Kabanata 22 at 23
Ngayon, handa ang lahat na intindihin ang kalooban ng Diyos at alamin ang disposisyon ng Diyos, subalit walang nakakaalam kung bakit wala silang kakayahang isagawa yaong handa silang gawin, kung bakit lagi silang ipinagkakanulo ng kanilang puso at hindi nila makamtan ang nais nila. Dahil dito, minsan pa silang binabagabag ng nakapanlulumong kawalang-pag-asa, subalit takot din sila. Hindi maipahayag ang nagtatalong mga damdaming ito, nagyuyuko na lamang sila ng ulo sa kalungkutan at patuloy na nagtatanong sa kanilang sarili: “Maaari kayang hindi pa ako naliwanagan ng Diyos? Maaari kayang lihim na akong pinabayaan ng Diyos? Marahil ay maayos ang lagay ng lahat ng iba pa, at naliwanagan na silang lahat ng Diyos maliban sa akin. Bakit lagi akong nababagabag kapag binabasa ko ang mga salita ng Diyos—bakit hindi ko maintindihan ang anuman kahit kailan?” Bagama’t nasa isipan ng mga tao ang gayong mga bagay, walang nangangahas na ipahayag ang mga iyon; patuloy lamang na naghihirap ang kanilang kalooban. Sa katunayan, Diyos lamang ang nakakaunawa sa Kanyang mga salita o nakakaintindi sa Kanyang tunay na kalooban. Subalit laging hinihingi ng Diyos na intindihin ng mga tao ang Kanyang kalooban—hindi ba ito parang pagsubok na pilitin ang isang bibi na dumapo sa isang dapuan? Hindi ba alam ng Diyos ang mga pagkakamali ng tao? Ito ay isang sugpungan sa gawain ng Diyos, na hindi nauunawaan ng mga tao, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Nabubuhay ang tao sa gitna ng liwanag, subalit hindi niya namamalayan ang kahalagahan ng liwanag. Wala siyang alam tungkol sa diwa ng liwanag, at sa pinagmumulan ng liwanag, at, bukod pa riyan, kung kanino ang liwanag na ito.” Ayon sa sinasabi ng mga salita ng Diyos sa tao at sa hinihiling ng mga ito sa kanya, walang mananatiling buhay, sapagkat walang anuman sa laman ng tao na tumatanggap sa mga salita ng Diyos. Kaya, kung nasusunod ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at itinatangi at pinananabikan ang mga salita ng Diyos, at inaangkop ang mga salitang iyon ng Diyos na tumutukoy sa kalagayan ng tao sa sarili nilang mga kundisyon, at sa gayon ay nakikilala nila ang kanilang sarili—ito ang pinakamataas na pamantayan. Kapag ang kaharian ay natupad sa huli, ang tao, na nabubuhay sa laman, ay wala pa ring kakayahang maintindihan ang kalooban ng Diyos, at mangangailangan pa rin ng Kanyang personal na paggabay—subalit ang mga tao ay mawawalan lamang ng panggugulo ni Satanas, at magtataglay ng normal na buhay ng tao; ito ang layunin ng Diyos sa paggapi kay Satanas, na Kanyang ginagawa una sa lahat upang mabawi ang orihinal na kakanyahan ng tao, na nilikha ng Diyos. Sa isipan ng Diyos, ang “laman” ay tumutukoy sa mga sumusunod: ang kawalan ng kakayahang malaman ang kakanyahan ng Diyos; ang kawalan ng kakayahang makita ang mga kaganapan sa espirituwal na dako; at, bukod pa riyan, ang kakayahang magawang tiwali ni Satanas subalit pinapatnubayan din ng Espiritu ng Diyos. Ito ang diwa ng laman na nilikha ng Diyos. Natural, ito ay para maiwasan din ang kaguluhan sa buhay ng sangkatauhan na maaaring idulot ng kawalan ng kaayusan. Kapag mas nagsasalita ang Diyos, at mas nagiging matalim ang Kanyang pagsasalita, mas nakakaunawa ang mga tao. Ang mga tao ay nagbabago nang hindi nila namamalayan, at nabubuhay sa liwanag nang hindi nila namamalayan, at sa gayon, “dahil sa liwanag, sila ay lumalago at nilisan na ang kadiliman.” Ito ang magandang tagpo ng kaharian, at ng “pamumuhay sa liwanag, paglisan sa kamatayan” na madalas banggitin. Kapag ang Sinim ay natupad sa lupa—kapag ang kaharian ay natupad—hindi na magkakaroon ng digmaan sa lupa; hindi na muling magkakaroon ng mga taggutom, salot, at lindol kailanman; ang mga tao ay hihinto sa paggawa ng mga sandata; lahat ay mamumuhay sa kapayapaan at katatagan; at magkakaroon ng mga normal na pakikitungo sa pagitan ng mga tao, at mga normal na pakikitungo sa pagitan ng mga bansa. Subalit hindi maikukumpara dito ang kasalukuyan. Lahat ng nasa silong ng kalangitan ay nagkakagulo, unti-unting nagkakaroon ng mga umaagaw sa kapangyarihan sa bawat bansa. Pagkatapos ng mga pagbigkas ng Diyos, ang mga tao ay unti-unting nagbabago, at, sa loob ng bawat bansa, dahan-dahan silang nagkakawatak-watak. Ang matitibay na pundasyon ng Babilonia ay nagsisimulang mayanig, gaya ng isang kastilyo sa buhangin, at, habang nag-iiba ang kalooban ng Diyos, nagaganap ang matitinding pagbabago nang hindi napapansin sa mundo, at lahat ng uri ng mga palatandaan ay lumilitaw anumang oras, ipinapakita sa mga tao na dumating na ang huling araw ng mundo! Ito ang plano ng Diyos; ito ang mga hakbang kung paano Siya gumagawa, at bawat bansa ay siguradong magkakapira-piraso. Ang dating Sodoma ay pupuksain sa ikalawang pagkakataon, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Bumabagsak ang sanlibutan! Paralisado ang Babilonia!” Diyos lamang Mismo ang may kakayahang maunawaan ito nang lubusan; sa kabila ng lahat, may limitasyon ang kamalayan ng mga tao. Halimbawa, maaaring alam ng mga ministro ng mga panloob na usapin na ang kasalukuyang sitwasyon ay hindi matatag at magulo, ngunit wala silang kakayahang lutasin ang mga iyon. Maaari lamang silang magpatangay sa agos, na umaasa sa kanilang puso na darating ang araw na maitataas nila ang kanilang ulo, na darating ang araw na muling sisikat ang araw sa silangan, na nagniningning sa buong lupain at binabaligtad ang miserableng kalagayan ng mga usapin. Gayunman, hindi nila alam na kapag sumikat ang araw sa ikalawang pagkakataon, ang pagsikat nito ay hindi upang ipanumbalik ang dating kaayusan—isa itong muling pagsilakbo, isang lubos na pagbabago. Ganyan ang plano ng Diyos para sa buong sansinukob. Gagawa Siya ng isang bagong mundo, ngunit, higit sa lahat, paninibaguhin muna Niya ang tao. Ngayon, ang pinakamahalaga ay dalhin ang sangkatauhan sa mga salita ng Diyos, hindi lamang ang tulutan silang matamasa ang mga pagpapala ng katayuan. Bukod pa riyan, tulad ng sinasabi ng Diyos, “Sa kaharian, Ako ay Hari—ngunit sa halip na tratuhin Ako bilang Hari nito, tinatrato Ako ng tao bilang ‘Tagapagligtas na bumaba na mula sa langit.’ Dahil dito, nasasabik siyang bigyan Ko siya ng limos at hindi nagsisikap na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Akin.” Ganyan ang tunay na mga kundisyon ng lahat ng tao. Ngayon, ang mahalaga ay ganap na pawiin ang walang-kasiyahang kasakiman ng tao, na nagtutulot sa mga tao na makilala ang Diyos nang walang hinihinging anuman. Hindi kataka-taka, kung gayon, na sinasabi ng Diyos, “Napakarami nang nagsumamo sa Aking harapan na parang mga pulubi; napakarami nang nagbukas ng kanilang ‘sako’ sa Akin at nakiusap na bigyan Ko sila ng pagkain para mabuhay.” Ang mga kalagayang katulad nito ay nagpapahiwatig ng kasakiman ng mga tao, at ipinapakita ng mga ito na hindi mahal ng mga tao ang Diyos, ngunit humihiling sila sa Kanya, o sinusubukang matamo ang mga bagay na kanilang inaasam. Ang mga tao ay may likas na katangian ng isang gutom na lobo; lahat sila ay tuso at sakim, at sa gayon ay paulit-ulit na humihingi ng mga kinakailangan ang Diyos sa kanila, kaya napipilitan silang isuko ang kasakiman sa kanilang puso at mahalin ang Diyos nang taos-puso. Ang totoo, hanggang sa araw na ito, hindi pa naibibigay ng mga tao ang kanilang buong puso sa Diyos; namamangka sila sa dalawang ilog, na dumedepende kung minsan sa kanilang sarili, kung minsan ay sa Diyos, nang hindi ganap na umaasa sa Kanya. Nang maabot ng gawain ng Diyos ang isang tiyak na punto, lahat ng tao ay mamumuhay sa gitna ng tunay na pagmamahal at pananampalataya, at malulugod ang kalooban ng Diyos; sa gayon, hindi mahirap ang mga hinihingi ng Diyos.
Palaging kumikilos ang mga anghel sa mga anak at mga tao ng Diyos, na nagmamadali sa pagitan ng langit at lupa at bumababa sa mundo ng tao pagkatapos bumalik sa espirituwal na dako bawat araw. Ito ang kanilang tungkulin, at sa gayon, bawat araw, ang mga anak at mga tao ng Diyos ay napapatnubayan, at unti-unting nagbabago ang kanilang buhay. Sa araw na binabago ng Diyos ang Kanyang anyo, ang gawain ng mga anghel sa lupa ay opisyal na magwawakas at babalik sila sa kaharian ng langit. Ngayon, lahat ng anak at mga tao ng Diyos ay pareho ang kundisyon. Habang lumilipas ang mga sandali, lahat ng tao ay nagbabago, at unti-unting tumatanda ang mga anak at mga tao ng Diyos. Sa pagkukumpara, lahat ng rebelde ay nagbabago rin sa harap ng malaking pulang dragon: Ang mga tao ay hindi na tapat sa malaking pulang dragon, at ang mga demonyo ay hindi na sumusunod sa mga plano nito. Sa halip, sila ay “kumikilos ayon sa nakikita nilang angkop, at bawat isa ay gumagawa sa sarili nitong paraan.” Sa gayon, kapag sinasabi ng Diyos, “Paanong hindi malilipol ang mga bansa sa mundo? Paanong hindi babagsak ang mga bansa sa lupa?” bumababa ang kalangitan sa isang iglap…. Parang may masamang pakiramdam na nagbabadya ng katapusan ng sangkatauhan. Ang sari-saring masasamang palatandaang ipinropesiya rito ang siya mismong nagaganap sa bansa ng malaking pulang dragon, at walang sinuman sa lupa ang makakatakas. Ganyan ang propesiya sa mga salita ng Diyos. Ngayon, lahat ng tao ay may hinagap na maikli ang panahon, at tila nadarama nila na sasapit na sa kanila ang isang sakuna—subalit walang paraan para makatakas sila, at sa gayon lahat sila ay walang pag-asa. Sinasabi ng Diyos, “Habang pinalalamutian Ko ang ‘silid sa loob’ ng Aking kaharian araw-araw, walang sinumang biglang pumapasok sa Aking ‘pagawaan’ kailanman para gambalain ang Aking gawain.” Sa katunayan, ang kahulugan ng mga salita ng Diyos ay hindi lamang para sabihin na maaaring makilala ng mga tao ang Diyos sa Kanyang mga salita. Higit sa lahat, ipinahihiwatig ng mga ito na bawat araw, isinasaayos ng Diyos ang lahat ng uri ng mga kaganapan sa buong sansinukob upang magsilbi sa susunod na bahagi ng Kanyang gawain. Kaya Niya sinasabing “walang sinumang biglang pumapasok sa Aking ‘pagawaan’ kailanman para gambalain ang Aking gawain” ay dahil ang Diyos ay gumagawa sa pagka-Diyos, at walang kakayahan ang mga tao na makibahagi sa Kanyang gawain, kahit gusto nila. Tatanungin kita: Maaari mo ba talagang planuhin ang bawat pag-unlad sa buong sansinukob? Maaari mo bang pasuwayin ang mga tao sa lupa sa kanilang mga ninuno? Maaari mo bang pilitin ang mga tao sa buong sansinukob na paglingkuran ang kalooban ng Diyos? Maaari ka bang maging sanhi na magwala si Satanas? Maaari mo bang iparamdam sa mga tao na ang mundo ay mapanglaw at hungkag? Hindi kayang gawin ng mga tao ang gayong mga bagay. Noong araw, nang hindi pa lubos na nangyayari ang mga “galing” ni Satanas, lagi itong manggugulo sa bawat yugto ng gawain ng Diyos; sa yugtong ito, naubusan na ng mga pakana si Satanas, at sa gayon ay hinahayaan ito ng Diyos na ipakita ang tunay na kulay nito, upang malaman ito ng lahat ng tao. Ito ang katotohanan ng mga salitang “Walang sinumang nakagambala sa Aking gawain kailanman.”
Bawat araw, binabasa ng mga tao sa mga iglesia ang mga salita ng Diyos, at bawat araw, sumasailalim sila sa gawaing pagsusuri sa “operating table.” Halimbawa, “mawala sa kanilang posisyon,” “mapaalis,” “kapag humupa na ang kanilang mga takot at nagbalik na ang kanilang kahinahunan,” “pagpapabaya,” at “walang pakiramdam”—ang gayong mapanuyang mga salita ay “nagpapahirap sa kalooban” ng mga tao at napipipi sila sa kahihiyan. Parang walang bahagi ng kanilang buong katawan—mula ulo hanggang paa, mula loob hanggang labas—ang tumutugon sa pagsang-ayon ng Diyos. Bakit hinuhubaran nang lubusan ng mga salita ng Diyos ang buhay ng mga tao? Sadya bang pinahihirap ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa mga tao? Parang ang mukha ng lahat ng tao ay nadungisan ng putik na hindi mahugasan. Bawat araw, habang nakayuko, nagsusulit sila ng kanilang mga kasalanan, na parang mga manggagantso. Nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao kaya hindi nila lubos na nababatid ang sarili nilang tunay na mga kalagayan. Ngunit para sa Diyos, ang kamandag ni Satanas ay nasa bawat bahagi ng kanilang katawan, maging sa kanilang utak sa buto; dahil dito, mas malalim ang mga paghahayag ng Diyos, mas nahihintakutan ang mga tao, at sa gayon ay nakikilala ng lahat ng tao si Satanas at nakikita si Satanas sa tao, sapagkat wala silang kakayahang makita si Satanas sa kanilang mga mata. At dahil lahat ay nakapasok na sa realidad, inilalantad ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao—na ibig sabihin, inilalantad Niya ang larawan ni Satanas—at sa gayon ay tinutulutan ang tao na mamasdan ang tunay at nahihipong Satanas, na mas nagpapakilala sa kanila sa praktikal na Diyos. Tinutulutan ng Diyos ang tao na makilala Siya sa katawang-tao, at binibigyan Niya ng anyo si Satanas, na nagtutulot sa tao na makilala ang tunay at nahihipong Satanas sa katawang-tao ng lahat ng tao. Ang sari-saring kalagayang binabanggit ay pawang mga pagpapahayag ng mga gawa ni Satanas. Kaya nga, masasabi na lahat ng may katawang-tao ay naglalarawan kay Satanas. Ang Diyos ay hindi kasundo ng Kanyang mga kaaway—galit sila sa isa’t isa, at dalawa silang magkaibang puwersa; samakatuwid, ang mga demonyo ay mga demonyo magpakailanman, at ang Diyos ay Diyos magpakailanman; hindi sila magkasundo na tulad ng apoy at tubig, at palaging magkahiwalay na tulad ng langit at lupa. Nang likhain ng Diyos ang tao, ang isang uri ng mga tao ay may espiritu ng mga anghel, samantalang ang isang uri ay walang espiritu, at sa gayon ay sinapian ng mga espiritu ng mga demonyo ang huli, kaya nga tinatawag ang mga ito na mga demonyo. Sa huli, ang mga anghel ay mga anghel, ang mga demonyo ay mga demonyo—at ang Diyos ay Diyos. Ito ang ibig sabihin ng bawat isa ay inuri ayon sa uri nito, kaya nga, kapag naghahari ang mga anghel sa lupa at nagtatamasa ng mga pagpapala, bumabalik ang Diyos sa Kanyang tirahan, at ang natitira—ang mga kaaway ng Diyos—ay ginagawang mga abo. Sa katunayan, sa tingin ay tila mahal ng lahat ng tao ang Diyos, ngunit ang ugat nito ay nasa kanilang kakanyahan—paano matatakasan ng mga may likas na katangian ng mga anghel ang kamay ng Diyos at mahuhulog sa walang-hanggang kalaliman? At paano maaaring mahalin nang tunay ng mga taong may likas na katangian ng mga demonyo ang Diyos? Ang diwa ng gayong mga tao ay hindi yaong tunay na pagmamahal sa Diyos, kaya paano sila magkakaroon ng pagkakataong makapasok sa kaharian? Lahat ay ipinlano ng Diyos nang likhain Niya ang mundo, tulad ng sinasabi ng Diyos: “Sumusulong Ako sa gitna ng hangin at ulan, at nakisalamuha sa tao taun-taon, at nakarating na sa panahong ito. Hindi ba ito mismo ang mga hakbang ng Aking plano ng pamamahala? Sino na ang nakaragdag sa Aking plano? Sino ang makakahiwalay mula sa mga hakbang ng Aking plano?” Dahil naging tao, kailangang maranasan ng Diyos ang buhay ng tao—hindi ba ito ang praktikal na panig ng praktikal na Diyos? Walang itinatago ang Diyos sa tao dahil sa kahinaan ng tao; sa halip, inilalantad Niya ang katotohanan sa tao, tulad ng sinasabi ng Diyos: “Nakisalamuha Ako sa tao taun-taon.” Ito ay dahil mismo sa ang Diyos ay Diyos na naging tao kaya nakaraan na Siya taun-taon sa lupa; ayon dito, matapos sumailalim sa lahat ng uri ng proseso, saka lamang Siya maituturing na Diyos na nagkatawang-tao, at pagkatapos lamang niyon Siya makagagawa sa pagka-Diyos sa loob ng katawang-tao. Kung gayon, matapos ihayag ang lahat ng hiwaga, malaya na Niyang mababago ang Kanyang anyo. Ito ay isa pang aspeto ng paliwanag ng hindi pagiging higit-sa-karaniwan, na tuwirang ipinahiwatig ng Diyos.
Kailangang makapasa sa masusing pagsisiyasat ng bawat isa sa mga salita ng Diyos, nang hindi nagpapadalus-dalos—ito ang tagubilin ng Diyos!