Kabanata 18

Lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng bahagi ng Kanyang disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi lubusang maipapahayag sa mga salita, kaya sapat na ito upang ipakita kung gaano talaga ang kasaganaang nasa Kanya. Kung ano ang nakikita at nahihipo ng mga tao, kunsabagay, ay limitado, gaya ng kakayahan ng mga tao. Bagama’t malinaw ang mga salita ng Diyos, hindi kaya ng mga tao na lubusang maunawaan ang mga ito. Ipaghalimbawa na ang mga salitang ito: “Sa isang paghaginit ng kidlat, nabubunyag ang tunay na anyo ng bawat hayop. Gayundin naman, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, tiwaling mundo noong araw! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naglaho sa putikan!” Lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng Kanyang pagkatao, at bagama’t batid ng lahat ng tao ang mga salitang ito, walang nakaalam ng kahulugan ng mga ito kailanman. Sa mga mata ng Diyos, lahat ng lumalaban sa Kanya ay Kanyang mga kaaway, ibig sabihin, yaong mga nabibilang sa masasamang espiritu ay mga hayop. Mula rito, mapapansin ng isang tao ang totoong kalagayan ng iglesia. Lahat ng tao ay nililiwanagan ng mga salita ng Diyos, at sa liwanag na ito, sinusuri nila ang kanilang sarili nang hindi sumasailalim sa pangangaral o pagkastigo o tuwirang pagtitiwalag ng iba, nang hindi sumasailalim sa iba pang mga paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay, at hindi itinuturo ng iba ang mga bagay-bagay. Mula sa “pananaw ng isang mikroskopyo,” nakikita nila nang napakalinaw kung gaano talaga kalala ang sakit na nasa loob nila. Sa mga salita ng Diyos, bawat klase ng espiritu ay inuuri at inihahayag sa orihinal na anyo nito; ang mga may espiritu ng mga anghel ay higit na pinagliliwanag at nililiwanagan, kaya nga ganito ang mga salita ng Diyos: “nabawi na nila ang kabanalang minsan nilang tinaglay.” Ang mga salitang ito ay batay sa huling resultang nakamit ng Diyos. Sa sandaling ito, siyempre pa, hindi pa lubos na makakamit ang resultang ito—patikim lamang ito, para makita rito ang kalooban ng Diyos. Sapat na ang mga salitang ito upang ipakita na maraming tao ang magpapatirapa sa mga salita ng Diyos at matatalo sa unti-unting proseso ng pagpapabanal sa lahat ng tao. Dito, hindi sinasalungat ng “naglaho sa putikan” ang pagwasak ng Diyos sa mundo gamit ang apoy, at ang “kidlat” ay tumutukoy sa galit ng Diyos. Kapag inilalabas ng Diyos ang Kanyang matinding galit, mararanasan ng buong mundo ang lahat ng uri ng sakuna dahil dito, tulad ng pagputok ng isang bulkan. Nakatayo sa itaas sa langit, makikita na sa lupa, lahat ng uri ng kalamidad ay dumarating sa buong sangkatauhan, papalapit bawat araw. Habang nakatingin sa ibaba mula sa itaas, nagpapakita ang daigdig ng sari-saring mga tagpo na gaya noong bago dumating ang isang lindol. Hindi mapigil ang pagkalat ng likidong apoy, dumadaloy nang malaya ang kumukulong putik, nagbabago ang mga bundok, at kumikislap ang malamig na liwanag sa lahat. Nasadlak na sa apoy ang buong mundo. Ito ang tagpo ng paglalabas ng Diyos ng Kanyang galit, at ito ang panahon ng Kanyang paghatol. Lahat ng mayroong laman at dugo ay hindi makakatakas. Sa gayon, ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa at mga alitan sa pagitan ng mga tao ay hindi kakailanganin para wasakin ang buong mundo; sa halip, ang mundo ay “sadyang masisiyahan sa sarili nito” sa loob ng duyan ng pagkastigo ng Diyos. Walang makakatakas; bawat tao ay kailangang magdaan sa pagsubok na ito, nang isa-isa. Pagkatapos niyon, ang buong sansinukob ay muling kikislap sa banal na kaningningan at ang buong sangkatauhan ay muling magsisimula ng isang bagong buhay. At mamamahinga ang Diyos sa ibabaw ng sansinukob at pagpapalain ang buong sangkatauhan bawat araw. Hindi na magiging lubhang mapanglaw ang langit, kundi mapapanumbalik ang siglang hindi na nito tinaglay mula nang likhain ang mundo, at ang pagsapit ng “ikaanim na araw” ay kung kailan magsisimula ang Diyos ng isang bagong buhay. Ang Diyos at sangkatauhan ay kapwa papasok sa kapahingahan at ang sansinukob ay hindi na magiging malabo o marumi, kundi mapapanibago. Kaya nga sinabi ng Diyos: “Hindi na tahimik at walang ingay na parang libingan ang mundo, hindi na mapanglaw at malungkot ang langit.” Sa kaharian ng langit, hindi nagkaroon kailanman ng kasamaan o mga damdamin ng tao, o anuman sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, dahil wala roon ang panggugulo ni Satanas. Nauunawaang lahat ng “mga tao” ang mga salita ng Diyos, at ang buhay sa langit ay isang buhay na puno ng kagalakan. Lahat ng nasa langit ay may karunungan at dignidad ng Diyos. Dahil sa mga pagkakaiba sa pagitan ng langit at lupa, ang mga mamamayan ng langit ay hindi tinatawag na “mga tao”; sa halip, tinatawag sila ng Diyos na “mga espiritu.” May mahahalagang pagkakaiba ang dalawang salitang ito—yaong mga tinatawag ngayon na “mga tao” ay nagawang tiwali ni Satanas, samantalang ang “mga espiritu” ay hindi. Sa huli, gagawin ng Diyos ang mga tao sa lupa na mga nilalang na may mga katangian ng mga espiritu sa langit, at sa gayon ay hindi na sila mapapailalim sa panggugulo ni Satanas. Ito ang tunay na kahulugan ng mga salitang “Ang Aking kabanalan ay umabot na sa buong sansinukob.” “Ang mundo sa una nitong kalagayan ay pag-aari ng langit, at ang langit ay kaugnay ng lupa. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa, at dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa ukol sa langit.” Sinasabi ito patungkol sa mga taong may mga espiritu ng mga anghel, at sa puntong ito, muling magagawa ng “mga anghel” na sama-samang umiral nang payapa at mabawi ang kanilang orihinal na kalagayan, hindi na nahahati ng katawang-tao sa pagitan ng mga dako ng langit at lupa. Magagawang makipag-ugnayan ng “mga anghel” sa lupa sa mga anghel sa langit, malalaman ng mga tao sa lupa ang mga hiwaga ng langit, at malalaman ng mga anghel sa langit ang mga lihim ng mundo ng tao. Magkakaisa ang langit at lupa, at walang agwat sa pagitan ng mga ito. Ito ang kagandahan ng kaganapan ng kaharian. Ito ang kukumpletuhin ng Diyos, at isang bagay ito na inaasam ng lahat ng tao at espiritu. Ngunit walang alam ang mga nasa relihiyosong mundo tungkol dito. Naghihintay lamang sila kay Jesus na Tagapagligtas na dumating sakay ng isang puting ulap at kunin ang kanilang kaluluwa, na iniiwan ang “basura” na nakakalat sa buong daigdig (ang “basura” ay tumutukoy rito sa mga bangkay). Hindi ba ito isang kuru-kuro ng lahat ng tao? Kaya nga sinabi ng Diyos: “Ah, ang relihiyosong mundo! Paanong hindi ito mawawasak ng Aking awtoridad sa lupa?” Dahil nagawa nang ganap ang mga tao ng Diyos sa lupa, mababaligtad ang relihiyosong mundo. Ito ang tunay na kahulugan ng “awtoridad” na binanggit ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Mayroon ba, sa Aking panahon, na nagbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan? Ang lahat ng tao ay nakatitig sa Akin nang may takot, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin.” Ito ang Kanyang sinabi tungkol sa mga bunga ng pagkawasak ng relihiyosong mundo. Magpapasakop ito nang buung-buo sa harap ng luklukan ng Diyos dahil sa Kanyang mga salita, at hindi na maghihintay pang bumaba ang isang puting ulap o tumingin sa langit, kundi sa halip ay malulupig sa harap ng luklukan ng Diyos. Kaya ang mga salitang “sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin”—ito ang kalalabasan ng relihiyosong mundo, na lulupiging lahat ng Diyos. Ito ang tinutukoy ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos—pagpapabagsak sa lahat ng relihiyosong tao, ang pinakasuwail sa sangkatauhan, upang hindi na sila muling kumapit kailanman sa sarili nilang mga kuru-kuro upang makilala nila ang Diyos.

