Kabanata 16

Mula sa pananaw ng isang tao, ang Diyos ay napakadakila, napakasagana, lubhang kamangha-mangha, lubhang di-maarok; sa mga mata ng mga tao, ang mga salita ng Diyos ay tumataas nang napakataas, at lumilitaw bilang isang dakilang obra maestra ng mundo. Ngunit dahil napakaraming pagkakamali ng mga tao, at napakapayak ng kanilang isipan, at, bukod pa riyan, dahil napakahina ng kanilang mga kakayahang tumanggap, gaano man kalinaw ang pagsambit ng Diyos sa Kanyang mga salita, nananatili silang nakaupo at hindi gumagalaw, na para bang nasisiraan sila ng ulo. Kapag nagugutom sila, hindi nila nauunawaan na kailangang kumain sila; kapag nauuhaw sila, hindi nila nauunawaan na kailangang uminom sila; patuloy lamang silang sumisigaw at humihiyaw, na para bang hirap na hirap sila sa kailaliman ng kanilang espiritu, subalit hindi nila magawang banggitin ang tungkol dito. Nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ang Kanyang layunin ay para mamuhay ang tao sa normal na pagkatao at matanggap ang mga salita ng Diyos ayon sa kanyang mga likas na ugali. Ngunit, sa simula pa lamang, dahil ang tao ay nagpadaig sa tukso ni Satanas, ngayon ay nananatili siyang walang kakayahang palayain ang kanyang sarili, at hindi pa rin kayang kilalanin ang mapanlinlang na mga pakanang isinasagawa ni Satanas sa loob ng libu-libong taon. Dagdag pa riyan, walang kakayahan ang tao na lubos na malaman ang mga salita ng Diyos—lahat ng ito ay humantong na sa kasalukuyang sitwasyon. Sa kalagayan ngayon ng mga bagay-bagay, namumuhay pa rin ang mga tao sa panganib ng tukso ni Satanas, kaya nananatili silang walang kakayahang pahalagahan ang mga salita ng Diyos sa tamang paraan. Walang kabuktutan o panlilinlang sa mga disposisyon ng normal na mga tao, normal ang relasyon ng mga tao sa isa’t isa, hindi sila nag-iisa, at ang kanilang buhay ay hindi karaniwan ni bulok. Gayundin naman, dinadakila ang Diyos sa lahat; ang Kanyang mga salita ay lumalaganap sa tao, namumuhay ang mga tao nang payapa sa piling ng isa’t isa at sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ang lupa ay puspos ng pagkakasundo, na walang panggugulo ni Satanas, at ang kaluwalhatian ng Diyos ang itinuturing na pinakamahalaga sa tao. Ang gayong mga tao ay parang mga anghel: dalisay, masigla, hindi kailanman nagrereklamo tungkol sa Diyos, at inilalaan ang lahat ng pagsisikap nila para lamang sa kaluwalhatian ng Diyos sa lupa. Ngayon ang panahon ng madilim na gabi—lahat ay nangangapa at naghahanap, ang napakadilim na gabi ay nagpapatayo sa kanilang buhok, at hindi nila mapigilang manginig; kapag pinakinggang mabuti, ang umaalulong na pagbugsu-bugsong ihip ng hanging nagmumula sa hilagang-kanluran ay tila may kasamang mga malulungkot na hikbi ng tao. Nagdadalamhati at umiiyak ang mga tao para sa kanilang tadhana. Bakit nila binabasa ang mga salita ng Diyos ngunit hindi nila makayang unawain ang mga ito? Para bang nasa bingit ng kawalang pag-asa ang kanilang buhay, para bang malapit nang sumapit ang kamatayan sa kanila, para bang nasa harap ng kanilang mga mata ang kanilang huling araw. Ang gayong kahabag-habag na sitwasyon ay ang mismong sandali kung kailan ang marupok na mga anghel ay nananawagan sa Diyos, ikinukuwento ang sarili nilang paghihirap sa sunud-sunod na malulungkot na pag-iyak. Dahil dito kaya hindi na muling bababa sa tao ang mga anghel na gumagawa sa mga anak at mga tao ng Diyos; ito ay upang maiwasang mabitag sila sa pagmamanipula ni Satanas habang nasa laman, na hindi kayang palayain ang kanilang sarili, kaya nga gumagawa lamang sila sa espirituwal na mundo na hindi nakikita ng tao. Sa gayon, kapag sinasabi ng Diyos na, “Kapag umakyat Ako sa trono sa puso ng tao, iyon ang sandaling mamumuno ang Aking mga anak at mga tao sa lupa,” ang tinutukoy Niya ay ang panahon na matatamasa ng mga anghel sa lupa ang pagpapalang maglingkod sa Diyos sa langit. Dahil ang tao ang pagpapahayag ng espiritu ng mga anghel, sinasabi ng Diyos na para sa tao, ang mapunta sa lupa ay parang mapunta sa langit; sapagkat ang mapaglingkuran ng tao ang Diyos sa lupa ay parang tuwirang paglilingkod ng mga anghel sa Diyos sa langit—at sa gayon, sa kanyang mga araw sa lupa, tinatamasa ng tao ang mga pagpapala ng ikatlong langit. Ito talaga ang sinasabi sa mga salitang ito.

Napakaraming kahulugang nakatago sa mga salita ng Diyos. “Pagdating ng araw, makikilala Ako ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso, at maaalala Ako sa kanilang isipan.” Ang mga salitang ito ay nakatuon sa espiritu ng tao. Dahil sa karupukan ng mga anghel, lagi silang nakadepende sa Diyos sa lahat ng bagay, at laging nakaugnay sa Diyos at sumamba sa Diyos. Ngunit dahil sa panggugulo ni Satanas, hindi nila matulungan ang kanilang sarili at hindi makontrol ang kanilang sarili; nais nilang mahalin ang Diyos ngunit hindi nila Siya kayang mahalin nang buong puso, kaya nga nasasaktan sila. Kapag umabot ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na punto, saka lamang magkakaroon ng hangarin ang kawawang mga anghel na ito na tunay na mahalin ang Diyos, kaya nga sinambit ng Diyos ang mga salitang iyon. Ang likas na katangian ng mga anghel ay mahalin, itangi, at sundin ang Diyos, subalit wala silang kakayahang isagawa iyon dito sa lupa, at wala na silang ibang magagawa kundi magtiis hanggang sa ngayon. Maaari mong tingnan ang mundo sa ngayon: May isang Diyos sa puso ng lahat ng tao, subalit hindi masabi ng mga tao kung ang Diyos na nasa puso nila ay ang tunay na Diyos o isang huwad na diyos, at bagama’t mahal nila ang Diyos nilang ito, hindi nila kayang tunay na mahalin ang Diyos, na nangangahulugang wala silang kontrol sa kanilang sarili. Ang pangit na mukha ng tao na ibinunyag ng Diyos ay ang tunay na mukha ni Satanas sa espirituwal na dako. Ang tao ay orihinal na inosente at walang kasalanan, at sa gayon lahat ng tiwali at pangit na ugali ng tao ay mga kilos ni Satanas sa espirituwal na dako, at isang tapat na talaan ng mga pagsulong ng espirituwal na dako. “Ngayon, may mga kwalipikasyon na ang mga tao, at naniniwala sila na kaya nilang magmayabang sa Aking harapan, at makipagtawanan at makipagbiruan sa Akin nang wala ni katiting na pangingimi, at pakitunguhan Ako bilang isang kapantay. Hindi pa rin Ako kilala ng tao, naniniwala pa rin siya na magkapareho ang aming likas na katangian, na pareho kaming may laman at dugo, at parehong nananahan sa mundo ng tao.” Ito ang nagawa ni Satanas sa puso ng tao. Ginagamit ni Satanas ang mga kuru-kuro at mga nakikita ng mata ng tao upang kontrahin ang Diyos, subalit malinaw na sinasabi ng Diyos sa tao ang mga pangyayaring ito, upang maiwasan ng tao na mapahamak dito. Ang mortal na kahinaan ng lahat ng tao ay na nakikita lamang nila ang “isang katawang may laman at dugo, at hindi nahihiwatigan ang Espiritu ng Diyos.” Ito ang batayan ng isang aspeto ng pang-aakit ni Satanas sa tao. Naniniwala ang lahat ng tao na tanging ang Espiritu sa katawang-taong ito ang matatawag na Diyos. Walang sinumang naniniwala na ngayon, ang Espiritu ay naging tao at aktwal na nagpakita sa harap ng kanilang mga mata; nakikita ng mga tao na may dalawang bahagi ang Diyos—“ang kasuotan at ang laman”—at walang nagtuturing sa Diyos bilang pagkakatawang-tao ng Espiritu, walang nakakakita na ang diwa ng katawang-tao ay ang disposisyon ng Diyos. Sa imahinasyon ng mga tao, ang Diyos ay lalo nang normal, ngunit hindi ba nila alam na nakatago sa normalidad na ito ang isang aspeto ng malalim na kabuluhan ng Diyos?

