Kabanata 20

Nilikha ng Diyos ang buong sangkatauhan, at inaakay na Niya ang buong sangkatauhan hanggang ngayon. Sa gayon, alam ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa tao: Alam Niya ang kapaitan sa mundo ng tao, nauunawaan ang tamis sa mundo ng tao, kaya nga bawat araw ay inilalarawan Niya ang mga kalagayan sa buhay ng buong sangkatauhan, at, bukod pa riyan, pinakikitunguhan Niya ang kahinaan at katiwalian ng buong sangkatauhan. Hindi kalooban ng Diyos na ihagis ang buong sangkatauhan sa walang-hanggang kalaliman, o na iligtas ang kabuuan ng sangkatauhan. Palaging may isang prinsipyo sa mga kilos ng Diyos, subalit walang sinumang may kakayahang maintindihan ang mga batas ng lahat ng Kanyang ginagawa. Kapag nagkakaroon ng kamalayan ang mga tao sa kamahalan at poot ng Diyos, pinapalitan kaagad ng Diyos ng habag at pagmamahal ang tono, ngunit kapag nalalaman ng mga tao ang habag at pagmamahal ng Diyos, minsan pa Niyang pinapalitan kaagad ang tono, at ginagawa Niyang mahirap kainin ang Kanyang mga salita na para bang buhay na manok ang mga ito. Sa lahat ng salita ng Diyos, hindi naulit kailanman ang simula, at hindi nasambit kailanman ang anuman sa Kanyang mga salita ayon sa prinsipyo ng mga pagbigkas ng kahapon; maging ang tono ay hindi pareho, at walang kaugnayan sa nilalaman—na pawang lalo pang nagpapalito sa mga tao. Ito ang karunungan ng Diyos, at ang paghahayag ng Kanyang disposisyon. Ginagamit Niya ang tono at kaparaanan ng Kanyang pagsasalita upang pawiin ang mga kuru-kuro ng mga tao, upang lituhin si Satanas, na inaalisan ng pagkakataon si Satanas na lasunin ang mga gawa ng Diyos. Ang pagiging kamangha-mangha ng mga kilos ng Diyos ay nagiging sanhi para malito ang isipan ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Halos hindi nila mahanap ang harapan ng sarili nilang pintuan, at ni hindi alam kung kailan sila dapat kumain o magpahinga, nang sa gayon ay tunay na nakakamit ang “pagpapaliban sa pagtulog at pagkain upang gumugol para sa Diyos.” Subalit kahit sa puntong ito, hindi pa rin nalulugod ang Diyos sa kasalukuyang mga sitwasyon, at palagi Siyang galit sa tao, na pinipilit siyang ilabas ang tunay na nilalaman ng kanyang puso. Kung hindi, nang magpakita ang Diyos ng kahit kaunting kaluwagan, ang mga tao ay “susunod” kaagad at magiging pabaya. Ito ang kababaan ng tao; hindi siya maaaring hikayatin, kundi kailangan siyang paluin o kaladkarin para mapakilos siya. “Sa lahat ng tinitingnan Ko, walang sinumang sadya at tuwirang naghanap sa Akin. Lumalapit silang lahat sa Akin sa paghihikayat ng iba, sumusunod sa karamihan, at ayaw nilang magsakripisyo o gumugol ng oras para pagyamanin ang kanilang buhay.” Gayon ang sitwasyon ng lahat ng nasa ibabaw ng lupa. Sa gayon, kung wala ang gawain ng mga apostol o ng mga lider, matagal na sanang nagsikalat ang lahat ng tao, kaya nga, sa nakalipas na mga kapanahunan, hindi nawalan ng mga apostol at propeta.

Sa mga pagbigkas na ito, partikular na nakatuon ang Diyos sa pagbubuod ng mga kalagayan sa buhay ng buong sangkatauhan. Ang mga salitang katulad ng sumusunod ay kauring lahat nito: “Ang buhay ng tao ay wala ni kaunting init, at walang anumang bakas ng pagiging tao o liwanag—subalit mapagpalayaw na siya sa sarili noon pa man, habambuhay na nananatiling walang halaga kung saan nagmamadali siya nang walang anumang napapala. Sa isang kisapmata, papalapit na ang araw ng kamatayan, at mapait ang kamatayang sumasapit sa tao.” Bakit nagagabayan ng Diyos ang buhay ng sangkatauhan hanggang ngayon, gayunman ay inihahayag din ang kahungkagan ng buhay sa mundo ng tao? At bakit Niya inilalarawan ang buong buhay ng lahat ng tao bilang “nagmamadaling dumating at nagmamadaling umaalis”? Masasabi na lahat ng ito ay plano ng Diyos, itinalagang lahat ito ng Diyos, at dahil dito, sa isa pang banda ay nababanaag dito kung paano kinamumuhian ng Diyos ang lahat maliban sa buhay sa pagka-Diyos. Bagama’t nilikha ng Diyos ang buong sangkatauhan, hindi Siya talaga nasiyahan kailanman sa pamumuhay ng buong sangkatauhan, at sa gayon ay tinutulutan lamang Niyang umiral ang sangkatauhan sa ilalim ng pagtitiwali ni Satanas. Matapos sumailalim ang sangkatauhan sa prosesong ito, lilipulin o ililigtas Niya ang sangkatauhan, at sa gayon ay magkakamit ang tao ng isang buhay sa lupa na hindi hungkag. Lahat ng ito ay bahagi ng plano ng Diyos. At sa gayon, palaging may isang mithiin sa kamalayan ng tao, na naging dahilan upang hindi maging masaya ang sinuman na mamatay nang inosente—ngunit ang tanging nakatamo ng mithiing ito ay ang mga tao sa mga huling araw. Sa ngayon, nabubuhay pa rin ang mga tao sa gitna ng isang di-mababagong kahungkagan at hinihintay pa rin nila ang di-nakikitang mithiing iyon: “Kapag tinatakpan Ko ng Aking mga kamay ang Aking mukha, at idinidiin ang mga tao sa ilalim ng lupa, agad silang nahihirapang huminga, at halos hindi nila kayang manatiling buhay. Lahat sila ay nagsusumamo sa Akin, takot na lilipulin Ko sila, sapagkat gusto nilang lahat na makita ang araw na Ako ay nagtatamo ng kaluwalhatian.” Gayon ang kalagayan ng lahat ng tao ngayon. Nabubuhay silang lahat sa isang “kahungkagan,” na walang “oxygen,” na nagpapahirap sa kanila na makahinga. Ginagamit ng Diyos ang mithiin sa kamalayan ng tao upang suportahan ang kaligtasan ng buong sangkatauhan; kung hindi, lahat ay “iiwan ang tahanan upang maging mga monghe,” na magiging dahilan upang maglaho nang lubusan ang sangkatauhan, at magwakas na. Sa gayon, buhay pa ang tao hanggang ngayon dahil sa pangakong ibinigay ng Diyos sa tao. Ito ang katotohanan, ngunit hindi natuklasan ng tao ang batas na ito kailanman, kaya nga hindi niya alam kung bakit siya “takot na takot na sumapit sa kanya ang kamatayan sa ikalawang pagkakataon.” Sa pagiging tao, walang sinumang may lakas ng loob na patuloy na mabuhay, subalit wala pa ring sinumang nagkaroon ng lakas ng loob na mamatay, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay “namamatay sa isang mapait na kamatayan.” Ganyan ang totoong sitwasyon ng mga tao. Marahil, sa kanilang mga inaasam, naharap ang ilang tao sa mga kabiguan at naisip ang kamatayan, ngunit ang mga kaisipang ito ay hindi kailanman natupad; marahil, naisip ng ilan ang kamatayan dahil sa mga sigalot sa pamilya, ngunit dahil sa pag-aalala sa kanilang mga mahal sa buhay ay nananatili silang walang kakayahang makamit ang kanilang mithiin; at marahil, naisip ng ilan ang kamatayan dahil sa mga pagsubok sa pagsasama nilang mag-asawa, ngunit ayaw nilang pagdaanan ito. Sa gayon, namamatay ang mga tao na may mga hinaing o walang-hanggang pagsisisi sa kanilang puso. Ganyan ang iba’t ibang kalagayan ng lahat ng tao. Sa pagtingin sa malawak na mundo ng tao, paroo’t parito ang mga tao sa walang-katapusang daloy, at bagama’t nadarama nila na magiging mas masaya ang mamatay kaysa mabuhay, sinasabi lamang nila iyon, at walang sinumang nagpakita ng halimbawa kailanman, na mamatay at magbalik at masabi sa mga buhay kung paano tamasahin ang galak ng kamatayan. Kasuklam-suklam ang mga taong walanghiya: Wala silang kahihiyan o paggalang sa sarili, at palagi silang hindi tumutupad sa kanilang salita. Sa Kanyang plano, itinakda ng Diyos ang isang grupo ng mga tao na magtatamasa ng Kanyang pangako, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Maraming espiritu ang namuhay sa katawang-tao, at marami ang namatay at muling isinilang sa mundo. Subalit kailanman ay walang sinuman sa kanila ang nagkaroon ng pagkakataong matamasa ang mga pagpapala ng kaharian ngayon.” Lahat ng nagtatamasa ng mga pagpapala ng kaharian ngayon ay itinakda na ng Diyos mula pa nang Kanyang likhain ang mundo. Ipinlano ng Diyos na mabuhay ang mga espiritung ito sa katawang-tao sa mga huling araw, at sa bandang huli, kakamtin ng Diyos ang grupong ito ng mga tao, at paplanuhing mapunta sila sa Sinim. Dahil, sa diwa, ang mga espiritu ng mga taong ito ay mga anghel, sinasabi ng Diyos, “Talaga bang hindi Ako nagkaroon ng anumang bakas kailanman sa espiritu ng tao?” Sa katunayan, kapag nabubuhay ang mga tao sa katawang-tao, nananatili silang mangmang sa mga gawain ng espirituwal na dako. Mula sa payak na mga salitang ito—“maingat Akong sinusulyapan ng tao”—makikita ang damdamin ng Diyos. Sa loob ng payak na mga salitang ito, ipinapahayag ang kumplikadong sikolohiya ng Diyos. Mula noong panahon ng paglikha hanggang ngayon, palaging may kalungkutan sa puso ng Diyos na may kasamang galit at paghatol, sapagkat ang mga tao sa lupa ay walang kakayahang isaisip ang kalooban ng Diyos, tulad ng sinasabi ng Diyos na, “Ang tao ay parang isang taong-bundok.” Subalit sinasabi rin ng Diyos, “Darating ang araw na lalangoy ang tao patungo sa Aking tabi mula sa kalagitnaan ng malawak na karagatan, upang matamasa niya ang lahat ng yaman sa mundo at iwan ang panganib na lamunin ng dagat.” Ito ang katuparan ng kalooban ng Diyos, at maaari ding ilarawan bilang isang di-maiiwasang kalakaran, at isinasagisag nito ang katuparan ng gawain ng Diyos.

Kapag ang kaharian ay ganap nang bumaba sa lupa, mababawi ng lahat ng tao ang kanilang orihinal na wangis. Kaya, sinasabi ng Diyos, “Nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Hindi na nagiging sanhi ng pagtulo ng luha sa kanilang mukha ang sarili nilang kahinaan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagrereklamo ng paghihirap ang sinuman sa Akin.” Ipinapakita nito na ang araw kung kailan natatamo ng Diyos ang ganap na kaluwalhatian ay ang araw kung kailan nasisiyahan ang tao sa kanyang kapahingahan; hindi na nagkukumahog ang mga tao bunga ng panggugulo ni Satanas, humihinto sa pag-unlad ang mundo, at nabubuhay ang mga tao sa kapahingahan—sapagkat napakaraming bituin sa kalangitan ang pinaninibago, at ang araw, buwan, mga bituin, at iba pa, at lahat ng kabundukan at mga ilog sa langit at sa lupa, ay binabagong lahat. At dahil nagbago na ang tao at nagbago na ang Diyos, gayundin, lahat ng bagay ay magbabago. Ito ang pangunahing layon ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ang makakamtan sa huli. Ang layunin ng Diyos sa pagsambit ng lahat ng salitang ito una sa lahat ay para makilala Siya ng tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang mga atas administratibo ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay isinaayos at ipinlano ng Diyos Mismo, at ayaw ng Diyos na hayaang manghimasok ang sinuman; sa halip, tinutulutan Niyang mamasdan ng mga tao na lahat ay ipinaplano Niya at hindi matatamo ng tao. Bagama’t nakikita ito ng tao, o nahihirapan siyang isipin ito, lahat ay kontroladong mag-isa ng Diyos, at ayaw ng Diyos na mabahiran ito ng kahit katiting na saloobin ng tao. Siguradong hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang nakikibahagi, kahit kaunti; ang Diyos ay Diyos na naninibugho sa tao, at tila ang Espiritu ng Diyos ay talagang maramdamin sa bagay na ito. Sa gayon, sinuman ang may katiting na balak na manghimasok ay agad na sasapitan ng nagngangalit na apoy ng Diyos, na gagawin silang mga abo sa apoy. Hindi tinutulutan ng Diyos ang mga tao na ipakita ang kanilang mga kaloob gaano man nila naisin, sapagkat lahat ng mayroong kaloob ay walang buhay; ang ipinapalagay na mga kaloob na ito ay naglilingkod lamang sa Diyos, at nagmumula kay Satanas, at sa gayon ay partikular na kinamumuhian ng Diyos, na hindi gumagawa ng mga pagpapahinuhod dito. Subalit madalas ay ang mga taong walang buhay ang malamang na makibahagi sa gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, ang kanilang paglahok ay nananatiling hindi natutuklasan, sapagkat ito ay nakabalatkayo sa kanilang mga kaloob. Sa paglipas ng mga kapanahunan, yaong mga pinagkalooban ay hindi kailanman nakapanindigan, sapagkat sila ay walang buhay, at sa gayon ay walang anumang mga kapangyarihang lumaban. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Kung hindi Ako nagsasalita nang malinaw, hindi matatauhan ang mga tao kailanman, at hindi sinasadyang mahuhulog sila sa Aking pagkastigo—sapagkat hindi Ako kilala ng tao sa Aking katawang-tao.” Lahat ng may laman at dugo ay ginagabayan ng Diyos, subalit nabubuhay rin sa pagkaalipin kay Satanas, kaya nga hindi kailanman nagkaroon ang mga tao ng normal na kaugnayan sa isa’t isa, maging ito man ay dahil sa pagnanasa, o pagsamba, o mga pagsasaayos ng kanilang kapaligiran. Ang gayong abnormal na mga kaugnayan ang pinaka-kinamumuhian ng Diyos sa lahat, kaya nga dahil sa gayong mga kaugnayan kaya lumalabas mula sa bibig ng Diyos ang sumusunod na mga salita: “Ang nais Ko ay mga nilalang na may buhay na puno ng sigla, hindi mga bangkay na nakalubog na sa kamatayan. Dahil nakasandal Ako sa mesa ng kaharian, uutusan Ko ang lahat ng tao sa lupa na tanggapin ang Aking pagsisiyasat.” Kapag ang Diyos ay nasa ibabaw ng buong sansinukob, bawat araw ay minamasdan Niya ang bawat kilos ng mga may laman at dugo, at hindi Niya nakaligtaan kailanman ang kahit isa sa kanila. Ito ang mga gawa ng Diyos. Kaya nga, hinihimok Ko ang lahat ng tao na siyasatin ang sarili nilang mga kaisipan, ideya, at kilos. Hindi Ko hinihiling na maging isang tanda ka ng kahihiyan sa Diyos, kundi maging isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos, na sa lahat ng inyong mga kilos, salita, at buhay, hindi kayo maging tampulan ng mga patawa ni Satanas. Ito ang mga kahilingan ng Diyos sa lahat ng tao.

Sinundan: Kabanata 19

Sumunod: Kabanata 21

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito