1. Ang Daan Pauwi ng Isang Pari

Ni Zhang Jian, Tsina

Katoliko ang pamilya ko sa loob ng maraming henerasyon. Noong 20 anyos ako, nagpasya akong maging monghe at ibigay ang buhay ko sa paglilingkod sa Panginoon. Matapos ang pitong taon ng sistematikong teolohikong pagsasanay sa seminaryo, itinalaga ako bilang pari sa edad na 27, at sa edad na 30, ako ay na-promote bilang pryor ng isang monasteryo. Noong panahong iyon, sobrang mayabang ako. Pakiramdam ko ay napakabata ko para maging pryor ng isang monasteryo, at ang lahat ng pari at monghe ay nagsasabing lubos silang nakikinabang sa pakikinig sa mga sermon ko, kaya inakala ko na mas naiintindihan ko ang Bibliya kaysa sa ibang tao at may kaalaman ako sa Panginoon. Inakala ko na kapag pumarito ang Panginoon, tiyak na makukuha ko ang Kanyang pagsang-ayon at makakapasok sa kaharian ng langit.

Isang gabi ng Hunyo 2001, nagmamadaling pumunta sa akin ang diyakonong si Wang para sabihing may dumating na dalawang Kristiyano, at na malalim silang nagsalita tungkol sa pananampalataya. Nang marinig kong mga Kristiyano sila, hindi ko man lang sila sineryoso. Inisip ko “Ang Simbahang Katoliko ang tunay na simbahan, at tinataglay nito ang buong katotohanan ng pagliligtas ni Jesus. Maraming taon na ng teolohikong pagsasanay ang natapos ko, at napag-aralan ang kada linya ng bawat kabanata ng Bibliya. Isa itong perpektong pagkakataon. Tatalakayin ko sa kanila ang usapin ng pananampalataya at hihikayatin silang magbalik-loob sa Katolisismo.” Pagkatapos niyon, hinatid ako ni Diyakono Wang para makipagkita sa kanilang dalawa. Sila ay sina Brother Cheng Shi at Brother Xiang Guang. Nang malaman ko na anim o pitong taon pa lang silang naniniwala sa Diyos, mas lalo ko silang minaliit, pero matiyaga ko pa rin silang kinausap tungkol sa kasaysayan ng Katolisismo. Hinimok ko sila na kung gusto nilang makatiyak sa pagpasok sa kaharian ng langit, dapat silang sumapi sa tunay na simbahan, ang Simbahang Katoliko. Ngunit hindi lamang sa ayaw magbalik-loob ng dalawang kapatid, sinabi ni Xiang Guang, “Sa parehong Katolisismo at Kristiyanismo, ang kalagayan ng simbahan ay napakamapanglaw ngayon. Ang mga mangangaral ay nagbabasa at nangangaral ng kasulatan nang walang kaliwanagan, hindi sila makapaghatid ng anumang bago o makabuluhang mga sermon. Maraming mangangaral pa nga ang nagsimulang maghangad ng mga makamundong bagay at iniwan ang landas ng paglilingkod. Mas lalong nakakaramdam ng pagkanegatibo at panghihina ang mga mananamplataya; nanlamig na ang kanilang pananampalataya. Sa mga kongregasyon, tinatalakay nila ang kanilang pang-araw-araw na buhay o kung paano kumita ng pera, at nagrerekomenda sila ng mga trabaho at karelasyon sa isa’t isa. Marami ring mananalig na naghahangad sa mga makamundong kalakaran, at ang ilan ay nagbalik pa nga sa sekular na mundo. Paano naiiba ang kasalukuyang kalagayan ng simbahan sa kalagayan ng templo sa mga huling araw ng Kapanahunan ng Kautusan? Sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, malinaw na mapanglaw ang templo. Nagpapalitan ng pera, nagbebentahan ng mga baka, tupa, at kalapati ang mga tao roon—naging pugad ito ng mga magnanakaw. Ipinakita nito na hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa templo. Kung gayon, saan gumagawa ang Banal na Espiritu? Noong panahong iyon, nagsasagawa na ng bagong gawain ang Panginoong Jesus sa labas ng templo, kung kaya’t ang gawain ng Banal na Espiritu ay lumipat na sa gawain ng Panginoong Jesus. Ito ay tulad ng kung paano napapainit ng isang kalan ang isang silid sa panahon ng taglamig, pero kung tatanggalin ang kalan, unti-unting lalamig ang silid. Gayundin, kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa simbahan, may pananalig ang mga kapatid at masigasig na naghahanap, ngunit sa sandaling mawala ang gawain ng Banal na Espiritu, unti-unting pumapanglaw ang simbahan. Kahit saan, ang mga simbahan ay nasa katulad na kalagayan ng sa templo sa mga huling araw ng Kapanahunan ng Kautusan. Lahat ng mga ito ay mapanglaw. Kahit kailan ba ay naisip mo na kung ang gawain ba ng Banal na Espiritu ay lumipat na? Saan gumagawa ang Banal na Espiritu ngayon?” Medyo nabigla ako sa mga sinabi niya. Hindi ko inaasahan na iuugnay nila ang kapanglawan ng templo noong mga huling araw ng Kapanahunan ng Kautusan sa gawain ng Panginoong Jesus. Bago sa akin ang pag-unawang ito at nakakaginhawa. Hindi namin kailanman naintindihan ang mga bagay-bagay sa gayong paraan sa aming simbahan. At sumang-ayon din ako sa kanilang pagtatasa sa kalagayan ng simbahan. Dagdag pa roon, marami sa mga mananampalataya ang tumigil na sa pagsunod sa mga pagsasagawa tulad ng pagbabasa ng kasulatan at pagdiriwang ng Araw ng Panginoon. Sila ay katulad lamang ng mga walang pananampalataya, naghahangad ng kayamanan at makamundong kasiyahan, at patuloy na nababawasan ang bilang ng mga tao sa simbahan. Mga katunayan iyon. Talaga ngang mapanglaw ang simbahan. Dahil ang mga salita ng mga kapatid ay naaayon sa katotohanan at sa Bibliya, at may lalim ang kanilang pagkaunawa, naisip ko, “Pinag-aralan ko ang Bibliya sa loob ng maraming taon nang hindi nauunawaan ito, ngunit natatalakay na nila ito matapos lamang ng ilang taon ng pananalig. Mukhang minaliit ko sila.” Nang makitang hindi ko sila makukumbinsi, inulit ko na lang ang ilan sa kanilang mga salita, at nagdahilan para umuwi.

Noong panahong iyon, inisip ko kung ang gawain ng Banal na Espiritu ay nagbabago nga. Ngunit naniniwala rin ako na ang Banal na Espiritu ay ang kaluluwa ng Simbahang Katoliko, kaya kung hindi gumagawa roon ang Banal na Espiritu, saan pa Siya maaaring gumawa? Hindi ko maintindihan ito, kaya hindi ko na masyadong inisip pa. Pagkatapos niyon, dalawang beses ulit akong pinuntahan nina Cheng Shi at Xiang Guang. Sinabi nila, “Ang Diyos ay naging tao upang magpahayag ng mga bagong salita, upang gawin ang gawain ng paghatol at paglilinis ng tao, upang iligtas tayo mula sa mga gapos ng kasalanan, at dalhin tayo sa kaharian ng Diyos.” Noong panahong iyon, nakaramdam ako ng matinding pagtutol, iniisip na, “Naiintindihan niyo ba talaga ang Bibliya? Nakumpleto na ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, at sa mga huling araw ay bababa Siya kasama ng mga ulap bilang isang Espiritu upang tukuyin ang mga kahihinatnan ng mga tao. Paano Siya magkakatawang tao at gagawa ng bagong gawain?” Pagkatapos ay naalala ko na kailan lang ay narinig kong may ilang tao na nangangaral tungkol sa Kidlat ng Silanganan. Ang mga taong ito ay nagpatotoo na ang Panginoon ay nagbalik na sa katawang-tao at gumagawa ng bagong gawain, at napakalalim ng kanilang mga pangaral. Malamang na naniniwala sina Cheng Shi at Xiang Guang sa Kidlat ng Silanganan. Ngunit inakala ko na ang Simbahang Katoliko ang tunay na simbahan, at hindi ko pa narinig ang tungkol sa Kidlat ng Silanganan noon. Dahil hindi sila kabilang sa tunay na simbahan, siguradong mali ang lahat ng kanilang ipinangaral. Hindi ako maaaring patuloy na makinig sa kanila, kaya sumabad ako at nagtanong, “Naniniwala kayo sa Kidlat ng Silanganan, hindi ba? Sinasabi niyo na ang Panginoon ay muling nagkatawang-tao at gumagawa ng bagong gawain. Imposible iyan. Hindi ako naniniwala! Kung ibig ninyong ipangaral sa akin ang ebanghelyong ito, huwag niyo nang pahirapan ang sarili niyo!” Patuloy na nagbahagi sa akin sina Cheng Shi at Xiang Guang, ngunit masyadong matatag ang mga kuru-kuro ko noong panahong iyon, at hindi ko talaga sila pinakinggan. Galit kong sinabi sa kanila, “Sumasalungat ang ipinangangaral ninyo sa pananampalataya ko, at ayaw ko na itong marinig pa!” Nang makita nilang ganito ang saloobin ko, hindi na sila nagsalita. Dalawang beses nila akong kinausap muli pagkatapos niyon, pero talagang tutol ako. Kahit ano pa ang sabihin nila, lahat ng iyon ay pumasok sa isang tenga at lumabas sa kabila. Sa huli, iniwanan nila ako ng isang kopya ng aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at hinimok ako na siyasatin ito. Nang makita ko kung gaano sila kaseryoso, nahiya akong tumanggi at tinanggap ko ang libro. Nang makita ko ang makapal na kopyang iyon ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, medyo naging interesado ako, at gusto kong malaman kung ano mismo ang nakasulat sa loob nito. Kaya, tiningnan ko ang talaan ng mga nilalaman ng aklat, at pagkatapos ay binuklat ang mga pahina. Nalaman ko na ang ilang bahagi ng aklat ay naiiba sa aming tradisyonal na mga turo, tungkol sa mga bagay tulad ng kung talagang umiiral ba ang Trinidad at ang kahihinatnan sa hinaharap at patutunguhan ng sangkatauhan, kaya isinara ko ang aklat at hindi na muling tiningnan ito. Noong panahong iyon, inakala ko na tungkulin kong protektahan ang kawan bilang pryor ng monasteryo, at na kailangan kong ipaalam sa mga pari at monghe upang pigilan ang mga ito na mailigaw. Kaya, sa isa sa mga retreat ng mga baguhan, sinabi ko sa mga pari at monghe, “Nasa mga huling araw na tayo, at maraming huwad na cristo ang nagpapakita. Ilang araw na ang nakararaan, nakilala ko ang dalawang tao mula sa Kidlat ng Silanganan. Sinabi nila na ang Panginoon ay nagbalik na, na nagkatawang-tao siya at gumagawa ng bagong gawain. Paano iyon magiging posible?” Itinaas ko ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao at nagpatuloy, “Tignan ninyo, ito ang kanilang aklat. Pinasadahan ko ito, at iba ang itinuturo nito sa ating mga tradisyunal na paniniwala. Sigurado ako na hindi ito nagmula sa Diyos! Dapat kayong maging mapagbantay. Huwag ninyong basahin ang kanilang mga aklat, huwag kayong makipagkita sa kanila, at huwag kayong makinig sa kanilang pangaral. Dapat ninyong protektahan ang mga miyembro ng simbahan na hindi nila mailigaw!” Pagkatapos marinig ang sinabi ko, sumang-ayon ang lahat ng pari at monghe na isa itong kritikal na usapin ng pagliligtas ng mga kaluluwa, at na dapat maprotektahan ang mga miyembro ng simbahan. Nang makita kong napakamasunurin ng lahat, pakiramdam ko ay nakagawa ako ng napakamakatarungang bagay, at natupad ko ang responsibilidad at obligasyon ko bilang pryor para maprotektahan ang aking kawan. Hindi ko man lang namalayan na nilalabanan ko ang Diyos.

Ilang araw pagkatapos niyon, pinuntahan ako ni Xiang Guang at tinanong ako kung nabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sinabi ko sa kanya, “Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay naiiba sa aming tradisyunal na mga turo, kaya hindi ko sisiyasatin ang mga ito, at hindi ko hahayaang siyasatin ng iba ang mga ito, dahil usapin ito ng pananampalataya. Hindi namin kailanman ipagkakanulo ang Panginoon sa pamamagitan ng pakikinig sa pangangaral mo!” Mahinahon na sinabi sa akin ni Xiang Guang, “Hindi mo pa nababasa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Nagpasya kang hindi ito ang tinig at mga salita ng Diyos, at tumanggi kang siyasatin ang mga ito dahil lang sa nakakita ka ng isang bagay rito na naiiba sa tradisyonal na mga turo ng simbahan mo. Hindi ba iyan masyadong padalus-dalos? Sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may takot sa Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o kinokondena ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang kwalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging makatwiran at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Bilang mga mananampalataya sa Panginoon, dapat mayroon tayong mga pusong may takot sa Diyos. Hindi natin maaaring bulag na kondenahin ang mga salita at gawain ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa ating mga kuru-kuro at imahinasyon. Kung wala tayong mapagkumbaba, mapaghanap na saloobin sa harap ng Diyos, kung palagi nating kinikilatis ang bagong gawain at mga bagong salita ng Diyos gamit ang ating sariling mga isip at imahinasyon, napakadaling makagawa ng malaking kasalanan ng pagkondena at paglaban sa Diyos. Katulad lamang noong pumarito ang Panginoong Jesus upang gumawa: Dahil nakita ng mga Pariseo na nahigitan ng Kanyang mga salita at gawain ang batas, nakahanap sila ng isang bagay na magagamit laban sa Kanya, kinondena Siya, at sa huli ay inudyukan nila ang mga tao na ipako Siya sa krus. Lubha nilang nilabag ang disposisyon ng Diyos, at sa huli ay isinumpa at pinarusahan sila ng Diyos. Ito ay isang aral na natutunan kapalit ng buhay. Ngayon, dapat nating maingat na tratuhin ang usapin ng pagbabalik ng Panginoon, dahil kung mali natin itong kokondenahin, baka malapastangan natin ang Banal na Espiritu. Matagal nang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Ang bawat kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwat ang kapusungang laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad(Mateo 12:31). Isang kakila-kilabot na bagay ang gawin ang kasalanang ito! Dahil ang Makapangyarihang Diyos ay nagpakita na at gumawa, maraming pinuno ng iba’t ibang denominasyon ang bulag na kinondena ang Kanyang gawain sa mga huling araw. Ang ilan ay siniraan at nilapastangan pa ang Makapangyarihang Diyos. Marami sa mga seryosong lumaban ang pinarusahan. Kung hindi natin maingat na tatratuhin ang bagay na ito, madali nating maiwawala ang ating mga hantungan.” Noong panahong iyon, naisip ko, “Iniisip ko ang aking mga miyembro ng simbahan at pinoprotektahan sila na hindi malihis. Paano ito nagkakasala sa Panginoon?” Pero nang pag-isipan ko ito nang mas mataimtim, napagtanto ko na may punto nga siya. Wala talaga akong masyadong alam tungkol sa Kidlat ng Silanganan, gayunpaman ay napakabilis kong kinondena ito, at ganoon din ang ipinangaral ko sa mga pari at monghe. Kung mali kong kinokondena ito gaya ng sinabi niya, ito ay pagkakasala sa Diyos. Hindi lubos maisip ang mga kahihinatnan niyon. Nang matanto ko ito, sinabi ko kay Xiang Guang, “Hindi ko pa iyan napag-isipan dati, pero buong ingat kong haharapin ang bagay na ito sa hinaharap.” Pagkatapos niyon, may mga nangyari sa simbahan namin na nagpanilay sa akin. Minsan, nakipagkita ako sa aming obispo, at malungkot niyang sinabi sa akin, “Maraming pari sa diyosesis na ito ang naghahanap ng mga dahilan para hindi magbigay ng mga handog, at may ilang pari na nagpapakasasa sa kahalayan at tumatangging magsisi. Isang matandang pari ang pribadong nagtapat sa akin na lihim niyang ipinadadala ang mga handog sa isang tao para magtayo ng pabrika….” Nang marinig ko ang mga bagay na ito, naisip ko, “Isang malaking kasalanan laban sa Panginoon na magpakasasa sa kahalayan ang isang pari o magwaldas at gamitin nang mali ang mga handog. Sabi ng Panginoon: ‘Maliban kung kayo’y magsipagsisi, mamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan(Lucas 13:3). Kung namumuhay sa kasalanan ang mga pari at hindi kailanman nagsisisi, paano sila papasok sa kaharian ng langit?” Dati, ang mga ganitong problema ay lumilitaw lamang sa ilang indibidwal na mga pari. Hindi ko akalain na napakaraming nahuhulog na ngayon sa kabuktutan. Dahil sa mga bagay na ito, hindi ko maiwasan na isipin ang kapanglawan ng simbahan na inilarawan ni Xiang Guang. Naisip ko, “Dati, kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa simbahan, dinidisiplina kami ng Banal na Espiritu kapag nakagawa kami ng mali. Ngunit ngayon napakaraming pari ang nagkakasala sa Diyos—bakit hindi sila dinidisiplina ng Banal na Espiritu? Hindi kaya talagang hindi na gumagawa ang Banal na Espiritu sa aming simbahan?” Noong panahong iyon, hindi ko maintindihan ito.

Pagkaraan ng ilang panahon, pinuntahan ako nina Brother Xiang Guang at Brother Fang Yi. Noong oras na iyon, medyo may pagtutol pa rin ako. Naisip ko, “Nagpapatotoo kayo na ang Panginoon ay nagbalik na nang nagkatawang-tao upang gumawa ng bagong gawain. Mayroon bang anumang biblikal na batayan para rito? Sa tingin ko, wala kayong anumang ebidensya! Ngayon naman, ako muna ang magtatanong sa inyo. Kung hindi niyo ito masasagot, tapos na tayo.” Kaya tinanong ko, “Sinasabi ng Bibliya na sa mga huling araw, ang Panginoon ay babalik bilang isang espirituwal na katawan sakay ng mga ulap. Subalit nagpapatotoo kayo na Siya ay nagbalik na nang nagkatawang-tao upang gumawa ng bagong gawain. Ano ang basehan niyo para sabihin ito?” Mahinahong sumagot si Fang Yi, “Matagal nang plinano at isinaayos ng Diyos na ang Panginoon ay magiging tao at babalik sa mga huling araw. May patunay nito sa sariling propesiya ng Panginoong Jesus. Tingnan natin ang ilang mga talata. Sinasabi sa Lukas 17:24–25: ‘Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.’ At pagkatapos, ‘Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagkat paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip(Mateo 24:44), at saka, ‘Kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:37). Gaya ng nakikita niyo, lahat ng talatang ito ay binanggit ang ‘ang Anak ng tao.’ Ano ang tinutukoy rito ng ‘ang Anak ng tao’? Alam nating lahat na ang Panginoong Jesus ay ang Anak ng tao at Diyos na nagkatawang-tao. Walang duda roon. Ang Anak ng tao ay tumutukoy sa Espiritu ng Diyos na nakasuot ng laman upang maging isang ordinaryong tao, nangangahulugan ito ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya, ang ipinropesiya ng Panginoong Jesus na ‘ang pagparito ng Anak ng tao’ ay nagpapakita ng pagbalik Niya, ito ay sa katawang-tao. Bukod dito, sinasabi rin ng mga kasulatan: ‘Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.’ Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, hindi Siya makikilala o mamumukhaan ng mga tao, na kokondenahin at tatanggihan Siya ng buong henerasyon. Maaaring sabihin na tanging sa pagiging tao bilang Anak ng tao makapagdurusa ang Diyos nang labis at matatanggihan ng henerasyong ito. Kung babalik ang Panginoong Jesus bilang Espiritu, sa Kanyang wangis bilang isang lalaking Hudyo, maharlika at nagpapakita sa lahat nang may kaluwalhatian, sinong makakakita sa Kanya at hindi yuyuko at sasamba sa Kanya? Kung gayon, paano Niya titiisin ang matinding pagdurusa? Paano Siya tatanggihan ng henerasyong ito? Kaya, kapag bumalik ang Panginoon, ito ay sa katawang-tao na Anak ng tao. Walang duda rito.”

Matapos marinig ang pagbabahagi ni Fang Yi, hindi ko maiwasang mabigla. Naisip ko sa sarili ko: “Tama siya. Kung ang Panginoong Jesus ay muling darating bilang isang espirituwal na katawan, na bumababa kasama ng mga ulap na may dakilang kaluwalhatian, luluhod ang mga tao sa sandaling makita nila Siya. Sino ang mangangahas na tanggihan Siya? Paano Siya magdurusa nang husto? Ang mga pisikal na katawan lamang ang maaaring makaranas ng sakit. Hindi ba ito nagpapatunay na ang Panginoon ay darating na magkakatawang-tao? Ganap na makatwiran at lohikal ang pagbabahagi ni Fang Yi! Wala sa mga teologo at espirituwal na tao sa mundo ng relihiyon ang malinaw na nakapagpapaliwanag ng propesiyang ito ng Panginoong Jesus. Sinasabi nilang lahat na ito ang hiwaga ng Panginoon, na hindi ito lubos na mauunawaan ng mga tao. Inaral ko ang Bibliya sa loob ng maraming taon, pero kahit kailan ay hindi ko nagawang maunawaan ang propesiyang ito. Hindi ko alam kung bakit magdudusa nang husto ang Panginoon, kung babalik Siya sa anyong espiritu. Hindi ko kailanman inakala na mapapaliwanag ng mga tao mula sa Kidlat ng Silanganan ang misteryo ng propesiyang ito. Sapat na para talagang maging alerto ka at magbigay pansin! Sa katawang-tao nga ba talaga ang pagbabalik ng Panginoon? Ngunit marami pang ibang propesiya sa Bibliya na nagbabanggit sa pagbaba ng Panginoon kasama ng mga ulap.” Kaya tinanong ko ang mga kapatid, “Maraming propesiya sa Bibliya ang nagsasabi na sa pagbabalik ng Panginoon, bababa Siya kasama ng mga ulap. Halimbawa, sinabi ng Panginoong Jesus: ‘At sa gayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kaya magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at makikita nila ang Anak ng tao na napaparitong nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian(Mateo 24:30). Ipinropesiya rin sa Pahayag: ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya(Pahayag 1:7). Kung talagang sa katawang-tao ang pagbabalik Niya, paano matutupad ang mga propesiyang ito?”

Nagbahagi si Fang Yi, “Ipinropesiya nga ng Panginoong Jesus na bababa Siya kasama ng mga ulap sa mga huling araw, at hayagang hahatulan ang lahat ng bansa at tao. Tiyak na matutupad ang mga propesiyang ito. Pero lihim muna Siyang magiging tao; at kalaunan ay hayagang magpapakita sa lahat, habang sakay ng mga ulap. Sa madaling salita, magbabalik ang Panginoon sa dalawang paraan. Una, Siya ay magiging tao upang ipahayag ang katotohanan, upang gawin ang Kanyang gawain ng paghatol at paglilinis ng mga tao, at upang gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Pagkatapos niyon, magsisimulang bumagsak ang malalaking sakuna, at ang lihim na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay magiging ganap. Pagkatapos ng mga sakuna, magpapakita ang Diyos sa lahat nang may kaluwalhatian, at gagantimpalaan ang mabuti at parurusahan ang masama. Samakatuwid, iyong mga hindi nagsisisi na lumaban at kinondena ang Diyos sa panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao at lihim na gawain ay ganap na mawawalan ng pagkakataon na mailigtas. Mahuhulog sila sa mga sakuna, tatangis at magngangalit ng kanilang mga ngipin. Tinutupad nito ang propesiya sa Aklat ng Pahayag: ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya. Gayon din, Siya nawa(Pahayag 1:7).” Matapos marinig ang pagbabahagi ni Fang Yi, biglang naging bukas at malinaw ang puso ko. Sa pagbabalik ng Panginoon, hindi lamang Siya hayagang bababa kasama ng mga ulap, Siya ay magkakatawang-tao muna at bababa nang palihim. Iyon ang dalawang paraan kung paano magpapakita ang Panginoon. Dati, isa lang ang alam ko—mukhang hindi lubos ang pagkakaunawa ko rito. Nang makita ko na inihayag ng Kidlat ng Silanganan ang misteryo ng mga propesiya sa Bibliya sa paraang tila makatwiran at lohikal, naisip ko na marahil ito ay nagmula sa Diyos at nararapat na siyasatin. Pagkatapos niyon, ganap na nagbago ang aking saloobin, at naging handa akong makinig sa kanilang pagbabahagi at basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos nang walang pagtutol.

Matapos basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa loob ng ilang panahon, nakaramdam ako ng katiyakan na babalik ang Panginoon na nagkatawang-tao, ngunit hindi ko alam kung paano matutukoy na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Inakala ko na ang Simbahang Katoliko ay ang tunay na simbahan, na taglay nito ang buong katotohanan ng pagliligtas ni Jesus. Inakala ko na ang ating mga kaluluwa ay maliligtas lamang at makakapasok sa kaharian ng langit sa pamamagitan ng Katolisismo. Paano kung tinanggap ko ang Makapangyarihang Diyos, at lumabas na naligaw ako sa aking paniniwala? Hindi ba ako magtataksil sa Panginoon? Paano ako makakapasok sa kaharian ng langit kung gayon? Nakaramdam pa rin ako ng pagkabalisa dahil hindi ko maunawaan ang problemang ito. Noong panahong iyon, hindi sadya na narinig kong tinanggap din ni Padre Yuan Yongjin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Gusto ko talagang makipagkita sa kanya, dahil Katoliko rin siya noon, at iisa ang aming mga turo at pananaw. Gusto kong makita kung paano niya naintindihan ang isyung ito. Makalipas ang ilang araw, nagkita kami at sinabi ko sa kanya ang aking mga alalahanin.

Nakipagbahaginan sa akin si Yuan Yongjin, “Minsan din akong nagkaroon ng mga alalahaning gaya sa iyo. Nag-alala ako na ang paniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay pagtataksil sa Panginoong Jesus. Upang harapin ang isyung ito, ang pangunahin nating dapat gawin ay kilalanin kung ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay iisang Espiritu, at kung Sila ay ang parehong Diyos na gumagawa. Sa Kapanahunan ng Kautusan, si Yahweh ang gumagawa, at sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Panginoong Jesus naman. Bagama’t nagbago ang pangalan ng Diyos at iba ang gawaing ginawa Niya, masasabi mo ba na si Jesus at si Yahweh ay hindi iisang Diyos? Masasabi mo ba na ang maniwala sa Panginoong Jesus ay pagtataksil kay Yahweh? Hinding-hindi. Kaya, hindi matutukoy ng isang tao kung Sila ay ang parehong Diyos batay sa mga pangalan Nila. Ang pinakamahalagang bagay ay ang makita kung ang Makapangyarihang Diyos ay kayang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Hangga’t naipapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan at ang tinig ng Diyos, at hangga’t kaya Niyang gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, kung gayon Siya ang Diyos Mismo, at Siya at si Yahweh at ang Panginoong Jesus ay ang iisang Diyos. Alam nating lahat na sa Kapanahunan ng Kautusan, nag-atas si Yahweh ng mga batas at utos upang patnubayan ang mga buhay ng sangkatauhan, upang malaman ng mga tao kung ano ang kasalanan, kung paano maghandog ng mga hain upang pagbayaran ang mga kasalanan, at kung paano sumamba sa Diyos. Sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, parami nang parami ang mga kasalanan ng mga tao, at hindi na sumasapat ang mga hain para ialay sa lahat ng kanilang mga kasalanan. Nanganganib ang lahat ng tao na makondena at mamatay ayon sa batas, kaya nagpropesiya si Yahweh sa pamamagitan ng propeta: ‘Narito, ang dalaga’y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, at ang pangalang itatawag nila sa Kanya ay Emmanuel(Mateo 1:23), ‘Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang pamamahala ay maaatang sa Kanyang balikat(Isaias 9:6). Ipinahayag ng mga salitang ito sa mga Israelita na paparito ang Mesiyas, at na Siya ang magiging handog para sa kasalanan na tumutubos sa sangkatauhan. Gaya ng ipinangako, nagkatawang-tao ang Diyos bilang ang Panginoong Jesus at ginawa ang gawain ng pagtutubos sa sangkatauhan, mula sa pundasyon ng gawain ng kautusan. Nagpahayag ang Panginoong Jesus ng maraming katotohanan, nagkaloob sa tao ng daan ng pagsisisi, at pagkatapos ay ipinako sa krus para sa sangkatauhan bilang isang walang hanggang handog para sa kasalanan, sa gayon ay tinatapos ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Pagkatapos niyon, hanggat tinatanggap ng mga tao si Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas, at nagsisisi sa Kanya, patatawarin ng Diyos ang kanilang mga kasalanan, hindi sila mamamatay dahil sa paglabag sa batas. Ginawang marapat ang mga tao na lumapit sa Diyos upang manalangin at kamtin ang Kanyang biyaya at kapayapaan. Kaya, ganap na natupad ng gawain ng Panginoong Jesus ang mga propesiya sa Lumang Tipan. Iniligtas nito ang mga tao mula sa pagkagapos ng batas, winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan, at dinala ang sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapat iyon para patunayan na ang Panginoong Jesus ay ang Tagapagligtas, at ang pagparito ng Mesiyas. Ang Panginoong Jesus at si Yahweh ay iisang Espiritu at iisang Diyos, gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin(Juan 14:11), ‘Ako at ang Ama ay iisa(Juan 10:30). Nang matapos ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, ang mga nananalig sa Panginoon ay pinatawad para sa kanilang mga kasalanan, ngunit ang makasalanang kalikasan ng mga tao ay hindi pa nalulutas. Nagagawa pa rin ng mga tao na madalas na magkasala at labanan ang Panginoon, at hindi sila ganap na malaya mula sa pagkagapos ng kasalanan. Para magbigay ng ilang halimbawa: madalas pa rin tayong magsinungaling at manlinlang para sa pansariling kapakanan. Nagagawa pa rin nating mainggit, mapoot sa iba, at makipaglaban para sa kapangyarihan at mga interes. Kapag nagdurusa tayo sa sakit o sakuna, sinisisi pa rin natin ang Panginoon, at itatanggi at ipagkakanulo pa Siya. Nakasulat sa Bibliya: ‘Ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman(Juan 8:34–35), ‘Kayo’y magpakabanal, sapagkat Ako’y banal(1 Pedro 1:16). Ang Diyos ay banal, at sa huli, ang gusto Niya ay mga taong ganap na makapagpapasakop sa Kanyang mga salita at makapagkakamit ng kabanalan. Pero ngayon, makasalanan pa rin tayo, marumi, at tiwali. Hindi tayo nakalaya sa pagkagapos ng kasalanan, at hindi tayo karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit. Kung kaya’t, maraming beses nagpropesiya ang Panginoong Jesus na Siya ay babalik upang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, na ganap Niyang ililigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at impluwensya ni Satanas, at dadalhin tayo sa kaharian ng langit. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13), ‘At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:47–48). At sa 1 Pedro 4:17, sinasabi nito: ‘Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos.’ At gaya ng Kanyang ipinangako, ang Panginoong Jesus ay nagbalik na nang nagkatawang-tao sa mga huling araw bilang Makapangyarihang Diyos upang ipahayag ang lahat ng katotohanang kinakailangan upang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Mula sa pundasyon ng Panginoong Jesus, ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol simula sa sambahayan ng Diyos, upang lutasin ang makasalanang kalikasan ng tao at akayin ang sangkatauhan sa lahat ng katotohanan, at sa gayon ay ganap na tinutupad ang propesiya ng Panginoong Jesus.”

Tapos, binasa sa akin ni Yuan Yongjin ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bagama’t pumarito si Jesus kasama ng tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya, pagkatapos napatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Nagbahagi si Yuan Yongjin, “Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos at pinawalang-sala ang tao, ngunit iyon ay kalahati lamang ng gawain ng pagliligtas. Tanging ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos ang ganap na magliligtas sa sangkatauhan. Maaari lamang tayong maligtas at maging karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit kung tatanggapin natin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw, kung tayo ay malilinis sa ating katiwalian, kung tayo ay makakalaya sa kasalanan, at kung hindi na tayo nalilihis at nakokontrol ng diyablo. Nangangahulugan ito na ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay nagpapatuloy mula sa gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus, at na ito ang gawain na magtatapos sa kapanahunan. Ang Makapangyarihang Diyos ay ang Panginoong Jesus na nagbalik, at Sila ay iisang Espiritu at iisang Diyos.” Nang marinig ko na ang pagbabahagi ni Yuan Yongjin tungkol sa tatlong yugto ng gawain ay naaayon sa Bibliya at sa mga katunayan, sumaya ang puso ko. Lumabas na nagbalik na ang Panginoon para gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, para lutasin ang ating makasalanang kalikasan, at iligtas tayo sa pagkagapos ng kasalanan. Talagang nabubuhay tayo sa kasalanan ngayon at wala tayong lakas na palayain ang ating sarili mula rito. Nagkakasala tayo, tapos nangungumpisal, at pagkatapos mangumpisal, muli tayong nagkakasala. Lagi tayong nakakulong sa walang katapusang siklo na ito. Kahit ang mga pari ay hindi makatakas sa pagkagapos ng kasalanan, lalong hindi ang mga ordinaryong mananampalataya. Lahat ito ay hindi maikakailang katotohanan. Noon, talagang hindi ko maintindihan ang dahilan nito, pero ngayon naiintindihan ko na. Talagang kailangan pa rin natin na bumalik ang Panginoon at gawin ang Kanyang gawain ng lubusang pagdalisay at pagbago sa mga tao. Tila posible talaga na ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay nagmula sa Diyos.

Pagkatapos nito, binasa sa akin ni Yuan Yongjin ang isa pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa dati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi sa halip ay pumarito Ako upang hatulan at kastiguhin nang tuwiran ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao ay hindi sumunod sa pagpapako sa krus, at ang Aking pagparito ngayon ay hindi sa paglilihi ng Banal na Espiritu, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Dahil ito mismo sa kaisa Ako ni Jesus kaya Ako pumarito upang tuwirang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay lubos na batay sa gawain sa naunang yugto. Iyan ang dahilan kaya ganitong klaseng gawain lamang ang maaaring maghatid sa tao, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kaligtasan. Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming ginagawa ay hindi magkapareho, magkatulad Kami sa diwa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong inihahayag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan ay magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu. … Ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at pareho ang Espiritu. Gayundin, ang Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon at si Jesus ay hindi magkadugo, ngunit iisa Sila, ito ay dahil iisa ang Kanilang Espiritu. Magagawa ng Diyos ang gawain ng awa at kagandahang-loob, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at yaong pagtawag sa mga sumpa sa tao; at sa huli, magagawa Niya ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masama. Hindi ba ginagawa Niya Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba ito ang walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao). Nagbahagi si Yuan Yongjin, “Bagaman ang nilalaman ng tatlong yugto ng gawain ay naiiba at ang pangalan ng Diyos ay iba sa bawat kapanahunan, lahat ng gawaing ito ay ginawa ng iisang Espiritu at iisang Diyos. Mahigpit na magkakaugnay ang tatlong yugto ng gawain, at ang bawat yugto ay nakaugnay sa gawain ng nakaraang yugto, ang bawat isa ay mas mataas at malalim kaysa sa huli, at sa huli ililigtas ng gawaing ito ang mga tao mula sa kapangyarihan ni Satanas at dadalhin sila sa kaharian ng Diyos. Kaya, hindi natin ipinagkakanulo ang Panginoon sa pagtanggap sa Kanyang bagong gawain, nakikisabay tayo sa Kanyang gawain.” Mas lalong nasiyahan ang puso ko sa puntong iyon. Ngayon ay nauunawaan kong ang tatlong yugto ng gawain ay mahigpit na magkakaugnay, ang bawat isa ay mas mataas at malalim kaysa sa huli, at na walang yugto ng gawain ang hiwalay sa iba. Ang mga ito ang tatlong yugto ng gawaing ginawa ng iisang Diyos. Si Yahweh, ang Panginoong Jesus, at ang Makapangyarihang Diyos ay iisa. Palagi kong iniisip noon na ang simbahang Katoliko ang tunay na simbahan, na tanging ang Katolisismo ang makapagliligtas ng mga kaluluwa at makapagdadala sa kanila sa kaharian ng langit, na ang paglisan sa Katolisismo ay pagtataksil sa Panginoon at pagkawala ng iyong pagkakataon sa kaligtasan. Ngayon ay naunawaan ko na kumakapit lamang ako sa gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Kung tatanggapin ko ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos, susundan ko ang mga yapak ng Kordero, at hindi ipinagkakanulo ang Panginoon. Sa kabilang banda, kung mananatili ako sa Katolisismo at kakapit sa pagliligtas ng Panginoong Jesus, hindi ko matatanggap ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, at hindi ako makapapasok sa kaharian ng langit. Pagkatapos maisip ito, sa diwa ko ay nakatiyak ako na ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos ay ang bagong gawain ng Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos niyon, nagbahagi sa akin si Yuan Yongjin sa mga katotohanan gaya ng kabuluhan ng mga pangalan ng Diyos, ang nakapaloob na kuwento ng Bibliya, at kung paano tinutukoy ng Diyos ang wakas at hantungan ng sangkatauhan, at iba pa. Matapos makinig sa pagbabahagi ni Yuan Yongjin, naging emosyonal ako. Napakaraming taon na akong nananalig sa Diyos, ngunit hindi pa ako nakarinig ng ganoon kagandang pangangaral. Tunay na marami akong nakamit noong araw na iyon—mas marami akong naunawaan kaysa sa lahat ng taon ng pananalig ko sa Panginoon!

Binasa sa akin ni Yuan Yongjin ang maraming salita ng Makapangyarihang Diyos. Nalaman ko na naipahayag ng Makapangyarihang Diyos ang maraming katotohanan at misteryo, at lubos kong nadama na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang tinig ng Diyos. Pagkauwi ko noong araw na iyon, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Naunawaan ko mula sa siping ito na upang matukoy kung ang Makapangyarihang Diyos ang Panginoong Jesus na nagpapakita at gumagawa, kailangan ko munang tingnan ang mga salitang Kanyang ipinapahayag at ang gawaing Kanyang ginagawa. Kung naipapahayag Niya ang katotohanan at nagagawa ang gawain ng pagliligtas at pagpapadalisay ng mga tao, Siya nga ang Panginoon na nagpapakita at gumagawa. Minsang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko(Juan 14:6). Kung kaya, maliban kung nagpapakita ang Diyos para magsalita at gumawa, walang sinuman ang makapagpapahayag ng katotohanan. Pagkatapos niyon, naglaan ako ng oras araw-araw para basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Pagkalipas ng dalawang buwan, mas marami pa akong naunawaan, tulad ng mga misteryo ng pagkakatawang-tao at mga pangalan ng Diyos, ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos at ng gawain ng tao, kung paano matukoy ang tunay na Cristo sa mga huwad na cristo, at iba pa. Nakita ko na sagana at masaklaw ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, na tunay na nagpamulat sa aking mga mata. Naisip ko: Sino ang makapagpapahayag ng napakaraming katotohanan at makapagbubunyag ng napakaraming misteryo kung hindi ang nagbalik na Panginoon? Tunay ngang nagbalik na ang Panginoon, at ginagawa ang bagong gawain ng paghatol at pagpapadalisay sa sangkatauhan. Ganap na akong sigurado na ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos ay ang bagong gawain ng Panginoon, at na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoon! Noong oras na iyon, nakaramdam ako ng labis na kagalakan. Ang Panginoong Jesus, na hinintay sa loob ng maraming taon, ay talagang nagbalik na. Nadama kong napakapalad ko na matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Naisip ko kung paano ipinapangaral ng mga kapatid ang ebanghelyo sa akin sa loob ng halos isang taon, at kung paano ko ito palagiang tinutulan at tinanggihan. Kung hindi dahil sa awa at pagliligtas ng Diyos, at sa paulit-ulit na pangangaral ng ebanghelyo ng mga kapatid sa akin, hindi ako makakalapit sa Diyos. Dahil dito, labis akong nagpapasalamat sa Diyos. Pero naalala ko kung paanong hindi ko pa hinanap o siniyasat ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, kung paanong bulag kong hinusgahan at kinondena ito, at ipinagbawal pa ito sa simbahan at pinigilan ang mga miyembro ng simbahan na hanapin o siyasatin ito. Nang maisip ko ito, labis akong nakonsensya, at kinasuklaman ko ang aking sarili dahil sa pagiging masyadong bulag para makilala ang Diyos, sa kawalan ng isang pusong may takot sa Diyos, at sa paglaban sa Kanya. Hindi ba’t katulad ako ng mga Pariseo na lumaban sa Panginoong Jesus? Inakala ko na dahil nag-aral ako ng teolohiya sa loob ng maraming taon at palaging naglilingkod sa Panginoon, siguradong may ilan akong kaalaman sa Kanya. Hindi ko kailanman inakala na makakatagpo ko ang Panginoon sa ganitong paraan. Noong oras na iyon, sobrang hindi ako mapalagay, iniisip kung paano ako nakagawa ng napakalaking kasalanan sa paglaban sa Diyos, at iniisip kung paano kaya Niya ako pakikitunguhan. Lumuhod ako sa harapan ng Diyos at nanalangin para ipagtapat ang aking mga kasalanan, “Makapangyarihang Diyos, naging masyado akong mayabang. Hindi Kita nakilala, nilabanan at hinusgahan ko ang gawain Mo, at isinara ko ang simbahan at pinagbawalan ang mga miyembro ng simbahan na hanapin at siyasatin ang gawain Mo. Ang ginawa ko ay kapareho ng sa mga Pariseo, at tunay na nararapat ako sa Iyong parusa. Tunay na hindi ako karapat-dapat sa Iyong pagliligtas!” Sa mga araw na iyon, namuhay ako sa pagsisisi at pagkabalisa. Sa tuwing binabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos na naglalantad sa mga taong tumututol at kumukondena sa Kanya, naramdaman kong tila ako ang tinutukoy ng Diyos. Pakiramdam ko ay nakondena na ako at hindi ako ililigtas ng Diyos.

Kalaunan, nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa aking kalagayan, at binasa nila sa akin ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng labis na kaginhawahan. Sinasabi ng Diyos: “Bawat taong tumanggap sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon para maligtas; ang pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magpapakita ng Kanyang lubhang kaluwagan. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na pagpaparaya. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas. Sa unang pagsuway ng mga tao sa Diyos, wala Siyang hangad na patayin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, itatakwil sila ng Diyos. Kaya mabagal ang Diyos sa pagparusa sa ilang mga tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring mailigtas. Hinahatulan, nililiwanagan, at ginagabayan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita lamang, at hindi Siya gumagamit ng pamalo para patayin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layunin at kabuluhan ng huling yugto ng gawain(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). Pagkatapos nilang basahin ang mga salita ng Diyos, sinabi ng isang brother, “Ginawa tayong tiwali ni Satanas, lahat tayo ay may tiwaling disposisyon, at wala tayong takot sa Diyos sa ating mga puso. Kapag nakikita natin na ang mga salita at gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa ating mga kuru-kuro, nagrerebelde tayo sa Diyos at nilalabanan Siya, at malamang na itatwa at kondenahin Siya. Pero sa sandaling maunawaan natin ang katotohanan, kung babalik tayo sa tamang landas, at tunay na magsisisi sa Diyos, pagkakalooban pa rin Niya tayo ng pagkakataong maligtas. Pero iyong matitigas ang ulo, hindi nagsisisi, at matatag na lumalaban sa Diyos ay kokondenahin Niya, at sa huli, lahat sila ay mapaparusahan.” Sa sandaling iyon, sobrang naantig ako. Naisip ko, “Nilabanan ko ang Diyos at gumawa ng malaking kasamaan, pero may awa pa rin ang Diyos sa akin at ililigtas ako. Napakadakila ang pag-ibig ng Diyos! Sa hinaharap, dapat kong ipangaral ang ebanghelyo sa maraming tao at suklian ang pag-ibig ng Diyos. Dapat kong sabihin sa mga miyembro ng simbahan ang napakabuting balita ng pagbabalik ng Panginoon, upang marinig nila ang tinig Niya at masalubong din Siya.” Kaya, pagkatapos niyon, sinimulan kong ipalaganap ang ebanghelyo sa mga miyembro ng simbahan.

Minsan, nagpatotoo ako sa isang miyembro ng simbahan tungkol sa bagong gawain ng Makapangyarihang Diyos at nalaman ng obispo ang tungkol dito, kaya tinawagan niya ako at pinapunta ako sa kanya. Pagdating ko sa simbahan, nakipagkita muna ako sa isang pryor, na nasa edad otsenta. Tahimik niyang sinabi sa akin na labis na tutol ang obispo sa aking paniniwala sa Kidlat ng Silanganan. Hinimok ako ng pryor na aminin ang aking pagkakamali sa obispo, magsisi, at pakiusapan siya na maging maluwag sa akin. Nang marinig ko ito, lubhang sumama ang loob ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, hindi ko alam kung paano haharapin ito. Pakiusap, protektahan Mo po ako, at bigyan ako ng pananalig at determinasyon. Anuman ang sunod na mangyayari, hinihiling ko na patnubayan Mo po ako upang ako ay makapanindigan sa tunay na daan.” Pagkatapos magdasal, medyo kumalma ako. Nang makita ko ang obispo, tinanong niya ako kung naniniwala ako sa Kidlat ng Silanganan, at sinabi kong oo. Nagalit siya nang husto at sinabing, “Nabalitaan kong nakikipag-ugnayan ka sa mga tao mula sa Kidlat ng Silanganan, pero binalewala ko iyon. Inakala ko na dahil isa kang pari at nakapagtamo ng pangdalubhasang pagsasanay sa teolohiya, hinding-hindi mo tatanggapin ang Kidlat ng Silanganan. Hindi ako makapaniwala na ginawa mo nga!” Sinabi ko sa kanya, “Hindi ko tinanggap ang Kidlat ng Silanganan dahil sa kalituhan. Mahigit kalahating taon ko itong siniyasat at binasa ko ang maraming salita ng Makapangyarihang Diyos. Ang mga salitang ito ang katotohanan, mga bagay na walang tao ang makapagsasabi, at ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus….” Hindi na ako pinatapos ng obispo na magsalita, at walang pasensya niyang sinabi, “Ang Santo Papa ang magpapasya kung ang Kidlat ng Silanganan ang pagbabalik ng Panginoon. Hindi kailanman nagkakamali ang Santo Papa sa mga usapin ng pananampalataya. Kung kinikilala ito ng Santo Papa, kikilalanin din natin ito. Kung hindi, at sasabihin niyang maling pananampalataya ang Kidlat ng Silanganan, hindi tayo pwedeng maniwala rito!” Pagkatapos marinig ang sinabi niya, naisip ko, “Ang Santo Papa ay isa ring tiwaling tao. Kung hindi siya naghahanap, hinding-hindi niya matatanggap ang kaliwanagan at tanglaw ng Banal na Espiritu, o makikilala ang bagong gawain ng Panginoon. Naniniwala ka sa Panginoon, ngunit sa halip na makinig sa Kanyang mga salita, bulag kang sumusunod sa mga salita ng Santo Papa, na isang tao. Paano iyon naging pananalig sa Panginoon? Hindi ba ito pananalig lamang sa isang tao?” Nagpatuloy akong magpatotoo sa obispo sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, pero hindi man lang siya nakinig. Sinabi niya, “Kung hindi sinasabi ng Santo Papa na ang Kidlat ng Silanganan ay gawain ng nagbalik na Panginoon, hindi tayo pwedeng maniwala rito. Kung ito man ang tunay na daan o hindi ay nakasalalay sa desisyon ng Santo Papa!”

Dati, sinasamba ko rin ang Santo Papa. Inakala ko na siya ang kinatawan ng Panginoon, at na kailangan nating makinig sa kanya sa lahat ng bagay. Pero kalaunan, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na nagpabago sa aking mga pananaw sa usaping iyon. Naaalala ko ang isang sipi na nagsasabi ng mga sumusunod: “May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga alagad ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayunman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng patnubay ng isang Diyos, at ang kanilang pag-iral ay hindi ginagabayan ng mga pinuno o lider ng relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay totoo. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat sila ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-unlad ng mga sangay ng siyensya patungkol sa pisikal na mundo—bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga plano ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi nila maaaring katawanin ang Isa na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi nila mauutusan ang lahat ng nilikha sa silong ng kalangitan—tanggap ng buong sansinukob ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang pinuno lamang, at hindi makakapantay sa Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik silang lahat sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at anuman ang relihiyon, bawat tao ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilikha ay kailangan ding bumalik sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang nagagawang ibukod ang lahat ng bagay ayon sa uri(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos). Nauunawaan ko mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na isang pinuno lamang ang Santo Papa, isang nilikha, at hindi siya pwedeng kumatawan sa Diyos. Ang Diyos ang Lumikha. Nilikha Niya ang mga langit at lupa at ang lahat ng bagay sa mundo, gayundin ang mga tao, at pinamunuan ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang araw. Ang Diyos ang namamahala sa kapalaran ng sangkatauhan, at ang Diyos lamang ang makapagpapahayag ng katotohanan upang iligtas ang mga tao at akayin tayo sa isang magandang hantungan. Ang gawaing ito ay hindi magagawa ng sinumang nilikha, ni ng sinumang pinuno ng relihiyon. Bagama’t mataas ang katayuan ng mga Santo Papa, sila rin ay mga tiwaling tao. Hindi nila kayang ipahayag ang katotohanan, lalo na ang gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, kaya’t gaano man kataas ang kanilang katayuan, hindi sila pwedeng kumatawan sa Diyos. Kung hindi sila maghahanap kapag gumagawa ang Diyos ng bago Niyang gawain, hindi sila mabibigyang-liwanag o matatanglawan ng Banal na Espiritu, at sa huli, sila ay tatalikdan at ititiwalag ng Diyos. Tulad lamang sila ng mga punong saserdote at mga Pariseo noong sinaunang panahon—mataas ang kanilang katayuan, ngunit nang dumating ang Panginoong Jesus upang gumawa, hindi man lang sila naghanap. Nilabanan at kinondena nila ang Panginoong Jesus, at isinumpa at pinarusahan sila ng Diyos.

Pagkatapos niyon, inutusan ako ng obispo na huwag nang makipag-ugnayan sa mga tao mula sa Kidlat ng Silanganan. Hindi ako pumayag, kaya nagalit siya nang husto at sinabing, “Kung gayon, suspendido na ang iyong mga tungkulin bilang pryor. Ibigay mo ang mga ledyer ng monasteryo at pumunta ka sa basement at pagnilayan ang nagawa mo.” Medyo nagulat ako nang oras na iyon. Hindi ko inasahang ganoon kabilis nila akong tatanggalin. Hindi ko na gaanong malaman ang dapat gawin. Inisip ko kung paanong sa ilang taon ng pagiging pryor ko, kahit saan man ako magpunta, pinapaligiran ako ng mga pari at monghe, nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang anumang sabihin ko. Ngayon ay inalis na ako ng obispo sa aking puwesto, alam kong hindi na ako igagalang ng mga pari at monghe sa ganoong paraan. Naisip ko rin kung gaano karaming trabaho ang nagawa ko para makarating sa posisyon ko bilang pryor at pari. Sa sandaling magdesisyon akong sundin ang Makapangyarihang Diyos, hindi ko na maaaring ipagpatuloy ang pagiging pryor at pari. Bagama’t nakatitiyak na ako tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, wala pa rin akong lakas ng loob na tuluyang ihiwalay ang sarili ko sa Katolisismo. Naisip ko, “Ang pagpiling ito ay hindi isang maliit na bagay. Kailangan kong mag-isip nang mabuti bago ako magdesisyon.” Pumunta ako sa basement at nakita si Father Zhao, na inilagay roon upang pagnilayan ang kanyang pakikiapid. Sinabi ko sa kanya na pinapunta ako roon dahil tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Labis siyang nagulat at sinabing nagawa lamang niya ang kasalanan ng pakikiapid sa isang sandali ng kahinaan, kaya kung mangungumpisal siya sa Panginoon, pwede pa rin siyang maligtas. Sinabi niyang mas mabigat ang problema ko, na usapin ito ng pananampalataya, at na sa sandaling mamali ang ating pananampalataya, hindi na tayo maliligtas at makapapasok sa kaharian ng langit. Noong oras na iyon, hindi ako naapektuhan ng kanyang mga salita.

Makaraan ng dalawa o tatlong araw, pumunta si Father Wang at ang bookkeeper sa basement para beripikahin sa akin ang mga ledyer. Tinignan ako ni Father Wang nang may pagkamuhi, at nang magtanong siya tungkol sa mga ledyer, para siyang nag-iinteroga sa isang preso. Nakakasama ng loob ang lahat ng iyon. Pagkaalis nila, humiga ako sa kama nang nanghihina, nakakaramdam ng pagkamiserable at pagkaagrabyado. Naisip ko kung paanong lahat ay laging napakagalang sa akin noong pinapatakbo ko ang monasteryo. Kahit saan ako naho-host, masayang lumalabas ang mga pari at monghe para batiin ako, at naghahanda ng prutas ang host at nagpapakita sa akin ng mainit na pagtanggap. Laging inaabangan ng mga pari at monghe ang mga sermon ko, at kadalasang hinihintay nila akong gumawa ng desisyon kapag tinatalakay ang anumang bagay. Madalas ko ring isaayos ang gawain ng mga pari at monghe, at nakikinig at sumusunod silang lahat sa akin. Pero ngayon, matapos akong tanggalin sa posisyon ko, minaliit nila akong lahat. Hindi na ako nirerespeto ng mga pari, at walang pumapansin sa akin habang nasa basement ako. Ibang-iba ito sa sitwasyon ng mga bagay-bagay noong pryor pa ako! Talagang nagpapabago sa mga bagay-bagay ang hindi pagkakaroon ng katayuan. Tapos naisip ko na kung pipiliin kong sundin ang Makapangyarihang Diyos sa hinaharap, hinding-hindi ko na muling matatamasa ang buhay ng isang pryor, at ang katayuan at pakikitungo na natanggap ko ay mawawala. Medyo nadismaya ako roon. Pero naisip ko, “Ang Makapangyarihang Diyos ay talagang ang nagbalik na Panginoong Jesus. Kung hindi ko susundin ang Makapangyarihang Diyos alang-alang lamang sa aking katayuan at kasiyahan, talaga bang tunay akong mananalig ng Diyos? Maililigtas pa ba ako ng Diyos?” Hindi ko alam kung aling landas ang dapat kong piliin. Labis akong nagdurusa at lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan at gabayan ako para hindi na ako mapigilan ng mga pagkagapos ng katayuan at reputasyon, at makasunod ako sa mga yapak ng Diyos. Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos na binasa sa akin ng mga kapatid ko: “Nagpakumbaba na ang Diyos Mismo sa antas na ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa marurumi at tiwaling mga taong ito, at pineperpekto ang grupong ito ng mga tao. Hindi lamang naging tao ang Diyos upang mamuhay at kumain sa gitna ng mga tao, gabayan ang mga tao, at tustusan ang pangangailangan ng mga tao. Ang higit na mahalaga ay ginagawa Niya ang Kanyang dakilang gawaing iligtas at lupigin ang mga taong ito na lubhang tiwali. Dumating Siya sa puso ng malaking pulang dragon upang iligtas ang pinakatiwaling mga taong ito, para lahat ng tao ay mabago at magawang bago. Ang napakalaking hirap na tinitiis ng Diyos ay hindi lamang ang hirap na tinitiis ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi higit sa lahat ay dumaranas ng malaking kahihiyan ang Espiritu ng Diyos—Siya ay nagpapakumbaba at itinatago nang husto ang Kanyang Sarili kaya Siya nagiging isang karaniwang tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at nag-anyong tao upang makita ng mga tao na mayroon Siyang isang normal na buhay ng tao at normal na mga pangangailangan ng tao. Sapat na ito upang patunayan na nagpakumbaba ang Diyos Mismo nang labis. Ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ay napakataas at dakila, subalit nag-aanyo Siyang isang karaniwang tao, isang balewalang tao, upang gawin ang gawain ng Kanyang Espiritu. Ang kakayahan, kabatiran, diwa, pagkatao, at buhay ng bawat isa sa inyo ay nagpapakita na hindi talaga kayo karapat-dapat na tumanggap ng ganitong uri ng gawain ng Diyos. Hindi talaga kayo karapat-dapat na hayaang magtiis ang Diyos ng gayong hirap para sa inyong kapakanan. Ang Diyos ay napakadakila. Siya ay lubhang kataas-taasan, at ang mga tao ay napakaaba, ngunit gumagawa pa rin Siya sa kanila. Hindi lamang Siya nagkatawang-tao upang magtustos para sa mga tao, upang magsalita sa mga tao, kundi namumuhay pa Siyang kasama ng mga tao. Masyadong mapagkumbaba ang Diyos, masyadong kaibig-ibig(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto). Totoo ito. Walang bansang mas matinding lumalaban sa Diyos kaysa sa Tsina. Ang Diyos ay pumarito na nagkatawang-tao sa bansa ng malaking pulang dragon para magsalita at gumawa. Dinanas niya ang pang-uusig at paninira sa mga kamay ng Partido Komunista, at ang pagkondena at pagtanggi ng mundo ng relihiyon. Napakadakila ng Diyos, at napakarangal, ngunit tiniis Niya ang matinding kahihiyan at pumarito sa lupa, at lahat ng ginagawa Niya ay para iligtas tayo. Tunay na mapagpakumbaba at kaibig-ibig ang Diyos! Pero ang nais ko lang ay tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan at nagustuhan ko ang pagkakaroon ng pagsuporta at paghanga ng iba. Kahit na nakakatiyak na ako sa gawain ng Diyos, ayaw ko pa ring isuko ang katayuan ko at sundan Siya. Hindi ba’t sadya akong lumalaban, kahit na alam ko ang tunay na daan? Hindi ba’t tunay na wala akong konsensya? Nang mapagtanto ito, medyo nakonsensya at nahiya ako, at hinanda ko ang sarili ko na bitiwan ang posisyon ko.

Makalipas ang ilang araw, pumunta ang pinsan ko sa basement para subukang himukin ako at kumbinsihing magnilay-nilay. Sinabi niya na kung hindi ko gagawin iyon, ititiwalag ako ng obispo sa simbahan. Nang marinig ko iyon, nabigla ako. Wala pa akong nabalitaang may natiwalag sa aming simbahan. Kung matitiwalag ako, lahat ng miyembro ng simbahan sa paligid ko at lahat ng tao sa buong diyosesis ay tatanggihan ako. Sa ilang araw na lumipas pagkatapos umalis ng pinsan ko, hindi ko mapigilan ang paghihirap sa loob ko. Mula sa sandaling nagsimula akong maniwala sa Panginoon, hindi kailanman sumagi sa isip ko na maaari akong matiwalag, at hindi ko inakala na palalayasin ako ng obispo dahil sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos. Paulit-ulit kong iniisip ang mga bagay na ito noong mga araw na iyon. Sa tuwing nakikita ko ang mga propesiya sa Bibliya tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, naaalala ko ang mga kapatid na nagpatotoo sa akin tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos at ang mga sipi ng salita ng Diyos na nabasa ko. Sumasagi sa isip ko ang mga eksenang ito na parang sa isang pelikula. Ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, at hindi ako pwedeng sumuko sa pagsunod sa Kanya. Pero nang maisip ko ang pag-alis sa Simbahang Katoliko o ang mapatalsik, hindi ako makapagdesisyon.

Kalaunan, pumunta ang obispo sa basement at kinumusta ang pagninilay-nilay ko. Nang makita niyang nananatili ako sa pananalig ko sa Makapangyarihang Diyos, hindi talaga siya natuwa, at sinabing, “Hindi maliit na bagay ang iyong pananalig sa Kidlat ng Silanganan. Kailangan mo talagang magnilay sa sarili mo. Kung magagawa mong taos na kilalanin ang iyong sarili, magsisi, at tanggihan ang Kidlat ng Silanganan, puwede nating kalimutan ang pagkakamali mo at pwede kang manatili sa iyong posisyon bilang isang pryor.” Pagkaalis ng obispo, sinubukang muli ni Father Zhao na himukin ako. Sinabi niya, “Kailangan mong isulat ang mga konklusyon na napagtanto mo sa iyong pagninilay-nilay. Kung gagawin mo ito, pwede kang magpatuloy sa pagiging isang pryor. Kung hindi mo ito gagawin, hindi ka basta-basta patatawarin ng obispo!” Matapos marinig iyon, naisip ko, “Binigyan na ako ng obispo ng ultimatum, kaya kung hindi ko isusulat ang mga resulta ng aking pagninilay-nilay, talagang mawawala ang posisyon ko bilang pryor, at mahaharap ako sa pagkakatiwalag sa simbahan.” Nalungkot ako nang maisip ko iyon. Kahit alam kong dapat kong piliin na sundin ang Makapangyarihang Diyos, medyo hindi pa rin ako handang bumitiw sa posisyon ko. Habang nasasaktan, lumapit ako sa Diyos at taimtim na tumawag sa Kanya, sinabing, “Makapangyarihang Diyos, hinaharap ko ang aking huling pagpapasya ngayon. Pakiusap, tulungan at gabayan Mo po ako, para makagawa ako ng tamang pagpapasya.” Pagkatapos kong magdasal, naisip ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na minsang binasa sa akin ng mga kapatid. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Tiyak na hindi kailanman magsisimulang muli ang Diyos sa ibang dako. Gagawin ng Diyos ang katotohanang ito: Gagawin Niyang pumunta sa harapan Niya ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob at sambahin ang Diyos sa lupa, at titigil ang gawain Niya sa ibang mga lugar, at mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magiging katulad ito ni Jose: Lumapit ang lahat sa kanya para sa pagkain, at yumukod pababa sa kanya, sapagkat mayroon siyang mga bagay na makakain. Upang maiwasan ang taggutom, mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magdurusa ng matinding taggutom ang buong relihiyosong pamayanan, at tanging ang Diyos ng ngayon ang bukal ng buhay na tubig, na nagtataglay ng walang-hanggang umaagos na bukal na inilaan para sa pagtatamasa ng tao, at darating ang mga tao at aasa sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian). Totoo ito. Mapanglaw ngayon ang mga simbahan kahit saan, at walang gawain ng Banal na Espiritu. Walang pagtanglaw sa mga sermon ng mga obispo at pari, nakakapangaral lang sila ng ilang teoryang teolohiko at doktrinang pangrelihiyon, at mahigpit na sinunod ang mga pangrelihiyong ritwal at mga tuntuning nilikha ng tao. Pero ang pagkapit sa mga bagay na ito ay hindi nagbibigay ng kahit katiting na panustos at pagpapatibay sa buhay ng mga tao; at lahat ay nabubuhay sa isang siklo ng pagkakasala, pangungumpisal, at muling pagkakasala araw-araw. Gaano man magsumikap ang mga tao, hindi nila malulutas ang problemang ito. Maging ang mga lider ng simbahan ay hindi nakakaiwas sa mga halatang kasalanan tulad ng pagnanakaw ng mga handog o pakikiapid, tulad ni Father Zhao, na nagpakababa na nang husto na hindi man lang niya ikinahihiya ang paggawa ng ganoon kalaking kasalanan. Ang Katolisismo ngayon ay katulad lang ng isang di-umaagos na lawa! Naiiba ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kapag nagbabahaginan kami sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa bawat pagtitipon, nakakatulong itong maunawaan namin ang katotohanan, at makapagkamit ng panustos at pagpapatibay sa aming buhay. Kung hindi ko nasabayan ang gawain ng Makapangyarihang Diyos at hindi nakamit ang mga katotohanang ipinapahayag Niya sa mga huling araw, hinding-hindi ako makakalaya sa kasalanan. Makukulong ako sa kasalanan araw-araw, hindi makakawala. Ano pang magiging silbi ng pananatili sa relihiyon at pagtatamasa ng suporta ng lahat kung gayon? Tapos naisip kong muli ang ilang salita ng Diyos: “Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Kung hindi sa pamamagitan ni Cristo, walang magagawang perpekto ng Diyos. Naniniwala ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang daan. Di pwedeng isipin mo lang ang magkamit ng pagpapala pero wala kang kakayahang tanggapin ang katotohanan at tumanggap sa pagtustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay ang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ang Kanyang gawain ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon ay nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa. Kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo matatanggap ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang ganting matatanggap ng mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo na kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo nang may paghamak si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan para sa iyo. Higit pa rito, simula sa araw na ito ay hindi ka na magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukan mo pang makabawi, hindi mo na mapagmamasdan muli ang mukha ng Diyos kahit kailan. Sapagkat hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang mahinang nilalang ang tinatanggihan mo nang may paghamak, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang magagawa mo, kundi isang karumal-dumal na krimen. Kaya naman pinapayuhan Ko ang lahat na huwag ilabas ang mga pangil ninyo sa harap ng katotohanan, o gumawa ng walang-ingat na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi katotohanan ang makapagdudulot sa iyo na muli kang isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Ibinibigay sa atin ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Madadalisay at maliligtas lamang tayo sa pamamagitan ng mga katotohanang ito. Sa pamamagitan ng biyaya at kadakilaan ng Diyos, nagawa kong tanggapin ang mga katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos at magkaroon ng paraan para baguhin ang aking mga tiwaling disposisyon. Kung pinili kong manatili sa Katolisismo, ninais ang katayuan at kasiyahan, at tinanggihan ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, kokondenahin ako ng Diyos magpakailanman at tuluyang mawawala ang pagkakataon kong maligtas! Magiging katulad lang ako ng mga punong saserdote at mga Pariseo. Nagtaglay sila ng mataas na katayuan sa mga Hudyo, at nasiyahan sa magandang pagtingin at suporta ng lahat. Nang dumating ang Panginoong Jesus, alam nilang may awtoridad at kapangyarihan ang Kanyang mga sermon, subalit upang protektahan ang kanilang katayuan at kinikita, tumanggi silang tanggapin ang Kanyang pagliligtas, at ipinako pa nga Siya sa krus. Sa huli, lahat sila ay walang hanggang isinumpa at pinarusahan ng Diyos. Hindi ako maaaring sumunod sa mga yapak nila! Makukuha ko lamang ang kaligtasan at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa bagong gawain ng Makapangyarihang Diyos, pagtamasa sa pagdidilig at pagtutustos ng Kanyang mga salita, pagkilala sa sarili ko sa pamamagitan ng mga ito, paghanap sa ugat ng aking kasalanan, at pag-unawa kung paano magiging malinis sa katiwalian—hindi ba’t mas mahalaga at makabuluhan iyon kaysa sa pagkakaroon ng mataas na katayuan? Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas sumasaya ang puso ko. Malinaw kong nakita na walang mabuting dahilan para manatili pa sa relihiyon, at na hindi ko kailangang manatili roon. Kaya, binitiwan ko ang posisyon ko bilang isang pari at pryor at determinadong umalis sa Katolisismo.

Kahit dumanas ako ng ilang paghihirap sa loob ng ilang araw na inilagi ko sa basement, ang patnubay at pamumuno ng mga salita ng Diyos ang nagpaunawa sa akin na hindi ko dapat hinahangad ang katayuan, at hindi ito isang bagay na sinasang-ayunan ng Diyos. Malinaw ang daan pasulong. Noon, inakala ko na ang pagkaunawa sa kaalaman sa Bibliya at mga teoryang teolohikal ay nangangahulugan na kilala ko ang Diyos. Hindi ko natanto na ang mga teoryang teolohikal na natutunan ko ay lahat mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at hindi talaga umaayon sa katotohanan ang mga ito. Parang matibay na pader ang mga ito na itinayo sa paligid ko, na naging dahilan upang gumawa ako ng mga sarili kong paghatol tungkol sa Diyos at tutulan ang Kanyang gawain. Naging dahilan din ang mga ito para maging mayabang, mapagmagaling, at matigas ang ulo ko. Wala akong pusong mapagkumbaba, naghahanap, o may takot sa Diyos. Kung hindi dahil sa awa ng Makapangyarihang Diyos, imposibleng matatanggap ko ang Kanyang kaligtasan! At saka, noong naghangad ako ng katayuan at kasiyahan at hindi alam kung ano ang magiging desisyon, paulit-ulit akong binigyang-liwanag at pinatnubayan ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita at inakay akong bitiwan ang aking posisyon at sabayan ang Kanyang gawain. Kung hindi dahil sa pangangalaga at suporta ng Diyos, hinding-hindi ako makakabalik sa harapan Niya. Napakapraktikal at totoo ng pag-ibig ng Diyos.

Sumunod: 2. Ang Landas Tungo sa Kaharian ng Diyos ay Hindi Palaging Madali

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito