Kabanata 13
Kinamumuhian ng Diyos ang lahat ng inapo ng malaking pulang dragon, at mas namumuhi pa Siya sa malaking pulang dragon mismo: Ito ang pinagmumulan ng poot sa kaibuturan ng puso ng Diyos. Tila nais ng Diyos na ihagis ang lahat ng bagay na pag-aari ng malaking pulang dragon sa lawa ng apoy at asupre para sunugin ang mga ito hanggang sa maging abo. May mga pagkakataon pa na tila gustong iunat ng Diyos ang Kanyang kamay para personal na lipulin ito—iyon lamang ang maaaring makapawi ng galit sa Kanyang puso. Bawat isang tao sa bahay ng malaking pulang dragon ay isang halimaw na walang pagkatao, at ito ang dahilan kaya matinding sinupil ng Diyos ang Kanyang galit para sabihin ang sumusunod: “Sa lahat ng Aking tao, at sa lahat ng Aking anak, ibig sabihin, sa lahat ng Aking hinirang mula sa buong sangkatauhan, kabilang kayo sa pinakamababang grupo.” Sinimulan na ng Diyos ang isang pangwakas na pakikibaka sa malaking pulang dragon sa sarili nitong bansa, at wawasakin Niya ito kapag natupad ang Kanyang plano, at hindi na Siya papayag na gawin nitong tiwali ang sangkatauhan o pinsalain ang kanilang kaluluwa. Bawat araw, nananawagan ang Diyos sa Kanyang nahihimbing na mga tao upang iligtas sila, subalit lahat sila ay nasa tulirong kalagayan, na para bagang nakainom sila ng pampatulog. Kung titigil ang Diyos sa pagpukaw sa kanila kahit isang sandali, babalik sila sa kanilang pagtulog, na lubos na walang naaalala. Tila lahat ng Kanyang tao ay paralisado ang 65 porsiyento ng katawan. Hindi nila alam ang sarili nilang mga pangangailangan o sarili nilang mga kakulangan, ni kung ano ang dapat nilang isuot o ano ang dapat nilang kainin. Sapat na ito upang ipakita na napakalaki ng pagsisikap na ginawa ng malaking pulang dragon para gawing tiwali ang mga tao. Ang kapangitan nito ay umaabot sa bawat rehiyon ng Tsina, at naligalig nito ang mga tao kaya ayaw na nilang manatili sa bulok at masagwang bansang ito. Ang higit na kinamumuhian ng Diyos ay ang diwa ng malaking pulang dragon, kaya nga, sa Kanyang galit, pinaaalalahanan Niya ang mga tao araw-araw, at nabubuhay ang mga tao araw-araw sa ilalim ng Kanyang galit na mata. Magkagayunman, hindi pa rin alam ng karamihan sa mga tao kung paano hanapin ang Diyos; sa halip, nakaupo sila roon, nakatunganga, naghihintay na pakainin sa palad. Kahit namamatay na sila sa gutom, hindi pa rin sila kusang maghahanap ng sarili nilang pagkain. Ang konsiyensya ng tao ay matagal nang ginawang tiwali ni Satanas at nagbago at naging walang-puso ang diwa nito. Kaya hindi nakakapagtaka na sinabi ng Diyos: “Kung hindi Ko pa kayo inudyukan, hindi pa kayo magigising, kundi mananatili pa rin kayong parang naninigas, at muli, na para bang tulog sa taglamig.” Para bang tulog na mga hayop ang mga tao, na nagpapalipas ng taglamig nang hindi nangangailangan ng pagkain o inumin; ito mismo ang kasalukuyang kundisyon ng mga tao ng Diyos. Dahil dito, hinihingi lamang ng Diyos na makilala ng mga tao ang Diyos na nagkatawang-tao Mismo sa liwanag; hindi Niya hinihingi na magbago nang husto ang mga tao, ni magkaroon sila ng malaking paglago sa kanilang buhay. Sapat na iyan para talunin ang marumi at nakakadiring malaking pulang dragon, sa gayon ay maipamalas pang lalo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos.
Kapag binabasa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, nauunawaan lamang nila ang literal na kahulugan ng mga ito, at wala silang kakayahang maintindihan ang espirituwal na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salita lamang na “rumaragasang mga alon” ay nakalito na sa bawat bayani at kampeon. Kapag nagpapakita ng poot ang Diyos, hindi ba ang Kanyang mga salita, kilos, at disposisyon ang rumaragasang mga alon? Kapag hinahatulan ng Diyos ang buong sangkatauhan, hindi ba ito isang paghahayag ng Kanyang poot? Hindi ba ito ang panahon na rumaragasa ang mga alon? Dahil sa kanilang katiwalian, sinong tao ang hindi nabubuhay sa gitna ng gayong rumaragasang mga alon? Sa madaling salita, sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng poot ng Diyos? Kapag nais ng Diyos na magpadala ng malaking kapahamakan sa sangkatauhan, hindi ba iyon ang panahon na nakikita ng mga tao ang “marahas na paggalaw ng maiitim na ulap”? Anong tao ang hindi tumatakas mula sa malaking kapahamakan? Bumabagsak ang poot ng Diyos sa mga tao na parang malakas na buhos ng ulan at hinihipan ang mga tao na parang napakalakas na hangin. Lahat ng tao ay dinadalisay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos na para bang sinalubong ng umaalimpuyong bagyo ng niyebe. Pinakamahirap maarok ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, nilikha Niya ang mundo, at sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, inaakay at dinadalisay Niya ang buong sangkatauhan. At sa huli, ipanunumbalik ng Diyos ang kadalisayan ng buong sansinukob sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Makikita sa lahat ng Kanyang sinasabi na ang pag-iral ng Espiritu ng Diyos ay hindi hungkag, at sa Kanyang mga salita lamang masusulyapan ng mga tao kung paano makaraos sa buhay. Iniingatan ng lahat ng tao ang Kanyang mga salita, sapagkat naglalaman ang mga ito ng panustos sa buhay. Habang mas nakatuon ang mga tao sa Kanyang mga salita, mas maraming tanong ang Diyos na inihaharap sa kanila—mga tanong na lumilito sa kanila at iniiwan sila na walang pagkakataong sumagot. Ang sunud-sunod na mga tanong ng Diyos lamang ay sapat na para pagnilayan ng mga tao sa loob ng mahabang panahon, lalo na ang iba pa Niyang mga salita. Sa Diyos, lahat ay puno at sagana, at walang kulang. Gayunman, hindi masiyahan ang mga tao sa karamihan nito; ang alam lamang nila ay ang mababaw na bahagi ng Kanyang mga salita, na parang isang taong nakikita ang balat ng manok ngunit hindi makain ang karne nito. Nangangahulugan ito na salat ang kapalaran ng mga tao, kaya hindi nila matamasa ang Diyos. Bawat tao, sa kanilang mga kuru-kuro, ay may sariling imahe ng Diyos, kaya nga walang sinumang nakakaalam kung ano ang malabong Diyos, o kung ano ang imahe ni Satanas. Samakatuwid, nang sabihin ng Diyos na, “Sapagkat ang pinaniniwalaan mo ay imahe lamang ni Satanas at walang anupamang kinalaman sa Diyos Mismo,” lahat ay napipi: Maraming taon na silang nanampalataya, subalit hindi nila alam na ang kanilang pinaniwalaan ay si Satanas, hindi ang Diyos Mismo. Bigla silang nakadama ng kahungkagan ng kalooban, ngunit hindi nila alam kung ano ang sasabihin. Sa gayon ay nagsimula silang malitong muli. Sa paggawa lamang sa ganitong paraan maaaring higit na tanggapin ng mga tao ang bagong liwanag at sa gayon ay tanggihan ang mga lumang bagay. Gaano man kaganda sa tingin ang mga bagay na iyon, hindi iyon maaari. Mas kapaki-pakinabang na maunawaan ng mga tao ang praktikal na Diyos Mismo; dahil dito ay nagagawa nilang alisin sa kanilang puso ang katayuang pinananatili ng kanilang mga kuru-kuro roon, at Diyos lamang Mismo ang pinahihintulutan nilang mag-okupa roon. Sa ganitong paraan lamang makakamit ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao, kaya nagagawa ng mga tao na makilala ang praktikal na Diyos Mismo ng kanilang pisikal na mga mata.
Maraming beses nang sinabi ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa sitwasyon ng espirituwal na mundo: “Kapag humaharap sa Akin si Satanas, hindi Ako napapaurong mula sa malupit na kabangisan nito, ni hindi Ako natatakot sa kapangitan nito: binabalewala Ko lamang ito.” Ang naunawaan ng mga tao mula rito ay ang kundisyon lamang ng realidad; hindi nila alam ang katotohanan ng espirituwal na mundo. Dahil ang Diyos ay naging tao, ginamit na ni Satanas ang lahat ng uri ng pagpaparatang, sa pag-asang maatake ang Diyos sa gayong paraan. Gayunman, hindi umaatras ang Diyos; nagsasalita at gumagawa lamang Siya sa sangkatauhan, at tinutulutan ang mga tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Namumula ang mga mata ni Satanas sa matinding galit dito, at nag-ukol ng matinding pagsisikap na gawing negatibo, umatras, at maligaw pa ng landas ang mga tao ng Diyos. Gayunman, dahil sa epekto ng mga salita ng Diyos, ganap na nabigo si Satanas, na nakakaragdag sa kabangisan nito. Samakatuwid, ipinapaalala ng Diyos sa lahat, “Sa inyong buhay, maaaring dumating ang araw na mahaharap ka sa gayong sitwasyon: Papayag ka bang maging bihag mismo ni Satanas, o hahayaan mo Akong makamit ka?” Bagama’t walang malay ang mga tao sa nangyayari sa espirituwal na mundo, sa sandaling marinig nila ang gayong mga salita mula sa Diyos, nagiging maingat at natatakot sila. Tinatalo nito ang mga pag-atake ni Satanas, na sapat na upang ipakita ang kaluwalhatian ng Diyos. Sa kabila ng matagal na nilang pagpasok sa isang bagong pamamaraan ng gawain, hindi pa rin nalilinawan ang mga tao tungkol sa buhay sa kaharian, at kahit nauunawaan nila ito, hindi ito malinaw sa kanila. Samakatuwid, matapos maglabas ng babala sa mga tao, ipinakilala sa kanila ng Diyos ang diwa ng buhay sa kaharian: “Ang buhay sa kaharian ay ang buhay ng mga tao at ng Diyos Mismo.” Dahil nagkatawang-tao ang Diyos Mismo sa laman, nagkatotoo ang buhay sa ikatlong langit sa lupa. Hindi lamang ito plano ng Diyos—napangyari Niya ito. Sa paglipas ng panahon, mas nakikilala ng mga tao ang Diyos Mismo, at sa gayon ay mas natitikman nila ang buhay sa langit, sapagkat tunay nilang nadarama na ang Diyos ay nasa lupa, kaysa isa lamang malabong Diyos sa langit. Sa gayon, ang buhay sa lupa ay gaya ng sa langit. Ang realidad ay na natitikman ng Diyos na nagkatawang-tao ang kapaitan ng mundo ng tao, at habang mas natitikman Niya ito, mas napapatunayan nito na Siya ang praktikal na Diyos Mismo. Samakatuwid, ang mga salitang, “Sa Aking tirahan, na siyang lugar kung saan Ako nakatago—magkagayunman, sa Aking tirahan, natalo Ko na ang lahat ng Aking kaaway; sa Aking tirahan, nagtamo na Ako ng tunay na karanasan ng pamumuhay sa lupa; sa Aking tirahan, pinagmamasdan Ko ang bawat salita at kilos ng tao, at binabantayan at pinamamahalaan ang buong sangkatauhan” ay sapat nang patunay ng katotohanan na ang Diyos ng ngayon ay praktikal. Aktwal na nabubuhay sa katawang-tao, aktwal na nararanasan ang buhay ng tao sa loob ng katawang-tao, aktwal na nauunawaan ang buong sangkatauhan sa loob ng katawang-tao, aktwal na nilulupig ang sangkatauhan sa loob ng katawang-tao, aktwal na nagtataguyod ng pangwakas na pakikibaka laban sa malaking pulang dragon sa loob ng katawang-tao, at ginagawa ang lahat ng gawain ng Diyos sa loob ng katawang-tao—hindi ba ito ang mismong pag-iral ng praktikal na Diyos Mismo? Subalit bihirang-bihirang magkaroon ng mga tao na nakikita ang mensahe sa mga ordinaryong salitang sinambit ng Diyos; pahapyaw lamang nila itong binabasa, at hindi nila nadarama ang kahalagahan o pagiging bihira ng mga salita ng Diyos.
Napakahusay magpalit ng mga salita ng Diyos. Ang pariralang, “habang nakahigang walang-malay ang sangkatauhan,” ay naglalarawan sa Diyos Mismo at ginagawa itong isang paglalarawan ng kalagayan ng buong sangkatauhan. Dito, ang “mga pagsabog ng malamig na liwanag” ay hindi kumakatawan sa kidlat ng Silangan; sa halip, nangangahulugan itong mga salita ng Diyos, ibig sabihin ay ang Kanyang bagong pamamaraan ng paggawa ng gawain. Kaya, nakikita rito ng isang tao ang lahat ng uri ng galaw ng tao: Matapos pumasok sa bagong pamamaraan, nawawalan ng direksyon ang lahat ng tao, at hindi nila alam kung saan sila nanggaling ni hindi nila alam kung saan sila papunta. Ang “karamihan sa mga tao ay tinatamaan ng mga sinag na parang laser” ay tumutukoy sa mga inalis sa bagong pamamaraan; sila yaong mga hindi matiis ang mga pagsubok o makayanan ang pagpipino ng pagdurusa, at sa gayon ay minsan pang itinatapon sa walang hanggang hukay. Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang sangkatauhan hanggang sa tila natatakot ang mga tao kapag nakikita nila ang mga salita ng Diyos, at hindi sila nangangahas na magsabi ng anuman, na para bang nakakita sila ng isang masinggan na nakatutok sa kanilang puso. Gayunman, nadarama rin nila na may mabubuting bagay sa mga salita ng Diyos. May malaking pagtatalo sa kanilang puso, at hindi nila alam kung ano ang dapat nilang gawin. Gayunman, dahil sa kanilang pananampalataya, pinatatatag lamang nila ang kanilang sarili at lalong sinasaliksik ang Kanyang mga salita, sapagkat nangangamba sila na baka pababayaan sila ng Diyos. Tulad ng sabi ng Diyos, “Sino sa sangkatauhan ang hindi umiiral sa ganitong kalagayan? Sino ang hindi umiiral sa loob ng Aking liwanag? Kahit malakas ka, o bagama’t maaaring mahina ka, paano mo maiiwasan ang pagdating ng Aking liwanag?” Kung ginagamit ng Diyos ang isang tao, kahit mahina sila, paliliwanagin at liliwanagan pa rin sila ng Diyos sa Kanyang pagkastigo; kaya, habang lalong binabasa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, lalo nila Siyang nauunawaan, lalo nila Siyang pinagpipitaganan, at lalo silang hindi nangangahas na magpadalus-dalos. Nakarating ang mga tao sa kinaroroonan nila ngayon dahil sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa awtoridad ng Kanyang mga salita—ibig sabihin, ito ang resulta ng Espiritu sa Kanyang mga salita—kaya may takot ang mga tao sa Diyos. Habang inihahayag ng Diyos ang tunay na mukha ng sangkatauhan, mas lalo silang natatakot sa Kanya, at sa gayon ay nagiging mas tiyak sila sa realidad ng Kanyang pag-iral. Ito ang parola ng sangkatauhan sa landas ng pag-unawa sa Diyos, isang daanan na naibigay Niya sa kanila. Isipin ninyo itong mabuti: Hindi ba totoo ito?
Hindi ba ang sinabi sa itaas ang parolang nasa unahan ng sangkatauhan na tumatanglaw sa kanyang landas?