Kabanata 24 at 25
Kung hindi babasahing mabuti, imposibleng makatuklas ng anuman sa mga pagbigkas nitong dalawang araw; sa katunayan, dapat ay nabigkas ang mga iyon sa loob ng isang araw, subalit hinati ng Diyos ang mga ito sa dalawang araw. Ibig sabihin, ang mga pagbigkas nitong dalawang araw ay bumubuo ng isang kabuuan, ngunit para mas madaling tanggapin ng mga tao ang mga iyon, hinati ng Diyos ang mga iyon sa dalawang araw upang bigyan ng pagkakataon ang mga tao na makahinga. Ganyan ang konsiderasyon ng Diyos sa tao. Sa lahat ng gawain ng Diyos, ginagampanan ng lahat ng tao ang kanilang gawain at kanilang tungkulin sa sarili nilang lugar. Hindi lamang mga taong may espiritu ng anghel ang nakikipagtulungan; “nakikipagtulungan” din yaong mga may espiritu ng demonyo, gayundin ang lahat ng espiritu ni Satanas. Nakikita sa mga pagbigkas ng Diyos ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa tao. Ang mga salitang “Sumasapit ang Aking pagkastigo sa lahat ng tao, subalit nananatili rin itong malayo sa lahat ng tao. Buong buhay ng bawat tao ay puspos ng pagmamahal at pagkamuhi sa Akin” ay nagpapakita na gumagamit ng pagkastigo ang Diyos upang bantaan ang lahat ng tao, na nagiging sanhi na magtamo sila ng kaalaman tungkol sa Kanya. Dahil sa pagtitiwali ni Satanas at sa kahinaan ng mga anghel, mga salita lamang ang ginagamit ng Diyos, at hindi mga atas administratibo, para kastiguhin ang mga tao. Simula noong panahon ng paglikha hanggang ngayon, ito na ang naging prinsipyo ng gawain ng Diyos patungkol sa mga anghel at sa lahat ng tao. Dahil ang mga anghel ay sa Diyos, balang araw ay siguradong magiging mga tao sila ng kaharian ng Diyos, at aalagaan at poprotektahan ng Diyos. Lahat ng iba pa, samantala, ay pagsasama-samahin din ayon sa uri. Lahat ng sari-saring masasamang espiritu ni Satanas ay kakastiguhin, at lahat ng walang espiritu ay pamumunuan ng mga anak at mga tao ng Diyos. Ganyan ang plano ng Diyos. Kaya, sinabing minsan ng Diyos, “Talaga bang ang pagdating ng Aking araw ang sandali ng kamatayan ng tao? Talaga bang maaari Kong wasakin ang tao sa panahong binubuo ang Aking kaharian?” Bagama’t dalawang simpleng tanong ang mga ito, mga pagsasaayos ng Diyos ang mga ito para sa hantungan ng buong sangkatauhan. Pagdating ng Diyos, iyon ang panahon na “ang mga tao sa buong sansinukob ay ipinapako sa krus nang patiwarik.” Ito ang layunin ng pagpapakita ng Diyos sa lahat ng tao, gamit ang pagkastigo para ipaalam sa kanila ang pag-iral ng Diyos. Dahil ang panahon na bumababa ang Diyos sa lupa ang huling kapanahunan, ang panahon kung kailan pinakamagulo ang mga bansa sa lupa, kaya sinasabi ng Diyos na, “Nang bumaba Ako sa lupa, nalalambungan iyon ng kadiliman at ‘mahimbing ang tulog’ ng tao.” Sa gayon, ngayon ay kakaunting tao lamang ang may kakayahang makilala ang Diyos na nagkatawang-tao, halos wala. Dahil ngayon ang huling kapanahunan, walang sinumang tunay na nakakilala sa praktikal na Diyos kailanman, at mababaw lamang ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos. Dahil dito kaya nabubuhay ang mga tao sa gitna ng masakit na pagpipino. Kapag nilisan ng mga tao ang pagpipino, iyan din ang panahon na nagsisimula silang makastigo, at iyon ang panahon kung kailan nagpapakita ang Diyos sa lahat ng tao upang personal nila Siyang mamasdan. Dahil sa Diyos na nagkatawang-tao, nahuhulog sa mga sakuna ang mga tao at hindi nila maialis ang kanilang sarili—ito ang kaparusahan ng Diyos sa malaking pulang dragon, at ito ang Kanyang atas administratibo. Kapag dumating ang init ng tagsibol at namukadkad ang mga bulaklak, kapag lahat ng nasa silong ng kalangitan ay luntian at lahat ng bagay sa lupa ay nasa lugar, unti-unting papasok ang lahat ng tao at bagay sa pagkastigo ng Diyos, at sa panahong iyan lahat ng gawain ng Diyos sa lupa ay magwawakas. Hindi na gagawa o maninirahan ang Diyos sa lupa, sapagkat ang dakilang gawain ng Diyos ay natupad na. Wala bang kakayahan ang mga tao na isantabi ang kanilang laman sa maikling panahong ito? Anong mga bagay ang makakasira sa pagmamahalan sa pagitan ng tao at ng Diyos? Sino ang makapaghihiwalay sa pagmamahalan sa pagitan ng tao at ng Diyos? Ang mga magulang ba, mga asawang-lalaki, magkakapatid na babae, mga asawang-babae, o ang masakit na pagpipino? Mapapawi ba ng mga damdamin ng konsiyensya ang larawan ng Diyos sa kalooban ng tao? Sariling kagagawan ba ng mga tao ang pagkakautang at mga kilos nila tungo sa isa’t isa? Malulunasan ba ng tao ang mga iyon? Sino ang makakaprotekta sa kanilang sarili? Natutustusan ba ng mga tao ang kanilang sarili? Sino ang malalakas sa buhay? Sino ang nagagawang iwan Ako at mabuhay sa kanilang sarili? Paulit-ulit, bakit hinihingi ng Diyos na isagawa ng lahat ng tao ang gawaing pagsusuri-sa-sarili? Bakit sinasabi ng Diyos na, “Kaninong paghihirap ba ang naiplano ng sarili nilang kamay?”
Sa kasalukuyan, madilim ang gabi sa buong sansinukob, at ang mga tao ay manhid at mapurol ang utak, ngunit ang mga kamay ng orasan ay palaging umiikot, ang mga minuto at mga segundo ay hindi tumitigil, at ang mga pag-ikot ng mundo, araw, at buwan ay lalong bumibilis. Sa kanilang pakiramdam, naniniwala ang mga tao na hindi na malayo ang araw; para bang ang huling araw nila ay nasa harap ng kanilang mga mata. Walang-tigil ang mga tao sa paghahanda ng lahat ng bagay para sa kanilang sariling oras ng kamatayan, upang ito ay maging kapaki-pakinabang sa kanilang kamatayan; kung hindi, naging walang-saysay sana ang kanilang buhay. Hindi ba nakapanghihinayang iyan? Kapag nililipol ng Diyos ang mundo, nagsisimula Siya sa mga pagbabago sa mga kaganapan sa loob ng mga bansa, kung saan nagaganap ang mga agawan ng kapangyarihan; sa gayon, pinakikilos ng Diyos ang paglilingkod ng mga tao sa buong sansinukob. Ang lupain kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon ay isang dako ng pagpapamalas. Dahil, sa loob, napagwatak-watak na ito, nagkagulo na ang mga usaping panloob nito, lahat ay abala sa gawaing ipagtanggol ang sarili, naghahandang tumakas patungo sa buwan—ngunit paano nila matatakasan ang kapamahalaan ng kamay ng Diyos? Tulad ng sabi ng Diyos na ang mga tao ay “iinom mula sa sarili nilang mapait na saro.” Ang panahon ng alitang panloob ang mismong panahon na lilisanin ng Diyos ang lupa; hindi magpapatuloy ang Diyos na mamalagi sa bansa ng malaking pulang dragon, at agad tatapusin ang Kanyang gawain sa lupa. Masasabi na mabilis lumipas ang panahon, at halos wala nang natitira. Mula sa tono ng mga salita ng Diyos, makikita na binanggit na ng Diyos ang hantungan ng lahat sa buong sansinukob, at na wala na Siyang iba pang sasabihin para sa natitira. Ito ang inihahayag ng Diyos sa tao. Dahil sa layunin ng Diyos sa paglikha sa tao kaya Niya sinasabing, “Sa Aking paningin, ang tao ang namumuno sa lahat ng bagay. Hindi kakatiting ang ibinigay Kong awtoridad sa kanya, na nagtutulot sa kanya na pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa—ang damo sa kabundukan, ang mga hayop sa kagubatan, at ang mga isda sa tubig.” Nang likhain ng Diyos ang tao, itinalaga Niyang maging panginoon ng lahat ng bagay ang tao—subalit ginawang tiwali ni Satanas ang tao, kaya nga hindi siya makapamuhay na tulad ng nais niya. Humantong ito sa mundo ng ngayon, kung saan walang ipinagkaiba ang mga tao sa mga halimaw, at ang kabundukan ay nakihalo na sa mga ilog, na ang kinalabasan ay “ang buong buhay ng tao ay may dalamhati at pagmamadali, may sayang idinagdag sa kahungkagan.” Dahil walang kahulugan ang buhay ng tao, at dahil hindi ito ang layunin ng Diyos sa paglikha sa tao, naging magulo ang buong mundo. Kapag inilagay ng Diyos ang buong sansinukob sa kaayusan, lahat ng tao ay opisyal na magsisimulang makaranas ng buhay ng tao, at doon lamang magsisimulang magkaroon ng kabuluhan ang kanilang buhay. Magsisimulang gumamit ang mga tao ng awtoridad na bigay sa kanila ng Diyos, at opisyal silang lilitaw sa harap ng lahat ng bagay bilang kanilang panginoon; tatanggapin nila ang patnubay ng Diyos sa lupa, at hindi na susuwayin ang Diyos kundi sa halip ay susundin Siya. Gayunman, malayung-malayo pa riyan ang mga tao ng ngayon. Ang tanging ginagawa nila ay “magbulsa ng pera” sa pamamagitan ng Diyos, kaya nga sunud-sunod ang tanong ng Diyos tulad ng “Wala bang pakinabang sa tao ang gawaing ginagawa Ko sa kanya?” Kung hindi itinanong ng Diyos ang mga bagay na ito, walang mangyayari; ngunit kapag itinatanong Niya ang gayong mga bagay, hindi makapanindigan ang ilang tao, sapagkat may pagkakautang sa konsiyensiya ng mga tao, na hindi lubos na para sa Diyos, kundi para sa kanilang sarili. Lahat ng bagay ay hungkag; sa gayon, ang mga taong ito at “alam ng lahat ng tao sa bawat relihiyon, bawat sektor ng lipunan, bawat bansa, at bawat denominasyon ang kahungkagan sa lupa, at lahat sila ay naghahanap sa Akin at naghihintay sa Aking pagbalik.” Lahat ng tao ay nasasabik sa pagbabalik ng Diyos upang mawakasan Niya ang hungkag na dating kapanahunan, subalit natatakot din silang masakuna. Agad na maiiwan ang buong relihiyosong mundo na mapanglaw, at pinabayaan ng lahat; walang realidad ang mga ito, at matatanto nila na ang kanilang paniniwala sa Diyos ay malabo at mahirap unawain. Maghihiwa-hiwalay din ang mga tao sa bawat kalagayan ng lipunan, at magsisimulang magkagulo sa bawat bansa at denominasyon. Sa kabuuan, magkakawatak-watak ang regularidad ng lahat ng bagay, mawawala sa lahat ang pagiging normal nito, kaya nga, ipapakita rin ng mga tao ang kanilang tunay na mukha. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Maraming beses na Akong nanawagan sa tao, subalit mayroon na bang nahabag? Mayroon na bang nabuhay sa pagkatao? Maaaring mabuhay ang tao sa laman, ngunit wala siyang pagkatao. Isinilang ba siya sa kaharian ng mga hayop?” Nagaganap din ang pagbabago sa tao, at dahil sa pagbabagong ito, bawat isa ay pinagsasama-sama ayon sa uri. Ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ito ang epektong makakamit ng gawain sa mga huling araw. Nagsasalita nang mas malinaw ang Diyos tungkol sa kakanyahan ng tao, kaya nga napatunayan na papalapit na ang katapusan ng Kanyang gawain, at bukod pa riyan na ang Diyos ay mas nakatago mula sa mga tao, kaya mas naguguluhan sila. Kapag hindi gaanong sinusunod ng mga tao ang kalooban ng Diyos, hindi rin nila gaanong pinapansin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw; ito ay pumipigil sa kanila na manggambala, at sa gayon ay ginagawa ng Diyos ang gawaing layon Niyang gawin kapag walang sinumang pumapansin. Ito ay isang prinsipyo ng gawain ng Diyos sa lahat ng kapanahunan. Kapag hindi Niya gaanong isinasaalang-alang ang mga kahinaan ng mga tao, mas maliwanag ang pagka-Diyos ng Diyos, kaya nga papalapit na ang araw ng Diyos.