Kabanata 17
Ang totoo, lahat ng pagbigkas na nagmumula sa bibig ng Diyos ay hindi alam ng mga tao; lahat ng ito ay pananalitang hindi pa narinig ng mga tao. Sa gayon, masasabi na ang mga salita mismo ng Diyos ay isang hiwaga. Karamihan sa mga tao ay nagkakamali sa paniniwala na ang mga hiwaga ay kinabibilangan lamang ng mga bagay na hindi maisip ng mga tao, mga bagay ng langit na tinutulutan ngayon ng Diyos na malaman ng mga tao, o ang katotohanan tungkol sa ginagawa ng Diyos sa espirituwal na mundo. Mula rito, malinaw na hindi pantay-pantay ang turing ng mga tao sa lahat ng salita ng Diyos, ni hindi nila pinahahalagahan ang mga ito; sa halip, nagtutuon sila sa pinaniniwalaan nila mismo na “mga hiwaga.” Pinatutunayan nito na hindi alam ng mga tao kung ano ang mga salita ng Diyos o kung ano ang mga hiwaga; binabasa lamang nila ang Kanyang mga salita sa loob ng saklaw ng sarili nilang mga kuru-kuro. Ang realidad ay na wala ni isang taong tunay na nagmamahal sa mga salita ng Diyos, at ito mismo ang ugat ng Kanyang pagsasabi na “bihasa ang mga tao sa panlilinlang sa Akin.” Hindi naman dahil sinasabi ng Diyos na walang anumang halaga ang mga tao o na napakagugulo nila; inilalarawan nito ang aktwal na sitwasyon ng sangkatauhan. Hindi malinaw sa mga tao mismo kung gaano kalaking puwang ang talagang sakop ng Diyos sa kanilang puso; Diyos lamang Mismo ang lubos na nakakaalam nito. Samakatuwid, sa ngayon, parang pasusuhing mga sanggol ang mga tao. Tungkol naman sa kung bakit sila umiinom ng gatas at bakit sila dapat manatiling buhay, lubos silang walang kamalayan. Ang ina lamang ang nakauunawa sa mga pangangailangan ng isang sanggol; hindi niya hahayaang mamatay ito sa gutom, ni hindi niya tutulutan ang sanggol na kumaing mag-isa hanggang sa mamatay. Ang Diyos ang lubos na nakakaalam sa mga pangangailangan ng mga tao, kaya paminsan-minsan ay nakapaloob sa Kanyang mga salita ang Kanyang pagmamahal, paminsan-minsan ay nahahayag ang Kanyang paghatol sa mga ito, paminsan-minsan ay nasasaktan ang mga tao sa mga ito sa kaibuturan ng kanilang puso, at paminsan-minsan ay tapat sila at masigasig. Tinutulutan nito ang mga tao na madama ang kabaitan at pagiging madaling malapitan ng Diyos, at na hindi Siya katulad ng inaakala ng ilan, na isang maringal na taong hindi maaaring salingin. Ni hindi Siya ang Anak ng Langit sa isipan ng mga tao, na hindi matitingnan sa mukha nang diretso, at lalong hindi Siya isang berdugo na pumapatay sa mga inosente, na tulad ng iniisip ng mga tao. Ang buong disposisyon ng Diyos ay nahahayag sa Kanyang gawain; ang disposisyon ng Diyos sa katawang-tao ngayon ay nakapaloob pa rin sa Kanyang gawain. Sa gayon, ang Kanyang ministeryo ay yaong mga salita, hindi kung ano ang Kanyang ginagawa o kung ano ang Kanyang hitsura. Sa huli, magtatamo ng pagpapatibay ang lahat mula sa mga salita ng Diyos at magagawang ganap dahil sa mga ito. Sa kanilang karanasan, sa paggabay ng mga salita ng Diyos, matatamo ng mga tao ang isang landas sa pagsasagawa, at sa pamamagitan ng mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos ay malalaman nila ang Kanyang buong disposisyon. Dahil sa Kanyang mga salita, matutupad ang buong gawain ng Diyos, mabubuhay ang mga tao, at matatalo ang lahat ng kaaway. Ito ang pangunahing gawain, na hindi maaaring balewalain ng sinuman. Tingnan natin ang Kanyang mga salita: “Umaalingawngaw ang Aking mga pagbigkas tulad ng kulog, na nagbibigay ng liwanag sa lahat ng direksyon at sa buong mundo, at sa gitna ng kulog at kidlat, pinapatay ang sangkatauhan. Wala pang taong nanatiling matatag kailanman sa gitna ng kulog at kidlat; karamihan sa mga tao ay lubhang nasisindak sa pagdating ng Aking liwanag at hindi malaman kung ano ang gagawin.” Kapag ibinubuka ng Diyos ang Kanyang bibig, lumalabas ang mga salita. Tinutupad Niya ang lahat sa pamamagitan ng mga salita, lahat ng bagay ay binabago ng mga ito, at lahat ay pinaninibago sa pamamagitan ng mga ito. Ano ang tinutukoy na “kulog at kidlat”? At ano ang tinutukoy na “liwanag”? Wala ni isang bagay ang makatatakas sa mga salita ng Diyos. Ginagamit Niya ang mga ito upang ilantad ang nasa isipan ng mga tao at ilarawan ang kanilang kapangitan; gumagamit Siya ng mga salita upang pakitunguhan ang dati nilang likas na pagkatao at ginagawang ganap ang lahat ng Kanyang mga tao. Hindi ba ito mismo ang kahalagahan ng mga salita ng Diyos? Sa buong sansinukob, kung wala ang suporta at pagpapalakas ng mga salita ng Diyos, malamang ay nawasak na ang buong sangkatauhan hanggang sa tuluyan silang maglaho. Ito ang prinsipyo ng ginagawa ng Diyos, at ang pamamaraang ginagamit Niya sa paggawa sa Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ipinapakita nito ang kahalagahan ng mga salita ng Diyos. Tumatagos ang mga ito sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao. Sa sandaling makita ng mga tao ang Kanyang mga salita, namamangha sila at natatakot, at nagmamadaling tumatalilis. Nais nilang takasan ang realidad ng Kanyang mga salita, na siyang dahilan kaya makikita ang mga “takas” na ito sa lahat ng dako. Sa sandaling lumabas ang mga salita ng Diyos, nagtatakbuhan na ang mga tao. Ito ang isang aspeto ng larawan ng kapangitan ng sangkatauhan na inilalarawan ng Diyos. Ngayon mismo, unti-unting nagigising ang lahat ng tao mula sa kanilang pagkatuliro; para bang lahat sila ay nagkaroon na dati ng demensya—at, ngayong nakikita nila ang mga salita ng Diyos, tila nararanasan nila ang nalalabing epekto ng sakit na iyon, at hindi nila mabawi ang dati nilang kalagayan. Ganito ang aktwal na kalagayan ng lahat ng tao, at ito rin ang tunay na paglalarawan ng mga salitang ito: “Maraming tao, na naantig sa bahagyang liwanag na ito, ang agad-agad na napukaw mula sa kanilang mga ilusyon. Subalit wala pang sinumang nakatanto na dumating na ang araw na bumababa sa mundo ang Aking liwanag.” Ito ang dahilan kaya sinabi ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay natulala sa biglaang pagdating ng liwanag.” Angkop na angkop ang ganitong pagkasabi. Ang paglalarawan ng Diyos sa sangkatauhan ay walang agwat, kahit ipasok pa ang dulo ng isang karayom, at talagang tumpak at walang mali ang pagkasabi Niya rito, na siyang dahilan kaya lubos na nakumbinsi ang lahat ng tao. Bukod pa riyan, ang hindi nila alam, nagsimula nang tumindi ang pagmamahal nila para sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa paraang ito lamang nagiging higit na tunay ang posisyon ng Diyos doon, at isang paraan din ito ng paggawa ng Diyos.
“Karamihan sa mga tao ay naguguluhan lamang; nasasaktan ang kanilang mga mata at inihagis sila ng liwanag sa putikan.” Dahil sinasalungat ng gayong mga tao ang kalooban ng Diyos (ibig sabihin, nilalabanan nila ang Diyos), kapag dumarating ang Kanyang mga salita, nagdaranas sila ng pagkastigo dahil sa kanilang pagkasuwail; kaya nga sinasabi na nasasaktan ang kanilang mga mata sa liwanag. Ang gayong uri ng mga tao ay naipasa na kay Satanas; kaya, sa pagpasok sa bagong gawain, wala silang taglay na kaliwanagan ni pagpapalinaw. Lahat ng walang gawain ng Banal na Espiritu ay nasakop na ni Satanas, at walang puwang para sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa gayon, sinasabi na “inihagis sila sa putikan.” Lahat ng nasa ganitong kundisyon ay nasa magulong kalagayan. Hindi sila makapasok sa tamang landasin, ni hindi nila mabawi ang normalidad; lahat ng iniisip nila ay salungat. Lahat ng nasa lupa ay nagawang tiwali nang sukdulan ni Satanas. Walang sigla ang mga tao at puno sila ng amoy ng mga bangkay. Nananatiling buhay ang lahat ng tao sa lupa sa gitna ng isang salot ng mga mikrobyo, na hindi matakasan ninuman. Ayaw nilang manatiling buhay sa lupa, ngunit lagi nilang nadarama na may mangyayaring isang bagay na mas dakila upang makita ng mga tao sa sarili nilang mga mata; sa gayon, pinipilit ng mga tao ang kanilang sarili na patuloy na mabuhay. Napakatagal na nilang walang lakas sa kanilang puso; ginagamit lamang nila ang kanilang di-nakikitang mga pag-asa bilang isang espirituwal na haligi, at sa gayon ay itinataas nila ang kanilang ulo sa pagkukunwari na sila ay mga tao at naguguluhan sa kanilang panahon sa lupa. Para bang lahat ng tao ay mga anak ng diyablong nagkatawang-tao. Kaya nga sinabi ng Diyos: “Natatakpan ng kaguluhan ang lupa, isang nakalulungkot na tanawin na, kapag sinuring mabuti, dumaranas ang isang tao ng napakatinding kalungkutan.” Dahil nagsimula na ang sitwasyong ito, sinimulan ng Diyos na “isabog ang mga binhi ng Aking Espiritu” sa buong sansinukob, at sinimulan Niyang isagawa ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa buong daigdig. Dahil ito sa pagsulong ng gawaing ito kaya sinimulan ng Diyos na magpaulan ng lahat ng uri ng sakuna, kaya naililigtas ang mga taong matitigas ang puso. Sa mga yugto ng gawain ng Diyos, ang pagliligtas ay nasa anyo pa rin ng iba-ibang sakuna, at walang sinumang tiyak na mapapahamak ang makakatakas sa mga ito. Sa huli lamang magiging posible na makamit ang isang sitwasyon sa lupa na “kasing-payapa ng ikatlong langit: Dito, ang mga bagay na may buhay, malaki man o maliit, ay sama-samang umiiral nang magkakasundo, na hindi nakikisangkot kailanman sa ‘mga pagtatalo ng bibig at dila.’” Ang isang aspeto ng gawain ng Diyos ay lupigin ang buong sangkatauhan at maangkin ang mga taong hinirang sa pamamagitan ng Kanyang mga salita; ang isa pa ay lupigin ang lahat ng anak na suwail sa pamamagitan ng iba’t ibang sakuna. Isang bahagi ito ng malawakang gawain ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang lubusang makakamtan ang kaharian sa lupa na nais ng Diyos, at ito ang bahagi ng Kanyang gawain na lantay na ginto.
Palaging hinihiling ng Diyos na maintindihan ng mga tao ang dinamika ng langit. Talaga bang makakamtan nila ito? Ang realidad ay na, batay sa kasalukuyang aktwal na kalagayan ng mga tao na nagawang tiwali ni Satanas nang mahigit 5,900 taon, hindi sila maikukumpara kay Pedro; sa gayon, talagang hindi nila makakamtan ito. Isa ito sa mga pamamaraan ng gawain ng Diyos. Hindi Niya paghihintayin ang mga tao nang wala silang ginagawa; sa halip ay aktibo Niya silang paghahanapin. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng pagkakataon ang Diyos na gumawa sa mga tao. Makabubuting handugan kayo ng kaunti pang paliwanag; kung hindi, magkakaroon lamang ng mababaw na pagkaunawa ang mga tao. Matapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan at pagkalooban sila ng mga espiritu, inutusan Niya sila na kung hindi sila tatawag sa Kanya, hindi sila makakaugnay sa Kanyang Espiritu at, sa gayon, imposibleng matanggap sa lupa ang “telebisyong panghimpapawid” mula sa langit. Kapag wala na ang Diyos sa espiritu ng mga tao, may naiwang isang upuang walang-laman para sa iba pang mga bagay, at sa gayon ay sinasamantala ni Satanas ang pagkakataong makapasok. Kapag ang mga tao ay nakikipag-ugnayan sa Diyos sa kanilang puso, natataranta kaagad si Satanas at nagmamadaling tumakas. Sa pamamagitan ng mga pagsamo ng sangkatauhan, ibinibigay sa kanila ng Diyos ang kailangan nila, ngunit hindi Siya “tumatahan” sa loob nila sa simula. Palagi lamang Niya silang binibigyan ng tulong dahil sa kanilang mga pagsamo, at mula sa lakas ng kaloobang iyon nagtatamo ng tibay ang mga tao, kaya hindi nangangahas si Satanas na pumasok para “maglaro” kung kailan niya gusto. Kaya, kung patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga tao sa Espiritu ng Diyos, hindi nangangahas si Satanas na pumasok at magsanhi ng mga kaguluhan. Kung wala ang mga panggugulo ni Satanas, normal ang buhay ng lahat ng tao, at sa gayon ay may pagkakataon ang Diyos na gumawa sa kanilang kalooban nang walang hadlang. Sa gayon, maisasakatuparan ang nais gawin ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao. Mula rito malalaman kung bakit laging hinihiling ng Diyos sa mga tao na lakasan ang kanilang pananampalataya, at nasabi rin Niya: “Gumagawa Ako ng angkop na mga hinihingi ayon sa tayog ng tao sa lupa. Hindi Ko pinaghirap ang sinuman kailanman, ni hindi Ko hiningi sa kaninuman na ‘pigain ang kanyang dugo’ para sa Aking kaluguran.” Karamihan sa mga tao ay naguguluhan sa mga hinihiling ng Diyos. Nagtataka sila kung bakit, dahil walang gayong kakayahan ang mga tao at hindi na maalis ang pagtitiwali sa kanila ni Satanas, patuloy na gumagawa ng mga kahilingan ang Diyos sa kanila. Hindi ba inilalagay ng Diyos ang mga tao sa isang mahirap na katayuan? Nakikita ang kanilang seryosong mga mukha, at pagkatapos ay nakikita ang kanilang nakakaasiwang hitsura, hindi mo mapipigilang tumawa. Ang iba-ibang kapangitan ng mga tao ang pinaka-nakatatawa: Paminsan-minsan, para silang mga batang mahilig maglaro, samantalang paminsan-minsan ay para silang isang batang babaeng musmos na nagkukunwaring “nanay.” Kung minsan para silang isang asong kumakain ng daga. Hindi alam ng isang tao kung tatawa o iiyak sa lahat ng pangit na kalagayan nilang ito, at kadalasan, kapag mas hindi maintindihan ng mga tao ang kalooban ng Diyos, mas malamang na mapahamak sila. Kaya, ang sumusunod na mga salita ng Diyos—“Ako ba ang Diyos na nagpapataw lamang ng katahimikan sa mga nilalang?”—ay sapat na upang ipakita kung gaano kahangal ang mga tao, at ipinakikita rin ng mga ito na walang taong makakaunawa sa kalooban ng Diyos. Kahit isinasatinig Niya kung ano ang Kanyang kalooban, hindi nila ito mapagbigyan. Ginagawa lamang nila ang gawain ng Diyos ayon sa kalooban ng tao. Sa gayon, paano nila maiintindihan ang Kanyang kalooban? “Lumalakad Ako sa lupa, nagsasabog ng Aking bango sa lahat ng dako, at, sa bawat lugar, iniiwan Ko ang Aking anyo. Sa bawat lugar ay umaalingawngaw ang Aking tinig. Ginugunita ng mga tao sa lahat ng dako ang magagandang tanawin ng kahapon, sapagkat naaalala ng buong sangkatauhan ang nakaraan …” Ito ang magiging kalagayan kapag naitatatag ang kaharian. Sa katunayan, sa ilang lugar, naipropesiya na ng Diyos ang kagandahan ng kaganapan ng kaharian, at ang pagsasama-sama ng lahat ng ito ang bumubuo sa buong larawan ng kaharian. Gayunman, hindi ito pinapansin ng mga tao; pinanonood lamang nila ito na parang isang cartoon.
Dahil sa maraming milenyo ng katiwalian ni Satanas, laging nabubuhay ang mga tao sa kadiliman, kaya hindi sila nababagabag nito, ni hindi sila nasasabik sa liwanag. Dahil dito, humantong na ito sa sumusunod kapag dumarating ngayon ang liwanag, “tutol silang lahat sa Aking pagdating, at itinataboy nila ang pagdating ng liwanag, na parang kaaway Ako ng tao sa langit. Sinasalubong Ako ng tao nang may pananggalang na liwanag sa kanyang mga mata.” Bagama’t karamihan sa mga tao ay taos-pusong nagmamahal sa Diyos, hindi pa rin Siya nasisiyahan, at pinarurusahan pa rin Niya ang sangkatauhan. Nakalilito ito sa mga tao. Dahil naninirahan sila sa kadiliman, naglilingkod pa rin sila sa Diyos tulad ng ginagawa nila kapag walang liwanag. Ibig sabihin, naglilingkod sa Diyos ang lahat ng tao gamit ang sarili nilang mga kuru-kuro, at kapag dumarating Siya, gayon ang kanilang kundisyon, at hindi nila kayang maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa bagong liwanag; sa halip, pinaglilingkuran nila Siya gamit ang lahat ng karanasan nila mismo. Hindi nagagalak ang Diyos sa “debosyon” ng sangkatauhan, kaya ang liwanag ay hindi mapupuri ng mga tao sa kadiliman. Kaya nga sinabi ng Diyos ang mga salitang binanggit sa itaas; talagang hindi ito taliwas sa realidad, at hindi ito pagmaltrato ng Diyos sa sangkatauhan, ni hindi Niya sila ginagawan ng mali. Mula sa paglikha ng mundo, wala ni isang tao na talagang nakalasap ng init ng pagmamahal ng Diyos; nag-iingat ang lahat ng tao sa Diyos, natatakot nang husto na pabagsakin Niya sila at puksain. Sa gayon, sa loob ng mahigit 6,000 taong ito, palaging pinapalitan ng Diyos ng init ng pagmamahal ang katapatan ng mga tao, at patuloy silang matiyagang ginagabayan nang paulit-ulit. Ito ay dahil napakahina ng mga tao, at hindi nila lubusang malaman ang kalooban ng Diyos o mahalin Siya nang buong-puso, sapagkat hindi nila mapigilang magpailalim sa manipulasyon ni Satanas. Magkagayunman, nanatiling mapagparaya ang Diyos, at balang araw, matapos maging napakatiyaga—ibig sabihin, kapag pinanibago Niya ang mundo—hindi na Niya kakalingain ang mga tao na tulad ng isang ina. Sa halip, bibigyan Niya ang sangkatauhan ng nararapat na ganti na angkop sa kanila. Dahil dito, ganito ang mangyayari: “Tinatangay ang mga bangkay sa ibabaw ng karagatan,” samantalang “sa mga lugar na walang tubig, tinatamasa pa rin ng ibang mga tao, sa gitna ng tawanan at awitan, ang mga pangakong naipagkaloob Ko sa kanila.” Ito ay isang pagkukumpara sa pagitan ng mga hantungan ng mga pinarurusahan at ng mga ginagantimpalaan. Ang “ibabaw ng karagatan” ay tumutukoy sa walang-hanggang kalaliman ng pagkastigo sa sangkatauhan, na nabanggit ng Diyos. Ito ang hantungan ni Satanas, at ito ang “dakong pahingahan” na naihanda ng Diyos para sa lahat ng lumalaban sa Kanya. Noon pa man ay nais na ng Diyos ang tunay na pagmamahal ng sangkatauhan, subalit hindi ito alam at hindi ito namamalayan ng mga tao, at ginagawa pa rin nila ang kanilang sariling gawain. Dahil dito, sa lahat ng Kanyang mga salita, palaging humihiling ng mga bagay-bagay ang Diyos mula sa mga tao at itinuturo ang kanilang mga pagkukulang, at itinuturo ang landas ng pagsasagawa para sa kanila, upang makapagsagawa sila ayon sa mga salitang ito. Naipakita na Niya ang Kanyang sariling saloobin sa mga tao: “Subalit hindi Ko pinaglaruan kailanman ang buhay ng isang tao na parang isang laruan. Minamasdan Ko ang mga pasakit na nararanasan ng tao at nauunawaan Ko ang halagang kanyang naisakripisyo. Habang nakatayo siya sa Aking harapan, ayaw Kong gulatin ang tao para kastiguhin siya, ni ayaw Ko siyang pagkalooban ng mga bagay na di-kanais-nais. Sa halip, sa buong panahong ito, natustusan Ko lamang at nabigyan ang tao.” Kapag binabasa ng mga tao ang mga salitang ito na nagmula sa Diyos, agad nilang nadarama ang init ng Kanyang pagmamahal, at iniisip nila: Tunay nga, noong araw ay gumugol ako para sa Diyos, ngunit natrato ko rin Siya nang walang sigla, at nagreklamo ako sa Kanya paminsan-minsan. Noon pa man ay ginagabayan na ako ng Diyos sa Kanyang mga salita, at masyado Siyang nagbibigay-pansin sa aking buhay, subalit paminsan-minsan ay pinaglalaruan ko ito na parang isang laruan. Hindi Ko talaga dapat gawin ito. Mahal na mahal ako ng Diyos, kaya bakit hindi ako makapagsikap nang sapat? Kapag naiisip nila ito, talagang gustong sampalin ng mga tao ang sarili nilang mukha, at kumikibot pa ang ilong ng ilang tao at sumisigaw sila nang malakas. Nauunawaan nang husto ng Diyos ang kanilang iniisip at sinasabi, at ang ilang salitang ito—na hindi matigas ni malambot—ay naghihikayat ng pagmamahal ng mga tao para sa Kanya. Sa huli, ipinropesiya ng Diyos ang pagbabago sa Kanyang gawain kapag buo na ang kaharian sa lupa: Kapag narito ang Diyos sa lupa, magiging malaya ang mga tao mula sa mga sakuna at kalamidad, at makakayang magpasarap sa biyaya; gayunman, kapag sinimulan Niya ang paghatol ng dakilang araw, iyon ay kapag nagpapakita Siya sa lahat ng tao, at matatapos ang Kanyang buong gawain sa lupa. Sa panahong iyon, dahil dumating na ang araw na iyon, magiging tulad lamang ito ng nakasaad sa Bibliya: “Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang banal, ay magpakabanal pa.” Ang masama ay hahantong sa pagkastigo, at ang banal ay haharap sa luklukan. Wala ni isang tao ang magtatamo ng pagpapalayaw ng Diyos; kahit ang mga anak at mga tao ng kaharian. Lahat ito ay katuwiran ng Diyos, at lahat ito ay isang paghahayag ng Kanyang disposisyon. Hindi Siya magpapakita ng pag-aalala sa mga kahinaan ng sangkatauhan sa pangalawang pagkakataon.