Ang Pagbabahagi Tungkol sa Himnong “Dahil sa Pag-ibig”
(Pagbabahaginan kasama ang pangkat ng mga mang-aawit ng himno)
Sa lahat ng himnong tungkol sa buhay iglesia na naririnig Kong kinakanta ninyo, napakakaunti pa rin sa mga ito ang tungkol sa praktikal na karanasan. Sa karamihan ng mga himno, napakababaw ng mga karanasan; walang masyadong naitutulong sa mga tao ang pagkanta ng mga ito. Ang ilan sa mga himnong ito ay binubuo lamang ng walang saysay na teorya, wala ni katiting na realidad. Tingnan natin bilang halimbawa ang, “Dahil sa Pag-ibig,” “Napakalalim ng Pag-ibig ng Diyos sa Atin,” at “Walang-hanggang Pag-ibig,” lahat ng ito ay walang saysay, teoretikal, at binubuo ng mga walang kabuluhang salita; talagang hindi praktikal ang mga ito. Ano ang tingin ninyo sa mga liriko ng tatlong himnong ito? Walang saysay ang lahat ng ito, ang lahat ng ito ay mga salita lamang mula sa mga haka-haka at imahinasyon ng mga tao; walang itinatampok ang mga ito na anumang salita tungkol sa praktikal na karanasan. Kung hindi man lang kaya ng isang taong magsulat ng mga himnong tungkol sa karanasan, pero gusto pa rin niyang magsulat ng mga himno ng papuri sa Diyos, hindi ba’t higit ito sa kanyang kakayahan? Posible ba para sa isang ordinaryong tao na masaksihan kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, at na masaksihan ang diwa ng Diyos? Ilang tao ang kayang gumawa nito? Kung wala kang alam tungkol sa Diyos at isusulat mo ang lahat ng haka-haka at imahinasyong ito sa papel, tutugma ba ito sa diwa ng Diyos? Tutugma ba ito sa mga katunayan tungkol sa gawain ng Diyos? Pagpupuri ba sa Diyos ang pagpapahayag ng mga haka-haka at imahinasyong ito? Kung wala kang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magiging praktikal ang mga isusulat mong mga himno ng papuri sa Kanya. Sa halip, dapat kang sumulat tungkol sa sarili mong tunay na karanasan, tunay na kaalaman, at personal na pagkaunawa, magsalita nang may pagpapakumbaba tungkol sa mga bagay na makatotohanan at kongkreto, at umiwas sa pagyayabang at pagmamalabis. Isinusulat mo ang mga salitang ito, ang mga paksang tulad ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang matuwid Niyang disposisyon, ang pag-ibig Niya, ang pagiging marangal Niya, ang kadakilaan Niya, ang pangingibabaw Niya, at ang pagiging natatangi Niya—totoo bang naiintindihan mo ang mga bagay na ito? Nauunawaan mo ba ang mga ito? Kung hindi mo nauunawaan ang mga ito pero ipinipilit mo pa ring magsulat tungkol sa mga ito, pikit-mata ka lang na sumusulat, nagpapakitang-gilas at ipinagyayabang ang sarili mo. Nililito nito ang mga tao tuwing sumasabay sila sa pagkanta, sumusunod sila sa iyo sa pagpapakitang-gilas habang kumakanta sila ng mga walang kabuluhang salita, at wala itong ibinibigay na benepisyo kaninuman kapag tapos na ang pagkanta. Ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi ba’t pinaglalaruan lang ninyo ang mga tao at sinasayang ninyo ang oras nila? Hindi ba’t panlilinlang at panloloko ito sa Diyos? Hindi ka ba nahihiya?
Tingnan ninyo, ano ang mga liriko ng himnong “Dahil sa Pag-ibig”? “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at lagi Niya silang inaalagaan at binabantayan.” Mayroon bang anumang tama sa pangungusap na iyan? Mayroon ba ritong tumutugma sa katotohanan? Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, hindi ba’t ganito? (Hindi ganito.) Kung gayon, bakit Niya sila nilikha? (Ito ay dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos.) Nais ng Diyos na isagawa ang isang plano ng pamamahala sa pamamagitan ng sangkatauhang nilikha Niya—isang 6,000-taong plano ng pamamahala. Anuman ang lumipas sa 6,000-taong plano ng pamamahala, sa huli, ang Diyos ay magkakamit ng isang grupo ng mga taong kayang magpasakop sa Kanya at magpatotoo sa Kanya, na kayang maging mga tunay na nilikha at tunay na panginoon ng lahat ng bagay. May kaugnayan ba sa pag-ibig ang katunayang una munang nagkaroon ng plano ng pamamahala ang Diyos at pagkatapos ay nilikha Niya ang mundo at ang sangkatauhan? Ito ay isa sa mga iniisip ng Diyos, ito ay bahagi ng Kanyang plano. Ito ay tulad lang ng kung paanong ang mga tao ay may mga intensyon at plano; halimbawa, maaaring mayroong plano ang isang tao na maging tagapamahala sa loob ng sampung taon at kumita ng 100,000 yuan, o planong magkaroon ng mga partikular na akademikong kredensyal o isang partikular na buhay pamilya sa loob ng sampung taon—may kaugnayan ba ang mga bagay na ito sa pag-ibig? Wala itong kaugnayan; sa pang-araw-araw na buhay, mayroon lamang baitang-baitang na planong base sa mga yugto ang mga tao, isang mapa, isang layunin, isang ideya. Ang Diyos naman, kasabay ng kataas-taasan Niyang paghahari sa sansinukob at sa lahat ng bagay, mayroon Siyang plano sa mundo, at ang planong iyan ay nagsimula noong nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at ang lahat ng bagay na nabubuhay; pagkatapos, lumikha ang Diyos ng dalawang tao. Hindi ba’t ganito ang tunay na nangyari? Ano ang kaugnayan ng pag-ibig sa paggawa ng Diyos ng ganitong plano? Walang kahit na ano. Sa inyong pananaw, kung gayon, tama ba ang pahayag na “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at lagi Niya silang inaalagaan at binabantayan”? Paano iibigin ng Diyos ang sangkatauhan bago Niya sila nilikha? Hindi ba’t magiging walang kabuluhan ang ganitong pag-ibig? Inilalarawan mo ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan bilang gawain ng pag-ibig ng Diyos—hindi ba’t paninirang-puri iyan sa Diyos? Hindi ba’t paglapastangan iyan? Hindi ba’t masyadong hindi obhetibo iyan? Paano mailalarawan ang pagiging hindi obhetibo nito? Wala ba itong katwiran? (Oo.) Inihayag ng Diyos ang misteryo ng 6,000-taong plano ng pamamahala at ang misteryo ng Kanyang tatlong-yugto ng gawain. Iniisip mong may kaunti ka nang nauunawaan, na may kaunti ka nang mababaw na pagkaunawa sa Diyos, pero ito ay literal na pagkaunawa lamang. Gayunman, nangangahas kang tukuyin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, sinasabi mong dahil sa pag-ibig kung kaya’t ginagawa ng Diyos ang isang bagay, kung bakit Niya isinasagawa ang isang partikular na gawain, o kung bakit Siya nagkakaroon ng partikular na plano. Hindi ba’t kahangalan at kawalan ng katwiran ang lahat ng iyan? Kaya, mayroon bang anumang tama sa pahayag na “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan”? (Wala. Hindi ito naaayon sa katotohanan.) Isantabi muna natin ang usapin kung ito ay naaayon sa katotohanan; sa halip, tingnan natin kung naaayon ba ito sa mga aktuwal na sitwasyon. Sa tingin ba ninyo ay praktikal ang pahayag na ito? (Hindi ito praktikal.) Hindi ba’t pangangarap lamang ito nang gising? Ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan ay walang kaugnayan sa pag-ibig, kaya walang basehan ang pahayag na “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan”; pawang kathang-isip lamang ito, wala itong saysay. Pikit-mata mong nililimitahan ang Diyos, at iyon ay paglapastangan sa Kanya at hindi paggalang sa Kanya, at sinusukat mo Siya gamit ang mga pananaw ng tao at ang mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, na tahasang pagkakamali, di-makatwiran, at walang kahihiyan. Kung kaya, ang pariralang “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan” ay sadyang walang kabuluhan.
Sa pagpapatuloy pa, ganito ang liriko, “Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at lagi Niya silang inaalagaan at binabantayan.” Ipinapahiwatig ng taong sumulat ng himnong ito na ito rin ay dahil sa pag-ibig. Kaya, kung maling sabihin na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan dahil sa pag-ibig, tama bang sabihin na, dahil sa pag-ibig ay laging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ang sangkatauhan? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Anong klase ng pag-uugali ito, ang “lagi Niya silang inaalagaan at binabantayan”? Ano ang diwa ng ugaling ito? Ito ba ay responsabilidad? (Oo.) Maaari bang mahalin ng Diyos ang isang bagong likhang tao na walang nauunawaan, hindi nakakapagsalita, walang pagkilatis, at maaaring matukso ng ahas? At paano naman ang paraan ng pagbibigay ng pag-ibig, kung paano ito ipinapakita, kung paano ito ipinamamalas, kung paano ito ipinapahayag—mayroon bang anumang tiyak na detalye tungkol dito? Wala. Ito ay responsabilidad; ang tunay na damdaming nangyayari dito ay ang responsabilidad ng Diyos. Dahil ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan, malamang ay binabantayan Niya sila, inaalagaan at pinoprotektahan sila, at pinamumunuan sila. Ito ang responsabilidad ng Diyos; hindi Niya ito ginagawa dahil sa pag-ibig. Kung ilalarawan mo ito na dahil sa pag-ibig ng Diyos, malubha ang maling pagkaunawa mo sa Diyos; hindi wasto na maging ganito ang pagkaunawa sa Kanya. Ano ang alam ng dalawang bagong-likhang tao? Maliban sa pagkakaroon ng hiningang ibinigay sa kanila ng Diyos, wala silang nauunawaan, wala silang alam; lalong wala silang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi nila alam kung sino ang Diyos o kung ano ba ang tungkol sa Kanya, at hindi nila alam kung paano makinig sa mga salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya—ni hindi nila alam na problema ang lumayo sila sa Diyos at pagtaguan Siya. Paano iibigin ng Diyos ang sangkatauhang tumatanggi at lumalaban sa Kanya gaya nito? Paano Niya sila iibigin? Sa diwa, inaalagaan at binabantayan ng Diyos ang sangkatauhan, at kinakatawan lang ng ginagawa ng Diyos ang isa sa Kanyang mga responsabilidad. Dahil ang Diyos ay may plano at kahilingan sa Kanyang puso, kailangan Niyang bantayan at protektahan ang sangkatauhang nilikha Niya. Kung nagmamatigas at walang-ingat mong sasabihin na ang pagprotekta at pangangalaga ng Diyos sa sangkatauhan ay dahil sa pag-ibig, gaano karaming nilalaman ang dapat mayroon ang pag-ibig na iyan? Karapat-dapat ba talagang ibigin ng Diyos nang ganito ang mga tao? Kahit papaano man lang, sa puso ng mga tao ay dapat mayroong totoong pag-ibig para sa Diyos at tunay na pagtitiwala sa Kanya, at saka lamang sila iibigin ng Diyos. Kung hindi mahal ng mga tao ang Diyos at sa halip ay lumalaban sila sa Kanya, ipinagkakanulo nila Siya, at ipinapapako pa nila Siya sa krus, karapat-dapat ba sila sa pag-ibig ng Diyos? Ano ang pinagbabasehan ng Diyos ng pag-ibig Niya sa mga tao? Anuman ang sitwasyon, laging sinasabi ng mga tao na iniibig sila ng Diyos; imahinasyon nila ito, pangangarap ito nang gising.
Sunod ay, “Dahil sa pag-ibig, gumawa ng mga batas at kautusan ang Diyos para gabayan ang buhay ng tao sa mundo. Dahil sa pag-ibig, nagkatawang-tao ang Diyos at ibinigay Niya ang Kanyang buhay para tubusin ang sangkatauhan.” Detalyado nitong ibinubuod ang mga bagay-bagay. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa Kapanahunan ng Kautusan, at pagkatapos sa Kapanahunan ng Biyaya, noong nagkatawang-tao ang Diyos para tuparin ang gawain ng pagtubos, inilalarawan ng dalawang linyang ito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Sa kasamaang palad, maling tukuyin ang himnong ito gamit ang unang tatlong salita na, “dahil sa pag-ibig,” na gamitin ang mga salitang ito bilang pananda ng direksyon para sa paglalarawan nito. Pagkatapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ito man ay paglalabas ng mga batas para pamunuan ang sangkatauhan o pagtubos sa sangkatauhan, ginawa ang lahat ng ito dahil sa Kanyang plano ng pamamahala, Kanyang mga kahilingan, at ang balak Niyang tuparin; hindi ito dahil lamang sa pag-ibig. May ilang taong nagsasabi, “Sinasabi Mo bang walang bahagi ang pag-ibig sa paggawa ng Diyos ng mga bagay na ito?” Tama ba iyon? (Hindi.) Mayroong diwa ng pag-ibig ang Diyos, pero kung sasabihin mong ang diwa ng Diyos sa pagtupad ng tatlong-yugtong gawain Niya ay dahil sa pag-ibig, maling-mali iyan; paninirang-puri at paglapastangan iyan. Kung gayon, ano ang pangunahing dahilan ng Diyos sa pagtupad Niya ng Kanyang tatlong-yugtong gawain? Ito ay dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos, mga kahilingan ng Diyos, at dahil sa kung anong gagawin ng Diyos; nasa mga ito ang dahilan, hindi lang sa pag-ibig. Siyempre, sa panahon ng Kanyang tatlong-yugtong gawain, may nilalamang pag-ibig ang disposisyong diwang inihahayag ng Diyos. Anu-ano ba ang mga kongkretong pagpapamalas ng “pag-ibig”? Ito ay ang pagpaparaya at pagpapasensya, hindi ba? At habag? At pagbibigay ng biyaya at pagpapala sa mga tao? Hindi ba’t ito ay kaliwanagan at patnubay? Hindi ba’t ito ay paghatol at pagkastigo? Ito ay ang lahat ng ito. Ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at pagsusuri, pagsubok at pagpipino, at iba pa, ay lahat pag-ibig—napakalawak ng pag-ibig na ito. Gayunpaman, kung lilimitahan ng mga tao ang tatlong-yugtong gawain ng Diyos bilang ginagawa dahil sa pag-ibig, kung bibigyang-diin lamang ang pag-ibig, masyadong kumikiling ito sa isang panig; nililimitahan nito ang Diyos. Kapag naririnig ng mga tao ang mga linyang ito, iisipin nila, “Ang Diyos ay pag-ibig at wala nang iba pa.” Magkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, hindi ba? (Oo.) Samakatuwid, hindi lamang hindi talaga dinadala ng himnong ito ang mga tao sa presensya ng Diyos, kundi sa kabaligtaran, nagkakaroon ng maling pagkaunawa sa Kanya ang mga tao dahil dito. Anong klase ng kalagayan ang lilitaw sa mga tao kung lagi nilang inaawit na “Dahil sa pag-ibig, dahil sa pag-ibig”? Anong klase ng damdamin ang magmumula rito? Sa huli, ang mga damdamin bang ito ay magiging pagkaunawa o maling pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos? Kung hindi kaya ng isang taong ganap na maintindihan ang usaping ito, pero nagsasalita at umaawit pa rin siya nang ganito, ito ay pangangarap lang nang gising, na lalo pang hindi makatwiran. Kapag nahuhulog ang mga tao sa kalagayan ng pangangarap nang gising, kawalan ng katwiran, at pagbaba sa sarili, nakakabahala iyan. Totoo bang mapupuri ng mga ganitong tao sa puso nila ang Diyos? Ito ay imposible. Hindi tunay na nagpupuri sa Diyos ang himnong ito; maililigaw lamang nito ang mga tao.
Tingnan natin ang kasunod na koro. Lalong mas nakasusuka ang koro, sa paraan ng pagdadala nito ng “papuri” nito sa sukdulan. Tama ba ang linyang “O Diyos! Lahat ng inihahayag ng Iyong gawain at ng Iyong mga salita ay pag-ibig”? (Hindi.) Sa anong paraan ito mali? (Nagtatakda ito sa mga salita at gawain ng Diyos.) Ano ang itinatakda nito sa mga iyon? (Na ginawa ang mga iyon dahil lamang sa pag-ibig.) Ipinapakita ng lahat ng pahayag at salita ng Diyos ang Kanyang disposisyon, na pagiging matuwid at pagiging banal. Ang pag-ibig ay walang iba kundi isang aspekto lang ng emosyon—isang uri ng damdamin—hindi ito ang tunay na diwa ng Diyos. Tama bang ilarawan ang pag-ibig bilang diwa ng Diyos? Ano ang magiging paglalarawan niyon sa Diyos? Ilalarawan niyon ang Diyos bilang isang pilantropo na madaling samantalahin at mahina. Sa huli, ano ang diwa ng Diyos? (Pagiging matuwid, kabanalan, awa, mapagmahal na kabaitan, poot—isang mas masinsinang paglalarawan.) Ang pagiging matuwid, ang kabanalan, awa, mapagmahal na kabaitan, gayon din ang pagiging maharlika at ang poot—lahat ng ito ay kung anong mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, at kinakatawan ng mga ito ang diwa ng Diyos. Kung hindi balanse ang paglalarawan ng isang tao sa isang partikular na aspekto ng diwa ng Diyos, sinasalamin niyon ang di-balanseng pagkaunawa ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, dahil ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay limitado at hindi balanse, at gayundin ang kanilang kaalaman. Samakatuwid, ang pagkaunawa nila sa diwa ng Diyos ay nabubuo base sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya, kung kaya’t hindi balanse ang basehan ng paglalarawan nila. Ang paglalarawan nila sa diwa ng Diyos base sa isang piraso ng gawain ng Diyos ay masyadong hindi balanse, hindi ito tumutugma sa mga katunayan, at napakalayo ng pagkalihis nito sa diwa ng Diyos.
Tingnan natin ang pangalawang linya. “O Diyos! Ang pag-ibig Mo ay hindi lamang mapagmahal na kabaitan at awa, kundi higit pang pagkastigo at paghatol.” Ito ay teorya pa rin; tama ang pahayag, pero ito ay doktrina, kaya walang dahilan para ilagay ito riyan. Mayroon bang taong hindi nakakaunawa kung ano ang sinasabi ng linyang ito? Maraming gawain na ang isinagawa ng Diyos, at karamihan sa mga tao ay nakaranas nito at alam ito, kaya ito ay walang saysay at walang kabuluhang pananalita, at katiting lang ang nagagawa nito para turuan ang mga tao. Sa pagpapatuloy pa: “O Diyos! Ang Iyong paghatol at pagkastigo ang pinakatotoong pag-ibig at ang pinakadakilang pagliligtas.” Ano ang ibig sabihin ng “pinakadakilang pagliligtas”? Ang ibig sabihin nito ay ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay hindi ordinaryong pagliligtas, kundi ang pinakadakilang pagliligtas. Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo, hindi ba’t ang Kanyang pagtubos sa sangkatauhan ang magiging pinakadakilang pagliligtas? Hindi ba’t ang paglalabas Niya ng mga batas ang magiging pinakadakilang pagliligtas? Hinati mo ang tatlong-yugtong gawain ng Diyos sa mga antas, na para bang ang paglalabas ng mga batas ang unang antas ng pagliligtas, ang pagpapapako sa krus ang pangalawang antas ng pagliligtas, at ang paghatol at pagkastigo ang pinakadakilang pagliligtas. Hindi ba’t walang saysay ito? Tama bang sabihin ang isang bagay na gaya nito? Tumpak ba ito? Kung sasabihin mo sa isang relihiyosong tao ang mga salitang ito na walang kabuluhan, hindi siya makakakita ng anumang problema sa mga ito. Hindi siya nakauunawa; hindi pa niya naririnig ang anuman sa mga bagay na ito na sinasabi mo sa kanya, hindi niya malalaman ang mga ito—iisipin niyang parang bago, orihinal, at magaling ang lahat ng ito. Pero kung sasabihin mo ang mga parehong salitang iyon sa isang taong nakauunawa ng katotohanan, agad niyang mapagtatanto na ang mga salitang ito ay walang kabuluhan at mga binuod na doktrina ang mga ito, wala itong pagkaunawang mahalaga o batay sa karanasan. Sa pagpapatuloy pa, sinasabi nito, “Magbibigay kami ng patotoo tungkol sa Iyong banal at matuwid na pag-ibig.” Dito, inilalarawan ang pag-ibig ng Diyos bilang banal at matuwid na pag-ibig. Hindi sinabi ng sumulat ng himno na ang diwa ng Diyos ay banal at matuwid, kundi na ang pag-ibig ng Diyos ay banal at matuwid, isinusulong nito na dapat ibigin ng Diyos ang tao. Ang ibig sabihin niya ay: Hindi dapat magpahayag ang Diyos ng paghatol at pagkastigo, at hindi Siya dapat magpahayag ng poot at pagiging maharlika; ang pagpapahayag Niya lang ng pag-ibig ang tama, at ang pag-ibig na iyon ay banal at matuwid. Pagkatapos na pagkatapos nito, sinasabi nito, “Ikaw ay karapat-dapat sa aming walang hanggang papuri.” Bakit pinupuri ng sumulat ng himnong ito ang Diyos? Pinupuri niya ang Diyos dahil lamang mahal ng Diyos ang tao. Malaki ba ang problema sa mga salitang ito? (Oo.) Bakit natin sinasabing may malaking problema rito? (Dahil ito ay pagtingin sa mga usapin batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; wala itong pagkaunawa sa Diyos, at sinusubukan nitong limitahan Siya.) Nililimitahan nito ang Diyos. Hindi nito nauunawaan ang katotohanan at wala itong tunay na kaalaman sa Diyos, pero sumusubok pa rin itong magbuod, ang pagbubuod mo ay hindi tumutugma sa mga salita ng Diyos at malayo ito sa katotohanan, at medyo inililigaw pa nito ang mga tao. Ito ay panghuhusga sa Diyos. Sa tingin mo, ano ang makukuha ng mga tao sa pagkanta ng unang talata ng himnong ito? (Magkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos.) Anong mga kuru-kuro? (Maniniwala silang ang Diyos ay pag-ibig, at na pag-ibig lamang ang mayroon ang Diyos at wala nang iba.) Ano ang mali kung ganito ang madama ng mga tao? Ano ang mali kung mamuhay sa yakap ng pag-ibig ng Diyos ang mga tao, na pinaliligiran at sinasamahan ng pag-ibig ng Diyos? Ano ang mali kung tamasahin ng mga tao ang kapunuan ng pag-ibig at kalinga ng Diyos? (Masyadong hindi patas na mauunawaan ang Diyos sa ganitong paraan, dahil mayroon pang iba sa disposisyon ng Diyos bukod sa pag-ibig lamang.) Ito ba ay hindi lang patas? Sa tumpak na pananalita, masyadong mababaw para sa tao na malaman lamang ang pag-ibig ng Diyos; ito ay isang walang kabuluhan, hindi patas, teoretikal, at emosyonal na uri ng damdamin. Isipin mo ito: Kung iisipin ng tao na sapat na ang paniniwala at pagkaalam na ang Diyos ay pag-ibig, magiging madali ba para sa kanila na makamtan ang tunay na pagpapasakop kapag naranasan nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? (Hindi.) Pero mayroon silang pag-ibig ng Diyos bilang pundasyon—bakit hindi magiging madali para sa kanilang magpasakop? Ang pagpapatotoo ba sa pag-ibig ng Diyos sa paraang ito ay makakaimpluwensya sa mga taong tanggapin ang paghatol at pagkastigo? (Hindi.) Kung gayon, sabihin mo sa Akin, ano ang aktuwal na sitwasyon at mga praktikal na paghihirap na napapaloob dito? (Laging iniisip ng mga tao na ang Diyos ay pag-ibig, kaya gusto nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos araw-araw. Kapag nagdadala ng pagdurusa ng laman ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, iniisip nilang hindi sila mahal ng Diyos, kaya nagiging mahirap para sa kanilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at magpasakop dito.) Ipagpatuloy mo; mayroon pa bang iba? (Naniniwala ang mga tao na ang Diyos ay pag-ibig, kaya kapag nagrebelde at nagtaksil sila sa Diyos, magpapasya silang mahal pa rin sila ng Diyos, at magpapakita pa rin Siya sa kanila ng awa at pagpapatawad. Dahil dito, hindi sila magsisisi.) Kung laging nabubuhay ang mga tao sa kalagayan kung saan iniisip nila sa kanilang imahinasyon na talagang minamahal at pinapaboran sila ng Diyos, matatanggap ba nila ang katotohanang mayroon silang tiwaling disposisyon? Matatanggap ba nila ang iba’t ibang kalagayan at katiwalian ng tao na inilalantad sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Mahirap para sa kanila na mula sa kalagayang iyan ay mapunta sila sa kalagayan ng pagpapasakop, na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos; mananatili na lamang sila sa Kapanahunan ng Biyaya, naniniwalang ang Diyos ang lagi nilang magiging handog para sa kasalanan, at ang handog na ito para sa kanilang kasalanan ay isang uri ng pag-ibig, isang hindi nauubos at hindi nagwawakas na pag-ibig. Kung ganito ang pagkaunawa nila sa pag-ibig ng Diyos, ano ang magiging bunga nito? Matutulad ito sa mga relihiyosong tao: Wala silang pakialam kung paano sila nagkakasala; nagdarasal lamang sila sa gabi at umaamin sa kanilang mga kasalanan, at iyon na iyon. Iniisip nilang patuloy silang patatawarin ng Diyos at patuloy Siyang magbibigay ng awa at mapagmahal na kabaitan, at magkakaloob ng biyaya. Dahil dito, nagiging mahirap para sa kanila na amining mayroon silang tiwaling disposisyon, na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at na magpasakop sa gawain ng Diyos at maabot ang punto kung saan matatanggap nila ang Kanyang pagliligtas. Para sa mga taong nananatili sa ganitong kondisyon, ano ang mga kahihinatnan nito? Lalabanan at tatanggihan ba nila ang Diyos kapag dumating Siyang muli para gumawa ng bagong gawain? (Oo.) Kung gayon, makasasalubong ba sila sa pagbabalik ng Diyos? Bakit hindi matanggap ng mundo ng relihiyon ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dahil sa maling pagkaunawa sa Diyos? Ito ay napakasamang kahihinatnan! Kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos, magiging napakahirap para sa kanilang magpasakop sa Kanya—ano ang ipinapakita ng katotohanang ito? Ipinapakita nito na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at na likas nilang tendensiya ang lumaban at magrebelde sa Diyos, ang hindi maging katugma ng Diyos. Kaya ng mga taong lumaban sa mga layunin ng Diyos sa bawat pagkakataon, at lumaban sa katotohanan sa bawat pagkakataon. Ang kalikasan at likas na tendensiya ng mga tao ay ang ayawan ang katotohanan; ang likas nilang tendensiya ay ang lumaban at magrebelde sa Diyos. Maaari bang mahalin ng Diyos ang ganitong tao? (Hindi maaari.) Iniibig man sila o hindi ng Diyos, karapat-dapat man sila o hindi sa pag-ibig ng Diyos, hindi magagawa ng Diyos na ibigin ang ganitong tao. Hindi ba’t ito ay totoo?
Magmula sa panahong inumpisahan ng Diyos na isagawa ang gawain ng paghatol at ilantad ang diwa ng katiwalian ng sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan, ipinapahayag na ng Diyos ang katotohanan; marami na Siyang binigkas na salita para iligtas ang sangkatauhan at bumigkas na rin Siya ng maraming masasakit na salita ng paghatol. Nadarama ba ninyo ang tunay na saloobin ng Diyos sa sangkatauhan? Sa huli, iniibig ba Niya o kinasusuklaman ang sangkatauhan? May ilang nagsasabi, “Mula sa katotohanang binigyan ng Diyos sina Adan at Eba ng mga damit na yari sa balat, nalaman at natutunan kong mahal ng Diyos ang mga tao, at na ang saloobin Niya sa sangkatauhan ay ang pagmamahal; walang galit.” Tama ba ang paraang ito ng pagkaunawa sa mga bagay-bagay? (Hindi.) Ano ang mali rito? Itinuturing nito na para bang ang iba’t ibang responsabilidad, tungkulin, at obligasyon ng Diyos sa sangkatauhan ay ginawa dahil iniibig ng Diyos ang tao, at dahil ang mga tao ay kaibig-ibig, nararapat ibigin, at karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ba’t maling paraan ito ng pag-unawa sa mga bagay-bagay? (Mali ito.) Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay dahil sa responsabilidad at obligasyon, at ito rin ay dahil sa Kanyang diwa. Ito ay una sa lahat dahil sa Kanyang plano, at pagkatapos niyon, dahil sa Kanyang obligasyon. Siyempre, habang tinutupad ng Diyos ang obligasyong ito, inihahayag Niya ang Kanyang disposisyon, gayundin ang Kanyang diwa. Kaya, ano ang Kanyang disposisyong diwa? Ito ay ang pagiging matuwid, pagiging banal, pagiging maharlika, at pagiging hindi nalalabag. Kung ganito ang disposisyon at diwa, at naharap sa sangkatauhan na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas, ano ang dapat maging pinakatumpak na saloobin at mga kaisipan ng Diyos sa sangkatauhan? Dapat ba na ito ay ang labis na ibigin ang sangkatauhan na hindi Niya na kayang mahiwalay sa kanila? (Lalo nang dapat na ito ay responsabilidad.) Ang responsabilidad Niya ay ang Kanyang gawain. Hindi Niya labis na iniibig ang sangkatauhan na hindi na Niya kayang mahiwalay sa kanila, minamahal sila nang labis-labis; hindi Siya puno ng pag-ibig para sa kanila, at hindi rin Niya sila iniingatan na para bang Kanyang sinisinta—ang tunay na saloobin ng Diyos sa ganitong sangkatauhan ay ang masuklam hanggang sa kaibuturan. Kaya, bakit Ko sinasabing ang himnong ito ay nakakasuklam hanggang sa kaibuturan? Dahil ipinapahayag nito ang pangangarap nang gising ng mga tao. May pag-ibig ang Diyos, kaya iniisip ng mga tao na ginawa Niya ang lahat ng ito dahil ang tao ay kaibig-ibig at karapat-dapat ibigin. Nagkakamali ka, at nagpapadala ka sa damdamin mong nagpapalugod sa iyong sarili! Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil sa Kanyang plano at responsabilidad, at ang disposisyong diwang inihahayag ng Diyos sa pagsasagawa Niya ng lahat ng ito ay ang pagiging matuwid at banal. Anuman ang inihahayag ng Diyos, siyempre mayroong pag-ibig sa diwa ng Diyos, at ang ginagawa ng Diyos sa sangkatauhan ay dahil lamang mayroong pag-ibig sa diwa ng Diyos. Pero hindi iniibig ng Diyos ang mga tao sa Kanyang pansariling kalooban; hindi Niya iniibig ang tiwaling sangkatauhan, kinasusuklaman Niya ang tiwaling sangkatauhan. Bakit ba ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw? Bakit mayroong ganitong saloobin ang Diyos sa paglalantad ng tiwaling sangkatauhan? Ito ay pinagpasyahan ng diwa at disposisyon ng Diyos, at bukod pa rito, nailalarawan nito ang isang praktikal na isyu: Nabubuhay ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at lahat sila ay sumusunod at sumasamba kay Satanas; hindi talaga sila nagpapasakop at sumasamba sa Diyos, sila ay mga kaaway Niya. Maaari bang mahalin ng Diyos ang mga kaaway Niya? (Hindi.) Naghahayag ang Diyos ng pag-ibig, at mayroong diwa ng pag-ibig ang Diyos, pero hindi Niya ginagawa ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig. Kung iniisip mong ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig, sinasabi Ko sa iyo, maling-mali iyan at walang kahihiyan ang isipin iyan. Kung iyan ang iyong iniisip, sinisiraan mo ng puri ang Diyos. Huwag kang masyadong masiyahan sa sarili mo, huwag kang masyadong magpadala sa damdamin mo! May ilang taong nagsasabi, “Hindi ginawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig, kung magkagayon, wala bang pag-ibig sa diwa ng Diyos?” Tama ba ito? (Hindi.) Saan ito nagkakamali? (Mayroong mapagmahal na kabaitan at awa ang Diyos sa Kanyang disposisyon.) May pag-ibig ang Diyos, pero hindi Siya nagmamahal nang walang pinipili. Ang Diyos ay matuwid at banal, imposible para sa Kanyang mahalin ang sangkatauhang malalim nang nagawang tiwali ni Satanas—sa katunayan, kinamumuhian at kinapopootan ng Diyos ang sangkatauhang ito. May ilang taong nagtatanong, “Dahil kinamumuhian at kinapopootan ng Diyos ang sangkatauhang ito, bakit Niya ginagawa pa rin ang lahat ng gawaing ito sa kanila?” May plano ng pamamahala ang Diyos, at handa Siyang akuin at tuparin ang responsabilidad na ito, kaya tutuparin Niya ang gawaing ito—karapatan ito ng Diyos at hindi maaaring makialam dito ang tao. May ganitong kapangyarihan ang Diyos at may awtoridad din Siyang tapusin ang planong ito ng pamamahala, kung saan ang pinakamakikinabang ay ang sangkatauhan, kayong lahat. Malaking bagay nang makakuha ang tao ng mga ganitong pakinabang at makatamo ng ganito kalalaking pagpapala; huwag ninyong hingin sa Diyos na: “Dahil mayroon Kang pag-ibig, dapat ibigin Mo kami.” Ibigin ka sa anong dahilan? Dahil pinili ka ng Diyos? Hindi maaari iyan, hindi ba? Dahil sa pagiging kaibig-ibig mo? Ano ang kaibig-ibig sa iyo? Dahil nagtataksil ka sa Diyos? Dahil naghihimagsik ka laban sa Diyos? Dahil punong-puno ka ng tiwaling disposisyon ni Satanas? Dahil tinututulan mo ang Diyos? Dahil nilalabanan mo ang Diyos sa bawat pagkakataon? Sa kabila ng lahat ng ito, maaari ka pa rin bang ibigin ng Diyos? Maaari pa rin ba Niyang mahalin ang mga taong lumalaban sa Kanya? Maaari pa rin ba Niyang mahalin ang mga diyablo at si Satanas? Kung sasabihin mong maaari pa ring mahalin ng Diyos ang mga taong lumalaban sa Kanya, na maaari pa rin Niyang mahalin ang mga diyablo at si Satanas, hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? Sa inyong pananaw, maaari bang mahalin ng Diyos ang mga diyablo at si Satanas? Maaari bang mahalin ng Diyos ang mga kaaway Niya? Maaari bang magmahal ang Diyos nang walang pinipili, gaya ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan? Hinding-hingi ito maaari. May prinsipyo ang pag-ibig ng Diyos. Samakatuwid, ang pag-ibig na ito na nasa imahinasyon ng tao ay hindi umiiral, ito ay ganap na pangangarap nang gising at labis na madamdaming pag-iisip; nabibilang ito sa mga kuru-kuro ng tao at talagang hindi umaayon sa mga katunayan, kaya kailangan Kong linawin ito rito. Bakit hindi ka mahal ng Diyos? (Dahil ganap na tiwali ang disposisyon ng tao, at hindi siya karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos.) Ang “hindi siya karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos” ay isang karaniwang bukambibig. Kailangan bang mahalin ka ng Diyos dahil lang nilikha ka Niya? Hindi naman ganoon, hindi ba? Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at ang buong sansinukob; dapat ba talaga Niyang mahalin ang bawat isang bagay? Maaaring piliin ng Diyos na mahalin ka, at maaari Niyang piliing hindi ka mahalin; karapatan ito ng Diyos—ito ay isang katunayan. Ang isa pang katunayan ay na, kung gusto mong mahalin ka ng Diyos—kung gusto mong matanggap ang pag-ibig Niya—kailangan mong gumawa ng isang bagay na karapat-dapat sa pag-ibig Niya. May nagawa ka na bang karapat-dapat sa pag-ibig Niya? Mayroon ka bang pag-uugali, pagkatao, o disposisyong nagpapalugod sa Diyos? (Wala.) Marahil hindi sa mga unang taon ng pananalig nila sa Diyos, pero sa mga susunod na taon, nagpapakita ang ilang tao ng ilan sa mga pag-uugaling ito: tumutupad ng tungkulin at gumagawa nang pabawas nang pabawas ang pagiging pabasta-basta, nagkakaroon ng kakayahang hanapin ang mga prinsipyo, natututong sumunod at magpasakop, at hindi kumikilos nang basta na lamang; hindi umaasa sa mga imahinasyon at kuru-kuro kapag nahaharap sa isang bagay, kayang manalangin at hanapin ang Diyos, nakikipagtulungan sa mga kapatid at mas madalas na nakikipagbahaginan sa kanila, at nagkakaroon ng mas mapagpakumbaba at puspusang pag-iisip; nagkakaroon ng kaunting sinseridad at kaunting tunay na pananalig sa Diyos, kahit na hindi sila masasabing tapat sa gawaing ipinagkakatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos at sa atas ng Diyos; at kayang ituon ang atensyon sa paghahangad sa katotohanan at pagbibigay-pansin sa mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon, kayang magkusa sa pagkilala ng sarili nilang katiwalian, sa pag-alam ng sarili nilang kayabangan at pagiging mapanlinlang, laging nananalangin sa Diyos, humihiling sa Kanya na pangasiwaan ang kapaligiran, tumatanggap ng pagdidisiplina ng Diyos, at nagkakaroon ng mas maraming positibong bagay sa mga sarili nila. Sa mga mata ng Diyos, napakahalaga ng mga pag-uugaling ito. Pero pagdating sa kung iniibig ba o hindi ng Diyos ang tao, dapat ba silang magpumilit? (Hindi sila dapat magpumilit.) Kung ipinapakita ng ugali ng mga tao ang mga positibong mithiing ito, ang mga pagpapabuting ito, ang mga pagbabagong ito, mula sa pananaw ng tao ay mayroon silang kaunting pagiging kaibig-ibig at pagpapahayag ng kaunting pagpapasakop. Pero ang pagkakaroon ng mga ugaling ito ay pag-asa lamang na makikita sa inyo. Ang pag-asang ito ay na sa pamamagitan ng gawain at pamumuno ng Diyos, magkakaroon ng positibo, aktibo, at matulunging kaisipan ang mga tao, at kasabay nito, magpapatotoo ang mga ugali at paghahayag na ito sa Diyos sa harap ni Satanas. Mula sa pananaw na ito, ibig sabihin, kung titingnan Ko ito mula sa pananaw ng tao, mayroong kaunting pagiging kaibig-ibig ang mga tao—pero kung titingnan ito mula sa pananaw ng Espiritu ng Diyos, sa huli ba ay mahal kayo ng Diyos o hindi? Mayroon ba kayong aspektong medyo kaibig-ibig o wala? Kung tatanungin ninyo Ako, malayo pa kayo. Dahil base sa kakayahan ng mga tao, sa mga talento nila, at sa mga sitwasyon kung saan sila nabubuhay, dapat kaya ng mga taong makagawa ng mas mabuti. Sa katunayan, ang naranasan, nakamtan, at nakilala ninyo ngayon, pati na rin ang mga pagbabagong natamo ninyo, ay maaaring matamo sa loob ng limang taon kung hahangarin ninyo ito nang buo ninyong lakas, pero inabot kayo ng buong sampung taon para makamtan ang mga resultang ito. Hindi ba’t napakatagal niyan? Medyo manhid ang mga isipan ninyo, mabagal ang pagtugon ninyo, makupad ang pagkilos ninyo; sa maraming lugar, sa pamamagitan lamang ng agarang pagpupungos, pagdidisiplina, at pagbabantay ng Itaas na nakakamit kayo ng anumang bagay. Pinaghirapang tagumpay ang mga nakamit na ito, may ibinayad na halaga ang mga tao, at mula sa mga resulta ng inani, mayroong ilang aspekto ng mga ugali at pagpapahayag ng mga tao na nakapagbibigay ng kaunting ginhawa kapag tiningnan. Gayunpaman, malayo pa rin ang mga ito sa batayan ng pagiging kaibig-ibig na sinabi ng Diyos. Nararamdaman ba ninyong lahat na mas kaibig-ibig kayo ngayon kumpara sa dati? (Hindi.) Hindi, hindi pa. Matutuklasan mo kung anong mga bagay ang ipinapakita mo tungkol sa iyong sarili sa pamamagitan ng kaunting pagsiyasat sa sarili: “Ah, marami pa rin palang karumihan sa akin, sa sandaling pagnilayan ko ang isang bagay, lumilitaw ang mga tusong pakana sa isip ko, at ginagawa ko ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Sa sandaling maguluhan ako gaya nito, lumilitaw muli ang mga problema at, pagkatapos kong pag-isipan ang mga ito, lumilitaw muli ang mga tusong pakana, at maninisi uli ako at babalik sa pagiging mapagpalugod ng mga tao.” Gaya ng nakikita mo, sa pamamagitan lamang ng kaswal na pagsusuri sa iyong sarili sa buong araw, naghayag ka na ng malaki-laking katiwalian—kaya ano ang kaibig-ibig sa iyo? Hinihiling mo pa ring mahalin ka ng Diyos, pero mababa ang tingin mo sa iyong sarili; pakiramdam mo ay talagang wala kang halaga at walang anuman tungkol sa iyo ang karapat-dapat sa papuri o pagmamahal ng ibang tao. Kung ni hindi kaya ng mga taong mahalin ka, paano mo aasahan ang Diyos na mahalin ka? Posible ba iyon? (Hindi.) Ngayong sapat na nating nalinaw ang mga katunayang ito, hindi ba’t dapat nang alisin ang himnong ito? Ito ay dapat nang alisin. Ito ay puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon at mga salitang galing sa relihiyon; kaya may nagagawa bang anumang nakabubuti sa iba ang pag-awit ninyo ng himnong ito? Nasisiyahan ba kayong kantahin at pakinggan ito? Hindi lamang pumipigil sa pag-unawa sa katotohanan ang pagkanta nito, inililigaw din nito ang mga tao; hindi lamang ito bigong alisin sa kanila ang mga kuru-kuro nila, pinapalalim at pinapatibay pa nito ang mga kuru-kurong iyon. Hindi ba’t nakapipinsala ito sa mga tao? Sa pagkanta ng himnong ito, hindi lamang mas nagiging mahirap para sa inyong maunawaan ang katotohanan; nagiging mas madali pa para sa inyong mamuhay sa loob ng inyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos; talagang walang ginagawang mabuti kaninuman ang himnong gaya nito. Kung kaya, napupuno ng galit ang Aking puso tuwing naririnig Ko kayong lahat na kumakanta ng himnong ito—walang saysay ang napakaraming taon ninyo ng pakikinig ng sermon, walang saysay ang pagbabasa ninyo ng napakaraming salita ng Diyos; kahit ngayon ay wala pa rin kayong tunay na kaalaman sa disposisyon ng Diyos, gustong-gusto Kong pagsasampalin kayo. Sino ang sumusulat ng lirikong puno ng mga ganitong kuru-kuro at imahinasyon? At kinakanta pa rin ninyo nang may matinding pagkahumaling. Wala ba talaga kayong pagkilatis? Labis ninyo Akong nadismaya. Nananalig kayo hanggang ngayon nang walang nakakamit na anumang katotohanang realidad; ni hindi ninyo kayang kilalanin ang mga salita mula sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kakatwang bagay, pero kinakanta pa rin ninyo ang mga ito. Talagang nalilito ang pananampalataya ninyo! Ano pa ba ang masasabi Ko!
Tingnan ninyo ang pangalawang berso ng himnong “Dahil sa Pag-ibig.” “Dahil sa pag-ibig, bumalik ang Diyos sa katawang-tao sa mga huling araw at pumunta sa bansa ng malaking pulang dragon.” Gaano kaya kadakila ang pag-ibig ng Diyos? Tama bang isiping dahil sa iyo ay nagtiis ang Diyos ng kahihiyan dahil sa pag-ibig, kaya nagkatawang tao Siya at dumating sa bansa ng malaking pulang dragon, kung saan naharap Siya sa sukdulang kahihiyan, para ibigin at iligtas ang mga tao? Ginagawa ba ng Diyos ang lahat ng ito dahil lamang sa pag-ibig? Iniisip mo lang ang mabuti—ginagawa ito ng Diyos dahil sa Kanyang plano ng pamamahala. Mayroong diwa sa disposisyon ng Diyos na napapaloob sa pahayag na, “Ang Diyos ay totoo sa Kanyang salita, at ang Kanyang salita ay matutupad, at ang Kanyang ginagawa ay mananatili magpakailanman.” Ito ang pagpapakita ng awtoridad ng Diyos; paano ito naging dahil sa pag-ibig? Sabihin mo sa Akin, karapat-dapat ba ang mga tiwaling taong ito sa pagdurusa ng Diyos ng matinding kahihiyan sa pagpunta Niya sa bansa ng malaking pulang dragon? (Hindi.) Hindi sila karapat-dapat, mas masahol pa sila sa mga langgam at uod, hindi sila karapat-dapat. Ibig mo bang sabihin ay nagkatawang tao ang Diyos at patuloy na nagtitiis ng pag-uusig ni Satanas, habang patuloy Niyang inihahandog ang Kanyang pag-ibig sa tiwaling sangkatauhan? Ito ba ang ibig mong sabihin? Katawa-tawa ang ideyang ito. Sa katunayan, ito ang plano ng pamamahala ng Diyos. Magkatawang-tao man ang Diyos at pumunta sa bansa ng malaking pulang dragon o gumawa ng anumang iba pang uri ng gawain, ito ay hakbang sa Kanyang gawain; ngayong umabot na ang hakbang sa puntong ito, dapat kumilos ang Diyos nang ganito. Bakit ba ginagawa ng Diyos ang gawaing ito? Ginagawa Niya ito para sa Kanyang plano ng pamamahala, at sa Kanyang plano ng pamamahala, ang tatanggap ng Kanyang pagliligtas ay ang tiwaling sangkatauhan. Mula sa anumang perspektiba, ang tiwaling sangkatauhan—maging anuman ang bansang pinanggalingan o lahi nito—ay isa lamang layon ng gawain, isang mapaghahambingan, sa plano ng pamamahala ng Diyos. Karapat-dapat ba ang isang mapaghahambingan na bigyan ng Diyos ng buo Niyang pag-ibig? Hindi, hindi ito karapat-dapat. Maling sabihin iyon, hindi iyon dapat ilarawan sa ganoong paraan. Dahil may plano ng pamamahala ang Diyos at dahil sa katunayang tutuparin Niya ang Kanyang gawain ng pamamahala, ikaw, bilang isang tao, ay kwalipikadong dalhin ang katunayang ito, na isang malaking pagpapala. Gayunpaman, walang kahihiyan mong sinasabing, “Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig Niya para sa atin.” Matinding pagkakamali ito, lihis ito, at isa itong kalokohan.
Tingnan ninyo ang sumunod na linya. “Dahil sa pag-ibig, nagtitiis ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri, at nagdurusa Siya ng matinding pag-uusig at mga pighati.” Tama ba iyan? Nagtitiis ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri, at nagdurusa Siya ng matinding pag-uusig at mga pighati. Anuman ang tiisin Niya, ang kaisipan, pagnanais, at layunin sa puso Niya ay ang tuparin ang Kanyang plano ng pamamahala. May mas dakilang layunin ang Diyos, pero ginagawa Niya ang lahat ng ito hindi para ialay sa sangkatauhan, hindi bilang handog ng pag-ibig o pagbibigay ng lahat ng mayroon Siya sa sangkatauhang tiwali, malupit sa Kanya, at itinuturing Siyang kaaway—hindi ito para sa dahilang ito. May ilang taong nagsasabing, “Dahil hindi ginagawa ng Diyos ang lahat ng gawaing ito dahil sa pag-ibig para sa sangkatauhan, at dahil ang pagtitiis Niya ng pagtanggi, paninirang-puri, at mga pighati ay para talaga sa Kanyang plano ng pamamahala, hindi karapat-dapat ang Diyos na ibigin ng tao.” Tama ba ito? (Hindi.) Saan ito nagkamali? Sabihin ninyo sa Akin ang iniisip ninyo. (Ginagawa ng Diyos ang lahat ng gawaing ito alang-alang sa Kanyang plano ng pamamahala, pero sa totoo lang, sa prosesong ito ay maraming benepisyong nakukuha ang mga tao, nauunawaan nila ang ilang katotohanan, at nakakamit nila ang ilang pagbabago.) Iyan na ba ang lahat? Sabihin ninyo sa Akin, positibo o negatibong bagay ba ang katunayang nagdurusa ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri, at nagtitiis ng matinding pag-uusig at mga pighati alang-alang sa Kanyang plano ng pamamahala? (Positibong bagay ito.) Nagtitiis ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri, at nagdurusa ng matinding kahihiyan alang-alang sa Kanyang plano ng pamamahala; ito ay isang positibong bagay. Alam ba ninyo kung bakit ito positibong bagay? Ano ang nilalaman ng plano ng pamamahala ng Diyos? (Ang talunin si Satanas at akayin ang mga tao para makalaya sa gapos ni Satanas.) Paano matatalo si Satanas? Ano ang partikular na nilalaman? Ano ang partikular na proyekto ng gawain? Ito ay pagliligtas ng sangkatauhan. Hindi ito malabo, hindi ba? Isang aspekto ang pagtalo kay Satanas; ang partikular na nilalaman ng plano ng pamamahala ng Diyos, na ang ibig sabihin, ang partikular na proyekto ng gawain ng Diyos, ay ang pagliligtas sa sangkatauhan. Sa pantaong pananalita, ang pagliligtas ba sa sangkatauhan ay makatarungang layunin o hindi makatarungang layunin? (Isang makatarungang layunin.) Ito ay isang makatarungang layunin. Mali bang magtiis ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri at ng lahat ng uri ng pasakit at kahihiyan para iligtas ang sangkatauhan? (Hindi.) Hindi ba’t positibong bagay ito? Makasarili ba ito? (Hindi ito makasarili.) Kung gayon, bakit hindi ninyo ito maipaliwanag nang malinaw? Hindi ninyo kayang ipaliwanag ang gayong malilinaw at kitang-kita na mga bagay; sa halip, pikit-mata ninyong binibigyang-kahulugan ang mga ito at hinuhusgahan ninyo ang mga ito nang walang basehan—hindi ba’t ito ay sukdulang kahangalan at kamangmangan? Ang gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos ay isang malaking proyekto, at kasama sa mga detalye ng partikular na proyektong ito ang pagliligtas sa sangkatauhan. May ilang nagsasabi, “Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan para tuparin ang sarili Niyang mga kagustuhan, para kumpletuhin ang Kanyang plano; ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito para sa Kanyang sarili at hindi para sa sangkatauhan. Hindi ba’t makasarili ito?” Makasarili ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito makasarili? Ang pagkilos na ginagawa ng Diyos ay positibo at makabuluhan. Lubhang mahalaga at makabuluhan ito para sa kaligtasan, destinasyon, kahihinatnan, at kalagayan ng pag-iral ng buong sangkatauhan sa susunod na kapanahunan. Dahil sa mga puntong ito, makasarili bang tiisin ng Diyos ang lahat ng ito at ibigay ang lahat ng ito para kumpletuhin ang Kanyang plano ng pamamahala? (Hindi.) Ang layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos ay ang iligtas ang sangkatauhan, ang Kanyang mga layunin ay mabubuti at magaganda, at tunay na pag-ibig; kaya hindi masasabing makasarili ang Diyos sa pagtupad ng mga intensyon Niya. Mula lamang sa pagkilos na ito na ginawa ng Diyos, mula sa pagkilos na ito na pinlano Niya, makikita ninuman ang diwa ng Diyos at na maganda at mabuti ang puso ng Diyos. Kahit na naging masama ang sangkatauhang ito, kahit na sumunod sila kay Satanas at puno sila ng tiwaling disposisyon ni Satanas, puno ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos, puno ng paglapastangan at poot, kaya pa ring iligtas ng Diyos ang sangkatauhan nang buong pagtitiyaga at nang hindi sumusuko kailanman. Saan nanggagaling ang lahat ng ito? Nanggagaling ito sa plano ng pamamahala ng Diyos, galing ito sa Kanyang kahilingan. Makasarili ba ito? Ang sangkatauhan ang may pinakamalaking pakinabang at ang sukdulang makikinabang sa buong plano ng pamamahala ng Diyos. Kayong lahat ang nag-iisang tagapagdala at tagapagmana ng Kanyang mga pangako, pagpapala, at ipinagkakaloob na destinasyon sa sangkatauhan. Kaya, sabihin ninyo sa Akin, makasarili ba ang Diyos? (Hindi.) Hindi makasarili ang Diyos. Pero ginagawa ba ng Diyos ang lahat ng ito dahil lamang sa pag-ibig? (Hindi.) Ang kahulugan, halaga, at mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao rito ay napakalalim—paano ito naging dahil lang sa katiting na pag-ibig? Ang pag-ibig ay isa lamang maliit na parte ng pagpapahayag ng emosyon, isang pirasong naipapakita sa mga emosyon at sentimyento, hindi ang kabuuan. Pero sa gawain ng Diyos na tumutupad sa Kanyang plano ng pamamahala, at sa proseso ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, ang talagang naipapakita ay ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos. At ang Kanyang disposisyon ay hindi lamang pag-ibig, ibig sabihin, ito ay hindi lamang mapagmahal ng kabaitan at awa; kasama rin dito ang pagiging matuwid at pagiging maharlika, ang poot at sumpa, at ang napakarami pang ibang aspekto. Siyempre, sa kongkretong pananalita, sa panahon ng Kanyang tatlong-yugtong gawain na unti-unting inihahayag at ipinapakita sa mga tao ang disposisyong diwa ng Diyos. Pero hindi kaya ng mga taong kilalanin ang mga ito, at sinasabi pa nga nila, “Ginawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil mahal Niya kami.” Ang kuru-kurong ito tungkol sa “pag-ibig” na pinanghahawakan ng mga tao—bakit ito nakakaasiwa at nakakasukang marinig? Ang ilarawan ang ganito kabuluhang gawain ng Diyos, ang gawaing mayroong napakalaking epekto sa destinasyon at kahihinatnan ng sangkatauhan, bilang isang maliit na damdamin lamang—ang pag-ibig—hindi ba’t paninirang-puri ito sa mga layunin ng Diyos, paninirang-puri sa taimtim at maalalahaning pagsisikap ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan?
Sabi ng sumunod na linya: “Dahil sa pag-ibig, namumuhay ang Diyos nang mapagpakumbaba at nakakubli kasama ang tiwaling sangkatauhan.” Dito, sinasabi ng sumulat ng himno na ito rin ay ginawa dahil sa pag-ibig. Ginagawa ito ng Diyos dahil ito ay kinakailangan para sa Kanyang gawain; paano ito naging dahil sa pag-ibig? May saysay bang mananahan ang Diyos kasama ang sangkatauhan dahil sa pag-ibig Niya para sa kanila, at na magpapakumbaba at magkukubli Siya dahil sa pag-ibig para sa kanila? Ganoon ba kaakit-akit at kaibig-ibig ang sangkatauhan, na maiinip ang Diyos at magiging handa Siyang manahan kasama nila, at na magkakatawang-tao Siya at magiging mapagpakumbaba at nakakubli? Ito ba ang mga katunayan? (Hindi.) Ano ang mga katunayan? (Nagkatawang-tao ang Diyos, mapagpakumbaba at nakakubli, at pumarito sa mundo para ipahayag ang katotohanan at iligtas ang mga tao dahil sa Kanyang plano ng pamamahala.) Sa teorya, ito ay dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos. Sa pananaw ng tao, mukhang ang mapagpakumbaba at nakakubling buhay ng Diyos kasama ng tiwaling sangkatauhan ay talagang nagpapasaya sa Diyos, na namumuhay Siya nang komportable, nadarama Niya ang ligaya araw-araw, at kontento Siyang panoorin ang bawat galaw ng tao, at panoorin ang kanilang mga ugali at pagbubunyag. Ganito ba ito? (Hindi.) Sa katunayan, paano ito? (Ginagawa ito ng Diyos dahil kinakailangan ito sa Kanyang gawain.) Dahil kinakailangan ito sa Kanyang gawain; ito ay teorya. Sa katunayan, ang pananahan ba kasama ng sangkatauhan ay nagdadala sa Diyos ng kagalakan? Kaligayahan? Kaluguran? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat maramdaman ng Diyos? Halimbawa, nananalig kayong lahat sa Diyos at pakiramdam ninyo ay matuwid naman kayo, pero kung maninirahan kayo kasama ng mga kabataan sa lansangan, mga bandido, mga sanggano, at mga masasamang loob, magsasalita ng mga parehong salitang sinasabi nila, kakain ng parehong pagkain, at gagawa ng parehong mga bagay araw-araw, ano ang mararamdaman ninyo? (Magiging tutol at mandidiri.) Ano ang magiging lagay ng pag-iisip mo, kung maninirahan ka kasama ng mga manggagahasa at mga mamamatay-tao? (Masusuklam.) Kung gayon, alam nga ninyo kung ano ang pakiramdam na masuklam—sabihin ninyo sa Akin, ngayon, masisiyahan ba ang Diyos na mamuhay kasama ang tiwaling sangkatauhan? Maaari ba Siyang magalak? (Hindi.) Walang kaligayahan ni kagalakan—kaya saan manggagaling ang pag-ibig? Kung wala man lang kagalakan, kaligayahan, o kaluguran, hindi ba’t salungat sa Kanya na mahalin Niya ang mga tao gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, na lubusan Niyang mahalin sila na hindi na Niya sila maiwan? Hindi ba’t may elemento ng pagpapanggap doon? Kaya ano ba mismo ang katotohanan? Ano ba ang dapat na tunay na madama ng Diyos sa pananahan kasama ang tiwaling sangkatauhan, maliban sa hindi pagkakaroon ng kaligayahan, kaluguran, at kagalakan? (Sakit.) Sakit, ito ay talagang nahahawakan na damdamin. May iba pa ba? (Pag-ayaw.) Pag-ayaw, iyan ay isa pang damdamin. May iba pa ba? (Pagkamuhi sa tiwaling disposisyon ng tao.) Pagkamuhi, pandidiri, at pagkasuklam. Mayroon ding pinakatotoong damdamin, na ang pamumuhay kasama ang tiwaling sangkatauhan, lalo na pagdating sa pakikisama, pakikipag-usap, paggawa nang magkasama, at pakikisalamuha, ay para bang matinding kahihiyan. Sa ganitong kalagayan ng mga bagay-bagay, sa ganitong tuluy-tuloy na kalagayan, sa tingin mo ba ay maaari pa ring magkaroon ng pag-ibig ang isang normal na tao? (Hindi na.) Hindi nila kayang magkaroon ng pag-ibig. Sa kawalan ng pag-ibig, ano ang gagawin nila? (Uurong sila.) Ang pag-urong ay isang kahilingan, ito ay kaisipan; gayunpaman, para harapin ang katotohanan, ano ang dapat gawin? Hindi ba’t kailangang pagsikapang baguhin ang mga taong ito? (Oo.) Para sa sangkatauhang gaya nito, kinakailangang isagawa ang pagkakaloob, pagtuturo, pagsaway, paglalantad, pagpupungos, paminsan-minsang pagdidisiplina, at iba pa; kinakailangan ito at hindi puwedeng wala nito. Pero maaari bang magkaroon ng mga agarang resulta ang mga ganitong pagkilos? (Hindi.) Kung gayon ano ang dapat gawin? (Dapat silang pungusan, hatulan at kastiguhin sa loob ng mahabang panahon.) Madali bang gawin ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo sa mga tao sa loob ng mahabang panahon? Ano ang kailangang tiisin ng Diyos para gawin ito? (Kahihiyan at pasakit.) Gumagawa ang Diyos nang may kahanga-hangang pagtitiyaga. Ano ang dala ng pagtitiyagang ito? May dala itong pasakit. Kaya, kapag nananahan ang Diyos kasama ang tiwaling sangkatauhan, walang kagalakan ni kaligayahan sa Kanyang puso. Kung walang kagalakan at kaligayahan, maaari ba Siyang magkaroon ng pag-ibig sa mga tao sa puso Niya? Hindi Niya kayang pilitin ang sarili Niyang mahalin sila. Kung gayon paano Niya magagawa ang gawain Niya? Sa anong basehan? Tinutupad Niya lamang ang Kanyang responsabilidad. Ito ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao; ito ay mula sa kalikasang ito. Ang ibig sabihin ng pagtupad ng isang tao sa kanyang responsabilidad ay ang ganap niyang isakatuparan ang lahat ng kanyang nakita, nalalaman, dapat sabihin, at dapat gawin sa abot ng kanyang makakaya. Ito ay tinatawag na pagtupad sa kanyang responsabilidad. Bakit posibleng tuparin ang responsabilidad na ito? Dahil sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, dahil may ganitong atas at responsabilidad ang Diyos na nagkatawang-tao, siyempre mayroong ganitong pasanin ang Diyos para sa sangkatauhan. Kaya, anumang klase ng mga tao at tiwaling tao ang kasama Niyang namumuhay, ito ang kalagayan ng mga bagay-bagay. Alam mo ba kung ano ang kalagayang ito ng mga bagay-bagay? Ito ang kalagayan kung saan walang kaligayahan ni kagalakan ang Diyos, at kailangan Niyang magtiis ng kahihiyan; kasabay nito, kailangan Niyang walang kapaguran at paulit-ulit na magtiis ng lahat ng klase ng katiwalian at paghihimagsik ng tao. Habang tinitiis Niya ang lahat ng ito, kailangan din Niyang walang kapaguran na magsabi ng dapat Niyang sabihin at gumawa ng dapat Niyang gawin; kailangan Niyang ipaliwanag nang malinaw ang mga bagay na hindi nauunawaan ng mga tao, at sa mga taong sadyang gumagawa ng paglabag, kailangan Niyang maglapat ng kaunting pagdidisiplina, paghatol, at pagkastigo. Ang lahat ng ginagawang ito ng Diyos ay may kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala at sa mga hakbang ng Kanyang gawain. Siyempre, lalo itong mayroong kaugnayan sa partikular na proyekto ng gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Sa madaling salita, may kaugnayan ito sa mga sariling responsabilidad ng Diyos. Ang lahat ng ginagawang ito ng Diyos ay pagtupad sa Kanyang responsabilidad; siyempre, ang ipinapakita Niya habang tinutupad Niya ang Kanyang responsabilidad ay ang diwa Niya at ang disposisyon Niya. Kaya, ano ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao, ibig sabihin, ang diwa ng ordinaryong taong ito? Lalo na sa pagsasagawa ng yugtong ito ng gawain Niya sa mga huling araw, hindi Siya nagpapamalas ng mga tanda at mga kababalaghan, ni hindi nagpapakita ng anumang himala; ang tanging ginagawa Niya ay ang sabihin sa mga tao ang mga katotohanang dapat nilang taglayin at maunawaan. Inilalantad Niya sa mga tao ang mga tiwaling disposisyong hindi makilala ng mga tao mismo, para malaman at makilala nila ito, at para malaman nila ang diwa at ang mga aktuwal na katunayan tungkol sa katiwalian ng sangkatauhan; ito ay para magkaroon ng tunay na pagsisisi ang mga tao at madala sila sa tamang landas. Kapag kaya ng mga taong magsisi nang tunay, kapag kaya nilang maunawaan at maisagawa ang katotohanan, pumapasok sila sa katotohanang realidad at nagkakaroon sila ng pag-asang makatanggap ng kaligtasan, at ang gawain at responsabilidad ng Diyos na nagkatawang-tao ay natutupad. Kapag nasa tamang landas na ang mga tao, ang natitira na lang ay ang pagtanggap ng mga pagsubok at pagpipino ng Diyos—natatapos na ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao; natutupad na ang Kanyang mga responsabilidad at nakukumpleto na ang Kanyang gawain. Kapag nakumpleto na ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, na dinadala kayo sa tamang landas, ibig sabihin nito ay ganap na ang Kanyang ministeryo, at wala na Siyang anumang obligasyon sa inyo. Ano ang ibig sabihin ng walang obligasyon? Ibig sabihin, hindi Niya na kailangan pang samahan ang mga taong ito at magtiis ng mga bagay gaya ng kanilang katiwalian, mga kuru-kuro, paghihimagsik, paglaban, pagtanggi, at iba pa.
Sa pananaw man ng buong plano ng pamamahala ng Diyos o sa partikular na gawaing isinagawa ng Diyos na nagkatawang tao, ginawa ba ito dahil lang sa pag-ibig? Kapwa hindi. Pinagmamasdan ng Espiritu ng Diyos ang sangkatauhan mula sa langit sa isang partikular na paraan, at halos pareho ang pananaw ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa. Bakit Ko sinasabing “halos”? Kaya ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa na tingnan ang kahinaan ng sangkatauhan mula sa mas may konsiderasyong pananaw dahil sa Kanyang pagkatao, dahil sa Kanyang pakikisama sa nilikhang sangkatauhan sa loob ng parehong lugar, at dahil din, gaya ng tiwaling sangkatauhan, mayroon Siyang kaparehong panlabas na katangian ng pagiging tao. Dahil dito, maaaring manahan ang Diyos na nagkatawang-tao kasama ang mga tao sa isang medyo mas mapayapang pamamaraan kumpara sa Diyos sa langit. Kung titingnan ito sa ganitong paraan, kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, kayo ba ay narito at nakaupo ngayon? Hindi. Ang lahat ng ito ay dulot ng mga pangangailangan ng gawain ng Diyos—ito lamang ang dahilan kung bakit Siya nagbayad nang malaking halaga, at pumunta Siya rito para Siya Mismo ang gumawa nito. Kung magsasalita ang Diyos sa mga tao mula sa langit, sa isang banda, dahil sa pagkakalayo ng lugar, hindi magiging madali para sa kanilang marinig ang Kanyang mga salita. Sa isa pa, dahil malawak at maraming pagbigkas ng Diyos sa mga huling araw, kung magsasalita Siya mula sa langit sa ganitong paraan, hindi ito magiging akma, sa anumang pananaw o anggulo mo ito tingnan. Kung kaya, ang nag-iisa at pinakamainam na pagpipilian, at ang pinakakapaki-pakinabang sa sangkatauhan, sa plano ng pamamahala ng Diyos, at sa gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan, ay ang magkatawang-tao ang Diyos; ang pagkakatawang-tao ng Diyos ang nag-iisang pagpipilian at nag-iisang pamamaraan para isagawa ang gawain. Ang Diyos na nagkatawang-tao lamang ang makakatupad ng gawaing ito, ang may kakayahang tuparin ang gawaing ito, at ang makapagkakamit ng mga resultang ito. Kung titingnan mo ang mga salitang ito na binigkas ng Diyos sa mga huling araw, pagdating sa dami, napakarami na ang naipahayag; paano naparating ang ganoon karami kung hindi gagamitin ang pamamaraan na pagiging tao? Kung magsasalita ang Diyos mula sa langit sa pamamagitan ng kulog, ilang tao kaya ang tatamaan at mamamatay sa bawat pagkakataong humatol at kumondena Siya ng masasamang tao? Wala na gaanong matitira pang buhay. Kung magsasalita ang Diyos mula sa loob ng buhawi o mula sa apoy, ilang buhawi at apoy ang kailangang mangyari bago Niya matapos sabihin ang mga salitang ito? Ang buong sangkatauhan ay magugulo ng pamamaraang ito. At pagkatapos ng mga taong ito ng pagsasalita, naapektuhan ba ng mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ang normal na buhay ng sangkatauhan? Hindi talaga, at walang pakialam ang buong mundo at hindi ito apektado kahit kaunti. Ganap nitong nakakamit ang layunin ng gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao; kung wala ang Diyos na nagkatawang-tao, talagang hindi magiging posible ang gawaing ito. Mayroong paglilihim sa mismong gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi nais ng Diyos na malaman ito ng buong mundo at ng buong sangkatauhan; hindi Niya gustong malaman ito ng mga Hentil na hindi pinili ng Diyos na makaalam. Maipapahayag lamang Niya ang mga salitang ito nang nakakubli, kaya ang paggamit ng pamamaraan na pagiging tao ang pinakamakabuluhan; ito ang pinakamatalinong pamamaraan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakatawang-tao ng Diyos na mananatili itong lihim. Dahil sa karunungan at pagkamakapangyarhan-sa-lahat ng Diyos kung kaya’t ang Kanyang katawang tao ay nananahan sa kaparehong espasyo ng sangkatauhan, na nagkakaloob sa sangkatauhan ng katotohanan sa wika ng tao, sa pamamaraan at anyong kayang tanggapin ng sangkatauhan. Ito ay isang bagay na ang Diyos lamang ang may kaya; higit ito sa sangkatauhan. May kaugnayan ang lahat ng ito sa dakilang plano ng pamamahala ng Diyos. Maaaring napakasimple nito, salungat sa mga katunayan, at talagang hindi makatwiran kung hindi balanseng ilalarawan ng tao ang ganoong dakilang plano ng pamamahala ng Diyos bilang ginawa dahil lamang sa pag-ibig. Sa madaling salita, anuman ang nilalaman ng gawaing isinasagawa, ang anyong ito ng Diyos na nagkatawang tao sa panahong ito ay talagang nagdulot ng marami-raming gulo at nagdulot ng malaking epekto sa buong mundo at sa buong sangkatauhan, na nagpapakita kung gaano katinding pangyayari ang katunayang ito. Ang katunayan at ang anyo ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang kontrobersiyal na usapin sa buong mundo at sa buong komunidad ng relihiyon; ito ay isang pangyayari kung saan malupit ang sangkatauhan, na hinuhusgahan at tinatanggihan ng sangkatauhan, at na pinakamahirap intindihin at isipin para sa sangkatauhan. Ang kakayahan ng Diyos na gumawa sa ganitong paraan ay nagpapakita ng Kanyang karunungan, Kanyang kapangyarihan, Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at Kanyang awtoridad; ito ay talagang hindi ginawa dahil sa isang maliit na pag-ibig, o dahil sa walang kabuluhang usapin o maliit na dahilang kasingliit ng buto ng linga. Ibig sabihin, ang isang malaking pangyayaring kayang yumanig sa buong mundo ng relihiyon, sa buong mundo ng pulitika, sa buong sangkatauhan, at kahit sa buong sansinukob, ay hindi lumilitaw dahil sa pag-ibig, kundi dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos at sa pagnanais Niyang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang pinakamalaking pangitain ng pangatlong yugto ng gawain ng Diyos; ito ang pinakamalaking pangitain na dapat maunawaan, malaman, at maintindihan ng mga tao. Kung tutukuyin mo lamang ang pangitaing ito na, “Ito ay dahil sa pag-ibig ng Diyos; mahal tayo ng Diyos. Nakikita mo, nagkatawang-tao na ang Diyos at minsan na Siyang ipinako sa krus dahil sa pag-ibig Niya sa atin, at sa panahong ito ay nagkatawang-tao Siya at pumarito para mahalin tayong muli”—hindi ba’t malaking kamalian ito? Ang pagtukoy sa ganito kalaking pangitain ng gawain ng Diyos bilang ginawa dahil sa pag-ibig ay napakababaw. Kung hindi mo kilala ang Diyos, hayaan mo na; pero magmadali ka at takpan mo ang iyong bibig, huwag kang magsalita ng walang saysay, at huwag kang basta-bastang magpahayag ng mga opinyon. Sinabi Ko na sa inyo dati, sa anumang bagay na tumutukoy sa disposisyon ng Diyos, sa diwa ng Diyos, at sa pangitain ng gawain ng Diyos, hindi dapat padalus-dalos humusga, bumuo ng mga palagay nang walang basehan, o walang ingat na maglimita ang mga tao. Kung hindi mo maunawaan, aminin mo na lamang na hindi mo maunawaan. Kung kaunti ang nauunawaan mo, sabihin mo agad, “Ganito lang ang nauunawaan ko; hindi ako mangangahas na maglimita nang walang basehan at hindi ko alam kung ito ay tama.” Dapat mong idagdag ang mga ganitong uri ng paliwanag at paglilinaw—huwag kang magsalita nang walang konsiderasyon. Kung magsasalita ka nang walang konsiderasyon, sa maliit na antas, maaari kang makaimpluwensiya nang mali sa iba, makapagbigay sa kanila ng mga maling pagkaunawa at makaligaw sa kanila; sa malaking antas, maaari mong malabag ang disposisyon ng Diyos. Inilalarawan mo ang plano ng pamamahala ng Diyos at ang ganoon kalaking gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan bilang pag-ibig, bilang ginagawa dahil sa pag-ibig—hindi ba’t pagsasalita ito nang walang saysay? Dapat bang sampalin ang mga taong nagsasabi nito? (Oo.) Bakit sila dapat sampalin? Dahil ito ay pagsasalita nang hindi nag-iisip, ito ay pag-aalis ng mga bagay sa konteksto ng mga ito. Hindi ba’t dulot ito ng mayabang na disposisyon? Hindi ba’t nagsimula kang manalig sa Diyos ilang araw pa lang ang nakalilipas? Nakita mo na ba Siya? Nauunawaan mo ba ang disposisyon Niya? Hindi mo malinaw o lubusang maipapaliwanag ang katotohanan tungkol sa pangitain ng plano ng pamamahala ng Diyos, pero nangangahas ka pa ring tukuyin ang diwa at disposisyon ng Diyos. Hindi ba’t sukdulan ito ng pagiging mapangahas? Nangangahas kang gamitin ang salitang “pag-ibig” para tukuyin ang isang malaking usapin; ito ay isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Isang malaking kasalanan ba ang lumabag sa disposisyon ng Diyos? Oo. May ilang taong nagsasabi: “Hindi ko alam; hindi ko rin nauunawaan.” Tama iyan. Mismong dahil hindi mo ito nauunawaan ni nalalaman, at dahil ignorante at hangal ka, kaya hindi ka dapat magsalita nang walang konsiderasyon. Ikaw ba, na isang ordinaryong tao, ay maaaring humusga nang hindi makatwiran o kaswal na magpalagay tungkol sa mga usapin ng Diyos? Hindi kayang malinaw na ipaliwanag ang mga usapin ng Diyos kahit pa magsama-sama at magkaisa ang buong sangkatauhan, pero gusto mong tukuyin nang mag-isa ang disposisyon ng Diyos, ang gawain Niya, at ang diwa Niya gamit lang ang isa o dalawang salita. Hindi ba’t nalalabag nito ang disposisyon ng Diyos? (Oo.) Kung gayon, may seryosong problema sa himnong ito. Hindi lamang ito puno ng mga malabo, walang kabuluhan, at mapaglapastangang salita, kundi ang mas mahalaga, maaari nitong mailigaw ang mga tao, malihis sila, at maikulong sila sa kanilang mga kuru-kuro. Maaari bang manatili ang himnong ito, kung nagdadala ito ng mga seryosong bunga? Hinding-hindi; dapat itong alisin.
Ituloy natin: “Dahil sa pag-ibig, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at inihahatid ang daan ng buhay na walang hanggan.” Hindi ba’t nakakasuka ang paraan ng paglilimita ng mga salitang ito sa mga bagay-bagay? (Oo.) Basahin natin: “Dahil sa pag-ibig, hinahatulan at inilalantad ng Diyos ang satanikong kalikasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita.” Sabihin ninyo sa Akin, tuwing nagsasabi ang Diyos ng masasakit na salita para ilantad ang tiwaling disposisyon ng tao, ito ba ay dahil mahal ng Diyos ang tao, o dahil kinapopootan at kinamumuhian ng Diyos ang tao? (Ito ay dahil kinapopootan at kinamumuhian ng Diyos ang tao.) Kinapopootan ng Diyos ang tao, kaya ano itong disposisyon Niya? (Pagiging matuwid, pagiging banal.) Tama iyan; ito ay hindi dahil sa pag-ibig. Hindi ba’t ligaw at maling pagkaunawa na tukuyin ito ng mga tao bilang ganoon? Mayroon bang anumang praktikal na kaalaman tungkol sa katotohanan sa pahayag na ito? Ito ay baluktot at di-balanseng pagkaunawa, isang maling interpretasyon, isang maling pagkaunawa; ang linya ay maling paglalarawan. Pagkatapos, tingnan ninyo ang, “Dahil sa Pag-ibig, sinusubok, pinipino, at pinupungusan tayo ng Diyos para linisin ang ating katiwalian.” Hindi ba’t ito ay parehong problema sa naunang linya? (Oo.) Pareho ang problema. At sa pagpapatuloy pa, “O Diyos! Lahat ng inihahayag ng Iyong gawain at ng Iyong mga salita ay pag-ibig.” Hindi ba’t nililimitahan uli nito ang Diyos? Ano ang ipinapakita ng Diyos? Ang pagiging banal at pagiging kaibig-ibig Niya, at ang matuwid Niyang disposisyon. Ang Diyos ay may poot, pagiging maharlika, pati na rin habag at mapagmahal na kabaitan, kaya paano masasabing ang lahat ng ito ay dahil sa pag-ibig? Ang paglilimitang ito ay nakakasuka at walang basehan! Hindi ba’t dulot ito ng kayabangan? Ang ipinapaliwanag at ibinubuod ng sumulat ng himno ay walang kaugnayan sa disposisyong diwang ipinakita ng mga salita at pahayag ng Diyos. Pagkatapos ay sinasabi nito na ang lahat ng bagay ay pag-ibig, na hindi lamang walang kaugnayan kundi baluktot at mali pa—ito ay ganap na maling paglalarawan. Ang pag-ibig ay isang emosyon, at maaari din itong magsilbing pagkilos o pag-asal, pero hindi ito ang pangunahing diwa ng Diyos; hindi nagmamahal ang Diyos ng tao nang walang pinipili. Maaari kayang masyadong nag-uumapaw ang pag-ibig ng Diyos na wala nang sapat na paglagyan ito, hanggang sa puntong mamahalin ng Diyos kahit si Satanas, ang tiwaling sangkatauhan, at ang Kanyang mga kaaway? Ganoon ba iyon? Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nagkulang sa prinsipyo; may prinsipyo ito. Mahal Niya ang mga positibong bagay at kinasusuklaman Niya ang mga negatibo at masasamang bagay. Sabihin ninyo sa Akin, mahal ba ng Diyos ang mga taong tunay na nananalig sa Kanya? Mahal ba ng Diyos ang mga taong tapat na tumutupad sa tungkulin nila? Mahal ba ng Diyos ang mga taong mapagpasakop sa Kanya? Mahal ba ng Diyos ang mga taong, sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang paghatol at pagkastigo, ay mayroong tunay na pagsisisi, tunay na pagpapasakop sa Diyos at tunay na pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso? Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at kinamumuhian nila ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang “pagkamuhi” ay isang positibong bagay. At mahal ba sila ng Diyos? (Oo.) Ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan ay mga positibong tao, at ang mga taong kayang magpasakop sa Diyos ay lalo nang mas positibo. Ang mga positibong tao ang minamahal ng Diyos; kinasusuklaman Niya ang mga diyablo at si Satanas. Ang mga taong isinusumpa at pinaparusahan Niya ay pawang masasamang tao, pero ang mga taong minamahal ng Diyos ay lahat matatapat na tao, mga taong naghahangad sa katotohanan. Kung kaya, may prinsipyo ang pag-ibig ng Diyos; hindi ito walang prinsipyo. Para sa ilang tao, mahabagin lamang ang Diyos, na hindi nangangahulugang mahal Niya ang mga taong iyon. Dapat malinaw na maunawaan ang mga bagay na ito; hindi maaaring pikit-matang tukuyin ng isang tao ang pag-ibig ng Diyos. Ang pagsasalita tungkol sa pag-ibig ng Diyos nang walang pag-iingat at ang pikit-matang pagtukoy rito ay walang dudang panghuhusga at paglapastangan sa Diyos.
Tingnan natin ang ibaba pa: Tama bang sabihing, “O Diyos! Ang pag-ibig Mo ay hindi lamang mapagmahal na kabaitan at awa, kundi higit pang pagkastigo at paghatol”? (Ito ay tama sa teorya, pero hindi ito praktikal.) Walang isyu sa teorya, pero kalabisan nang iugnay ito sa pag-ibig ng Diyos. Hindi dapat ituring na mali ang mga salitang ito, pero hindi rin dapat ituring na tama ang mga ito; kalokohan ang mga ito, na halos hindi na kailangang banggitin pa. Sa ibaba pa: “O Diyos! Ang Iyong paghatol at pagkastigo ang pinakatotoong pag-ibig at ang pinakadakilang pagliligtas.” Ano ang tingin ninyong lahat diyan? (Mali ang linyang iyan; inilalatag nito na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang pinakadakilang pagliligtas, pero sa katunayan, hindi lamang ito ang nilalaman ng pagliligtas ng Diyos.) Hindi ba’t ang pagpapako sa krus ng katawang-tao ng Diyos at ang Kanyang pagbabayad-sala at pagpasan ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan ang pinakatunay na pag-ibig? Hindi ba’t ang mga iyon ang pinakadakilang pagliligtas? (Oo.) Kung gayon, kung ihahambing sa paghatol at pagkastigo, alin ang “pinakadakila”? Sa katunayan, kung seryosong susuriin, ang pahayag na ito ay hindi tumpak, hindi akma, at masyadong mahigpit na nalilimitahan; hindi ito dapat sabihin sa ganitong paraan. Hindi dapat sabihing lahat ng ginagawa ng Diyos ay pag-ibig, pero tamang sabihing lahat ng ginagawa ng Diyos ay may positibong epekto sa mga tao, at lahat iyon ay pagliligtas at habag para sa mga tao, dahil lahat iyon ay ginawa alang-alang sa sangkatauhan. Kung sasabihin mong ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang “pinaka” at iaangat mo ito sa pinakamataas na antas, hindi ito tama. Ang isang bagay na “pinaka” ay dapat iisa lang, walang maihahambing; ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay hindi masasabing ang “pinaka” kung ihahambing ang mga ito sa ibang gawain ng Diyos. May isang taong minsang sumulat ng isang himno, at isa sa mga liriko ay “Mahal ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos nang higit pa sa Kanyang mapagmahal na kabaitan at habag.” Tama ba o mali ang mga salitang ito? (Mali ang mga ito.) Ano ang mali sa mga ito? (Pinaghihiwa-hiwalay ng mga ito sa isang herarkiya ang pagiging matuwid ng Diyos, ang Kanyang kabanalan, ang Kanyang mapagmahal na kabaitan, at ang Kanyang habag.) Sa katunayan, tama ang pahayag na ito, at ito ay ang tunay na karanasan ng mga tao pagkatapos nilang maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ano ang pinagmulan ng tunay na karanasang ito? Mayroong kwento rito, ito ay: Kapag tinatamasa ng isang tao ang mapagmahal na kabaitan at habag ng Diyos, biyaya lang ang makakamit niya; hindi niya makikilala kailanman ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon at hindi niya kailanman maiwawaksi ang mga ito. Ang magagawa lang niya ay ang danasin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos at ang tiisin ang sakit ng maraming pagsubok at pagpipino—saka lang niya matatanggal sa kanyang sarili ang mga tiwaling disposisyong ito. Kung gayon, sa batayan at kontekstong ito, ito ang nagiging pagkaunawa ng mga tao; ito ay tumpak, tugma sa mga katunayan, at hindi teoretikal na lohika. Ang himnong ito ay konstruktibo, pero wala sa inyo ang makakita nito; talagang wala kayong pagkilatis. Ano ang nakukumpirma ng kawalang ito ng pagkilatis? Ano ang dahilan ng kawalang ito? Ang dahilan ay ang hindi pagkaunawa sa katotohanan. Ang himnong “Dahil sa Pag-ibig” ay puro kalokohan. Hindi ito praktikal, hindi Ko ito gusto, at tumatanggi Akong awitin ni isang salita nito. Malamang napakababa ng tayog ninyong lahat, kaya naaawit ninyo ito nang may matinding sigasig at pang-eengganyo! Wala kayong kayang arukin, at ni hindi ninyo nauunawaan ang mga katotohanang dapat pasukin ng mga tao, pero gusto ninyong magkomento sa diwa ng Diyos at sa Kanyang plano ng pamamahala. Hindi ba’t kawalan ito ng katwiran? Ang mga taong walang katwiran pero nangangahas magsalita nang hindi nararapat ay hindi gumaganap ng kanilang mga nauukol na gawain; sila ay hindi pragmatiko kahit katiting.
Sa ibaba pa: “Magbibigay kami ng patotoo tungkol sa Iyong banal at matuwid na pag-ibig at marapat sa Iyo ang aming walang hanggang papuri.” Siyempre kailangang karapat-dapat ang Diyos sa walang hanggang papuri, pero maituturing ba itong papuri sa Diyos kung ganito ang pagkakakilala ng mga tao sa Kanya? Sabihin nang hindi mahal ng Diyos ang isang tao; sukdulan ang pagkasuklam at pagkamuhi Niya rito. Gayunpaman, kung kaya ng taong ito na mahalin at purihin ang Diyos, ang taong iyon ay may kaunting tayog at kaunting tunay na kaalaman sa Diyos. Sa linyang “Magbibigay kami ng patotoo tungkol sa Iyong banal at matuwid na pag-ibig at marapat sa Iyo ang aming walang hanggang papuri,” ano ang mga pang-uring naglalarawan sa “pag-ibig ng Diyos”? “Banal” at “matuwid.” Tingnan ninyo kung gaano kadakila ang tingin ng sumulat ng himno sa pag-ibig ng Diyos, ginagamit niya ang diwa ng Diyos para ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, sinasabing ang pag-ibig ng Diyos ay matuwid at banal na pag-ibig—hindi ba’t halata naman ito? Ayaw ng mga tao na magtamasa ng isang pangkaraniwang pag-ibig, at hindi rin sila nagtatamasa ng isang maawaing pag-ibig o pag-ibig na nagpapahalaga sa mga tao; pupurihin lamang nila ang Diyos kapag natatamasa nila ang Kanyang banal at matuwid na pag-ibig, at ito ang dahilan kung bakit sinasabi nilang karapat-dapat ang Diyos sa walang hanggang papuri. Tama ba ito? Galing man sa katunayan o sa lohikal na pangangatwiran, maling-mali ang pahayag na ito, kalokohan lang ito, ito ay isang taong may sakit sa isip na naglilitanya ng magugulong salita upang iligaw ang mga tao. Iniisip mo bang ito ay sekular na mundo? Sa mundo, ang lahat ng uri ng masasama at maruruming espiritu, ang lahat ng uri ng mga tao at nanggugulong kriminal, at ang mga may kaunting kakayahan, kahusayan sa pananalita, o kawalan ng hiya ay nangangahas lahat na magpahayag ng mga opinyon nila at magtanghal; pero sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may awtoridad. Ang lahat ng demonyong iyon ay dapat pababain sa entablado; dapat silang alisin sa iglesia. Ang lahat ng kanilang maling pananampalataya at panlilinlang ay dapat himayin, para hayagang makilatis at makilala ng lahat ang mga iyon. Kung titingnan ito ngayon, ano ba ang pag-ibig ng Diyos? Kung sasabihin mong ito ay katuwiran at kabanalan, tama ba iyon? (Hindi; ang pag-ibig ng Diyos ay hindi lamang ang mga bagay na ito.) Kung gayon ano ang pag-ibig ng Diyos? (Naroon din ang paghatol at pagkastigo, at ang pagiging maharlika at poot; ang lahat ng ito ay pag-ibig ng Diyos.) Ang pag-ibig ng Diyos ay ang pag-ibig ng Diyos, ang diwa ng Diyos ay ang diwa ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay nasa puso at isipan ng Diyos, nasa mga damdamin Niya, nasa diwa Niya, at nasa mga gawa Niya. Maipapaliwanag mo ba iyon nang malinaw? Pero sinasabi mong ang pag-ibig ng Diyos ay katuwiran at kabanalan, nangangahas kang tukuyin ito sa ganyang paraan—ang lakas ng loob mo! Tinatanggap ba ng Diyos ang paggamit mo ng ganyang mga depinisyon para purihin Siya? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil ito ay paglapastangan sa Kanya.) Nasusuklam ang Diyos, at puro kalokohan ang sinasabi mo! Walang silbi ang bulag mong papuri, at hindi nalulugod ang Diyos dito. Hindi ganoon kalaki ang pangangailangan ng Diyos sa papuri ng sangkatauhan. Wala Siyang pagnanais dito; hindi naman Niya kailangan ang papuri ng tao para makapamuhay Siya nang komportable o para magkaroon Siya ng kumpiyansa. Mayroon ba Siyang ganitong pangangailangan? (Wala.) Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay para iligtas ang sangkatauhan, para bigyan ang sangkatauhan ng magandang destinasyon, at gumagawa Siya ng ilang gawain para mabuhay ang sangkatauhan sa susunod na kapanahunan; ang layunin ay hindi para makamit ang papuri ng mga tao. Nagkataon lang na ang isa sa mga resulta ng gawain ng Diyos ay na nagbibigay-papuri sa Kanya ang sangkatauhan, pero kung magkakaroon ng mga maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos at bulag silang magpupuri sa Kanya, hindi ito hahayaan ng Diyos, at hindi Niya ito tatanggapin. Kung masyadong mapagbigay sa sarili ang mga tao kung kaya’t pakiramdam nila ay napakahalaga sa Diyos ang pagpupuri sa Kanya ng sangkatauhan, hindi ba’t maling interpretasyon iyon? Dahil ang sangkatauhan ay may kaunting papuri para sa Diyos at kaunting patotoo, iniisip nila na talagang naaantig ang Diyos, pero sa katunayan, hindi talaga Siya naaantig. Hindi ba’t ito ang karapat-dapat sa Diyos? Ito ay isang napakanormal na bagay.
Tingnan natin ang nasa ibaba pa: “Dahil sa pag-ibig, dinadala ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa serbisyo, upang magkaroon tayo ng katotohanan at buhay.” Tama ba ang linyang ito? (Mali.) Ano ang mali rito? Ang mga salita bang “dahil sa pag-ibig”? Lahat ay dahil sa unang tatlong salita, na labis na mapanligaw at mapanlihis kung kaya’t nagugulo ng mga ito ang isipan ng mga tao, iniiwan silang hindi kayang tukuyin ang tama at mali. Sa pagpapatuloy, huwag ninyong gamitin nang mali ang mga salitang “dahil sa pag-ibig.” Ang mga salitang kasunod ng tatlong iyon, “dinadala ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa serbisyo, upang magkaroon tayo ng katotohanan at buhay,” ay totoo. Ang ganitong mga nilalaman ay umiiral sa gawain ng Diyos, pero maling ilarawan ito bilang pag-ibig ng Diyos. Ito ay kapangyarihan ng Diyos, awtoridad ng Diyos, at karunungan ng Diyos; ito ay hindi dahil sa pag-ibig. Sa partikular, ito ay hindi lang dahil sa pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos ay mayroong ganitong kapangyarihan na pakilusin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay-bagay para magserbisyo sa sangkatauhang gusto Niyang iligtas. Pinakikilos Niya ang lahat ng bagay at usapin para magserbisyo sa sangkatauhang gusto Niyang iligtas at magserbisyo sa Kanyang gawain ng pamamahala, at ang pinakamakikinabang dito ay ang sangkatauhan—natatamo ng mga tao ang katotohanan at buhay. Kung sinasabi mo lang na ito ay dahil sa pag-ibig, hindi na ba umiiral ang karunungan, awtoridad, at kapangyarihan ng Diyos? Maling sabihin na ito ay dahil lang sa pag-ibig, kaya mali rin ang pagkaayos at posisyon ng mga ganitong pahayag. Ano ang ibig sabihin ng sabihin na mali ang lahat ng ito? Hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan; sinasabi ang mga ito sa baluktot na paraan; ang mga ito ay hindi ang realidad ng katotohanan; at ang mga ito ay hindi ang praktikal na panig ng katotohanang nararanasan ng mga tao.
Tingnan ang susunod na linya: “Dahil sa pag-ibig, ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang tutulong sa ating makawala mula sa impluwensya ni Satanas at makamit ang kaligtasan.” Mayroon bang anumang problema rito? Ang tatlong salitang “dahil sa pag-ibig” ay hindi pa rin angkop na batayan. Walang anumang mali sa pariralang “ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang tutulong sa ating makawala mula sa impluwensya ni Satanas at makamit ang kaligtasan,” dahil ito ang resulta ng gawain ng Diyos—pero bakit palaging kailangang idagdag ng sumulat ng himno sa unahan ang mga salitang “dahil sa pag-ibig”? Anong aral ang natutunan ninyo mula rito? Pagdating sa pagkomento, pagtukoy, o paglimita sa disposisyong diwa ng Diyos, dapat kayong maging partikular na maingat at magkaroon ng saloobin ng pagpapakumbaba at pag-iingat. Kung may kakayahan kayong walang humpay na magsalita nang walang kabuluhan, at kung ang sinasabi ninyo ay puro lang kalokohan at walang lamang salita, pagyayabang, at paglapastangan, masasalungat ninyo ang disposisyon ng Diyos at kasusuklaman at kamumuhian Niya kayo. Kumpara sa diwa ng Diyos, sa hindi gaanong malinaw na pananalita, ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos ay masasabing isang patak lang ng tubig sa karagatan o isang butil ng buhangin sa dalampasigan. Napakalaki ng pagkakaiba ng dalawang ito, at kung mangangahas pa rin ang mga taong limitahan ang mga bagay-bagay at bumuo na lang basta ng mga konklusyon, basta-bastang ituring na mga katotohanan ang sarili nilang mga kuru-kuro at balangkasin ang mga ito sa mga salita, magkakaroon ng malaking isyu. Anong malaking isyu iyon? (Paglapastangan sa Diyos.) Ang paglapastangan sa Diyos ay likas na nakaliligalig at seryoso. Kung ayaw mong lapastanganin ang Diyos pagdating sa iyong subhetibong kalooban, dapat mong panghawakan ang kasasabi Ko lang sa inyong lahat, ibig sabihin, maging maingat kayo at bantayan ninyo ang mga dila ninyo. Ano ang ibig sabihin ng bantayan ang dila ng isang tao? (Huwag kayong basta-basta magkokomento sa Diyos at huwag ninyo Siyang limitahan.) Tama iyan. Para naman sa mga usaping may kinalaman sa mga pangitain, ang “may kinalaman sa mga pangitain” ay isa lang pangkalahatang pahayag; sa mas partikular, may kaugnayan ito sa mga usaping may kinalaman sa plano ng pamamahala, gawain, at disposisyong diwa ng Diyos. Kaya, maingat kayong magsalita at kumilos sa mga usaping may kaugnayan sa mga pangitaing ito, at huwag kayo basta-bastang maglimita o maghusga. May ilang taong nagsasabi, “Iyan nga ang naisip ko,” pero tama bang isipin mo na ganoon nga iyon? Huwag kang masyadong mayabang at mapagmagaling. Kung hindi tama ang iniisip mo pero nagsasalita ka pa rin ng kalokohan at basta-basta mo pa ring nililimitahan ang mga bagay-bagay, iyon ay paghusga, pagkondena, at paglapastangan—at baka mapasubo ka. Hindi kaya ng ilang tao na tanggapin ito, at sinasabi nila, “Ganyan lang talaga ang tingin ko sa mga bagay-bagay, at kung hindi Mo ako hahayaang magsalita, sinasabihan Mo akong ikubli ko ang sarili ko.” Paano iyon naging pagsasabi sa iyo na ikubli mo ang sarili mo? Ito ay pagpapayo sa iyo na maging maingat at huwag magsabi ng anumang hindi mo pa napag-isipan nang mabuti at nahanap na makumpirma. Para ito sa kapakanan mo; para ito sa proteksyon mo. Kung mali ang iniisip mo, alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan sa sandaling magsalita ka? Kakailanganin mong umako ng responsabilidad para sa mga salita mo. Nakagawa na ng maraming masasamang gawa ang sinumang anticristo; at ano ang mga kinahinatnan nila sa huli? Kinailangan nilang umako ng responsabilidad para sa mga gawa nila, at kinailangan silang pangasiwaan ng iglesia. Samakatuwid, kung may isa kang ideya o pagkaunawa, ang pinakamainam ay kumpirmahin mo ito bago mo ito sabihin. Kailangan mo ng sapat na basehang batay sa katunayan at suportang teoretikal bago mo ito puwedeng isulat sa isang artikulo, buuin bilang teksto, o isulat bilang isang himno. Kung hindi sapat ang mga katunayan at suportang teoretikal na mayroon ka, ang mga katunayang gusto mong pagtibayin o na pinaniniwalaan mong ang “katotohanan” ay masyadong hindi praktikal; ang mga ito ay pawang mga teoryang walang laman at mga mapanlihis na salita. Puwedeng sabihin na mapangahas ka at walang ingat, at na nagsasabi ka ng mga salitang lumalapastangan.
Napakaraming katotohanan na ang ipinahayag ng Diyos mula sa umpisa ng Kanyang gawain hanggang ngayon, at napakaraming salita ang may kinalaman sa iba’t ibang kalagayan at tiwaling disposisyon ng mga tao, pati na rin sa iba’t ibang pangangailangan ng mga tao. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ang ibig sabihin nito ay na napakaraming himno ang maisusulat tungkol sa mga paksang may kinalaman sa karanasan ng mga tao, kaalaman ng mga tao tungkol sa salita ng Diyos, at kaalaman ng mga tao tungkol sa mga hinihingi ng Diyos. Puwede kang magsulat tungkol sa anumang aspekto na may karanasan ka; kung wala kang karanasan, huwag kang magsulat nang basta-basta. Kung may karanasan ka pero hindi ka magaling magsulat ng mga himno, puwede kang humanap ng isang taong nakakaunawa ng mga himno para magkaroon ka ng gabay bago ka sumulat. Ang mga taong hindi nakakaunawa ng mga himno ay talagang dapat umiwas sa basta-bastang pagsusulat ng mga ito para lang pumuno ng espasyo. Ang mga taong sumusulat ng mga himno ay dapat may karanasan at nakaaarok din ng mga prinsipyo; dapat silang magsalita mula sa puso at magsabi ng mga praktikal na salita, para ang himnong isinusulat ay magamit ng mga tao. May ilang himnong nagsasabi ng mga bagay-bagay na hindi talaga praktikal kundi mga salita at doktrina lang na walang nagagawa para sa mga tao; mas mabuti pang hindi na lang sumulat ng mga ganitong uri ng himno. May ilang taong sumusulat ng mga himno at ipinababago ang mga ito sa ibang tao, at ang mga nagbabago ng mga himno ay walang karanasan pero nagkukunwaring may karanasan at talento sa pagsusulat. Hindi ba’t panlilinlang ito? Wala silang sariling karanasan, pero gusto pa rin nilang magbago ng himno para sa iba—wala silang pagkakilala sa sarili. Samakatuwid, hindi dapat magsulat ng himno kailanman ang mga taong walang karanasan o tunay na kaalaman. Sa isang banda, wala silang magagawang anumang makabubuti kaninuman, at sa isa pa, lolokohin lang nila ang mga sarili nila.
Ang pag-awit ng mga himno ay bahagyang para magpuri sa Diyos, at bahagyang para makibahagi sa espirituwal na debosyon at pagninilay sa sarili, na nagbibigay-daan sa isang tao na makinabang dito. Ang susi sa kung may halaga ba ang isang himno ay kung ang mga liriko ay kapaki-pakinabang at nakabubuti sa mga tao. Kung ito ay mabuting himno na batay sa karanasan, maraming salita rito ang nakabubuti sa mga tao at kapaki-pakinabang. Ano ang tinutukoy ng mga salitang kapaki-pakinabang? Tumutukoy ito sa mga lirikong maiisip mo tuwing may kinakaharap kang bagay sa mga karanasan mo. Ang mga salitang ito ay makapagbibigay sa iyo ng direksyon at landas ng pagsasagawa; makapagbibigay sa iyo ng tulong, inspirasyon, at gabay ang mga ito, o makapagbibigay sa iyo ng kaunting liwanag ang mga ito, para mula sa mga salitang ito na nanggagaling sa mga praktikal na karanasan ay matatagpuan mo ang posisyon kung saan ka titindig, ang dapat mong maging saloobin, ang dapat mong maging pananaw, ang pananampalatayang dapat mong taglayin, at ang landas na dapat mong isagawa. O, mula sa mga salitang iyon, makikilala mo ang ilang aspekto ng sarili mong mga pagkabaluktot, at makikilala mo ang ilang aspekto ng sarili mong tiwaling kalagayan, ang pagpapakita mo ng katiwalian, o ang mga kaisipan at ideya mo. Ang lahat ng ito ay nakakatulong sa mga tao. Bakit nakakatulong sa mga tao ang mga ito? Dahil naaayon ang mga ito sa katotohanan, at ang mga ito ay mga karanasan at pagkatanto ng mga tao. Kung mayroong mga tunay na praktikal na bagay sa mga liriko na puwedeng maging kapaki-pakinabang sa iyong karanasan sa buhay, na tutulong, gagabay, magbibigay-liwanag, o magbababala sa iyo pagdating sa paglutas ng iyong tiwaling disposisyon, mahalaga at praktikal ang mga salitang ito. Kahit na simple lang ang ilang liriko, praktikal ang mga ito; may ilang liriko na puwedeng hindi ganoon kaelegante ang pagkakasulat, puwedeng hindi gaya ng tula o salaysay ang mga ito, at puwedeng bernakular at taos-puso ang mga ito, pero kung nagpapahayag ng pagkaunawa sa katotohanan ang mga salitang iyon, at kung nagpaparating ang mga iyon ng isang tunay na pagdanas ng katotohanan, ang mga iyon ay nakapagtuturo sa iyo, praktikal at mahalaga. Ang pinakamalaking paghihirap ninyo ngayon ay na hindi kayo marunong kumilatis; hindi ninyo makita kung ang mga liriko ba ay mga salitang walang laman, o mga salita at doktrina. Ayos lang sa inyo kung anumang mga salita ang awitin; hindi ninyo pinag-iisipan kung praktikal ba ang mga liriko, kung tinataglay ba ng mga ito ang katotohanan, kung nakabubuti ba ang mga ito sa mga tao, o kung may anumang pakinabang ba ang mga ito sa inyo—wala sa mga konsiderasyong ito ang naiisip ninyo. At iniisip mo pa ring napakaayos at napakaganda ng mga himnong ito pagkatapos mong awitin ang mga ito, pero hindi mo alam kung anong uri ng epekto ang dala nito sa iyo. Hindi ba’t ito ay isang taong walang pagkilatis?
May isang himnong tinatawag na “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos,” at bawat linya sa himnong iyon ay isang pagkatanto na galing sa praktikal na karanasan, malaking tulong ito sa mga tao—may nakarinig na ba sa inyo nito? Kapag mas maganda ang mga liriko, at kapag mas nakapagpapatibay ang mga ito sa buhay ng mga tao, mas ayaw ninyong tanggapin ang mga ito. Hindi ninyo tinitingnan o pinapansin ang mga ito, hindi ninyo pinapahalagahan ang mabubuting bagay na ito, hindi ninyo alam kung paano panghawakan ang isang mahalagang bagay—sa sandaling hawak na ninyo ito, nawawala na ito sa mga kamay ninyo. Talagang naghihikahos at kaawa-awa kayong lahat! Maraming beses Ko nang inirekomenda ang himnong ito sa mga pagtitipon. Ang regular na pag-awit ng mga ganyong himno ay may nakatutulong na epekto sa inyong pagpasok, sa paglago ng inyong pananampalataya sa Diyos, at sa pagkamit ninyo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Hindi masusukat ang mga epektong ito. Ito ay mahalagang himno, kaya inirerekomenda Ko ito, pero wala pa rin sa inyong umaawit nito. Hindi ninyo pa rin alam kung ano ang realidad at kung ano ang mga salita at doktrina lamang, kaya kailangan na mas madalas ninyong awitin ang mga himnong ito at talagang damahin ninyo ang mga ito. Suriin natin ang isang ito.
Sabi sa unang linya ng himno, “Dahil napili kong mahalin ang Diyos, hahayaan ko Siyang kunin ang anumang gusto Niya.” Kunin ang ano? Ang katayuan ng isang tao, ang pamilya niya, ang imahe niya, at kahit ang dignidad niya. Ano ang mga elemento ng mga pagpipinong dumating kay Job? Ano ang ginawa ng Diyos? (Kinuha Niya ang mga ari-arian ni Job at ang mga anak nito.) Kinuha ng Diyos ang lahat mula kay Job, at sa isang iglap, wala nang natira rito at napuno ng bukol ang buong katawan nito. Pagkakait ang tawag diyan. Sa kongkretong pananalita, ito ay pagkakait, at ang pangkalahatang ideya tungkol sa pagkilos na ito ay na nais subukin ng Diyos si Job; ito ay pagsubok, at isa sa mga partikular na gawain sa pagsubok na ito ay ang pagkakait. Sa pagpapatuloy pa: “Sa kabila ng nararamdamang bahagyang kalungkutan, wala akong sinasabing hinaing.” Hindi ba’t iyan ay saloobin ng tao? (Oo.) “Nakakaramdam ng bahagyang kalungkutan.” Sa inyong pananaw, mahirap ba para sa mga tao kapag may kinukuha ang Diyos sa kanila? (Oo.) Mahirap ito para sa kanila, sila ay nasasaktan, nalulungkot, walang magawa, at nanlulumo; gusto nilang umiyak, magwala, at magrebelde. Maraming detalye sa kalungkutang ito, kaya makatotohanan ba ang pahayag na ito? (Oo.) “Wala akong sinasabing hinaing.” Wala ba ni isang hinaing ang tao? Imposible ito, pero kailangang pataas na magsikap ang mga tao nang ganito; kailangan nilang maranasan ito at magkaroon ng ganitong uri ng saloobin. May nilalaman bang positibong paggabay para sa mga tao ang mga salitang ito? (Oo.) “Wala akong sinasabing hinaing.” Ang mga tao ay dapat walang hinaing; dapat walang hinaing ang isang tao. Kung may mga hinaing ang mga tao, dapat nilang kilalanin ang sarili nila at hindi maghinaing tungkol sa Diyos, dapat silang magpasakop—isa itong saloobin ng pagpapasakop ng tao sa Diyos. Hindi dapat maghinaing ang mga tao; ang paghihinaing ay isang uri ng pagrerebelde laban sa gawain at mga pagsubok ng Diyos, at hindi ito tunay na pagpapasakop. Sabi sa sumunod na linya: “Dahil sa tiwaling disposisyon, nararapat sa tao ang paghatol at pagkastigo.” Hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Isang katunayan na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, pero kung hindi nila kinikilala ang katunayang ito, masasabi ba nila ang pahayag na ito? Kung hindi ito kinikilala ng mga tao, hindi nila ito aaminin; kung hindi nila ito aaminin, hindi sila magsasabi ng mga ganitong pahayag, kaya ang linyang ito ay galing sa mga tunay na karanasan ng mga tao. Mukhang simple ang pariralang “nararapat sa tao ang paghatol at pagkastigo,” pero ano ang kahulugang ipinahihiwatig nito? Ito ay na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, naghihimagsik at lumalaban sila sa Diyos, at nararapat sa kanila ang paghatol at pagkastigo. Nararapat ang gaano man karaming kalakip na pagdurusa—tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Makatotohanan ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ito ay ganap na subhetibong pagkilala na may mga tiwaling disposisyon habang agad na tinatanggap ang paghatol at pagkastigo, pagkilala na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay pagliligtas sa mga tao, at na dapat kumilos ang Diyos nang ganito. Ito ay isang saloobin ng pagpapasakop sa paraan ng Diyos ng paggawa ng paghatol at pagkastigo. Dapat bang magkaroon ng ganitong saloobin ang mga tao? (Oo.) Dapat talaga. Kaya, pagkatapos awitin ang himnong ito, may pakinabang ba ito sa mga tao? (Mayroon.) Ano ang mga benepisyong dala nito? Kung hindi mo aawitin ang mga salitang ito, hindi mo malalaman ang katunayang ito, hindi mo malalaman kung anong uri ng pananaw ang dapat mong panghawakan, kung paano ka dapat magpasakop, o kung anong uri ng saloobin ang dapat mayroon ka para makapagpasakop ka at matanggap mo ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Gayunpaman, kung aawitin mo ang himnong ito at pag-iisipan mo ang mga liriko nito, mararamdaman mo kung gaano kabuti ang mga salita—na tama ang mga ito, masasabi mo ang “amen” sa mga ito, at makikilala mong galing sa karanasan ang mga ito. Mukha bang napakatayog ng mga salita? (Hindi.) Pero may dalang positibong paggabay ang mga ito sa iyo, nagbibigay ng maagap at positibong landas. Kapag nakikita mong may tiwali kang disposisyon, at na hinahatulan at kinakastigo ka ng Diyos, bibigyan ka ng mga ito ng tamang perspektiba at landas ng pagsasagawa. Una sa lahat, kailangan mong kilalanin na kapag may tiwaling disposisyon ang mga tao, dapat tanggapin nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Walang dapat sabihin; huwag makipagtalo sa Diyos. Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin Niya, dapat ka munang magpasakop. Sino ang nagdulot sa iyong magkaroon ng tiwaling disposisyon? Sino ang nagdulot sa iyong labanan ang Diyos? Karapat-dapat kang hatulan at kastiguhin. Saan nanggagaling ang pagpapasakop na ito? Hindi ba’t praktikal na landas ito? Ito ay landas ng pagsasagawa. Ano ang nararamdaman ng isang tao pagkatapos awitin ang mga lirikong ito? Hindi ba’t napakapraktikal ng mga ito? Hindi naman ito nakakayanig ng mundo o masyadong matayog, ordinaryo lang ang mga ito, pero nagpaparating ng katunayan ang mga ito, at kasabay nito ay nagbibigay rin ang mga ito ng landas ng pagsasagawa sa lahat ng umaawit ng himnong ito. Maaaring hindi ganoon kaganda ang pagkakasulat ng mga ito pero praktikal ang mga ito.
Kung titingnan ang sumunod na linya: “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; kailangang hindi ko mapagkamalian ang Kanyang mga layunin.” Tama ba ang pahayag na ito? (Oo.) Ano ang tama tungkol dito? May ilang taong nagsasabi, “‘Ang salita ng Diyos ang katotohanan,’ hindi ba’t ganoon naman talaga? Hindi ba’t doktrina iyon?” Ang linyang ito ay nagsisilbing pundasyon para sa susunod: “kailangang hindi ko mapagkamalian ang Kanyang mga layunin.” Paano nabuo ang pariralang ito? Anong lagay ng kalooban at anong kalagayan ang nagsanhi nito? (Kung tunay na naniniwala ang mga tao na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, hindi nila mapagkakamalian ang Diyos.) Dahil pinaninindigan mong ang salita ng Diyos ang katotohanan, dapat hindi mo mapagkamalian ang mga layunin ng Diyos. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin kung magkaroon ng maling pagkaunawa? Agad mong isantabi ang sarili mong mga layunin at hanapin ang katotohanan. Pagdating naman sa doktrina, kung alam mong ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, pero napagkakamalian mo pa rin ang mga layunin ng Diyos, nasaan ang kamalian dito? (Ito ay nasa hindi pagtanggap sa katotohanan.) Tama iyan. Samakatuwid, dapat maging mapagpasakop ang mga tao at dapat hindi nila mapagkamalian ang mga layunin ng Diyos. Dahil pinaninindigan mong ang salita ng Diyos ang katotohanan—ito ay isang teoryang nauunawaan mo—kung gayon bakit mo pinagkakamalian ang puso ng Diyos kapag may mga aktwal na pangyayaring dumarating sa iyo? Pinapatunayan nito na hindi mo tunay na tinanggap ang katunayang ang salita ng Diyos ang katotohanan. Hindi ba’t nagsisilbing pahiwatig ang linyang ito? Ano ang ipinaparating nito sa iyo? (Dapat tayong maniwala na ang salita ng Diyos ang katotohanan, dapat matibay nating kilalanin ang katunayang ito.) Dapat maniwala kang tama ang salita ng Diyos, na ito ang katotohanan. Dahil pinaninindigan mong ang salita ng Diyos ang katotohanan, huwag mong ituring ang sarili mong layunin bilang ang katotohanan o ang layunin kapag may mga pangyayaring dumarating sa iyo; sa halip, dapat mong tingnan kung ano ang mga layunin ng Diyos. Bukod pa rito, iyon ba ang katotohanang nais subukin sa iyo ng Diyos? (Oo.) Kung pinaninindigan mong ito ang katotohanan, mapagkakamalian mo ba ang mga layunin ng Diyos? Ipagpalagay nang pinag-iisipan mo sa loob mo ang mga pariralang gaya ng, “Kokondenahin ba ako ng Diyos? Kung kokondenahin ako, mapaparusahan ba ako? Hindi ba ako nakakalugod para sa Diyos at wawasakin ba Niya ako?” Hindi ba’t maling pagkakaunawa ang mga ito? (Oo.) Ang lahat ng ito ay mga maling pagkakaunawa. Kung gayon, hindi ba’t inaakay kayo ng pangungusap na, “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; kailangang hindi ko mapagkamalian ang Kanyang mga layunin” na mapagtanto ang isang bagay? Hindi ba’t dapat kang umahon sa mga maling pagkakaunawa mo, at dapat mong tanggapin ang mga pagsubok na ibinibigay sa iyo ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagkastigo? (Oo.) Ano ang basehan ng pagtanggap na ito? Ito ay ang matatag mong pagtanggap na tama ang mga salita ng Diyos, na katotohanan ang mga ito. May tiwaling disposisyon ang mga tao, at sila ang mali. Hindi pwedeng gamitin ng mga tao ang mga sarili nilang mga layunin para hulaan ang mga layunin ng Diyos; hindi mali ang Diyos. Dahil napagtibay na nating hindi mali ang Diyos, samakatuwid dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng ginagawa Niya.
Sa pagpapatuloy pa: “Sa pagmumuni-muni sa sarili, madalas akong nakakakita ng napakaraming karumihan.” Paano natutukoy ang karumihang ito sa pamamagitan ng pagmumuni-muni sa sarili? (Kapag ipinapakita ng mga tao ang katiwalian nila.) Natutukoy ito kapag ipinapakita ng mga tao ang kanilang katiwalian; iyan ay isang panig nito. Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, kapag hindi tugma sa kagustuhan ng mga tao ang mga pangyayaring isinasaayos ng Diyos para sa kanila, madalas napapatanong ang mga tao, “Hindi na ba ako mahal ng Diyos? Hindi ba matuwid ang Diyos? Hindi Siya matuwid sa paggawa nito—hindi naaayon sa katotohanan ang mga kilos Niya at hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng mga tao.” Laging nagpapakana ang mga tao laban sa Diyos, na nagdudulot ng lahat ng uri ng tiwaling disposisyon, kaisipan, ideya, pananaw, at paghihinala tungkol sa Kanya. Hindi ba’t karumihan ang mga ito? (Ganoon nga.) Siyempre, ito rin ay nagpapakita ng katiwalian ng mga tao. Sa sumunod na linya, “Kung hindi ako magsisikap gamit ang buong lakas ko, maaaring maging mahirap na magawang perpekto,” ang mga salitang ito ay mga kaisipan ng sumulat ng himno, na nabatid niya sa pamamagitan ng pagninilay. Hindi mo pinagmumuni-munihan ang sarili mong karumihan, laging mali ang pagkaunawa mo sa Diyos at sa salita mo lang kinikilala na Siya ang katotohanan, pero kapag may mga pangyayaring dumarating sa iyo, ipinipilit mong panghawakan ang mga sarili mong ideya, lumaban sa Diyos, magreklamo tungkol sa Kanya, mapagkamalian Siya, at hindi tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Kung hindi mo bibitiwan ang mga ito, magiging napakahirap para sa iyo na magawang perpekto; na ibig sabihin, magiging imposible na magawang perpekto, at hindi magkakaroon ng pag-asa, dahil hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan. Sa iyong pananaw, hindi ba’t mayroong praktikal na panig ang mga lirikong ito? (Mayroon nga.) Ang bawat linya ng himnong ito ay may kalakip na wika at mga paglalarawan ng mga aktwal na kalagayang lumilitaw kapag aktwal na nakakaranas ng mga sitwasyon ang mga tao.
Tingnan natin ang sumunod na linya: “Kahit na marami ang mga paghihirap ngayon, isang karangalan na matamasa ang pag-ibig ng Diyos.” Dito, ang mga paghihirap ay may kaugnayan sa pag-ibig ng Diyos at sa karangalan. Hindi ba’t ito ay isang bagay na galing sa aktwal na karanasan? Hindi ba’t ito ay isang uri ng tunay na pananampalataya at saloobing nanggaling mula sa mga aktwal na kilos at karanasan ng isang tao? Ang mga salitang ito ay hindi lang kinuha sa hangin, nabuo ang mga ito mula sa isang lagay ng kalooban, kapaligiran, pangyayari. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Nagtitiis ang mga tao ng maraming paghihirap, at ang mga paghihirap na ito ay nagdudulot ng pagkawala ng integridad at dignidad, na nagkakait sa mga tao ng kanilang katayuan at mga interes, kasama ng iba pang mga paghihirap, na nagdudulot sa kanila ng matinding pasakit. Pero dahil ganito na kalayo ang narating nila, nagkakaroon sila ng tunay na pananampalataya at kaalaman sa Diyos; nadarama nila na ang lahat ng ito ay pagtatamasa ng pag-ibig ng Diyos, na espesyal na pabor ito mula sa Diyos, na hindi sila pinapahirapan ng Diyos. Iniisip nilang ito ay isang karangalan at ito ay pagmamahal sa kanila ng Diyos, at samakatuwid, ganito kumikilos ang Diyos, na pinagkakaitan at sinusubok Niya sila nang ganito, at hinahatulan at kinakastigo Niya sila nang ganito. Ito ay isang totoo at positibong kalagayan ng pag-iisip na dapat magkaroon ang mga tao, nabuo mula sa konteksto ng tunay na buhay. Anong uri ng tao ang magsasabing “Kahit na marami ang mga paghihirap ngayon, isang karangalan na matamasa ang pag-ibig ng Diyos”? Hindi ang uri ng taong sumulat ng himnong “Dahil sa Pag-ibig.” Ang kaya lang nilang sabihin ay magugulo at walang kabuluhang salita, mga pariralang matayog pakinggan, at mga islogan. Masasabi ba nilang, “Kahit na marami ang mga paghihirap ngayon, isang karangalan na matamasa ang pag-ibig ng Diyos”? Kaya ba nilang sabihin ang mga salitang iyon mula sa kaibuturan ng kanilang puso? Hindi. Ang tanging sinabi nila ay mga salitang walang kabuluhan, mga kalabisang salita, at mga salitang gustong pakinggan ng mga tao, at sa huli, nagtagpi-tagpi sila ng isang himno at inisip nilang may kakayahan sila at matatalino sila. Sa pananaw Ko, wala ni isang salita sa mga lirikong iyon ang may halaga. Ang lahat ng iyon ay walang saysay, dapat itapon, at walang sinumang dapat payagang umawit ng ganoong himnong sa hinaharap. Kung gusto ninyong umawit, dapat ninyong awitin ang mga himnong gaya ng “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos,” na naglalaman ng mga totoo at taos-pusong salita—ang mga salitang ito ay nakapagpapatibay sa mga tao.
Ito ang huling linya ng unang berso: “Sa paghihirap, natututunan ko ang pagpapasakop,” nangangahulugan ito na ang paghihirap ang nagtuturo sa mga tao ng pagpapasakop. Pagkatapos ay sinasabi nito, “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos.” Ang linyang ito ay talagang may kaugnayan sa tema. Ito ang pinakahuling pagkaunawa at karanasang nakakamtan sa pagdaan sa lahat ng bagay na ito, na ang layunin ng Diyos ay ang iligtas ang mga tao. Ang dapat maunawaan ng mga tao ay na walang mas bubuti pa sa puso ng Diyos para sa mga tao, at na lahat ng bagay na ginagawa Niya ay kapaki-pakinabang sa kanila; ang ginagawa Niya ay hindi para guluhin o inisin ang mga tao, kundi para dalisayin sila. Ito ang dahilan kung bakit masasabi ng sumulat ng himno mula sa kaibuturan ng kanyang puso na: Walang puso ang mas mabuti kaysa sa puso ng Diyos. Ito ang wika ng pagkatao. Kung walang partikular na dami ng karanasan at pagkaunawa, walang partikular na dami ng karanasan at pagkaunawa sa gawain ng Diyos at sa paraan Niya ng pagliligtas ng mga tao, at ang mga partikular na detalyeng ito, masasabi ba ng isang tao ang mga salitang gaya ng “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos?” Siguradong hindi. Tingnan mo uli ang pariralang, “Sa paghihirap, natututunan ko ang pagpapasakop.” Mayroon bang praktikal na panig ito? Hindi ba’t ito ay isang bagay na nakakamit o naaani ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa katotohanang realidad? (Oo.) Kung gayon ano ang paghihirap? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay hindi pagkakaroon ng sapat na kakainin, hindi pagkakaroon ng sapat na susuotin, o pagdanas ng hirap ng pagkabilanggo? Hindi ito tumutukoy sa pisikal na pagdurusa sa ganitong mga paraan; sa halip, ito ay digmaang nararanasan ng mga tao sa puso nila tungkol sa katotohanan, sa gawain ng Diyos, sa pagliligtas ng Diyos, at sa maingat na malasakit ng Diyos. Pagkatapos maranasan ito, nadarama ng mga tao na nagdusa na sila nang labis sa kanilang puso pagdating sa kanilang pag-asa; sa wakas ay nauunawaan na nila ang mga layunin ng Diyos, nalalaman na dapat silang magpasakop sa Diyos, natututunan kung paano magpasakop sa Diyos, at nagtataglay na sila ng malalim na karanasan kung ano ang ginagawa ng Diyos, at saka lamang nila masasabing “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos.” Hindi kaya ng karamihan ng tao na sabihin ang ganitong pangungusap. Gusto Ko ang himnong ito; gusto Ko ang ganitong uri ng himno. Ganap na makakatulong sa inyo kung aawitin ninyo nang madalas ang himnong ito. Ang bawat linya nito ay may nakakapigil na epekto sa tiwaling disposisyong naipapakita sa inyong pang-araw-araw na buhay, ito ay parehong gabay at tulong sa inyong praktikal na karanasan at sa inyong pagpasok sa katotohanang realidad. Makabubuti sa inyo na mas madalas na basahin ang mga lirikong ito kapag libre kayo! May linya ba sa himnong ito na hindi sinasabi sa isang partikular na kalagayan o konteksto? May linya bang walang kinalaman sa pagpasok sa isang aspekto ng katotohanan? May kinalaman ang bawat linya—wala sa mga ito ang nagtataglay ng walang kabuluhang salita. Tingnan ninyo ang ilang huling linya: “Kahit na pinipili kong mahalin ang Diyos, may halo ng aking sariling mga ideya ang aking pagmamahal.” Ang pagpiling mahalin ang Diyos ay isang malawak, pangkalahatan, at teoretikal na pahayag. Ang aktwal na kahulugan nito ay pagtanggap sa atas ng Diyos, pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin at paggugol niya ng buhay niya para sa Diyos, na napapaloob dito sa pariralang “mahalin ang Diyos.” Pakiramdam ng mga tao ay nahahaluan pa rin sila ng sarili nilang mga ideya; nang hindi nakikilala ang sarili nila at nagkakaroon ng anumang karanasan sa katotohanan, sino ang makakapagsabi ng pariralang gaya niyan? Siguradong hindi ninyo ito masasabi, dahil wala kayo ng ganyang karanasan. Ituloy natin: “Kailangan kong magsikap na makapagtamo ng espiritu na gaya ng kay Pedro”—ang layunin ng sumulat ng himno ay ang maging tulad ni Pedro. Kayo rin ay nagtakda ng pamantayan at mithiin, gusto rin ninyong maging tulad ni Pedro—kaya ano ang inyong landas? Kailangan mo ring magsikap, pero masasabi mo ba ang pariralang “may halo ng aking sariling mga ideya ang aking pagmamahal”? Paano mo matatamo ang espiritung gaya ng kay Pedro kung ni hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin ng mahaluan ang pag-ibig mo ng sarili mong mga ideya? May praktikal na panig sa pariralang ito. Mas gumaganda pa ito sa pagpapatuloy nito: “Paano man tinatanggap ng Diyos ang aking pagmamahal, ang tanging nais ko lamang ay ang mapalugod Siya.” Ito ang hinihingi ng mga tao sa sarili nila pagkatapos nilang maranasan ang mga paghihirap at pagsubok; ito ay isang saloobin na matugunan ang mga layunin ng Diyos, isang saloobin na magpasakop sa Diyos at hangarin ang katotohanan; ibig sabihin, ang magawang matugunan ang Diyos ay ang makamit ang layunin ng isang tao, hanggang saan man ang kaya niyang makamit. May praktikal na panig sa mga salitang ito. Lumalakas ba ang loob mo at nahihikayat ka ba pagkatapos mong basahin ang mga ito? (Oo.) Binibigyan ng mga ito ang mga tao ng layunin, lakas, at direksyon pagkatapos nilang basahin ang mga ito. Minsan pakiramdam ng mga tao, paano man sila kumilos ay hindi nila ito magawa nang mabuti, at bumabalik sila sa pagiging negatibo. Pero sa sandaling mabasa nila ang mga salitang ito at makita nila na hindi malaki ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, iniisip nila, “Ang kailangan ko lang gawin ay mapalugod ang Diyos. Wala akong hinihinging iba pa; ang hinahangad ko lang ay mabitawan ang mga pagnanasa at kagustuhan ng aking laman, at mapalugod ang Diyos—sapat na iyon.” Sa huli, nauuwi ang lahat sa mga salitang, “Kahit na marami ang mga paghihirap ngayon, isang karangalan na matamasa ang pag-ibig ng Diyos. Sa paghihirap, natututunan ko ang pagpapasakop. Walang puso ang mas mabuti kaysa sa puso ng Diyos.” Napakapraktikal ng mga salitang ito.
Sa kabuuan, ang himnong “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos” ay nagpapakita ng tunay na karanasan. Pagkatapos maranasan ang gawain ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo, paghatol, at mga pagsubok, natututo ang mga taong magpasakop, nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, at nalalaman nilang walang puso ang mas mabuti kaysa sa puso Niya. Ito ang kaibig-ibig na aspekto ng Diyos, at ito ang nararanasan ng mga tao; ito rin ang dapat malaman ng mga tao. Kung gagawa kayo ng mga himig ng mga lirikong ito ng praktikal na karanasan at kaalaman, at lagi ninyong aawitin ang mga ito, maraming magagawang mabuti ito sa inyo. Sa isang banda, ang pag-awit ng mga himno ng mga salita ng Diyos ay makakatulong sa mga tao na maunawaan ang katotohanan nang mas mabuti at makapasok sa katotohanang realidad nang mas mabilis; sa isa pang banda, sa pag-awit ng mga himnong ito na batay sa karanasan, na isinulat ng mga taong taglay ang realidad, ang mga karanasan ninyo at pang-unawa ay mas mabilis na lalago. Ito ang mga kabatiran at pang-unawang isinulat pagkatapos magkaroon ng ilang karanasan ang mga tao, at napapaloob din dito ang landas at direksyon ng pagpasok na dapat magkaroon ang mga tao. Ang mga ito ay hinanda at ginawa para sa inyo, at magiging malaking tulong sa inyo ang mga ito. Bakit hindi kayo sumulat ng musikang maaaring tugtugin para sa mga ganitong lirikong batay sa karanasan? Bakit lagi kayong sumusulat ng musika para sa mga lirikong walang laman, hindi praktikal, at karaniwan lang? Masyado kayong hindi nangingilatis, hindi ninyo alam kung ano ang mabuting himno—nakakadismaya kayo! Maraming naidudulot na kabutihan sa mga tao ang mga himnong ito na batay sa karanasan; ang regular na pag-awit ng mga praktikal na salitang ito ay nagtatatak sa mga ito sa puso ng isang tao, na labis na nakatutulong sa kanyang buhay pagpasok at pagbabago sa disposisyon. Kung mananatili kayo sa yugto ng Kapanahunan ng Biyaya magpakailanman—pinupuri ang biyaya ng Diyos, ang pag-ibig Niya, ang mga pagpapala Niya, at ang Kanyang habag at mapagmahal na kabaitan—makakapasok ba kayo kailanman sa katotohanang realidad? Ang inyong tayog at kalagayan ay nananatiling kaawa-awa sa liit, laging nananatili sa mababaw na yugto; kung walang ilang mabubuting himnong gagabay sa inyo, magiging napakahirap para sa inyong makapasok sa katotohanang realidad nang kayo lang. Tingnan ninyo ang himnong “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos”, magdasal-magbasa kayo ng himnong ito sa libreng oras ninyo. Naglalaman ito ng landas na gagabay sa iyo at tutulong sa iyong makapasok sa katotohanang realidad; makapagbibigay ito sa iyo ng tamang direksyon, para magkaroon ka ng tamang perspektiba. Ano ang ilang tamang perspektiba? “Dahil sa tiwaling disposisyon, nararapat sa tao ang paghatol at pagkastigo.” Hindi ba’t ito ang uri ng tama at dalisay na perspektibang dapat magkaroon ang mga tao? Bukod pa roon, tama ba ang mga salitang “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; kailangang hindi ko mapagkamalian ang Kanyang mga layunin”? (Tama ang mga ito.) Tunay ngang kailangan mong tanggapin ang mga ito, kailangan mong makibahagi at maranasan ang mga ito, at kapag dumarating sa iyo ang mga pangyayari, mayroong landas na maaari mong lakaran; ang mga salitang ito ay magiging direksyon para mga mga kilos at asal mo. At pagkatapos nariyan ang, “Kung hindi ako magsisikap gamit ang buong lakas ko, maaaring maging mahirap na magawang perpekto.” Kinakatawan din nito ang isang tamang perspektiba. Paano naman ang, “Sa paghihirap, natututunan ko ang pagpapasakop. Walang puso ang mas mabuti kaysa sa puso ng Diyos”? Ito ba ay isang perspektibang dapat taglayin ng isang tao? (Oo.) Tingnan ninyo nang mabuti: Wala ni isang pangungusap dito ang walang katuturang usapan o mga salita o doktrina lamang; ang lahat ng ito ay nangungusap tungkol sa pang-unawa at kabatiran na nagmumula sa tunay na karanasan. Kung ihahambing ito sa himnong “Dahil sa pag-ibig” mula sa nauna, alin sa tingin ninyo ang praktikal? Ang praktikal ay dapat panatilihin, habang ang walang katuturan ay dapat alisin at tanggalin; hindi ito dapat ipakalat. Sinasabi ng ilan, “Nasanay na ako sa pag-awit ng mga himnong iyon; pumasok na ang mga iyon sa aking puso at hindi ko kayang wala ang mga iyon.” Kung hindi mo kayang wala ang mga iyon, sige lang at ituloy mo ang pagkanta sa mga iyon. Titingnan Ko kung ano na ang napala mo pagkatapos mong awitin ang mga iyon sa loob ng dalawampung taon, kung makakapasok ka ba sa katotohanang realidad. Kung aawitin mo ang himnong “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos,” mabibihag nito ang iyong puso sa sandaling awitin mo ito nang isa o dalawang beses. Pagkatapos mong awitin ito nang isa o dalawang buwan, medyo magbabago na ang kalagayan mo at kung tunay mong tatanggapin ang mga salita nito mula sa kaibuturan ng iyong puso, mag-iiba ang kalagayan ng iyong kalooban, at ganap mo itong mababago. Maaari mong awitin ang mga himnong naglalaman ng mga walang katuturang teorya at kalokohan sa buong buhay mo, pero wala iyong maitutulong sa iyo. Gaya ng mga tao noong Kapanahunan ng Biyaya na umawit ng mga walang katuturan at mabababaw na himno, at na umawit buong buhay nila pero hindi nakamit ang katotohanan—pagsasayang lamang iyon ng oras.
Enero 12, 2022