Bagama’t paulit-ulit nang nakinita sa mga salita ng Diyos ang kagandahan ng kaharian, nabanggit ang iba’t ibang aspeto nito at inilarawan ito mula sa iba’t ibang mga pananaw, hindi pa rin lubos na maipapahayag ng mga ito ang bawat kalagayan ng Kapanahunan ng Kaharian dahil ang kakayahang tumanggap ng mga tao ay kulang na kulang. Nasambit na ang lahat ng salita ng Kanyang mga pahayag, ngunit hindi pa nasusuri nang husto ng mga tao ang mga ito, gamit ang mga X-ray, ika nga, at sa gayon ay hindi nila ito malinawan at maunawaan, at naguguluhan pa nga sila. Ito ang pinakamalaking depekto ng laman. Bagama’t sa kanilang puso, nais ng mga tao na mahalin ang Diyos, nilalabanan nila Siya dahil sa panggugulo ni Satanas, kaya pinupukaw na ng Diyos maya’t maya ang manhid at hangal na puso ng mga tao upang magising sila. Ang inilalantad lamang ng Diyos ay ang kapangitan ni Satanas, kaya kapag mas marahas ang Kanyang mga salita, mas napapahiya si Satanas, mas lumuluwag ang gapos sa puso ng mga tao, at mas mapupukaw ang pagmamahal ng mga tao. Ganito kung gumawa ang Diyos. Dahil nailantad na si Satanas at dahil nakita ang kalooban nito, hindi na ito nangangahas na sakupin ang puso ng mga tao, at sa gayon ay hindi na nagugulo ang mga anghel. Sa ganitong paraan, minamahal nila ang Diyos nang kanilang buong puso’t isipan. Sa pagkakataong ito malinaw na makikita na, sa kanilang tunay na pagkatao, ang mga anghel ay pag-aari ng Diyos at mahal nila ang Diyos. Sa landas na ito lamang matutupad ang kalooban ng Diyos. “Sa kaibuturan ng puso ng lahat ng tao, mayroon nang puwang para sa Akin. Hindi Ko na tutugunan ng pagkamuhi o pagtatakwil ang mga tao, sapagkat naisakatuparan na ang Aking dakilang gawain, at wala nang humahadlang.” Ito ang kahulugan ng inilarawan sa itaas. Dahil sa panggugulo ni Satanas, walang oras ang mga tao para mahalin ang Diyos at lagi silang napupuluputan ng mga bagay ng mundo at nalilinlang ni Satanas kaya kumikilos sila dahil sa kalituhan. Kaya nga sinabi na ng Diyos na ang sangkatauhan ay “sumailalim na sa napakaraming hirap ng buhay, napakaraming kawalang-katarungan ng mundo, napakaraming pagkabagabag sa mundo ng tao, ngunit ngayon ay nananahan sila sa Aking liwanag. Sino ang hindi umiiyak sa mga kawalang-katarungan ng nakaraan?” Nang marinig ng mga tao ang mga salitang ito, pakiramdam nila ay parang kapareha nila ang Diyos sa kalungkutan, nakikiramay sa kanila at, sa sandaling iyon, ibinabahagi ang kanilang mga reklamo. Bigla nilang nadarama ang pasakit ng mundo ng tao at iniisip nila: “Totoo talaga iyan—hindi ako nasiyahan kailanman sa anumang bagay sa mundo. Mula nang lumabas ako mula sa sinapupunan ng aking ina hanggang ngayon, naranasan ko na ang buhay ng tao at wala akong napalang anuman, kundi labis akong nagdusa. Hungkag talaga ang lahat! At ngayon ay labis akong ginawang tiwali ni Satanas! Ah! Kung hindi dahil sa pagliligtas ng Diyos, pagsapit ng oras ng aking kamatayan, hindi ba walang kabuluhan ang buhay ko? Mayroon bang anumang kahulugan ang buhay ng tao? Kaya pala sinabi ng Diyos na lahat na nasa ilalim ng araw ay hungkag. Kung hindi ako naliwanagan ng Diyos ngayon, nasa kadiliman pa rin sana ako. Nakakaawa!” Sa puntong ito, may nabuong pangamba sa kanilang puso: “Kung hindi ko makakamtan ang pangako ng Diyos, paano ako patuloy na mabubuhay?” Lahat ng nagbabasa sa mga salitang ito ay talagang mapapaiyak habang nagdarasal. Ganyan ang sikolohiya ng tao. Imposibleng basahin ito ng isang tao nang hindi nagkakaroon ng anumang reaksyon, maliban kung hindi matino ang kanilang pag-iisip. Araw-araw, inihahayag ng Diyos ang mga kalagayan ng lahat ng klase ng mga tao. Kung minsan, naglalabas Siya ng mga hinaing para sa kanila. Kung minsan, tinutulungan Niya ang mga tao na tagumpay na malampasan ang isang partikular na sitwasyon. Kung minsan, itinuturo Niya ang “mga pagbabago” ng mga tao para sa kanila. Kung hindi, hindi malalaman ng mga tao kung gaano na sila lumago sa buhay. Kung minsan, itinuturo ng Diyos ang mga karanasan ng mga tao sa realidad, at kung minsan, itinuturo Niya ang kanilang mga kakulangan at kapintasan. Kung minsan, nagbibigay Siya ng mga bagong kahilingan sa kanila, at kung minsan, itinuturo Niya ang antas ng kanilang pagkaunawa sa Kanya. Gayunman, sinabi na rin ng Diyos: “Narinig Ko na ang taos-pusong mga salitang sinambit ng napakaraming tao, mga kuwento mula sa napakaraming tao tungkol sa kanilang masasakit na karanasan sa gitna ng pagdurusa; napakarami Ko nang nakita, na napakagrabe ng kalagayan, na walang maliw na naghahandog ng kanilang katapatan sa Akin, at napakarami Ko nang namasdan, nang tahakin nila ang mabatong landas, na naghanap ng daan para makalabas.” Ito ay isang paglalarawan ng mga positibong tauhan. Sa bawat kabanata ng “drama ng kasaysayan ng tao,” hindi lamang mga positibong tauhan ang naroon kundi pati na mga negatibong tauhan. Samakatuwid, patuloy na inihahayag ng Diyos ang kapangitan ng mga negatibong tauhang ito. Sa gayon, sa pamamagitan lamang ng kaibhan nila sa “mga traydor” nabubunyag ang di-natitinag na katapatan at walang-takot na katapangan ng “mga taong matuwid.” Sa buhay ng lahat ng tao, mayroong mga negatibong bagay at, walang eksepsyon, mayroon ding mga positibong bagay. Ginagamit sila pareho ng Diyos upang ihayag ang katotohanan tungkol sa lahat ng tao, upang magyuko ng ulo ang mga traydor at umamin sa kanilang mga kasalanan, at upang sa paghihikayat ay patuloy na maging matapat ang mga taong matuwid. Ang mga implikasyon ng mga salita ng Diyos ay napakalalim. Kung minsan, binabasa ng mga tao ang mga ito at nag-aalumpihit sa katatawa, samantalang sa ibang mga pagkakataon, tahimik lamang silang nagyuyuko ng ulo. Kung minsan ay ginugunita nila ang nakaraan, kung minsan naman ay umiiyak sila nang may kapaitan at inaamin ang kanilang mga kasalanan, kung minsan ay nangangapa sila, at kung minsan ay naghahanap sila. Sa kabuuan, may mga pagbabago sa mga reaksyon ng mga tao dahil sa iba’t ibang sitwasyon kung saan nagsasalita ang Diyos. Kapag binabasa ng isang tao ang mga salita ng Diyos, kung minsan ay maaari pa ngang mapagkamalan ng mga istambay na sira ang ulo ng taong iyon. Pag-isipan ang mga salitang ito: “Kaya nga, wala na ang mga kontrahang pagtatalo sa lupa, at, kasunod ng paglabas ng Aking mga salita, inalis ang sari-saring ‘mga armas’ ng modernong panahon.” Ang salitang “mga armas” ay sapat na upang magpasimula ng tawanan sa buong maghapon, at kung sakaling maalaala ng isang tao ang salitang “mga armas,” hahagalpak sila ng tawa sa kanilang sarili. Hindi ba ganoon? Paanong hindi ka matatawa rito?

Kapag tumatawa ka, huwag mong kalimutang unawain ang mga hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan, at huwag mong kalimutang tingnan ang tunay na kalagayan ng iglesia: “Nakabalik na ang buong sangkatauhan sa normal na kalagayan at nagsimula na sa isang bagong buhay. Nananahan sa mga bagong kapaligiran, inililibot ng maraming tao ang kanilang tingin sa paligid, na nadarama na para silang nakapasok sa isang lubos na panibagong mundo, at dahil dito, hindi sila makaangkop kaagad sa kanilang kasalukuyang kapaligiran o makapasok kaagad sa tamang landas.” Ito ang kasalukuyang tunay na kalagayan ng iglesia. Huwag kang masyadong mag-alala na makapasok kaagad ang lahat ng tao sa tamang landas. Kapag nakasulong na ang gawain ng Banal na Espiritu sa isang partikular na punto, papasukin ito ng lahat ng tao nang hindi nila namamalayan. Kapag nauunawaan mo ang pinakadiwa ng mga salita ng Diyos, malalaman mo kung hanggang saang punto na ang nagawa ng Kanyang Espiritu. Ang kalooban ng Diyos ay: “Nangangasiwa lamang Ako, ayon sa kasamaan ng tao, ng isang angkop na sukat ng ‘pagtuturo,’ upang mas magawa ng lahat na tumahak sa tamang landas.” Ito ang paraan ng pagsasalita at paggawa ng Diyos, at ito rin ang partikular na landas ng pagsasagawa ng sangkatauhan. Pagkatapos nito, itinuro Niya para sa mga tao ang isa pa sa mga kalagayan ng sangkatauhan: “Kung ayaw ng mga tao na tamasahin ang lubos na kaligayahang nasa Akin, makakaayon lamang Ako sa kung saan nila naituon ang kanilang puso at ipadadala Ko sila sa walang-hanggang kalaliman.” Puspusang nagsalita ang Diyos at iniwan ang mga tao na wala kahit kapirasong pagkakataon para magreklamo. Ito mismo ang pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at tao. Palaging nagsasalita nang hayagan at malaya ang Diyos sa tao. Sa lahat ng sinasabi ng Diyos, nakikita ng isang tao ang Kanyang pusong taos, na nagiging dahilan para ikumpara ng mga tao ang sarili nilang puso sa Kanyang puso at nagagawa nilang buksan ang kanilang puso sa Kanya, upang makita Niya kung saang kulay ng bahaghari sila kasama. Hindi napuri ng Diyos ang pananampalataya o pagmamahal ng sinumang tao kailanman, kundi palagi na Niyang hinihilingan ang mga tao at inilalantad ang kanilang kapangitan. Ipinapakita nito kung gaano kaliit ang “tayog” ng mga tao at gaano kalaki ang kulang sa kanilang “pangangatawan.” Kailangan nila ng mas maraming “ehersisyo” para mapunan ang mga kakulangang ito, kaya nga palaging “naglalabas ng Kanyang galit” ang Diyos sa mga tao. Balang araw, kapag naihayag na ng Diyos ang buong katotohanan tungkol sa sangkatauhan, magagawang ganap ang mga tao, at mapapanatag ang Diyos. Hindi na aamuin ng mga tao ang Diyos, at hindi na Niya sila “tuturuan.” Mula sa sandaling iyon, ang mga tao ay magagawa nang “mamuhay nang mag-isa,” ngunit hindi pa ngayon. Marami pa ring matatawag na “huwad” sa kalooban ng mga tao, at ilang ulit pang pagsusuri ang kailangan, ilang ulit pang “mga pagsisiyasat” kung saan maaaring bayaran nang wasto ang kanilang “mga buwis.” Kung mayroon pa ring mga huwad na produkto, kukumpiskahin ang mga ito para hindi maibenta, at pagkatapos ay sisirain ang bunton ng mga kontrabandong produktong iyon. Hindi ba magandang paraan ito ng paggawa ng mga bagay-bagay?

Sinundan: Kabanata 17

Sumunod: Kabanata 19

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito