Kabanata 15
Ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao ay na ang mga salita ng Diyos ay palaging dumidiretso sa pinakasentro ng usapin, na walang itinatago. Sa gayon, makikita ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos sa unang pangungusap ngayong araw. Agad nitong inilalantad ang tunay na kulay ng tao at hayagang ibinubunyag ang disposisyon ng Diyos. Ito ang pinagmumulan ng ilang aspeto ng kakayahan ng mga salita ng Diyos na magtamo ng mga resulta. Gayunman, hindi ito maunawaan ng mga tao; lagi silang dumarating para lamang makilala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nang hindi “nasusuri” ang Diyos. Parang takot silang magkasala sa Kanya o na papatayin Niya sila dahil sa kanilang “pagkaseryoso.” Sa katunayan, kapag kumakain at umiinom ng salita ng Diyos ang karamihan sa mga tao, ginagawa nila ito mula sa isang negatibong pananaw, hindi sa positibo. Masasabi na nagsimula na ngayon ang mga tao na “magtuon sa pagpapakumbaba at pagpapasakop” sa ilalim ng patnubay ng Kanyang mga salita. Mula rito, maliwanag na nagsimula nang maging labis ang mga tao sa isa pang aspeto—mula sa hindi pagpansin sa Kanyang mga salita tungo sa labis na pagpansin sa mga ito. Gayunman, wala pa ni isang tao ang nakapasok mula sa isang positibong pananaw, ni wala pang sinumang tunay na nakaintindi sa mithiin ng Diyos na hikayatin ang mga tao na bigyang-pansin ang Kanyang mga salita. Nalaman mula sa sinasabi ng Diyos na hindi Niya kailangang maranasan nang personal ang buhay ng iglesia para maunawaan, nang tumpak at walang mali, ang aktwal na mga kalagayan ng lahat ng taong naroon. Dahil nakapasok pa lamang sila sa isang bagong pamamaraan, kailangan pang lubusang alisin ng mga tao sa sarili nila ang kanilang mga negatibong elemento; sumisingaw pa rin ang amoy ng mga bangkay sa buong iglesia. Para bang kaiinom pa lamang ng gamot ng mga tao at hilo pa rin, at sila ay hindi pa lubos na nagkakamalay. Para bang may banta pa rin ng kamatayan sa kanila, kaya nga, nasa gitna pa rin ng takot, hindi nila mapangibabawan ang kanilang sarili. “Ang mga tao ay pawang mga nilalang na hindi kilala ang sarili”: Nakabatay pa rin ang pagkasabi sa pahayag na ito sa pagtatayo ng iglesia. Sa kabila ng katotohanan na binibigyang-pansin ng lahat ng tao sa iglesia ang mga salita ng Diyos, nananatiling nakabaon nang malalim ang kanilang likas na pagkatao, at hindi mawala-wala. Kaya nga nangusap ang Diyos sa paraang ginawa Niya sa naunang yugto upang hatulan ang mga tao, upang makaya nilang tanggapin ang paghampas ng Kanyang mga salita sa gitna ng kanilang kahambugan. Bagama’t sumailalim ang mga tao sa limang buwan ng pagpipino sa walang hanggang hukay, hindi pa rin nila kilala ang Diyos sa aktwal na kalagayan nila. Masasama pa rin sila; naging mas nag-iingat lamang sila sa Diyos. Ang hakbang na ito ang unang tamang hakbang na ginagawa ng mga tao sa landas ng pag-alam sa mga salita ng Diyos; sa gayon, sa pag-ugnay sa diwa ng mga salita ng Diyos, hindi mahirap makita na ang naunang bahagi ng gawain ang nagbukas ng daan para sa ngayon, at na ngayon lamang naging normal ang lahat. Ang nakamamatay na kahinaan ng mga tao ay ang hilig nilang ihiwalay ang Espiritu ng Diyos mula sa Kanyang sariling laman upang magkamit ng personal na kalayaan at hindi palaging napipigilan. Ito ang dahilan kaya inilalarawan ng Diyos ang mga tao bilang munting mga ibon “na masayang lumilipad-lipad.” Ito ang aktwal na kalagayan ng buong sangkatauhan. Ito ang dahilan kaya napakadaling ibuwal ng lahat ng tao, at ito ang lugar kung saan pinakamalamang na maligaw sila ng landas. Maliwanag dito na ang gawain ni Satanas sa sangkatauhan ay wala nang iba kundi ang gawaing ito lamang. Kapag mas maraming ginagawa si Satanas sa mga tao, mas mahigpit ang mga ipinagagawa ng Diyos sa kanila. Inuutusan Niya ang mga tao na iukol ang kanilang pansin sa Kanyang mga salita, samantalang nagpapakahirap si Satanas na sirain ito. Gayunman, palagi nang pinaaalalahanan ng Diyos ang mga tao na mas lalong bigyang-pansin ang Kanyang mga salita; ito ang rurok ng digmaang nagngangalit sa espirituwal na mundo. Masasabi ito sa ganitong paraan: Ang nais gawin ng Diyos sa tao ang mismong nais wasakin ni Satanas, at ang nais wasakin ni Satanas ay ipinapahayag sa pamamagitan ng tao, na lubos na nakalantad. May malilinaw na halimbawa ng ginagawa ng Diyos sa mga tao: Bumubuti nang bumubuti ang kanilang kundisyon. May malilinaw ring kumakatawan sa pagwasak ni Satanas sa sangkatauhan: Pasama sila nang pasama, at lalo pang lumulubog ang kanilang kundisyon. Kapag sapat na ang pagkagrabe ng kanilang sitwasyon, malamang na mabihag sila ni Satanas. Ito ang aktwal na kundisyon ng iglesia, ayon sa nakalahad sa mga salita ng Diyos, at ito rin ang aktwal na sitwasyon ng espirituwal na mundo. Ito ang larawan ng dinamika ng espirituwal na mundo. Kung walang tiwala ang mga tao na makipagtulungan sa Diyos, nanganganib silang mabihag ni Satanas. Totoo ito. Kung talagang kaya ng mga tao na ialay nang lubusan ang kanilang mga puso upang matahanan ng Diyos, katulad lamang iyon ng nasabi ng Diyos, “Sila, kapag nasa Aking harapan, tila yakap-yakap Ko, na tinitikman ang init nito.” Ipinapakita nito na ang mga ipinagagawa ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi mahirap; kailangan lamang Niya silang bumangon at makipagtulungan sa Kanya. Hindi ba madali at masaya ang bagay na ito? Ito ba ang isang bagay na nakalito sa bawat bayani at dakilang tao? Parang napitas ang mga heneral mula sa lugar ng digmaan at sa halip ay pinaggantsilyo na lamang—ang mga “bayani” na ito ay hindi na makakilos sa hirap, at hindi nila alam kung ano ang gagawin.
Alinmang aspeto ng mga ipinagagawa ng Diyos sa sangkatauhan ang pinakamatindi, iyon ang aspeto kung saan magiging pinakamabagsik ang mga pag-atake ni Satanas sa sangkatauhan, at sa gayon, ang mga kalagayan ng lahat ng tao ay ibinubunyag alinsunod dito. “Sino sa inyo na nakatayo sa Aking harapan ang magiging dalisay na katulad ng pinaspas na niyebe at walang-dungis na katulad ng jade?” Niloloko pa rin ng lahat ng tao ang Diyos at itinatago ang mga bagay-bagay mula sa Kanya; isinasagawa pa rin nila ang sarili nilang natatanging mga pakana. Hindi pa nila lubusang ibinibigay ang puso nila sa mga kamay ng Diyos upang palugurin Siya, subalit nais nilang makamit ang Kanyang mga gantimpala sa pamamagitan ng pagiging masigasig. Kapag kumakain ang mga tao ng masarap na pagkain, isinasantabi nila ang Diyos, iniiwan Siyang nakatayo roon, naghihintay na “masilbihan”; kapag maganda ang pananamit ng mga tao, tumatayo sila roon sa harap ng salamin, nasisiyahan sa sarili nilang kagandahan, at sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi nila napapalugod ang Diyos. Kapag mayroon silang katayuan, kapag nagtatamasa sila ng maluluhong bagay, umuupo sila roon sa tuktok ng kanilang katayuan at nagsisimulang tamasahin iyon, subalit hindi sila nagpapakumbaba ng kanilang sarili bilang resulta ng pag-aangat ng Diyos. Sa halip, sila ay tumatayo sa kanilang matataas na lugar, sumasambit ng kanilang mararangyang salita, at hindi binibigyang-pansin ang presensya ng Diyos, ni hindi nila hinahangad na malaman ang Kanyang kahalagahan. Kapag may iniidolo ang mga tao sa kanilang puso, o kapag naagaw na ng iba ang kanilang puso, nangangahulugan ito na tinanggihan na nila ang presensya ng Diyos, na para bang nanghihimasok lamang Siya sa kanilang puso. Natatakot sila na nanakawin ng Diyos ang pagmamahal ng iba sa kanila, at sa gayon ay madarama nila na nag-iisa sila. Ang orihinal na layunin ng Diyos ay na walang anuman sa lupa ang dapat maging dahilan para hindi Siya pansinin ng mga tao, at bagama’t may pagmamahal sa pagitan ng mga tao, magkagayunma’y hindi maitataboy ang Diyos mula sa “pagmamahal” na ito. Hungkag ang lahat ng makamundong bagay—pati na ang damdamin sa pagitan ng mga tao na hindi nakikita o nahahawakan. Kung wala ang pag-iral ng Diyos, babalik sa kawalan ang lahat ng nilalang. Sa lupa, lahat ng tao ay mayroong mga bagay na minamahal nila, ngunit wala pang sinumang tumanggap sa mga salita ng Diyos kailanman bilang ang bagay na minamahal nila. Ito ang tumutukoy sa antas ng pag-unawa ng mga tao sa Kanyang mga salita. Bagama’t marahas ang Kanyang mga salita, walang sinumang nasusugatan ng mga ito, sapagkat hindi talaga binibigyang-pansin ng mga tao ang mga ito; sa halip, inoobserbahan nila ang mga ito na parang isang bulaklak. Hindi nila itinuturing ang Kanyang mga salita na parang bunga na maaari nilang tikman para sa kanilang sarili, kaya hindi nila alam ang diwa ng mga salita ng Diyos. “Kung talagang nakikita ng mga tao ang talim ng Aking espada, magtatakbuhan sila na parang mga daga patungo sa kanilang mga lungga.” Ang isang taong nasa kalagayan ng isang normal na tao, matapos basahin ang mga salita ng Diyos, ay matutulala, na puno ng kahihiyan, at hindi magagawang humarap sa iba. Gayunman, sa mga panahong ito, kabaligtaran mismo ang mga tao—ginagamit nila ang mga salita ng Diyos bilang isang sandata para banatan ang isa’t isa. Talagang hindi sila marunong mahiya!
Sa mga pagbigkas ng Diyos, nadala tayo sa kalagayang ito ng pag-iral: “Sa loob ng kaharian, hindi lamang lumalabas ang mga pagbigkas mula sa Aking bibig, kundi pormal na tumatapak ang Aking mga paa saanmang dako sa lahat ng lupain.” Sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, nananalo ang Diyos sa buong proseso. Pinalalawak Niya nang husto ang Kanyang gawain sa buong sansinukob, at masasabi na nasa lahat ng dako ang Kanyang mga yapak at ang mga tanda ng Kanyang tagumpay. Umaasa si Satanas, sa mga pakana nito, na mawasak ang pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng paghihiwalay ng mga bansa, ngunit sinamantala na ng Diyos ang paghihiwalay na ito upang muling isaayos ang buong sansinukob—bagama’t hindi para lipulin ito. Gumagawa ng isang bagong bagay ang Diyos bawat araw, ngunit hindi pa ito napansin ng mga tao. Hindi nila binibigyang-pansin ang mga galaw ng espirituwal na mundo, kaya hindi nila nakikita ang bagong gawain ng Diyos. “Sa loob ng kosmos, lahat ay nagniningning na parang bago sa kaningningan ng Aking kaluwalhatian, na naglalahad ng nakaaantig na aspeto na nagpapalugod sa pakiramdam at nagpapasigla sa espiritu ng mga tao, na para bang umiiral ito ngayon sa isang langit na lagpas pa sa kalangitan, ayon sa imahinasyon ng tao, na hindi nagagambala ni Satanas at malaya sa mga pag-atake ng mga kaaway sa labas.” Hinuhulaan nito ang masayang eksena ng kaharian ni Cristo sa lupa, at ipinakikilala rin nito ang sitwasyon ng ikatlong langit sa sangkatauhan: Yaon lamang mga banal na bagay na nabibilang sa Diyos ang umiiral doon, nang walang anumang mga pag-atake ng mga puwersa ni Satanas. Ngunit ang pinakamahalaga ay tinutulutan ang mga tao na makita ang sitwasyon ng gawain ng Diyos Mismo sa lupa: Ang langit ay isang bagong langit, at kasunod nito, pinanibago rin ang lupa. Dahil ito ay buhay sa ilalim ng sariling patnubay ng Diyos, hindi masukat ang kaligayahan ng lahat ng tao. Sa kanilang kamalayan, si Satanas ay “bilanggo” ng sangkatauhan, at ni hindi man lamang sila nahihiya o natatakot dahil sa pag-iral nito. Dahil sa direktang tagubilin at patnubay mula sa banal, nauwi sa wala ang lahat ng pakana ni Satanas, at naging sapat pa ito upang patunayan na hindi na umiiral si Satanas, dahil nabura na ito ng gawain ng Diyos. Kaya nga sinasabing “umiiral ito ngayon sa isang langit na lagpas pa sa kalangitan.” Nang sabihin ng Diyos, “Hindi nagkaroon ng kaguluhan kailanman, ni hindi nagkahati-hati ang kosmos kailanman,” ang tinutukoy Niya ay ang kundisyon ng espirituwal na mundo. Ito ay patunay na nagpapahayag ng tagumpay ang Diyos kay Satanas, at ito ang tanda ng panghuling tagumpay ng Diyos. Walang taong maaaring magpabago sa isip ng Diyos, ni hindi ito malalaman ninuman. Bagama’t nabasa na ng mga tao ang mga salita ng Diyos at nasuri ang mga ito nang seryoso, hindi pa rin nila maipahayag ang diwa ng mga ito. Halimbawa, sinabi ng Diyos, “Nagpapairal Ako ng nagliliparang paglukso sa ibabaw ng mga bituin, at kapag naglalabas ng mga sinag ang araw, pinapawi Ko ang init ng mga ito, nagpapadala Ako ng mga malalaking umiikot na mga snowflake na sinlaki ng mga balahibo ng gansa na lumulutang pababa mula sa Aking mga kamay. Kapag nagbabago Ako ng isip, lahat ng niyebe ay natutunaw patungo sa ilog, at sa isang iglap, nagsimula na ang tagsibol sa lahat ng dako sa silong ng kalangitan at naging luntian nang tulad ng esmeralda ang buong tanawin sa ibabaw ng lupa.” Bagama’t maaaring mailarawan ng mga tao ang mga salitang ito sa kanilang isipan, hindi gaanong simple ang layunin ng Diyos. Kapag hilo ang lahat ng tao sa silong ng langit, binibigkas ng Diyos ang tinig ng pagliligtas, sa gayon ay napupukaw ang puso ng mga tao. Gayunman, dahil sumasapit sa kanila ang lahat ng uri ng sakuna, nadarama nila ang kapanglawan ng mundo, kaya hinahangad nilang lahat na mamatay at nabubuhay sa napakalamig at nagyeyelong mga yungib. Pinatitigas sila ng lamig ng matitinding unos ng niyebe, hanggang sa hindi na nila makayang manatiling buhay dahil sa kawalan ng init sa lupa. Dahil sa katiwalian ng mga tao kaya mas lalong nagiging malupit ang kanilang pagpapatayan. At sa iglesia, karamihan sa mga tao ay lulunukin ng malaking pulang dragon sa isang lunukan. Kapag nakalipas na ang lahat ng pagsubok, aalisin ang mga panggugulo ni Satanas. Sa buong mundo, sa gitna ng pagbabago, lalaganap ang tagsibol, mababalutan ng init ang lupa, at mapupuno ng sigla ang mundo. Lahat ng ito ay mga hakbang sa buong plano ng pamamahala. Ang “gabi” na binanggit ng Diyos ay tumutukoy sa panahon na aabot sa sukdulan ang kabaliwan ni Satanas, na mangyayari sa gabi. Hindi ba iyan ang nangyayari ngayon mismo? Bagama’t patuloy na nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng patnubay ng liwanag ng Diyos, isinasailalim sila sa pagdurusa ng kadiliman ng gabi. Kung hindi sila makakatakas mula sa mga gapos ni Satanas, mabubuhay sila nang walang hanggan sa gitna ng isang madilim na gabi. Tingnan mo ang mga bansa sa daigdig: Dahil sa mga hakbang ng gawain ng Diyos, “paikut-ikot” ang mga bansa sa lupa, at bawat isa ay “naghahanap ng sarili nitong angkop na patutunguhan.” Dahil hindi pa dumarating ang araw ng Diyos, nananatili ang lahat sa lupa sa maputik na kaguluhan. Kapag hayagan Siyang nagpakita sa buong sansinukob, pupuspusin ng Kanyang kaluwalhatian ang Bundok ng Sion, at lahat ng bagay ay magiging maayos at malinis, dahil isasaayos ang mga ito ng Kanyang mga kamay. Hindi lamang nangungusap ang mga salita ng Diyos tungkol sa ngayon, kundi hinuhulaan din ang bukas. Ngayon ang pundasyon ng bukas, kaya, tulad ng makikita ngayon, walang sinumang lubos na makauunawa sa mga pagbigkas ng Diyos. Pagkatapos na ganap na matupad ang Kanyang mga salita, saka lamang mauunawaan ng mga tao ang kabuuan ng mga ito.
Pinupuno ng Espiritu ng Diyos ang lahat ng puwang sa sansinukob, subalit gumagawa rin Siya sa loob ng lahat ng tao. Dahil dito, sa puso ng mga tao, parang nasa lahat ng dako ang hugis ng Diyos at lahat ng lugar ay naglalaman ng gawain ng Kanyang Espiritu. Tunay nga, ang layunin ng pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao ay upang lupigin ang mga halimbawang ito ni Satanas at, sa huli, matamo ang mga ito. Gayunman, habang gumagawa sa katawang-tao, nakikipagtulungan din ang Espiritu sa katawang-tao upang baguhin ang mga taong ito. Masasabi na umaabot ang mga gawa ng Diyos sa buong mundo at na pinupuno ng Kanyang Espiritu ang buong sansinukob, ngunit dahil sa mga hakbang ng Kanyang gawain, yaong mga gumagawa ng masama ay hindi pa napaparusahan, samantalang yaong mga gumagawa ng mabuti ay hindi pa nagagantimpalaan. Samakatuwid, hindi pa napupuri ng lahat ng tao sa lupa ang Kanyang mga gawa. Siya ay kapwa nasa itaas at nasa loob ng lahat ng bagay; bukod pa riyan, Siya ay kasama ng lahat ng tao. Sapat na ito upang ipakita na talagang umiiral ang Diyos. Dahil hindi pa Siya hayagang nagpakita sa lahat ng tao, nakabuo sila ng mga ilusyon tulad ng, “Pagdating sa sangkatauhan, tila talagang umiiral Ako, subalit tila hindi rin Ako umiiral.” Sa lahat ng naniniwala ngayon sa Diyos, walang sinumang lubos na nakatitiyak, nang siyento-por-siyento, na tunay na umiiral ang Diyos; lahat sila ay tatlong bahaging nagdududa at dalawang bahaging naniniwala. Ganito ang paninindigan ng sangkatauhan ngayon. Lahat ng tao sa mga panahong ito ay nasa sumusunod na sitwasyon: Naniniwala sila na mayroong Diyos, ngunit hindi pa nila Siya nakikita; o, hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, ngunit maraming paghihirap na hindi kayang lutasin ng sangkatauhan. Tila palaging may isang bagay na nakapulupot sa kanila na hindi nila matakasan. Bagama’t naniniwala sila sa Diyos, tila palagi silang nakadarama ng kaunting kalabuan. Gayunman, kung hindi sila maniniwala, natatakot silang mawalan kung sakaling umiiral nga Siya. Nagdadalawang-isip sila.
“Alang-alang sa Aking pangalan, alang-alang sa Aking Espiritu, at alang-alang sa Aking buong plano ng pamamahala, sino ang makapag-aalay ng lahat ng kanilang lakas?” Sinabi rin ng Diyos, “Ngayon, kung kailan ang kaharian ay nasa mundo ng tao, ang panahon na naparito Ako nang personal sa sangkatauhan. Mayroon bang magsasapalaran na pumasok sa digmaan para sa Akin nang walang anumang pangamba?” Ang layunin ng mga salita ng Diyos ay ito: Kung hindi dahil sa direktang paggawa ng Diyos ng Kanyang banal na gawain sa katawang-tao, o kung hindi Siya nagkatawang-tao kundi sa halip ay gumawa Siya sa pamamagitan ng mga ministro, hindi magagawa ng Diyos kailanman na lupigin ang malaking pulang dragon, ni hindi Niya magagawang maghari bilang Hari sa piling ng mga tao. Hindi magagawa ng sangkatauhan na makilala ang Diyos Mismo sa realidad, kaya paghahari pa rin ito ni Satanas. Sa gayon, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang gawin ng Diyos nang personal, sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao sa laman. Kung binago ang katawang-tao, ang yugtong ito ng plano ay hindi maaaring makumpleto kailanman, dahil ang kabuluhan at ang diwa ng magkaibang laman ay hindi magiging pareho. Maiintindihan lamang ng mga tao ang mga pangungusap na ito bilang mga salita at mga doktrina, dahil naiintindihan ng Diyos ang ugat. Sabi ng Diyos, “Magkagayunman, kapag nasabi at nagawa na ang lahat, walang sinumang nakakaunawa kung ito ay kagagawan ng Espiritu o gawain ng katawang-tao. Buong buhay ang kakailanganin ng mga tao para lamang maranasan ang isang bagay na ito nang detalyado.” Nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga tao sa loob ng napakaraming taon, at matagal na nilang naiwala ang kanilang kamalayan tungkol sa mga espirituwal na bagay. Dahil dito, isang pangungusap lamang ng mga salita ng Diyos ay parang pinagpipiyestahan na ng mata ng mga tao. Dahil sa agwat sa pagitan ng Espiritu at ng mga espiritu, lahat ng naniniwala sa Diyos ay nakadarama ng pananabik sa Kanya, at lahat sila ay handang maging mas malapit sa Kanya at ibuhos ang kanilang puso. Gayunman, hindi sila nangangahas na makipag-ugnayan sa Kanya, at sa halip ay nananatili na lamang silang humahanga. Ito ang kapangyarihang umakit na taglay ng Espiritu. Dahil ang Diyos ay isang Diyos para mahalin ng mga tao, at mayroon Siyang walang-katapusang mga elemento para mahalin nila, minamahal Siya ng lahat at ninanais ng lahat na magtapat sa Kanya. Sa katunayan, lahat ay nagkikimkim ng pusong mapagmahal sa Diyos—kaya lamang ay napigilan ng mga panggugulo ni Satanas ang manhid, mapurol ang utak, at kaawa-awang mga tao na makilala ang Diyos. Kaya nga binanggit ng Diyos ang totoong damdamin ng mga tao para sa Kanya: “Hindi pa Ako kinamuhian ng mga tao kailanman sa kaibuturan ng kanilang puso; sa halip, kumakapit sila sa Akin sa kaibuturan ng kanilang espiritu. … Ang Aking realidad ay iniiwan ang mga tao na nalilito, tulala at naguguluhan, subalit handa silang tanggapin ito.” Ito ang aktwal na kundisyon sa kaibuturan ng puso ng mga naniniwala sa Diyos. Kapag tunay na nakikilala ng mga tao ang Diyos, natural na nagbabago ang kanilang saloobin sa Kanya, at nakakabigkas sila ng papuri mula sa kaibuturan ng kanilang puso dahil sa paggana ng kanilang espiritu. Naroon ang Diyos sa kaibuturan ng espiritu ng lahat ng tao, ngunit dahil sa pagtitiwali ni Satanas, inakala ng mga tao na ang Diyos si Satanas. Nagsisimula ang gawain ng Diyos ngayon sa problemang ito mismo, at sa espirituwal na mundo, ito na ang naging tuon ng digmaan mula simula hanggang katapusan.