Kabanata 19

Sa imahinasyon ng mga tao, tila ang Diyos ay napakatayog, at hindi Siya maarok. Parang hindi naninirahan ang Diyos sa piling ng sangkatauhan at parang hinahamak Niya ang mga tao dahil napakatayog Niya. Gayunman, dinudurog ng Diyos ang mga kuru-kuro ng mga tao at inaalis ang lahat ng iyon, ibinabaon ang mga iyon sa “mga nitso” kung saan nagiging abo ang mga iyon. Ang saloobin ng Diyos tungo sa mga kuru-kuro ng sangkatauhan ay kahalintulad ng Kanyang saloobin sa mga patay, na binibigyang-kahulugan ang mga iyon ayon sa kanilang kagustuhan. Tila walang mga reaksyon ang mga “kuru-kuro”; samakatuwid, ginagawa na ng Diyos ang gawaing ito mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, at hindi kailanman tumigil. Dahil sa laman, ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at dahil sa mga kilos ni Satanas sa lupa, nabubuo ng mga tao ang lahat ng uri ng kuru-kuro sa kanilang mga karanasan. Tinatawag itong “natural na pagbuo.” Ito ang huling yugto ng gawain ng Diyos sa lupa, kaya ang pamamaraan ng Kanyang gawain ay nakarating na sa tuktok nito, at pinag-iibayo Niya ang Kanyang pagsasanay sa mga tao upang magawa silang ganap sa Kanyang huling gawain, at sa huli ay mapalugod ang kalooban ng Diyos. Dati-rati, mayroon lamang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu sa mga tao, ngunit walang sinambit na mga salita ang Diyos Mismo. Nang magsalita ang Diyos sa sarili Niyang tinig, namangha ang lahat, at ang mga salita ngayon ay mas nakakatuliro pa. Mas mahirap pang maarok ang kahulugan ng mga iyon, at tila manghang-mangha ang mga tao, dahil limampung porsiyento ng Kanyang mga salita ay dumarating sa pagitan ng mga tandang panipi. “Kapag nagsasalita Ako, nakikinig ang mga tao sa Aking tinig nang mapitagan; kapag tumatahimik Ako, sinisimulan nilang muli ang sarili nilang mga ‘pakikipagsapalaran.’” Ang talatang iyan ay naglalaman ng isang salita na nakapanipi. Kapag mas nakakatawa ang pananalita ng Diyos, tulad ng ginagawa Niya rito, mas naaakit Niya ang mga tao na basahin ang mga ito. Nagagawang tanggapin ng mga tao ang mapakitunguhan kapag nakapahinga sila. Gayunman, una sa lahat, ito ay upang pigilan ang mas maraming tao na panghinaan ng loob o madismaya kapag hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Ito ay isang taktika sa pakikidigma ng Diyos laban kay Satanas. Sa paraang ito lamang mananatiling interesado ang mga tao sa mga salita ng Diyos at patuloy na bibigyang-pansin ang mga iyon kahit nagugulumihanan sila. Gayunman, mayroon ding kabigha-bighani sa lahat ng Kanyang salita na hindi nakapanipi, kaya nga mas kapansin-pansin ang mga ito at nagiging dahilan upang mas lalong mahalin ng mga tao ang mga salita ng Diyos at madama ang tamis ng Kanyang mga salita sa sarili nilang puso. Dahil dumarating ang mga salita ng Diyos sa iba-ibang anyo, at sagana at magkakaiba, at dahil walang pag-uulit ng mga pangngalan sa maraming salita ng Diyos, sa kanilang ikatlong pandama, naniniwala ang mga tao na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma. Halimbawa: “Hindi Ko hinihingi na maging mga ‘tagagamit’ lamang ang mga tao; hinihingi Ko rin na maging mga ‘tagagawa’ sila na nakakatalo kay Satanas.” Ang mga salitang “tagagamit” at “tagagawa” sa pangungusap na iyan ay may kaparehong kahulugan sa ilang salitang sinambit sa nakaraang mga panahon, ngunit hindi nagmamatigas ang Diyos; sa halip, ipinababatid Niya sa mga tao ang Kanyang kasariwaan at sa gayon ay pinahahalagahan ang pagmamahal ng Diyos. Ang pagpapatawa sa pananalita ng Diyos ay naglalaman ng Kanyang paghatol at Kanyang mga hiling sa sangkatauhan. Dahil may mga layunin ang lahat ng salita ng Diyos, dahil lahat ng iyon ay may kahulugan, ang Kanyang pagpapatawa ay hindi lamang para pagaanin ang kapaligiran o para magtawanan ang mga tao, ni hindi iyon para mapahinga ang kanilang mga kalamnan. Sa halip, ang layon ng pagpapatawa ng Diyos ay palayain ang mga tao mula sa limang libong taon ng pagkaalipin, upang hindi na alipining muli, kaya mas natatanggap nila ang mga salita ng Diyos. Ang pamamaraan ng Diyos ay ang gumamit ng isang kutsarang asukal para malunok ang gamot; hindi Niya sapilitang ipinalulunok ang mapait na gamot sa lalamunan ng mga tao. May kapaitan sa loob ng matamis, at may tamis din sa loob ng mapait.

“Kapag nagsisimulang lumitaw ang bahagyang kislap ng liwanag sa Silangan, mas pinapansin ito nang kaunti ng lahat ng tao sa loob ng sansinukob. Hindi na gaanong mahimbing sa pagkatulog, nakikipagsapalaran ang mga tao upang pagmasdan ang pinagmumulan ng liwanag na ito sa silangan. Dahil sa kanilang limitadong kakayahan, wala pang nakakita sa lugar na pinagmumulan ng liwanag.” Ito ang nangyayari sa lahat ng dako sa sansinukob, hindi lamang sa mga anak ng Diyos at Kanyang mga tao. Ganito ang reaksyon ng mga tao sa mga relihiyosong grupo at mga walang pananampalataya. Sa sandaling sumikat ang liwanag ng Diyos, unti-unting nagbabago ang puso nilang lahat, at nagsisimula silang matuklasan nang di-namamalayan na walang kuwenta ang kanilang buhay, na walang halaga ang buhay ng tao. Hindi nagsisikap ang mga tao na magkaroon ng hinaharap, hindi nila iniisip ang kinabukasan, o hindi sila nag-aalala tungkol sa kinabukasan; sa halip, nanghahawakan sila sa ideya na dapat silang kumain at uminom ng mas marami habang “bata” pa sila, at na magiging sulit ang lahat ng ito kapag dumating ang huling araw. Walang anumang hangarin ang mga tao na pamahalaan ang mundo. Ang sigla ng pagmamahal ng sangkatauhan para sa mundo ay lubos na ninakaw ng “diyablo,” ngunit walang sinumang nakakaalam kung ano ang ugat. Ang tanging magagawa nila ay magparoo’t parito, na binabalitaan ang isa’t isa, sapagkat hindi pa dumarating ang araw ng Diyos. Balang araw, makikita ng lahat ang mga kasagutan sa lahat ng hiwagang di-maaarok. Ito mismo ang ibig sabihin ng mga salita ng Diyos na “Gumigising ang mga tao mula sa pagtulog at pananaginip, at saka lamang nila natatanto na unti-unti nang dumarating sa kanila ang Aking araw.” Kapag dumating ang panahong iyan, lahat ng taong kabilang sa Diyos ay magiging katulad ng mga dahong luntian na “naghihintay na gampanan ang sarili nilang bahagi para sa Akin habang Ako ay nasa lupa.” Napakarami sa mga tao ng Diyos sa Tsina ang bumabalik pa rin sa dati matapos bumigkas ang Diyos sa Kanyang tinig, kaya nga sinasabi ng Diyos, “subalit, dahil walang kapangyarihang baguhin ang mga pangyayari, wala silang magagawa kundi hintayin Akong magpahayag ng kaparusahan.” Magkakaroon pa rin ng ilan sa kanila na aalisin—hindi lahat ay mananatiling hindi nagbabago. Sa halip, makakatugon lamang sa pamantayan ang mga tao matapos sumailalim sa pagsubok, kung saan bibigyan sila ng “mga sertipiko ng kalidad”; kung hindi, magiging dumi sila sa bunton ng basura. Palaging tinutukoy ng Diyos ang tunay na kalagayan ng sangkatauhan, kaya lalong nadarama ng mga tao ang kahiwagaan ng Diyos. “Kung hindi Siya ang Diyos, paano Niya malalaman nang husto ang ating tunay na kalagayan?” Magkagayunman, dahil sa kahinaan ng mga tao, “sa puso ng mga tao, hindi Ako matayog ni mababa. Para sa kanila, hindi mahalaga kung umiiral Ako o hindi.” Hindi ba ito mismo ang kalagayan ng lahat ng tao na angkop na angkop sa realidad? Para sa mga tao, umiiral ang Diyos kapag hinahanap nila Siya at hindi Siya umiiral kapag hindi nila Siya hinahanap. Sa madaling salita, umiiral ang Diyos sa puso ng mga tao sa sandaling kailangan nila ang tulong Niya, ngunit kapag hindi na nila Siya kailangan, hindi na Siya umiiral. Ito ang nakapaloob sa mga puso ng mga tao. Ang totoo, ganito ang pag-iisip ng lahat sa lupa, pati na lahat ng “ateista,” at ang kanilang “impresyon” sa Diyos ay malabo rin at mahirap unawain.

“Samakatuwid, ang kabundukan ay nagiging mga hangganan sa pagitan ng mga bansa sa lupa, ang mga tubig ay nagiging mga harang para mapanatiling magkakahiwalay ang mga tao sa iba’t ibang lupain, at ang hangin ay nagiging yaong umiihip sa pagitan ng mga tao sa mga espasyo sa ibabaw ng lupa.” Ito ang gawaing ginawa ng Diyos habang nililikha ang mundo. Ang pagbanggit nito rito ay nakakagulo sa isip ng mga tao: Maaari kaya na nais ng Diyos na lumikha ng isa pang mundo? Makatwirang sabihin ito: Tuwing magsasalita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay naglalaman ng paglikha, pamamahala, at pagwasak sa mundo; kaya lamang kung minsan ay malinaw ang mga ito, at kung minsan ay malabo ang mga ito. Nakapaloob sa Kanyang mga salita ang buong pamamahala ng Diyos; kaya lamang ay hindi maliwanagan ng mga tao ang mga iyon. Ang mga pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ay pinalalago ang kanilang pananampalataya nang isandaang ulit. Mula sa labas, tila baga nangangako ang Diyos sa kanila, ngunit sa diwa ay isa itong sukatan para sa mga hinihiling ng Diyos sa mga tao ng Kanyang kaharian. Yaong mga akmang kasangkapanin ay mananatili, samantalang yaong mga hindi ay lalamunin sa isang kalamidad na bubuhos mula sa langit. “Ibubuwal ng kulog, na dumadagundong sa kalangitan, ang mga tao; habang nakabuwal sila, ibabaon sila ng matataas na bundok; lalapain sila ng gutom na mababangis na hayop; at lulunurin sila ng dumadaluyong na mga karagatan. Habang abala ang sangkatauhan sa alitan ng magkakapatid, hahangarin ng lahat ng tao ang sarili nilang pagkawasak sa mga kalamidad na nagmumula sa kanila.” Ito ang “espesyal na pagtrato” na ipapataw sa mga hindi nakatugon sa mga pamantayan at hindi ililigtas sa kaharian ng Diyos pagkatapos. Habang mas sinasabi ng Diyos ang mga bagay na tulad ng, “Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang liwanag na gumagabay sa inyo,” mas nagkakaroon ng kamalayan ang mga tao sa sarili nilang pagiging kagalang-galang; sa gayon, higit ang kanilang pananampalataya na maghangad ng bagong buhay. Ibinibigay ng Diyos sa mga tao ang hinihiling nila sa Kanya. Kapag nailantad na sila ng Diyos sa isang tiyak na antas, binabago Niya ang Kanyang paraan ng pananalita, gamit ang isang tono ng pagbabasbas na matamo ang pinakamagaling na resulta. Dahil lahat ng tao ay handang makipagkalakalan sa kanilang mga katapat—lahat sila ay eksperto sa negosyo—ito mismo ang pinapasukan ng Diyos sa pagsasabi nito. Kaya, ano ang “Sinim”? Hindi tinutukoy ng Diyos dito ang kaharian sa lupa, na ginawang tiwali ni Satanas, kundi sa halip ay isang pagtitipon ng lahat ng anghel na nanggaling sa Diyos. Ang mga salitang “matatag at di-natitinag” ay nagpapahiwatig na malalampasan ng mga anghel ang lahat ng puwersa ni Satanas, at dahil doon ay itatatag ang Sinim sa buong sansinukob. Sa gayon, ang tunay na kahulugan ng Sinim ay isang pagtitipon ng lahat ng anghel sa lupa, at ang tinutukoy nito rito ay yaong mga nasa lupa. Samakatuwid, ang kahariang iiral sa lupa pagkatapos ay tatawaging “Sinim,” at hindi ang “kaharian.” Walang tunay na kahulugan ang “kaharian” sa lupa; sa diwa, ito ay Sinim. Sa gayon, kapag pinag-ugnay ang mga ito sa kahulugan ng Sinim, saka lamang malalaman ng isang tao ang tunay na kahulugan ng mga salitang, “Siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob.” Ipinapakita nito ang ranggo ng lahat ng tao sa lupa sa hinaharap. Ang mga tao ng Sinim ay magiging mga hari na namumuno sa lahat ng tao sa lupa matapos nilang maranasan ang pagkastigo. Lahat ng nasa lupa ay gagana nang normal dahil sa pamamahala ng mga tao ng Sinim. Ito ay walang iba kundi isang pahapyaw na paglalarawan sa sitwasyon. Lahat ng tao ay mananatili sa loob ng kaharian ng Diyos, ibig sabihin ay maiiwan sila sa loob ng Sinim. Makakausap ng mga tao sa lupa ang mga anghel. Sa gayon, magkakaugnay ang langit at lupa; o, sa madaling salita, lahat ng tao sa lupa ay magpapasakop sa Diyos at mamahalin ang Diyos na tulad ng ginagawa ng mga anghel sa langit. Sa panahong iyon, hayagang magpapakita ang Diyos sa lahat ng tao sa lupa at tutulutan silang makita ng kanilang mga mata ang Kanyang tunay na mukha, at ihahayag Niya ang Kanyang Sarili sa kanila anumang oras.

Sinundan: Kabanata 18

Sumunod: Kabanata 20

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito