74. Ang mga Kinahihinatnan ng Bulag na Pagsamba sa Isang Tao

Ni Wang Yin, Tsina

Nung Agosto 2015, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Nung panahong iyon, ang iglesia ay may ilang liham-ulat na kailangang asikasuhin, pero kasisimula ko pa lang gumawa sa iglesia at hindi pa ako nakapag-asikaso ng mga liham-ulat dati. Hindi ako pamilyar sa mga prinsipyo sa pagharap sa mga liham-ulat at hindi ko alam kung paano asikasuhin ang mga ito, kaya talagang nabalisa ako. Pagkatapos nun, itinalaga ng nakatataas na pamunuan si Wang Jing sa gawain ng mga liham-ulat. Nabalitaan kong nasa pananampalataya na siya nang halos dalawampung taon at nagsilbi na bilang lider at ngayon ay itinalaga siya para mangasiwa sa gawain ng liham-ulat. Naisip ko: “Tiyak na nauunawaan niya ang karamihan sa katotohanan at mayroon nang katotohanang realidad. Magiging malaking tulong siya sa amin.” Pagkatapos niyon, natuklasan kong nagbigay si Wang Jing ng napakalinaw at napakamakatwirang pagsusuri sa mga liham-ulat. Hindi lang niya nagawang lutasin ang mga problemang binanggit sa mga liham-ulat, nagbigay rin siya ng malalim na pagbabahagi sa katotohanan ng pagkakilala gamit ang mga halimbawa sa tunay na buhay at nakahanap ng naaangkop na sipi ng mga salita ng Diyos para tugunan ang mga isyu ng bawat isa sa kanilang mga tungkulin. Ito ay nagbigay sa akin ng napakabuting impresyon kay Wang Jing at sa wari ko ay mayroon siyang katotohanang realidad at dapat akong matuto sa kanya sa abot ng aking makakaya. Pagkatapos nun, sa mga pagtitipon, tinatalakay ni Wang Jing ang ilang mahihirap na liham-ulat, kung paano iyon maling inasikaso ng iba at kung paano niya inayos ang mga isyu gamit ang mga prinsipyo at sa huli ay nilutas ang mga ito. Paglipas ng ilang panahon, sa wari ko ay walang problemang hindi niya kayang lutasin at hindi sinasadyang nagkaroon ako ng bahagyang paghanga sa kanya. Isang beses pa, nakatanggap kami ng isang liham-ulat na naglalaman ng napakakomplikadong isyu, pero natukoy ni Wang Jing ang pinakaugat ng isyu sa kakaunting salita lang at mabilis na nalutas ang problema. Isang kapatid ang humahangang nagsabi sa kanya: “Walang nakaunawa sa amin sa isyu na nasa liham na ito, at kahit na ang superbisor ay hindi ito malutas, pero isang pagbabahagi lang mula sa iyo at wala nang problema. Iba ka talaga.” Natutuwang tumango si Wang Jing, waring nalulugod sa papuri, at nagkomento pa nga sa amin ng ilang puna sa superbisor. Medyo napansin kong parang iniaangat niya ang kanyang sarili at ibinababa naman ang superbisor, pero pinangatwiranan ko na lahat naman ng sinabi niya ay totoo, kaya hindi ko na masyadong inisip pa. Sa halip, naisip ko na kung sa hinaharap ay magagawa kong lumutas ng mga problema ng mga tao tulad ni Wang Jing, siguradong magagawa ko nang maayos ang tungkulin ko. Hindi kailanman tinalakay ni Wang Jing ang mga naging problema o kabiguan niya sa kanyang tungkulin, o kung anong katiwalian o kahinaan ang ipinakita niya at kung paano niya hinanap ang katotohanan para malutas ang mga isyung iyon, kaya, kalaunan, hinangaan siya ng lahat. Nadama ko ring sa pakikipagtipon kasama si Wang Jing, nagawa kong maunawaan pang lalo ang katotohanan. Dahil gusto kong makalutas ng mga isyu gaya ni Wang Jing, nagpunta ako sa lahat ng pagtitipon na dinaluhan niya para masaksihan kung paano niyang sinusuri ang mga liham-ulat, anong mga salita ng Diyos ang iniuugnay niya sa mga kapatid tungkol sa kanilang kalagayan, at kung paano siya nagbabahagi. Isinulat ko ang lahat ng iyon gamit ang bolpen at papel. Pagkatapos niyon, kapag nagdadaos ako ng mga pagtitipon kasama ang mga katrabaho ko, karamihan sa mga ibinabahagi ko ay mga bagay-bagay na natutunan ko kay Wang Jing. Nang makita ko kung paanong matamang nakikinig ang mga katrabaho ko sa pagbabahagi ko at nagsusulat pa nga, pakiramdam ko ay may talento rin akong manggagawa tulad ni Wang Jing, at na tiyak na nalulugod ang iba sa gawain ko at na pupurihin ako ng Diyos.

Pagkatapos niyon, lalo akong umasa nang umasa kay Wang Jing. Kapag nahaharap sa mabibigat na liham-ulat o mga problema sa mga manggagawa ng liham-ulat, hindi na ako tahimik na dumudulog sa Diyos para manalangin sa Kanya at maghanap ng katotohanan. Naisip kong sa sandaling dumating si Wang Jing para magbahagi, lahat ng problema ko ay malulutas. Unti-unti, nawala ang katayuan ng Diyos sa puso ko at lalo namang tumaas ang katayuan ni Wang Jing. Mas umasa ako sa isang tao kaysa sa pag-asa ko sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, nagsimula akong mahirapang unawain kahit ang pinakasimpleng mga problema sa gawain ng iglesia. Sa pagtitipon, hindi ko magawang ibahagi ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Sinasabi ko lang ang mga salita at doktrina at hindi malutas ang problema ng mga tao sa pagpasok sa buhay. Pakiramdam ko ay parang tinalikuran ako ng Diyos, at nagdusa ako nang husto. Pero nung panahong iyon, hindi ako nagnilay sa aking sarili.

Bago ang isang pagtitipon, naharangan ang mga kalsada dahil sa niyebe at walang sasakyang makadaan. Nagsabi si Wang Jing na hindi siya makararating at nagbilin sa akin at sa katuwang kong kapatid na idaos namin ang pagtitipon. Nang marinig ko iyon, pakiramdam ko ay gumuho ang lupa sa ilalim ng mga paa ko. Habang nasa pagtitipon, hindi ko matukoy ang pinagmumulan ng kaguluhan sa iglesia na inilalarawan sa liham-ulat at lubos akong nataranta. Pero hindi ko ginabayan ang iba na manalangin at umasa sa Diyos, na maghanap ng mga katotohanang prinsipyo sa loob ng mga salita ng Diyos; sa halip, ang nais ko lang ay dumating si Wang Jing at lutasin ang importanteng usapin. Nang matapos ang pagtitipon, nakonsensiya ako dahil hindi ito naging produktibo at hindi ko nagampanan ang aking tungkulin. Gayunman, hindi ko pa rin hinanap ang layunin ng Diyos at inasam lang na dumating si Wang Jing at lutasin ang isyu. Isa pang beses, nagsabi si Wang Jing na magdadaos siya ng pagtitipon para sa amin, pero wala siya nang buong umaga at nagsimula akong mataranta, natatakot na hindi na naman siya makararating gaya noong huli. Nag-alala ako na hindi ko magagawang lutasin ang mga isyu ng bawat isa kung hindi siya darating. Pagkatapos ng tanghalian, bigla kong narinig ang pagbukas ng pinto at alam kong dumating na si Wang Jing. Puno ng tuwa dahil dumating na ang tagapagligtas ko, nagmadali akong lumabas para batiin siya, pero habang naglalakad sa patyo, nawalan ako ng balanse at natapilok ako. Namaga ang bukong-bukong ko at sa sobrang sakit ay hindi ako makalakad. Pero naisip ko na dahil dumating na si Wang Jing, kailangan kong sabihan ang lahat na magmadaling pumunta sa pagtitipon para walang sinuman ang mapalampas ang tsansang malutas niya ang kanilang mga isyu. Pagkatapos ay nakarating ako sa bahay ng isang kapatid, tinitiis ang sakit, pero nang kakatok na sana ako sa pinto, nawalan ako ng balanse at bumagsak sa sahig. Pagkatapos hirap na tumayo, nakita kong nababalot ng dugo at baga ng uling ang kanang palad ko. Natakot ako sa sunod-sunod na insidenteng ito at medyo napagtanto ko na hindi normal ang pananabik na naramdaman ko habang naghihintay kay Wang Jing. Dinidisiplina ba ako ng Diyos? Kaya nanalangin ako sa Diyos, naghahanap ng sagot. Pagkatapos niyon, nakita ko ang sumusunod na sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong dakilain o tingalain ang sinumang tao; huwag ilagay sa una ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang iyong mga iginagalang—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito katanggap-tanggap para sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Pinagnilayan ko ang mga salita ng Diyos at naglaro sa isipan ko ang napakaraming eksena ng pakikipag-ugnayan ko kay Wang Jing. Mula nang makilala ko si Wang Jing, nakita kong may talento siya, matatas magsalita, magaling sa pangangaral, at katangi-tangi sa paglutas ng mga isyu. Ang sunod-sunod na liham na hindi ko malaman ang gagawin ay madaling nalutas sa pamamagitan ng pagsusuri at pagbabahagi niya. Hindi ko namamalayang nagsimula na akong sumamba sa kanya, iniisip na sa pakikipagtipon kasama siya at pakikinig sa pagbabahagi niya, mauunawaan ko ang katotohanan at magkakaroon ako ng kabatiran. Kapag hindi ako nakapagtitipon kasama siya, para bang nawawalan ako ng pagkakataon na makamit ang katotohanan. Nagsimula kong paboran ang pagtitipon at pagbabahaginan kasama si Wang Jing kaysa sa pananalangin sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Lubos akong umasa kay Wang Jing at kapag may mga isyung lumilitaw, hindi ako nagdadasal sa Diyos at naghahanap ng katotohanan, bagkus ay naghihintay na lamang na dumating siya para magbahagi at lumutas ng mga iyon. Noong naharangan ang mga kalsada at hindi siya nakarating, pakiramdam ko ay hindi namin magagawa ang gawain nang wala siya. Habang lalo akong nagninilay, lalo akong natatakot. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat Siyang dakilain. Dapat tayong sumamba at tumingala sa Kanya. Walang sinumang tao ang dapat na may puwang sa ating puso, ngunit walang akong puwang sa puso ko para sa Diyos. Sa halip, dinakila ko ang taong sinasamba ko at ginawa ko siyang idolo. Kahit na nananalig ako sa Diyos, sumasamba ako sa isang tao at hindi nalalamang nilabag ko ang disposisyon ng Diyos. Ang sitwasyong ito ay paalaala at proteksiyon ng Diyos sa akin. Nagmamadali akong nanalangin sa Diyos at handa nang magsisi.

Pagkatapos niyon, natagpuan ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Anuman ang antas ng isang lider o manggagawa, kung sinasamba ninyo siya dahil sa pagkaunawa sa katiting na katotohanan at sa pagkakaroon ng kaunting kaloob, at naniniwala kang taglay niya ang katotohanang realidad at matutulungan ka niya, at kung titingalain mo siya at umaasa sa kanya sa lahat ng bagay, at sa pamamagitan nito, sinusubukan mong matamo ang kaligtasan, kahangalan at kamangmangan ito. Sa huli, ang lahat ng ito ay mauuwi lang sa wala, dahil ang pinagsimulan mo ay likas na mali. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, hindi sila makahahalili kay Cristo, at kahit gaano pa kahusay ang isang tao, hindi ibig sabihin nito na taglay niya ang katotohanan—kaya ang sinumang sumasamba, tumitingala, at sumusunod sa ibang tao ay ititiwalag at kokondenahin lahat sa huli. Ang mga nananalig sa Diyos ay maaari lamang tingalain at sundan ang Diyos. Ang mga lider at manggagawa, anuman ang kanilang ranggo, ay mga karaniwang tao pa rin. Kung itinuturing mo sila bilang mga direktang nakatataas sa iyo, kung sa pakiramdam mo ay nakalalamang sila kaysa sa iyo, na mas magaling sila kaysa sa iyo, at na dapat ka nilang pamunuan, na lagi silang nakatataas sa lahat ng iba pa, mali ka—isa iyong kahibangan. At anong mga kahihinatnan ang idudulot sa iyo ng kahibangang ito? Magiging dahilan ito para sukatin mo ang iyong mga lider laban sa mga hinihingi na hindi naaayon sa realidad, at hindi mo magagawang tratuhin nang tama ang mga problema at pagkukulang na mayroon sila; kasabay nito, nang hindi mo namamalayan, maaakit ka rin nang lubusan sa kanilang pambihirang katangian, mga kaloob, at mga talento, kaya bago mo pa malaman, sinasamba mo na sila, at sila na ang iyong diyos. Ang landas na iyon, mula pa nang nagsisimula na silang maging huwaran mo, pakay ng pagsamba mo, hanggang sa maging isa ka sa kanilang mga tagasunod, ang aakay sa iyo palayo sa Diyos nang hindi mo namamalayan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). “Hinahangaan ng ilang tao ang sinumang nakapangangaral ng malalim na sermon o isang mahusay na mananalumpati, at kinaiinggitan nila ang mga may kahanga-hangang dating kapag nagsesermon. Tama bang magkaroon ng ganitong pananaw? Tama bang hangarin ang gayong layon? (Hindi.) Kung gayon, ano ang tama? Anong uri ng tao ang dapat ninyong hangarin na maging? (Isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin nang umiiwas sa atensyon at mapagkumbaba, na umaasal at kumikilos sa praktikal na paraan.) Tama iyan. Dapat kayong umasal at kumilos sa praktikal na paraan, na hindi nalilimutang manalangin sa anumang bagay at hindi nalilimutan ang mga salita ng Diyos sa anumang bagay. Madalas na lumapit sa harap ng Diyos at magkaroon ng tunay na pakikipagbahaginan sa Kanya. Ito ang mga pundasyon ng pananalig sa Diyos!(Pagbabahagi ng Diyos). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na bilang mananampalataya sa Diyos, dapat palagi tayong lumapit sa Kanya. Sa lahat ng bagay, dapat tayong manalangin sa Diyos, hanapin ang katotohanan, tuparin ang mga tungkulin ayon sa Kanyang mga hinihingi, dakilain Siya at hindi dapat sumamba kailanman sa sinumang tao. Anuman ang kanilang mga talento, galing sa gawain, o abilidad sa paglutas ng mga problema, ang lahat ng ito ay ipinagkaloob ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Diyos kaya nakapagbibigay ng malalim na pagbabahagi ang mga tao at kung ang kanilang pagbabahagi ay nagbibigay ng isang landas, ito ay dahil umaayon ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Maaari akong maghanap kasama sila sa mga bagay na hindi ko nauunawaan at matuto mula sa kanilang mga kalakasan, pero gaano man sila kagaling sa pagbabahagi, sa huli ay dapat kong tanggapin ang mga ito na galing sa Diyos at huwag sumamba sa mga tao. Pagkatapos niyon, nagsagawa ako ayon sa mga salita ng Diyos at tumigil na sa pagsandig nang lubos kay Wang Jing. Kapag nagkakaproblema ako, nagdarasal ako sa Diyos at naghahanap ng mga nauugnay na katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos. Minsan kapag hindi ko maunawaan ang isang bagay, tinatanong ko si Wang Jing, pero sadya kong pinatatahimik ang sarili ko sa harap ng Diyos at tumutuon sa mga aspekto ng katotohanang prinsipyo na ibinabahagi niya sa halip na tahasan lang siyang hangaan. Unti-unti, nagkaroon ako ng mas normal na pagtingin kay Wang Jing at nagawa ko nang lumutas ng ilang isyu sa mga liham-ukat. Kalaunan, nahalal si Wang Jing bilang lider ng isa pang iglesia at hindi na ako natataranta kapag wala siya sa paligid. Sa mga pagtitipon, kapag may lumilitaw na mga isyung mahirap makontrol, nananalangin ako at bumabaling sa Diyos kasama ang iba at naghahanap ng landas ng pagsasagawa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kapag hindi ko malutas ang isyu, saka lang ako nagtatanong sa lider o sa sinumang nakauunawa sa katotohanan. Unti-unting nalutas ang mga problema namin at nakaranas ako ng paglago.

Hindi nagtagal, sumulat ang isang nakatataas na lider para sabihin sa akin na umaasa si Wang Jing sa kanyang mga talento sa gawain at hindi hinahangad ang katotohanan. Madalas siyang nagpapakitang-gilas at dinadakila ang sarili para hangaan at sambahin siya ng iba. Hindi niya tinatanggap ang pagpupungos sa kanya at hindi pinagninilayan ang kanyang sarili. Nalantad siya na tumatahak sa landas ng isang anticristo at natanggal dahil sa pagiging isang huwad na lider. Lubos itong nakaapekto sa akin. Noong kasama ko si Wang Jing, ipinakita na niya ang mga pag-uugaling ito: Hindi niya kailanman tinalakay kung anong katiwalian ang inilantad niya sa kanyang tungkulin o kung ano-anong kabiguan ang naranasan niya. Ang tanging bukambibig niya ay ang kanyang mga tagumpay, na para bang wala siyang problemang hindi kayang lutasin. Bilang resulta, tiningala at sinamba siya ng lahat. Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang ilang tao ay ginagamit ang kanilang mga katungkulan upang paulit-ulit na magpatotoo tungkol sa kanilang mga sarili, labis na itaas ang kanilang mga sarili, at makipag-agawan sa Diyos para sa mga tao at katungkulan. Gumagamit sila ng sari-saring paraan at hakbang para sambahin sila ng mga tao, palaging sinusubukang makuha ang mga tao at kontrolin sila. Ang mga iba nga ay sinasadya pang ilihis ang mga tao para isiping sila ay Diyos upang maaari silang tratuhing parang Diyos. Hinding-hindi nila sasabihin sa mga tao na sila ay naging tiwali na—na sila rin ay tiwali at mayabang, na huwag silang sambahin, na ga’no man kahusay ang ginagawa nila, ito ay dahil lamang sa pagtataas ng Diyos at ginagawa lamang nila ang dapat nilang gawin. Bakit hindi nila sinasabi ang mga bagay na ito? Dahil lubha silang natatakot na mawala ang kanilang lugar sa puso ng mga tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong tulad nila ay hindi kailanman dumakila sa Diyos at hindi kailanman sumaksi tungkol sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). Nang makilala siya batay sa mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkilatis kay Wang Jing. Madalas siyang nagbabahagi kung paano niya hinahanap ang katotohanan kapag humaharap sa mga paghihirap, kung paano niya madaling naaasikaso ang sunod-sunod na mahihirap na liham at kung paano niya tinutulungan ang iba na lutasin ang kanilang mga isyu. Pero bihira siyang magsalita tungkol sa sarili niyang mga paglihis at pagkukulang o magtapat tungkol sa kanyang katiwalian at kahinaan. Hindi niya kailanman tinalakay ang alinmang problema o liham na nagkamali siya ng paghusga o hindi niya naunawaan, at kung paano niyon nabunyag ang kanyang mga kakulangan. Hindi rin siya kailanman nagsalita tungkol sa mga problemang hindi niya kayang maunawaan, kung paano siya tinulungan ng iba at kung anong mga aspekto ng katotohanang prinsipyo ang naunawaan niya dahil dito. Hinayaan lang niyang makita ng mga tao ang perpektong pagkukunwaring ginawa niya. Kapag sinasamba at pinupuri namin siya, hindi siya nagbabahagi sa amin tungkol sa hindi dapat na pagsamba sa mga tao lang, at parang talagang nilalasap at ikinalulugod niya ito. Sa pagtukoy sa kanyang pag-uugali batay sa mga salita ng Diyos, nakita kong umasa lang siya sa talento niya sa kanyang gawain at pangangaral, hindi kailanman dinadakila o pinatotohanan ang Diyos at nagpapakitang-gilas lang para malihis ang iba, na naging dahilan para hindi makita ng mga tao ang kanyang katiwalian at kakulangan kundi sambahin at sundan siya. Umasta siya sa ganoong paraan para makakuha ng puwang sa puso ng mga tao—napakataksil at napakasama! Pero hindi lang sa wala akong pagkakilala sa kanyang pag-uugali, hinangaan ko pa ang kanyang mga talento, pagkadalubhasa, at abilidad na lutasin ang mga isyu. Akala ko ay nauunawaan niya ang katotohanan, na mayroon siyang katotohanang realidad at kaya sinamba ko siya. Napakabulag ko!

Pagkatapos niyon, nakita ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May ilang tao na madalas mailigaw ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay bumigkas ng mga salita at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilinlang ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga mithiin. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos ang mga taong ito o wala at umiiwas sila sa kasamaan o hindi. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang pagkataong diwa ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). “Nakatutok man ang mga tao sa mabababaw na usapin o malalalim na isyu, o sa mga salita at doktrina o realidad, hindi sila sumusunod doon sa pinaka-nararapat nilang sundin, ni hindi nila alam yaong bagay na pinaka-nararapat nilang malaman. Ito ay dahil sa ni ayaw man lamang ng mga tao sa katotohanan; sa gayon, ayaw nilang gumugol ng panahon at pagsisikap sa paghahanap at pagsasagawa ng mga prinsipyo ng pagsasagawa na matatagpuan sa mga pagbigkas ng Diyos. Sa halip, mas gusto nilang gumamit ng mas madaling paraan, na ibinubuod ang nauunawaan at nalalaman nilang mahusay na pagsasagawa at mabuting pag-uugali; ang buod na ito kung gayon ang nagiging sarili nilang mithiing pagsisikapang matupad, na itinuturing nilang katotohanang isasagawa. Ang tuwirang resulta nito ay na gumagamit ang mga tao ng mabuting pag-uugali bilang kapalit ng pagsasagawa ng katotohanan, na tumutupad din sa hangarin nilang makahingi ng pabor sa Diyos. Binibigyan sila nito ng puhunang magagamit para labanan ang katotohanan, na ginagamit din nila para mangatwiran at makipaglaban sa Diyos. Kasabay nito, walang-takot na isinasantabi rin ng mga tao ang Diyos, at ipinapalit sa lugar Niya ang mga idolong hinahangaan nila(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na sa maraming taon ng aking pananalig ay palagi akong may mapanlinlang na pananaw: inakala ko na ang mga taong matatalino at may talento na mahusay gumawa at mangaral at kayang lumutas ng mga isyu ay natural na nauunawaan ang katotohanan at may katotohanang realidad. Napagtanto ko na wala akong ideya kung ano ba ang katotohanang realidad. Ipinahahayag ng Diyos ang mga katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol para linisin sa mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon at tulutan silang makapasok sa katotohanang realidad at maisabuhay ang tunay na wangis ng tao. Kung ang isang tao ay nagagawa lang na lumutas ng mga problema ng iba at tumukoy ng ibang tao, pero hindi kayang tanggapin ang paghatol ng mga salita ng Diyos, gayundin ang mapungusan, gaano man sila katalentado, o gaano kagaling sa paggawa o pangangaral, wala pa rin silang katotohanang realidad. Hindi kailanman nagsalita si Wang Jing tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili, hindi ipinagtapat o sinuri ang kanyang tiwaling disposisyon at hindi tinanggap ang katotohanan o tunay na magpasakop nang mapungusan. Paano siya magkakaroon ng katotohanang realidad? Nagawa niya lang asikasuhin ang mga liham-ulat dahil mayroon na siyang kaunting karanasan sa gawain at kaunting kaalaman sa mga prinsipyo. Pero hindi ibig sabihin nun ay mayroon na siyang katotohanang realidad. Hindi ko nauunawaan ang katotohanan at nabigo akong matukoy siya. Bulag pa nga akong sumamba sa kanya at inidolo siya, sinubukang tularan at gayahin siya. Napakahangal ko. Nasa malaking panganib ako sa ganitong pagsasagawa ng pananampalataya!

Kalaunan, nakakita ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang lunukin ang gawain ni Cristo at hindi mo ito matanggap. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Ang mga salita ng paghatol ng Diyos ay lumatay sa akin. Ang Diyos ay mapagpakumbabang nagkatawang-tao at hinding-hindi iniaangat ang Kanyang sarili. Ipinahahayag lang Niya ang mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Ang kababaang-loob ng Diyos ay pagpapahayag ng Kanyang karangalan, kadakilaan, at kabanalan. Ito ay lubos na karapat-dapat sa ating paghanga. Pero nang makita kong si Wang Jing ay isang lider, kayang lumutas ng mga problema at magsalita nang may matibay na paniniwala at simbuyo, hinangaan ko siya. Nananalig ako sa Diyos nang hindi Siya sinasamba at hindi ko iginagalang ang kababaang-loob at pagiging kaibig-ibig ni Cristo. Sa halip, sumamba ako sa mga maringal at kahanga-hangang tao, mas mataas ang tingin sa mga may matayog na katauhan, talento, at abilidad na gumawa at mangaral. Itinuring ko pa sila bilang mga idolo ko. Talagang nilabag nito ang disposisyon ng Diyos. Hindi tayo dapat humanga at tumingala sa kahit na sinong tao: Ang Diyos lamang ang katotohanan at dapat na sundan at sambahin. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Hindi ko hinangad ang katotohanan at wala ako ni katiting na kaalaman sa Diyos sa kabila ng mga taon ng pananampalataya. Inidolo ko pa nga ang isang tiwaling tao, sinamba at sinundan siya, pero hindi ko sinamba si Cristo o hindi ako tumuon sa paghahangad sa katotohanan. Pagkakanulo ito sa Diyos at kumikilos ako na parang isang hindi mananampalataya, at kung hindi ako magsisisi, itataboy ako ng Diyos at ititiwalag ako!

Kalaunan, nabalitaan kong umasta si Wang Jing na parang si Hudas nang arestuhin siya ng CCP. Isinumbong niya ang ilang kapatid. Nang makalaya siya, hindi pa rin siya nagsisi at kalaunan ay itiniwalag sa iglesia. Nakita kong kahit na si Wang Jing ay gumanap ng maraming tungkulin, may talento, magaling ang abilidad sa pangangaral, at kayang gamitin ang mga salita ng Diyos para lumutas ng mga problema, dahil hindi niya hinahangad na makilala ang kanyang sarili at hindi tinatanggap ang katotohanan, at wala siya ni katiting na katotohanang realidad sa kabila ng mga taon ng pananampalataya, nang maharap sa ganitong sitwasyon, siya ay lubusang nabunyag at tiniwalag. Pagkatapos niyon, may nakita akong isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling buhay disposisyon, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Sinasabi ng mga salita ng Diyos na nakakamit man ng isang tao ang kaligtasan at nakapapasok sa kaharian ng langit ay hindi batay sa kanilang mga talento, dami ng gawaing kanilang ginagawa o dalas ng kanilang pangangaral, kundi batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, nagagawang tanggapin at magpasakop sa paghatol ng mga salita ng Diyos at magkamit ng pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Sa kanyang pananalig, dinakila ni Pedro ang Diyos at hinangad ang katotohanan sa lahat ng bagay. Itinuring niyang nakahihigit ang pagkakamit ng katotohanan at buhay sa lahat, kaya kahit na hindi kasingdami ng kay Pablo ang ginawa niya, matapos maranasan ang paghatol ng Diyos, nagawa niyang maging mapagpasakop hanggang kamatayan at mahalin ang Diyos nang lubusan, at sa huli ay nagbigay ng dakilang patotoo sa Diyos at nagkamit ng Kanyang papuri. Mula sa landas na tinahak ni Pedro, nakakita ako ng landas ng pagsasagawa: hindi ko na hahangaan ang mga taong may talento at hindi na hahangarin na maging katulad nila. Sa halip, nagpasya akong taimtim na hangarin ang katotohanan, isagawa ang mga salita ng Diyos, at gawin ang aking tungkulin bilang isang nilikha. Ito lang ang tamang landas.

Pagkatapos niyon, sa paggawa ng aking tungkulin, tumutuon ako sa pag-asa sa Diyos at paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nakakikilala ako ng mga taong may talento na kayang mangaral, sinasadya kong pagsikapang tratuhin sila nang tama. Kapag ang kanilang pagbabahagi ay may kaliwanagan ng Banal na Espiritu, tatanggapin ko ito mula sa Diyos. Kapag ang mga ideya nila ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, tinatanggap at sinusunod ko ang mga iyon. Kung hindi naman ito naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ako bulag na nakikinig sa kanila, sa halip ay hinahangad ko ang katotohanan kasama nila. Pagkatapos magsagawa nang ganito sa loob ng ilang panahon, mas malaya at maginhawa na ang pakiramdam ko. Sa tungkulin ko, natukoy ko rin ang landas ng pagsasagawa at nakamit ang ilang resulta. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 73. Pagharap sa Isang Maling Ulat

Sumunod: 75. Ang Kabayaran ng Pagkukunwari at Pagtatago

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito