Kabanata 14

Hindi kailanman naarok ng mga tao ang anumang bagay mula sa mga salita ng Diyos. Sa halip, paimbabaw lamang nilang “pinahalagahan” ang mga ito, nang hindi inuunawa ang tunay na kahulugan ng mga ito. Samakatuwid, bagama’t kinagigiliwan ng karamihan sa mga tao ang Kanyang mga pagbigkas, itinuturo ng Diyos na hindi nila talaga pinahahalagahan ang mga ito. Ito ay dahil, sa pananaw ng Diyos, kahit kayamanan ang Kanyang mga salita, hindi pa natikman ng mga tao ang tunay na tamis ng mga ito. Sa gayon, maaari lamang nilang “pawiin ang kanilang uhaw sa pag-iisip sa mga plum,” sa gayon ay humuhupa ang sakim nilang puso. Hindi lamang gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa lahat ng tao, kundi pinagkakalooban din sila, siyempre pa, ng kaliwanagan mula sa salita ng Diyos; napakabulagsak lamang nila para tunay na mapahalagahan ang pinakadiwa nito. Sa isipan ng mga tao, ngayon mismo ang kapanahunan kung kailan lubos na natutupad ang kaharian, ngunit sa diwa, hindi ito ang nangyayari. Bagama’t ang ipinopropesiya ng Diyos ay ang Kanyang naisakatuparan, hindi pa lubusang nakarating sa lupa ang aktwal na kaharian. Sa halip, habang nagbabago ang sangkatauhan, habang sumusulong ang gawain, at lumalabas ang kidlat sa Silangan—ibig sabihin, habang lumalalim ang salita ng Diyos—dahan-dahang matutupad ang kaharian sa lupa, unti-unti ngunit ganap na bababa sa mundong ito. Ang proseso ng pagdating ng kaharian ay ang proseso rin ng banal na gawain sa lupa. Samantala, sa buong sansinukob, nasimulan na ng Diyos ang isang gawaing hindi pa nagagawa sa lahat ng kapanahunan sa buong kasaysayan: upang muling ayusin ang daigdig sa kabuuan nito. Halimbawa, napakalalaking mga pagbabago ang nangyayari sa buong sansinukob, kabilang na ang mga pagbabago sa Estado ng Israel, ang kudeta sa Estados Unidos ng Amerika, ang mga pagbabago sa Ehipto, ang mga pagbabago sa Soviet Union, at ang pagbagsak ng Tsina. Kapag napanatag at napanumbalik na sa normal ang buong sansinukob, makukumpleto na ang gawain ng Diyos sa lupa; iyon ang panahon na darating ang kaharian sa lupa. Ito ang tunay na kahulugan ng mga salitang, “Kapag nagambala ang lahat ng bansa ng daigdig, iyon mismo ang oras na itatatag at huhubugin ang Aking kaharian, pati na kung kailan Ako magbabagong-anyo at babaling upang harapin ang buong sansinukob.” Walang itinatago ang Diyos mula sa sangkatauhan; patuloy Niyang nasasabi sa mga tao ang Kanyang buong kasaganaan—subalit hindi nila maipaliwanag kung ano ang ibig Niyang sabihin, at tinatanggap lamang nila ang Kanyang salita na parang mga hangal. Sa yugtong ito ng gawain, natutuhan ng mga tao ang pagiging di-maarok ng Diyos at, bukod pa roon, napapahalagahan na nila ngayon ang hirap ng gawaing unawain Siya; dahil dito, nadama nila na sa mga panahong ito, ang paniniwala sa Diyos ang pinakamahirap gawin, katulad ng pagtuturo sa isang baboy na kumanta. Ganap silang walang magawa, tulad ng mga dagang naipit sa isang bitag. Tunay ngang gaano man kalaki ang kapangyarihan ng isang tao o gaano man kabihasa ang kasanayan ng isang tao, o wala mang limitasyon ang mga kakayahan ng isang tao, pagdating sa salita ng Diyos, walang kabuluhan ang gayong mga bagay. Para bang ang sangkatauhan ay isang tumpok lamang ng abo ng nasunog na papel sa mga mata ng Diyos—ganap na walang anumang halaga, lalo nang walang anumang silbi. Isa itong perpektong paglalarawan ng tunay na kahulugan ng mga salitang, “Mas lalo Akong naging tago, mula sa kanilang pananaw, at lalong hindi maarok.” Mula rito maliwanag na sumusunod ang gawain ng Diyos sa isang likas na pagpapatuloy, at isinasagawa ayon sa kayang tanggapin ng mga bahaging pang-unawa ng tao. Kapag matatag at hindi natitinag ang likas na pagkatao ng sangkatauhan, ganap na umaalinsunod sa kanilang mga kuru-kuro ang mga salitang sinasabi ng Diyos, at ang mga kuru-kuro na ito ay tila halos kapareho ng sa Diyos, nang walang anuman ni katiting na pagkakaiba. Medyo ipinababatid nito sa mga tao ang “realidad ng Diyos,” ngunit hindi iyan ang Kanyang pangunahing layunin. Tinutulutan ng Diyos ang mga tao na pumanatag bago pormal na simulan ang Kanyang tunay na gawain sa lupa. Samakatuwid, sa pagsisimulang ito na lubhang nakalilito para sa mga tao, napagtatanto nila na mali ang dati nilang mga ideya, at na magkaiba ang Diyos at ang sangkatauhan na tulad ng langit at lupa, at ni hindi man lamang magkapareho. Dahil hindi na masusuri ang mga salita ng Diyos batay sa mga kuru-kuro ng tao, agad sinimulan ng mga tao na tingnan ang Diyos sa isang bagong pananaw; dahil dito, tinititigan nila ang Diyos nang may pagkamangha, na parang ang praktikal na Diyos ay hindi malalapitan na tulad ng isang Diyos na hindi nakikita at hindi nahihipo, at na parang ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao ay panlabas na anyo lamang, at wala ang Kanyang kakanyahan. Bagama’t Siya ay isang pagkakatawang-tao ng Espiritu, maaari Siyang bumalik sa anyong Espiritu at lumutang palayo anumang oras; sa gayon ay nagkaroon ng medyo maingat na kaisipan ang mga tao. Kapag nababanggit ang Diyos, inilalarawan nila Siya ayon sa kanilang mga kuru-kuro, sinasabi na maaari Siyang sumakay sa mga ulap at hamog, lumakad sa tubig, at biglang lumitaw at maglaho sa gitna ng mga tao. Ang ilang iba pa ay may mas marami pang naglalarawang paliwanag. Dahil sa kamangmangan at kawalan ng kabatiran ng mga tao, sinabi ng Diyos, “Kapag naniniwala sila na nalabanan nila Ako o nalabag nila ang Aking mga atas administratibo, hindi Ko pa rin sila pinapansin.”

Inihahayag ng Diyos nang may katumpakan ang pangit na mukha ng sangkatauhan at ang kanilang sariling mundo, nang hindi nagmimintis ni katiting sa nais Niyang tukuyin. Masasabi pa nga na hindi Siya nakakagawa ng kahit anong pagkakamali. Ito ay katunayang lubos na nakakukumbinsi sa mga tao. Dahil sa prinsipyo sa likod ng gawain ng Diyos, marami sa Kanyang mga salita at gawa ang nag-iiwan ng impresyon na imposibleng burahin, at sa gayon ay tila nagtatamo ang mga tao ng mas malalim pang pagkaunawa tungkol sa Kanya, na parang nakatuklas sila sa Kanya ng mga bagay na mas mahalaga. “Sa kanilang alaala, Ako ay isang Diyos na nagpapakita ng awa sa mga tao sa halip na kumakastigo sa kanila, o kaya ay Ako ang Diyos Mismo na hindi seryoso sa Kanyang sinasabi. Lahat ng ito ay mga imahinasyong bunga ng pag-iisip ng tao, at hindi naaayon sa mga katotohanan.” Bagama’t hindi kailanman pinahalagahan ng sangkatauhan ang tunay na mukha ng Diyos, alam nila “ang gilid na panig ng Kanyang disposisyon” na gaya ng likod ng kanilang mga kamay; lagi nilang hinahanapan ng butas ang mga salita at aksyon ng Diyos. Ito ay dahil laging handa ang mga tao na bigyang-pansin ang mga negatibong bagay, at balewalain ang mga positibo, na hinahamak lamang ang mga gawa ng Diyos. Habang lalong sinasabi ng Diyos na mapagkumbaba Niyang itinatago ang Kanyang Sarili sa Kanyang tirahan, lalong lumalaki ang mga hinihiling sa Kanya ng sangkatauhan. Sinasabi nila: “Kung inoobserbahan ng Diyos na nagkatawang-tao ang bawat gawa ng sangkatauhan at nararanasan ang buhay ng tao, bakit halos palaging hindi alam ng Diyos ang ating aktwal na sitwasyon? Nangangahulugan ba ito na talagang nakatago ang Diyos?” Bagama’t tinitingnan ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, gumagawa pa rin Siya ayon sa aktwal na mga kundisyon ng sangkatauhan, na hindi malabo ni hindi higit-sa-karaniwan. Upang ganap na maalis sa sangkatauhan ang kanilang dating disposisyon, puspusang nagsikap ang Diyos na magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, na inilalantad ang tunay na likas na pagkatao ng mga tao, at nagpapahayag ng paghatol sa kanilang pagsuway, sa isang sandali ay nagsasabing pakikitunguhan Niya ang lahat, at sa susunod ay nagpapahayag na ililigtas Niya ang isang grupo ng mga tao; nagtatakda man ng mga kinakailangan sa sangkatauhan o nagbababala sa kanila; at halinhinang sinusuri ang kanilang mga niloloob at naglalaan ng lunas. Sa gayon, sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, parang nakapaglakbay ang sangkatauhan sa bawat sulok ng daigdig at nakapasok sa isang saganang hardin kung saan bawat bulaklak ay nakikipagpaligsahan na siyang pinakamaganda. Anuman ang sinasabi ng Diyos papasok ang sangkatauhan sa Kanyang salita, na para bang ang Diyos ay isang batubalaning humila sa anumang bagay na may bakal palapit dito. Nang mabasa ang mga salitang, “Hindi Ako pinakikinggan ng mga tao, kaya hindi Ko rin sila sineseryoso. Hindi nila Ako pinapansin, kaya hindi Ko rin kailangang higit pang magpakapagod sa kanila. Hindi ba ito ang pinakamasaya sa dalawang sitwasyong ito?” tila muling bumagsak ang lahat ng tao ng Diyos sa walang-hanggang kalaliman, o minsan pang tinamaan sa kanilang mahalagang bahagi, na iniiwan silang lubos na natitigilan. Sa gayon, muli silang pumapasok sa pamamaraan. Lalo silang nalilito tungkol sa mga salitang, “Kung hindi ninyo matupad ang inyong mga tungkulin bilang mga miyembro ng Aking mga tao sa kaharian, kamumuhian at tatanggihan Ko kayo!” Lubhang nasasaktan ang karamihan sa mga tao kaya naiiyak sila, na nag-iisip na, “Nahirapan akong makaahon mula sa walang-hanggang kalaliman, kaya wala na akong pag-asa man lamang kung mahulog man akong muli roon. Wala akong napala sa mundo ng tao, at sumailalim na ako sa lahat ng uri ng hirap at pagdurusa sa buhay ko. Lalo na, mula nang manampalataya ako, nakaranas na akong talikuran ng mga mahal sa buhay, usigin ng aking pamilya, at siraang-puri ng iba pa sa lipunan, at hindi ako nagtamasa ng anumang kaligayahan sa mundo. Kung muli akong mahuhulog sa walang-hanggang kalaliman, hindi ba lalo pa akong walang mapapala sa aking buhay?” (Habang lalo itong pinag-iisipan ng tao, lalo silang nalulungkot.) “Lahat ng pag-asa ko ay naipagkatiwala ko na sa mga kamay ng Diyos. Kung pababayaan Niya ako, mabuti pang mamatay na ako ngayon mismo…. Kunsabagay, lahat ay itinadhana ng Diyos, kaya maaari ko lamang ngayong hangarin na mahalin ang Diyos; lahat ng iba pa ay hindi na gaanong mahalaga. Bakit ito ang kapalaran ko?” Habang lalong nag-iisip ang mga tao nang ganito, lalo silang nalalapit sa pamantayan ng Diyos at sa layunin ng Kanyang mga salita. Sa ganitong paraan, nakakamit ang layunin ng Kanyang mga salita. Matapos makita ng mga tao ang Kanyang mga salita, nagtatalo ang kalooban nilang lahat tungkol sa ideyang ito. Ang tanging pagpipilian nila ay magpasakop sa ididikta ng kapalaran, at sa ganitong paraan ay nakakamit ang layunin ng Diyos. Habang mas malupit ang mga salita ng Diyos, mas kumplikado ang sariling mundo ng mga tao dahil dito. Katulad lamang ito ng paghipo sa sugat; habang mas madiin ang paghipo rito, mas masakit ito, hanggang sa punto na mag-agaw-buhay sila at maaari pang mawalan ng pag-asang mabuhay. Sa gayon, kapag napakalubha ng pagdurusa ng mga tao at walang-wala nang pag-asa, saka lamang nila naibibigay ang kanilang tunay na puso sa Diyos. Ang likas na pagkatao ng tao ay na kung may katiting na pag-asa pang natitira, hindi sila hihingi ng tulong sa Diyos, ngunit sa halip ay gagamit sila ng sarili nilang sapat na mga pamamaraan upang likas na manatiling buhay. Ito ay dahil ang likas na pagkatao ng sangkatauhan ay mapagmagaling, at mahilig ang mga tao na manghamak sa lahat ng iba pa. Samakatuwid, sinabi ng Diyos: “Walang isa mang tao na nagawang mahalin din Ako habang nagiginhawahan; walang isa mang tao na lumapit sa mga panahon ng kapayapaan at kaligayahan, upang makabahagi Ako sa kanilang kagalakan.” Nakakadismaya talaga ito; nilalang ng Diyos ang sangkatauhan, ngunit kapag pumaparito Siya sa mundo ng tao, hinahangad ng mga tao na labanan Siya at itaboy palayo sa kanilang teritoryo, na para bang kung sino lamang Siyang ulilang palaboy-laboy sa buong mundo, o gaya ng isang taong mundo na walang bansa. Walang sinumang nakadarama na nakakapit sila sa Diyos, walang tunay na nagmamahal sa Kanya, at walang sinumang tumanggap sa Kanyang pagdating. Sa halip, kapag nakikita ang pagdating ng Diyos, tinatakpan ng mga ulap ang masasayang mukha sa dilim sa isang kisap-mata, na parang parating ang isang biglaang bagyo o para bang baka agawin ng Diyos ang kaligayahan ng kanilang pamilya, na parang hindi kailanman napagpala ng Diyos ang mga tao kundi, sa halip, naghatid lamang sa kanila ng kasawian. Samakatuwid, sa isipan ng mga tao, ang Diyos ay hindi isang pagpapala, kundi sa halip ay Isa na laging sumusumpa sa kanila. Dahil dito, hindi Siya pinakikinggan o tinatanggap ng mga tao; palagi silang malamig sa Kanya, at ganito iyon palagi. Dahil nakatanim ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao, sinasabi ng Diyos na ang sangkatauhan ay hindi makatwiran at imoral, at na kahit ang mga damdaming dapat sana’y mayroon ang mga tao ay hindi madama sa kanila. Hindi nagpapakita ng anumang konsiderasyon ang mga tao sa damdamin ng Diyos, kundi sa halip ay ginagamit nila ang tinatawag na “pagkamatuwid” upang pakitunguhan ang Diyos. Ganito na sila sa loob ng maraming taon at, dahil dito, sinabi na ng Diyos na hindi pa nagbabago ang kanilang disposisyon. Nagpapakita ito na wala na silang sangkap maliban sa sandakot na balahibo. Masasabi na mga walang-kuwentang walanghiya ang mga tao, sapagkat hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sarili. Kung hindi man lamang nila mahal ang kanilang sarili, sa halip ay niyuyurakan nila ang kanilang sarili, hindi ba ito nagpapakita na wala silang kuwenta? Ang sangkatauhan ay parang isang imoral na babae na nakikipaglaro sa kanyang sarili at kusang-loob na ibinibigay ang kanyang sarili sa iba para halayin. Magkagayunman, hindi pa rin alam ng mga tao kung gaano sila kahamak. Nasisiyahan sila sa pagtatrabaho para sa iba o sa pakikipag-usap sa iba, na inilalagay ang kanilang sarili sa ilalim ng kontrol ng iba; hindi ba ito mismo ang karumihan ng sangkatauhan? Bagama’t hindi pa Ako nakaranas ng buhay sa piling ng sangkatauhan, at hindi Ko pa talaga naranasan ang buhay ng tao, nagtamo na Ako ng napakalinaw na pagkaunawa tungkol sa bawat galaw, bawat kilos, bawat salita, at bawat gawang ginagawa ng mga tao. Nagagawa Ko pa ngang ilantad ang mga tao sa kanilang pinakamalalim na kahihiyan, hanggang sa puntong hindi na sila nangangahas na ihayag ang sarili nilang pakikipagsabwatan o bigyang-daan ang kanilang pagnanasa. Tulad ng mga susong umaatras papasok sa bahay ng mga ito, hindi na sila nangangahas na ilantad ang sarili nilang pangit na kalagayan. Dahil hindi kilala ng sangkatauhan ang kanilang sarili, ang pinakamalaki nilang kapintasan ay ang kusang-loob nilang iparada ang kanilang mga alindog sa harap ng iba, na ipinapasikat ang pangit nilang mukha; ito ay isang bagay na lubos na kinamumuhian ng Diyos. Ito ay dahil ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao ay abnormal, at walang normal na pakikipag-kapwa-tao sa pagitan ng mga tao, lalo nang walang normal na relasyon sa pagitan nila at ng Diyos. Napakarami nang nasabi ng Diyos at, sa paggawa nito, ang Kanyang pangunahing layunin ay ang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao upang maalis nila sa kanilang sarili ang lahat ng idolong nananahan sa kanilang puso. Pagkatapos niyon, maaari nang gumamit ng kapangyarihan ang Diyos sa buong sangkatauhan, at makamit ang layunin ng Kanyang pag-iral sa lupa.

Sinundan: Kabanata 13

Sumunod: Kabanata 15

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito