Kabanata 27
Ngayon, narating na ng mga salita ng Diyos ang rurok nito, na ibig sabihin, narating na ng ikalawang bahagi ng kapanahunan ng paghatol ang taluktok nito. Ngunit hindi ito ang pinakamataas na taluktok. Sa panahong ito, nagbago na ang tono ng Diyos—hindi ito nanunuya ni nakakatawa, at hindi ito nagtutuwid o nagsasaway; pinalambot ng Diyos ang tono ng Kanyang mga salita. Ngayon, nagsisimula ang Diyos na “makipagpalitan ng mga damdamin” sa tao. Ang Diyos ay parehong itinutuloy ang gawain ng kapanahunan ng paghatol at kasabay nito ay binubuksan ang landas ng susunod na bahagi ng gawain, upang lahat ng bahagi ng Kanyang gawain ay magkaugnay-ugnay sa isa’t isa. Sa isang dako, nangungusap Siya tungkol sa “katigasan ng ulo at pagbalik sa dating gawi” ng tao, at sa kabilang dako, nangungusap Siya tungkol sa “mga kagalakan at kalungkutan ng mahiwalay at pagkatapos ay makasamang muli ang tao”—na lahat ay nag-uudyok ng reaksyon sa puso ng mga tao, at inaantig kahit ang pinakamanhid sa mga puso ng tao. Ang layon ng Diyos sa pagsasabi ng mga salitang ito una sa lahat ay para tahimik na magpatirapa ang lahat ng tao sa harap ng Diyos sa pinakahuli, at pagkatapos niyon na “ipinamamalas Ko lamang ang Aking mga kilos, kaya nakikilala Ako ng lahat sa pamamagitan ng sarili nilang kabiguan.” Sa panahong ito, ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos ay nananatiling lubos na mababaw; hindi ito tunay na kaalaman. Bagama’t nagsisikap silang mabuti hangga’t kaya nila, hindi nila kayang isagawa ang kalooban ng Diyos. Ngayon, nakarating na sa tugatog ang mga salita ng Diyos, ngunit nananatili ang mga tao sa mga naunang yugto, at sa gayon ay hindi nila kayang pumasok sa mga pagbigkas sa kasalukuyan—ipinapakita nito na talagang lubhang magkaiba ang Diyos at ang tao. Batay sa pagkukumparang ito, kapag nagwakas na ang mga salita ng Diyos, makakaya lamang ng mga tao na matamo ang pinakamababang mga pamantayan ng Diyos. Ito ang kaparaanan ng paggawa ng Diyos sa mga taong ito na lubos na nagawang tiwali ng malaking pulang dragon, at kailangang gumawa ang Diyos sa gayong paraan upang makamit ang pinakamainam na epekto. Medyo mas nagbibigay-pansin ang mga tao sa mga iglesia sa mga salita ng Diyos, ngunit ang layunin ng Diyos ay na baka-sakaling makilala nila ang Diyos sa Kanyang mga salita—wala bang pagkakaiba? Gayunman, sa kasalukuyang sitwasyon, hindi na inaalala ng Diyos ang kahinaan ng tao, at patuloy na nagsasalita tanggapin man ng mga tao ang Kanyang mga salita o hindi. Alinsunod sa Kanyang kalooban, kapag natapos ang Kanyang mga salita, iyon ang panahon na makukumpleto ang Kanyang gawain sa lupa. Ngunit ang gawain sa panahong ito ay hindi katulad noong araw. Kapag natatapos ang mga pagbigkas ng Diyos, walang sinumang makakaalam; kapag natatapos ang gawain ng Diyos, walang sinumang makakaalam; at kapag nagbabago ang anyo ng Diyos, walang sinumang makakaalam. Ganyan ang karunungan ng Diyos. Para maiwasan ang anumang mga pagpaparatang ni Satanas at anumang panggugulo mula sa mga puwersa ng kaaway, gumagawa ang Diyos nang walang sinumang nakakaalam, at sa panahong ito ay walang reaksyon sa mga tao sa lupa. Bagama’t ang mga palatandaan ng pagbabagong-anyo ng Diyos ay minsan nang binanggit, walang sinumang nakahiwatig dito, sapagkat nakalimutan na ito ng tao, at hindi niya binibigyang-pansin ito. Dahil sa mga pag-atake kapwa mula sa loob at sa labas—ang mga kalamidad sa mundo sa labas at ang pagsunog at paglilinis ng mga salita ng Diyos—ayaw nang magpakahirap ng mga tao para sa Diyos, dahil masyado silang abala sa sarili nilang mga usapin. Kapag dumating ang lahat ng tao sa punto ng pagtanggi sa kaalaman at paghahabol sa nakaraan, kapag nakita na nang malinaw ng lahat ng tao ang kanilang sarili, mabibigo sila at hindi na magkakaroon ng puwang ang kanilang sarili sa puso nila. Saka lamang taos-pusong mananabik ang mga tao sa mga salita ng Diyos, saka lamang tunay na magkakaroon ng puwang ang mga salita ng Diyos sa puso nila, at saka lamang magiging pinagmumulan ng kanilang pag-iral ang mga salita ng Diyos—sa sandaling ito, matutupad ang kalooban ng Diyos. Ngunit napakalayo pa ng mga tao ng ngayon bago makarating sa puntong ito. Halos hindi pa nakausad nang isang pulgada ang ilan sa kanila, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos na ito ay “pagbalik sa dating gawi.”
Maraming tanong sa lahat ng salita ng Diyos. Bakit patuloy na itinatanong ng Diyos ang gayong mga bagay? “Bakit hindi makapagsisi at maisilang na muli ang mga tao? Bakit sila handang mamuhay sa latian magpakailanman sa halip na sa isang lugar na hindi maputik? …” Noong araw, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng tuwirang pagtuturo ng mga bagay-bagay o tuwirang paglalantad. Ngunit pagkatapos magdusa ng matinding pasakit ang mga tao, hindi na nagsalita nang tuwiran ang Diyos sa ganitong paraan. Sa loob ng mga katanungang ito, nakikita ng mga tao ang sarili nilang mga kakulangan at naiintindihan ang landas ng pagsasagawa. Dahil gusto ng lahat ng tao na kainin ang anumang naririyan na, nagsasalita ang Diyos nang angkop sa kanilang mga hinihingi, na nagbibigay sa kanila ng mga paksang pagninilayan upang mapagnilayan nila ang mga iyon. Ito ay isang aspeto ng kabuluhan ng mga tanong ng Diyos. Natural, hindi ito ang kabuluhan ng ilan sa Kanyang ibang mga tanong, halimbawa: Naging masama kaya ang naging pagtrato Ko sa kanila? Mali kaya ang direksyong naituro Ko sa kanila? Inaakay Ko kaya sila sa impiyerno? Ipinapakita ng mga tanong na kagaya nito ang mga kuru-kurong nakatanim sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Bagama’t hindi isinasatinig ng kanilang bibig ang mga kuru-kurong ito, may pagdududa sa puso ng karamihan sa kanila, at naniniwala sila na ang mga salita ng Diyos ay inilalarawan sila na lubos na walang halaga. Natural, hindi kilala ng gayong mga tao ang kanilang sarili, ngunit sa huli ay aaminin nilang natalo sila ng mga salita ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Kasunod ng mga katanungang ito, sinasabi rin ng Diyos na, “Balak Kong durugin ang lahat ng bansa sa maliliit na piraso, pati na ang pamilya ng tao.” Kapag tinatanggap ng mga tao ang pangalan ng Diyos, mayayanig ang lahat ng bansa dahil dito, unti-unting magbabago ang mentalidad ng mga tao, at mawawala na ang relasyon sa mga pamilya sa pagitan ng ama at ng anak na lalaki, ng ina at ng anak na babae at ng mag-asawa sa isa’t isa. Bukod pa riyan, lalo pang magkakalayo ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao sa mga pamilya; sasama sila sa malaking pamilya, at ang regular na mga kaugalian sa buhay ng halos lahat ng pamilya ay masisira. Dahil dito, ang konsepto ng “pamilya” sa puso ng mga tao ay lalong magiging malabo.
Sa mga salita ng Diyos ngayon, bakit napakaraming nakatuon sa “pakikipagpalitan ng damdamin” sa mga tao? Natural, ito ay para makamit din ang isang tiyak na epekto, kung saan makikita na balisang-balisa ang puso ng Diyos. Sinasabi ng Diyos, “Kapag nalulungkot Ako, sino ang makakaaliw sa Akin nang taos-puso?” Sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito dahil nadaraig ng kalungkutan ang Kanyang puso. Walang kakayahan ang mga tao na magmalasakit nang husto sa kalooban ng Diyos, at lagi silang nagpapakasama, hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, at ginagawa nila kung ano ang gusto nila; napakababa nila, at lagi nilang pinatatawad ang kanilang sarili at hindi nila inaalala ang kalooban ng Diyos. Ngunit dahil nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga tao hanggang sa ngayon, at wala silang kakayahang palayain ang kanilang sarili, sinasabi ng Diyos: “Paano nila matatakasan ang mga panga ng gutom na gutom na lobo? Paano sila makakahulagpos mula sa mga banta at panunukso nito?” Ang mga tao ay nabubuhay sa laman, na nangangahulugan ng mabuhay sa bibig ng gutom na gutom na lobo. Dahil dito, at dahil walang kamalayan sa sarili ang mga tao at lagi nilang pinalalayaw ang kanilang sarili at nagpapadaig sila sa kabuktutan, hindi mapigilan ng Diyos na mabalisa. Kapag mas pinaaalalahanan ng Diyos ang mga tao nang gayon, mas gumagaan ang kanilang pakiramdam, at mas nagiging handa silang makibahagi sa Diyos. Saka lamang magkakasundo ang tao at ang Diyos, nang walang anumang paghihiwalay o agwat sa pagitan nila. Ngayon, hinihintay ng buong sangkatauhan ang pagsapit ng araw ng Diyos, kaya nga hindi nakasulong ang sangkatauhan kailanman. Subalit sinasabi ng Diyos: “Kapag nagpakita ang Araw ng katuwiran, magliliwanag ang Silangan, at pagkatapos ay liliwanagan nito ang buong sansinukob, na umaabot sa lahat.” Sa madaling salita, kapag binago ng Diyos ang Kanyang anyo, matatanglawan muna ang Silangan at ang bansa ng Silangan ang unang papalitan, pagkatapos ay paninibaguhin ang natitirang mga bansa mula timog hanggang hilaga. Ganito ang pagkakasunud-sunod, at lahat ay magiging alinsunod sa mga salita ng Diyos. Kapag natapos na ang yugtong ito, makikita ng lahat ng tao. Gumagawa ang Diyos ayon sa pagkakasunud-sunod na ito. Kapag namamasdan nila ang araw na ito, lubhang magagalak ang mga tao. Makikita mula sa agarang layunin ng Diyos na hindi na nalalayo ang araw na ito.
Sa mga salitang sinasambit dito ngayon, ang pangalawa at pangatlong bahagi ay pumupukaw sa mga luha ng pagdadalamhati sa lahat ng nagmamahal sa Diyos. Agad na nababalot ng dilim ang kanilang puso, at mula sa oras na iyon ay napupuspos ng matinding kalungkutan ang lahat ng tao dahil sa puso ng Diyos. Wala silang madaramang ginhawa hanggang sa matapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa. Ito ang pangkalahatang kalakaran. “Sumisiklab ang galit sa puso Ko, na may kasamang pagbugso ng damdamin ng kalungkutan. Kapag namamasdan ng Aking mga mata na marumi ang mga gawa at bawat salita at kilos ng mga tao, nag-uumapaw ang galit Ko, at sa puso Ko ay mas matindi ang nadarama Kong mga kawalan ng katarungan sa mundo ng tao, kaya lalo Akong nalulungkot; nananabik Akong tapusin kaagad ang laman ng tao. Hindi Ko alam kung bakit hindi kayang linisin ng tao ang kanyang sarili sa laman, kung bakit hindi kayang mahalin ng tao ang kanyang sarili sa laman. Maaari kayang napakalaki ng ‘silbi’ ng laman?” Sa mga salita ng Diyos ngayon, isiniwalat na ng Diyos sa publiko ang lahat ng pagkabalisa sa Kanyang puso sa tao, nang walang anumang itinatago. Kapag nagpapatugtog ng musika ang mga anghel ng ikatlong langit para sa Kanya, nananabik pa rin ang Diyos sa mga tao sa lupa, at dahil dito kaya Niya sinasabing, “Kapag ang mga anghel ay tumutugtog ng musika ng papuri sa Akin, hindi nito mapigilang pukawin ang Aking awa sa tao. Biglang napupuspos ng kalungkutan ang puso Ko, at imposibleng mapawi Ko sa Aking sarili ang masakit na damdaming ito.” Ito ang dahilan kaya sinasabi ng Diyos ang mga salitang: “Itatama Ko ang mga kawalang-katarungan sa mundo ng tao. Gagawin Ko mismo ang Aking gawain sa buong mundo, pagbabawalan Ko si Satanas na muling saktan ang Aking mga tao, pagbabawalan Ko ang mga kaaway na muling gawin ang anumang gusto nila. Magiging Hari Ako sa lupa at ililipat Ko ang Aking luklukan doon, papangyayarihin Kong magpatirapa sa lupa ang lahat ng kaaway Ko at paaaminin Ko sa mga krimen nila sa Aking harapan.” Ang kalungkutan ng Diyos ay nagdaragdag sa Kanyang poot sa mga diyablo, at sa gayon ay maaga Niyang inihahayag sa masa kung paano matatapos ang mga diyablo. Ito ang gawain ng Diyos. Noon pa man ay nais na ng Diyos na muling makasama ang lahat ng tao at tapusin ang dating kapanahunan. Lahat ng tao sa buong sansinukob ay nagsisimulang gumalaw—ibig sabihin, lahat ng tao sa kosmos ay pumapasok sa patnubay ng Diyos. Dahil dito, ang kanilang mga kaisipan ay nauuwi sa pag-aalsa laban sa kanilang mga emperador. Hindi magtatagal, magkakagulo ang mga tao sa mundo at magsisitakas ang mga pinuno ng lahat ng bansa sa lahat ng direksyon, at sa huli ay hihilahin ng kanilang mga tao patungo sa pugutan ng ulo. Ito ang huling wakas ng mga hari ng mga diyablo; sa huli, walang sinuman sa kanila ang makakatakas, at kailangang pagdaanan nilang lahat ito. Ngayon, yaong mga “matalino” ay nagsimula nang umurong. Nang makitang hindi maganda ang sitwasyon, ginagamit nila ang pagkakataong ito para umatras at takasan ang mga hirap ng malaking sakuna. Ngunit malinaw Kong sinasabi, ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga huling araw higit sa lahat ay ang pagkastigo ng tao, kaya paanong posibleng makakatakas ang mga taong ito? Ngayon ang unang hakbang. Balang araw, lahat ng nasa sansinukob ay mahuhulog sa kaguluhan ng digmaan; hindi na muling magkakaroon ng mga pinuno ang mga tao sa lupa kailanman, magiging parang isang tumpok ng buhaghag na buhangin ang buong mundo, na hindi pinamamahalaan ng sinuman, at sariling buhay lamang nila ang pangangalagaan ng mga tao, na hindi pinapansin ang sinupamang iba, sapagkat lahat ay kontrolado ng kamay ng Diyos—kaya nga sinasabi ng Diyos, “Pinagwawatak-watak ng buong sangkatauhan ang iba’t ibang bansa ayon sa Aking kalooban.” Ang pagtunog ng mga trumpeta ng mga anghel na sinasabi ng Diyos ngayon ay isang palatandaan—pinatutunog ng mga ito ang pang-alarmang kampana para sa tao, at kapag minsan pang tumunog ang mga trumpeta, dumating na ang huling araw ng mundo. Sa oras na iyon, sasapit ang buong pagkastigo ng Diyos sa buong daigdig; ito ay magiging walang-pusong paghatol, at ang opisyal na pagsisimula ng panahon ng pagkastigo. Sa mga Israelita, kadalasan ay magkakaroon ng tinig ng Diyos para akayin sila sa iba’t ibang kapaligiran, at magpapakita rin ang mga anghel sa kanila. Gagawing ganap ang mga Israelita sa loob lamang ng ilang buwan, at dahil hindi na nila kakailanganing sumailalim sa hakbang ng pag-aalis sa kanilang sarili mula sa kamandag ng malaking pulang dragon, magiging madali para sa kanila ang pumasok sa tamang landas sa ilalim ng iba-ibang uri ng patnubay. Mula sa mga pag-unlad sa Israel ay makikita ang kalagayan ng buong sansinukob, at ipinapakita nito kung gaano kabilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. “Dumating na ang panahon! Pakikilusin Ko ang Aking gawain, mamamahala Ako bilang Hari sa gitna ng mga tao!” Noong araw, naghari lamang ang Diyos sa langit. Ngayon, naghahari Siya sa lupa; nabawi na ng Diyos ang lahat ng Kanyang awtoridad, kaya nga hinulaan na buong sangkatauhan ay hindi na muling mamumuhay ng normal na buhay ng tao kailanman, sapagkat muling aayusin ng Diyos ang langit at lupa, at walang taong pinahihintulutang makialam. Sa gayon, madalas ipaalala ng Diyos sa tao na “dumating na ang panahon.” Kapag nakabalik na ang lahat ng Israelita sa kanilang bansa—sa araw na nabawi nang buong-buo ang bansang Israel—makukumpleto na ang dakilang gawain ng Diyos. Hindi natatanto ng sinuman, mag-aalsa ang mga tao sa buong sansinukob, at babagsak ang mga bansa sa buong sansinukob na parang mga bituin sa langit; sa isang iglap, guguho sila. Matapos silang pakitunguhan, itatayo ng Diyos ang kahariang pinakamamahal ng Kanyang puso.