Nang simulan ng Diyos na takpan ang buong mundo, naging napakadilim nito, at habang tulog ang mga tao, sinamantala ng Diyos ang pagkakataong ito upang bumaba sa tao, at opisyal na sinimulan ang pagpapalabas ng Espiritu sa lahat ng sulok ng lupa, na sinisimulan ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabi na nang simulan ng Diyos na mag-anyo sa imahe ng katawang-tao, personal na gumawa ang Diyos sa lupa. Pagkatapos ay nagsimula ang gawain ng Espiritu, at doon ay opisyal na nagsimula ang lahat ng gawain sa lupa. Sa loob ng dalawang libong taon, ang Espiritu ng Diyos ay palaging gumawa sa buong sansinukob. Ni hindi ito alam ni naramdaman ng mga tao, ngunit sa mga huling araw, sa panahong malapit nang matapos ang kapanahunang ito, bumaba na ang Diyos sa lupa upang gumawa nang personal. Ito ang pagpapala ng mga isinilang sa mga huling araw, na personal na namamasdan ang imahe ng Diyos na nabubuhay sa katawang-tao. “Noong madilim ang buong mukha ng kailaliman, unti-unti Kong natikman sa piling ng tao ang kapaitan ng mundo. Naglalakbay ang Aking Espiritu sa buong mundo at nakatingin sa puso ng lahat ng tao, subalit, nilulupig Ko rin ang sangkatauhan sa Aking nagkatawang-taong laman.” Ganyan ang magkasundong kooperasyon sa pagitan ng Diyos sa langit at ng Diyos sa lupa. Sa huli, sa kanilang isipan ay maniniwala ang mga tao na ang Diyos sa lupa ang Diyos sa langit, na nilikha ng Diyos sa lupa ang kalangitan at ang lupa at lahat ng bagay na naroon, na ang tao ay kontrolado ng Diyos sa lupa, na ginagawa ng Diyos sa lupa ang gawain sa langit sa lupa, at na ang Diyos sa langit ay nagpakita na sa katawang-tao. Ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos sa lupa, kaya nga, ang yugtong ito ang pinakamataas na pamantayan ng gawain sa panahon ng katawang-tao; isinasagawa ito sa pagka-Diyos, at nagsasanhi na taos-pusong makumbinsi ang lahat ng tao. Kapag lalong hinahanap ng mga tao ang Diyos sa kanilang mga kuru-kuro, lalo nilang nadarama na hindi tunay ang Diyos sa lupa. Sa gayon, sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay naghahanap sa Diyos sa gitna ng hungkag na mga salita at doktrina. Habang lalong kinikilala ng mga tao ang Diyos sa kanilang mga kuru-kuro, lalo silang nagiging bihasa sa pagsambit ng mga salita at doktrinang ito at lalo silang nagiging kahanga-hanga; habang lalong sumasambit ang mga tao ng mga salita at doktrina, lalo silang nalilihis sa Diyos, at habang lalong hindi nila kayang malaman ang diwa ng tao, lalo silang sumusuway sa Diyos, at lalo pa silang napapalayo sa mga kinakailangan ng Diyos. Ang mga kinakailangan ng Diyos sa tao ay hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, subalit hindi kailanman tunay na naunawaan ninuman ang kalooban ng Diyos, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Ang mga tao ay naghahanap lamang sa walang-hangganang kalangitan, o sa gumugulong na alon ng dagat, o sa payapang lawa, o sa mga hungkag na mga salita at doktrina.” Habang dumarami ang mga kinakailangan ng Diyos sa tao, lalong nadarama ng mga tao na hindi maaabot ang Diyos, at lalo silang naniniwala na dakila ang Diyos. Sa gayon, sa kanilang kamalayan, hindi kayang makamtan ng tao ang lahat ng salitang sinasambit mula sa bibig ng Diyos, at walang ibang magawa ang Diyos kundi personal na kumilos; samantala, ang tao ay wala ni katiting na hilig na makipagtulungan sa Diyos, at basta ipinipilit na iyuko ang kanyang ulo at ikumpisal ang kanyang mga kasalanan, na nagsisikap na maging mapagpakumbaba at masunurin. Sa gayon, hindi nila natatanto, pumapasok ang mga tao sa isang bagong relihiyon, sa seremonya ng relihiyon na mas matindi pa kaysa nasa mga relihiyosong iglesia. Kinakailangan dito na bumalik ang mga tao sa mga normal na kundisyon sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang negatibong kalagayan tungo sa isang positibong kalagayan; kung hindi, ang tao ay lalong mabibihag.

Bakit nakatuon ang Diyos sa paglalarawan ng kabundukan at katubigan sa napakarami sa Kanyang mga pagbigkas? Mayroon bang simbolikong kahulugan sa mga salitang ito? Hindi lamang pinahihintulutan ng Diyos na makita ng tao ang Kanyang mga gawa sa Kanyang katawang-tao, kundi pinahihintulutan din ang tao na maunawaan ang Kanyang mga kapangyarihan sa kalangitan. Sa ganitong paraan, kasabay ng paniniwala nang walang pagdududa na ito ang Diyos sa katawang-tao, nalalaman din ng mga tao ang mga gawa ng praktikal na Diyos, at sa gayon ay isinugo sa langit ang Diyos sa lupa, at dinala sa lupa ang Diyos sa langit, saka lamang nakayanan ng mga tao na mas ganap na mamasdan ang lahat ng kung ano ang Diyos at magtamo ng higit na kaalaman tungkol sa pagiging makapangyarihan ng Diyos. Habang lalong nagagawa ng Diyos na lupigin ang sangkatauhan sa katawang-tao at mahigitan ang katawang-tao upang maglakbay kapwa sa ibabaw at sa buong sansinukob, lalong nakakayanan ng mga tao na mamasdan ang mga gawa ng Diyos batay sa pagmamasid sa praktikal na Diyos, at sa gayon ay nalalaman nila ang katotohanan ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob—na hindi ito huwad kundi totoo—at sa gayon ay nalalaman nila na ang praktikal na Diyos ng ngayon ang sagisag ng Espiritu, at hindi kapareho ng uri ng katawang may laman na tulad ng tao. Sa gayon, sabi ng Diyos, “Ngunit kapag pinawalan Ko ang Aking matinding poot, agad na gumuguho ang kabundukan, agad na nagsisimulang yumanig ang lupa, agad na natutuyo ang tubig, at agad na sumasapit ang kalamidad sa tao.” Kapag binabasa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, iniuugnay nila ang mga ito sa katawang-tao ng Diyos, at sa gayon, ang gawain at mga salita sa espirituwal na dako ay tuwirang tumutukoy sa Diyos sa katawang-tao, na humahantong sa mas epektibong resulta. Kapag nagsasalita ang Diyos, kadalasan ay nagmumula ito sa langit patungo sa lupa, at minsan pa mula sa lupa patungo sa langit, na iniiwan ang lahat ng tao na walang kakayahang maintindihan ang mga motibo at pinagmulan ng mga salita ng Diyos. “Kapag Ako ay nasa kalangitan, hindi kailanman nakararamdam ng takot ang mga bituin sa Aking presensya. Sa halip, itinutuon nila ang kanilang puso sa kanilang gawain para sa Akin.” Gayon ang kalagayan ng langit. Maparaang ipinaplano ng Diyos ang lahat ng bagay sa ikatlong langit, kasama ang lahat ng lingkod na naglilingkod sa Diyos na ginagawa ang sarili nilang gawain para sa Diyos. Wala silang nagawang anuman kailanman na pagsuway sa Diyos, kaya hindi sila nakararamdam ng takot na sinasabi ng Diyos, kundi sa halip ay itinutuon nila ang kanilang puso sa kanilang gawain; hindi nagkaroon kailanman ng anumang kaguluhan, at sa gayon ay namumuhay ang lahat ng anghel sa liwanag ng Diyos. Samantala, dahil sa kanilang pagsuway, at dahil hindi nila kilala ang Diyos, namumuhay ang lahat ng tao sa lupa sa kadiliman, at habang lalo nilang kinokontra ang Diyos, lalo silang namumuhay sa kadiliman. Kapag sinabi ng Diyos na, “Kapag mas maliwanag ang kalangitan, mas madilim ang mundo sa ilalim,” tinutukoy Niya kung paano higit na nalalapit ang araw ng Diyos sa buong sangkatauhan. Sa gayon, ang 6,000 taon ng kaabalahan ng Diyos sa ikatlong langit ay malapit nang matapos. Nakapasok na sa huling kabanata ang lahat ng bagay sa lupa, at malapit nang alisin ang bawat isa mula sa kamay ng Diyos. Habang lalong pumapasok ang mga tao sa panahon ng mga huling araw, lalo nilang nalalasap ang katiwalian sa mundo ng tao; habang lalo silang pumapasok sa panahon ng mga huling araw, lalo silang nagpapasasa sa sarili nilang laman. Marami pa ngang nagnanais na baligtarin ang kahabag-habag na kalagayan ng mundo, subalit nawala ang kanilang pag-asa sa gitna ng kanilang mga buntong-hininga, dahil sa mga gawa ng Diyos. Sa gayon, kapag nararamdaman ng mga tao ang init ng tagsibol, tinatakpan ng Diyos ang kanilang mga mata, at sa gayon ay lumulutang sila sa gumugulong na mga alon, wala ni isa sa kanila ang may kakayahang makarating sa malayong bangkang-pansagip. Dahil likas na mahina ang mga tao, sabi ng Diyos, walang sinumang maaaring magpanumbalik ng mga bagay-bagay. Kapag nawawalan ng pag-asa ang mga tao, nagsisimulang magsalita ang Diyos sa buong sansinukob. Sinisimulan Niyang iligtas ang buong sangkatauhan, at pagkatapos lamang nito nagagawang matamasa ng mga tao ang bagong buhay na dumarating kapag napanumbalik na ang mga bagay-bagay. Ang mga tao ng ngayon ay nasa yugto ng panlilinlang sa sarili. Dahil ang daan sa kanilang harapan ay lubhang mapanglaw at hindi malinaw, at dahil ang kanilang hinaharap ay “walang limitasyon” at “walang hangganan,” ang mga tao sa panahong ito ay walang hilig na lumaban, at maaari lamang palipasin ang kanilang mga araw na tulad ng ibong Hanhao.[a] Walang sinuman kailanman na naging seryoso sa paghahangad na mabuhay at sa kaalaman tungkol sa buhay ng tao; sa halip, hinihintay nila ang araw na biglang bababa ang Tagapagligtas sa langit upang baligtarin ang kahabag-habag na kalagayan ng mundo, pagkatapos lamang nito sila magtatangkang mabuhay nang masigasig. Gayon ang tunay na kalagayan ng buong sangkatauhan at ng mentalidad ng lahat ng tao.

Ngayon, sinasabi ng Diyos noong una pa man, dahil sa kasalukuyang mentalidad ng tao, ang bagong buhay ng tao sa hinaharap. Ito ang paglitaw ng kislap ng liwanag, na tinutukoy ng Diyos. Ang sinasabi ng Diyos noong una pa man ay yaong makakamit ng Diyos sa huli, at ang mga bunga ng tagumpay ng Diyos laban kay Satanas. “Gumagalaw Ako sa ibabaw ng lahat ng tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang anumang mukhang luma kailanman, at walang taong katulad ng dati. Namamahinga Ako sa trono, nakasandig Ako sa ibabaw ng buong sansinukob….” Ito ang kinahinatnan ng kasalukuyang gawain ng Diyos. Lahat ng taong hinirang ng Diyos ay bumabalik sa kanilang orihinal na anyo, na siyang dahilan kung bakit ang mga anghel, na nagdusa nang napakaraming taon, ay pinalaya, tulad ng sinasabi ng Diyos na “ang kanilang mukha ay katulad ng sa banal na nasa puso ng tao.” Dahil gumagawa ang mga anghel sa lupa at naglilingkod sa Diyos sa lupa, at lumalaganap ang kaluwalhatian ng Diyos sa buong mundo, dinadala ang langit sa lupa, at itinataas ang lupa sa langit. Samakatuwid, ang tao ang kawing na nag-uugnay sa langit at lupa; ang langit at lupa ay hindi na magkabukod, hindi na magkahiwalay, kundi magkaugnay bilang isa. Sa buong mundo, ang Diyos at ang tao lamang ang umiiral. Walang alikabok o dumi, at lahat ng bagay ay napanibago, gaya ng isang batang corderong nakahiga sa isang luntiang damuhan sa silong ng langit, nagtatamasa ng lahat ng biyaya ng Diyos. At dahil sa pagdating ng kaluntiang ito kaya sumisikat ang hininga ng buhay, sapagkat dumarating ang Diyos sa mundo upang mamuhay sa tabi ng tao sa buong kawalang-hanggan, tulad ng sinabi mula sa bibig ng Diyos na “muli Akong maninirahan nang payapa sa loob ng Sion.” Ito ang simbolo ng pagkatalo ni Satanas, ito ang araw ng kapahingahan ng Diyos, at ang araw na ito ay pupurihin at ipapahayag ng lahat ng tao, at gugunitain ng lahat ng tao. Kapag nagpapahinga ang Diyos sa trono, iyon din ang panahon na tinatapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa, at iyon ang mismong sandali na lahat ng hiwaga ng Diyos ay ipinapakita sa tao; ang Diyos at ang tao ay magkakasundo magpakailanman, hindi kailanman magkakabukod—gayon ang magagandang mga tagpo sa kaharian!

May nakatagong mga hiwaga sa mga hiwaga; talagang malalim at di-maarok ang mga salita ng Diyos!

Talababa:

a. Ang kuwento ng ibong Hanhao ay labis na kapareho ng pabula ni Aesop tungkol sa langgam at tipaklong. Pinili ng ibong Hanhao na matulog sa halip na gumawa ng isang pugad habang ang panahon ay mainit—sa kabila ng paulit-ulit na mga babala mula sa kanyang kapitbahay, na isang magpie. Nang dumating ang taglamig, ang ibon ay nanigas sa lamig hanggang mamatay.

Sinundan: Kabanata 15

Sumunod: Kabanata 17

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito