayong maharap sa mga kalituhan? (Oo.) Problema na mismo ang regular na pagharap sa mga kalituhan. Sabihin nating nahaharap ka sa isang isyu at hindi mo alam ang tamang paraan para harapin ito. May isang tao na nagmumungkahi ng solusyon na sa tingin mo ay makatwiran, samantalang may isa pang tao na nagmumungkahi ng ibang solusyon na sa tingin mo ay makatwiran din, at kung hindi mo malinaw na makita kung alin ang mas angkop na solusyon, at iba-iba ang opinyon ng lahat at walang nakakaarok sa ugat o diwa ng problema, siguradong magkakaroon ng pagkakamali sa pagresolba ng isyu. Kaya, upang maresolba ang isang problema, napakahalaga at napakaimportante na matukoy ang ugat at diwa nito. Kung hindi mapagkilatis ang mga lider at manggagawa, kung hindi nila naaarok ang diwa ng problema, at hindi sila makabuo ng tamang kongklusyon, dapat agad nilang iulat ang isyu sa Itaas at humingi ng solusyon; ito ay kinakailangan at hindi labis na reaksyon. Ang mga hindi nalutas na problema ay maaaring magdulot ng malulubhang kahihinatnan at makaaapekto sa gawain ng iglesia—dapat na lubos itong maunawaan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kapag nagkakaproblema tayo sa mga tungkulin natin, tulad ng mga tunggalian sa pagitan ng mga katrabaho na hindi natin alam kung paano lulutasin, o kung may napansin tayong problema sa isang tao pero hindi natin lubos na matiyak ang sitwasyon at hindi natin alam kung paano ito haharapin, dapat tayong mag-ulat kaagad sa mga nakatataas na lider at maghanap ng kalutasan. Ang pag-uulat ng mga isyu ay hindi tungkol sa pagkilala ng mga kamalian sa mga tao, o pagsasabi sa mga tao, at hindi pagpapalaki ng isang maliit na bagay; ang punto ay malutas ang mga isyu na hindi kayang unawain ng mga tao nang sila lang, nang sa gayon ay maiwasan ang mga pagkaantala sa gawain at sa buhay pagpasok ng mga tao. Samantalang ako, gaano man karaming problema ang hinarap ko o gaano man kalubha ang mga ito, mas ginusto kong ipagpaliban ang gawain at sirain ang buhay pagpasok ng mga kapatid kaysa iulat ang mga ito, kung ang paggawa nito ay nagbabanta sa mga interes ko o sa aking mga inaasam sa hinaharap. Nang makita kong sumasalungat si Wang Hua sa mga pagsasaayos ng gawain at nabibigong pangasiwaan ang gawaing pang-ebanghelyo, kahit na hindi ko lubos na nauunawaan ang isyu, naramdaman kong may mali at hindi na tama ang ginagawa niya. Noon pa lang ay dapat iniulat ko na kaagad ang sitwasyon niya sa mga nakatataas na lider. Pero nag-alala ako na kung hindi ako makikiayon sa mga utos niya, ako ang mananagot, kaya sinunod ko ang sinabi niya. Nang manggulo nang wala sa katwiran si Wang Hua matapos mapungusan, hindi ako sigurado kung nasa masamang kalagayan lang siya, o kung isa siyang taong tinatanggihan at kinamumuhian ang katotohanan sa kanyang pinakadiwa. Gayunman, dapat sana ay gumawa ako ng napapanahong ulat, at hinayaan ang mga nakatataas na lider na magpadala ng isang tao para magsiyasat at kumilatis, upang maiwasang maantala ang gawain ng iglesia dahil maling tao ang ginamit. Pero nag-alala ako na kung mali ang pag-uulat ko sa kanya, iisipin ng mga nakatataas na lider na hindi ako mahusay humusga ng iba. Gayundin, natakot ako na susupilin ako ni Wang Hua pagkatapos, kaya palagi kong ipinagpapaliban ang pag-uulat sa isyu sa kanya. Kung isa akong taong responsable, isang taong pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, naarok ko man o hindi ang diwa ng isyu at naunawaan ang katotohanan, hindi sana ako napigilan ng kahit ano. Naghanap sana ako ng paraan para protektahan ang mga interes ng iglesia. Pero sa halip, upang maprotektahan ang sarili ko, pasibo akong naghintay, nagdahilan sa sarili sa pagsasabing iuulat ko siya kapag nagkaroon na ako ng tamang pagkakilala. Pero kung maghihintay ako hanggang sa magkaroon ako ng tamang pagkakilala, hindi ba’t huli na ang lahat? Hindi ba’t mas maaapektuhan ang gawaing pang-ebanghelyo kung gayon? Noon ko napagtanto kung gaano kahalaga na hanapin ang katotohanan kapag nahaharap tayo sa mga suliranin at nalilito. Ang tapat na pagprotekta sa gawain ng iglesia ay tunay na mahalaga.

Para protektahan ang sarili ko, palagi kong ipinagpapaliban ang pag-uulat ng mga isyu ni Wang Hua, at nagdulot ito ng maraming malulubhang pinsala sa gawaing pang-ebanghelyo. Lubos akong nagsisi. Kalaunan, nakita ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo: “Paano naipapamalas ang pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo? Sa anumang bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, nagsisikap silang gawin o sabihin ang anumang kailangan, at kusang-loob silang nagtitiis ng anumang pagdurusa. Pero pagdating sa may kinalaman sa gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, o pagdating sa may kinalaman sa gawain na kapaki-pakinabang sa paglago ng buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, lubos nilang binabalewala ito. Kahit kapag ang masasamang tao ay nanggagambala, nanggugulo, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, dahilan kaya lubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, nananatili silang walang ginagawa at walang pakialam, na para bang walang kinalaman ito sa kanila. At kung may nakatuklas at nag-ulat ng masasamang gawa ng isang masamang tao, sinasabi nilang wala silang nakita at nagmamaang-maangan sila(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi)). “Hindi nauunawaan ng ilang tao ang maraming katotohanan. Hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila, at kapag nakakaharap sila ng mga problema, hindi nila alam ang tamang paraan ng pag-asikaso sa mga iyon. Paano sila dapat magsagawa sa ganitong sitwasyon? Ang pinakamababang pamantayan ay ang kumilos ayon sa konsiyensiya—ito ang panimulang punto. Paano ka dapat kumilos nang ayon sa konsiyensiya? Kumilos ka nang mula sa sinseridad, at maging karapat-dapat sa kabaitan ng Diyos, sa pagbibigay sa iyo ng Diyos ng buhay na ito, at sa pagkakataong ito na ibinigay ng Diyos upang matamo ang kaligtasan. Epekto ba iyon ng iyong konsiyensiya? Sa sandaling matugunan mo na ang pinakamababa sa mga pamantayan na ito, makakamit mo na ang proteksiyon at hindi ka gagawa ng matitinding pagkakamali. Hindi ka na madaling gagawa ng mga bagay upang maghimagsik laban sa Diyos o pabayaan ang iyong mga responsabilidad, ni manganganib na kumilos nang walang-interes. Hindi ka rin masyadong magbabalak ng pakana para sa iyong sariling katayuan, katanyagan, pakinabang, at kinabukasan. Ito ang papel na ginagampanan ng konsiyensiya. Ang konsiyensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa ang pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at mababang-uri.) Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. … May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nanggagambala at nanggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga mahilig magpalugod ng iba at sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang ilaan ang kanilang panahon at pagsisikap sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na sa ating mga tungkulin, madalas tayong mahaharap sa mga isyung hindi natin lubos na mauunawaan at hindi alam kung paano lulutasin, pero ang mga may pagkatao ay pinoprotektahan ang mga interes ng iglesia nang may mabuting konsensiya. Ang mga walang konsensiya at katwiran ay isinasaalang-alang lamang ang kanilang sariling dignidad, katayuan at pansariling interes. Hindi sila nag-uulat ng mga problemang napapansin nila, at sila ay napakamakasarili at kasuklam-suklam. Ganyang-ganyan ako noon. Para sa aking reputasyon, katayuan, mga inaasahan sa hinaharap, at destinasyon, ipinagpaliban ko ang pag-uulat sa panggagambala ni Wang Hua sa gawain ng iglesia. Namumuhay ako sa mga satanikong lason gaya ng “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali” at “Kapag alam mong may mali, mas mabuti pang tumahimik na lang.” Natakot ako na kung iuulat ko ang mga isyu ni Wang Hua, susupilin at papalitan ako, kaya nakaisip ako ng mga palusot gaya ng, “Lahat naman ay tiwali,” “Marahil ay nasa masamang kalagayan lang siya,” at “Iuulat ko ang problema kapag naunawaan ko na ito nang mabuti.” Maaaring tamang pakinggan ang mga dahilang ito, pero ang totoo, sinusubukan ko lang protektahan ang sarili ko at iwasan ang responsabilidad. Inalala ko lang ang aking reputasyon, katayuan, mga inaasahan sa hinaharap, at hantungan—hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia, ni hindi ko pinrotektahan ang mga interes nito. Naging makasarili ako, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Wala talaga akong utang na loob!

Kalaunan, pinagnilayan ko kung bakit palagi kong ipinagpapaliban ang pag-uulat sa mga problema ni Wang Hua at napagtanto kong isa sa mga dahilan ay wala akong pagkakilala sa kanya. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng pagkakilala at pagkaunawa sa ugali ni Wang Hua. Sabi ng Diyos: “Ang kaparaanan nila ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nila ay upang ipangalandakan ang sarili nila at maliitin ang iba. Nagbabalatkayo at nagpapanggap din sila, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba’t isa itong paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili? Ang pagtataas at pagpapatotoo ba sa sarili ay isang bagay na ginagawa ng isang taong may konsensiya at katwiran? Hindi. Kaya kapag ginagawa ito ng mga tao, anong disposisyon ang karaniwang nabubunyag? Kayabangan. Ito ang isa sa mga pangunahing disposisyon na nabubunyag, na sinusundan ng panlilinlang, na kinasasangkutan ng paggawa ng lahat ng maaari upang gawing mataas ang pagpapahalaga sa kanila ng ibang mga tao. Hindi mabubutasan ang kanilang mga salita at malinaw na naglalaman ng mga motibasyon at pakana, nagpapakitang-gilas sila, gayumpaman ay nais nilang itago ang katunayang ito. Ang kalalabasan ng kung ano ang sinasabi nila ay na pinararamdam sa mga tao na mas mahusay sila kaysa sa iba, na wala silang sinumang kapantay, na ang lahat ng iba ay nakabababa sa kanila. At ang kalalabasang ito ay hindi ba natatamo sa pamamagitan ng mga pakubling paraan? Anong disposisyon ang nasa likod ng gayong mga paraan? At mayroon bang anumang mga sangkap ng kabuktutan? (Mayroon.) Isa itong uri ng buktot na disposisyon. Makikita na ang mga kaparaanang ginagamit nila ay udyok ng isang mapanlinlang na disposisyon—kaya bakit Ko sinasabi na buktot ito? Ano ang koneksyon nito sa kabuktutan? Ano sa palagay ninyo: Kaya ba nilang maging bukas tungkol sa kanilang mga layon na itaas at patotohanan ang kanilang sarili? Hindi nila kaya. Ngunit laging may hangarin sa kaibuturan ng kanilang puso, at ang sinasabi at ginagawa nila ay para makatulong sa hangaring iyon, at ang mga layon at motibo ng sinasabi at ginagawa nila ay lubos nilang inililihim. Halimbawa, gagamit sila ng panlilihis o ilang patagong kahina-hinalang taktika para makamtan ang mga layon na ito. Hindi ba’t likas na tuso ang gayong paglilihim? At hindi ba’t matatawag na buktot ang gayong pagkatuso? (Oo.) Maaari nga itong tawaging buktot, at mas malalim iyon kaysa panlilinlang. Gumagamit sila ng partikular na pamamaraan para makamit ang kanilang mga mithiin. Ang disposisyong ito ay panlilinlang. Gayunman, ang ambisyon at pagnanais sa kaibuturan ng kanilang puso na palaging gustong pasunurin, patingalain, at pasambahin ang mga tao sa kanila ang kadalasang nagtutulak sa kanila para itaas at patotohanan ang kanilang sarili, at ginagawa nila ang mga bagay na ito nang walang prinsipyo at walang kahihiyan. Ano ang disposisyong ito? Umaangat ito sa antas ng kabuktutan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos nakita ko kung paanong ang mga anticristo ay may mapagmataas at masamang disposisyon. Upang maisakatuparan ang kanilang layon na mabitag at makontrol ang mga tao, gumagamit sila ng lahat ng uri ng mga pamamaraan para dakilain at patotohanan ang kanilang sarili, hinihikayat ang mga tao na hangaan at sambahin sila nang hindi sinasadya at maramdaman ng mga ito na walang sinumang makakapantay sa kanila. Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay-daan sa akin na magkamit ng kaunting pagkakilala sa mga pamamaraan at layunin ni Wang Hua. Kung iisipin ang mga pakikipag-ugnayan ko sa kanya, madalas niyang ipinagmamalaki kung paano niya pinangangasiwaan ang trabaho at ang papuri na natatanggap niya mula sa mga nakatataas na lider. Nagsisilbi ang lahat ng ito na iparamdam sa iba na binibigyan niya ng malaking importansya ang buhay pagpasok at na isa siyang taong hinahanap ang katotohanan. Nagpapakitang-gilas din siya ng kanyang mga kaloob at talento, sinasabing sumusulat siya ng mga liham sa elegante at mahusay na paraan na bihirang nangangailangan ng pag-edit. Ipinaramdam nito sa iba na mas mababa sila kaysa sa kanya sa lahat ng aspeto, na hindi sila kasinggaling niya. Gumamit si Wang Hua ng lahat ng uri ng pamamaraan para magpakitang-gilas at ipagmalaki ang kanyang sarili, pero hindi kailanman inilantad ang kanyang sariling katiwalian. Iginigiit pa nga niya ang paniniwala niya sa isipan ng iba at pinagtatakpan ang sarili, ipinepresentang mabuti ang sarili, para walang makakita sa kanyang mga kahinaan, mga kakulangan o mga tusong layunin niya. Sa katunayan, maraming beses na siyang inilantad at pinungusan ng mga nakatataas na lider dahil sa hindi pagpili o paggamit ng mga tao ayon sa prinsipyo, at pagkilos nang walang ingat sa kanyang tungkulin, pero hindi niya kailanman binanggit iyon. Sinasabi lang niya kung paanong pinupuri siya ng mga nakatataas na lider at tinitingala siya, at ipinapakita lang sa mga tao ang pinakamagagandang aspekto ng kanyang sarili. Madalas siyang nasa bahay lang sa halip na gumawa ng totoong gawain. Sinasabi niyang ito ay para sangkapan ang kanyang sarili ng katotohanan, para mas mahusay na maibahagi ang mga salita ng Diyos at malutas ang mga problema ng mga tao. Pero ang totoo, malinaw na nagpapakasasa lang siya sa mga benepisyo ng kanyang katayuan. Hindi siya lumutas ng anumang aktuwal na mga paghihirap na umiiral sa gawain ng ebanghelyo—sa halip, ikinalat niya ang maling akala na sa pamamagitan ng paglutas ng mga isyu sa gawaing pang-ebanghelyo sa mga pagtitipon, binibigyang-halaga lamang ng mga tao ang gawain at hindi ang buhay pagpasok. Lagi rin niyang binabatikos at minamaliit ang iba, inilalarawan ang totoong gawain ng ibang tao bilang larong pambata. Naghasik siya ng hidwaan, palihim na siniraan ang iba, at winasak ang mga ugnayan sa pagitan ng mga kapatid, gayunman, sinasabi niyang siya ay prangka, nagsasalita nang tuwiran at makatotohanan. Lahat ng salita at kilos ni Wang Hua ay lubos na masama at tuso. Kung hindi dahil sa paglalantad ng Diyos, madaling malihis na hangaan at sambahin siya. Nang matanto ko ang lahat ng ito, sa wakas ay natauhan ako, at nagkamit ng kaunting pagkakilala sa anticristong diwa ni Wang Hua.

Habang nagninilay-nilay ako, napagtanto ko na isa sa mga dahilan kung bakit wala akong pagkakilala sa kanya ay dahil hindi ko matukoy ang pagkakaiba ng isang pansamantalang katiwalian at isang tiwaling kalikasang diwa. Kalaunan, nakakita ako ng ilan sa mga salita ng Diyos: “Lahat ng nagawang tiwali ni Satanas ay may mga tiwaling disposisyon. May ilang tao na nagtataglay ng tiwaling disposisyon lamang, samantalang ang iba ay hindi ganito: Hindi lamang sila mayroong mga tiwali at satanikong disposisyon, kundi napakamalisyoso rin ng kanilang likas na pagkatao. Hindi lamang inihahayag ng kanilang mga salita at kilos ang kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon; ang mga taong ito, bukod dito, ang totoong mga diyablo at si Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). “Paano inilalarawan ng Diyos ang mga anticristo? Bilang iyong mga namumuhi sa katotohanan at sumasalungat sa Diyos—mga kaaway sila ng Diyos! Ang pagsalungat sa katotohanan, pagkamuhi sa Diyos, at pagkamuhi sa lahat ng positibong bagay—hindi ito ang panandaliang kahinaan o kahangalan na makikita sa mga ordinaryong tao, ni ang pagpapakita ng mga maling kaisipan at pananaw na lumilitaw sa isang sandali ng baluktot na pagkaarok; hindi ito ang problema. Ang problema ay na sila ay mga anticristo, ang mga kaaway ng Diyos, na namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa buong katotohanan; sila ay mga karakter na namumuhi at sumasalungat sa Diyos. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga karakter? Hindi sila inililigtas ng Diyos! Kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga taong ito ang katotohanan, may kalikasang diwa sila ng mga anticristo. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang inilalantad dito ay kabuktutan, pagiging marahas, at pagkamuhi sa katotohanan. Ito ang pinakamalala sa mga satanikong disposisyon sa mga tiwaling disposisyon, na kumakatawan sa mga pinakakaraniwan at pinakamalaking katangian ni Satanas, hindi ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Ang mga anticristo ay isang puwersang laban sa Diyos. Maaari nilang guluhin at kontrolin ang iglesia, at mayroon silang kapasidad na lansagin at gambalain ang gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang gawin ng mga ordinaryong tao na may tiwaling disposisyon; ang mga anticristo lang ang may kakayahang gumawa ng gayong mga kilos. Huwag ninyong maliitin ang bagay na ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na bagama’t ang lahat ng ginawang tiwali ni Satanas ay may tiwaling disposisyon, may ilang taong may pagkatao, konsensiya at katwiran, at kayang tumanggap ng katotohanan. Kapag may mga pagkukulang o paglihis sa kanilang tungkulin, at sila ay naabisuhan sa mga ito, nailantad, at napungusan, maaaring sa simula ay mapahiya sila at lumaban, at ipagtanggol ang kanilang sarili. Ngunit pagkatapos, nagagawa nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at kinasusuklaman nila ang kanilang tiwaling kalikasan at maling pamamaraan. Kapag napagtatanto nila kung paano nila naantala at nahadlangan ang gawain ng iglesia, nakadarama sila ng panghihinayang, kinamumuhian nila ang kanilang sarili, nagsisisi at nagbabago. Gayunpaman, may ilan na hindi lamang may tiwaling disposisyon ni Satanas, kundi mayroon ding mapaminsalang kalikasan, hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti, at kinamumuhian pa nga ito. Gaano man kalaki ang kanilang ginagawang kasamaan, o gaano man kalaki ang pinsalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, hindi sila naghihirap kahit kaunti at hindi man lang nagninilay sa kanilang sarili. Wala sila ni katiting na pagkakonsensiya. Gaano man sila pinupungusan o inilalantad o hinihimay, hinding-hindi nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali, at hindi nila kailanman tinatanggap ang mga malinaw na katunayan habang sila ay ibinubunyag. Kinamumuhian nila ang mapungusan, mahatulan at makastigo. Batay sa kanilang mga saloobin sa katotohanan at sa mga positibong bagay, malinaw na kontra sila sa Diyos—sila ang Kanyang mga mortal na kaaway. Ganito mismo ang naging pag-uugali ni Wang Hua. Hindi siya gumawa ng totoong gawain, mapagmataas siya, at itinaguyod niya ang kanyang sariling mga paniniwala kaya nahadlangan ang gawain ng ebanghelyo. Nang ilantad at pungusan siya ng ibang mga lider, bukod sa hindi niya tinanggap ang sinabi nila, nagreklamo pa siya at sinubukang ipasa ang sisi, na nakagambala sa buong pagtitipon. Nang pinaalalahanan ko siya na nanghuhusga siya sa iba at naghahasik ng hidwaan sa dalawang kapatid, hindi lang niya ito hindi tinanggap, binaliktad niya ang sitwasyon, binabatikos at kinokondena ako. Palagi niyang tinatalakay ang tungkol sa pagtuon sa buhay pagpasok, para isipin ng mga tao na talagang hinahanap niya ang katotohanan. Pero ang totoo, partikular siyang nasusuklam at tumututol sa mga hinihingi ng Diyos, pati na rin sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi talaga siya nagpasakop nang siya ay inilantad at pinungusan—sumama pa nga ang loob niya at nasuklam. Gaano man karaming pagkakamali ang nagawa niya, o gaano man niya napinsala ang gawain ng iglesia, hindi niya kailanman inamin ito, hindi siya nakaramdam ng pagsisisi o pagkakautang at wala talaga siyang konsensiya. Sariling mga interes lang niya ang kanyang inaalala—kapag may sinabi kang anuman na nagbabanta sa katayuan niya, nagagalit siya at gumagawa ng mga akusasyong walang batayan. Hindi niya talaga tinatanggap ang katotohanan o mga positibong bagay, at itinuturing niyang kaaway ang sinumang nagtatangkang makipagbahaginan o itama siya. Binabatikos niya ang sinumang nagtatangkang maglantad sa kanya. Dahil talagang napopoot siya sa katotohanan, kinamumuhian ang mga nagsasagawa ng katotohanan, at napopoot sa mga naglalantad sa kanya dahil sa pagkaunawa nila sa katarungan, hindi ba’t itinuturing niyang kaaway ang Diyos? Kagaya ito ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Hindi ito ang panandaliang kahinaan o kahangalan na makikita sa mga ordinaryong tao, ni ang pagpapakita ng mga maling kaisipan at pananaw na lumilitaw sa isang sandali ng baluktot na pagkaarok; hindi ito ang problema. Ang problema ay na sila ay mga anticristo, ang mga kaaway ng Diyos, na namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa buong katotohanan; sila ay mga karakter na namumuhi at sumasalungat sa Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Matapos mapalitan si Wang Hua, hindi niya ito matanggap, at hindi niya inamin ang masasamang gawain niya ni paano man. Sinabi pa niyang, “Ginagawa ko ang mga bagay sa harap ng Diyos at wala akong pakialam kung ano ang iniisip ng iba.” Mukhang hindi talaga siya nagsisi o nagnilay man lang sa sarili niya. Ang kalikasan niya ay mapaminsala at namumuhi sa katotohanan—hindi ba’t siya ay isang klasikong anticristo? Ang mga taong gaya nito ay sisirain at guguluhin lang ang gawain ng iglesia.

Kalaunan, karamihan sa mga kapatid ay bumotong itiwalag si Wang Hua mula sa iglesia. Matapos siyang palitan, nagbahaginan kami para lutasin ang aktuwal na mga problema sa gawain ng ebanghelyo, at kapansin-pansin ang naging pagbuti ng mga resulta ng gawain. Noong panahong iyon, mas lalo akong nakaramdam ng utang na loob, at kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging makasarili at kasuklam-suklam, na iniingatan lamang ang sarili, hindi pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, at kinukunsinti ang masasamang gawa ng isang anticristo na nanggambala at nanggulo sa gawain ng ebanghelyo ng iglesia. Sumumpa ako sa sarili ko na, sa hinaharap, sa tuwing may nakikita akong gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia, isasagawa ko ang katotohanan at poprotektahan ang gawain ng iglesia. Gaano man kataas ang kanilang katayuan, gaano man karami ang kanilang nagawa, o gaano man nakakakumbinsi ang kanilang pagsasalita ng doktrina, hangga’t ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, maninindigan ako sa mga katotohanang prinsipyo. Kahit na tawagin ako ng iba na mapagmataas o kondenahin ako bilang isang masamang tao o anticristo, poprotektahan ko ang gawain ng iglesia. Kahit na hindi ko lubos na maunawaan ang sitwasyon, matapat kong iuulat ang nakita ko sa mga nakatataas na lider. Nanalangin ako sa Diyos, at sinabi na kung hindi ko poprotektahan ang gawain ng iglesia kapag natuklasan ko ang isang problema, handa akong maparusahan at madisiplina ng Diyos.

Makalipas ang ilang buwan, ilang tao ang nag-ulat na ang isang lider na nagngangalang Li Na mula sa ibang iglesia ay hindi gumagawa ng totoong gawain, nabigong palitan ang mga huwad na lider at manggagawa, at itinalaga pa nga ang masasamang tao sa mas mataas na ranggo. Ang mga taong ito ay hindi gumagawa ayon sa prinsipyo, at napinsala ang pananalapi ng iglesia bilang resulta. Talagang mahilig si Li Na na magpakitang-gilas at hamakin ang iba at lahat ng kapatid ay humahanga at sumasamba sa kanya. Maraming beses nang nagbahagi sa kanya ang mga katrabaho niya at tinukoy ang problemang ito, pero ayaw niyang tanggapin ang sinasabi nila. Bukod pa roon, hinusgahan din niya ang mga nakatataas na lider, kaya nagkaroon ng pagkiling laban sa kanila ang kanyang mga katrabaho. Nang magpadala ang mga nakatataas na lider ng isang taong tutulong sa pagsasagawa ng gawain, itinakwil niya ito. Hindi na nga siya nakipagtulungan, nanghusga and minaliit niya pa sila—sinabi niyang hindi kayang lutasin ng taong ipinadala ng mga lider ang mga problema, kaya naman hindi natapos ang gawain. Matapos marinig ang lahat ng ito, napagtanto ko na ang taong ito ay tiyak na isang anticristo, kaya nakipag-usap ako sa mga katrabaho ko tungkol sa pagpapalit sa kanya kaagad. Pero nang malaman ko na si Li Na ay nakababatang kapatid ng kapareha ko, nag-alinlangan ako. Kung papalitan ko si Li Na, ano kaya ang iisipin sa akin ng kapareha ko? Sasabihin ba niyang gusto kong hamakin si Li Na? Paulit-ulit ko itong pinag-isipan; lalong nagtatalo ang kalooban ko at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Noon ko napagtanto na mali ang kalagayan at mga layunin ko—sinusubukan ko na namang protektahan ang sarili kong mga interes. Naalala ko na dati, dahil masyado kong inalala ang pagprotekta sa aking sarili, hindi ko nailantad sa oras ang anticristo, at lubha kong napinsala ang gawain ng iglesia—isang paglabag na hindi ko kailanman maitutuwid. Hindi ko na puwedeng protektahang muli ang sarili kong mga interes. Kailangan kong isagawa ang katotohanan at protektahan ang gawain ng iglesia. Anuman ang iisipin ng iba sa akin, ang pagsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos ang pinakamahalaga. Kaya tinanggal namin ng mga katrabaho ko si Li Na ayon sa prinsipyo. Kalaunan, inihayag ng mga pagsisiyasat na patuloy na dinadakila ni Li Na ang kanyang sarili at nagpapakitang-gilas para ilihis at siluin ang iba, para kontrolin ang iglesia, at para magtatag ng isang nagsasariling kaharian. Siya ay isang anticristo. Karamihan sa mga tao sa iglesia ay bumoto para maitiwalag siya. Naranasan ko kung paanong ang paghihimagsik laban sa aking laman, pagsagawa ng katotohanan at pagkilos ayon sa prinsipyo ay nagdulot sa akin ng kapayapaan, kasiyahan, at kagalakan. Napagtanto ko rin na sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan makapagpapatotoo ang isang tao at maipapahiya si Satanas. Salamat sa Diyos sa Kanyang patnubay!

Sinundan: 82. Ang Tamang Desisyon

Sumunod: 84. Ang Paghahanap sa Iyong Lugar ang Susi

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito