Kabanata 12

Kapag nakikinig ang lahat ng tao, kapag pinaninibago at muling binubuhay ang lahat ng bagay, kapag bawat tao ay nagpapasakop sa Diyos nang walang pag-aalinlangan at handang balikatin ang mabigat na responsibilidad ng pasanin ng Diyos—dito lumalabas ang kidlat ng silanganan, na pinagliliwanag ang lahat mula Silangan hanggang Kanluran, sinisindak ang buong mundo sa pagdating ng liwanag na ito; at, sa yugtong ito, minsan pang sinisimulan ng Diyos ang isang bagong buhay. Ibig sabihin, sa sandaling ito, sinisimulan ng Diyos ang bagong gawain sa lupa, na ipinapahayag sa mga tao ng buong sansinukob na “kapag kumikidlat mula sa Silangan, na siya rin mismong sandali na nagsisimula Akong bigkasin ang Aking mga salita—kapag kumikidlat, ang buong sansinukob ay nagliliwanag, at nagbabago ng anyo ang lahat ng bituin.” Kaya, kailan lumalabas ang kidlat mula sa Silangan? Kapag nagdidilim ang kalangitan at kumukulimlim ang mundo, saka itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa mundo, at iyon mismo ang sandali na sasapit sa lahat ng nasa silong ng kalangitan ang malakas na bagyo. Subalit pagsapit ng oras na ito, natataranta ang lahat ng tao, natatakot sa kulog, nangangamba sa ningning ng kidlat, at lalo pang nasisindak sa pananalasa ng delubyo, kaya ipinipikit ng karamihan sa kanila ang kanilang mga mata at naghihintay silang ilabas ng Diyos ang Kanyang poot at pabagsakin sila. At habang nangyayari ang iba’t ibang mga kalagayan, agad na lumalabas ang kidlat ng silanganan. Nangangahulugan ito na sa Silangan ng mundo, mula noong magsimula ang pagpapatotoo sa Diyos Mismo, hanggang noong magsimula Siyang gumawa, hanggang sa magsimulang gamitin ng pagka-Diyos ang pinakamataas na kapangyarihan sa buong mundo—ito ang kumikinang na sinag ng kidlat ng silanganan, na nagniningning kailanman sa buong sansinukob. Kapag ang mga bansa sa lupa ay nagiging kaharian ni Cristo, saka nagliliwanag ang buong sansinukob. Ngayon ang panahon ng paglabas ng kidlat ng silanganan. Nagsisimulang gumawa ang Diyos na nagkatawang-tao, at, bukod pa riyan, nagsasalita nang tuwiran sa pagka-Diyos. Masasabi na kapag nagsisimulang magsalita ang Diyos sa lupa, saka lumalabas ang kidlat ng silanganan. Para mas tumpak, kapag dumadaloy ang tubig na buhay mula sa luklukan—kapag nagsisimula ang mga pagbigkas mula sa luklukan—iyon mismo ang sandali na pormal na nagsisimula ang mga pagbigkas ng pitong Espiritu. Sa sandaling ito, nagsisimulang lumabas ang kidlat ng silanganan, at dahil sa tagal nito, iba-iba rin ang antas ng pagliliwanag, at mayroon ding limitasyon sa saklaw ng kaningningan nito. Subalit kasabay ng paggalaw ng gawain ng Diyos, kasabay ng mga pagbabago sa Kanyang plano—kasabay ng mga pagbabagu-bago sa gawain sa mga anak at mga tao ng Diyos—lalong ginagampanan ng kidlat ang likas na tungkulin nito, kaya nagliliwanag ang lahat sa buong sansinukob, at walang naiiwang latak o dumi. Ito ang pagbubuo ng 6,000-taong plano ng pamamahala ng Diyos, at ang mismong bungang tinatamasa ng Diyos. “Ang mga bituin” ay hindi tumutukoy sa mga bituin sa langit, kundi sa lahat ng anak at tao ng Diyos na gumagawa para sa Kanya. Dahil sila ay nagpapatotoo sa