Kabanata 21
Sa mga mata ng Diyos, ang mga tao ay parang mga hayop sa mundo ng mga hayop. Nag-aaway sila, nagpapatayan sila, at may pambihirang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Sa mga mata ng Diyos, para din silang mga bakulaw, na nagpapakana laban sa isa’t isa anuman ang edad o kasarian. Sa gayon, ang ginagawa at ipinapakita ng buong sangkatauhan ay hindi kailanman naging kaayon ng puso ng Diyos. Ang panahong tinatakpan ng Diyos ang Kanyang mukha ang mismong panahon kung kailan sinusubok ang mga tao sa buong mundo. Lahat ng tao ay dumaraing sa sakit, lahat sila ay nabubuhay sa ilalim ng banta ng sakuna, at wala ni isa sa kanila ang nakatakas kailanman mula sa paghatol ng Diyos. Sa totoo lang, ang pangunahing layunin ng Diyos sa pagiging tao ay upang hatulan ang tao at isumpa siya sa Kanyang katawang-tao. Sa isipan ng Diyos, matagal nang napagpasiyahan kung sino, alinsunod sa kanilang kakanyahan, ang maliligtas o lilipulin, at unti-unti itong lilinawin sa huling yugto. Habang lumilipas ang mga araw at buwan, nagbabago ang mga tao at nahahayag ang kanilang orihinal na anyo. Nagiging maliwanag kung mayroong manok o bibi sa itlog kapag nabasag ito. Sa sandaling mabasag ang itlog, iyon mismo ang sandaling ang mga kapahamakan sa lupa ay darating sa katapusan. Mula rito ay makikita na, para malaman kung mayroong isang “manok” o isang “bibi” sa loob, kailangang mabasag ang “itlog.” Ito ang plano sa puso ng Diyos, at kailangan itong matupad.
“Kaawa-awa at kalunus-lunos na sangkatauhan! Bakit nga ba mahal Ako ng tao, ngunit hindi niya kayang sundin ang mga layunin ng Aking Espiritu?” Dahil sa kalagayang ito ng tao, kailangang sumailalim siya sa pakikitungo upang mapalugod ang kalooban ng Diyos. At dahil sa pagkamuhi ng Diyos sa sangkatauhan, maraming ulit Niyang naipahayag: “O ang mga rebelde ng buong sangkatauhan! Kailangan silang madurog sa ilalim ng Aking mga paa; kailangan silang maglaho sa gitna ng Aking pagkastigo, at, sa araw na makumpleto ang Aking dakilang gawain, kailangan silang itaboy mula sa sangkatauhan, upang makilala ng buong sangkatauhan ang pangit nilang mukha.” Nagsasalita ang Diyos sa buong sangkatauhan sa katawang-tao, at nagsasalita rin Siya kay Satanas sa espirituwal na dako, na nasa ibabaw ng buong sansinukob. Ito ang kalooban ng Diyos, at ito ang dapat makamit ng 6,000-taong plano ng Diyos.
Sa katunayan, lalo nang normal ang Diyos, at may ilang bagay na maisasakatuparan lamang kung isasagawa Niya ang mga iyon nang personal at makikita ang mga iyon sa sarili Niyang mga mata. Hindi ito katulad ng iniisip ng mga tao, hindi nakahilata roon ang Diyos habang nangyayari ang lahat ayon sa Kanyang inaasam; ito ang bunga ng paggambala ni Satanas sa mga tao, kaya hindi naliliwanagan ang mga tao tungkol sa tunay na mukha ng Diyos. Sa gayon, sa huling kapanahunan, naging tao ang Diyos para hayagang ihayag ang Kanyang realidad sa tao, nang walang itinatagong anuman. Ang ilang paglalarawan sa disposisyon ng Diyos ay puro pagpapalabis, tulad noong sabihin na kayang puksain ng Diyos ang mundo sa isang salita o kaunting pag-iisip. Dahil dito, karamihan sa mga tao ay nagsasabi ng mga bagay na gaya ng, Bakit lubos ang kapangyarihan ng Diyos, ngunit hindi malulon si Satanas sa isang subo? Kakatwa ang mga salitang ito, at nagpapakita na hindi pa rin kilala ng mga tao ang Diyos. Para mapuksa ng Diyos ang Kanyang mga kaaway, kailangan ang isang proseso, subalit totoo na ang sabihing ang Diyos ay hindi kayang talunin ng sinuman: Sa huli ay matatalo ng Diyos ang Kanyang mga kaaway. Tulad lamang ng kapag tinalo ng isang malakas na bansa ang isang mahinang bansa, kailangan makamit nito ang tagumpay mismo, sa paisa-isang hakbang, na kung minsan ay gumagamit ng puwersa, kung minsan ay gumagamit ng estratehiya. May isang proseso, ngunit hindi masasabi na, yamang ang malakas na bansa ay may bagong-henerasyong mga sandatang nukleyar at ang mahinang bansa ay napakababa, susuko ang mahinang bansa nang hindi lumalaban. Kakatwa ang argumentong iyon. Makatwirang sabihin na tiyak na mananalo ang malakas na bansa at tiyak na matatalo ang mahinang bansa, ngunit masasabi lamang na mas malaki ang puwersa ng malakas na bansa kapag personal nitong nilusob ang mahinang bansa. Sa gayon, laging nasasabi ng Diyos na hindi Siya kilala ng tao. Kaya, kumakatawan ba ang nabanggit na mga salita sa isang panig ng kung bakit hindi kilala ng tao ang Diyos? Mga kuru-kuro ba ito ng tao? Bakit hinihingi lamang ng Diyos na malaman ng tao ang Kanyang realidad, at sa gayon ay personal Siyang naging tao? Sa gayon, taimtim na sinamba ng karamihan sa mga tao ang Langit, subalit “Hindi kailanman naapektuhan ng mga kilos ng tao ang Langit kahit kaunti, at kung ibinatay ang Aking pagtrato sa tao sa bawat kilos niya, mabubuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng Aking pagkastigo.”
Nakikita ng Diyos ang kakanyahan ng tao. Sa mga pagbigkas ng Diyos, tila lubhang “pinahihirapan” ng tao ang Diyos kaya wala Siyang interes na pag-ukulan pa ng pansin ang tao, ni umasa pa sa kanya kahit katiting; tila wala nang kaligtasan ang tao. “Nakita Ko na ang maraming tao na dumadaloy ang mga luha sa kanilang mga pisngi, at nakita Ko na ang maraming tao na nag-aalay ng kanilang puso kapalit ng Aking yaman. Sa kabila ng gayong ‘pagiging maka-Diyos,’ hindi Ko kailanman malayang naibigay ang lahat-lahat Ko sa tao nang dahil sa kanyang mga biglang simbuyo, sapagkat hindi kailanman naging handa ang tao na masayang ilaan ang kanyang sarili sa Aking harapan.” Kapag inihahayag ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao, ikinahihiya ng tao ang kanyang sarili, ngunit mababaw na kaalaman lamang ito, at wala siyang kakayahang tunay na malaman ang kanyang likas na pagkatao sa mga salita ng Diyos; sa gayon, karamihan sa mga tao ay hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos, hindi sila makasumpong ng isang landas para sa kanilang buhay sa mga salita ng Diyos, kaya nga kapag mas mahina ang kanilang isipan, mas matindi silang nilalait ng Diyos. Sa gayon, hindi nila namamalayan na pumapasok sila sa papel ng pagiging kasuklam-suklam—at dahil dito, nakikilala nila ang kanilang sarili habang sinasaksak sila ng “malambot na tabak.” Mukhang pinupuri ng mga salita ng Diyos ang mga gawa ng tao, at pinasisigla ang mga gawa ng tao—subalit laging nadarama ng mga tao na nililibak sila ng Diyos. Kaya nga, kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, kumikibot ang mga kalamnan sa kanilang mukha paminsan-minsan, na para bang nangangatal sila. Ito ang karumihan ng kanilang konsiyensya, at dahil dito kaya hindi sinasadyang napapangiwi sila. Ang kanilang pasakit ang uri kung kailan nais nilang tumawa, subalit hindi nila magawa—ni hindi sila makaiyak, sapagkat ang katawa-tawang kilos ng mga tao ay pinatatakbo ng remote control “VCR,” subalit hindi nila ito mapatay, kundi maaari lamang nilang tiisin. Bagama’t ipinapangaral ang “pagtuon sa mga salita ng Diyos” sa oras ng lahat ng miting ng mga kapwa-manggagawa, sino ang hindi nakakaalam sa likas na pagkatao ng supling ng malaking pulang dragon? Harapan, masunurin silang tulad ng mga cordero, ngunit kapag nakatalikod ang mga tao ay mababangis silang tulad ng mga lobo, na makikita sa mga salita ng Diyos na “maraming tao ang tunay na nagmamahal sa Akin kapag ibinibigay Ko ang Aking mga salita, subalit hindi itinatangi ang Aking mga salita sa kanilang espiritu, sa halip ay kaswal nilang ginagamit ang mga ito na parang pag-aari ng publiko at inihahagis ang mga ito pabalik sa pinanggalingan ng mga ito kung kailan nila gusto.” Bakit laging nailalantad ng Diyos ang tao? Nagpapakita ito na ang dating likas na pagkatao ng tao ay matatag at di-natinag kailanman ni isang pulgada. Gaya ng Bundok Tai, nakatayo ito nang mataas sa puso ng daan-daang milyong tao, ngunit darating ang araw na pagagalawin ni Yu Gong[a] ang bundok na iyon; ito ang plano ng Diyos. Sa Kanyang mga pagbigkas, wala ni isang sandali na ang Diyos ay walang ipinagagawa sa tao, hindi binabalaan ang tao, o hindi tinutukoy ang likas na pagkatao ng tao na nahahayag sa kanyang buhay: “Kapag malayo ang tao sa Akin, at kapag sinusubok niya Ako, itinatago Ko ang Aking sarili mula sa kanya sa mga ulap. Dahil dito, wala siyang makitang anumang bakas Ko, at nabubuhay lamang sa kamay ng masasama, na ginagawa ang lahat ng kanilang hinihiling.” Sa realidad, bihirang magkaroon ng pagkakataon ang mga tao na mabuhay sa presensya ng Diyos, dahil napakaliit ng kanilang pagnanais na maghanap; dahil dito, bagama’t mahal ng karamihan sa mga tao ang Diyos, nabubuhay sila sa ilalim ng kamay niyaong masama, at lahat ng kanilang ginagawa ay kontrolado niyaong masama. Kung tunay na nabuhay ang mga tao sa liwanag ng Diyos, hinahanap ang Diyos sa bawat sandali ng bawat araw, hindi na kakailanganing magsalita ng Diyos nang ganito, hindi ba? Kapag isinasantabi ng mga tao ang mga teksto, agad nilang isinasantabi ang Diyos kasama ng aklat, kaya nga sarili lamang nila ang kanilang inaalala, pagkatapos nito ay naglalaho ang Diyos sa kanilang puso. Subalit kapag muli nilang dinadampot ang aklat, biglang sumasagi sa isip nila na naisantabi na nila ang Diyos sa likod ng kanilang isipan. Ganyan ang buhay ng tao na “walang memorya.” Kapag mas nagsasalita ang Diyos, mas mataas ang Kanyang mga salita. Kapag narating nila ang kanilang rurok, lahat ng gawain ay natatapos, at dahil dito, itinitigil ng Diyos ang Kanyang mga pagbigkas. Ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa ay tapusin ang Kanyang gawain kapag nakarating na ito sa taluktok nito; hindi Siya nagpapatuloy sa paggawa kapag nakarating na ito sa rurok nito, kundi biglang humihinto. Hindi Siya kailanman gumagawa ng gawaing hindi kailangan.
Talababa:
a. Si Yu Gong, na kilala rin bilang “Matandang Yu,” ay isang kilalang tao sa alamat ng Tsina. Ang kuwento ng pagtanggal ni Yu sa mga bundok ay kumakatawan sa pagtitiyaga habang nahaharap sa isang tila imposibleng gawain.