Kabanata 28
Ang kalagayan ng mga tao ay na kapag mas babahagya nilang nauunawaan ang mga salita ng Diyos, mas nagdududa sila sa kasalukuyang paraan ng paggawa ng Diyos. Ngunit wala itong epekto sa gawain ng Diyos; kapag umabot sa isang punto ang Kanyang mga salita, natural na mapupukaw ang puso ng mga tao. Sa kanilang buhay, lahat ay nakatuon sa mga salita ng Diyos, at nagsisimula rin silang manabik sa Kanyang mga salita, at dahil sa tuluy-tuloy na pagkalantad ng Diyos, nagsisimula silang kamuhian ang kanilang sarili. Subalit nabigkas din ng Diyos ang marami sa sumusunod na uri ng mga salita: “Kapag lubusan na niyang naunawaan ang lahat ng Aking salita, nagiging akma ang tayog ng tao sa mga naisin Ko, at mabunga ang kanyang mga pagsusumamo, at hindi walang kabuluhan o walang saysay; pinagpapala Ko ang mga pagsusumamo ng sangkatauhan na taos-puso, yaong mga hindi pakunwari.” Sa katunayan, ang mga tao ay walang kakayahan na lubusang maunawaan ang mga salita ng Diyos, maaari lamang nilang maunawaan ito nang mababaw. Ginagamit lamang ng Diyos ang mga salitang ito upang bigyan sila ng isang layunin na hahangarin nilang matamo, upang ipadama sa kanila na ang Diyos ay hindi gumagawa ng mga bagay nang basta-basta, kundi seryoso Siya tungkol sa Kanyang gawain; saka lamang sila magkakaroon ng pananampalatayang hangarin ito. At dahil lahat ng tao ay nagsusumamo lamang para sa kanilang sariling mga kapakanan, hindi para sa kalooban ng Diyos, ngunit hindi pabagu-bago ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay laging nakatuon sa likas na pagkatao ng tao. Bagama’t karamihan sa mga tao ngayon ay nagsusumamo, hindi sila tapat—nagkukunwari lamang sila. Ang kalagayan ng lahat ng tao ay na “itinuturing nila ang Aking bibig na isang kornukopya. Nais ng lahat ng tao na makakuha ng isang bagay mula sa Aking bibig. Mga lihim man ito ng kalagayan, o mga hiwaga ng langit, o mga puwersa ng espirituwal na mundo, o hantungan ng sangkatauhan.” Dahil mausisa sila, lahat ng tao ay handang saliksikin ang mga bagay na ito, at ayaw nilang magkamit ng anumang panustos ng buhay mula sa mga salita ng Diyos. Kaya naman sinasabi ng Diyos, “Napakaraming kulang sa kalooban ng tao: Hindi lamang mga ‘suplementong pangkalusugan’ ang kanyang kailangan, kundi higit pa riyan, kailangan niya ng ‘suportang pangkaisipan’ at ng ‘espirituwal na panustos.’” Ang mga kuru-kuro ng mga tao ang humantong sa pagkanegatibo ngayon, at ito ay dahil ang kanilang pisikal na mga mata ay masyadong “piyudal” kaya walang sigla sa kanilang sinasabi at ginagawa, at wala silang pakialam at pabaya sila sa lahat ng bagay. Hindi ba ito ang mga kundisyon ng mga tao? Hindi ba dapat magmadali ang mga tao at ituwid ito, sa halip na magpatuloy sila na tulad ng dati? Ano ang pakinabang ng tao sa pag-alam sa hinaharap? Bakit may reaksyon ang mga tao matapos basahin ang ilan sa mga salita ng Diyos, ngunit walang epekto ang nalalabing bahagi ng Kanyang mga salita? Halimbawa, kapag sinasabi ng Diyos, “Naglalaan Ako ng lunas para sa sakit ng tao upang magkamit ng mas magagandang epekto, para lahat ay maipanumbalik sa kalusugan, at, salamat sa Aking lunas, makabalik sila sa pagiging normal,” paano nawalan ng epekto ang mga salitang ito sa mga tao? Hindi ba lahat ng ginagawa ng Diyos ay yaong dapat matamo ng tao? May gawaing gagawin ang Diyos—bakit walang landas na tatahakin ang mga tao? Hindi ba ito paglihis sa Diyos? Marami talagang gawaing dapat gawin ang mga tao—halimbawa, gaano karami ang alam nila tungkol sa “malaking pulang dragon” sa mga salitang “Talaga bang namumuhi kayo sa malaking pulang dragon?” Ang pagsasabi ng Diyos na “bakit ba napakaraming beses Ko na kayong natanong?” ay nagpapakita na mangmang pa rin ang mga tao tungkol sa likas na pagkatao ng malaking pulang dragon, at na nananatili silang walang kakayahang siyasatin ito nang mas malalim. Hindi ba ito mismo ang gawaing dapat gawin ng tao? Paano masasabi na ang tao ay walang gawain? Kung nagkagayon, ano ang magiging kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos? Pabaya ba at walang pakialam ang Diyos para lamang matapos na ang gawain? Maaari bang talunin ang malaking pulang dragon sa ganitong paraan?
Sinasabi ng Diyos, “Nagsimula na Ako, at uumpisahan Ko ang unang hakbang ng Aking gawain ng pagkastigo sa tirahan ng malaking pulang dragon.” Ang mga salitang ito ay nakatuon sa gawain sa pagka-Diyos; ang mga tao sa ngayon ay pumasok na nang maaga sa pagkastigo, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos na ito ang unang hakbang ng Kanyang gawain. Hindi Niya pinatitiis sa mga tao ang pagkastigo ng mga kalamidad, kundi ang pagkastigo ng mga salita. Dahil, kapag nagbabago ang tono ng mga salita ng Diyos, nagiging lubos na mangmang ang mga tao, at pagkatapos niyon ay pumapasok silang lahat sa pagkastigo. Pagkatapos makaranas ng pagkastigo, “pormal ninyong gagampanan ang inyong tungkulin, at pormal ninyo Akong pupurihin sa buong lupain, magpakailan pa man!” Ito ay mga hakbang sa gawain ng Diyos—ang mga ito ang Kanyang plano. Bukod dito, ang mga taong ito ng Diyos ay personal na makikita ang mga pamamaraan kung paano kinakastigo ang malaking pulang dragon, kaya ang kapahamakan ay hindi sa kanila opisyal na nagsisimula, kundi sa mundo sa paligid nila. Ito ay isa sa mga kaparaanan kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao. Kinakastigo sila sa kanilang kalooban, at napapahamak ang kanilang katawan—ibig sabihin, natutupad ang mga salita ng Diyos. Kaya, mas gugustuhin ng mga tao na sumailalim sa pagkastigo kaysa sa kapahamakan, at dahil dito kaya sila nananatili. Sa isang banda, ito ang puntong narating ng gawain ng Diyos; sa kabilang banda, ito ay upang malaman ng lahat ng tao ang disposisyon ng Diyos. Kaya sinasabi ng Diyos, “Ang panahon na matatamasa Ako ng Aking mga tao ay kapag kinastigo ang malaking pulang dragon. Plano Kong gawing dahilan ito upang magbangon at maghimagsik ang mga tao ng malaking pulang dragon, at ito ang pamamaraang ginagamit Ko upang gawing perpekto ang Aking mga tao, at magandang pagkakataon ito para lumago sa buhay ang lahat ng tao Ko.” Bakit sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito, subalit hindi nito naaakit ang pansin ng mga tao?
Nagkakagulo nang husto ang mga bansa, dahil nagsimula nang gampanan ng pamalo ng Diyos ang papel nito sa lupa. Makikita ang gawain ng Diyos sa kalagayan ng mundo. Kapag sinasabi ng Diyos, “Raragasa ang mga tubig, guguho ang mga bundok, maglalaho ang malalaking ilog,” ito ang paunang gawain ng pamalo sa lupa, na may resulta na “magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Dudurugin Ko ang lahat ng dating nasa lupa.” Ganyan ang magiging karaniwang kalagayan ng mga pamilya sa lupa. Natural, malamang na hindi ganito ang magiging kalagayan nilang lahat, ngunit ito ang kalagayan ng karamihan sa kanila. Sa kabilang dako, tumutukoy ito sa mga sitwasyong naranasan ng mga taong nasa daloy na ito sa hinaharap. Hinuhulaan nito na, kapag nagdaan na sila sa pagkastigo ng mga salita at napahamak na ang mga walang pananampalataya, mawawalan na ng mga relasyon sa pamilya ang mga tao sa lupa; magiging mga tao silang lahat ng Sinim, at lahat ay magiging matapat sa kaharian ng Diyos. Sa gayon, mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Kaya nga, ang mga pamilya ng mga tao sa lupa ay magkakawatak-watak, magkakapira-piraso, at ito ang magiging panghuling gawaing gagawin ng Diyos sa tao. At dahil palalaganapin ng Diyos ang gawaing ito sa buong sansinukob, sasamantalahin Niya ang pagkakataon para linawin ang salitang “damdamin” para sa mga tao, kaya pahihintulutan silang makita na ang kalooban ng Diyos ay paghiwalayin ang mga pamilya ng lahat ng tao, at nagpapakita na gumagamit ng pagkastigo ang Diyos upang lutasin ang lahat ng “alitan sa pamilya” sa sangkatauhan. Kung hindi, walang paraan para mawakasan ang huling bahagi ng gawain ng Diyos sa lupa. Ang huling bahagi ng mga salita ng Diyos ay inilalantad ang pinakamalaking kahinaan ng sangkatauhan—lahat sila ay namumuhay nang may damdamin—kaya nga hindi iniiwasan ng Diyos ang isa man sa kanila, at inilalantad ang mga lihim na nakatago sa puso ng buong sangkatauhan. Bakit hirap na hirap ang mga tao na ihiwalay ang kanilang sarili sa kanilang mga damdamin? Higit pa ba ito kaysa sa mga pamantayan ng konsiyensya? Maisasakatuparan ba ng konsiyensya ang kalooban ng Diyos? Makatutulong ba ang damdamin upang malagpasan ng mga tao ang kahirapan? Sa mga mata ng Diyos, ang damdamin ay Kanyang kaaway—hindi ba ito malinaw na nakasaad sa mga salita ng Diyos?