Diyos sa kaharian ng Diyos, at kumakatawan sa Diyos sa Kanyang kaharian, at dahil sila ay mga nilalang, tinatawag silang “mga bituin.” “Ang magbagong-anyo” ay tumutukoy sa isang pagbabagong-anyo sa identidad at katayuan: Ang mga tao ay nagbabago mula sa mga tao sa lupa tungo sa mga tao ng kaharian, at, bukod pa riyan, kasama nila ang Diyos, at sumasakanila ang kaluwalhatian ng Diyos. Dahil dito, ginagamit nila ang pinakamataas na kapangyarihan para sa Diyos, at ang kamandag at mga karumihan sa mga ito ay nililinis ng gawain ng Diyos, sa huli ay nagiging angkop silang kasangkapanin ng Diyos at nakaayon sa puso ng Diyos—ito ay isang aspeto ng kahulugan ng mga salitang ito. Kapag pinagliliwanag ng sinag ng liwanag mula sa Diyos ang buong lupain, magbabago ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa sa iba-ibang antas, at magbabago rin ang mga bituin sa langit, mapapanibago ang araw at ang buwan, at pagkatapos ay mapapanibago ang mga tao sa lupa—na siyang gawain ng Diyos sa pagitan ng langit at lupa, at hindi ito kataka-taka.

Kapag inililigtas ng Diyos ang mga tao—hindi ito tumutukoy sa mga yaon na hindi likas na pinili—iyon ay kapag nililinis at hinahatulan lamang ng Diyos ang mga tao, at lahat ay nananangis nang may kapaitan, o nakaratay sa kanilang higaan, o pinabagsak at isinadlak sa impiyerno ng kamatayan dahil sa mga salita ng Diyos. Salamat na lamang sa mga pagbigkas ng Diyos at nagsisimulang makilala ng mga tao ang kanilang sarili. Kung hindi nagkagayon ang mga bagay-bagay, magiging kagaya ng sa palaka ang kanilang mga mata—nakatingala, walang sinumang kumbinsido, walang sinuman sa kanila ang nakakakilala sa kanilang sarili, walang alam kung gaano kabigat ang kanilang timbang. Talagang ginawang tiwali nang matindi ni Satanas ang mga tao. Dahil mismo sa walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos kaya inilarawan ang pangit na mukha ng tao sa gayon kalinaw na detalye, na naging dahilan upang ang tao, matapos basahin ito, ay ikumpara ito sa kanyang sariling tunay na mukha. Alam ng lahat ng tao na tila alam ng Diyos, nang napakalinaw, kung gaano karami ang mga selula ng utak sa ulo nila, bukod pa sa kanilang pangit na mukha o mga ideya sa kanilang kalooban. Sa mga salitang “Ang buong sangkatauhan ay para bagang napagbukud-bukod. Sa ilalim ng kinang ng sinag ng liwanag na ito mula sa Silangan, nahayag ang buong sangkatauhan sa kanilang orihinal na anyo, nasisilaw ang mga mata, hindi tiyak ang gagawin,” ay makikita na balang araw, kapag natapos ang gawain ng Diyos, hahatulan ng Diyos ang buong sangkatauhan. Walang makakatakas; isa-isang pakikitunguhan ng Diyos ang mga tao ng buong sangkatauhan, nang hindi kinaliligtaan ni isa sa kanila, at sa gayon lamang malulugod ang puso ng Diyos. Kaya nga, sinasabi ng Diyos, “Para din silang mga hayop na nagsisitakas mula sa Aking liwanag upang magkubli sa mga kuweba sa bundok—subalit wala ni isa sa kanila ang maaaring maglaho mula sa sakop ng Aking liwanag.” Ang mga tao ay hamak at mababang klaseng mga hayop. Namumuhay sa mga kamay ni Satanas, para bang nanganlong sila sa sinaunang kagubatan sa kaloob-looban ng kabundukan—ngunit, dahil walang makakatakas sa pagkasunog sa apoy ng Diyos, kahit habang nasa ilalim ng “proteksyon” ng mga puwersa ni Satanas, paano sila malilimutan ng Diyos? Kapag tinatanggap ng mga tao ang pagdating ng mga salita ng Diyos, inilalarawan ng panulat ng Diyos ang sari-saring kakatwang mga anyo at kakila-kilabot na mga kalagayan ng lahat ng tao; nagsasalita ang Diyos kapag angkop sa mga pangangailangan at mentalidad ng tao. Sa gayon, para sa mga tao, mukhang maalam ang Diyos sa sikolohiya. Parang isang psychologist ang Diyos, ngunit para ding isang espesyalista ang Diyos sa internal medicine—kaya pala malawak ang pang-unawa Niya sa tao, na “kumplikado.” Habang mas iniisip ng mga tao na gayon nga ito, mas matindi ang kanilang pagdama sa kahalagahan ng Diyos, at mas nadarama nila na ang Diyos ay malalim at hindi maarok. Para bang, sa pagitan ng tao at ng Diyos, may isang selestiyal na hangganang hindi matatawid, ngunit para ding iginagalang ng dalawa ang isa’t isa mula sa magkabilang pampang ng Ilog Chu,[a] walang sinuman sa kanila ang nakakagawa ng higit kaysa panoorin ang isa pa. Ibig sabihin, tinitingnan lamang ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga mata; hindi sila nagkaroon ng pagkakataon kailanman na pag-aralan Siyang mabuti, at ang mayroon lamang sila para sa Kanya ay ang pakiramdam na mayroon silang kaugnayan. Sa kanilang puso, palagi nilang nadarama na ang Diyos ay kaibig-ibig, ngunit dahil ang Diyos ay lubhang “walang puso at walang pakiramdam,” hindi sila nagkaroon ng pagkakataon kailanman na banggitin ang dalamhati sa kanilang puso sa Kanyang harapan. Katulad sila ng isang bata pang magandang babae na nasa harap ng kanyang asawa, na hindi nagkaroon ng pagkakataon kailanman na isiwalat ang kanyang tunay na damdamin dahil sa katapatan ng kanyang asawa. Ang mga tao ay mga walanghiyang namumuhi sa sarili, kaya nga, dahil sa kanilang karupukan, dahil sa kawalan nila ng paggalang sa sarili, nadaragdagan ang Aking galit sa tao, nang di-sinasadya, medyo mas matindi, at sumasabog ang galit sa puso Ko. Sa Aking isipan, parang nagkaroon Ako ng trauma. Matagal na Akong nawalan ng pag-asa sa tao mula noon, ngunit dahil “minsan pa, palapit nang palapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, minsan pang pumupukaw sa sangkatauhan, na nagbibigay sa sangkatauhan ng isa pang bagong simula,” minsan pa Akong nag-ipon ng lakas ng loob na lupigin ang buong sangkatauhan, bihagin at talunin ang malaking pulang dragon. Ang orihinal na layunin ng Diyos ay ang mga sumusunod: lupigin lamang ang mga inanak ng malaking pulang dragon sa Tsina at wala nang iba; ito lamang ang maaaring ituring na pagkatalo ng malaking pulang dragon, ang paggupo sa malaking pulang dragon. Ito lamang ang sasapat upang patunayan na ang Diyos ay namamahala bilang Hari sa buong mundo, upang patunayan ang katuparan ng dakilang layon ng Diyos, na ang Diyos ay may bagong simula sa lupa at nagtamo ng kaluwalhatian sa lupa. Dahil sa panghuli at magandang tanawin, hindi mapigilan ng Diyos na magpahayag ng simbuyo ng damdamin sa Kanyang puso: “Tumitibok ang puso Ko at, sa pagsunod sa mga ritmo ng tibok ng Aking puso, naglulundagan sa galak ang kabundukan, nagsasayawan sa galak ang katubigan, at humahampas ang mga alon sa batuhan. Mahirap ipahayag kung ano ang nasa puso Ko.” Mula rito, makikita na kung ano ang ipinlano ng Diyos, naisakatuparan na Niya iyon; pauna na iyong itinakda ng Diyos, at ito mismo ang ipinararanas at ipinamamalas ng Diyos sa mga tao. Maganda ang kinabukasan ng kaharian; ang Hari ng kaharian ang matagumpay, nang hindi nagkakaroon kailanman, mula sa Kanyang ulo hanggang sa Kanyang paa, ng bakas ng laman o dugo, Siya’y lubos na binubuo ng mga banal na elemento. Nagliliwanag ang Kanyang buong katawan sa sagradong kaluwalhatian, lubos na walang bahid ng mga ideya ng tao; nag-uumapaw sa katuwiran at awra ng langit ang Kanyang buong katawan, mula ulo hanggang paa, at naglalabas ng nakabibighaning halimuyak. Tulad ng minamahal sa Awit ng mga Awit, mas marilag pa Siya kaysa lahat ng banal, mas mataas kaysa sinaunang mga banal; Siya ang uliran sa lahat ng tao, at hindi maikukumpara sa tao; hindi karapat-dapat ang mga tao na tumingin sa Kanya nang tuwid. Walang sinumang maaaring magtamo ng maluwalhating mukha ng Diyos, ng anyo ng Diyos, o ng larawan ng Diyos; walang sinumang maaaring makipagpaligsahan sa kanila, at walang sinumang maaaring pumuri kaagad sa kanila sa kanilang bibig.

Walang katapusan ang mga salita ng Diyos—tulad ng tubig na bumubulwak mula sa isang bukal, hindi natutuyuan kailanman, at sa gayon ay walang sinumang makakaarok sa mga hiwaga ng plano ng pamamahala ng Diyos. Subalit para sa Diyos, walang katapusan ang gayong mga hiwaga. Gamit ang iba’t ibang mga paraan at wika, maraming beses nang nabanggit ng Diyos ang Kanyang pagpapanibago at lubos na pagbabagong-anyo ng buong sansinukob, na bawat pagkakataon ay mas malalim kaysa sa huli: “Nais Kong sunugin ang lahat ng maruming bagay hanggang sa maging abo sa ilalim ng Aking tingin; nais Kong maglaho ang lahat ng anak ng pagsuway mula sa Aking harapan, at hindi na umiral pa kailanman.” Bakit paulit-ulit na sinasabi ng Diyos ang gayong mga bagay? Hindi ba Siya natatakot na magsawa ang mga tao sa mga ito? Nag-aapuhap lamang ang mga tao sa gitna ng mga salita ng Diyos, na nagnanais na makilala ang Diyos sa ganitong paraan, ngunit hindi kailanman naaalalang suriin ang kanilang sarili. Sa gayon, ginagamit ng Diyos ang pamamaraang ito upang magpaalala sa kanila, upang makilala nilang lahat ang kanilang sarili, upang mula sa kanilang sarili ay malaman nila ang pagsuway ng tao, at sa gayon ay malipol ang kanilang pagsuway sa harap ng Diyos. Nang mabasa na nais ng Diyos na “magsaayos,” nabalisa kaagad ang mga tao, at tila tumigil din sa paggalaw ang kanilang mga kalamnan. Agad silang nagbalik sa harap ng Diyos upang punahin ang kanilang sarili, at sa gayon ay makilala ang Diyos. Pagkatapos nito—matapos silang makapagdesisyon—ginagamit ng Diyos ang pagkakataon upang ipakita sa kanila ang diwa ng malaking pulang dragon; sa gayon, direktang nakikibahagi ang mga tao sa espirituwal na dako, at, dahil sa papel na nagampanan ng kanilang matibay na pasiya, nagsisimula ring gumanap ng isang papel ang kanilang isipan, na nagpapaibayo sa damdamin sa pagitan ng tao at ng Diyos—na higit ang pakinabang sa gawain ng Diyos sa katawang-tao. Sa ganitong paraan, hindi namamalayan ng mga tao na nais nilang gunitain ang mga panahong nakalipas: Noong araw, naniwala ang mga tao sa loob ng maraming taon sa isang malabong Diyos; sa loob ng maraming taon, hindi sila napalaya kailanman sa kanilang puso, wala silang kakayahang makadama ng malaking kasiyahan, at, bagama’t naniwala sila sa Diyos, walang kaayusan sa kanilang buhay. Parang wala iyong ipinagkaiba sa dati bago sila nanampalataya—hungkag at walang pag-asa pa rin ang kanilang buhay, at ang kanilang paniniwala noon ay parang isang uri ng gusot, na para lamang kawalan ng paniniwala. Dahil namasdan nila ang praktikal na Diyos Mismo sa ngayon, parang napanibago ang langit at lupa; naging maningning ang kanilang buhay, hindi na sila nawawalan ng pag-asa, at, dahil sa pagdating ng praktikal na Diyos, nadarama nila na matatag ang kanilang puso at payapa ang loob ng kanilang espiritu. Hindi na sila naghahangad ng mga bagay na walang halaga at naniniwala sa mga sabi-sabi sa lahat ng kanilang ginagawa; may layunin na ang kanilang mga pagsisikap, at hindi na sila nagpaparoo’t parito. Mas maganda pa ang buhay ngayon, at di-inaasahang nakapasok ang mga tao sa kaharian at naging mga tao ng Diyos, at pagkatapos…. Sa kanilang puso, kapag mas iniisip ito ng mga tao, mas matamis ito; kapag mas iniisip nila ito, mas masaya sila, at mas inspirado silang mahalin ang Diyos. Sa gayon, hindi nila natatanto, tumitibay ang pagkakaibigan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Mas minamahal ng mga tao ang Diyos, at mas nakikilala ang Diyos, at nagiging mas madali ang gawain ng Diyos sa tao, at hindi na nito pinupuwersa o pinipilit ang mga tao, kundi sinusundan ang likas na takbo ng mga pangyayari, at ginagampanan ng tao ang kanyang sariling natatanging tungkulin—sa ganitong paraan lamang unti-unting nakakaya ng mga tao na makilala ang Diyos. Ito lamang ang karunungan ng Diyos—hindi ito nangangailangan ng kahit katiting na pagsisikap, at ginagamit ito ayon sa likas na pagkatao ng tao. Kaya, sa sandaling ito, sinasabi ng Diyos, “Nang magkatawang-tao Ako sa mundo ng tao, dumating na ang sangkatauhan, sa ilalim ng Aking patnubay, nang hindi sinasadya sa araw na ito at dumating nang hindi sinasadya upang makilala Ako. Ngunit, hinggil sa kung paano tahakin ang landas sa hinaharap, walang sinumang may ideya, walang sinumang nakakaalam—at lalo pang walang sinumang may ideya kung saang direksyon sila dadalhin ng landas na iyon. Sa pagbabantay lamang sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat matatahak ng sinuman ang landas hanggang wakas; sa paggabay lamang ng kidlat sa Silangan matatawid ng sinuman ang pintuan papasok sa Aking kaharian.” Hindi ba isang buod ito mismo ng Aking inilarawan sa puso ng tao sa itaas? Narito ang lihim ng mga salita ng Diyos. Ang iniisip ng tao sa kanyang puso ay yaon mismong sinasambit ng bibig ng Diyos, at ang sinasambit ng Kanyang bibig ay yaon mismong ninanais ng tao. Dito mismo eksperto ang Diyos sa paglalantad ng puso ng tao; kung hindi, paano taos na makukumbinsi ang lahat? Hindi ba ito ang epektong nais ng Diyos na makamit sa paglupig sa malaking pulang dragon?

Sa katunayan, maraming salita na ang layunin ng Diyos ay hindi para ipahiwatig ang mababaw na mga kahulugan nito. Sa marami sa Kanyang mga salita, sadya lamang nilalayon ng Diyos na baguhin ang mga kuru-kuro ng mga tao at ilihis ang kanilang pansin. Hindi nagbibigay ng anumang kahalagahan ang Diyos sa mga salitang ito, at sa gayon ay maraming salita ang hindi nararapat na ipaliwanag. Kapag nalupig na ng mga salita ng Diyos ang tao hanggang sa kalagayan nila ngayon, umaabot ang lakas ng mga tao sa isang punto, kaya pagkatapos ay bumibigkas na ang Diyos ng iba pang mga salita ng babala—ang konstitusyon na Kanyang inilalabas sa mga tao ng Diyos: “Bagama’t ang mga taong naninirahan sa lupa ay kasindami ng mga bituin, kilala Ko silang lahat nang kasinglinaw ng palad sa sarili Kong kamay. At, bagama’t napakarami rin ng mga taong ‘nagmamahal’ sa Akin na tulad ng mga butil ng buhangin sa dagat, iilan lamang ang Aking hinirang: yaon lamang mga sumusunod sa maningning na liwanag, na bukod pa sa mga ‘nagmamahal’ sa Akin.” Tunay ngang maraming nagsasabi na mahal nila ang Diyos, ngunit kakaunti ang nagmamahal sa Kanya sa kanilang puso. Mukhang maaari itong malinaw na mahiwatigan kahit nakapikit ang mga mata. Ganito ang aktwal na sitwasyon ng buong mundo ng mga naniniwala sa Diyos. Dito, nakikita natin na ngayon bumaling na ang Diyos sa gawain ng “pagsasaayos sa mga tao,” na nagpapakita na ang nais ng Diyos, at ang nagpapalugod sa Diyos, ay hindi ang iglesia ng ngayon, kundi ang kaharian pagkatapos ng pagsasaayos. Sa sandaling ito, nagbibigay Siya ng karagdagang babala sa lahat ng “mapanganib na mga kalakal”: Maliban kung hindi kikilos ang Diyos, sa sandaling magsimulang kumilos ang Diyos, mapapalis ang mga taong ito mula sa kaharian. Hindi kailanman gumagawa ang Diyos ng mga bagay-bagay nang paimbabaw. Palagi Siyang kumikilos ayon sa prinsipyo ng “ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa,” at, kung may mga ayaw Siyang tingnan, ginagawa Niya ang lahat ng posible upang palisin ang mga ito, upang pigilan silang magsanhi ng problema sa hinaharap. Ito ay tinatawag na “paglalabas ng basura at lubusang paglilinis.” Ang mismong sandali na ipinapahayag ng Diyos ang mga atas administratibo sa tao ay kapag ipinapakita Niya ang Kanyang mahimalang mga gawa at lahat ng nasa Kanyang kalooban, at sa gayon ay sinasabi Niya pagkatapos: “Napakaraming mababangis na hayop sa kabundukan, ngunit lahat ng iyon ay kasing-amo ng mga tupa sa Aking harapan; nasa ilalim ng mga alon ang di-maarok na mga hiwaga, ngunit ipinapakita ng mga ito ang kanilang sarili sa Akin na kasinglinaw ng lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa; nasa kalangitan sa itaas ang mga dako na kailanman ay hindi mararating ng tao, subalit malaya Akong naglalakad doon sa mga dakong iyon na hindi mararating.” Ito ang ibig sabihin ng Diyos: Bagama’t mandaraya higit sa lahat ang puso ng tao, at tila walang katapusan ang hiwaga na tulad ng impiyerno ng mga kuru-kuro ng mga tao, alam ng Diyos ang aktwal na mga kalagayan ng tao na gaya ng likod ng Kanyang kamay. Sa lahat ng bagay, mas mabagsik at mas malupit na hayop ang tao kaysa sa isang mabangis na hayop, subalit nalupig ng Diyos ang tao hanggang sa wala nang nangangahas na bumangon at lumaban. Sa katunayan, tulad ng layunin ng Diyos, ang iniisip ng mga tao sa kanilang puso ay mas kumplikado kaysa lahat ng bagay sa gitna ng lahat ng bagay; hindi ito maaarok, subalit walang malasakit ang Diyos sa puso ng tao. Tinatrato lamang Niya ito bilang isang munting uod sa harap ng Kanyang mga mata. Sa isang salita mula sa Kanyang bibig, nilulupig Niya ito; kahit kailan Niya gusto, pinababagsak Niya ito; sa kaliit-liitang galaw ng Kanyang kamay, kinakastigo Niya ito; pinarurusahan Niya ito kung kailan Niya gusto.

Ngayon, umiiral ang lahat ng tao sa loob ng kadiliman, ngunit, dahil sa pagdating ng Diyos, nalalaman na rin nila ang kakanyahan ng liwanag nang makita Siya nila. Sa buong mundo, parang isang malaking itim na palayok ang naitaob sa buong mundo, at walang sinumang makahugot ng hininga; nais nilang lahat na baligtarin ang sitwasyon, subalit walang sinumang nakapag-angat ng palayok kailanman. Dahil lamang sa pagkakatawang-tao ng Diyos kaya biglang nabuksan ang mga mata ng mga tao, at namasdan na nila ang praktikal na Diyos. Sa gayon, tinatanong sila ng Diyos nang may pagdududa: “Hindi Ako nakilala ng tao sa liwanag kailanman, kundi nakita lamang Ako sa mundo ng kadiliman. Hindi ba ganito mismo ang sitwasyon ninyo ngayon? Nasa rurok ng mga pagwawala ang malaking pulang dragon nang pormal Akong nagkatawang-tao upang gawin ang Aking gawain.” Hindi itinatago ng Diyos ang tunay na sitwasyon ng espirituwal na dako, ni hindi Niya itinatago ang tunay na kalagayan ng puso ng tao, at sa gayon ay paulit-ulit Niyang ipinapaalala sa mga tao: “Hindi Ko lamang binibigyan ng kakayahan ang Aking mga tao na makilala ang Diyos na nagkatawang-tao, kundi nililinis din sila. Dahil sa tindi ng Aking mga atas administratibo, karamihan sa mga tao ay nanganganib pa ring alisin Ko. Maliban kung gagawin ninyo ang lahat upang pakitunguhan ang inyong sarili, supilin ang inyong sariling katawan—kung hindi ninyo ito gagawin, tiyak na magiging isang pakay kayo na Aking kinasusuklaman at itinatakwil, upang ihagis sa impiyerno, tulad ng natanggap na pagkastigo ni Pablo mula sa Aking mga kamay, kung saan walang makakatakas.” Nang lalo itong sabihin ng Diyos, saka lamang naging mas maingat ang mga tao sa kanilang mga hakbang at mas natakot sa mga atas administratibo ng Diyos; saka lamang magagamit ang awtoridad ng Diyos at malilinawan ang Kanyang kamahalan. Dito, minsan pang binanggit si Pablo, upang maunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos: Kailangan ay hindi sila yaong mga kinakastigo ng Diyos, kundi yaong mga nakakaalala sa kalooban ng Diyos. Ito lamang ang magpapagunita sa mga tao, sa gitna ng kanilang pagkatakot, sa kawalan ng kakayahan ng kanilang nakaraan na matibay na magpasiya sa harap ng Diyos na ganap Siyang palugurin, na nagbibigay sa kanila ng mas malaking panghihinayang at higit na kaalaman tungkol sa praktikal na Diyos. Sa gayon, saka lamang mawawala ang kanilang mga pagdududa tungkol sa mga salita ng Diyos.

“Hindi lamang Ako hindi kilala ng tao sa Aking katawang-tao; higit pa riyan, nabigo siyang unawain ang kanyang sarili na nananahan sa isang katawang-taong may laman. Sa loob ng napakaraming taon, nililinlang na Ako ng mga tao, itinuturing Akong isang panauhing tagalabas. Napakaraming beses….” Itong “napakaraming beses” ay inililista ang mga realidad ng pagkontra ng tao sa Diyos, na nagpapakita sa mga tao ng mga tunay na halimbawa ng pagkastigo; patunay ito ng kasalanan, at hindi ito maaaring pabulaanang muli ng sinuman. Ginagamit ng lahat ng tao ang Diyos na parang kung anong pang-araw-araw na bagay, na para Siyang kung anong kailangang-kailangan sa sambahayan na magagamit nila ayon sa gusto nila. Walang sinumang nagpapahalaga sa Diyos; walang sinumang nakasubok na alamin ang kariktan ng Diyos, ni ang Kanyang maluwalhating mukha, at lalo nang walang sinumang may layuning magpasakop sa Diyos. Ni wala pang sinumang nagturing sa Diyos bilang isang bagay na pinakamamahal sa kanilang puso; kinakaladkad Siya nilang lahat palabas kapag kailangan nila Siya, at iniitsa Siya sa isang tabi at hindi Siya pinapansin kapag hindi. Para sa tao, para bang isang tau-tauhan ang Diyos na maaaring manipulahin ng tao kung paano niya gusto, at hilingan kahit papaano niya gusto o hinahangad. Ngunit sabi ng Diyos, “Kung Ako, sa panahon ng Aking pagkakatawang-tao, ay hindi nakiramay sa kahinaan ng tao, buong sangkatauhan, dahil lamang sa Aking pagkakatawang-tao, ay natakot na sana nang husto at nahulog sa Hades dahil dito,” na nagpapakita kung gaano talaga kalaki ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Naparito Siya upang lupigin ang sangkatauhan sa katawang-tao, sa halip na wasakin ang buong sangkatauhan mula sa espirituwal na dako. Sa gayon, nang maging tao ang Salita, walang nakaalam. Kung hindi nagmalasakit ang Diyos sa kahinaan ng tao, kung nabaligtad ang langit at lupa nang Siya ay maging tao, nalipol na sana ang lahat ng tao. Dahil likas sa mga tao na gustuhin ang bago at kamuhian ang luma, at madalas nilang malimutan ang masasamang panahon kapag mabuti ang takbo ng mga bagay-bagay, at walang isa man sa kanila ang nakakaalam kung gaano sila pinagpala, paulit-ulit silang pinaaalalahanan ng Diyos na kailangan nilang pahalagahan kung gaano pinagsikapang matamo ang ngayon; alang-alang sa kinabukasan, kailangang higit pa nilang pahalagahan ang ngayon, at, tulad ng isang hayop, hindi sila dapat umakyat nang mataas nang hindi kinikilala ang panginoon, at hindi maging mangmang tungkol sa mga pagpapalang kasama nila sa pamumuhay. Sa gayon, nagiging maganda ang asal ng mga tao, hindi na sila hambog o mayabang, at nalalaman nila na hindi totoo na mabuti ang likas na pagkatao ng tao, kundi na sumapit na ang awa at pagmamahal ng Diyos sa tao; natatakot silang lahat sa pagkastigo, kaya nga hindi na sila nangangahas na gumawa ng iba pa.

Talababa:

a. Ang “Ilog Chu” ay sumisimbulo sa hangganan sa pagitan ng dalawang kapangyarihang magkalaban.

Sinundan: Karagdagan: Kabanata 2

Sumunod: Kabanata 13

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito