Kabanata 29
Sa gawaing ginawa ng mga tao, ilan sa mga ito ay isinasagawa nang may tuwirang tagubilin mula sa Diyos, ngunit may isang bahagi rin dito na hindi nagbigay ng partikular na mga tagubilin ang Diyos, na sapat na nagpapakita na ang ginawa ng Diyos, ngayon, ay kailangan pang lubos na ihayag—ibig sabihin, maraming nananatiling tago at kailangan pang isapubliko. Gayunman, ang ilang bagay ay kailangang isapubliko, samantalang ang iba ay kailangang iwang naguguluhan at nalilito ang mga tao; ito ang kinakailangan ng gawain ng Diyos. Halimbawa, ang pagdating ng Diyos sa tao mula sa langit—paano Siya dumating, anong segundo Siya dumating, o kung ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay ay sumailalim sa mga pagbabago o hindi—kinakailangan ng mga bagay na ito na malito ang mga tao. Batay rin ito sa mga aktwal na sitwasyon, sapagkat ang laman mismo ng tao ay walang kakayahang direktang pumasok sa espirituwal na dako. Sa gayon, kahit malinaw na ipinapahayag ng Diyos kung paano Siya pumarito mula sa langit patungo sa lupa, o kapag sinasabi Niyang, “Sa araw na muling nabuhay ang lahat ng bagay, pumarito Ako sa piling ng tao, at nakagugol Ako ng kamangha-manghang mga araw at gabi kasama siya,” ang gayong mga salita ay tulad sa isang tao na kumakausap sa isang katawan ng puno—wala ni katiting na reaksyon, dahil walang alam ang mga tao tungkol sa mga hakbang ng gawain ng Diyos. Kahit talagang may kamalayan sila, naniniwala sila na lumipad ang Diyos pababa sa lupa mula sa langit na parang isang diwata at muling isinilang sa tao. Ito ang kayang makamit ng iniisip ng tao. Ito ay dahil hindi maunawaan ng diwa ng tao ang diwa ng Diyos, at hindi kayang maunawaan ang realidad ng espirituwal na dako. Sa pamamagitan lamang ng kanilang diwa, mawawalan ng kakayahan ang mga tao na kumilos bilang isang huwaran para sa iba, dahil ang mga tao ay likas na magkakapareho, at hindi magkakaiba. Sa gayon, ang paghiling na magpakita ang mga tao ng halimbawang susundan ng iba o magsilbi silang huwaran ay nagiging isang bula, ito ay nagiging singaw na umaangat mula sa tubig. Samantalang kapag sinasabi ng Diyos na “nagtatamo ng kaunting kaalaman tungkol sa kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako,” ang mga salitang ito ay patungkol lamang sa pagpapakita ng gawaing ginagawa ng Diyos sa katawang-tao; sa madaling salita, nakatuon ang mga ito sa tunay na mukha ng Diyos—pagka-Diyos, na una a lahat ay tumutukoy sa Kanyang banal na disposisyon. Ibig sabihin, hinihingi sa mga tao na unawain ang mga bagay-bagay tulad ng kung bakit gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan, anong mga bagay ang isasakatuparan ng mga salita ng Diyos, ano ang nais makamtan ng Diyos sa lupa, ano ang nais Niyang matamo sa tao, ang mga pamamaraan kung paano magsalita ang Diyos, at ano ang ugali ng Diyos sa tao. Masasabi na walang nararapat ipagmalaki tungkol sa tao—ibig sabihin, walang anuman sa kanya na maaaring magpakita ng halimbawang susundan ng iba.
Ito ay dahil mismo sa pagiging normal ng Diyos sa katawang-tao, at dahil sa pagkakaiba ng Diyos sa langit at ng Diyos sa katawang-tao, na tila hindi isinilang ng Diyos sa langit, na sinasabi ng Diyos, “Maraming taon Kong nakapiling ang tao, subalit palaging hindi niya ito namamalayan, at hindi niya Ako nakilala kailanman.” Sinasabi rin ng Diyos na, “Kapag tumahak ang Aking mga yapak sa buong sansinukob at sa mga dulo ng daigdig, magsisimulang magnilay-nilay ang tao sa kanyang sarili, at lahat ng tao ay lalapit sa Akin at yuyuko sa Aking harapan at sasambahin Ako. Ito ang araw na magtatamo Ako ng kaluwalhatian, ang araw ng Aking pagbabalik, at ang araw din ng Aking paglisan.” Ito lamang ang araw kung kailan ipinapakita ang tunay na mukha ng Diyos sa tao. Subalit hindi ipinagpapaliban ng Diyos ang Kanyang gawain dahil dito, at ginagawa lamang Niya ang gawaing dapat gawin. Kapag Siya ay humahatol, isinusumpa Niya ang mga tao batay sa kanilang saloobin sa Diyos sa katawang-tao. Ito ay isa sa mga pangunahing paksa ng mga pagbigkas ng Diyos sa panahong ito. Halimbawa, sinasabi ng Diyos, “Pormal na Akong nagsimula sa buong sansinukob sa pagwawakas ng Aking plano ng pamamahala. Mula sa sandaling ito, sinumang hindi maingat ay nanganganib na malublob sa gitna ng walang-awang pagkastigo, at maaari itong mangyari anumang sandali.” Ito ang nilalaman ng plano ng Diyos, at hindi ito kakatwa ni kakaiba, kundi lahat ng bahagi ng mga hakbang ng Kanyang gawain. Ang mga tao at ang mga anak ng Diyos sa ibang bansa, samantala, ay hinahatulan ng Diyos batay sa lahat ng kanilang ginagawa sa mga iglesia, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Habang gumagawa Ako, lahat ng anghel ay magsisimula sa pangwakas na pakikibaka na kasama Ko at magpapasyang tuparin ang Aking mga naisin sa huling yugto, kaya ang mga tao sa lupa ay susuko sa Aking harapan kagaya ng mga anghel, at mawawalan ng hangaring salungatin Ako, at hindi gagawa ng anumang pagsuway sa Akin. Ito ang mga dinamika ng Aking gawain sa buong sansinukob.” Ito ang pagkakaiba sa gawaing isinasagawa ng Diyos sa buong daigdig; gumagamit Siya ng iba’t ibang mga hakbang ayon sa kung kanino nakatuon ang mga iyon. Ngayon, lahat ng tao sa mga iglesia ay may nananabik na puso, at nagsimula na silang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos—sapat na ito para ipakita na malapit nang magwakas ang gawain ng Diyos. Ang pagtingin sa ibaba mula sa kalangitan ay tulad sa minsan pang pagtingin sa mapapanglaw na tanawin ng mga tuyot na sanga at laglag na mga dahon, ng namuong putik na tinangay ng hangin ng taglagas. Ang pakiramdam nito ay parang malapit nang maganap ang apocalipsis sa tao, na para bang magiging mapanglaw ang lahat. Dahil siguro sa pagiging sensitibo ng Espiritu, laging may ramdam na kalungkutan sa puso, subalit may katiting na panatag na kaginhawahan, bagama’t may halong kaunting kalungkutan. Maaaring ito ang inilalarawan ng mga salita ng Diyos na “gumigising ang tao, nasa ayos ang lahat sa lupa, at wala na ang mga araw ng pakikibaka sa lupa para mabuhay, sapagkat dumating na Ako!” Maaaring maging medyo negatibo ang mga tao pagkatapos marinig ang mga salitang ito, o maaaring bahagya silang dismayado sa gawain ng Diyos, o maaaring labis na nakatuon ang kanilang pansin sa damdamin sa kanilang espiritu. Ngunit bago matapos ang Kanyang gawain sa lupa, imposibleng magpakahangal ang Diyos para bigyan ang mga tao ng gayong ilusyon. Kung talagang mayroon kang ganitong damdamin, nagpapakita ito na labis mong binibigyang-pansin ang iyong mga damdamin, na isa kang taong ginagawa ang gusto nila, at hindi nagmamahal sa Diyos; nagpapakita ito na ang gayong mga tao ay labis na nakatuon sa higit sa karaniwan, at hindi man lamang nakikinig sa Diyos. Dahil sa kamay ng Diyos, gaano man sikapin ng mga tao na makalayo, hindi nila kayang takasan ang sitwasyong ito. Sino ang makakatakas sa kamay ng Diyos? Kailan hindi naisaayos ng Diyos ang iyong katayuan at sitwasyon? Nagdurusa ka man o pinagpala, paano ka kaya makakalusot mula sa kamay ng Diyos? Hindi ito tungkol sa tao, kundi sa halip ay lubos itong tungkol sa pangangailangan ng Diyos—sino ang may kakayahang hindi sumunod dahil dito?
“Gagamit Ako ng pagkastigo para ipalaganap ang Aking gawain sa mga Hentil, ibig sabihin, gagamit Ako ng puwersa laban sa lahat ng Hentil. Natural, ang gawaing ito ay isasagawa kasabay ng Aking gawain sa mga hinirang.” Sa pagbigkas ng mga salitang ito, ang Diyos ay sumusuong sa gawaing ito sa buong sansinukob. Ito ay isang hakbang ng gawain ng Diyos, na nakasulong na sa puntong ito; walang sinuman ang makakapagpanumbalik ng mga bagay-bagay. Pupunuin ng sakuna ang isang bahagi ng sangkatauhan, na nagsasanhi sa kanila na mapahamak kasama ng mundo. Kapag ang sansinukob ay opisyal na kinastigo, ang Diyos ay opisyal na magpapakita sa lahat ng tao. At dahil sa Kanyang pagpapakita, ang mga tao ay kinakastigo. Higit pa, sinabi rin ng Diyos, “Kapag pormal Ko nang binuksan ang balumbon, iyon ang panahon kung kailan kakastiguhin ang mga tao sa buong sansinukob, kapag isinailalim ang mga tao sa buong mundo sa mga pagsubok.” Mula rito, malinaw na makikita na ang nilalaman ng pitong tatak ay ang nilalaman ng pagkastigo, na ibig sabihin, may matinding kapahamakang nakapaloob sa pitong tatak. Kaya, ngayon, hindi pa nabubuksan ang pitong tatak; ang “mga pagsubok” na tinutukoy rito ay ang pagkastigong pinagdusahan ng tao, at sa gitna ng pagkastigong ito, makakamit ang isang grupo ng mga tao na opisyal na tumatanggap ng “sertipiko” na bigay ng Diyos, at sa gayon ay sila ang magiging mga tao sa kaharian ng Diyos. Ito ang mga pinagmulan ng mga anak at ng mga tao ng Diyos, at ngayon ay kailangan pa silang pagpasyahan, at naglalatag lamang sila ng pundasyon para sa darating na mga karanasan. Kung may tunay na buhay ang isang tao, makatatayo sila nang matatag sa panahon ng mga pagsubok, at kung wala silang buhay, sapat na ito para patunayan na ang gawain ng Diyos ay hindi nagkaroon ng epekto sa kanila, na umaasa silang makinabang sa isang magulong sitwasyon, at hindi nakatuon sa mga salita ng Diyos. Dahil ito ang gawain ng mga huling araw, na wakasan ang kapanahunang ito sa halip na ituloy ang gawain, sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Sa madaling salita, ito ang buhay na hindi pa kailanman naranasan ng tao mula noong panahon ng paglikha hanggang sa kasalukuyang araw, at kaya nga sinasabi Ko na nagawa Ko na ang gawaing hindi pa nagagawa kailanman,” at sinasabi rin Niya, “Dahil papalapit na ang Aking araw sa buong sangkatauhan, dahil hindi ito malayo sa tingin kundi nasa harap mismo ng mga mata ng tao.” Sa nakalipas na mga panahon, personal na winasak ng Diyos ang ilang lungsod, subalit walang isa man sa mga ito ang winasak sa parehong paraan tulad ng mangyayari sa huling pagkakataon. Bagama’t noong araw ay winasak ng Diyos ang Sodoma, ang Sodoma ng ngayon ay hindi dapat ituring na tulad sa nakalipas na mga panahon—hindi ito dapat wasakin nang tuwiran, kundi lulupigin muna at pagkatapos ay hahatulan, at, sa huli, isasailalim sa walang-hanggang kaparusahan. Ito ang mga hakbang ng gawain, at sa huli, pupuksain ang Sodoma ng ngayon sa parehong pagkakasunud-sunod na katulad ng nakaraang pagwasak sa mundo—ito ang plano ng Diyos. Ang araw kung kailan nagpapakita ang Diyos ay ang araw ng opisyal na paghatol sa kasalukuyang Sodoma, at ang paghahayag Niya sa Kanyang Sarili ay hindi alang-alang sa pagliligtas dito. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Nagpapakita Ako sa banal na kaharian, at itinatago ang Aking Sarili mula sa lupain ng karumihan.” Dahil marumi ang Sodoma ng ngayon, hindi talaga nagpapakita rito ang Diyos, kundi ginagamit ang pamamaraang ito upang kastiguhin ito—hindi pa ba malinaw ito sa iyo? Masasabi na walang sinuman sa lupa ang may kakayahang makita ang tunay na mukha ng Diyos. Hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao kailanman, at walang nakakaalam kung saang baitang ng langit naroon ang Diyos. Ito ang nagtulot sa mga tao sa ngayon na mapunta sa sitwasyong ito. Kung mamamasdan nila ang mukha ng Diyos, siguradong iyon ang oras na bawat isa ay ibubukod ayon sa uri. Ngayon, ang mga salitang napapaloob sa pagka-Diyos ay tuwirang ipinamamalas sa mga tao, na humuhula na sumapit na ang mga huling araw ng sangkatauhan, at hindi na maglalaon. Ito ay isa sa mga palatandaan ng pagpapailalim ng mga tao sa mga pagsubok sa panahon na nagpapakita ang Diyos sa lahat ng tao. Sa gayon, bagama’t tinatamasa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, lagi silang naiinis, na para bang isang matinding kalamidad ang malapit nang sumapit sa kanila. Ang mga tao sa ngayon ay parang mga maya sa nagyeyelong mga lupain, kung kanino parang ipinipilit ng kamatayan na magbayad sila ng utang at iniiwan silang walang paraan para makaraos. Dahil sa utang na kamatayang inutang ng tao, nadarama ng lahat ng tao na sumapit na ang mga huling araw nila. Ito ang nangyayari sa puso ng mga tao sa buong sansinukob, at bagama’t hindi ito nakahayag sa kanilang mukha, hindi maitatago ang nasa kanilang puso mula sa Aking mga mata—ito ang realidad ng tao. Marahil, marami sa mga salita ang hindi ginamit nang wasto nang buung-buo—ngunit ang mga salitang ito mismo ay sapat na para ipakita ang problema. Bawat isa sa mga salitang sinasambit mula sa bibig ng Diyos ay matutupad, tungkol man ito sa nakaraan o sa kasalukuyan; ipapakita ng mga ito ang mga katotohanan sa harap ng mga tao—na pagpipistahan ng kanilang mga mata—kung kailan sila ay mamamangha at malilito. Hindi pa rin ba malinaw sa iyo kung anong kapanahunan na ngayon?